Isang Hindi Matatakasang Pasakit

Setyembre 18, 2023

Ni Qiu Cheng, Tsina

No’ng mag-edad 47 na ako, nagsimulang mabilis na lumabo ang paningin ko. Sabi ng doktor na kung hindi ko aalagaan ang mga mata ko, unti-unti akong mawawalan ng paningin, kaya kinailangan kong huminto sa pagtatrabaho at magpahinga sa bahay. Tila malabo ang kinabukasan ko, at parang maglalaho ang liwanag sa buhay ko. Talagang nagdadalamhati ako. Noong 2007, naging mapalad ako na matanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, bumuti ang mga mata ko. Para masuklian ang pagmamahal ng Diyos, nagkusa akong humingi ng tungkulin. Anuman ang paghihirap ng mga kapatid, tumutulong ako sa abot ng aking makakaya. Gaano man karami sa kanila ang nagtitipon sa bahay ko, o gaano man sila katagal nananatili, masigasig ko silang pinatutuloy. Dahil medyo maliit ang bahay ko, minsan ay walang sapat na mga kama para sa kanila at matutulog na lang ako sa sofa o sa sahig. Akala ko ay pagpapakita ng katapatan sa Diyos ang paggawa sa tungkulin ko nang ganito, pero kalaunan, sa pamamagitan ng paghahayag ng mga katunayan, nakita ko na naging lubha akong makasarili at walang katapatan sa tungkulin ko. Lumikha ito ng hindi matatakasang pasakit sa puso ko.

Noong 2014, inaresto ng mga pulis ang isang lider ng iglesia na pinatuloy ko, at dahil kaaalis lang niya sa bahay ko, agad kaming umalis ng asawa ko sa bahay namin para sa aming seguridad. Umpisa ng tagsibol noon, at napakaginaw. Wala kaming mapupuntahan, at sa aking paghihirap, naisip ko: “Mahigit 60 na kami. May sakit na congenital syringomyelia ang asawa ko at talagang mahina na. Saan kami pupunta?” Kalaunan, tinulungan kami ng isang sister na makahanap ng pansamantala naming matutuluyan. Tapos ay nalaman ko na naaresto rin ang dalawa sa mga sister na pinatuloy ko. Pagkarinig sa balita ng sunud-sunod na pagkaaresto sa mga kapatid, labis akong natakot at nabalisa araw-araw, natatakot na baka biglang dumating ang mga pulis anumang oras. Nagtipon ako ng maraming kagamitang pang-foot spa at pangmasahe bilang balatkayo, at nagpatuloy pa rin ng mga kapatid.

Tapos, noong 2017, sa isang pagtitipon, sinabi ng isang sister na bumalik na ang anak ng pamilyang nagpapatuloy sa kanya. Isa itong walang pananampalataya, at mahigpit na kumokontra sa pananampalataya ng ina nito, kaya hindi na pwedeng tumuloy roon ang sister. Nakita namin ng asawa ko na nahihirapan siya, kaya nagkusa kami na patuluyin siya. Hindi nagtagal, nabalitaan namin na nagpaplano ang CCP ng malawakang mga pagsalakay, na nakatuon sa pag-iimbestiga sa mga nangungupahan. Nagsimula akong mag-alala, “Nangungupahan kami, ano ang sasabihin ko kung darating ang mga pulis para inspeksyunin kami habang nasa bahay namin ang sister na ito? Mahalaga ang tungkuling ginagawa ng sister. Kung maaaresto siya, tiyak na madadamay kami. Mahina na ang asawa ko at madaling masindak kapag may nangyayari. Maaaring bumagsak ang kalusugan niya anumang oras.” Takot ang asawa ko na maaresto at hiniling niya sa akin na paalisin ang sister. Pakiramdam ko’y hindi tama na paalisin ito dahil wala itong mapupuntahan ngayong taglamig, kaya kinausap ko ang asawa ko tungkol sa pagpapahintulot ditong manatili. Nagalit sa akin ang asawa ko at sinabing isipin ko ang mga kahihinatnan. Naisip ko, “Patindi nang patindi ang mga pag-aresto at pang-uusig ng CCP sa mga mananampalataya. Kasalukuyang may talaan ng mga tunay na pangalan ng lahat ng tao sa komunidad. Kung matutuklasan ng mga pulis na sumasampalataya kami sa Diyos at nagpapatuloy ng mga kapatid, hinding-hindi nila kami pakakawalan. Kakanselahin ang aming mga pensiyon, at sasamsamin ang aming ari-arian. Buong buhay naming pinagtrabahuhan ang lahat ng ito. Kung makukuha ito, paano kami mamumuhay? At hindi lang ‘yon, makakaapekto rin ito sa kinabukasan ng mga anak namin. Mahigit 60 na kami at mahina ang kalusugan. Kakayanin ba namin ang pagpapahirap ng mga pulis kung makukulong kami? Kung hindi namin makakayanan iyon, at magiging mga Hudas kami, mawawalan kami ng patutunguhan. Kung gayon, hindi ba’t mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng taon ng aming pananampalataya?” Naisip ko rin na magagalit ang asawa ko kung hindi ko siya pakikinggan. Pagkatapos itong pag-isipan nang mabuti, pinakinggan ko ang asawa ko, at kinausap ang sister tungkol sa pagtira nito sa ibang lugar. Makalipas ang isang buwan, hindi pa rin lumipat ang sister, at natatakot ako na pwedeng may mangyari anumang araw, kaya madalas ko siyang tinatanong kung nakahanap na ba siya ng matitirhan, at kung kailan siya aalis. Talagang pinapaalis ko siya sa hindi tuwirang paraan. Pero talagang nakokonsensya ako habang ginagawa ko ito. Pagkaraan ng ilang panahon, nakahanap ng lugar ang sister at umalis na, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko sa buong isyung ito.

Sa panahon ng Chinese New Year noong 2018, sinabi sa amin ni Sister Li na minamanmanan ng mga pulis ang bahay niya, at nagtanong kung pwede siyang makituloy sa amin nang ilang araw hanggang sa makahanap siya ng bagong matitirhan. Hindi ko masyadong pinag-isipan ang bagay na ‘yon noon, at gusto ko lang tulungan ang sister na makalipat muna. Nang makalipat na ang sister, madalas siyang pumupunta sa mga pagtitipon, na nagpapabalisa sa akin, “Chinese New Year ngayon. Maaaring gamitin ng mga pulis ang pagkakataong ito para magsagawa ng malawakang mga pagsalakay. Kung maaaresto ang sister, hindi kami makatatakas, at madadamay rin ang pamilya namin.” Palakas nang palakas ang pakiramdam ko na habang tumatagal ang pagtira ng sister sa amin, lalong lumalaki ang panganib. Iniisip ko ang sarili kong kaligtasan at ang kinabukasan ng mga anak ko, at sinubukang mag-isip ng mga dahilan para agad na mapaalis ang sister. Kalaunan, naisip ko na dahil palaging lumalabas si Sister Li para pumunta sa mga pagtitipon, pwede na lang siyang manirahan kung saan ginaganap ang mga pagtitipon. Sinabi ko sa kanya ang ideyang ito, at wala na siyang nagawa kundi umalis nang mukhang naaasiwa. Hindi na ako nagpatuloy ng iba pagkatapos nito at gumawa na lang ng ibang mga tungkulin. Isang araw nung tagsibol ng 2021, dumating ang isang lider para makipag-usap sa akin, at nagtanong kung pwedeng tumuloy sa amin pansamantala ang tatlong brother. Nang sasang-ayon na sana ako, sinabi ng asawa ko, “Pwede bang bukas na kami sumagot?” Pagkaalis ng lider, sinabi sa akin ng asawa ko, “Pansamantala lang daw, pero paano kung magtagal sila at maaresto? Kailangan nating maghanap ng dahilan para tanggihan sila. Pwede nating sabihin na maaaring naaresto ang isang lider na nakasama natin, na hindi ligtas ang bahay natin, at na hindi tayo pwedeng magpatuloy ng kahit sino sa ngayon.” Medyo kinakabahan din ako tungkol dito, kaya sumang-ayon ako sa asawa ko. Sa gulat ko, kinabukasan, bago pa man ako makapagdahilan para tumanggi, sinabi sa akin ng lider, “Nakahanap na ng matutuluyan ang tatlong brother. Naaresto ang lider na nakitira sa inyo noon, kaya hindi ligtas ang bahay ninyo. Dapat din ninyong ipagpaliban ang mga tungkulin ninyo.” Kumakabog ang puso ko. Napagtanto ko na ito ang poot ng Diyos na dumarating sa akin. Sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng ating mga puso. Kahit na hindi ko nasabing hindi ko patutuluyin ang mga brother, naisip ko ito sa loob-loob ko. Tinanggihan ko na ang aking tungkulin. Pinatalsik ko nang di-tuwiran ang aking mga kapatid. Napukaw kaya ng saloobing ito ang galit ng Diyos at nagsanhing isaayos Niya ang sitwasyong ito kung saan nahinto ang tungkulin ko? Bigla akong nakaramdam ng kahungkagan at labis na pagkabalisa, na parang pinaparusahan ako, at nasadlak na sa kadiliman. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Hindi nagkataon lang ang pagkakahinto ng tungkulin ko ngayon, tiyak na naririto ang kalooban Mo. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako para matutuhan ko ang aking leksiyon.” Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos. “Pinagsasarhan ninyo Ako para sa kapakanan ng inyong mga anak, o ng inyong asawa, o para mapangalagaan ninyo ang inyong sarili. Sa halip na magmalasakit sa Akin, nagmamalasakit kayo sa pamilya ninyo, sa mga anak ninyo, sa katayuan ninyo, sa kinabukasan ninyo, at sa sarili ninyong kasiyahan. Kailan pa ninyo Ako naisip habang nagsasalita o kumikilos kayo? Sa napakalalamig na araw, bumabaling ang isip ninyo sa inyong mga anak, sa inyong asawa, o sa inyong mga magulang. Sa napakaiinit na araw, wala rin Akong lugar sa isip ninyo. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nailaan ang sarili mo, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa gawain Ko? Nasaan ang katibayan na kaayon Kita? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin? Nasaan ang realidad ng pagsunod mo sa Akin? Kailan ba na ang mga layunin mo ay hindi naging alang-alang sa pagkamit mo ng mga pagpapala Ko? Niloloko at nililinlang ninyo Ako, pinaglalaruan ninyo ang katotohanan, itinatago ninyo ang pag-iral ng katotohanan, at ipinagkakanulo ang diwa ng katotohanan. Ano ang naghihintay sa inyo sa hinaharap sa paglaban sa Akin sa ganitong paraan? Naghahangad lamang kayong maging kaayon ng isang malabong Diyos, at naghahangad lamang ng isang malabong paniniwala, ngunit hindi kayo kaayon ni Cristo. Hindi ba magdudulot ang kasamaan ninyo ng kaparehong ganti na kagaya ng nararapat sa masasama?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo). Inihayag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Mula nang sunud-sunod na maaresto ang mga taong pinatuloy ko, namumuhay na ako sa kalagayan ng karuwagan at pangamba. Para protektahan ang sarili ko, naghanap ako ng mga dahilan para paalisin ang mga sister sa lalong madaling panahon, at nang isaayos ng lider na sandali akong magpatuloy ng tatlong brother, hindi ako pumayag, at sa halip ay nagsinungaling ako para tanggihan sila. Sa pagbabalik-tanaw sa mga bagay na ito, talaga bang isa akong mananampalataya? Habang nahaharap ang iba sa panganib, isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong mga interes, seguridad, at kung paano sila mapapaalis. Talagang makasarili ako, kasuklam-suklam, at walang pagkatao! Nagpakita ako ng matinding pangangalaga at konsiderasyon para sa aking mga anak, sa takot na magdanas sila ng ginaw o gutom. Gaano man kalaki ang panganib o paghihirap, handa akong pasanin ito para maprotektahan ang mga anak ko mula rito. Pero, tinrato ko nang sobrang walang-awa ang mga kapatid ko. Habang mas pinag-iisipan ko ito, lalo kong nararamdamang hindi ako makatao. Napuno ako ng pagsisisi at pagkamuhi sa sarili. Nagbasa pa ako ng salita ng Diyos. “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ipinapakita, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsibilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Nakita ko na ang pamantayan ng Diyos sa paghatol kung ang isang tao ay mabuti o masama ay nakabatay sa kung naaayon sa katotohanan ang kanyang mga layunin, iniisip, kilos at asal. Pinagnilayan ko ang mga nagawa ko. Sa akin mang mga layunin, iniisip, pananalita, o kilos, lahat ay para sa sarili kong mga interes, at hindi ko talaga sinunod ang kalooban ng Diyos. Tinutugis at inuusig ng malaking pulang dragon ang mga kapatid dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Wala silang matirhan at mga tumatakas sila, at kung wala silang angkop na lugar na matutuluyan, hindi nila ligtas na magagawa ang kanilang mga tungkulin. Pero natakot akong itaya ang buhay ko para sa kanila at ginusto ko lang na mapaalis sila sa lalong madaling panahon, na nagpalala lang ng mga bagay-bagay para sa kanila. Nakita ko na naging makasarili ako, mapaminsala, at walang pagkatao! Kung nagkaroon ako ng pusong may takot sa Diyos o ng kahit katiting na pagkatao, inisip ko sana ang kalooban ng Diyos, isinaalang-alang ang kaligtasan ng iba sa sandaling nanganganib sila, at nag-isip ng mga paraan para patuluyin at protektahan sila. Naisip ko kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus, “Katotohanan ang sinasabi Ko sa inyo, bagama’t ginawa ninyo ito sa isa sa mga pinakamababa sa Aking mga kapatid, sa Akin ninyo ito ginawa(Mateo 25:40). Sa isang masamang sitwasyon, tumanggi akong patuluyin ang mga kapatid ko na tinutugis at inuusig ng malaking pulang dragon. Tumutukoy ito sa saloobin ko sa Diyos. Makasarili ako, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Kung isang araw ay hilingin sa akin na patuluyin si Cristo, ganoon din ang magiging ugali ko. Nang gunitain ko kung paano ko pinaalis ang mga kapatid ko, naalarma ako, na para bang nakagawa ako ng malaking kapahamakan, at napagtanto kong nasa kalagayan ako ng pasakit at paghihirap. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, ganap akong naging walang pagkatao. Natamasa ko ang panustos ng pagdidilig ng napakaraming salita Mo, pero hindi ko sinunod ang kalooban Mo. Hindi ko nagawang patuluyin ang mga kapatid ko sa panahon ng kanilang mga kapighatian, at nakahanap ako ng mga dahilan para paalisin sila. Kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ang mga kilos at asal ko para sa Iyo. Sarili ko lang ang dapat sisihin sa pagkakasadlak ko sa kadiliman at pasakit ngayon, at ganap nitong inihahayag ang pagiging matuwid Mo. Pinasasalamatan at pinupuri Kita! O Diyos, kung may pagkakataon pa ako na maging tagapagpatuloy, talagang magsisisi ako, aayusin ang mga gawi ko, at gagampanan ang tungkulin ko para palugurin Ka!”

Pagtagal-tagal, pumunta ako sa ibang lugar para gampanan ang isang tungkulin. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos, at pinahahalagahan ko ang pagkakataong ito. Hindi nagtagal, biglang nagkasakit nang malubha ang asawa ko at namatay. Bago siya namatay, iniwan niya sa akin ang mga salitang ito, “Kung hindi ako makakalabas at makagagawa ng tungkulin ko bukas, kailangan mong gampanan nang mabuti ang sa iyo.” May bahid ng pagsisisi ang mga huling salita niya at hindi ko maiwasang magnilay-nilay. Naisip ko ang asal at mga kilos ng asawa ko sa kanyang buong buhay, kung paanong pinrotektahan lang niya ang sariling mga interes sa kanyang tungkulin, at hindi naging tapat o masunurin. Duwag siya at ayaw niyang patuluyin ang mga kapatid. Hinimok at hinikayat pa nga niya ako sa pagpapaalis sa kanila sa bahay namin. Isa itong masamang gawa. Naisip ko sa mga huling salita niya na nakaramdam siya ng pagkakonsensya at pagsisisi sa kanyang tungkulin. Naging babala rin sa akin ang pagkamatay ng asawa ko, at napagtanto ko na hindi ko pwedeng patuloy na tratuhin ang tungkulin ko tulad ng dati, at na kung maghihintay ako hanggang sa malapit na akong mamatay para gawin ang tungkulin ko, magiging huli na ang lahat. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, 70 taong gulang na ako; hindi ko na kayang gumawa ng ibang tungkulin. Dahil sa biyaya Mo kaya ako nakapagpapatuloy ng mga tao. Napakamakasarili ko noon. Hindi ako naging mabuting tagapagpatuloy sa mga tao, at napakarami kong nagawang paglabag. Handa akong magsisi at igugol ang natitira kong oras sa paghahangad sa katotohanan at paggawa nang maayos sa tungkulin ko.”

Pagkatapos nito, pinagnilayan ko rin kung ano ang ugat na dahilan ng palagi kong pagkatakot sa pag-aresto, ng pag-aalala ko sa aking kaligtasan, sa seguridad ng aking ari-arian, at sa kinabukasan ng aking mga anak. Kalaunan, nabasa ko ito sa salita ng Diyos. “Alang-alang sa sarili nilang kaligtasan at para makaiwas na maaresto, para matakasan ang lahat ng paniniil at maging ligtas ang kanilang sitwasyon, madalas magsumamo at magdasal ang mga anticristo para sa sarili nilang kaligtasan. Pagdating sa sarili nilang kaligtasan, saka lamang sila tunay na umaasa at nag-aalay ng sarili nila sa Diyos. Mayroon silang tunay na pananampalataya pagdating sa ganitong bagay at tunay ang pag-asa nila sa Diyos. Nag-aabala lamang silang magdasal sa Diyos para hilingin na protektahan Niya ang kanilang kaligtasan, kahit katiting ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia o ang kanilang tungkulin. Sa kanilang gawain, ang personal na kaligtasan ang prinsipyong gumagabay sa kanila. Saanmang lugar ang ligtas, doon sila gagawa ng trabaho, at, tunay nga, magiging masipag at positibo sila sa kanilang trabaho, ibinibida nila ang kanilang matinding ‘pagiging responsable’ at ‘katapatan.’ Kung may trabaho na talagang delikado at malamang na maging mapanganib, na may tsansang ang lider nito ay matuklasan ng malaking pulang dragon, nagdadahilan sila at ipinapasa iyon sa iba, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng mga paraan para makaalis at iniiwanan nila ang kanilang tungkulin, nang walang malasakit sa mga kapatid. Ang tanging iniisip nila ay makalayo sila sa panganib. Maaaring sa puso nila ay handa sila. Sa sandaling lumitaw ang panganib, iniiwanan nila kaagad ang kanilang trabaho, nang walang pakialam kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o kung ano ang mawawala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa kaligtasan ng mga kapatid. Ang mahalaga sa kanila ay makatakas. Mayroon pa nga silang ‘lihim na alas,’ isang plano para protektahan ang kanilang sarili: Sa sandaling sumapit sa kanila ang panganib o maaresto sila, iuulat nila ang lahat ng nalalaman nila, nililinis ang kanilang pangalan at pinawawalang-sala ang kanilang sarili sa lahat ng responsabilidad para maipreserba ang sarili nilang kaligtasan. Ito ang nakahanda nilang plano. Ayaw ng mga taong ito na makaranas ng pang-uusig dahil sa pananalig sa Diyos; takot silang maaresto, mapahirapan, at mahatulan. Ang totoo ay matagal na silang nagpatalo kay Satanas. Takot na takot sila sa kapangyarihan ng satanikong rehimen, at mas takot na maranasan ang mga bagay na tulad ng pagpapahirap at marahas na interogasyon. Para sa mga anticristo, samakatuwid, kung maayos ang lahat, at walang anumang peligro o isyu sa kanilang kaligtasan, at hindi posibleng magkaroon ng panganib, maaaring ialay nila ang kanilang kasigasigan at ‘katapatan,’ at maging ang kanilang mga ari-arian. Ngunit kung masama ang sitwasyon at maaari silang arestuhin anumang oras dahil sa pananalig sa Diyos at pagganap sa kanilang tungkulin, at kung maaari silang mapatalsik sa kanilang opisyal na posisyon o mapabayaan ng mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, lalo silang nag-iingat, hindi sila mangangaral ng ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos, ni hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Kapag may kaunting tanda ng problema, nagiging mahiyain sila; kapag may kaunting tanda ng problema, agad nilang ninanais na ibalik sa iglesia ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at anumang may kaugnayan sa pananalig sa Diyos, upang sila ay manatiling ligtas at hindi mapahamak. Hindi ba’t mapanganib ang gayong tao? Kung maaresto, hindi ba siya magiging Hudas? Ang isang anticristo ay masyadong mapanganib na maaari siyang maging Hudas anumang oras; laging may posibilidad na tatalikuran niya ang Diyos. Bukod pa riyan, makasarili siya at napakasama. Natutukoy ito sa likas na pagkatao at diwa ng isang anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Sinusuri ng Diyos ang mga anticristo na kayang magsakripisyo, gumugol ng kanilang sarili, magdusa, at magbayad ng halaga sa mga ligtas na sitwasyon. Sa panlabas, mukha silang tapat sa kanilang tungkulin, pero sa sandaling maharap sila sa panganib, umuurong sila, naghahanap ng iba’t ibang dahilan at palusot para iwasan ang kanilang tungkulin, walang konsiderasyon sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng kanilang mga kapatid, at isinasaalang-alang lang ang kanilang sariling mga interes. Talagang makasarili at kasuklam-suklam sila. Kung ihahambing ang sarili kong mga kilos at asal, hindi ba naging katulad ng sa anticristo ang disposisyon ko? Noong una akong sumampalataya sa Diyos, nagkamit ako ng maraming biyaya mula sa Diyos. Himalang bumuti ang sakit ko sa mata na matagal nang walang lunas, at kaya ginugol ko ang sarili ko sa pamamagitan ng masigasig na pagpapatuloy sa iba. Nang malaman ko na ang ilan sa mga pinatuloy ko ay naaresto at maaari akong madamay, at maaaring manganib ang kaligtasan at mga personal kong interes, ayaw ko nang magpatuloy ng mga tao, at naghanap pa ako ng mga dahilan para paalisin sila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa kanilang kaligtasan. Nakita ko na masyado akong naging makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Naisip ko rin ang mga bitag at patibong na inilatag ng CCP, kung paano sila gumagamit ng lahat ng paraan para arestuhin ang mga mananampalataya, walang saysay na nagtatangkang wasakin ang gawain ng Diyos at arestuhin ang lahat ng hinirang ng Diyos. Maraming kapatid ang nadakip at nawalan ng tirahan dahil sa malulupit at masasamang pangyayaring ito. Hindi ito isang bagay na gustong makita ng Diyos, at sa mga panahong ito, higit na kinakailangan ng mga tao na sumunod sa kalooban Niya at ipagsapalaran ang pagpapatuloy sa mga kapatid na ito. Ito ang ibig sabihin ng paggawa ng kabutihan, at tatandaan ito ng Diyos. Natakot akong maaresto kaya hindi ako nagpatuloy sa bahay. Hindi ko talaga sinunod ang kalooban ng Diyos, at ganap na wala akong konsensya at katwiran. Nagnilay pa ako, at napagtanto ko na natatakot akong maaresto at mamatay dahil labis kong pinahahalagahan ang buhay ko. Naalala ko na sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon(Mateo 16:25). Napagtanto ko sa mga salita ng Panginoon na ang buhay natin sa lupa ay panandalian, at ang tunay na buhay ay walang kamatayan. Tulad ng pagkakapako ni Pedro nang patiwarik sa krus para sa Diyos, maaaring nawala ang kanyang buhay sa lupa, pero nagkamit siya ng buhay na walang hanggan. Bagamat maaaring pinahirapan, binugbog, o pinatay pa ang mga kapatid na naaresto, naninindigan sila sa patotoo at nagkakamit ng papuri ng Diyos. Tanging ang ganitong paraan ng pamumuhay ang may kabuluhan at halaga. Nang maisip ito, nagkamit ako ng pananalig at lakas, at hindi na pinanghinaan ng loob at natatakot.

Isang araw sa pagtatapos ng Disyembre, biglang lumapit sa akin ang isang brother, sinasabing hindi na ligtas ang lugar na tinitirhan niya at ng isa pang brother, at tinanong niya kung pwede silang makitira sa akin pansamantala. Malinaw sa akin na ito’y pagbibigay ng Diyos sa akin ng pagkakataong magsisi, at agad naman akong pumayag. Binigyan ko rin sila ng mga pang-araw-araw na pangangailangan. Lalo pang tumindi ang mga pag-aresto at pang-uusig ng CCP at patuloy akong nakaririnig ng mga balita tungkol sa mga kapatid na naaaresto. Nakikitira pa rin sa akin ang dalawang brother, at medyo natakot ako, natakot na maaresto ako at madawit ang mga anak ko. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos at binasa ang Kanyang salita. Nabasa ko ito sa salita ng Diyos. “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at maging panghambing ng Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, na si Satanas ay isang gamit-panserbisyo at hambingan sa kamay Niya. Naglilingkod si Satanas para gawing perpekto ang mga hinirang ng Diyos, at gaano man magmukhang malakas, mabagsik, o mapaminsala ang mga puwersa ni Satanas, kung hindi pahihintulutan ng Diyos na mangyari sa atin ang isang sitwasyon, kahit gaano pa kabagsik ang CCP, walang patutunguhan ang mga ginagawa nila. Hindi nangangahas si Satanas na lampasan ang mga limitasyon na itinakda ng Diyos para dito. Pinagpasyahan ito ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ang pagkatakot ko na maaresto at madawit ang mga anak ko ay dahil sa wala akong pagkaunawa sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nasa mga kamay ng Diyos kung maaaresto man ako, pati na ang kinabukasan ng mga anak at apo ko. Matagal nang ipinasya ng Diyos ang mga bagay na ito at hindi mababago ang mga ito ng sinumang tao. Kahit paano man sabihin ng CCP na hindi pwedeng pumasok sa unibersidad, pumasok sa serbisyo sibil, o sumali sa hukbo ang mga inapo ng mga mananampalataya, at lahat ng kanilang mga kamag-anak ay madadamay, hindi nito mababago ang kapalaran ng sinuman. Inilalantad lang nito ang masama, lumalaban sa Diyos, at napopoot sa Diyos na diwa ng CCP. Dumarami ang mga sakuna, at kung hindi mananalig sa Diyos ang mga tao o hindi iwawaksi ang kanilang mga kasalanan, sila ay mawawasak. Ano ang magiging kinabukasan nila? Magkakaroon lang tayo ng kapayapaan, kagalakan, at magandang huling kapalaran sa pamamagitan ng pagharap sa Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, at pagganap nang mabuti sa ating mga tungkulin. Kaya ipinagkatiwala ko na ang aking sarili at pamilya sa mga kamay ng Diyos at nagpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Kapag naaalala ko ang mga tinanggihan kong patuluyin, nagiging isang hindi maalis na mantsa ito sa aking buhay bilang isang mananampalataya, at higit pa rito, isa itong tanda ng kahihiyan. Hindi ko na pwedeng saktan ang puso ng Diyos. Kahit na maaresto ako at walang matira sa akin, isasakatuparan ko nang tama ang aking tungkulin at patutuluyin ang mga kapatid.

Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko bilang tagapagpatuloy, at hindi na ako kuntento sa paggawa sa mga bagay-bagay gaya ng dati. Ngayon, tumutuon ako sa paghahangad sa katotohanan at paglutas sa aking tiwaling disposisyon. Masayang-masaya ang puso ko at mas payapa kaysa dati! Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na talagang matalino ang gawain ng Diyos. Ibinunyag ng mga pag-aresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon ang katiwalian ko at pinahintulutan akong makita na ako’y makasarili, kasuklam-suklam, at walang katapatan sa aking tungkulin. Nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa katiwalian ko at nagawang magbago nang kaunti. Tunay akong nagpapasalamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paalam, Mapagpasaya ng Mga Tao!

Ni Li Fei, SpainAkala ko mabuti ang mga nagpapasaya ng tao noong hindi pa ako nananalig sa Diyos. Mahinahon ang mga disposisyon nila, gusto...

Leave a Reply