Pagsusuri sa Pagpapakalat ng Pagkanegatibo

Agosto 3, 2022

Isang araw noong nakaraang Disyembre, pagkatapos ng isang pulong, binanggit ng lider ko na si Chen Lin ay natanggal dahil sa madalas na pagrereklamo tungkol sa pagiging pagod, pagpapakatamad, at pag-ayaw na magbayad ng halaga, hindi nagbubunga ng mga resulta sa kanyang tungkulin. May masama rin siyang pagkatao, nagpakalat ng pagkanegatibo sa mga kapatid, at nakagambala sa kanyang tungkulin. Natanggal siya sa mga kadahilanang ito. Nagbigay ng halimbawa ang aking lider kung ano ang ibig niyang sabihin dito. Sinabi niyang nagdilig si Chen Lin ng mga baguhan sa loob ng ilang buwan nang walang naging resulta. Hindi niya nilutas ang mga problema ng mga baguhan, na nagkulong sa kanila sa pagkanegatibo at kahinaan. Kaya, batay sa kanyang pagganap sa mga tungkulin, nagpasya ang iglesia na tanggalin siya. Sa pulong, sinabi ni Chen Lin, “Naging masigasig ako sa aking tungkulin, at ito ang pasasalamat na makukuha ko? Bakit hindi ako pinapayagang magdilig ng mga baguhan? May mali ba sa akin? Hindi ba ako nararapat na gumanap sa tungkuling ito? Hindi ko na muling gagampanan ang tungkuling ito. Sobrang nakakahiya. Hindi ko alam kung bakit ginagawa ito ng Diyos, pero hindi ko maramdaman ang pagmamahal Niya.” Sinabi rin niya, “Bakit ang ilang taong hindi mahusay sa gawain nila ay nakakakuha pa rin ng pagkakataong magsagawa, pero hindi ako makakakuha ng pagkakataong gawin iyon?” Nakipagbahaginan sa kanya ang aming lider at sinuri kung paano siya nagpakalat ng pagkanegatibo sa kanyang mga salita, pero hindi pa rin ito matanggap ni Chen Lin. Sinabi niyang nagsasalita lamang siya tungkol sa kanyang katiwalian, at hindi nagpakalat ng pagkanegatibo. Nadama niyang kinokondena siya. Masama ang loob niyang sinabi, “Kung ang pagtalakay sa aking kalagayan sa mga pagpupulong ay pagpapakalat ng pagkanegatibo, wala akong ideya kung paano ako dapat magbahagi.” Matapos kong marinig ito, sobrang naguluhan ako. Sa anong konteksto sinasabi ni Chen Lin ang mga salitang ito? Nagsasalita ba siya tungkol sa katiwalian na inilantad niya sa mga pagpupulong, o sadya ba siyang nagpapakalat ng pagkanegatibo na may sariling mithiin o layunin? Batay sa mga salitang ito lamang, tama bang sabihin na siya ay nagpapakalat ng pagkanegatibo? Sa oras na iyon, labis akong naguguluhan. Hindi ko maiwasang isipin kung nagkamali ng pagkaunawa ang aming lider at namali ng paghusga kay Chen Lin. Kapag nangyayari ang mga bagay, maaaring hindi alam ng mga tao ang kalooban ng Diyos, at namamali ng pagkaunawa o nagrereklamo. Hindi ba’t normal lang ang magbahagi tungkol sa kanilang kalagayan sa mga pagpupulong? Talaga bang ito’y pagpapakalat ng pagkanegatibo? Noong panahong iyon, gusto ko talagang hilingin sa aking mga lider na malaman pa ang mga detalye at bakit nila siya itinuring na ganun, pero nag-alangan ako. Naisip ko, “Ilang beses ko lang nakasama si Chen Lin, at hindi ko siya masyadong kilala. Maraming tao ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin kasama siya. Hindi ba’t mas kilala nila siya kaysa sa akin? Kung talagang mali ang pagkakatanggal kay Chen Lin, magsasalita sila, kaya hindi ko na kailangang alalahanin iyon.”

Kinabukasan, iniisip ko pa rin iyon, at hindi ako mapakali. Lagi kong naiisip, “Sapat ba talaga ang ugali ni Chen Lin para matanggal siya? Talaga bang tama na sabihing siya ay nagpapakalat ng pagkanegatibo? Ang pagtanggal sa isang mabuting tao ay isang masamang gawa. Ikinalilito ko ito, kaya kung hindi ako magtatanong at maghahanap, ibig sabihin ba nito ay bulag akong nakikiayon dito? Iresponsable ba na tratuhin ang bagay na ito nang ganito?” Noon ko naalala ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Walang landas sa pagkakamit ng kaligtasan ang mas totoo o praktikal kaysa sa pagtanggap at paghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo makakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang paniniwala mo sa Diyos. Ang mga laging nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng doktrina, nag-uulit ng mga salawikain, nagsasabi ng matatayog na bagay, sumusunod sa mga tuntunin, at hindi kailanman tumututok sa pagsasagawa ng katotohanan ay walang nakakamit, kahit ilang taon na silang naniniwala. Sino ang mga taong may nakakamit? Ang mga taos-pusong gumaganap ng kanilang tungkulin at handang isagawa ang katotohanan, na itinuturing na kanilang misyon ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na masayang ginugugol ang kanilang buong buhay para sa Diyos at hindi nagpapakana para sa sarili nilang kapakanan, na ang mga paa ay matatag na nakatapak sa lupa at sinusunod ang mga pangangasiwa ng Diyos. Nagagawa nilang maintindihan ang mga prinsipyo ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at pinagsisikapan nilang gawin nang maayos ang lahat, na nagbibigay-daan para makamit nila ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, at matupad ang kalooban ng Diyos. Kapag may nakakaharap silang mga paghihirap habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nananalangin sila sa Diyos at sinusubukang arukin ang kalooban ng Diyos, nagagawa nilang sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos na mula sa Diyos, at sa lahat ng ginagawa nila, hinahanap at isinasagawa nila ang katotohanan. Hindi sila nag-uulit ng mga salawikain o nagsasabi ng matatayog na bagay, kundi tumututok lang sila sa paggawa ng mga bagay-bagay nang matatag na nakaapak ang mga paa sa lupa, at sa metikulosong pagsunod sa prinsipyo. Nagsisikap sila sa lahat ng ginagawa nila, at pinagsisikapan nilang maunawaan ang lahat, at sa maraming bagay, nagagawa nilang isagawa ang katotohanan, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng kaalaman at pagkaunawa, at nagagawa nilang matutuhan ang mga aral at talagang may nakakamit. At kapag may mga mali silang saloobin, nananalangin sila sa Diyos at hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito; kahit ano pang mga katotohanan ang nauunawaan nila, pinapahalagahan nila ang mga ito sa kanilang puso, at nakapagsasalita tungkol sa kanilang mga karanasan at patotoo. Nakakamit ng gayong mga tao ang katotohanan sa huli(“Pagpasok sa Buhay ang Pinakamahalaga sa Pananalig sa Diyos” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Napagtanto ko sa salita ng Diyos na ang isang taong matapat ay kayang hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula sa mga bagay sa kanilang paligid. Nakikinabang sila sa kanilang mga karanasan. Lahat ng nakikita at naririnig ko araw-araw ay mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, at may napapaloob na mga aral na dapat kong matutunan. Ngunit noon, sa panahon ng mga pagbabahagi tungkol sa pag-uugali ng mga tinanggal o inalis, nakinig lamang ako at nakalimutan na ito. Hindi ko ito sineryoso kahit kailan, at wala akong napala rito. Kung sa pagkakataong ito ay itinuring ko itong walang kinalaman sa akin, at hahayaan ang sarili kong manatiling nalilito, ano ang mapapala ko pagkatapos ng karanasang ito? Matapos itong pag-isipan, nadama ko na sa pagkakataong ito’y kailangan kong hanapin ang katotohanan at magtanong. Kahit na tama ang pagtanggal sa kanya, pwede akong matuto ng mga prinsipyong pinagbatayan nito. Kung mauunawaan ko ang katotohanan at matututong makakilala, hindi ito magiging walang kabuluhan.

Nang gabing ‘yon, tinanong ko si Sister Zhao kung ano ang naramdaman niya sa pagtanggal kay Chen Lin, umaasang maunawaan ang kanyang pagsusuri kay Chen Lin. Sabi niya, “Ginagawa ni Chen Lin ang anumang isinasaayos ng iglesia at nakikisama sa lahat nang normal. Nagsalita si Chen Lin tungkol sa katiwalian na inilantad niya sa pulong. Nagkaroon siya ng mga maling pagkaunawa at mga reklamo tungkol sa Diyos, kaya nasabi niya ang mga bagay na iyon. Sa tingin ko hindi siya nagpapakalat ng pagkanegatibo.” Pagkatapos nun, nagtanong pa ako sa isang sister, at pareho sila ng pananaw ni Sister Zhao. Sinabi niya na ang kanyang palagiang ugnayan kay Chen Lin ay maayos naman, at nagulat siya sa pagkatanggal nito. Naisip kong parehong pamilyar sa kanya ang dalawang sister, at ang kanilang mga pagsusuri kay Chen Lin ay na maayos naman siya. Sinabi nilang normal siyang makisama sa mga tao, ginawa ang anumang isinaayos ng iglesia, at tila hindi masama ang pagkatao. Kaya bakit sinabi ng lider na mayroon siyang masamang pagkatao at nagpakalat ng pagkanegatibo? Higit pa riyan, may mga dahilan si Chen Lin para sabihin ang mga salitang iyon. Kung tinanggal ka at hindi mo maintindihan ang kalooban ng Diyos, hindi ba normal na magkaroon ng maling pagkaunawa at mga reklamo? Kung magtatapat tayo at magbabahagi tungkol dito sa mga pagpupulong, paano ito naging pagpapakalat ng pagkanegatibo? Hindi ko talaga ito maintindihan. Kaya lumapit ako sa Diyos para magdasal at maghanap.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Tingnan muna natin kung paano dapat unawain at kilalanin ang nakikitang pagkanegatibo, kung paano dapat tukuyin ang pagkanegatibo ng mga tao, anong mga mensahe at namamalas sa kanila ang nagpapakita ng pagkanegatibo. Higit sa lahat, ang pagkanegatibong ipinapakita ng mga tao ay hindi positibo, isa iyong masamang bagay na sumasalungat sa katotohanan, isang bagay iyon na nanggagaling sa kanilang tiwaling disposisyon. Ang pagkakaroon ng tiwaling disposisyon ay humahantong sa mga paghihirap sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos—at dahil sa mga paghihirap na ito, nabubunyag ang mga negatibong saloobin at iba pang mga negatibong bagay sa mga tao. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa konteksto ng pagsisikap nilang isagawa ang katotohanan; ito ay mga saloobin at pananaw na nakakaapekto at humahadlang sa mga tao kapag sinisikap nilang isagawa ang katotohanan, at lubos na mga negatibong bagay. Gaano man naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at gaano man kamakatwirang pakinggan ang mga negatibong saloobing ito, hindi nagmumula ang mga ito sa pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, lalo nang hindi pagdanas at pagkaalam sa mga salita ng Diyos ang mga ito. Sa halip, nagmumula ang mga ito sa isipan ng tao, at hindi talaga sang-ayon sa katotohanan—kaya nga ito ay mga negatibong bagay, masasamang bagay. Ang layunin ng mga taong nagpapakita ng pagkanegatibo ay makahanap ng maraming obhektibong dahilan para sa kabiguan nilang isagawa ang katotohanan, para makuha ang simpatiya at pag-unawa ng ibang mga tao. Sa iba’t ibang antas, ang ugaling ito ay nakakaimpluwensya at umaatake sa inisyatibo ng mga tao na isagawa ang katotohanan, at maaari pa ngang patigilin ang maraming tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Dahil sa mga kahihinatnan at masamang epektong ito, nagiging mas marapat na tukuyin ang mga negatibong bagay na ito bilang masama, laban sa Diyos, at lubos na salungat sa katotohanan. Ang ilang tao ay bulag sa diwa ng pagkanegatibo, at iniisip nila na ang madalas na pagkanegatibo ay normal, na wala itong malaking epekto sa paghahangad nila sa katotohanan. Mali ito; sa katunayan, napakalaki ng epekto nito, at kung hindi na makayanan ang tindi ng pagkanegatibo, madali itong mauwi sa pagtataksil. Ang katakot-takot na kahihinatnang ito ay sanhi ng walang iba kundi pagkanegatibo. Kaya paano dapat tukuyin at unawain ang pagpapakita ng pagkanegatibo? Sa madaling sabi, ang magpakita ng pagkanegatibo ay panlilinlang sa mga tao at pagpapatigil sa kanila na isagawa ang katotohanan; ito ay paggamit ng mga banayad na taktika, ng tila normal na mga pamamaraan, para linlangin ang mga tao at tisurin sila. Nakakapinsala ba ito sa kanila? Talagang lubhang nakakasira ito sa kanila. Kaya nga, ang pagpapakita ng pagkanegatibo ay isang bagay na masama, kinokondena ito ng Diyos; ito ang pinakasimpleng interpretasyon ng pagpapakita ng pagkanegatibo. Kaya ano ba talaga ang negatibong bahagi ng pagpapakita ng pagkanegatibo? Ano ang mga bagay na negatibo, at malamang na magkaroon ng masamang epekto sa mga tao, at magsanhi ng pagkagambala at pinsala? Ano ang kasama sa pagkanegatibo? Kung ang mga tao ay may dalisay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang mga salitang ibinabahagi nila? Kung ang mga tao ay may saloobin ng tunay na pagsunod sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos para sa kanila, maglalaman ba ng anumang pagkanegatibo ang kanilang kaalaman tungkol sa mga sitwasyong ito? Kapag ibinabahagi nila sa lahat ang naranasan at nalalaman nila, maglalaman ba iyon ng anumang pagkanegatibo? Tiyak na hindi(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na kapag hindi matanggap ng mga tao ang gawain ng Diyos o ang mga kapaligiran at bagay-bagay na Kanyang isinasaayos, walang saloobin ng paghahanap o pagsunod, at hindi nasisiyahan, nagrereklamo, at nilalabanan o tinututulan pa Siya, lahat ito ay negatibong kalagayan. Kung ang mga tao ay namumuhay sa loob ng mga negatibong kalagayang ito at hindi hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan at sinusuri ang kanilang mga maling pananaw, ngunit sa halip ay inilalabas lamang sa iba ang kanilang kawalang-kasiyahan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at nagpapalaganap ng maling pagkaunawa at mga reklamo tungkol sa Kanya, ang pagsasalita nang ganito ang ibig sabihin ng pagpapakalat ng pagkanegatibo. Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, natanto ko na hindi naging epektibo si Chen Lin sa kanyang tungkulin. Ang pagtanggal sa kanya ay isang bagay na makikita ng sinumang makatwirang tao bilang pagiging matuwid ng Diyos. Tahimik siyang magninilay-nilay sa kanyang sarili, susubukang matuto ng mga aral, at iisipin kung bakit siya hindi epektibo, kung ano ang naging problema, at kung paano siya nabigo. Ang isang taong tunay na naghahanap sa katotohanan ay pagninilayan ang mga tanong na ito. Kahit na hindi niya naunawaan ang kalooban ng Diyos, o nagkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, kahit papaano’y hindi niya ipalalaganap ang mga ito, at magdarasal sa Diyos at hahanapin ang katotohanan upang malutas ang kanyang negatibong kalagayan. Sa sitwasyon ni Chen Lin, hindi siya nagnilay-nilay upang subukang unawain ang kanyang sarili o hanapin ang kalooban ng Diyos, ni hindi niya hinanap kung aling mga aral ang pwede niyang matutuhan. Sa halip, lumaban siya, sumuway, at nagreklamo tungkol sa mga pagsasaayos ng iglesia, at ipinalaganap ang kanyang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa mga pagpupulong. Sa kanyang pagbabahagi, hindi niya kinilala o sinuri ang kanyang sariling maling pananaw, ni hindi siya nakahanap ng landas ng pagsasagawa at pagpasok. Wala rin siyang saloobin ng paghahanap at pagninilay. Ang narinig ng mga kapatid ay ang kanyang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, ang kanyang mga hinaing at kawalang-kasiyahan, ang kanyang mga pahayag na ang Diyos at ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay hindi patas, ang kanyang pagtatanong kung bakit ang iba at hindi siya ang nabigyan ng mga pagkakataon, ang kanyang mga reklamo na hindi siya dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, at maging ang mga pahayag tulad ng, “Hindi ko na muling gagampanan ang tungkuling ito. Sobrang nakakahiya. Hindi ko maramdaman ang pagmamahal ng Diyos.” Sa panlabas, tila nagtatapat siya tungkol sa kanyang tiwaling kalagayan, ngunit sa likod ng kanyang mga salita, siya ay galit na nakikipagtalo at sumisigaw laban sa Diyos. Inakala niyang hindi maganda ang kanyang mga resulta dahil tumanggi ang Diyos na bigyan siya ng mga biyaya at pagpapala, at na siya ay pinalitan dahil ang Diyos ay hindi patas at walang pagmamahal. Itinuring niyang nakakahiya ang kanyang mga maling hakbang, at ang pagtabas at pagwasto sa kanya, at inisip na ang kanyang tungkulin ay pumipigil at sumasakal sa kanya. Mas pinili niyang hindi gawin ang tungkulin kaysa magdusa sa kahihiyan. Mula sa diwa ng kanyang mga salita, hinding-hindi ito basta pagtatapat at pagbabahagi lamang ng kanyang tiwaling kalagayan. Ito ay lubos na pagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro. Ito ay pakikipagtalo sa Diyos, pagsigaw, at paglaban sa Diyos. Kalaunan, nalaman ko na pagkatapos itong sabihin ni Chen Lin, ilang kapatid ang nakisimpatya sa kanya at pumanig sa kanya. Ang iba, na katatanggal lang sa kanilang mga tungkulin, matapos marinig ang kanyang mga salita ay tinanggap ang kanyang mga pananaw at hinusgahan na hindi patas ang sambahayan ng Diyos, sinasabing, “Ang ibang mga taong hindi mahusay sa gawain ng pagdidilig ay may pagkakataon pa ring magsagawa, kaya bakit hindi kami binibigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos?” Kinuwestyon nila ang mga pagsasaayos ng iglesia at hindi nila mahanap ang katotohanan o matutunan ang mga aral. Nakita ko na ang mga salita ni Chen Lin ay nakalilito sa ilang taong walang pagkakilala, at ginambala at ginulo nito ang buhay-iglesia. Kalaunan nalaman kong ang pahayag ni Chen Lin na ang ilang hindi epektibong tao ay nagkaroon ng pagkakataong magsagawa samantalang siya’y hindi ay talagang walang katunayan. Ang ilang kapatid ay hindi pamilyar sa gawain dahil kasisimula pa lang nila, kaya hindi sila masyadong epektibo noong una, subalit sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga prinsipyo ng katotohanan, kaya nilang makaunawa at makapasok, umusad, at magpakita ng potensyal para sa pagsasanay. Ang iba ay may mga paglihis at pagkabigo sa kanilang mga tungkulin, ngunit pagkatapos ng pagbabahagi at pagtulong, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili, maghanap ng mga prinsipyo, at magbago, at hindi nagtagal ay nagawa nilang umusad. Matapos simulang diligan ni Chen Lin ang mga baguhan, maraming beses siyang tinulungan ng mga lider, at binigyan siya ng sapat na oras para magsagawa, ngunit kailanman hindi siya buong-puso o masipag, at nang ituro ng mga kapatid ang kanyang mga problema, hindi niya ito sineryoso. Pagkatapos ng maraming taon ng pagsasagawa, wala siyang pag-unlad at hindi pa rin malutas ang mga paghihirap ng mga baguhan, kaya tinanggal siya ng iglesia. Pero hindi niya kailanman pinagnilayan ang sarili o sinubukang unawain kung bakit siya nabigo, ni hindi niya nadama na may utang siya sa Diyos dahil sa kanyang pagkabigo sa tungkulin. Sa halip, sinabi niyang hindi siya binigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos, sinabing hindi patas ang Diyos, at nagreklamo na ang Diyos ay walang pagmamahal. Ito ay hindi makatwirang pagbabaluktot ng mga katotohanan upang umangkop sa kanyang salaysay. Nang napagtanto ko ito, naisip ko kung paanong dati’y wala akong pagkakilala. Hindi ko malinaw na nakita ang halatang problema ng pagpapakalat ni Chen Lin ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro. Sa totoo lang inakala kong maaaring pagkakamali ito ng iglesia, at ginusto kong itama ito. Masyado talaga akong mangmang at bulag.

Kalaunan, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Sa pangkalahatan, ito ang iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas ng mga taong nagpapakita ng pagkanegatibo. Kapag ang kanilang katayuan, katanyagan, mga interes—gayundin ang mga pagnanasa, hilig, at iba pa—ay hindi natupad, kapag gumagawa ng mga bagay ang Diyos na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, mga imahinasyon, mga bagay na nauugnay sa kanilang mga interes, nagiging biktima sila ng mga emosyon tulad ng pagsuway at kawalang-kasiyahan. At kapag taglay nila ang pagsuway at kawalang-kasiyahang ito, nagsisimulang bumuo ang kanilang isipan ng mga palusot, pagdadahilan, pangangatwiran, pagdedepensa, at iba pang sama ng loob. Kapag nagkakaroon ng gayong mga sama ng loob, sa halip na purihin, sundin at, bukod pa roon, hanapin ang Diyos, nilalabanan nila ang Diyos gamit ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, ideya at opinyon, o kapusukan. At paano sila lumalaban? Ikinakalat nila ang kanilang nararamdamang pagsuway at kawalang-kasiyahan, ginagamit ito para linawin ang kanilang mga saloobin at opinyon sa Diyos, sinisikap na pakilusin ang Diyos ayon sa kanilang mga ninanais at hinihingi upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga pagnanasa; saka lamang sila mapapanatag. Partikular na, nagpahayag na ang Diyos ng maraming katotohanan para hatulan at kastiguhin ang mga tao, para dalisayin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, para iligtas ang mga tao mula sa impluwensya ni Satanas, at sino ang nakakaalam kung ilang pangarap ng mga tao na mapagpala ang naputol ng mga katotohanang ito, na nagwawasak sa pantasya na maiakyat sa langit na inasam nila araw at gabi. Nais nilang gawin ang lahat ng kaya nila para maituwid ito, para mabago ito—pero wala silang lakas, maaari lang silang malubog sa kapahamakan nang may pagkanegatibo at hinanakit. Ayaw nilang sundin ang lahat ng naisaayos ng Diyos, dahil ang ginagawa ng Diyos ay salungat sa kanilang mga kuru-kuro, interes, at iniisip. Partikular na, kapag ginagawa ng iglesia ang gawain ng paglilinis at itinitiwalag ang maraming tao, iniisip ng mga taong ito na hindi sila mahal ng Diyos, na mali ang nagawa ng Diyos, na hindi patas ang pagtrato sa kanila, kaya nga gusto nilang magkaisa sa pagtutol, sinisikap nilang itanggi na ang Diyos ang katotohanan, itinatanggi nila ang identidad at diwa ng Diyos, at itinatanggi nila ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Mangyari pa, itinatanggi rin nila ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. At sa anong paraan nila itinatanggi ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng paglaban at pagtutol. Ang implikasyon ay, ‘Ang ginagawa ng Diyos ay salungat sa aking mga kuru-kuro, kaya nga hindi ako sumusunod, hindi ako naniniwala na Ikaw ang katotohanan. Makikipagtalo ako sa Iyo, at ipagkakalat ko ang mga ideyang ito sa mga tao sa iglesia. Sasabihin ko ang anumang gusto ko, at wala akong pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. May kalayaan akong magsalita, hindi Mo ako mapapatahimik, sasabihin ko ang gusto ko. Ano ang magagawa Mo?’ Kapag ipinipilit ng mga taong ito na ipagkalat ang mga maling personal na opinyon at ideyang ito, sariling pagkaunawa ba nila ang sinasabi nila? Katotohanan ba ang ibinabahagi nila? Talagang hindi. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo, nagpapalaganap sila ng masasamang maling palagay. Hindi nila sinisikap na alamin o ilantad ang sarili nilang katiwalian o ang mga bagay na nagawa nila na salungat sa katotohanan, ni hindi nila ibinubunyag ang mga pagkakamaling nagawa nila; sa halip, ginagawa nila ang makakaya nila para pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang mga pagkakamali upang patunayan na tama sila, at kasabay nito ay gumagawa rin sila ng mga katawa-tawang panghuhusga, at ipinagkakalat ang masasama at mga maling ideya at kabatiran, gayundin ang mga imoral at masasamang salita. Ang epekto sa mga taong hinirang ng Diyos at sa iglesia ay pagkagambala at pagkalinlang; maaari pa nga nitong ilubog ang ilang tao sa pagkanegatibo at pagkalito—na pawang masasamang epektong sanhi ng mga taong nagpapakita ng pagkanegatibo(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Mula sa inihayag ng salita ng Diyos, natutunan ko na ang mga nagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro ay hindi sinusunod ang mga pagsasaayos ng Diyos kapag nahaharap sa isang isyu. Hindi sila tumatanggap ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, at ang mga pananaw nila ay tulad ng sa mga hindi nananalig. Sila’y talagang mga walang pananalig, at sila ay mga diyablo. Sa halip na hanapin ang katotohanan kapag nangyayari ang mga bagay, umaasa sila sa kanilang sariling mga kuru-kuro at paniniwala, at kapag ang mga bagay ay sumasalungat sa kanilang mga kagustuhan o nakapipinsala sa kanilang mga interes, sila ay siguradong magrereklamo at lalaban sa Diyos, walang-katwirang huhusga at magpapalaganap ng mga kuru-kuro sa mga kapatid, at sasabihin ang anumang gusto nila, nang walang anumang pagpipitagan sa Diyos sa kanilang mga puso. Hindi ko nakita ang diwa ng pagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro ni Chen Lin sa higit na kadahilanang ‘di ko naunawaan kung ano talaga ito, at inakalang ang kanyang mga negatibong komento sa pulong ay pagtatapat tungkol sa pagpapakita niya ng katiwalian. Nadama ko na normal na maging negatibo at mahina at magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa mga ganung pagkakataon. Nang ihayag ni Chen Lin ang mga kuru-kuro sa kanyang puso habang tinatalakay ang kanyang kalagayan, akala ko normal lang ito. Ngunit ang pagtatapat ng katiwalian ng isang tao at pagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro ay ganap na magkakaibang bagay. Kapag ang mga bagay ay sumasalungat sa ating mga hangarin, maaari tayong magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, subalit kung tunay kang naniniwala sa Diyos, kung mayroon kang konsensya at katwiran, kung may takot ka sa Diyos, kahit na hindi mo alam ang kalooban ng Diyos, magdarasal ka at maghahanap, hindi ka magsasalita ng kahangalan, makakaya mong tumanggap mula sa Diyos, matututo ng mga aral, at hahanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong mga kuru-kuro. Sa pakikipagbahaginan ay susuriin mo kung saan nagkamali ang mga kuru-kurong ito, ihahayag at kikilalanin ang sarili mong katiwalian, at ilalantad ang iyong kapangitan. Kapag narinig ng mga kapatid ang iyong pagbabahagi, hindi sila naliligaw, ni hindi sila nagkakaroon ng maling pagkaunawa at mga reklamo sa Diyos. Sa halip, kaya nilang unawain ang katotohanan at nagagawang makilala at tanggihan ang mga maling pananaw. Ang nakakamit ng iyong pagbabahagi ay mga positibong epekto. Ito ang ibig sabihin ng pagtatapat at pagbabahagi. Ang diwa ng pagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro ay naiiba. Sa panlabas ay tila tinatalakay ang tungkol sa kalagayan ng isang tao o nagtatapat tungkol sa katiwalian ng isang tao, ngunit ang pakay ay hindi upang hanapin ang katotohanan, unawain ang kalooban ng Diyos, o lutasin ang sariling mga problema. Sa halip, ginagamit nila ito upang ilabas ang mga negatibong emosyon at kawalang-kasiyahan sa panahon ng pagbabahagi, magreklamo tungkol sa mga kapaligirang nilikha ng Diyos, isipin na ang iba ay nagpapahirap sa kanila, o ipagkalat pa nga ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos o ipagkalat ang mga walang katotohanan at negatibong pananaw. Subalit hindi nila kailanman inaamin ang kanilang tiwaling disposisyon, hindi sila nagninilay sa sarili, o natututo ng mga aral. May mga taong umiiwas pa ngang pag-usapan ang sarili nilang mga problema, at palaging iniuugnay ang kanilang mga kabiguan sa mga obhetibong dahilan. Matapos marinig ng mga tao ang gayong pagbabahagi, kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan o maingat na kinikilala, madali silang malilinlang, at sa gayon ay makikisimpatya sa nagsasalita, at tatayo sa panig na laban sa Diyos, o magkakamali ng pag-unawa at magrereklamo tungkol sa Diyos at sa sambahayan ng Diyos. Isa pa, dati kong hinuhusgahan kung ang isang tao ay nagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro batay sa konteksto at kung ang kanyang mga salita ay may mga intensiyon. Ipinapakita nito na hindi ko naunawaan ang katotohanan o kung paano tingnan ang mga bagay-bagay. Sa totoo lang, para makilala kung ang isang tao ay nagpapakalat ng pagkanegatibo, ang susi ay hindi ang layon ng isang tao o sa kung anong konteksto siya nagsasalita, kundi ang diwa at mga kahihinatnan ng kanyang sinasabi. Kung ang isang tao ay nagsasalita upang ipahayag ang kawalang-kasiyahan sa Diyos, at nagpapakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at lumilikha ng negatibong impluwensya sa mga nakapaligid sa kanya, na ginagawang hindi maunawaan ng mga tao ang Diyos, sisihin ang Diyos, labanan ang sambahayan ng Diyos, at nalulubog sa pagiging negatibo, kung gayon, sinasadya man niya ito o hindi, ang kanyang mga salita ay nagkakalat ng pagkanegatibo at nakakagambala sa buhay-iglesia.

Sa panahong iyon, wala akong pagkakilala kay Chen Lin, dahil higit sa hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng pagpapakalat ng pagkanegatibo, hindi ko eksaktong matukoy ang kaibahan ng mabuti at masamang pagkatao. Kalaunan, napanood ko ang isang video ng pagbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking maunawaan ang aspetong ito ng katotohanan. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kapag nangyayari ang iba’t ibang bagay sa mga tao, mayroong lahat ng uri ng pagpapamalas sa kanila na nagpapakita ng kaibahan sa pagitan ng mabuting pagkatao at masamang pagkatao. Ano ang mga pamantayan sa pagsukat ng pagkatao? Paano dapat sukatin kung anong uri ng tao ang isang tao, at kung maliligtas ba siya o hindi? Depende ito sa kung mahal ba niya ang katotohanan at kung nagagawa ba niyang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Lahat ng tao ay may mga kuru-kuro at pagrerebelde sa loob nila, lahat sila ay may mga tiwaling disposisyon, kaya nga may makakaharap silang mga pagkakataon na salungat ang hinihingi ng Diyos sa sarili nilang mga interes, at kakailanganin nilang mamili—ito ang mga bagay na mararanasan nilang lahat nang madalas, walang sinuman sa kanila ang makakaiwas sa mga ito. Magkakaroon din ang lahat ng mga pagkakataon na magkakamali sila ng pagkaintindi sa Diyos at magkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o magdaramdam sila, o sasalungat sila, o magrerebelde sa Diyos—pero dahil iba-iba ang saloobin ng mga tao sa katotohanan, iba ang paraan ng pagharap nila rito. Ang ilang tao ay hindi binabanggit kailanman ang kanilang mga kuru-kuro, kundi hinahanap nila ang katotohanan at nilulutas ang mga iyon nang mag-isa. Bakit hindi nila binabanggit ang mga iyon? (May puso sila na may takot sa Diyos.) Tama iyan: May puso sila na may takot sa Diyos. Natatakot sila na ang pagsasalita ay magkakaroon ng negatibong epekto, at sinisikap lang nilang lutasin iyon sa puso nila, nang hindi naaapektuhan ang sinupaman. Kapag nakakaharap nila ang iba na gayon din ang kalagayan, ginagamit nila ang sarili nilang mga karanasan para tulungan sila. Ito ay pagiging mabait. Ang mababait na tao ay mapagmahal sa iba, handa silang tumulong sa iba na lutasin ang kanilang mga paghihirap. May mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay at tumutulong sa iba, tumutulong sila sa iba na ayusin ang mga problema upang maging kapaki-pakinabang sa kanila, at wala silang sinasabi na hindi kapaki-pakinabang sa kanila. Ito ang pagmamahal. Ang gayong mga tao ay may pusong may takot sa Diyos, at ang kanilang mga kilos ay maprinsipyo at matalino. Ito ang mga pamantayan sa pagsukat kung ang pagkatao ng mga tao ay mabuti o masama. Alam nila na walang pakinabang kaninuman ang mga negatibong bagay, at na ang mga bagay na ito ay makakaapekto sa iba kung sasabihin nila ang mga iyon nang malakas, kaya pinipili nilang magdasal sa Diyos sa kanilang puso at hanapin ang katotohanan para sa isang solusyon. Anumang uri ng mga kuru-kuro ang mayroon sila, nagagawa nilang harapin at lutasin ang mga iyon nang may pusong sumusunod sa Diyos, at pagkatapos ay nagtatamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan, at nagagawang sundin nang lubusan ang Diyos; sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang kanilang mga kuru-kuro. Pero walang katinuan ang ilang tao. Kapag mayroon silang mga kuru-kuro, gustung-gusto nilang ipinagbabahaginan ang mga iyon kahit kanino at sa lahat. Ngunit hindi nito nilulutas ang problema, at nagiging dahilan para magkaroon ng mga kuru-kuro ang iba—at hindi ba ito nakakapinsala sa kanila? Hindi sinasabi ng ilang tao sa mga kapatid kapag may mga kuru-kuro sila, natatakot sila na matutukoy sila ng mga ito sa kung ano talaga sila, at gamitin ang mga ito laban sa kanila—pero sa bahay, nagsasalita sila nang walang pag-aalangan, sinasabi nila ang anumang gusto nila, tinatrato ang mga hindi nananalig sa kanilang pamilya na parang mga kapatid. Hindi nila iniisip kung anong uri ng mga kahihinatnan ang idudulot ng paggawa niyon. Pagkilos ba ito ayon sa prinsipyo? Halimbawa, sa kanilang mga kamag-anak maaaring mayroong mga naniniwala sa Diyos at mayroong hindi, o iyong mga medyo naniniwala at medyo nagdududa; kapag mayroon silang mga kuru-kuro, ipinagkakalat nila ang mga iyon sa mga kapamilya, na ang resulta ay na lahat ng taong ito ay kasama nilang nahihila pababa, at nagsisimulang magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ay likas na nakakahawa, at kapag kumalat ang mga iyon, ang mga taong hindi matukoy kung ano talaga ang mga ito ay maaaring mapahamak. Ang mga taong magulo ang isip, lalo na, ay malamang na maging mas lito matapos marinig ang mga ito. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan at nakakatukoy sa mga ito ang kayang tumanggi sa kabaligtarang mga bagay na ito—mga bagay na mga kuru-kuro, negatibo, at maling pagkaunawa—at maprotektahan ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay walang gayong tayog. Nararamdaman ng ilan na ang mga bagay na ito ay mali—na medyo kahanga-hanga na—pero hindi talaga nila matukoy kung ano talaga ang mga ito. Samakatuwid, kapag may mga tao na madalas magpakalat ng mga kuru-kuro at pagiging negatibo, karamihan sa mga tao ay magugulo ng mga negatibong bagay na ito, at magiging mahina at negatibo. Tiyak ito. Ang mga negatibo at kabaligtarang bagay na ito ay may matinding kapangyarihang lituhin at pinsalain ang mga bagong mananampalataya. Sa mga mayroon nang pundasyon, maliit ang epekto ng mga ito; pagkaraan ng ilang panahon, nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan at lubos silang nagbabago. Pero kapag narinig ng mga bagong mananampalataya na walang pundasyon ang mga negatibong bagay na ito, madali silang magiging negatibo at mahina; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay maaari pa ngang umurong at tumigil sa paniniwala sa Diyos; ang masasamang taong iyon ay maaari pa ngang magpakalat ng mga kuru-kuro at gambalain ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Anong uri ng mga tao ang mga nagpapakalat ng pagiging negatibo at mga kuru-kuro nang walang pag-aalangan? Masasamang tao sila, mga demonyo silang lahat, at ilalantad at palalayasin silang lahat(“Ang Dapat na Saloobin ng Tao Patungkol sa Diyos” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na kung ang isang tao ay may mabuti o masamang pagkatao ay hindi nakabatay sa kung madali siyang pakisamahan, o kung gaano siya kamasigasig tingnan, kung gaano karaming magagandang bagay ang kanyang ginagawa, o kung gaano karaming tao ang sumasang-ayon sa kanya. Ang mahalaga ay kung paano niya tinatrato ang Diyos at ang katotohanan, ang kanyang saloobin sa tungkulin, at kung mahal niya o hindi ang katotohanan at kayang tanggapin ito. Natanggal si Chen Lin, ngunit nang maharap sa napakalaking dagok, hindi niya talaga hinanap ang katotohanan, ni hindi siya natakot sa Diyos. Nagpakalat pa siya ng mga kuru-kuro at pagkanegatibo, na naging dahilan upang magreklamo ring gaya niya ang iba tungkol sa Diyos at sa pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Hindi rin niya tinanggap ang paglalantad at pagsusuri ng lider, at sinubukang pangatwiranan ang sarili. Ang pag-uugaling ito pa lang ay nagpapakita na hindi niya tinanggap ang katotohanan at may masama siyang pagkatao. Hindi tama ang puso niya. Hindi ito nakabaling sa Diyos o sa sambahayan ng Diyos. Nang hindi umayon sa gusto niya ang mga bagay-bagay, sumalungat at nagreklamo siya laban sa Diyos. Ganap nitong inihahayag ang kanyang malisyosong kalikasan, ang kanyang ganap na kawalan ng katwiran, at kawalan ng takot sa Diyos sa kanyang puso. Pagkatapos kong timbangin ang mga bagay na ito at suriin ang pag-uugali ni Chen Lin gamit ang salita ng Diyos, mas malinaw na ang aking isipan, at nakikita ko na rin nang tumpak kung sino talaga si Chen Lin. Isa siyang walang pananalig na may masamang pagkatao at may kalikasan na napopoot sa katotohanan. Sa sandaling sumalungat ang gawain ng Diyos sa kanyang mga kuru-kuro, sisisihin niya ang Diyos, kapopootan ang Diyos, at sisigaw laban sa Diyos. Nakita kong pinangasiwaan siya ng iglesia nang tama, alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, at sa patas at makatarungang paraan.

Sinabi rin ni Chen Lin na kung ang pagtalakay sa kalagayan ng isang tao sa mga pagpupulong ay pagpapakalat ng pagkanegatibo, hindi na niya naiintindihan kung paano magbahagi. Nakita kong talagang hindi niya tinanggap ang katotohanan. Nagpakalat siya ng pagkanegatibo, at natukoy ito ng iba at sinubukang pigilan at pagbawalan siya. Hindi lang siya hindi nagnilay sa sarili, sinabi rin niyang hindi niya alam kung paano siya magbabahagi. Ang ibig niyang sabihin ay pinipigilan siya ng iba, at hindi na siya nangahas na magtapat at magbahaging muli. Sinisi niya ang iba, para matuon ang pansin ng mga tao sa mga problema ng ibang tao. Gumagawa siya ng mga maling ganting-akusasyon. Nang marinig ng iba ang kanyang mga salita at hindi natukoy ang mga ‘yon, nalito niya sila. Kapag lumilitaw ang ganitong sitwasyon, hindi alam ng mga tao kung paano magsagawa. Kaya, upang maiwasan ang pagpapakalat ng pagkanegatibo, paano tayo dapat magtapat at magbahagi sa hinaharap? Kalaunan, naghanap ako ng landas ng pagsasagawa sa aspetong ito, at nabasa ko itong sipi ng salita ng Diyos: “Kapag may satanikong kalikasan ang mga tao—at kapag namumuhay sila ayon sa kanilang satanikong kalikasan—napakahirap para sa kanila na iwasang magkaroon ng negatibong kalagayan. Ang gayong pagkanegatibo, lalo na, ay karaniwang nangyayari kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Lahat ay may panahon na negatibo sila. May ilang tao na kadalasan ay negatibo, may iba na bihira. Ang ilan ay negatibo nang napakatagal, ang iba ay sandali lang. Magkakaiba ang tayog ng mga tao, kaya gayundin ang negatibo nilang kalagayan. … Paano malulutas ang problema ng madalas na pagkanegatibo? Kung hindi alam ng mga tao kung paano hanapin ang katotohanan, hindi nila magagawang manindigan. Kung hindi nila alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at kung hindi nila alam kung paano magdasal sa Diyos, malaki ang problema nila; maaari lang silang umasa sa tulong at suporta ng mga kapatid. At kung walang sinumang nakakatulong sa kanila, o hindi nila tinatanggap ang tulong na ito, malamang na maging negatibo sila nang husto, at baka nga tumigil pa sila sa paniniwala. Tingnan kung paanong lubha ring mapanganib para sa mga tao na laging may mga kuru-kuro, at laging negatibo. Ayaw nilang tanggapin ang katotohanan paano man ito ibinabahagi sa kanila, at lagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon—napakagulo ng mga taong ito. Pero gaano ka man kanegatibo, dapat ay maunawaan mo sa puso mo na dahil lang mayroon kang mga kuru-kuro, hindi nangangahulugan na naaayon ang mga iyon sa katotohanan. Ito ay problema ng iyong pang-unawa. Kung may kaunti kang katinuan, hindi ka dapat magpakalat ng mga kuru-kuro; ito ang pinakamababang dapat sundin ng mga tao. Kung may takot ka sa Diyos, at kaya mong kilalanin na isa kang tagasunod ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan, lutasin ang sarili mong mga kuru-kuro, magawang sundin ang katotohanan, at hindi gumawa ng anumang bagay na nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan. … Nagkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos, at negatibo ka, at nagrereklamo tungkol sa Diyos—ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Madali itong lutasin. Maghanap ng ilang taong nakakaunawa sa katotohanan at makipagbahaginan at maghanap kasama sila, na sinasabi sa kanila ang nasa puso mo. Ang mas mahalaga pa ay lumapit sa Diyos at tapat na magdasal sa Kanya at magbahagi sa Kanya tungkol sa lahat ng pagkanegatibo, kahinaan, at mga bagay na hindi mo nauunawaan at hindi mo nakakayanan—huwag itago ang mga ito. Kung may mga bagay na hindi mo masabi, na wala kang ibang masabihan, mas kailangan pa ngang lumapit sa Diyos at magdasal sa Kanya(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na maaaring ilantad ng mga tao ang katiwalian at magkaroon ng mga negatibong kalagayan, o mga reklamo tungkol sa Diyos kapag nakakaharap ng mga sitwasyong hindi nila gusto. Kapag nasa mga ganitong negatibong kalagayan tayo, dapat tayong magkaroon ng pusong may takot sa Diyos, matutong bantayan ang ating salita, huwag ipagkalat kung saan-saan ang hindi natin alam o nauunawaan, at hindi magdulot ng pagkagambala para sa iba. Ito ang pinakamaliit na bagay na magagawa natin. Kasabay nito, dapat tayong lumapit sa Diyos at manalangin, kumain at uminom ng salita ng Diyos, hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga bagay, at kumawala sa ating pagkanegatibo at mga kuru-kuro sa lalong madaling panahon. Kung hindi natin ‘to kayang lutasin sa sarili natin, maaari tayong makipagbahaginan sa mga lider at manggagawa o sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan. Ito ay karaniwang paghahanap ng katotohanan upang malutas ang mga problema, at hindi pagpapakalat ng pagkanegatibo. Ngunit kailangan nating maghanap kasama ang isang tamang tao. Ang ilang bagong mananampalataya ay hindi nauunawaan ang katotohanan o may napakababang tayog para makakilala. Ang pagtatapat at pakikipagbahaginan sa kanila ay hindi lamang hindi nakakatulong sa atin, maaari pa itong magtanim ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa kanila. Ang pagbabahaginang tulad nito ay hindi gaanong nakapagpapatibay ng mga tao, at ginagawa silang madaling madapa. Gaano man tayo kanegatibo, o kung anuman ang mga kuru-kuro o maling pagkaunawang mayroon tayo, dapat tayong lumapit lahat sa Diyos upang manalangin at maghanap kasama ang Diyos, hanapin ang katotohanan sa salita ng Diyos, at hanapin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag naunawaan na natin ang katotohanan at nalutas ang ating mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, saka tayo maaaring magbahagi ng ating karanasan sa iba. Pwede mong ibahagi kung paano mo hinanap ang katotohanan, nakilala ang iyong mga maling pananaw, natutong tumukoy ng mga negatibong bagay, kung paano mo naunawaan ang kalooban ng Diyos, at nalutas ang iyong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ito ang tunay na pagtatapat at pagbabahagi, at pagpapatotoo ito sa Diyos. Ang pagtatapat nang ganito ay nakapagpapatibay sa mga tao. Sa sandaling naunawaan ko ito, nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa.

Ang karanasang ito ay nagturo sa akin ng kaibahan ng pagpapakalat ng pagkanegatibo at normal na pagtatapat, nagbigay sa akin ng prinsipyo para suriin ang mabuti at masamang pagkatao, kasama ang kaunting pagkakilala tungkol sa mga nakatagong walang pananampalataya sa iglesia. Sa tingin ko ito’y lubhang kapaki-pakinabang. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Di-maiiwasang Tungkulin

Ni Glydle, Philippines Noong Setyembre ng 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos nun,...

Ang Paglaya ng Puso

Ni Zheng Xin, USA Noong Oktubre ng 2016, nasa ibang bansa kami ng asawa ko noong tinanggap namin ang gawain. Makalipas ang ilang buwan, si...