Hindi na Ako Nakikipagtunggali Para sa Pamumuno

Disyembre 9, 2024

Ni Fengxian, Tsina

Noong 2016, naging responsable ako sa gawaing nakabatay sa teksto sa iglesia. Noong panahong iyon, ang mga resulta ng isang partikular na gampanin ay palaging hindi maganda, kaya inutusan ako ng lider na direkta itong subaybayan. Umaasa sa Diyos at sa pagsisikap na pag-aralan ang mga prinsipyo, hindi nagtagal ay nakita ko ang pag-unlad sa gawain. Kalaunan, isa pang gampanin ang naharap sa mga problema, at muling hiniling sa akin ng lider na pangasiwaan at lutasin ang mga ito. Labis akong nasiyahan nang marinig ko ito. Nang makita kong ipinagkatiwala sa akin ng lider ang lahat ng mahihirap na gampanin, nadama kong ako ay isang pambihirang tao na may talento at isang haligi ng aming iglesia.

Kalaunan, maghahalal ng isang lider ang aming iglesia, at naisip ko, “Mahahalal na kaya akong lider sa pagkakataong ito? Sa kasalukuyan, ang tungkuling nakabatay sa teksto ang aking ginagawa, at hindi ako nito hinahayaang maging bukod-tangi o magkaroon ng anumang katayuan. Kung mahahalal ako bilang isang lider, magbabago ito. Magkakaroon ako ng kapangyarihan na magtakda at gumawa ng mga desisyon, at ako ang lalapitan ng mga kapatid para sa kanilang mga problema at mga paghihirap. Hindi ba at kasiya-siya iyon! Noong nag-aaral ako, gusto kong maging class monitor, pero hindi natupad ang pangarap na iyon. Kung mahahalal ako bilang lider sa iglesia, patutunayan nito ang aking mga kakayahan at tutuparin ang aking pangarap.” Pagkatapos niyon, lalo akong naging masigasig sa aking tungkulin, at aktibo akong nagbabahagi upang malutas ang anumang kalagayan na mayroon ang mga kapatid. Nang matanggap ko ang kanilang pagsang-ayon, tuwang-tuwa ako, umaasang iboboto nila ako sa panahon ng eleksiyon. Pero sa huli, hindi ako nahalal. Labis akong nadismaya. Nang maglaon, narinig ko ang mga kapatid na sinasabi na hindi ako nahalal dahil sa tingin nila ay hindi pa ako gumugulang at mababaw ang aking buhay pagpasok. Kaya agad kong pinag-isipan kung paano ko maipepresenta ang aking sarili na mas maygulang at matatag. Sa usapin ng buhay pagpasok, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos na humuhusga at naglalantad sa kalikasang diwa ng mga tao, umaasang mas matututo at mas masasangkapan ko ang aking sarili, habang binibigyang-pansin ang pagsasagawa ng katotohanan sa pang-araw-araw na buhay, upang makita ng lahat ang aking pag-unlad at mga pagbabago, at maihalal nila ako sa susunod na eleksiyon.

Gayumpaman, kalaunan, ilang beses pa rin akong nabigo na mahalal. Partikular na, isang eleksiyon ang nagresulta sa pagkakahalal kay Sister Siyu bilang isang lider. Nagulat ako nang marinig ko ito, at naisip ko na, “Karaniwan lang ang kanyang kakayahan at mga kapasidad sa gawain. Paanong siya ang ibinoto ng karamihan sa mga kapatid? Sa paanong paraan siya mas mahusay kaysa sa akin?” Nakaramdam ako ng paninibugho at naging mapanghamon, at naibulalas ko, “May kakayahan ba siya?” Dala ng pagkamausisa, tinanong ako ng lahat ng mga sister, “Kilala mo ba siya nang mabuti?” Hindi nag-iisip na sinabi ko, “Nakatrabaho ko na siya dati. Sa tingin ko, karaniwan lang ang kanyang kakayahan at mga kapasidad sa gawain, at hindi ko pa siya nakitang magsulat ng magagandang artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Duda ako kung mayroon siyang anumang buhay pagpasok.” Matapos marinig ang mga ito, lahat ng mga sister ay nagsabi na, “Kung kilala mo siyang mabuti at sa tingin mo ay hindi siya naaangkop, dapat kang magsalita. Ang pamumuno sa iglesia ay lubhang mahalaga; dapat nating piliin ang mga tamang tao.” Nagsimula itong talakayin ng mga kapatid. Nang sumunod na araw, mahigpit akong pinungusan ng kapareha kong sister, sinasabi niya na, “Ang sinabi mo kahapon ay katumbas ng paghatol sa mga lider at manggagawa. Bagama’t mababaw ang buhay pagpasok ni Siyu, may mahusay siyang kakayahan, matuwid na puso, at nagsusumikap para sa katotohanan, at nagdadala ng isang pasanin para sa gawain. Hindi mo siya sinukat batay sa mga prinsipyo o isinasaalang-alang ang kanyang kasalukuyang pagganap, sa halip ay kumapit ka sa kanyang mga nagdaang pagkukulang. Ang pagsasalita mo nang may lihim na motibo na tulad niyan ay nagdulot ng pagkiling ng mga kapatid laban kay Siyu na para bang mali ang pinili ng iglesia. Medyo seryoso ang kalikasan nito at katumbas ng pagdudulot ng kaguluhan sa eleksiyon. Dapat mo itong pagnilayan nang maayos at unawain ito!” Sa mga sinabi ng kapatid, naramdaman ko ang pamumula ng aking mukha. Nang maisip ko na ang kalikasan ng paghatol sa mga lider at mga manggagawa ay nakagugulo at nakasisira sa kanila, at isa itong masamang gawa, medyo natakot ako. Hindi na ako nangahas manghusga sa salita, ngunit hindi pa rin ako nagpasakop sa aking puso.

Minsan sa isang pagtitipon, noong nagbabahagi ang isang lider, napansin kong nakatuon ang pansin ng lahat sa lider. Sa sandaling iyon, naramdaman kong tila nagliliwanag ang lider, at pinangarap ko kung gaanong magiging kasiya-siya kung isa akong lider. Dumungaw ako sa bintana, napasinghot ako at halos maluha ako, iniisip ko na, “Simula nang manampalataya ako sa Diyos, hindi pa ako naging isang lider. Bakit hindi ako nagkaroon ng pagkakataon? Ang galing-galing ko, pero hindi pa rin ako nagiging lider. Hindi patas ang Diyos sa akin! Ano ang silbi ng patuloy kong paghahangad sa ganitong paraan?” Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng sobrang lungkot at panlulumo, at ayaw kong lumapit sa Diyos o sabihin sa Kanya ang nilalaman ng aking puso. Nang makita ko ang mga kapatid na nasa mahinang kalagayan, hindi ko na nais magbahagi at tumulong pa sa kanila. Mababa pa rin ang pagtingin ko kay Siyu, pakiramdam ko ay mas mababa kaysa sa akin ang kanyang katalinuhan, kakayahan, at mga kapasidad sa gawain. Napaisip ako, “Bakit hindi ako mahalal bilang isang lider?” Hindi ko namamalayan, naibulalas ko ang aking kawalang-kasiyahan sa harap ng aking pamilya. Nang makita nilang hindi ko man lang kilala ang aking sarili, pinungusan nila ako, sinasabi na, “Naghahangad ka ng katayuan, at habang hinahabol mo ito, mas lalo ka nitong iiwasan!” Mapanghamon kong sinabi, “Sa anong batayan?” Matapos sabihin iyon, natakot ako. Hindi ba at ako ay hayagang nag-aalsa laban sa Diyos? Hindi na ako naglakas-loob na magsalita pa.

Sa isang pagtitipon, hayagan kong inilantad ang aking kalagayan ng pagkakaroon ng ambisyon at ang pagnanais na palaging maging isang lider. Ibinahagi ng isang sister ang kanyang karanasan upang tulungan ako, at sinabi niya, “Palagi nating iniisip na mas mahusay tayo kaysa sa iba, at nagtataka tayo kung bakit maaari silang maging mga lider samantalang tayo ay hindi, nakararamdam tayo ng panghahamon at kawalang-kasiyahan, at patalikod pa silang hinuhusgahan. Ang kalikasan nito ay lumalaban sa Diyos at nag-aalsa laban sa Kanya.” Nang marinig ko ang pagbabahagi ng sister, nagnilay ako sa aking sarili. Sa buong panahong ito, hindi pa ako nahalal bilang isang lider, at nanatili akong mapanghamon sa aking puso, nakikipagtalo sa Diyos, “Sa anong batayan kaya hindi Mo ako hinahayaang maging isang lider?” Itong “Sa anong batayan” ay ang aking pagtanggi na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at lumalaban at nag-aalsa ako laban sa Diyos. Bilang isang tiwaling tao, nararapat lang sa akin ang anumang pagtrato na aking natanggap mula sa Diyos. Bukod dito, ang mga lider ay inihalal ng mga kapatid; hindi na nga ako nagnilay sa aking sarili para sa aking patuloy na pagkabigo na mahalal, nilabanan ko pa at nakipagtalo pa ako sa Diyos. Talagang wala ako sa katwiran! Tinukoy rin ng lider ang aking problema, “Ginagawa mo ang iyong tungkulin para sa kapakanan ng paghahangad ng katayuan, nagiging negatibo at palaban ka kapag hindi mo ito nakukuha. Lumalakad ka sa landas ng isang anticristo, kaya walang nangangahas na ihalal ka bilang isang lider.” Bawat salitang binigkas ng lider ay tumagos sa aking puso. Nakaramdam ako ng labis na pagkabagabag at pagsisisi. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, takot na takot ako ngayon. Nakasusuklam sa Iyo ang aking paghahangad ng katayuan. Maawa Ka sa akin. Ipaalam Mo sa akin ang tiwali kong disposisyon upang hindi na ako makipagtalo at lumaban sa Iyo.” Sa bahay, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa paghahangad ng katayauan. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Iyong may mga maling pagkakaunawa o mga imahinasyon tungkol sa Diyos, o mayroong maluluhong pagnanasa o mga hinihingi sa Kanya, ay labis na hindi dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin. Gusto nila ng katanyagan, katayuan, at mga gantimpala, at kung malayo pa at hindi pa abot-tanaw ang isang malaking gantimpala, mag-iisip-isip sila, ‘Dahil hindi ko pa ito makukuha agad, kailangan ko lang maghintay at magtiis. Pero dapat ngayon ay makakuha muna ako ng kaunting mga pakinabang, o kahit man lang kaunting katayuan. Pagsisikapan ko munang maging isang lider sa iglesia, na maging responsable para sa dose-dosenang tao. Kahali-halina ang laging may nakapaligid sa iyo na mga tao.’ At sa gayon ay nagkakaroon ng karumihang ito ang kanilang pananalig sa Diyos. Kapag wala ka pang ginagampanang kahit anong tungkulin, o nagagawang kahit anong praktikal na bagay para sa sambahayan ng Diyos, mararamdaman mong hindi ka kwalipikado, at hindi uusbong sa iyo ang mga bagay na ito. Pero kapag may kakayahan kang gawin ang isang bagay, at sa tingin mo ay nakakaangat ka nang kaunti sa karamihan ng tao, at kaya mong ipangaral ang ilang doktrina, uusbong na ang mga bagay na ito. Halimbawa, kapag maghahalal ng isang lider, kung isa o dalawang taon ka pa lamang nakakapanampalataya sa Diyos, madarama mong mababa ang tayog mo, na hindi mo kayang mangaral ng kahit anong sermon, at na hindi ka kwalipikado, kaya aatras ka sa halalan. Matapos ang tatlo o limang taong pananalig, kakayanin mo nang ipangaral ang ilang espirituwal na doktrina, kaya pagdating ng panahon para maghalal muli ng isang lider, maagap mong aasamin ang posisyong iyon at magdarasal ka na, ‘O Diyos! Nagdadala ako ng pasanin, handa akong maging lider sa iglesia, at handa akong maging mapagsaalang-alang sa Iyong mga layunin. Pero mahalal man ako o hindi, lagi pa rin akong handang magpasakop sa mga pagsasaayos Mo.’ Sasabihin mong handa kang magpasakop, pero sa puso mo, iisipin mo, ‘Pero maganda sana kung hahayaan Mo akong masubukan na maging isang lider!’ Kung may ganoon kang hinihingi, tutugunan ba ito ng Diyos? Siguradong hindi, dahil ang hinihingi mong ito ay hindi isang lehitimong kahilingan, kundi isang maluhong pagnanasa. Kahit na sabihin mo pang gusto mong maging isang lider para makapagpakita ka ng konsiderasyon para sa pasanin ng Diyos, gamit ang palusot na ito bilang pangangatwiran mo, at pakiramdam mo ay ayon ito sa katotohanan, ano ang iisipin mo kapag hindi tinugunan ng Diyos ang hinihingi mo? Anong mga pagpapamalas ang ipapakita mo? (Mali ang magiging pagkaunawa ko sa Diyos, at magtataka ako kung bakit hindi Niya ako pinalugod samantalang gusto ko lang naman na magpakita ng konsiderasyon para sa pasanin Niya. Magiging negatibo ako, lalaban ako, at magrereklamo ako.) Magiging negatibo ka, at iisipin mong, ‘Ang taong inihalal nila ay hindi pa nakakapanampalataya sa Diyos nang kasingtagal ko, mas mababa ang pinag-aralan niya kaysa sa akin, at mas mababa ang kakayahan niya kaysa sa akin. Kaya ko ring ipangaral ang mga sermon, kaya saan siya mas magaling kaysa sa akin?’ Mag-iisip ka nang mag-iisip, pero hindi mo ito maiintindihan, kaya magkakaroon ka ng mga kuru-kuro, at huhusgahan mo ang Diyos bilang hindi matuwid. Hindi ba’t isa itong tiwaling disposisyon? Makakapagpasakop ka pa rin ba? Hindi na. Kung wala kang pagnanasang maging isang lider, kung kaya mong hangarin ang katotohanan, at kung kilala mo ang sarili mo, sasabihin mo, ‘Ayos lang sa akin ang maging isang ordinaryong tagasunod. Wala akong taglay na katotohanang realidad, mayroon lamang akong karaniwang pagkatao, at hindi ako masyadong magaling magsalita. May kaunti akong karanasan pero hindi talaga ako makapagsalita tungkol dito. Gusto kong magsalita pa tungkol dito pero hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang sarili ko. Kung magsasalita pa ako, malamang na magsasawa ang mga tao sa pakikinig sa akin. Kulang ang kakayahan ko para sa posisyong ito. Hindi ako bagay maging isang lider, at dapat lang na magpatuloy akong matuto sa iba, gampanan ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at hangarin ang katotohanan nang may pagpapakumbaba. Balang araw, kapag may tayog na ako at angkop nang mamuno, hindi ako tatanggi kapag hinalal ako ng aking mga kapatid.’ Ito ang wastong lagay ng pag-iisip. … Anuman ang ginagawa mo, dapat mong pagnilayan at maunawaan ang mga motibo mo, ang pinanggagalingan mo, ang mga layunin mo, ang mga mithiin mo, at ang lahat ng kaisipan mo, nang ayon sa katotohanan, at matukoy kung tama ba o mali ang mga ito. Lahat ng ito ay dapat na taglay ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at saligan ng mga ito, nang sa gayon ay hindi ka tumahak sa maling landas. Anuman ang gusto mong gawin, o ang iyong hinahanap, ipinapanalangin, o hinihingi sa Diyos, dapat na lehitimo at makatwiran ito, dapat na puwede itong pag-usapan at aprubahan ng lahat. Walang saysay na hanapin at ipanalangin ang mga bagay na hindi naman puwedeng ilantad. Gaano mo man ipanalangin ang mga bagay na iyon, wala iyong silbi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Ang inilantad ng Diyos ay ang tunay kong kalagayan. Noong una akong manampalataya sa Diyos, wala akong pagnanais na maging isang lider dahil pakiramdam ko ay maliit ang tayog ko at hindi ako kalipikado. Habang ginagawa ko ang aking tungkulin sa paglipas ng panahon, nakapagsalita ako ng ilang espirituwal na doktrina at nakakita ng ilang resulta sa aking gawain, kaya inakala ko na may mahusay akong kakayahan at kapital, isang pambihirang tao na may talento sa iglesia, at dapat ihalal bilang isang lider. Kaya naman, bawat eleksiyon ay nagbigay sa akin ng kasabikan, at aktibo kong ginampanan ang aking tungkulin para lamang mapili bilang isang lider. Subalit nang hindi ako nahalal, ang aking mga kasuklam-suklam na layunin ay ganap na nabunyag. Hindi lamang nawala ang pasanin ko para sa aking tungkulin, hindi nilulutas ang mga problema kahit pa natuklasan ang mga ito, kundi nakaramdam din ako ng paninibugho at pagkamuhi, hinusgahan ko ang bagong halal na lider, at nagreklamo pa ako sa aking puso tungkol sa Diyos, sa paniniwalang hindi patas ang Diyos at tinabunan Niya ang aking talento. Nakita ko na wala talaga akong pagpapasakop sa Diyos, o kahit pusong may takot sa Diyos, at ang aking masasamang gawa ay dulot ng aking paghahangad ng katayuan. Kung ang aking mga layunin ay talagang para sa pangangalaga ng gawain sa iglesia, kahit bilang isang ordinaryong mananampalataya, isinaalang-alang ko sana ang mga layunin ng Diyos at tahimik na ginawa nang maayos ang aking pangunahing trabaho. Ipinakita ng mga katunayan na ang pinanggagalingan at unang pinagmulan ng aking mga pagkilos ay parehong para sa katayuan. Nais ko lamang maging isang lider at na mapaligiran ako ng mga tao, at matugunan ang aking ambisyon at pagnanais na maging isang “opisyal.” Sa gayong mga layunin sa paggawa ng aking tungkulin, hindi lamang ako nabigong mahalal bilang isang lider, nabigo rin akong gawin nang maayos ang aking pangunahing trabaho.

Kalaunan, may nabasa akong isang sipi mula sa mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga problema. Sabi ng Diyos: “Bakit lumilitaw ang mga maling paniniwala ng lahat ng tao sa Diyos? Lumilitaw ang mga ito sapagkat hindi kayang sukatin ng mga tao ang sarili nilang mga kakayahan; para mas tumpak, hindi nila alam kung anong uri sila ng mga bagay sa paningin ng Diyos. Masyado nilang binibigyang halaga ang kanilang sarili at inilalagay sa napakataas na posisyon ang kanilang sarili sa mata ng Diyos, at nakikita nila ang itinuturing nilang halaga at kapital ng isang tao bilang ang katotohanan, bilang ang mga pamantayang ginagamit ng Diyos para sukatin kung sila ay maililigtas. Mali ito. Dapat mong malaman kung ano ang uri ng lugar mayroon ka sa puso ng Diyos, kung paano ka tinitingnan ng Diyos, at ang naaangkop na posisyon na dapat mong taglayin kapag humaharap ka sa Diyos. Dapat mong malaman ang prinsipyong ito; sa paraang ito, ang iyong mga pananaw ay magiging alinsunod sa katotohanan at aayon sa mga pananaw ng Diyos. Dapat taglayin mo ang katwirang ito at dapat ay magawa mong magpasakop sa Diyos; paano ka pa man Niya tinatrato, dapat kang magpasakop. Pagkatapos ay mawawalan na ng anumang kontradiksiyon sa pagitan mo at ng Diyos. At kapag tinrato ka muli ng Diyos sa Kanyang pamamaraan, hindi mo ba magagawang magpasakop? Makikipagtalo ka pa rin ba at sasalungat sa Diyos? Hindi mo ito gagawin. Kahit makaramdam ka pa ng kaunting pagkabalisa sa iyong puso, o maramdaman mo na hindi tulad nang ninanais mo ang pagtrato sa iyo ng Diyos at hindi mo maunawaan kung bakit tinatrato ka Niya nang ganoon, gayunman, dahil nauunawaan mo na ang ilang katotohanan at tinataglay ang ilang realidad, at dahil nagagawa mo nang manatiling tapat sa iyong posisyon, hindi mo na lalabanan ang Diyos, na nangangahulugang hindi na iiral ang mga kilos at pag-uugali mo na magdudulot ng iyong pagkasawi. At hindi ba magiging ligtas ka na noon? Sa oras na maging ligtas ka, makararamdam ka ng katatagan, na nangangahulugang nagsimula ka nang tumahak sa landas ni Pedro(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang aking hindi pagkaunawa at ang paghatol sa Diyos, at ang aking malubhang pagsalangsang ay dahil sa aking labis na pagmamataas at labis na pagpapahalaga sa aking sarili. Naisip ko na bagama’t nanampalataya ako sa Diyos sa maikling panahon, may kakayahan ako at mga kapasidad sa gawain, palaging nagiging superbisor, at tuwing may mahalagang gawain, ako ang naiisip ng mga lider. Itinuring ko ang aking sarili bilang isang pambihirang tao na may talento sa iglesia, kaya naniwala ako na dapat akong maging kabilang sa mga lider. Nang hindi natupad ang aking mga ambisyon at pagnanais, at natalo ako sa ilang eleksiyon, nagreklamo ako at naisip ko na hindi matuwid ang Diyos, palagi akong nakikipagtalo sa Diyos. Nakita ko na kulang ako sa kamalayan sa sarili at hindi ko masukat ang aking sariling mga kakayahan. Nanampalataya ako sa Diyos sa maikling panahon at wala akong karanasan sa trabaho. Bagaman naintindihan ko ang ilang propesyonal na kasanayan, hindi ko malinaw na naunawaan ang maraming mga katotohanang prinsipyo. Tuwing nahaharap ako sa mga paghihirap, taimtim akong nananalangin sa Diyos at naghahanap ng mga prinsipyo. Kapag tama ang aking mga layunin, hindi ko namamalayan na nauunawaan ko ang ilang bagay, na siyang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu. Pero sa halip na pasalamatan ang Diyos, itinuring ko ang mga ito bilang kapital, ipinagyayabang ko na mayroon akong mahusay na kakayahan at mga kapasidad sa gawain, at dapat kong gampanan ang tungkulin ng isang lider. Talagang kulang ako sa katwiran at kamalayan sa sarili. Kasabay nito, napagtanto ko rin na para sa mga nahalal na lider at manggagawa, dapat man lang ay mayroon sila ng matuwid na puso at mabuting pagkatao, at paghahangad sa katotohanan. Subalit hinahangad ko ang katayuan, at sa ilang pagkabigo sa eleksiyon, kung saan hindi natugunan ng Diyos ang aking mga ambisyon at pagnanais, naging negatibo ako at nilabanan ko Siya, nawalan ako ng pasanin para sa aking tungkulin nang mabigo akong makakuha ng posisyon. Hindi ko tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan at talagang hindi ko naabot ang mga kondisyon para sa pagiging isang lider. Tama lang na hindi ako piliin ng mga kapatid. Ipinakita rin nito sa akin na sinusuri ng Diyos ang lahat.

Pagkatapos, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon pa ako ng mas maraming pagkaunawa tungkol sa aking isyu ng palaging pagnanais na maging isang lider. Sabi ng Diyos: “Anong mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan ang nauugnay sa kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang pinakakaraniwan ay ang pakikipag-agawan ng mga tao sa mga lider ng iglesia para sa katayuan, na pangunahing namamalas sa kanilang pagsasamantala sa ilang bagay tungkol sa mga lider at sa mga pagkakamali ng mga ito para siraan at kondenahin ang mga ito, at sa sadyang paglalantad sa kanilang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga kabiguan at kakulangan sa kanilang pagkatao at kakayahan, lalo na pagdating sa mga paglihis at pagkakamaling nagawa nila sa kanilang gawain o kapag pinapangasiwaan nila ang mga tao. Ito ang pinakakaraniwang nakikita at ang pinakalantarang pagpapamalas ng pakikipag-agawan sa mga lider ng iglesia para sa katayuan. Dagdag pa rito, walang pakialam ang mga taong ito sa kung gaano kahusay na ginagawa ng mga lider ng iglesia ang kanilang gawain, kung kumikilos man ang mga ito nang naaayon sa mga prinsipyo o hindi, o kung may mga isyu man o wala sa pagkatao ng mga ito, at sadyang mapanlaban sila sa mga lider na ito. Bakit sila mapanlaban? Dahil gusto rin nilang maging lider ng iglesia—ito ang ambisyon nila, ang pagnanais nila, at kaya mapanlaban sila. Paano man gumagawa o nangangasiwa sa mga problema ang mga lider ng iglesia, palaging sinasamantala ng mga taong ito ang mga bagay tungkol sa mga ito, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito, at masyado pa nga nilang pinapalaki ang mga bagay-bagay, binabaluktot nila ang mga katunayan, at ginagawa nilang labis-labis ang mga bagay hangga’t posible. Hindi nila ginagamit ang mga pamantayan na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa para sukatin kung kumikilos ba ang mga lider na ito nang ayon sa mga prinsipyo, kung mga tamang tao ba ang mga ito, kung ang mga ito ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at kung mayroon bang konsensiya at katwiran ang mga ito. Hindi nila sinusuri ang mga lider nang ayon sa mga prinsipyong ito. Sa halip, batay sa sarili nilang mga layunin at pakay, palagi silang nagbubusisi at nag-iimbento ng mga reklamo, naghahanap ng mga bagay na gagamitin laban sa mga lider o manggagawa, nagpapakalat ng mga tsismis kapag nakatalikod ang mga ito tungkol sa mga bagay na ginagawa ng mga ito na hindi naaayon sa katotohanan, o inilalantad ang mga pagkukulang ng mga ito. … Ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Hindi ito para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at makilatis ang mga huwad na lider at anticristo, ni para akayin ang mga tao sa harap ng Diyos. Sa halip, ang pakay nila ay talunin at pabagsakin ang mga lider at manggagawa para makita ng lahat na sila ang pinakaangkop na maging lider. Sa puntong ito, nakamit na ang layon nila, at kailangan na lang nilang hintayin na inomina sila ng mga kapatid bilang lider. Mayroon bang mga gayong tao sa iglesia? Kumusta ang mga disposisyon nila? Malupit ang disposisyon ng mga indibidwal na ito, hindi nila minamahal ang katotohanan kahit kaunti, at hindi rin nila ito isinasagawa; nais lang nilang humawak ng kapangyarihan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 14). Inilalantad ng Diyos na lubhang malupit ang disposisyon ng mga taong nakikipagkumpitensya para sa katayuan, at wala silang kahit anong pagmamahal sa katotohanan at may mahina silang pagkatao. Sa pagninilay-nilay ko sa aking pag-uugali, napangibabawan ako ng aking ambisyon at pagnanais sa kapangyarihan, pinababayaan ang aking tunay na tungkulin at patuloy na nakikipagtunggali para sa katayuan, habang hinuhusgahan din ang lider at ginugulo ang eleksiyon ng iglesia. Nang makita ko na nahalal bilang lider si Siyu, sa halip na isipin kung paano ako makikipagtulungan sa kanya para pangalagaan ang gawain ng iglesia, naging mapanghamon ako at nagngitngit, minamaliit at hinahamak siya, at hinuhusgahan siya nang may mga lihim na motibo, umaasa na makikita ng mga kapatid na hindi masyadong mahusay si Siyu kaysa sa akin, at na wala siyang kakayahan sa tungkulin ng isang lider, upang magkaroon ako ng pagkakataong mapili. Sa huli, humantong ito sa pagkakaroon ng mga kapatid ng negatibong impresyon kay Siyu, na nagdulot ng kaguluhan sa eleksiyon ng iglesia. Matapos ang pagpupungos sa akin ng kapatid, bagaman hindi na ako basta-basta nangahas manghusga sa iglesia, ang pagsuway sa kalooban ko ay hindi pa nalulutas, at patuloy akong naglabas ng sama ng loob sa harap ng aking pamilya, na tunay na wala ni katiting na katwiran! Nang pag-isipan ko ito, napagtanto ko na iyong mga nahalal na lider ay nasa proseso ng paghahangad sa katotohanan, at lahat sila ay may kani-kaniyang pagkukulang at kakulangan. Kung nagkaroon ako ng matuwid na puso at naging isang taong nangangalaga sa mga interes ng iglesia, hindi ko sana minaliit o hinamak ang isang lider noong nakita ko ang kanyang mga kapintasan, at sa halip ay maayos na nakipagtulungan sa kanya, upang napunan namin ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa. Ito ang gagawin ng isang may mabuting pagkatao. Naisip ko ang mga masasamang tao na pinatalsik sa iglesia. Sa kanilang pakikipagkumpitensya para sa katayuan ay kinalaban nila ang mga lider sa bawat pagkakataon, madalas na naghahanap ng kahit maliliit na pagkakamali, at palihim na naghahasik ng hindi pagkakasunduan, na nagiging sanhi ng pagkiling ng mga kapatid laban sa mga lider, na sa huli ay humahantong sa pagkagambala at pagkakagulo sa gawain ng iglesia at pagpapatalsik sa kanila. Nang mapagtanto ko ito, lubha akong natakot, dahil alam ko na kapag hindi ako nagsisi, mahahayag ako at ititiwalag ng Diyos tulad niyong mga masasama. Nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, humihingi ng Kanyang awa at pagliligtas. Naisip ko tuloy ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Proteksyon mo ang hindi pagkakaroon ng katayuan. Bilang isang ordinaryong tagasunod, maaaring hindi ka kailanman magkaroon ng pagkakataong makagawa ng matinding kasamaan, at wala kang tsansang maparusahan. Gayumpaman, sa sandaling magkamit ka ng katayuan, ang tsansang makagawa ka ng kasamaan ay isandaang porsiyento, na katulad din ng tsansang ikaw ay maparurusahan, at magkagayon ay katapusan mo na, at labis mong masisira ang anumang pagkakataong mayroon ka sana para makamit ang kaligtasan. Kung may mga ambisyon at pagnanais ka, dapat kang magmadali at manalangin sa Diyos, hanapin ang katotohanan upang lutasin ang problema, magtiwala sa Diyos at isagawa ang pagpipigil sa sarili, at huwag kang magpakasaya sa posisyon mo, at magkagayon ay magagawa mong gampanan nang normal ang tungkulin mo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Sa pagninilay-nilay ko sa paulit-ulit kong pagkabigo sa eleksiyon, napagtanto kong may layunin ang Diyos. Masyadong matindi ang aking pagnanais para sa katayuan, at ang aking kalikasan ay masyadong mapagmataas. Kung nagkaroon ako ng posisyon, sinumang hindi nakinig sa akin o nagbanta sa aking katayuan ay pipigilan o ibubukod ko. Sa bandang huli, makagagawa ako ng maraming masasamang gawa at mabubunyag at ititiwalag ako tulad ng isang anticristo. Nadama ko na ang hindi pagbibigay ng Diyos sa akin ng katayuan ay isang proteksyon para sa akin. Ang pagmamahal ng Diyos ay nakatago sa likod ng mga pangyayaring ito, pero hindi ko Siya naunawaan at nagreklamo ako tungkol sa Kanya. Hindi ko alam kung ano ang makabubuti para sa akin, na talagang nakasakit sa puso ng Diyos. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, lalo akong gumaan at nakalaya, at naalis ang hadlang sa pagitan namin ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa tuwing ginagawa mo ang anumang bagay, at sa anumang konteksto, dapat mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang pagiging isang taong matapat at masunurin sa Diyos, at isantabi ang paghahangad sa katayuan at reputasyon. Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang bagay ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga hangarin at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang tibay ng loob para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahanap sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng paraan upang makapagsagawa. Nakita ko na ang pagbitaw sa katayuan ay nangangailangan ng paghahanap ng katotohanan. Noong may mga ambisyon at pagnanais ako, kinailangan kong palitan ang mga ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kailangan kong maghimagsik kaagad laban sa aking mga maling iniisip at ideya at mabilis na hanapin ang katotohanan upang malutas ang aking mga isyu. Napagtanto ko rin na itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao hindi batay sa kanyang katayuan o pagkakakilanlan, kundi sa kung gaano karami ang naipasok ng isang tao sa katotohanang realidad, at kung ang isang tao ay may taos na pagpapasakop sa Diyos at maaaring mamuhay ayon sa Kanyang mga salita kapag nangyari ang mga bagay-bagay. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, handa na akong magpasakop. Dahil naatasan akong gawin ang tungkuling nakabatay sa teksto, dapat kong tanggapin at sundin ito, at gawin ang aking tungkulin nang maayos at may kababaang-loob.

Noong Marso 2023, nagsagawa ang iglesia ng isa pang eleksiyon upang punan ang mga posisyon sa pamumuno. Bagama’t may mga ambisyon at pagnanais pa rin ako, iniisip na isa na naman itong pagkakataon para tumakbo at umaasang mahalal, alam kong napakatindi ng aking pagnanais para sa katayuan, na madaling aakay sa akin na tahakin ang landas ng isang anticristo. Hindi maaaring lagi akong naghahangad ng katayuan. Kailangan kong magpigil at maghimagsik laban sa aking sarili. Nanalangin ako sa Diyos na protektahan ako mula sa paglilimita ng katayuan. Kung ako ay mahahalal, gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin. Kung hindi, hindi ako magiging negatibo o hahayaan itong makaapekto sa aking tungkulin. May posisyon man ako o wala, handa akong magpasakop at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Sa araw ng eleksiyon, ang aking kaisipan ay hindi upang desperadong makipaglaban para sa isang posisyon sa pamumuno. Ibinahagi ko ang aking karanasan sa paghahangad ng katayuan at ipinahayag ang aking pagkasuklam at pagkamuhi para sa mga nakaraan kong aksyon na lumaban ako sa Diyos dahil sa paghahangad ko ng katayuan. Pagkatapos ng aking pagbabahagi, naupo ako roon, at kalmadong-kalmado ako. Sa hindi inaasahan, nang ipahayag ang resulta ng eleksiyon, ako ang may pinakamaraming boto at nahalal bilang lider ng iglesia. Kung noon siguro, magiging masayang-masaya ako, pero ngayon, alam kong may malaking responsabilidad ang tungkuling ito. Tinanggap ko ito bilang isang mabigat na responsabilidad, sa halip na tamasahin ang katanyagan na kasama ng posisyon. Alam ko na ang maliit na pagbabagong ito sa akin ay dahil sa pagliligtas ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply