Ang Paghahanap sa Iyong Lugar ang Susi

Disyembre 11, 2024

Ni Zhou Yuqi, Tsina

Gumawa ako ng pangkalahatang gawain sa iglesia. Minsan, sa isang kwentuhan, narinig kong sinabi ng isang lider ng iglesia, “Mahusay ang kakayahan ni Sister Zhen Xin, ganap niyang nauunawaan ang mga bagay-bagay, at praktikal siyang nagbabahagi ng katotohanan. Plano ko siyang linangin para gumawa ng gawain sa pagdidilig.” Nahalal bilang lider si Zhen Xin hindi nagtagal pagkatapos niyon. Nang mabalitaan ko ito, hindi ko mapigilang masiraan ng loob. Dati, pareho kaming gumagawa ng pangkalahatang gawain ni Sister Zhen Xin, pero ngayon, naging lider na siya, samantalang gumagawa pa rin ako ng pangkalahatang gawain. Bakit ba kulang na kulang ako? Talagang nalungkot ako buong umaga, at wala sa aking tungkulin ang isip ko. Kalaunan, inilipat si Sister Zhen Xin sa malayo, at tinanong ng lider kung gusto kong pangasiwaan ang dating trabaho ni Sister Zhen Xin, at kasabay niyon, maging superbisor ng pangkalahatang gawain. Noong panahong iyon, medyo nalungkot ako. Kahit na makukuha ko ang titulo ng superbisor, pangkalahatang gawain pa rin lang iyon. Gaano man kahusay ang paggawa ko roon, walang makaaalam, hindi tulad ng pagiging lider, isang tao na pinagtutuunang linangin ng iglesia at na tinitingala at sinusuportahan ng lahat ng kapatid. Pakiramdam ko ay mas mababa ang pangkalahatang gawain, kaya ayaw ko talaga iyong tanggapin. Naisip ko, “Kung tatanggapin ko ang tungkuling ito, ano ang iisipin sa akin ng aking mga kapatid? Iisipin kaya nilang ilang taon na akong sumasampalataya sa Diyos nang hindi naghahangad ng katotohanan o nagkakaroon ng pag-usad, na dahilan kung bakit noon pa man ay pangkalahatang gawain na ang ginagawa ko? Masyadong nakahihiya iyon!” Pero nang isipin ko ulit, napunta sa akin ang tungkuling ito nang may pahintulot ng Diyos. Kahit na hindi ito nakaayon sa aking mga ninanais, kailangan kong magpasakop at hindi kumilos mula sa personal na kagustuhan, kaya atubili kong sinagot ang aking lider na payag akong tanggapin ang tungkuling ito.

Pagkalipas ng ilang panahon, narinig kong sinabi ng lider, “Mahusay ang kakayahan ni Brother Shang Jin, at sa kaunting pagsisikap sa kanyang pagpasok sa buhay, malilinang siya.” Pagkarinig ko rito, lalong bumigat ang loob ko. Ako ang nangangasiwa sa gawain ni Shang Jin, at kahit siya ay isang taong gustong linangin ng lider, kaya bakit walang sinuman ang nagbabanggit sa pangalan ko? Ako ang nangangasiwa sa gawain niya, pero hindi ako napromote, hindi talaga ako umuusad. Ano ang magiging tingin sa akin ng iba? Ganoon ba talaga ako kapalpak? May kakayahan akong pangasiwaan ang gawain, alamin ang mga problema, at lutasin ang mga problema. Minsan, kapag nagtatalakay ang lider ng mga bagay-bagay, nagagawa kong magpahayag ng ilang opinyon at magbigay ng mga mungkahi. Bakit hindi makita ng lider ang aking mga kalakasan? Magiging masaya sana ako kung babanggitin ng lider ang pangalan ko at sasabihing nararapat ako sa pagtataas ng ranggo, pero kailangan ako para mangasiwa ng pangkalahatang gawain. Mapatutunayan nitong hindi ako ganoon kapalpak, at mas gagaan ang loob ko. Noong mga panahong iyon, kapag naiisip ko iyon, sumasama nang husto ang loob ko. Lubos akong nanamlay, ayaw kong makipag-usap sa aking mga kapatid, at hindi ako nagdala ng pasanin sa aking tungkulin. Kapag nag-uulat sa akin ng mga problema ang iba, hindi ko pinag-iisipan ang mga problema nang kasing-ingat na tulad ng dati.

Minsan, pinadalhan ako ng superbisor ko ng liham, ipinapaasikaso sa akin ang ilang gawain, pero hindi ko binigyang-pansin ang mga nilalaman ng liham, na nakaapekto sa gawain ko. Isang araw, inutusan ako ng lider na maghatid ng isang bagay sa isang pagtitipon ng grupo ni Zhen Xin. Nang marinig ko ito, nag-alangan akong pumunta, dala ng takot sa iisipin sa akin ni Zhen Xin. Pareho ang tungkuling ginagawa namin noon, pero ngayon, napromote na siya, pero gumagawa pa rin ako ng pangkalahatang gawain. Bababa ba ang tingin niya sa akin at iisiping wala akong pakinabang? Pero nag-alala akong makaaapekto sa gawain kung hindi ako pupunta, kaya kinailangan kong piliting harapin iyon. Pagdating ko roon, para hindi ako makilala ni Zhen Xin, tumungo ako at sumubsob sa telepono ko sa loob ng mahigit kalahating oras. Sa panahong ito, kinausap ako ng ilang kapatid, pero hindi ako nangahas na magtaas ng ulo sa takot na makilala ako ni Zhen Xin. Noong sandaling iyon, pakiramdam ko’y wala akong pakinabang. Sa sobrang sama ng loob ko ay naiiyak na ako. Hindi ko mapigilang tumakbo sa ibang kwarto, tumingin sa panggabing langit, at tahimik na umiyak. Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos, pero pakiramdam ko’y hindi ako pinahahalagahan ng aking lider. Habang ang iba ay nagiging lider, ako naman ay hindi makaalis sa paggawa ng pangkalahatang gawain. Ano ang saysay na mabuhay nang ganito? Nagulat ako nang mamalayan kong ganito ang iniisip ko. Paano ko nagawang magkaroon ng gayong mga saloobin? Noong sandaling iyon, bahagya kong naalala ang mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. … Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan.” Inilarawan ng salita ng Diyos ang aking kalagayan, kaya hinanap ko ang siping ito at binasa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, nalaman ko na sa lahat ng kanilang ginagawa, unang isinasaalang-alang ng mga anticristo ang sarili nilang katanyagan at katayuan, hindi nila kailanman isinusuko ang paghahangad sa kasikatan at katayuan, at para sa kanila, kasing importante ng sarili nilang buhay ang katayuan. Pinagnilayan ko ang aking sarili: “Bakit ba kahit kailan ay ayaw kong gumawa ng pangkalahatang gawain? Bakit ba masyado kong iniisip ang pagiging lider?” Napagtanto ko na ang pangunahing dahilan ay na pakiramdam ko, may katayuan ang mga lider. Hindi lang sila hinangaan at sinang-ayunan ng mga kapatid, labis pa silang pinahalagahan ng mga nakatataas na lider, at pinagtuunan ng iglesia ang paglinang sa kanila. Pakiramdam ko ay magandang maging lider, na magawang ipakita ang sarili ko at makakuha ng pagsang-ayon ng lahat, at na maituturing lang akong matagumpay kung magiging lider ako. Pakiramdam ko rin ay paggawa ng panlabas na gawain ang paggawa ng pangkalahatang gawain, na tanging ang mga hindi naghahangad ng katotohanan ang gumawa ng gayong mga tungkulin, at na minaliit sila ng iba. Dahil sa mga maling ideyang ito, nang makita kong ipinopromote ang lahat ng nasa paligid ko maliban sa akin, labis akong nasaktan, at gusto kong banggitin ng lider ang pangalan ko. Pero nang ipinromote ng lider ang iba sa halip na ako, labis akong naging miserable kaya ayaw ko nang makita ang kahit sino, at wala na akong anumang kagustuhang gawin ang aking tungkulin. Ang saklap na araw-araw akong pinahihirapan ng katanyagan at katayuan, hanggang sa puntong pakiramdam ko ay wala nang saysay ang mabuhay. Hindi ba’t ang paghahangad sa katanyagan at katayuan nang ganito ay pagtahak sa parehong landas ng isang anticristo? Nang mapagtanto ko ito, natakot ako, kaya agad akong nagdasal sa Diyos para magsisi, “Diyos ko, masyadong matindi ang pagnanasa ko sa katanyagan at katayuan. Ayaw kong mabuhay sa mapaghimagsik na kalagayang ito. Pakiusap, patnubayan Mo ako sa pagpapalaya sa aking sarili mula sa mga gapos ng kasikatan at katayuan.”

Isang araw, habang binabasa ko ang salita ng Diyos, nagbago nang kaunti ang mga pananaw ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Gusto ba ninyo palaging ibuka ang inyong mga pakpak at lumipad, nais ba ninyong lumipad nang mag-isa, na maging isang agila sa halip na isang munting ibon? Anong disposisyon ito? Ito ba ang prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang inyong paghahangad sa pag-uugali ng tao ay dapat batay sa mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan. Lubha na kayong nagawang tiwali ni Satanas, at lagi ninyong itinuturing ang tradisyunal na kultura—ang mga salita ni Satanas—bilang katotohanan, bilang pakay ng inyong paghahangad, na ginagawang madali para sa inyo na tumahak sa maling landas, na tumahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Ang mga kaisipan at pananaw ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga bagay na pinagsusumikapan nila ay salungat sa mga pagnanais ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa Kanyang pangangasiwa sa lahat ng bagay, at sa Kanyang kontrol sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya gaano man kawasto at kamakatwiran ang ganitong klase ng paghahangad ayon sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tao, hindi positibong bagay ang mga ito sa pananaw ng Diyos, at hindi naaayon sa Kanyang mga layunin ang mga ito. Dahil nilalabanan mo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan, at dahil nais mong mag-solo, na inilalagay ang iyong kapalaran sa sarili mong mga kamay, lagi kang nauumpog sa pader, na sa lakas ay nagdurugo ang ulo mo, at walang magandang nangyayari sa iyo. Bakit walang nangyayaring maganda sa iyo? Dahil ang mga batas na itinakda ng Diyos ay hindi mababago ng sinumang nilalang. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay nangingibabaw sa lahat ng iba pa, hindi malalabag ng sinumang nilalang. Masyadong mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang mga abilidad. Ano ba ang palaging nagpapanais sa mga tao na maging malaya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palaging nagpapanais sa kanilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran at planuhin ang sarili nilang kinabukasan, at nagpapanais na kontrolin ang kanilang mga inaasam, direksyon, at mithiin sa buhay? Saan nanggagaling ang simulang ito? (Sa isang tiwaling satanikong disposisyon.) Ano kung gayon ang idinudulot ng tiwaling satanikong disposisyon sa mga tao? (Pagsalungat sa Diyos.) Ano ang dumarating sa mga taong sumasalungat sa Diyos? (Pasakit.) Pasakit? Ito ay pagkawasak! Ang pasakit ay wala pa sa kalahati nito. Ang nakikita mismo ng iyong mga mata ay pasakit, pagiging negatibo, at kahinaan, at paglaban at mga reklamo—ano ang kalalabasan nito? Pagkalipol! Hindi ito maliit na bagay, at hindi ito biro. Hindi ito nakikita ng mga taong walang pusong may-takot-sa-Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan). Katulad ako ng inihayag ng salita ng Diyos. Ginusto kong maging isang agila, hindi isang ibon, at inakala kong naging ibon ako dahil sa pangkalahatang gawain, isang taong hindi karapat-dapat linangin at na minamaliit lang. Ang mga lider, para sa akin, ay parang mga agila. May potensyal sila, at pinahahalagahan at tinitingala ng iba. Namumuhay ako ayon sa “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” “Dapat magsikap ang mga tao na magkaroon ng dignidad,” at iba pang gayong mga satanikong lason. Inisip ko na para magkaroon ng magandang buhay, kailangan ng mga taong umangat nang umangat, at kung mas mataas ang katayuan mo ay mas mabuti, kung hindi ay namumuhay ka ng walang saysay na buhay. Sa ilalim ng kontrol ng mga maling ideyang ito, hindi ko magawa ang aking tungkulin sa isang praktikal na paraan, at palagi kong hinahangad na maging lider para tingalain ako ng mga tao. Nang makita kong napipili bilang mga lider ang mga kapatid na nasa paligid ko, naging miserable ako, hindi ko iyon matanggap, at lumaban ako. Naisip ko, “Hindi naman nalalayo ang galing ko sa kahit kanino. Bakit pwedeng maging lider ang ibang tao, pero hindi ako makaalis sa paggawa ng pangkalahatang gawain?” Nagsimula akong magreklamo laban sa Diyos at inisip kong hindi hinangad ng mga taong gumawa ng pangkalahatang gawain ang katotohanan, kaya namuhay ako sa pagiging negatibo at nagsimulang iraos lang ang bagay-bagay at naging pabaya sa aking tungkulin, na nakaapekto sa aking gawain. Nasaan ang aking katapatan at pagpapasakop sa Diyos? Napakataas ng ambisyon ko! Alam kong ang kakayahan ng bawat tao at ang mga tungkuling kanilang ginagampanan ay pauna nang itinalagang lahat ng Diyos, pati na ang tungkuling kasalukuyan kong ginagampanan, kaya dapat akong tumanggap at magpasakop. Pakiramdam ko palagi na walang nagpapahalaga sa akin sa paggawa sa pangkalahatang gawain, at naging miserable ako, pero dahil iyon sa mga mali kong pananaw sa paghahangad at sa kawalan ko ng kakayahang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalagang Diyos. Hindi ko nagawang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, negatibo ako, at nagrereklamo. Sa diwa, tumututol, lumalaban, at nagrerebelde ako sa Diyos. Kung magpapatuloy ako nang ganito, mauuwi lang ako sa impiyerno.

Pagkatapos nun, nakabasa ako ng dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Kung may pagpapahalaga ka sa pasanin sa gawain ng iglesia, at nais makilahok doon, mabuti ito; ngunit dapat mong pagnilayan kung nauunawaan mo ba ang katotohanan, kung nagagawa mo bang magbahagi sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, kung nagagawa mo bang tunay na magpasakop sa gawain ng Diyos, at kung nagagawa mo bang isagawa nang maayos ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung nakakatugon ka sa mga pamantayang ito, maaari kang tumakbo upang maging lider o manggagawa. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito ay na kahit paano, dapat magkaroon ng kamalayan sa sarili ang mga tao. Tingnan muna kung kaya mong kilatisin ang mga tao, kung kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at magawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Kung natutugunan mo ang mga hinihinging ito, angkop kang maging lider o manggagawa. Kung wala kang kakayahang suriin ang sarili mo, maaari mong tanungin ang mga tao sa paligid mo na pamilyar sa iyo o malapit sa iyo. Kung sinasabi nilang lahat na hindi sapat ang kakayahan mo para maging isang lider, at na sapat na ang paggawa mo lang nang maayos sa kasalukuyan mong gawain, kung gayon ay dapat mong agad na kilalanin ang iyong sarili. Dahil mahina ang kakayahan mo, huwag gugulin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider—gawin mo lamang ang kaya mo, gawin nang maayos ang iyong tungkulin, nang praktikal, upang magkaroon ka ng kapayapaan ng isipan. Mabuti rin ito. At kung kaya mong maging lider, kung talagang taglay mo ang gayong kakayahan at talento, kung taglay mo ang kakayahan sa gawain, at nakararamdam ka ng pasanin, ikaw tiyak ang uri ng taong may talento na kulang sa sambahayan ng Diyos, at siguradong maitataas ka ng ranggo at malilinang; ngunit may oras ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang hiling na ito—ang hiling na maitaas ang ranggo—ay hindi ambisyon, kundi dapat taglay mo ang kakayahan, at pasado ka sa mga pamantayan, para maging lider. Kung mahina ang iyong kakayahan subalit ginugugol mo pa rin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider, o tumanggap ng ilang mahahalagang gawain, o maging responsable sa pangkalahatang gawain, o gumawa ng isang bagay na nagtutulot sa iyo na maitangi ang iyong sarili, sinasabi Ko sa iyo: Ito ay ambisyon. Maaaring magdala ng sakuna ang ambisyon, kaya dapat kang mag-ingat dito. Lahat ng tao ay may pagnanais na umusad at handang magpunyagi tungo sa katotohanan, na hindi naman problema. Ang ilang tao ay may kakayahan, pumapasa sa pamantayan ng pagiging lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuti ito. Ang iba ay walang kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gawin nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). “Ang mga tao ay dapat magkaroon ng tamang pag-unawa at saloobin sa pagtataas ng ranggo at paglilinang; sa mga bagay na ito, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi sundin ang sarili nilang kagustuhan, o magkaroon ng mga ambisyon at pagnanais. Kung pakiramdam mo ay mahusay ang kakayahan mo ngunit hindi ka pa naitaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos kahit kailan, ni wala silang anumang planong linangin ka, huwag kang madismaya o magsimulang magreklamo, tumuon ka lamang sa paghahangad sa katotohanan at pagpupunyagi. Kapag nagkaroon ka na ng kaunting tayog at kaya mo nang gumawa ng tunay na gawain, natural na pipiliin kang maging lider ng mga taong hinirang ng Diyos. At kung pakiramdam mo ay mahina ang kakayahan mo, at na wala kang tsansang maitaas ng ranggo o malinang, at na imposibleng makamtan ang iyong mga ambisyon, hindi ba mabuti ito? Poprotektahan ka nito! Dahil mahina ang iyong kakayahan, kung makatagpo ka ng isang grupo ng mga bulag na magulo ang isip na pinipili kang maging kanilang lider, hindi ba’t malalagay ka sa panganib? Hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain at bulag ang iyong mga mata at isipan. Lahat ng ginagawa mo ay panggagambala; bawat galaw mo ay paggawa ng masama. Mas mabuti pang gawin mo nang maayos ang gawain ng kasalukuyan mong tungkulin; kahit paano ay hindi mo maipapahiya ang sarili mo, at mas mabuti iyon kaysa maging isang huwad na lider at maging puntirya ng pagpupuna kapag walang nakakarinig. Bilang isang tao, dapat mong sukatin ang iyong sarili, dapat may kaunti kang kamalayan sa sarili; kung magkagayon, maiiwasan mong tumahak sa maling landas at gumawa ng malulubhang pagkakamali(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napukaw ako. Noon pa man ay pakiramdam ko nang mas magaling ako sa mga kapatid na nasa paligid ko, at gusto kong maging isang lider, pero nararapat ba talaga akong maging isang lider? Talaga bang may kakayahan ako para maging isang lider? Ang mga lider ay dapat hinahangad ang katotohanan, may kakayahang magtrabaho, at may mabuting pagkatao. Hindi pwedeng maging lider ang kahit sino lang. Kung wala sa iyo ang mga kwalipikasyon para maging isang lider at hindi mo kayang gumawa ng totoong gawain, kahit na maging lider ka, hindi ka magtatagal bilang lider, at ang ilang tao ay nabubunyag na mga huwad na lider. Ang totoo ay nakapagsilbi na ako dati bilang lider ng iglesia, pero dahil mababa ang kakayahan ko at mahina ang abilidad ko sa trabaho, hindi ako nakagawa ng totoong gawain, at hindi ko nalutas ang mga problema at paghihirap ng iba, na nakapinsala sa kanilang pagpasok sa buhay at nakasira sa gawain ng iglesia, kaya sa huli ay natanggal ako. Pagdating sa kakayahan at abilidad sa trabaho, hindi talaga ako kwalipikadong maging lider. Kung ihahambing, magaling ako sa pangkalahatang gawain, kaya kong gumawa ng kaunting totoong gawain sa departamentong iyon, at hindi iyon masyadong nakaka-stress. Isinasaayos ng iglesia ang gawain batay sa kakayahan at kalakasan ng bawat tao. Pinahihintulutan nito ang mga taong gampanan nang normal ang kanilang tungkulin at kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Pero hindi ko alam ang sarili kong kwalipikasyon. Malinaw na wala akong kakayahan at mga kwalipikasyon para maging isang lider, pero pakiramdam ko pa rin ay may talento ako at nakatataas sa iba. At gusto ko palaging mapromote. Nang makita kong ipinopromote ng lider ang iba maliban sa akin, nagreklamo ako na hindi ako binibigyang-pansin ng lider, iniraos ko lang ang tungkulin ko, at mapanlaban at negatibo ako sa Diyos. Napakayabang ko, at wala talaga akong anumang katwiran! Nang mapagtanto ko ito, labis akong nakonsensya, at nagawa kong harapin nang tama ang aking kasalukuyang tungkulin, at handa na akong tumayo sa sarili kong lugar at gawin ang aking tungkulin sa isang praktikal na paraan.

Kalaunan, napakinggan ko ang isang himno ng salita ng Diyos “Isa Lamang Akong Napakaliit na Nilikha”:

1  Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na mapagpasakop sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga.

2  Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilikha. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilikha. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilikha. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilikha. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilikha.

3  Isa lamang akong napakaliit na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong panghambing dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Habang pinagninilayan ko ang mga liriko, sumaya ang aking puso. Ang aking katayuan, mataas man o mababa, ay pauna nang itinalaga ng Diyos, at may katayuan man ako o wala, isa akong nilikha. Isa akong nilikha kung mataas ang katayuan ko, at isa pa rin akong nilikha kung mababa ang katayuan ko. Hindi kailanman magbabago ang aking diwa. Isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng pangkalahatang gawain, kaya dapat akong tumayo sa lugar ko, gamitin nang lubos ang aking mga kalakasan, at gawin ang aking makakaya para magawa nang maayos ang gawain. Ito ang aking obligasyon bilang isang nilikha. Sa isiping ito, pakiramdam ko ay napalaya ako, at tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Ayaw ko nang maging negatibo at kontrahin Ka dahil lang sa antas ng tungkulin ko. Anuman ang aking katayuan, gusto ko lang na taimtim na tuparin ang tungkulin ng isang nilikha para mapalugod Ka.” Pagkatapos nun, hindi ko na nilalabanan ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos. Pinag-isipan ko kung paano gagawin nang mabuti ang kasalukuyan kong tungkulin, at ginampanan ang aking gawain sa isang praktikal na paraan. Sa pagsasagawa nang ganito, naging panatag na panatag ako.

Kalaunan, nagnilay ako at napagtanto kong may isa pang dahilan kung bakit ayaw ko ng pangkalahatang gawain, iyon ay dahil mayroon akong katawa-tawa at wala sa katwirang pananaw sa pangkalahatang gawain. Akala ko, hindi naghangad sa katotohanan ang mga taong gumawa ng pangkalahatang gawain, na mas mababa sila at walang pag-asang maligtas, at na ang mga tao lang na itinaas ang ranggo sa mahahalagang tungkulin ang naghangad ng katotohanan, at may pag-asang maligtas. Nakabasa ako ng dalawang sipi ng salita ng Diyos na tumatalakay sa maling pananaw na ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na magtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gawain na nangangailangan ng pagtutulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin. … Kahit ano pa ang iyong tungkulin, ito ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Minsan ay maaaring hinihingi sa iyo na bantayan o pangalagaan mo ang isang mahalagang bagay. Maaaring ito ay isang medyo maliit na bagay na masasabi lamang na iyong responsabilidad, subalit isa itong gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos, tinanggap mo ito mula sa Kanya. Tinanggap mo ito mula sa mga kamay ng Diyos, at ito ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Hindi totoo na ang mga tao ay nagiging taong nagtataglay ng mga katotohanang realidad sa sandaling simulan nilang gawin ang kanilang tungkulin. Ang pagsasagawa ng tungkulin ay isang pamamaraan at isang daanan lamang. Sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin, ginagamit ng mga tao ang paghahangad sa katotohanan para maranasan ang gawain ng Diyos, unti-unting maunawaan at matanggap ang katotohanan, at pagkatapos ay maisagawa ang katotohanan. Pagkatapos ay nararating nila ang isang kalagayan kung saan iwinawaksi nila ang kanilang tiwaling disposisyon, tinatanggal ang mga gapos at pagkontrol ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at sa gayon ay nagiging isang tao sila na may katotohanang realidad at isang taong may normal na pagkatao. Kapag mayroon kang normal na pagkatao, saka lamang magpapasigla sa mga tao at magpapalugod sa Diyos ang pagganap mo sa iyong tungkulin at ang iyong mga pagkilos. At kapag sinasang-ayunan ng Diyos ang mga tao para sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, saka lamang sila magiging katanggap-tanggap na nilikha(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit). Binaliktad ng salita ng Diyos ang nakalilinlang na pananaw ko sa aking tungkulin. Natutuhan kong ang mga tungkulin ay nagmumula sa gawain ng pamamahala ng Diyos para magligtas ng mga tao, at walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababa o malaki at maliit. Anuman ang tungkulin, obligasyon at responsabilidad natin iyon, at dapat nating gawin ang ating makakaya para matamo ito. Kung gusto nating umusad nang maayos ang gawain ng iglesia, kinakailangan nito ang pagtutulungan natin sa paggawa ng bawat tungkulin. Bawat tungkulin ay kailangang-kailangan. Noon, hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Sinunod ko ang mga kuru-kuro ko, iniisip na ang mga pangkalahatang gawain ay mababa at na wala akong pag-asang matanggap ang pagliligtas. Iyon at lubos na maling pagkaunawa sa Diyos. Sa totoo lang, kung maliligtas ang isang tao ay walang kinalaman sa katayuan o tungkulin nito. Hindi totoo na magtataglay ka ng katotohanan at maliligtas ka sa pagiging isang lider. Kahit na maraming taon ka nang lider, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos. Naisip ko ang mga anticristo at huwad na lider na nabunyag. Nilinang sila ng iglesia para sa mahahalagang tungkulin, pero hindi nila hinangad ang katotohanan sa kanilang mga tungkulin. Naghangad sila ng katanyagan at katayuan, gumawa ng personal na proyekto, at naging mapanlaban sa Diyos, at sa huli, itiniwalag sila. Matuwid ang Diyos, at tinutukoy Niya ang kalalabasan ng mga tao hindi batay sa kung may importante silang papel o mataas na katayuan. Ang pinakamahalaga ay kung nagbabago ang kanilang disposisyon sa buhay at kung nagkakamit sila ng katotohanan. Kung maraming taon ka nang sumasampalataya sa Diyos pero hindi mo hinahangad ang katotohanan, at hindi nagbabago ang iyong disposisyon sa buhay, anumang tungkulin ang gampanan mo, mabubunyag at matitiwalag ka sa huli. Matuwid ang Diyos, at hindi Niya tinatrato ang mga tao nang may pagkiling. Naaalala ko rito ang mga salita ng Diyos: “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Ang iyong tagumpay sa pananampalataya sa Diyos ay nakasalalay sa landas na iyong tinatahak. Ang paghahangad sa katotohanan at paggawa sa tungkulin ng isang nilikha sa isang praktikal na paraan ang pinakamahalaga.

Medyo mas malinaw pang ipinakita sa akin ng karanasan ko sa panahong ito ang kalikasan ng paghahangad sa katanyagan at katayuan. Ang paghahangad sa kasikatan at katayuan ay hindi ang tamang landas, paglaban ito sa Diyos. Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad sa katotohanan. Bukod pa riyan, binigyan din ako nito ng kaunting pagkakilala sa sarili at ng tamang pagtingin sa aking sarili, at ang aking ambisyon na maghangad na maging lider ay hindi na ganoon katindi. Kapag nababalitaan ko ang tungkol sa mga partikular na kapatid na napipili bilang mga lider, kahit na minsan ay naaapektuhan pa rin nun ang mga emosyon ko, sa pamamagitan ng panalangin at paghihimagsik laban sa aking sarili, hindi na ako masyadong napipigilan, at kaya ko nang makipagtulungan nang normal sa aking mga kapatid sa aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...