Matapos Mapromote ang Lahat Maliban sa Akin

Oktubre 24, 2022

Ni Li Fei, Italy

Noong Enero 2021, malapit nang matapos ang proyektong pinangasiwaan ko. Unti-unting inilipat sa ibang mga tungkulin ang mga kapatid, hanggang sa ako na lang at ilang katuwang ang naiwan para tumapos sa gawain. No’ng panahong ‘yon, iniisip kong tapusin ang gawaing hawak ko at manatili sa tungkulin hanggang sa huli. Sa hindi inaasahan, isang araw, bigla kong nalaman na ang isa sa mga katuwang ko ay napromote bilang lider. Siya ang mamamahala sa gawain ng ebanghelyo. Hindi ako mapakali dahil dito, at medyo sumama ang loob ko. Bakit hindi ako napromote bilang lider? Hindi ko ba kayang magsilbi bilang lider o superbisor? Pero naisip ko, “Siguro dahil mas may kakayahan siya, kaya siya ang unang napromote. ‘Di bale na, hindi pa naman tapos ang gawain ko rito, at nagpapatuloy rin ang mga katuwang ko sa kanilang mga tungkulin dito, kaya kapag natapos na ang gawain, malamang na isasaayos ang mga bagong tungkulin para sa amin.” Pero hindi nagtagal, napromote rin ang tatlo ko pang kasama ay itinaas din ng ranggo bilang mga lider ng iglesia o superbisor ng iglesia. Mas lalo akong nabalisa nang marinig ang balitang ito. Lahat sila ay naging mga lider at manggagawa, pero hindi man lang ako nakausad. Kinailangan kong saluhin ang lahat ng ginagawa nila. Mukhang kailangan kong maging responsable sa lahat ng ito hanggang sa huli. Nagtatrabaho din naman ako sa grupo, kaya bakit lahat sila’y napromote sa halip na ako? Hindi ba talaga ako gano’n kagaling? Mukhang naisip ng mga kapatid na mas magaling sila sa akin. Ngayon, ako ang pinakahindi magaling sa lahat ng katuwang ko. Inisip ba ng mga lider na hindi ako karapat-dapat linangin? May ilang maling palagay ba sila sa’kin? Ayaw ko talagang akuin ang gawain nila. Pakiramdam ko, kung mas marami akong aakuin, mas hindi ako makakagawa ng iba pang mga uri ng gawain. Sa oras na matapos ko ang gawain ko, nakapagsagawa na nang mas mahabang panahon ang mga katuwang ko. Naging pamilyar na sila sa gawain nila at nakabisado na ng ilang prinsipyo, samantalang mananatili akong isang ganap na baguhan. Kung ipapadala ako kalaunan para mangaral ng ebanghelyo o magdilig ng mga baguhan, at maging superbisor ko ang dati kong katuwang, magiging kahiya-hiya talaga ang gano’ng malaking agwat namin. Habang mas iniisip ko iyon, mas lalong sumasama ang pakiramdam ko. Nang hilingin sa akin ng mga kapatid na akuin ko ang kanilang mga gawain, labis akong tumutol. Masama ang loob ko at ayaw kong gawin. Sa loob ng mahigit dalawang araw, hindi ko sinubukang matutunan kung paano gawin ang mga gampaning ipinasa nila sa akin. Wala rin akong masyadong pakialam sa sarili kong gawain, nagpakatamad ako at hindi ko kinumusta ang gawain, at hindi ko inisip kung aling problema ang kailangang lutasin o kung paano gawin nang maayos ang mga bagay. Kahit na sinabi ko sa sarili ko na sumunod sa kapaligirang isinaayos ng Diyos, pasibo pa rin ako, walang motibasyon, at walang interes. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kapag nagdarasal ako, at hindi ko binabasa ang mga salita ng Diyos sa puso ko. Nagkaroon ako ng kaunting kamalayan ukol dito. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, masyado akong kontra sa pag-ako ng gawain ng mga katuwang ko nitong mga nakaraang araw. Alam kong hindi po tama ang kalagayan ko, kaya pakiusap gabayan Mo po ako para makilala ko ang sarili ko.”

Pagkatapos kong magdasal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kamalayan sa kalagayan ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ngayon, kayong lahat ay mga regular nang gumaganap ng inyong mga tungkulin. Hindi kayo napipigilan o natatalian ng pamilya, pag-aasawa, o kayamanan. Nakaahon na kayo mula roon. Subalit, ang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, at pansariling intensyon at mga hangarin na laging laman ng inyong isipan ay nananatiling hindi nagbabago mula sa orihinal na anyo ng mga ito. Kaya, sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o sa maaaring magbigay sa kanila ng exposure—halimbawa, kapag naririnig ng mga tao na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makilala. Lahat ng tao ay nais na lumaban para sa katayuan at reputasyon; at ikinahihiya nila ito, pero masama rin ang pakiramdam nila kung hindi nila gagawin. Naiinggit at namumuhi sila kapag may nakikita silang taong namumukod-tangi, at nasusuklam sila, at nadaramang hindi ito patas, iniisip na, ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang nakakakuha ng karangalan? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos nilang makaramdam ng pagkasuklam, sinusubukan nila itong pigilin, ngunit hindi nila magawa. Nagdarasal sila sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap silang muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin nila ito madaig. Hindi ba iyan nagpapakita ng tayog na kulang pa sa gulang? Kapag nalulubog sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao. … Habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang makakaramdam ng inggit at pagkamuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong hindi matatamo, at dahil hindi ka makapagtamo, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi sa sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang ititiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Inihayag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Nakaramdam ako ng labis na pagtutol at kawalang-kasiyahan noong mga araw na iyon dahil hindi natugunan ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan. Nang makita kong napromote ang mga katuwang ko, napukaw ang damdamin ko. Umasa akong mapromote rin ako, para magkamit ng katayuan at mataas na pagtingin ng mga tao, pero nang malaman kong walang balak ang mga lider ko na ipromote ako, at pinaako sa akin ang gawain ng mga katuwang ko, nainggit ako sa kanila, at naniwalang may maling palagay laban sa’kin ang mga lider, o minamaliit pa nga ako. Kapag naiisip ko kung paanong ako ang pinakahindi magaling sa paningin ng mga lider ko, at na ang lahat ng mga katuwang ko ay napromote para maging mga lider at superbisor habang wala man lang akong posisyon, nagiging miserable ako at hindi nasisiyahan. Ibinunton ko pa ang galit ko sa tungkulin ko. Nawalan ako ng pakialam kung ano man ang mangyari sa mga gampaning ibinigay sa akin at hindi inilagay ang puso ko sa sarili kong gawain. Namumuhi ang Diyos na makita akong nabubuhay sa ganitong mapaghimagsik na kalagayan, kaya wala akong masabi sa panalangin, walang kaliwanagan mula sa salita Niya, at naging mas masahol pa sa tungkulin ko. Sinasabi ng salita ng Diyos na ang pakikipagkumpitensya para sa katayuan ay isang mapanirang siklo na humahantong sa kadiliman, at ako ay nasa loob nito. Sa pagbabalik-tanaw sa panahong ‘to, naalala kong sumumpa ako na gagawin ko ang tungkulin ko hanggang sa huli, pero sa sandaling nakita ko ang iba na napromote, at hindi natupad ang pagnanais ko para sa katayuan, nawalan ako ng interes sa tungkulin ko. Masyadong matindi ang pagnanais ko para sa katayuan, at kailangan kong mabilis na hanapin ang katotohanan para malutas ang kalagayan ko.

Pagkatapos n’on, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos tungkol sa kung paano tingnan ang promosyon at paglilinang na lumutas sa kalagayan ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas dito kung saan maaari kang magsagawa. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung talagang may problema ka sa iyong pagkatao, o kung ang ilang aspeto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakapagpapataboy sa mga tao; kung hindi mo ba taglay ang realidad ng katotohanan at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi ba kasiya-siya ang tungkuling ginagampanan mo. Dapat mong pagnilay-nilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. Matapos mong magnilay-nilay nang kaunti at mahanap kung nasaan ang problema mo, dapat mong hanapin kaagad ang katotohanan para lutasin ito, at pasukin ang realidad ng katotohanan, at sikaping magbago at umunlad, nang sa gayon kapag nakita ito ng mga nakapaligid sa iyo, sasabihin nila, ‘Nitong mga nagdaang araw, naging mas mahusay siya kaysa dati. Matatag siyang nagtatrabaho at sineseryoso ang kanyang propesyon, at nakatuon siyang mabuti sa mga prinsipyo ng katotohanan. Hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, o nang walang malasakit at interes, at mas maingat at responsable na siya sa kanyang gawain. Dati, medyo mapagmalaki siya, pero ngayon higit na siyang mas maingat at hindi na hambog. Hindi niya ipinagyayabang kung ano ang kaya niyang gawin, at kapag may natapos siyang isang bagay, paulit-ulit niyang pinagninilayan ito, sa takot na may magawang mali. Mas maingat na siya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at may takot na siya sa Diyos sa kanyang puso ngayon—at higit sa lahat, kaya niyang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang ilang problema. Totoo ngang umunlad na siya.’ Kapag nakasalamuha ka ng mga nakapaligid sa iyo nang ilang panahon, makikita nilang dumaan ka sa di-mapagkakailang pagbabago at pag-unlad; sa pang-araw-araw mong buhay at sa pakikitungo mo sa iba, at sa saloobin mo sa iyong gawain, at gayundin sa pagtrato mo sa mga prinsipyo ng katotohanan, mas nagsisikap ka kaysa dati, at mas maingat sa iyong pananalita at mga pagkilos. Kapag nakita ng mga kapatid ang lahat ng ito at isinapuso nila ito, baka sakaling magawa mong tumakbo bilang kandidato sa susunod na halalan. Bilang kandidato, magkakapag-asa ka; kung talagang kaya mong gampanan ang ilang mahahalagang tungkulin, makakamit mo ang pagpapala ng Diyos. Kung tunay ngang tumanggap ka ng pasanin at may pagpapahalaga sa responsibilidad, at nais pumasan ng pananagutan, kung gayon ay magmadali ka at sanayin ang iyong sarili. Tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo; sa sandaling may karanasan ka na sa buhay at kaya mo nang magsulat ng mga sanaysay ng patotoo, tunay ngang umunlad ka na. At kung kaya mong magpatotoo para sa Diyos, tiyak na maaari mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu, pinapaboran ka ng Diyos, at kapag ginagabayan ka ng Banal na Espiritu, nalalapit na ang pagdating ng oportunidad mo. Maaaring may pasanin ka ngayon, pero hindi sapat ang iyong tayog at masyadong mababaw ang karanasan mo sa buhay, kaya kahit maging lider ka pa, malamang na matutumba ka. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa buhay, lutasin ang magagarbo mong pagnanasa, bukal sa loob na maging tagasunod, at taos-pusong sumunod sa Diyos, nang walang salita ng pagdaramdam sa kung anuman ang pinangangasiwaan o pinaplano Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang positibo at maagap na puso at na gusto mong sumunod sa kalooban ng Diyos at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Hindi ito ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsibilidad ito ng mga naghahanap ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Kung hindi ka makasarili at hindi naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya, kung gayon ang ginagawa mo ay kung ano ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. … Ang kalooban ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo para sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para bumuo ng grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatuwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang hinaharap ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang hinaharap ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang Kanyang kalooban. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensya at katwiran, pero hindi lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Nakita ko mula sa salita ng Diyos na kung ipopromote at lilinangin ka ay nakadepende sa hangarin mo at landas. Kung hinahanap mo ang katotohanan at tunay na nagdadala ng pasanin, at may kaunting kakayahan at talento, bibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng mga pagkakataon, ipopromote at lilinangin ka, at bibigyan ka ng mahahalagang gampanin. Pero kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan at tinatahak ang maling landas, kahit na maging lider sila, hindi sila magtatagal. Ang mga taong tulad nito ay hindi angkop para sa promosyon. Inihambing ko ang salita ng Diyos sa sarili ko at napahiya ako. Nakita ko na hindi ako makatwiran at walang tunay na kaalaman sa sarili ko o sa totoo kong tayog. Akala ko’y talagang may kakayahan ako at mahusay, at na kung napromote ang mga katuwang ko, karapat-dapat din akong mapromote. Hindi ko tiningnan kung ako ba’y isang taong hinahanap ang katotohanan, kung kwalipikado ba ang pagkatao ko, at kung kaya kong dalhin ang pasanin ng gawain. Sa halip, bulag akong nagkumpara, at hinangad na mapromote. Sa totoo lang, hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Ayaw kong makibahagi sa gawain ng iglesia at gampanan ang mga responsibilidad ko. Gusto kong mapatunayan na hindi ako mas mababa kaysa sa mga katuwang ko at makakuha ng mataas na katayuan para magpakitang-gilas sa harap ng mas maraming tao at mahikayat silang tingalain ako. Ginampanan ko ang tungkulin ko nang may sariling mga ambisyon at hangarin, kaya kahit na maging lider ako, hahangarin ko pa rin ang katayuan. Imposibleng magagawa nang maayos ang isang tungkulin kung gumagawa lang para sa reputasyon at katayuan. Ang hindi ko pagiging lider ay isang proteksyon para sa akin. Naunawaan ko rin na sa harap ng hindi pagkapromote, ang isang tao na may tunay na katwiran ay magiging kontentong gampanan ang kanyang sariling tungkulin nang maayos. Pagninilayan din niya ang kanyang mga pagkukulang, at hahanapin ang katotohanan para malutas ang kanyang mga problema, at magsisikap na umusad at magbago. Habang pinagninilayan ang sarili ko batay sa salita ng Diyos, nakita kong mayroon talaga akong katamtamang kakayahan at hindi isang taong naghahanap sa katotohanan. Kuntento lang akong tapusin ang mga gawain ko sa araw-araw at hindi tumuon sa paglutas ng aking mga tiwaling disposisyon, kaya pagkatapos ng mga taon ng paniniwala ko sa Diyos, masyado pa rin akong mapagkumpitensya, madalas na nag-aalala sa reputasyon at katayuan ko, at nang hindi ko nakuha ang katayuan, ibinunton ko ang galit ko sa aking tungkulin at binalewala ang gawain. Wala talaga akong anuman sa mga realidad ng katotohanan, at sa kabila nito, gusto ko pa ring mapromote. Wala akong kahit katiting na kaalaman sa sarili. Alam kong hindi ko na dapat hangarin ang promosyon. Sa halip, dapat akong maging masunurin at gawin ang tungkulin ko sa praktikal na paraan. Iyon ang katwiran na dapat kong taglayin. Nang matanto ko ito, hindi na ako nabahala, at nagsimula akong gumawa ng normal na pagsulong sa gawaing hawak ko. Nagsimula na rin akong mag-isip kung paano tatapusin ang gawain nang mas detalyado at mas puspusan, para makatapos ako nang walang pagsisisi. Sinuri ko rin ang mga paglihis, pagkakamali, at pakinabang ng tungkulin kasama ang aking mga kapatid. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, gumaan ang pakiramdam ko at napanatag.

Makalipas ang ilang panahon, isinaayos ng iglesia na pangasiwaan ko ang ilang iglesia nang part-time. Nang marinig ko ang pagsasaayos na ‘to, nagtalo ang kalooban ko. Pakiramdam ko’y napakarami kong kakulangan at sisimulan ko ang pagsasagawa ko sa pagdidilig ng mga baguhan, pero binigyan ako ng iglesia ng tsansang malinang sa pamamagitan ng paggawa sa akin bilang superbisor. Namali ang pagkaunawa ko at ipinagpalagay na ang mga lider ko ay may maling palagay sa akin at sinadyang hindi ako ipromote, pero ang totoo pala ay sinuri nila ang mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo ng pagpili at paggamit ng mga tao at sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Ito lang ang inisip ko dahil nabubuhay ako sa isang kalagayan ng pakikipaglaban para sa katayuan, kaya hindi ako makatwiran. Sobrang nakakahiyang isipin. Habang nagsasagawa bilang superbisor, nakaramdam ako ng matinding pressure, at nais kong sapat na masangkapan ng katotohanan para magampanan nang mabuti ang tungkulin ko. Sa mga sumunod na araw, kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko nauunawaan, naghahanap ako ng mga sagot kasama ang mga katuwang ko, at halos lahat ng oras ko ay ginugol ko sa gawain ng iglesia. Pero pagkaraan ng maikling panahon, ang gawain ng mga iglesiang pinangangasiwaan ko ay hindi masyadong epektibo, at saka ko lang nakitang marami akong pagkukulang. Natanto ko rin na kahit may katayuan, imposibleng gumawa nang maayos kung wala kang katotohanan, kaya mas lalo akong nahiya na gusto kong maging lider noon pa man. No’ng panahong ‘yon, hindi ko na iniisip kung paano pahangain ang iba, at nais ko lamang na gampanan nang maayos ang tungkulin ko. Nagkaroon ako ng mas praktikal na saloobin sa tungkulin ko, kaya naniwala ako na medyo nagbago ang paghahangad ko sa katanyagan at katayuan, at na kaya kong tumuon sa paggawa ng tungkulin ko nang maayos. Ngunit nang dumating sa akin ang isa pang sitwasyon, muli akong nabunyag.

Noong Hunyo ng 2021, isinaayos ng iglesia na pamahalaan ko ang isa pang proyekto na may mas maraming gawain, at mahigpit na deadline. Bagama’t naharap kami sa maraming paghihirap, dahil sa pagsusumikap naming lahat, pagkaraan ng ilang buwan, nagsimulang maging mas epektibo ang gawain namin, at doble ang dami ng natapos naming gawain kaysa sa nakaraang taon. Labis akong nagmamalaki at naramdaman kong may parte ako sa katunayang nakamit namin ang mga resultang ito, kaya kung may gustong ipromote ang mga lider, malamang ako ang maiisip nila. Sa hindi inaasahan, sa sumunod na ilang araw, narinig ko na tinatalakay ng mga lider ang pagpopromote at pagsasanay sa mga tao, at paminsan-minsan, naririnig ko ang mga pangalan ng mga kapatid na kilala ko dati pa. Sumama ang loob ko pagkarinig sa balitang ito, at nabahala na naman ako, “Mukhang naghahanap sila ng mga taong ipopromote at lilinangin kung saan-saan, at isasaalang-alang nila ang sinumang medyo angkop. Naging epektibo ako sa tungkulin ko, kaya sa kakulangan ng mga tao, bakit hindi naisipan ng mga lider na ipromote ako? Nahalata ba ako ng mga lider at nagpasyang hindi ako isang taong naghahanap sa katotohanan? Iniisip ba nilang isa akong taong kaya lang pangasiwaan ang mga panlabas na bagay? Kung iyon ang iniisip nila, magkakaroon pa ba ako ng pagkakataong mapromote at malinang?” Nabalisa ako sa mga isiping ito, at ang kinabukasan ay tila mapanglaw. Pakiramdam ko, kahit ga’no katindi kong hangarin, hinding-hindi ako magkakaroon ng tsansang mapromote. Nagkaroon din ako ng maling palagay sa mga lider. Minsan, kapag kinakausap ako ng mga lider, hindi ko na lang sila pinapansin. Hangga’t maaari, maikli lang ang sinasabi ko, at ayaw ko pa ngang makita ang mga kapatid sa paligid ko. Palagi akong nakasimangot, ayokong masyadong magsalita, at gusto kong gugulin ang lahat ng oras ko nang mag-isa. Nang hindi namamalayan, tumigil ako sa pagdala ng pasanin sa tungkulin ko. Pakiramdam ko, kahit gaano pa ako kahusay, hindi nakikita ng mga lider ang pagpupunyagi at dedikasyon ko, kaya bakit pa ako magsisikap? Gagawin ko na lang ang pinakamababang pamantayan.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Sa mga puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang pananalig sa Diyos at ang paghahangad ng katotohanan ay ang pagsisikap para sa katayuan at reputasyon; ang paghahangad ng katayuan at reputasyon ay ang paghahangad din ng katotohanan, at ang pagkakamit ng katayuan at reputasyon ay ang pagkakamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang karangalan o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o gumagalang sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananampalataya sa Diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon magkaroon sila ng tinig sa iglesia, ng reputasyon, upang makinabang sila, at magkaroon ng katayuan—madalas nilang pinag-iisipan ang gayong mga bagay. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi nabago ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Nagsisimula ang problema sa kanila, ito’y lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa mga puso nila, nayayamot sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na natutukoy ng kanilang likas na pagkatao at diwa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na pinahahalagahan ng mga anticristo ang katanyagan at katayuan, at itinuturing ito na mas mahalaga kaysa sa anupaman. Kapag hindi sila nakatatanggap ng katayuan, napapagod sila sa paniniwala sa Diyos. Wala silang sinseridad sa kanilang paniniwala sa Diyos o sa mga tungkulin, ni hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito para maunawaan ang katotohanan. Sa halip, ginagawa nila ang mga ito para magkamit ng katanyagan at katayuan, at para humanga at tumingala sa kanila ang mga tao. Ipinapakita nito na ang mga disposisyon ng mga anticristo ay talagang masama. Naisip ko kung paanong palagi kong hinahangad ang mapromote at malinang, at nang hindi mangyari, naging pasibo ako at nawalan ng motibasyon. Ang paghahangad ko ng katanyagan at katayuan ay hindi ko na makontrol. Katulad ito ng kung ano ang ipinapakita ng isang anticristo. Naisip ko kung paanong, noong nag-aaral ako, itinuring ko ang “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Ang isang sundalo na hindi nangangarap na maging isang heneral ay isang masamang sundalo,” at ang mga katulad na satanikong lason bilang mga tuntunin ng kaligtasan, kaya hinangad kong makuha ang pinakamatataas na marka. Kung hindi ko makukuha ang unang pwesto, kailangan kong maging isang honors student kahit papa’no at matamo ang papuri ng aking mga kaklase at guro. Pagkatapos kong maniwala sa Diyos, bilang mithiin ko, hinangad kong maging isang lider, iniisip na kung may katayuan ako, maaari akong magkaroon ng pwesto sa sambahayan ng Diyos, maipakilala ang sarili ko, makahikayat ng mas maraming tao na tumingala at humanga sa akin, at magkaroon ng halaga ang mga salita ko. Kaya nang madaliang nangailangan ng mga tao ang iglesia at tila hindi ako kinonsidera ng mga lider, naging pasibo ako at miserable, walang ganang gampanan ang tungkulin ko, at naramdaman pa ngang walang direksyon o layon na hahangarin sa paniniwala ko sa Diyos. Nakita ko na ang paghahangad ng katanyagan at katayuan ay naging buhay ko. Araw-araw, kinokontrol nito ang buhay ko at mga kilos ko, kaya kahit saang grupo ng mga tao pa ako naroroon, gusto kong palagi akong hinahangaan at pinupuri ng iba, at ayaw kong napag-iiwanan. No’ng pinahalagahan ako ng mga lider, tiningala ako, at ipinromote na gumawa ng mahalagang gawain, labis akong nasiyahan, pero no’ng wala ang kanilang pagpapahalaga at promosyon, naging negatibo ako at ubod ng sama, iniraos ko lang ang mga tungkulin ko, nawalan ng interes, at ginusto pa ngang sumuko. Malinaw ko nang nakikita ngayon na ang paniniwala ko sa Diyos ay hindi taos-puso, ito ay para lamang sa katayuan. Noong mataas ang katayuan ko, masigla akong naghanap, pero no’ng hindi ko makuha ang katayuan, nawala ang direksyon at mga layon sa aking paghahanap. Nakita ko na ang paghahangad ko sa katanyagan at katayuan ay naging isang masidhing damdamin. Sa tuwing nahaharap ako sa parehong sitwasyon, nagiging negatibo at mahina ako, namumuhay sa isang kalagayan ng paghihimagsik, at walang intensyon na gampanan ang tungkulin ko. Bigla kong napagtanto na nasa seryosong panganib ako kung magpapatuloy ako nang ganito.

Pagkatapos n’on, nabasa ko ‘to sa salita ng Diyos, “Talagang itinatangi ng ilang tao ang katayuan at katanyagan, masyadong mahilig sa mga iyon, hindi maatim na isuko ang mga iyon. Pakiramdam nila palagi ay walang kagalakan o pag-asa sa buhay kapag walang katayuan at katanyagan, na may pag-asa lang sa buhay na ito kapag nabubuhay sila para sa katayuan at katanyagan, kaya patuloy pa rin silang nakikipaglaban kahit para sa maliit na kabantugan, hinding-hindi sila susuko. Kung ito ang iniisip at pananaw mo, kung puno ng gayong mga bagay ang puso mo, wala kang kakayahang mahalin at hangarin ang katotohanan, wala kang tamang direksyon at mga layon sa iyong pananampalataya sa Diyos, at wala kang kakayahang hangarin na kilalanin ang sarili mo, na iwinawaksi ang katiwalian at isinasabuhay ang wangis ng tao; binabalewala mo ang mga bagay-bagay kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, wala kang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad, at nasisiyahan ka lang sa hindi paggawa ng kasamaan, hindi pagsasanhi ng problema, at hindi napapalayas. Magagampanan ba ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan? At maaari ba silang iligtas ng Diyos? Imposible. Kapag kumikilos ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, iniisip mo pa rin na, ‘Hindi masamang magpasikat. Ginagampanan ko ang tungkulin ko; basta’t hindi masama ang ginagawa ko at hindi nakakagulo, kahit mali ang motibo ko, walang makakakita niyon o magkokondena sa akin.’ Hindi mo alam na sinusuring mabuti ng Diyos ang lahat. Kung hindi mo tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, at kinasusuklaman at itinatakwil ka ng Diyos, tapos na ang lahat para sa iyo. Iniisip ng lahat ng walang takot sa Diyos na matalino sila; sa katunayan, ni hindi nila alam kung kailan sila nagkasala sa Kanya. Hindi nakikita nang malinaw ng ilang tao ang mga bagay na ito; iniisip nila, ‘Hinahangad ko lang ang reputasyon at katayuan upang mas marami akong magawa, para makatanggap ako ng higit pang responsibilidad. Hindi ito nanggagambala o nanggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at lalong hindi nito pinipinsala ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Hindi ito malaking problema. Hindi masyadong malaki ang hinihingi ng Diyos, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na gumawa ng mga bagay na hindi nila kaya o ayaw nilang gawin. Maaaring mahilig ako sa katayuan at pinoprotektahan ko ang aking katayuan, pero hindi masamang gawa iyon.’ Sa tingin, maaaring hindi mukhang masamang gawa ang gayong hangarin, pero saan humahantong iyon sa huli? Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Makakamtan ba nila ang kaligtasan? Talagang hindi. Samakatuwid, ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad ng katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o puntirya ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad sa katayuan at katanyagan, at kung nahihirapan kang isantabi ang mga bagay na ito, maaapektuhan nito ang pagpasok mo sa buhay. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, lubos nitong makokontrol at maiimpluwensyahan ang direksyon ng buhay mo at ang mga mithiing pinagsusumikapan mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa realidad ng katotohanan, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman naisasantabi ang paghahangad mo sa katayuan, maaapektuhan nito ang kakayahan mong magampanan nang sapat ang iyong tungkulin, kaya mahihirapan kang maging katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at nililinis ng Diyos. Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkumpitensya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa likas na katangian, hindi ba’t ang lahat ng ito ay pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektibo ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi kapuri-puri para sa Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung naghahangad ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban isa lamang ang kahihinatnan nito: Mailalantad ka at mapapalayas, na walang kahahantungan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, natakot ako, at naramdaman kong babala ito ng Diyos sa akin. Kung pahahalagahan ko pa rin ang katayuan ko, at iisiping walang pag-asa ang buhay kung walang katayuan at mahahalagang gampanin, ang ganitong paghahanap ay pakikipaglaban para sa katayuan at pagsalungat sa Diyos, hindi pag-asal at pagganap sa tungkulin mula sa posisyon ng isang nilikha, kaya ang magpatuloy sa landas na ito ay walang kalalabasan, at sa huli, mapupunta ako sa impiyerno at parurusahan! Takot at nanginginig, binasa ko itong sipi ng salita ng Diyos nang magkakasunod na ilang beses, at mula sa aking puso, nadama ko na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag. Akala ko dati ang mga tao ay may tiwaling disposisyon, kaya normal na maghangad ng katanyagan at katayuan, lahat ay sinusubukang itaas ang kanilang katayuan, at ‘yung mga hindi ay walang ambisyon at walang layon o determinasyon. Kaya, hindi ko sineryoso ang katiwalian ko sa parteng ito. Negatibo lang ako minsan, at iniisip na bubuti ang pakiramdam ko pagkaraan ng ilang araw. Hindi nito masyadong naantala ang gawain ko, at wala akong ginawang hindi tama, kaya hindi ko inisip na malaking problema ‘to. Pero malinaw na sinabi ng Diyos na ang paghahangad sa katayuan ay isang landas na walang labasan! Sa pagninilay-nilay, may naunawaan ako. Ang paghahangad ng katanyagan at katayuan ay isang satanikong disposisyon, at ito ang landas ng paglaban sa Diyos. Ang paghahangad nang ganito ay laban sa Diyos at pakikipagkumpitensya sa Diyos para sa katayuan, at ang mga gumagawa nito ay parurusahan ng Diyos dahil sa paglaban sa Kanya. Naisip ko ang arkanghel, na ang katayuan ay sapat nang mataas, pero hindi ito kontento. Ninanasa nito ang katayuan ng Diyos at nais na maging kapantay ng Diyos, at sa huli, itinakwil ito ng Diyos. Ako na ang namamahala sa ilang gawain sa iglesia. Base sa kakayahan at tayog ko, hindi ako karapat-dapat tumanggap ng ganoon kahalagang gawain. Pero hindi ako nasiyahan. Hindi ako nagsikap na magtamo ng pinakamagagandang resulta sa sarili kong tungkulin. Sa halip, gusto kong gumawa ng mas malaking trabaho para magpakitang-gilas at mapatingala sa akin ang mga tao. Hindi ba’t katulad lang ako ng arkanghel? At noong namumuhay ako sa kalagayan ko ng pakikipaglaban para sa katanyagan at katayuan, hindi lamang ito ilang araw ng pagkanegatibo gaya ng inakala ko, humantong ito sa paghadlang sa gawain, at dumating sa puntong handa na akong magbitiw nang hindi ko nakuha ang katayuan, kung saan hindi ko sineryoso ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung saan wala akong malasakit sa tungkulin ko, iniraraos lang ang gawain hangga’t maaari at nagpapaliban, at kung saan wala akong pakialam kung napinsala man ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ayaw kong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, palagi akong nakikipaglaban para sa katayuan, at naging pasibo ako at galit kung hindi ko ito nakukuha. Tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos, kaya paano ako hindi kasusuklaman ng Diyos? Habang iniisip ito, natakot ako at nagsisi. Mabilis akong nagdasal sa Diyos para sabihin na nais kong magsisi at ayoko nang maghangad ng katanyagan at katayuan.

Pagkatapos, nakahanap ako ng daan para makawala sa mga gapos ng katanyagan at katayuan sa mga salita ng Diyos at naunawaan kung ano ang dapat hangarin ng isang nilikha. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Malinaw na sinasabi ng salita ng Diyos na ang paghahangad ng katayuan at pagiging isang superman ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang aktwal na hangarin na dapat mayroon ang mga tao ay ang pagiging isang tunay na nilikha. Matapos basahin ang salita ng Diyos, alam ko na kung ano ang dapat kong hangarin. Ako ay isang nilikha, at ang Diyos ang pinakanakakaalam kung anong gawain ang kaya ko. Kahit nasa anong posisyon man ako, ang nais ng Diyos ay ang gampanan ko ang papel ng isang nilikha sa praktikal na paraan, at tuparin nang maayos ang tungkulin ko. Kailangan kong magdasal sa Diyos para mabitawan ang mga ambisyon at pagnanais ko, at anuman ang tungkulin ko, dapat akong sumunod sa mga pagsasaayos ng Diyos, taos-pusong tuparin ang sarili kong mga responsibilidad, at sikaping maging epektibo sa aking tungkulin. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Pakatapos n’on, hindi ko na inisip kung mapopromote ba ako. Sa halip, sadya kong pinagnilayan kung paano magiging mas epektibo para makamit ang pinakamagagandang resulta, at nag-isip ako ng mga paraan para malutas ang mga bagay kapag nagkakaproblema. Pagkaraan ng ilang panahon, nakipagtulungan ako sa mga kapatid upang malampasan ang ilang paghihirap, at ang kahusayan ng gawain namin ay bumuti rin.

Sa mga sumunod na araw, maya’t maya’y naririnig ko pa rin na ang mga katuwang ko dati ay napromote bilang mga lider o superbisor. Kahit na medyo nadismaya pa rin ako, dahil pakiramdam ko’y naipapakilala ng iba ang sarili nila sa pamamagitan ng pagkapromote, habang ako ay nananatili pa rin sa parehong puwesto, agad ko namang natanto na ito’y pagnanais kong muli para sa katayuan sa gawain. Kaya’t mabilis akong nagdasal at tinalikdan ang sarili ko, at naisip ko ang salita ng Diyos, “Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, isang hamak at walang-kabuluhang nilalang ng Diyos—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao.” Pagkatapos, ang mga layon ko ay naging malinaw sa puso ko. Nakita ko na ang katayuan ay hindi paunang itinalaga ng Diyos para sa mga tao. Anuman ang tungkulin mo, tinutupad mo ang iyong responsibilidad. Ginagamit din nito ang iyong sariling kalakasan at kakayahan sa tamang posisyon. Ang pagiging lider ay hindi nangangahulugang meron kang katayuan, at walang mas mataas at mas mababang posisyon. Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay na tayo ay maging kuwalipikadong nilikha, at sumunod sa mga pagsasaayos ng Diyos. Tanging ito ang mga tamang hangarin. Kung hindi kayang sundin ng mga tao ang Diyos, hindi kayang mapanatili ang kanilang mga tungkulin at hinahangad lamang na umasenso at magkamit ng katayuan, ito ay kahiya-hiya. Naunawaan ko rin na isang pagsubok ng Diyos para sa akin ang makita at marinig ang mga kapatid sa paligid ko na napromote. Binabantayan ng Diyos ang saloobin ko. Sa pagdarasal at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natatanggap ko nang tama ang mga bagay na ito, hindi na ako negatibo, at nagagampanan ko nang maayos ang tungkulin ko. Matapos maranasan ang mga bagay na ito, natanto ko ang mabubuting layunin ng Diyos. Kung ako, na may pagmamahal sa katayuan, ay naging lider talaga, matatahak ko nang hindi sinasadya ang landas ng anticristo, at sisirain ko lamang ang sarili ko. Ngayon, nagagawa ko nang maging masunurin at praktikal sa tungkulin ko. Ito ang mga epekto ng paghatol ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Kwento ni Angel

Ni Angel, MyanmarNakilala ko si Sister Tina sa Facebook noong Agosto 2020. Sinabi niya sa akin na nagbalik na ang Panginoong Jesus, na...