Natagpuan Ko ang Aking Tunay na Kinabukasan

Pebrero 18, 2026

Ni Lin Qing, Tsina

Ipinanganak ako sa isang ordinaryong pamilya ng magsasaka. Walang pinag-aralan ang mga magulang ko at kaya lang suportahan ang aming pamilya sa paggawa ng mabigat na trabaho. Gipit na gipit kami. Nasa mga kwarenta anyos na ang mga magulang ko nang ipanganak nila ako, at sa akin nila ibinuhos ang lahat ng kanilang inaasahan. Palagi akong ginagabayan ng mga magulang ko sa pagsasabing, “Wala kaming pinag-aralan, at ginugugol namin ang buhay namin sa pagtatrabaho sa labas. Nahihirapan kami buong buhay namin pero walang anumang kinabukasan. Kailangan mong mag-aral nang mabuti para makahanap ka ng magandang trabaho sa hinaharap, para makaupo ka sa isang opisina nang hindi naaarawan o nahahanginan, nang walang alalahanin tungkol sa pagkain at damit. Magagawa rin naming magtamasa sa sinag ng iyong tagumpay.” Madalas din kaming turuan ng mga guro namin na “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran” at “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Lumaki akong hinubog ng mga kasabihang ito. Sa partikular, kapag nakakakita ako ng mga taong nagkamit ng akademikong tagumpay at kasikatan, na hinahangaan saanman sila magpunta, at tumatamasa ng malaking katanyagan, lalo pa akong nakumbinsi na ang kaalaman ay hahantong sa magandang kinabukasan kung saan magagawa kong magtamasa ng mas magandang materyal na buhay at mahangaan. Lihim akong nagpasya sa puso ko na siguradong papasok ako sa isang mahusay na unibersidad at hahanap ng isang disenteng trabaho sa hinaharap. Sa ganoong paraan, tutulungan ko ang mga magulang ko na magkaroon ng magandang buhay at mapahanga sa aming pamilya ang mga kamag-anak at kapitbahay.

Noong nasa eskuwelahan ako, itinuon ko ang lahat ng oras at lakas ko sa pag-aaral: Habang ang iba ay nagsasaya tuwing bakasyon, ako ay nagbabasa ng mga libro at gumagawa ng takdang-aralin. Ang huling taon ko sa high school ang pinakaabalang oras para sa akin, at inilaan ko ang lahat ng lakas ko sa paghahanda para sa pagsusulit para makapasok sa unibersidad. Gayumpaman, hindi maganda ang mga resulta ko sa pagsusulit para makapasok sa unibersidad, at talagang nadismaya ako. Hindi ko maaaring hayaan ang aking buhay na bumagsak gayong nagsisimula pa lang ito. Walang pera at impluwensiya ang pamilya ko, kaya kung gusto kong magkaroon ng magandang buhay at igalang sa hinaharap, ang tanging paraan ko lang ay makapasok sa isang mahusay na unibersidad. Kaya, nagpasya akong ulitin ang taon. Pagkatapos, nag-aral ako nang mas matindi kaysa sa dati. Kahit hindi ako kasingtalino ng mga kaklase kong likas na matalino, kailangan kong maging mas determinado kaysa sa kanila. Madalas kong gamitin ang mga kasabihang “Kailangang maunang lumipad ang mabagal na ibon” at “Ginagantimpalaan ng langit ang masisipag” para hikayatin ang sarili ko. Para makatipid sa oras, hindi ako umuuwi tuwing Sabado’t Linggo at nananatili ako sa eskuwelahan para mag-aral. Sa tuwing may oras ako, sinasagutan ko ang mahihirap na mga halimbawang tanong. Minsan, kung hindi ko matapos ang mga ito sa araw, dinadala ko ang mga iyon pabalik sa dormitoryo at itinutuloy ang paggawa sa mga ito sa ilalim ng kumot gamit ang flashlight. Kahit na lumala ang panlalabo ng paningin ko, wala akong pakialam. Ang puso ko ay balisa araw-araw, takot na hindi ako makapasa sa pagsusulit at mawala ang pagkakataon kong baguhin ang aking kapalaran. Noong 2014, nakapasok ako sa unibersidad at napili ko ang kursong gusto ko. Noong sandaling iyon, napuno ako ng pag-asa para sa aking hinaharap, at naramdaman kong hindi nasayang ang mga pagsisikap ko sa pagkakataong ito. Kung magpapatuloy akong mag-aral nang mabuti at makahanap ng disenteng trabaho pagkatapos ng kolehiyo, tiyak na pupurihin ako ng mga nakatatanda sa akin sa pagkakaroon ko ng magandang kinabukasan.

Noong taon na nagsimula ako sa unibersidad, ipinangaral sa akin ng tiyahin ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at nagsimula akong mamuhay ng buhay iglesia. Sa pamamagitan ng mga pagtitipon, naunawaan ko na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamahala sa lahat. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, lalo silang naging buktot at nalugmok, at para iligtas ang sangkatauhan, nagsasagawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain. Sa mga huling araw, personal din Siyang nagkatawang-tao para magpahayag ng mga salita para hatulan at linisin ang mga tao, inililigtas ang mga tao mula sa pagkaalipin sa kasalanan, at dinadala sila sa isang napakagandang hantungan. Naisip ko kung paanong sa milyun-milyong tao, isa ako sa mga pinalad na makarinig sa tinig ng Diyos at tumanggap sa pagliligtas ng Diyos. Napakalaking karangalan at kasabikan ang naramdaman ko. Ito ang pinakadakilang pagpapala sa buhay ko! Sa mga pagtitipon, sinasabi ko sa mga sister ko ang tungkol sa mga bagay na nangyayari sa akin sa unibersidad, at nagbabahagi sila sa akin tungkol sa mga salita ng Diyos kaugnay sa mga problema ko. Minsan, isinasama rin nila ako para diligan ang mga baguhan. Pakiramdam ko ay lalo akong napalaya at malaya kapag nakikipagtipon ako kasama ang aking mga kapatid, at sobrang panatag ang puso ko.

Kalaunan, narinig kong nagsimula nang gumawa ng mga tungkulin nang full-time si Sister Muchen pagkatapos niyang makapagtapos sa unibersidad. Nagulat ako noon, at naisip ko, “Bagama’t napakabata pa ng kapatid, napakatindi ng determinasyon niyang gugulin ang sarili para sa Diyos. Wala akong ganoong determinasyon. Kung gagawin ko ang aking tungkulin nang full-time, at wala akong magandang trabaho sa hinaharap, hindi kaya sasabihin ng mga kamag-anak at kaibigan ko na wala akong narating? Dapat akong manampalataya sa Diyos at mag-aral sa unibersidad sa parehong pagkakataon. Hindi lang ako makakahanap ng magandang trabaho, kundi matatanggap ko rin ang mga pagpapala ng Diyos. Sabay kong matatamasa ang mga pakinabang ng magkaibang sitwasyon.” Gayumpaman, nakita ko na hindi pa matagal na nananampalataya sa Diyos ang kapatid ko pero napakabilis ng kanyang pag-unlad, at nagagawa niyang makipagbahaginan at tumulong sa amin sa anuman sa aming mga paghihirap. Sa partikular, nang marinig ko siyang magbahagi kung paanong, noong dumating ang mga pulis para arestuhin siya sa panahon ng isang pagtitipon, umasa siya sa Diyos at nakita ang kamangha-manghang proteksyon ng Diyos, nakaramdam ako ng paghanga at pagkainggit mula sa kaibuturan ng puso ko. Nagsimula akong magnilay-nilay, iniisip na, “Araw-araw na ginagawa ng aking sister ang kanyang mga tungkulin sa iglesia at maraming katotohanan ang nauunawaan niya. Napakabilis ng paglago ng kanyang buhay! Nag-aaral ako at dumadalo sa mga pagtitipon nang sabay, at hindi ako makapagsalita tungkol sa anumang mga karanasan. Mukhang kung gusto kong umunlad sa buhay, kailangan kong gumawa ng mas maraming tungkulin. Pero, kung gagawin ko ang mga tungkulin nang full-time tulad ng ginagawa ng aking sister, wala na akong lakas para mag-aral. Nag-aral ako nang mabuti sa loob ng napakaraming taon para lang makahanap ng magandang trabaho pagkatapos ng kolehiyo, walang alalahanin sa pagkain at damit, matulungan ang mga magulang ko na magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap, at maging kagalang-galang din at may katanyagan sa paningin ng mga kamag-anak ko. Kung pipiliin kong ilaan ang lahat ng oras ko sa paggawa ng aking tungkulin, habang lahat ng kaklase ko ay makakahanap ng magagandang trabaho pagkagradweyt nila, ako lang ang magiging pangkaraniwan, na walang disenteng trabaho. Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kamag-anak at kaibigan ko?” Nang maisip ko ito, ayaw ko nang gawin ang aking tungkulin nang full-time.

Isang buwan bago ang bakasyon, tinanong ako ng isang sister, “Malapit na ang bakasyon. Ano ang mga susunod mong plano? Handa ka bang magsanay at gawin ang iyong tungkulin?” Noong una, tuwang-tuwa akong marinig ito. Kakaunti lang ang nauunawaan kong katotohanan, kaya perpektong pagkakataon ito para magsanay sa paggawa ng tungkulin at magtamo ng katotohanan. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Sa sandaling nagsimula na akong gumawa ng tungkulin ko, kung tatalikuran ko ito kapag nagsimula na ulit ang klase, hindi iyon alinsunod sa layunin ng Diyos. Pero kung ipagpapatuloy ko ang paggawa ng tungkulin pagkatapos magsimula ang klase, tiyak na maaapektuhan ang pag-aaral ko. Kung malaman ng mga kasama ko sa kwarto na nananampalataya ako sa Diyos at iulat ito sa guro, baka mapatalsik ako, at wala na talaga akong magiging kinabukasan. Paano ko masusuklian ang mga magulang ko? Kung hindi ako magiging kasingmatagumpay ng iba, ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kamag-anak ko? Paano ako dapat pumili?” Habang pauwi, gulung-gulo ang puso ko. Sa isang banda ay ang pangarap kong makapasok sa unibersidad na masigasig kong hinahangad sa loob ng maraming taon; sa kabila naman, ang paggawa ng aking tungkulin bilang isang nilikha. Ayaw kong mawala ang alinman. Noong mga panahong iyon, nakaramdam ng sobrang bigat ang puso ko, at hindi ko alam kung paano pumili. Nang mapagtanto kong mali ang kalagayan ko, tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, alam kong makabuluhan ang paggawa ng aking tungkulin, at gusto kong gawin ang tungkulin ko. Pero napakaliit ng tayog ko, at nag-aalala ako na kung gagawin ko ang aking tungkulin, maaapektuhan ang pag-aaral ko. Pakiramdam ko ay mahina ako sa loob, pero ayaw kong maiwala ang pagkakataong ito. O Diyos, nawa ay akayin Mo akong maunawaan ang Iyong layunin.”

Noong gabing iyon, pabiling-biling ako sa kama, hindi makatulog. Binuksan ko ang aking telepono at narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na may pamagat na “Dapat Mong Ituring ang Pananampalataya sa Diyos Bilang Isang Malaking Usapin”:

1  Kung gusto mong manampalataya sa Diyos, at gusto mong makamit ang Diyos at makamit ang Kanyang kasiyahan, kung gayon ay dapat kang magtiis ng kaunting paghihirap at magsikap nang kaunti, kung hindi ay hindi mo makakamit ang mga bagay na ito. Bagama’t nakinig na kayo sa maraming sermon, ang pakikinig lamang ay hindi nangangahulugang ang mga iyon ay sa iyo na; dapat mong namnamin ang mga iyon at gawing isang bagay na pag-aari mo. Dapat mong iangkop ang mga iyon sa iyong buhay at dalhin ang mga ito sa iyong pag-iral, hinahayaang gabayan ng mga salita at sermong ito ang direksiyon ng iyong pamumuhay, upang punuin ang iyong buhay ng halaga ng pag-iral at ng kabuluhan ng pagiging buhay. Sa ganitong paraan, magiging sulit para sa iyo na makinig sa mga salitang ito.

2  Kung ang mga salitang Aking sinasabi ay hindi nagdudulot ng kritikal na punto ng pagbabago sa iyong pang-araw-araw na buhay o hindi nagdaragdag ng halaga ng pag-iral sa iyong buhay, kung gayon ay walang saysay ang pakikinig mo sa mga iyon. Dapat mong ituring ang pananampalataya sa Diyos bilang isang pangunahing usapin sa iyong buhay, mas mahalaga kaysa sa pagkain, pananamit, o anupaman—sa ganitong paraan, aani ka ng mga resulta. Kung nananampalataya ka lamang sa iyong libreng oras, at hindi mo inilalaan ang iyong sarili sa pananampalataya, at palaging magulo ang isip mo, kung gayon ay wala kang matatamo.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X

Habang nakikinig ako sa himno ng mga salita ng Diyos, labis akong naantig na wala akong magawa kundi ang maluha. Naramdaman kong parang nasa tabi ko lang ang Diyos, dinirinig ang mga panalangin ko, at ginagamit ang Kanyang mga salita para gabayan at pasiglahin ako. Naunawaan ko na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamahalagang bagay sa buhay, mas mahalaga kaysa sa pagkain, pananamit, at kasiyahan, at mas mahalaga kaysa sa anumang kasikatan, pakinabang, o kinabukasan na maaaring mayroon ako. Lahat ng bagay na ukol sa laman ay pansamantala lamang. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon maaaring maligtas at manatiling buhay ang isang tao. Ang paggawa ng ating tungkulin ang daan para makamit natin ang katotohanan at makapasok tayo sa katotohanang realidad. Sa paggawa ng ating mga tungkulin, makakatagpo tayo ng iba’t ibang paghihirap at problema, at magbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon. Gayumpaman, ito rin ang nag-uudyok sa atin na lalong hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nating katiwalian. Kung dumadalo lang ako sa mga pagtitipon sa libreng oras ko, at hindi gumagawa ng tungkulin, sa halip ay ginugugol ang halos lahat ng oras ko sa pag-aaral, mas kaunting bagay ang mararanasan ko at mas bihira kong hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga sarili kong problema. Mauunawaan ko lang ang ilang mababaw na salita at doktrina, at hindi ako makakapasok sa realidad. Ginagawa nitong napakahirap ang maligtas. Malaki ang pagkakaiba namin ni Muchen. Hindi pa matagal na nananampalataya si Muchen sa Diyos, pero marami na siyang naranasang bagay sa paggawa ng kanyang tungkulin, at lalo pa niyang hinanap ang katotohanan. Kapag nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nagagawa niyang iugnay ang sarili niyang mga karanasan, at nagsasalita siya sa isang praktikal na paraan. Sa pamamagitan ng kanyang mga karanasan, nakita niya ang mga gawa ng Diyos, mas lumaki ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas naudyukan siya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Sa kabilang banda, itinuring kong libangan sa libreng oras ang pananampalataya sa Diyos, para hindi makaabala sa pag-aaral ko. Kontento na ako sa pagdalo sa mga pagtitipon, at hindi ko inisip na gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Kung magpapatuloy akong manampalataya sa ganitong magulong paraan, at mapapalampas ko ang kritikal na panahon para hangarin ang katotohanan, at sa huli ay mabibigo akong matamo ang katotohanan, hindi ba’t kung gayon ay ititiwalag ako? Sa wakas ay nagsimula na ang bakasyon ko. Hindi ko puwedeng palampasin ang pagkakataong ito na gawin ang aking tungkulin at tamuhin ang katotohanan, kaya sinabi ko sa sister ko na handa akong magsanay sa paggawa ng isang tungkulin.

Noong bakasyon, magkasama kaming nag-host ng mga pagtitipon ng grupo. Kapag nagtitipon kami, nagbubukas ang lahat at nakikipag-usap sa isa’t isa nang simple, at nakaramdam ako ng partikular na paglaya at kalayaan sa puso ko. Nagbalik-tanaw ako sa mga kaklase ko na kumakain, umiinom at nagsasaya buong araw sa unibersidad, gumon sa mga laro sa telepono, nakikipag-date, at namumuhay nang masama at bulok na buhay. Katulad lang din nila ako dati. Sa tuwing may libreng oras ako, naglalaro ako sa aking telepono o nanonood ng mga serye sa TV, nang walang anumang wasto sa aking puso. Ngunit sa pamamagitan ng mga pagtitipon, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na lalamunin lamang ng masasamang kalakarang ito ang aking puso at ilalayo ito sa Diyos, at ganap na wala silang anumang pakinabang sa buhay ko. Unti-unti, nagkaroon ako ng determinasyon na lumayo sa masasamang kalakarang ito, at nagawa kong patahimikin ang puso ko sa harap ng Diyos, kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita at gumagawa ng aking tungkulin. Hindi ko na sinasayang ang mga araw ko nang walang kabuluhan. Napagtanto ko na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at paggawa ng aking tungkulin ako makakalayo sa masasamang kalakarang ito at makakapamuhay nang may halaga at kabuluhan.

Habang papalapit na ang simula ng semestre, medyo nag-alinlangan ako. Dapat ko bang isuko ang pag-aaral ko at gawin ang mga tungkulin ko nang full-time? Kaya sumangguni ako kay Muchen, sinasabing, “Sa panahong ito, naramdaman ko na mas marami akong nakakamit na katotohanan sa paggawa ng aking tungkulin. Gusto ko ring lalong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at tuparin ang aking tungkulin. Pero kapag naiisip kong hindi ako magkakaroon ng magandang trabaho at walang hahanga sa akin sa hinaharap, at hindi ko masusuklian nang mas maayos ang mga magulang ko, nawawalan ako ng determinasyong bitiwan ang pag-aaral ko.” Nagbahagi sa akin ang aking sister tungkol sa kanyang karanasan at nakatagpo ng mga kaugnay na salita ng Diyos para tulungan ako. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa proseso ng pagkuha ng mga tao ng kaalaman, sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng uri ng pamamaraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na tugunan ang kanilang mga pagnanais o adhikain, patungo sa anong daan ba talaga nais akayin ni Satanas ang mga tao? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na likas at may katwiran. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtatag ng matatayog na adhikain o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga motibasyon, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Kung maisasakatuparan ng isang tao ang sarili niyang mga adhikain, o makapagtatatag ng isang matagumpay na propesyon sa kanyang buhay, hindi ba’t mas maluwalhati iyon na pamumuhay? Sa ganitong paraan, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno kundi magkakaroon din siya ng pagkakataon na mag-iwan ng bakas para sa darating na mga henerasyon—hindi ba’t mabuting bagay ito? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayumpaman, nang may mga masasamang motibo, ay umaakay sa mga tao patungo sa gayong daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging sa magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang bilang pain para hikayatin ang mga tao na magsikap na matuto ng kaalaman at hangarin na mangibabaw sa karamihan, ituring ang kasikatan at pakinabang bilang kanilang layon sa buhay, itanggi ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi namamalayan na lumayo sa pangangalaga at proteksyon ng Lumikha kaya nabubuhay sila sa bitag ni Satanas at sa huli ay nilalamon nito. Lubha akong napinsala ni Satanas. Mula pagkabata, tinuruan ako sa bahay at sa eskwelahan na “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran” at “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Naniwala ako na ang tagumpay sa pag-aaral ay makapagdudulot sa iyo na mamukod-tangi, magbigay karangalan sa iyong pamilya, at mahangaan ng iba. Nakita ko kung paanong walang pinag-aralan ang mga magulang ko at sa pamamagitan lamang ng mabibigat na pisikal na trabaho nila naitataguyod ang pamilya. Bukod sa nakakapagod ito, wala ring tumitingala sa kanila. Naramdaman kong walang halaga ang mamuhay nang ganito, at na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng akademikong kaalaman at pagkakaroon ng disenteng trabaho sa hinaharap ay saka ko lang mababago ang aking buhay at mapapahanga ang aking mga kamag-anak at kaibigan. Para makamit ang aking mga adhikain, nag-aral ako nang walang tigil, at nang hindi naging maganda ang resulta ng una kong pagsusulit sa unibersidad, pinili kong ulitin ang taon at lalo pang nagsikap kaysa dati. Kahit patay na ang mga ilaw sa dormitoryo, gumagamit pa rin ako ng flashlight para magbasa ng mga materyales sa pag-aaral sa ilalim ng kumot. Kahit na lumala ang panlalabo ng paningin ko, wala akong pakialam. Alang-alang sa isang piraso ng papel na may magagandang grado rito, palagi akong nag-aalala at balisa. Habang papalapit ang pagsusulit sa unibersidad, palagi akong tensyonado, palaging balisa, takot na bumagsak sa pagsusulit at mawala ang nag-iisa kong “salbabida.” Nalito rin ako at nasaktan, pero wala akong lakas para makatakas. Wala akong nagawa kundi sumunod sa mga kalakarang ito. Ngayon, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para iligaw ang mga tao, na nagiging dahilan para lalong lumayo ang kanilang mga puso sa Diyos. Naisip ko kung paano ipinangaral sa akin ng kamag-anak ko ang ebanghelyo pagkatapos kong makapasok sa unibersidad. Sapat akong mapalad na matanggap ang pagliligtas ng Diyos at marinig ang Kanyang tinig, pero hindi ko pinahalagahan ang pagkakataong ito. Itinuring ko ang paghahangad ng magandang kinabukasan bilang pangunahing priyoridad ko, at ginusto ko lang na manampalataya sa Diyos sa aking libreng oras, basta’t hindi nito naaapektuhan ang aking pag-aaral. Napagtanto ko na ang kasikatan at pakinabang ang pinakamalaking hadlang sa pagsasagawa ko ng katotohanan at paggawa ng aking tungkulin. Ngayon ay narinig ko na ang tinig ng Diyos, pero hindi ko kayang hangarin ang katotohanan at gawin ang aking tungkulin, sa halip ay namumuhay ayon sa mga satanikong tuntunin ng pananatiling buhay at pinahahalagahan ang kasikatan at pakinabang nang higit sa katotohanan at buhay. Talagang hindi ko na makilala ang tama sa mali! Kahit na makapagtapos ako na may diploma at makahanap ng magandang trabaho, kung hindi ko natamo ang katotohanan at buhay, sa huli ay ititiwalag ako ng Diyos. Dati, palagi kong iniisip na ang pag-aaral sa unibersidad habang nananampalataya sa Diyos ay maaaring maghatid sa akin ng kasikatan at pakinabang pati na rin ng mga pagpapala ng Diyos. Mapangaraping pag-iisip ko lang ito at talagang hindi alinsunod sa katotohanan. Sabi ng Diyos: “Kung nananampalataya ka lamang sa iyong libreng oras, at hindi mo inilalaan ang iyong sarili sa pananampalataya, at palaging magulo ang isip mo, kung gayon ay wala kang matatamo(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X). Sinabi rin ng Panginoong Jesus: “Sinuman sa inyo na hindi tumatalikod sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko(Lucas 14:33). Naunawaan ko na para sumunod sa Diyos, kailangan mong magkaroon ng isang dedikadong puso, at hindi malimitahan o magapos ng pamilya, laman, pera, kasikatan, o pakinabang. Dapat mong ilaan ang buong puso at isipan mo sa iyong tungkulin, pagtuunan ang paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan, at sa huli ay matamo ang isang pagbabago sa disposisyon at maligtas ng Diyos. Tungkol naman sa mga disipulo ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ilan sa kanila ay tumalikod sa katayuan at kayamanan, at ang ilan ay tumalikod sa kanilang mga pamilya para buong pusong sumunod sa Panginoong Jesus, naglalakbay sa lahat ng dako para ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Panginoon. Ang mga ito ay mga makabuluhang buhay, karapat-dapat na tularan. Bukod pa rito, iniisip ko dati na ang pagkakaroon ng akademikong kaalaman ay hahantong sa isang magandang trabaho, na magbibigay-daan para mamuhay ako nang walang alalahanin tungkol sa pagkain at damit, at hangaan ng aking mga kamag-anak at kaibigan; inakala kong kasikatan at pakinabang lang ang makapagbibigay ng kaligayahan. Pero sa pag-iisip tungkol dito, bagama’t maraming intelektuwal at mga taong mayaman at makapangyarihan ang mukhang magara at maganda sa panlabas, at nagtatamasa ng katanyagan saanman sila magpunta, hindi sila nananampalataya sa Diyos at hindi nauunawaan ang katotohanan. Nabubuhay sila sa bitag ni Satanas, nag-aagawan sa kasikatan at pakinabang, at naglalabanan nang parehong hayagan at patago. Para makamit ang katayuan at reputasyon, ikinokompromiso nila ang kanilang kalusugan at ipinagbibili ang sarili nilang integridad at dignidad. Hindi masaya ang kanilang buhay. Kung mawawala sa isang tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at wala ang pagpapala o pagliligtas ng Diyos, anong kaligayahan ang mayroon para banggitin? Gaano mang kaalaman ang mayroon sila, gaano mang paghanga ang natatanggap nila mula sa iba, o gaano man karangya ang kanilang mga materyal na tinatamasa, sa huli ay mahuhulog sila sa mga kalamidad, masasadlak sa perdisyon, at mawawasak. Hindi ito isang tunay na kinabukasan. Ngayon, ito ang mga huling araw. Wawakasan ng Diyos ang kapanahunang ito at gagawin ang Kanyang gawain ng paggagantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng pagbabago sa disposisyon ka maliligtas at mananatiling buhay, at aakayin ng Diyos tungo sa susunod na kapanahunan. Ito ang tunay na kinabukasan.

Kalaunan, nabasa ko ang tungkol sa karanasan ni Pedro, na nagbigay sa akin ng ilang inspirasyon at motibasyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Isinilang si Pedro sa gayong kanais-nais na mga kalagayang panlipunan—malinaw na ito ang kanyang magandang kapalaran. Dahil matalino at alisto ang isip, madali niyang naaarok ang mga bagong ideya. Pagkatapos simulan ang kanyang pag-aaral, nakakagawa siya ng mga hinuha mula sa kanyang natututuhan, hindi nahihirapan dito kahit kaunti. Ipinagmalaki ng kanyang mga magulang na magkaroon ng gayong matalino at alistong anak, kaya ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para suportahan ang kanyang pag-aaral, umaasang mamumukod-tangi siya at makakakuha ng opisyal na posisyon sa lipunan. Hindi niya namamalayan, naging interesado si Pedro sa Diyos. Kaya, sa edad na labing-apat, noong siya ay nasa high school, nakaramdam siya ng malalim na pagtutol sa sinaunang kulturang Griyego na kanyang pinag-aaralan; sa partikular, lalo pa niyang kinasuklaman ang mga kathang-isip na tauhan at gawa-gawang pangyayari sa sinaunang kasaysayan ng Gresya. Mula noon, si Pedro—na kararating pa lang sa kasibulan ng kanyang kabataan—ay nagsimulang magsaliksik tungkol sa buhay ng tao at makisalamuha sa lipunan. Hindi niya sinuklian ang mga paghihirap ng kanyang mga magulang dulot ng pakiramdam ng konsensiya, dahil nakita niya nang malinaw na ang mga tao ay pawang namumuhay sa isang kalagayan ng panlilinlang sa sarili, at namumuhay nang walang kabuluhan, at na sinisira nilang lahat ang sarili nilang buhay alang-alang sa pakikipag-agawan para sa reputasyon at pakinabang. Ang kanyang kabatiran ay may malaking kinalaman sa kapaligirang panlipunan na kanyang ginagalawan. Habang mas maraming taglay na kaalaman ang mga tao, mas nagiging komplikado ang kanilang mga ugnayan sa isa’t isa at ang kanilang mga panloob na mundo, at kaya nararamdaman nilang mas hungkag ang espasyong kanilang ginagalawan. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, ginugol ni Pedro ang kanyang libreng oras sa pagbisita sa iba’t ibang lugar, na karamihan sa mga binisita niya ay mga taong relihiyoso. Tila mayroon siyang malabong pakiramdam sa kanyang puso na marahil ay maaaring linawin ng relihiyon ang iba’t ibang palaisipan sa mundo ng tao, kaya madalas siyang pumunta sa isang sinagoga malapit sa kanyang bahay para dumalo sa mga serbisyo, nang hindi nalalaman ng kanyang mga magulang. Hindi nagtagal, si Pedro, na palaging may mabuting karakter at mahusay sa pag-aaral, ay nagsimulang masuklam sa pagpasok sa paaralan. Sa ilalim ng pangangasiwa ng kanyang mga magulang, labag sa kalooban niyang tinapos ang high school, at pagkatapos, pagkalangoy paahon mula sa karagatan ng kaalaman, huminga siya nang malalim—mula noon, malaya na siya sa lahat ng edukasyon at pagpipigil(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Tungkol sa Buhay ni Pedro). Mula sa karanasan ni Pedro, nakita kong inosente ang puso ni Pedro, at mahal niya ang mga positibong bagay; nagsimula siyang mag-isip tungkol sa buhay sa murang edad. Sa pamamagitan ng kanyang mga pakikisalamuha sa lipunan, napagtanto niya na ang mga tao ay nabubuhay para sa kasikatan at pakinabang, at na habang mas maraming kaalaman ang natatamo ng isang tao, mas nagiging komplikado at tiwali ang kanyang isipan. Malinaw din niyang nakita ang kadiliman at kabuktutan ng lipunan, at nakilala na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan ay hungkag. Hindi niya sinunod ang mga kahilingan ng kanyang mga magulang na hangaring mamukod-tangi sa karamihan at na makakuha ng kung anong uri ng opisyal na katungkulan sa lipunan. Sa halip, determinado niyang isinuko ang kanyang pag-aaral at sinunod ang landas ng pananalig sa Diyos, at kalaunan ay sumunod sa Panginoong Jesus. Ginugol niya ang kanyang buhay sa paghahangad na maunawaan ang Diyos, hinanap ang layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, at naunawaan ang sarili niyang mga pagkukulang at kakapusan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Sa huli, nagawa niyang magpasakop sa Diyos hanggang sa kamatayan at mahalin Siya nang sukdulan, nakakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kaibahan, hindi ko matarok ang mga bagay-bagay, at dahil sa paghahangad ko ng kasikatan at pakinabang, ayaw kong gawin ang tungkulin ng isang nilikha, kontento na lang sa pananampalataya sa libreng oras ko. Kung magpapatuloy akong manampalataya nang ganito hanggang sa huli, magiging walang kabuluhan ang lahat! Dapat kong tularan ang halimbawa ni Pedro at bitiwan ang aking personal na kinabukasan at magkusa akong maghangad ng mga positibong bagay. Noong nasa unibersidad ako, nakita ko na ang mga unibersidad sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina ay mga base para sa edukasyong ateista. Lahat ay naghahangad ng mga bagay na walang kabuluhan at naghahangad ng kasamaan, at walang may pakialam sa mga estudyanteng kumakain, umiinom, nagsasaya o nakikipag-away. Gayumpaman, ang mga taong nananampalataya sa Diyos at lumalakad sa tamang landas ay inuusig. Nagkakalat din ang mga unibersidad ng walang batayang mga tsismis para kondenahin at siraan ang Diyos, idinudulot na lumayo ang mga tao sa Kanya at ipagkanulo Siya. Kung magpapatuloy akong mag-aral sa unibersidad, matatangay lang ako ng masasamang kalakaran, papalayo nang papalayo sa Diyos. Sa huli, mahuhulog ako sa malalaking kalamidad at mawawasak. Tanging ang Diyos lamang ang makapagtuturo sa mga tao ng tamang landas, at sa pag-unawa lang sa katotohanan maaaring mamuhay ang isang tao nang may wangis ng tao. Handa akong piliing gawin ang aking tungkulin at bigyang-kasiyahan ang Diyos.

Gayumpaman, nang talagang magpapasya akong bitiwan ang aking pag-aaral, mayroon pa rin akong ilang alalahanin. Kapag pinili kong gugulin ang lahat ng oras ko sa aking mga tungkulin, hindi ko na magagawang kumita ng pera para alagaan ang aking mga magulang. Labis na nagsikap ang mga magulang ko para palakihin ako at suportahan ang pag-aaral ko, at ngayon ay matanda na sila, hindi na kasingbuti ng dati ang kanilang kalusugan. Kung magkakasakit sila sa hinaharap, hindi ako pahihintulutan ng aking sitwasyon na alagaan sila. Palagi kong mararamdaman na may utang na loob ako sa kanila. Nang malaman ng sister ang kalagayan ko, naghanap siya ng ilang salita ng Diyos para sa akin. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Palagi Kong pagiginhawahin ang lahat ng nakakahiwatig ng Aking mga layunin, at hindi Ko papayagang magdusa sila o mapahamak. Ang napakahalagang bagay ngayon ay na makaya mong kumilos nang ayon sa Aking mga layunin. Ang mga gumagawa nito ay siguradong tatanggap ng Aking mga pagpapala at mapapasailalim sa Aking pag-iingat. Sino ang tunay na ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay hindi buo ang loob; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang pamilya, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Sila ba ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Ang mga taong taos-pusong gumugugol para sa Diyos ay may katapatan at pagpapasakop sa Kanya; ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang hindi isinasaalang-alang ang mga personal na pakinabang at kawalan, at tinutupad ang kanilang mga responsabilidad para makompleto ang atas ng Diyos. Gayumpaman, kapag nahaharap ako sa isang pagpipilian, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong kinabukasan, ang aking pamilya at ang aking mga magulang. Hindi ko kayang tunay na ipagkatiwala ang lahat ng mayroon ako sa mga kamay ng Diyos. Ang totoo, ang tadhana ng ating mga magulang ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos: Kung gaano karaming pagdurusa ang kanilang titiisin at kung gaano karaming kaligayahan ang kanilang tatamasahin ay matagal nang paunang inorden ng Diyos. Kung sila ay magkasakit, bilang mga anak, kahit na manatili tayo sa tabi ng ating mga magulang o magbayad para sa kanilang pagpapagamot, hindi tayo maaaring magdusa sa kinalalagyan nila, at wala tayong mababagong anuman. Halimbawa ang tiyuhin ko, na maraming anak. Medyo may kaya ang mga pamilya ng mga pinsan ko, at lubos silang mababait na anak sa tiyuhin ko. Nang magkaroon ng kanser sa baga ang tiyuhin ko, nag-ambagan silang lahat para sa kanyang operasyon at salitan silang nag-alaga sa kanya. Akala nila ay gagaling na siya pagkatapos ng operasyon, pero sa hindi inaasahan, pumanaw siya sa loob lang ng ilang buwan. Hindi nakaririwasa ang pamilya ko, at madalas ay mabibigat na trabaho ang ginagawa ng mga magulang ko. Gayumpaman, maayos pa rin ang kalusugan nila at bihirang magkasakit sa buong taon. Hindi ko nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at napakaliit ng pananalig ko sa Diyos. Mula noon, naging handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha, at ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay na may kinalaman sa aking mga magulang.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at napagtanto ko ang sabik na layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hinahanap ng Diyos iyong mga nag-aasam na Siya ay magpakita, hinahanap iyong mga nakikinig sa Kanyang mga salita, hinahanap iyong mga hindi nakakalimot sa Kanyang atas at mga naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya, at hinahanap iyong mga kasingmapagpasakop at kasing-di-lumalaban ng mga bata sa Kanyang harapan. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, dakilang reputasyon, saganang kaalaman, napakaraming ari-arian, at suporta ng maraming tao, subalit nananatili kang hindi nagugulo ng mga bagay na ito at humaharap ka pa rin sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang tawag at ang Kanyang atas, at na gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamakatarungan na gawain ng sangkatauhan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na hinahanap ng Diyos ang mga taong kayang makinig sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanya, at nais Niyang iligtas ang mga nananabik sa Kanyang pagpapakita. Kung kayang talikuran ng mga tao ang kanilang reputasyon, katayuan, pera at mga interes, at lumapit sa harap ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin, ito ay sinasang-ayunan Niya, at ito ay isang makabuluhang bagay. Naisip ko kung paanong sinunod ni Pedro ang tawag ng Diyos at tinupad ang kanyang tungkulin, sa huli ay nagbigay ng isang maganda at matunog na patotoo para aliwin ang puso ng Diyos. Dapat ko ring tuparin ang mga responsabilidad ng isang nilikha at tuparin ang aking tungkulin; sa gayon lamang ako magkakaroon ng konsensiya at pagkatao. Na mapalad akong makagawa ng mga tungkulin sa iglesia ay biyaya ng Diyos sa akin, at handa akong bitiwan ang aking pag-aaral at gawin ang aking tungkulin.

Pagkatapos, sinabi ko sa tatay ko ang tungkol sa pinili ko at sinuportahan niya ako. Sinabi pa niya, “Ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Nasa hustong gulang ka na ngayon, at dahil pinili mo ang landas na ito, dapat kang magkaroon ng determinasyon at tiyaga na magpatuloy. Anuman ang mga kabiguan o paghihirap na iyong maranasan, huwag kang panghinaan ng loob. Maghangad ka lang nang masigasig!” Medyo nagulat ako sa suporta ng tatay ko. Alam kong ang kanyang mga iniisip at ideya ay nasa mga kamay ng Diyos, at labis akong nagpapasalamat sa Diyos sa puso ko. Mas lalo ring tumibay ang pananalig ko sa pagsunod sa Diyos. Pagkatapos magsimula ng bagong semestre, nag-apply ako sa aking paaralan para huminto sa pag-aaral. Hindi naintindihan ng guro ko kung bakit ko isasantabi ang isang magandang unibersidad, at patuloy na sinusubukang pigilan akong gawin ito, sinasabing, “Kailangan mong pag-isipang mabuti. Nagsikap ang mga magulang mo para mapag-aral ka sa unibersidad at hindi naging madali para sa iyo na makapasok. Kung susuko ka ngayon, hindi ka na magkakaroon ng matatag na trabaho sa hinaharap. Kailangang isipin mo ang puwedeng mangyari, at hindi makita lang ang nasa mismong harapan mo!” Nang marinig kong sabihin ng guro na dapat isipin ko ang puwedeng mangyari, biglang kumabog ang dibdib ko. Naisip ko, “Oo. Sa oras na gawin ko ang desisyong ito, hindi na ako magkakaroon ng kagalang-galang na trabaho. Kung gayon, hindi ko makakamit ang paghanga ng iba ni ang mga kasiyahan ng laman.” Napagtanto kong hindi tama ang aking pag-iisip, kaya mabilis akong nagdasal sa Diyos sa aking puso. Sa sandaling ito, malinaw kong naalala ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Alam kong ito ay pagpapaalala sa akin ng Diyos. Sa panlabas, tila nakikipag-ugnayan lang ako sa aking guro, pero sa katunayan, mayroong pakana ni Satanas na nagtatago sa likod nito. Ginamit ni Satanas ang guro para sabihin ang ilang bagay na tila para sa kapakanan ko, tinutukso akong layuan ang Diyos at talikuran ang aking tungkulin. Talagang napakakasuklam-suklam ni Satanas! Pinag-isipan ko rin, “Sinabi ng guro na hindi ko lang dapat tingnan ang mismong nasa harapan ko kundi dapat kong isipin ang puwedeng mangyari; ano nga ba talaga ang pagtingin lang sa mismong nasa harapan ko at ang pag-iisip sa puwedeng mangyari? Kung maghahangad ako ng mataas na digri, ng isang magandang trabaho at ng paghanga ng iba, pero hindi ko naman matupad ang aking tungkulin o matamo ang katotohanan, sa pagtatapos ng gawain ng Diyos, wala akong makakamit na anuman. Ito ang ibig sabihin ng pagtingin lang sa mismong nasa harapan ko. Ang pagsunod sa Diyos at pagtupad sa mga tungkulin ng isang nilikha, at paghahangad sa katotohanan para matamo ang isang pagbabago sa disposisyon at mailigtas ng Diyos—ito ang pinakatamang pagpili, at ito ang tunay na pag-iisip sa puwedeng mangyari.” Pagkatapos, matatag akong sumagot: “Ang desisyon kong huminto sa pag-aaral ay hindi pabigla-bigla. Pinag-isipan ko ito nang matagal, at hindi ko ito pagsisisihan!” Nakita ng guro na hindi niya ako makumbinsi at umiling na lang siya nang walang magawa. Pinroseso niya ang pag-alis ko sa unibersidad. Nang sandaling lumabas ako ng campus, nakaramdam ako ng labis na kasiyahan, dahil hindi ko na kailangang malimitahan ng aking mga guro o kaklase kapag dumadalo sa mga pagtitipon o gumagawa ng aking tungkulin! Pakiramdam ko ay parang isang mabigat na pasanin ang natanggal sa mga balikat ko. Naramdaman kong para akong isang ibong nakawala sa hawla, na bumabalik sa yakap ng bughaw na kalangitan.

Pagkatapos niyon, ginugol ko ang aking buong panahon sa paggawa ng aking mga tungkulin. Kasama ang aking mga kapatid, dumadalo ako sa mga pagtitipon at ginagawa ang aking tungkulin araw-araw, at panatag na panatag at payapa ang pakiramdam ko. Sa proseso ng paggawa ng aking tungkulin, nagbunyag ako ng maraming tiwaling disposisyon. Halimbawa, sa paggawa ng aking tungkulin, sabik ako sa mga mabilis na pakinabang, pabasta-basta, at nagpasasa sa mga kaaliwan ng laman; naranasan ko rin ang ilang pagpupungos, pagtutuwid, at pagdidisiplina. Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong mga tiwaling disposisyon, at nagtamo ng ilang pagbabago. Ang mga pakinabang na ito ay hindi ko makakamit habang nag-aaral pa ako sa unibersidad. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-aahon sa akin mula sa kumunoy ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at pag-aakay sa akin sa tamang landas ng buhay!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Mabuburang Desisyon

Ni Bai Yang, TsinaNoong ako ay 15 taong gulang, namatay ang tatay ko dahil sa isang biglaang sakit. Hindi nakayanan ng nanay ko ang dagok...