Ang Kawalang-Katuturan ng Pagpapasikat
Noong Hunyo 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Umaasam ng mas maraming katotohanan, nagbabad ako sa kagalakan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa panonood ng mga pelikula tungkol sa ebanghelyo. Unti-unti, naunawaan ko ang maraming misteryo ng katotohanan, tulad ng kuwento sa likod ng Bibliya, ang realidad ng katiwalian ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga misteryo ng pagkakatawang-tao at ng pangalan ng Diyos, ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, at iba pa. Natutuhan ko rin na malapit nang magwakas ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, na nagsimula na ang pinakamalalaking sakuna, at na ang pagtanggap ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang nag-iisang landas para maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Kaya naman, aktibo kong ipinalaganap ang ebanghelyo at nagpatotoo sa Diyos para suklian ang Kanyang pagmamahal. Kalaunan, sumulat ako ng isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan tungkol sa kung paano ko tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Isang sister ang nagbasa nito at masaya niyang sinabi, “Kapatid, mayroon kang napakagaling na kakayahang umarok at malawak na kabatiran.” Pagkarinig dito, nasiyahan ako nang kaunti sa sarili ko, iniisip na napakahusay ng aking kakayahan.
Pagkalipas ng ilang buwan, naging lider ako ng grupo at naging responsable sa pagdidilig sa isang grupo ng mga kapatid. Sa bawat pagtitipon, pagkatapos kong magbahagi, sinasabi ng lahat ng mga kapatid na magaling ang kakayahan kong umarok, na lubos na nakapagbibigay-liwanag ang pagbabahagi ko, at na pagkatapos marinig ang pagbabahagi ko, naunawaan na nila ang ilang isyu na dati ay malabo sa kanila. Naisip ko, “Kailan ko lang tinanggap ang gawain ng Diyos at kaya ko na agad magdilig sa ibang baguhan, dagdag pa rito ay nakatanggap din ako ng papuri mula sa mga kapatid. Mukhang mas magaling ako kaysa sa iba.” Pagkatapos, para bigyan ng mataas na pagpapahalaga at kilalanin ng mas marami pang mga kapatid, mas pinagbutihan ko ang pagtatrabaho kaysa dati. Maaga akong naghahanda bago ang bawat pagtitipon, hinahanap ang mga salita ng Diyos at ang mga pelikula na nauugnay sa paksa ng pagtitipon. Sa tuwing may nakikita akong liwanag mula sa pagbabahaginan sa isang pelikula, isusulat ko iyon at ibabahagi sa pagtitipon ang tungkol doon. Naisip ko, “Kung magkakamit nang higit pa ang mga kapatid mula sa mga pagbabahagi ko, siguradong lalo nila akong hahangaan at titingalain.” Hindi nagtagal, pinili ako ng mga kapatid bilang lider ng iglesia. Naisip ko, “Talaga ngang mas magaling ako kaysa sa iba; kung hindi ay bakit ako pipiliin ng lahat?” Hangang-hanga talaga ako sa sarili ko. Kalaunan, narinig ko sa ilang kapatid na naging negatibo sila dahil naiinggit sila sa akin. Bukod sa hindi ako nalungkot nang marinig ito, masayang-masaya pa ako, dahil pinatutunayan nito na talagang napakahusay ng kakayahan kong umarok. Kapag nagtatanong ang mga baguhang nadiligan ko dati tungkol sa ginagawa kong tungkulin, may pagmamalaki kong sinasabing, “Lider na ako ng iglesia ngayon.” Gusto kong malaman nilang hindi na ako isang ordinaryong lider lang ng grupo at hindi na nila ako dapat itrato bilang isang ordinaryong kapatid. Noong panahon ko bilang isang lider ng iglesia, naging mas abala ako kaysa dati. Araw-araw, marami akong binabasang mga salita ng Diyos at pinanonood na mga pelikula tungkol sa ebanghelyo upang masangkapan ang sarili ko. Dahil sa mga pagtitipon at sa pagsagot ng mga tanong mula sa mga baguhan, madalas akong hindi makakain o makapagpahinga sa oras. Medyo nagrereklamo ako sa loob-loob ko, pero dahil alam kong tungkulin ko ito, ipinagpatuloy ko pa rin ito. Sa mga pagtitipon, madalas kong ibahagi sa mga kapatid kung paano ako nagdusa at nagsangkap ng katotohanan sa aking sarili, at kung paano ko ginugol ang aking sarili para sa Diyos. Binanggit ko ang araw-araw na pagiging abala sa pagganap ng aking tungkulin, kung paanong madalas akong hindi makakain sa tamang oras, at iba pa. Gayumpaman, hindi ko kailanman binanggit ang mga reklamo ko. Pagkatapos marinig ang lahat ng ito, humanga talaga sa akin ang mga kapatid. Pinuri nila ako sa pagbabalikat ng pasanin sa aking tungkulin at sa pagkakamit ng mga bagay-bagay na hindi nila nagawa, at nagpahayag sila na gusto nilang matuto mula sa akin. Masayang-masaya ako nang marinig ito. Pagkatapos, lagi na akong nagbabahagi nang gayon sa mga pagtitipon, ayokong isipin ng mga kapatid na hindi ko kayang tiisin ang pagdurusa. Kung maiisip nila iyon, wala nang sinumang rerespeto pa sa akin. Unti-unti, nagsimulang umasa sa akin ang mga kapatid, at anumang mga paghihirap o problema ang makaharap nila sa kanilang mga tungkulin, halos hindi na sila kailanman umasa sa Diyos at naghanap ng mga katotohanang prinsipyo, at sa halip ay pinili nilang humingi ng tulong sa akin.
Isang beses, dahil matagal akong tumutok sa aking computer at telepono, namula, nangati, at nanakit ang aking mga mata, mabilis na lumabo ang paningin ko, at hindi ko makita nang malinaw ang mga bagay. May nagsabi sa akin na medyo malubha ang mga sintomas na ito, at na kung hindi ako agad makapagpapagamot, posibleng mabulag ako. Nang mga oras na iyon, takot na takot ako. Medyo negatibo ako, at nagreklamo ako, iniisip ko na, “Nagsumikap ako sa aking tungkulin; bakit nakakuha pa rin ako ng ganitong sakit?” Naapektuhan din ang aking tungkulin dahil sa problema ko sa aking mga mata. Kalaunan, may nagsabi sa akin tungkol sa isang natural na panlunas, at tuluyang bumuti ang paningin ko. Gayumpaman, sa mga pagtitipon, ikinukuwento ko lang ang magagandang bagay tungkol sa akin, binibigyang-diin ko na gaano man kaabala ang aking tungkulin at gaano mang pagdurusa ang idinulot ng problema ko sa mga mata, hindi ako sumuko sa aking tungkulin. Sinabi ko pa na isa itong pagsubok mula sa Diyos at na kailangan kong manindigan sa aking patotoo. Pero pagdating sa aking mga kahinaan, mga pag-aalala at mga takot, at ang mga maling pagkaunawa at mga reklamo ko tungkol sa Diyos, wala akong sinabi, ayokong malaman ng mga kapatid na may mga kahinaan din ako. Pagkatapos nilang marinig ang pagbabahagi ko, humanga at tiningala ako ng lahat ng mga kapatid, sinasabi nilang napakaganda ng karanasan ko. Sinabi rin ng ilang kapatid, “Tunay na may tayog ang kapatid na ito. Naharap siya sa isang gayong kalubhang sakit, pero hindi siya naging negatibo at nagawa pa ring ipagpatuloy ang paggampan sa kanyang tungkulin. Kung ako iyon, baka hindi ko nagawa ang gayon.” Tuwang-tuwa ako pagkatapos marinig ang mga salitang ito, at hindi ko napigilang isipin na, “Kahit na bata pa ako at baguhan pa lang, mas magaling ang kakayahan ko kaysa sa ibang mga kapatid, at mas matiyaga kong hinahanap ang katotohanan kaysa sa kanila.” Ngunit pagkatapos ng pagtitipon na iyon, nakaramdam ako ng kakaiba at hindi maipaliwanag na takot. Katulad na lang noong nakagawa ako ng mali noong bata pa ako at alam kong didisiplinahin ako ng aking mga magulang. Ni hindi ako makakain ng kahit ano, at balisang-balisa ako. Hindi ko maiwasang pagnilayan ang aking sarili, naisip ko na, “Hindi ba akma ang pagbabahaging ginawa ko sa pagtitipon?” Nang maisip ko kung paanong hindi ako nagbahagi ng tungkol sa tunay kong sarili sa pagtitipon at kung paano ko itinago ang mga kahinaan ko, napagtanto kong mali ang aking layunin, at nakaramdam ako ng labis na paninisi sa sarili.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Itinataas at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang mga sarili nila? Paano nila natatamo ang layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, malulupit na diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nila ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nadama ko ang kabanalan at katuwiran ng Diyos; siniyasat ng Diyos ang lahat ng bagay at isiniwalat ang lahat ng nakatago sa loob ko. Isiniwalat ng Diyos na ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin o ginagawa ang anumang bagay, hindi nila sinasadyang dakilain ang kanilang mga sarili at magpakitang-gilas, na may layuning maitatag ang kanilang katayuan at imahe sa puso ng iba at makamit ang mataas na pagtingin at pagsamba ng iba. Ang lahat ng ito ay nangyayari sa ilalim ng kontrol ng kanilang tiwaling satanikong kalikasan. Napagtanto ko na lagi akong nagkukuwento sa harap ng mga kapatid tungkol sa kung gaano kalaking pagdurusa ang tiniis ko sa aking tungkulin, naglalayong ipakita sa lahat na kaya kong magtiis at magbayad ng halaga at na tapat ako sa Diyos, ginagamit ito para makamit ang papuri at respeto ng lahat. Sa mga pagtitipon, ang ikinukuwento ko lang ay ang mabubuting bagay tungkol sa akin, ibinabahagi kung paano ako umasa sa Diyos at nanindigan sa aking patotoo habang may sakit at gusto kong ipangalandakan sa lahat na mas mataas ang tayog ko kaysa sa iba. Gayumpaman, pagdating sa mga katiwalian at mga kahinaan na naibunyag ko noong may sakit ako, itinikom ko ang aking bibig, natatakot ako na kung malaman ng mga kapatid ang tunay kong tayog, na hindi na nila ako irerespeto o sasambahin. Dahil palagi kong dinadakila ang aking sarili at nagpapasikat, madalas lumapit sa akin ang mga kapatid na dala ang kanilang mga problema at paghihirap sa halip na maisip nila na manalangin at umasa sa Diyos. Nananampalataya ba talaga ako sa Diyos at ginagawa ang aking tungkulin? Hindi ba at inililigaw at binibitag ko ang mga tao? Pinili ako ng mga kapatid para maging isang lider, ngunit hindi ko dinakila ang Diyos o nagpatotoo man sa Kanya, ni dinala sila sa harap Niya. Sa halip, hinayaan ko silang sumamba at umasa sa akin. Tunay akong kasuklam-suklam at kahiya-hiya; dapat nga talagang kasuklaman ako ng Diyos!
Nang mga sandaling iyon, naalala ko itong mga salita ng Diyos na nabasa ko noon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Himayin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na palagi kong dinadakila at ibinabandera ang aking sarili na ang pangunahing dahilan ay ang mapagmataas kong kalikasan. Dahil sa likas kong kayabangan at kapalaluan, walang lugar sa puso ko para sa Diyos, at minaliit ko ang iba. Mahilig akong magpasikat at magmalaki ng aking sarili sa harap ng mga tao, hinahangad ang paghanga at papuri nila. Bunsod ng likas kong kayabangan, hindi ako handang magtrabaho nang hindi nalalaman ng iba at gumawa ng mga bagay-bagay nang may pagpapakumbaba; gusto ko palaging mamukod-tangi sa madla. Hindi ba’t tinatahak ko ang parehong landas ng paglaban sa Diyos na ginawa ni Pablo? Noong nangaral siya at gumawa para sa Panginoon, sumulat ng maraming liham si Pablo sa mga iglesia ng panahong iyon, madalas na itinataas niya ang kanyang sarili at nagpapatotoo tungkol sa pagdurusa niya at sa paggugol niya ng sarili para sa Panginoon, na nagbunsod sa maraming tao para sambahin at tingalain siya. Kahit na labis na nagdusa si Pablo habang nangangaral at gumagawa, hindi siya kailanman nagpatotoo sa mga salita ng Panginoon at hindi siya nagdala ng mga mananampalataya sa harapan ng Panginoon. Sa halip, dinala niya ang mga ito sa kanya. Hindi niya kailanman pinagnilayan ang sarili niyang mga ambisyon at motibo, inakala pa ngang marami siyang tinalikdan at ginugol para sa Diyos at naniwalang ilalaan para sa kanya ang korona ng katuwiran. Sa huli, nagpatotoo pa siya na para sa kanya, ang mabuhay ay si Kristo, pinasusunod ang iba sa kanyang halimbawa. Napakayabang ng kalikasan ni Pablo, at sa huli, pinarusahan siya ng Diyos dahil sa malubhang pagsalungat sa disposisyon ng Diyos. Kung ihahambing ko ito sa sarili kong pag-uugali, nakita kong palagi ko ring itinataas ang aking sarili at nagpapasikat ako sa aking tungkulin, ipinapakita sa mga kapatid na mas magaling ako kaysa sa kanila sa lahat ng paraan para makamit ko ang paghanga at pagsamba nila. Nang mataas na ang pagtingin sa akin ng lahat ng mga kapatid at pinupuri nila ako dahil sa mahusay kong kakayahan at sa abilidad kong magdusa at magbayad ng halaga sa aking tungkulin, bukod sa hindi ako nakaramdam ng takot o nagnilay sa aking sarili, natuwa pa ako rito at nasiyahan sa aking sarili. Tunay ngang likas akong mayabang at palalo, wala ni katiting na bakas ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa lahat ng ginawa ko, pagsangkap man sa aking sarili ng mga salita ng Diyos para sagutin ang tanong ng mga kapatid o pagbabahagi ng mga karanasan ko sa mga pagtitipon, ang layunin at motibo ko ay hindi ang paghahangad na maunawaan ang katotohanan, mahusay na paggawa ng aking tungkulin, o taos-pusong pagtulong sa iba. Sa halip, ang lahat ng ito ay para magtayo ng matayog na imahe sa puso ng mga tao at matamo ang paghanga nila. Ito ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos! Bilang isang lider ng iglesia, dapat kong dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Diyos at tulungan ang mga kapatid na maunawaan ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos para makalapit sila sa harapan ng Diyos, umasa sa Kanya, at humanga sa Kanya. Gayumpaman, palagi akong nagpapasikat at nagbabandera ng aking sarili, na nagresulta ng kawalan ng lugar para sa Diyos sa puso ng mga kapatid ngunit may lugar naman para sa akin. Umasa at sumamba sila sa akin sa lahat ng kanilang ginagawa. Tunay nga akong napakayabang na nawalan na ako ng lahat ng katwiran! Kahit na sa panlabas ay ginawa ko ang aking tungkulin, sa realidad, ang ginagawa ko lang ay ipahamak ang mga kapatid, inaakay ko sila palayo sa Diyos at patungo sa pagsamba sa mga tao. Pagsalungat sa disposisyon ng Diyos ang kalikasan ng mga kilos ko; tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos. Kung hindi ako nagsisi, tiyak na parurusahan at isusumpa ako ng Diyos tulad ni Pablo. Natakot ako nang mapag-isip-isip ko ito. Napagtanto ko na kung hindi pa rin ako magsisisi, mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu, mahuhulog ako sa kadiliman, at itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, likas akong napakayabang at wala akong isang pusong may takot sa Iyo. Lagi akong nagpapasikat sa harapan ng ibang tao, kaya labis Mo akong kinasusuklaman. Ayoko nang magpatuloy pa sa ganito. Pakiusap, tulungan Mo ako; handa akong magsagawa ayon sa Iyong mga hinihingi.”
Pagkatapos niyon, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Huwag mong isipin na nauunawaan mo ang lahat. Sinasabi Ko sa iyo na hindi sapat ang lahat ng nakita at naranasan mo para maunawaan mo kahit ang ika-sanlibong bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Kung gayon ay bakit napakayabang mong kumilos? Ang katiting na talento at kaunting kaalaman mo ay hindi sapat para gamitin ni Jesus kahit sa isang segundo lamang ng Kanyang gawain! Gaano ba talaga karami ang karanasan mo? Ang nakita mo at lahat ng narinig mo sa buong buhay mo at ang naisip mo ay maliit kaysa sa gawaing ginagawa Ko sa isang saglit! Ang pinakamabuti ay huwag kang mamintas at maghanap ng mali. Maaari kang magmayabang hangga’t gusto mo, ngunit isa ka lamang nilikha na ni hindi kapantay ng isang langgam! Lahat ng laman ng iyong tiyan ay mas kakaunti kaysa sa laman ng tiyan ng isang langgam! Huwag mong isipin na, komo nagkaroon ka na ng kaunting karanasan at nauna ka, may karapatan ka nang magkukumpas at magmayabang. Hindi ba ang iyong karanasan at pagkauna sa tungkulin ay bunga ng mga salitang nabigkas Ko? Naniniwala ka ba na kapalit ang mga iyon ng sarili mong pagsisikap at pagpapagod?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao). Sa pag-iisip-isip ko sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng hiya. Hindi pa nagtatagal mula noong tanggapin ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at medyo masigasig ako sa tungkulin ko, naunawaan ko ang ilang mga salita at mga doktrina, at nagkaroon ako ng ilang resulta sa aking gawain, kaya naman itinuring kong sarili kong tayog ang mga bagay na ito, nag-aakalang mas magaling ako kaysa sa iba at nauunawaan ko ang katotohanan kaysa sa kanila. Madalas ko pa nga itong gamiting kapital para magpasikat at magawang pataasin ang tingin sa akin ng iba. Tunay ngang napakayabang ko at wala akong pagkakilala sa sarili. Kaya lang ako nakapagbahagi ng kaunting pagkaunawa sa mga pagtitipon, nakasagot ng ilang tanong mula sa mga kapatid, at nagkamit ng kaunting resulta sa aking gawain ay lahat dahil sa mga salitang ipinahayag ng Diyos na nagpaunawa sa akin ng ilang katotohanan. Kung hindi dahil sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, sa mga katotohanan na ipinahayag ng Diyos, at sa pagbibigay-liwanag at pagtatanglaw ng Banal na Espiritu, kailanman ay hindi ko magagawang maunawaan ang katotohanan. Tungkol man ito sa gawain ng Diyos o sa sarili kong tiwaling disposisyon, hindi ko nagawang makita ang alinman sa mga ito. Walang kahit na ano sa akin ang karapat-dapat ipagmalaki. Gayumpaman, hindi ako naging mapagpasalamat sa pagdidilig at pagtustos ng Diyos, sa halip ay ikinabit ko ang lahat ng papuri sa aking sarili at ginamit itong kapital para magpasikat at magawang pataasin ang tingin sa akin ng iba. Tunay akong mayabang, mangmang, walanghiya, at walang katuwiran! Labis ang pasasalamat ko sa Diyos sa pagtulong sa akin na makilala ang sarili kong katiwalian, at ginusto kong magbago. Kaya, nagpatuloy ako sa paghahanap sa katotohanan, iniisip na, “Paano ko lulutasin ang tiwali kong disposisyon at hihinto sa pagdakila sa aking sarili at sa pagpapasikat? Paano ako dapat magsagawa para makadakila at makapagpatotoo sa Diyos?”
Kalaunan, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). “Una, para maunawaan ng isang tao ang mga problema at mahimay at mailantad niya ang sarili niya sa isang kinakailangang antas, dapat siyang magkaroon ng isang matapat na puso at taimtim na saloobin, at kailangan niyang sabihin kung ano ang nauunawaan niya sa mga suliranin sa disposisyon niya. Ikalawa, kung sakaling nararamdaman ng isang tao na malubha ang disposisyon niya, dapat niyang sabihin sa lahat, ‘Kung muli akong maghayag ng ganitong tiwaling disposisyon, huwag kayong mag-alangan na abisuhan ako at na pungusan ako. Kung hindi ko ito matanggap, huwag ninyo akong sukuan. Napakalala ng bahaging ito ng aking tiwaling disposisyon, at kailangan ko ang katotohanan na maibahagi nang maraming beses para mailantad ako. Malugod kong tinatanggap na mapungusan ng lahat, at umaasa ako na babantayan ako ng lahat, tutulungan ako, at pipigilan ako upang hindi maligaw ng landas.’ Ano ang ganyang saloobin? Ito ang saloobing tumatanggap sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagpapatotoo sa Diyos ay una sa lahat may kaakibat na pagpapatotoo tungkol sa kung paano hinahatulan at sinusubok ng Diyos ang mga tao, kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng isang tao sa kanyang mga karanasan, anong mga kahinaan at mga kakulangan ang napapansin ng isang tao sa kanyang sarili, anong tunay na pagkaunawa mayroon ang isang tao tungkol sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita, at anong pagkaunawa at personal na karanasan mayroon ang isang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabahagi sa lahat ng mga ito ay nangangahulugan ng tunay na pagpapatotoo sa Diyos. Para naman sa akin, ang layunin ko sa pagbabahagi sa mga pagtitipon ay para tumaas ang tingin sa akin ng ibang tao at sambahin nila ako. Ang ikinuwento ko lang ay ang panig ng pagiging mabuti at maagap ko, bihira kong banggitin ang mga kahinaan at mga katiwalian na isiniwalat ko. Pagtataas ito ng sarili at pagpapasikat, na kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Dapat akong maging isang matapat na tao, maging bukas tungkol sa aking mga katiwalian, at sabihin ang tunay kong mga iniisip, hayaan ang ibang tao na makita ang tunay na ako, habang tinatanggap din ang pangangasiwa at pagtulong ng mga kapatid. Gayon ako dapat magsagawa. Pagkatapos niyon, sa mga pagtitipon, nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa kung paano ako nagpasikat at nagpatotoo sa aking sarili, ang kasuklam-suklam na layunin na nasa puso ko, at ang mga katiwalian na isiniwalat ko. Sinabi ko rin sa kanila na maging ako ay may mga kahinaan at pagkanegatibo at na hindi na nila ako dapat tingnan nang mataas o sambahin. Pagkatapos kong magbahagi ng gayon, gumaan ang pakiramdam ko at napanatag ako nang husto. Pagkatapos marinig ang tungkol sa mga karanasan ko, may ilang kapatid na nagsabing nagkaroon din sila ng kaunting pagkaunawa tungkol sa sarili nilang mga katiwalian. Kalaunan, hindi na sumasamba o umaasa sa akin ang mga kapatid gaya ng dati, at kahit na paminsan-minsan ay pinupuri pa rin ng ilang tao ang mga pagbabahagi ko, hindi na ako naaapektuhan ng kanilang mga salita.
Mula noon, nananalangin ako sa Diyos bago ang halos bawat pagtitipon, “Makapangyarihang Diyos, Ikaw ang Nag-iisang dapat na purihin. Isa lang akong tiwaling tao. Kailangan kong ibukas ang aking sarili at sabihin ang tunay kong mga iniisip. Pakiusap, siyasatin mo ang aking puso upang ang mga salita at kilos ko ay hindi para magpasikat, kundi para magpatotoo sa Iyo.” Kaya naman, sa bawat pagtitipon, nakatuon ako sa pagninilay-nilay ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi ng aking pagkaunawa at ng kakayahan na arukin ang mga ito, madalas din na ibinubukas ko ang aking sarili at inilalantad ang aking mga tiwaling disposisyon. Bukod dito, sinabi ko sa mga kapatid na pangasiwaan ako, at na kung makita nilang nagpapanggap ako, puwede nila akong ilantad at pungusan, tinutulungan akong maunawaan ang mga katiwalian ko at makakawala sa kontrol ng mga tiwaling disposisyon na ito. Akala ko dati ay hindi mahusay magbahagi ang ibang tao, at kailanman ay hindi ako nakinig nang mabuti sa mga pagbabahagi nila, ngunit ngayon ay binibigyang-pansin ko ang mga kapatid sa tuwing tinatalakay nila ang kanilang mga karanasan at pagkaunawa. Kapag may kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, isinusulat ko ito, at marami akong matututuhan mula sa mga karanasan ng mga kapatid. Nagagawa ko lang magsagawa ng mga bagay na ito ngayon nang dahil sa paghatol, pagsiwalat, pagbibigay-liwanag, at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos. Salamat sa patnubay ng Diyos!