Ang Kabaitan ba ng mga Magulang ay Isang Utang na Hindi Kailanman Mababayaran?
Ni Miaoxiao, TsinaLumaki ako sa isang mahirap na pamilyang magsasaka. Inampon ako ng mga magulang ko noong halos kuwarenta anyos na sila....
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Ipinanganak ako sa isang ordinaryong pamilya sa probinsya; palaging nasa malayo ang tatay ko para magtrabaho buong taon, at bihirang-bihira siyang umuwi. Ang nanay namin ang mag-isang nagpalaki sa amin ng kapatid kong babae, at kahit hindi kami mayaman, palaging ginagawa ng nanay namin ang lahat para bigyan kami ng magandang buhay, at ginagawa niya ang lahat para makuha ang mga gusto ko. Mahina at sakitin ako noong bata pa, at madalas akong sipunin at lagnatin. Dagdag pa, mabilis akong tumangkad, kaya madalas sumakit ang mga tuhod ko. Hirap na hirap sa pera ang aking pamilya, at sa pangkalahatan ay nag-aatubili kaming gumastos para sa karne, pero madalas pa rin akong nilulutuan ni nanay ng nilagang buto-buto, dahil takot siyang baka makaapekto sa paglaki ko ang kakulangan sa nutrisyon. Sa tuwing nagkakasakit ako, walang pahingang inaalagaan ako ng nanay ko. Minsan, nagkakaroon ako ng matataas na lagnat na ayaw bumaba, at nag-aalala ang nanay ko nang sobra, kaya sa gabi, punas siya nang punas ng alkohol sa katawan ko para bumaba ang lagnat ko. Hindi lang niya ako inalagaan nang maingat, kundi ginawa rin niya ang lahat para igalang ang mga lolo’t lola ko. Sa tuwing dinadala niya ako sa bahay ng lola ko, bumibili siya ng mga bagay na karaniwan ay nag-aalangan siyang bilhin, tulad ng mga prutas, gatas, o mga panghimagas, at madalas niyang sinasabi sa akin na maging mabuti sa mga lolo’t lola ko. Minsan, kapag nakakarinig siya ng anak na hindi gumagalang sa magulang, tinatawag niya ang mga ito na walang utang na loob, at sinasabing nasayang lang ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang. Hindi ko namamalayan, sa pamamagitan ng mga turo at gawa ng nanay ko, naniwala ako na ang paggalang sa magulang ang sukatan para maging isang mabuting tao, na saka mo lang maitataas ang noo mo at makukuha ang papuri ng iba, at kapag hindi ka magalang na anak, pupunahin ng mga tao nang patalikod ang kawalan mo ng konsensiya, at hindi mo magagawang magtaas-noo. Noong labing-apat na taong gulang ako, pumanaw ang tatay ko sa isang trahedya dahil sa aksidente sa sasakyan. Mas lalo kong pinahalagahan ang panahon namin ng nanay ko, at ipinangako ko sa sarili ko na paglaki ko, gagawin ko ang lahat para bigyan ng magandang buhay ang nanay ko, at aalagaan ko siya nang kasing-ingat ng pag-aalaga niya sa akin noong bata pa ako, para maging masaya siya sa kanyang pagtanda. Pakiramdam ko, kung hindi ko ito magagawa, wala akong konsensiya, at ni hindi ako karapat-dapat na tawaging tao.
Noong 2011, pinalad akong matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Noong 2012, inaresto ako ng mga pulis habang ipinapangaral ang ebanghelyo. Pagkatapos kong mapalaya, dahil hindi ligtas sa bahay, kinailangan kong pumunta sa ibang lugar para gawin ang tungkulin ko. Sa mga sumunod na taon, hindi ko nakasama ang nanay ko, at palagi akong umaasa na isang araw ay makakasama ko siyang muli, para alagaan siya, at bigyang-dangal siya. Bandang Marso 2023, bigla akong nakatanggap ng sulat mula sa kapatid kong babae, sinasabi na dalawang taon na ang nakalipas, biglang nagkaroon ng pagdurugo sa utak at pagkabara ng ugat sa utak ang nanay namin, at mula noon ay naratay na siya, paralisado at hindi kayang alagaan ang sarili. May malubha rin siyang diabetes, at nauwi na ito sa diabetic foot, na nagdulot ng pagkabulok ng balat at laman sa mga daliri niya sa paa. Lalo pang lumala ang kondisyon niya kamakailan, at baka hindi na siya magtatagal, kaya umaasa ang kapatid kong babae na makauwi ako sa lalong madaling panahon para makita ang nanay ko sa huling pagkakataon. Pagkabasa ko ng sulat, pakiramdam ko ay bumagsak ang langit sa akin. Hindi ako makapaniwala. Hindi ko napigilan ang emosyon ko, at napahagulgol ako, iniisip na, “Paano nangyari ito sa nanay ko? Totoo ba ito? Sa mga taong malayo ako sa bahay, palagi akong umaasa na isang araw ay makakasama kong muli ang nanay ko, alagaan siya, bigyang-dangal siya, at hayaan siyang mamuhay nang masaya sa kanyang mga huling taon ng buhay.” Pero ang biglaang balitang ito ay parang kidlat sa isang maaliwalas na langit, sinira ang lahat ng pag-asa at inaasahan ko. Ilang sandaling hindi ko ito matanggap, at sa puso ko, hindi ko maiwasang magreklamo tungkol sa Diyos, “Bakit hindi Mo hinayaang mabuhay ang nanay ko nang malusog nang ilang taon pa?” Ginusto ko pa ngang hilingin sa Diyos na paikliin ang buhay ko para mapahaba ang buhay ng nanay ko, para lang matamasa niya ang ilang araw ng payapang kaligayahan. Para doon, ayos lang sa akin na mabuhay nang ilang taon na mas maikli. Sinabi rin ng kapatid ko sa sulat na ilang araw pa lang mula nang magkasakit ang nanay ko, nag-alok nang makipaghiwalay ang amain ko, na napakasama ng trato niya sa nanay ko, at binubugbog at pinagsasalitaan niya ito nang masakit. Nagdurusa na nga ang nanay ko dahil sa sakit niya, kailangan pa niyang tiisin ang pagpapahirap ng amain ko araw-araw, kaya sa huli, nagkaroon siya ng malubhang depresyon. Dahil walang ibang magawa, napilitan ang kapatid ko na sumang-ayon sa pagdiborsiyo ng amain ko sa nanay ko. Naisip ko kung paanong kailangan ni Nanay ng mag-aalaga sa kanya sa lahat ng bagay. Pero dahil kailangang pumasok sa trabaho ng kapatid ko, mag-isa lang ang nanay ko sa bahay. Paano kung mauhaw siya o magutom? Sino ang mag-aalaga sa kanya? Sa biglaang pagkakaroon ng ganito kalulubhang sakit, siguradong nakaramdam ng sobrang pagkadismaya at pagkakasakal ang palaban kong nanay. Kapag malungkot siya, sino ang aalo at magpapalakas ng loob niya? Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong nararamdaman na parang dinudurog ang puso ko. Sana makalipad ako pabalik sa tabi ng nanay ko kaagad para makausap siya, aluin, at palakasin ang loob niya, at asikasuhin ang mga pang-araw-araw niyang pangangailangan. Pero inaresto na ako ng pulis dati, at kung babalik ako ngayon, siguradong papasok ako sa isang patibong. Ang umuwi lang para alagaan ang nanay ko at makita siya sa huling pagkakataon ay naging isang hiling na hindi ko maabot. Sobrang miserable ng pakiramdam ko; talagang hindi ko kayang makatipon ng anumang motibasyon, at wala akong ganang gawin ang mga tungkulin ko. Sa gabi, hindi ako makatulog, at iniisip ko, “Kumusta na kaya ang Nanay ko? Nakakapagpahinga na kaya siya? O nagpapabali-baliktad pa rin siya sa sakit, hindi makatulog?” Sa pag-iisip nito, hindi ko maiwasang mapaiyak, hindi na makapagsalita sa kaiiyak. Isang gabi, napanaginipan ko pa nga ang nanay ko, nakita ko siya na parang ang nakababatang sarili niya, na may dalawang mahabang tirintas, masaya at abalang gumagawa ng kung ano-ano. Nakatayo lang ako sa hindi kalayuan, pinapanood siya, pero kahit anong tawag ko sa kanya, hindi siya sumasagot. Parang hindi niya ako nakikita o naririnig. Nang magising ako, napagtanto kong panaginip lang pala ito, pero habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nalulungkot, at hindi ko napigilang humagulgol na naman.
Puno ng labis na pasakit ang mga araw na iyon, kaya nanalangin ako sa Diyos na gabayan akong maunawaan ang Kanyang layunin. Noong panahong iyon, may ilang salita ng Diyos na laging sumasagi sa isip ko: “Dapat tanggapin at harapin ng bawat tao ang mga katunayang ito ng pagsilang, pagtanda, sakit, at kamatayan; ito ang batas ng pag-iral ng tao na inorden ng Diyos. Bakit hindi mo ito matanggap? Matatakasan mo ba ito?” Kaya hinanap ko ang sipi ng mga salita ng Diyos kung saan galing ang mga pariralang iyon at binasa ko ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sinasabi ng ilang tao: ‘Alam kong hindi ko dapat suriin o siyasatin ang usapin ng pagkakasakit ng aking mga magulang o ang pagdanas nila ng malaking kasawian, na walang saysay na gawin iyon, at na dapat kong harapin ito batay sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi ko mapigilan ang aking sarili na suriin at siyasatin ito.’ Ang pagpipigil ay hindi paraan para lutasin ang problema; ang susi ay na dapat mong kilalanin na ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ay isang batas na inorden ng Diyos para sa mga tao, at na walang sinumang makapagbabago nito. Sa kanilang buhay, nagsisimulang magpakita ang mga katawan ng mga tao ng ilang sintomas ng katandaan pagsapit nila sa edad na 50 o 60—hindi na ganoon katibay ang kanilang mga kalamnan at buto, humihina ang kanilang resistensya, hindi sila nakakatulog nang maayos, madali silang sipunin, at wala silang sapat na kasiglahan para magbasa o magtrabaho. Tinatamaan sila ng iba’t ibang sakit, tulad ng diabetes, arthritis, at pati na rin ng mga sakit na cardiovascular at cerebrovascular tulad ng altapresyon at sakit sa puso. … Sasapit ang mga pisikal na karamdamang ito sa lahat ng tao. Ngayon ay sila, bukas ay kayo o tayo. Ayon sa edad ng isang tao, at ayon sa batas at tadhana, lahat ng tao ay unti-unting tatanda, unti-unting hihina ang kanilang mga katawan, at unti-unting darami ang kanilang mga karamdaman hanggang sa huli ay harapin nila ang kamatayan—ito ang batas. Iyon nga lang, dahil pinalaki ka ng iyong mga magulang at sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo at pinakainaalala mo, kapag naririnig mo ang balita na nagkasakit ang iyong mga magulang, hindi mo maigpawan ang balakid ng iyong mga pagmamahal, at iniisip mo, ‘Wala akong nararamdaman kapag namamatay ang mga magulang ng ibang tao, pero hindi maaaring magkasakit ang mga magulang ko, dahil dudurugin niyon ang puso ko at magdudulot sa akin ng pagdurusa: Hindi ko talaga ito kakayanin!’ Dahil lang sila ang iyong mga magulang, iniisip mo na hindi sila dapat tumanda o magkasakit, at lalo pa ngang hindi sila dapat mamatay—may katuturan ba iyon? Wala itong katuturan, at hindi ito ang katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Haharapin ng lahat ang realidad na unti-unting tumatanda at nagkakasakit ang kanilang mga magulang—halimbawa, may altapresyon, sakit sa puso, pagdurugo sa utak, hemiplegia, at iba pa, pati na rin ang iba’t ibang kanser. Samakatwid, daranasin ng lahat ang proseso ng pagtanda, pagkakasakit, at pagkatapos ay pagkamatay ng kanilang mga magulang. Iyon nga lang, iba-iba ang panahon ng karanasang ito para sa bawat tao, ngunit kailanman mangyari ang mga bagay na ito, bilang isang anak, dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Kung ikaw ay nasa hustong gulang na, dapat ay husto na ang iyong pag-iisip, dapat kang magkaroon ng tamang saloobin sa pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao, at dapat magawa mo itong harapin nang normal. Hindi mo dapat subukang iwasan o labanan ito, o umabot pa sa puntong maging padalos-dalos at magbitiw ng mga salita ng reklamo, nagrereklamo tungkol sa langit at lupa at nagrereklamo tungkol sa Diyos, kapag narinig mo na ang iyong mga magulang ay may sakit o namatay na. Dapat tanggapin at harapin ng bawat tao ang mga katunayang ito ng pagsilang, pagtanda, sakit, at kamatayan; ito ang batas ng pag-iral ng tao na inorden ng Diyos. Bakit hindi mo ito matanggap? Matatakasan mo ba ito? Gusto mong hindi magkasakit o mamatay ang iyong mga magulang, gusto mong maging imortal sila—umaayon ba ito sa batas? Posible ba ito? Nakakita ka na ba ng sinumang nilikha na imortal? Wala ni isa. Samakatwid, dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Dapat ay nakahanda na ang iyong isip bago mo pa marinig ang balita na tumatanda na ang iyong mga magulang, na nagkasakit sila, o na namatay na sila. Isang araw, sa malao’t madali, ang bawat tao ay tatanda, sila ay manghihina, at sila ay mamamatay. Dahil normal na tao ang iyong mga magulang, bakit hindi pwedeng maranasan nila ang yugtong ito? Dapat nilang maranasan ang yugtong ito, at dapat mong harapin ito nang tama” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)). Unti-unti akong pinakalma ng mga salita ng Diyos. Ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan ay batas ng buhay na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan. Ngayong nasa sesenta anyos ang nanay ko, unti-unti nang humihina ang mga organo at paggana ng katawan niya, at normal lang na magkaroon siya ng mga sakit. Hindi ako dapat makipagtalo sa Diyos o kumilos nang hindi makatwiran, sinusubukang ipagpalit ang mga taon ng buhay ko para sa kalusugan at mahabang buhay ng nanay ko. Hindi ito pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Isa akong hamak na nilikha, at ang Diyos ay ang Lumikha, at dapat kong tanggapin ang batas ng buhay na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan, at danasin ang mga bagay-bagay ayon sa natural na takbo ng mga ito. Ni hindi ko kayang pagpasyahan o baguhin ang mga nararanasan ko araw-araw, pero pinanghawakan ko ang walang kabuluhang pag-asa na baguhin ang kapalaran ng nanay ko. Ito ay talagang delusyonal at walang katwiran! Gayumpaman, nang maisip kong malapit nang pumanaw ang nanay ko, nalungkot talaga ako. Umiyak ako at nagdasal sa Diyos, “O mahal na Diyos, bigla ko na lang nalaman na nagkaroon ang nanay ko ng ganito kalubhang sakit at baka pumanaw na siya anumang oras, at hindi ko ito matanggap sa puso ko. Pakiusap, gabayan Mo ako na makapagpasakop at matuto ng mga aral.”
Kalaunan, sinadya kong maghanap ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko. Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangungulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryosong karamdaman o nakamamatay na kondisyon dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang o gaano ka man kamapagsaalang-alang sa pagmamalasakit sa kanila, ang pinakamagagawa mo lang ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang katawan at ang kanilang mga pasanin. Ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito kung ikaw man ay nasa tabi nila at nag-aalaga sa kanila? Wala, walang kinalaman ang mga ito. Kung mabuti kang anak, kung hindi ka isang walang malasakit na ingrato, at ginugugol mo ang buong araw sa tabi nila at inaalagaan sila, hindi ba sila magkakasakit? Hindi ba sila mamamatay? Kung magkakasakit sila, hindi ba’t magkakasakit pa rin naman talaga sila? Kung mamamatay sila, hindi ba’t mamamatay pa rin naman talaga sila? Hindi ba’t tama iyon?” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung magkakasakit man ang mga magulang, kung gaano ito kalubha, o kung mamamatay sila, ay pawang pauna nang itinadhana at isinaayos ng Diyos, at walang kinalaman sa mga anak nila. Kasama man ng mga magulang ang kanilang mga anak o hindi, hindi maiiwasan ang mga paghihirap, kabiguan, at kapighatiang haharapin nila sa buhay, at walang mababago ang kanilang mga anak. Naisip ko ang lolo ko. Nasa tabi niya ang lahat ng kanyang mga anak, at mukha siyang malusog, pero noong humigit-kumulang 60 taong gulang na siya, nagkaroon siya ng malubhang sakit, na nagdulot ng kanyang pagkaratay at pagkaparalisa, at nauwi sa vegetative state, at kailangan niya ng mga taong mag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan ng katawan niya. Naghahalinhinan ang nanay, tiyuhin, at tiyahin ko sa pag-aalaga sa kanya araw at gabi, minamasahe siya araw-araw, kinakausap, at maasikaso siyang inaalagaan sa loob ng maraming taon, pero hindi na siya nagkamalay. Ngayong nagkasakit nang malubha ang nanay ko at paralisadong nakaratay sa kama, kahit pa nasa tabi niya ako para asikasuhin ang mga pang-araw-araw niyang pangangailangan, gagawin lang nitong medyo mas kumportable ang katawan niya, pero hindi ko kayang pasanin ang pagdurusa niya mula sa kanyang sakit. Kung gagaling man siya o mamamatay ay isang bagay na hindi ko mababago. Nang mapagtanto ko ito, binitiwan ko ang ilang pag-aalala ko para sa nanay ko.
Minsan, kapag naiisip ko ang tungkol sa sinabi ng kapatid ko sa kanyang liham, nakakaramdam pa rin ako ng pagkadurog ng puso at pagkabagabag. Sinabi ng kapatid ko, “‘Pinapakain ng mga uwak ang kanilang matatandang ina at ang mga tupa ay lumuluhod para dumede.’ Kahit mga hayop, marunong gumalang sa magulang. Kung hindi man lang ito alam ng isang tao, mas masahol pa siya sa hayop.” Naisip ko ang mga taon na malayo ako sa bahay. Nangyari sa bahay ang gayon kalaking bagay, pero hindi man lang ako nagpakita. Wala akong ideya kung ano ang sinasabi ng mga kapitbahay, kamag-anak, at kaibigan namin tungkol sa akin, pero siguradong pinag-uusapan nila ako sa likuran ko, sinasabing hindi ako mabuting anak, ni hindi man lang umuwi noong malubha na ang sakit ng nanay ko at malapit nang mamatay. Pinalaki ako ng nanay ko mula pagkabata, at ang kabutihang-loob na ito ay isang bagay na hindi ko kailanman masusuklian, kaya dapat gawin ko ang lahat para maibigay sa nanay ko ang pinakamagandang buhay, para hindi na niya kailangang mag-alala sa pagkain o damit, at magkaroon ng masaya at payapang pagtanda. Pero ngayong may sakit siya, hindi ko man lang siya maalagaan. Pakiramdam ko, mas masahol pa talaga ako sa hayop. Sa pag-iisip nito, parang sinasaksak ang puso ko, at madalas akong umiiyak nang palihim, nakokonsensiya dahil hindi ko masuklian ang kabutihang loob na pag-aaruga ng nanay ko. Nang mapagtanto na mali ang aking kalagayan, hinanap ko ang mga salita ng Diyos para basahin.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Ikaw ba ang nagpasyang ipanganak ka nila, o ang iyong mga magulang ba ang nagpasya na ipanganak ka? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, hindi mga tao ang dapat gumawa ng pagpili rito. Hindi mo pinili na ang mga magulang mo ang magsilang sa iyo, at hindi rin nila ito pinili. Kung titingnan ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, ito ay ang kanilang subhetibong kagustuhan na magkaroon at magpalaki ng mga anak. Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang at pagpapalaki sa iyo, ang iyong mga magulang ang pawang may kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka. Pasibo kang isinilang sa kanila. Wala kang naging anumang pagpili sa usapin. Kaya, sapagkat pawang ang mga magulang mo ang may kapangyarihan, at dahil isinilang ka nila, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na palakihin ka hanggang sa hustong gulang. Ito man ay pagbibigay sa iyo ng edukasyon, o pagtutustos sa iyo ng pagkain at pananamit, ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na alagaan ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibong pinalalaki ng iyong mga magulang. Paano ka man pinalaki ng iyong mga magulang, hindi ikaw ang magpapasya roon. Kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay nagkaroon ka ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa tinapay at tubig, kung gayon, nabubuhay ka sa tinapay at tubig. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, pagdating sa mga tao, metikuloso ka mang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka man nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang pakay nila sa pagpapalaki sa iyo, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at nilalagyan ito ng pataba, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, mas lalong lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang kasingganda kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas! Sa anumang uri ng pamilya isinilang ang isang tao, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang taong nagtataglay ng buhay, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan ang mga tao na mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilalang. Sadya lamang na bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat ay lumaki ka sa kapaligirang iyon. Na isinilang ka sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; na pinalaki ka ng mga magulang mo hanggang sa hustong gulang ay dahil din sa pag-orden ng Diyos. Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)). “May kasabihan sa mundong walang pananampalataya: ‘Pinapakain ng mga uwak ang kanilang matatandang ina at ang mga tupa ay lumuluhod para dumede.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang suwail na anak ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binanggit sa unang kasabihang—‘Pinapakain ng mga uwak ang kanilang matatandang ina at ang mga tupa ay lumuluhod para dumede’—ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayumpaman, ang mga ito ay penomena lamang na matatagpuan sa loob ng mundo ng mga buhay na nilalang. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao, ay sumusunod sa batas na ito, at higit itong nagpapatunay na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Tingnan mo, ang mga leon at tigre ay mga napakabangis na karniboro, pero inaalagaan ng mga ito ang mga supling at hindi kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay instinto ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong instinto. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na magparami at patuloy na mamuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa isang instinto at batas na tulad nito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o kung hindi umiiral ang batas at instinto na ito, hindi sila makakapag-anak at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Na pinapakain ng mga uwak ang kanilang matatandang ina at ang mga tupa ay lumuluhod para dumede ay tumpak na nagpapatunay na ang mundo ng mga buhay na nilalang ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong instinto. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga anak, maingat at masigasig na pinapalaki ang mga ito. Mas lalong dapat na totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala silang ganitong instinto, kung gayon, ang mga tao ay mas masahol kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatwid, gaano ka man inalagaan ng iyong mga magulang o gaano man nila ginampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo habang pinapalaki ka nila, ginagawa lang nila ang isang bagay na dapat gawin ng isang nilikha—instinto nila ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)).
Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, medyo naliwanagan ang puso ko. Ang pagpapalaki ng mga supling ay isang instinto na ipinagkaloob ng Diyos sa mga nabubuhay na nilalang; isa itong batas ng buhay na itinatag ng Diyos para sa lahat ng nabubuhay na nilalang. Sinusunod ng parehong mababangis at maaamong hayop ang gayong mga batas, at sa ganitong paraan, ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay patuloy na nakakapagparami at nananatiling buhay. Dahil pinili ng mga magulang na magkaanak, dapat nilang akuin ang responsabilidad at obligasyon na palakihin at alagaan ang mga ito. Pagsunod at pag-ayon ito sa mga batas na inorden ng Diyos; ito ang likas na tungkulin ng mga magulang, at hindi dapat ito ituring bilang isang kabaitan na ipinapataw sa kanilang mga anak. “Pinapakain ng mga uwak ang kanilang matatandang ina at ang mga tupa ay lumuluhod para dumede” ay isang batas lang na itinakda ng Diyos para sa mga nilalang na ito, isang likas na gawi ng mga nilalang. Hindi ito, gaya ng itinuturo ng mga tao, isang pagpapamalas ng pagpapakabuting-anak ng mga hayop sa kanilang mga magulang at pagsusukli sa kabutihan ng mga ito. Dagdag pa rito, sa panlabas, mukhang inaalagaan at pinapalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak, pero sa realidad, sa likod ng lahat, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa kapalaran ng bawat tao. Hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa isang bagay na minsang ikinuwento sa akin ng nanay ko. Bago ako ipanganak, nagkaroon siya ng anak na babae, na biglang nagkasakit at pumanaw sa edad na 3. Ang ate ko, na hindi ko kailanman nakilala, ay inalagaan din ng nanay ko nang buong puso. Pero, kalunos-lunos na pumanaw siya nang bata pa, habang ako naman ay nagawang lumaki nang malusog hanggang ngayon. Kahit iisa lang ang nanay namin, magkaibang-magkaiba ang mga kapalaran namin. Lalo nitong ipinakita sa akin na ang kapalaran ng tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at ang mga magulang ay responsable lamang sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang mga anak, pero hindi nila kayang kontrolin o baguhin ang kapalaran ng kanilang mga anak. Naisip ko kung paano ako nakaranas ng napakaraming paghihirap at kabiguan sa mga taon mula nang umalis ako sa bahay. Napakaraming beses na pakiramdam ko ay hindi ko na kayang magpatuloy, at ang Diyos ang patuloy na gumagabay at tumutulong sa akin. Naalala ko ang isang panahon na napakasama talaga ng kalagayan ko, pero ang Diyos, sa pamamagitan ng mga kapatid, ay matiyagang nakipagbahaginan ng katotohanan sa akin, tinulungan at sinuportahan ako, at saka lang unti-unting nagising ang manhid kong puso, at nagsimula akong magnilay sa aking sarili at bumalik sa Diyos. Maingat na isinaayos ng Diyos ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay ayon sa aking mga pangangailangan, hindi lang ibinigay ang mga materyal kong pangangailangan kundi naging responsable rin sa buhay ko. Sa pag-iisip sa pag-ibig ng Diyos, sobrang naantig ang puso ko. Pero naimpluwensiyahan at nalinlang ako ng mga maling kaisipan ni Satanas, kinikilala na ang lahat ng natanggap ko mula sa Diyos mula pagkabata ay dahil sa mga pagsisikap ng nanay ko, iniisip na kung hindi dahil sa pag-aalaga niya, hindi sana ako magiging kung sino ako. Kaya ginusto kong isuko ang mga tungkulin ko para umuwi at alagaan siya. Hindi lang nito naapektuhan ang sarili kong kalagayan kundi pati na rin ang mga resulta ng tungkulin ko. Kung hindi dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, patuloy pa rin akong maniniwala sa maling ideyang ito, nagdurusa sa pasakit at pagpapahirap. Nang mapagtanto ko ito, gumaan ang pakiramdam ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at naging mas malinaw sa akin kung paano tatratuhin ang ating mga magulang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi mo kailangang palaging pag-isipan kung paano mo sila dapat suklian dahil lang pinalaki ka nila sa loob ng napakaraming taon, at kung hindi mo sila masusuklian, kung wala sa iyo ang oportunidad o ang mga kondisyon para masuklian sila, hindi ka dapat palaging malungkot at makonsensiya, at malungkot pa nga sa tuwing nakakakita ka ng isang tao na kasama ang kanyang mga magulang, inaalagaan ang mga ito at nagiging mabuting anak sa mga ito. Inorden ng Diyos na palakihin ka ng iyong mga magulang, pero hindi para gugulin mo ang iyong buhay sa pagsukli sa kanila. Sa buhay na ito ay mayroon kang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin, at isang landas na dapat mong tahakin; mayroon kang sarili mong buhay. Sa buhay mo, hindi mo dapat ibuhos ang lahat ng iyong lakas sa pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang at sa pagsukli sa kabutihan nila. Ang pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang ay isang bagay lang na kasama mo sa iyong buhay. Isa itong bagay na hindi maiiwasan sa mga mapagmahal na ugnayan ng mga tao. Ngunit tungkol sa kung anong uri ng koneksiyon ang nakatadhana na magkaroon kayo ng iyong mga magulang at kung gaano kayo katagal mamumuhay nang magkasama, nakasalalay ito sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung pinamatnugutan at isinaayos ng Diyos na magiging nasa magkaibang lugar kayo ng iyong mga magulang, na magiging napakalayo mo sa kanila at hindi makakapamuhay nang magkasama, kung gayon, ang pagtupad sa responsabilidad na ito, para sa iyo, ay isang uri lamang ng pananabik. Kung isinaayos ng Diyos na ang tirahan mo ay maging napakalapit sa iyong mga magulang, at na magagawa mong manatili sa tabi nila, kung gayon, ang pagtupad sa ilang responsabilidad sa iyong mga magulang at ang pagpapakita sa kanila ng pagkamabuting anak ay mga bagay na dapat mong gawin—walang anumang bagay na mapupuna tungkol dito. Ngunit kung nasa ibang lugar ka mula sa iyong mga magulang, at wala sa iyo ang pagkakataon o mga tamang sitwasyon para tuparin ang iyong tungkulin na maging mabuting anak, kung gayon, hindi mo ito kailangang ituring bilang isang kahiya-hiyang bagay. Ang pagkabigo mo na tuparin ang tungkulin mo na maging mabuting anak ay hindi nangangahulugan na naagrabyado mo ang mga magulang mo; sadyang hindi lang ito pinahihintulutan ng iyong sitwasyon. Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Kung ang iniintindi mo lang ay ang pagsukli sa kabutihan ng mga magulang mo, makakahadlang ito sa maraming tungkuling nararapat mong gawin. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay mo, at ang mga tungkuling ito na nararapat mong gawin ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, at ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagsukli sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo na gawin ito. Kung hindi mo kayang tuparin ang responsabilidad mo para magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang kahindik-hindik na pagkakamali, medyo lumalabag lang ito sa iyong konsensiya at katarungang moral, at ikaw ay pupunahin ng ilang tao—iyon lang. Pero kahit papaano, hindi ito salungat sa katotohanan. Kung ito ay alang-alang sa paggawa ng tungkulin mo at pagsunod sa kalooban ng Diyos, sasang-ayunan ka pa nga ng Diyos. Samakatwid, tungkol sa pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang, hangga’t nauunawaan mo ang katotohanan at nauunawaan ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kahit na hindi ka tinutulutan ng mga kondisyon mo na maging mabuting anak sa iyong mga magulang, hindi makakaramdam ng pang-uusig ang konsensiya mo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ay dumarating sa mundong ito na may sariling misyon, at ang pagiging magalang sa magulang at pagsusukli sa kabutihang-loob ng kanilang pag-aaruga ay walang kinalaman sa misyon ng isang tao. Kung nakatira tayo kasama ng ating mga magulang, kung gayon, ang pag-aalaga at pagiging magalang sa kanila sa abot ng ating makakaya ang dapat nating gawin. Pero kung hindi ito pinahihintulutan ng sitwasyon at hindi tayo nakatira nang kasama sila, hindi tayo dapat makonsensiya o magkautang na loob sa kanila dahil hindi natin sila maalagaan, at sa halip ay dapat muna nating unahin ang ating mga tungkulin. Inaresto ako ng pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo, at may rekord na ako sa pulisya ngayon. Naisip ko, “Kung uuwi ako ngayon, para na rin akong naglakad papasok sa isang patibong. Huwag nang pag-usapan ang pag-aalaga sa nanay ko, baka pati ang sarili kong kaligtasan ay malagay sa panganib.” Sa ganitong mga sitwasyon, hindi ako maaaring umuwi, kaya dapat kong pakalmahin ang puso ko at gawin nang maayos ang mga tungkulin ko. Ito ang pinakamahalaga. Dahil tumatanda na ang nanay ko, normal na bahagi na ng buhay ang pagkakasakit at kamatayan. Hindi ko siya kayang alagaan o maging magalang sa kanya, at kahit may kaunti akong panghihinayang, handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Itinakda na ng Diyos ang kapalaran ng lahat, at ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan ay nasa mga kamay ng Diyos. Gaano man ako mag-alala at mabahala para sa kanya, kahit pa samahan ko siya at alagaan, hindi ko mababago ang kapalaran ng nanay ko. Matapos kong maunawaan ang mga ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, ang sakit ng nanay ko ay nasa Iyong mga kamay, at kung siya ay mabubuhay o mamamatay ay nasa Iyong mga kamay. Ang bilang ng taon na mabubuhay siya ay pauna Mo nang itinadhana, at handa akong ipagkatiwala ang nanay ko sa Iyong mga kamay. Anuman ang kalalabasan, handa akong tanggapin at magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Pagkatapos manalangin, labis na napanatag at lumuwag ang pakiramdam ng puso ko, at hindi na ako nag-alala tungkol sa bagay na ito. Napanatag ko na ang aking puso at nagawa ko na ang aking mga tungkulin. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Miaoxiao, TsinaLumaki ako sa isang mahirap na pamilyang magsasaka. Inampon ako ng mga magulang ko noong halos kuwarenta anyos na sila....
Ni Wang Tao, TsinaNoong tatlong taong gulang ako, nagdiborsyo ang aking mga magulang dahil sa kanilang emosyonal na hindi pagkakatugma, at...
Ni Zhang Meng, Tsina Nagkasakit at namatay ang ama ko bago pa man ako mag-isang taong gulang. Kinailangan ng nanay ko na magkaroon ng...
Ni Jiang Xiao, TsinaNoong bata pa ako, medyo mahirap ang aking pamilya. Nagtrabaho nang mabuti ang mga magulang ko para kumita ng pera...