Isang Pagpipilian sa Gitna ng Panganib

Enero 11, 2022

Ni Zhang Jin, Tsina

Ilang panahon na ang nakalilipas, nakatanggap ako ng sulat mula kay Brother Zhao. Ang lider ng kanilang iglesia, pati na ang isang brother at isang sister, ay naaresto ng mga pulis habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang lugar kung saan nakatago ang mga libro ay nanganganib. Maaaring halughugin ng mga pulis ang lugar at samsamin ang mga ito anumang oras. Siya at ang ilan pang ibang dyakono ay madalas na nakikipag-ugnayan sa mga taong naaeresto, at lahat sila ay sinusubaybayan, kaya hindi sila makatulong na mailipat ang mga ito. Noon siya nakipag-ugnayan sa akin para tanungin kung puwede akong tumulong na ilipat ang mga libro ng salita ng Diyos sa ibang lugar. Matapos kong basahin ang sulat, nagtalo ang kalooban ko. Para maaresto ang mga Kristiyano, itinatag ng CCP ang “five-household responsibility system” sa bawat barangay, at nagmatyag para malaman kung kaninong mga bahay ang nabisita ng mga estranghero. Kapag nadiskubre ang mga mananampalataya ng Diyos, agad silang isinusumbong. Ang mga kapatid sa iglesiang iyon ay kaaaresto lang, at ang mga mata ng CCP ay nagkalat. Ang paglilipat ng mga libro ng salita ng Diyos sa ganitong panahon ay napakadelikado. Kapag may nagsumbong sa amin na sinumang masamang tao, o kapag nadiskubre kami ng mga pulis, huhulihin ng mga pulis ang sasakyan at ang mga taong sakay nito. Kapag nakita nila ang ganoon karaming libro ng salita ng Diyos, siguradong pahihirapan nila ako habang interogasyon. Kung hindi ako mamatay, siguradong labis akong mapipinsala. Kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging isang Hudas, masusumpa ako’t mapaparusahan, at iyon na ang magiging katapusan ko, hindi ba? Pero, kung hindi namin mailipat ang mga libro sa tamang oras, at nakita’t sinamsam ng mga pulis ang mga ito, hindi mababasa ng mga kapatid ang salita ng Diyos. Hindi ako maaaring tumayo na lang at panoorin ang mga pulis na sinasamsam ang mga libro ng salita ng Diyos. Naguguluhan ako sa kung anong gagawin ko, kaya humarap ako sa Diyos at nagdasal. “Diyos ko, pinanghihinaan ako ng loob at natatakot. Nag-aalala ako na maaresto, kaya wala akong lakas ng loob para makipagtulungan. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas.”

Matapos kong magdasal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Alam na alam ng mga taong tapat sa Diyos na may kaakibat na mga panganib, at handa silang harapin ang mga panganib na iyon upang harapin ang kinahinatnan ng mga pangyayari at maingatang huwag masyadong mawalan ang sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang sarili nilang kaligtasan. Ano ang masasabi ninyo rito: Magagawa ba ng mga taong hindi intindihin kahit bahagya ang sarili nilang kaligtasan? Sino nga ba ang hindi nakababatid sa mga panganib sa kanilang paligid? Gayunpaman, dapat kang sumuong sa mga panganib upang matupad ang iyong tungkulin. Responsibilidad mo ito. Hindi mo dapat unahin ang pansarili mong kaligtasan. Ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang pinakamahalaga, at ang mga ito ang dapat unahin higit sa lahat(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napahiya ako. Kapag nakikita ng mga taong tapat sa Diyos na napinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, naninindigan sila at isinasakatuparan ang kanilang mga responsibilidad, kahit na alam nilang delikado ito. Pero ako? Malinaw kong naunawaan ang papalapit na panganib. Alam kong kapag hindi ko dali-daling inilipat ang mga libro ng salita ng Diyos, maaaring mahanap ang mga ito at samsamin ng mga pulis anumang oras. Sa ganoong mapanganib na sandali, nag-alala ako kung maaaresto ako. Hindi ako nag-alala tungkol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ko iniisip kung paano ko gagamitin ang lahat ng lakas ko para matupad ang aking mga responsibilidad at tungkulin. Hindi naman ito pagiging tapat! Nagiging makasarili lang ako. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng labis na paninisi sa sarili. Naisip ko, kahit gaano man magsiklab ng galit ang malaking pulang dragon, hindi ba’t ito’y nasa mga kamay rin ng Diyos? Pinigilan at ginulo na nito ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, pero sa kabila nito, hindi ba’t ang gawain ng Diyos ay naipaabot sa maraming ibang bansa? Nahiya at natakot ako dahil kulang ako sa kaalaman tungkol sa walang hanggan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Napakahina ng pananampalataya ko sa Diyos. Ginagamit ng Diyos ang kalagayang ito para tulungan akong matuto ng mga leksyon at makamit ang katotohanan, para bigyan ako ng kaalaman tungkol sa walang hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, at kinailangan kong maranasan ito sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos. Sa sandaling napagtanto ko ito, tumigil ako sa pagiging matatakutin, at handa nang ilipat ang mga libro ng salita ng Diyos sa lalong madaling panahon.

Maliwanag at maaga kinaumagahan, nagmaneho ako papunta sa iglesia ni Brother Zhao. Ang una kong ginawa ay maghanap ng isang kapatid at pakiusapan siyang dalhin ako sa bahay kung saan itinatago ang mga libro, pero sa pintuan, tahimik niyang sinabi sa aking ang kanyang asawa ay nagmamatyag sa kanya sa bahay at hindi siya pinapalabas dahil natatakot itong maaresto siya. Pagkarinig ko noon ay lalo akong nag-alala. Hindi niya ako maisasama, wala akong ibang kilala roon, at mapanganib ang sitwasyon. Anong mangyayari kung samsamin ng mga pulis ang mga libro? Wala akong ibang maisip na paraan, kaya ang nagawa ko na lang ay magmaneho pauwi. Habang pauwi, hindi ko mapigilang mag-isip kung sinong pwede kong pakiusapang dalhin ako doon. At kahit na makahanap ako ng isang tao, kapag bumalik ulit ako sa barangay na iyon, malamang na makakaagaw ako ng atensyon. Isusumbong kaya ako? Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong natatakot. Para bang napapalibutan ako ng panganib. Pagkauwi ko, nagdasal ako sa Diyos para maghanap ng mga kasagutan, at nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, “Hindi ka dapat matakot dito at doon; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; … Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang gugulin ang lahat ng mayroon ka. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking mabuting hangarin, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). “Kapag pormal Ko nang sinimulan ang gawain Ko, gagalaw ang lahat ng mga tao gaya ng Aking paggalaw, upang maging abala ang mga tao sa buong sansinukob sa mga sarili nila kasabay Ko, mayroong ‘lubos na pagsasaya’ sa buong sansinukob, at nauudyukan Ko pasulong ang tao. Bilang bunga, nilatigo Ko ang malaking pulang dragon mismo sa isang kalagayan ng silakbo ng galit at pagkalito, at pinagsisilbihan nito ang gawain Ko, at, sa kabila ng pagiging atubili, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanasa, datapuwa’t naiwang walang pagpipilian kundi magpasakop sa pamamahala Ko. Sa lahat ng mga plano Ko, ang malaking pulang dragon ay siyang Aking hambingan, kaaway Ko, at tagapagsilbi Ko rin; samakatuwid, hindi Ko kailanman niluwagan ang ‘mga pangangailangan’ Ko rito. Samakatuwid, gagawing ganap ang huling yugto ng gawain ng pagkakatawang-tao Ko sa sambahayan nito. Sa ganitong paraan, mas nagagawang maglingkod nang maayos para sa Akin ng malaking pulang dragon, na sa pamamagitan nito’y lulupigin Ko ito at gagawing ganap ang plano Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29). Binigyan ako ng pananampalataya ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ay walang hanggang makapangyarihan. Kinokontrol Niya ang lahat at pinamamahalaan ang bawat kilos. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nagaganap sa bansa ng malaking pulang dragon nang sa gayon ang pag-uusig ng malaking pulang dragon ay maaaring magamit para gawing perpekto ang hinirang na mga tao ng Diyos. Gaano man kasama o magsiklab ng galit ang malaking pulang dragon, ito’y sakop pa rin ng mga kataas-taasang pangangasiwa ng Diyos. Hindi nito mapipinsala ang kahit isang buhok sa ating ulo nang walang pahintulot ng Diyos. Isinaalang-alang ko na malupit na pinipigilan at inuusig ng CCP ang mga Kristiyano simula nang ito’y manungkulan, at gumamit ng iba’t ibang kasuklam-suklam at masasamang paraan sa isang walang kabuluhang pagtatangkang itaboy ang iglesia ng Diyos, pero ang mga sabwatan nito ay hindi kailanman nagtagumpay. Sa halip, ang mga pag-uugali nito’y nagbigay serbisyo para sa Diyos. Ibinigay nito sa hinirang na mga tao ng Diyos ang pagkaunawa sa masama nitong diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at paglaban sa Diyos, at kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para pagbukod-bukurin ang mga tao ayon sa kanilang uri. ’Yung mga kalimitang kayang kainin at inumin ang salita ng Diyos at tapat na tuparin ang kanilang mga tungkulin sa gitna ng pag-uusig at sakuna, ’yung hindi sumusuko kay Satanas kahit na matapos na maaresto at pahirapan ay mayroong pagpapatotoo ng mga mananagumpay. Pero ’yung mga napakahina ng loob at takot na ni hindi sila naglalakas-loob na tuparin ang kanilang mga tungkulin ay tiyak na ang ipa, mga damo, at mga ’di mananampalataya na ibinunyag sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, at sa huli, silang lahat ay itiniwalag. Sa sandaling iyon, naunawaan ko na ginagamit ng Diyos ang kalagayang ito para subukin ako. Kung masyadong mahina ang loob ko at takot na tuparin ang aking tungkulin, hindi ba’t nangangahulugan iyon na ako’y ibinunyag ng Diyos? Nang napagtanto ko ito, alam kong hindi na ako pwedeng umatras pa sa aking tungkulin. Kailangan kong ilipat ang mga libro ng salita ng Diyos sa lalong madaling panahon.

Kaya, agad kong tinalakay sa aking mga kapatid kung paano ililipat ang mga libro at nalaman kong may dalawa pang sister na nakakaalam sa bahay kung saan itinatago ang mga libro, kaya mabilis akong nagmaneho para sunduin sila at dalhin sa mga bahay na may mga libro. Sa daan, kabadong-kabado ako, at tuloy-tuloy akong nagdasal sa Diyos. Nang marating namin ang bukana ng barangay, nakita kong may kung anong uri ng groundbreaking ceremony na nagaganap. Maraming tao ang nagtipon para sumali sa kagalakan. Napagtanto kong ito’y pagbubukas ng Diyos ng landas para sa amin. Pinasalamatan ko ang Diyos sa aking puso, at pagkatapos, bilang abala ang mga taga-barangay, tahimik kaming pumasok sa barangay mula sa isang gilid na daan at tagumpay na nailipat ang mga libro ng salita ng Diyos. Pagkatapos lang naming mailagay ang mga libro sa taguan, nakatanggap kami ng isang mensahe na kami’y naisumbong pagkaalis namin. Agad na lumabas ang mga pulis para habulin kami, pero sa puntong iyon, malayo na kami. Pinasalamatan ko ang Diyos, dahil nakita kong ang lahat ay nasa mga kamay Niya, hanggang sa bawat pinakaminuto, kahit sa bawat segundo. Pinakilos ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at mga bagay para magbukas ng daan para sa amin, kung wala ito ay hindi sana namin maililipat ang mga libro.

Hindi nagtagal pagkatapos no’n, Limang kapatid mula sa iglesia ang naaresto habang nagtitipon. Ang mga pag-aresto ay basta na lang nangyari, kaya hindi namin alam kung ilang mga kapatid sa lugar ang minamatyagan. Kinailangan naming abisuhan agad ang mga kapatid na nagkaroon ng ugnayan sa mga naaresto, para makapagtago sila. Ang mga libro ng salita ng Diyos ay kinailangan ding mailipat sa lalong madaling panahon. Pamilyar ako sa iglesia sa lugar na iyon, kaya ako ang pinakaangkop na tumulong sa mga lider ng iglesia sa pagharap sa mga bagay. Pero, pinanghinaan din ako ng loob dahil takot akong maaresto at pahirapan, kaya sinabi ko sa asawa ko ang tungkol sa aking mga pag-aalala, at binasahan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan? Maaari kayang ito ang tipan na ginawa Ko sa lupa? Walang makahahadlang sa pagsulong ng Aking plano; Ako ay palaging naroroon sa Aking gawain gayundin sa plano ng Aking pamamahala. Sino sa mga tao ang maaaring makialam? Hindi ba’t Ako ang personal na gumawa ng mga pagsasaayos na ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Ang pagbabasa ng salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng pananampalataya. Nakita kong ang lahat ng usapin at bagay-bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Araw-araw, lahat ng nangyayari sa akin at kung maaresto man ako ay nasa mga kamay rin ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, gaano man maging masiklab ang pag-uusig ng malaking pulang dragon, hindi ako kailanman maaaresto. Kahit maaresto ako, ’yun ang magiging panahon ko para magpatotoo para sa Diyos. Nang napagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, at handang umasa sa Kanya at makipagtulungan.

Kinabukasan, nagpanggap ako bilang isang nagtitinda ng palay at pumunta sa barangay para malaman ang sitwasyon. Pagkarating ko, kinailangan kong iwasan ang mga camera at matataong lugar, kaya nagtagal ako, at matapos ang isang mahirap na paglalakbay, nakarating ako sa bahay ng lider ng iglesia, para lang malaman na wala sila roon. Nakaramdam ako ng pag-aalala at pagkabigo, at naghintay ako hanggang lumubog ang araw, pero hindi ko sila nakita. Kaya napilitan akong magpalipas ng gabi sa isang kalapit na bahay ng isang kamag-anak na isa ring mananampalataya. Nang gabing iyon, naisip ko kung paanong buong araw, kinailangan kong ilagay sa peligro ang sarili ko at maglakbay nang napakalayo, pero walang anumang nagawa, at naging miserable ako. Kailangan kong pumunta ulit kinabukasan. Anong mangyayari sa akin kung maisumbong at maaresto ako? Alam kong hindi ako puwedeng umatras sa aking mga tungkulin tulad nung sa nakaraan. Kailangan kong umisip ng paraan para ilipat ang mga libro, pero pinanghihinaan din ako ng loob at natatakot, at pakiramdam ko’y napakadelikado ng tungkuling ito. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Pinanghihinaan ako ng loob at natatakot. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya. Gaano man kapanganib, gusto kong umasa sa Iyo at lutasin ang sitwasyong ito sa lalong madaling panahon, para hindi mapinsala ang mga interes ng sambayahan ng Diyos.” Matapos kong magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at matagal isakatuparan ang marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa nakaraan, hindi ko naunawaan ang kahalagahan ng siping ito ng mga salita ng Diyos, pero kapag ginamit sa kalagayang iyon, nakita ko kung gaano kapraktikal ang mga salita ng Diyos. Kinamumuhian ng malaking pulang dragon ang katotohanan at sukdulang nilalabanan ang Diyos. Bilang isang mananampalataya ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon, siguradong magdurusa tayo ng pagkaaresto at pag-uusig, pero ginagamit ng Diyos ang pag-uusig ng malaking pulang dragon para gawing perpekto ang grupo ng mga mananagumpay. Ito ang karunungan ng gawain ng Diyos. Sa nakaraan, pakiramdam ko may pananampalataya ako sa Diyos, pero sa mapanganib na sitwasyong iyon kung saan nahaharap ako sa peligro ng pagkakaaresto, ang panghihina ng loob, kawalan ng pananampalataya, at pagkamakasarili ko ay nabunyag. Natakot akong hindi makayanan ang pagpapahirap kung maaresto ako, maging isang Judas, at magwakas sa isang masamang katapusan. Naisip ko ang lahat ng pag-uugali ko, kung paano ko isinaalang-alang ang sarili kong mga interes at kaligtasan pero hindi inisip man lang ang tungkol sa gawain ng iglesia. Walang katapatan sa Diyos o pagpapatotoo rito. Nasa ganitong kalagayan ako dahil pinahintulutan ito ng Diyos. Ginagamit ito ng Diyos para gawing perpekto ang aking pananampalataya, at bigyan ako ng tapang at karunungan nang sa gayon ay magkaroon ako ng praktikal na karanasan ng gawain ng Diyos at makita ang mga gawa Niya. Ang katotohanang ipinanganak ako sa Tsina at pinalad na maranasan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pagtataas at pagmamahal ng Diyos para sa akin. Kung hindi ako nagdusa at nagbayad ng halaga para makamit ng katotohanan, kung nabigo akong tuparin ang tungkuling ito, mawawala ang kabuluhan o halaga sa aking buhay. Nang napagtanto ko ito, hindi ko maiwasang magnilay: Bakit palaging una kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes sa mga delikadong kalagayan? Ano ang pinag-ugatang dahilan nito?

Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling mga kapakanan; tinatalikuran nila ang mga bagay-bagay, ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Kanya, at tapat sa Kanya, nguni’t ang lahat ng mga bagay na ito ay ginagawa pa rin nila para sa kanilang sariling mga kapakanan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa layuning magkamit ng mga pagpapala para sa kanilang mga sarili. Sa lipunan, ang lahat ay ginagawa para sa pansariling pakinabang; ang paniniwala sa Diyos ay ginagawa para lamang magkamit ng mga pagpapala. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikuran ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa. Ang lahat ng ito ay katibayang batay sa karanasan ukol sa tiwaling kalikasan ng tao. Gayunman, iba yaong mga nagdaan na sa isang pagbabago sa disposisyon; naniniwala sila na ang paraan kung paano mabuhay nang makabuluhan, paano tuparin ang mga tungkulin ng isang tao upang maging karapat-dapat na matawag na tao, paano sambahin ang Diyos, at paano bigyang kaluguran at magpasakop sa Diyos—lahat ng ito—ay ang pundasyon ng kahulugan ng pagiging tao, at ito ay isang obligasyon na inorden ng Langit at kinilala ng lupa. Dahil kung hindi, hindi sila magiging karapat-dapat na matawag na tao; magiging hungkag at walang kabuluhan ang buhay nila. Pakiramdam nila ay dapat mabuhay ang mga tao upang palugurin ang Diyos, gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos, at mabuhay nang makabuluhan, upang kapag oras na para mamatay sila, makukuntento sila at hindi magkakaroon ng kahit katiting na panghihinayang, at na hindi sila nabuhay nang walang saysay(“Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Panlabas na mga Pagbabago at mga Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos kong mabasa ang salita ng Diyos, naunawaan kong isinaalang-alang ko ang sarili kong mga interes at pinrotektahan ang sarili ko sa lahat at ginustong iwasan at magtago mula sa mga tungkulin ko sa mga delikadong kalagayan, dahil namuhay ako sa mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Hayaang umagos ang mga bagay kung wala naman itong personal na naaapektuhan.” Naging kalikasan ko ang mga pilosopiyang ito at kinontrol ang aking mga pag-iisip at pag-uugali. Talagang ginawa akong makasarili at kasuklam-suklam ng mga ito. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang gawain ng sambayahan ng Diyos. Malinaw kong alam ang kahalagahan ng mga libro ng salita ng Diyos, at dapat kong ipagsapalaran ang lahat para protektahan ang mga ito, pero isinasaalang-alang ko pa rin ang sarili kong mga interes, at sa gayong mapanganib na sandali, hindi ko kayang tapat na tuparin ang aking mga tungkulin. Naisip ko kung paanong ang Diyos, para iligtas ang sangkatauhan, na lubhang ginawang tiwali, ay sinuong ang malaking panganib ng pagpunta sa Tsina para gumawa, kung saan Siya’y hinabol ng CCP at nagdusa ng pagkondena at pagtanggi mula sa relihiyosong mundo. Hindi kailanman isinaalang-alang ng Diyos ang Kanyang sariling kaligtasan, at patuloy na ipinahayag ang katotohanan parang tustusan tayo. Kahit na tayo’y suwail at tiwali, ’di tayo kailanman pinabayaan ng Diyos, at ginamit ang Kanyang mga salita para bigyan ng kaliwanagan at gabayan tayo. Nang matanggap ko ito, napagtanto ko kung gaano kalaki ang utang ko sa Diyos at kinamuhian kung gaano ako naging makasarili at kasuklam-suklam. Lubos kong tinamasa ang biyaya ng Diyos at ang pagtutustos ng Kanyang salita, pero sinubukan kong protektahan ang sarili ko nang paulit-ulit, at hindi kailanman inisip kung paano poprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Wala talaga akong anumang pagkatao. Totoong hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos! Lumuhod ako at nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Ako’y lubos na nagawang tiwali ni Satanas, napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Ayoko nang mamuhay nang ganito, gusto kong talikdan ang aking laman, tuparin ang aking mga tungkulin sa abot ng aking makakaya, at itaguyod ang gawain ng sambayahan ng Diyos.”

Kalaunan, nabasa ko ito sa salita ng Diyos hinango mula sa “‘Kabanata 11’ ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.” “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpapasiya? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng ‘laman’ ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, naunawaan kong ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Gaya na lang ng pagdalaw ng kalupitan ni Satanas kay Job, kung walang pahintulot ng Diyos, hindi naglakas-loob si Satanas na kunin ang buhay ni Job. Sa pagharap sa problemang ito, kung maaresto man ako ay nasa Diyos na. Kung pahintulutan ng Diyos ang mga pulis na arestuhin ako, gaano mang pagpapahirap ang kailangan kong tiisin, kahit ako’y bugbugin hanggang mamatay, kailangan kong manindigan at magpatotoo para sa Diyos, Magiging makahulugan at mahalaga na maging martir para sa Kanya. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon(Lucas 9:24). Naisip ko rin ang mga banal ng nakaraan. Nang sila’y takutin ng kamatayan, hindi nila inisip ang sarili nilang mga interes o plano para sa kanilang buhay. Sa halip, gumawa sila ng matunog na pagpapatotoo para sa Diyos, tulad na lang ni Daniel, na itinapon sa kulungan ng mga leon, o si Jacob, na pinugutan ng ulo, o si Pedro, na pabaliktad na ipinako sa krus. Dapat kong gayahin ang kanilang pananampalataya, katapatan, at pagsunod sa Diyos. Hindi ko na puwedeng katakutan ang madilim na impluwensiya ni Satanas o mamuhay ng isang makasarili, kasuklam-suklam, at walang dignidad na buhay. Kinailangan kong ipagsapalaran ang lahat para tuparin ang aking mga tungkulin.

Kinaumagahan, bigla kong naisip na baka alam din ni Sister Wang, na nakatira sa malapit, ang bahay kung saan itinatago ang mga libro, kaya pumunta ako sa bahay niya. Sa gulat, sinabi niyang, “Kahapon, ang mga tao mula sa istasyon ng pulis at ang mga kadre sa barangay ay dumating para imbestigahan ang mga mananampalataya sa Diyos. Kung nakipagkita ka sa lider ng iglesia at inilipat ang mga libro kahapon, agad ka sanang naaresto.” Nang marinig kong sabihin ito ni Sister Wang, hindi ko mapigilang magpasalamat sa Diyos sa aking puso. Matapos malaman ang tungkol sa lokal na sitwasyon, inilipat ko ang mga libro sa isang ligtas na lugar, at sa wakas ay natigil na sa pag-aalala. Kahit na bahagya akong nagdusa mula sa pagiging nasa kalagayan ng matinding pagkabalisa sa buong proseso, nakita ko ang mga praktikal na epekto ng walang hanggang at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Gaano man nagsiklab ang galit ng malaking pulang dragon, nasa mga kamay ito ng Diyos, kung saan pinagsisilbihan nito ang Diyos. Ito’y isang kasangkapang ginagamit para gawing perpekto ang hinirang na mga tao ng Diyos at tulungan silang lumago sa buhay, at kung walang pahintulot ng Diyos, wala itong magagawa sa atin.

Pagkatapos ng karanasan ko, lumaki ang pananampalataya ko sa Diyos. Nagkamit din ako ng ilang pagkaunawa sa aking sariling katiwalian. Hindi na ako natatakot kapag nahaharap sa madilim na impluwensiya ni Satanas, at nagawa kong tuparin ang tungkulin ko at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Salamat sa gabay ng Diyos na ako’y lumago at nakinabang sa ganitong paraan. Hindi ko kailanman makakamit ang mga bagay na ito sa isang komportableng kalagayan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman