Matapos Gumuho ang Pangarap Ko

Nobyembre 25, 2024

Ni Lin You, Tsina

Mula pa sa murang edad, gustung-gusto ko na talagang sumayaw. Sinabi ng nanay ko sa akin na noong ako ay napakabata pa, sa tuwing tumutugtog ang musika, natural akong sumasabay sa ritmo. Habang lumalaki ako, nagpatuloy rin ang labis-labis kong pagkahilig sa pagsasayaw, at partikular na interesado ako sa anumang bagay na may kinalaman sa pagsasayaw. Lalo na noong napanood ko sa TV ang mga mananayaw na nagtatanghal sa entablado at walang kahirap-hirap nilang isinasagawa ang mga komplikadong galaw sa sayaw habang nakatingin ang mga nabighaning manonood na nagpapalakpakan at naghihiyawan, hindi ko maialis ang tingin ko sa kanila at nagkaroon ng malaking epekto sa akin ang kanilang mga pagtatanghal. Napakaganda nito! Naisip ko, “Napakaganda kung puwede rin akong maging mananayaw, na naipapahayag ang aking sarili sa pamamagitan ng pagsayaw, at pinapalakpakan at pinupuri ako ng mga manonood!” Upang matupad ang aking pangarap, dumalo ako sa isang klase ng pagsasanay sa sayaw, na nagpasimula ng isang panahon ng propesyonal na pagsasanay. Sa oras ng klase, pinag-aralan kong mabuti ang mga galaw ng guro at nagsikap akong makuha nang tama ang bawat galaw. Sinabi ng aking guro na mayroon akong mataas na potensyal bilang isang mananayaw at sinabi ng mga kasamahan ko na siguradong may mararating ako sa pagsasayaw. Natuwa ako sa narinig ko, naisip kong mayroon akong totoong talento bilang isang mananayaw at na puwede akong magsimula ng propesyon sa pagsasayaw. Marahil ay ginawa ng langit na misyon ko sa buhay na ito na hangarin ang pagsasayaw.

Kalaunan, naging mapalad ako na matanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at sa pamamagitan ng panonood ng mga video ng iglesia, nalaman ko na may tungkulin din ng pagsasayaw sa iglesia. Sa panonood sa mga kapatid na kumakanta, sumasayaw at nagpupuri sa Diyos, naisip ko, “Ang pagsasayaw sa sekular na mundo ay ginagawa para sa mga walang pananampalataya at maliit lang ang halaga nito, ngunit ang pagsasayaw sa iglesia ay isang tungkulin at pinahihintulutan ako nito na magpuri sa Diyos, lubos itong makabuluhan! Higit pa rito, ang mga video ng iglesia ay ina-upload online at napapanood ng mga tao sa buong mundo. Kung maipapakita ko sa mga video na iyon ang galing ko sa pagsasayaw hindi ba’t magkakamit ako ng higit pang papuri at pagbubunyi? Sa pagpapatuloy, kailangan kong gumugol ng mas maraming oras sa pagsasanay ng pagsayaw, para makakuha ako ng tungkulin sa pagsasayaw.” Nang maglaon, inusig ng CCP ang aming iglesia at maraming kapatid ang naaresto, kaya halos hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon na magtipon at gawin nang normal ang mga tungkulin namin, lalong halos wala nang pagkakataong magsimula ng isang grupo ng mananayaw. Gustung-gusto kong umalis ng Tsina at isagawa ang pananalig at gawin ang tungkulin ko sa isang malaya at demokratikong bansa. Para hindi masyadong tumigas ang katawan ko, sa tuwing may bakanteng oras ako, nag-uunat at nag-eehersisyo ako. Minsan, kapag nakikinig ako ng musika, iniisip ko na nasa entablado ako at nagtatanghal ng sayaw. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sa isang pagtitipon, biglang pumasok ang mga pulis at nagsimulang mang-aresto. Nakulong ako sa loob ng 37 araw at kalaunan ay nakalaya matapos magpiyansa habang nakabinbin ang paglilitis. Dahil sa takot na maaresto akong muli, umalis ako sa bahay at nagtago. Araw-araw ay tumititig ako sa malawak na asul na langit sa labas ng aking bintana at nagmumuni-muni, nag-iisip, “Ngayong naaresto ako, para na rin akong ikinulong ng CCP. Sa pagpapatuloy, hindi ako malayang makakapunta sa kung saanmang lugar at hindi ako makakaalis ng bansa. Paano pa ako magkakaroon ng pagkakataong makapagtanghal sa entablado? Hindi ba’t ito na ang katapusan ng pangarap ko na makapagsayaw?” Sobrang sama ng loob ko nang maisip ko ang mga ito. Kalaunan, inatasan ako ng iglesia na gumawa ng mga himno, pero bagamat ginagawa ko ang tungkulin ko sa panlabas, wala roon ang puso ko. Naisip ko pa na tinadhana lang ako maging mananayaw at hindi angkop sa akin ang tungkulin. Tinanggal ako ng lider ko pagkatapos makita na nalulugmok ako sa negatibong kalagayang iyon at na nabigo akong umunlad.

Pagkatapos matanggal, ginugol ko ang araw-araw nang naguguluhan at nalilito. Sa tuwing naiisip ko kung paanong nasira ang pangarap ko sa pagsasayaw, nakakaramdam ako ng labis na hinanakit at kawalan ng direksyon. Sa gitna ng pakiramdam na wala akong magagawa, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, alam ko na dahil tinanggal ako, tiyak na nasuklam Ka sa akin nang dahil sa kung anong dahilan, pero masyado akong manhid at hindi ko alam kung saan ako nagkamali. Pakigabayan at bigyang-liwanag Mo ako upang magkaroon ako ng kaalaman sa sarili ko.” Nanalangin ako sa Diyos sa ganitong paraan araw-araw. Isang beses, sa panahon ng mga debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pang-unawa sa isyu ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘katanyagan’ at ‘pakinabang.’ Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa ‘katanyagan’ at ‘pakinabang’(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Bigla akong nagkaroon ng pagkatanto nang mabasa ko ang siping ito at mabilis kong nalaman na tinatahak ko ang landas ng paghahanap ng katanyagan at pakinabang. Dati, lagi kong iniisip na ang paghahangad na matupad ang aking mga pangarap ay ang tamang landas sa buhay. Inakala ko na kung may marating ako sa aking buhay, nangangahulugan iyon na mayroon akong ambisyon at adhikain, at ang pagiging mas mahusay kaysa sa mga kasamahan ko at ang pagiging kilala ay isang paraan ng pagpapakita ng halaga ko. Dahil dito, magiging mas mahusay ako kaysa sa mga taong walang pangarap o adhikain at nasisiyahan na sa pangkaraniwan nilang buhay. Noon ko lang napagtanto na ang paghabol ng isang tao sa mga pangarap at mithiin niya ay isa sa mga paraan ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao at himukin silang tahakin ang landas ng paghahangad ng katanyagan at pakinabang. Habang higit na naghahanap ng katanyagan at pakinabang ang isang tao, mas lalo siyang nalalayo sa mga hinihingi ng Diyos. Hinihiling ng Diyos na matapat at praktikal tayong kumilos bilang mga nilikha at tuparin ang mga tungkulin natin, ngunit ang iniisip lang ng mga naghahanap ng katanyagan at pakinabang ay kung paano mahihigitan ang kanilang mga kasamahan at hindi sila kailanman naging kontento sa kalagayan ng mga bagay-bagay. Pinagnilayan ko kung bakit ako labis na nagsisikap na maging isang mananayaw. Nang makapanood ako ng mga mananayaw sa TV na pinapalakpakan ng mga manonood dahil sa kanilang mahihirap na galaw, labis akong nainggit sa kanila, at nangarap ako na pagdating ng araw, makakatayo rin ako sa gitna ng entablado, magiging sentro ng atensyon ng lahat, aanihin ko ang mga papuri at palakpakan nila at matutupad ang aking layon na maging tanyag. Upang matupad ang aking pangarap, nagsasanay ako ng pagsasayaw mula madaling araw hanggang sa takipsilim, at napakalaki ng motibasyon ko. Pero dahil may rekord na ako bilang kriminal pagkatapos akong maaresto ng CCP, nawalan ako ng pagkakataong makapangibang-bansa. Nang napagtanto kong nasira na ang pangarap ko, nanlumo ako at labis na nalungkot, at naging pabaya ako at hindi ako makatuon sa tungkulin ko. Para akong naging ibang tao. Noon ko lang nakita na ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang para akitin at gawing tiwali ang mga tao. Sa panlabas, maaaring magdala ang mga ito ng papuri at parangal sa mga tao, ngunit ang totoo, ginagawa nitong tiwali sa ideyolohiya ang mga tao, kaya katanyagan at pakinabang na lamang ang iniisip nila at nalilimutan nilang sambahin ang Diyos, lalo pa ang hangarin ang katotohanan at tuparin ang tungkulin nila. Sa huli, inaakay nito ang mga tao na lumayo sa Diyos at tuluyang maiwala ang pagkakataon nilang maligtas.

Nang maglaon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi nila isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Isiniwalat ng Diyos kung paano pinahahalagahan ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan at umaabot pa sa punto na itinuturing nila ang reputasyon at katayuan bilang buhay nila at ang layon na hinahangad nila sa buhay. Kailan man o saan man, walang nakapagpapabago sa direksyon ng paghahangad nila. Sa totoo lang, ganyang-ganyan ako noon. Mula sa murang edad, mahilig akong magpakitang-gilas at gusto kong hangaan at purihin ako ng iba. Nang makita kung paano nakukuha ng mga mananayaw sa TV ang paghanga at parangal ng kanilang mga manonood, hinangaan ko sila at pinangarap kong maging katulad nila. Nagtakda pa ako ng layon na maging isang natatanging mananayaw. Kahit matapos kong pumasok sa pananalig at gawin ang tungkulin ko, hindi ko pa rin binago ang layon ko sa buhay, at noong hindi ko magawa ang tungkulin ng pagsasayaw sa aking lokal na iglesia, hinangad kong mangibang-bansa upang maisakatuparan ang aking dakilang pangarap na tumuntong sa entablado bilang isang manananghal. Kahit pagkatapos kong maaresto ng CCP at magkaroon ako ng rekord bilang isang kriminal, na dahilan kaya hindi ako makaalis ng bansa, hindi ko pa rin maiwasang patuloy na isipin ang pangarap kong pagsasayaw at naging negatibo ako at nahihirapan dahil hindi ko nakamit ang aking layon, ginagampanan ko ang aking tungkulin sa isang pabasta-basta at negatibong kalagayan at wala akong kagana-gana. Madalas kong iniisip at pinagninilayan ang kinabukasan at reputasyon ko. Nakita ko ang aking tungkulin bilang pambuwelo na tutulong sa akin upang makamit ang aking mga pangarap. Nabigo akong tuparin ang mga wastong tungkulin ko at lumaban ako sa Diyos! Nang napagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, na sinasabi, “O Diyos ko, sa pamamagitan ng paghatol at paglalantad ng mga salita Mo, nakita ko kung gaano ako kahumaling sa katanyagan, pakinabang at katayuan. Palagi kong hinahangad na makamit ang mga pangarap ko at hindi ko nagawa ang wastong tungkulin ko. Handa akong magsisi, talikuran ang maluluho kong pagnanais at maghangad lamang na tuparin ang tungkulin ko.”

Nang maglaon, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Napagnilayan ko na noon, ginawa ko lang ang tungkulin ko para matugunan ang sarili kong ambisyon at pagnanais. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at namuhay ako sa isang napakababa at kasuklam-suklam na paraan. Alam ko na kung magkakaroon ako ng isa pang pagkakataon para gawin ang isang tungkulin, kakailanganin kong isantabi ang aking mga personal na pagnanais at gawin nang mabuti ang tungkulin ko upang mapaluguran ang Diyos. Hindi ko na kayang hayaan ang sarili ko na manghinayang at makonsensiya pa. Matapos magnilay-nilay sa loob ng ilang panahon, sinimulan kong gawin muli ang aking tungkulin sa iglesia. Kahit pa nasa pangkalahatang mga gawain ang tungkulin at walang kinalaman sa pagsasayaw, alam kong ito ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos upang magsisi ako, kaya handa akong magpasakop at tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha.

Nang ganoon lang, mahigit kalahating taon na ang lumipas, at bagamat hindi na ako negatibo at nalulumbay dahil sa hindi pagkatupad ng aking mga pangarap, nakaramdam pa rin ako ng pagkalito. Minsan ay iniisip ko, “Maraming tao ang may mga talento, interes at libangan, lahat ba ng bagay na iyon ay negatibo? Hindi ba talaga dapat maghangad ang mga tao ng mga bagay na ito?” Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa isyung ito na nagbigay sa akin ng ilang sagot sa mga katanungan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi likas na mali ang mga hilig at libangan ng mga tao, at siyempre, hinding-hindi masasabi na negatibong bagay ang mga ito. Hindi dapat kondenahin o punahin ang mga ito. Parte ng normal na pagkatao na magkaroon ang mga tao ng mga hilig, libangan, at talento sa ilang partikular na aspeto—bawat tao ay mayroon nito. Ang ilang tao ay mahilig sumayaw, ang ilan naman ay mahilig sa pagkanta, pagguhit, pagtatanghal, mekanika, ekonomiya, pag-iinhinyero, medisina, agrikultura, paglalayag, o sa ilang partikular na sports, ang iba ay mahilig mag-aral ng heograpiya, heolohiya, o abyasyon, at, siyempre, maaaring mahilig din ang iba na mag-aral ng mas mga kakatwang paksa. Anuman ang mga hilig at libangan ng isang tao, lahat ito ay parte ng pagkatao at ng normal na buhay ng tao. Hindi dapat sinisiraan ang mga ito bilang mga negatibong bagay, hindi dapat pinupuna, at lalong hindi dapat ipinagbabawal ang mga ito. Ibig sabihin, marapat lang ang anumang hilig at libangang maaaring mayroon ka. Sapagkat marapat ang anumang interes o libangan at dapat tulutang umiral, paano dapat tratuhin ang mga mithiin at hangarin na nauugnay sa mga ito? Halimbawa, ang ilang tao ay mahilig sa musika. Sinasabi nila, ‘Gusto kong maging isang musikero o isang konduktor,’ at pagkatapos ay binabalewala ang lahat-lahat para mag-aral at itaguyod ang kanilang sarili sa musika, itinatakda ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay upang maging isang musikero. Ito ba ang tamang gawin? (Hindi ito ang tamang gawin.) Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, kung bahagi ka ng mundo at ginugugol mo ang iyong buhay sa pagsasakatuparan ng mga mithiin at hangarin na itinatag ng mga sarili mong hilig at libangan, wala kaming masasabi tungkol doon. Ngayon, bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung mayroon kang gayong mga hilig at libangan at nais mong ilaan ang buong buhay mo roon, magbayad ng buong buhay na halaga upang matamo ang mga mithiin at hangarin na itinatag ng sarili mong mga hilig at libangan, mabuti ba ang landas na ito o masama? Karapat-dapat ba itong itaguyod? (Hindi ito karapat-dapat na itaguyod.) Huwag muna nating pag-usapan kung karapat-dapat ba itong itaguyod o hindi; lahat ng bagay ay dapat harapin nang mataimtim, kaya paano mo gagawin iyon upang matukoy kung tama o mali ang bagay na ito? Kailangan mong isaalang-alang kung ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na itinatag mo ay may anumang kaugnayan sa mga turo ng Diyos at sa Kanyang pagliligtas at mga ekspektasiyon para sa iyo, sa mga layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, sa iyong misyon, at sa iyong tungkulin, kung tutulungan ka ba ng mga bagay na ito na matapos ang iyong misyon at mas mabisang matupad ang iyong tungkulin, o kung madaragdagan ba ng mga ito ang iyong tsansa na maligtas at kung matutulungan kang makamit ang katugunan ng mga layunin ng Diyos. Bilang isang ordinaryong tao, ang paghahangad mo sa mga mithiin at hangarin ay iyong karapatan, ngunit habang isinasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at hangarin at tinatahak ang landas na ito, aakayin ka ba ng mga ito tungo sa landas ng kaligtasan? Aakayin ka ba ng mga ito sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Sa huli, aakayin ka ba ng mga ito na humantong sa ganap na pagpapasakop at pagsamba sa Diyos? (Hindi.) Sigurado iyon. Dahil hindi magagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon, bilang isang mananampalataya sa Diyos, ang mga mithiin at hangarin ba na naitatag dahil sa iyong mga hilig, libangan, at maging sa iyong mga talento at kaloob, ay positibo o negatibo? Dapat bang mayroon ka ng mga ito o wala? (Negatibo ang mga ito; hindi tayo dapat magkaroon ng mga bagay na ito.) Hindi ka dapat magkaroon ng mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 8). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga interes at libangan ay isang bahagi ng normal na pagkatao natin, na ibinigay ng Diyos sa tao at hindi likas na negatibo ang mga ito, pero kapag sinimulan ng mga tao na tingnan ang mga libangan at hilig nila bilang mga mithiin at pagnanais na dapat hangarin, kung gayon ay nagbabago ang kalikasan ng problema. Sa sandaling itinuring ng isang tao ang libangan niya bilang isang mithiin na dapat hangarin, tiyak na maglalaan siya ng maraming oras at lakas para rito. Sa mga ordinaryong tao, maaaring tila ito ang kanilang kalayaan at karapatan, pero para sa mga nananampalataya sa Diyos, ang paghahangad ng mga mithiin at hangarin ay hahadlang lamang sa isang antas sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Gayundin, kung naghahangad ang mga tao na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, hindi nila kakayaning magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at lalo lamang silang mapapalayo sa Diyos. Ako mismo ay may ganitong karanasan. Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw sa murang edad, sinimulan kong gawin ang aking tungkulin at nagkaroon ako ng pagkakataong hangarin ang katotohanan at makamit ang kaligtasan. Ngunit hindi ko tinahak ang tamang landas, hindi ko pinahalagahan ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos, at nagpumilit akong habulin ang mga pangarap ko. Dahil inilagay ko ang lahat ng aking kaisipan at lakas sa paghahabol sa aking mga mithiin at pagnanais, at hindi ako tumuon sa paghahangad sa katotohanan, hindi ako umusad sa tungkulin ko sa loob ng mahabang panahon. Pawang likas na sataniko ang pananaw ko sa buhay at ang mga pinahahalagahan ko. Matapos maaresto ng pulis, hindi ko hinanap ang katotohanan at hindi ako natuto mula sa karanasan, sa halip ay naging laban ako sa Diyos at sinisi ko Siya dahil ang kapaligirang pinatnugot Niya matapos ang aking tala bilang kriminal ay naging hadlang para makapaglakbay ako sa ibang bansa at nasira ang aking pangarap na maging isang mananayaw. Bilang isang nilikha, dapat nagpasakop ako sa mga pagsasaayos ng Lumikha at dapat naunawaan ko ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng karanasan ko. Pero mahigpit akong kumapit sa pangarap ko, hindi ako nasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at iniraos ko lang ang mga bagay-bagay at hindi ako nakatuon sa tungkulin ko. Paanong hindi masusuklam ang Diyos sa aking saloobin at pag-uugali? Kung hindi ko isinuko ang paghahangad sa aking mga pangarap at pagnanais, at isang araw ay nakagawa ako ng isang tungkulin bilang isang mananayaw, siguradong magpapatotoo ako sa sarili ko at magpapakatanyag ako para matupad ang pangarap ko. Ang pagpapatotoo sa sarili ko sa halip na sa Diyos sa tungkulin ko ay isang uri ng pagsalungat sa Diyos at dapat na makatanggap ng mga sumpa ng Diyos!

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung interesado ang isang tao sa sining, kailangan ba niyang makilahok sa gawaing ito at gawin ang trabahong ito sa buong buhay niya? Hindi naman kinakailangan. Nakadepende ito sa pagtatalaga ng Diyos, sa kung paano Niya ginagamit ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at isinasaayos ang mga bagay-bagay. Kung isinasaayos ng Diyos na gumawa siya ng gawaing pansining, hindi niya kailanman lilisanin ang larangang ito sa buong buhay niya. Ngunit kung hindi isinaayos o itinalaga ng Diyos na gumawa siya sa larangang ito, magiging hilig at libangan lamang ito para sa kanya, at kahit na nasisiyahan siya rito, hindi niya magagawang makilahok sa gawaing iyon. May ilang tao na simula pagkabata ay mahilig na sa sining. Kapag nakikita ng mga magulang na may ganitong hilig at libangan ang kanilang anak, iniisip nila, “Sige, linangin natin ito. Baka magkaroon tayo ng kapamilya na may talento sa sining. Baka maging sikat pa siya o maging isang mahusay na manananghal!” Kaya sinisimulan nilang sanayin ang anak nila, pinapaaral ng sayaw at kanta, at sa huli, natatanggap ang anak nila sa isang art school. Bagama’t hindi nawawala ang hilig at pagkahumaling ng anak sa sining pagkatapos ng graduation, hindi natitiyak kung makakalahok ito sa ganitong larangan ng gawain. Posible na kapag kailangan na niyang lumahok sa gawaing ito, magbabago ang kanyang lagay ng loob, magbabago ang saloobin at pananaw niya sa gawaing ito, at posible rin na dahil sa iba’t ibang dahilan sa panlabas na kondisyon, mapapalampas niya na maging parte ng larangang ito. Posible ang lahat ng bagay na ito; nakadepende ito sa pagtatalaga ng Diyos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11). Matapos basahin ang siping ito, sobrang gumaan ang pakiramdam ko. Dati, naisip ko na kailangan kong hangarin ang gawain na may kaugnayan sa mga hilig at libangan ko. Inisip ko na marahil ang aking mga interes ay isang misyon na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at dahil mahilig ako sa sayaw, kailangan kong gawin ang isang tungkulin na may kaugnayan sa pagsasayaw. Kaya, nang italaga sa akin ang isang tungkulin na walang kinalaman sa pagsasayaw, nadama ko na hindi angkop para sa akin ang tungkulin at ayaw ko itong gawin. Ngunit sa totoong buhay ay patuloy lang akong nauuwi sa kabiguan, sadyang hindi ako makakuha ng tungkulin na may kaugnayan sa pagsasayaw. Ngayon ay naiintindihan ko na kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang lahat ng ito. Naisip ko kung paanong ang pamangkin ng isang sikat na mananayaw ay nagpakita ng potensyal sa pagsasayaw mula pa sa murang edad, at ang gusto ng mananayaw, ng tiyahin, ay ipagpatuloy ng bata ang legasiya ng pamilya, pero kahit sinanay na niya ito nang personal, hindi pa rin naging mananayaw ang pamangkin niya at sa halip ay naging artista ito. Mayroon ding di-mabilang na mga halimbawa ng mga tao na may ilang kasanayan o talento, pero nauwi pa rin sila sa paggugol ng buhay nila sa mga pangkaraniwang trabaho para mapakain ang mga pamilya nila at hindi sila makapagtrabaho sa larangang nauugnay sa kanilang mga interes at libangan. Mula rito, nakita ko na ang Diyos ang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan at siyang nagsasaayos kung anong gawain ang gagampanan ng mga tao sa kanilang buhay; walang kontrol ang mga tao rito at hindi nila maaaring piliting mangyari ang mga gayong bagay. Kahit hindi ko magawa ang isang tungkulin na may kaugnayan sa aking mga interes, binigyan ako ng Diyos ng kakayahan upang gawin ang iba pang mga tungkulin. Ngayon ay gumagawa ako ng gawain na text-based, isang tungkulin na hindi ko naisip na gagawin ko kahit kailan. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba’t ibang artikulo at sermon, natutuhan ko ang ilang katotohanan tungkol sa mga pangitain, naunawaan ko nang kaunti ang tungkol sa gawain ng Diyos at naranasan ko mismo kung paanong ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa atin ay ang pinakamainam at kapaki-pakinabang sa ating buhay. Makakagawa man ako ng isang tungkulin sa pagsasayaw sa hinaharap o hindi, handa akong magpasakop, at hangarin ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos sa anumang kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos. Isa pa, sa aking libreng oras, inaaral ko ang mga galaw ng sayaw ng iglesia, kaya patuloy kong nililinang ang aking mga interes. Minsan pagkatapos ng hapunan, sasayaw ako saglit at palagi akong mas sumasaya nang kaunti pagkatapos kong sumayaw. Sa tingin ko iyon ang tamang paraan ng pagturing sa aking mga libangan at interes. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso sa pagbibigay sa akin ng libangan na ito, dahil ginawa nitong mas kawili-wili ang buhay ko. Kailangan ko pang mas magsikap para tuparin ang tungkulin ko at masuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Napakasakit na Pagpili

Ni Alina, EspanyaNoong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong...

Leave a Reply