Ang Desisyong Huminto sa Pag-aaral

Marso 28, 2023

Ni Lin Ran, Tsina

Simula noong bata ako, sinabi sa akin ng mga magulang ko na dahil wala silang anak na lalaki, kami lang ng nakatatanda kong kapatid na babae, hindi nila magawang itaas ang kanilang noo sa pamilya, kaya talagang kailangan kong mag-aral nang mabuti, para maipagmalaki nila at maipakita sa pamilya na kasinggaling ang mga anak na babae ng mga anak na lalaki. Nang sinabi iyon ng mga magulang ko, talagang nag-iwan ito ng malalim na impresyon sa akin, at nagpasya akong mag-aral nang mabuti, maipagmalaki nila, at bigyan sila ng karangalan. Palagi akong nag-aaral nang mabuti at nakakakuha ng matataas na grado. Kapag magiliw na tinatanong ng mga nakatatanda kung kumusta na ako, ang makitang mukhang napakasaya ng nanay ko kapag sumasagot siya ay talagang nagdudulot sa akin ng kagalakan, at ipinaparamdam nito sa akin na nakakakuha ako ng respeto para sa kanya at na naipagmamalaki niya ako.

Sa grad school, sinabi sa akin ng mga magulang ko, “Kailangan mong galingan sa grad school, at pagkatapos ay kumuha ka ng PhD. Pagkatapos ay makakakuha ka ng komportableng trabaho bilang isang guro sa unibersidad, kikita ng maraming pera, at maipagmamalaki namin.” Na-stress talaga ako nang marinig ang sinabi ng mga magulang ko. Matapos ang lahat ng taong ito ng pag-aaral, matagal na akong nayayamot sa mga pagsusulit. Naisip ko ang lahat ng taong tumalon para magpakamatay dahil sa stress ng PhD at natakot ako na baka magaya ako sa kanila sa huli kaya ayaw ko nang mag-aral. Pero nang tumingin ako sa mga mata ng mga magulang ko na puno ng mga inaasahan para sa akin, hindi talaga ako makatanggi. Noong panahong iyon ay tinanggap ko na ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero sa sobrang abala ko, hindi ako nakakadalo sa mga pagtitipon. Noong nag-aaral na ako sa grad school at makasali sa isang teaching support program sa probinsya, saka lamang ako nakadalo sa mga pagtitipon sa lokal na iglesia. Sa isang pagtitipon, sinabi sa akin ni Sister Zhang Lu na parami nang parami ang mga taong tumatanggap sa gawain ng Diyos ng mga huling araw, at agarang kinakailangan ng mga tagadilig. Tinanong niya ako kung handa ba akong magdilig ng mga baguhan. Alam ko na bilang isang nilikha, tinamasa ko ang maraming biyaya ng Diyos at ang panustos ng katotohanan, at na dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin, kaya masaya akong sumang-ayon. Habang dinidiligan ang mga baguhan, nagdarasal at umaasa kami ng nakapareha kong sister sa Diyos para ibahagi ang salita ng Diyos at lutasin ang kanilang mga paghihirap. Kapag nakikita naming nalulutas ang mga problema nila at unti-unting nagkakaroon sila ng pundasyon sa tunay na daan, tuwang-tuwa kami, at pakiramdam namin ay talagang makabuluhan ang paggawa namin ng aming mga tungkulin.

Kalaunan, habang parami nang parami ang mga baguhang nangangailangan ng pagdidilig, ginusto kong huminto sa pag-aaral at gawin ang tungkulin ko nang full-time, pero naisip ko kung paanong lubos na umaasa ang mga magulang ko sa akin. Kung hihinto ako sa pag-aaral, patuloy na mamaliitin ng ibang mga taganayon ang mga magulang ko. Malaki ang ginastos nila sa akin, kaya paanong bibiguin ko sila? Nag-alinlangan ako, hindi ko alam ang gagawin. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka sa loob ng iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng mahigpit na kontrol ng diyablo, at nayuyurakan nito hanggang sa puntong nababalot na ng karumihan. Hindi niya naarok ang kahulugan ng buhay o nakamit ang tunay na daan—ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong naghahangad sa tamang landas at naghahanap ng pag-unlad. Kayo ay tumitindig sa bansa ng malaking pulang dragon, at kayo ang mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na isa akong nilikha, na ibinigay ng Diyos ang buhay ko, at na dapat akong mamuhay para sa Diyos. Ang paghahangad ng katotohanan sa aking tungkulin, pagwawaksi sa aking tiwaling disposisyon, at pagkamit ng pagliligtas ng Diyos—ito ay kapaki-pakinabang at makabuluhang buhay. Sa napakaraming taon, para mapasaya ang mga magulang ko, puro pag-aaral at pagtuturo lamang ang buhay ko. Palagi akong sobrang abala, pero hungkag ang pakiramdam ko sa loob. Ni hindi ko alam kung para saan ang lahat ng iyon. Kahit na sa libre kong oras, hindi ko alam kung ano ang maaari kong gawin na magiging makabuluhan. Hindi ko alam kung paano maiwawaksi ang pakiramdam na ito ng kahungkagan. Napakarami kong sinubukan, tulad ng pag-aaral ng mga instrumento, pagpipinta, pagbabasa, pakikinig sa musika, at pagtakbo, pero wala ni isa sa mga ito ang nagpabago sa nararamdaman ko. Napakahungkag pa rin ng pakiramdam ko sa loob-loob. Wala pa ring direksyon at layon ang buhay ko. Inisip ko rin ang mga taon ko ng pagsisikap sa akademya. Kahit na nakapasok ako sa grad school, at natugunan ng papuri at pagkilala ng mga nakapaligid sa akin ang aking banidad, ang mga bagay na ito ay hindi nagbigay sa akin ng espirituwal na kasiyahan o kaginhawahan. Sa harap ng malalaking kalamidad, kahit na ang pinakamatayog na kaalaman ay hindi makapagliligtas sa tao. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad ng katotohanan, pagtupad ng tungkulin nang maayos, at pagwaksi ng iyong tiwaling disposisyon ka maliligtas ng Diyos at mabubuhay. Nang maunawaan ko ito, nagdasal ako sa Diyos, at nagpasyang magsumite ng pagbibitiw sa eskuwelahan na pinagtuturuan ko at mag-apply na huminto sa grad school.

Isang araw, pagkauwi mula sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya, nakita ko na paulit-ulit na nagmemensahe sa akin ang pamilya ko para subukang makipag-ugnayan sa akin. Nagsimulang kumabog ang puso ko. Ano ang gagawin ko kung determinado silang kontrahin ang paggawa ko ng tungkulin? Tinawagan ko ang nanay ko, at sumigaw siya sa akin sa telepono, “Ang lakas naman ng loob mong magbitiw at huminto sa eskuwela nang hindi nagpapaalam sa amin!” Pagkatapos, dali-daling pumunta ang pamilya ko mula sa bayan namin para sabihan ako na bumalik sa pagtuturo at tapusin ang pag-aaral, o kung hindi, ibabalik nila ako sa bayan namin. Natakot ako na talagang gagawin nila ito, at kung magkagayon ay hindi na ako makakadalo sa pagtitipon o makakagawa pa ng tungkulin. Kaya, bumalik na lang ako sa pagtuturo. Pero labis akong hindi mapalagay at nakokonsensiya. Naisip ko ang mabilis na paglaganap ng ebanghelyo ng Diyos ng mga huling araw, sa lahat ng baguhang nangangailangan ng pagdidilig, at kung paanong dapat ginagawa ko ang tungkulin ko. Pero kapag naiisip ko ang mga inaasam ng mga magulang ko para sa akin, nagsisimulang magtalo ang kalooban ko. Pakiramdam ko ay may utang ako sa kanila, at natatakot akong masaktan sila. Sa isang pagtitipon, nalaman ng iba ang kalagayan ko at binasahan nila ako ng ilang salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Marami sa inyo ang nag-alinlangan sa pagitan ng tama at mali, hindi ba? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo walang malay sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang nauna, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang nauna, at ayaw pa nga ninyong bumalik sa pampang; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang nauna; sa pagpili sa pagitan ng alinman sa inyong mga anak, misis, at mister o Ako, pinili ninyo ang nauna; at sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang nauna. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol Ko sa loob ng maraming taon ay, kagulat-gulat, walang idinulot sa Akin kundi ang inyong pang-aabandona at pagbibitiw, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailatag sa harapan ng lahat. Ngunit ngayon ay hinahangad pa rin ninyo ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan? Naisaalang-alang na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang nauna pa rin kaya? Susuklian pa rin ba ninyo Ako ng pagkabigo at masakit na kalungkutan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Mismo Tapat?). Sobra akong naantig nang mabasa ko ang mga salitang ito. Ang Diyos ay nagkatawang-tao upang gumawa at iligtas tayo, at ibinuhos Niya sa atin ang dugo ng Kanyang puso para maligtas at manatili tayo sa huli. Ang sinumang tao na may konsensiya at katwiran ay dapat gawin nang maayos ang isang tungkulin para palugurin ang Diyos. Pero sa tuwing nagpapasya akong gawin ang isang tungkulin, pakiramdam ko ay binibigo ko ang mga magulang ko, na napakalaki ng ipinuhunan nila sa akin at hindi ko sila nasusuklian, hinahayaang masayang ang lahat ng kanilang pagmamahal at debosyon. Natakot din ako na sa paghinto sa pag-aaral, hindi ako makapagbibigay ng karangalan sa mga magulang ko at mamaliitin sila muli sa pamilya. Ang tanging naiisip ko ay kung paano pasayahin ang mga magulang ko at binitiwan ko pa nga ang tungkulin ko para hindi masaktan ang kanilang puso. Bilang isang nilikha, natamasa ko ang panustos ng salita ng Diyos, pero hindi ko ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Masyado akong walang konsensiya. Binibigo ko ang Diyos! Bagama’t sobrang mapaghimagsik ako, hindi pa rin ako tinalikuran ng Diyos. Patuloy lang Siya sa paggabay sa akin at pagsuporta sa akin sa pamamagitan ng mga kapatid. Pero ang ibinigay ko lang sa Diyos bilang kapalit ay pasakit at pagkabigo. Nabibigo akong matugunan ang dugo ng puso ng Diyos na ibinuhos Niya sa akin. Labis akong nagsisisi at nakokonsensiya, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi Kita napapalugod. Napakalaki ng pagkakautang ko sa Iyo. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas, at patnubayan Mo po ako na makapagpasya nang tama.” Pagkatapos magdasal, sumulat ako sa aking pamilya, sinasabi sa kanilang nagpasya na akong huminto sa pag-aaral at gumawa ng tungkulin.

Kalaunan, sinabi ng mga magulang ko: “Kung mangangahas kang huminto sa pag-aaral, mag-o-overdose na lang kami para patay na kami kinabukasan.” Napakasakit na marinig na sinabi ito ng nanay at tatay ko, at patuloy akong nagdarasal sa Diyos, “O Diyos, kahit anong sabihin nila, hindi Kita ipagkakanulo! Hinihiling ko lang po sa Iyo na ibigay sa akin ang tamang sasabihin. Napakaliit ng tayog ko, at natatakot ako na may masabi akong hindi ko sinasadya na gagamitin ni Satanas laban sa akin dahil sa aking kamangmangan at kahangalan. Pakiusap, gabayan Mo po ako na manindigan sa aking patotoo.” Medyo mas napanatag ako pagkatapos magdasal at sinabi ko sa aking mga magulang: “Alam ninyo naman na pinili ko ang tamang landas, kaya bakit niyo ako pinipilit nang ganito? Gusto ko lang manampalataya sa Diyos, hangarin ang katotohanan, at tuparin ang tungkulin ko. Hindi ba puwedeng hayaan niyo na lang akong pumili ng sarili kong landas?” Galit na galit na tumugon ang nanay ko, “Alam ko na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, pero upang gumawa ng isang tungkulin ay tinalikuran mo pa ang pag-aaral mo. Sa tingin mo ba naging madali para sa amin na magbayad para sa pag-aaral mo sa lahat ng taon na ito? Hindi ka puwedeng maging napakamakasarili!” Nang marinig ko ang sinabi ng nanay ko, naisip ko, “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Lahat ng tinatamasa natin ay ibinigay Niya. Ang paggawa ng tungkulin at paggugol para sa Diyos ay responsabilidad at obligasyon natin. Kung hindi ko gagawin ang isang tungkulin para bigyang-kasiyahan ang mga magulang ko, iyon ay makasarili.” Kaya sinabi ko sa kanila, “Nakapagpasya na ako. Kahit gaano niyo pa ako hadlangan, gagawa pa rin ako ng tungkulin.” Balisang sinabi ng nanay ko, “Ang dami na naming ginastos sa iyo para umunlad ka sa buhay at maipagmalaki ka namin sa harap ng buong pamilya, at makakapamuhay tayo ng mas maginhawa. Bakit hindi mo man lang kami iniisip? Napakawalang-puso mo naman!” Tumawag din ang kapatid kong babae para sawayin ako, “Napagtanto mo ba na kung hihinto ka sa pag-aaral, lahat ng tao sa nayon ay mamaliitin tayo at mapapahiya ang mga magulang natin? Kung mangangahas kang huminto sa pag-aaral at trabaho, tatawagan ko ang mga pulis at ipapahuli ko kayong lahat na mananampalataya!” Sobrang nakapanlulumong marinig ang mga sinabing ito ng pamilya ko. Lumabas na ang lahat ng ginawa nila para sa akin ay pamumuhunan lang pala. Noong nasa grad school ako, naipagmamalaki nila ako sa harap ng kanilang mga kaibigan at pamilya, banayad nila akong kinakausap, sinasabing ako ang kanilang pinakamamahal na anak, pero nang hangarin ko ang katotohanan at ginagawa ko ang tungkulin sa halip na bigyan sila ng karangalan, pinagsasalitaan na nila ako ng masasakit. Ang pagsusumikap na ginawa nila para sa akin ay hindi dahil minamahal nila ako, kundi dahil ginagamit nila ako. Naalala ko na sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang ‘pagmamahal,’ ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging mapagsaalang-alang. Sa pagmamahal walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang distansiya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal, walang mga transaksiyon, at walang anumang mga adulterasyon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Ito ang pakahulugan ng Diyos sa pagmamahal. Ang pagmamahal lang ng Diyos sa sangkatauhan ang wagas at walang dungis. Upang iligtas ang sangkatauhan mula sa katiwalian at pinsala ni Satanas, dalawang beses na nagkatawang-tao ang Diyos at nagsalita ng milyun-milyong salita ng katotohanan, tahimik na nagbabayad ng halaga para sa atin. Hindi kailanman humingi ng anuman sa atin ang Diyos. Umaasa lang Siya na magagawa nating hangarin ang katotohanan at makamit ang kaligtasan. Tanging ang pagmamahal ng Diyos sa atin ang hindi makasarili. Ginagamit ako ng “pagmamahal” ng pamilya ko para makuha ang respeto ng iba. Hindi ito pagmamahal, kundi isang transaksyon, isang relasyon na lantarang naghahanap ng pakinabang. Naalala ko na sinabi ng Diyos: “Itinuturing ng mga taong nabubuhay sa laman na kasiyahan ang iba’t ibang relasyon at pagmamahal ng pamilya sa laman. Naniniwala sila na hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang kanilang mga mahal sa buhay. Bakit hindi mo naiisip kung paano ka dumating sa mundo ng sangkatauhan? Dumating ka sa mundong ito nang mag-isa. Hindi ka nagsimula nang may anumang ugnayan sa iyong mga mahal sa buhay. Dinadala ng Diyos ang mga tao sa mundo nang paisa-isa. Nang dumating ka rito, sa katunayan, mag-isa ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang relasyon sa pagitan ng mga magkakapamilya ay maaaring malapit sa laman, pero wala itong espirituwal na koneksyon. Ang bawat tao ay pauna nang itinakda ng Diyos na dumating sa mundong ito. Bawat isa ay may kanya-kanyang papel na gagampanan at kanya-kanyang misyon na tutuparin. Bagama’t sa dugo ay sila ang ina, ama, at kapatid ko, wala kaming espirituwal na koneksyon. Pinalaki lang nila ako, tinupad ang kanilang responsabilidad, at pinabuti ang aking pisikal na buhay, pero hindi nila mapagpapasyahan ang kinabukasan o tadhana ko, lalo na ang iligtas ako mula sa katiwalian at pinsala ni Satanas. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa akin ng katotohanan at buhay, at makapaglilinis at makapagliligtas sa akin. Hindi ako pinayagan ng mga magulang ko na gumawa ako ng tungkulin, sinusubukang ilayo ako sa Diyos, at gustong mawala sa akin ang pagliligtas ng Diyos, na pumipinsala sa akin at sumisira sa buhay ko. Hindi ako puwedeng magpapigil sa kanila. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, salamat sa pagbibigay sa akin ng pagkakilatis sa pamilya ko. Pakiusap, bantayan Mo po ang puso ko upang makapanindigan ako!” Kinabukasan ng hapon, umalis na ako sa paaralan para gawin ang tungkulin ko.

Kalaunan ay naisip ko sa sarili ko, “Alam kong pinili ko ang tamang landas, kaya kapag hinahadlangan ako ng pamilya ko at sinusubukang pahintuin ako sa tungkulin, bakit palagi akong napipigilan ng mga damdamin, na para bang napakalaki ng utang ko sa kanila? Bakit ba talaga ganito?” Sa isang espirituwal na debosyonal, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsabing: “Dati, palaging kumikilos ang mga tao batay sa kanilang mga konsensiya at ginagamit nila ang mga ito para sukatin ang lahat. Laging kailangang makapasa ang mga tao sa pagsubok ng konsensiya, lagi nilang iniisip na nakakatakot na bagay ang tsismis, at natatakot silang makutya at mawalan ng reputasyon, o makondena bilang ‘walang konsensiya, at hindi mabuti.’ Kaya, atubili silang nagsasabi at gumagawa ng mga bagay-bagay para humarap sa nakapaligid na kapaligiran. Paano na dapat sukatin ang mga bagay na ito ngayon? (Sa pamamagitan ng mga katotohanang prinsipyo.) Dati, noong nakatali ang mga tao sa mga kuru-kuro at maling kaisipan ng mga walang pananampalataya, sa anong uri ng kondisyon sila nabuhay? Halimbawa, mula noong maliit ka pa, palagi kang iniindoktrinahan ng mga magulang mo ng mga salitang tulad ng: ‘Paglaki mo, dapat maipagmalaki ka namin; kailangan mong magdala ng karangalan sa ating pamilya!’ Ano ang mga salitang ito sa iyo? Isang bagay na nagpapalakas ng loob mo, o pagpipigil? Isang positibong impluwensiya, o isang uri ng negatibong pagkontrol? Sa katunayan ay isang uri ng pagkontrol ang mga iyon. Nagtakda ang mga magulang mo ng isang layon para sa iyo batay sa kung anong pahayag o teorya na sa palagay ng mga tao ay tama at mabuti, idinudulot na ipamuhay mo ang buhay mo nang nakatuon sa layong iyon, at sa huli ay nawawalan ka ng kalayaan. Bakit humantong ka sa pagkawala ng iyong kalayaan at pagkahulog sa kontrol nito? Dahil iniisip ng mga tao na ang pagbibigay-karangalan sa kanilang mga ninuno ay isang mabuting bagay na dapat gawin. Kung wala kang ganitong determinasyon at nabibigo kang magbigay-karangalan sa iyong mga ninuno, itinuturing kang isang hangal, isang walang silbi, isang talunan, at isang walang-halagang kaawa-awa, at mamaliitin ka ng mga tao. Upang mangibabaw sa iba, dapat kang mag-aral nang mabuti, magtamo ng mas marami pang kasanayan, at magkamit ng kaluwalhatian para sa iyong mga ninuno. Sa ganoong paraan, magkakaroon ng mataas na pagtingin sa iyo ang mga tao sa hinaharap, at hindi ka nila aapihin. Hindi ba’t ang lahat ng bagay na ginagawa mo para sa kapakanan ng layong ito, sa katunayan, ay mga tanikala na gumagapos sa iyo? (Oo.) Dahil ang paghahangad na mangibabaw sa iba at magbigay-karangalan sa iyong mga ninuno ang hinihingi ng iyong mga magulang, at dahil kumikilos sila para sa iyong kapakanan, at ginagawa nila ito upang makapamuhay ka ng isang magandang buhay sa hinaharap at magkamit ng kaluwalhatian para sa iyong pamilya, hinahangad mo ang gayong paraan ng pamumuhay bilang isang normal na bagay. Ngunit sa katunayan, ang mga bagay na ito ay isang uri ng mga problema at tanikala. Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, iniisip mo na ang mga bagay na ito ay positibo at na ang mga ito ang katotohanan at ang tamang landas. Samakatwid, tumatalima ka sa mga ito o sumusunod ka sa mga ito bilang isang normal na bagay, at ganap kang sumusunod sa mga salita at hinihinging ito na nagmumula sa iyong mga magulang. Kung nabubuhay ka ayon sa mga salitang ito, nagsisikap at iniaalay ang iyong kabataan at iyong buong buhay sa mga ito, at sa wakas ay naabot mo na ang rurok, nagkaroon ka ng magandang buhay, at nagkamit ng kaluwalhatian para sa iyong mga ninuno, maaaring pambihira ka sa ibang tao, pero sa loob, lalo kang nagiging hungkag. Hindi mo alam kung ano ang punto ng buhay, o kung ano ang magiging mga hantungan ng mga tao, o kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao sa buhay. Wala kang anumang naunawaan o nakamit tungkol doon sa mga misteryo ng buhay na pinananabikan mo ang mga kasagutan, at gusto mong malaman, at gusto mong maunawaan. Hindi ba’t sa diwa ay nasira ka ng mabubuting intensyon ng iyong mga magulang? Hindi ba’t nasira ang iyong kabataan at ang iyong buong buhay dahil sa pagkilos ng iyong mga magulang ‘para sa iyong kapakanan’? (Oo.) Kaya, tama ba o mali ang iniisip ng iyong mga magulang na para sa iyong kapakanan? Maaaring ang motibo ng iyong mga magulang ay talagang ang kumilos para sa iyong kapakanan, ngunit sila ba ay mga taong nakauunawa sa katotohanan? Mayroon ba silang katotohanan? (Wala.) Maraming tao ang gumugugol ng kanilang buong buhay nang nakakapit sa mga salita ng kanilang mga magulang: ‘Dapat maipagmalaki ka namin, dapat kang magbigay-karangalan sa mga ninuno.’ Ang mga salitang ito ay nagsisilbing kanilang inspirasyon. Maiimpluwensiyahan sila sa buong buhay nila ng mga salita ng kanilang mga magulang, na nagsisilbing udyok sa likod ng kanilang buhay, nagbibigay ng isang direksyon at layon na pagsisikapan nila. Bilang resulta, gaano man kakaakit-akit ang buhay ng gayong tao, gaano man karangal at kamatagumpay ito, sa totoo ay sira na ang kanyang buhay. Hindi ba’t ganito nga ang kaso? (Oo.) Nangangahulugan ba ito na kung hindi nabubuhay ang isang tao ayon sa mga salita ng kanyang mga magulang ay hindi siya masisira? Hindi; may sarili rin siyang layon. Ano ang layong iyon? Ganoon pa rin iyon, gaya ng ‘magkaroon ng magandang buhay at magkamit ng kaluwalhatian para sa kanyang mga magulang.’ Ito ay hindi isang bagay na sinabi sa kanya ng mga magulang niya, kundi isang bagay na nakuha niya mula sa ibang pinagmulan. Namumuhay pa rin siya batay sa mga salitang ito, at nais niyang magkamit ng kaluwalhatian para sa kanyang mga ninuno, at maabot ang rurok, at maging isang kagalang-galang, marangal na tao. Ganoon din ang kanyang layon; iniaalay pa rin niya ang buong buhay niya, at buong buhay niyang sinusubukang kamtin ang mga bagay na ito. Kaya naman, kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at marami silang tinatanggap na diumano ay mga tamang doktrina, tamang pahayag, at tamang pananaw na nangingibabaw sa lipunan, ginagawa nila ang mga bagay na ito—na pinaniniwalaan ng mga tao na tama—na isang direksyon na masigasig nilang hinahangad sa buhay, at na pundasyon at motibasyon para sa sarili nilang pananatiling buhay. Sa huli, walang pagkokompromiso at walang pasubaling nabubuhay ang mga tao alang-alang sa mga layong ito, nagpapakahirap sa buhay hanggang sa sila ay mamatay, sa puntong iyon, ang ilan ay hindi pa rin handang bumitiw. Kaawa-awa ang buhay ng mga tao! Gayunman, sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, hindi ba’t pagkatapos ay unti-unti mong iniiwan ang diumano ay mga tamang bagay, tamang aral, at tamang pahayag, pati na ang mga inaasahan sa iyo ng mga magulang mo? Sa sandaling unti-unti mong iwanan ang diumano ay mga tamang bagay na ito, at ang pamantayan kung saan mo sinusukat ang mga bagay-bagay ay hindi na nakabatay sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura, hindi ba’t kung ganoon ay hindi ka na nakagapos sa mga pahayag na iyon? At kung hindi ka na nakagapos sa mga bagay na ito, hindi ba’t malaya kang nabubuhay? Maaaring hindi ka pa maging ganap na malaya noon, pero kahit paano ay lumuwag na ang mga tanikala(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Talagang naantig ako ng pagbabasa ng salita ng Diyos. Simula bata pa lang ako, palagi na akong sinasabihan ng nanay ko na mag-aral nang mabuti, umunlad, na dapat maipagmalaki niya ako, at bigyan ko ng karangalan ang pamilya. Para magbigay ng karangalan sa pamilya ko at maipagmalaki ako ng mga magulang ko, makuha ang papuri ng iba, inilaan ko nang buo ang sarili ko sa pag-aaral at hindi nagbigay ng atensiyon sa ibang bagay, at ang pag-aaral halos ang naging tanging layon ko. Sa napakaraming taon, nag-aaral ako na parang isang makina na gumagana buong araw at gabi. Wala akong karapatang mamili at walang pakiramdam ng pagtutol. Bagama’t pinupuri ako ng mga magulang ko at ng mga nakapaligid sa akin, palagi puno ng kahungkagan ang pakiramdam ko. Madalas kong itanong sa sarili ko, “Bakit ako namumuhay nang ganito? Makabuluhan ba ang ganitong buhay?” Pero wala akong mahanap na sagot, at madalas na sira ang loob at nasasaktan. Ipinaunawa sa akin ng pagbabasa ng salita ng Diyos na lahat ng ito ay pinsalang ginawa ni Satanas. Ginagamit ni Satanas ang mga lason tulad ng “Ang pagiging mabuting anak ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno,” para gapusin at kontrolin ang sangkatauhan. Para silang isang pamatok na inilagay ni Satanas sa katawan ko. Kung hindi ko hahangarin ang mga bagay na ito, kokondenahin ako ng pamilya ko at ng lipunan, babansagan ako na walang ambisyon at walang silbi. Dahil naimpluwensiyahan ng kapaligirang ito, pasibo akong tumahak sa landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Sa paghahangad ng magagandang grado at digri, maraming estudyante ang nagkaroon ng depresyon dahil sa presyur ng akademya. May ilan pa ngang nagpakamatay at nawalan ng buhay nila. Pero sa tuwing gusto kong huminto sa pag-aaral para gawin ang tungkulin, pakiramdam ko ay nakagapos at kontrolado ako ng mga satanikong lason na ito. Pakiramdam ko ay napakalaki ng ginastos ng mga magulang ko sa akin na kung hihinto ako sa pag-aaral, bibiguin ko sila at hindi magdadala ng karangalan sa kanila. Sa wakas ay nakita ko na ang mga lasong ito ay mga paraan ni Satanas para iligaw at gawin tayong tiwali. Binabaluktot ng mga ito ang direksyon at mga layon ng ating sariling asal, idinudulot na talikuran natin ang ating pananalig, hindi gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at dahil sa mga ito, dahan-dahang tayong lumalayo sa Diyos at nagkakanulo sa Kanya. Kung hindi dahil sa paghahayag ng salita ng Diyos, hinding-hindi ko kailanman makikita ang pinsala ng mga satanikong lasong ito. Patuloy ko sanang tatahakin ang daang ito hanggang sa maging huli na ang lahat, sa huli ay mawawalan ako ng pagliligtas ng Diyos at mawawasak kasama ni Satanas. Nang mapagtanto ko ito, napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Pagpoprotekta at pagliligtas ito ng Diyos sa akin.

Kalaunan, nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos: “Yamang ang pagiging mabuting anak ay hindi ang katotohanan, kundi isa lamang responsabilidad at obligasyon ng tao, ano, kung gayon, ang dapat mong gawin kung ang iyong obligasyon ay sumasalungat sa iyong tungkulin? (Gawing prayoridad ang aming tungkulin; unahin ang tungkulin.) Ang isang obligasyon ay hindi naman palaging tungkulin ng isang tao. Ang pagpili na gawin ang tungkulin ng isang tao ay pagsasagawa ng katotohanan, samantalang ang pagtupad sa isang obligasyon ay hindi. Kung may ganito kang kondisyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad o obligasyong ito, pero kung hindi ito pinahihintulutan ng kasalukuyang kapaligiran, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin na, ‘Kailangan kong gampanan ang aking tungkulin—iyon ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang paggalang sa aking mga magulang ay pamumuhay ayon sa aking konsensiya at hindi ito umaabot sa pagsasagawa ng katotohanan.’ Kaya, dapat mong unahin ang iyong tungkulin at panindigan ito. Kung wala kang tungkulin ngayon, at hindi malayo sa bahay ang pinagtatrabahuhan mo, at malapit ang tirahan mo sa iyong mga magulang, maghanap ka ng mga paraan para alagaan sila. Gawin ang iyong makakaya para tulungan silang gawing mas maginhawa nang kaunti ang kanilang buhay at makaiwas sila sa ilang pagdurusa. Pero depende pa rin ito sa kung anong klase ng tao ang mga magulang mo. Kung ang mga magulang mo ay may masamang pagkatao, kung palagi ka nilang hinahadlangan na manampalataya sa Diyos at na gawin ang iyong tungkulin, at kung kinamumuhian at isinusumpa ka nila dahil nananampalataya ka sa Diyos, ano ang dapat mong gawin? Anong katotohanan ang dapat mong isagawa? (Pagtakwil.) Sa pagkakataong ito, kailangan mo silang itakwil. Wala ka nang anumang obligasyong magpakita ng paggalang bilang isang mabuting anak sa kanila. Kung nananampalataya sila sa Diyos, sa gayon ay kapamilya sila, mga magulang mo. Kung hindi sila nananampalataya sa Diyos at lumalaban pa nga sa Diyos, magkaibang mga landas ang tinatahak ninyo. Nananampalataya sila kay Satanas at sumasamba sa haring diyablo, at tinatahak nila ang landas ni Satanas; sila ay nasa landas na kaiba sa iyo. Hindi na kayo isang pamilya. Itinuturing nilang mga kalaban at kaaway ang mga mananampalataya sa Diyos, kaya wala ka nang obligasyong alagaan sila at kailangan mo nang ganap na putulin ang ugnayan sa kanila. Alin ang katotohanan: ang pagiging mabuting anak o ang paggawa sa tungkulin? Siyempre, ang gawin ang tungkulin ng isang tao. Ang paggawa ng tungkulin ng isang tao sa sambahayan ng Diyos ay hindi isang bagay na kasingsimple ng pagtupad sa kaunti sa mga obligasyon ng isang tao at paggawa ng kaunti sa dapat gawin ng isang tao. Ito ay paggawa ng tungkulin ng isang nilikha. Narito ang atas ng Diyos; ito ay obligasyon mo, responsabilidad mo. Isa itong tunay na responsabilidad, na tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa harap ng Lumikha. Ito ang hinihingi ng Lumikha sa mga tao, at ito ang malaking usapin ng buhay. Samantalang ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak ay responsabilidad at obligasyon lamang ng isang anak. Tiyak na hindi ito iniatas ng Diyos, at lalo nang hindi ito naaayon sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, sa pagitan ng pagpapakita ng pagiging mabuting anak at paggawa sa tungkulin ng isang tao, walang duda na ang paggawa sa tungkulin ng isang tao, at iyon lamang, ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang paggawa sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang katotohanan, at isa itong tungkuling dapat gampanan. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak ay tungkol sa pagiging mabuting anak para sa mga tao. Hindi ito nangangahulugang ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, ni nangangahulugang isinasagawa niya ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Ipinapakita ng salita ng Diyos ang mga prinsipyo sa pakikitungo sa mga magulang: Kung sinusuportahan ka ng mga magulang mo sa iyong pananalig at tungkulin, maaari mo silang parangalan hangga’t maaari nang hindi naaantala ang iyong tungkulin. Pero kung kumokontra ang mga magulang mo sa Diyos at humahadlang sa iyong pananalig at tungkulin, hindi ka dapat magpapigil sa kanila at dapat mong unahin ang paggawa ng iyong tungkulin at pagpapalugod sa Diyos. Hinahangad ng mga magulang ko ang pera, kasikatan, at pakinabang, sinusundan si Satanas. Ang kanilang diwa ay katulad sa mga demonyo, at nabibilang kay Satanas. Sa aking pananalig, gusto kong hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin. Ganap na magkasalungat ang mga landas namin. Kung makikinig ako sa mga magulang ko at hindi gagawa ng tungkulin, susundan ko si Satanas at lalabanan ang Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng paglaya at alam ko na kung paano pakitunguhan ang pamilya ko ayon sa mga prinsipyo.

Pagkatapos nito, nagpatuloy ako sa paggawa ng tungkulin sa iglesia at sa gulat ko, pumunta sa paaralan ang pamilya ko para ayusin ang paghinto ko bilang kinatawan ko. Nakikita ko na parami nang parami ang mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Napakasuwerte ko na makasali sa hanay ng mga nangangaral sa Kanyang ebanghelyo at maibigay ang kalakasan ko sa pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Masayang-masaya ako para dito. Ginagawa ko na ngayon ang tungkulin ko kasama ang aking mga kapatid, at ibinabahagi at isinasagawa namin ang katotohanan. Bagama’t kaunting-kaunti lang ang nauunawaan ko sa katotohanan, pakiramdam ko ay unti-unting nagbabago ang tiwali kong disposisyon, isinasabuhay ko ang kaunting wangis ng tao, at naipapangaral ko ang ebanghelyo at napapatotohanan ko ang gawain ng Diyos. Ito ang mga bagay na hinding-hindi ko matututunan, kahit ilang taon pa akong mag-aral sa paaralan. Talagang nararamdaman ko na ang paggawa ng aking tungkulin at paggugol para sa Diyos ang pinakatamang desisyon na nagawa ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman