Ang mga Salita ng Diyos ay Nagpakita sa Akin ng Direksiyon sa Buhay

Abril 25, 2024

Ni Xinyi, Thailand

Palagi akong nakakakuha ng matataas na marka mula pa noong bata ako at sumasali sa mga paligsahan sa literatura at sining. Masasabing naging maayos ang pag-usad ko sa buong panahon ng aking pag-aaral. Umasa ang pamilya ko na mapapatanyag ko ang aking sarili at magdadala ako ng karangalan sa aming pamilya. Madalas nilang sabihin na: “Iyong mga may kaalaman ay iginagalang, hinahangaan, at sila lang ang nagkakaroon ng posisyon sa lipunan. Samantalang ang mga walang kaalaman at walang natututunan ay hinahamak at hindi nila kailanman maipagmamalaki ang kanilang sarili.” Lubos akong sumang-ayon sa mga opinyon ng magulang ko, at nang ganoon-ganoon lang, ang “Namumukod-tangi sa iba, at nagdadala ng karangalan sa iyong mga ninuno” ang naging layon na hinahangad ko. Upang makamit ang layong ito, nag-aaral ako mula umaga hanggang gabi at nagpapatuloy ako kahit gaano ako kapagod. Sa libre kong oras, nag-o-online ako para mas makapag-aral. Hinding-hindi ako lumiliban sa klase o dumadating nang huli, at nakikinig ako nang mabuti sa bawat lektura ng mga guro ko. Pagkatapos ng klase, lumalabas ang iba para maglaro, pero nananatili ako sa loob para gumawa ng takdang-aralin. Palagi akong isa sa mga huling nagpapasa ng pagsusulit, tinitiyak ko na natitingnan kong mabuti ang aking mga sagot. Sa pagpupursige sa pag-aaral, hindi ako kumakain sa tamang oras o nag-eehersisyo, at madalas akong kulang sa tulog. Sa pamamagitan ng walang sawang pagsusumikap, sa wakas ay pumasa ako sa aking pinapangarap na paaralan: Unibersidad ng Chiang Mai. Nang mabalitaan ito ng aking mga magulang, kaibigan at guro, tiningnan nila akong lahat nang may paghanga at inggit. Masayang-masaya ako. Inisip ko na tinatahak ko ang simula ng isang kamangha-mangha at pambihirang buhay, na pipilahan ako ng maraming kompanya para kunin ako kapag nakapagtapos na ako at na siguradong magiging kilala ako at mamumukod-tangi sa iba. Sa hindi inaasahan, nagkasakit ng cancer ang mama ko at na-diagnose na sa huling yugto. Sinabi ng mga doktor na kaunting-kaunti na lang ang natitira niyang oras. Sobrang nakakabigla ang balita at lubusan akong nilamon nito. Parang gumuho ang lahat ng pinlano ko. Nagsikap ako nang husto sa paaralan para mamukod-tangi ako sa hinaharap, para magawa kong suportahan ang mama ko sa hinaharap at para maipagmalaki niya ako. Pero nagkasakit ng cancer ang mama ko bago pa man ako makapagtapos. Nalugmok ako nang husto sa depresyon. Ginusto kong umuwi at alagaan ang mama ko, pero naisip ko kung gaano ako nagsikap para pumasa sa unibersidad at na dapat ay mayroon akong maipakita para sa lahat ng pagsusumikap ko nang maraming taon. Kung tatalikuran ko ang aking pag-aaral para alagaan ang mama ko, hindi ba’t magiging walang saysay ang lahat ng pagsusumikap ko? Labis na nagtalo ang kalooban ko at hindi ko alam kung paano magpapatuloy. Isang beses, tumawag ang mama ko at sinabing: “Hindi na yata kita maaabutang magtapos, pero alang-alang sa sarili mong kinabukasan, dapat mong tapusin ang iyong pag-aaral at dapat kang mamuhay nang maganda, nang sa gayon ay wala akong anumang pagsisisihan kapag pumanaw na ako.” Nang makumbinsi ako ng mama ko, hindi ako umuwi para alagaan siya at nagpatuloy ako sa aking pag-aaral. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, pumanaw na ang mama ko. Nilamon ako ng kanyang mga alaala, at ang tanging naiisip ko ay ang gampaning ipinagkatiwala niya sa akin. Naging determinado akong mag-aral nang mabuti at gumawa ng pangalan para sa sarili ko para matupad ang mga pangarap ng mama ko.

Noong una, nagawa kong iangkop ang buhay ko sa unibersidad, pero kalaunan, nakita ko na ang buhay roon ay medyo nakababagot at nakayayamot, hindi ito katulad ng inaasahan ko. Sa kabaligtaran, ang buhay sa paaralan ay puno ng kompetisyon. Naggugrupo-grupo ang mga estudyante batay sa kanilang mga pinanggalingang pamilya, at maraming pang-aasar at pangungutya ang nagaganap. May mga guro na nakikisali pa nga sa mga estudyante na may matataas na marka o magagandang pinanggalingan na pamilya sa pang-aasar sa mga may mabababang marka o mahihirap na pamilya. Dahil dito, mas lalo pang bumaba ang tingin ng ilang estudyante sa kanilang sarili, at ang ibang estudyante ay lumipat pa nga ng paaralan o huminto na lang. Labis kong kinamuhian ang kapaligiran doon, subalit, upang mapatanyag ang sarili ko, matigas akong nagtiyaga sa aking pag-aaral para magtamo ng magagandang marka. Sa pamamagitan ng pagsusumikap, nagtamo ako ng magagandang marka at resulta kapwa sa eskuwela at sa aking propesyonal na trabaho. Tiningala ako ng lahat ng mas nakababatang kaklase, at itinuring nila akong huwaran na dapat nilang tularan sa kanilang pag-aaral. Nakuha ko ang kasikatan at pakinabang na ninais ko, pero hungkag ang pakiramdam ko sa loob ko, at unti-unti akong nabagot at nagsawa sa ganoong pamumuhay. Hindi ko maintindihan kung bakit gusto ng mga tao na mamuhay nang ganoon. Inakala ko na sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaalaman, maaari akong mamukod-tangi, magkamit ng kaligayahan at maipamuhay ang buhay na gusto ko. Kaya bakit mas naging hungkag at nahihirapan ang pakiramdam ko habang mas hinahangad ko ang ganoong klase ng buhay? Minsan, naiisip ko: Ang layon ba ng buhay ay magtrabaho lang para maranasan ang pakiramdam ng tagumpay at sa huli ay mamatay? At dahil wala tayong madadala sa ating hukay at walang maipapakitang resulta ng ating mga pagsusumikap, ano nga ba ang saysay ng lahat ng ito? Wala na bang mas mga makabuluhang paraan ng pamumuhay?

Isang araw, may nakita akong post sa Facebook tungkol sa tunay na kabuluhan ng buhay. Matapos kong i-like ang post at magkomento rito, may nagpadala sa akin ng friend request, na nagsimulang mag-chat sa akin tungkol sa relihiyosong pananalig, kaya napagtanto ko na isa siyang Kristiyano. Ipinalaganap niya sa akin ang ebanghelyo ng huling gawain ng pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nabasa ko ang maraming salita ng Makapangyarihang Diyos at nalaman ang maraming katotohanang hindi ko pa kailanman narinig noon, kabilang na ang pinagmulan ng buhay ng tao, ang ugat ng pagdurusa ng tao, at ang mga pamamaraan ng paggaw ang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, at iba pa. Pinawi ng mga salita ng Diyos ang aking pagkauhaw sa mga katotohanan ng buhay. Hindi ko pa kailanman narinig ang alinman sa mga katotohanang ito sa paaralan. Pagkatapos niyon, nakita ko ang siping ito sa Facebook: “Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. …(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na dahil nilalamon ng agham at kaalaman ang puso ng tao, at walang natitirang puwang para sa Diyos, lalong nagiging hungkag ang pakiramdam nila. Kaya, nagsisikap silang siyasatin kung ano ang layon ng buhay, ano ang kahalagahan at kabuluhan ng buhay, subalit habang mas sinusubukan ng isang tao na gumamit ng agham at kaalaman para siyasatin ang mga isyung ito, mas lalong kakaunti ang nakukuha niyang tunay na sagot. Ang kaalamang ito ay nagbibigay lamang sa mga tao ng pansamantalang pakonsuwelo, dahil ang agham at kaalaman ay hindi ang katotohanan at hindi makapagbibigay ng tunay na panustos ng buhay. Noon, palagi kong pinaniniwalaan na kung mas maraming kaalaman ang isang tao, mas magkakaroon siya ng maraming kabatiran sa buhay at mas marami siyang mapagtatanto tungkol sa mga bagay-bagay, at dahil ang mga taong naghahanap ng kaalaman ay lubos na pinahahalagahan, nakapamumuhay sila nang makabuluhan at nakakapagtamo ng higit na kaligayahan. Ngunit pagkatapos mag-aral ng napakaraming kaalaman, hindi ko pa rin alam kung ano ang layon ng buhay, kung saan nagmula ang tao, kung ano ang kanyang hantungan, at hindi ko natamo ang kaligayahang hinahanap ko. Kahit na mataas ang aking mga marka sa mga pagsusulit, nanguna sa klase ko at hinangaan ng lahat, pakiramdam ko ay hungkag at nahihirapan pa rin ako sa loob-loob ko, at hindi nalutas ang mga suliraning kinaharap ko. Nakita ko kung paanong sinusubukang punan ng ibang estudyante sa unibersidad ang kahungkagan sa pamamagitan ng pamimili, pagka-karaoke, pagpunta sa mga bar at pagdalo sa mga konsiyerto ng mga sikat na mang-aawit. Noong una, nasiyahan din ako habang sinusunod ang mga usong ito kasama sila, ngunit pagkatapos, mas lalong nagiging hungkag ang pakiramdam ko. Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, saka ko lang napagtanto na ang dahilan ng espirituwal na kahungkagan ng tao ay ang kanyang paghahangad sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ang nagtutulak sa mga tao na itangging nilikha ng Diyos ang tao. Bukod sa hindi nila alam o kinikilala na sila ay nagmula sa Diyos, hinihinuha din nila na ang mga salita ng Diyos at gawain Niya ay mga alamat at kathang-isip lamang. Dahil dito, nawawalan ng puwang ang Diyos sa puso ng mga tao at mas lalo pa silang nalalayo sa Kanya. Paanong hindi magiging hungkag ang pakiramdam nila kung hindi nila kilala ang Diyos at wala Siya at ang mga salita Niya sa puso nila? Ang buhay ko ay nagmumula sa Diyos. Lahat ng nangyari sa buhay ko ay bunga ng mga pagsasaayos ng Diyos. Bilang isang nilikha, dapat kong sundin at sambahin ang Diyos upang magkaroon ako ng mas magandang kapalaran. Pagkatapos niyon, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at pakiramdam ko ay nasa tamang lugar na ako sa wakas.

Kalaunan, pagkatapos dumalo sa mga pagtitipon nang ilang panahon, mas lalo akong nakaramdam ng espirituwal na kasiyahan, nagtamasa ako nang husto at naging mapayapa at maligaya ang pakiramdam ko. Isang beses, pagkatapos ng pagtitipon, ginusto ko pa ring magbasa ng marami pang salita ng Makapangyarihang Diyos, kaya pumunta ako sa website ng EBANGHELYO NG PAGBABA NG KAHARIAN para maghanap ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Sa website, natagpuan ko ang isang sipi na naglalarawan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan: “Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salitang ito ng Diyos, nakita ko na ang mga tao ay ginagapos ng kanilang paghahangad sa kasikatan at pakinabang. Naniniwala sila na ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang ang motibasyon ng tao at ang layon ng buhay. Hindi nila alam na maling landas ito at wala silang lakas ng loob o abilidad na kumawala mula rito. Naisip ko kung paanong ang sarili kong layon sa buhay ay ang mamukod-tangi at magdala ng karangalan sa aking mga ninuno, kung paanong inakala ko na ang mga nakapagtamo sa mga layong iyon ang mga nagwagi sa buhay. Ang mga ideyang ito ay ikinintal sa akin noong nag-aaral pa ako. Upang makamit ang mga layon ko, isinubsob ko ang sarili ko sa pag-aaral sa loob ng maraming taon, nag-aral ng kaalaman at naghangad ng mas mataas na edukasyon, upang sa wakas ay makakuha ako ng magandang trabaho, magkaroon ng magandang buhay at magtamasa ng mas maayos na pamumuhay. Lubos akong naimpluwensiyahan ng isa sa mga karaniwang sinasabi ng aking ina: “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna.” Naniwala ako na upang mamukod-tangi at manguna, kinailangan kong magsikap at magpasan ng mga paghihirap at na magiging sulit ang lahat ng paghihirap. Sa aking paghahangad ng kasikatan at pakinabang, hindi ko binigyang-pansin ang panlabas na mundo, lubusan akong nilamon ng aking pag-aaral, at kahit noong lubhang nagkasakit ang mama ko, hindi ko iniwan ang eskuwela para maalagaan siya, nag-aalala na baka maapektuhan niyon ang pag-aaral ko. Gumugol ako ng mahigit sampung taon sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at hindi ako kailanman tumigil para isipin kung talaga bang sulit lang na gawin iyon. Sa kabila ng natamo kong respeto at paghanga mula sa mga kapwa ko mag-aaral, hindi ako totoong masaya. Sa kabaligtaran, mas lalo akong naging makasarili, mayabang at mapanghamak sa iba. Lalo kong minaliit ang mga ordinaryong tao na ang inaalala lamang ay ang kanilang paghahanap-buhay. Sa panlabas, hindi ko ipinahayag ang mga ganitong damdamin, pero sa loob-loob ko ay hinahamak ko sila, napagtanto ko na tinatahak ko ang maling landas at napakarami kong oras na inaksaya. Sa huli, nabigo akong makamit ang inakala kong buhay na masaya at may halaga. Sa paghahayag ng Diyos, napagtanto ko ito: Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para tuksuhin at gawing tiwali ang mga tao. Sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, humantong ako sa isang buhay ng pagdurusa at walang natira sa akin. Hindi ba’t nahulog ako sa mapanlinlang na pakana ni Satanas? Alam kong tumatahak ako sa maling landas at hindi ako dapat maghangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan, kundi dapat kong sundin ang Diyos at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Pero naisip ko rin kung paano ako nagsikap nang husto sa lahat ng taong iyon at na malapit na malapit na akong makapagtapos at makapagkamit ng mas mataas na edukasyon, na magbibigay sa akin ng respeto sa lipunan. Kalaunan, kapag pumasok na ako sa trabaho, masasabi ko na nakapagtapos ako mula sa ganito at ganyang unibersidad at magagawa kong umasta nang may dignidad. Wala akong lakas ng loob na talikuran ang aking pag-aaral at nais kong kumuha ng master’s at Ph.D.

Isang beses, habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, tinanong ako ng isang sister kung ano ang mga plano ko sa hinaharap: Sinabi ko: “Gusto kong kumuha ng master’s at Ph.D. pero may mga pag-aalinlangan ako. Kung itutuloy ko ang aking mas mataas na edukasyon, kakailanganin ko ng mas marami pang oras sa pag-aaral at mas magiging limitado ang oras ko sa paggawa ng aking tungkulin. Hinahangad kong malaman kung ang pagpupursige sa mga pag-aaral na ito ang tamang gawin.” Binasa ng sister ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin: “Ipinanganak si Pedro sa isang pangkaraniwang pamilya ng mga magbubukid na Hudyo. Itinaguyod ng kanyang mga magulang ang buong pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka, at siya ang panganay sa mga anak, may apat siyang kapatid na lalaki at babae. Siyempre pa, hindi ito ang pangunahing bahagi ng ating kuwento; si Pedro ang ating pangunahing tauhan. Noong siya ay limang taong gulang, sinimulang turuan si Pedro ng kanyang mga magulang na magbasa. Noong panahong iyon, medyo edukado ang mga Hudyo, at higit na maunlad sa mga larangan ng agrikultura, industriya, at negosyo. Dahil sa kanilang kapaligirang panlipunan, nakapag-aral ang mga magulang ni Pedro ng mataas na edukasyon. Kahit nanggaling sila sa probinsya, mataas ang kanilang pinag-aralan at maihahambing sa karaniwang mga estudyante sa unibersidad sa panahon ngayon. Malinaw na pinagpalang maisilang si Pedro sa ganoon kagandang kalagayang panlipunan. Dahil matalino at mabilis matuto, madali siyang nakakuha ng mga bagong ideya. Nang magsimula siyang mag-aral, napakadali niyang natutuhan ang kanyang mga leksyon. Ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang ang pagkakaroon ng ganoon katalinong anak, at ginawa nila ang lahat para makapasok siya sa paaralan, umaasang magiging tanyag siya at makakakuha ng kahit na anong opisyal na puwesto sa lipunan. Hindi nila namalayan, naging interesado si Pedro sa Diyos, kung kaya, sa edad na labing-apat, habang nasa mataas na paaralan siya, nagsawa siya sa kurikulum ng Sinaunang Kulturang Griyego na pinag-aaralan niya, lalo na sa mga kathang-isip na tao at gawa-gawang pangyayari sa sinaunang kasaysayan ng mga Griyego. Mula noon, sinimulang subukan ni Pedro—na katutungtong pa lang sa kasagsagan ng kanyang kabataan—na tumuklas pa tungkol sa buhay ng tao at sa mas malawak na mundo. Hindi siya pinilit ng kanyang konsensya na suklian ang mga pasakit na dinanas ng kanyang mga magulang, dahil malinaw niyang nakita na nabubuhay ang lahat ng tao sa kalagayan ng panlilinlang sa sarili, walang kabuluhan ang buhay nilang lahat, sinisira ang sarili nilang buhay sa pagsisikap magkamit ng kayamanan at pagkilala. Malaki ang kinalaman ng kapaligirang panlipunang kinaroroonan niya sa kanyang pananaw. Kapag mas malawak ang kaalaman ng mga tao, mas masalimuot ang mga pakikipag-ugnayan nila sa iba at ang panloob na mundo nila, at samakatuwid, mas umiiral sila sa kahungkagan. Sa ganitong kalagayan, ginugol ni Pedro ang libre niyang oras sa mga malawakang pagbisita, karamihan doon ay sa mga relihiyosong tao. Sa puso niya, may tila malabong pakiramdam na maaaring relihiyon ang makapagpapaliwanag sa lahat ng hindi maipaliwanag sa mundo ng tao, kaya’t malimit siyang pumunta sa isang kalapit na sinagoga para dumalo sa mga pagsamba. Lingid ito sa kaalaman ng kanyang mga magulang, at hindi nagtagal ay nagsimulang kamuhian ni Pedro, na noon pa man ay may mabuting pagkatao at mahusay na pinag-aralan, ang pagpasok sa paaralan. Sa ilalim ng patnubay ng kanyang mga magulang, muntik na siyang hindi makatapos ng mataas na paaralan. Habang lumalangoy pabalik sa pampang mula sa karagatan ng kaalaman, huminga siya nang malalim; mula noon, wala nang magtuturo o maghihigpit sa kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Tungkol sa Buhay ni Pedro). “Sa buong buhay niya, nabuhay si Pedro sa pangingisda ngunit, higit pa roon, nabuhay siya upang mangaral. Sa kanyang katandaan, isinulat niya ang una at pangalawang sulat ni Pedro, pati na rin ang ilang liham sa iglesia ng Philadelphia noong panahong iyon. Ang mga tao sa panahong ito ay lubhang naantig sa kanya. Sa halip na magsermon sa mga tao gamit ang sarili niyang mga kaalaman, binigyan niya sila ng angkop na panustos sa buhay. Hindi niya kailanman nakalimutan ang mga turo ni Jesus bago Siya lumisan, at naging inspirasyon ang mga iyon sa kanyang buong buhay. Habang sinusundan si Jesus, nagpasiya siyang suklian ang pagmamahal ng Panginoon ng kanyang kamatayan at sundan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng bagay. Sumang-ayon dito si Jesus, kaya nang si Pedro ay 53 taong gulang (mahigit 20 taon nang nakaalis si Jesus), nagpakita sa kanya si Jesus para tumulong na matupad ang kanyang pangarap. Sa loob ng pitong taong kasunod noon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw, sa pagtatapos ng pitong taong ito, ipinako siya sa krus nang pabaliktad, sa gayon ay winawakasan ang kanyang pambihirang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Tungkol sa Buhay ni Pedro). Matapos marinig ang dalawang siping ito, nakita ko na ang sarili kong sitwasyon ay kaparehong-kapareho noong magsawa si Pedro sa walang kabuluhang kaalamang natutunan niya sa eskuwela. Alam niyang walang buhay sa kaalaman at puno ng alitan ang paaralan at lipunan. Kaya’t iniwan niya ang kanyang pag-aaral at nagsimula siya ng isang buhay na naghahangad sa katotohanan at buhay. Nakita ko na may determinasyon si Pedro na iwanan ang kanyang pag-aaral at ang lipunan, hindi alintana kung paano siya huhusgahan ng iba, hindi naipit sa kanyang mga damdamin, bagkus ay matibay ang kanyang determinasyon at personal na paniniwala, at hindi siya naimpluwensiyahan ng mga kasalukuyang kalakaran. Naging matapang siyang iwanan ang nakagawian at nakasanayan na ng marami, at bagkus ay hinangad niya ang mga positibong bagay. Labis na kamangha-mangha na nakapagdesisyon si Pedro nang ganoon sa panahong iyon, kinailangan niyon ng matibay na pananalig. Malaki ang naging epekto sa akin ng mga salita ng Diyos. Sa panlabas, maaaring tila hindi nagkamit ng anumang reputasyon o pakinabang si Pedro, subalit nakamit niya ang papuri ng Diyos. Napagtanto ko na ang paghahangad sa katotohanan at paggampan sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikhang katulad ni Pedro, pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, pagsasabuhay sa katotohanang realidad, at pagkakilala at pagpapasakop sa Diyos, ay ang mga elemento ng isang tunay na may halaga at makabuluhang buhay. Naisip ko ang aking mga masipag na pagsusumikap sa aking pag-aaral: Pagkatapos ng high school, nag-aral ako sa unibersidad at ngayon ay iniisip kong kumuha ng master’s degree. Hindi ba’t nagtatakda ako ng mas matataas na layon para lang mamukod-tangi at mapatanyag ang sarili ko? Makabuluhang paghahangad ba ito? Naisip ko kung paanong nag-aral nang mabuti ang mama ko mula pa sa murang edad para mamukod-tangi at marating ang tagumpay, masipag na nagtrabaho para sa kanyang bokasyon, at sa wakas ay manguna sa edad na trenta, nilalampasan ang mga dating paghihirap, tinamasa ang mas magagandang materyal na kalagayan, at nagtamo ng kasikatan, pakinabang at ng respeto ng iba. Sa panlabas, tila marangal siya, pero sa huli, nagkaroon siya ng cancer at pumanaw. Hindi siya mailigtas ng kanyang kasikatan at pakinabang. Napagtanto ko na ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang ay walang halaga o kabuluhan. Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay-daan sa akin na mas mapagtanto kung anong landas ang dapat kong piliin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. … Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). “Ang mga kabataan ay hindi dapat mawalan ng mga mithiin, hangarin, at masigasig na pagnanasang pagbutihin ang sarili nila; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga pag-asam, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magtiyagang magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat maging mapagpaimbabaw at makasalanan—dapat silang maging matatag sa wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay na lamang, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat isuko ng mga kabataan ang kanilang sarili sa paghihirap, kundi dapat silang maging bukas at prangka, at mapagpatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na gamitin ang pagkakilala sa mga isyu at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at huwag ninyong maliitin ito. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihira Akong makatagpo, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng panibagong pagkaunawa sa buhay. Hindi dapat mamuhay ang tao para maghangad ng kasikatan at pakinabang, kundi dapat niyang sambahin ang Diyos, hangarin ang katotohanan, at igugol ang kanyang sarili para sa Diyos. Ito ang bumubuo sa isang mahalaga at makabuluhang buhay. Bilang mga nilikha, kahit na makamit natin ang kasikatan, pakinabang at ang respeto ng iba, kung hindi natin sinasamba ang Diyos at hindi natin tinutupad ang ating mga tungkulin bilang nilikha, magiging walang saysay ang ating pamumuhay. Bagamat sinabi ko noong una na handa akong sumunod sa Diyos, talikuran ang mga bagay-bagay, at gugulin ang sarili ko, hindi ko talaga isinagawa ang alinman sa mga iyon. Hinangad ko pa rin ang mga kaginhawahan ng laman, magandang kinabukasan at ang respeto ng iba. Hindi ko pa rin naunawaan ang tunay na kabuluhan at halaga ng buhay ng tao. Naisip ko kung paanong pagpapala at biyaya ng Diyos ang maipanganak ako sa mga huling araw at matanggap ko ang gawain ng Diyos sa napakamurang edad. Isinaayos ng Diyos na lumaki ako sa kapaki-pakinabang na kapaligirang ito kung saan natuto akong magsalita ng maraming wika, kabilang na ang Chinese, na nagbibigay-daan sa akin na mabasa ang mga salita ng Diyos at magamit ang aking mga kasanayan sa aking tungkulin. Ang aking edad, pinagmulan, at mga kakayahan sa wika ay lahat naaangkop sa paghahangad sa katotohanan at paggampan ng aking mga tungkulin. Kung ang tanging hinangad ko ay kasikatan, pakinabang, at katayuan, at natamo kong pareho ang kasikatan at pakinabang subalit nawalan ako ng pagkakataong sundin ang Diyos at hangarin ang katotohanan, ano ang magiging kabuluhan sa pagkakamit na iyon? Wala sa mundong ito ang makakapantay sa pagkamit sa katotohanan, at hindi maihahalintulad ang isang buhay na itinuturing na maganda ng mga tao sa isang buhay na pinupuri ng Lumikha. Tanging ang isang buhay na pinupuri ng Diyos ang makabuluhan at may halaga. Nang mapagtanto ito, nagkaroon ako ng determinasyon na hangarin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos at palugurin ang Diyos. Handa rin akong talikuran ang unibersidad para gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Nanalangin ako sa Diyos at sinabi kong dapat akong makawala sa nakababagot at nakayayamot na pamumuhay na ito, na dapat kong hangarin ang katotohanan, sundin ang Diyos at tahakin ang tamang landas.

Kalaunan, tinawagan ko ang aking guro, sinabi ko sa kanya na nagbabalak akong huminto at pinapirma ko siya sa aking withdrawal application. Gayunpaman, bukod sa hindi siya pumayag na pumirma, sinabi rin niya: “Isang taon na lang bago ka magtapos, hindi ba’t sayang naman kung ngayon ka pa hihinto? Malinaw naman sa iyo na ang sahod ng mga nakapagtapos ng kolehiyo ay mas mataas kaysa sa mga hindi nakapagtapos. Kung hindi ka makapagtapos ng kolehiyo, baka mahirapan ka pa ngang makahanap ng trabaho; magiging iba ang tingin sa iyo ng mga tao. Kung may problema ka, pwede mong ipagpaliban ang pag-aaral nang isang taon at pagkatapos ay bumalik ka kapag nalutas na ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t mas mabuti iyon?” Matapos marinig ang payo ng aking guro, medyo nagtalo ang kalooban ko. Naisip ko na baka dapat kong ipagpaliban ang aking pag-aaral gaya ng sinabi niya at pagkatapos ay maaari akong bumalik sa hinaharap. Sa gayong paraan, makakapagtapos ako, makukuha ang degree ko at makakahanap ako ng magandang trabaho at rerespetuhin ako sa hinaharap. Subalit naisip ko rin na baka ito ay isang mapanlinlang na pakana ni Satanas. Ayaw ni Satanas na sundin ko ang Diyos at gampanan ang aking tungkulin, kaya ginamit nito ang kasikatan at pakinabang para tuksuhin ako. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang linlangin ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang masasamang kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Kung tatalikuran ko ang aking pag-aaral para sundin ang Diyos, magkakaroon ako ng mas maraming oras para hangarin ang katotohanan at gawin ang aking tungkulin, pero sinabi ng aking guro ang ilang bagay para subukan akong tuksuhin. Sa panlabas, tila nagmamalasakit siya sa akin, subalit nasa likod niyon ang mapanlinlang na pakana ni Satanas. Gusto akong tuksuhin ni Satanas na magpatuloy sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan at malugmok sa aking paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Hindi ako pwedeng mahulog sa panlalansi ni Satanas. Nang mapagtanto ito, sinagot ko ang aking guro, sinasabing: “Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin, pero mas malinaw na sa akin ngayon ang apurahang layunin ng Diyos. Matagal at taimtim kong pinag-isipan ang pagpili sa landas na ito ng pananalig at nakapagpasya na ako. Iaalay ko ang buhay ko sa pananalig, susundin ko ang Diyos, gugugulin ang aking sarili para sa Kanya, at hinding-hindi na ako babalik para ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Nakapagdesisyon na ako na huminto, sana maintindihan mo ako.” Nang makitang buo na ang pasya ko, hindi na ako sinubukan pang kumbinsihin ng guro, at pinirmahan niya ang mga papeles ng aking paghinto sa pag-aaral. Kaya agad na akong huminto.

Pagkatapos huminto sa pag-aaral, nagkaroon ako ng mas maraming oras at lakas para gawin ang aking tungkulin, at mas lalo akong naging tutok at tahimik sa harap ng Diyos. Nagkaroon din ako ng mas maraming oras para magnilay sa mga salita ng Diyos, makipagbahaginan sa katotohanan sa aking mga kapatid at gawin ang aking tungkulin. Pakiramdam ko ay mas lalo akong napapalapit sa Diyos. Halos isang taon at kalahati na ang nakalipas ngayon. Habang ginagampanan ang aking tungkulin, ibinubunyag ko ang aking mga tiwaling disposisyon, ngunit sa pamamagitan nito, natutunan ko kung paano makipagtulungan nang maayos sa iba, at kapag nahaharap ako sa mga isyu, hindi ako naiipit sa mga ito at hinahanap ko ang katotohanan para malutas ang mga ito. Napakarami kong nakamit nitong nakaraang taon. Kung naghintay ako ng isa pang taon para simulan ang aking tungkulin, marami sana akong mapapalagpas na mga pagkakataon para makamit ang katotohanan, na magiging isang malaking kawalan para sa akin. Nakita ko rin na lalong tumitindi ang mga sakuna sa mundo. May giyera sa Ukraine at Russia, lumilitaw ang malalaking alitan sa buong mundo, tumitindi ang pandemya, at nagiging mas madalas ang mga lindol at baha. Naisip ko kung paanong kapag dumating ang mga kalamidad, kahit na makuha ko ang aking degree at magtamo ako ng kasikatan, pakinabang at respeto, magiging walang kabuluhan lang ang lahat kung wala akong buhay. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili?(Lucas 9:25). Dapat akong manampalataya sa Diyos at sundin Siya nang buong puso, sa gayon ay matatamo ko ang katotohanan at buhay. Ito ang pinakamahalagang bagay sa mundo at ang pinakamalaking pagpapala! Ang desisyon ko na talikuran ang aking pag-aaral para sundin ang Diyos at gampanan ang aking tungkulin bilang nilikha ay ang pinakamagandang desisyon na nagawa ko! Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply