Pagninilay-nilay sa Sarili Matapos Maitalaga sa Ibang mga Tungkulin

Disyembre 9, 2024

Ni Aubry, Timog Korea

Noong Setyembre 2020, naging responsable ako sa koordinasyon ng gawain ng post-production ng audio ng himno. Inasikaso ko ang lahat ng malalaki at maliliit na usapin sa pangkat, at kinonsulta ako ng lider ng pangkat sa iba’t ibang mga isyu. Handa ring makipag-usap sa akin ang mga kapatid tungkol sa kanilang mga kalagayan at mga paghihirap. Sinabi ng lider ng pangkat, “Sa paglipas ng mga taon, maraming coordinator ang dumating at umalis sa aming pangkat, subalit ikaw ang pinakamatagal na naglilingkod dito. Napapamahalaan mo nang maayos ang lahat ng aspekto ng gawain, at may kakayahang makipagkoordinasyon.” Kung minsan, kapag nakikipagbahaginan ako sa mga kapatid, naririnig ko ang ilan sa kanila na nagsasabing, “Nagpapalinaw ng aking isipan ang pakikibahagi sa iyo.” Sa tuwing naririnig ko ang mga ganoong salita, sobrang nasisiyahan ako. Naisip ko na ako ang pinaka-angkop na tao para sa tungkuling ito, at ito ang pinakamahusay na sumasalamin sa kahalagahan ng aking pag-iral. Kaya naman, mahal na mahal ko ang tungkuling ito.

Sa hindi inaasahan, noong Enero 2023, dahil sa mga pangangailangan sa gawain, naitalaga ako sa pangkat sa pag-record ng kanta. Hindi ako nakapag-record ng kahit anong kanta sa loob ng mahigit apat na taon, kaya kinailangan kong matuto ng ilang mga kasanayan at teknik mula sa simula. Ako ang naging pinaka-walang kasanayan sa pangkat. Dati, bilang coordinator, ang ibang miyembro ng pangkat ay lumalapit sa akin para humingi ng payo sa iba’t ibang bagay. Ngayon, kailangan kong itanong ang lahat ng bagay sa ibang tao. Kahit sino sa pangkat ay maaaring lumapit at gabayan ako sa aking gawain at tukuyin ang aking mga pagkukulang, pero hindi ako komportable dito. Naisip ko, “Dati, ako ang nag-aayos ng mga gampanin para sa iba. Pero ngayon, kahit sino ay puwede akong turuan. Saan ako kukuha ng kahihiyan? Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Hindi ito maaari. Kailangan kong masigasig na mag-ensayo sa pagkanta at magsikap na pagbutihin ang aking mga kasanayan sa lalong madaling panahon, upang hindi palaging tukuyin ng ibang tao ang aking mga problema.” Sa kabila ng aking mga pagsusumikap, marami pa ring isyu sa aking mga teknik sa pagkanta. Ganoon din ang nangyari sa shooting ng mga video ng koro. Dahil matagal na akong hindi nakasasali sa isang shoot, parang hindi natural ang mga ekspresyon ko. Kahit na nag-ensayo ako nang husto, hanggang doon lang ako sa pagtayo sa likuran bilang bahagi ng background, na halos wala akong mga kuha sa buong kanta. Lalong sumama ang loob ko dahil dito. Naisip ko, “Hindi ako magaling kumanta; hindi ako magaling magtanghal. Ako ang pinakamahina sa lahat ng aspekto. Kahit ano’ng pilit ko, hindi ako makahabol sa kaya ng iba. Nakatadhana ba akong manatili sa background magpakailanman? Ano, kung gayon, ang kahalagahan ng paggawa ng tungkuling ito? Paano ako haharap sa kahit sino?” Habang iniisip ko “kabantugan” ko sa nakaraan at inihahambing ito sa aking kasalukuyang “pagbagsak,” napapaiyak ako dahil sa sama ng loob. Sobra akong nasasaktan at naninimdim nang dahil sa sitwasyong ito. Nawala ang lahat ng sigla ko at naisipan ko pang umalis sa pangkat. Lalo akong nangulila sa mga panahon ko bilang isang coordinator, palaging pinapangarap ang pagbabalik sa tungkuling iyon balang-araw. Sa gayong paraan, hindi ako masasaktan. Pagkatapos ay madali kong magagawa ang aking tungkulin, maiaayos ang mga gampanin ng iba sa paraang kahanga-hanga sa kanila, at patuloy na makapagpapakasaya na tinitingala ng mga kapatid. Alam kong hindi tama ang kalagayan ko. Sa sakit na nararamdaman, lumapit ako sa Diyos upang manalangin, humihiling sa Kanya na akayin ako palayo sa ganitong kalagayan.

Sa aking mga debosyonal, patuloy akong nagmuni-muni: normal lang na hindi maging pamilyar sa mga kasanayan sa isang bagong tungkulin. Nakipagbahaginan din sa akin ang mga kapatid, pinalalakas ang loob ko upang hindi mag-alala, at sinasabing sa pag-eensayo, bubuti ako sa paglipas ng panahon. Ngunit bakit ang tila normal sa iba ay madalas na nagpaparamdam sa akin ng labis na negatibo at ginugusto ko pang tumakas? Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging maingat ka sa pagpoprotekta sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Inihambing ko ang aking sarili sa mga salita ng Diyos at nagnilay ako. Naunawaan ko na masyadong mapagmataas ang aking kalikasan. Sa nakalipas na dalawang taon, nagkaroon ako ng kaunting karanasan sa aking tungkulin sa koordinasyon at nagkamit ako ng ilang mga resulta. Dahil dito, inisip ko na ako ay matalino at may kakayahan sa aking gawain, ang palaging lider sa anumang grupo. Naniwala ako na ako dapat ang nag-aayos ng mga gawain para sa iba at hindi ang kabaligtaran. Kahit na matapos akong maitalaga sa ibang tungkulin na nangangailangan ng pagkatuto sa mga bagong kasanayan, nadama ko na kailangan kong matuto nang mas mabilis kaysa sa iba. Ang ibang mga miyembro ng pangkat ay nahirapan sa kanilang pagkanta at inabot ng ilang buwan sa pagsasanay o mas matagal pa para unti-unting ibagay ang kanilang mga boses sa lahat. Gayunpaman, inasahan kong makahahabol ako sa kanila sa loob lang ng ilang linggo. Matapos mabigong matugunan ang inaasahan na ito, sumama ang loob ko at naging negatibo. Sa panahon ng paggawa ng pelikula, nang makita ko ang ibang mga kapatid na may mas magandang mga ekspresyon at kondisyon kaysa sa akin, hindi rin ako naging komportable. Noong wala ako sa maraming shot, naging negatibo ako at naisipan ko pang umatras sa tungkulin ko sa pagkanta. Hindi ko kayang magpatuloy sa isang kapaligiran na tila karaniwan ako kaysa sa iba. Kahit ang isang maliit na sagabal o paghihirap ay nagtutulak sa akin na pabayaan ang aking mga responsabilidad at abandonahin ang aking tungkulin. Tunay na mayabang ako at walang katwiran! Nang mag-alok ng patnubay at tulong ang mga kapatid, hindi ko ito tinanggap nang maayos, pakiramdam ko pa ay nasaktan nito ang pagtuturing ko sa aking sarili. Napagtanto ko na ang aking pagkabalisa at pagkanegatibo ay hindi dahil sa hindi ko nagawa nang maayos ang aking tungkulin upang mapalugod ang Diyos, ngunit dahil sa ako ang pinakamahina sa grupo at hindi ko makuha ang paghanga at papuri ng mga kapatid. Pagkatapos ay binasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipagpaligsahan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, pakikisamahan ka niya bilang kapantay niya, pakikitunguhan ka niya bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, hindi sila gumagalang o rumerespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka nila bago ka pa matapos sa pagsasalita. Magagalit ka ba? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at sinasamba ka sa bawat pagkakataon. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay isang pagnanais na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kapangyarihan? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang mithiin mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lubos akong naantig at agad naunawaan na ang pag-aatubili kong pakawalan ang dati kong tungkulin sa koordinasyon ay nagmula sa matindi kong pagnanais na tingalain at sa pananabik ko para sa mga pakinabang ng katayuan. Sa pagninilay-nilay sa aking panahon sa dati kong pangkat, noong mahusay kong naisaayos ang lahat ng bagay, natanggap ko ang papuri ng lahat. Idagdag pa na noon ay iginalang ng mga kapatid ang aking mga opinyon, tinalakay sa akin ng lider ng pangkat ang lahat ng usapin, at magalang na nakipag-usap sa akin ang lahat. Sa gayong kapaligiran, malakas ang pakiramdam ko na mahalaga ako, tumatanggap ng atensyon at paghanga mula sa lahat. Talagang nagustuhan ko ang pakiramdam na iyon. Matapos simulan ang tungkulin sa pagkanta, hindi ako makasabay sa iba pang miyembro ng pangkat sa iba’t ibang aspekto. Wala nang nagtanong ng aking mga opinyon o kumonsulta sa akin sa mga usapin sa gawain, at sa halip, ang lahat ay madalas na nagbibigay sa akin ng mga mungkahi, kaya gusto kong takasan ang kapaligirang ito. Upang mapabuti ang antas ng aking kasanayan, gumigising ako nang maaga at nagpapahinga nang gabing-gabi na para mag-ensayo sa pagkanta, nagsusumikap nang higit kaysa sa iba, umaasang balang-araw ay maibabalik ko ang paghanga at papuri ng iba sa akin. Kahit hindi ako ang maging pinakanamumukod-tangi, kahit paano man lang, hindi ako babalewalain sa kahit anong aspekto tulad ngayon. Alam ko naman na ang pagpapabuti ng aking pagkanta ay isang mahabang proseso, pero sabik pa rin ako sa mabilisang mga resulta. Nang wala akong makitang malaking pag-unlad matapos ang panahon ng pagsisikap, naging negatibo ako at nawala ang lahat ng sigla ko. Ngayon ay napagtanto ko na ang aking hangarin ay hindi lamang para mahusay na maitanghal ang mga kanta kundi para mabilis na mapataas ang antas ng aking kasanayan, nang sa gayon ay makatakas ako sa kasalukuyang sitwasyon kung saan kinaliligtaan ako at hindi pinapansin, at ako ay magiging isang taong pinahahalagahan sa grupo. Inihambing ko ang aking iba’t ibang mga pagpapamalas sa kung ano ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, at napagtanto ko na ayaw kong tinuturuan ako ng iba, ayaw kong binabalewala, at palagi kong gusto na sa akin ang huling salita at ang awtoridad sa pamumuno sa isang grupo. Hinangad ko na masuportahan at tingalain, ginusto ko na magkaroon ng lugar sa puso ng lahat. Hindi ba ito pagtahak sa landas ng mga anticristo? Nakaramdam ako ng labis na takot at dali-dali akong lumapit sa Diyos upang manalangin, “O Diyos ko, ako ay naging mapagmatigas at mapaghimagsik kamakailan. Dahil lang sa hindi ko makuha ang paghanga at atensyon ng mga kapatid, ginusto kong pabayaan ang aking mga responsabilidad at talikuran ang aking tungkulin, at hindi ako makapagpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Ngayon ko napagtanto na mali ang landas na tinatahak ko. Handa akong magsisi. Mangyaring gabayan Mo ako na magkaroon ng mas malalim na pang-unawa sa aking sarili.”

Nang maglaon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi nila isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga anticristo ay laging inuuna ang kanilang sariling reputasyon at katayuan sa lahat ng kanilang ginagawa. Tinatrato nila ang reputasyon at katayuan bilang kanilang panghabambuhay na mithiin. Hindi ba’t ang hangarin ko ay katulad ng sa mga anticristo? Sa pagbabalik-tanaw, mula pa noong bata ako, itinuro sa akin ng aking mga magulang at guro na ang buhay ay dapat ipamuhay nang may ambisyon, na sa alinmang grupo, dapat akong magsumikap na maging pinakamahusay at maging isang halimbawa para sundan ng iba, at sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng kabuluhan ang aking buhay. Naalala ko na noong bata pa ako, bago ako sumali sa iba’t ibang kompetisyon, sinusuri ko muna ang mga tsansa ko na manalo. Kung kumpiyansa akong mananalo, lalahok ako; kung maliit lang ang tsansa ko, mas gugustuhin ko pang hindi makilahok kaysa ipagsapalaran na mapahiya ako. Sa isip ko, wala ang konsepto ng “Ang pakikilahok ang mahalaga,” kundi tanging “Ang pagwawagi ang pinakamahalaga.” Nadala ko ang ganitong pananaw hanggang sa mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos. Palagi kong gustong gawin ang mga tungkulin kung saan ako bihasa, dahil ito ang magpapakita ng aking kakayahan sa gawain at makakukuha ng pagsang-ayon ng iba. Ayaw kong gawin ang mga gampanin na hindi ako mahusay, dahil ayaw kong makita ng mga kapatid ang panig ng aking pagkamangmang at pagkapadaskol-daskol. Nakikita ko na ang bawat paghahayag at pagkilos ko ay umiikot sa reputasyon at katayuan. Ang ibinunyag ko ay ang eksaktong disposisyon ng mga anticristo. Noong mayroon akong reputasyon at katayuan, masigla ako sa aking gawain, at nakita kong mahalaga at makabuluhan ang aking tungkulin. Sa sandaling nawala sa akin ang reputasyon at katayuan na iyon, nawalan na rin ako ng pagnanais na gawin ang aking tungkulin. Ang pagsasaalang-alang at mga pagpaplano para sa aking sariling reputasyon at katayuan ay naging natural sa akin gaya ng pagkain at pagtulog araw-araw. Ang mga satanikong pilosopiya na, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” ay malalim na nag-ugat sa aking puso, na naging mga mithiin at mga pamantayan ko sa aking ikinilos. Kung hindi ako magsisisi at magbabago, hindi magtatagal, ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos sa pagsunod sa landas ng mga anticristo sa paghahangad ng reputasyon at katayuan.

Sa isang pagtitipon, narinig ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng malinaw na landas ng pagsasagawa, at pang-unawa sa mga hinihingi ng Diyos para sa sangkatauhan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sapagkat nais mong manatili nang mapayapa sa sambahayan ng Diyos bilang isang miyembro, dapat matutunan mo muna kung paano maging isang mabuting nilikha at tuparin ang iyong mga tungkulin ayon sa iyong posisyon. Sa sambahayan ng Diyos, tunay ka nang matatawag na isang nilikha. Ang pagiging nilikha ang iyong panlabas na identidad at titulo, at dapat may kasama itong mga partikular na pagpapamalas at diwa. Hindi lang ito tungkol sa pagkakaroon ng titulo; ngunit dahil isa kang nilikha, dapat mong tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Sapagkat isa kang nilikha, dapat mong gampanan ang mga responsabilidad ng pagiging isang nilikha. Kaya, ano ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha? Malinaw na inilalatag ng salita ng Diyos ang mga tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng mga nilikha, hindi ba? Mula sa araw na ito, isa ka nang tunay na miyembro ng sambahayan ng Diyos, ibig sabihin, kinikilala mo ang iyong sarili bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Dahil dito, mula sa araw na ito, dapat mong muling pag-isipan ang mga plano mo sa buhay. Hindi mo na dapat hangarin at sa halip ay bitiwan mo na dapat ang mga mithiin, hangarin, at layon na dati mong itinakda sa buhay mo. Sa halip, dapat mong baguhin ang iyong identidad at perspektiba para makapagplano sa mga layon at direksiyon sa buhay na dapat mayroon ang isang nilikha. Una sa lahat, hindi ang pagiging isang lider ang dapat mong layon at direksiyon, o ang mamuno o mangibabaw sa anumang industriya, o ang maging isang kilalang taong gumagawa ng partikular na gampanin o isang taong bihasa sa partikular na kasanayan. Ang layon mo dapat ay ang tumanggap ng iyong tungkulin mula sa Diyos, ibig sabihin, ang alamin kung ano dapat ang gawain mo ngayon, sa sandaling ito, at unawain kung anong tungkulin ang kailangan mong gampanan. Kailangan mong itanong kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos at kung anong tungkulin ang isinaayos para sa iyo sa Kanyang sambahayan. Dapat kang makaunawa at malinawan sa mga prinsipyong dapat maintindihan, mapanghawakan at masunod tungkol sa tungkuling iyon. Kung hindi mo maalala ang mga ito, maaari mong isulat ang mga ito sa papel o i-rekord ang mga ito sa iyong computer. Maglaan ka ng oras para suriin at pag-isipan ang mga ito. Bilang miyembro ng mga nilikha, ang dapat na pangunahin mong layon sa buhay ay ang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kwalipikadong nilikha. Ito dapat ang pinakapangunahing layon mo sa buhay. Ang pangalawa at mas partikular ay kung paano gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kwalipikadong nilikha. Siyempre, dapat lang na talikuran ang anumang layon o direksyon na nauugnay sa iyong reputasyon, katayuan, banidad, kinabukasan, at iba pa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7). Hinihingi ng Diyos na gampanan ng bawat nilikha ang kanilang mga tungkulin ayon sa kanilang mga kinalalagyan, at malaman kung ano ang kanilang kasalukuyang gawain at mga tungkulin. Anumang mga mithiin na nauugnay sa kanilang sariling reputasyon, katayuan, o kinabukasan ay dapat na talikuran. Ang aking kasalukuyang tungkulin ay ang pagkanta. Ang dapat kong gawin ay mas pagtuunan ng pansin ang pag-aaral ng mga kasanayan at teknik sa pagkanta, at pagsikapan kong mapabuti ang aking pagkanta sa lalong madaling panahon. Hindi ko dapat panghawakan ang kabantugan sa aking dating papel bilang coordinator, ni mag-abala sa mga alalahanin tungkol sa kung paano naaapektuhan ang aking reputasyon at katayuan habang nag-eensayo ako sa pagkanta. Ang mga ito ay hindi pagpapakita ng pagiging praktikal sa paggawa ng mga tungkulin. Sa pag-unawa dito, sinubukan ko ang aking makakaya upang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, na nakatuon sa pagtugon sa aking tiwaling disposisyon at nakalilinlang na mga pananaw sa proseso ng pagsasanay sa pagkanta. Sa tuwing nag-aalala ako tungkol sa aking kahihiyan at katayuan at nag-aalangan na kumanta nang hayagan, tahimik akong nananalangin sa Diyos, humihiling sa Kanya na gabayan at tulungan akong bitawan ang labis kong pagpapahalaga sa sarili at sa katayuan. Bagaman kung minsan ay nasisira pa rin at sumasama ang loob ko dahil sa hindi mahusay na pagkanta, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, malinaw kong nababatid na mali ang aking pananaw sa paghahangad. Hindi hinihingi ng Diyos na ang mga tao ay maging mga lider o namumukod-tanging mga tao sa anumang industriya, bagkus ay sinasabi Niya sa mga tao na itaguyod ang kanilang mga tungkulin at responsabilidad. Nang mapagtanto ko ito, mabilis kong kinalamay ang aking mga negatibong emosyon, at hindi na masyadong nalilimitahan ang aking pagkanta. Nang magtagal-tagal, sinabi ng aming superbisor na nagkaroon ako ng kaunting pag-unlad sa pagkanta, at pinayagan niya akong sumali sa recording. Nang makita ko ang maliit na pag-unlad na ito sa aking mga kasanayan, labis akong nasiyahan. At napagtanto ko na ang pag-unlad sa mga kasanayan ay may malaking kaugnayan sa personal na buhay pagpasok. Noong nakatuon ako sa aking reputasyon at katayuan, nakagapos at nalilimitahan ako sa lahat ng bagay, at hindi ko maramdaman ang patnubay ng Diyos sa aking tungkulin. Ngunit noong handa akong isantabi ang labis kong pagpapahalaga sa sarili at katayuan at matiyagang hasain ang aking mga kasanayan, natuklasan ko nang hindi namamalayan ang ilang mga landas ng pagsasagawa.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, tunay kong napagtanto na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan, sa halip na ang katotohanan, ay hindi nakatulong sa akin para magawa nang maayos ang aking tungkulin. Sa halip, nagkaroon ito ng epekto sa gawain ng iglesia. Napagtanto ko rin na ang pagtatalaga sa akin ng ibang tungkulin ay ang dakilang proteksyon ng Diyos para sa akin. Pinahintulutan ako nitong makita ang aking katiwalian at mga pagkukulang, mahanap ang dapat kong kinalalagyan, magpasakop, at gawin ang aking tungkulin nang may kapayapaan ng isip. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas sa akin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Aking Pinili

Ni Baiyun, Tsina Noong Marso 2012, ibinahagi ng mama ko sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinimulan ko...