Hindi Ako Naging Totoo sa Aking Pananampalataya

Enero 26, 2022

Ni Michel, Cameroon

Noon pa ma’y napakahirap na ng pamilya ko, at palagi ko nang pinangarap na maging isang bank executive, na magkaroon ng partikular na katayuan sa lipunan, para hindi kami gaanong magipit sa pera. Nang makapagtapos na ako ng kolehiyo, nagsimula akong maghanap ng trabaho at nagpadala ako ng maraming resume, ngunit hindi ako kailanman nakakuha ng magandang trabahong gusto ko, at ang tanging nakuha ko lang ay mga ordinaryong trabaho na mababa ang suweldo. Noong 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Hindi nagtagal, nagsimula akong gumawa ng tungkulin ko sa iglesia, at talagang sabik ako. Naisip ko na kung gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para sa Diyos, tiyak na pagpapalain Niya ako at tutulungan akong makuha ang trabahong gusto ko. Kaya, patuloy akong nagpadala ng mga resume habang ginagawa ko ang aking tungkulin.

Noong Hunyo 2021, may tumawag sa akin mula sa isang kumpanya, pinapupunta ako para sa isang panayam. Isa itong multinational company, at namumuhunan ang CEO nito sa buong mundo. May-ari din siya ng isang malaking bangko na noon pa ma’y inaasam ko nang mapagtrabahuhan, ngunit walang nangyari sa mga panayam ko sa kanila. Hindi ko naisip kailanman na magkukusa ang kumpanyang iyon na tawagan ako para sa isang panayam. Isang napakasayang sorpresa iyon. Pakiramdam ko ay pagbibigay iyon ng Diyos sa akin ng pagkakataon, at kung makakapagtrabaho ako sa multinational company na iyon, biyaya iyon ng Diyos. Sinabi ko sa sarili ko na siguradong matatanggap ako bilang isang manager dahil tutulungan ako ng Diyos. Tuwang-tuwa ako na sa wakas ay mabibigyan ako ng pagkakataon sa trabahong pinapangarap ko, at magiging sulit ang Master’s degree na pinaghirapan ko. Sinimulan kong pangarapin kung paano magbabago ang buhay ko sa hinaharap matapos kong makuha ang trabahong ito, na magkakaroon ako ng maraming pera, ng sarili kong bahay, at mabibili ko ang anumang gusto ko. Maaalagaan ko ang aking pamilya. Naisip ko na kapag nagsimula na akong magtrabaho roon, magiging mas mabuti ang lahat.

Sa panayam, nakita ko na may tatlong pinagpipilian, at nagsimula akong mabalisa na baka hindi ako mapili, ngunit sinabi ko sa sarili ko, “Hindi, magiging akin ang trabahong ito. Ako ay anak ng Diyos at tiyak na magiging mapagbigay-loob Siya sa akin. Anuman ang mangyari, ilalaan ng Diyos ang posisyong ito para sa akin, at may tiwala rin ako sa sarili kong mga kakayahan.” Noong panayam, sinagot ko ang lahat ng tanong at sinabi sa akin ng tagapanayam na tatawagan nila ako sa loob ng limang araw kung ako ang mapili. Kumpiyansa ako na ako ang mapipili. Sa loob ng limang araw na iyon, kabadung-kabado akong naghintay ng tawag. Ngunit matapos ang isang linggo, wala pa rin akong natatanggap na tawag mula sa kanila, at napagtanto kong hindi ako pumasa sa panayam. Nalungkot ako at sinimulan kong tanungin ang sarili ko kung bakit ako nabigo. Sumandig ako sa Diyos at nanalangin sa Kanya, kaya bakit hindi ako nagtagumpay? Talagang negatibo ang pakiramdam ko at nanghihina ako, at sinimulan kong sisihin ang Diyos. Mahigit dalawang taon na akong nananampalataya at ginagawa ko ang aking tungkulin sa buong panahong iyon. Hindi ako lumayo sa Diyos kailanman o sumuko sa aking tungkulin. Bakit hindi Niya ako bibiyayaan? Naging mas malungkot ako at miserable, hanggang sa puntong hindi ako dumalo sa mga pagtitipon sa loob ng isang buong linggo. Nang kontakin ako ng mga kapatid, talagang nainis ako, at ayaw kong sumagot, ni magsalita. Gusto ko lang mapag-isa. Noong panahong iyon, hindi ako makahanap ng anumang motibasyon o mga mithiin, ayaw kong gumawa ng kahit ano. Tumigil ako sa pangangaral ng ebanghelyo, at ayaw kong magbasa ng mga salita ng Diyos. Nanatili lang ako sa kuwarto ko buong maghapon. Ayaw kong lumabas ng bahay, at ni wala akong ganang kumain.

Isang araw, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos “Ang Nais ng Diyos sa mga Pagsubok ay ang Tunay na Puso ng Tao”:

1 Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, anong klaseng realidad ang nais Niyang likhain? Palagi Niyang hinihingi na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung ang puso mo ay nasa Kanya, nasa laman, o kay Satanas. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung lumalaban ka sa Kanya o nakaayon ka sa Kanya, at nakikita rin Niya kung nasa panig Niya ang puso mo.

2 Kapag musmos ka pa at nahaharap sa mga pagsubok, kakaunti ang iyong tiwala, at hindi mo malalaman talaga kung ano ang kailangan mong gawin upang matupad ang mga layunin ng Diyos, sapagkat limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Gayunman, kung maaari ka pa ring manalangin sa Diyos nang tunay at taimtim, at kung handa kang ibigay ang iyong puso sa Kanya, gawin mo Siyang pinakamakapangyarihang pinuno mo, at maging handang ialay sa Kanya ang lahat ng bagay na pinaniniwalaan mong pinakamahalaga, sa gayon ay naibigay mo na ang puso mo sa Diyos.

3 Habang nakikinig ka sa mas maraming sermon at mas nauunawaan mo ang katotohanan, unti-unti ring madaragdagan ang iyong tayog. Sa panahong ito, ang pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ay hindi na katulad noong musmos ka pa; hihingin Niya ang mas mataas na pamantayan sa iyo. Habang unti-unting ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos, dahan-dahang mapapalapit ang kanilang puso sa Diyos; kapag tunay na napapalapit ang mga tao sa Diyos, mas magpipitagan ang kanilang puso sa Kanya. Gayong puso lamang ang nais ng Diyos.

—Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin

Pagkatapos ay naunawaan ko na kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, inoobserbahan Niya ang kanilang mga puso, kung nagpapasakop ba sila sa Diyos sa sitwasyong Kanyang isinaayos. Nang pagnilayan ko ang sarili ko, napagtanto ko na sa halip na ibigay ko sa Diyos ang puso ko, iniisip ko kung paano ko Siya gagamitin para mapagbigyan ang sarili kong mga hangarin. Nang hindi ko nakuha ang trabaho, kayamanan, at maginhawang buhay na gusto ko, naging negatibo at nanghina ako, at ayoko pa ngang dumalo sa mga pagtitipon o gawin ang tungkulin ko. Ito ay pagtataksil sa Diyos, at naiwala ko ang patotoo ko sa Diyos. Kaya nanalangin ako, “Makapangyarihang Diyos, naibunyag Mo nang hindi ako matapat o totoo sa Iyo. Hindi pa ako talaga nagpapasakop sa Iyo o tumatayong saksi para sa Iyo. Diyos ko, kaawaan Mo sana ako. Gusto kong magsisi.”

Pagkatapos kong manalangin, mas napanatag ako, at sinagot ko ang mga mensahe ng aking mga kapatid. Tinanong ako ng isang kapatid tungkol sa kalagayan ko at ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng pinagdaraanan ko. Pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Walang sinuman ang nagpapatuloy sa kanyang buong buhay nang walang paghihirap. Para sa ilang tao, may kinalaman ito sa pamilya, para sa ilan, sa trabaho, para sa ilan, sa pag-aasawa, at para sa ilan, sa pisikal na karamdaman. Lahat ay naghihirap. Sinasabi ng ilan, ‘Bakit kailangan maghirap ang mga tao? Napakagandang mabuhay ng buong buhay natin nang mapayapa at masaya. Hindi ba maaaring hindi tayo maghirap?’ Hindi—dapat maghirap ang lahat. Nagdudulot ang paghihirap na maranasan ng bawat tao ang napakaraming pakiramdam ng pisikal na buhay, positibo man, negatibo, aktibo o pasibo man ang mga pakiramdam na ito; nagbibigay sa iyo ng iba’t ibang damdamin at pagpapahalaga ang pagdurusa, na karanasang lahat sa buhay para sa iyo. Isang aspeto iyan, at iyan ay para magkaroon ng higit na karanasan ang mga tao. Kung mahahanap mo ang katotohanan at mauunawaan ang kalooban ng Diyos mula rito, kung gayon ay mas malalapit ka sa pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos. Ang isa pang aspeto ay na ito ang responsibilidad na ibinibigay ng Diyos sa tao. Anong responsibilidad? Ito ang pagdurusa na dapat mong maranasan. Kung makakaya mo ang pagdurusa na ito at matitiis ito, ito ay patotoo, at hindi isang bagay na nakakahiya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos (1)). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na ang lahat ay dumaraan sa mga pakikibaka sa buhay, mananampalataya man sila o hindi. Ang pagdurusa ay bahagi ng buhay, at hinding-hindi ito walang halaga. Mapagyayaman ng pagdurusa ang ating karanasan at mas mailalapit tayo nito sa Diyos, para makaharap tayo sa Diyos upang hanapin ang katotohanan at alamin ang Kanyang kalooban. Lubha na tayong nagawang tiwali ni Satanas, lahat tayo ay sakim, naghahangad ng kaluwalhatian, ng katayuan at magandang kinabukasan, at hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung madali at maginhawa ang pamumuhay natin, mas mapapalayo tayo sa Diyos at sasama tayo nang sasama. Ang pagpapahintulot ng Diyos na mangyari iyon sa akin ay para dalhin ako sa harap ng Diyos sa panalangin, para hanapin ko ang katotohanan, para magkaroon ako ng tunay na pananampalataya sa Diyos at mas mapalapit sa Kanya. Matapos kong maunawaan ang taimtim na mga layunin ng Diyos, ayoko nang labanan ang sitwasyong iyon, bagkus gusto kong sundin ang Diyos at ipagpatuloy ang aking tungkulin.

Pagkatapos noon, nabasa ko ang isa pang sipi, na nagbigay sa akin ng kaunting kamalayan tungkol sa aking tiwaling disposisyon. Sabi ng Diyos, “Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nila itong naiisip sa kanilang sarili: Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? … Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, pasibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasan at diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang binibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan mismo ang kanyang puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan at napahiya ako nang husto. Ang pananampalataya ko ay para lang sa biyaya, at kahit na ginugol ko noon ang sarili ko para sa Diyos at medyo nagdusa ako, hindi iyon para mapalugod Siya, kundi ganap na para lang magantimpalaan Niya ako. Gumugol ako ng napakaraming oras at lakas sa tungkulin ko, sa pag-asang ipagkakaloob ng Diyos sa akin ang Kanyang biyaya, at tutulutan akong makahanap ng magandang trabaho. Sa gayon ay magkakaroon ako ng lahat ng kailangan ko, at hindi na kami maghihirap ng pamilya ko, kundi mamumuhay nang masaya. Iyan ang minimithi ko. Ngunit pagkaraan ng mahigit dalawang taon ng pananampalataya, hindi pa rin ako nagkakaroon ng pinapangarap kong trabaho, hindi pa rin nagkakatotoo ang mga pagpapalang hinahangad ko, at kaya naglaho ang motibasyon kong sumunod sa Diyos at tuparin ang aking tungkulin. Noon lamang ipinakita sa akin ng realidad saka ko napagtanto na matagal ko na palang dinadaya ang Diyos, na sinusubukan kong makipagtawaran sa Kanya. Ang pagsisikap ko para sa Diyos at ang aktibo kong pagtupad ng aking tungkulin ay nagmumula sa natatagong mga motibo—ang magkamit ng mas maraming biyaya at pagpapala mula sa Diyos. Ipinakita sa akin ng kaliwanagan sa loob ng mga salita ng Diyos ang sarili kong pagkamakasarili, na ang iniisip ko lang noon ay ang sarili ko at ang pamilya ko, na ipinipilit ko ang mga hinihingi ko sa Diyos, na labis-labis ang mga hinihingi ko sa Kanya. Hindi ko Siya itinuturing na Diyos, at hindi ko talaga sinasamba ang Diyos sa aking pananampalataya. Sa halip, pinagbabayad ko noon ang Diyos na para bang may utang Siya sa akin, hinihingan ko Siya ng mga espesyal na pabor, ginagamit ko Siya para matupad ang aking mga hangarin. Binigyan na tayo ng Diyos ng buhay, at binigyan na Niya tayo ng napakaraming katotohanan nang walang kondisyon. Ang Diyos ay naging tao at nagdusa nang husto para iligtas ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, at lahat ng iyon ay para matamo natin ang katotohanan, maiwaksi natin ang tiwali nating disposisyon, at ganap tayong mailigtas ng Diyos. Napakalaki ng pagmamahal ng Diyos sa atin, at binigyan Niya na tayo ng napakaraming biyaya. Ngunit naging bulag ako sa pagmamahal ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng pakialam sa Kanyang kalooban. Ang alam ko lang ay ang humingi. Wala akong konsiyensya o katwiran!

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na iyon lamang mga may puwang ang Diyos sa puso nila ang makakatayong saksi sa panahon ng Kanyang mga pagsubok, samantalang ang mga wala ang Diyos sa puso nila ay sariling mga interes lang nila ang isinasaalang-alang. Kapag nagkakaroon sila ng kaunting pakinabang ng laman, pinipilit nila ang kanilang sarili na sumunod sa Diyos, ngunit sa sandaling hindi nila makuha ang hinahangad nila, agad silang nagiging palaban sa Diyos, sinisisi at pinagtataksilan Siya. Ito ang uri ng tao na kinamumuhian at aalisin ng Diyos—para silang mga demonyo. Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko, hindi ba ganyan mismo akong uri ng tao? Ang aking pananampalataya sa Diyos ay para lamang sa mga biyaya. Noong sandaling hindi umayon sa gusto ko ang mga bagay-bagay, nawalan ako ng gana sa aking tungkulin, at sinisi ko ang Diyos, at wala akong debosyon o pagpapasakop sa Kanya ni paano man. Nakita ko na hindi tunay ang pananampalataya ko sa Diyos, na dinadaya ko ang Diyos at nakikipagtawaran ako sa Kanya, at hinding-hindi Niya kikilalanin ang ganoong uri ng pananampalataya. Sa mga huling araw, gumagawa ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay. Gaya ni Job, kaya ng mga taong ito na tumayong saksi para sa Diyos habang dumaranas sila ng paghihirap at mga pagsubok. Sila lang ang gagawing perpekto ng Diyos sa huli, at sila lang ang magiging karapat-dapat sa pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Noong panahon ng pagsubok kay Job, nawalang lahat ang kanyang anak at pag-aari, at napuno ng sugat ang kanyang katawan; labis siyang nagdusa, subalit hindi niya kailanman sinisi ang Diyos para sa kanyang pagdurusa. Sa kabaligtaran, nagawa pa rin niyang purihin ang pangalan ng Diyos at magpasakop sa pamumuno ng Diyos. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman nanghina, at sa huli siya ay matunog na nagpatotoo para sa Diyos, at nagdala sa Kanya ng kaluwalhatian. Ngayong hindi ako dumanas ng anumang malalaking pagsubok at tanging ang paghahangad ko sa pagpapala lang ang hindi natupad, sinisi ko ang Diyos at nagpabaya ako sa aking tungkulin. Hindi lang sa hindi ko kayang magpatotoo sa Diyos, naging pagsasakatawan pa ako ng kahihiyan. Talagang malayo ako sa kung anong hinihingi ng Diyos.

Isang araw, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabagu-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa mga paligsahan sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti, siguradong alam ninyo ang mga pagpiling nagawa ninyo sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng kapayapaan at ng pagkagambala, ng kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa. Sa pagitan ng tahimik na pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip;[a] sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, muli ninyong pinili ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa katigasan ng puso ninyo. Mukhang walang anumang idinulot sa Akin ang maraming taon ng dedikasyon at pagsisikap kundi ang inyong pagpapabaya at kawalang-pag-asa, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kahihinatnan? Napag-isipan na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? Magpapasakop ba kayo sa Aking mga salita o magsasawa sa mga ito? Nailatag na ang araw Ko sa harapan ninyo mismo, at nahaharap kayo sa isang bagong buhay at bagong simula. Gayunman, kailangan Kong sabihin sa inyo na ang simulang ito ay hindi pagsisimula ng nakaraang bagong gawain, kundi pagwawakas ng dati. Ibig sabihin, ito ang huling yugto. Palagay Ko naiintindihan ninyong lahat kung ano ang kakaiba sa simulang ito. Gayunman, hindi magtatagal at mauunawaan ninyo ang tunay na kahulugan ng simulang ito, kaya’t sama-sama nating lagpasan ito at salubungin ang pagdating ng katapusan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Lubhang nakaantig sa akin ang mga salita ng Diyos, at nakita ko na mayroon akong kalikasan na pagtaksilan ang Diyos. Ang mahal ko lang ay mga materyal na pag-aari at pera, katayuan at katanyagan, ngunit hindi ang katotohanan. Sa kabila ng katotohanang kasuklam-suklam sa Diyos ang ating kalikasan, hindi pa rin Niya pinapansin ang ating pagrerebelde at katiwalian, kundi tinitingnan Niya kung kasalukuyan ba nating hinahanap ang katotohanan, kung nagsisi na ba tayo at nagbago. Gusto ng Diyos na lubos tayong iligtas mula sa impluwensya ni Satanas at dalhin tayo sa Kanyang kaharian. Ngunit hindi ko napahalagahan ang biyaya ng Diyos o hinangad na matamo ang katotohanan. Nakatuon ako sa paghahanap ng magandang trabaho na mataas ang suweldo, sa pananabik sa kayamanan at mga ginhawa ng laman. Napakahangal ko! Katotohanan lang ang maaaring magligtas sa mga tao, maglinis sa ating katiwalian, magtulot sa ating makilala ang mabuti at masama, at matakasan ang panlilinlang at pamiminsala ni Satanas. Ang maunawaan ang katotohanan ay makatutulong sa akin na makilala ang Diyos, malaman kung paano mamuhay, at kung paano makahanap ng kabuluhan sa buhay. Ang paghahangad sa pera at mga materyal na kasiyahan ay ilalayo lang ako sa Diyos, gagawing patindi nang patindi ang aking pagiging tiwali, sakim at mapagpalayaw, at mawawalan ako ng pagkakataong maligtas. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus, “At muling sinasabi Ko sa inyo, mas magaan pa sa isang kamelyo na dumaan sa butas ng isang karayom kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos(Mateo 19:24). Binalaan din tayo ng Panginoong Jesus, “Kaya huwag kayong mabalisa na magsabing, ‘Ano ang aming kakanin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming daramtin?’ Sapagkat ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Hentil; dahil alam ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Datapuwat hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang Kanyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo(Mateo 6:31–33). Tumitindi ang mga kalamidad sa lahat ng oras. Ang pinakamahalaga ngayon ay sangkapan ang ating sarili ng katotohanan at magsikap sa ating mga tungkulin. Habang ginagawa natin ang ating mga tungkulin, kailangan nating hangaring maiwaksi ang tiwali nating disposisyon, maging mga karapat-dapat na nilalang, sundin at sambahin ang Diyos. Wala nang iba pang mahalaga o makabuluhan. Napagtanto ko rin na kung makakahanap ako ng magandang trabaho ay lubos na nasa mga pagsasaayos ng Diyos. Handa akong lubusang ilagay ang sarili ko sa Kanyang mga kamay at sumunod sa Kanyang mga pagsasaayos.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi mula sa Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nalaman kong kung binibigyan man tayo ng Diyos ng suwerte o kalamidad, dapat nating gawin nang maayos ang sarili nating tungkulin. Ito ang ating responsibilidad, at hindi ako dapat gumawa ng mga kondisyon. Matapos dumanas ng sunud-sunod na kabiguan sa paghahanap ko ng trabaho, nakita kong magagawa kong itigil ang pagtupad ng aking tungkulin dahil lang hindi ako nakatatanggap ng anumang pakinabang. Isa itong maling saloobin sa aking tungkulin. Bilang isang nilikha, may responsibilidad akong gawin ang aking papel. Saanmang sitwasyon ako ilagay ng Diyos, nauunawaan ko man o hindi ang kalooban Niya, gaano kanegatibo o kahina man ako maging, kailangan kong patuloy na gawin ang aking tungkulin, dahil ako ay isang nilikhang dapat magpasakop sa Diyos nang walang kondisyon. Wala akong karapatang humingi ng anuman sa Diyos o makipagtawaran sa Kanya. Pagkatapos kong mapagtanto ang lahat ng ito, nagsimula akong maging mas seryoso sa aking tungkulin, ipinalalaganap ang ebanghelyo araw-araw sa abot ng aking makakaya, at naramdaman kong sa paggawa lang noon ako napanatag.

Isang araw, nakatanggap ako ng paanyaya para sa isang panayam mula sa isang paaralan. Alam kong talagang prestihiyoso ang paaralang iyon, at na mataas ang susuwelduhin ko kapag natanggap ako sa trabaho. Noong oras ng panayam, sinabi ko sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, hindi ko hinihingi sa Iyo ang trabahong ito, gusto ko lang magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos. Kahit na hindi ko makuha ang trabahong ito, pupurihin pa rin Kita at patuloy kong gagawin ang aking tungkulin.” Inilabas ang mga resulta ng pasulat na bahagi, at kasama ako sa nangungunang limang nakapasa. Masayang-masaya talaga ako. Ngunit pagkatapos ng mga personal na panayam, nalaman ko na hindi ako ang napili, kundi ang isa kong kaibigan. Kahit na masaya ako para sa kaibigan ko, medyo nadismaya ako. Nagdasal ako sa Diyos na pangalagaan ang puso ko para makapagpasakop ako sa Kanyang pamumuno. Labis akong napanatag pagkatapos kong manalangin, at bumalik ako sa paggawa ng aking tungkulin tulad ng dati, dahil alam ko na kung pinahintulutan iyon ng Diyos, ako sana ang nakuha sa trabahong iyon, ngunit kung hindi, walang magagawa ang anumang pagsusumikap para matanggap ako roon. Tiwala ako na lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at walang sinumang maaaring makapanaig sa Diyos. Nang isipin ko iyon sa gayong paraan, nadama ko ang isang malakas na nang-eengganyong puwersa sa aking kalooban. Sa pagkakataong ito, hindi ko puwedeng maiwala ang patotoo ko gaya ng dati. Paano man isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay, gusto ko talagang gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya. Ito ang responsibilidad ko.

Ipinakita sa akin ng karanasang ito kung gaano karumi ang aking pananampalataya, at na kaya ko pa ngang dayain ang Diyos, at subukang makipagtawaran sa Kanya. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ang tumulong sa aking maunawaan ang aking sarili at maitama ang aking mga maling hangarin. Labis akong nagpapasalamat sa pagmamahal ng Diyos!

Talababa:

a. Magbago ng isip: isang Chinese idiom na ang ibig sabihin ay “tumalikod sa masasamang gawi.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman