Isang Kahihiyan Mula sa Aking Nakaraan

Pebrero 24, 2024

Ni Li Yi, Tsina

Noong Agosto 2015, lumipat kami ng pamilya ko sa Xinjiang. Nabalitaan kong nagpatupad doon ang Partido Komunista ng mahihigpit na sistema sa pagmamanman at pagkontrol sa ngalan ng pagsugpo ng karahasan at kaguluhan mula sa populasyon ng mga Uyghur, kaya medyo mapanganib doon. Pagkarating sa Xinjiang, mas mataas ang tensyon sa paligid kaysa sa inakala ko. Nakapatrolya ang mga pulis kahit saan, at kinailangan naming dumaan sa full-body scan para makalagpas sa security tuwing magpupunta kami sa pamilihan. Kapag nag-aabang kami ng bus, may mga pulis, na may mga baril na nakasukbit sa kanilang mga likuran, na nagpapatrolya sa mga sakayan. Kinabahan talaga ako nang makita ko ang lahat ng ito. Dati pa ay inaaresto at inuusig na ng Partido Komunista ang mga mananampalataya, kaya kung idadagdag pa ang mahihigpit na sistema sa pagmamanman at pagkontrol, ibig sabihin nito ay nasa panganib akong maaresto o mapatay anumang sandali. Bandang Oktubre nang nabalitaan kong may naarestong dalawang sister habang nasa daan para maghatid ng mga aklat ng mga salita ng Diyos at nasentensyahan sila ng 10 taon. Ikinagulat ko talaga iyon, hindi sila mga lider o manggagawa, pero nasentensyahan pa rin sila ng 10 taon dahil sa paghahatid ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Nangangasiwa ako ng gawain ng iglesia, kaya kapag naaresto ako, makukulong ako nang hindi bababa sa 10 taon. Paulit-ulit kong naiisip ang mga imahe ng aking mga kapatid habang pinapahirapan sila sa kulungan. Natakot talaga ako, at nag-alala na baka maaresto at mapahirapan din ako, na isang kapalaran na siguradong mas masaklap pa kaysa sa kamatayan. Lalo pa akong natakot at hindi na naglakas-loob pang isipin ang tungkol dito. Pagkalipas ng ilang panahon, narinig ko ang pagbabahagi ng ilang kapatid tungkol sa kung paanong bumaling at umasa sila sa Diyos para magampanan ang kanilang mga tungkulin sa ganitong uri ng kapaligiran, kung paanong nakita nila ang kataas-taasang kapangyarihan Niya, at naramdaman ang Kanyang malasakit at proteksyon. Talagang pinalakas nito ang loob ko at binigyan ako ng pananampalataya para malampasan ang sitwasyong ito.

Noong Pebrero 2016, napag-alaman ko na may isang masamang tao na nagngangalang Wang Bing sa isa sa mga iglesiang pinangangasiwaan ko na palaging hinahanapan ng mali ang mga lider, na lubhang gumagambala sa buhay-iglesia. Kinailangang lutasin ito sa lalong madaling panahon, kung hindi ay maaapektuhan nito ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Pinag-usapan namin ng ilang kapwa ko manggagawa ang tungkol sa bagay na ito at naisip nilang dapat akong magpunta sa iglesia para harapin ang isyu. Pero medyo natakot ako, at naisip ko: “Sa iglesiang iyon naaresto ang mga sister na nasentensyahan ng 10 taon. Ipinatawag pa nga ng Partido Komunista ang mga tagaroon para ianunsyo ang balita, sinindak at tinakot sila para huwag silang maniwala sa Diyos. Napakadelikado roon. Maaaresto kaya ako kapag nagpunta ako?” Matapos ito sumagi sa isip ko, nakahanap ako ng dahilan para hindi pumunta. Pero nakita ko na nakahandang pumunta roon ang isa kong kasama, at medyo nahiya ako. Hindi pa siya matagal na mananampalataya at kauumpisa pa lang niyang magsanay bilang isang lider. Napakaraming problema sa iglesiang iyon at hindi maganda ang kapaligiran doon. Nakonsensya akong pabayaan siyang magpunta roon, kaya sinabi ko, “Siguro ay pinakamainam na ako ang magpunta.” Pagdating ko sa iglesia, nakita ko na hindi magawa ni Wang Bing na magbahagi sa mga pagtitipon ng tungkol sa anumang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at na madalas niyang hinanapan ng mali ang mga lider, na lubhang gumagambala sa buhay-iglesia. Nakipag-usap ako sa tagapangaral na paghigpitan muna si Wang Bing at pigilan siyang makipag-usap sa iba o mailigaw ang mga ito, at pagkatapos ay ibahagi ang katotohanan sa mga kapatid para tulungan silang makilatis siyang mabuti. Mapipigilan siya nito na makagambala pa sa kanila, at pagkatapos niyon ay puwede na naming sanayin si Sister Zhong Xin para siya na ang mamahala sa gawain ng iglesia sa lalong madaling panahon. Pero may ilan pa rin akong alalahanin, at alam kong medyo matatagalan pa bago lubusang malutas ang mga isyu sa iglesiang iyon. Naaresto ang nasa kalahati ng bilang ng mga kapatid sa iglesia, kaya habang lalo akong nagtatagal doon, lalo akong nalalagay sa peligro. Naisip ko kung paanong ibinahagi ng sambahayan ng Diyos na maaaring ipagpaliban muna ang ilang gawain ng iglesia kapag nasa lubhang delikadong mga kapaligiran para makaiwas sa higit pang pinsala. Dahil nakapagdesisyon na kami sa solusyon sa problema, naisip ko na puwede ko nang ipaubaya sa tagapangaral ang pagsubaybay at pag-aasikaso sa mga bagay-bagay. Kaya nagmadali akong ipasa ang mga nalalabing gawain at umuwi na ako.

Kalaunan, iniulat ng tagapangaral na lalong nagiging malakas ang loob ni Wang Bing at na bumubuo siya ng paksyon sa loob ng iglesia para batikusin ang mga lider, na lubhang gumagambala sa buhay-iglesia. Nakipagbahaginan ako sa tagapangaral para sa ilang solusyon, pero nanatiling hindi nalutas ang problema. Naramdaman kong medyo may kasalanan ako. Responsabilidad ko na pangasiwaan ang mga kaguluhan sa iglesia, pero hindi ako naging handang lutasin ang isyung ito dahil sa takot kong maaresto. Hindi tama iyon. Pero naisip ko kung paanong muntik nang maaresto ang isang sister kamakailan habang nakasakay siya sa tren papunta sa isang pagtitipon. “Ano ang gagawin ko kapag naaresto ako habang sakay ng tren papunta roon? Isa akong lider, hindi ko magagawa ang trabaho ko maliban na lang kung matitiyak ang kaligtasan ko.” Kaya patuloy kong ipinasa ang mga problema ng iglesiang iyon sa tagapangaral. Pero dahil limitado ang kanyang mga kakayahan, nanatiling hindi nalulutas ang mga isyung ito.

Noong Setyembre 2016, nakatanggap ako ng sulat na naglalaman ng di-inaasahang balita na naaresto ang apat na kapatid mula sa iglesiang iyon. Isa sa kanila, si Zhong Xin, ay marahas na binugbog. Makalipas ang dalawang araw, isa na namang sulat ang dumating na nagsasabing binugbog siya ng mga pulis hanggang sa mamatay. Labis akong nagimbal sa balitang ito. Talagang hindi ko ito matanggap. Alam kong lubhang walang awa ang mga pamamaraan ng Partido Komunista sa pagpapahirap, pero hindi ko lubos maisip na ang isang tao ay bubugbugin hanggang sa mamatay sa loob lamang ng ilang araw. Nakakatakot talaga. Nasindak ako nang husto. Hindi ko makontrol ang emosyon ko, at napahagulgol ako sa iyak. Habang lalo ko itong naiisip, lalo akong nababalisa, at paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili kung paano ito nangyari. Alam ko nang may gumagambalang masamang tao sa iglesiang iyon at na hindi makapamuhay ng isang normal na buhay-iglesia ang mga miyembro nito. Isa akong lider sa iglesia, pero nabigo akong magpunta roon at ganap na lutasin ang mga problema sa takot na maaresto. Kung naging mas responsable lang sana ako nang kaunti, o nag-isip ng mga paraan para makipagtulungan sa iba pang mga miyembro ng iglesia, at nilutas ang mga problemang iyon, kung napaalalahanan ko lang sana ang mga kapatid na maging maingat, baka hindi sana naaresto at nabugbog ng mga pulis si Zhong Xin hanggang sa mamatay. Sinisi ko nang husto ang sarili ko sa pagkamatay niya. Natakot ako at natigilan. Pakiramdam ko ay para bang nasa isa akong nakakatakot talagang lugar at halos hindi ako makahinga. Pero alam ko na sa ganoon kakritikal na sitwasyon, hindi ko magagawang patuloy na tumakas, kaya ginawa kong abala ang aking sarili sa pagtulong sa tagapangaral na harapin ang mga naiwang pinsala. Bago pa namin natapos ang pag-aasikaso sa mga bagay-bagay, nalaman kong naaresto rin ang isa kong kasama at na nakakuha ng ilang impormasyon ang mga pulis tungkol sa mga pangunahing lider at manggagawa sa aming iglesia. Madalas akong nakikipag-ugnayan sa mga kapatid na iyon, kaya kapag binalikan ng mga pulis ang kanilang mga surveillance footage, malamang na makikita nila ako. Alalang-alala talaga ako na baka maaresto ako anumang sandali. Kung masesentensyahan at makukulong ako, walang makapagsasabi kung makakalabas pa ako nang buhay. Posible talagang matulad ako kay Zhong Xin, na sa batang edad ay binugbog ng mga pulis hanggang sa mamatay. Habang lalo ko itong naiisip, lalo akong natatakot at mas ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin. Ni ayaw ko nang manatili pa sa lugar na iyon. Dahil hindi ko kailanman hinarap ang kalagayang ito at bigo akong harapin ang isyu tungkol sa panggagambala ni Wang Bing sa iglesia sa loob ng ilang buwan, sa huli ay natanggal ako. Pagkatapos kong matanggal, nagtrabaho ako ng ilang gawaing pangteksto sa iglesia, pero pakiramdam ko pa rin na delikadong naroroon ako. Nag-aalala ako na maaari akong maaresto anumang araw at ginusto ko talagang umuwi sa aking bayan para gawin ang aking tungkulin. Nakipagbahaginan ang mga kapatid sa akin, sa pag-asang mananatili ako at tutulungan silang harapin ang naiwang pinsala ng lahat ng nangyari. Pero lubha akong napangibabawan ng takot na hindi ko man lang dininig ang kanilang mga pakiusap, at nagpumilit akong umalis.

Noong Abril 2017, pinigilan ako ng iglesiang dumalo sa mga pagtitipon at sinabihan akong bumukod at magnilay-nilay sa aking sarili sa bahay dahil sa naging pag-uugali ko. Hindi ko mapigilang umiyak nang mabalitaan iyon. Pero dahil iniwan ko ang aking tungkulin at iniwanan ang iglesia sa ganoon kakritikal na panahon, alam kong ito ang nararapat sa akin. Nakita ko rito ang pagiging matuwid ng Diyos at naging handa na akong magpasakop. Nabasa ko ito isang araw sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Kung mahalaga ang ginagampanan mong papel sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at tinalikuran mo ang iyong gampanin nang walang pahintulot mula sa Diyos, wala nang mas matindi pang paglabag kaysa rito. Hindi ba’t ito ay maituturing na pagtataksil sa Diyos? (Oo.) Kaya, sa tingin mo, paano dapat tratuhin ng Diyos ang mga tumatalikod? (Dapat silang isantabi.) Ang maisantabi ay nangangahulugan ng mabalewala, bahala ka nang gawain kung ano ang gusto mo. Kung nakakaramdam ng pagsisisi ang mga taong isinasantabi, posibleng makita ng Diyos na may saloobin naman silang nagsisisi at nanaisin pa rin Niyang magbalik sila. Pero para naman sa mga tumatalikod sa kanilang tungkulin—at sa mga taong ito lamang—walang ganitong saloobin ang Diyos. Paano tinatrato ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi sila inililigtas ng Diyos. Kinamumuhian at itinatakwil sila ng Diyos.) Tama iyan. Mas saktong sabihin na ang mga taong gumaganap ng mahalagang tungkulin ay inatasan ng Diyos, at kung tatalikuran nila ang kanilang gampanin, kahit gaano pa sila kahusay noon o ngayon, para sa Diyos, sila ay mga taong nagtaksil sa Kanya, at hinding-hindi na sila ulit bibigyan ng pagkakataong gumanap ng tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). “Pinakanamumuhi ang Diyos sa mga taong tumatalikod sa kanilang mga tungkulin o itinuturing na biro ang mga ito, at sa iba’t ibang ugali, kilos, at pagpapamalas ng kataksilan laban sa Diyos, dahil sa gitna ng iba’t ibang mga konteksto, tao, usapin, at bagay na isinaayos ng Diyos, hinahadlangan, pinipinsala, inaantala, ginugulo, o naaapektuhan ng mga taong ito ang pag-usad ng gawain ng Diyos. At dahil dito, ano ang nararamdaman at nagiging reaksyon ng Diyos sa mga tumatalikod at sa mga taong nagtataksil sa Diyos? Anong saloobin mayroon ang Diyos? (Kinapopootan Niya sila.) Pawang pagkamuhi at pagkapoot. Nakakaramdam ba Siya ng awa? Hindi—hinding-hindi Siya makakaramdam ng awa. Sinasabi ng ilang tao, ‘Hindi ba’t ang Diyos ay pagmamahal?’ Bakit hindi minamahal ng Diyos ang gayong mga tao? Hindi karapat-dapat na mahalin ang mga taong ito. Kung mahal mo sila, kahangalan ang iyong pagmamahal, at dahil lang sa mahal mo sila, hindi ibig sabihin nito na mahal na sila ng Diyos; maaaring pinahahalagahan mo sila, pero hindi sila pinahahalagahan ng Diyos, dahil walang dapat pahalagahan sa gayong mga tao. Kaya naman, talagang inaabandona ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi na sila binibigyan ng pangalawa pang pagkakataon. Makatwiran ba ito? Bukod sa ito ay makatwiran, higit pa ito sa lahat ng aspeto ng disposisyon ng Diyos, at katotohanan din ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Hiyang-hiya ako sa paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos. Nabugbog si Zhong Xin hanggang sa mamatay at naaresto naman ang aking kasama. Sa gayon kaimportanteng panahon, dapat sana ay nakikipagtulungan ako sa mga kapatid para harapin ang naiwang pinsala nito, pero sa halip, tinakbuhan ko lang ito. Hindi gagawin ng kahit na sinong may kaunti man lang na konsiyensiya ang ganoong bagay. Hindi ko mapapatawad and sarili ko dahil doon. Naniniwala ako dati na kahit ano pa ang gawin kong mali, kaaawaan at patatawarin ako ng Diyos hangga’t nagsisisi ako sa Kanya. Pero napagtato ko noon na kuru-kuro at imahinasyon lang iyon. Sinasabi ng Diyos na tinatalikdan Niya ang mga sumusuko sa kanilang mga tungkulin at nagtataksil sa Kanya sa mga kritikal na sandali, at na hindi Niya sila bibigyan pa ng pangalawang pagkakataon. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko na may mga prinsipyo sa Kanyang awa at pagpapatawad. Hindi ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang mga pagpapawalang-sala at awa sa kahit sino lang, kahit ano pa ang nagawa ng mga itong kasalanan sa Kanya. Mula noong umalis ako, pakiramdam ko ay sinukuan na ako ng Diyos. Wala akong kapayapaan sa aking puso at napuno ako ng pagsisisi. Hindi ko na alam kung ilang beses na akong nanalangin o kung gaano karami na ang iniluha ko dahil dito. Tinalikdan man ako ng Diyos o hindi, ginusto kong magserbisyo sa Kanya para mabayaran ang aking pagkakautang, at alam ko na kahit paano pa Niya ako tratuhin at anuman ang gawin Niya ay matuwid. Napakasakit ng nagawa ko sa Diyos na kahit ipadala pa Niya ako sa impiyerno dahil dito ay hindi ako magrereklamo. May ilan akong isinakripisyo noong mga panahon ng aking pananalig, at ginusto kong hangarin ang kaligtasan—hindi ko lubos maisip na kapag naharap sa pagkaaresto at pag-uusig sa kamay ng Partido Komunista, matatakot ako sa kamatayan, iiwanan ang aking tungkulin, at pagtataksilan ang Diyos, at dahil doon ay nakagawa ako ng matinding paglabag. Naging miserable at nalugmok ako sa matinding kalungkutan sa pag-iisip niyon. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak at labis ang naging pagsisisi ko. Hindi na sana ako nagpumilit na umalis, at patuloy ko na lang sanang ginawa ang aking tungkulin at hinarap kasama ng iba ang pinsalang iniwan ng mga pang-aaresto sa kritikal na sandaling iyon. Hindi sana ako nabubuhay sa ganoong dalamhati ng kalooban at pagpapahirap. Hindi ganoon ang gusto kong kalabasan ng mga bagay-bagay! Pero sa puntong iyon, masyado nang huli ang lahat. Kailangan kong tanggapin ang bunga ng aking mga ginawa. Kinapootan ko ang sarili ko dahil sa takot ko sa kamatayan at sa pagiging makasarili at masama. Hindi karapat-dapat ang isang katulad ko sa pagpapatawad at awa ng Diyos. Pakiramdam ko, dahil hindi ako itiniwalag ng iglesia, dapat akong magserbisyo nang mabuti hangga’t kaya ko para makabawi sa mga naging paglabag ko. Sa tungkulin ko pagkatapos niyon, nagpunta ako saan man isaayos ng mga lider na pumunta ako, kahit ipinadala ako para suportahan ang mga iglesia sa mga mapanganib na kapaligiran. Matapos gawin ito nang ilang panahon, nakakuha ako ng ilang resulta sa aking gawain. Pero ayaw ko nang pag-usapan pa ang tungkol sa pagkamatay ni Zhong Xin at kung paanong tinakbuhan ko ang iglesia sa ganoong kakritikal na sandali. Ginusto kong protektahan ang sarili ko mula rito at kalimutan na ito, pero hindi ko nagawa. Pakiramdam ko ay malalim itong nakatatak sa puso ko at hindi kailanman mawawala. Sa tuwing naiisip ko ang bagay na ito, nasasaktan ako at labis na nakokonsiyensiya.

Isang araw may nabasa ako sa mga salita ng Diyos na nagbigay-linaw sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagawa ng mga anticristo ang kanilang makakaya para protektahan ang kanilang kaligtasan. Ang iniisip nila ay: ‘Dapat ko talagang tiyakin ang kaligtasan ko. Sinuman ang mahuli, hindi dapat ako iyon.’ Sa usaping ito, madalas silang lumalapit sa Diyos sa panalangin, nagsusumamo na ilayo sila ng Diyos sa gulo. Nararamdaman nila na anuman ang mangyari, talagang isinasakatuparan nila ang gawain ng isang lider ng iglesia at na dapat silang protektahan ng Diyos. Alang-alang sa sarili nilang kaligtasan at para makaiwas na maaresto, para matakasan ang lahat ng paniniil at maging ligtas ang kanilang sitwasyon, madalas magsumamo at magdasal ang mga anticristo para sa sarili nilang kaligtasan. Pagdating sa sarili nilang kaligtasan, saka lamang sila tunay na umaasa at nag-aalay ng sarili nila sa Diyos. Mayroon silang tunay na pananampalataya pagdating sa ganitong bagay at tunay ang pag-asa nila sa Diyos. Nag-aabala lamang silang magdasal sa Diyos para hilingin na protektahan Niya ang kanilang kaligtasan, kahit katiting ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia o ang kanilang tungkulin. Sa kanilang gawain, ang personal na kaligtasan ang prinsipyong gumagabay sa kanila. Kung ligtas ang isang lugar, pipiliin ng mga anticristo ang lugar na iyon upang doon sila magtrabaho, at, tunay nga, magmumukha silang napakasipag at positibo, ibinibida nila ang kanilang matinding ‘pagiging responsable’ at ‘katapatan.’ Kung may trabaho na talagang delikado at malamang na maging mapanganib, na may tsansang ang lider nito ay matuklasan ng malaking pulang dragon, nagdadahilan sila at ipinapasa iyon sa iba, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng mga paraan para makaalis at iniiwanan nila ang kanilang tungkulin, nang walang malasakit sa mga kapatid. Ang tanging iniisip nila ay makalayo sila sa panganib. Maaaring sa puso nila ay handa sila. Sa sandaling lumitaw ang panganib, iniiwanan nila kaagad ang kanilang trabaho, nang walang pakialam kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o kung ano ang mawawala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa kaligtasan ng mga kapatid. Ang mahalaga sa kanila ay makatakas. Mayroon pa nga silang ‘lihim na alas,’ isang plano para protektahan ang kanilang sarili: Sa sandaling sumapit sa kanila ang panganib o maaresto sila, iuulat nila ang lahat ng nalalaman nila, nililinis ang kanilang pangalan at pinawawalang-sala ang kanilang sarili sa lahat ng responsabilidad para maipreserba ang sarili nilang kaligtasan. Ito ang nakahanda nilang plano. Ayaw ng mga taong ito na makaranas ng pang-uusig dahil sa pananalig sa Diyos; takot silang maaresto, mapahirapan, at mahatulan. Ang totoo ay matagal na silang nagpatalo kay Satanas. Takot na takot sila sa kapangyarihan ng satanikong rehimen, at mas takot na maranasan ang mga bagay na tulad ng pagpapahirap at marahas na interogasyon. Para sa mga anticristo, samakatuwid, kung maayos ang lahat, at walang anumang peligro o isyu sa kanilang kaligtasan, at hindi posibleng magkaroon ng panganib, maaaring ialay nila ang kanilang kasigasigan at ‘katapatan,’ at maging ang kanilang mga ari-arian. Ngunit kung masama ang sitwasyon at maaari silang arestuhin anumang oras dahil sa pananalig sa Diyos at pagganap sa kanilang tungkulin, at kung maaari silang mapatalsik sa kanilang opisyal na posisyon o maabandona ng mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, lalo silang nag-iingat, hindi sila mangangaral ng ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos, ni hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Kapag may kaunting tanda ng problema, nagiging mahiyain sila; kapag may kaunting tanda ng problema, agad nilang ninanais na ibalik sa iglesia ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at anumang may kaugnayan sa pananalig sa Diyos, upang sila ay manatiling ligtas at hindi mapahamak. Hindi ba’t mapanganib ang gayong tao? Kung maaresto, hindi ba siya magiging Hudas? Ang isang anticristo ay masyadong mapanganib na maaari siyang maging Hudas anumang oras; laging may posibilidad na tatalikuran niya ang Diyos. Bukod pa riyan, makasarili siya at napakasama. Natutukoy ito sa kalikasang diwa ng isang anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at masama. Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, lalong wala silang debosyon sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang kaligtasan. Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsala na nagawa sa gawain ng iglesia—basta’t buhay pa rin sila at hindi pa naaaresto, iyon lang ang mahalaga. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling kaligtasan lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Tumagos sa puso ko ang paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos. Wala akong mapagtaguan—hindi ako makatakas. Ako nga ang klase ng taong inilarawan ng Diyos, na ang iniisip lang ay ang protektahan ang kanyang sarili kapag nahaharap sa panganib, na makasarili at kasuklam-suklam at walang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia o sa buhay ng mga kapatid. Nagbalik-tanaw ako noong una akong dumating sa Xinjiang at nakita ko kung gaano kalunos-lunos ang mga bagay-bagay roon. Nang makita kong nanganganib akong maaresto o mamatay anumang sandali, pinagsisihan ko na nagpunta pa ako roon para gawin ang aking tungkulin. Nang malaman ko na may isang masamang tao na ginagambala ang mga bagay-bagay sa isa sa mga iglesia, nagdahilan ako para huwag magpunta roon dahil sa takot na maaresto at mapahirapan, kahit na kinailangan itong agarang lutasin. Bagamat labag sa loob ko, nagpunta rin ako roon kalaunan, pero dahil sariling kaligtasan ko lang ang inintindi ko, umalis ako bago pa malutas ang mga problema. Alam na alam kong may mga seryosong problema sa iglesiang iyon at na kailangan kong magpunta roon para asikasuhin ang mga ito, pero natakot ako sa kamatayan, kaya ginamit ko ang aking posisyon para magbigay ng mga utos sa halip na gumawa ng totoong gawain. Ipinagtulakan ko pa nga ang ibang kapatid na harapin ito habang ako naman ay nagtago, pinagtatagal pa ang walang dangal kong pag-iral. Bunga nito, hindi nalutas ang mga isyu ng iglesiang iyon sa loob ng ilang buwan. Nakaisip pa nga ako ng “makatwirang” dahilan, na bilang lider, kinailangan kong protektahan ang sarili kong kaligtasan para magawa ko ang aking gawain, pero ang totoo, nagpapalusot lang ako para makatakas sa harap ng panganib. At nang arestuhin at bugbugin ng mga pulis si Zhong Xin hanggang sa mamatay, sariling kaligtasan ko pa rin ang inintindi ko, at inalala ko kung maaaresto at papahirapan ba ako hanggang sa mamatay. Ginusto ko pa ngang humanap ng oportunidad para iwan ang aking tungkulin at lisanin ang delikadong lugar na iyon. Pagkatapos kong matanggal, ayaw kong tumulong sa pag-ayos sa iniwang pinsala ng lahat ng nangyari at bumalik ako sa aking bayan. Hindi ako pinagsabihan ng mga kapatid, pero sa kaibuturan ko, naramdaman ko ang pang-iiwan, pagkasuklam, at pagkondena ng Diyos sa akin. Ang pinakapinagsisisihan ko ay na binigyan pa naman ako ng pagkakataon ng iglesia na maging isang lider at ipinagkatiwala ang napakaraming kapatid sa pangangalaga ko. Pero nang dumating ang sakuna, tinakbuhan ko lang, balewala sa akin kung mabuhay o mamatay ang iba o kung paano mahahadlangan ang gawain ng iglesia. Isa akong duwag na nang-iiwan at traydor, at tinatawanan ako ni Satanas. Bukod pa rito, ang paglabag na ito ay naging isang habambuhay na sugat sa kaibuturan ng puso ko. Sa pamamagitan ng lahat ng ito, nakita ko na isa akong duwag na walang anumang pagkatao na namuhay sa isang makasarili at masamang paraan! Tumpak na tumpak sa akin ang mga salita ng Diyos, ibinubunyag ang kasuklam-suklam, at tunay na motibong nakatago sa kaibuturan ng aking puso, hindi ko na matakbuhan ang realidad. Sa puntong iyon, naramdaman kong batid na batid kong nakagawa ako ng matinding kasalanan sa pamamagitan ng pagtataksil sa Diyos at na hindi ako karapat-dapat para sa Kanyang pagliligtas. Naisip ko rin kung paanong dalawang beses na nagkatawang-tao ang Diyos at ibinigay ang lahat-lahat upang iligtas ang sangkatauhan. Dalawang libong taon na ang nakararaan, ipinako sa krus ang Panginoong Jesus upang tubusin ang sangkatauhan. Ngayon, sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, itinataya ang Kanyang buhay para magpakita at gumawa sa lungga ng malaking pulang dragon, palaging tinutugis at inuusig ng Partido Komunista. Pero hindi kailanman sumuko ang Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Patuloy Niyang ipinahayag ang mga katotohanan para diligan at tustusan tayo. Ibinigay ng Diyos ang lahat para sa tao—ang Kanyang pagmamahal ay totoong-totoo, at walang pag-iimbot! Pero lubha akong naging makasarili at mababang-uri. Sa aking tungkulin, prinotektahan ko lang ang aking sarili at lubusan kong hindi isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Napakalaki ng utang ko sa Diyos at hindi ako naging karapat-dapat na mabuhay sa harapan Niya. Ang ginusto ko na lang na gawin noon ay ang magserbisyo sa Diyos. Sa ganoong paraan, umasa ako na baka sakaling magawa kong bawasan nang kaunti ang pagiging makasalanan ko.

Noong Disyembre 2021, muli akong nahalal na maging lider ng iglesia. Pero nang maisip ko kung paanong pinagtaksilan ko ang Diyos at kung paanong hindi ako karapat-dapat na maging isang lider, lumuluha kong sinabi sa isang lider ang tungkol sa kung paanong iniwanan ko noon ang iglesia. Sinabi ng lider, “Nakailang taon na at hindi ka pa rin makaalis sa kalagayang ito ng pagkanegatibo at maling pagkaunawa. Mahihirapan kang tamuhin ang gawain ng Banal na Espiritu kapag ganito.” Napaisip din ako kung bakit lubha pa rin akong malungkot sa aking naging paglabag matapos ang matagal na panahong iyon at kung paano ko malulutas ang aking kalagayan. Pagkatapos niyon, nagsikap akong manalangin at maghanap. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kahit na may mga pagkakataong pakiramdam mo ay iniwan ka ng Diyos, at inilubog ka sa kadiliman, huwag matakot: Hangga’t buhay ka pa rin at wala sa impiyerno, may pagkakataon ka pa. Subalit kung katulad ka ni Pablo, na matigas ang ulong tinahak ang landas ng isang anticristo, at sa huli ay pinatototohanan na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo, katapusan mo na. Kung magigising ka sa katotohanan, may pagkakataon ka pa. Ano pang pagkakataon ang mayroon ka? May pagkakataon ka pang lumapit sa harapan ng Diyos, at makakapagdasal ka pa rin sa Diyos at makahahanap, sinasabing ‘O Diyos! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan upang maunawaan ko ang aspetong ito ng katotohanan, at ang aspetong ito ng landas ng pagsasagawa.’ Hangga’t ikaw ay isa sa mga sumusunod sa Diyos, may pag-asa ka sa kaligtasan, at mararating mo ang pinakadulo. Malinaw na ba ang mga salitang ito? Malamang pa rin bang maging negatibo ka? (Hindi.) Kapag nauunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos, maluwang ang kanilang landas. Kung hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, makitid ito, may kadiliman sa kanilang mga puso, at wala silang landas na tatahakin. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay ang mga sumusunod: Makikitid ang kanilang isip, lagi silang nagbubusisi, at lagi silang nagrereklamo at mali ang pagkaunawa nila sa Diyos. Dahil dito, habang lalo silang naglalakad nang malayo, lalo namang naglalaho ang kanilang landas. Sa totoo lang, hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Kung itatrato ng Diyos ang mga tao gaya ng nasa imahinasyon nila, matagal na sanang nalipol ang sangkatauhan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasan at Diwa ni Pablo). “Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o tinalikuran Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; noong panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa saloobin ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Nagpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at mapagmahal na kabaitan, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng paghahayag ng disposisyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Naantig talaga ako nang husto nang mabasa ko ang mga salitang iyon mula sa Diyos at naramdaman kong malaki ang pagkakautang ko sa Kanya. Napag-isip-isip ko na, sa loob ng maraming taon, mali ang pagkaunawa ko sa Diyos. Kalooban ng Diyos na maligtas ang sangkatauhan hangga’t maaari. Hindi Niya susukuan ang isang tao dahil lang sa isang panandaliang paglabag—bibigyan Niya ito ng sapat na mga pagkakataon para magsisi. Gaya ng mga tao ng Ninive: Sinabi lang ng Diyos na wawasakin Niya sila dahil gumagawa sila ng masama, lumalaban, at ginagagalit Siya. Pero bago wasakin ang Ninive, isinugo Niya si Jonas para ibahagi ang salita ng Diyos sa kanila, para bigyan sila ng huling pagkakataon upang makapagsisi. Nang tunay silang magsisi, ang galit ng Diyos ay napalitan ng pagpapatawad at awa, at pinatawad Niya ang kanilang masasamang gawa. Sa pamamagitan nito, nakita ko ang dakilang pagmamahal at awa ng Diyos para sa tao. Ang matinding galit at mahabaging awa ng Diyos ay may prinsipyo, at ganap na nagbabago batay sa saloobing pinanghahawakan ng mga tao patungkol sa Kanya. Bagama’t masakit pakinggan ang mga salita ng Diyos ng paghatol at pagbubunyag, at nangkokondena at nangsusumpa pa nga, hindi totoong komprontasyon ang mga ito, ang mga ito ay isa lamang komprontasyon ng mga salita. Kalooban ng Diyos na maunawaan ko ang Kanyang katuwiran at hindi nalalabag na disposisyon, na magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, na tunay na magsisi sa Kanya, at na maging tapat sa Kanya at gawin nang maayos ang aking tungkulin sa anumang oras at sa anumang sitwasyon. Sa puntong iyon, napag-isip-isip ko na masyado akong naging mapagmatigas at mapaghimagsik. Ilang taon na kong may maling pagkaunawa sa Diyos, bumubuo ng mga kongklusyon hinggil sa sarili ko batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at ikinukulong ang sarili ko sa isang kalagayang walang magawa. Hindi pa talaga sumusuko ang Diyos na iligtas ako. Hindi ko nauunawaan ang mabubuting intensyon sa likod ng Kanyang pagliligtas. Ipinaalala niyon sa akin ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Bagama’t may awtoridad at poot ang Diyos, bagama’t hinahatulan at ibinubunyag Niya tayo, at kinokondena at sinusumpa pa nga tayo, punung-puno Siya ng pagmamahal at awa. Hinayang na hinayang at sising-sisi talaga ako matapos maunawaan ang hangarin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ayaw ko nang patuloy na tumakas mula sa dati kong paglabag o patuloy na magkamali ng pagkaunawa at maging mapagbantay sa Diyos. Nakahanda na akong magsisi. Ginusto kong gamitin ang leksyon ng pagkabigong ito para paalalahanan ang aking sarili. Naging makasarili ako, masama, at takot sa kamatayan. Sa harap ng panganib, naging mang-iiwan ako, binabalewala ang gawain ng iglesia. Napagtanto ko na ang takot ko sa kamatayan ang pinakamatindi kong kahinaan, at na kailangan kong hanapin ang katotohanan para lutasin at talikdan ito.

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos pagkatapos: “Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binanggit natin ang paksang ito, ilagay ninyo ang inyong mga sarili sa kanilang katayuan, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kahihinatnan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi nangangahulugan iyon na ganoon rin ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kahihinatnan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Talagang nahiya ako matapos basahin ang mga salita ng Diyos. Inialay ng mga banal sa nagdaang mga kapanahunan ang kanilang buhay at dumanak ang kanilang dugo para ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Hindi mabilang ang naging martir para sa Diyos. Pinagbabato sila hanggang sa mamatay, kinaladkad ng mga kabayo hanggang sa mamatay, sinunog nang buhay, o ipinako nang patiwarik. Alam na ng maraming misyonero na sa pagpunta nila sa Tsina ay manganganib silang mapatay, pero itinataya pa rin nila ang kanilang buhay para magpunta at mangaral dito. At ngayon nga, maraming mananampalataya ang pinahirapan at inusig ng Partido Komunista hanggang sa mamatay dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, isinasakripisyo ang kanilang buhay para makapagbigay ng tumataginting na patotoo para sa Diyos. Inusig sila alang-alang sa katuwiran, at ang kamatayan nilang lahat ay makabuluhan at sinang-ayunan ng Diyos. Noon, hindi ko nagawa kailanman na makita ang mga bagay na iyon nang malinaw, at wala akong anumang pagkaunawa tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Natakot lang ako sa kamatayan at inisip na matatapos ang lahat kapag namatay ako. Tinalikuran ko ang aking tungkulin, namuhay ng isang walang dangal na pag-iral, at pinagtaksilan ang Diyos sa harap ng matinding pag-uusig ng Partido Komunista. Naging matinding paglabag ito at isang permanenteng mantsa sa aking pananampalataya. Naunawaan ko pagkatapos na anuman ang kaharapin natin sa buhay at anumang pagdurusa ang tiisin natin, ito ay inorden ng Diyos. Hindi natin ito matatakasan. Kung itinulot ng Diyos na ako ay mamatay, dapat akong magpasakop dito, at sundin ang mga yapak ng mga banal na nagsakripisyo ng kanilang buhay para magpatotoo sa Diyos sa buong kasaysayan. Tinulutan ako ng kaisipang ito na maharap nang maayos ang kamatayan at mas mapalakas pa ang pananampalataya ko sa Diyos. Kahit ano pa ang harapin ko sa hinaharap, handa akong umasa sa Diyos at manindigan sa aking patotoo, at hindi ko na muling iiwan pa ang aking tungkulin o pagtataksilan ang Diyos.

Noong Hulyo 6, 2022, lumapit sa akin ang aking katuwang at ninenerbyos na sinabi, “May nangyari. Tatlong lider ang naaresto.” Hindi ako mapalagay nang marinig kong sabihin niya iyon. Nakipag-ugnayan ang tatlong lider na iyon sa maraming tao at sa mga nagho-host na pamilya, at nakipag-ugnayan ang isa sa kanila sa amin ilang araw lang ang nakakaraan. Kinailangan naming asikasuhin kaagad ang pinsalang iniwan ng kanilang pagkakaaresto para maiwasan pa ang lalong pinsala. Pero medyo natakot pa rin ako. Kung minamanmanan ang mga kapatid na iyon, baka mahulog ako sa patibong ng mga pulis kapag nakipag-ugnayan ako sa kanila. Pero pumasok sa isip ko ang masaklap na leksyong natutunan ko nang iwanan ko ang iglesia noon, at kung paanong napagtaksilan ko ang Diyos at nalabag ang Kanyang disposisyon. Isa iyong masakit na alaala na hindi ko kailanman malilimutan at ayaw ko nang maulit pa ang pagkakamaling iyon. Kaya paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, nangangako akong mananatiling tapat sa aking tungkulin sa harap ng sitwasyong ito at hindi ako tatakbo papalayo. Pakibigyan nawa ako ng pananampalataya at lakas.”

Pagkatapos niyon, nagmadali akong abisuhan ang mga kapatid na dapat silang maging alerto nang husto, at ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa mga ligtas na lugar. Pagkatapos ay bigla kong naisip na hindi rin ligtas ang bahay ko, kaya nagdesisyon akong umuwi at sabihin sa aking biyenang babae na umalis at umupa ng isang kuwarto sa ibang lugar. Nang malapit na ko sa entrada, nakita ko ang dalawang bata-batang lalaki na nakasuot ng itim, at hindi na ko nangahas na pumasok sa loob. Nalaman ko na lang pagkatapos niyon na naaresto na pala ang biyenan kong babae, at mga pulis pala ang mga lalaking iyon na nakaitim. Napag-alaman ko rin na ang sister na kasabay kong lumabas at nagsabi sa iba na lumipat ay hindi na nakabalik at malamang na naaresto na. Hindi na ako masyadong nakapag-isip dala ng mga sitwasyong nangyayari, at nagmadali akong harapin ang naiwang pinsala kasama ang sister na katuwang ko. Nalaman ko pagkatapos na isa itong malawakang operasyon ng pang-aaresto ng Partido Komunista, at na 27 katao ang naaresto sa pagitan ng gabi ng ika-5 ng Hulyo at ng umaga ng ika-6 ng Hulyo. Habang nahaharap sa masaklap na sitwasyong ito, alam kong binibigyan ako ng Diyos ng pagkakataong ibahin ang desisyon ko kumpara dati. Dati, nang-iiwan ako, at pinagtataksilan ang Diyos. Hindi ko na maaaring biguin pa ulit ang Diyos sa pagkakataong ito, kinailangan kong umasa sa Diyos, gawin ang aking tungkulin, at makipagtulungan sa iba na harapin ang iniwang pinsala ng mga pang-aarestong ito. Pagkatapos niyon, patuloy kong hinarap ang sitwasyon kasama ang aking mga kapatid. Higit akong napanatag sa pagsasagawa sa ganitong paraan.

Kapag ikinukuwento ko ngayon ang tungkol sa aking paglabag, nagagawa ko nang harapin at kilalanin na isa akong makasarili at kasuklam-suklam na tao na natatakot sa kamatayan. Ayaw ko nang maging ganoong uri pa ng tao. Gusto kong maging babala ang paglabag na iyon, para paalalahanan akong huwag nang ulitin pa ang pagkakamaling iyon. Ngayon kapag nakikita ko ang mga kapatid sa ganoon ding kalagayan, nakikipagbahaginan ako sa kanila para maunawaan nila ang katuwiran at ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos, at tanggapin iyon bilang isang babala. Nakaukit pa rin ang paglabag na iyon sa aking puso at nasasaktan pa rin ako dahil dito, pero naging isa rin ito sa mga karanasang labis kong pinahahalagahan sa aking buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ibang Uri ng Pagpapala

Ni Tao Liang, Tsina Mayroon akong hepatitis B magmula pa noong bata ako. Naghanap ako ng lahat ng klase ng doktor at gamot at gumastos ako...