Natutuhan Ko Kung Paano Tratuhin ang Kabaitan ng Aking mga Magulang

Pebrero 17, 2025

Ni Wang Tao, Tsina

Noong tatlong taong gulang ako, nagdiborsyo ang aking mga magulang dahil sa kanilang emosyonal na hindi pagkakatugma, at noong apat na taong gulang ako, nagkaroon ako ng madrasta. Sa malalabong alaala ko sa nakaraan, natatandaan ko na madalas na sabihin sa akin ng ilang nakatatandang babaeng kapitbahay namin na, “Kawawang bata, magdurusa ka kalaunan, hindi kailanman nagmamalasakit sa kanilang mga anak ang mga madrasta! Huwag mong gagalitin ang madrasta mo, bata ka, kailangang maging masunurin at masikap ka para hindi ka mapalo at makakain ka.” Noong panahong iyon, hindi ko masyadong naunawaan ang ibig nilang sabihin, at medyo natakot ako, kaya hindi ako nangahas na galitin ang aking madrasta. Pero sa gulat ko, tinrato ako nang napakaayos ng aking madrasta, na para bang sarili niya akong anak. Kalaunan, nagkaroon ako ng nakababatang kapatid, at patuloy pa rin akong kinalinga ng aking madrasta at minahal pa rin ako gaya ng dati. Sa katunayan, mas mapagmahal pa nga siya kaysa sa tunay kong ina. Madalas sabihin ng aking madrasta sa aming magkapatid na, “Nagsisikap at naghihirap kami ng tatay ninyo para kumita, at lahat ng ginagawa namin ay para makapagpatayo kami ng mga bagong bahay para sa inyong dalawa at para makapaghanda kapag pareho na kayong nag-asawa. Kapag nagsilaki na kayo at nagsimulang magkaroon ng kanya-kanyang pamilya, dapat kayong maging mabubuting anak sa amin. Gaano mang paghihirap ang pagtiisan namin, magiging sulit namang lahat iyon!” Sa bawat pagkakataon, taimtim akong nangako na, “Nanay, kapag lumaki na ako, siguradong aalagaan ko kayong dalawa.” Palaging magpapakita ng naginhawahang ngiti ang aking madrasta at patuloy na tumatango kapag naririnig niya ito. Dumaan sa matinding paghihirap ang aking madrasta para mapalaki ako at tinulungan niya akong magkapag-asawa at makapagsimula ng aking sariling pamilya at propesyon. Palagi kong naaalala ang mga salita ng aking lola: “Hindi kasinghalaga ng panganganak ang pagpapalaki ng isang anak,” at “Makukuha mo ang katumbas ng ibinibigay mo sa mga tao, apat na onsa para sa kalahating libra gaya ng sinasabi nila.” Akala ko ay prinsipyo ito ng asal ng tao, at na kung walang konsensiya ang isang tao at walang utang na loob, hindi siya karapat-dapat na tawaging tao.

Noong 1994, nanampalataya sa Panginoong Jesus ang aming buong pamilya. Kaming mag-asawa ay madalas na lumabas upang mangalaga ng iglesia, minsan ay hindi kami nakakauwi nang isa o dalawang araw, kahit na nangangailangan ng oras at atensyon namin ang aming dalawang taong gulang na anak at ang gawain sa mga sakahan. Kusang ginawa ng aking ina ang mga gawaing-bahay na iyon para maayos naming mapaglingkuran ang Panginoon. Noong 2002, tinanggap ng buong pamilya namin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Ganap akong sinuportahan ng aking mga magulang sa aking mga tungkulin. Dahil naging kilala ako sa lugar namin dahil sa aking pananalig sa Panginoon, pagkatapos kong tanggapin ang yugtong ito ng gawain, nakuha ng aking gawain sa ebanghelyo ang atensyon ng mga pulis. Para maiwasang maaresto ng mga pulis, umalis ako sa bahay at gumugol ng maraming taon sa paggawa ng aking mga tungkulin sa ibang lugar. Tuwing panahon ng bakasyon, talagang nag-aalala ako para sa aking sariling pamilya kapag nakikita ko ang iba na muling nakakasama ang kanilang mga pamilya at nangungulila ako sa aking mga magulang. Lalo na kapag panahon na abala sa pagsasaka, iniisip ko kung paanong ang aking nanay ay nagdurusa sa problema sa likod at leeg at sa rayuma, at kung paanong nagiging partikular na malala ang nararamdaman niya kapag tag-ulan, madalas kong sinusubukang pigilan sila sa pagtatrabaho ng mabigat na gawain sa sakahan sa bahay. Pero ngayon, kaming mag-asawa ay parehong wala at ginagawa ang aming mga tungkulin, at ang mga magulang ko ay hindi lamang nag-aalaga ng anak namin kundi nagtatrabaho rin sa mga bukid. Sobra silang nagsisikap, at naisip kong magbakasakaling umuwi sa bahay para tumulong sa gawain sa sakahan para hindi na sila magtrabaho pa. Pero kung uuwi ako, malamang na maaaresto ako ng mga pulis, at lalong hindi ko magagawang tulungan ang mga magulang ko. Bukod doon, abala ako sa mga tungkulin ko at hindi ko kayang abandonahin ang aking gawain sa iglesia para umuwi. Habang naglalakad ako sa daan, nakita ko ang mga magsasaka na nag-aani ng mga trigo sa mga bukid, at para bang pinapanood ko ang aking nanay na tumitingala para pahirin ang pawis sa noo niya habang nasa mga bukid. Nagsimulang tumulo ang luha sa aking mukha, at wala akong nagawa kundi ang magreklamo, “Kung hindi dahil sa pananalig ko sa Diyos at dahil sa aking gawain ng ebanghelyo na naglalagay sa akin sa panganib na maaresto, makakauwi sana ako para tulungan ang mga magulang ko tuwing abalang panahon sa sakahan!” Habang mas lalo kong iniisip ang tungkol dito, lalo kong nadarama ang aking pagkakautang sa aking mga magulang. Nang gabing iyon, pumasok sa isip ko ang larawan ng mga magulang ko na walang humpay na nagtatrabaho sa mga bukid, at hindi ko maiwasang lihim na lumuha. Kaya madalas akong nanalangin sa Diyos, ipinagkakatiwala ang mga magulang ko sa Kanyang mga kamay.

Noong Disyembre ng 2012, naaresto ako ng mga pulis habang nangangaral ng ebanghelyo. Noong interogasyon, gumamit ng malulupit na pamamaraan ang mga pulis para pahirapan ako, at habang nahihilo ako, pinanood sa akin ng hepe ng pulisya ang isang video sa telepono niya. Nakita ko ang aking siyamnapung taong gulang na lola na may mga lubog na mata at nakatingin sa kawalan, at parang mamamatay na siya anumang oras. Nakita ko rin ang aking ina, puti ang buhok at basa ng luha ang kanyang mukha. Nanginginig ang mga labi niya na para bang nakikipagtalo tungkol sa isang bagay, at para bang labis siyang naguguluhan. Habang pinapanood ko ang video, bumuhos ang luha sa aking mukha. Sinunggaban ng hepe ng pangkat ng pambansang seguridad ang sandaling ito para sabihing, “Ipinagtanong din namin sa mga tao sa nayon ninyo, at lahat ay nagsasabi ng maayos tungkol sa iyo. Isa kang masunuring anak. Malapit nang mag-isandaan ang lola mo, at pareho nang nasa setenta ang mga magulang mo. Nananabik silang lahat sa pagbabalik mo para sa pagsasamang muli ng pamilya! Malapit nang pumanaw ang lola mo. Ayaw mo bang makita siya sa isang huling pagkakataon? Gaya ng kasabihan, ‘Sa buhay, una sa lahat ang pagiging isang mabuting anak.’ Hindi ba’t pinalaki ka ng mga magulang mo para maasahan ka nila at maging masaya sila sa nalalabing mga taon nila? Matitiis mo bang hayaan silang gugulin ang kanilang katandaan sa gayong kalungkutan? Pareho na silang matanda. Hindi mo kailanman malalaman kung kailan mo sila makikita sa huling pagkakataon. Kung mahatulan kang makulong nang walo hanggang sampung taon dahil sa iyong pananalig, maaaring hindi mo na sila muling makita kailanman, at magsisisi ka sa buong buhay mo. Kung sasabihin mo lang sa amin ang nalalaman mo, pauuwiin kita agad para sa isang pagkikitang muli. Pag-isipan mo ito!” Nang marinig ko ito, bumalik sa isipan ko ang mga alaala ng aking lola at ng aking ina na kumakalinga at nagmamahal sa akin, at hindi ko maiwasang umiyak. Umasa ang aking nanay na aalagaan ko sila kapag tumanda na sila, at ngayong pareho na silang napakatanda at mahina ang katawan, at sa panahong pinakakailangan nila ako, wala ako roon para tuparin ang mga responsabilidad ko bilang isang anak. Sa halip, naging dahilan ako para mamuhay sila sa takot dahil sa pagkaaresto sa akin. Kung mahatulan akong makulong sa loob ng walo hanggang sampung taon, baka hindi ko na sila makita pang muli kailanman. Habang mas lalo kong iniisip ang tungkol dito, lalo akong nagiging negatibo, at nagsimula akong magkimkim ng mga hinanakit, iniisip ko na, “Kung hindi sana ako naparito para ipangaral ang ebanghelyo at naaresto, hindi ba’t maaalagaan ko sana sila? Ano na ang gagawin ko ngayon? Dapat bang maghanda na akong makulong, o dapat ba akong makipagkompromiso kay Satanas at sa mga diyablo para suklian ang kabaitan ng mga magulang ko? Kung ipagkakanulo ko ang aking mga kapatid, o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, ako ay magiging isang kahiya-hiyang Hudas, at kailanman ay hindi magkakaroon ng kapayapaan ang konsensiya ko, at susumpain ako ng Diyos at mapupunta sa impiyerno!” Nalilito ang puso ko, at para bang sasabog ang ulo ko at nasa bingit ako ng tuluyang pagbagsak. Tumawag ako sa Diyos sa panalangin, “O Diyos, pakiusap, iligtas Mo ako! Ano ang dapat kong gawin?” Nang sandaling iyon, pumasok sa isip ko ang isang bahagi ng salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na binabantayan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin; dapat ay kaya nilang suportahan ang isa’t isa at tustusan ang isa’t isa, upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, na ang oras kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Pinakalma ng mga salita ng Diyos ang aking hindi mapalagay na puso. Nagpapakana si Satanas para gamitin ang pagmamahal ko para durugin ako at ipagkanulo ko ang Diyos. Hindi ako puwedeng mahulog sa mga panlalansi na ito. Dapat akong manindigan sa aking patotoo! Kaya sinabi ko, “Wala akong alam. Gawin ninyo kung ano ang gusto ninyong gawin sa akin!” Ginawa ng mga pulis ang lahat pero wala silang nakuhang kagamit-gamit na impormasyon, at sa huli, hinatulan ako ng korte na makulong nang tatlo’t kalahating taon.

Noong Hulyo ng 2016, natapos na ang sentensiya ko sa impiyerno na iyon sa lupa. Nang makauwi ako, niyakap ako sa ulo ng aking ina at nagsimula siyang umiyak nang mapait. Pinagaan ko ang loob niya, pinupunasan ang mga luha sa kanyang mukha. Naisip ko, “Dahil sa mga pang-aaresto at pang-uusig ng CCP, higit sa isang dekada akong hindi nakauwi. Palaging nag-aalala ang aking mga magulang para sa kaligtasan ko, lalo na noong mga taong nasa bilangguan ako, noong mga panahon na mas nag-aalala sila para sa akin. Ngayon pareho na silang nasa setenta, at ayaw ko na talagang mag-alala pa sila sa akin. Ngayong nakauwi na ako, gusto kong gumugol ng mas maraming oras kasama nila at tuparin ang mga responsabilidad ko bilang isang anak.” Makalipas ang ilang araw, dumating ang tiyuhin ko para kitain ako at magreklamo sa akin, “Ngayon ka lang bumalik sa lahat ng mga taong ito, ilang beses naospital ang nanay mo at walang bakas mo at sinasabi ng lahat na wala kang kuwentang anak! Pareho nang matanda ang mga magulang mo ngayon, at sila pa ang nag-aalaga sa anak mo at nagtatrabaho sa bukid para sa iyo, at ngayon, pareho na silang may sakit. Sa tingin mo ba ay naging madali ito para sa kanila? Ngayong nakauwi ka na, dapat mong gugulin ang mga araw mo dito sa bahay nang maayos na namumuhay at siguruhing naaalagaan sila para tumigil na ang mga tao sa pagtsitsismisan tungkol sa iyo!” Habang pinapanood kong lumakad papalayo ang tiyuhin ko, nakadama ako ng hindi komportableng pakiramdam. Talagang naging isang walang utang na loob na anak ako sa mga mata nila. Inisip ko na siguro ay puwede kong gampanan na lang ang mga tungkulin ko sa lokal na iglesia, na magbibigay-daan para maalagaan ko ang mga magulang ko. Pero habang nag-iisip ako nang ganito, napansin kong kusa akong lumulubog sa isang madilim na pag-iisip, kaya, sadya akong nanalangin sa Diyos, hinahanap ang mga layunin Niya. Napagtanto ko na sa kasalukuyan kong sitwasyon, hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko habang nasa bahay, na puwede akong maaresto anumang oras, at na hindi ko puwedeng hayaang mapigilan ako sa paggawa ng aking mga tungkulin ng pagiging mabuting anak. Sa mga nakalipas na taong ito, natamasa ko ang sobrang biyaya at ang pagdidilig at ang pagtustos ng katotohanan mula sa Diyos, kaya hindi ko puwedeng maiwala ang konsensiya ko ngayon, at kailangan kong gawin ang mga tungkulin ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Kaya lumabas ako para muling ipangaral ang ebanghelyo.

Pero sa kaibuturan ko, nanatili ang emosyonal na ugnayan ko sa aking nanay, at nababagabag ako sa ilang sitwasyon. Madalas na nahihilo ang nakatatandang kapatid ng aking host. Isang beses, nagkasakit siya at nanatili sa ospital nang mahigit sa sampung araw. Naalala ko ang aking nanay, “Halos walumpung taong gulang na siya ngayon at may mataas na presyon at sakit sa puso, at madalas siyang mahilo. Paano kung magkasakit siya at kailangang maospital? Gaya ng kasabihan, ‘Ang panganganak ay hindi kasinghalaga ng pagpapalaki sa isang anak’ at ‘Sa buhay, una sa lahat ang pagiging isang mabuting anak.’ Bilang kanilang anak, hindi ko man lang magawang samahan ang mga magulang ko at pagsilbihan sila, hindi ba’t sasabihin ng mga kamag-anak at kapitbahay ko na hindi ako mabuting anak, wala akong utang na loob, at wala akong konsensiya?” Sa panahong iyon, hindi ko maiwasang labis na mangulila at mag-alala sa nanay ko. Nanatili sa isip ko ang larawan ng umaasang tingin ng nanay ko, at umaalingawngaw sa mga tainga ko ang pangungutya ng mga kamag-anak at mga kapitbahay ko. Mabigat ang puso ko, at ginugol ko ang mga araw ko na iniraraos lang ang mga tungkulin ko, walang nakukuhang anumang resulta. Napagtanto ko na naaapektuhan ng kalagayan ko ang aking abilidad sa paggawa ng mga tungkulin ko, kaya nanalangin ako sa Diyos para manghingi ng tulong. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung naniniwala ka na ang mga magulang mo ang pinakamalapit na tao sa iyo sa buong mundo, na sila ang mga amo at lider mo, na sila ang mga taong nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo, na nagbigay sa iyo ng mga pagkain, damit, tahanan, at transportasyon, na nag-alaga sa iyo, at na sila ang mga nagtaguyod sa iyo, magiging madali ba para sa iyo na bitiwan ang kanilang mga ekspektasyon? (Hindi.) Kung naniniwala ka sa mga bagay na ito, malamang na haharapin mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang mula sa perspektiba ng laman, at magiging mahirap para sa iyo na bitiwan ang alinman sa kanilang mga hindi naaangkop at hindi makatwirang ekspektasyon. Magagapos at mapipigilan ka ng kanilang mga ekspektasyon. Kahit na pakiramdam mo sa puso mo ay hindi ka nasisiyahan at ayaw mong gawin ito, hindi ka magkakaroon ng lakas ng loob na kumawala sa mga ekspektasyong ito, at wala kang magagawa kundi hayaan itong likas na magpatuloy. Bakit kailangan mong hayaan na lang ito na likas na magpatuloy? Dahil kung bibitiwan mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, at babalewalain o tatanggihan ang alinman sa kanilang mga ekspektasyon, mararamdaman mo na isa kang hindi mabuting anak, na wala kang utang na loob, na binigo mo ang iyong mga magulang, at na hindi ka mabuting tao. Kung titingin ka mula sa perspektiba ng laman, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para magamit ang iyong konsensiya sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang, para matiyak na hindi naging walang saysay ang paghihirap na dinanas ng iyong mga magulang alang-alang sa iyo, at na gugustuhin mo ring matupad ang kanilang mga ekspektasyon. Sisikapin mong gawin ang lahat ng hinihiling nilang gawin mo, iiwasang biguin sila, gagawin ang tama para sa kanila, at magpapasya kang alagaan sila kapag sila ay matanda na, para masiguro na masaya ang kanilang mga huling taon sa buhay, at iisipin mo rin ang higit pa, tulad ng pag-aasikaso sa kanilang mga lamay, na nagbibigay-kasiyahan sa kanila kasabay ng pagtupad sa sarili mong pagnanais na maging isang mabuting anak. Habang nabubuhay sa mundong ito, naiimpluwensiyahan ang mga tao ng iba’t ibang uri ng pampublikong opinyon at panlipunang kalagayan, pati rin ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na popular sa lipunan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, maaari lamang nilang tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga makalamang damdamin, at kasabay nito, maaari lamang nilang pangasiwaan ang mga bagay na ito mula sa perspektibang iyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Matagal ko nang tinitingnan ang mga bagay-bagay mula sa pananaw ng makalamang pagmamahal. Naniwala ako na ang lahat ng bagay na mayroon ako ay galing sa aking mga magulang, at bilang isang tao, dapat akong maging mapagpasalamat at suklian ang mga magulang ko sa pagpapalaki nila sa akin, na dapat kong pagsikapang matugunan ang mga hinihingi at inaasahan ng mga magulang ko, at na ito ang dapat gawin ng isang taong may konsensiya. Nagdiborsyo ang mga magulang ko noong bata pa ako, at sinabi ng maraming tao na kawawang bata ako na mamaltratuhin lang ng aking madrasta, pero tinrato ako ng aking madrasta na parang sarili niyang anak. Sa musmos kong puso, mas malapit pa nga siya sa akin kaysa sa tunay kong ina. Nadama kong nagsikap siya at nagtipid at nag-ipon para palakihin ako at ang aking kapatid, na sinuportahan niya ang aking pag-aaral at tinulungan akong makapagsimula ng sarili kong pamilya at propesyon, at na siya ay isang taong pinakanirerespeto at pinakapinahahalagahan ko sa aking buhay. Kaya lihim akong namanata sa puso ko na magiging mabuti ako sa kanya at aalagaan ko siya sa kanyang pagtanda. Kakaunti ang mga hiniling sa akin ng aking ina, umaasa lamang siya na kapag tumanda na sila ng aking tatay, aalagaan ko sila at titiyaking may maaasahan sila. Ito lamang ang inaasahan sa akin ng aking nanay. Naisip ko, “Bilang isang taong may isang konsensiya, dapat kong gawin ang aking makakaya para tuparin ang mga kahilingan ng aking mga magulang, at dapat akong maging mabuting anak sa aking mga magulang. Kung hindi ako ganoon, hindi ako magiging mabuting anak at magiging taong walang utang na loob ako na walang konsensiya, at karapatdapat ako sa pagkondena ng lipunan.” Dahil ginagampanan ko ang aking tungkulin sa ibang lugar, kapag panahon ng bakasyon at panahon na abala sa sakahan, madalas talaga akong mag-alala, dahil natatakot ako na sobrang magtatrabaho ang mga magulang ko at magkakasakit sila, kaya gusto kong bumalik sa bahay para tulungan sila. Mukhang ginagawa ko ang aking mga tungkulin, pero walang kapayapaan ang puso ko, at iniraraos ko lang ang mga tungkulin ko. Pagkatapos kong maaresto, ginamit ng mga pulis ang pagmamahal ko sa aking mga magulang para tuksuhin akong ipagkanulo ang mga kapatid ko, at kung hindi dahil sa pagbibigay-liwanag at paggagabay sa akin ng mga salita ng Diyos, maaaring naipagkanulo ko na nga ang Diyos dahil sa pagmamahal ko. Nang makita kong nagkasakit at naospital ang nakatatandang kapatid mula sa bahay na aking tinutuluyan, naalala ko ang aking nanay, at naisip ko kung gaano kahina ang katawan niya at may sakit siya, at kung paanong hindi ako makauwi para alagaan siya. Nakonsensiya at nabagabag ako, at naging negatibo at mahina. Sa puso ko ay tahimik akong nagkimkim ng mga hinanakit laban sa Diyos, naniniwalang hindi ko magawang matugunan ang mga inaasahan ng mga magulang ko o na maging mabuting anak, at lahat ng ito ay dahil sa pananalig ko sa Diyos at dahil sa aking mga tungkulin. Nakita ko na pagkatapos ng napakaraming taon ng pananampalataya sa Diyos, wala pa akong nakamit na anumang katotohanan, at na hindi ko pa rin magawang tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Tuwing may mga usaping kinasasangkutan ng aking pamilya, palagi kong nasusumpungan ang sarili ko na napamamahalaan ng aking makalamang pagmamahal, na ang ibig sabihin ay pinanghahawakan ko pa rin ang mga pananaw ng isang walang pananampalataya. Kaya nanalangin ako sa Diyos na bigyang-liwanag at gabayan Niya ako upang maunawaan ko ang katotohanan para lutasin ang mga problema ko.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi nagiging mabuting anak sa kanyang magulang ay isang suwail na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging isang mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ko ito susundin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong suwail na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na ginagawa kang hindi matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, isinasailalim ang sarili mo sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling salungatin ang Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil naimpluwensiyahan ako ng tradisyonal na kultura magmula pagkabata, at dulot din ng mga impluwensiya ng pagpapalaki sa akin, itinuring ko ang mga tradisyonal na ideya gaya ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang” bilang mga prinsipyo para umasal. Tiningnan ko ang aking mga magulang bilang tagapagbigay sa akin ng biyaya at bilang mga panghabambuhay na pinagkakautangan ng loob, at naniwala ako na kung hindi ko kayang maging mabuting anak at hindi matulutan ang mga magulang ko na magpakasaya sa kanilang katandaan, ako ay magiging isang di-mabuting anak na walang konsensiya, nararapat sa paghamak at pagkondena ng lipunan. Sa impluwensiya ng mga tradisyonal na pinahahalagahan sa kultura, tuwing panahon ng bakasyon at panahon na abala sa sakahan, o kapag nakita ko ang mga nakatatandang kapatid na nagkakasakit at naoospital, pumapasok sa isip ko ang mga alaala ng aking mga magulang, at dahil hindi ako makauwi sa bahay para alagaan ang mga magulang ko, ilang araw na bumabagsak ang mood ko, na nakakaapekto sa paggampan ko sa aking mga tungkulin. Ang mga inaasahan sa akin ng nanay ko ay naging isang emosyonal na pagkakautang sa puso ko na hindi ko kailanman masusuklian. Noong inaresto at tinanong ako ng mga pulis, ginamit nila ang mga kasabihang gaya ng “Sa buhay, una sa lahat ang pagiging mabuting anak” para ilihis ako, at kung hindi dahil sa pagbibigay-liwanag at paggagabay sa akin ng mga salita ng Diyos, maaaring sumuko na ako sa aking makalamang pagmamahal at ipinagkanulo ko na ang Diyos. Sa pagninilay ko sa mga nagkanulo sa Diyos dahil sa kanilang pagmamahal matapos silang maaresto, napagtanto ko na bagaman napaluguran nila ang kanilang mga pamilya at natugunan ang kanilang mga makalamang pagnanais, naiwala naman nila ang pagliligtas ng Diyos. Nakita ko na kung hindi nilulutas ang mga isyu sa pagmamahal, maaaring ipagkanulo ng isang tao ang Diyos anumang sandali. Sa pamamagitan ng aking pananalig sa Diyos at pagganap sa aking mga tungkulin, naunawaan ko ang ilang katotohanan, naunawaan ko ang kabuluhan ng buhay, at nagbago nang kaunti ang aking tiwaling disposisyon. Ang kakayahan kong makalakad sa tamang landas ng buhay ay biyaya ng Diyos. Gayumpaman, sa halip na maging mapagpasalamat, nagkimkim ako ng mga hinanakit laban sa Diyos, iniisip ko na kung hindi dahil sa aking pananalig sa Diyos at sa pagtugis sa akin ng CCP, hindi ko sana kinailangang iwan ang tahanan ako, at magagawa ko pa ring matupad ang aking tungkulin bilang isang mabuting anak sa aking mga magulang. Ang katunayan na hindi ko kayang maging mabuting anak sa aking mga magulang ay maliwanag na dahil sa mga pang-aaresto at pang-uusig ng CCP, pero sinisi ko ang Diyos. Nakita ko na dahil sa panlilihis ni Satanas, nalito ako at hindi ko nagawang kilatisin ang tama sa mali, at na naghihimagsik ako at sumasalungat sa Diyos nang hindi man lang ito nababatid. Nang mapagtanto ko ito, nakadama ako sa puso ko ng malalim na panghihinayang, at nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, alam ko na ang pamumuhay sa ganitong kalagayan ay isang pagrerebelde laban sa Iyo, at ayaw kong mamuhay ayon sa mga ideyang ito na naikintal ni Satanas sa akin. Pakiusap bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para maunawaan ko ang katotohanan at magkamit ako ng pagkilatis.”

Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Sino ang pumili kanino? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, ang sagot ay: wala sa inyo. Hindi ikaw o ang mga magulang mo ang nagpasyang ipanganak ka nila. Kung titingnan mo ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, kusang-loob ka nilang ipinanganak, hindi ba? Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang sa iyo, nasa iyong mga magulang ang lahat ng kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka, at sila ang may kontrol sa lahat. Hindi mo piniling ipanganak ka nila, wala kang kontrol nang isilang ka nila, at wala kang magagawa sa bagay na iyon. Kaya, sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na palakihin ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibo habang pinalalaki ka ng iyong mga magulang. Pinalaki ka sa paraang pinili ng iyong mga magulang, kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay kumakain ka at umiinom ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman, kung gayon, nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. … Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kataas-taasang atas ng Diyos na palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Gaano mang paghihirap at pagsisikap ang gawin ng mga magulang sa pag-aalaga sa kanilang mga anak, ito ay responsabilidad at obligasyon lang nila, at hindi maituturing na kabaitan. Ang lumaki sa gayong pamilya ay pagsasaayos din ng Diyos para sa akin, at gaano mang pagdurusa ang tiniis ng mga magulang ko o anong uri ng halaga ang ibinayad nila sa pagpapalaki sa akin, tinutupad lamang nila ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay itinakda na ng Diyos, at hindi dapat ituring bilang kabaitan, at hindi ko sila kailangang suklian. Isinaayos ng Diyos na alagaan at mahalin ako ng isang madrasta, at biyaya ito ng Diyos, kaya dapat akong maging mapagpasalamat sa Diyos at huwag ibigay ang lahat ng kredito sa aking mga magulang. Pero hindi ko naunawaan ang katotohanan, at naniwala ako na kung wala ang mga magulang ko, wala akong makukuhang anuman, na ang pagmamahal ng nanay ko ang nagbago ng kapus-palad na buhay ko. Hindi siya ang aking tunay na ina pero mas malapit pa siya sa akin kaysa sa totoong nanay ko, kaya itinuring ko siya bilang ang pinakaimportanteng tao sa buhay ko, at palagi kong gustong suklian ang pagkakautang ko sa kanya dahil sa mapagmahal na pag-aalaga niya, pero hindi ko isinaalang-alang kung paano ko gagawin ang aking mga tungkulin para mapalugod ang Diyos. Hindi ba’t lubos akong walang pagkatao? Katulad ito ng kapag umupa ng yaya ang mga magulang, at ipinagkatiwala nila ang kanilang anak sa pangangalaga nito sa loob ng ilang panahon, at ang yaya ang nagbibigay sa bata ng lahat ng kailangan nito. Pero kapag kinilala ng batang ito ang yaya bilang kanyang ina, at nakikita lamang niya ang pag-aaruga ng yaya at hindi kinikilala ang lahat ng ginawa ng kanyang magulang para sa kanya, hindi ba’t masasaktan nito ang damdamin ng mga magulang? Hindi ba’t ito ay tunay na kawalan ng utang na loob at isang pagbabaligtad sa kung ano ang mahalaga at sa kung ano ang hindi mahalaga? Galing sa Diyos ang buhay ko, at dahil sa proteksyon at pangangalaga ng Diyos kaya nanatili akong buhay hanggang ngayon. Ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang ay pagtupad lamang nila sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon, at walang konsepto ng kabaitan dito. Hindi ko dapat makita ang aking mga magulang bilang aking mga pinagkakautangan, kundi sa halip dapat akong maging mapagpasalamat at suklian ang Diyos, na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kung hindi ko ginagawa ang aking mga tungkulin sa harap ng Diyos, dahil sa aking pagiging mabuting anak, kung gayon, talagang ako ay magiging isang kaawa-awang walang utang na loob na walang konsensiya! Ang hangaring gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha para mapalugod ang Diyos ay ang nagpapakaratdapat sa isang tao bilang isang kalipikadong nilikha at isang taong may konsensiya at katwiran. Kung bumalik ako sa bahay para alagaan ang aking mga magulang, kahit na purihin ako ng iba bilang isang mabuting anak, ano ang magiging saysay nito kung hindi ko natanggap ang pagsang-ayon ng Diyos?

Kalaunan, lumapit akong muli sa Diyos para manalangin at hanapin ang gabay Niya, tinatanong Siya kung paano ko dapat tratuhin ang aking mga magulang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananampalataya sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo pa nga silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila at may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dahil sa responsabilidad na ito, dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng mas makabuluhang tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananalig sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang patakarang ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. Ano ang pinagbabahaginan natin ngayon? Pinagbabahaginan natin kung paano dapat magsagawa ang mga tao kapag sumasalungat ang paggalang sa kanilang mga magulang sa pagganap sa kanilang tungkulin; nagbabahaginan tayo sa mga prinsipyo ng pagsasagawa at sa katotohanan. May responsabilidad kang igalang ang iyong mga magulang, at kung pinahihintulutan ng mga sitwasyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad na ito, ngunit hindi ka dapat mapigilan ng iyong mga damdamin. Halimbawa, kung magkasakit ang isa sa iyong mga magulang at kailangan niyang pumunta sa ospital, at walang sinumang mag-aalaga sa kanya, at masyado kang abala sa iyong tungkulin para makauwi, ano ang dapat mong gawin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ka maaaring mapigilan ng iyong mga damdamin. Dapat mong ipagdasal ang usapin, ipagkatiwala ito sa Diyos, at ipagkatiwala ito sa mga pamamatnugot ng Diyos. Ganoong uri ng saloobin ang dapat na mayroon ka. Kung gusto ng Diyos na bawiin na ang buhay ng iyong magulang, at kuhain na ang iyong magulang mula sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop. Sinasabi ng ilang tao: ‘Kahit na nagpasakop ako, miserable pa rin ang pakiramdam ko at ilang araw ko na itong iniiyakan—hindi ba’t ito ay isang makalamang damdamin?’ Hindi ito isang makalamang damdamin, ito ay kabaitan ng tao, ito ay pagtataglay ng pagkatao, at hindi ito kinokondena ng Diyos. … Kung mabibitag ka ng iyong mga damdamin, at maaantala nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, ganap niyong sasalungatin ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na gawin mo iyon, hinihingi lang ng Diyos na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, iyon lang. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging mabuting anak sa magulang. Mayroong konteksto kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa ‘paggalang sa mga magulang.’ Kailangan mo lang tumupad ng ilang responsabilidad na maisasakatuparan sa saklaw ng lahat ng uri ng kondisyon, iyon lang. Pagdating naman sa kung malubhang magkakasakit o mamamatay ang iyong mga magulang, ikaw ba ang makapagpapasya sa mga bagay na ito? Kung kumusta ang buhay nila, kung kailan sila mamamatay, kung anong sakit ang ikamamatay nila, o kung paano sila mamamatay—may anumang kinalaman ba sa iyo ang mga bagay na ito? (Wala.) Walang kinalaman sa iyo ang mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4). Pagkatapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng mga prinsipyo at ng isang landas ng pagsasagawa. Kung magagawa ko ang aking mga tungkulin sa bahay sa ilalim ng mga angkop na kondisyon, maaari akong magpakita ng pagiging mabuting anak at alagaan sila, pero kung hindi ako pinahihintulutan ng mga kondisyon para maalagaan sila, hindi ako kokondenahin ng Diyos dahil dito. Sa pag-iisip ko tungkol dito, hindi ito isang kaso kung saan ayaw kong alagaan ang mga magulang ko, kundi dahil naaresto ako ng CCP at nasa ilalim ng kanilang mahigpit na pagmamatyag, kung nagpatuloy akong manampalataya sa Diyos at gawin ang aking mga tungkulin sa bahay, maaaresto ako ulit at mahaharap sa mas brutal na pang-uusig. Sa hinaharap, kapag dumating mismo ang mga angkop na kondisyon at may pagkakataong makauwi, magiging mabuting anak ako sa aking mga magulang at ibabahagi ko sa kanila ang mga salita ng Diyos. Pero kung wala ang gayong mga kondisyon, magpapasakop pa rin ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at gagawin ko nang maayos ang aking mga tungkulin. Dapat akong manalangin sa Diyos tungkol sa kalusugan ng aking mga magulang at sa pag-aalaga sa kanila sa kanilang katandaan at ipagkatiwala ang mga bagay na ito sa Kanya. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at isinaayos ang mga batas ng kapanganakan, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan, at sa buong kasaysayan, walang sinumang nagawang labagin ang batas na ito, ni walang sinuman ang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Isang normal na batas na magkaroon ng ilang karamdaman ang mga magulang kapag tumatanda sila, at hindi ito maiiwasan. Bukod doon, kahit na manatili ako sa tabi nila, ano ba talaga ang magagawa ko? Puwede ba akong humalili sa kanila sa kanilang pagdurusa? Bukod doon, may mas bata pa naman akong kapatid na mag-aalaga sa kanila. Ang lahat ay may kanya-kanyang landas na tatahakin at mga karanasang dadaanan sa buhay, at hindi mapapalitan o mababago ng iba ang mga ito. Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng aking mga magulang, at ang magagawa ko ay ang manalangin para sa kanila at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwirang dapat kong taglayin.

Sa pamamagitan ng ganitong karanasan, naunawaan ko na ang mga ideya ng tradisyonal na kultura at pamana ng mga ninuno na nakikita ng mga tao na mabuti at tama, at nakikitang naaayon sa mga popular na kuru-kuro ng mga etika at moralidad, ay hindi ang katotohanan, ni hindi ang mga hinihingi ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang mga ito ay hindi mga pamantayan ng pag-asal ng tao. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan at dapat na sundin ng mga tao. Sa pamumuhay lamang nang ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan na ang isang tao ay puwedeng tunay na ituring na may konsensiya at katwiran. Ang mga salita ng Diyos ang nagtulot sa akin para maunawaan kung paano tratuhin ang kabaitan ng aking mga magulang at hindi na magapos o mapigilan ng mga tradisyonal na ideya. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman