Paano Ako Nakawala sa mga Pagpigil ng Emosyon

Pebrero 24, 2024

Ni Li Yi, Tsina

Noong Nobyembre ng nakaraang taon, nakatanggap ako ng liham mula sa isang lider na nagdedetalye kung paanong ang aking ina, na isang mananampalataya sa loob ng maraming taon, ay hindi na dumadalo nang maayos sa mga pagtitipon. Palagi siyang abala sa pagkita ng pera at kapag dumadalo naman siya sa mga pagtitipon sa iba’t ibang lugar, madalas siyang nakakatulog. Bihira siyang magbasa ng mga salita ng Diyos, hindi nakikinig sa mga sermon, ang mga pananaw niya ay katulad ng sa mga hindi nananalig, at ang mga kilos niya ay malinaw na katulad ng sa isang walang pananampalataya. Sinusuri ng iglesia ang kanyang sitwasyon para mapagdesisyunan kung dapat ba siyang tanggalin, kaya hiniling nila sa akin na magbigay ng pagtatasa. Medyo nabigla ako, iniisip na: “Nagkamali ba ang lider ng iglesia? Kahit papaano ay kung titingnan, parang nagpapakita ng kaunting sipag at sigasig ang nanay ko sa kanyang pananampalataya sa loob ng maraming taon. Minsan tinutulungan pa niya ang ibang kapatid kapag nagkakaproblema sila buhay nila. Siguro naman ay hindi pa siya umabot sa puntong karapat-dapat na siyang tanggalin?” Ngunit pagkatapos ay naisip ko na palaging nag-aalis ng mga tao ang iglesia ayon sa prinsipyo at gumagawa ng desisyon batay sa pangkalahatang pag-uugali at kalikasang diwa ng isang tao—hindi nito kailanman pakikitunguhan ang isang tao nang di-makatarungan. Dinala ako ng mga tungkulin ko sa labas ng bayan sa loob ng ilang taon, kaya hindi ako nakakasiguro kung paano kumikilos ang ina ko sa iglesia. Dapat ay tanggapin ko muna ito at magpasakop.

Pagkatapos niyon, sinimulan kong pagnilayan kung paano kumikilos ang aking ina kapag magkasama kami. Sa tuwing umuuwi ako at tinatanong siya tungkol sa kalagayan niya, sadyang iniiwasan niya ang pagtatanong ko. Bihira din siyang magbasa ng mga salita ng Diyos o makinig sa mga sermon. Sinasabi niyang sang-ayon siya kapag nakikipagbahaginan ako sa kanya sa kahalagahan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pero pagkatapos, magbabalik lang siya sa kanyang mga dating gawi. Ni hindi nga siya dumalo sa mga regular na pagtitipon para lang kumita ng mas maraming pera. Sa kabila ng pakikipagbahaginan ko sa kanya nang ilang beses sa isyung ito, nabigo siyang baguhin ang kanyang pag-uugali, sinasabing sarili lamang niya ang kanyang maaasahan para mapabuti ang kanyang kapalaran. Higit pa rito, madalas siyang nakikipagtalo sa ama ko dahil sa walang kabuluhang bagay. Sa tuwing nagiging malupit ang tono ng ama ko sa kanya at nasusugatan ang kanyang pagpapahalaga sa sarili, nagagalit siya, madalas na minumura ang ama ko gaya ng isang hindi mananampalataya para mailabas ang kanyang galit. Hindi siya nakikinig kapag nagbabahagi ako sa kanya kung paano isabuhay ang wastong pagkatao, sinasabing hindi niya ito mapigilan. Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Mayroong ilang tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa madaling salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga tagasunod Niya sila, dahil hindi Niya pinupuri ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, ilang taon man nila nasunod ang Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw; para silang mga hindi mananampalataya, sumusunod sa mga prinsipyo at paraan ng pakikisalamuha sa mga tao ng mga hindi manananampalataya, at sa mga batas ng pananatiling buhay at pananampalataya. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi kailanman naniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at hindi kailanman kinilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Ang tingin nila sa paniniwala sa Diyos ay libangan ng baguhan, na tinatrato Siya bilang isang espirituwal na pagkain lamang; sa gayon, hindi nila iniisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon o diwa ng Diyos. Masasabi na lahat ng tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito; hindi sila interesado, ni hindi sila mag-aabalang makinig. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroong isang malakas na tinig na laging nagsasabi sa kanila, ‘Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi nahihipo, at hindi umiiral.’ Naniniwala sila na ang pagsisikap na unawain ang ganitong uri ng Diyos ay pagsasayang ng kanilang pagsisikap, at na niloloko lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito. Naniniwala sila na sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos sa mga salita nang walang anumang tunay na paninindigan o pamumuhunan ng kanilang sarili sa anumang tunay na mga kilos, medyo matalino sila. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga tao? Ang tingin Niya sa kanila ay mga hindi mananampalataya(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natanto ko na ang mga walang pananalig ay pasalita lamang na kinikilala ang paniniwala sa Diyos nang hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan. Sila ay may kalikasang diwa na ayaw sa katotohanan, at hindi kailanman kinilala ng Diyos ang pananampalataya nila. Hindi kailanman tinanggap ng aking ina ni bahagya ang katotohanan sa mga taon niya bilang isang mananampalataya at nanalig siya, nag-isip, nagsalita at kumilos tulad ng isang taong walang pananampalataya—hindi ba’t ginagawa siya niyon na isang walang pananalig? Dapat akong magbigay ng matapat na paglalarawan ng pag-uugali niya. Pero, palagi namang sinusuportahan ng aking ina ang pananampalataya ko at, kahit na ang ibang miyembro ng pamilya ay tumututol o inaaway ako, palagi niya akong pinoprotektahan para matupad ko ang mga tungkulin ko nang mapayapa. Sinuportahan din niya ako sa pinansyal sa mga taon ng pagtupad ko sa mga tungkulin ko sa labas ng bayan. Nang magkasakit ako, dinala niya ako sa ospital at naglakad pataas at pababa sa hagdan para marehistro ako at kunin ang gamot ko. Sa tuwing umuuwi ako, binibilhan niya ako ng pagkain at damit…. Hindi ko talaga makayang isulat ang pagtatasa pagkatapos maalala ang lahat ng bagay na ito. Labis akong nahirapan at naguluhan: “Ina ko siya kaya ang pagsusuri ko ay matimbang talaga. Kung magbibigay ako ng matapat na paglalarawan ng kanyang pag-uugali, mas malamang na maaalis siya. Hindi kaya iyon ang maging katapusan ng kanyang landas ng pananampalataya? Kapag nalaman niyang isinulat ko ang tungkol sa kanyang mga pag-uugaling tulad ng sa walang pananalig, masasaktan siya nang husto, at tiyak na iisipin niyang wala akong puso at utang na loob.” Parang sinaksak ang puso ko ng isang kutsilyo nang maisip ko ito, at umagos ang mga luha mula sa mga mata ko. Sa gitna ng aking pagdurusa, nanalangin ako sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na patnubayan ako na pumanig sa tama at panindigan ito.

Mas naging kalmado ako pagkatapos ng aking panalangin. Sa oras na iyon, tiyempong nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pag-ibig sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Ang lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao ay nangyayari kapag kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang bawat detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay isang patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga hindi mananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. … Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktwal na katayuan at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng maugong na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktwal na pagmamahal sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, natanto ko na ang pagpapasulat sa akin ng pagtatasa na ito tungkol sa aking ina ay may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat ay tinanggap ko ang pagsusuri ng Diyos at sinunod Siya sa bagay na ito. Sa halip na kumilos ayon sa emosyon, dapat ay obhektibo kong inilarawan ang totoong sitwasyon ng aking ina. Ngunit dahil sa aking emosyonal na koneksyon sa kanya, nag-atubili akong isulat ang pagtatasa kahit alam na alam kong marami-rami siyang pag-uugali ng isang walang pananalig, natatakot na maaari siyang paalisin sa iglesia at mawala ang kanyang pagkakataong maligtas. Hindi ba’t nabigo akong panindigan ang tama at magpatotoo? Hindi ako handang pumanig sa katotohanan sa aking pananampalataya at protektahan ang gawain ng iglesia, at pinrotektahan ko pa nga ang aking ina dahil sa aming emosyonal na koneksyon—nasaan ang may-takot-sa-Diyos na puso ko? Noon, aktibo at masigasig kong pinakikitunguhan ang mga natuklasang anticristo, masamang tao, at walang pananalig, nakikipagbahaginan sa mga kapatid sa kahalagahan ng gawain ng paglilinis sa iglesia, at nagsasalita nang may katarungan sa paglalantad ng mga negatibong bagay para protektahan ang gawain ng iglesia. Gayunpaman, pagdating sa isyu sa aking ina, naimpluwensyahan ako ng aking emosyonal na koneksyon sa kanya at hindi ako makakilos nang ayon sa prinsipyo. Wala akong kahit katiting na katotohanang realidad at napakatindi ng damdamin ko! Nang mapagtanto ang lahat ng ito, hindi na ako nakaramdam ng labis na paghihirap at ginawa ko kaagad ang pagtatasa, at ipinadala ito sa lider pagkatapos na pagkatapos nito.

Kinabukasan, nabasa ko sa isang sermon na kahit na ang isang tao ay ilang taon nang mananampalataya nang hindi hinahanap ang katotohanan, kung hindi siya nakapagdulot ng anumang kaguluhan o pagkagambala, maaari siyang pansamantalang maligtas mula sa pagkakatanggal. Nabuhayan ako ng loob. Hindi lang hinanap ng aking ina ang katotohanan, pero hindi siya nakapagdulot ng anumang malinaw na panggugulo o panggagambala sa gawain ng iglesia. Sa partikular na sitwasyon niya, malamang na may pagkakataon pa siyang magsisi. Naisip ko na posibleng hindi naunawaan ng lider ng iglesia ang kanyang sitwasyon. Marahil ay pwede akong sumulat ng isang liham na nagbibigay-diin sa kung paano masigasig na tinutulungan ng aking ina ang mga kapatid, o pwede kong hilingin sa kanila na magbahagi pa sa kanya. Tiyak na mas mabuti para sa kanya na patuloy na gumawa ng serbisyo sa iglesia kaysa alisin siya. Hindi na ako makapaghintay na magsulat ng liham sa lokal na lider ng iglesia, pero nang magsisimula na akong magsulat, nagdalawang-isip ako: “Hindi ko lubos na nauunawaan ang kasalukuyang pag-uugali ng aking ina. Kung talagang hindi niya nababasa nang regular ang mga salita ng Diyos at natutulog sa mga pagtitipon, hindi ba’t makakaimpluwensya iyon sa iba pang kapatid sa mga pagtitipon? Hindi ko ba isinusulat lang ang liham na ito dahil mayroon akong emosyonal na koneksyon sa aking ina at gusto ko siyang protektahan? Pero kung talagang aalisin siya, hindi na siya magkakaroon ng pagkakataong matamo ang kaligtasan.” Habang nahihirapan ang loob ko, dali-dali akong nanalangin sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya ako na maunawaan ang aking hindi wastong kalagayan at matutong pigilin ang pagkilos ayon sa mga emosyon ko. Pagkatapos ng panalangin, nakita ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anong mga isyu ang may kaugnayan sa mga emosyon? Una ay kung paano mo kinikilatis ang sarili mong pamilya, at kung ano ang nagiging reaksyon mo sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kasama sa ‘mga bagay na kanilang ginagawa’ ang kapag ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, kapag mapanghusga sila sa mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, kapag ginagawa nila ang mga bagay na ginagawa ng mga walang pananampalataya, at iba pa. Magagawa mo bang hindi kilingan ang mga bagay na ito na ginagawa ng iyong pamilya? Kung pasusulatin ka ng ebalwasyon tungkol sa pamilya mo, gagawin mo kaya ito nang walang halong damdamin at patas, na isinasantabi ang sarili mong mga emosyon? Nauugnay ito sa kung paano mo dapat harapin ang mga kapamilya. Sentimental ka ba sa mga taong nakapalagayan mo ng loob o tumulong sa iyo noon? Magiging walang pinapanigan, walang kinikilingan at mahigpit ka kaya tungkol sa kanilang mga kilos at pag-uugali? Iuulat o ilalantad mo ba sila agad kung madiskubre mong ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia? Higit pa rito, sentimental ka ba sa mga taong malalapit sa iyo, o kapareho mo ng mga interes? Wala kayang kikilingan at walang papanigan ang iyong ebalwasyon, pakahulugan, at tugon sa kanilang mga kilos at pag-uugali? At ano kaya ang magiging reaksyon mo kung idinikta ng prinsipyo na kailangang gumawa ng kaukulang hakbang ang iglesia laban sa isang taong may emosyonal kang koneksyon, at salungat ang mga hakbang na ito sa sarili mong mga kuru-kuro? Susunod ka kaya? Patuloy ka bang palihim na makikipag-ugnayan sa kanila, magpapalinlang ka pa rin ba sa kanila, masusulsulan ka pa rin ba nilang magdahilan para sa kanila, na mangatwiran at ipagtanggol sila? Ilalagay mo kaya ang iyong sarili sa alanganin upang tulungan ang mga naging mabait sa iyo, nang nang walang kamalayan sa mga katotohanang prinsipyo at walang pakialam sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? May kinalaman sa lahat ng ito ang iba’t ibang isyung may kaugnayan sa mga emosyon, hindi ba?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2). “Ipagpalagay, halimbawa, na ang mga kamag-anak o magulang mo ay mga mananampalataya sa Diyos, at dahil sa paggawa ng masama, paglikha ng mga kaguluhan, o hindi pagkakaroon ng anumang pagtanggap sa katotohanan, napaalis sila. Gayunpaman, hindi ka mapagkilatis sa kanila, hindi mo alam kung bakit sila napaalis, at masamang-masama ang loob mo, at panay ang reklamo mo na ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal at hindi patas sa mga tao. Dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, pagkatapos ay kilatisin kung anong uri ba talaga ng mga tao ang mga kamag-anak mong ito batay sa mga salita ng Diyos. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan, matutukoy mo sila nang tumpak, at makikita mong tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at na Siya ay isang matuwid na Diyos. Kung magkagayon ay wala ka nang magiging reklamo, at magagawa mo nang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi mo na susubukang ipagtanggol ang mga kamag-anak o magulang mo. Ang punto rito ay hindi ang putulin ang inyong pagiging magkamag-anak; ito ay para lamang matukoy kung anong klaseng mga tao sila, at para magawa mo silang makilatis, at malaman mo kung bakit sila pinalayas. Kung talagang malinaw ang mga bagay na ito sa iyo sa puso mo, at tama ang mga pananaw mo, at naaayon sa katotohanan, kung gayon ay magagawa mong pumanig sa Diyos, at ang mga pananaw mo sa usapin ay magiging ganap na tugma sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan o tingnan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, at pumapanig ka pa rin sa mga relasyon at pananaw ng laman kapag tinitingnan ang mga tao, hindi mo kailanman maiwawaksi ang relasyong ito sa laman, at tatratuhin mo pa ring kamag-anak ang mga taong ito—mas malapit pa sa iyo kaysa sa mga kapatid mo sa iglesia, kung magkagayon ay magkakaroon ng kontradiksyon sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng iyong mga pananaw tungkol sa iyong pamilya sa usaping ito—isang tunggalian pa nga, at sa gayong mga sitwasyon, magiging imposible na pumanig ka sa Diyos, at magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kaya, para makamit ng mga tao ang pagiging kaayon ng Diyos, una sa lahat, dapat munang naaayon sa mga salita ng Diyos ang kanilang mga pananaw ukol sa mga usapin; dapat magawa nilang tingnan ang mga tao at bagay batay sa mga salita ng Diyos, tanggapin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at magawang isantabi ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng tao. Kahit ano pang mga tao o bagay ang kinakaharap mo, dapat mong mapanatili ang mga pananaw at perspektibang kapareho ng sa Diyos, at ang iyong mga pananaw at perspektiba ay dapat nakaayon sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ang mga pananaw mo at ang paraan ng pakikitungo mo sa mga tao ay hindi magiging laban sa Diyos, at magagawa mong sumunod sa Diyos at maging kaayon ng Diyos. Hinding-hindi na magagawa ng gayong mga tao na muling lumaban sa Diyos; sila mismo ang mga taong ninanais ng Diyos na makamit(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasan at Diwa ni Pablo). Inihahayag ng mga salita ng Diyos kung paanong iyong mga nakagapos sa kanilang damdamin sa laman ay hindi kayang isagawa ang katotohanan o hindi makatwiran at makatarungang sinusuri ang kanilang sariling mga kamag-anak, at lalong hindi kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagkus, patuloy nilang pinoprotektahan, pinangangalagaan, at ipinagtatanggol ang kanilang mga kamag-anak, nang hindi man lang iniisip ni katiting ang mga interes ng iglesia. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako nang kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Alam na alam ko na ang kalikasang diwa ng aking ina ay sa isang walang pananalig, at na siya ay naging gambala na sa buhay-iglesia. Dapat kong isagawa ang katotohanan at ilantad ang mga pag-uugali ng aking ina para maprotektahan ang gawain ng iglesia. Ngunit hindi ko mabitawan ang aking emosyonal na koneksyon at nag-alala ako na kung aalisin siya, tuluyan siyang mawawalan ng pagkakataong matamo ang kaligtasan. Dahil dito, ginusto kong makipagtalo para sa kanya at, lalo na kapag naiisip ko kung gaano siya kabuti sa akin noon pa man, sinubukan kong protektahan siya, bantayan siya at huwag ibunyag ang kanyang mga pag-uugali. Matapos basahin ang sermon na iyon, hindi ko basta lubos na tinanggap ang mga prinsipyo sa likod ng pagtitiwalag at pag-aalis ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, bagkus ay naghanap pa ako ng butas. Nais kong maging maluwag ang iglesia sa ina ko at hayaan siyang manatili, upang baka sakali ay magkaroon pa rin siya ng pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawain ng paglilinis alang-alang sa kadalisayan ng iglesia, at upang mabigyan ang mga kapatid ng positibong kapaligiran para sa buhay-iglesia na malaya sa mga panggagambala ni Satanas. Gayunpaman, hinayaan kong manaig sa akin ang aking emosyonal na koneksyon, pinoprotektahan ang aking ina nang walang kahit kaunting pagsasaalang-alang para sa gawain ng iglesia o kung paano ito maaaring makapinsala sa buhay ng mga kapatid. Masyado akong naging makasarili at kasuklam-suklam! Ako ay lubusang ginawang tiwali ni Satanas at namuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang gaya ng “Mas matimbang ang dugo kaysa tubig” at “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa emosyon?” Naisip ko na dahil inalagaan akong mabuti ng aking ina sa aking paglaki at sinuportahan ako sa pagtupad ng aking mga tungkulin, anumang bigat ng masasamang pag-uugali niya ay dapat pagpasensyahan. Bilang anak niya, pakiramdam ko ay hindi talaga pagiging tapat na maghintay lamang at manood habang tinatanggal siya. Hangga’t may kaunting pag-asa, dapat akong lumaban upang makahanap ng pagkakataon na manatili siya sa iglesia. Hindi ba’t lubos kong sinasalungat ang Diyos? Sa mga taon niya bilang isang mananampalataya, hindi kailanman pinahalagahan ng aking ina ang mga salita ng Diyos, hindi siya palagiang dumalo sa mga pagtitipon, o isinagawa ang mga salita ng Diyos. Sa halip, ibinuhos niya ang sarili sa paghahangad ng mga makamundong bagay at pera, at sinabi pa nga na: “Hindi ako pwedeng abalahin para hanapin ang katotohanan. Ang kumita ng pera ang pinakasiguradong pagpipilian ko.” Isang beses, matapos matanggal ang isang matandang mag-asawa na mahigit isang dekada nang mananampalataya dahil sa kanilang masasamang gawa at panggagambala sa gawain ng iglesia, sinabi niya sa mga kapatid, “Kakaunti lang sa atin ang magtatagumpay sa ating pananampalataya—naalis na sila. Sa malao’t madali ay ako naman.” Noong panahong iyon, nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa kung paano inaalis ng iglesia ang mga tao ayon sa prinsipyo at batay sa kanilang pangkalahatang pag-uugali at kalikasang diwa. Sinabi ko rin sa kanya na naghahasik siya ng pagkanegatibo sa mga ganoong komento. Gayunpaman, hindi niya pinagnilayan ang kanyang sarili at tila ganap na walang malasakit. Napagtanto ko na hindi kailanman tinanggap ng ina ko ang katotohanan sa lahat ng mga taon niya sa iglesia at hindi man lang siya nagkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos—isa lamang siyang walang pananalig. Hindi ko nakilala ang kanyang totoong diwa ayon sa mga salita ng Diyos, at may katigasan pa akong kumapit sa sarili kong mga huwad na pananaw. Naniwala ako na bagama’t hindi niya hinangad ang katotohanan, hangga’t hindi siya hayagang nanggugulo at nanggagambala sa mga bagay-bagay, pwede siyang magpatuloy na gumawa ng serbisyo sa iglesia at maaaring magkaroon pa rin ng pagkakataong maligtas. Hindi ko napagtanto na kahit na ang mga walang pananalig ay maaaring hindi halatang gumagawa ng masasama sa panlabas, hindi pinahahalagahan ng kanilang kalikasang diwa ang katotohanan, bagkus ay inaayawan ito. Kahit ilang taon pa silang manatili sa iglesia, hinding-hindi nila makakamit ang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay o matatamo ang kaligtasan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang ipahayag ang katotohanan para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Kung hindi mahal ng mga tao ang katotohanan, hindi kailanman maaalis sa kanila ang mga tiwaling disposisyon at sa malao’t madali, sila ay palalayasin. Napagtanto ko na hindi ko naunawaan ang katotohanan at ang mga pananaw at kaisipan ko ay talagang kakatwa. Naisip ko rin na ang mga walang pananalig ay naghahasik ng kanilang sekular na mga ideya sa loob ng iglesia, na ganap na salungat sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Ang mga kapatid na walang masyadong tayog na hindi pa nauunawaan ang katotohanan ay walang pagkakilala; maaari silang magambala at mailigaw kaagad ng gayong mga ideya. Maaari itong magdulot sa kanila na malublob sa kahinaan at pagkanegatibo, at sa malulubhang kaso, maaaring humina ang kanilang pananalig at maaari silang lumayo sa Diyos. Ang mga walang pananalig ay hindi talaga mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, hindi natin sila mga kapatid; sa diwa sila ay nabibilang sa diyablo na si Satanas at mga kaaway ng Diyos. Kung hindi sila kaagad mapapaalis sa iglesia, magbubunga lamang sila ng kapahamakan. Ang aking ina ay maraming taon nang mananampalataya, pero hindi pa rin niya regular na binabasa ang mga salita ng Diyos, at lalong hindi niya ito isinasagawa. Paano man ako nagbahagi sa kanya, hinangad pa rin niya ang mga makamundong bagay at ang kumita ng pera at likas na ayaw sa katotohanan. Madalas niyang ikinakalat ang kanyang mga walang pananalig na ideya at kuru-kuro at ginagambala ang buhay-iglesia. Kahit na bigyan pa siya ng isa pang pagkakataon, hindi talaga siya magsisisi. Ang katunayan na sinubukan kong protektahan ang miyembrong ito na kauri ng diyablo at ginustong makipagtalo para sa kanya upang mapanatili siya sa iglesia ay nagpakitang isa talaga akong hangal at hindi alam ang tama sa mali.

Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Labis akong napukaw ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao at lahat ng mayroon ako ay nagmumula sa Kanya. Ang Diyos ang nag-alaga sa akin at nagtustos sa akin hanggang sa pagtanda. Pagkatapos niyon, biniyayaan ako ng Diyos, pinahihintulutan akong lumapit sa harap Niya at tanggapin ang pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang mga salita para maunawaan ko ang katotohanan, malaman ang kahulugan ng buhay at kung paano ang dapat na maging asal ko at piliin ang tamang landas. Lahat ng ito ay pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Inorden ng Diyos ang aking ina na maging tagapag-alaga ko at palakihin ako sa materyal na mundo—dapat kong tanggapin ang kanyang pangangalaga sa akin dahil nagmumula ito sa Diyos, igalang siya, at tuparin ang aking papel bilang kanyang anak. Gayunpaman, pagdating sa mga bagay na tungkol sa katotohanang prinsipyo, hindi ako pwedeng maimpluwensyahan ng emosyonal na koneksyon, kundi kailangan kong isagawa ang katotohanan at ilantad ang lahat ng walang pananalig na pag-uugali ng aking ina. Iyon lamang ang pagkilos nang matapat at makatwiran, at ayon sa katotohanang prinsipyo. Kung hahayaan kong makaimpluwensya ang aking damdamin sa laman sa aking asal, nagbibigay ng pagmamahal, habag, pag-iingat at proteksyon sa isang walang pananalig na gaya ng aking ina, nang wala ni kaunting pagsasaalang-alang para sa gawain ng iglesia o kung paano maaaring maabala ang buhay-iglesia ng mga kapatid, isinasakripisyo ang mga katotohanang prinsipyo para protektahan ang aking relasyon sa aking ina, iyon ay pagrerebelde at paglaban sa Diyos. Noon lamang ako magiging tunay na walang konsensya at walang utang na loob. Matapos kong matanto ito, mas nakaramdam ako ng kalayaan at kaginhawahan.

Hindi nagtagal, bumalik ako sa bahay para asikasuhin ang ilang bagay at kumustahin ang aking ina habang nasa bayan ako. Noong gabing iyon, nag-usap kami tungkol sa kanyang sitwasyon kamakailan at alam niyang malapit na siyang tanggalin ng iglesia. Nang sinubukan kong magbahagi sa kanya, iniba niya lang ang usapan nang hindi nagkokomento. Matapos makitang wala siyang kahit katiting na pagsisisi sa kanyang mga ginawa, mas lalo akong nakumbinsi na ang desisyon ng iglesia na alisin siya ay ganap na nakaayon sa mga prinsipyo. Pagkalipas ng dalawang buwan, nakatanggap ako ng isa pang liham mula sa lokal na lider ng iglesia na humihiling sa akin na ipaliwanag pa ang pauna kong pagsusuri sa aking ina. Noong panahong iyon, naisip ko: “Maaari kayang hindi sapat ang kalubhaan ng masamang ugali ng nanay ko para mapaalis siya? Kung ganoon nga, ibig sabihin ba niyon na kahit papaano sa ngayon ay hindi siya matatanggal? Pero parang wala ni katiting na pagsisisi ang ina ko nang magbahagi ako sa kanya dalawang buwan na ang nakararaan. Dapat ko bang sabihin sa lider ng iglesia ang tungkol dito?” Habang paulit-ulit kong iniisip ang isyung ito, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko: “Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano’y magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsiyensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ibunyag ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong itigil ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay-iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad. Kung puwede mong ituring ang iyong tungkulin bilang responsabilidad at obligasyon mo at bilang atas ng Diyos, at nadarama mo na kailangan ito upang makaharap ka sa Diyos at sa iyong konsiyensiya, hindi ba isinasabuhay mo ang integridad at dignidad ng normal na pagkatao? Ang iyong mga gawa at pag-uugali ang magiging ‘pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan’ na sinasabi Niya. Isinasagawa mo ang diwa ng mga salitang ito at isinasabuhay ang realidad ng mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natanto ko na dapat kong alalahanin ang kalooban ng Diyos kapag tinutupad ko ang aking mga tungkulin, pangalagaan ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia at ilantad ang mga nasa iglesia na nagbunyag sa kanilang sarili bilang mga anticristo, masasamang tao, at walang pananalig. Tanging sa paggawa nito ko matutupad ang aking mga tungkulin at responsibilidad. Naisip ko kung paanong nang hilingin ng asawa ni Job sa kanya na talikuran ang Diyos, nagawa niyang tumayo sa panig ng Diyos at sinaway ang kanyang asawa bilang isang “hangal na babae.” Si Job ay tapat, prangka, at may malinaw na ideya kung ano ang dapat mahalin at kapootan ng isang tao. Hindi niya pinahintulutan ang mga emosyonal na koneksyon na makaimpluwensya sa paraan ng pamumuhay niya. Ako rin ay dapat na talikdan ang aking laman, ilantad ang katotohanan pagkakita nito at alisin ang mga walang pananalig sa iglesia nang walang pagpapaliban. Nang matanto ito, isinulat ko ang lahat ng pag-uugali na naobserbahan ko sa aking ina noong huling umuwi ako. Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng liham na nagsasabing tinanggal na ang aking ina sa iglesia. Binanggit ang ilan sa kanyang mga pag-uugali na idinetalye ko. Natuwa ako na hindi ako nagpadaig sa mga emosyon ko at hindi nawala ang aking patotoo. Nakaramdam ako ng kapayapaan at pagiging makatwiran.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng mas malinaw na pag-unawa kung paano nagpapasya ang Diyos kung sino ang ililigtas at kung sino ang palalayasin batay sa kanilang kalikasang diwa at pangkalahatang pag-uugali. Ito ay isang malinaw na pagpapamalas ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi natin dapat hayaang pagharian ng emosyonal na koneksyon ang paraan ng pakikitungo natin sa iba, kundi dapat nating ibatay ang ating mga kilos sa mga salita ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo. Ito lamang ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos na natamo ko ang bagong pagkaunawang ito at nagkaroon ako ng mga pakinabang na ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Rosalie, Timog KoreaSinimulan kong diligan ang mga baguhan sa iglesia dalawang taon na ang nakararaan. Alam kong isa talaga itong...

Leave a Reply