Bakit Ako Natatakot na Mag-ulat ng mga Problema?

Pebrero 24, 2024

Ni Kristina, USA

Noong 2011, habang naglilingkod bilang isang diyakono ng ebanghelyo, napansin ko na ang lider kong si Zhang Min ay madalas magpakitang-gilas sa pamamagitan ng pagsasalita ng mga doktrina. Alam kong nakasasama ito sa mga kapatid at sa kanyang sarili, kaya ipinaalam ko sa kanya ang isyu ayon sa aking pansariling pananaw. Nagulat na lang ako nang pinalitan niya ako makalipas lamang ang isang linggo at sinabi niya sa mga kapatid na ito ay dahil nakikipagkumpetensiya ako sa kanya para sa katayuan. Kalaunan, nalantad si Zhang Min bilang isang anticristo at itiniwalag siya dahil sa pag-atake at paghihiganti sa mga tao, ginagawa ang lahat ng uri ng kasamaan at hindi hinahangad na magsisi. Pagkatapos niyon ay saka lamang ako tinulutang gampanang muli ang aking tungkulin. Nang maranasan ko iyon, sinabi ko sa sarili ko: “Kailangan kong mag-ingat sa aking mga sinasabi mula ngayon. Bawasan ang pagsasalita, dagdagan ang paggawa, at huwag makialam sa mga usapin ng iba. Talagang hindi ko na pwedeng sabihin ang anumang nasa isip ko tulad ng dati. Kung sakaling makatagpo ko ang isa pang anticristo at hindi sinasadyang mapasama ko ang loob niya, at sa huli ay masupil at mapalitan ako, hindi ko na naman magagampanan ang tungkulin ko. Kung magkagayon, magkakaroon pa ba ako ng pagkakataon na mailigtas?” Pagkatapos niyon, naging mapagbantay at maingat ako sa pakikisalamuha sa iba.

Kalaunan, naging katuwang ko si Liu Xiao para pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo. Sa mga pagtitipon, napansin ko na nagbabahagi lamang si Liu Xiao tungkol sa mga positibong aspeto ng kanyang pagpasok, na para bang marami na siyang naharap na isyu at mayroon nang napakagandang tayog. Ni minsan ay hindi ko siya narinig na sumusuri o nagpapakita ng kaalaman tungkol sa sarili niyang katiwalian. Hindi ko mapigilang sabihin sa kanya: “Matagal na tayong magkakilala, pero ni minsan ay hindi ko narinig na tinatalakay mo ang pagkakilala sa iyong sarili.” Nagulat ako nang sumama nang husto ang loob ni Liu Xiao at naging masungit ang kanyang mukha. Mariin siyang sumagot: “Hindi pwedeng mayroon lamang tayong pagkakilala sa ating sarili; walang silbi ang lahat ng pagkakilala sa ating sarili kung wala tayong pagbabago sa disposisyon! Sino ba ang hindi pa kayang magsalita tungkol sa pagkakilala sa sarili sa panahong ito? May sinuman ba sa kanila ang nagbago?” Dahil dito, naisip kong baluktot ang pagkaunawa niya. Ang susi sa pagbabago sa disposisyon ay pagkakilala sa sarili; kung wala kang kaalaman sa sarili mong katiwalian, paano ka magbabago? Hindi niya tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at hindi niya pinagnilayan ang kanyang sarili batay sa mga salita ng Diyos. Paano niya nagawang magbigay ng mga gayong kakatwang komento? Kaya, sinabi ko sa kanya ang pagkaunawa ko batay sa mga salita ng Diyos, pero bukod sa hindi niya ito tinatanggap, maangas din siyang sumagot: “Madalas kong naririnig na tinatalakay mo ang pagkakilala sa sarili, pero nagbago ka na ba? Kung kilala mo ang iyong sarili, bakit nagpapakita ka pa rin ng katiwalian?” Pakiramdam ko ay napakabaluktot ng pagkakaunawa niya at hindi niya tinanggap ang katotohanan. Pagkatapos niyon, nagbago ang pag-uugali ni Liu Xiao sa akin. Hindi niya ako pinapansin, at bihira lang akong kausapin, at dahil sa lahat ng iyon, pakiramdam ko ay labis akong napipigilan. Nang makitang may baluktot na pag-unawa si Liu Xiao at hindi niya tinanggap ang mga mungkahi ng ibang tao, naisip ko na hindi siya angkop na maging superbisor, at naisipan kong iulat ang isyu niya sa lider, pero pagkatapos ay naisip ko: “Matagal nang mananampalataya si Liu Xiao at noon pa man ay nagpapalaganap na siya ng ebanghelyo, at lubos din siyang hinahangaan ng aming lider. Kakasimula ko pa lang sa tungkuling ito; kung iuulat ko ang isyu ni Liu Xiao, ano na lang ang iisipin sa akin ng lider? Sasabihin ba niyang naiinggit ako kay Liu Xiao at naghahanap lang ako ng butas? Hindi bale na, mas mabuti kung walang gulo. Mas mabuting alagaan ko muna ang sarili ko. Ang kawalan niya ng pagkaunawa sa sarili at baluktot na pagkaunawa ay problema niya at walang kinalaman sa akin. Simula ngayon, iiwasan ko na lang na talakayin ang pagkaunawa ko sa aking sarili kapag kaharap siya. Sa gayong paraan, hindi niya ako mapipintasan at malalagay sa problema.”

Kalaunan, naglunsad ang CCP ng isang malaki at organisadong pagsugpo sa mga mananampalataya at tumigil si Liu Xiao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo dahil sa takot at pangamba. Pagkaraan ng ilang araw, sumulat ang lider namin para tanungin ang pag-usad namin sa gawain ng ebanghelyo at hinikayat niya kaming gawin ang aming makakaya para patuloy na maipalaganap ang ebanghelyo hangga’t ligtas pa itong gawin. Sinabi ni Liu Xiao: “Mapanganib ang sitwasyon ngayon. Paano kung maaresto tayo habang nagpapalaganap ng ebanghelyo? Kwestyunable ang desisyong ito ng ating lider; hindi ito ang unang beses na gumawa siya ng mga delikadong desisyon.” Naimpluwensiyahan din ng pagpuna ni Liu Xiao ang opinyon ko tungkol sa lider. Naisip ko: “Paano kung may naaresto habang nagpapalaganap ng ebanghelyo? Sino ang mananagot? Siguro ay kailangan naming maghintay nang kaunti.” At nang ganoon-ganoon na lang, huminto ang gawain ng ebanghelyo sa loob ng mahigit isang buwan. Sumulat sa amin ang lider ng isa pang liham na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng gawain ng ebanghelyo at na ang gawain ng ebanghelyo ay atas ng Diyos at hinding-hindi dapat mahinto. Kahit na sa masasamang sitwasyong tulad nito, posible pa ring ipalaganap ang ebanghelyo sa malalapit na kakilala, kamag-anak at kaibigan. Tinanong din ng lider kung bakit namin itinigil ang aming gawain sa ebanghelyo. Pagkabasa sa liham, napagtanto ko na naligaw na kami ng landas sa aming pagsasagawa, pero nang ipakita ko kay Liu Xiao ang liham, tila wala siyang pakialam at hindi man lang nababahala, at wala siyang intensiyong ituwid ang aming mga pagkakamali. Habang inoobserbahan ang ugali ni Liu Xiao, naisip ko: “Kung ayaw niyang ipalaganap ang ebanghelyo, ako na mismo ang pupunta.” At kaya, pumunta ako at nakipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa pagtutuwid sa aming mga pagkakamali. Nananatili lamang sa kanyang silid buong araw si Liu Xiao at hindi talaga kailanman nangungumusta sa gawain ng ebanghelyo. Minsan ay nakababad lang siya sa panonood ng TV. Gusto ko talaga itong ipaalam sa kanya, pero nang maisip ko kung paanong noong huli akong nagmungkahi sa kanya, bukod sa hindi niya ito tinanggap, ginamit din niya ang pagpapakita ko ng katiwalian bilang sandata laban sa akin at binalewala niya ako pagkatapos niyon, nagsimula akong mag-alinlangan: “Kung ipapaalam ko ulit sa kanya ang kanyang mga isyu, sino ang makapagsasabi kung paano siya makikipagtalo. Magiging mahirap kapag hindi niya ako pinansin kung mapapasama ko ang loob niya! Hindi bale na, tatahimik na lang ako at aayusin ang sarili kong mga usapin.” Kalaunan, nagbahagi sa amin ang aming lider tungkol sa kung paanong ipinalalaganap ng mga kapatid sa ibang iglesia ang ebanghelyo at kung anong mga resulta ang natamo nila. Medyo nakonsensya ako. Mahirap sa mga panahong ito, pero nagtiyaga pa rin ang mga kapatid sa ibang iglesia sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Samantala, tuluyang itinigil ng aming iglesia ang aming gawain ng ebanghelyo at wala itong natamong resulta. Gusto ko talagang sumulat sa lider at sabihin sa kanya ang tungkol sa pag-uugali ni Liu Xiao at ang kasalukuyang kalagayan ng gawain ng ebanghelyo, pero sa tuwing hahawakan ko ang aking panulat, naiisip ko kung gaano kakakila-kilabot ang makondena at masupil ng anticristong iyon, at pagkatapos ay nag-aalinlangan ako: “Kung iuulat ko ang problema ni Liu Xiao, paniniwalaan kaya ako ng lider? Kung hindi siya maniniwala sa akin at sisiyasatin niya ang aking sitwasyon, hindi ba’t madaragdagan lamang ang problema ko? At saka, hindi ako pamilyar sa lider; paano kung isa pala siyang anticristo, hindi makalutas sa mga isyu nang patas at supilin niya ako? Maganda na matatag at payapa ako sa tungkulin ko ngayon. Ayaw kong bigyan ng problema ang sarili ko sa pag-uulat ng isyung ito.” Nang mapagtanto ko ito, muli kong piniling manahimik na lang. Pero talagang nababalisa at nababahala ako na makitang patuloy kaming nakakakuha ng hindi magagandang resulta sa gawain namin. Mabigat ang kalooban ko at nahihirapan ako; hindi ko alam kung paano danasin ang sitwasyong iyon. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na gabayan ako at tulungan akong maunawaan kung paano danasin ang sitwasyong iyon.

Isang araw, nakita ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na pumukaw ng damdamin sa aking manhid na puso. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong makasarili at salbahe ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga taong mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). “Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, tatalikuran ang katotohanan, at magiging makasarili at kasuklam-suklam; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong mga makasariling pagnanasa, gusot, gapos, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka na kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin). Labis akong nakonsensya matapos basahin ang mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na ang dahilan kung bakit hindi ako naglakas-loob na iulat ang problema ni Liu Xiao sa lider ay dahil masyado akong makasarili at kasuklam-suklam. Mga sariling interes ko lang ang iniisip ko, gusto ko lang gawin ang tungkulin ko nang mapayapa, iwasang pasamain ang loob ng iba at bigyan ng problema ang sarili ko. Sa sandaling nakita kong may baluktot na pagkaunawa si Liu Xiao at hindi siya tumatanggap sa katotohanan, ginusto ko nang iulat siya sa lider, pero nag-alala ako na hindi ako maiintindihan ng lider at iisipin nitong naiinggit ako kay Liu Xiao at na sinamantala ko ang kanyang mga kamalian para atakihin siya. Dahil doon, nanahimik na lang ako. Nang makita kong huminto na siya sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, nanonood lang ng TV sa bahay buong araw, hindi nagpapakita ng interes sa kanyang gawain at nagtatamasa lang sa mga benepisyo ng kanyang katayuan, dapat sana ay agad ko siyang iniulat sa lider, pero pinili kong protektahan ang aking sarili at hindi ko man lang inisip ang mga interes ng gawain ng iglesia. Kahit nakita kong hindi na maganda ang mga resulta sa aming gawain ng ebanghelyo, nanahimik pa rin ako, at kahit gaano pa ako nakokonsensya, sadyang hindi ko iniuulat kung ano talaga ang nangyayari. Mahigpit lang na nakatikom ang bibig ko. Tunay akong makasarili, kasuklam-suklam at walang pagkatao. Dama kong may pagkakautang ako sa Diyos, at kinamumuhian ko ang aking sarili sa hindi pagsasagawa sa katotohanan, na humantong sa mahabang pagkaantala sa pag-usad ng gawain.

Habang naghahanap, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Itinuro ako ng mga salita ng Diyos sa isang landas ng pagsasagawa. Kapag kailangang mamili sa pagitan ng gawain ng iglesia at mga personal na interes, dapat palagi nating unahin ang gawain ng iglesia. Ang pinakamahalagang bagay ay ang mapanatili muna ang gawain ng iglesia. Isa itong hindi maiiwasang tungkulin na dapat gampanan nating lahat. Kinailangan kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at huwag nang magmasid nang walang pakialam. Kailangan kong iulat agad sa lider ang problema namin sa gawain. Kung talagang may problema sa pag-uugali ni Liu Xiao, agad itong malulutas ng mga lider at manggagawa at maiiwasan ang anumang pagkaantala sa gawain. Kung nagkaroon ako ng maling pagkaunawa sa ilang isyu, mapapabuti ko ang aking mga kakulangan sa pamamagitan ng paghahanap. Kung ano ang iisipin sa akin ng mga lider at manggagawa ay hindi gaanong mahalaga kumpara sa mga bagay na ito. Nang mapagtanto ang lahat ng ito, medyo mas gumaan ang pakiramdam ko, at binigyan ko ng detalyadong ulat ang lider tungkol sa sitwasyon ni Liu Xiao. Ngunit pagkatapos ng mahigit dalawang linggo, wala pa rin akong nakitang anumang ipinatupad na tugon. Naisip ko: “Sineryoso kaya ng lider ang ulat ko sa mga isyung ito? Bakit hindi siya dumating para lutasin ang mga isyung ito? Sa tingin ba niya ay walang isyu sa pag-uugali ni Liu Xiao at mali ang ulat na ginawa ko?” Labis akong nabagabag at ginusto kong iulat ang mga isyu sa isa pang lider, pero naisip ko: “Naiulat ko naman na ang isyu sa isang lider, kaya nagawa ko na ang tungkulin ko. Hindi ako dapat magsalita nang labis; dahil kung hindi ako mag-iingat, maaaring may mapasama ako ng loob at masusupil at maparurusahan ako.” Ayaw kong higit na siyasatin pa ang usaping ito, pero labis pa rin akong nakokonsensya. Naisip ko: “Iniuulat ko ang mga isyung ito para hanapin ang katotohanan at mapanatili ang gawain ng iglesia, hindi dahil sinusubukan kong pahirapan ang buhay ng sinuman. Sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya ano ang dapat kong ipag-alala? Bakit ba ako palaging sobrang nag-iingat at urong-sulong tungkol sa pag-uulat ng mga isyu, na para bang sinelyuhan ang bibig ko?” Lumapit ako sa Diyos sa paghahanap at panalangin, hinihiling na gabayan Niya ako na maunawaan ko ang aking mga isyu, na suwayin ko ang aking sarili at isagawa ko ang katotohanan.

Kalaunan, nakita ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kaalaman sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong gaya ng mga anticristo ay laging tinatrato ang pagiging matuwid at ang disposisyon ng Diyos nang may mga kuru-kuro, mga pagdududa, at paglaban. Iniisip nilang, ‘Isang teorya lamang na matuwid ang Diyos. Mayroon ba talagang pagiging matuwid sa mundong ito? Ni minsan sa tanang buhay ko, hindi ko pa ito nasumpungan o nakita. Napakadilim at napakasama ng mundo, at ang masasamang tao at mga diyablo ay matatagumpay sa buhay, at kontentong namumuhay. Hindi ko pa nakitang natikman nila ang nararapat sa kanila. Hindi ko makita kung nasaan dito ang pagiging matuwid ng Diyos; napapaisip ako, umiiral nga ba talaga ang pagiging matuwid ng Diyos? Sino ang nakakita na nito? Wala pang nakakita nito, at walang makapagpapatunay nito.’ Ito ang iniisip nila sa kanilang sarili. Hindi nila tinatanggap ang lahat ng gawain ng Diyos, ang lahat ng Kanyang salita, at ang lahat ng Kanyang pangangasiwa sa pundasyon ng paniniwalang Siya ay matuwid, bagkus lagi silang nagdududa at nanghuhusga, laging puno ng mga kuru-kuro, na hindi naman nila kailanman hinahanapan ng katotohanan para malutas. Laging ganito kung maniwala ang mga anticristo sa Diyos. … Sa mga ordinaryong pagkakataon, hindi ito makikita ng mga tao, pero kapag may nangyayari sa isang anticristo, nalalantad ang kanyang kapangitan. Gaya ng isang porcupine, na nakatayo lahat ang tusok-tusok nitong balahibo, pinoprotektahan nito ang sarili nang buong tapang, ayaw umako ng anumang responsibilidad. Anong uri ng saloobin ito? Hindi ba’t saloobin ito ng hindi paniniwalang matuwid ang Diyos? Hindi siya naniniwala na sinasaliksik ng Diyos ang lahat o na Siya ay matuwid; gusto niyang gamitin ang sarili niyang mga pamamaraan para protektahan ang kanyang sarili. Naniniwala siya na, ‘Kung hindi ko poprotektahan ang sarili ko, walang ibang gagawa nito para sa akin. Hindi rin ako mapoprotektahan ng Diyos. Sinasabi nilang matuwid Siya, pero kapag nasuong sa gulo ang mga tao, talaga nga bang tinatrato Niya sila nang patas? Imposible—hindi iyon ginagawa ng Diyos.’ Kapag nahaharap sa problema o pag-uusig, wala silang nararamdamang tulong, at iniisip nila na, ‘O, nasaan na ang Diyos? Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng mga tao. Walang makatutulong sa akin; walang makapagbibigay sa akin ng katarungan at makapagtataguyod pagkamatuwid para sa akin.’ Iniisip nila na ang tanging paraan para maprotektahan nila ang kanilang sarili ay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pamamaraan, na kung hindi, magdurusa sila sa kawalan, maaapi at mauusig—at na kasama rito ang sambahayan ng Diyos. Ang isang anticristo ay naiplano na ang lahat para sa kanyang sarili bago pa man may anumang mangyari sa kanya. Sa isang bahagi, ang ginagawa niya ay ang magkunwaring isang makapangyarihang tao para walang sinumang mangangahas na pasamain ang loob niya, o guluhin siya, o apihin siya. Ang isa pang bahagi ay ang kanyang palaging pagsunod sa mga pilosopiya ni Satanas at sa mga batas ng pag-iral nito. Ano ang mga iyon, sa pangkalahatan? ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,’ ‘Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo,’ ‘Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,’ kumikilos ayon sa sitwasyon, nagiging mahusay at mautak, ‘Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako,’ ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,’ ‘Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,’ ‘Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon,’ at iba pang katulad na mga satanikong pilosopiya. Hindi niya mahal ang katotohanan, ngunit tinatanggap ang mga pilosopiya ni Satanas na para bang mga positibong bagay ang mga ito, naniniwalang mapoprotektahan siya ng mga satanikong pilosopiyang ito. Namumuhay siya ayon sa mga bagay na ito; hindi siya nagsasalita ng katotohanan sa sinuman, bagkus ay palagi siyang nagsasabi ng mga bagay na nakalulugod, nambobola, nagbibigay-puri, hindi nakapagpapasama ng loob ng sinuman, nag-iisip ng mga paraan upang maipakitang-gilas ang kanyang sarili para pahalagahan siya ng iba. Ang mahalaga lamang sa kanila ay ang sarili nilang paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at wala silang ginagawang kahit ano para itaguyod ang gawain ng iglesia. Sinumang gumagawa ng bagay na masama at pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito inilalantad o iniuulat, bagkus nagkukunwang hindi nila ito nakita. Kung titingnan ang mga prinsipyo nila sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay at sa pagharap nila sa mga nangyayari sa paligid nila, mayroon ba silang anumang kaalaman ukol sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon ba silang pananalig dito? Wala silang pananalig. Ang ‘wala’ rito ay hindi nangangahulugang wala silang kamalayan ukol dito, kundi na mayroon silang mga pagdududa tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos sa kanilang puso. Hindi nila tinatanggap ni kinikilala na matuwid ang Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Unang Bahagi)). “Ang ilang tao ay natatakot sa paghihiganti ng mga anticristo at hindi sila naglalakas-loob na ilantad ang mga ito. Hindi ba’t kahangalan ito? Hindi mo magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, na likas na nagpapakita na hindi ka tapat sa Diyos. Natatakot ka na maaaring makahanap ang isang anticristo ng sandata para makaganti sa iyo—ano ang problema? Posible bang hindi ka nagtitiwala sa pagiging matuwid ng Diyos? Hindi mo ba alam na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos? Kahit na matuklasan ng isang anticristo ang ilang isyu ng katiwalian sa iyo at gumawa ng gulo tungkol dito, hindi ka dapat matakot. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga problema ay pinangangasiwaan batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ang paggawa ng mga paglabag ay hindi awtomatikong nangangahulugang masama ang isang tao. Hindi kailanman pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman dahil sa isang panandaliang pagpapakita ng katiwalian o paminsan-minsang paglabag. Iwinawasto ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo at masasamang tao na palagiang nanggugulo at gumagawa ng masama, at hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Hindi kailanman inaagrabyado ng sambahayan ng Diyos ang isang mabuting tao. Tinatrato nito ang lahat nang patas. Kahit na akusahan ng hindi totoo ng mga huwad na lider o anticristo ang isang mabuting tao, ipapawalang-sala sila ng sambahayan ng Diyos. Hindi kailanman aalisin o pangangasiwaan ng iglesia ang isang mabuting tao na kayang maglantad ng mga anticristo at na may pagpapahalaga sa katarungan. Palaging natatakot ang mga tao na makakahanap ang mga anticristo ng sandata para gantihan sila. Ngunit hindi ka ba natatakot na magkasala sa Diyos at maranasan ang Kanyang pagkasuklam at pagtatakwil?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung paanong hindi naniniwala ang mga anticristo sa pagiging matuwid ng Diyos at na sinusuri Niya ang lahat ng bagay. Sinusunod nila ang sarili nilang pilosopiya ng pakikitungo sa mundo sa lahat ng aspeto ng buhay, ginagamit ang sarili nilang mga pamamaraan para protektahan ang kanilang sarili at sobra silang tuso at mautak. Sa paghahambing ng sarili ko sa paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko na wala akong ipinagkaiba sa isang anticristo. Wala akong kaalaman sa matuwid na disposisyon ng Diyos, hindi naniwala na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya ng pagharap sa mundo sa lahat ng aspeto. Noong bata ako, madalas akong paalalahanan ng mga magulang ko, “Ang bibig ng isang hangal ang kanyang kapahamakan, hayaan na ang mga kilos mo ang magsalita sa mundo.” Nang lumaki na ako at nagsimulang magtrabaho, nakita ko ang kadiliman, kasamaan at kawalang-katarungan sa lipunan at napaniwala ako na mapoprotektahan ko lang ang sarili ko at makapamumuhay nang mapayapa sa pamamagitan ng pagiging maingat sa pananalita at pagiging tuso, at pambobola at hindi pagsasabi ng totoo Ang mga pilosopiya ni Satanas sa pagharap sa mundo tulad ng “Mas mabuti pang manahimik, kaysa magsalita at magkamali,” “Kapag alam mong may mali, mas mabuti pang tumahimik na lang” ay mga naging prinsipyo ng aking pag-asal. Namuhay ako ayon sa mga paniniwalang ito, at bukod sa naging walang kibo at atubiling magsalita, naging lubos din akong makasarili, walang pakialam, mautak at tuso. Kahit na mayroon akong kabatiran sa isang paksa, hindi ako handang ipahayag ang aking pananaw. Hindi ko ibinabahagi ang mga iniisip ko sa aking kaloob-looban o hindi ako nagsasalita nang matapat, at palagi akong nag-aalala na baka mali ang masabi ko, mapasama ko ang loob ng isang tao at mabigyan ng problema ang sarili ko. Pagkatapos umanib sa pananampalataya, gumagamit pa rin ako ng mga satanikong pilosopiya para protektahan ang sarili ko. Sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong gumawa ng higit pa at hindi gaanong magsalita, para maiwasang mapasama ang loob ng sinuman at mabigyan ng problema ang sarili ko. Nang makita ko na hindi angkop si Liu Xiao na gumawa bilang superbisor, alam kong dapat ko itong iulat kaagad sa aking lider, pero nag-alala ako na hindi pangangasiwaan ng aking lider ang isyu nang patas, na masusupil ako at maparurusahan. Kaya, upang maprotektahan ang aking sarili, nanatili akong tahimik, hindi nangangahas na magsabi ng ni isang matapat na bagay. Labis akong makasarili, mautak, tuso at walang kahit katiting na pagpapahalaga sa katarungan. Namumuhay ako sa kasuklam-suklam at maruming paraan. Sa totoo lang, mula sa sarili kong karanasan, nakikita ko na sa kabila ng katunayang sinupil at pinalitan ako pagkatapos magbigay ng mungkahi sa isang lider, ang nasabing lider ay nalantad bilang isang anticristo, at hindi nagtagal ay itiniwalag ito. Pagkatapos niyon, sinimulan kong gampanang muli ang aking tungkulin, at hindi nawala ang pagkakataon kong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan dahil sa pansamantalang pagkasupil sa akin ng anticristong iyon. Nakita ko mismo kung paanong pinamumunuan ng katotohanan at katuwiran ang sambahayan ng Diyos. Pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng bagay at tinatrato ang lahat ng tao nang patas at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, sinisiguro na walang sinuman ang naaagrabyado. Gayunpaman, likas akong napakasama at napakatuso, at wala akong pagkakilala sa pagiging matuwid ng Diyos. Pinaniwalaan ko na ang sambahayan ng Diyos ay katulad ng lipunan, at na ang mga lider at manggagawa ay parang mga awtoridad ng gobyerno. Inakala ko na kung mapapasama ko ang loob nila, hindi na ako magkakaroon ng puwang sa iglesia. Napakasama ng mga kaisipan at pananaw na ito!

Pagkatapos ay nakita ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ilang pilosopiya sa pamumuhay ang nasa iyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang mga ito? Kung hindi lubos na makabaling sa Diyos ang puso mo, hindi ka sa Diyos—nagmula ka kay Satanas, sa huli ay babalik ka kay Satanas, at hindi ka karapat-dapat na maging isa sa mga tao ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Habang pinagninilay-nilayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang nagpapasya kung ang isang mananampalataya ay magkakamit ng kaligtasan ay kung nagtataglay siya o hindi ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan. Kung ang isang tao ay hindi kayang mamuhay ayon sa katotohanan sa kanyang pananampalataya, at sa halip ay sumusunod sa mga pilosopiya ni Satanas sa pagharap sa mundo, kung gayon, siya ay kay Satanas, hindi sa Diyos. Kahit na, sa panlabas, ginagampanan niya ang isang mahalagang tungkulin, o maganda ang opinyon sa kanya ng isang lider, sa huli ay palalayasin pa rin siya ng Diyos dahil hindi niya isinasagawa ang katotohanan at hindi nakamit ang katotohanan. Malinaw kong nakita na ginagambala at ginugulo ni Liu Xiao ang gawain ng iglesia, pero hindi ako naglakas-loob na iulat ito sa aking lider, natatakot na susupilin ako ng isang anticristo at mawawala ang aking tungkulin, na nangangahulugan na mawawalan ako ng pagkakataong makamit ang kaligtasan. Napakahangal at katawa-tawa ng naisip ko! Ang kakayahan kong makamit ang kaligtasan ay hindi maaaring mapagpasyahan ng iba; ito ay matutukoy batay sa kung nagsagawa ako ng katotohanan o hindi. Kung patuloy akong mamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, poprotektahan ang aking sarili at hindi pananatilihin ang gawain ng iglesia, kung gayon, kahit na ginagawa ko ang aking tungkulin, hindi ko pa rin matatamo ang kaligtasan. Nang mapagtanto ko ito, lubos akong nagsisi at nakonsensya. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na gabayan ako sa pagsasagawa sa katotohanan at sa pagiging isang matapat at matuwid na tao.

Sa pamamagitan ng paghahanap at pagninilay-nilay, napagtanto ko rin na ang rason kung bakit ako takot na susupilin ako ng lider kung iuulat ko ang isyu ay dahil wala akong pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi ko tinanggap ang mga sitwasyong hinarap ko mula sa Diyos, at sa halip ay naniwala ako na nangyari ang mga ito dahil masyado akong nakikialam. Hindi ba’t ito ang mga pananaw ng isang hindi mananampalataya? Nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Lumilitaw sa ilang iglesia at lumilikha ng kaguluhan ang mga anticristo at masasamang tao, at sa paggawa nito ay nililinlang nila ang ilang tao—ito ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay? Ito ba ay pagmamahal ng Diyos, o ito ba ay ang paglalaro at paglalantad ng Diyos sa mga tao? Hindi mo ito maunawaan, di ba? Ipinaglilingkod ng Diyos sa Kanya ang lahat ng bagay upang gawing perpekto at iligtas ang mga nais Niyang iligtas, at ang nakakamit sa huli ng mga tunay na naghahanap sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ay ang katotohanan. Gayunman, nagrereklamo ang ilang hindi naghahanap sa katotohanan, at sinasabi, ‘Hindi tama na gumawa ang Diyos sa ganitong paraan. Nagdudulot ito sa akin ng labis na pagdurusa! Muntik na akong mapasama sa mga anticristo. Kung talagang isinaayos ito ng Diyos, bakit Niya hinahayaang mapasama ang mga tao sa mga anticristo?’ Anong nangyayari dito? Ang hindi mo pagsunod sa mga anticristo ay nagpapatunay na taglay mo ang proteksyon ng Diyos; kung mapasama ka sa mga anticristo, iyan ay pagkakanulo sa Diyos at hindi ka na gusto ng Diyos. Kaya, mabuti o masamang bagay ba na nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia ang mga anticristo at masasamang taong ito? Sa panlabas, tila ito ay isang masamang bagay, ngunit kapag nalantad ang mga anticristo at masasamang taong ito, lumalago ang pagkilatis mo, sila ay inaalis, at lumalago ang tayog mo. Kapag nakaharap mong muli ang gayong mga tao sa hinaharap, makikilatis mo na sila bago pa man nila maipakita ang mga tunay nilang kulay, at tatanggihan mo sila. Tutulutan ka nitong matuto ng mga leksyon at makinabang; malalaman mo kung paano kilatisin ang mga anticristo at hindi ka na malilinlang ni Satanas. Kaya, sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mabuting bagay ang panggugulo at panlilinlang ng mga anticristo sa mga tao? Kapag dumanas sila hanggang sa yugtong ito, saka lamang makikita ng mga tao na hindi kumilos ang Diyos alinsunod sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, at na pinahihintulutan ng Diyos ang malaking pulang dragon na walang habas na lumikha ng mga kaguluhan at pinahihintulutan ang mga anticristo na linlangin ang mga hinirang ng Diyos nang sa gayon ay magamit Niya si Satanas sa Kanyang layunin upang gawing perpekto ang Kanyang mga hinirang, at saka pa lamang mauunawaan ng mga tao ang mga mabusising layunin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 1). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na tinutulutan ng Diyos na lumitaw ang mga anticristo sa iglesia upang matamo natin ang katotohanan at pagkakilala, at makalaya mula sa panlilinlang at kontrol ni Satanas. Kung hindi tayo makakatagpo ng isang anticristo, hindi tayo matututong makakilala sa kanila at malamang ay malilinlang pa rin tayo ng mga anticristo. Sa pamamagitan ng pagsupil ng anticristong iyon, nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala sa mga anticristo at napagnilayan ko rin at nakilala ang sarili kong anticristong disposisyon. Noong panahong iyon, palagi akong naghahangad ng katayuan sa aking tungkulin at puno ng hangarin at ambisyon. Tumatahak ako sa landas ng isang anticristo, subalit ganap kong hindi namamalayan na iyon ang ginagawa ko. Pagkatapos na masupil ng anticristong iyon at mapalitan, saka ko lang sinimulang pagnilayan ang sarili ko. Sa pamamagitan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paghahangad ng katayuan ay isang landas tungo sa kapahamakan. Natutunan ko rin na sa ating pananampalataya, dapat nating hangaring gampanan ang ating mga tungkulin bilang nilikha—ito ang dapat nating hangarin. Nagsimula akong tumuon sa paghahangad sa katotohanan, at masinsinang gumagawa para maibigay ang aking makakaya sa anumang tungkuling itinalaga sa akin. Ang kaunting pagbabagong ito ay ang pagliligtas at dakilang proteksiyon ng Diyos. Sa kabila ng ilang pagdurusa, napakarami kong natutunan sa nangyari, at labis itong kapaki-pakinabang sa buhay ko. Habang mas nagninilay-nilay ako, mas nagiging malinaw sa akin—alam ko na ang kailangan kong gawin ay tuparin ang aking tungkulin at mga responsabilidad, at iulat sa mga lider ang aking pagkaunawa sa sitwasyon. Tungkol naman sa kung paano ako tatratuhin ng mga lider at kung anong uri ng sitwasyon ang makakaharap ko, lahat ay may pahintulot ng Diyos. Dapat kong ilagay ang sarili ko sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Kaya, iniulat ko ang isyu sa isa pang lider.

Matapos matanggap ang aking sulat at kumpirmahin ang aking ulat, agad na pinalitan ng lider si Liu Xiao. Dahil dito ay naging halu-halo na ang mga emosyon ko. Mula sa sandaling napansin ko na may problema si Liu Xiao hanggang sa oras na iniulat ko ito sa lider, mahigit dalawang buwan ko rin itong pinatagal. Habang iniisip kung paanong naapektuhan at naantala ang gawain ng ebanghelyo sa nakaraang dalawang buwang iyon, labis akong nagsisisi at nakokonsensya, at kinamumuhian ko ang sarili ko dahil sa kung gaano ako kalubhang nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano ako kamakasarili at katuso noon. Sa pamumuhay sa mga satanikong pilosopiya ng pagharap sa mundo, hindi ko lang pinahamak ang sarili ko, kundi naapektuhan ko rin ang gawain ng iglesia. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, saka lang ako nagkaroon ng kaunting pagkakilala sa sarili, hindi na ako napipigilan ng katayuan at awtoridad, at matapat ko nang naiuulat ang isyu sa kasalukuyan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply