Mga Pagninilay-nilay Matapos Pumili ng Maling Lider

Agosto 3, 2022

Ni Xiangxun, Tsina

Noong nakaraang Oktubre, nang iniimbestigahan namin ng iba kong mga katrabaho ang gawain ng ilang iglesia, nakita namin na ang ebanghelyo, pagdidilig, at ibang gawain ng Iglesia ng Chengnan ay hindi gumagalaw. Nagulat talaga ako. Naisip ko, “Dalawang buwan na ang nakalilipas nang inilipat dito si Sister Li para maging lider ng iglesia. Bakit hindi bumuti ang gawain?” Kaya’t pumunta roon ang kapareha kong si Sister Xu para alamin ang tungkol sa gawain at lutasin ang mga problema. Pagkalipas ng ilang araw, sumulat si Sister Xu na, “Mahigit dalawang buwan nang naghahangad si Sister Li ng katanyagan at katayuan. Naghahangad siya ng mabilis na tagumpay sa tungkulin niya. Kapag nakikita niyang hindi epektibo ang gawain, sa halip na magbahagi ng katotohanan para malutas ang mga problema at matulungan ang iba, walang patumangga niya silang iwinawasto at pinagagalitan, sinasabing mababa ang kakayahan nila at iresponsable sila sa kanilang mga tungkulin. Hindi niya pinangangasiwaan o sinusubaybayan ang alinman sa pagsasagawa ng gawain ng iglesia, ibig sabihin ay maraming aspeto ng gawain ng iglesia ang tuluyang nahinto.” Matapos mabasa ang sulat, nagulat ako, at naisip ko, “Nang manguna si Sister Li sa ibang mga iglesia, naghangad siya ng reputasyon at katayuan. Iginugol niya ang oras niya sa pag-iisip kung ano ang tingin sa kanya ng iba. Naging negatibo siya nang hindi siya hangaan ng iba at nagambala sa kanyang tungkulin, ibig sabihin ay marami sa mga problema ng mga iglesia ang nanatiling hindi nalulutas. Maraming beses na kaming nagbahagi at sumubok na tulungan siya sa problemang ito, at inilantad din siya sa pagtahak sa landas ng antictisto ng paghahangad sa katanyagan at katayuan. Inamin niya iyon noon at nagpahayag siya ng kahandaang magsisi, at kalaunan, kaya na niyang gawin ang trabaho niya nang may ilang plano at layunin. Bakit bumalik ang problema matapos siyang mailipat sa Iglesia ng Chengnan?” Sa puntong ito, naalala ko na dalawang beses nang natanggal si Sister Li sa pang-lider na posisyon dati, parehong pagkakataon ay dahil sa paghahangad ng katanyagan at katayuan at sa hindi paggawa ng praktikal na gawain. Gayong may kaunti siyang pagkakilala sa kanyang sarili at nagpahayag ng kahandaang magsisi, ngayon, matigas pa rin niyang hinahangad ang mga bagay na ito. Hindi talaga siya nagsisi at nagbago. Naisip ko kung ano ang nakasaad sa “Ang mga Prinsipyo ng Pagkilala ng mga Huwad na Pinuno at mga Manggagawa”: “Mga huwad na pinuno at mga manggagawa ang lahat nang gumagawa lamang para sa katayuan, reputasyon, at pakinabang, hindi nagtataguyod sa katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanang realidad” (170 Mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Katotohanan). Isinasaalang-alang ang hindi nagbabagong pag-uugali ni Sister Li, malamang na isa siyang huwad na lider na naghahangad lang ng katanyagan at katayuan at hindi gumagawa ng praktikal na gawain.

Pero sa pagkakataong ito ay ako ang nagrekomenda kay Sister Li bilang isang lider. Noong panahong iyon, nagpahayag siya ng kaunting pag-unawa sa paghahangad niya ng katanyagan at katayuan at hindi paggawa ng praktikal na gawain, kaya’t inakala kong kaya niyang tumanggap ng katotohanan, at mayroon siyang tunay na pagsisisi. Bukod dito, mahusay siyang magsalita at nagpakita siya ng kaunting kakayahan sa gawain, kaya’t inirekomenda ko siya. Ngayon, kung talagang matatanggal siya sa pagiging isang huwad na lider, sasabihin ng lahat na pumili ako ng taong walang mga prinsipyo at sa kabila ng pagiging lider sa loob ng maraming taon, hindi ko kayang kilalanin ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay na kaalaman sa sarili at paimbabaw na kaalaman. Iisipin din ng mga katrabaho ko na wala akong mga realidad ng katotohanan at hindi ko kayang kumilala ng mga tao yayamang nagrekomenda ako ng isang taong hindi naghahanap ng katotohanan bilang isang lider, kaya’t hindi ba’t mawawala ang maganda kong reputasyon sa puso ng mga kapatid ko? Nang maisip ko ito, ayaw kong harapin ang mga katotohanan. Umasa akong matulungan pa ni Sister Xu si Sister Li at mabago ang kalagayan niya. Sa ganoong paraan, hindi siya matatanggal, at maiingatan din ang katayuan at reputasyon ko. Kaya’t tinalakay ko ito sa mga katrabaho ko para imungkahi na tulungan pa ni Sister Xu si Sister Li. Kung mababago ni Sister Li ang kalagayan niya, pwede pa rin siyang gumawa ng kaunting tunay na gawain, at sumang-ayon dito ang mga katrabaho ko. Pagkatapos niyon, nag-aalala akong naghintay sa tugon ni Sister Xu bawat araw, iniisip kung nagbago na ang kalagayan ni Sister Li. Kabadong-kabado at alalang-alala ako. Natatakot ako na kung matatanggal siya dahil sa hindi pagbabago sa kalagayan niya, masisira nito ang reputasyon ko. Pagkalipas ng ilang araw, tumugon si Sister Xu sa sulat, “Dalawang buwan na si Sister Li sa Iglesia ng Chengnan. Itinutulak lang niya ang pag-usad ng mga gawain, at hindi siya nagbabahagi ng katotohanan para lumutas ng mga problema. Hindi talaga siya gumagawa ng praktikal na gawain. Bilang resulta, nananatiling hindi nalulutas ang mga problema ng mga kapatid.” Sinabi niyang maraming beses siyang nagbahagi at tumulong sa problema ni Sister Li, pero inaalala pa rin ni Sister Li ang reputasyon, katayuan, at kung paano siya tinitingnan ng iba. Wala talaga siyang asal ng pagsisisi. Matapos basahin ang sulat, nakaramdam ako ng pagkataranta. Isinasaalang-alang ang pag-uugali ni Sister Li, isa siyang huwad na lider na naghahangad lang ng katanyagan at katayuan nang hindi gumagawa ng praktikal na gawain, at kailangan siyang mapalitan. Pero nang kakausapin ko na ang mga katrabaho ko, pinigilan ko ang pagsasalita. Naisip ko, “Ako ang pumili kay Sister Li. Noong panahong iyon, sinabi ko sa mga katrabaho ko na kahit na dati nang natanggal si Sister Li, may kaunti siyang pagkilala sa kanyang sarili, at isa siyang taong naghahanap ng katotohanan. Noon lang sumang-ayon ang mga katrabaho ko na piliin si Sister Li. Kung ngayon ay sasabihin ko sa kanila na isa siyang huwad na lider, hindi isang taong naghahanap ng katotohanan, at kailangang siyang tanggalin, hindi ba’t pagmumukhain ko lang masama ang sarili ko? Isa pa, dahil wala akong kakayahang kumilala at pumipili ng isang taong hindi naghahanap ng katotohanan bilang isang lider, nagdudulot ng matinding pinsala sa gawain ng iglesia, hindi ba’t iisipin din ng mga katrabaho kong isa rin akong huwad na lider na hindi kayang gumawa ng aktwal na gawain? Kung tatanggalin nila ako, magiging labis na kahiya-hiya iyon. Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos, at sa huli ay magiging huwad na lider lang ako at matatanggal.” Naging miserable ako sa kaisipang iyon, kaya’t ayaw kong imungkahi na tanggalin si Sister Li. Pero kung hindi ko iyon sasabihin, makokonsensya ako. Kung ang isang huwad na lider ay maghahari sa loob ng isang araw, mapipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi ko ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Patuloy akong nakikipagtalo sa sarili ko kung dapat akong magsalita. Sa paghihirap ko, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, wala akong kakayahang kumilala. Nagdulot ng napakalaking pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ang pagrerekomenda kay Sister Li bilang isang lider. Ngayon, alam ko nang isang huwad na lider si Sister Li, pero gusto kong panatilihin ang reputasyon at katayuan ko, kaya’t ayaw ko iyong sabihin. Diyos ko, pakiusap ay gabayan Mo ako sa pagsasagawa ng katotohanan at pag-iingat sa gawain ng sambahayan ng Diyos.” Sa gitna ng mga debosyonal ko kinabukasan, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos. “Bilang mga lider at manggagawa, kapag nagkakaroon ng mga problema habang ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, malamang na balewalain ninyo ang mga iyon, at maaari pa nga kayong maghanap ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para makaiwas sa responsibilidad. May ilang problema na kaya ninyong lutasin, pero hindi ninyo nilulutas, at ang mga problemang hindi ninyo kayang lutasin ay hindi ninyo iniuulat sa mga nakatataas sa inyo, na para bang walang kinalaman ang mga ito sa inyo. Hindi ba pagpapabaya ito sa inyong tungkulin? Katalinuhan ba ang tratuhin nang gayon ang gawain ng iglesia, o kahangalan? (Kahangalan.) Hindi ba mga ahas ang gayong mga lider at manggagawa? Hindi ba walang-wala silang anumang pagpapahalaga sa responsibilidad? Kapag binabalewala nila ang mga problemang nasa harapan nila, hindi ba ipinapakita nito na sila ay mga walang puso at taksil? Ang mga taong taksil ang pinakahangal na mga tao sa lahat. Dapat isa kang taong matapat, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsibilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat makahanap ka ng mga paraan para hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema. Huwag kang maging isang taong taksil. Kung iniiwasan mo ang responsibilidad at naghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, kahit ang mga hindi mananampalataya ay kokondenahin ka. Iniisip mo bang hindi ito gagawin ng sambahayan ng Diyos? Kinamumuhian at tinatanggihan ng mga hinirang ng Diyos ang gayong pag-uugali. Mahal ng Diyos ang mga taong matapat, pero kinapopootan naman ang mga taong mapanlinlang at tuso. Kung kumikilos ka bilang taong taksil at nagtatangkang manloko, hindi ba mapopoot ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya ng mga taong taksil. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang malito at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring unawain, pero ang talagang tumanggi na tanggapin ang katotohanan ay isang sutil na pagtangging magbago. Marunong humawak ng responsibilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan, bagkus iniingatan nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabait at matapat na puso na gaya ng isang mangkok ng malinaw na tubig na makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nanloloko, laging ikinukubli ang mga bagay-bagay, pinagtatakpan, at binabalot nang husto ang sarili para walang sinumang makahalata sa kanya. Hindi naaaninagan ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na makita ang pinakamalalalim na bagay sa iyong puso. Kung nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na tuso ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, na lagi mo na lang sinusubukang linlangin Siya, at na hindi mo ibinibigay ang iyong puso sa Kanya, kung gayon ay hindi ka mamahalin ng Diyos, kapopootan at tatalikuran ka Niya(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na. Gusto ng Diyos ang mga taong simple at matapat at may lakas ng loob na aminin ang mga pagkakamali at itama ang mga iyon. Kung makagagawa ka ng mga pagkakamali sa iyong tungkulin, susubukang protektahan ang iyong sarili, hindi maglalakas-loob na aminin iyon, at maghahanap ng mga dahilan para umiwas at magtakip, sa gayon ay isa kang tusong tao, isang taong kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos. Napagtanto kong isa lang akong tusong masamang tao. Wala akong kakayahang kumilala, kaya’t pinili ko ang isang taong hindi naghahanap ng katotohan bilang isang lider, nagdudulot ng napakalaking pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Isa na itong paglabag, at dapat ay bumawi na ako, pero para mapanatili ang reputasyon ko sa mga puso ng aking mga kapatid, sa buong panahon ay nalalamang bawat araw na naghahari ang isang huwad na lider ay nagdurusa ang gawain ng iglesia, hindi ko tinaggal ang huwad na lider para pag-ingatan ang mga interes ng pamilya ng Diyos. Paulit-ulit akong gumawa ng pagkakamali, at sadyang ninais na pagtakpan ang mga iyon. Labis akong nakonsensya. Binigyan tayo ng Diyos ng napakaraming katotohanan, at nilinang ako ng sambahayan ng Diyos sa loob ng napakaraming taon, pero para protektahan ang aking sarili at makaiwas sa responsibilidad, pinanood kong gambalain ng isang huwad na lider ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Masyado akong makasarili, kasuklam-suklam, at mapanlinlang para matawag na isang tao. Iniisip ito, dali-dali akong umalis para makipagkita sa mga katrabaho ko, at sinabi ko sa kanila, “Inaalala lang ni Sister Li ang paghahangad sa katanyagan at katayuan, at hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain. Nakaaapekto siya nang matindi sa gawain, isa siyang huwad na lider, at kailangang matanggal agad-agad.” Matapos ang pagbabahagi, kinumpirma rin ng mga katrabaho ko na si Sister Li ay isang huwad na lider, at hindi nagtagal, siya ay napalitan.

Pagkatapos, nagtapat ako sa mga katrabaho ko tungkol sa kung ano ang nailantad at natutuhan ko sa pagkakataong ito. Hindi nila ako sinisi sa pagpili sa maling tao, at ibinuod namin ang aming mga paglihis at kamalian sa pagpili ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagbabahaging ito, nakita ko na maling tao ang napili ko sa pagkakataong ito pangunahin dahil hindi ko kayang kumilala ng tunay na pag-unawa sa sarili, pati na ng mga taong tunay na naghahanap at umiibig sa katotohanan. Kalaunan, nakabasa ako ng mga bahagi ng salita ng Diyos na tumatalakay rito na nakatulong sa aking lalo itong maunawaan. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Paano matutukoy ng isang tao kung mahal ng isang tao ang katotohanan? Sa isang banda, dapat tingnan ng isang tao kung kayang kilalanin ng taong ito ang kanyang sarili batay sa salita ng Diyos. Kung kaya niyang kilalanin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng salita ng Diyos, siya ay isang taong nagmamahal sa katotohanan. Sa kabilang banda, dapat tingnan ng isang tao kung natatanggap at naisasagawa niya ang katotohanan. Kung naisasagawa niya ang katotohanan, siya ay isang taong nakakasunod sa gawain ng Diyos. Kung kinikilala lang niya ang katotohanan, ngunit hindi niya ito tinatanggap o isinasagawa kailanman, tulad ng sinasabi ng ilang tao, ‘Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko ito kayang isagawa,’ nagpapatunay ito na hindi siya isang taong nagmamahal sa katotohanan. Inaamin ng ilang tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan at na mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at sinasabi rin nila na handa silang magsisi at panibaguhin ang kanilang sarili, pero pagkatapos niyon, wala namang anumang pagbabago. Pareho pa rin ng dati ang mga salita at kilos nila. Kapag tinatalakay nila ang pagkilala sa kanilang sarili, para silang nagbibiro o bumubulalas ng isang salawikain. Hindi nila inilalantad ang kanilang panlilinlang mula sa kaibuturan ng kanilang puso nang may saloobin ng galit at pagkasuklam, o nang may saloobin ng pagsisisi at kaalaman. Sa halip, nakikibahagi sila sa pormalidad at nagkukunwaring nagtatapat. Hindi ito isang taong tunay na tumatanggap sa katotohanan. Kapag sinasabi ng gayong mga tao na kilala nila ang kanilang sarili, wala sa loob lang nilang sinasabi iyon at nagkukunwari silang espirituwal. Iniisip nila, ‘Lahat ng iba pa ay nagtatapat at sinusuri ang sarili nilang panlilinlang. Kung wala akong sasabihin, mapapahiya ako, kaya mas mabuti pang wala sa loob na lang akong magsalita.’ Pagkatapos niyon, inilalarawan nila na napakalubha ng sarili nilang panlilinlang, ipinapaliwanag iyon nang madamdamin, at ang kanilang pagkakilala sa sarili ay tila napakalalim. Pakiramdam ng lahat ng nakaririnig ay talagang kilala nila ang kanilang sarili, kaya naman naiinggit ang mga ito sa kanila, at dahil dito pakiramdam ng mga ito ay para bang maluwalhati sila, na para bang pinalamutian nila ng sinag ang sarili nilang ulo. Ang ganitong pagkakilala sa sarili na nakamtan sa pamamagitan ng wala sa loob na pagsasabi nang gayon, na may kasamang pagkukunwari at panlilinlang, ay lubos na naililigaw ang iba. Napapanatag ba ang konsiyensya nila kapag ginagawa nila ito? Hindi ba lantarang panlilinlang lang ito? … Kapag ginagawa niya ito, hindi siya nakokonsiyensya, panatag ang kanyang konsiyensya matapos siyang magkunwari at manlinlang, wala siyang nadarama matapos suwayin at linlangin ang Diyos, at hindi siya nagdarasal sa Diyos para aminin ang kanyang pagkakamali. Hindi ba matigas ang puso ng ganitong mga tao? Kung hindi sila nakokonsiyensya, maaari ba silang makadama ng pagsisisi? Maaari bang magsisi ang isang taong hindi nakadarama ng pagsisisi? Maaari bang ipagkanulo ng isang taong may pusong hindi nagsisisi ang mga interes ng laman para isagawa ang katotohanan? Hindi. Kung wala man lang pagnanais na magsisi, hindi ba kakatwang talakayin ang pagkakilala sa sarili? Hindi ba pagkukunwari at panlilinlang lamang ito?(“Kapag Kilala Mo ang Iyong Sarili, Saka Mo Lamang Hahangaring Matamo ang Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). “Paano mo matutukoy kung ang isang tao ay naghahangad ng katotohanan? Paano mo masusuri kung ang isang tao ay taong naghahangad ng katotohanan? Ipagpalagay nang may isang tao na pito o walong taon nang naniniwala sa Diyos. Maaaring kaya niyang magsalita ng maraming salita ng doktrina, maaaring ang kanyang bibig ay puno ng mga salitang espirituwal, maaaring madalas siyang tumulong sa iba, maaaring mukhang napakasigasig niya, maaaring kaya niyang talikdan ang mga bagay-bagay, at maaaring ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin nang may matinding sigla. Ngunit hindi niya naisasagawa ang maraming katotohanan, hindi natatalakay ang mga tunay na karanasan sa pagpasok sa buhay, at lalo nang hindi nagkakaroon ng pagbabago sa disposisyon sa buhay. Masasabi nang may katiyakan na ang ganitong tao ay hindi naghahangad ng katotohanan. Kung ang isang tao ay tunay na nagmamahal sa katotohanan, pagkaraan ng kaunting panahon ng pagdanas ng mga bagay-bagay, magagawa niyang talakayin ang kanyang pagkaunawa, magagawa niyang kumilos man lang ayon sa mga prinsipyo sa ilang bagay; magkakaroon siya ng ilang karanasan sa pagpasok sa buhay, at kahit paano ay magpapakita siya ng ilang pagbabago sa pag-uugali. Iyong mga naghahangad ng katotohanan ay may espirituwal na kalagayan na palaging bumubuti, unti-unting nadaragdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, mayroon silang kaunting pagkaunawa sa kanilang inilalantad at sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at mayroon silang personal na karanasan at tunay na kabatiran kung paano gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao. Lahat ng bagay na ito ay unti-unting tumataas sa kanila. Kung nakikita mo ang mga pagpapamalas na ito sa isang tao, malalaman mo nang may katiyakan na siya ay isang taong naghahangad ng katotohanan(“Ano ang Realidad ng Katotohanan?” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw).

Mula sa salita ng Diyos, natutuhan ko na para masuri kung ang isang tao ay tunay na naghahanap ng katotohanan, hindi natin pwedeng basta tingnan kung ano ang sinasabi nila. Ang mahalaga ay kung kaya nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at kung kaya nilang magkamit ng tunay na pagsisisi at magbago matapos ang ilang panahon. Kapag nakararanas ng mga pagkabigo at paghihirap ang mga taong naghahanap ng katotohanan, kaya nilang tanggapin ang paghatol ng salita ng Diyos, pagnilayan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan nito, suriin at ilantad ang kanilang mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay, magkaroon ng tunay na pagkapoot sa kanilang puso sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon, at makaramdam ng pagsisisi sa kanilang mga paglabag, upang kapag nangyari iyong muli, kaya nilang talikdan ang kanilang mga sarili at isagawa ang katotohanan. Sa paglipas ng panahon, lumalago sila sa buhay at nakakikita ng ilang pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Kung ikukumpara ko ito sa pag-uugali ni Sister Li, sa panlabas ay mukha siyang matapat. Nang iwinasto, pinaalalahanan, at pinalitan, tumango siya at inamin iyon, sinasabing naghangad siya ng katayuan, hindi pinrotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, wala siyang pagkatao, at umaasa siyang magtamo ng pagpasok. Pero kalaunan, basta’t may kinalaman sa reputasyon at katayuan niya, hindi niya tinatalikdan ang kanyang sarili at isinasagawa ang katotohanan, at pinagagalitan pa nga ang kanyang mga kapatid, na nakapipinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi niya kailanman pinagnilayan ang kanyang sarili at nanatili siyang pasibo. Nakita ko na wala siyang konsepto ng sarili niyang tiwaling kalikasan o ng pinagmumulan ng kanyang pagkabigo, at wala rin siyang tunay na pagsisisi. Ang pag-unawang sinabi niya ay mga salitang ginaya niya, isang ilusyon para manlito. Kung ang isang tao ay tunay na naghahanap ng katotohanan at nagtataglay ng pagkatao, kapag nakita nilang nakapagdulot sila ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia, makokonsensya sila, kapopootan nila ang kanilang mga sarili, at hindi na isasaalang-alang ang mga personal nilang interes. Iisipin nila kung paano makababawi para sa kanilang mga paglabag, makagagawa ng praktikal na gawain, at maiiwasan ang higit na pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ko nakita ang alinman sa pag-uugaling ito kay Sister Li. Ipinakita ng katotohanang ito na hindi talaga siya isang taong tumatanggap at naghahanap ng katotohanan. Sa pagpili sa kanya, hindi ko siya sinuri alinsunod sa prinsipyo ng katotohanan. Ginamit ko ang sarili kong mga ideya at kuru-kuro. Tiningnan ko lang ang panlabas niyang mabubuting gawa at pag-unawa sa doktrina at ipinagpalagay na nagkamit na siya ng kaunting pagbabago. Ang resulta ay maling tao ang pinili at ginamit ko, na nakapinsala sa gawain ng iglesia at sa mga buhay ng mga kapatid ko. Ang mga ito ang mga bunga ng pagkabigo kong hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili. Malinaw kong nakilala na isa siyang huwad na lider, at napagtanto kong maling tao ang pinili ko, kaya’t bakit gusto ko pa ring pagtakpan ang mga bagay-bagay at bigyan siya ng pagkakataon? Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagtamo ng kaunting pag-unawa nito. “Gaano man karaming maling bagay ang ginagawa ng isang anticristo, anumang uri ng mga maling bagay ang ginagawa niya, pagdispalko man, pagwawaldas, o maling paggamit ng mga handog sa Diyos, panggugulo o panggagambala man sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o paninira sa gawain ng iglesia at pagpukaw sa galit ng Diyos, palagi siyang kalmado, mahinahon, at walang pakialam. Anumang uri ng kasamaan ang ginagawa ng isang anticristo o kung ano ang mga kinahihinatnan nito, hinding-hindi siya lumalapit sa Diyos para ikumpisal ang kanyang mga kasalanan at magsisi sa lalong madaling panahon, at hinding-hindi siya lumalapit sa mga kapatid nang may saloobin ng paglalantad sa sarili at pagtatapat upang aminin ang kanyang mga kamalian, alamin ang kanyang mga paglabag, kilalanin ang kanyang sariling katiwalian, at pagsisihan ang kanyang masasamang gawa. Sa halip, nag-iisip siya nang husto upang makahanap ng iba’t ibang dahilan para iwasan ang responsibilidad at ibunton ang sisi sa iba upang mapanumbalik ang sarili niyang karangalan at katayuan. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ang gawain ng iglesia, kundi kung napipinsala o naaapektuhan ba ang kanyang reputasyon at katayuan. Hindi siya nagsasaalang-alang o nag-iisip ng mga paraan para makabawi sa mga kawalang idinulot sa sambahayan ng Diyos ng kanyang mga paglabag, ni hindi niya sinisikap na makabawi sa kanyang pagkakautang sa Diyos. Ibig sabihin, hinding-hindi niya inaamin na kaya niyang gumawa ng mali o na nakagawa siya ng pagkakamali. Sa puso ng mga anticristo, ang maagap na pag-amin sa mga pagkakamali at pagbibigay ng matapat na paglalahad ng mga tunay na pangyayari ay kahangalan at kawalan ng kakayahan. Kung matuklasan at malantad ang kanilang masasamang gawa, aamin lang ang mga anticristo sa panandaliang walang-ingat na pagkakamali, hinding-hindi sa kanilang sariling pagpapabaya sa tungkulin at pagiging iresponsable, at tatangkain nilang ipasa ang responsibilidad sa iba para maalis ang mantsa sa talaan nila. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi inaalala ng mga anticristo kung paano ayusin ang pinsalang naidulot sa sambahayan ng Diyos, kung paano magtapat sa mga taong hinirang ng Diyos para aminin ang kanilang mga pagkakamali, o kung paano ilahad ang nangyari. Ang inaalala nila ay paghahanap ng mga paraan para pagmukhaing maliliit na bagay ang malalaking problema at pagmukhaing hindi problema ang maliliit na suliranin. Nagbibigay sila ng mga obhektibong dahilan para unawain at damayan sila ng iba. Ginagawa nila ang makakaya nila para mapanumbalik ang kanilang reputasyon sa paningin ng ibang mga tao, pinaliliit ang negatibong impluwensya sa kanilang sarili ng kanilang mga paglabag, at tinitiyak na hindi kailanman magkakaroon ng masamang impresyon sa kanila ang Itaas, nang sa gayon ay hindi sila kailanman papanagutin, tatanggalin, o aakusahan ng Itaas. Para mapanumbalik ang kanilang reputasyon at katayuan, upang hindi mapinsala ang sarili nilang mga interes, handang magtiis ang mga anticristo ng anumang tindi ng pagdurusa, at sisikapin nila nang husto na lutasin ang anumang paghihirap. Mula sa pinakasimula ng kanilang paglabag o pagkakamali, kahit kailan ay walang anumang layunin ang mga anticristo na panagutan ang mga maling bagay na ginagawa nila, wala silang anumang layuning kilalanin, ipagbahaginan, ilantad, o suriin ang mga motibo, layunin, at tiwaling disposisyon sa likod ng mga maling bagay na ginagawa nila, at walang dudang wala silang anumang layunin kailanman na makabawi sa pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa pinsalang idinudulot nila sa pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatuwid, anumang perspektibo ninyo tingnan ang usapin, ang mga anticristo ay mga taong hinding-hindi aamin sa kanilang mga kamalian at hinding-hindi magsisisi. Ang mga anticristo ay mga walang kahihiyan at makakapal ang mukha na hindi na matutubos, at katulad lang sila ng mga buhay na Satanas(“Hindi Nila Tinatanggap ang Pagwawasto at Pagtatabas, ni Hindi Sila Nagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Haka-haka at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Inihayag ng salita ng Diyos na kahit kailan ay hindi umaamin ang mga anticristo kapag nakagagawa sila ng mga pagkakamali, hindi rin sila umaamin sa Diyos at nagsisisi. Sa halip, iniisip nila kung paano mapananatili at maibabalik ang reputasyon nila sa mga puso ng iba at kung paano mapatitibay ang posisyon nila. Nakita ko na ang sarili kong pag-uugali ay katulad ng sa isang anticristo. Sa isang gawaing kasing halaga ng pagpili ng mga tao, hindi ko hinanap ang katotohanan, at pumili ako ng isang huwad na lider, sa gayon ay napipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Nakagawa ako ng paglabag, at dapat ay nagsisi na ako sa Diyos, tinanggal si Sister Li, at agad na pumili ng tamang tao para makabawi sa mga pagkakamali at pagkukulang ko. Pero nag-alala ako na kung matapat kong sasabihin sa mga katrabaho ko ang tungkol sa mga problema ni Sister Li, malinaw nilang makikita na wala akong katotohanan, mababa ang kakayahan ko, at hindi ko kayang gumawa ng praktikal na gawain, at pagkatapos ay tatanggalin nila ako. Para mapanatili ang reputasyon at katayuan ko, nagtago ako, hindi ako naglakas-loob na aminin ang mga pagkabigo at pagkukulang ko, at pinagtakpan ang mga pagkakamali ko ng mas maraming pagkakamali sa pag-asang matutulungan ng kapareha ko si Sister Li na baguhin ang kalagayan niya. Sa ganoong paraan, hindi siya matatanggal, at maiingatan ang katayuan at reputasyon ko. Para tuparin ang mga personal kong interes, wala akong pagpapahalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pinagbigyan at pinagtakpan ko ang isang huwad na lider. Sa madaling salita, tumayo ako bilang kasabwat ni Satanas para gambalain at sirain ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Labis nitong nalabag ang disposiyon ng Diyos! Habang iniisip ko ito, nakaramdam ako ng pagkakonsensya at pagsisisi. Ang natatanging pagtataas ng Diyos ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng ganoon kahalagang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero hindi ko sinuklian ang biyaya ng Diyos. Isinaalang-alang ko ang mga sarili kong interes sa isang maselang sandali at binalewala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t pagpapakita ito ng isang huwad na lider at anticristo? Naisip ko kung paanong gumagawa ang mga anticristo ng mga bagay para lang sa mga personal nilang interes at katayuan, at wala silang pagpapahalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tinatahak ko ang landas ng anticristo. Kung hindi ako magsisisi, tiyak na mabubunyag at maaalis ako, tulad lang ng mga anticristo.

Kalaunan, nagnilay-nilay ako, Binigyan ko ng sunud-sunod na pagkakataon ang huwad na lider na ito dahil mayroon pa akong isang maling pananaw, na kung magbabahagi ako nang sapat sa kanya, kalaunan ay magbabago siya. Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagtamo ng kaunting pagkakilala sa maling paniniwalang ito. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Para sa isang huwad na lider, kapag may gumagawa ng kamalian, sinuman ang gumagawa niyon, kapag walang interes nang iwinasto ng huwad na lider ang salarin at nag-alok na siya ng ilang paalala at pangaral, naniniwala siya na nagawa na ang gawain niya at nalutas na niya ang problema, pero ito ay ganap na lohika ni Satanas. Malinaw na nabibigo ang mga huwad na lider na paalisin kaagad ang mga walang pananalig, masasamang tao, at mga anticristo, pero ipinoprotesta nilang, ‘Nagbahagi ako sa kanila tungkol sa salita ng Diyos, kinilala nilang lahat ang ginawa nila at nakadama ng pagsisisi, at umiyak silang lahat at nagsabing talagang magsisisi sila at hindi na tatangkaing magtatag ng sarili nilang kaharian.’ Hindi ba parang bata ito na nagbabahay-bahayan? Hindi ba nililinlang lang nila ang kanilang sarili? Ang mga walang pananalig, masasamang tao, at mga anticristong ito ay pawang mga taong nayayamot sa katotohanan. Walang sinuman sa kanila ang talagang tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ngunit tinatrato ng mga huwad na lider ang mga walang pananalig, masasamang tao at mga anticristong ito na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos bilang mga taong hinirang ng Diyos, at sinisikap na mapagmahal silang tulungan. Ano ang diwa ng problema rito? Kahangalan ba at kamangmangan ang pumipigil sa kanila na makita nang malinaw ang mga taong ito, o sinisikap ba nilang mapalugod ang mga ito dahil sa takot nilang mapasama ang loob ng mga ito? Anuman ang dahilan, ang pinakamahalaga ay na hindi gumagawa ng praktikal na gawain ang mga huwad na lider, hindi nila tinatanggap ang katotohanan kapag pinupungusan at iwinawasto sila, at hindi nila inaamin ang mga pagkakamali nila. Sapat na ito para ipakita na talagang walang taglay na realidad ng katotohanan ang mga huwad na lider. Hindi sila gumagawa ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at lalo na pagdating sa gawain ng pagpapaalis ng mga tao sa iglesia, tinatangka nilang basta makalusot lang. Iniraraos lang nila ang pagpapaalis ng ilang malinaw na masasamang tao. Kapag nalantad at naiwasto, naghahanap pa sila ng iba’t ibang palusot para maiwasan ang responsibilidad at maipagtanggol ang kanilang sarili. Samakatuwid, ang isang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain ay isang balakid na humahadlang sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Ang mga bagay na ginagawa ng mga huwad na lider ay walang kabuluhan at walang halaga. Hindi nila nalulutas kailanman ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia, basta iniiwasan lang nila ang mga iyon, na hindi lang nakakaantala sa normal na pag-unlad ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi nakakaapekto rin sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang malinaw, ginagambala at ginugulo ng mga huwad na lider ang gawain ng sambahayan ng Diyos at kumikilos para protektahan ang mga walang pananalig, masasamang tao, at mga anticristo. Sa kritikal na sandali ng espirituwal na pakikibaka, pumapanig sila kay Satanas para labanan at linlangin ang Diyos. Hindi ba pagpapamalas ito ng pagtataksil sa Diyos? Mula sa pananaw ng mga huwad na lider, malinaw na hindi sila mga taong naghahangad ng katotohanan. Hindi nila talaga nauunawaan ang katotohanan, at ganap silang hindi kuwalipikadong gawin ang gawain ng pamumuno(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Nahiya ako habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos. Naniwala ako na kahit sino ay pwedeng magbago, basta’t magbahagi ako sa kanila ng katotohanan at sabihin nilang tinanggap nila ito at inamin ang pagkakamali nila. Hindi ko nakita ang mga tao batay sa kanilang diwa; bulag ang aking mata at puso. Noong una kong makilala si Sister Li, inilantad at sinuri ko ang diwa ng paghahangad niya sa katayuan at ang landas na tinahak niya. Nang marinig ko siyang magpahayag ng kaunting pag-unawa at kahandaang magsisi, pakiramdam ko ay nagtamo ng mga resulta ang pagbabahagi ko at na magbabago siya, kaya’t itinaas ko siya sa posisyon ng lider. Hindi nagtagal, naging interesado na naman si Sister Li sa reputasyon at katayuan, at hindi gumawa ng praktikal na gawain. Matapos ko siyang ilantad at pagbahagian, nang makita ko ang taimtim niyang asal at magpahayag siya ng pagnanais na magsisi, naniwala na naman ako na magbabago siya. Ang totoo, palaging hinahangad ni Sister Li ang katanyagan at katayuan at hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain, at kahit kailan ay hindi siya nagsisi o nagbago. Matagal nang naipakita na isa siyang huwad na lider, pero nagpatuloy ako sa pagbabahagi at pagbibigay ng pagkakataon sa kanya. Talagang naging masyado akong bulag at walang alam. Ang totoo, ang pagbabahagi ng katotohanan ay gumaganap lang ng pansuportang papel. Nakasalalay nang malaki kung kayang magbago ng mga tao sa kung kaya nilang hanapin ang katotohanan. Para roon sa mga tunay na naghahanap at tumatanggap ng katotohanan, ang pagbabahagi, tulong, gabay, at pagwawasto ng ibang tao ay makatutulong sa kanila na magnilay-nilay at makilala ang kanilang mga sarili alinsunod sa katotohanan, na magsisi, at magbago. Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan at nasusuklam sa katotohanan, ilang beses ka mang magbahagi, kailanman ay hindi nila tatanggapin ang katotohanan, hindi rin nila makikilala at kapopootan ang kanilang mga sarili batay sa katotohanan, kaya’t imposible para sa kanila ang magbago. Hindi ko pinakitunguhan ang bawat uri ng tao alinsunod sa salita ng Diyos at ng katotohanan. Pikit-mata at mapagmataas akong gumamit ng mga tuntunin batay sa sarili kong imahinasyon, at bilang resulta, pinrotektahan ko ang isang huwad na lider, na nakagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Lubos akong gumaganap sa papel ni Satanas. Habang nagninilay-nilay ako, umamin ako sa Diyos at nagsisi, “Diyos ko, nais kong baguhin ang mga mali kong pananaw, hanapin ang katotohanan, at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo sa aking tungkulin.”

Kalaunan, pumunta ako sa isang iglesia para imbestigahan ang gawain, at iniulat ng mga kapatid na ang lider ng iglesia na si Brother Xiang ay walang ginagawa at iresponsable sa kanyang tungkulin. Sa mga pulong, hindi siya nagbabahagi ng katotohanan para malutas ang mga problema ng iba. Hindi epektibo ang gawain ng iglesia, pero wala naman siyang anumang pinangasiwaan o sinubaybayan, at hindi siya gumawa ng praktikal na gawain. Kapag may mga iminumungkahi sa kanya ang iba, hindi niya tinatanggap ang mga iyon, at nagbibigay siya ng iba’t-ibang dahilan para kontrahin ang mga iyon. Minsan ay sinabi niya, “Bakit hindi ninyo pagnilayan ang sarili ninyong mga problema?” Dahil sa lahat ng ito ay napigilan ang mga iba. Mahilig din siyang mamuna at maghanap ng mapanghahawakan laban sa iba. Alinsunod sa mga prinsipyo, si Brother Xiang ay isang huwad na lider at kailangang matanggal. Tinanong ko ang mga diyakono ng iglesia kung ano ang palagay nila sa mga problema ni Brother Xiang. Sabi nila, “Si Brother Xiang ay hindi nagpapasan ng dalahin sa kanyang tungkulin, pero sa bawat pagkakataon, pagkatapos naming magbahagi sa kanya, nagpapakita siya ng pag-unawa sa sarili at sinasabi niyang gusto niyang magsisi at magbago. Gusto namin siyang tulungan at tingnan kung ano ang mangyayari.” Nang marinig ko ito, naisip ko, “Ayon sa pag-uugali ni Brother Xiang, isa siyang huwad na lider at dapat na mapalitan. Kung hindi, magdurusa ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero hindi sumasang-ayon ang mga diyakono, kaya’t baka mali ako? Kung ipipilit kong tanggalin si Brother Xiang, kung nagkakamali ako, ano ang iisipin nila sa akin? Sasabihin ba nilang maraming taon na ako sa tungkuling ito at hindi ko pa rin kayang kumilala ng mga tao?” Alam kong iniisip ko na naman ang reputasyon at katayuan ko, kaya’t nagdasal ako para humingi ng tulong sa pagtalikod sa aking sarili. Napagtanto ko na tinitingnan lang ng mga diyakono ang katotohanang mahusay magsalita si Brother Xiang. Hindi nila siya sinusuri batay sa salita ng Diyos. Pumili ako ng maling tao noon dahil hindi ako kumilala batay sa katotohanan o sa salita ng Diyos. Sa pagkakataong ito, dapat kong matutuhan ang aral, hanapin ang katotohanan kasama ng lahat, at suriin ang mga huwad na lider batay sa salita ng Diyos. Ito lang ang tamang paraan para gawin ito.

Pagkatapos noon, nakakita ako ng isang sipi ng salita ng Diyos tungkol sa pagkilala sa mga huwad na lider. “Ang pagtukoy kung huwad na lider ba o hindi ang isang tao ay hindi ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng iyong mga mata para tingnan ang mukha niya at makita kung mabuti ba o masama ang kanyang pagmumukha, ni hindi ito ginagawa sa pamamagitan ng pagtingin kung gaano siya mukhang nagdusa sa panlabas, o kung gaano siya nagpakaabala. Bagkus, dapat mong tingnan kung tinutupad ba niya ang kanyang mga responsibilidad bilang lider at kung nagagamit ba niya ang katotohanan para lutasin ang mga praktikal na problema. Ito lang ang tumpak na pamantayang magagamit sa pagsusuri sa tanong. Ito ang prinsipyo ng pagsusuri, pagkakilala, at pagtukoy kung huwad na lider ba ang isang tao. Sa ganitong paraan lang maaaring maging makatarungan ang pagsusuri, naaayon sa mga prinsipyo, alinsunod sa katotohanan, at patas para sa lahat. Ang pagsasalarawan na huwad na lider o huwad na manggagawa ang isang tao ay dapat batay sa sapat na mga katunayan. Hindi ito dapat batay sa isa o dalawang insidente o paglabag, lalong hindi maaaring gamitin ang pansamantalang katiwalian bilang batayan para dito. Ang tanging tumpak na mga pamantayan sa pagsasalarawan sa isang tao ay kung kaya ba niyang gumawa ng praktikal na gawain at gumamit ng katotohanan para lutasin ang mga problema, gayundin kung siya ba ay tamang tao, kung siya ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at nakakasunod sa Diyos, at kung taglay ba niya ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maisalarawan nang tama ang isang tao bilang isang huwad na lider o huwad na manggagawa batay sa mga salik na ito. Ang mga salik na ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsusuri at pagtukoy kung huwad na lider o huwad na manggagawa ba ang isang tao(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Sama-sama kaming nagbahaginan tungkol sa siping ito, naunawaan namin kung paano sumuri at kumilala ng mga huwad na lider. Hindi lang dapat tingnan kung gaano katamis ang kanilang mga salita. Ang susi ay kung kaya nilang gumawa ng praktikal na gawain at lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan, at kung kaya rin nilang tanggapin ang katotohanan, hanapin ang katotohanan, tunay na kilalanin ang kanilang mga sarili, at tunay na magsisi at magbago. Ginamit namin ang mga prinsipyong ito upang suriin si Brother Xiang. Palagi niyang ginagawa ang tungkulin niya nang walang dalahin at hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain. Maraming beses na siyang binahagian at tinulungan ng mga kapatid, pero kahit kailan ay hindi niya ito tinanggap o pinagnilayan ang kanyang sarili, at nagparatang siya laban sa iba, kaya’t napipigilan ang pakiramdam ng lahat. Nakita naming hindi siya gumawa ng anumang praktikal na gawain o naghanap ng katotohanan, kaya’t isa siyang huwad na lider, at kailangang matanggal. Matapos itong marinig, sinisi ng mga kapatid ang kanilang mga sarili at sinabing, “Hindi namin siya kinikilala o sinusuri gamit ang salita ng Diyos. Nalinlang kami ng huwad na imaheng ipinakita niya. Kamuntik na kaming tumayo bilang mga panangga para sa isang huwad na lider na nanggambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos.” Nakikitang mayroon na sila ngayong kakayahang kumilala ng mga huwad na lider, naging panatag na panatag ako, at noon din ay tinanggal namin si Brother Xiang.

Matapos ang mga karanasang ito, nakita ko na ang paggamit sa mga tao batay sa mga kuru-kuro ay tunay na pagpinsala sa iba at sa ating mga sarili. Hindi lang nito napipinsala ang gawain ng pamilya ng Diyos, nakalalabag ka rin dahil dito. Mula ngayon sa aking tungkulin, umaasa akong maghanap ng mas maraming katotohanan at prinsipyo, at tingnan ang mga bagay-bagay alinsunod sa salita ng Diyos. Kung saan hindi ko nauunawaan, hiling kong mabitiwan ko ang reputasyon at katayuan ko, at higit na magbahagi sa aking mga kapatid, para makabawi sa sarili kong mga kapintasan at mapanatili ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Mabuburang Desisyon

Ni Bai Yang, TsinaNoong ako ay 15 taong gulang, namatay ang tatay ko dahil sa isang biglaang sakit. Hindi nakayanan ng nanay ko ang dagok...