Nakalaya Mula sa Pasanin ng Pagsukli sa Kabutihan

Pebrero 24, 2024

Ni Zheng Li, Tsina

Pumanaw ang tatay ko noong siyam na taong gulang ako, at ang nanay ko ang nagpalaki sa akin at sa apat kong mga kapatid sa ilalim ng mahihirap na sitwasyon. Naawa sa amin ang aming tiyahin at madalas niya kaming dalhan ng pagkain at ng iba pa naming mga pangangailangan. Sa tuwing may dadalhin siya, sinisiguro ng nanay ko na lahat kami ay magpapasalamat nang husto sa kanya, at tinuturuan niya kami na huwag kalimutan ang mabubuting gawa ng iba, na buong-pasasalamat na suklian ang kabaitang natanggap at na kami ay maging mapagpasalamat, upang walang tumuligsa sa amin at tumawag sa amin na walang utang na loob habang nakatalikod kami. Sa kabila ng labis na paghihirap, palaging ipinamamahagi ng nanay ko sa aking tiyahin ang kakaunting mayroon kami para masuklian ang kabutihan nito. Noong mas malaki na ako, madalas kong naririnig na sinasabi ng mga tao: “Nakita mo ba si ganito’t ganyan na nakatanggap ng tulong sa panahon ng kanyang matinding pangangailangan ay sinuklian ang kabutihang iyon makalipas ang ilang taon? Nakita mo ba si ganito’t ganyan na nakatanggap ng tulong pero wala siyang konsensya at hindi nagpapakita ng pasasalamat? Siya ay isang walang utang na loob na sawing-palad.” Unti-unting namuhay rin ako nang may ganitong pananaw, iniisip na kailangan kong umasal nang sinusuklian ang kabutihang natatanggap, kung hindi, ako ay magiging walang utang na loob, at hahamakin at mamaliitin ng iba. Matapos maging isang mananampalataya, bagamat alam kong dapat kong pangasiwaan ang mga tao at bagay base sa mga salita ng Diyos, malalim na nakaugat sa puso ko ang mga tradisyonal na ideyang naipasa-pasa sa mga henerasyon, hanggang sa puntong namuhay ako ayon sa mga pananaw na ito at nilabag ko ang mga prinsipyo sa aking tungkulin, na humantong sa paggambala ko sa gawain ng iglesia at ako ay namarkahan dahil sa isang paglabag.

Noong Agosto 2021, matapos mailabas ang mga pagsasaayos ng gawaing pag-aalis sa loob ng iglesia, nagsimulang magbahagi ang iglesia tungkol sa katotohanan ng pagkilatis sa mga tao at ang nakatatanda kong hipag, si Fang Ling, ay natukoy bilang isang walang pananampalataya. Hindi ko na ito ikinagulat. Kahit maraming taon na siyang mananampalataya, hindi niya hinangad ang katotohanan at madalas niyang ginagambala ang buhay-iglesia. Sa mga pagtitipon, palagi niyang itsinitsismis ang iba, at naiidlip siya sa sandaling magsimula kaming magbasa ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos magbasa, wala siyang naibabahagi. Kapag nakakaharap siya ng mga isyung hindi naaayon sa kanyang mga kuru-kuro, hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan at hindi kailanman tinatanggap ang mga isyu mula sa Diyos. Palagi niyang binubusisi ang mga tao at bagay at ipinagtatanggol ang kanyang sarili. Noong siya ay isang host ng pagtitipon, at narinig niya ang lider na nagbabahagi tungkol sa nakagagambalang pag-uugali ng ilang partikular na tao, sinasabi niya sa mga taong iyon kung ano ang sinabi ng lider, kaya’t nagkakaroon ng pagkiling laban sa lider ang mga taong ito at iniisip na pinahihirapan sila ng lider. Sinuri ng lider kung paano siya naghahasik ng hidwaan at nanggagambala at nanggugulo sa buhay-iglesia, pero hindi man lang siya nakonsensya at kung ano-ano pa ang sinabi niya para ipagtanggol ang kanyang sarili. Sinabi niyang nagsasabi lang daw siya ng totoo at sa tingin niya ay hindi iyon nakagambala sa buhay-iglesia. Sa isang pagtitipon, nagbahaginan kami tungkol sa pagkilatis sa asawa ng aking nakatatandang kapatid na lalaki, si Liu Hui; nalantad siya bilang isang walang pananampalataya na may masamang pagkatao, na dapat paalisin sa iglesia kaagad. Pagkatapos ng pagpupulong, umalis si Fang Ling at sinabi niya sa isang sister na inaalis namin si Liu Hui sa iglesia, at nagsabi siya ng ilang negatibong komento, na nakagambala sa kalagayan ng sister na iyon. Nagmadali akong hanapin si Fang Ling para makipagbahaginan sa kanya, ibinahagi ko ito sa kanya: Ang iglesia ay nag-aalis at nagtitiwalag ng mga tao batay sa kanilang pangkalahatang pag-uugali, ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at walang sinumang tao ang may huling pasya. Inaalis si Liu Hui, dahil may masama siyang pagkatao, madalas na nakagagambala sa buhay-iglesia, at tumatangging magsisi kahit matapos ang ilang ulit na pagbabahagi mula sa mga kapatid. Inilantad ko rin kung paanong nagpakalat ng pagkanegatibo at kamatayan ang pag-uugali ni Fang Ling at na itinanggi nito ang katunayan na ang katotohanan at pagiging matuwid ang may awtoridad sa iglesia. Nagulat ako nang maluha-luha siyang sumagot: “Alam kong ikaw ang may huling salita sa iglesia at ang nagpapasya kung sino ang matitiwalag.” Medyo naramdaman kong wala na akong magagawa sa harap ng kanyang hindi makatwirang panggugulo, at alam ko sa puso ko na hindi tinanggap ni Fang Ling ang katotohanan at siya ay walang pananampalataya. Ngunit habang naghahanda ako ng mga materyal para sa pag-aalis sa kanya, nag-alinlangan ako. Magkasama naming tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nakapagtipon kami at naipalaganap ang ebanghelyo nang magkasama sa loob ng maraming taon. Napakamapagmahal ni Fang Ling at gagawin niya ang lahat para matulungan ako kapag kailangan ko ito. Lalo na noong 2013, noong nagkasakit ang asawa ko, inaalagaan niya ito para maipagpatuloy ko ang aking tungkulin. Tinulungan din niya ako sa mga gawaing-bahay at sa pag-aalaga ng aming mga pananim. Nang pumanaw ang asawa ko, kinailangan kong harapin ang maraming paghihirap, at nasadlak ako sa kalagayan ng pagkanegatibo. Si Fang Ling ang pumupunta sa akin gabi-gabi, nagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama ko, at nakikipagbahaginan sa akin tungkol sa mga karanasan ni Job. Sa kanyang suporta at pagsama sa akin, unti-unting bumuti ang aking kalagayan. Sa mga pinakamahirap na panahong iyon, hindi lamang niya ako tinulungan sa pang-araw-araw na mga praktikal na usapin, kundi binasahan din niya ako ng mga salita ng Diyos para palakasin ang loob ko. Palagi kong naaalala kung gaano kabuti ang naging pagtrato sa akin ni Fang Ling. Kung hindi ko susuklian ang kanyang kabutihan at maghahanda pa nga ako ng mga materyal para sa pag-aalis sa kanya, ano na lang ang iisipin niya sa akin kapag nalaman niya? Sasabihin ba niyang wala akong utang na loob at wala akong konsensya? Nakita ng kapatid kong lalaki, hipag, at mga kapatid na babae ang lahat ng nagawa ni Fang Ling para sa akin sa mga nakalipas na taon. Maging ang mga kapitbahay ko ay nagsasabi na mas malapit sa akin si Fang Ling kaysa sa mga tunay kong kapatid. Gaya nga ng kasabihan, “Lumuluhod ang mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, at sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga ito,” kahit ang mga hayop ay marunong magsukli sa kabutihan, samantalang hindi man lang ako makapagpakita ng kaluwagan sa taong tumulong sa akin. Iisipin ba nilang wala akong utang na loob at pababayaan at ibubukod ako? Kung gayon, hindi ba’t isasantabi ako ng sarili kong pamilya? Nang mapagtanto ang lahat ng ito, labis akong nabalisa at nag-alinlangan. Hindi ako makapagpasya kung kay Fang Ling ba o sa gawain ng paglilinis ng iglesia ako dapat magsukli ng kabutihan, at namuhay ako nang nahihirapan at nagdurusa. Sa gitna ng aking pag-aalinlangan, nakita ko ito sa isang sermon mula kay brother superior: “Anong uri ng mga tao ang maaaring manatili para maglingkod sa iglesia? Hangga’t wala silang masamang pagkatao, bihasa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at handang gawin ito, dapat silang payagang manatili sa iglesia.” Bigla kong napagtanto: “Tama! Hindi mahal at hindi hinahangad ni Fang Ling ang katotohanan, pero gusto niyang magbahagi ng ebanghelyo at nakakapagkamit siya ng ilang resulta. Ngayon ay isang mahalagang panahon para sa pagpapalawig ng ebanghelyo, kung babanggitin ko ang kakayahan ni Fang Ling na magpalaganap ng ebanghelyo bilang dahilan para hayaan siyang manatili sa iglesia, hindi ba’t maiiwasan niya ang maalis? Sa gayong paraan, hindi ko mapapasama ang loob ni Fang Ling, at hindi masasabi ng aking kapatid na lalaki, hipag at mga kapatid na babae na wala akong utang na loob, at hindi ako kikilalanin bilang isang kapatid na walang pasasalamat.” Nang mapagtanto ito, isinantabi ko na lang ang gawain ng paghahanda sa pag-aalis sa kanya.

Gayunpaman, hindi nagtagal, sinabi sa akin ng ilang sister na mayroong dalawang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na may mahusay na kakayahan at pang-unawa sa mga salita ng Diyos, subalit dahil si Fang Ling ay nagsasabuhay ng napakasamang pagkatao, pinanghinaan ng loob at huminto sa pakikinig ng mga sermon ang dalawang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Sinabi sa akin ng isa pang sister na ginagambala ni Fang Ling ang buhay-iglesia at na ayaw ng ilang tao na ipalaganap ang ebanghelyo kasama niya…. Nabigla ako nang marinig ko ang lahat ng ito. Ang panggagambala ni Fang Ling sa gawain ng ebanghelyo ay direktang nauugnay sa sarili kong pagpapasya! Nagmadali akong nanalangin sa Diyos, nagsisisi at nagtatapat ng aking mga kasalanan. Pagkatapos, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Napakahambog ng saloobin ng ilang tao sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Naniniwala sila, ‘Ang Itaas ang gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, at tayo ang gumagawa ng mga gawain sa iglesia. Ang ilang salita at gawain ay maaaring ipatupad nang pleksible. Nasa sa atin na kung paano partikular na gagawin ang mga ito. Ang Itaas ay nagsasalita lamang at gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain; tayo ang mga gumagawa ng praktikal na aksyon. Kaya, pagkatapos na maibigay sa atin ng Itaas ang gawain, magagawa na natin ito ayon sa ating kagustuhan. Ayos lang kahit paano man ito gawin. Walang sinuman ang may karapatang makialam.’ Ang mga prinsipyong sinusunod nila ay ang mga sumusunod: Pinakikinggan nila ang pinaniniwalaan nilang tama at binabalewala ang pinaniniwalaan nilang mali, itinuturing nila ang kanilang mga paniniwala bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo, nilalabanan nila ang anumang hindi naaayon sa kanilang kalooban, at labis silang kumokontra sa iyo ukol sa mga bagay na iyon. Kapag ang mga salita ng Itaas ay hindi naaayon sa kanilang kalooban, binabago nila ang mga ito, at ipinapasa lamang nila ang mga ito sa iba kapag naaayon na ang mga ito sa kanilang kagustuhan. Hindi nila pinahihintulutang maipasa ang mga ito nang wala ang kanilang pagsang-ayon. Bagamat sa ibang lugar ay ipinapasa nang walang pagbabago ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, ang mga taong ito ay ipinapasa ang kanilang mga binagong bersyon ng mga pagsasaayos ng gawain sa mga iglesia na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Ninanais palagi ng mga gayong tao na isantabi ang Diyos; nananabik sila na ang lahat ay maniwala sa kanila, sumunod sa kanila, at tumalima sa kanila. Sa kanilang isipan, may ilang larangan kung saan ang Diyos ay hindi nakakapantay sa kanila—kailangang maging Diyos din sila mismo, at kailangang maniwala sa kanila ang iba. Iyon ang kalikasan nito. … Sila ay pawang mga alipores ni Satanas, at kapag sila ay gumagawa, ang diyablo ang naghahari. Sinisira nila ang plano ng pamamahala ng Diyos at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sila ay mga tunay na anticristo!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Tinamaan ako sa mga salita ng Diyos at inilantad ng mga ito kung paanong hindi ko isinakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain at kumilos ako batay sa sarili kong kagustuhan. Malinaw na idinidikta ng mga pagsasaayos ng gawain na kailangang maagap na alisin ng mga lider at manggagawa ang sinumang nalantad bilang isang masamang tao, walang pananampalataya o anticristo. Bilang isang lider, dapat akong magpasakop at sumunod nang walang pasubali, at maagap at determinadong isakatuparan ang pag-aalis sa lahat ng anticristo, masamang tao at walang pananampalataya sa iglesia upang matiyak na ang mga kapatid ko ay hindi nalilinlang o nagagambala at nakapagtatamasa ng tahimik na kapaligiran kung saan nakakakain at nakakainom sila ng mga salita ng Diyos, nakapaghahangad sa katotohanan at nakatutupad sa kanilang tungkulin. Subalit kahit na alam na alam kong walang pananampalataya si Fang Ling, natakot ako na mapasama ko ang loob niya sa paghahanda ng mga materyal sa pag-aalis sa kanya, at na mababansagan akong walang utang na loob dahil tinulungan niya ako dati, kaya hindi ko isinakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain at mapagmalaking ipinagtanggol at pinrotektahan siya sa batayan na kaya niyang ipalaganap ang ebanghelyo, sinasalungat ang mga pagsasaayos ng gawain. Pinagnilay-nilayan ko ang sarili ko: “Malinaw na alam kong nalantad si Fang Ling bilang isang walang pananampalataya, kaya bakit ipinagtanggol ko pa rin siya dahil sa pagkagiliw ko para sa kanya, at sinubukang huwag siyang papanagutin sa lahat ng kasalanan?” Napagtanto ko na ito ay dahil ang tradisyonal na ideyang ito ng pagsukli sa kabutihan ay kumokontrol at gumagapos sa akin. Upang mapanatili ang aking imahe, at hindi maituring na isang taong walang utang na loob, walang pasasalamat na sawing-palad, ganap kong binalewala ang mga interes ng iglesia, hindi inaalala kung ano ang kahihinatnan ng pagpapanatili kay Fang Ling sa iglesia, at lantarang nilalabag ang mga pagsasaayos ng gawain. Bukod sa hindi ko inihanda ang mga materyal para sa pag-aalis kay Fang Ling, inatasan ko pa siya na ipalaganap ang ebanghelyo. Dahil napakasama ng pagkataong isinabuhay niya, ayaw nang magpatuloy sa pagsisiyasat ang dalawang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Lahat ito ay resulta ng pagpoprotekta ko sa kanya. Nilalabag ko ang mga pagsasaayos ng gawain at sinusunod ang sarili kong kagustuhan, hinahadlangan ang gawain ng pag-aalis sa loob ng iglesia. Ginamit ko ang aking awtoridad para ipagtanggol at protektahan ang isang walang pananampalataya na gumagawa ng kasamaan sa iglesia, nagbibigay ng mga kondisyon sa isang masamang tao na gumawa ng kasamaan at kumikilos bilang alipores ni Satanas. Ako ang mismong depinisyon ng isang huwad na lider. Natakot ako nang mapagtanto ko ang kasamaan na naidulot ko, at labis akong nagsisi. Dali-dali kong hiningi sa lahat ang kanilang mga pagsusuri kay Fang Ling. Habang binabasa ang mga pagsusuri, napagtanto ko na hindi lamang siya nagkaroon ng negatibong epekto sa gawain ng ebanghelyo, kundi naghasik din siya ng hidwaan at gumawa ng pinsala sa iglesia, nagpapakalat ng pagkanegatibo, sinasamantala ang mga tao, at sinusubukang angkinin ang gamit ng ibang tao kahit na may sapat na siyang mga gamit. Habang binabasa ang lahat ng pagsusuring iyon, labis akong nakonsensya at alam ko na ang pagpoprotekta ko kay Fang Ling ay paggawa ng kasamaan. Alam kong kailangan ko nang itigil ang pagkilos batay sa aking pagkagiliw at sinimulan ko na ang paghahanda sa lahat ng materyal para sa pag-aalis kay Fang Ling. Nang maglaon, nang kailangan ko nang magpapirma sa mga kapatid, nagsimula na naman akong mag-alala: Kakailanganin kong papirmahin ang maraming kamag-anak ko, at dahil kapapaalis lang namin kay Liu Hui at ngayon ay papaalisin naman namin si Fang Ling, sasabihin ba nilang wala akong utang na loob at hindi nila ako papansinin?

Nagdasal ako sa Diyos, naghahanap tungkol sa aking sitwasyon, at kalaunan ay nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, talikuran mo ang mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali. … Ibig sabihin, kung nagagawa ng mga tao na laging isapuso ang Diyos at hindi maghangad ng personal na pakinabang o isipin ang sarili nilang mga personal na inaasam (sa makamundong kahulugan), bagkus ay dalhin nila ang pasanin ng buhay pagpasok, gawin nila ang lahat upang patuloy na hangarin ang katotohanan, at magpasakop sila sa gawain ng Diyos—kung magagawa mo ito, ang mga layunin na patuloy mong pinagsisikapan ay magiging tama, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal. Ang pagtatama sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos ay maaaring tawaging unang hakbang sa pagpasok sa espirituwal na paglalakbay. Bagama’t ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos at itinatakda ng Diyos, at hindi mababago ng tao, maaari ka mang gawing perpekto ng Diyos o maangkin Niya ay nakasalalay sa kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Maaaring may mga bahagi kang mahina at masuwayin—ngunit basta’t tama ang iyong mga pananaw at iyong mga layunin, at basta’t tama at normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, karapat-dapat kang gawing perpekto ng Diyos. Kung hindi tama ang kaugnayan mo sa Diyos, at kumikilos ka para sa kapakanan ng laman o ng iyong pamilya, gaano ka man magsikap sa trabaho, mawawalan iyon ng saysay. Kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, lahat ng iba pa ay malalagay sa lugar. Wala nang ibang tinitingnan ang Diyos, kundi kung tama ang iyong mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos: sino ang iyong pinaniniwalaan, para kaninong kapakanan ka naniniwala, at bakit ka naniniwala. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito at isinasagawa mo nang nasa tama ang iyong mga pananaw, susulong ka sa buhay mo, at garantisado ka ring makakapasok sa tamang landas. Kung hindi normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, at lihis ang mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos, walang-saysay ang lahat ng iba pa, at gaano katatag ka man naniniwala, wala kang mapapala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na upang magkaroon ng normal na ugnayan sa ibang tao, kailangan ko munang magtatag ng isang normal na ugnayan sa Diyos. Dapat akong palaging kumilos ayon sa mga salita ng Diyos at dalhin ang mga kilos ko sa harap Niya. Kung kikilos ang mga tao ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, pinananatili ang kanilang ugnayan sa iba alang-alang sa kanilang reputasyon, katayuan at mga interes ng laman, hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos, at gaano man sila magsikap na panatilihin ang mga ugnayan, magiging walang saysay lang ang lahat ng ito. Mula nang mailantad si Fang Ling bilang isang walang pananampalataya, napigilan na ako ng aking tiwaling disposisyon, natatakot na iisipin niyang wala akong utang na loob kung mapapaalis siya, at na iisipin ng pamilya ko na wala akong pasasalamat, at ibubukod at tatalikuran nila ako. Kaya, upang mapanatili ang aking imahe sa kanilang paningin, iniwasan kong pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo. Napagtanto ko na gaano man ako kabuti sa paningin ng ibang tao, at gaano man nila ako itinataas, wala itong silbi, dahil hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Isinasakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para mapanatili ang mga ugnayan; nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Ako ay isang mananampalataya, kaya dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa Kanyang pagsisiyasat sa lahat ng bagay. Kailangan kong ihinto ang paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain para mapanatili ang mga ugnayan, huminto sa pagtutol sa Diyos, at anuman ang saloobin nila sa akin, kahit na talikuran at balewalain nila ako, kailangan kong isagawa ang katotohanan at ilantad si Fang Ling. Walang pananampalataya si Fang Ling, at madalas niyang ginagambala ang buhay-iglesia. Kasalanan niya kung bakit siya aalisin, at walang ibang pwedeng sisihin. Ang mga kapatid ko at ang hipag ko ay mga mananampalataya, kailangan ko lang tumuon sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa kanila at sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kalaunan, nang basahin ko sa kanila ang isang paglalarawan sa pag-uugali ni Fang Ling, hindi nila ako sinisi, at sinabi pa nga nilang tama lang na alisin si Fang Ling, na magiging isang kahihiyan sa pangalan ng Diyos kung papanatilihin siya sa iglesia. Ibinahagi pa nga sa akin ng kapatid kong lalaki at ng hipag ko ang ilan sa mga hindi kapani-paniwalang pag-uugali ni Fang Ling. Nagpasalamat ako sa Diyos na ganito ang kinalabasan ng mga bagay-bagay, at naramdaman ko rin kung gaano kasaya at kapayapa ang pagsasagawa sa katotohanan.

Hindi nagtagal, natanggap ko ang notice tungkol sa pag-aalis kay Fang Ling. Pero nang maisip kong babasahin ko ang notice sa kanya, muli akong nakaramdam ng pag-aalinlangan. Ako mismo ang naghanda ng mga materyal; siguradong kamumuhian ako ni Fang Ling! Paano kami patuloy na mag-uugnayan pagkatapos niyon? Sumama na nga ang loob niya tungkol sa pagpapaalis; hindi ba’t magpapalala lang sa nararamdaman niya kung babasahin ko sa kanya ang notice? Naisip ko na siguro pwedeng hindi ko na lang ito basahin sa kanya, na sasabihin ko na lang sa kanya ang ilan sa kanyang mga hindi gaanong masamang gawa, at ipapaalam sa kanya na pinaaalis siya. Kung magkagayon, hindi magiging masyadong nakakaasiwa ang mga susunod naming pagkikita. Nang makipagkita ako kay Fang Ling, napansin kong pumayat siya nang husto dahil sa sama ng loob sa kanyang pagkakaalis. Mukha talaga siyang nalulumbay. Nalungkot ako at halos hindi ko kayang magpatuloy, ngunit pinilit ko na lang ang sarili ko na basahin ang notice. Nag-alala pa nga ako kung babasahin ko ba ito nang buo sa kanya at kung tatanggapin ba niya ito. Kaya, nilaktawan ko ang mga bahaging naglantad at nagkondena sa kanya. Pagkatapos, sa tuwing nakikita ko siya, palagi akong naaasiwa, na para bang may nagawa akong mali sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang problema ko. Alam na alam ko naman na hindi hinangad ni Fang Ling ang katotohanan at nagdulot siya ng maraming kaguluhan, na kasalanan niya kaya siya naalis, kaya bakit ganito ang kalagayan ko? Kalaunan, nakita ko ang dalawang siping mga salita ng Diyos: “Ang ideya na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian ay isa sa mga klasikong pamantayan sa tradisyonal na kultura ng Tsino para husgahan kung ang isang tao ba ay moral o imoral. Kapag kinikilatis kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti o masama, at kung gaano katuwid ang moralidad ng kanyang asal, isa sa mga pinagbabatayan ay kung sinusuklian ba niya ang mga pabor o tulong na natatanggap niya—kung siya ba ay isang tao na buong-pasasalamat na sinusuklian ang kabutihang natanggap o hindi. Sa tradisyonal na kultura ng Tsina, at sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, itinuturing ito ng mga tao bilang mahalagang pamantayan ng moralidad. Kung hindi nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian, at siya ay walang utang na loob, kung gayon, siya ay itinuturing na walang konsiyensiya at hindi nararapat na makaugnayan, at dapat siyang kasuklaman, itaboy, at tanggihan ng lahat. Sa kabilang banda, kung nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—kung siya ay tumatanaw ng utang na loob at sinusuklian ang mga pabor at tulong na natatanggap niya sa abot ng kanyang makakaya—itinuturing siya na isang taong may konsiyensiya at pagkatao. Kung ang isang tao ay nakatatanggap ng mga pakinabang o tulong mula sa ibang tao, pero hindi niya ito sinusuklian, o nagpapahayag lang siya ng kaunting pasasalamat dito sa simpleng ‘salamat’ at wala nang iba pa, ano ang iisipin ng ibang taong iyon? Mababahala kaya siya tungkol dito? Iisipin ba niya, ‘Ang taong iyon ay hindi nararapat na tulungan, hindi siya mabuting tao. Kung ganoon ang reaksiyon niya kahit labis ko siyang tinulungan, wala siyang konsiyensiya o pagkatao, at hindi nararapat na makaugnayan’? Kung muli niyang makasasalamuha ang ganitong uri ng tao, tutulungan pa rin ba niya ito? Hindi niya ito gugustuhin man lang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). “Mula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, napakaraming tao na ang naimpluwensiyahan ng ideya, pananaw, at pamantayang ito ng wastong asal tungkol sa pagsukli sa kabutihan. Kahit pa ang taong nagpakita ng kabutihan sa kanila ay isang masama o tiwaling tao at itinutulak sila nitong gumawa ng mga kasuklam-suklam at masamang gawa, nilalabag pa rin nila ang sarili nilang konsensiya at katwiran, pikit-mata silang sumusunod upang suklian ang kabutihan nito, na nagdudulot ng maraming nakapipinsalang kahihinatnan. Masasabing maraming taong, matapos maimpluwensiyahan, malimitahan, mapigilan, at maigapos ng pamantayang ito ng wastong asal, ay pikit-mata at maling nagtataguyod sa pananaw na ito ng pagsukli sa kabutihan, at malamang na tulungan at suportahan pa nila ang masasamang tao. Ngayong narinig na ninyo ang Aking pagbabahagi, malinaw na sa inyo ang sitwasyong ito at matutukoy na ninyo na hangal na katapatan ito, at na maituturing ang pag-uugaling ito na pag-asal nang hindi nagtatakda ng anumang limitasyon, at walang-ingat na pagsukli sa kabutihan nang walang anumang pagkilatis, at na wala itong kabuluhan at halaga. Dahil natatakot ang mga taong makastigo sila ng opinyon ng madla o makondena ng iba, napipilitan silang ilaan ang kanilang mga buhay sa pagsukli sa kabutihan ng iba, isinasakripisyo pa nga nila ang kanilang buhay sa prosesong ito, na isang katawa-tawa at hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Bukod sa naigapos ng kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng mga tao, naglagay rin ito ng hindi kinakailangang bigat at abala sa kanilang buhay at nagbigay sa kanilang mga pamilya ng karagdagang pagdurusa at mga pasanin. Maraming tao na ang nagbayad ng malalaking halaga upang masuklian ang kabutihang natanggap—ang tingin nila sa pagsukli sa kabutihan ay isang responsabilidad sa lipunan o sarili nilang tungkulin at maaari pa nga nilang igugol ang buong buhay nila sa pagsukli sa kabutihan ng iba. Naniniwala silang ganap na likas at makatwiran na gawin ang bagay na ito, isang hindi matatakasang tungkulin. Hindi ba’t hangal at katawa-tawa ang perspektiba at paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay? Ganap nitong inihahayag kung gaano ka-ignorante at kawalang-kaliwanagan ang mga tao. Ano’t anuman, maaaring ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal—ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—ay naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito katugma ng mga salita ng Diyos at isa itong maling pananaw at paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Ang mga salita ng Diyos ay isang tumpak na paghahayag. Mula pa noong sinaunang panahon, isa nang klasikong sukatan ng pagkatao ng mga tao kung buong-pasasalamat ba nilang sinusuklian ang kabutihang natanggap. Kung may tumutulong sa iyo o nagiging mabuti sa iyo, dapat mong suklian ang kabutihan niya. Kung gagawin mo ito, isa kang mabuting tao; kung hindi, tatalikdan at kakastiguhin ka ng mga tao bilang isang taong walang pasasalamat at walang utang na loob. Dahil na-brainwash at naimpluwensiyahan ng ideyang ito na buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap, hindi namamalayang namumuhay ang mga tao nang napipigilan at nakagapos. Kung may tumulong sa iyo noon, dapat mo siyang suklian, at hindi mo kailangang kilatisin kung anong uri siya ng tao o anong landas ang tinatahak niya, at kung naaayon ba sa katotohanan na suklian siya. Dahil sa pangangailangang ito na suklian ang kabutihan, ang ilang tao ay namumuhay sa buong buhay nila nang napipigilan ng iba, at mayroon pa ngang ilang tao, na gumagawa ng masama para sa ibang tao at ginagamit sila ng mga ito para masuklian ang kabutihan, namumuhay nang miserable at nagdurusa. Mula sa murang edad, tinuruan ako ng nanay ko na buong-pasasalamat na suklian ang kabutihang natanggap, na hindi natin dapat kalimutan ang kabutihang ibinibigay sa atin ng iba, na maaaring humantong sa pambabatikos ng mga tao sa atin nang palihim. Karamihan sa mga tao sa buhay ko ay gumagamit din ng pamantayang ito ng pag-asal para suriin ang pag-uugali ng iba. Namuhay din ako sa mga talinghagang ito na ipinasa-pasa sa mga nagdaang henerasyon, tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Ibalik mo ang ibinigay sa iyo nang sampung ulit,” at “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Kung may tumutulong sa akin, palagi ko itong tatandaan at maghahanap ako ng pagkakataon para masuklian siya. Kung hindi ko nasusuklian ang isang taong naging mabuti sa akin, nakokonsensya ako, hindi ako napapalagay, at nahihiya akong harapin siya. Nag-aalala ako na baka sabihin ng mga tao na wala akong utang na loob. Dahil tinulungan ako ni Fang Ling noon, kahit na natukoy kong isa siyang walang pananampalataya, nag-aalala ako na baka makastigo ako kung aalisin ko siya sa iglesia nang naaayon sa mga prinsipyo, kaya’t sinubukan kong protektahan at ipagtanggol siya, para masuklian ang kanyang kabutihan. Nang kinailangan kong basahin ang pagsasalarawan ng kasamaang nagawa ni Fang Ling sa aking mga kapatid, nag-alala ako na sasabihin nilang wala akong utang na loob at kaya natakot akong humarap sa kanila. Nang kinailangan kong basahin kay Fang Ling ang notice ng pagpapaalis, at nakita ko kung gaano siya kapayat at kaputla, hindi ko napigilang makonsensya, at pinili kong basahin na lang ang paglalarawan ng kanyang masasamang gawa. Matapos alisin si Fang Ling, hindi ako naglakas-loob na humarap sa kanya. Alam na alam ko na hindi niya hinangad ang katotohanan at hindi niya tinahak ang tamang landas, at pinalayas siya, pero palagi kong nararamdaman na ginawan ko siya ng mali. Ang tulong na ibinigay niya sa akin ay parang isang bola at kadena na nakakandado sa aking katawan, na nagpapabigat sa akin hanggang sa puntong hindi na ako makahinga. Nakita ko kung paanong dahil sa pagkagapos sa tradisyonal na ideyang ito, hindi ko man lang matukoy ang tama sa mali, lalong hindi ko maisagawa ang katotohanan. Upang mapanatili ang aking reputasyon, at hindi maakusahan ng iba na wala akong utang na loob, walang ingat kong sinuklian ang kabutihan nang hindi kinikilala ang mabuti sa masama. Hindi ako umasal nang may katiting na prinsipyo o batayan, at naghimagsik at lumaban ako sa Diyos. Napagtanto ko na kahit paano man ipagtanggol, purihin at sang-ayunan ng mga tao ang aking pag-uugali, isinasakripisyo ko ang mga interes ng iglesia, na nag-iwan ng di-maaalis na mantsa sa aking panunungkulan bilang mananampalataya. Talagang malubha ang mga kahihinatnan nito. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na ang tradisyonal na kultura ang kasangkapan ni Satanas sa panlilinlang at pagtitiwali sa mga tao. Habang nakagapos sa maling ideyang ito, hindi ko maisagawa ang katotohanan kahit na malinaw ko itong naunawaan, naghihimagsik at lumalaban ako sa Diyos. Ayaw ko nang mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya.

Kalaunan, nakita ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang tradisyunal na pangkultural na konsepto na ‘ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’ ay kailangang kilatisin. Ang pinakamahalagang bahagi ay ang salitang ‘kabutihan’—paano mo dapat tingnan ang kabutihang ito? Anong aspeto at kalikasan ng kabutihan ang pinatutungkulan nito? Ano ang kabuluhan ng ‘ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’? Dapat na malaman ng mga tao ang mga kasagutan sa mga katanungang ito at anuman ang sitwasyon ay hindi sila dapat mapigilan ng ideyang ito ng pagsukli sa kabutihan—para sa sinumang naghahangad sa katotohanan, napakahalaga nito. Ano ang ‘kabutihan’ ayon sa mga kuru-kuro ng tao? Sa mas mababang antas, ang kabutihan ay ang pagtulong sa iyo ng isang tao kapag may problema ka. Halimbawa, ang pagbibigay sa iyo ng isang tao ng isang mangkok ng kanin kapag gutom na gutom ka, o isang bote ng tubig kapag uhaw na uhaw ka, o pag-alalay sa iyong makatayo kapag nadapa ka at hindi makabangon. Lahat ito ay paggawa ng kabutihan. Ang dakilang paggawa ng kabutihan ay ang pagliligtas sa iyo ng isang tao kapag nasa desperado kang kalagayan—iyon ay kabutihan na nakapagliligtas ng buhay. Kapag nasa mortal kang panganib at may tumutulong sa iyong makaiwas sa kamatayan, sa esensya ay sinasagaip niya ang iyong buhay. Ang mga ito ay ilan sa mga bagay na sa tingin ng mga tao ay ‘kabutihan.’ Ang ganitong uri ng kabutihan ay higit na nalalagpasan ang anumang maliliit at materyal na pabor—ito ay dakilang kabutihan na hindi masusukat sa pera o materyal na mga bagay. Ang mga nakatatanggap nito ay nakararamdam ng pasasalamat na imposibleng maipahayag sa iilang salita lamang ng pagpapasalamat. Ngunit tumpak ba na sukatin ng mga tao ang kabutihan sa ganitong paraan? (Hindi.) Bakit sinasabi mong hindi ito tumpak? (Dahil ang panukat na ito ay nakabatay sa mga pamantayan ng tradisyunal na kultura.) Ito ay isang sagot na batay sa teorya at doktrina, at bagamat mukhang tama ito, hindi nito natutukoy ang diwa ng usapin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). “Ngayon naman ay ibaling na natin ang ating atensyon sa usapin ng diumano’y kabutihan ng tao. Halimbawa, tingnan ninyo ang kaso ng isang mabuting taong sumagip sa isang pulubing natumba dahil sa gutom habang umuulan ng niyebe sa labas. Dinala niya ang pulubi sa bahay niya, pinakain at binihisan ito, at hinayaan itong tumira kasama ng kanyang pamilya at magtrabaho sa kanila. Kusang-loob mang nagboluntaryong magtrabaho ang pulubi, o ginawa man niya ito upang masuklian ang utang na kabutihan, isa bang kabutihan ang pagsagip sa kanya? (Hindi.) Kahit ang maliliit na hayop ay nagagawang tulungan at sagipin ang isa’t isa. Kaunting pagsisikap lang ang kinakailangan para magawa ng mga tao ang gayong mga bagay, at ang sinumang may pagkatao ay nagagawa ang gayong mga bagay at nakakayanan ang mga iyon. Maaaring sabihing ang gayong mga gawa ay responsabilidad at obligasyon sa lipunan na nararapat tuparin ng sinumang may pagkatao. Hindi ba’t kalabisan naman na ilarawan ng mga tao ang mga iyon bilang kabutihan? Isa ba itong angkop na paglalarawan? Halimbawa, sa panahon ng taggutom kung kailan maraming tao ang maaaring magutom, kung mamamahagi ang isang mayaman ng mga supot ng bigas sa mahihirap na pamilya upang matulungan silang makaraos sa mahirap na panahong ito, hindi ba’t isa lamang itong halimbawa ng uri ng batayang moral na tulong at suportang dapat na gawin ng mga tao? Binigyan lang niya sila ng kaunting bigas—hindi naman niya ipinamigay ang lahat ng pagkain niya sa iba at siya mismo ay nagutom. Maituturing ba talaga itong kabutihan? (Hindi.) Ang mga responsabilidad at obligasyon sa lipunan na kayang tuparin ng tao, ang mga gawang dapat na likas na kayang gawin at nararapat na gawin ng tao, at ang mga simpleng pagseserbisyo na nakatutulong at kapaki-pakinabang sa iba—sa anumang paraan ay hindi maituturing na kabutihan ang mga bagay na ito, dahil ang lahat ng ito ay mga sitwasyon kung saan tumutulong lamang ang tao. Ang pagbibigay ng tulong sa isang taong nagkataong nangangailangan nito, sa isang angkop na oras at lugar, ay isang lubhang normal na pangyayari. Responsabilidad din ito ng bawat miyembro ng sangkatauhan. Isa lamang itong uri ng responsabilidad at obligasyon. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang mga likas na ugaling ito nang likhain Niya sila. Anu-ano bang likas na gawi ang tinutukoy Ko rito? Ang tinutukoy Ko ay ang konsensiya at katwiran ng tao(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng bagong pagkaunawa sa “kabutihan” sa “pagsusukli sa kabutihang natanggap” na palaging gumagapos sa akin. Kapag nasasadlak sa paghihirap ang isang tao, ang pag-aabot ng tulong para makaraos sila rito at pagsuporta sa kanila sa abot ng iyong makakaya ay isang panlipunang responsabilidad na dapat gawin ng lahat, at hindi talaga ito kabutihan. Tulad noong tumulong si Fang Ling sa pag-aalaga sa aking paralisadong asawa at inalagaan niya ang aking mga pananim sa bukid sa panahong pinakamahirap para sa akin, ito ay normal lamang na relasyong pantao at pagsusuportahan sa pagitan ng mga tao. At saka, siya ang kapatid ng asawa ko; kaya, syempre tutulong siya sa abot ng kanyang makakaya kapag dumaranas ng paghihirap ang kapatid niya. Hindi talaga ito maituturing na kabutihan. Nang pumanaw ang asawa ko at nasadlak ako sa pagkanegatibo, nagbahagi sa akin si Fang Ling at sinuportahan niya ako, pero iyon naman talaga ang ginagawa ng mga sister para sa isa’t isa, hindi ito matatawag na kabutihan. Kung daranas ng paghihirap ang pamilya ni Fang Ling, susuportahan ko rin sila. Kung magiging negatibo siya at mahina, babasahin ko ang mga salita ng Diyos para sa kanya at susuportahan siya. Ito ang dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao. Gayunpaman, itinuring ko ang lahat ng ginawa ni Fang Ling bilang kabutihan, at palagi kong iniisip kung paano ko siya masusuklian, na para bang hindi ako makakaraos kung wala ang tulong niya. Sa totoo lang, ang patnubay at tulong ng mga salita ng Diyos ang nagdala sa akin sa kung nasaan ako ngayon. Matapos pumanaw ng aking asawa, dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan, hindi ko alam kung paano ako dapat magpatuloy, at sa panahon na pinakamahina at pinakanegatibo ako, ang Diyos ang nagsaayos ng lahat ng uri ng bagay, tao at lugar para tulungan ako. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay-liwanag at gumabay sa akin palabas sa aking paghihirap, at nagdala sa akin sa kinaroroonan ko ngayon. Nasa akin na ang lahat ng aking kailangan at namumuhay ako nang normal gaya ng iba, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at tumutupad sa aking tungkulin; lahat ito ay dahil sa pagmamahal ng Diyos. Kung talagang may konsensya ako, dapat kong suklian ang Diyos. Sa halip, namuhay ako sa maling ideyang ito ng buong-pasasalamat na pagsukli sa kabutihang natanggap, palaging pinahahalagahan ang aking mga ugnayan at pagmamalasakit sa iba, at hinding-hindi kinakalimutan ang kahit katiting na pabor na nagawa ng isang tao para sa akin, samantalang lumalaban at nagrerebelde sa Diyos na siyang nagbigay sa akin ng lahat, at hindi nag-aatubiling labagin ang mga prinsipyo at pinsalain ang mga interes ng iglesia para lang masuklian ang kabutihan. Ito ang tunay na kawalan ng utang na loob at kawalan ng pagkatao. Nang mapagtanto ko ito, mas higit na gumaan ang pakiramdam ko, at naisip ko kung gaano ako kahabag-habag dahil hindi ko nauunawaan ang katotohanan.

Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dati ay may tumulong sa iyo, naging mabait sa iyo sa mga partikular na paraan at nagkaroon ng epekto sa iyong buhay o sa kung anong malaking pangyayari, ngunit ang kanyang pagkatao at ang landas na kanyang tinatahak ay hindi naaayon sa sarili mong landas at sa kung ano ang iyong hinahangad. Hindi pareho ang wikang sinasalita ninyo, hindi mo gusto ang taong ito at, marahil, sa isang antas ay masasabi mong magkaibang-magkaiba ang inyong mga hilig at ang inyong mga hinahangad. Ang inyong mga landas sa buhay, ang inyong mga pananaw sa mundo, at ang inyong mga pananaw sa buhay ay pawang magkaiba—kayong dalawa ay magkaibang-magkaibang uri ng tao. Kung gayon, paano mo dapat harapin at paano ka dapat tumugon sa tulong na dati niyang ibinigay sa iyo? Isa ba itong makatotohanang sitwasyong maaaring maganap? (Oo.) Kaya, ano ang dapat mong gawin? Madali ring harapin ang sitwasyong ito. Yamang magkaibang landas ang tinatahak ninyong dalawa, pagkatapos mo siyang bigyan ng anumang materyal na kabayaran sa abot ng iyong makakaya, malalaman mong masyado talagang magkaiba ang inyong mga paniniwala, hindi kayo maaaring tumahak sa iisang landas, ni hindi kayo maaaring maging magkaibigan at hindi na kayo maaaring makisalamuha sa isa’t isa. Paano ka dapat magpatuloy, yamang hindi na kayo maaaring makisalamuha sa isa’t isa? Dumistansiya ka sa kanya. Maaaring naging mabuti siya sa iyo dati, ngunit nanggagantso at nandaraya siya sa lipunan, gumagawa siya ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na bagay at hindi mo gusto ang taong ito, kaya lubos na makatwirang dumistansiya ka sa kanya. Maaaring sabihin ng ilan, ‘Hindi ba’t kawalan ng konsensiyang kumilos sa ganoong paraan?’ Hindi ito kawalan ng konsensiya—kung talagang mahaharap siya sa kung anong paghihirap sa kanyang buhay, pwede mo pa rin siyang tulungan, ngunit hindi maaaring mapigilan ka niya o umayon ka sa kanya sa paggawa ng masasama at mga imoral na gawa. Hindi rin kinakailangang magpaalipin sa kanya dahil lamang sa tinulungan ka niya o ginawan ka niya ng malaking pabor dati—hindi mo obligasyon iyon at hindi siya karapat-dapat sa ganoong uri ng pakikitungo. May karapatan kang magpasyang makihalubilo, gumugol ng panahon, at makipagkaibigan pa nga sa mga taong gusto mo at kasundo mo, sa mga taong tama. Maaari mong tuparin ang iyong responsabilidad at obligasyon sa taong ito, karapatan mo ito. Siyempre, maaari ka ring tumangging makipagkaibigan at makipagtransaksyon sa mga taong hindi mo gusto, at hindi mo kailangang tumupad ng anumang obligasyon o responsabilidad sa kanya—karapatan mo rin ito. Kahit magpasya ka pang talikuran ang taong ito at tumangging makihalubilo sa kanya o tumupad ng anumang responsabilidad o obligasyon sa kanya, hindi ito magiging mali. Kailangan mong magtakda ng mga partikular na limitasyon sa paraan ng iyong pag-asal, at tratuhin mo ang iba’t ibang tao sa iba’t ibang paraan. Hindi ka dapat makisama sa masasamang tao o sumunod sa masama nilang halimbawa, ito ang matalinong pasya. Huwag kang magpaimpluwensiya sa iba’t ibang salik tulad ng pasasalamat, mga emosyon, at ng opinyon ng madla—ito ay paninindigan at pagkakaroon ng mga prinsipyo, at ito ang nararapat mong gawin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Malinaw na ipinahayag ng mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga tao. Kung may nakagawa sa atin ng malaking pabor noon, dapat natin siyang tratuhin batay sa kalidad ng kanyang pagkatao at sa landas na kanyang tinatahak. Kung mabuti siyang tao at tumatahak siya sa tamang landas, maaari tayong makipag-usap sa kanya nang normal, at tulungan siya sa abot ng ating makakaya kapag kinakailangan niya ng tulong. Kung ang taong tumulong sa atin ay hindi tumatahak sa tamang landas at namiminsala, dapat tayong maging maingat sa pakikisalamuha sa kanya at kilatisin ang kalikasan ng kanyang sinasabi at ginagawa. Kung kinakailangan, maaaring kailanganin natin siyang talikuran o layuan, at bigyan lamang siya ng ilang materyal na tulong sa abot ng ating makakaya. Kung nananampalataya siya sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, iniraraos lang ang kanyang mga tungkulin, nagsasanhi ng gulo, at ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, dapat natin siyang tabasan at iwasto ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi pa rin siya magsisisi, dapat tayong kumapit sa mga prinsipyo, bigyang-babala ang mga nangangailangan ng babala at alisin ang mga dapat alisin ayon sa mga prinsipyo. Hindi tayo dapat kumilos ayon sa mga batas ni Satanas, makipag-ugnayan sa kasamaan at lumabag sa mga prinsipyo. Naisip ko kung paanong hindi ko trinato ang mga tao nang naaayon sa mga prinsipyo, paulit-ulit akong kumikilos nang walang kaalam-alam, iginagapos ng mga tradisyonal na kaisipan, at di-namamalayang naging alipores ni Satanas, ginagambala ang buhay-iglesia. Kung hindi tayo mamumuhay ayon sa katotohanan sa ating pananampalataya, malalabanan natin ang Diyos at malalabag ang Kanyang disposisyon anumang oras! Binibigyan pa rin ako ni Fang Ling ng ilang materyal na suporta paminsan-minsan, ngunit sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko kung paano isipin nang tama ang suportang ito. Hindi ko na tinitingnan ang suportang ito bilang pagtrato niya sa akin nang maayos o pagpapakita sa akin ng kabutihan, bagkus ay tinitingnan ko ito bilang isang tanda ng pagmamahal ng Diyos. Pinakilos siya ng Diyos para tulungan ako, kaya dapat kong pasalamatan ang Diyos at gampanan ang aking tungkulin para masuklian Siya.

Noon, palagi kong iniisip na kailangan kong suklian ang kabutihang natanggap at tumanaw ng utang na loob, iniisip na ito ang ginagawa ng mabubuting tao. Gayunpaman, sa pamamagitan ng aking sariling karanasan, nalaman ko na ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na ideyang ito ng pagsukli sa kabutihan para igapos ang mga tao, limitahan ang kanilang pag-iisip, at lituhin sila kung ano ang tama at mali, kumilos nang walang mga prinsipyo, at hindi nila namamalayang nagiging mga kasangkapan sila ni Satanas. Natutunan ko rin na gaano man kabuti ang tingin ng mga tao sa mga satanikong bagay, ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan. Dahil sa mga salita ng Diyos, nagagawa nating tukuyin ang tama sa mali at maisabuhay ang normal na pagkatao. Kapag namumuhay tayo ayon sa katotohanan at tinatrato natin ang mga tao at bagay ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, saka lamang tayo makakakilos ayon sa kalooban ng Diyos at makapamumuhay nang may dangal at dignidad. Lahat ng pasasalamat ay sa Diyos dahil sa Kanyang pagliligtas!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Mabuburang Desisyon

Ni Bai Yang, TsinaNoong ako ay 15 taong gulang, namatay ang tatay ko dahil sa isang biglaang sakit. Hindi nakayanan ng nanay ko ang dagok...