Pagkatuto Mula sa Pag-uulat sa isang Huwad na Lider

Enero 7, 2025

Ni Christina, Amerika

Noong Hunyo 2021, dalawang lider sa aming iglesia ang tinanggal dahil sa hindi nila paggawa ng aktuwal na trabaho. Habang ibinabahagi ko ang tungkol sa paghimay ng kanilang pag-uugali, nagtanong ang isang sister, “Bago tinanggal ang dalawang huwad na lider na ito, medyo may nalalaman na kami tungkol sa kanilang mga isyu. At saka, kamakailan lang, ibinabahagi rin ng iglesia ang katotohanan tungkol sa pagkilatis sa mga huwad na lider, kaya medyo naunawaan ng lahat ang kanilang pag-uugali. Kaya, bakit walang nag-ulat ng mga isyu ng dalawang lider na ito bago sila tinanggal?” Naantig ako nang husto nang marinig ko ang kanyang mga salita. Nagnilay-nilay ako sa aking sarili. Sa kabila ng napakarami kong narinig na mga katotohanang prinsipyo tungkol sa pagkilatis ng mga huwad na lider, sa totoong buhay ay hindi ko pa rin sadyang kinilatis ang mga huwad na lider na nasa paligid ko. Minsan, kahit na may napansin akong ilang problema sa mga lider, parang wala lang ito sa akin. Napagtanto kong hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ang saloobing ito, kaya ginusto kong magbago. Kailangan kong magkaroon ng kamalayan sa pagkilatis ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid ko, subaybayan ang gawain ng mga lider ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at magbigay ng patnubay at tulong kung napapansin kong ginagawa ng mga lider ang gawain nang labag sa mga prinsipyo. Kung may makita akong isang huwad na lider o isang anticristo, kailangan kong iulat ito sa mga nakatataas na lider para maprotektahan ang mga interes ng iglesia.

Kalaunan, nakasama ko si Sister Wendy, isang lider sa ibang iglesia. Noong una, akala ko mabait siya, wala siyang ere ng isang lider, at madali siyang pakisamahan. Ngunit makalipas ang ilang panahon, napansin kong hindi pala maganda ang pagkatao niya. Tila nakatuon siya nang husto sa pagkain at napakatamad niya. Kapag nakita niyang marumi ang mga bagay-bagay, wala siyang kusang maglinis, kundi babanggitin niya lang ito. Paminsan-minsan, inuutusan niya ang iba na gawin ang mga gampanin na kaya naman niyang gawin nang mag-isa. Lahat ng mga sister na nasa paligid niya ay medyo inis sa ugali niya. Noong una, akala ko may mga isyu lang si Wendy sa pagsasabuhay ng kanyang pagkatao, na hindi naman iyon isang bagay na may kinalaman sa mga prinsipyo, kaya hindi ko ito masyadong sineryoso. Kalaunan, napansin ko na madalas siyang dumalo sa mga pagbabahaginan online nang nasa kanyang kuwarto, minsan dinadala pa nga niya ang kanyang laptop sa hapag-kainan at doon siya kumakain habang nakikipagbahaginan, at paminsan, makikipagbahaginan siya hanggang gabing-gabi, pero sinabi ng mga kapatid na bihirang-bihira naman niyang malutas ang kanilang mga isyu at suliranin sa kanilang mga tungkulin. Noong umpisa, pakiramdam ko bilang isang lider ng iglesia, kailangan niyang asikasuhin ang iba’t ibang aspekto ng gawain, na hindi naman madali. Hindi ko naisip na malaking problema pala kung magkakaroon ng ilang pagkukulang sa kanyang gawain. Kaya hindi ko na lang pinagtuunan ng pansin ang mga bagay na iyon. Pero kalaunan, naramdaman kong may mali. Bilang isang lider ng iglesia, pangunahin niyang tungkulin ang ibahagi ang katotohanan at lutasin ang mga problema at suliranin ng mga kapatid. Madalas siyang nagsasagawa ng mga pagtitipon online kasama ng mga kapatid, mukhang abalang-abala siya, pero wala naman siyang nalutas na mga aktuwal na problema. Hindi ba’t pangangaral lang ito ng mga hungkag na doktrina nang wala namang nagagawang aktuwal na trabaho? Naalala ko ang pagbabahagi ng Diyos na nagsisiwalat na ginugugol ng ilang huwad na lider ang buong maghapon sa mga online na pagtitipon, mukhang abala, pero nagsasalita lang ng mga salita at doktrina at gumagawa ng mabababaw na gawain. Pagdating sa mga totoong problema sa gawain na may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila matuklasan o maibahagi nang malinaw ang tungkol sa mga iyon, dahilan para maantala ang mas maraming gawain. Napapaisip tuloy ako na baka isa si Wendy sa mga huwad na lider na inilantad ng Diyos. Kalaunan, narinig kong sinabi ng isang sister na hindi magawa ni Wendy na makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang realidad o lutasin ang mga aktuwal na problema sa mga pagtitipon. Noong minsan, medyo negatibo ang kalagayan ng sister na iyon at naapektuhan nito ang kanyang mga tungkulin. Nang malaman ito, nagpadala lang si Wendy ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos nang hindi nakikipagbahaginan. May ilan ding kapatid na hindi nagtutulungan nang may pagkakasundo at iniulat ito kay Wendy, pero hindi siya nakipagbahaginan sa kanila para malutas ang mga isyung ito. Kalaunan, nakita kong walang konsiderasyon at mga prinsipyo si Wendy habang isinasaayos niya ang mga bagay-bagay. May isang kapatid na ang tungkulin ay sa paggawa ng video. Akala ni Wendy, nababagay rin ang kapatid sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya. Hindi man lang niya inimbestigahan muna ang sitwasyon ng tungkulin ng kapatid o sumangguni sa superbisor para alamin kung angkop ba ito, bagkus direkta niyang itinalaga ni Wendy sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya nang part-time. Pakiramdam ng lahat ay hindi masyadong pinag-iisipan ni Wendy ang sitwasyon, dahil ang tungkulin ng pagdidilig ay nangangailangan ng napapanahong pag-unawa at paglutas sa mga kalagayan at suliranin ng mga bagong mananampalataya. Para magawa nang maayos ang tungkuling ito, kailangang paglaanan ito ng mahabang panahon at maraming lakas. Mahusay ang kapatid sa paggawa ng mga video, at kung hindi maayos ang koordinasyon, maaantala ang pangunahin niyang tungkulin kung itatalaga siya sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Gayumpaman, itinalaga pa rin siya ni Wendy sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Nang makita ko ang pagsasaayos ni Wendy ng gawain, medyo hindi ako makapaniwala at naisip ko, “Napakapabaya pala niya sa pagsasaayos ng mga bagay-bagay, kulang siya sa komunikasyon at paghahanap. Paano niya aasikasuhin ang mahahalagang bagay sa gawain ng iglesia kung ganyan? May kakayahan ba siya at abilidad sa paggawa para maging isang lider? Kaya ba talaga niyang gumawa ng totoong trabaho?” Paulit-ulit ko itong itinanong sa puso ko at medyo naramdaman kong may ilang problema si Wendy. Naisip kong mag-ulat sa mga nakatataas na lider para maimbestigahan at maunawaan nila ang aktuwal niyang paggampan. Pero naisip ko naman, “Kung tama ang mga ulat ko at isa ngang huwad na lider si Wendy, kung gayon, makatarungang gawin ito para maprotektahan ang gawain ng iglesia. Pero kung hindi komprehensibo ang pananaw ko at wala siyang mabibigat na problema at kaya naman niyang gumawa ng totoong trabaho, sasabihin ba ng mga kapatid na wala akong pagkaunawa tungkol sa katotohanan, na bulag akong nag-uulat, at basta-basta na lang nakikialam? Kung nagdudulot ito ng pagkagambala at kaguluhan, sasabihin ba nilang may masama akong pagkatao at hindi ko kayang tratuhin nang tama ang isang lider, at kaswal ko siyang hinuhusgahan? Kung magkagayon, tatanggalin ba ako ng mga nakatataas na lider? Kung malaman ni Wendy na iniulat ko ang mga problema niya, magtatanim ba siya ng galit laban sa akin at pagdidiskitahan niya ang mga isyu ko? Magkasama kami sa bahay ni Wendy at araw-araw kaming nagkikita. Nakakaasiwa naman iyon!” Habang pinag-iisipan ko ang mga bagay na ito, nag-atubili ako at inaliw ko ang aking sarili, “Ang mga nakita ko ay hindi naman malalaking isyu, kundi maliliit na kapintasan lamang sa pagsasabuhay ng pagkatao at sa abilidad sa paggawa. Sa araw-araw na nakikita ko siyang dumadalo sa mga pagbabahaginan online, mukha naman siyang may kaunting pagpapahalaga sa pasanin. Huwag na lang; hindi ko na siya iuulat. Kung talagang hindi siya gumagawa ng aktuwal na trabaho, iuulat ito ng mga kapatid na nasa kanyang iglesia. Susubaybayan at pangangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang kanyang gawain, kaya dapat maunawaan nila ang kanyang mga isyu. Dapat huwag na akong mag-alala at makialam masyado.” Matapos makapag-isip-isip nang pabalik-balik, nagpasya akong huwag nang iulat ang kanyang mga isyu. Pero nang mapagdesisyunan ko nang pabayaan na lamang ito, hindi ako mapakali sa aking puso at nabagabag ang konsensiya ko. Malinaw kong nakita ang ilang pagpapamalas na wala siyang nagagawang aktuwal na trabaho at hindi niya ito kinikilala bilang isang problema, pero ginusto ko pa ring iwasan at balewalain ito. Pagiging iresponsable ito! Kung isa nga siyang huwad na lider na walang nagagawang aktuwal na trabaho, tuwirang makakaapekto ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid at maaantala nito ang gawain ng iglesia. Nagnilay-nilay ako sa aking sarili. Bakit nag-aatubili akong iulat ang mga problema ni Wendy? Ano ba ang ipinag-aalala ko? Anong tiwaling disposisyon ang pumipigil sa akin?

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang pinakakapansin-pansing aspekto sa mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo ay ang katusuhan. Iniisip ng mga tao na kung hindi sila tuso, malamang na masasaktan nila ang damdamin ng iba at hindi nila mapoprotektahan ang kanilang mga sarili; iniisip nila na kailangan nilang maging sapat na tuso upang hindi makapanakit o makapagpasama ng loob ninuman, nang sa gayon ay mapananatili nilang ligtas ang kanilang mga sarili, mapangangalagaan nila ang kanilang mga kabuhayan at magkakaroon sila ng matatag na katayuan sa ibang mga tao. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay lahat ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Silang lahat ay mga mapagpalugod ng mga tao at hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman. Narito ka na sa sambahayan ng Diyos, nabasa mo na ang salita ng Diyos, at nakinig ka na sa mga sermon ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, bakit hindi ka makapagsalita mula sa puso, at maging matapat na tao? Bakit lagi kang mapagpalugod ng mga tao? Pinoprotektahan lang ng mga mapagpalugod ng mga tao ang sarili nilang mga interes, at hindi ang mga interes ng iglesia. Kapag may nakikita silang isang taong gumagawa ng masama at pumipinsala sa mga interes ng iglesia, hindi nila ito pinapansin. Mahilig silang maging mapagpalugod ng mga tao, at ayaw nilang makapagpasama ng loob ng sinuman. Iresponsable ito, at ang ganoong uri ng tao ay masyadong tuso at hindi mapagkakatiwalaan. Para maprotektahan ang kanilang sariling banidad at pagpapahalaga sa sarili, at para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan, masaya ang ilang tao na makatulong sa iba, at na magsakripisyo para sa kanilang mga kaibigan kahit ano pa ang maging kapalit. Pero kapag kailangan nilang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang katotohanan, at ang hustisya, nawawala ang kanilang mabubuting layunin, ganap nang naglaho ang mga ito. Kapag dapat nilang isagawa ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa ni bahagya. Anong nangyayari? Para maprotektahan ang sarili nilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili, magbabayad sila ng anumang halaga at magtitiis ng anumang pagdurusa. Pero kapag kailangan nilang gumawa ng totoong gawain at mag-asikaso ng mga praktikal na bagay, na protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga positibong bagay, at protektahan at tustusan ang mga taong hinirang ng Diyos, bakit wala na silang lakas para magbayad ng anumang halaga at magtiis ng anumang pagdurusa? Hindi iyon kapani-paniwala. Ang totoo, mayroon silang isang uri ng disposisyon na tutol sa katotohanan. Bakit Ko sinasabing ang disposisyon nila ay tutol sa katotohanan? Dahil sa tuwing ang isang bagay ay nangangailangan ng pagpapatotoo sa Diyos, pagsasagawa sa katotohanan, pagprotekta sa mga taong hinirang ng Diyos, paglaban sa mga pakana ni Satanas, o pagprotekta sa gawain ng iglesia, tumatakas sila at nagtatago, at hindi sila nakikibahagi sa anumang nararapat na mga bagay. Nasaan ang kanilang kabayanihan at diwa na magtiis ng pagdurusa? Saan nila ginagamit ang mga iyon? Madali itong makita. Kahit pa pagsabihan sila ng iba, sabihan na hindi sila dapat maging masyadong makasarili at mababang-uri, at protektahan ang sarili nila, at na dapat nilang protektahan ang gawain ng iglesia, wala talaga silang pakialam. Sinasabi nila sa kanilang sarili, ‘Hindi ko ginagawa ang mga bagay na iyon, at walang kinalaman ang mga iyon sa akin. Ano ang magandang maidudulot ng pagkilos nang gayon sa aking paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan?’ Hindi sila mga taong hinahangad ang katotohanan. Gusto lang nilang maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi man lang nila ginagawa ang gawaing naipagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, kapag kinakailangan sila para gawin ang gawain ng iglesia, pinipili na lang nilang tumakas. Nangangahulugan ito na sa puso nila, ayaw nila sa mga positibong bagay, at hindi sila interesado sa katotohanan. Malinaw itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang kumpiyansang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang tiwaling disposisyon ko. Talaga ngang makasarili at mapanlinlang ako. Nakita kong wala namang nilutas na mga aktuwal na problema si Wendy o ginawang aktuwal na trabaho sa maraming bagay, at pinipinsala na ng kanyang mga pinaggagagawa ang mga interes ng iglesia. Pero, nag-alala ako na kung iuulat ko siya nang hindi tama, pag-iisipan ako ng masama ng mga kapatid, at baka matanggal ako, at lalong natakot ako na sumama ang loob ni Wendy sa akin at masira ang aming relasyon, dahilan para hindi maging maayos ang aming samahan sa hinaharap. Kaya naman, ayaw ko nang iulat siya. Para maprotektahan ang aking sarili at ang sarili kong mga interes, nanahimik ako tungkol sa mga problemang nakita ko. Hindi ko talaga isinagawa ang katotohanan o pinrotektahan ang gawain ng iglesia, na talaga namang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos. Habang pinag-iisipan ko kung paanong kulang ng mga prinsipyo si Wendy sa kanyang mga ikinilos, hindi matukoy ang mga priyoridad sa kanyang gawain, at wala siyang ginawang aktuwal na trabaho, bagama’t hindi ako 100% na nakasisiguro na isa siyang huwad na lider, nakikita kong naaapektuhan na ng kanyang mga isyu ang buhay pagpasok ng mga kapatid at ang gawain ng iglesia. Dapat ko nang iulat ang mga isyung ito sa mga nakatataas na lider sa lalong madaling panahon, para maipaunawa ko sa kanila ang sitwasyon at nang maimbestigahan at maberipika nila ito. Kung makukumpirmang isa siyang huwad na lider, dapat na siyang tanggalin ayon sa mga prinsipyo. Kung may ilan lang siyang paglihis sa kanyang gawain, maaari siyang tulungan ng mga lider sa pamamagitan ng pagbabahaginan ukol sa mga isyung ito. Kung hindi naman, kung patuloy siyang magtatrabaho nang ganito, maaantala nito ang gawain ng iglesia at mapipinsala nito ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Gayumpaman, inakala ko noong una na walang tuwirang kinalaman sa akin ang mga problema ni Wendy, at ang pag-uulat nang mali sa mga ito ay maaaring makapinsala sa sarili kong banidad at kinabukasan. Dahil hindi ko naman nakita ang tunay na kalikasan ng kanyang mga problema, ginamit ko ang “Hindi ko nakita ang tunay na kalikasan ng mga iyon, at natatakot akong makapag-ulat nang mali” bilang dahilan para hindi ko siya iulat sa mga nakatataas na lider. Nagdahilan din ako na kung totoo ngang isa siyang huwad na lider na walang nagagawang aktuwal na trabaho, iuulat siya ng ibang mga kapatid. Ginusto kong itulak sa iba ang “nakakasakit na bagay” at magtago na parang duwag. Para mapanatili ang relasyon namin ni Wendy at maprotektahan ang sarili kong banidad, mga oportunidad, at tadhana, hindi ko talaga isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia o pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Naging sobrang makasarili at mapanlinlang ako, sinusunod ko ang mga pilosopiya ni Satanas gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” at “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo.” Naibaon nang malalim sa puso ko ang mga bagay na ito, nangingibabaw sa aking mga kaisipan, na naging dahilan para lagi kong isaalang-alang ang mga personal na pakinabang sa mga bagay na sinabi at ginawa ko at maging lubhang maingat at urong-sulong. Kahit kapag may nakita akong mga problema sa isang lider, ayaw kong iulat siya, nakatingin lang ako at pinapanood ang mga nangyayari habang napipinsala ang mga interes ng iglesia. Nakita ko na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon at pilosopiya ang naging dahilan para ako ay maging tunay na kasuklam-suklam at karumaldumal, at ganap akong nawalan ng integridad o wangis ng tao. Kung magpapatuloy ako sa ganitong paraan at hindi magsisisi, itataboy at ititiwalag lang ako ng Diyos. Natakot ako sa mga kaisipang ito, at napagtanto ko na kailangan kong makawala kaagad mula sa mga gapos ng satanikong disposisyon at hindi na makontrol pa nito.

Sa pagninilay-nilay ko, napagtanto ko rin na mali ang pananaw ko. Nag-alala ako na baka hindi ko makita nang tumpak o komprehensibo ang mga bagay-bagay, at na kung iuulat ko nang mali ang isang bagay, magdudulot ito ng mga pagkagambala at kaguluhan. Dahil dito, hindi na ako nangahas na iulat ang mga problema ni Wendy. Kalaunan, pinatahimik ko ang aking puso at nagbulay-bulay ako, “Tama ba ang pananaw na ito? Nakaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo?” Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayahang isagawa ang kanilang gawain at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin sa oras ng pagtataguyod at paglilinang o bago ang pagtataguyod at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang. Hindi dapat magkaroon ng anumang mataas na ekspektasyon ang mga tao o ng mga di-makatotohanang hinihingi sa mga itinataguyod at nililinang; hindi makatwiran iyan, at hindi patas sa kanila. Maaari ninyong pangasiwaan ang kanilang gawain. Kung may madiskubre kayong mga problema o bagay na labag sa mga prinsipyo habang nagtatrabaho sila, maaari ninyong ipaalam ang isyu at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito. Ang hindi ninyo dapat gawin ay hatulan, kondenahin, batikusin, o ihiwalay sila, dahil lang sa nasa panahon sila ng paglilinang, at hindi sila dapat ituring na mga taong nagawa nang perpekto, lalo nang hindi mga taong walang kapintasan, o bilang mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. … Kaya, ano ang pinakamakatwirang paraan ng pagtrato sa kanila? Ang ituring sila bilang mga karaniwang tao at, kapag kinakailangan mong kumonsulta sa isang tao tungkol sa isang problema, ang makipagbahaginan ka sa kanila at matuto mula sa kalakasan ng bawat isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsabilidad ng lahat na subaybayan kung gumagawa ba ang mga lider at manggagawa ng totoong gawain, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay pasok sa pamantayan. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya maasikaso at maayos ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat alisin kaagad sa kanyang posisyon. Kailangang may mapiling iba, at hindi dapat maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa sarili at sa iba, hindi ito makakabuti kahit kanino(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo sa pakikitungo sa mga lider at manggagawa. Nasa panahon pa ng pagsasanay ang mga lider at manggagawa; hindi pa nila nakakamit ang kaligtasan o ang pagiging perpekto at mga tiwaling tao rin sila. Dapat natin silang itrato nang tama: Kung katiwalian lang ang ibinubunyag ng isang lider o may mga paglihis siya sa gawain dahil sa maikling panahon ng pagsasanay na hindi naman mabibigat na isyu, dapat tulungan o pungusan natin siya nang may pagmamahal. Pero kung mahina ang kakayahan ng isang lider o manggagawa, kulang ng abilidad sa paggawa, at hindi niya kayang gumawa ng aktuwal na trabaho, o kung may mga problema sa pagkatao ng isang lider at mali ang landas na sinusundan niya, at wala siyang nagagawang aktuwal na trabaho, kung gayon, ang patuloy na pagtalaga sa gayong lider ay makaaantala sa buhay pagpasok ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Kapag nakakadiskubre ng gayong mga huwad na lider, kailangan natin silang ilantad at iulat. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na kung hindi natin makita nang malinaw ang isang bagay ay maaari na tayong magpahinga lang at ipagwalang-bahala ito o na hindi na natin kailangang isagawa ang katotohanan. Sa halip, sa mga suliranin at problema na hindi natin mahiwatigan nang malinaw, dapat nating hanapin ang mga nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan sa kanila, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, o iulat ang mga bagay na ito sa mga nakatataas na lider. Kahit na may naiulat pa tayo na mali, hindi ito mahalaga; ang pinakamahalagang bagay ay ang malutas ang problema. Kung paupo-upo lang tayo at walang ginagawa dahil hindi natin makita nang malinaw ang isang bagay o dahil natatakot tayong makapag-ulat nang mali, at lalong lumala ang sitwasyon habang nangyayari ang mga bagay-bagay, napipinsala ang mga interes ng iglesia at naaantala ang gawain ng iglesia, magiging huli na ang lahat para magsalita pa ng anuman, at hindi na maibabalik sa dati ang mga bagay na napinsala na. Dati, hindi ako naging malinaw sa kung ano ang masasabing paggambala at panggugulo, pero kalaunan, sa pamamagitan ng paghahanap at pagbabahaginan, mas naunawaan ko ito. Kung maibibilang mang panggagambala at panggugulo ang kilos ng isang tao ay pangunahing nakadepende kung tama ba ang kanyang mga intensyon at kung totoo ba ang mga isyu na iniuulat niya at kung kaugnay ba rito ang mga interes ng iglesia o ang mga prinsipyo. Kung tama ang kanyang mga intensyon, totoo ang iniuulat niya at para ito sa kapakanan ng pagprotekta sa mga interes ng iglesia, kung gayon, kahit hindi pa niya nakikita nang malinaw kung huwad ba ang isang lider sa pagkakataong iyon, ang pag-uulat sa mga problemang nakikita niya batay sa mga katunayan ay pagprotekta sa gawain ng iglesia at hindi ito panggagambala at panggugulo. Subalit, kung mali ang kanyang mga intensyon, at may lihim siyang mga motibo gaya ng pakikipag-agawan sa kapangyarihan, pagpuna sa mga paglihis sa gawain ng lider para palakihin ang problema, para mapatalsik ito at palitan sa puwesto, o pagkikimkim ng hinanakit dahil sa pagpupungos ng lider, paghahanap ng mali at pagbaluktot sa mga katunayan upang batikusin at husgahan ang lider para maglabas ng personal na sama ng loob, o pamimintas sa lider ayon sa sarili niyang mapagmataas na disposisyon, pinagdidiskitahan ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng lider, mga paglihis, isyu, kakulangan o pagkukulang sa mga tungkulin nito, at pagrereklamo sa bawat pagkakataon at paghahanap ng paraan para makalamang nang hindi bumibitaw, ito ay panggagambala at panggugulo. Pagkatanto nito, mas naunawaan ko ang pagkakaiba sa pagitan ng normal na paghahanap at pag-uulat sa mga isyu at ng panggagambala at panggugulo.

Matapos maunawaan ang mga prinsipyo, naisip ko ulit ang tungkol sa mga isyu ni Wendy, at napagtanto kong hindi pala isang malaking isyu ang pagsasabuhay niya ng hindi magandang pagkatao at maitutuwid ito sa pamamagitan ng tamang patnubay at pagtulong sa tamang pagkakataon. Gayumpaman, ang kanyang madalian at walang prinsipyong mga pagsasaayos ay nakaabala sa mga tungkulin ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Hindi rin niya pinagtuunan ng pansin ang kanyang mga pangunahing responsabilidad, wala siyang tunay na pagpapahalaga sa pasanin, at nabigo siyang makakuha ng mga resulta sa gawaing pinangangasiwaan niya at hindi niya nilutas ang mga kalagayan at isyu ng mga kapatid. May kaugnayan ang mga bagay na ito sa kakayahan niyang gumawa at kung may nagawa ba siyang totoong trabaho. Bagama’t hindi ko makita ang mga bagay na ito nang malinaw at hindi ko siya maihanay bilang isang huwad na lider, maaari akong gumawa ng isang ulat at humingi ng patnubay. Dahil intensyon kong huwag siyang pahirapan o huwag makalamang laban sa kanya, ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaangkop. Hindi ko maaaring gamitin bilang dahilan ang “Kung hindi ko makita nang malinaw ang isang bagay, ang pag-uulat rito nang mali ay magdudulot ng pagkagambala at kaguluhan” para malusutan ang bagay na ito. Pagiging iresponsable iyon sa gawain ng iglesia at isang pagpapamalas ng hindi pagprotekta sa mga interes ng iglesia o hindi pagsasagawa ng katotohanan.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. … Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano ay magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong pigilan ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga may katotohanang realidad ay nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kapag may kinakaharap silang mga sitwasyon, kumikilos sila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may nakikita silang mga isyu na nakakapinsala sa mga interes ng iglesia o nakakagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi sila tatayo lang nang walang pakialam o babalewalain ang mga ito, ni hindi rin nila inuunang mapanatili ang kanilang mga relasyon sa iba o protektahan ang pansarili nilang mga interes. Sa halip, tumutuon sila sa pagprotekta sa mga interes at gawain ng iglesia. May lakas sila ng loob para ilantad ang mga negatibong bagay at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo, at may pagpapahalaga sila sa kanilang pasanin at responsable sila sa kanilang mga tungkulin. Ngayong isinaayos na ng Diyos na makita ko ang mga isyu ni Wendy, may pananagutan akong alamin pa at lutasin ang mga ito. Hindi ako maaaring magbulag-bulagan. Kailangan kong ilantad ang mga isyung ito at humingi ng patnubay mula sa mga nakatataas na lider. Kahit ano pa ang maging tingin sa akin ng mga kapatid o makaranas man ako ng panunupil o pagpapahirap, kailangan kong kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat akong manalig sa Diyos at manampalataya sa Kanyang katuwiran. Habang naiisip ko ang mga ito, binitiwan ko na ang aking mga alalahanin. Kalaunan, nilapitan ko ang isang nakatataas na lider para iulat ang mga isyu. Nakinig ang lider nang mabuti at matiyaga, hinihikayat ako na magsalita nang lantaran tungkol sa kung anuman ang nakita ko. Sinabi niya na partikular na sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos ang mga tunay na makapaglalantad at makapag-uulat ng mga huwad na lider at anticristo, at na gumagaan ang loob ng Diyos dahil sa gayong mga tao. Kaya, idinetalye kong lahat ang mga problema ni Wendy. Naramdaman din ng lider na may problema kay Wendy, sinasabing tuwing tinitingnan niya ang trabaho ni Wendy, magbibigay si Wendy ng mga positibong ulat, pero wala naman itong aktuwal na progreso. Naisip din ng lider na tingnang mabuti ang ginagawang paggampan ni Wendy.

Kinabukasan, hiniling ng lider sa mga kapatid na nakakakilala kay Wendy na magsulat sila ng mga ebalwasyon. Nakakagulat ang mga naging resulta— mas malala pa pala ang mga isyu ni Wendy kaysa sa inakala ko. Mula sa mga ebalwasyon ng mga kapatid, nakita ko na habang mukhang abala si Wendy, dumadalo araw-araw sa mga pagtitipon online, madalas na hindi nahuhuli sa mga pagtitipon, at gumugugol nang maraming oras sa mga pagtitipon, ang mga pagbabahaginan niya ay mga salita at doktrina lamang, at hindi niya malutas ang mga aktuwal na problema. Minsan, may isang sister, na nasa isang negatibong kalagayan ang aktibong naghanap sa kanya para makipagbahaginan, ilang beses siya nitong pinadalhan ng mga mensahe, pero hindi kailanman dumating si Wendy para tulungan ito. Nang sa wakas ay may mapagkasunduan na silang oras, bago pa man nagsimula ang pagbabahaginan, iniwan na ni Wendy ang sister nang mag-isa at umalis para mag-asikaso ng mga personal na bagay, na nagpapakita ng isang partikular na kawalang pakialam at pagiging makasarili. Bihirang-bihira niyang tingnan o kumustahin ang lagay ng mga tungkulin ng mga kapatid, at kapag ginagawa man niya ito paminsan-minsan, pabasta-basta niya lang itong ginagawa. Hindi niya maagap na tinutukoy o nilulutas ang iba’t ibang isyu at mga suliranin, at hindi niya talaga tinutupad ang gampanin ng isang lider. Kapag nakita niyang hindi naging maganda ang resulta ng pagganap ng mga kapatid ng kanilang tungkulin, paaalalahanan at mamanduhan niya lang ang mga ito na para bang isa siyang foreman sa isang pabrika. Pagdating naman sa mga aktuwal na isyu tulad ng kung saan nahinto ang kanilang mga tungkulin at kung paano makakahanap ng mga solusyon, hindi niya kailanman inintindi ang mga iyon. Bukod dito, wala siyang mga prinsipyo sa pagtatalaga ng mga tao sa ibang tungkulin. Itinalaga niya ang dalawang mahahalagang manggagawa sa ebanghelyo para mag-asikaso ng mga pangkalahatang tungkulin, na hindi nagtagal ay nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo, kaya naman ibinalik niya ang mga ito sa dati nilang mga tungkulin. Ganoon din ang ginawa niya sa paghahanap ng mga magdidilig, hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang sitwasyon ng mga tungkulin ng mga kapatid, at basta-basta na lamang niyang pinipili kung sino ang iniisip niyang angkop nang hindi ito pinag-iisipan nang mabuti, na humahantong sa pagkagambala sa mga tungkulin ng mga kapatid at pagkaantala sa gawain ng iglesia…. Sa pagkalantad ng mga kapatid sa bawat isa sa kanyang mga pag-uugali, malinaw na hindi lamang nabigo si Wendy na pasulungin ang gawain ng iglesia na responsabilidad niya kundi nahadlangan pa nga niya ito.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin para mas maunawaan nang mabuti ang diwa ng mga pag-uugali ni Wendy. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Paano dapat husgahan ng isang tao kung tinutupad ba ng isang lider ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, o kung huwad na lider ba ito? Sa pinakapayak na antas, kailangang tingnan kung may kakayahan ba siyang gumawa ng totoong gawain, kung may ganito ba siyang kakayahan o wala. Pagkatapos, dapat tingnan kung may pasanin ba siya na gawin nang maayos ang gawaing ito. Huwag pansinin kung gaano kaganda pakinggan ang kanyang mga sinasabi o kung gaano niya tila nauunawaan ang mga doktrina, at huwag pansinin kung gaano siya kahusay at kagaling sa pangangasiwa ng mga panlabas na usapin—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay kung nagagawa ba niyang isagawa nang wasto ang mga pinakapangunahing aytem ng gawain ng iglesia, kung kaya ba niyang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at kung naaakay ba niya ang mga tao tungo sa katotohanang realidad. Ito ang pinakapangunahin at mahalagang gawain. Kung hindi niyo kayang gawin ang mga aytem na ito ng tunay na gawain, gaano man siya kahusay, gaano man kalaki ang talento niya, o gaano man katinding paghihirap ang kailangan niyang tiisin o gaano man kalaking halaga ang kailangan niyang bayaran, huwad na lider pa rin siya. Sabi ng ilang tao, ‘Kalimutan ninyo na wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain ngayon. Mahusay siya at may kakayahan. Kung magsasanay siya sandali, tiyak na makagagawa siya ng tunay na gawain. Bukod pa riyan, wala siyang nagawang anumang masama at wala siyang nagawang kasamaan o hindi siya nagsanhi ng mga pagkagambala o panggugulo—paano Mo nasasabing siya ay huwad na lider?’ Paano natin ito maipaliliwanag? Hindi mahalaga kung gaano ka kahusay, kung anong antas ng kakayahan at edukasyon ang taglay mo, kung gaano karaming sawikain ang kaya mong isigaw, o kung gaano karaming salita at doktrina ang naaarok mo; kung gaano ka man kaabala o kapagod sa isang araw, o kung gaano kalayo na ang iyong nalakbay, kung ilang iglesia na ang iyong binisita, o kung gaano kalaking panganib ang iyong hinarap at pagdurusang tiniis—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ginagampanan mo ba ang iyong gawain nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung tumpak mo bang naipatutupad ang mga pagsasaayos na iyon; kung sa ilalim ng iyong pamumuno ay nakikilahok ka ba sa bawat partikular na gawain na iyong responsabilidad, at kung ilang tunay na isyu ang talagang nalutas mo; kung ilang indibidwal ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong pamumuno at paggabay, at kung gaano umusad at umunlad ang gawain ng iglesia—ang mahalaga ay kung nakamit mo ba o hindi ang mga resultang ito. Anuman ang partikular na gawaing kinabibilangan mo, ang mahalaga ay kung palagi ka bang sumusubaybay at nagdidirekta ng gawain sa halip na umaastang mataas at makapangyarihan at nag-uutos lamang. Bukod dito, ang mahalaga rin ay kung may buhay pagpasok ka ba o wala habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung kaya mo bang harapin ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, kung may patotoo ka ba ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung kaya mo bang harapin at lutasin ang mga tunay na isyung kinakaharap ng mga hinirang na tao ng Diyos. Ang mga ganitong bagay at iba pang katulad nito ay pawang mga pamantayan sa pagsusuri kung tinutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 9). “Ang mga huwad na lider ay talagang walang kakayahang gawin ang mahalaga, kritikal na gawain sa iglesia. Pinapangasiwaan lang nila ang ilang simple, pangkalahatang usapin; walang kritikal o mapagpasyang papel ang gawain nila sa kabuuang gawain ng iglesia, at hindi ito nagbubunga ng mga tunay na resulta. Ang pakikipagbahaginan nila ay pangunahing tumatalakay lang sa mga gasgas at pangkaraniwang paksa, pawang paulit-ulit na salita ito at doktrina at lubha itong walang kabuluhan, malawak, at kulang sa detalye. Ang pakikipagbahaginan nila ay naglalaman lang ng mga bagay na kayang maunawaan ng mga tao kapag literal nilang binabasa ang isang bagay. Hindi man lang kayang lutasin ng mga huwad na lider na ito ang mga tunay na problema ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok; sa partikular, mas lalong hindi nila kayang lutasin ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Ang pangunahing bagay ay hindi talaga kayang pasanin ng mga huwad na lider ang mahalagang gawaing isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, tulad ng gawain sa ebanghelyo, paggawa ng mga pelikula, o gawaing batay sa teksto. Sa partikular, pagdating sa gawaing nangangailangan ng propesyonal na kaalaman, kahit na alam ng mga huwad na lider na baguhan sila sa mga larangang ito, hindi nila inaaral ang mga ito, hindi rin sila nagsasaliksik, at lalong hindi nila kayang magbigay ng partikular na gabay o lutasin ang mga problemang nauugnay sa mga ito. Gayumpaman, walang-kahihiyan pa rin silang nagdaraos ng mga pagtitipon, nagsasalita nang walang katapusan tungkol sa mga walang kabuluhang teorya, at nagsasabi ng mga salita at doktrina. Alam na alam ng mga huwad na lider na hindi nila kayang gawin ang ganitong uri ng gawain, pero nagpapanggap silang mga eksperto, kumikilos nang palalo, at laging gumagamit ng mga engrandeng doktrina para sitahin ang iba. Hindi nila kayang sagutin ang mga tanong ng sinuman, pero naghahanap sila ng mga dahilan at palusot para sitahin ang iba, tinatanong nila kung bakit hindi nila pinag-aaralan ang propesyon, kung bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan, at kung bakit hindi nila kayang lutasin ang sarili nilang mga problema. Ang mga huwad na lider na ito, na mga baguhan sa mga larangang ito at hindi kayang lumutas ng anumang problema, ay patuloy pa ring nangangaral sa iba na parang mataas ang posisyon nila. Sa panlabas, mukhang napakaabala nila sa mata ng iba, na parang marami silang kayang gawin at napakagaling nila, pero sa realidad, wala silang kuwenta. Ang mga huwad na lider ay malinaw na walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, pero masigasig silang nagpapakaabala, at palagi nilang sinasabi ang mga gasgas na pahayag sa mga pagtitipon, paulit-ulit ang sinasabi nila, nang walang nalulutas ni isang tunay na problema. Sawang-sawa na ang mga tao rito, at wala talaga silang nakukuhang anumang pagpapatibay mula rito. Ang ganitong uri ng gawain ay labis na hindi epektibo, at wala itong ibinubungang resulta. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider, at naaantala ang gawain ng iglesia dahil dito. Gayumpaman, nararamdaman pa rin ng mga huwad na lider na gumagawa sila ng mahusay na gawain at na napakagaling nila, gayong ang totoo ay hindi nila nagawa nang maayos ang alinmang aspekto ng gawain ng iglesia. Hindi nila alam kung ang mga lider at manggagawang nasa saklaw ng responsabilidad nila ay pasok sa pamantayan, at hindi rin nila alam kung ang mga lider at superbisor ng iba’t ibang grupo ay kayang pasanin ang kanilang gawain, at hindi rin nila pinapahalagahan o itinatanong kung may mga problema bang lumitaw sa paggampan ng mga kapatid sa mga tungkulin nila. Sa madaling salita, hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang anumang problema sa gawain nila, pero nananatili silang masigla habang abala. Sa perspektiba ng ibang tao, ang mga huwad na lider ay kayang sumailalim sa paghihirap, handang magbayad ng halaga, at araw-araw silang abala. Kapag oras na ng pagkain, kailangan pa silang tawagin sa hapag, at natutulog sila nang dis-oras ng gabi. Pero sadyang hindi maganda ang mga resulta ng gawain nila. … Ang pinakahalatang kinahihinatnan ng pagkakaroon ng huwad na lider sa gawain nang matagal-tagal na ay na hindi nauunawaan ng karamihan ng tao ang katotohanan, hindi nila alam kung paano kumilatis kapag ang isang tao ay nagbubunyag ng katiwalian o bumubuo ng mga kuru-kuro, at tiyak na hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong dapat itaguyod sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ang mga gumaganap ng mga tungkulin nila at ang mga hindi ay pawang mga tamad, walang pagpipigil at walang disiplina, at magulo tulad ng nakasabog na buhangin. Karamihan sa kanila ay nakakapagsalita ng ilang salita at doktrina, pero habang ginagawa ang mga tungkulin nila, sinusunod lang nila ang mga regulasyon; hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Dahil ang mga huwad na lider mismo ay hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano nila aakayin ang iba na gawin ito? Anuman ang mangyari sa ibang tao, puwede lang silang payuhan ng mga huwad na lider sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘Dapat maging mapagsaalang-alang tayo sa mga layunin ng Diyos!’ ‘Dapat maging matapat tayo sa paggampan ng mga tungkulin natin!’ ‘Kapag may nangyayari sa atin, dapat matuto tayong magdasal, at dapat nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo!’ Madalas na sumisigaw ng mga ganitong islogan at doktrina ang mga huwad na lider, pero wala itong ibinubungang anumang resulta. Matapos marinig ng mga tao ang mga ito, hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at wala silang landas ng pagsasagawa(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3). Ang ugali ni Wendy ay ganoong-ganoon sa inilantad ng mga salita ng Diyos. Tumutok lang siya sa pagmumukhang abala, ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, sumusunod sa mga pormalidad, at binibigyang-diin ang pagbigkas ng mga islogan, salita at doktrina sa pagganap ng tungkulin. Hindi siya nakihalubilo nang husto sa mga kapatid, at nabigo siyang makita ang aktuwal nilang mga kalagayan at suliranin, lalo namang hindi niya hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyung ito. Para siyang isang opisyal ng Partido Komunista na naglalabas ng mga kautusan mula sa itaas nang hindi tunay na nauunawaan ang kalagayan ng mga tao. Maliwanag na isa siyang huwad na lider na walang ginawang totoong trabaho. Kinalaunan, nagkaroon ng pagtitipon ang mga lider para kilatisin ang mga pag-uugali ni Wendy ayon sa mga salita ng Diyos. Nagkaroon ang lahat ng mas malinaw na pagkaunawa ng mga prinsipyo sa pagkilatis ng mga huwad na lider. Napagtanto nila na ang batayan para matukoy kung gumagawa ba ng totoong trabaho ang isang lider ay hindi sa kung gaano siya kamukhang abala o kung gaano kalakas siyang sumigaw ng mga islogan, kundi kung kaya ba niyang lumutas ng mga totoong problema at magkamit ng mga tunay na resulta sa kanyang gawain. Sa bandang huli, nagkakaisang sumang-ayon ang lahat na tanggalin si Wendy. Pagkakita ng resultang ito, nasabik ako nang husto, pero nagsisi rin ako na hindi ko iniulat ang kanyang mga problema nang mas maaga. Kung iniulat ko ang mga ito nang mas maaga, naiwasan sana ang mga kawalan sa gawain ng iglesia.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutuhan kong mas kilatisin ang mga huwad na lider at nakakuha ako ng kaunting kaalaman tungkol sa sarili kong tiwaling disposisyon. Nakita ko kung gaano ako kamakasarili at kamapanlinlang, lagi kong pinoprotektahan ang sarili ko at isinasakripisyo ko pa nga ang mga interes ng iglesia para maprotektahan ang sarili kong interes sa mahahalagang sandali. Kung hindi nalutas ang mga satanikong disposisyong ito sa loob ko, tiyak na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Itinama ko rin ang isang nakalilinlang na pananaw. Dati, hindi ako nangangahas na mag-ulat ng mga bagay-bagay na hindi ko naman malinaw na naiintindihan, sa takot na hindi magiging komprehensibo ang pananaw ko at na papapanagutin ako kung may naiulat ako nang mali, na para bang kailangan kong maging 100% na sigurado at hindi mapapasubalian bago ko maiulat ang anumang bagay sa nakatataas na pamunuan. Pero, sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, maraming huwad na lider, anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya ang hindi makikilala at mapakikitunguhan sa tamang panahon, at kapag nakapagdudulot na sila ng malalaking kawalan sa gawain ng iglesia o nakagawa na sila ng lahat ng uri ng kasamaan at nakalikha na sila ng malawakang pagkakagulo, huli na ang lahat para tanggalin pa sila o paalisin, at nakapaminsala na sila. Nakita ko na ang dati kong ipinag-aalala na “Kung hindi ko makita ang isang bagay nang malinaw, ang pag-uulat dito nang mali ay makalilikha ng pagkagambala at kaguluhan” ay katawa-tawa. Isa rin itong tusong satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pamamagitan ng karanasang ito, talagang naramdaman ko na ang sambahayan ng Diyos ay pinamamahalaan ng katotohanan at ng katuwiran, na hindi makakapamayani sa sambahayan ng Diyos ang mga huwad na lider at anticristo, at na partikular na sinusuportahan at itinataguyod ng sambahayan ng Diyos ang mga makatarungang paglalantad at pag-uulat ng mga huwad na lider. Tanging sa pagiging isang taong nagsasagawa ng katotohanan at nagpoprotekta sa mga interes ng iglesia, maaaring maging nakaayon sa mga layunin ng Diyos ang isang tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman