Hinding-hindi na Ako Magrereklamong Muli Tungkol sa Kapalaran Ko

Pebrero 24, 2024

Ni Chen Xiao, Tsina

Lumaki ako sa medyo mahirap na pamilya. Kailanman ay hindi naging garantisado ang aming mga pangunahing pangangailangan. Madalas na humihingi ang nanay ko ng palay sa aming kapitbahay para lamang mapakain kami, at marami sa damit na sinusuot ko ay may mga tagpi-tagpi. Madalas akong makantiyawan at madiskrimina, sinasabi ng ibang bata na mahirap ang pamilya ko. Pakiramdam ko ay agrabyado ako, at naisip ko na siguro malas ako dahil hindi ako ipinanganak na mayaman. Sa paaralan, nag-aral akong mabuti, iniisip na: “Kung magsusumikap ako ngayon, makakapasa ako sa isang unibersidad at makakakuha ng magandang trabaho, kung magkagayon, tiyak na magbabago ang kapalaran ko at mamumuhay ako na parang isang elitista.” Nagpupuyat ako sa kakaaral sa gabi, at sa huli ay naging mataas ang ranggo ko sa aking klase. Naisip ko na baka ito na ang daan ko para sa mas magandang buhay. Pero noong nasa middle school ako, na-diagnose ako na may malubhang near-sightedness, pati na rin ng katarata, lazy eye, at astigmatism. Hindi ko na kayang alagaan ang sarili ko, kaya’t napilitan akong huminto sa pag-aaral. Noong panahong iyon, lubos akong nasiraan ng loob, at inisip ko na tapos na ang buhay ko, na nakatakda na ang aking kapalaran. Sa puso ko, nagreklamo ako sa kawalang-katarungan ng Langit at inisip ko na masama ang kapalaran ko. Dahil doon, nabalot ako ng depresyon.

Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nakita ko kung paanong nagdaraos ng mga pagtitipon ang aming lider kung saan nagbabahagi siya sa katotohanan para malutas ang mga isyu, nainggit ako. Naisip ko: “Tiyak na magiging kahanga-hanga kung magagawa kong maging isang diyakono o lider balang araw, at malutas ang mga problema ng mga kapatid at makuha ang kanilang respeto at suporta.” Kaya, lalo akong nagsumikap sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, tinanggap ko ang anumang gawaing ibinigay sa akin ng iglesia, at tiniis ko ang paghihirap at mabigat na gawain, umaasa na balang araw, maaari din akong maging lider o diyakono. Ngunit pagkaraan ng ilang taon, hindi pa rin ako napipili para sa anumang posisyon. Ang isang sister na tumanggap sa yugtong ito ng gawain ng Diyos kasama ko ay ginawang lider kaagad pagkatapos pumasok sa pananampalataya. Nang makita ang sister na ito na nagbabahagi ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon para malutas ang mga isyu, naisip ko: “Magkasama naming tinanggap ang yugtong ito ng gawain, at hindi nagtagal pagkarating sa sambahayan ng Diyos, naglilingkod na siya bilang isang lider at nakamit na niya ang respeto at suporta ng lahat. Samantalang ako, kahit anong pilit ko, hindi pa rin ako nagiging lider. Kaya, siguro ay masama ang kapalaran ko.” Minsan, kapag hindi naipapatupad ang mga mungkahi ko, iniisip ko: “Tutal, hindi lang din naman ako magiging isang lider kailanman, mas mabuti pang sumunod na lang ako sa maliit na grupong ito. Maging sa aking propesyon o sa sambahayan ng Diyos, nakatadhana akong magdusa at hinding-hindi ko mapapatanyag ang sarili ko sa buhay na ito.” Matapos umabot sa kongklusyong ito, unti-unti akong nawalan ng sigla sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa paghahangad sa katotohanan.

Nang maglaon, nakita ng lider ko na mayroon akong kaunting talento sa panitikan at ipinagawa niya sa akin ang isang tekstuwal na tungkulin, hindi maipaliwanag ang saya ko, iniisip na sa wakas ay may pagkatataon akong mapatanyag ang aking sarili. Nagtrabaho ako nang sobra sa oras at nakakuha ako ng magagandang resulta sa tungkulin ko. Hindi nagtagal, itinaas ang aking ranggo. Masayang-masaya ako at mas lalo akong ginanahan sa aking tungkulin. Ngunit nagkaroon ako ng problema sa aking cervical spine, at lumala ito, kaya hindi ko na nagawa nang maayos ang tungkulin ko. Napilitan akong bumalik sa dati kong iglesia at gawin na lang ang mga tungkuling kaya ko. Talagang nalugmok ako sa depresyon: “Mahirap gamutin itong problema ko sa cervical spine at maaaring bumalik sa dati kung masyado kong papagurin ang sarili ko. Dahil sa isyung iyon, mahihirapan talaga akong mapatanyag ang sarili ko. Nakatadhana akong hindi magampananan ang mahahalagang tungkulin. Masama lang talaga ang kapalaran ko, walang bagay na madali. Siguro nga, ipinanganak ako nang may masamang pangitain, dahil napakamalas ko talaga!” Sa isiping ito, naging negatibo ako at nagpakatamad sa aking tungkulin, at nilimitahan ko pa nga ang sarili ko, iniisip na malabong mangyari ang mga inaasam ko. Nang maglaon, lumapit ako sa Diyos para pagnilayan ang aking sarili: Bakit ba palagi kong nararamdaman na masama ang kapalaran ko at namumuhay ako sa matinding paghihirap? Sa aking paghahanap, natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kabatiran sa aking kalagayan.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagkaramdam ng depresyon ng isang uri ng tao ay maaaring nagmumula sa kanyang palagiang paniniwala na mayroon siyang masamang kapalaran. Hindi ba’t isa ito sa mga sanhi? (Oo.) Noong siya ay bata pa, nakatira siya sa probinsya o sa isang mahirap na lugar, ang kanyang pamilya ay hindi mayaman at maliban sa ilang simpleng kagamitan, wala siyang masyadong mahalagang pag-aari. Marahil ay mayroon siyang isa o dalawang set ng damit na kailangan niyang isuot kahit na may mga butas na ang mga ito, at karaniwan na hindi siya nakakakain ng masasarap na pagkain, kundi kailangan pa niyang maghintay ng Bagong Taon o ng mga pista upang makakain ng karne. Minsan siya ay nagugutom at wala siyang sapat na maisusuot upang hindi siya ginawin, at ang pagkakaroon ng isang malaking mangkok na puno ng karne ay isang malabong pangarap lamang, at kahit ang paghanap ng isang pirasong prutas para makain ay mahirap. Dahil siya ay nabubuhay sa gayong kapaligiran, nararamdaman niya na iba siya sa ibang mga tao na nakatira sa malaking lungsod, na may mayayamang magulang, at nakakakain at nakakapagsuot ng anumang naisin nila, na agad nakukuha ang lahat ng naisin nila, at maalam sa mga bagay-bagay. Iniisip niya, ‘Ang ganda ng kapalaran nila. Bakit ang aking kapalaran ay napakasama?’ Gusto niya na palaging mamukod-tangi at mabago ang kanyang kapalaran. Ngunit hindi ganoon kadaling baguhin ang kapalaran ng isang tao. Kapag isinilang ang isang tao sa gayong sitwasyon, kahit na subukan pa niya, mababago ba niya nang husto ang kanyang kapalaran, at mapapabuti ba niya ito nang husto? Kapag nasa hustong gulang na siya, hinaharang siya ng mga hadlang saanmang dako siya pumunta sa lipunan, siya ay inaapi saanman siya magpunta, kaya palagi niyang nararamdam na malas siya. Iniisip niya, ‘Bakit ba napakamalas ko? Bakit ba palagi akong nakakatagpo ng masasamang tao? Mahirap ang buhay noong bata pa ako, at sadyang ganoon talaga iyon. Ngayong ako ay matanda na, mahirap pa rin ang sitwasyon. Gusto ko palaging ipakita kung ano ang kaya kong gawin, pero kailanman ay hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon. Kung hindi ako magkakaroon ng pagkakataon kailanman, hindi bale na. Gusto ko lang naman magsikap at kumita ng sapat na pera upang magkaroon ng magandang buhay. Bakit ba kahit iyon ay hindi ko magawa? Bakit ba napakahirap na magkaroon ng magandang buhay? Hindi ko naman kailangang mamuhay nang nakahihigit sa lahat ng iba pa. Gusto kong mamuhay na parang isang taong tagalungsod man lang at hindi mahamak ng mga tao, at hindi maging mas mababang klase na mamamayan. Kahit papaano, kung tatawagin ako ng mga tao ay hindi sila sisigaw ng “Hoy ikaw, halika rito!” Kahit papaano ay tatawagin nila ako sa aking pangalan at kakausapin nang may respeto. Pero hindi ko man lang matamasa na kausapin ako nang may respeto. Bakit ba napakalupit ng aking tadhana? Kailan ba ito matatapos?’ Noong hindi pa nananalig sa Diyos ang gayong tao, itinuturing niyang malupit ang kanyang tadhana. Ngunit pagkatapos niyang magsimulang manalig sa Diyos at makita na ito ang tunay na daan, iniisip na niya na, ‘Sulit ang lahat ng paghihirap noon. Lahat ng iyon ay pinangasiwaan at ginawa ng Diyos, at mabuti ang ginawa ng Diyos. Kung hindi ako nagdusa nang ganoon, hindi sana ako nanalig sa Diyos. Ngayong nananalig na ako sa Diyos, kung matatanggap ko ang katotohanan, dapat ay maging mas maganda na ang tadhana ko. Ngayon ay nakapamumuhay na ako ng patas na buhay sa iglesia kasama ng mga kapatid ko, at tinatawag ako ng mga tao na “Brother” o “Sister,” at kinakausap nila ako nang may paggalang. Ngayon, natatamasa ko na ang pakiramdam na nirerespeto ako ng iba.’ Mukhang nagbago na ang tadhana niya, at tila hindi na siya nagdurusa at wala na siyang masamang kapalaran. Sa sandaling magsimula siyang manalig sa Diyos, nagiging determinado siyang magampanan nang mabuti ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nagagawa niyang magtiis ng mga paghihirap at magpakasipag, mas nakakayanan niya ang anumang usapin kaysa sa ibang tao, at nagsusumikap siyang makamit ang pagsang-ayon at paggalang ng karamihan. Iniisip niya na baka mapili pa siyang lider sa iglesia, isa sa mga tagapamahala, o lider ng grupo, at kung magkagayon, hindi ba’t bibigyang-karangalan niya ang kanyang mga ninuno at pamilya? Hindi ba’t nabago na niya ang kanyang tadhana kung magkagayon? Ngunit ang kanyang mga pangarap ay hindi natutupad sa realidad, kaya pinanghihinaan siya ng loob at iniisip niya, ‘Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at magandang-maganda ang ugnayan ko sa mga kapatid, pero bakit tuwing panahon na para pumili ng lider, ng tagapamahala, o ng lider ng grupo, hindi ako kailanman napipili? Dahil ba sobrang ordinaryo ng hitsura ko, o dahil hindi ganoon kahusay ang pagganap ko, at walang nakapansin sa akin? Tuwing may botohan, umaasa ako nang kaunti, at magiging masaya na ako kung mapipili ako bilang isang lider ng grupo man lang. Punong-puno ako ng kasiglahan na masuklian ang Diyos, pero lagi lang akong nadidismaya sa tuwing may botohan at hindi man lang ako nasasali sa mga ibinoboto. Bakit ganoon? Maaari kayang ang kaya ko lang talagang gawin sa buong buhay ko ay ang maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang taong hindi kahanga-hanga? Kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking pagkabata, kabataan, at noong may edad na ako, ang landas na aking tinahak ay palaging napakaordinaryo at wala akong nagawang anumang kahanga-hanga. Hindi naman sa wala akong ambisyon, o na masyadong kulang ang aking kakayahan, at hindi rin sa kulang ako sa pagsusumikap o na hindi ko kayang magtiis ng hirap. May mga pangarap at mithiin ako, at masasabi pa ngang may ambisyon ako. Kaya bakit ba kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi? Sa huling pagsusuri, masama lang talaga ang aking kapalaran at nakatadhana na akong magdusa, at ganito isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin.’ Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas pumapangit ang tingin niya sa kanyang kapalaran. Sa ordinaryong takbo ng kanyang mga tungkulin, kung nagbibigay siya ng ilang mungkahi o nagpapahayag ng ilang opinyon at palaging nakatatanggap ng mga pagtutol, at walang nakikinig sa kanya o sumeseryoso sa kanya, lalo pa siyang nalulungkot, at iniisip niya, ‘Naku, masama talaga ang tadhana ko! Sa bawat grupo na kinabibilangan ko, palaging may masamang tao na humaharang sa aking pag-usad at nang-aapi sa akin. Kailanman ay walang sumeseryoso sa akin at kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi. Sa huli ay dito lang din nauuwi: masama lang talaga ang tadhana ko!’ Anuman ang mangyari sa kanila, palagi nilang iniuugnay ito sa pagkakaroon nila ng masamang kapalaran; palagi nilang pinaglalaanan ng lakas ang ideyang ito ng pagkakaroon ng masamang kapalaran, nagsusumikap silang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa at pagpapahalaga rito, at habang iniisip nila ito, mas lalong nalulugmok sa depresyon ang kanilang damdamin. Kapag nakagagawa sila ng maliit na pagkakamali sa pagganap ng kanilang tungkulin, iniisip nila, ‘Naku, paano ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko kung ganito kasama ang kapalaran ko?’ Sa mga pagtitipon, nagbabahagi ang kanilang mga kapatid at iniisip nila ito nang paulit-ulit, ngunit hindi nila ito nauunawaan, at iniisip nila, ‘Naku, paano ko mauunawaan ang mga bagay-bagay kung ganito kasama ang kapalaran ko?’ Tuwing nakakakita sila ng isang taong mas magaling magsalita kaysa sa kanila, na kayang mas malinaw at mas maliwanag na talakayin ang pagkaunawa nito kaysa sa kanila, lalo pa silang nalulugmok sa depresyon. Kapag nakakakita sila ng isang taong kayang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, na nakakakita ng mga resulta sa pagganap ng tungkulin nito, na nakatatanggap ng pagsang-ayon ng kanyang mga kapatid at naitataas ang ranggo, nararamdaman nila ang kalungkutan sa kanilang puso. Kapag nakakakita sila ng isang tao na nagiging lider o manggagawa, lalo pa silang nalulugmok sa depresyon, at kahit kapag nakakakita sila ng isang taong mas magaling kumanta at sumayaw kaysa sa kanila, at nadarama nilang mas mababa sila sa taong iyon, ay nalulugmok sila sa depresyon. Sinumang mga tao, o anumang mga pangyayari, o bagay ang kanilang nakahaharap, o anumang sitwasyon ang kanilang nakatatagpo, palagi silang tumutugon sa mga ito nang may emosyon ng pagkalugmok sa depresyon. Kahit kapag nakakakita sila ng isang taong may suot na damit na medyo mas maganda kaysa sa kanila o na ang ayos ng buhok ay medyo mas maganda, palagi silang nalulungkot, at umuusbong ang selos at inggit sa kanilang puso hanggang sa wakas ay malugmok silang muli sa depresyon. Ano ang mga idinadahilan nila? Iniisip nila, ‘O, hindi ba’t ito ay dahil sa masama ang kapalaran ko? Kung medyo mas may hitsura ako, kung ang tikas ko ay katulad ng sa kanila, kung ako ay matangkad na may magandang pangangatawan, may magagarang damit at maraming pera, may mabubuting magulang, kung nagkagayon, hindi ba’t iba ang magiging lagay ng mga bagay kumpara sa ngayon? Kung nagkagayon, hindi ba’t titingalain ako ng mga tao, at maiinggit at magseselos sila sa akin? Sa huli, masama ang kapalaran ko at wala akong ibang masisisi. Sa ganito kasamang kapalaran, walang nangyayaring tama sa akin, at hindi ako makalakad kahit saan nang hindi natitisod. Ito’y bunga lamang ng masama kong kapalaran, at wala akong magagawa tungkol dito.’ Gayundin, kapag sila ay tinatabasan at iwinawasto, o kapag sinasaway o pinupuna sila ng mga kapatid, o nagmumungkahi ang mga ito sa kanila, tumutugon sila sa mga ito nang may emosyong lugmok sa depresyon. Anu’t anuman, kung ito man ay isang bagay na nangyayari sa kanila o ang lahat ng bagay na nasa kanilang paligid, palagi silang tumutugon nang may iba’t ibang negatibong kaisipan, pananaw, saloobin, at perspektiba na umuusbong mula sa kanilang emosyon na lugmok sa depresyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Tumpak na inihahayag ng mga salita ng Diyos ang aking sitwasyon. Noon, inakala ko na ang mamuhay bilang isang elitista at makuha ang respeto at suporta ng iba ay nangangahulugan na may magandang kapalaran ang isang tao, samantalang ang manggaling sa isang mahirap na pamilya, mamuhay ng isang hamak, mahirap na buhay at nang hindi nirerespeto ng iba ay nangangahulugang may masamang kapalaran ang isang tao. Lumaki ako sa kahirapan, at hindi kailanman garantisado ang mga pangunahing pangangailangan; hindi ako pinahahalagahan ng iba, at dinidiskrimina at minamaliit nila ako. Kaya, madalas kong iniisip na masama ang kapalaran ko. Dahil ganito ang pinanggalingan ko, nagpasya akong mag-aral nang mabuti para baguhin ang aking kapalaran at makapamuhay na gaya ng isang elitista. Ngunit, noong nasa middle school ako, na-diagnose ako ng malubhang near-sightedness at napilitan akong huminto sa aking pag-aaral. Kaya inisip ko na wala na akong pag-asang matupad ang mga pangarap ko at labis akong nadismaya. Pagkatapos sumapi sa pananampalataya, hindi ako nakontento sa pagiging isang normal na mananampalataya lamang, at hinangad kong maging isang lider o manggagawa. Inakala ko na sa pagkakaroon ng katayuan, makukuha ko ang respeto at suporta ng lahat at na ang pagkakaroon ng katayuan at reputasyon ay nangangahulugang mayroon akong magandang kapalaran. Nagsumikap ako at hinangad kong makamit ang aking layon, pero hindi pa rin ako naging lider o manggagawa pagkatapos ng ilang taon. Nang maging lider kaagad ang isang sister na kasabay kong tumanggap sa yugtong ito ng gawain, mas lalo akong nakumbinsi na masama ang kapalaran ko. Kung minsan, kapag hindi naipapatupad ang mga mungkahi ko at nabibigo akong makuha ang respeto ng mga tao, hindi na ako naglalakas-loob na ipahayag ang aking mga pananaw, at umiiwas na lang ako sa iba, lihim na isinusumpa ang masama kong kapalaran. Kalaunan, nang itaas ang ranggo ko sa paggampan ng isang tekstuwal na gampanin, talagang natuwa ako. Ngunit, pagkatapos ay nagkaroon ako ng problema sa aking cervical spine na nakaapekto sa aking kakayahang gawin ang aking tungkulin, at napilitan akong bumalik sa aking dating iglesia at gawin na lamang ang mga tungkuling kaya ko. Pakiramdam ko ay napakamalas ko, at na, sa huli, masama lang talaga ang kapalaran ko. Akala ko hinding-hindi na ako magkakaroon ng pagkakataong mapatanyag muli ang aking sarili, na hinding-hindi na maitataas ang ranggo ko, o mabibigyan ng malaking papel, at hinding-hindi na susuportahan at rerespetuhin ng iba. Kaya, nalugmok ako sa depresyon at hindi naging metikuluso sa aking tungkulin, iniraraos lang ang bawat araw. Nakita ko na naghahangad lang ako ng katayuan, suporta, at respeto ng iba sa lahat ng aspeto. Kapag hindi nangyayari ang mga bagay ayon sa nais ko, nagrereklamo ako na mayroon akong masamang kapalaran, nawawalan ako ng sigla sa aking tungkulin, humihinto sa aktibong pagbabahagi ng aking pananaw sa mga pagtitipon, nabibigong tanggapin ang mga sitwasyong kinakaharap ko mula sa Diyos at pagnilayan ang aking sarili. Dahil dito, huminto ang aking buhay pagpasok. Hindi ba’t tila isang lihim na pagprotesta laban sa Diyos ang aking negatibong kalagayan? Sa lahat ng taon ng aking pananampalataya, palagi kong sinasabi na ang lahat ng nangyayari sa araw-araw ay resulta ng mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ngunit kapag hindi nasusunod ang mga nais ko, hindi ako nagpapasakop at hindi nagtitiwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi ba’t ang mga ito ang mga pananaw ng isang walang pananampalataya?

Kalaunan, patuloy akong naghanap: Bakit palagi kong nararamdaman na masama ang kapalaran ko? Ano ang mali sa aking pananaw? Pagkatapos, nakita ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang isinaayos ng Diyos na kapalaran ng isang tao, ito man ay maganda o masama, ay hindi dapat tingnan o sukatin gamit ang mga mata ng tao o ang mga mata ng manghuhula, ni hindi ito dapat sukatin batay sa laki ng yaman at kabantugang natatamasa ng taong iyon sa kanyang buong buhay, o kung gaano karaming paghihirap ang kanyang nararanasan, o kung gaano siya kamatagumpay sa kanyang paghahangad sa mga oportunidad, kasikatan, at kayamanan. Gayunpaman, ito mismo ang malubhang pagkakamali na ginagawa ng mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran, ito rin ay isang paraan ng pagsukat ng kapalaran ng isang tao na ginagamit ng karamihan ng mga tao. Paano ba sinusukat ng karamihan sa mga tao ang kanilang sariling kapalaran? Paano sinusukat ng mga makamundong tao kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama? Pangunahin na ibinabatay nila ito sa kung ang takbo ng buhay ng taong iyon ay maayos o hindi, kung siya ay nakakapagtamasa o hindi ng yaman at kabantugan, kung siya ay nakapamumuhay nang higit na marangya kaysa sa iba, kung gaano siya nagdurusa at kung gaano karami ang natatamasa niya sa kanyang buong buhay, kung gaano siya katagal mabubuhay, kung ano ang kanyang propesyon, kung ang kanyang buhay ay puno ba ng hirap o kaya ay maginhawa at madali—ang mga ito at iba pa ang kanilang ginagamit upang sukatin kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama. Hindi ba’t ganito niyo rin sinusukat ito? (Oo.) Kaya, kapag ang karamihan sa inyo ay nakakaharap ng isang bagay na hindi ninyo gusto, kapag dumaranas kayo ng paghihirap, o hindi ninyo magawang matamasa ang isang mas mataas na uri ng pamumuhay, iisipin ninyong may masamang kapalaran din kayo, at malulugmok kayo sa depresyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). “Noon pa man ay pauna nang itinakda ng Diyos ang kapalaran ng mga tao, at hindi mababago ang mga ito. Ang ‘magandang kapalaran’ at ‘masamang kapalaran’ na ito ay magkakaiba sa kada tao, at ito ay nakadepende sa kapaligiran, sa kung ano ang nararamdaman ng mga tao at kung ano ang kanilang hinahangad. Kaya naman, ang kapalaran ng isang tao ay hindi maganda at hindi rin masama. Maaaring napakahirap ng buhay mo, ngunit maaari mong isipin na, ‘Hindi ako naghahangad ng marangyang buhay. Masaya na ako na may sapat akong makakain at maisusuot. Lahat ay dumaranas ng paghihirap sa kanilang buhay. Sinasabi ng mga makamundong tao, “Hindi mo makikita ang bahaghari maliban na lang kung umuulan,” kaya’t may halaga ang paghihirap. Hindi ito masyadong masama, at hindi masama ang kapalaran ko. Binigyan ako ng langit ng kaunting pasakit, ilang pagsubok, at pagdurusa. Iyon ay dahil mataas ang tingin Niya sa akin. Ito ay isang magandang kapalaran!’ May mga tao namang nag-iisip na ang paghihirap ay masama, na ito ay nangangahulugan na may masama silang kapalaran, at tanging ang pamumuhay na walang paghihirap, na puno ng kaginhawahan at kaalwanan, ang nangangahulugang may maganda silang kapalaran. Para sa mga hindi mananampalataya, ‘kanya-kanyang opinyon ito ng mga tao sa usapin.’ Paano itinuturing ng mga nananalig sa Diyos ang usaping ito ng ‘kapalaran’? Pinag-uusapan ba natin ang pagkakaroon ng ‘magandang kapalaran’ o ‘masamang kapalaran’? (Hindi.) Hindi natin sinasabi ang ganitong mga bagay. Sabihin nang may maganda kang kapalaran dahil nananalig ka sa Diyos, kung gayon, kung hindi mo susundin ang tamang landas sa iyong pananampalataya, kung ikaw ay parurusahan, ilalantad at palalayasin, nangangahulugan ba ito na may magandang kapalaran ka o may masamang kapalaran? Kung hindi ka nananalig sa Diyos, imposibleng ikaw ay mailalantad o mapapaalis. Ang mga hindi nananalig at ang mga relihiyoso ay hindi nagsasalita tungkol sa paglalantad o pagkilatis sa mga tao, at hindi rin sila nagsasalita tungkol sa pagpapaalis o pagpapalayas ng mga tao. Dapat sana ay nangangahulugan ito na may magandang kapalaran ang mga tao kapag sila ay nakakapanalig sa Diyos, ngunit kung sila ay maparurusahan sa huli, ibig bang sabihin niyon na may masama silang kapalaran? Ang dati nilang magandang kapalaran ay biglang nagiging masama—kaya alin nga ba rito? Kung maganda man o hindi ang kapalaran ng isang tao ay hindi isang bagay na maaaring husgahan, hindi ito kayang husgahan ng mga tao. Lahat ng ito ay ginawa ng Diyos, at ang lahat ng isinasaayos ng Diyos ay maganda. Sadyang magkakaiba lang talaga ang takbo ng kapalaran ng bawat indibidwal, o ang kanilang kapaligiran, at ang mga tao, pangyayari, at mga bagay na kanilang kinakaharap, at ang landas sa buhay na kanilang nararanasan sa kanilang mga buhay ay magkakaiba; ang mga bagay na ito ay magkakaiba sa kada tao. Ang kapaligirang pinamumuhayan at kapaligirang kinalalakhan ng bawat indibidwal, na parehong isinaayos ng Diyos, ay lahat magkakaiba. Ang mga bagay na nararanasan ng bawat indibidwal sa kanilang mga buhay ay lahat magkakaiba. Walang tinatawag na magandang kapalaran o masamang kapalaran—lahat ng ito ay isinasaayos ng Diyos, at lahat ng ito ay ginawa ng Diyos. Kung titingnan natin ang usapin mula sa perspektiba na lahat ng ito ay ginawa ng Diyos, lahat ng ginagawa ng Diyos ay maganda at tama; sadya lamang na sa perspektiba ng mga hilig, damdamin, at mga pagpili ng tao, may ilang taong pumipili ng komportableng buhay, pinipiling magkaroon ng kasikatan at kayamanan, ng magandang reputasyon, na magkaroon ng kasaganaan sa mundo, at maging matagumpay. Naniniwala sila na nangangahulugan ito na mayroon silang magandang kapalaran, at na ang mabuhay nang pangkaraniwan at hindi matagumpay, palaging nasa pinakababa ng lipunan, ay isang masamang kapalaran. Ganito nakikita ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng mga hindi nananalig at ng mga makamundong taong naghahangad ng mga makamundong bagay at naglalayon na mabuhay sa mundo, at ganito umuusbong ang ideya ng magandang kapalaran at masamang kapalaran. Ang ideya ng magandang kapalaran at masamang kapalaran ay umuusbong lamang mula sa makitid na pang-unawa at mababaw na pananaw ng tao sa kapalaran, at mula sa mga paghusga ng mga tao sa dami ng pisikal na paghihirap na kanilang tinitiis, at sa dami ng kasiyahan, at kasikatan at yaman na kanilang nakakamit, at iba pa. Sa totoo lang, kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, walang gayong mga interpretasyon na magandang kapalaran o masamang kapalaran. Hindi ba’t tumpak ito? (Oo.) Kung titingnan mo ang kapalaran ng tao mula sa perspektiba ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, at ito ang kailangan ng bawat indibidwal. Ito ay dahil ang sanhi at bunga ay may bahagi sa mga nakaraan at kasalukuyang buhay, ang mga ito ay paunang itinakda ng Diyos, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, at ang Diyos ang nagpaplano at nagsasaayos sa mga ito—walang magagawa rito ang tao. Kung titingnan natin ito mula sa ganitong pananaw, hindi dapat husgahan ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran bilang maganda o masama, hindi ba?(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Maingat na tinukoy ng mga salita ng Diyos ang kahangalan ng pananaw ng mga tao sa “mabuti” at “masamang” kapalaran. Hinuhusgahan ng mga tao ang kanilang kapalaran batay sa kung maayos ba ang takbo ng kanilang buhay, kung nagtatamo ba sila ng katayuan at kayamanan, at kung nagkakamit ba sila o hindi ng kasikatan at magandang kapalaran. Ang paggawa ng mga pagpapasya batay sa mga personal na kagustuhan ay isang pananaw ng hindi mananampalataya at hindi ito naaayon sa katotohanan. Sa Diyos, walang mabuti o masamang kapalaran. Pinagpapasyahan ng Diyos ang kapalaran ng mga tao batay sa kanilang nakaraan at kasalukuyang buhay. Pauna nang itinakda at isinaayos ng Diyos ang kanilang kapalaran. Napagtanto ko na hindi naiiba sa isang hindi mananampalataya ang aking pananaw. Buong buhay akong naghangad ng kayamanan at katayuan, para mamukod-tangi at magtamo ako ng kasikatan at kayamanan. Inakala kong ang pagkakaroon ng paggalang at suporta ay tanda ng isang magandang kapalaran, samantalang ang aking pangkaraniwan at ordinaryong buhay, pamumuhay sa kahirapan at pagkabigong marespeto at maseryoso ng iba, ay marka ng isang masamang kapalaran. Nakita ko na mali ang aking pananaw at na nagmula ito kay Satanas. Ito ay limitadong pagkaunawa sa kapalaran na itinataguyod ng mga hindi mananampalataya. Napagtanto ko na ang mga nagkakamit ng kasikatan at malaking kayamanan ay maaaring may karangalan, kaluwalhatian, respeto at suporta ng iba, at tila mayroong magandang kapalaran, subalit sila ay hungkag sa espirituwal, nagdurusa sila, nababagot sa buhay, at ang ilan ay humahantong sa paggamit ng droga at pagpapakamatay. Dahil sa nahuhugot na lakas ng loob mula sa sarili nilang awtoridad, ang ilang tao ay nanggugulo, gumagawa ng kasamaan, at lumalabag sa mga batas, at sa huli ay nakukulong sila, nasisira ang kanilang reputasyon. Mayroon ba talagang magandang kapalaran ang gayong mga tao? Nakita ko na hindi nakabatay ang kapalaran ng isang tao sa kung nagtamasa siya ng yaman at kaluwalhatian o kung gaano katindi ang pagdurusang pinagdaanan niya. Pinagpapasyahan at isinasaayos ng Diyos kung magiging gaano kayaman o kahirap ang isang tao. Paunang itinatakda ng Diyos ang buhay natin batay sa ating mga pangangailangan at ang lahat ng pagsasaayos Niya ay mabuti. Sa Diyos, walang mabuti o masamang kapalaran. Samantalang ako, sa kabila ng pagiging laki sa kahirapan, pagdanas ng mga paghihirap at problema, at pagdurusa nang kaunti, pinatibay ng lahat ng karanasan ko ang aking determinasyon sa harap ng pagdurusa; ito ay isang napakahalagang abilidad ko sa buhay. Higit pa rito, napakatindi ng pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan. Kung nakapasa ako sa isang unibersidad at nagtamo ng kasikatan at kayamanan, tiyak na madadala ako sa masamang kalakarang iyon. Kung nagkagayon, lalapit kaya ako sa harap ng Lumikha at tatanggap sa pagliligtas ng Diyos? Pauna ring itinakda ng Diyos na hindi ako mapipili bilang lider. Mayroon akong kaunting abilidad na maunawaan ang mga salita ng Diyos, at natutukoy ko ang ilang isyu ng mga kapatid ko, pero hindi ako ganoong mahusay, at hindi ko kayang pangasiwaan ang mas maraming trabaho. Maraming gawain ang kailangang asikasuhin ng mga lider, at kung hindi mapapangasiwaan nang maayos ang mga isyu, makakapinsala ito sa gawain ng iglesia. Ginagampanan ko na ngayon ang mga tungkuling kaya kong gawin, kapaki-pakinabang ito para sa akin at sa gawain ng iglesia. Nakita ko ang mga taimtim na layunin sa likod ng sitwasyong pinangasiwaan ng Diyos para sa akin. Namumuhay ako noon ayon sa mga kakatwang pananaw na ito, nagnanais na mamuhay gaya ng isang elitista. Sa tuwing hindi nasusunod ang mga gusto ko at hindi natutugunan ang aking mga pagnanais, nagrereklamo ako tungkol sa aking masamang kapalaran, nababalot ako ng depresyon at naghihimagsik laban sa Diyos. Bilang isang mananampalataya, hindi ako sumunod sa mga salita ng Diyos, sa halip ay sumunod ako sa mga maling pananaw ng mga hindi mananampalataya. Naghihimagsik at lumalaban ako sa Diyos! Nang napagtanto ko ito, medyo kinilabutan ako sa aking ginawa, kaya’t lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “O Diyos! Hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ako nakapagpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Tunay akong mayabang at hindi makatwiran. Handa akong ituwid ang aking mga kakatwang pananaw, magpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos at hindi na lumaban sa Iyo.”

Kalaunan, nakita ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa mga mapaminsalang kahihinatnan ng mga negatibong emosyon. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Bagamat nananalig sa Diyos ang mga taong ito na nag-iisip na may masama silang kapalaran at handa silang bitiwan ang mga bagay-bagay, gugulin ang kanilang sarili at sumunod sa Diyos, hindi pa rin nila magampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa isang malaya, magaan, at mapanatag na paraan. Bakit hindi nila ito magawa? Ito ay dahil sa kanilang kalooban ay nagtataglay sila ng ilang sukdulan at abnormal na mga kaisipan at pananaw na nagdudulot na umusbong sa kanila ang mga matinding emosyon. Dahil sa mga matinding emosyon na ito, ang paraan ng kanilang paghusga sa mga bagay-bagay, ang paraan ng kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nagmumula sa isang sagad-sagaran, hindi wasto, at maling pananaw. Tinitingnan nila ang mga isyu at mga tao mula sa sagad-sagaran at maling pananaw na ito, kung kaya’t sila ay paulit-ulit na namumuhay, tumitingin sa mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sa ilalim ng epekto at impluwensya ng negatibong emosyong ito. Sa huli, paano man sila mamuhay, tila napapagod sila nang husto na hindi na nila kayang magpakita ng anumang sigla sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Paano man nila piliing mamuhay, hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin nang positibo o aktibo, at kahit na maraming taon na silang nananalig sa Diyos, hindi sila kailanman tumutuon sa pagganap ng kanilang tungkulin nang buong puso at kaluluwa o sa pagganap ng kanilang tungkulin nang maayos, at siyempre, lalong hindi sila naghahangad ng katotohanan, o nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit nga ba ganito? Sa panghuling pagsusuri, ito ay dahil palagi nilang iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, at dahil dito ay labis silang nalulugmok sa depresyon. Lubos silang nawawalan ng sigla, pakiramdam nila ay wala silang magagawa, para silang naglalakad na bangkay, walang kabuhay-buhay, hindi nagpapakita ng anumang positibo o optimistikong pag-uugali, lalo na ng anumang determinasyon o tibay na ialay ang katapatan na dapat nilang ialay sa kanilang tungkulin, mga responsabilidad, at obligasyon. Sa halip, mabigat ang loob silang nagsisikap araw-araw nang may pabayang saloobin, nang walang direksyon at magulo ang pag-iisip, at iniraraos pa nga nila ang mga araw nang wala sa sarili. Wala silang kamalay-malay kung gaano katagal nilang iraraos ang mga bagay-bagay. Sa huli, wala silang ibang magagawa kundi paalalahanan ang kanilang sarili, sabihin na, ‘Ay, itutuloy ko na lamang na iraos ang mga bagay-bagay hangga’t kaya ko! Kung isang araw ay hindi na ako makakapagpatuloy, at naisin ng iglesia na itiwalag ako at paalisin, dapat na lang nila akong paalisin. Ito ay dahil may masama akong kapalaran!’ Makikita mo na maging sa kanilang sinasabi ay sumuko na sila. Ang emosyong ito ng depresyon ay hindi lamang isang simpleng lagay ng kalooban, kundi, higit pa rito, may malubha itong epekto sa mga iniisip, puso, at paghahangad ng mga tao. Kung hindi mo mababago kaagad ang iyong mga emosyon na nalulugmok sa depresyon, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong buong buhay, sisirain din nito ang iyong buhay at dadalhin ka sa iyong kamatayan. Kahit pa nananalig ka sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan at kaligtasan, at sa huli, mamamatay ka(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). “Ang ganitong uri ng depresyon ay hindi simple o panandaliang pagrerebelde lamang, hindi rin ito pansamantalang pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon, lalong hindi ito pagpapamalas ng isang tiwaling kalagayan. Sa halip, ito ay isang tahimik na paglaban sa Diyos, at isang hindi kontento at tahimik na paglaban sa kapalarang isinaayos para sa kanila ng Diyos. Bagama’t maaaring ito ay isang simpleng negatibong emosyon, mas malubha ang mga idinudulot nito sa mga tao kaysa sa mga idinudulot ng isang tiwaling disposisyon. Maliban sa hinahadlangan ka nito na magkaroon ng positibo at tamang saloobin sa tungkuling dapat mong gampanan, at sa iyong pang-araw-araw na buhay at paglalakbay sa buhay, ang mas malubha pa, maaari ka ring mawasak nito dahil sa depresyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na kung iniisip ng isang tao na mayroon siyang masamang kapalaran, kapag nananampalataya siya sa Diyos, tumutupad sa kanyang tungkulin at tinatrato niya ang mga tao o bagay na kanyang kinakaharap gamit itong mali at sukdulang pananaw, may tendensiya siyang masadlak sa pagkanegatibo at depresyon, maging magulo ang isip sa kanyang mga tungkulin, iniraraos lang ang mga ito, hindi nakatutok at walang pagnanais na umunlad. Ang mabalot ng depresyon ay maaaring humantong sa mas papalalang pagkalugmok, na sa huli ay nagreresulta sa pagkasira ng anumang pagkakataong maligtas. Nakita ko na kung hindi ko tatalikuran ang pananaw na ito, magiging lubhang kakila-kilabot ang mga kahihinatnan! Naisip ko kung paano ako nabuhay nang iniisip na mayroon akong masamang kapalaran. Noong kailangan kong ihinto ang aking pag-aaral dahil sa problema ko sa mata, nasira ang aking mga pangarap na magkaroon ng kasikatan at kayamanan, at hindi ako makapamumuhay nang respetado tulad ng isang mayaman, kaya’t nagdusa ako nang husto, at nawalan ng pag-asa sa buhay. Pagkatapos kong maging isang mananampalataya at magampanan ang aking tungkulin, naghangad pa rin ako ng mataas na katayuan, at nang hindi itinaas ang aking ranggo at hindi ako pinili bilang lider, hindi ko pinagnilayan ang aking mga kakulangan, hindi kinilala ang aking sarili, sa halip, patuloy lang akong nagrereklamo tungkol sa aking masamang kapalaran at namumuhay sa isang negatibong kalagayan, hindi handang hangarin ang katotohanan. Nang maglaon, nang magkaroon ako ng problema sa aking cervical spine, inakala kong hindi ko na magagawang mamukod-tangi sa hinaharap, at kaya, nagpakatamad ako sa aking mga tungkulin, tinanggap ang aking pagkabigo, at unti-unting lumayo ang loob ko sa Diyos. Nakita ko na itong pananaw ng pagkakaroon ng mabuti o masamang kapalaran ay mahigpit na gumapos at pumigil sa akin, kaya hindi ako makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at mas lalo akong naging mapanlaban. Naisip ko ang mga hindi mananampalataya na palaging nagsasabi kung gaano kahirap ang kanilang kapalaran. Dahil mahirap sila at walang kapangyarihan, namuhay sa mababang uri ng lipunan, nabigong makuha ang respeto ng iba, at madalas na kinakantiyawan, ginawa nila ang lahat para mabago ang kanilang kapalaran, ngunit kapag hindi nasusunod ang kanilang gusto, naiisip nilang tapusin ang kanilang buhay. Ang ibang hindi mananampalataya ay masipag na nag-aaral nang maraming taon ngunit bigo silang magtamo ng katayuan o kayamanan at naiisip nila na masama ang kanilang kapalaran, at ang ilan pa nga ay lubhang nalulugmok sa depresyon at nawawala sa katinuan. Nakita ko na kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at namumuhay sila nang may mga kakatwang pananaw, hindi nila tinatrato nang wasto ang kanilang sarili at hindi tinitingnan nang tama ang mga tao, pangyayari at bagay, sa huli ay nalulugmok sila sa depresyon. Ang mga pananaw na ito ay nagmumula kay Satanas. Ginagamit ni Satanas ang mga kakatwang pananaw na ito para linlangin at pinsalain ang mga tao, na nagiging sanhi na malugmok sila sa depresyon, maging mababang-uri, at hindi maghangad sa katotohanan, at na mapalayas sila sa huli. Nang maunawaan ko ang lahat ng iyon, napagtanto ko na hindi ko na pwedeng tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa ganitong pananaw na may mabuti at masamang kapalaran. Kung magpapatuloy ako sa ganoong paraan, ipapahamak ko lang ang sarili ko. Kaya, lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “O Diyos! Ang bawat sitwasyong pinangangasiwaan Mo ay ginagawa nang may mga taimtim na layunin, at magpapasakop ako sa mga ito. Lulutasin ko ang aking katiwalian habang ginagawa ang aking tungkulin at sisikapin kong mapabuti ang aking tungkulin.”

Sa aking paghahanap, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ano ang dapat na maging saloobin ng mga tao tungkol sa kapalaran? Dapat kang sumunod sa mga pagsasaayos ng Lumikha, aktibo at masikap na hanapin ang layunin at kahulugan ng Lumikha sa Kanyang pagsasaayos ng lahat ng ito at maunawaan ang katotohanan, gamitin ang iyong pinakamahusay na kakayahan sa buhay na ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo, gampanan ang mga tungkulin, responsabilidad, at obligasyon ng isang nilikha, at gawing mas makabuluhan at mas mahalaga ang iyong buhay, hanggang sa wakas ay matuwa sa iyo ang Lumikha at maalala ka Niya. Siyempre, mas mainam kung makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng iyong paghahanap at pagsisikap nang husto—ito ang pinakamagandang resulta. Anu’t anuman, sa usapin ng kapalaran, ang pinakaangkop na saloobin na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan ay hindi ang paghuhusga at paglilimita nang walang pasubali, o ang paggamit ng mga sukdulang pamamaraan para harapin ito. Siyempre, lalong hindi dapat subukang labanan, piliin, o baguhin ng mga tao ang kanilang kapalaran, bagkus dapat nilang gamitin ang kanilang puso upang pahalagahan ito, at hanapin, siyasatin, at sundin ito, bago ito harapin nang positibo. Sa huli, sa kapaligirang pinamumuhayan at sa landas sa buhay na inilaan para sa iyo ng Diyos, dapat mong hanapin ang paraan ng pag-asal na itinuturo sa iyo ng Diyos, hanapin ang landas na hinihingi ng Diyos na iyong tahakin, at danasin ang kapalaran na itinakda ng Diyos para sa iyo sa ganitong paraan, at sa huli, ikaw ay pagpapalain. Kapag iyong naranasan ang kapalaran na isinaayos ng Lumikha para sa iyo sa ganitong paraan, ang iyong mapahahalagahan ay hindi lamang paghihinagpis, kalungkutan, mga luha, kirot, pighati, at pagkabigo, sa halip, higit pa rito ay iyong mararanasan ang kasiyahan, kapayapaan, at kaginhawahan, pati na rin ang kaliwanagan at pagtanglaw ng katotohanan na ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo. Bukod pa rito, kapag ikaw ay naligaw sa iyong landas sa buhay, kapag ikaw ay naharap sa pighati at pagkabigo, at kinakailangan mong pumili, mararanasan mo ang paggabay ng Lumikha, at sa huli ay magkakamit ka ng pang-unawa, karanasan, at pagpapahalaga sa kung paano mamuhay nang pinakamakabuluhan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang Kanyang kalooban at nakita ko kung gaano kabuti ang puso ng Diyos. Bagamat mahaharap tayo sa mga paghihirap at pagkabigo sa buhay natin, hindi iyon nangangahulugan na dapat nating subukang labanan o baguhin ang ating kapalaran. Sa halip, dapat tayong magpasakop sa kung ano ang paunang itinakda ng Diyos, matuto mula sa mga tao, pangyayari at bagay na pinangangasiwaan ng Diyos para sa atin at dapat nating makamit ang katotohanan. Saka lamang tayo makakahanap ng tunay na kapayapaan at kaginhawahan. Naisip ko kung paanong may pahintulot ng Diyos na hindi ako napili bilang lider. Wala akong mga mahusay na kasanayan sa gawain at mas angkop ako na gumawa ng isang tungkulin lamang, na maging isang regular na tagasunod, iyon ang pinakamagandang posisyon para sa akin. Ngayon ay inatasan ako ng iglesia sa isang tungkulin ng pagdidilig. Sa pamamagitan ng tungkuling ito, marami akong nabasang mga salita ng Diyos tungkol sa pag-alam sa Kanyang gawain, naunawaan ko ang ilang prinsipyo tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagkilatis sa mga tao, nagkaroon ako ng kaalaman sa aking tiwaling disposisyon at nagagawa ko na ngayong magpasakop sa mga sitwasyong pinangangasiwaan ng Diyos para sa akin. Ang lahat ng ito ay mga tunay na pakinabang at ang pinakamahalaga sa lahat ng kayamanan. Napagtanto ko na ngayon na ang buong buhay natin ay isinasaayos at paunang itinatakda ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagpapasakop, paghahangad at pagkamit sa katotohanan sa lahat ng uri ng sitwasyon, pagtamo ng disposisyonal na pagbabago at pagkamit sa kaligtasan ng Diyos tayo tunay na magkakaroon ng magandang kapalaran. Pagkatapos niyon, kumilos ako ayon sa mga salita ng Diyos, tinutupad ang aking tungkulin nang may katapatan at debosyon, at pinagninilayan ko ang aking sarili at natututo ako mula sa mga problema at kabiguan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagdulot sa akin ng kapayapaan at kagalakan.

Kamakailan, hiniling sa amin ng aming lider na magrekomenda ng mahuhusay na kapatid, at naisip ko: “Isang bagay na maipagmamalaki ang makatanggap ng isang promosyon. Makakaambag ako sa pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian, at tiyak na kaiinggitan at hahangaan ako ng iba kapag nabalitaan nilang itinaas ang ranggo ko.” Gayunpaman, sinabi sa akin ng lider na dahil sa aking karamdaman, hindi ako angkop na gumanap ng isang tungkulin kung saan kakailanganin kong lumabas. Medyo nanlumo ako at sa isip-isip ko ay nagreklamo ako: “Lahat ng kapatid ko ay mukhang malusog, at pwedeng maitaas ang kanilang ranggo at magkaroon ng mas maraming pagkakataong magsagawa, samantalang kailangan ko lang manatili sa bahay at wala akong pagkakataong mamukod-tangi o magtaglay ng kaluwalhatian. Masama talaga ang kapalaran ko.” Habang nagsisimulang umusbong ang mga kaisipang ito, napagtanto ko na muli na naman akong namumuhay sa isang masamang kalagayan, kaya’t lumapit ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap. Nakita ko itong mga salita ng Diyos: “Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kahihinatnan nito: Mailalantad ka at mapapalayas, na walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Matapos makitang palayasin ng sambahayan ng Diyos ang maraming anticristo at masasamang tao, ang ilang naghahangad na matamo ang katotohanan ay namamasdan ang kabiguan ng mga anticristo at napagninilayan ang landas na tinatahak ng mga anticristo, at pinagninilay-nilayan din nila at kinikilala ang kanilang sarili. Mula rito, nagkakaroon sila ng pagkaunawa tungkol sa kalooban ng Diyos, nagpapasya na maging mga ordinaryong tagasunod, at nagtutuon sa paghahangad na matamo ang katotohanan at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Kahit sabihin ng Diyos na sila ay mga tagapagsilbi o mga aba na walang halaga, kuntento na silang maging isang taong mababa sa paningin ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang tagasunod, ngunit isang taong sa huli ay tinatawag na katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos. Ang ganitong klaseng tao lamang ang mabuti, at ang ganitong klaseng tao lamang ang pupurihin ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang tao ay isa lamang maliit at hamak na nilikha ng Diyos, na walang anumang tunay na katayuan. Bilang isang matinong tao, dapat akong maging praktikal at manatili sa aking puwesto, hangaring makamit ang katotohanan, at baguhin ang aking disposisyon sa buhay, dahil ito ang pinupuri ng Diyos. Kung palagi akong maghahangad ng reputasyon at katayuan, sa huli ay palalayasin ako ng Diyos. Naisip ko iyong mga dati kong hinahangaan at nirerespeto bilang mga taong may magandang kapalaran, katulad ni Zhao Xue, ang dati kong kapareha. Siya ay matalino, mahusay siyang magsalita, at itinaas ang ranggo niya sa isang mahalagang posisyon. Subalit habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, palagi siyang naghahangad ng reputasyon at katayuan, na lubhang nakagambala sa gawain ng iglesia. Nang siya ay pinalitan, hindi siya nagsisi, at itiniwalag siya dahil sa paggawa ng maraming kasamaan. Ang pagkabigo niya ay isang babala sa akin. Nakita ko na kapag hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan at palagi silang nagsusumikap para sa reputasyon at katayuan, sila ay malalantad at mapapalayas. Dahil hindi ako makagawa ng mga tungkuling nangangailangan ng paglabas dahil sa aking kondisyon, nagsimula akong magreklamo; ito ang pagpaparamdam muli ng aking pagnanais para sa reputasyon at katayuan. Inakala ko na maaari akong mamukod-tangi sa pamamagitan ng paglabas para gumawa ng mga tungkulin at na mangangahulugan itong mayroon akong magandang kapalaran. Naghahangad pa rin ako ng reputasyon at katayuan, at tumatahak sa landas ng pagsalungat sa Diyos. Kalooban ng Diyos na ako ay umiral bilang Kanyang nilikha; lumabas man ako o manatili sa bahay, pwede ko pa ring palaging magampanan ang aking tungkulin at mahangad ang katotohanan at disposisyonal na pagbabago. Alam kong dapat akong magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos at taimtim na tuparin ang aking tungkulin, dito lamang ako magiging panatag.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting kaalaman sa aking mga maling pananaw, at nakita ko kung paanong ang aking pagrereklamo tungkol sa aking inaakalang masamang kapalaran ay isang paghihimagsik laban sa Diyos at pagtangging magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Kung magpapatuloy ako nang ganoon, mawawalan ako ng pagkakataong maligtas. Mula ngayon, determinado na akong isantabi ang aking mga maling pananaw, magpasakop, at gampanan nang mabuti aking tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman