Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Nakasalalay kung makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos sa kung kaya ba niyang tumanggap o hindi ng pagpupungos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, kung kaya ba niyang gawin ang mga bagay alinsunod sa prinsipyo, at kung kaya ba niya laging magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamahalaga. Ano ba ang ibig sabihin ng magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos? Ibig sabihin nito, anuman ang isaayos ng sambahayan ng Diyos na gawin mo, o saanman nito isaayos na gampanan mo ang iyong mga tungkulin, nagagawa mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang pagtanggap dito mula sa Diyos ay tunay na pananampalataya, at isa itong aspeto ng pagsasagawa. At paano ba ito tatanggapin ng isang tao mula sa Diyos? Sasabihin mo: “Bagaman mga tao ang nagsaayos ng bagay na ito, ito ay tungkulin ko. Ang anumang tungkuling isinasaayos ng iglesia para gampanan ko ay may kalakip na pahintulot ng Diyos. Dapat akong tumanggap at magpasakop. Kung gayon ay paano ko dapat tratuhin ang aking tungkulin?” Mayroon bang anumang hinihingi ang Diyos sa kung paano mo tatratuhin ang iyong tungkulin? Ano ang katotohanang hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao? (Ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin nang mabuti.) Sa pagsunod sa prinsipyong ito, kapag tinatamad ka at ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, o kapag mayroon kang mga reklamo, dapat kang maghanap: “Saan ba rito umiiral ang problema? Hindi ako nagsasagawa gaya ng hinihingi ng Diyos! Kailangan kong bitiwan ang aking mga ideya, isuko ang aking mga hinihingi at ninanasa. Kailangan kong baguhin ang maling kalagayan ng aking kalooban.” Kailangan mong mabitiwan ang mga ito. Ngunit kung minsan, may ilang bagay na pumipigil sa mga tao sa pagbitiw. Anong uri ng mga bagay? Halimbawa, may ilang taong laging naiinggit na mas magarbo ang mga tungkulin ng ibang tao, na tinutulutan ng mga iyon ang iba na makisalamuha sa maraming tao. Lagi nilang iniisip na hindi mahalaga ang sarili nilang tungkulin, na masyadong kakaunti lang ang taong nakikilala nila habang ginagampanan nila ito, at hindi sila kontento dahil dito. Dagdag pa rito, dahil sa maliit na saklaw ng responsabilidad ng kanilang tungkulin at dahil kaunting tao lang ang kailangan nilang pamahalaan, pakiramdam nila ay wala silang katayuan. Anong uri ng mga kaisipan ang mga ito? Ano ang pinagmumulan ng mga ideyang ito? (Mga tiwaling disposisyon.) Nagmumula ang lahat ng iyon sa mga tiwaling disposisyon. Ano ang mga bagay na ibinubunga ng mga tiwaling disposisyon? Ang mga iyon ay mga personal na intensyon, plano, ninanasa, at ambisyon. Paano dapat lutasin ang mga bagay na ito? Una, kailangan mong bumitiw, at pagkatapos, sa pamamagitan ng pagsusuri, ay mapagtanto mo sa puso mo na naghahangad ka pa rin ng katayuan sa halip na masigasig na tumutupad sa iyong tungkulin upang mapalugod ang Diyos; mayroon ka pa ring mga ambisyon at ninanais, nagnanasa ka ng mga pakinabang ng katayuan, labis-labis ang mga hinihingi mo, at hindi ka pa nakapagpapasakop sa Diyos. Kaya lalapit ka sa Diyos at magdarasal: “Diyos ko, hindi tama ang kalagayan ko. Pakiusap, disiplinahin at ituwid Mo ako, pakiusap, tulutan Mong sumapit sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo nang sa gayon ay makilala ko ang aking sarili at makapagsisi ako.” Kung mayroon kang pusong nagsisisi, kapag humarap ka sa Diyos at humiling sa Kanya na pagsabihan at disiplinahin ka, tutugon Siya ayon sa iyong tayog. Maaari ka Niyang disiplinahin, o marahil ay gabayan nang paunti-unti. Kung didisiplinahin ka Niya, ito ay dahil mayroon kang kaunting tayog. Ngunit maaaring hindi ka Niya disiplinahin, at iyon ay dahil sa mahina ka, at kung magkagayon ay maaari ka Niyang suportahan at gabayan nang paunti-unti upang makapagpasakop ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Anu-ano muna ang mga kinakailangan para gawin ito ng Diyos? Kapag mayroon kang pusong nagsisisi, pusong nagpapasakop at nakikipagtulungan sa Diyos, at pusong nananabik at naghahangad sa katotohanan, saka ka lamang hahatulan, kakastiguhin, at lilinisin ng Diyos. Kung wala kang determinasyon para dito at hindi ka nagdarasal, bagkus ay sumusunod ka sa iyong laman at hindi ka bumibitiw sa iyong mga intensyon, ambisyon, at ninanasa, gagawin pa rin ba ito ng Diyos para sa iyo? Hindi gagawa sa iyo ang Diyos. Ikukubli ng Diyos ang Kanyang sarili sa iyo, itatago Niya ang Kanyang mukha sa iyo. Sa mga pagtitipon, ang lahat ng iba ay mabibigyang-inspirasyon ng mga sermon ngunit lagi kang aantukin, nang walang paraan para mapasigla ang iyong sarili. Anuman ang mangyari, wala kang anumang matututuhan dito, at magpapatuloy ang kalagayang ito nang walang katapusan, magtatagal pa nga nang isa o dalawang taon, o tatlo hanggang limang taon pa nga. Nangangahulugan itong itinaboy ka na ng Diyos, itinago na Niya ang Kanyang mukha sa iyo, at lubha itong mapanganib. Sasabihin ng ilang tao: “Paano iyon naging mapanganib? Ginagampanan ko naman ang aking tungkulin. Hindi ko iniwanan ang Diyos. Nagbabasa pa rin ako ng mga salita ng Diyos, nakikinig ako sa mga himno, at may espirituwal akong buhay. Isa pa rin akong miyembro ng sambahayan ng Diyos.” Ang mga ito ay mga panlabas na representasyon lamang na walang anumang ipinapasya. Sa kabilang banda, ano ang may tiyak na epekto? Ito ay kung binabantayan at ginagabayan ka ba ng Diyos; kung gumagawa at dumidisiplina ba sa iyo ang Banal na Espiritu. Ito ang pinakapunto. At saan nakasalalay ang gabay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu? (Nakasalalay ang mga iyon sa puso ng mga tao.) Tama iyan. Nakasalalay ang mga iyon sa saloobin ng mga tao sa Diyos, sa kanilang mga puso, sa kanilang mga pinananabikan at hinahangad, at sa kung ano ang kanilang hinahanap. Nakasalalay ang mga iyon sa landas na tinatahak ng mga tao. Ang mga ito ang mga pinakakritikal na aspeto, at ibinabatay ng Diyos sa mga ito ang Kanyang pagtrato sa mga tao.
Ang pinakamahalagang usaping dapat lutasin ngayon ay kung paano dapat tratuhin ang tungkulin ng isang tao. Dahil ang pagganap sa tungkulin ang pinakanaghahayag kung tunay ba o huwad ang pananampalataya ng isang tao, kung minamahal niya ba o hindi ang katotohanan, kung tama ba o maling landas ang pinipili niya, at kung nagtataglay ba siya o hindi ng konsiyensiya at katwiran. Mabubunyag ang lahat ng isyung ito sa pagganap sa tungkulin. Upang matugunan ang tanong na kung paano dapat tratuhin ang tungkulin ng isang tao, una sa lahat ay kailangan mong maunawaan kung ano ba ang tungkulin, pati na kung paano ito gagampanan nang maayos at kung ano ang gagawin kapag naharap ka sa paghihirap habang ginagampanan mo ito—kung anu-anong mga prinsipyo ang dapat sundin at isagawa alinsunod sa kung aling mga katotohanan. Kailangan mong maunawaan kung ano ang gagawin kapag mali ang naging pagkaunawa mo sa Diyos at kapag hindi mo mabitiwan ang iyong mga intensyon. Dagdag pa rito, habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, kailangan ay madalas mong pagnilayan ang mga maling kaisipan sa iyong puso na mga kaisipan at pananaw na nabibilang kay Satanas, na nakaiimpluwensiya at nakahahadlang sa pagtupad mo ng iyong tungkulin; na makapagdudulot sa iyong maghimagsik laban sa Diyos at ipagkanulo Siya habang gumagawa ka ng iyong tungkulin; at na nagdudulot sa iyong mabigo sa kung ano ang ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos—kailangan mong malaman ang lahat ng ito. Mahalaga ba ang tungkulin sa isang tao? Napakahalaga nito. Ngayon ay kailangang malinaw na sa inyo ang pangitaing ito: Napakahalaga sa pananampalataya sa Diyos ang paggampan sa inyong tungkulin. Ang pinakamahalagang aspeto ng pananampalataya sa Diyos ngayon ay ang pagganap sa tungkulin. Kung hindi magagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin, hindi magkakaroon ng realidad. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at unti-unti silang magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, unti-unting natutukoy ng mga tao ang kanilang mga problema, at nakikilala ang kanilang tiwaling disposisyon at diwa. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng pagninilay sa kanilang sarili, unti-unting matutuklasan ng mga tao kung ano talaga ang hinihingi sa kanila ng Diyos. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano talaga ang sinasampalatayaan ninyo kapag sumasampalataya kayo sa Diyos? Sa katunayan, isa itong pananampalataya sa katotohanan, isang pagtatamo ng katotohanan. Tinutulutan ng pagganap sa tungkulin ang pagtatamo ng katotohanan at buhay. Hindi matatamo ang katotohanan at buhay kung wala ang pagganap sa tungkulin. Magkakaroon ba ng realidad kung sumasampalataya ang isang tao sa Diyos nang hindi gumaganap ng tungkulin? (Hindi.) Hindi magkakaroon ng realidad. Kaya, kung hindi mo ginagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa sandaling ikaw ay matiwalag, ipakikita nitong nabigo kang sumampalataya sa Diyos. Kahit pa sinasabi mong sumasampalataya ka sa Kanya, nawalan na ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Isa itong bagay na kailangang lubus-lubusang maintindihan.
Magkapareho ang mga prinsipyong kailangan mong maunawaan at ang mga katotohanang kailangan mong isagawa anuman ang tungkuling iyong ginagampanan. Hinilingan ka mang maging isang lider o manggagawa, o nagluluto ka man ng mga putahe bilang punong-abala, o kung hinilingan ka mang asikasuhin ang ilang panlabas na usapin o gumawa ng pisikal na gawain, ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin sa pagganap ng iba’t ibang tungkuling ito ay magkakapareho, dahil kailangang nakabatay ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Ano kung gayon ang pinakamalaki at pangunahin sa mga prinsipyong ito? Ito ay ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin nang mabuti, at gampanan ito nang abot sa kinakailangang pamantayan. Upang magampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin at magampanan mo ito nang katanggap-tanggap, kailangan mong malaman kung ano ba ang tungkulin. Ano nga ba talaga ang tungkulin? Sarili mo bang karera ang tungkulin? (Hindi.) Kung tatratuhin mo ang tungkulin bilang sarili mong karera, magiging handang igugol ang lahat ng iyong pagsisikap upang magawa ito nang mabuti, upang makita ng iba kung gaano ka katagumpay at katanyag, sa pag-iisip na binibigyan nito ng kabuluhan ang iyong buhay, iyon ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Saan nagkakamali ang pananaw na ito? Nagkakamali ito sa pagturing sa atas ng Diyos bilang sariling proyekto ng isang tao. Bagaman mukhang katanggap-tanggap ito para sa mga tao, para sa Diyos, ito ay pagtahak sa maling landas, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, at kinokondena Niya ito. Ang tungkulin ay kailangang magampanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo upang makaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagsalungat sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay pagkilos ayon sa mga kagustuhan ng tao ay makasalanan. Lumalaban ito sa Diyos at humihingi ng kaparusahan. Ito ang kapalaran ng mga hangal at walang-alam na taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Dapat na maging malinaw sa mga taong sumasampalataya sa Diyos kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maging malinaw ang pangitaing ito. Pag-usapan muna natin kung ano ang tungkulin. Hindi mo sariling operasyon, sariling karera, o sariling gawain ang isang tungkulin; gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ng tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito karera, hindi mo mga gawaing bahay at hindi mo rin pansariling alalahanin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, kailanganin man itong pag-isipan o pagtrabahuhan, ito ang tungkuling nararapat mong gampanan, ito ang gawain ng iglesia, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay tagubiling ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Kahit paano, hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin ayon sa anumang paraang gusto mo, hindi ka dapat kumilos nang walang ingat. Halimbawa, kung ikaw ang nangangasiwa sa paghahanda ng pagkain para sa iyong mga kapatid, iyon ang tungkulin mo. Paano mo dapat tratuhin ang trabahong ito? (Dapat kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo? May kinalaman ito sa realidad at sa katotohanan. Kailangan mong pag-isipan kung paano isasagawa ang katotohanan, kung paano gagampanan nang mabuti ang tungkuling ito, at kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nakapaloob sa tungkuling ito. Ang unang hakbang, una sa lahat, ay kailangan mong malaman na, “Hindi ako nagluluto para sa sarili ko. Tungkulin ko ang ginagawa kong ito.” Ang aspektong nakapaloob dito ay pangitain. Paano naman ang ikalawang hakbang? (Kailangan kong pag-isipan kung paano lulutuin nang maayos ang pagkain.) Ano ang pamantayan para sa pagluluto nang maayos? (Kailangan kong hanapin ang mga hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Tanging ang mga hinihingi ng Diyos ang katotohanan, ang pamantayan, at ang prinsipyo. Ang pagluluto alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos ay isang aspeto ng katotohanan. Una sa lahat ay kailangan mong isaalang-alang ang aspetong ito ng katotohanan, at pagkatapos ay pag-isipan na, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang tungkuling ito upang gampanan ko. Ano ang pamantayang hinihingi ng Diyos?” Ang saligang ito ay kinakailangan. Kung gayon ay paano ka dapat magluto upang maabot mo ang pamantayan ng Diyos? Ang pagkaing lulutuin mo ay dapat na masustansya, masarap, malinis, at hindi nakasasama sa katawan—ang mga ito ang mga detalyeng nakapaloob. Basta’t magluluto ka alinsunod sa prinsipyong ito, ang pagkaing lulutuin mo ay maihahanda alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hinanap mo ang mga prinsipyo ng tungkuling ito at hindi ka lumagpas sa saklaw na itinakda ng Diyos. Ito ang tamang paraan ng pagluluto. Nagawa mo na nang mabuti ang iyong tungkulin, at nagawa mo ito nang katanggap-tanggap.
Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga layunin ng Diyos, alamin kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tungkuling iyon at unawain kung ano ang dapat mong maisakatuparan sa pamamagitan ng tungkuling iyon. Sa paggawa lamang niyon mo maisasagawa ang iyong trabaho ayon sa prinsipyo. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa pagganap sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, nagsikap na sila at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, kaya bakit kung gayon, hindi nila kailanman matupad nang katanggap-tanggap ang kanilang tungkulin? Bakit palaging hindi nasisiyahan ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya—ito ang dahilan. Itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito aayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag nakaayon ito sa katotohanan, at magiging katanggap-tanggap lamang ang pagganap mo sa iyong tungkulin kung itataguyod mo nang ganito ang mga katotohanang prinsipyo. Ano nga ba ang tungkulin? Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, bahagi ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Karera mo ba ang tungkulin? Isa ba itong personal na usaping pampamilya? Tama bang sabihin na sa sandaling mabigyan ka ng tungkulin, nagiging personal mong gawain ang tungkuling ito? Talagang hindi iyon ganoon. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi, salita, at pamantayan ng Diyos, at sa pagbabatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa pansariling pagnanais ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sa sandaling ibigay sa akin ang isang tungkulin, hindi ko ba ito sariling gawain? Ang tungkulin ko ay pananagutan ko, at hindi ko ba sariling gawain kung ano ang pinananagutan ko? Kung gagampanan ko ang aking tungkulin bilang sarili kong gawain, hindi ba’t nangangahulugan ito na gagawin ko ito nang maayos? Gagawin ko kaya ito nang maigi kung hindi ko ito itinuring na sarili kong gawain?” Tama ba ang mga salitang ito o mali? Mali ang mga ito; salungat ang mga ito sa katotohanan. Ang tungkulin ay hindi mo personal na gawain, gawain ito ng Diyos, bahagi ito ng gawain ng Diyos, at dapat mong gawin kung ano ang ipinagagawa ng Diyos; maaari ka lamang maging pasado sa pamantayan sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ayon sa iyong sariling mga kagustuhan, hindi mo kailanman maaabot ang pamantayan. Ang pagganap sa iyong tungkulin nang ayon lamang sa gusto mo ay hindi pagganap ng iyong tungkulin, dahil ang ginagawa mo ay hindi saklaw ng pamamahala ng Diyos, hindi ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos; sa halip, nagpapatakbo ka ng sarili mong operasyon, isinasakatuparan ang sarili mong mga gawain, kung kaya’t hindi ito ginugunita ng Diyos. Ngayon ay malinaw na ba sa inyo ang konsepto ng tungkulin? Ano ang pinakapangunahin at pinakasaligang katotohanang dapat maisagawa sa paggampan ng tungkulin? Ito ay ang ilaan ang inyong puso, isipan, at pagsisikap sa pagganap nang mabuti sa inyong mga tungkulin. Bakit ba napakaraming tao, sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang gumagawa pa rin ng lahat ng uri ng masasamang gawa, at nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kung kaya’t natitiwalag sila sa huli? Dahil ang mga taong ito ay hindi masigasig na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos. Lagi nilang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos at hindi sila tumatanggap ng kahit na kaunting katotohanan. Kahit gaano pa kalaki sa kanilang katiwalian ang kanilang inihahayag o gaano pa karaming kasamaan ang kanilang ginagawa, kailanman ay hindi sila naghahanap ng kalutasan sa pamamagitan ng katotohanan. Hindi sila tunay na nagsisisi kahit pagkatapos mapungusan nang maraming beses, bagkus ay nagpapatuloy sila sa paggawa ng mga kamalian nang walang pag-aalinlangan at sa paggawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa, na lubusang inilalantad ang kanilang masamang diwa. Nakikita ng mga hinirang ng Diyos ang totoo ukol dito, at nalalantad at natitiwalag sila. Napakahirap panoorin ang paraan ng pagsasakatuparan ng mga taong ito sa kanilang mga tungkulin. Bukod sa hindi na sila katanggap-tanggap, kulang na kulang pa sila. Ni hindi sila makapaghugas ng pinggan nang hindi nakababasag ng mangkok. Mas nakasasama kaysa nakatutulong ang kanilang serbisyo. Kahit gaano ka pa magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito matanggap, at hindi sila nagsisisi kahit pagkatapos mapungusan. Sa patuloy na paggamit sa isang taong tulad nito, magiging isa siyang hadlang sa landas, isang balakid na makasasagabal at makagagambala sa lahat ng gawain ng iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t dapat na mapalitan at matiwalag ang mga taong ito? (Dapat.) Basta’t may kahit kaunting konsiyensiya at katwiran ang isang tao, maaasikaso niya ang mga angkop na trabaho niya, magagawa niya ang mga angkop na aktibidad niya, at mapagninilayan niya ang kanyang sarili habang ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin. Sa sandaling mapansin niya ang kanyang mga pagkakamali, at matukoy ang kanyang mga problema, agad niyang maitatama ang mga iyon. Matapos ang tatlo o limang taon ng pagdanas dito, magkakaroon ng mga pagbabago. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang pundasyon at medyo magiging matatag; maliban sa mga pambihirang pangyayari, imposibleng matiwalag ang taong ito. Ngunit ang mga taong ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos nang hindi tumatanggap sa ni kaunting katotohanan ay imposibleng makaganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, at baka makagawa pa nga sila ng mga bagay na magdudulot ng mga paggambala at pagkakagulo. Natural na matitiwalag ang ganitong uri ng tao, dahil mas gugustuhin pa ng mga taong ito na mamatay kaysa sa magsisi. Maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos ngunit wala silang masyadong ipinagkaiba sa mga walang pananampalataya. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya.
Ang pagkakaroon ng masyadong maraming personal na kagustuhan ang pinakamalaking sagabal sa pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ano, kung gayon, ang paunang kondisyon sa pagganap nang mabuti sa tungkulin ng isang tao? Ito ay na kailangan mong bitiwan ang iba’t ibang intensyon mo. Halimbawa, kapag may nangyari na talagang nakasama sa loob mo, pero may tungkulin ka ring kailangang gampanan, nahaharap ka sa isang desisyon. Isa itong kritikal na sandali, isang napakahalagang sandali. Kahit na maaaring masama ang loob mo at emosyonal ka, o maaaring may ilang personal na bagay na nangyayari sa iyo, kailangan mong maisantabi ang lahat ng bagay na ito at magampanan muna nang mabuti ang iyong tungkulin. Kapag nasa mga kalagayang hindi nakaaapekto sa iyong tungkulin, saka mo lamang dapat isaalang-alang ang sarili mong mga suliranin. Ano ang tawag kapag lagi mong inuuna ang iyong tungkulin? Ang tawag dito ay paggalang sa iyong tungkulin, at pagiging tapat ito sa Diyos. Ang pagbitiw sa iyong mga kagustuhan at pagnanais, pagbitiw sa iyong mga emosyon at personal na aktibidad, paggawa nang mabuti sa iyong tungkulin nang hindi napipigilan, at pagtapos sa atas ng Diyos—ito ang kahulugan ng pagbitiw, ito ang kahulugan ng paghihimagsik laban sa laman. Kapag hindi pa nakagaganap ng tungkulin ang ilang tao, iniisip nilang, “Hindi ako binigyan ng Diyos ng tungkuling gagampanan, pero talagang taimtim ang puso ko. Bakit kahit kailan ay hindi ito nakikita ng Diyos?” Pero kapag nagsasaayos naman ang iglesia ng tungkuling gagampanan nila, nais nilang mamili lamang ng gusto nila. May ilang taong hindi kayang gumanap sa papel ng lider o manggagawa, o magpalaganap ng ebanghelyo, at walang ibang espesyal na kasanayan. Kaya, isinasaayos ng iglesia na gampanan nila ang mga tungkulin ng pagpapatuloy sa kanilang tahanan, at iniisip nila, “Siyempre, kaya kong gawin ang pagpapatuloy, pero kung isasaalang-alang ang kakayahan at mga kaloob ko, hindi ba’t minamaliit ako ng iglesia sa pagtatalaga sa akin dito? Hindi ba’t medyo sobra ang kwalipikasyon ko para sa tungkuling ito?” Sa panlabas, tinatanggap nila ang mga pagsasaayos ng iglesia, pero pinipigilan sila ng mga mapanlaban nilang damdamin na magsikap sa kanilang mga tungkulin. Ginagawa lang nila ang kaunti sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang timpla nila, at hindi nila ginagampanan ang mga iyon kapag masama ang timpla nila, binabalewala ang kanilang mga kapatid. Bakit nagkakaroon sila ng ganitong mga emosyon at reaksyon? Ito ba ang saloobing dapat taglayin ng isang tao sa kanyang tungkulin? Hindi kontento ang mga taong ito sa kanilang mga tungkulin. Ano ang pinagmumulan ng pagiging di-kontentong ito? (Hindi nabibigyang-lugod ng tungkuling ibinigay sa kanila ang mga kagustuhan ng kanilang laman.) At kung mabibigyang-lugod sila, magiging masaya na ba sila? Hindi tiyak iyon. Maaaring hindi sila maging masaya kahit pa mabigyang-lugod sila, dahil kailanman ay hindi marunong makontento ang puso ng mga taong ito. Ganito tratuhin ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang kanilang mga tungkulin. Laging gusto ng mga taong gumanap sa mga tungkuling kagalang-galang at nagpapaganda sa imahe nila, at gusto rin nilang maging madali at maginhawa sa katawan ang mga iyon. Hindi sila handang magtiis ng hangin at araw o magtiis ng anumang pagdurusa sa kanilang mga tungkulin. Bukod pa rito, gusto pa rin nilang maunawaan ang katotohanan at matanggap ang biyaya at pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga tungkulin. Ninanais nila ang lahat ng bagay na ito. Sa huli, gusto pa nga nilang sabihin sa kanila ng Diyos na nagampanan nila nang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t pagpapantasya ito sa panig nila? Kung hindi mo mabibitiwan ang pantasyang ito, hindi mo magagawa nang mabuti ang iyong tungkulin. Noon, madalas Ko lang sabihing hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang katotohanan, pero ngayon, sa mas tumpak na pananalita, sinasabi Kong masyado siyang sakim at mapaghimagsik, kahit kaunti ay hindi siya tapat sa kanyang tungkulin, at hindi siya tunay na nagpapasakop sa atas ng Diyos. Kaya, paano mo ba talaga dapat isagawa ang pagbitiw sa iyong mga kagustuhan? Sa isang banda, kailangan mong magpigil at maghimagsik laban sa mga iyon. Sa kabilang banda, kailangan mong magdasal at magkaroon ng pagnanais na magpasakop. Kailangan mong sabihin: “Diyos ko, Ikaw ang namatnugot at nagsaayos sa tungkuling ito para sa akin. Bagaman mayroon akong pasya ng laman, at ayaw kong gampanan ang tungkuling ito, sa aking personal na kalooban, nais kong magpasakop sa Iyo. Masyado lang akong tiwali at mapaghimagsik, at hindi maganda ang kalidad ng aking pagkatao. Pakiusap, disiplinahin Mo ako!” Hindi ba’t tutulutan ka nitong gumanap sa iyong tungkulin nang may higit na kadalisayan? Kung magpapatuloy ang isang tao sa pagkapit sa sarili niyang mga pagnanais at tatangging bumitiw sa mga iyon, kung lagi niyang titingnan ang kaluwalhatian ng mga taong napiling maging mga lider, at kung paanong nakakikilala ng maraming tao at nagkakaroon ng kaalaman at karanasan ang mga taong napiling magpalaganap ng ebanghelyo, at pagkatapos ay ayaw na niyang gawin ang sarili niyang tungkulin, isa ba itong saloobin ng pagpapasakop? Isa ba itong saloobin ng pagtanggap sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? (Hindi.) Pumupunta ka sa kanluran kapag sinasabi sa iyo ng Diyos na pumunta sa silangan, at nagrereklamo kaat hindi nauunawaan ang Diyos dahil hindi ka Niya tinulutang pumunta sa kanluran. Lagi kang lumalaban sa Diyos, kaya gagawa pa rin ba sa iyo ang Banal na Espiritu? Talagang hindi Siya gagawa sa iyo. Ano ang mga kalagayan at pagpapamalas na lumilitaw kapag hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang tao? Hindi maiintindihan ng gayong tao ang mga salita ng Diyos kapag binasa niya ang mga iyon. Kapag nakikinig sa pagbabahagi at mga sermon, wala siyang maiintindihan, at lagi pa nga siyang maiidlip. Hindi niya makikita ang totoo sa anumang nangyayari sa kanya. Lagi siyang maghahaka-haka at mag-aalinlangan: “Naiintindihan nang mabuti ng ibang tao ang mga salita ng Diyos; bakit hindi ako nagkakamit ng anumang liwanag sa pagbabasa ng mga iyon? Palaging dalisay na dalisay at malayang-malaya ang kanilang mga kalagayan; bakit lagi akong naghihinanakit, emosyonal, at hindi mapalagay? Maayos na umuusad ang lahat ng bagay para sa kanila. Mayroon silang patnubay ng Diyos. Bakit ako, wala?” Hindi niya nakikita ang sanhi ng lahat ng ito. Wala siyang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos. Lagi siyang humihiling na tuparin ng Diyos ang kanyang mga pagnanais bago niya pagsikapan ang kanyang tungkulin. Kapag hindi niya nakukuha ang gusto niya, nagiging negatibo at mapanlaban siya, at hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin. Gagawa ba ang Diyos sa isang taong tulad nito? Wala siyang tunay na pananampalataya, at puno siya ng pagrerebelde at paglaban. Maisasantabi na lamang siya ng Diyos.
Paano ba dapat tratuhin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Dapat silang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at dapat nilang bitiwan ang lahat ng sarili nilang mga kagustuhan. Anu-ano ba ang mga kagustuhan ng mga tao? (Ang kanilang mga layunin, plano, at naisin ng laman.) Halimbawa, sabihin nating may nagpapatuloy na pamilya na masayang-masaya kang bisitahin. Naghahanda sila ng masarap na pagkain, maganda ang kanilang bahay, at may air conditioning at heater sila. Iniisip mo, “Kung puwede lang akong tumira dito!” At pagkatapos ay magdarasal ka sa Diyos, “Diyos ko, puwede Mo ba akong tulutang tumira sa nagpapatuloy na pamilyang iyon? Alam kong nagnanasa ako ng kaalwanan at kaginhawahan, pero hindi ko mapaghimagsikan ang pagnanais na ito. Bigyan Mo ng konsiderasyon ang mababa kong tayog at tulutan Mo akong tumira doon! Pangako ko, magsisikap ako sa aking tungkulin, magiging tapat ako, at hindi Kita ipagkakanulo o palulungkutin.” Magdarasal ka nang ganito sa loob ng mga dalawang linggo, at pagkatapos ay maisasaayos na mapunta ka sa ibang lugar na masama ang kalagayan, at sasama ang loob mo. Magrereklamo ka sa loob mo, “Hindi ba’t dapat ay sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng ating puso? Walang kahit na kaunting ideya ang Diyos sa laman ng aking puso. Humiling ako ng magandang bagay pero binigyan Niya ako ng masamang bagay. Para bang sadya Niya akong kinakalaban.” At pagkatapos ay nabubuhay sa loob mo ang paglaban at sinasabi mo, “Kung hindi mo ako bibigyang-lugod, Diyos ko, hindi ako magbibigay-lugod sa Iyo. Hindi ko pagsisikapan ang aking tungkulin. At hindi ko ito pagsisikapan hangga’t hindi ko nakukuha ang gusto ko.” Pananampalataya ba ito sa Diyos? Pagganap ba ito sa iyong tungkulin? Paghihimagsik ito laban sa Diyos, isa itong mapagmatigas na disposisyon. Sasabihin mo: “Kung hindi ako bibigyang-lugod ng Diyos, hindi ko Siya bibigyang-lugod. Ito ang magiging saloobin ko sa pagganap sa aking tungkulin. Kung gagawin ko ang aking tungkulin, kailangan akong bigyan ng Diyos ng kaunting kasiyahan. Bakit nakatitira ang ibang tao sa magagandang bahay, pero ako, hindi? Bakit nakagaganap ang ibang tao ng kanilang mga tungkulin sa magagandang kapaligiran, pero kailangan kong gampanan ang sa akin sa hamak na kapaligiran? Bakit hindi tinutupad ng Diyos ang mga hinihingi ko kahit na ginagampanan ko ang aking tungkulin?” Ang mga ito ang uri ng mga pangangatwirang inuulit-ulit mo sa sarili mo. May saloobin ba rito ng pagpapasakop sa Diyos? Pagganap ba ito sa iyong tungkulin nang may konsensiya at katwiran? Binigkas Ko na ang mga salitang ito noon: “Hinding-hindi ka dapat makipagkompetensya sa Diyos.” Pakikipagkompetensya ito sa Diyos. Kapag nakipagkompetensya ka sa Diyos, ano ang magiging saloobin ng Diyos sa iyo? (Hindi gagawa ang Diyos. Isasantabi Niya ako.) Isasantabi at babalewalain ka ng Diyos. Seseryosohin ka ba ng Diyos? Hindi. Kung maliit lamang na kasamaan ang nagawa mo, at hindi ito matindi, pananatilihin ka Niya at pagtatrabahuhin pa nang kaunting panahon. Pero kung nakagawa ka ng napakaraming masasamang gawa, at lubha mong nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia, mapaaalis ka. Kapag napanatili ka upang magtrabaho, kung balang araw ay magsisi ka, bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Kung kailanman ay hindi ka magsisisi at lagi kang makikipagkompetensya sa Diyos, kung gayon ay masyado ka ngang masama at matigas ang ulo—at sino ang mawawalan sa huli? Ikaw. Kailangan mo itong makita nang malinaw: Ang pakikipagkompetensya sa Diyos ang pinakanakababahalang bagay, at ito ang pinakamalaking problema. Kapag maayos ang takbo ng lahat, iniisip ng mga tao na mabuti ang pananampalataya sa Diyos, at wala silang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pero kapag may kaunting sakuna o kasawiang nangyari sa kanila, nagsisimula silang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hanggang sa puntong nagrereklamo pa nga sila tungkol sa Kanya at nangangahas na magtaas ng boses sa Kanya: “Umiiral man lang ba ang Diyos? Nasaan Siya? Ako ang kataas-taasang tagapamahala. Ako ang pinakadakila. At nangangahas akong makipagkompetensya sa Diyos. Ano nga naman ba ang magagawa ng Diyos sa akin?” Walang anumang gagawin sa iyo ang Diyos. Ngunit nahayag nang kasuklam-suklam, mapagmatigas, at nakaaabala ka. Ano ba ang tinutukoy ng pagiging nakaaabala mo? Ibig sabihin nito ay hindi mo minamahal ang mga positibong bagay. Hindi ka handang magpasakop sa Diyos, at kahit na alam mong Siya ay Diyos, hindi ka makapagpasakop sa Kanya. Napakahirap para sa iyong tanggapin ang katotohanan. Mapagmatigas ka, wala kang alam, at matigas ang ulo mo. Lubhang kinaaayawan ng Diyos ang mga taong ganito. Magiging napakahirap para sa iyong ipagpatuloy ang pagganap sa iyong tungkulin, at maaari kang mabunyag at matiwalag bago ka makapagtrabaho hanggang sa huli. Ito ang kalalabasan. Kitang-kita na ito. Hindi ba’t mapanganib ito? (Oo.) Matapos malamang mapanganib ito, ano ang dapat gawin ng mga tao? Una sa lahat, kailangan nilang makilala kung sino sila. Kailangan nilang malaman ang lugar nila at malaman din kung ano sila. Ang mga tao ay mga nilikha, na hinding-hindi dapat makipagkompetensya sa Diyos, ang paggawa niyon ay hindi magbubunga ng anumang resulta. Kung may gustong ibigay ang Diyos sa iyo, kahit pa ayaw mo nito at hindi mo ito hiningi, ibibigay pa rin Niya ito sa iyo—ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kung walang plano ang Diyos na bigyan ka ng isang bagay, kung hindi ka Niya tinitingnan nang may pagsang-ayon, walang saysay na hilingin ito sa Kanya. Kung plano nga Niyang bigyan ka ng isang bagay, kung nakikita Niyang dapat kang magabayan, matulungan, at mapagpala, ibibigay Niya ito sa iyo kahit hindi ka humihiling. Kung plano ka Niyang subukin o ibunyag, sadya Niya iyong gagawin, at walang saysay na magmakaawa sa Kanya. Ito ang disposisyon ng Diyos. Hindi dapat pagpasyahan ng mga tao kung paano nila tatratuhin ang Diyos batay sa saloobin ng Diyos. Kung gayon ay ano ang dapat nilang gawin? (Magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay.) Tama iyan; dapat silang magpasakop. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakamataas na karunungan at ang isang taong gumagawa nito ang pinakanagtataglay ng katwiran. Iniisip ng mga taong mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba na napakatalino at napakamapagpakana nila. Maaari mo ngang subukang mandaya ng ibang tao—isa itong pagpapakita ng iyong katiwalian—pero hinding-hindi mo dapat kalabanin ang Diyos gamit ang kaunting pandaraya. Hindi ka dapat magpakana laban sa Diyos. Dahil sa sandaling mapukaw mo ang Kanyang poot, sasapit sa iyo ang kamatayan.
Dapat harapin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at ang Diyos nang may matapat na puso. Kapag ginawa nila iyon, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit papaano man lang, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, isang pusong nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso. Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, palaging nagsisiyasat sa Kanya, palaging sinusubukang makipagtawaran sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Panlilinlang at kabuktutan; palagi silang nagsisiyasat. At ano ang sinisiyasat nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinisiyasat ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinisiyasat? Dahil may kaugnayan ito sa mga pangunahin nilang interes. Sa kanilang puso, iniisip nila, “Ginawa ng Diyos ang mga pangyayaring ito para sa akin, idinulot Niya na mangyari ito sa akin. Bakit Niya ginawa iyon? Hindi pa ito nangyayari sa ibang tao—bakit kailangan pang sa akin ito mangyari? At ano ang magiging mga bunga nito pagkatapos?” Ito ang mga bagay na sinisiyasat nila, sinisiyasat nila ang kanilang mga pakinabang at kawalan, mga pagpapala at kasawian. At habang sinisiyasat nila ang mga bagay na ito, naisasagawa ba nila ang katotohanan? Nakapagpapasakop ba sila sa Diyos? Hindi. At ano ang kalikasan ng mga bagay na likha ng mga pagninilay ng kanilang mga puso? Ang lahat ng bagay na ito, likas na, dala ng pagsasaalang-alang sa sarili nilang mga interes, ang lahat ng ito ay para sa sarili nilang mga kapakanan. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, sinisiyasat muna ng mga taong ito: “Magdurusa ba ako kapag ginampanan ko ang tungkuling ito? Kakailanganin ko bang magtrabaho at magbiyahe sa labas nang madalas? Makakakain at makapagpapahinga ba ako nang regular? Kakailanganin ko bang laging gumising nang maaga? Anong uri ng mga tao ang makikilala ko? Madalas ba akong makakatagpo ng mga walang pananampalataya? Medyo mapanganib ngayon ang mundo sa labas, kung lagi kong kakailanganing magtrabaho at magbiyahe sa labas, ano ang gagawin ko kung maaaresto ako ng malaking pulang dragon?” Bagaman mukhang tinatanggap nila ang kanilang mga tungkulin, may panlilinlang sa kanilang mga puso, lagi nilang sinisiyasat ang mga bagay na ito. Sa katunayan, sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga bagay na ito ay isinasaalang-alang nila ang sarili nilang mga inaasam at kapalaran, hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. At ano ang kahihinatnan kapag isinasaalang-alang lamang ng mga tao ang sarili nilang mga inaasam, kapalaran, at interes? Hindi madali para sa kanila na magpasakop sa Diyos, at gustuhin man nila, hindi nila iyon magawa. Laging sinisiyasat ng mga taong masyadong nagpapahalaga sa sarili nilang mga inaasam, kapalaran, at interes kung kapaki-pakinabang ba ang gawain ng Diyos sa kanilang mga inaasam, sa kanilang mga tadhana, at sa pagkakamit nila ng mga pagpapala. Sa huli, ano ang kinalalabasan ng kanilang pagsisiyasat? Ang tanging ginagawa nila ay maghimagsik at lumaban sa Diyos. Kahit kapag ipinipilit nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila iyon nang pabasta-basta, nang may negatibong pakiramdam; sa kanilang mga puso, isip sila nang isip kung paano magsasamantala, at hindi malulugi. Gayon ang mga motibo nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at dito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ito? Ito ay panlilinlang, ito ay isang buktot na disposisyon. Hindi na ito isang pangkaraniwang tiwaling disposisyon, lumala na ito sa kabuktutan. At kapag may ganitong uri ng buktot na disposisyon sa puso ng isang tao, isa itong pakikipaglaban sa Diyos! Dapat malinaw sa inyo ang problemang ito. Kung palaging sinusuri ng mga tao ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Hinding-hindi. Hindi nila sinasamba ang Diyos nang taos-puso, at nang may katapatan, wala silang matapat na puso, nagmamasid sila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, palaging nagpipigil—at ano ang bunga? Hindi gumagawa ang Diyos sa kanila, at naguguluhan at nalilito sila, hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at kumikilos sila alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan, at palagi silang nagugulo. At bakit palagi silang nagugulo? Dahil kulang na kulang sa kalinawan ang kanilang mga puso, at kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, hindi nila pinagninilayan ang kanilang mga sarili, o hinahanap ang katotohanan para makakita ng isang resolusyon, at ipinipilit nilang gawin ang mga bagay-bagay kung paano nila naisin, alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan—ang resulta nito ay palagi silang nagugulo kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kailanman ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia, ni ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagbabalak para sa sarili nilang kapakanan, palagi silang nagpaplano para sa sarili nilang mga interes, dangal, at katayuan, at hindi lang nila hindi nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, naaantala at naaapektuhan pa nila ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t pagkaligaw ito ng landas at pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin? Kung palaging nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang mga interes at mga pagkakataon kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin. Ito ay oportunismo, paggawa ito ng mga bagay para sa sarili niyang pakinabang at para makapagtamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Sa ganitong paraan, nagbabago ang kalikasan sa likod ng pagganap niya sa kanyang tungkulin. Tungkol lamang ito sa pakikipagtawaran sa Diyos, at pagnanais na gamitin ang pagganap sa kanyang tungkulin para makamit ang sarili niyang mga mithiin. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay malamang talagang makagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung maliliit na kawalan lamang ang nadudulot nito sa gawain ng iglesia, may oportunidad pa ring makabawi at maaari pa rin siyang mabigyan ng pagkakataong isagawa ang kanyang tungkulin, sa halip na mapaalis; ngunit kung malalaking kawalan ang idinudulot nito sa gawain ng iglesia at nagsasanhi ito na mapoot ang Diyos at ang mga tao, ibubunyag siya at ititiwalag, nang wala nang pagkakataong gumanap ng kanyang tungkulin. Ang ilang tao ay tinatanggal at tinitiwalag sa ganitong paraan. Bakit sila tinitiwalag? Nalaman na ba ninyo ang ugat na dahilan? Ang ugat na dahilan ay na lagi nilang iniisip ang mapapala nila at mawawala sa kanila, nadadala sila ng sarili nilang mga interes, hindi nila mapaghimagsikan ang laman, at wala talaga silang saloobin na nagpapasakop sa Diyos, kaya may tendensiya silang kumilos nang walang ingat. Naniniwala sila sa Diyos para lamang magtamo ng pakinabang, biyaya, at mga pagpapala, at hinding-hindi para matamo ang katotohanan, kaya nabibigo ang kanilang paniniwala sa Diyos. Ito ang ugat ng problema. Sa palagay ba ninyo ay hindi makatarungan ang ibunyag sila at itiwalag? Ganap itong makatarungan, ito ay lubos na itinatakda ng kanilang kalikasan. Sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan o naghahangad ng katotohanan ay mabubunyag at matitiwalag kalaunan. Pero naiiba ito para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kapag may nangyayari sa kanila, iniisip muna nila, “Paano ako makakikilos alinsunod sa katotohanan? Paano ako dapat kumilos nang sa gayon ay hindi ko mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ano ang magbibigay-lugod sa Diyos?” Ang isang taong ganito mag-isip ay naghahanap sa katotohanan. Pinatutunayan ng mga kaisipang ito na minamahal niya ang katotohanan. Hindi niya inuunang isipin ang sarili niyang mga interes, bagkus ay isinasaalang-alang niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi niya isinasaalang-alang ang sarili niyang kaluguran; isinasaalang-alang niya kung nalulugod ba ang Diyos. Ito ang mga kaisipan at ang mentalidad ng mga taong nagmamahal sa katotohanan, at sila ang mga taong minamahal ng Diyos. Kung, kapag may nangyari sa isang tao, ay kaya niyang magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at nasa likod niya ang Diyos na nagsisilbing tagapaggarantiya, malabo siyang makagawa ng mga pagkakamali habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at magiging madali para sa kanya ang tuparin ito alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang isang tao ay laging kumikilos ayon sa kanyang sariling inisyatiba, at nagpapakana, nagbabalak, at nagpaplano para sa sarili niyang mga interes, kung hindi niya isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga layunin ng Diyos, at wala siyang kahit kaunting kagustuhang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—kung kahit na ang pagnanais na gawin ito ay wala siya—ano ang huling kalalabasan nito? Madalas niyang magagambala at magugulo ang gawain ng iglesia. Mapupukaw niya ang galit ng mga hinirang ng Diyos, kasusuklaman at kamumuhian siya ng mga hinirang ng Diyos, at sa malulubhang kaso, mabubunyag at matitiwalag siya. Ang mga taong laging may mga ambisyon at pagnanais ay tiyak na mabibigo at madarapa. Gaya nga ng sinasabi sa kasabihan, “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak.” Ano ang tawag dito? Ito ang tinatawag na pagbubunyag. Hindi ba’t karapat-dapat lang ito? Karapat-dapat bang kaawaan ang ganitong uri ng tao? Hindi. Ito ang kahihinatnan sa huli ng lahat ng taong nagpaplano para sa mga personal nilang interes. Sinasabi ng ilang tao: “Pero madalas akong magplano para sa mga personal kong interes. Bakit hindi pa ito nangyayari sa akin?” Iyon ay dahil hindi mo pa naapektuhan ang gawain ng iglesia, kaya hindi ka sineseryoso ng Diyos. Hindi ka sineseryoso ng Diyos—isa ba itong mabuti o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Bakit ninyo nasabi iyan? (Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi ko matatamo ang gawain ng Banal na Espiritu.) Tama iyan. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi niya nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Totoong-totoo ito para sa mga taong hindi dinidisiplina ng Diyos anuman ang masasamang bagay na ginagawa nila; tapos na talaga ang lahat para sa kanila. Talagang ayaw ng Diyos sa mga taong ito; isinasantabi Niya sila. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, wala kang buhay. Tulad ito ng mga taong laging naghahangad ng katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, na hindi naghahangad sa katotohanan, na kailanman ay hindi mo nakikitang nagsasagawa ng katotohanan—mayroon bang anumang paglago sa buhay ang mga taong tulad nito? Dahil hindi sila nagsasagawa ng katotohanan, hindi sila magkakaroon ng paglago sa buhay, gaano man karaming taon silang sumampalataya sa Diyos. May ilang taong pareho pa rin ang sinasabi ngayon sa sinasabi nila tatlong taon na ang nakalilipas, binibigkas pa rin ang parehong mga salita at doktrina. Tapos na ang mga taong iyon. Walang paglagong makikita sa kanilang mga tayog o pagkakilala sa sarili. Nananatiling walang ipinagbago ang pananampalataya nila sa Diyos, at wala ni katiting na pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay. Nadagdagan ang mga mali nilang pagkaunawa sa Diyos, at lalong lumubha ang kanilang mga tiwaling disposisyong lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t mas mapanganib ito? Mas mapanganib nga ito, at tiyak na matitiwalag sila.
Karaniwan, kapag nakararanas kayo ng mga bagay na may kaugnayan sa inyong tungkulin o sa inyong mga tiwaling disposisyon, natutuklasan ba ninyo ang mga suliraning umiiral sa inyo sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa sarili? (Medyo natutuklasan ko na ang mga iyon ngayon. Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi kong ninanais na ako ang mangasiwa at masunod, at sinusubukan kong magpasikat upang tumaas ang tingin sa akin ng ibang tao. Ngunit matapos itong ipaalam sa akin ng aking mga kapatid, pinagnilayan ko ang aking sarili at nagkamit ako ng kaunting kaalaman sa aking mapagmataas na kalikasan.) Natutukoy na ninyo ang inyong pagmamataas—paano naman ang inyong pagpapasakop sa Diyos, nadagdagan ba iyon? Nadagdagan ba ang inyong layunin at pagnanais na magpasakop? Nadagdagan ba ang inyong pananampalataya sa Diyos? (Nadagdagan nang kaunti ang mga iyon.) Hindi maaaring gumanap ng tungkulin nang hindi hinahanap ang katotohanan; kapag nahaharap sa mga problema, kailangan ninyong gamitin ang katotohanan upang lutasin ang mga iyon. Kung palagi ninyong gagampanan ang inyong tungkulin alinsunod sa sarili ninyong kalooban at mga satanikong pilosopiya, bukod sa mabibigo na kayong lutasin ang problema ng mga pagbubunyag ninyo ng katiwalian, hindi pa madaragdagan ang inyong pananampalataya sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi mo ginagamit ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga problema, kailanman ay hindi lalago ang iyong buhay at hindi mo kailanman malulutas ang problema ng iyong katiwalian. Ano ang mga tiwaling disposisyong inyong naipapakita kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin ngayon? Ano ang mga natitirang karumihan ng tao? Kailangan ay madalas ninyong pagnilayan ang inyong sarili upang matuklasan ang mga suliraning ito. Hindi matutukoy ang mga iyon kung walang pagsusuri sa sarili. Kung minsan, kapag naririnig mo ang ibang taong nagtatalakay sa kanilang pagkakilala sa sarili ay saka mo lamang nadaramang ganoon ka rin. Kung hindi mo maririnig ang ibang taong naglalantad sa kanilang mga kalagayan, hindi mo matutuklasan ang sarili mong mga problema. Maraming taong handang makinig sa mga patotoo ng iba na batay sa karanasan dahil mismo sa napakikinabangan nila ito at may natatamo sila rito. Habang mas mabuti mong sinusuri at habang mas masusi mong nakikilala ang sarili mong mga tiwaling disposisyon at sarili mong mga layunin at intensyon, mas mabibitiwan mo ang mga iyon, at lalong titibay ang iyong pananampalataya sa pagsasagawa sa katotohanan. Habang mas tumitibay ang iyong pananampalataya sa pagsasagawa sa katotohanan, mas dumadali para sa iyong isagawa ang katotohanan. Kapag madalas mong isinasagawa ang katotohanan, magagampanan mo ang iyong tungkulin nang may higit na kadalisayan at kasapatan. Ito ang proseso ng paglago sa buhay; ang mga ito ang mga bunga ng pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. May ilang taong nag-iisip na dahil ilang taon na silang nakikinig sa mga sermon at marami na silang salita at doktrinang naunawaan ay wala na silang tiwaling disposisyon, na para bang hindi na nila kinakailangang magnilay sa sarili at magtamo ng pagkakilala sa sarili. Palagi nilang pinaniniwalaang mga bagong mananampalataya lamang ang dapat na tumuon sa mga bagay na ito, at na ang pagsampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at pagtataglay ng maraming mabuting pag-uugali ay nangangahulugang nagbago na sila, at wala na silang tiwaling disposisyon. Isa itong maling-maling ideya. Kung sa palagay mo ay nagbago ka na, gaano karami sa katotohanan ang kaya mong isagawa? Gaano karaming tunay na patotoong batay sa karanasan ang mayroon ka? Kaya mo bang talakayin ang mga iyon? Kaya mo bang magpatotoo sa Diyos sa harap ng iba? Kung hindi mo ito kayang talakayin, pinatutunayan niyon na wala kang patotoong batay sa karanasan at wala kang katotohanang realidad. Kung gayon ay tunay na kayang nakapagbago ang isang taong tulad mo? Isa ka bang taong tunay nang nagsisi? Hindi ito maiiwasang pag-alinlanganan ng isang tao. Paano kaya magkakaroon ng buhay pagpasok ang isang taong kailanman ay hindi nagninilay sa sarili o sumusubok na magtamo ng pagkakilala sa sarili? Paano kaya magbabahagi ng tunay na patotoong batay sa karanasan ang isang taong kailanman ay hindi nagtatalakay tungkol sa pagkakilala sa sarili? Imposible ang mga bagay na ito. Kung naniniwala ang isang taong nagbago na talaga siya at hindi na niya kailangang kilalanin ang kanyang sarili, masasabing mapagpaimbabaw ang taong ito. May ilang taong iniraraos lang ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, naniniwalang katanggap-tanggap na ang gumawa lang nang sapat, na kapag tila puwede na sa panlabas ay nangangahulugang pasok na sa pamantayan ang kanilang mga tungkulin. Ang paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay ay pabasta-basta, hindi ba? Tunay bang nagpapasakop sa Diyos ang ganitong tao? Ginagampanan ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin nang walang anumang katotohanang prinsipyo, kontento nang magsakatuparan lamang ng mga gawain at magpakapagod, at pagkatapos, iniisip niyang pasok na sa pamantayan ang kanyang tungkulin. Ang totoo, isa lamang siyang katanggap-tanggap na trabahador, hindi niya ginagampanan nang sapat ang kanyang tungkulin. Ang mga taong kontento na sa sapat lamang na pagtatrabaho ay hindi kailanman magtatamo ng katotohanan, o magtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Ang sinumang hindi gumaganap sa kanyang tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, na hindi naghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, na palaging kumikilos alinsunod sa kanyang sariling kalooban, ay nagtatrabaho at nagpapakapagod lamang. Nasa anong yugto na ba kayo ngayon? (Nasa yugto pa rin ako ng pagtatrabaho.) Kadalasan ay nagtatrabaho kayo; kung minsan, napagsusumikapan ninyo ang katotohanan kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin at nakapagpapasakop kayo nang kaunti, ngunit madalas ba kayong ganito? (Hindi, hindi madalas.) Ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay ang malutas ang isyung ito. Kailangan ninyong pagsikapang lalo pang gampanan ang inyong tungkulin, at bawasan nang bawasan ang pagtatrabaho lang, pagsikapang gawing pagganap sa inyong tungkulin ang lahat ng inyong pagtatrabaho. Ano ang pagkakaiba ng pagtatrabaho sa pagganap sa isang tungkulin? Ginagawa ng isang taong nagtatrabaho ang anumang naisin niya, iniisip na ayos lang ito basta’t hindi niya nilalabanan ang Diyos o sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, iniisip na katanggap-tanggap ito basta’t nakararaos naman siya at walang sinumang nagsisiyasat dito. Hindi siya interesado sa pagtatamo ng pagkakilala sa sarili, pagiging isang matapat na tao, paggawa sa mga bagay nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, o pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at lalong hindi siya interesado sa pagpasok sa katotohanang realidad. Hindi siya interesado sa alinman sa mga bagay na ito. Ito ang pagtatrabaho. Ang pagtatrabaho ay walang-humpay na pagpapakapagod, pagpapakapagod ito na parang isang alipin, paggawa mula umaga hanggang gabi, ganitong uri ito ng pagpapakapagod. Kung tatanungin mo ang isang trabahador kung bakit siya kayod-kalabaw sa lahat ng taong ito, tutugon siya, “Upang makatanggap ng mga pagpapala!” Kung tatanungin mo kung, matapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon ay nagbago na ba talaga ang mga tiwali niyang disposisyon, kung nakatanggap ba siya ng anumang pagpapatunay sa pag-iral ng Diyos, kung nakapagtamo ba siya ng anumang tunay na kaalaman at karanasan sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha, hindi siya nakapagtamo ng alinman sa mga bagay na ito, at hindi siya makapagsasalita tungkol sa alinman sa mga ito. Hindi siya nakapasok o umunlad sa alinman sa iba’t ibang tagapagpahiwatig na may kinalaman sa paglago sa buhay at pagbabago sa disposisyon. Patuloy lang siyang nagtatrabaho nang hindi nauunawaan kung ano ba ang pagbabago sa disposisyon. May ilang tao na ilang taon nang nagtatrabaho nang hindi man lang nagbabago. Madalas pa rin silang nagiging negatibo, nagrereklamo, at nagpapakita ng kanilang mga tiwaling disposisyon kapag nahaharap sila sa mga paghihirap. Kapag pinupungusan sila, bumabaling sila sa pakikipagtalo at pakikipagdebate, hindi matanggap ang kahit kaunting katotohanan at talagang hindi nagpapasakop sa Diyos. Sa huli, napagbabawalan silang gumanap sa kanilang mga tungkulin. May ilang taong nakasisira sa gawain kapag gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin pero hindi sila tumatanggap ng pamumuna, sa halip, walang-kahihiyan nilang sinasabi na wala silang nagawang mali at hindi man lang sila nagsisisi. At sa wakas, kapag binawi ng sambahayan ng Diyos ang kanilang mga tungkulin at pinaalis sila, umiiyak at nagrereklamo silang umaalis sa lugar ng kanilang tungkulin. Sa ganitong paraan sila natitiwalag. Ito ang paraan kung saan lubusang nabubunyag ng mga tungkulin ang mga tao. Kadalasan, ang mga tao ay magaling magsalita at malakas sumigaw ng mga salawikain, ngunit bakit kapag gumaganap sila ng tungkulin ay hindi sila kumikilos bilang mga tao bagkus ay nagiging mga diyablo? Ito ay dahil ang mga taong walang pagkatao ay mga diyablo saanman sila pumunta; at kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, hindi sila makapaninindigan kahit saan. May ilang taong madalas ay pabasta-basta kung gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sinusubukan nilang makipagtalo at mangatwiran kapag pinupungusan sila. Matapos mapungusan nang paulit-ulit, nakararamdam sila ng kaunting pagnanais na magsisi, kaya nagsisimula silang gumamit ng mga pamamaraan ng pagpipigil sa sarili. Gayunman, sa huli, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, at kahit pa maaaring manumpa sila at sumpain nila ang kanilang sarili, wala itong maitutulong, at hindi pa rin nila malulutas ang problema ng pagiging pabasta-basta nila, ni ang problema ng pakikipagtalo at pakikipagdebate nila. Pagkatapos kasuklaman at punahin ng lahat kalaunan ang taong ito ay saka lamang siya napipilitang aminin sa wakas na, “May mga tiwaling disposisyon nga ako. Gusto kong magsisi ngunit hindi ko ito magawa. Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes, ang sarili kong dangal at reputasyon, na nagdudulot sa aking madalas na maghimagsik laban sa Diyos. Gusto kong isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ko mabitiwan ang mga layunin at pagnanais ko; hindi ko mapaghimagsikan ang mga iyon. Palagi kong ninanais na gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa sarili kong kalooban, bumubuo ako ng mga pakana upang makaiwas sa gawain, at ninanasa kong maglibang at magsaya. Hindi ko kayang tumanggap ng pagpupungos at palagi kong sinusubukang makipagtalo upang makatakas dito. Sa tingin ko ay sapat nang nagpakapagod at nagtiis ako ng mga paghihirap, kaya bumabaling ako sa pakikipagtalo at pakikipagdebate kapag sinusubukan akong pungusan ninuman, hindi kumbinsido sa aking puso. Napakahirap ko talagang pangasiwaan! Paano ko ba dapat hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problemang ito?” Sinisimulan nilang pagnilayan ang mga bagay na ito. Ibig sabihin nito ay may kaunti silang pagkaunawa sa kung paano dapat kumilos ang mga tao, pati na rin kaunting katwiran. Kung sa isang punto ay simulang asikasuhin ng isang trabahador ang nararapat niyang gawain at pagtuunan niyang baguhin ang kanyang disposisyon, at matanto niyang siya man ay may mga tiwaling disposisyon, na siya man ay mapagmataas at walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at na hindi siya pwedeng magpatuloy nang ganito—kapag sinimulan niyang pag-isipan at subukang intindihin ang mga bagay na ito, kapag kaya niyang hanapin ang katotohanan upang harapin ang mga problemang kanyang natutuklasan—hindi ba’t kung gayon ay masisimulan na niyang baguhin ang kanyang landas? Kung sisimulan niyang baguhin ang kanyang landas, may pag-asa siyang magbago. Ngunit kung kailanman ay hindi niya nilalayong hangarin ang katotohanan, kung wala siyang pagnanais na pagsumikapan ang katotohanan at ang alam lamang niya ay magpakapagod at gumawa, naniniwalang ang pagtapos sa kasalukuyan niyang gawain ay pagsasakatuparan na sa kanyang gawain at pagtapos na sa atas ng Diyos—kung naniniwala siyang ang pagsisikap ay nangangahulugang nagawa na niya ang kanyang tungkulin, nang hindi niya kailanman isinasaalang-alang kung ano ba ang mga hinihingi ng Diyos o kung ano ba ang katotohanan, o kung isa ba siyang taong nagpapasakop sa Diyos, at hindi siya kailanman sumusubok na alamin ang alinman sa mga bagay na ito—kung ganito niya harapin ang kanyang tungkulin, makapagtatamo ba siya ng kaligtasan? Hindi. Hindi siya nakatahak sa landas ng kaligtasan, hindi siya nakatapak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at hindi siya nakabuo ng kaugnayan sa Diyos. Nagpapakapagod at nagtatrabaho pa rin lamang siya sa sambahayan ng Diyos. Binabantayan at pinoprotektahan din ng Diyos ang gayong mga tao kapag nagtatrabaho sila sa Kanyang sambahayan, ngunit hindi Niya nilalayong iligtas sila. Hindi sila pinupungusan, hinahatulan, kinakastigo, sinusubok, o pinipino ng Diyos, tinutulutan lamang Niya na magtamo sila ng ilang pagpapala sa buhay na ito, at hanggang doon na lamang. Kapag alam ng mga taong ito na magnilay at kilalanin ang kanilang sarili, at alam nila ang kahalagahan ng pagsasagawa sa katotohanan, ibig sabihin niyon ay naunawaan na nila ang mga sermon na kanilang napakinggan at nakakuha na sila sa wakas ng kaunting resulta. Pagkatapos ay iniisip nila, “Nakatutuwa ang manampalataya sa Diyos. Talagang nababago ng Kanyang mga salita ang mga tao! Ang pinakamahalagang bagay para sa akin ngayon ay ang hangaring matamo ang katotohanan. Kung hindi ko pagtutuunan ang pagkilala sa aking sarili o iwawaksi ang aking mga tiwaling disposisyon, at mananatili akong kontento nang magtrabaho lamang, wala akong anumang matatamo.” Kaya, magsisimulang magnilay-nilay ang taong ito: “Ano-anong tiwaling disposisyon ang taglay ko? Paano ko malalaman ang mga iyon? Paano ko ba talaga dapat lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito?” Natutukoy ng pagninilay-nilay nila sa mga bagay na ito ang pag-unawa sa katotohanan at pagbabago sa disposisyon, at pagkatapos ay nagkakaroon ng pag-asa na maligtas sila. Kung kaya ng isang taong pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang tungkulin, kung kaya niyang hanapin ang katotohanan, pagsikapang tuparin ang mga hinihingi ng Diyos, at lutasin ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, nasa tamang landas na siya ng pananampalataya sa Diyos. Sa palaging pagninilay sa mga bagay na ito at pag-abot sa katotohanan, matatanggap niya ang kaliwanagan, pagtanglaw, at patnubay ng Diyos. Sa ganitong paraan, matatanggap ng taong ito ang pagpupungos ng Diyos, at agad na kasunod niyon, maaari na itong mahatulan at makastigo, masubok at mapino. Sisimulan na ng Diyos ang gawain Niya sa taong ito, na dadalisay at babago rito.
Sinasabi ng ilang tao: “Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at gumaganap sa aking tungkulin, ngunit kailanman ay hindi pa ako napungusan, at hindi pa ako nakatatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw, at lalong hindi pa ako sumasailalim sa mga pagsubok at pagpipino.” Nararanasan ba ng isang taong tulad nito ang gawain ng Diyos? Kung nagagawa talaga niyang danasin at isagawa ang mga salita ng Diyos, paanong hindi pa siya nabibigyang-liwanag o natatanglawan? Kung madalas siyang nagpapakita ng kanyang katiwalian, tiyak na pupungusan siya. Kung hindi siya nagsisisi matapos mapungusan, talagang wala siyang anumang pagkatao, at siya ay taong dapat na matiwalag. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas akong nakararanas ng pagpupungos, at madalas akong makatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at magtamo ng bagong liwanag.” Ano ang nangyayari dito? (Inaakay sila ng Diyos.) Sinasabi ng iba pang tao: “Bakit hindi ako tulad ng ibang taong ang lahat ng bagay ay umuusad nang maayos para sa kanila? Palagi nilang taglay ang mga pagpapala ng Diyos at nabubuhay silang parang mga sanggol na nasa duyan, na hindi kinakailangang magtiis ng anumang pagsubok. Bakit ba palagi akong sinusubok at pinipino?” Mabuti o masamang bagay ba kapag palagi kang sinusubok at pinipino? (Mabuting bagay ito.) Isa itong mabuting bagay, hindi isang masamang bagay. Ano ang layon ng Diyos sa pagsubok at pagpipino sa mga tao? (Ang bigyang-daan silang malaman ang mga tiwaling disposisyon nila.) Hindi ito ginagawa ng Diyos upang pahirapan o pasakitan ang mga tao; ginagawa Niya ito upang bigyang-daan ang mga taong malaman ang mga tiwaling disposisyon nila at makita nang malinaw ang diwa at tunay na mukha ng kanilang katiwalian, at nang sa gayon ay mabitiwan nila ang kanilang mga layunin at intensyon at magtamo sila ng pagpapasakop sa Kanya. Kung magkagayon ay hindi na sila basta lang nagtatrabaho kundi gumaganap na sa kanilang mga tungkulin. Kapag taimtim at pormal mong ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nagiging normal ang kaugnayan mo sa Diyos, na bumabago sa dati mong hindi normal na kaugnayan sa Kanya. Kung ang kaugnayan ninyo ng Diyos ay tulad ng sa isang empleyado at sa kanyang amo, hindi ka makatatanggap ng kaligtasan. Kung tinatanggap mo ang atas ng Diyos, kayang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at seryosong panagutan ang pagganap nang mabuti sa iyong tungkulin, magiging normal ang kaugnayan mo sa Diyos. Magiging isa kang nilikha, makapagpapasakop ka sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at sa iyong puso, matatanggap mo ang Diyos bilang ang Tagapagligtas, at magiging pakay ka ng Kanyang pagliligtas. Mapupunta sa antas na ito ang kaugnayan mo sa Kanya. Ngunit kung palagi ka na lamang nagtatrabaho, kung ang anumang atas na ipagkatiwala sa iyo ng Diyos ay palagi mong ginagampanan nang may pabasta-bastang saloobin, nang hindi tinatanggap ang mga katotohanang prinsipyo at nang walang tunay na pagpapasakop, kung ang alam mo lamang ay magpakapagod at gumawa, kung iniraraos mo lang ang paggawa ng mga bagay-bagay, isa ka nga talagang trabahador. Dahil ang mga taong trabahador ay hindi tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila kailanman sumasailalim sa kahit kaunting pagbabago, ang kaugnayan nila sa Diyos ay magpakailanmang gaya ng sa mga empleyado at sa kanilang amo. Kailanman ay hindi sila tunay na magpapasakop sa Diyos, at hindi sila kikilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya o mga taong pagmamay-ari Niya. Ito ang kahihinatnan ng pananampalataya nila sa Diyos nang hindi naghahangad sa katotohanan; ipinapasya ito ng landas na kanilang tinatahak. Kung nais mong mapabuti ang kaugnayan mo sa Diyos, ano ang dapat mong gawin? (Tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan. Kailangan mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang dapat na maging una mong hakbang? (Kailangan kong maunawaan kung paano gagampanan ang aking tungkulin.) Kailangang gumanap ng tungkulin ang mga mananampalataya ng Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos. Ang pagsunod sa Diyos ay tumutukoy sa pagganap sa tungkulin ng isang tao; ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang hindi gumaganap ng mga tungkulin ay hindi sumusunod sa Diyos. Kung nais mong sumunod sa Diyos, kailangan mong gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin. Ano ang aspekto ng katotohanan na dapat na unang maisagawa kapag gumaganap ng tungkulin? (Ang katotohanan ng pagpapasakop.) Tama iyan. Sinasabi ng ilang tao: “Ito na ang tungkulin ko ngayon. Kailangan kong mag-aral nang mabuti at medyo magtagumpay na matuto ng Ingles, at pagkatapos ay kumuha ng pagsusulit sa TOEFL o magkaroon ng Ph.D. sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos ay mamumukod-tangi ako sa mundo ng mga walang pananampalataya, o maaring makagawa ng mabuti sa sambahayan ng Diyos at sa hinaharap ay maging isang lider.” Hindi ba’t nagpaplano lang ang mga taong iyon para sa sarili nilang kapakanan? (Oo.) Ang palaging pagpaplano at pagsasaayos ng isang tao alang-alang sa sarili niyang laman, ang pagsasaayos niya hindi lamang ng mga bagay na may kinalaman sa buhay niya kundi pati na rin para pagkatapos niyang mamatay—ito ang mentalidad ng isang walang pananampalataya. Normal para sa mga walang pananampalataya na igugol ang kanilang mga araw na ganito ang pag-iisip dahil hindi nila kinikilala ang pag-iral ng Diyos, kaya naiisip lamang nila ang kanilang laman, at isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang kaligtasan, gaya ng mga hayop. Gayunpaman, ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay nagbabasa ng Kanyang mga salita araw-araw at nakauunawa sa katotohanan, kaya dapat alam nila ang kabuluhan ng pagganap sa isang tungkulin at ang dahilan nito. Kailangang maging malinaw sa kanila ang mga bagay na ito, tuwirang may kaugnayan ang mga ito sa landas na tinatahak ng isang tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung paano dapat magpasakop ang isang tao sa gawain ng Diyos at danasin ang mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon, kung aling mga aspekto ng katotohanan ang kailangang matamo upang magawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin at makapagpasakop siya sa Diyos, at kung paano dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos upang malinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon—lalo nang kinakailangan nilang maunawaan ang katotohanan hinggil sa mga bagay na ito. Ito ang landas na dapat tahakin ng isang tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Magagawa lamang nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin at matatanggap ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan sa ganitong paraan. Nais ng Diyos na iligtas at gawing perpekto ang mga taong naghahangad sa katotohanan sa ganitong paraan. Sa pamamagitan ng pagkumpleto sa Kanyang gawain ng pagliligtas, nais ng Diyos na magkamit ng ilang gayong tao. Kung ang iniisip lamang ng isang tao ay kung paano aasenso, kung paano magiging isang prominenteng lider, at kung ilang tao ang kanyang pamamahalaan, at kung ilang siyudad ang maaari niyang pamahalaan sa kalaunan, mga ambisyon at pagnanais ang mga ito. Ang taong ito ay kauri ng mga anticristo—nagsasabwatan ang lahat ng anticristo upang makamit ang mga bagay na ito. Matuwid ba na magsabwatan upang makamit ang mga bagay na ito? (Hindi.) Yamang alam naman nilang hindi ito matuwid, kaya ba nilang bitiwan ang mga iyon? (Hindi iyon magiging madali.) Sa mga pangkaraniwang sitwasyon, kumikilos ang mga tao alinsunod sa sarili nilang mga layunin upang makamit ang kanilang mga mithiin. Sa lahat ng iyong ginagawa, kumikilos ka ba upang makamit ang sarili mong mga mithiin, o pinagninilayan mo ba ang iyong sarili, hinahanap ang katotohanan, pinaghihimagsikan ang iyong mga mithiin at pakana, at pagkatapos ay pinipiling tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Ano ba talaga ang tamang landas? (Ang palaging paghihimagsik sa aking sarili at pagkilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.) Anong uri ng paghahangad ng isang tao ang may kakayahang magkamit nito? Tanging ang isang taong may mabuting puso at matapat at matuwid na puso ang makapagkakamit nito. Hindi ito makakamit ng mga mapanlinlang, mapagmatigas, at masasamang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan. Yamang nalalaman nilang ang landas na kanilang tinatahak ay hindi ang tamang landas—na ito ang maling landas ni Pablo—at na talagang hindi sila makatatanggap ng kaligtasan, bakit hindi nila tinatahak ang tamang landas? Dahil hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Ganap itong ipinapasya ng kanilang kalikasan. Tulad ito ng dalawang taong pareho ang kakayahan, na sumampalataya sa Diyos sa parehong dami ng taon, nakinig sa parehong mga sermon, at gumanap sa parehong mga tungkulin, ngunit magkaibang landas ang tinatahak. Ilang taon lang ang itinatagal bago sila maghiwalay ng landas at ang isa ay matitiwalag habang ang isa ay mapananatili. Ang isa ay may matapat at matuwid na puso, nagmamahal sa katotohanan, at tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kahit pa may sumubok na iligaw ang taong ito at tumukso sa kanyang tumahak sa landas ng kasamaan, susunod ba siya? Hindi. Tiyak na tatanggihan niya ang taong iyon. Nagagawa niyang hanapin ang katotohanan, kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at gumaling nang gumaling sa pagganap sa kanyang tungkulin. Subalit iyong isa pang tao ay medyo masama at mapanlinlang. Naghahangad siya ng katayuan at napakataas ng kanyang mga ambisyon. Kahit paano pa magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya isusuko ang paghahangad niya sa katayuan. Ito ang problema sa kanyang kalikasan. At ano ang magiging wakas ng taong ito na hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi kailanman kayang isuko ang katayuan? Matitiwalag siya. Malinaw na magkaiba ang kahihinatnan ng dalawang taong ito. Ang taong matapat sa kanyang puso at naghahangad sa katotohanan ay parami nang parami ang nauunawaan sa katotohanan, at nang may higit na kalinawan, unti-unti siyang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang taong hindi naghahangad sa katotohanan ay may kakayahan lamang na umunawa ng doktrina, at hindi niya ito maisagawa. Bakit hindi niya ito maisagawa? Masyadong mataas ang kanyang mga ambisyon at pagnanais, at hindi niya mabitiwan ang mga iyon. Sa lahat ng kanyang ginagawa, inuuna niya ang sarili niyang mga interes, ambisyon, pagnanais, katanyagan, pakinabang, at katayuan. Puno siya ng mga bagay na ito, at natatangay siya ng mga iyon. Kapag may nangyayari sa kanya, una niyang binibigyang-lugod ang kanyang laman at sariling mga pagnanais. Sa lahat ng bagay ay kumikilos siya alinsunod sa sarili niyang mga pagnanais, hinahabol ang mithiing ito at isinasantabi ang katotohanan. Bilang resulta, hindi niya nagagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin at nakasisira siya sa gawain, at sa wakas, natitiwalag siya. Hindi ba’t ang mga ito mismo ang mga taong tinitiwalag ng sambahayan ng Diyos? Kung gayon, wala na ba silang pag-asa? Kung tunay silang makapagsisisi, maiiwasan nila ang matiwalag, at magkakaroon ng pag-asa na maligtas sila. Ngunit kung mananatiling mapagmatigas ang kanilang puso at matindi nilang panghahawakan ang kanilang mga pagnanais, na parang isang mabangis na asong kumakapit sa isang buto, wala na talagang pag-asang makatanggap sila ng kaligtasan. Hindi matatamo ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila tatahakin ang tamang landas! Tanging ang landas ng paghahangad sa katotohanan ang tamang landas. Matatamo lamang ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtahak dito. Magkakaroon lamang ang isang tao ng pag-asang magtamo ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan.
Ang puso ng mga taong mapanlinlang at buktot ay nag-uumapaw sa pansariling mga ambisyon, plano, at pakana. Madali bang isantabi ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kung nais mo pa ring magampanan nang maayos ang iyong tungkulin pero hindi mo maisantabi ang mga bagay na ito? May landas dito: Dapat maging malinaw sa iyo ang kalikasan ng ginagawa mo. Kung may kinalaman ang isang bagay sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at mahalagang-mahalaga ito, kung gayon ay hindi mo ito dapat balewalain, hindi ka dapat makagawa ng mga pagkakamali, hindi mo dapat pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang prinsipyong dapat mong sundin sa pagganap sa iyong tungkulin. Kung nais mong maiwasang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kailangan mo munang isantabi ang iyong mga ambisyon at pagnanais; dapat makompromiso ang iyong mga interes kahit papaano, dapat isantabi ang mga ito, at mas mabuting dumanas ka ng kaunting paghihirap kaysa malabag mo ang disposisyon ng Diyos, na siyang kasukdulan nito. Kung hindi mo gagawin nang maayos ang gawain ng iglesia upang masunod ang walang kakuwenta-kuwenta mong mga ambisyon at kapalaluan, ano ang kahihinatnan mo sa huli? Papalitan ka, at maaaring itiwalag ka. Napagalit mo ang disposisyon ng Diyos, at maaaring wala ka nang pagkakataon pang maligtas. May limitasyon sa dami ng mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Gaano ba karaming pagkakataon ang natatanggap ng mga tao upang masubok ng Diyos? Natutukoy ito batay sa kanilang diwa. Kung sinusulit mo ang mga pagkakataong ibinibigay sa iyo, kung kaya mong bitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at banidad, at unahin ang maayos na paggawa sa gawain ng iglesia, may tama kang pag-iisip. Kailangan ay matuwid ang iyong puso, hindi humihilig sa kaliwa ni sa kanan. Kapag mayroon kang mga hindi tamang layunin, kailangan mong magdasal agad at itama ang mga iyon. Dapat mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa mga kritikal na sandali at isakatuparan ang iyong mga gawain. Ang isang taong gumagawa nito ay isang tamang tao. Kung paminsan-minsan, matapos mong maisakatuparan ang isang bagay, ay nagmamadali kang magsabing, “Ako ang gumawa nito,” para lamang bigyang-lugod ang iyong banidad, ayos lang iyon. Pahihintulutan ito ng Diyos. Kahit paano ka pa mag-isip, yamang natapos mo ang gawain, tatandaan Niya ito. Hindi ba’t patas ito? Dahil isa nga itong bagay na naisakatuparan mo nang may puso at katapatan; naghimagsik ka laban sa sarili mong laman at sarili mong ambisyon, tinupad mo ang iyong tungkulin, at tinapos mo ang atas ng Diyos nang hindi tinutulutang mapinsala ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Napapanatag ang puso ng Diyos, at kasabay niyon, napapanatag at nagagalak ang iyong puso. Isa itong kaligayahang hindi mabibili ng pera; nakamit mo ito gamit ang iyong sinseridad. Ito ang resulta ng paghahangad sa katotohanan. Kung, pagkatapos nito, ay ipagyayabang mong, “Uy, alam ba ninyong lahat na ako ang gumawa nito?” Hindi tututol ang Diyos. Ngunit, sa mga kritikal na sandali, kailangan mong itaguyod ang batayang pamantayan. Hindi mo pwedeng pukawin ang poot ng Diyos o labagin ang Kanyang disposisyon. Kung kaya mo itong sundin, sinisigurong sa bawat kritikal na sandali ay kakapit ka sa lifeline na iyon, at sinasamantala mo ang pagkakataon upang tuparin ang iyong tungkulin, magkakaroon ng pag-asa na maligtas ka. Kung sa mga karaniwang sitwasyon ay maingat ka, ngunit pagdating sa mga bagay na may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo—sa mga kritikal na sandali kung saan kailangan mong kumilos nang desidido at matalino—ay hindi mo nirerendahan ang iyong mga ambisyon at pagnanais bagkus ay kumikilos ka kung paano mo naisin, na nakagugulo sa gawain ng iglesia at nabibigong itaguyod ang pinakabatayang pamantayan, mapagagalit nito ang disposisyon ng Diyos. Hindi ba’t karapat-dapat itong maparusahan? Kahit papaano man lang, kailangan ay hindi mo malabag ang disposisyon ng Diyos; ito ang batayang pamantayan. Kailangan mong malaman kung ano ang batayang pamantayan ng Diyos at kung ano ang batayang pamantayang dapat mong itaguyod. Kung itataguyod mo ang batayang pamantayang ito sa mahahalagang sandali, at pagkatapos mong tuparin ang iyong tungkulin ay hindi mo idudulot na tanggihan, itaboy ka ng Diyos bagkus ay tandaan at tanggapin ka Niya, isa itong mabuting gawa. Hindi tumutuon ang Diyos sa kung ano ang iniisip mo, sa kung gaano ka man kakampante sa iyong sarili o gaano mo man ipinagmamalaki ang iyong mga tagumpay; hindi Siya interesado sa mga bagay na ito at hindi ka Niya seseryosohin. Ang natitira na lang ay ang usapin ng sarili mong pagbabago. Dahil kaya mong sunggaban ang lifeline sa lahat ng sitwasyon, kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, manatiling matapat at bigyang-lugod ang puso ng Diyos sa mahahalagang pagkakataon, at itaguyod ang iyong batayang pamantayan, ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nitong may saloobin ka ng pagpapasakop sa Diyos. Sa isang antas, masasabing bahagya mo nang nabigyang-lugod ang Diyos. Ganito ang pagtingin ng Diyos dito. Ang Diyos ay matuwid, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, tanging ang mga taong nagsasagawa sa ganitong paraan ang matatalinong tao. Huwag mong isiping, “Sa pagkakataong ito ay hindi ko masyadong nagampanan nang mabuti ang aking tungkulin upang mabigyang-lugod ang Diyos. May kaunti pa ring kakulangan. Hindi ba Niya ito tatanggapin?” Hindi iyon hahanapan ng mali ng Diyos. Oobserbahan lamang Niya kung nagkaroon ka ba ng batayang pamantayan habang ginagawa mo ang gawaing ito. Basta’t hindi ka lumagpas sa batayang pamantayan at natapos mo ang gawain, tatandaan Niya ito. Kung kaya mong palaging hanapin ang mga katotohanang prinsipyo anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anumang bagay ang iyong ginagawa, at kahit sa masyadong mahihirap na sitwasyon ay hindi ka lumalagpas sa batayang pamantayan, maprinsipyo ang paraan ng paggawa mo sa mga bagay-bagay at ang paraan ng pagganap mo sa iyong tungkulin. Masasabing pasok talaga sa pamantayan ang pagtupad mo sa tungkulin.
Ang mga hinihingi ng Diyos mula sa bawat tao ay hindi pare-pareho. Sa isang aspeto, nakasalalay ang mga iyon sa kakayahan ng taong iyon; sa isa pa, nakasalalay ang mga iyon sa kanyang pagkatao at mga paghahangad. May ilang taong walang problema sa pagsasalita nang matapat; para naman sa iba, kinakailangan nito ng matinding pagsisikap, ngunit matapos dumanas ng ilang taon ng pagpupungos, sa wakas ay may matapat na bagay na silang masasabi mula sa kanilang puso. Tinitingnan ba ito ng Diyos bilang pagbabago? Resulta ba ito ng Kanyang gawain? Ito ang ninanais na resulta ng gawain ng Diyos. Pagkatapos gawin ang gawaing ito sa loob ng napakaraming taon, kapag sa wakas ay nakita na Niya ang ninanais na resultang ito, pinahahalagahan Niya ito. Kaya, anuman ang naranasan mo noon, anuman ang mga pagkakamaling nagawa mo o maraming beses ka mang nabigo, huwag kang mag-alala. Kailangan mong sumampalataya na matuwid ang Diyos. Sumampalataya kang tama ang magpasakop sa Diyos. Sumampalataya kang tama ang magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Sundan mo ang landas na ito sa iyong pagsasagawa at mga kilos, at hindi ka magkakamali! Huwag mo itong pag-alinlanganan o saliksikin. Sinasabi ng ilang tao: “Wala akong masyadong napala mula sa mga isinakripisyo ko noon. Kung mas marami pa akong isasakripisyo ngayon, malulugi na naman ba ako?” Kung gayon, isinagawa mo ba ang katotohanan nang isinakripisyo mo ang mga iyon? Ginawa mo ba ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Tinahak mo ba ang tamang landas? Kung tinahak mo ang tamang landas, magiging imposibleng hindi ka magtamo ng katotohanan o mawalan ka ng patotoo. Ngunit kung ang mga nauna mong sakripisyo ay alang-alang lamang sa katayuan, katanyagan, at mga pakinabang, ano kaya ang mapapala mo? Ang tanging mapapala mo ay pagpupungos, at kung hindi ka magsisisi, kaparusahan at pagkawasak lamang ang mapapala mo. Nagsakripisyo ka alang-alang sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, at umasa kang magtatamo ka ng katotohanan—hindi ba’t pagpapantasya ito? Ano kayang mapapala ng isang tao sa laging pagpapakana at pagsubok na mautakan ang Diyos? Pagkatapos ng lahat ng pagkakalkula at pagpapakana, sa huli, ang nauutakan niya ay ang kanyang sarili. Wala siyang anumang napapala, at hindi ba’t nararapat lang ito? Ano, sa paanuman, ang batayang pamantayan sa pagsampalataya sa Diyos? Ito ay ang hindi gumawa ng kasamaan, hindi lumabag sa disposisyon ng Diyos, hindi Siya galitin, hindi makipagkompetensya sa Kanya; ito ay pagbitiw sa sariling mga intensyon, ambisyon, at pagnanais ng isang tao sa mga kritikal na sandali. Ang totoo, kapag nagpapakana ang mga tao sa iba’t ibang paraan, ang sarili nila ang naloloko nila sa huli. Kung malinaw ito sa lahat, bakit patuloy na nagpapakana ang mga tao? Ito ay dahil sa kanilang kalikasan. Ang mga tao ay may mga utak, kaisipan, at ideya; mayroon din silang kaalaman at pagkatuto. Dahil sa umiiral ang mga bagay na ito, hindi makontrol ng mga tao ang kanilang sarili; isa itong hindi mapipigilang kautusan. Kung mahilig kang magpakana, maaaring hindi gayon kalaking problema ang pagpapakana laban sa ibang tao. Ngunit kung ipagpapatuloy mo ang pagpapakana laban sa Diyos, pinupuntirya Siya ng iyong mga pakana, maidudulot mo lamang ang sarili mong kalalabasan at mawawala ang pagkakataong ibinigay sa iyo ng Diyos dahil sa pagpapakana. Hindi ito sulit. Talagang hindi mo pwedeng tulutang umabot ang iyong pagpapakana sa puntong ito. Kahit paano ka pa magpakana, sa huli ay kailangan mong sumailalim sa pagbabago ng disposisyon at makakuha ng mga resulta, at kailangang maging mabuti at positibo ang mga resultang ito. Kung magpapakana ang isang tao sa iba’t ibang paraan at sa huli ay hindi magtatamo ng katotohanan, bagkus ay hahantong sa kaparusahan, ito ang kahihinatnan ng isang taong mahilig at palaging nagpapakana. Ang gayong tao ay hindi mautak; siya ang pinakahangal sa mga hangal.
Ang lahat ng tao ay may mga karumihan kapag nagsisimula pa lang silang sumampalataya sa Diyos. Pagkalipas ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring nawaksi na ninyo ang ilan sa mga tiwaling disposisyon ninyo. May mga pagkakataon pa rin bang nagpapakana at nagpaplano kayo alang-alang sa sarili ninyong mga interes? (Oo.) Madalas kayong malagay sa ganitong mga kalagayan. Kung gayon, paano ninyo dapat tratuhin ang mga iyon? May anumang prinsipyo ba ng pagsasagawa? Nangangailangan ito ng matinding paghahanap. Sa tuwing nadarama mong hindi ka nagiging matapat at namamalayan mong nasasadlak ka sa isang buktot at mapanlinlang na kalagayan, na nag-uumapaw sa puso mo ang mga tiwaling disposisyong ito, kailangan mong magdasal sa Diyos at maghimagsik laban sa iyong laman. Huwag mong balingan ang pangangatwiran o suriin at tratuhin ang bagay na ito ayon sa iyong mga kuru-kuro. Kung kontrolado ka ng iyong mga tiwaling disposisyon at nangingibabaw ang sarili mong mga pagnanais, magiging mahirap ito. Alam mo sa iyong puso kapag aabutin ka na ng malupit na kamay ng kasalanan. Kapag nangyari iyon, kailangan mong kontrolin ang iyong sarili, pigilan ang pagkilos. Kakailanganin mong patahimikin ang iyong isipan, humarap sa Diyos, at magdasal. Ang totoo, hindi mo kakailanganing suriin ang iyong sarili. Matapos makarating sa yugtong ito ng iyong pananampalataya sa Diyos, matapos makarinig ng napakaraming sermon, dapat ay medyo malinaw na sa iyo kung ano ang nasa isip mo, at alam mo na kung ano ang tama at mali. Ang susi ay kailangan mong maghimagsik laban sa iyong laman at hindi ka magpadala rito. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? (Magpasakop.) At paano kung hindi ka makapagpasakop agad-agad? Paano kung gusto mo pa ring makipagtalo, magsiyasat, at magsuri? Kung gayon ay kailangan mong tulutang kumalma at humupa ang iyong mga ambisyon, at kasabay niyon ay humarap at magdasal ka sa Diyos, o makipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid. Kakailanganin mo ring magtapat at ilantad ang iyong sarili, at suriin ang sitwasyon gamit ang katotohanan, at pagkalipas ng isa o dalawang araw ay mas bubuti na ang iyong kalagayan. Gawain ito ng Banal na Espiritu. Ang pagbitiw sa mga intensyon ng isang tao ay nangangahulugang, sa isang aspekto, nagagawa niyang paghimagsikan, isuko, at itama ang mga maling kaisipan at ideya niya. Sa isa pang aspekto, kung masyadong matindi ang mga ambisyon at pagnanais ng isang tao at nais niyang kumilos batay sa mga iyon, at hindi niya mabago ang kanyang landas sa kabila ng kaalamang ang pagkilos sa ganitong paraan ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi ang tamang landas, kung gayon, nangangailangan ito ng panalangin; kailangan niyang magdasal nang taimtim upang mapahupa ang kanyang mga ambisyon. Halimbawa, maaaring may bagay kang nais gawin, at kung kailan pinakamatindi ang pagnanais na iyon ay pakiramdam mong kailangan mo talaga itong gawin, na para bang hindi ka mabubuhay nang hindi ito ginagawa. Ngunit matapos maghintay nang dalawa o tatlong araw, makikita mong walang kahihiyan, wala sa katwiran, at walang konsiyensiya ang naunang saloobing ito. Ibig sabihin nito ay nakapagbago ka na. Paano ito nangyari? Nangyari ito sa pamamagitan ng pananalangin at ng pagbibigay-liwanag at pag-uusig ng Banal na Espiritu, na nagpahatid ng kaunting kabatiran o damdamin na nakatulong sa iyong tingnan ang problema mula sa ibang anggulo. Ang inakala mong wasto at ang bagay na hindi ka mapakaling hindi gawin ay bigla mong napagtatantong mali pala at na sa paggawa niyon, mauusig ang iyong konsiyensiya. Ipinahihiwatig nito ang pagbabago ng kalagayan, na nagreresulta sa pagbabago ng isipan. Kung itatama ng isang tao ang kanyang maling kalagayan, patutunayan nitong may pag-asa pa para sa taong iyon. Ibig sabihin nito ay isa siyang taong naghahangad sa katotohanan at nakatatanggap ng proteksyon ng Diyos. Ngunit kung hindi niya itatama ang kanyang maling kalagayan kahit kailan, at magpapatuloy siya kahit na nalalaman niyang mali ang kanyang ginagawa at hindi niya pakikinggan ang payo ng kahit na sino, hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, at hindi siya makatatanggap ng pagdidisiplina ng Diyos o magtatamo ng gawain ng Banal na Espiritu. Anuman ang hinaharap ng isang taong naghahangad sa katotohanan, kung hindi niya ito naiintindihan, kailangan lang niyang magdasal nang isa o dalawang araw, magbasa ng mga salita ng Diyos, makinig sa mga sermon, o makipagbahaginan—anumang pamamaraan ang kanyang gamitin, unti-unti niyang mauunawaan ang sitwasyon at makahahanap siya ng tamang landas ng pagsasagawa. Ipinakikita nitong natamo na ng taong ito ang gawain ng Banal na Espiritu at inaakay siya ng Banal na Espiritu. Kapansin-pansin ang mga resulta, at sasailalim din sa pagbabago ang mga prinsipyong ginagamit ng taong ito sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kung kahit kailan ay hindi ka magbabago, may problema sa iyong paghahangad at saloobin. Kung babaguhin mo ang paraan mo ng pagtingin sa mga bagay, medyo magiging madali sa iyong magsagawa ng katotohanan. Halimbawa, kapag nakakita ka ng kaunting masarap na pagkain ngunit hindi ito ang klase ng pagkaing gusto mo o hindi mo ito gustong kainin sa sandaling iyon, madali bang pigilan ang pagkain dito? (Oo.) At kung gusto mo nga itong kainin ngunit hindi mo ito pwedeng kainin, magiging madali ba itong tanggapin? (Hindi.) Dapat kang maghimagsik laban dito; maghimagsik laban sa sarili mong ganang kumain, ang sarili mong pagnanais. Kung sasabihin mong, “Mahilig ako sa pagkaing iyon, at desidido akong kainin iyon. Sino ang magsasabi sa aking hindi ko dapat kainin iyon?” at ipagpapatuloy mo ang pakikipagtalo at pagmamatigas, hindi ka makabibitiw, at hindi ka makapaghihimagsik laban sa gana mong kumain. Kung gayon ay paano ka makapaghihimagsik laban dito? Kailangan mo munang huminahon at tahimik na magnilay-nilay sa harap ng Diyos. Pagkatapos, magbasa ka ng ilan sa mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito at pag-isipan nang mabuti ang mga iyon: “Paanong naging masyado akong sakim? Sa masyadong pagiging desididong kainin ito, hindi ba’t wala akong kahihiyan? Ano ba talaga ang mapapala ko sa pagkain pa rin dito? Nagmamatigas ako, hindi ba?” Ang pagiging desididong kumain—ano ang disposisyong ito? May kinalaman dito ang pagiging mapilit at pagiging mapagmatigas, pati na ang kahambugan at pagiging hindi makatwiran. Isa itong tiwaling disposisyon. Ito ang disposisyong nagdudulot sa iyong maging hambog, mapanlaban, at hindi makapagpasakop. Kung pagninilayan mo ito, mapagtatanto mong napakalala ng tiwaling disposisyon mo at kayang-kaya nitong magdulot sa iyong magrebelde at lumaban sa Diyos. Kung gagawa ka nang masama, hindi lubos-maisip ang mga magiging kahihinatnan. Kung mapagninilayan mo ang iyong sarili sa ganitong paraan, likas na sisigla ang puso mo, at madali mong maaarok ang diwa ng problema. Sa puntong ito, kapag muli kang nagdasal sa Diyos, magiging normal din ang iyong mentalidad, at iba na ang magiging epekto nito. Hindi ba’t ibang-iba ang kalagayang ito sa naunang mapaghimagsik na kalagayan? Ano ang maiisip mo sa pagkakataong ito? Matutukoy mo kung gaano ka naging mapagmatigas at mapilit. Madarama mong wala kang kahihiyan at halaga. Magiging mas tumpak ang pagkaunawang ito sa iyong sarili, at mas makatwiran kang magsasagawa. Naririnig Kong madalas sabihin ng ilang tao, “Paano ko nagawang kumilos nang lubhang katawa-tawa noon? Paano ko nasabi ang gayon kahangal na mga bagay? Bakit ba napakamapaghimagsik ko? Bakit ba hindi ko alam ang tama?” Para masabi ng isang tao ang mga bagay na ito, pinatutunayan nitong nagbago at lumago na nga siya. Samakatuwid, dahil lamang sa hindi mo kayang isagawa ang katotohanan sa ilang panahon ay hindi nangangahulugang hindi mo na ito magagawa sa buong buhay mo. Ano ba ang ibig sabihin Ko rito? Mapanlinlang, mapilit, mapagmatigas, o mapagmataas man ang isang tao, ang hindi pagbabago nang agaran ay hindi nangangahulugang hindi na talaga siya makapagbabago. Kung minsan, ang pagbabago sa disposisyon ay nangangailangan ng oras; kung minsan, nangangailangan ito ng tamang kapaligiran o ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gayunpaman, maaari mong sabihing, “Ganito lang talaga ako. Suko na ako. Wala na akong pakialam.” At mapanganib ito; hindi ang Diyos ang nagtitiwalag sa iyo, bagkus ay ikaw ang nagtitiwalag sa sarili mo. Hindi mo pinipili ang landas ng paghahangad sa katotohanan kundi ang landas ng pagtalikod sa iyong sarili. Pagtataksil ito sa Diyos, at sa paggawa nito ay mawawalan ka na ng pagkakataong makatanggap ng kaligtasan magpakailanman. Kung nais ng isang tao na matamo ang katotohanan, kung nais niyang magbago ang kanyang buhay disposisyon, kailangan niyang madalas na magbasa ng mga salita ng Diyos. Sa mga salita ng Diyos ay kailangan niyang suriin at pagnilayan ang kanyang sarili sa lahat ng pagkakataon at sa iba’t ibang aspeto upang unti-unting malutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon, layunin at karumihan. Ganito dapat makipagtulungan ang mga tao, ngunit kinakailangan din nito ang gawain ng Diyos. Nagsasaayos ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran at, ayon sa Kanyang panahon, gumagawa Siya ng Kanyang gawain sa iyo. Sa isang aspeto, ibinubunyag Niya ang iyong mga tiwaling disposisyon, tinutulutan kang makaunawa at makapagnilay sa sarili. Sa isa pa, itinatama ng gawain ng Banal na Espiritu ang iyong kalagayan. Ito man ay tiwaling disposisyon o mga nakapanlulumo at negatibong damdamin, palaging may proseso ng pagtatama at pagsisisi. Kung sa gitna ng prosesong ito ay magdarasal ka sa Diyos at hahanapin mo ang katotohanan, maitatama ang iyong negatibong kalagayan at magagampanan mo nang normal ang iyong tungkulin. Kung hindi ka magbabago kahit matapos kang mabigyan ng ilang pagkakataong magsisi, bagkus ay paninindigan mo ang dati mong mga gawi, ipagpapatuloy ang iyong mapilit at mapagmatigas na disposisyon, hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nakababahala, at hindi sila makapagtatamo ng kaligtasan. Suriin ninyo ang inyong sarili: Kapag nahaharap sa mga suliraning ito, gaano kalaki ang kaya ninyong ipagbago? Nabago na ba ninyo ang mga bagay-bagay at nakapagsisi na ba kayo? Kung nabago na ninyo ang mga bagay-bagay at nakapagsisi na kayo, may pag-asang makatanggap kayo ng kaligtasan; ngunit kung kahit kailan ay hindi kayo magbabago, hindi magkakaroon ng gayong pag-asa.
Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, lagi silang pabasta-basta, na nagiging sanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan, at sa huli, pinapalitan sila. Gayunman, hindi sila pinatatalsik sa iglesia, na pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsisi. Lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at lahat ay may mga pagkakataon na naguguluhan sila o nalilito, mga pagkakataon na mababa ang kanilang tayog. Ang layon ng pagbibigay sa iyo ng pagkakataon ay upang mabago mo ang lahat ng ito. At paano mo ito mababago? Dapat mong pagnilayan at malaman ang nakaraan mong mga pagkakamali; huwag kang magdahilan, at huwag kang magpakalat ng mga kuru-kuro. Kung mali ang pagkaunawa mo sa Diyos at basta ipinapasa mo na lang ang mga maling pagkaunawang ito sa iba, upang sila rin ay magkamali ng pagkaintindi sa Diyos na kasama mo, at kung mayroon kang mga kuru-kuro at naglilibot ka na ikinakalat ang mga iyon, upang magkaroon ng mga kuru-kuro ang lahat na kasama mo, at sinisikap na mangatwiran sa Diyos na kasabay mo, hindi ba’t pagpukaw ito sa pagkabagabag ng lahat? Hindi ba ito pagsalungat sa Diyos? At may buti bang maidudulot ang pagsalungat sa Diyos? Maliligtas ka pa ba? Inaasam mo na ililigtas ka ng Diyos, ngunit tinatanggihan mong tanggapin ang Kanyang gawain, at nilalabanan at sinasalungat mo ang Diyos, kaya ililigtas ka pa rin ba ng Diyos? Kalimutan mo na ang mga pag-asam na ito. Nang makagawa ka ng pagkakamali, hindi ka pinanagot ng Diyos, ni hindi ka Niya tiniwalag dahil sa nag-iisang pagkakamaling ito. Binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon, at tinulutan kang patuloy na gampanan ang isang tungkulin, at magsisi, na siyang oportunidad na ibinigay sa iyo ng Diyos; kung mayroon kang konsensiya at katwiran, dapat mong pahalagahan ito. Ang ilang tao ay palaging pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at pinapalitan sila; ang ilan ay inililipat. Ibig sabihin ba nito ay tiniwalag na sila? Hindi iyon ang sinabi ng Diyos; may pagkakataon ka pa rin. Kaya ano ang dapat mong gawin? Dapat mong pagnilayan at kilalanin ang sarili mo, at tunay kang magsisi; ito ang landas. Ngunit hindi iyon ang ginagawa ng ilang tao. Lumalaban sila, at sinasabi kung saan-saan na, “Hindi ako pinayagang gampanan ang tungkuling ito dahil mali ang nasabi ko at may napasama ako ng loob.” Hindi nila hinahanap ang problema sa sarili nila, hindi sila nagninilay, hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at sinasalungat nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kuru-kuro. Hindi ba naging Satanas na sila? Kapag ginagawa mo ang mga bagay na ginagawa ni Satanas, hindi ka na isang tagasunod ng Diyos. Naging kaaway ka na ng Diyos—maaari bang iligtas ng Diyos ang Kanyang kaaway? Hindi. Inililigtas ng Diyos ang mga taong may mga tiwaling disposisyon, mga tunay na tao—hindi mga diyablo, hindi ang Kanyang mga kaaway. Kapag nilalabanan mo ang Diyos, at nagrereklamo ka tungkol sa Diyos, at nagkakamali ka ng pagkaintindi sa Diyos, at hinuhusgahan mo ang Diyos, na nagkakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, lubos kang laban sa Diyos; nagpoprotesta ka laban sa Diyos. Ano ang papel na ginagampanan mo kapag sumasampalataya ka sa Diyos subalit nagpapahayag ka rin ng pagtutol sa Kanya? Ginagampanan mo ang papel ni Satanas. Nagawa na ba ninyo ang ganitong uri ng bagay noon? (Oo.) At ano ang naramdaman ninyo pagkatapos ninyong gawin ito? (Nagdilim ang aking puso, at lumala ang aking kalagayan.) Hindi iyon ang tamang daan. Alam ninyong lahat ito, ngunit may ilang taong walang kamalayan. Bakit ba walang kamalayan ang ilang tao? (Wala silang puso at walang espiritu.) Hindi ba’t ang mga taong walang puso at espiritu ay tulad lamang ng mga hayop? Ang mga taong walang kamalayan sa konsensiya ay tiyak na hindi magiging mga tunay na mananampalataya ng Diyos. Sila ay masasamang taong palihim na pumapasok sa sambahayan ng Diyos at naghahangad na makinabang sa Kanyang mga pagpapala. Ang sinumang taong may puso at espiritu ay may kamalayan; kung sila ay mapapalitan o maililipat, mapagninilayan at makikilala nila ang kanilang sarili. Kapag nakita nila kung saan sila nagkamali, kaya nilang magsisi at magbago. May pag-asa pang maligtas ang ganitong uri ng tao.
Ang pagtupad sa tungkulin ng isang tao ang pinakadakila at pinakamahalagang bagay sa buhay niya. Kailangang kumilos ang isang tao alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi kailanman magplano para sa sarili niyang kapakanan, dahil habang mas nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang kapakanan, lalong naaantala ang kanyang paglago sa buhay. May ilang taong laging nagpaplano: “Kailan ba darating ang araw ng Diyos? Hindi pa ako nakahahanap ng kasintahan; kailan ba ako makapag-aasawa? Kailan ba ako magkakaroon ng sarili kong buhay?” Maraming maliliit na alalahanin sa loob ng bawat tao. Kapag maginhawa ang kanilang laman, sinisimulan nilang pagplanuhan ang kanilang buhay, mga pag-asa, tadhana, at hantungan sa hinaharap. Kung makikita mo ang totoo sa lahat ng ito at makabibitiw ka, bubuti nang bubuti ang pagganap mo sa iyong tungkulin, nang hindi ka napipigilan o naaantala. Halimbawa, sabihin nating inutusan kang maghanda ng pagkain o magpadala ng mga liham para sa iyong mga kapatid, kung kaya mong tingnan ang mga simpleng gawaing ito bilang iyong tungkulin at seryosohin ang mga ito, gampanan ang mga ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bubuti nang bubuti ang pagganap mo sa iyong tungkulin—pagganap ito sa iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Isang aspekto ang paninindigan sa iyong posisyon at pagtupad sa iyong tungkulin; ang isa pang aspekto ay kailangan mo ring malaman kung paano gampanan ang iyong tungkulin at kung ano ang mga prinsipyong susundin. Sa sandaling maarok mo ang mga ito, at kung susundin mo ang mga prinsipyong ito sa mga pang-araw-araw mong gawain, pati na kapag binibigyan ka ng tungkulin o sa proseso ng pagganap dito, sasailalim ka sa isang panloob na pagbabago nang hindi mo man lamang namamalayan. Para itong pag-inom ng gamot kapag may karamdaman ka. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi masyadong bumubuti ang pakiramdam ko kahit dalawang araw na akong nakaiinom ng gamot?” Bakit ka nagmamadali? Hindi naman nabuo ang karamdamang ito sa loob lang ng ilang araw, at hindi rin ito magagamot sa loob lang ng ilang araw. Kailangan nito ng oras. Sinasabi ng ilang tao: “Matagal na panahon na akong nagsasagawa ng katotohanan at kumikilos sa isang maprinsipyong paraan; bakit hindi pa ako nakatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Bakit hindi ko nararamdamang napupuspos ako ng Banal na Espiritu?” Hindi ka pwedeng umasa sa mga pakiramdam dito. Kaya paano mo malalaman kapag naganap na ang mga pagbabagong ito? Malalaman mo kapag, matapos may mangyari sa iyo, padali na nang padali ang pagpapasakop. Noong una ay kinailangan mong magsikap upang makapagpasakop; palagi kang nangangatwiran, nagsisiyasat, at nagsusuri, nagnanais na maghamon at lumaban, at kailangan mong pigilan ang iyong sarili. Ngunit ngayon ay hindi mo na kailangang pigilan ang iyong sarili. Kapag may nangyayari sa iyo, hindi mo na ito sinisiyasat. Kapag may ilan kang kuru-kuro o ideya, nagdarasal ka at nagbabasa ng mga salita ng Diyos upang mapawi at mabitiwan mo ang mga iyon. Mas mabilis at mas madali mong nalulutas ang iyong mga problema. Pinatutunayan nitong nauunawaan mo ang katotohanan at nagbago ka na. Sa umpisa ay isa itong pagbabago sa pag-uugali, ngunit unti-unti itong nagiging pagbabago sa buhay at disposisyon. Padali nang padali ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Bukod pa rito, paunti nang paunti ang iyong mga layunin, intensyon, at plano, unti-unting nababawasan. Gayunman, kung hindi nababawasan ang mga iyon bagkus ay nadaragdagan, mayroong problema. Pinatutunayan nitong sa panahong ito ay hindi ka naghahangad sa katotohanan kundi nagsusumikap lamang. Ang pakiramdam ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay habang mas gumugugol sila ng pagsisikap, mas marami silang makukuhang benepisyo, at mas malaki ang koronang matatanggap nila sa hinaharap. Hindi nila namamalayang sumusunod sila sa landas ni Pablo. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay palaging interesado sa laki ng korona o sinag sa palibot ng kanilang ulo. Ang laging pagtuon sa mga ito ay humahantong sa pagnanais ng mabilisang tagumpay at agarang mga pakinabang. Palagi nilang ninanais na mas magsumikap, iniisip na habang mas iginugugol nila ang kanilang sarili ay mas marami silang matatanggap na pagpapala, na ang matinding pagsisikap ay magdadala ng malalaking pagpapala, na ang pagganap sa mabigat na tungkulin ay magkakamit ng malalaking benepisyo at gantimpala. Magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin kung ito ang lagi nilang pinagtutuunan ng pansin? Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan ay hindi makatutupad sa kanilang tungkulin.
Mayroong mga tagapagpahiwatig ng pagkakaroon ng paglago sa buhay sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Nararamdaman mo rin ito sa iyong puso. Ang mga kaisipan at perspektiba ng mga tao ay sumasailalim sa ilang pagbabago matapos makaranas ng isang panahon ng pagpupungos. Halimbawa, maaari mong sabihing, “Hindi na ako interesado sa personal na pakinabang at kawalan. Tila hindi na mahalaga ngayon kung magbibigay ba ang Diyos ng mga gantimpala, at tila hindi na rin masyadong mahalaga kung tatanggap ba ako ng mga pagpapala sa huli; wala nang puwang sa puso ko ang mga alalahaning ito. Ngayon, kung sasabihin ng Diyos na hindi Niya ako pagpapalain, na gusto Niya akong pinuhin, na pagkaitan ng isang bagay, tila nakapagpapasakop ako. Magkakaroon ng kaunting kalungkutan sa aking puso, ngunit magkakaroon din ng kaunting pagpapasakop.” Ano ang pinatutunayan nito? Na medyo mayroon ka nang may-takot-sa-Diyos na puso, na naiwaksi mo na ang marami sa iyong tiwaling disposisyon, at na nakapagbago ka na talaga. Halimbawa, dati, kung mapipili kang gumanap ng isang tungkulin na nangangailangan ng kaunting paghihirap ng katawan, baka dalawang gabi mo iyong iiyakan. Ngunit ngayon ay nakapagpapasakop ka na matapos lamang lumuha nang kaunti. Naging mas madali nang magpasakop, at hindi ka na natatakot sa paghihirap. Paano nagkaroon ng pagpapasakop na ito? Nagkaroon nito mula sa pagbuo ng normal na kaugnayan sa Diyos, at mula sa unti-unting pagtanggap sa pagpupungos ng Diyos, pati na sa pagtanggap sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Matapos makuha ang resultang ito, ang mga personal mong pagnanais, plano, layunin, at ambisyon ay hindi na gaanong kapansin-pansin, at hindi mo na isinasaalang-alang ang personal na pakinabang at kawalan. Dati ginagawa mong pangalawa, pangatlo, o pang-apat na prayoridad ang mga bagay na ito, ngunit hindi na mahalaga ang mga ito ngayon; hindi mo na isinasaalang-alang ang alinman sa mga ito. Tumindi na ang pagnanais mong magpasakop sa Diyos, at unti-unti mong nasasabing, “Ayos lang sa akin kung anuman ang ibigay sa akin ng Diyos at kung anuman ang nais Niyang bawiin,” na hindi lamang mga walang kabuluhang salita ang mga ito. Tulad nga ng sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” nasasabi mo na rin ito ngayon. Ngunit taglay mo ba ang tayog ni Job? (Hindi.) Maglalakas-loob ka bang magdasal sa Diyos na subukin ka Niya gaya ng ginawa Niya kay Job? Hindi; hindi mo taglay ang pananampalataya o ang tayog para dito. Kapag iniisip mo si Job na puno ng mga bukol, kinakayod ang kanyang mga langib gamit ang isang piraso ng palayok, natatakot at nanginginig ka, iniisip mong, “Siguradong masakit iyon. Huwag sana mangyari sa akin iyon kahit kailan. Hindi ko iyon makakayanan. Hindi ko taglay ang ganoong uri ng pananampalataya.” Hindi ba’t ganito nga? Kaya huwag mong akuin ang bagay na wala kang pananampalataya na panindigan. Huwag kang mainip sa mga resulta at huwag mong isiping may tayog ka. Hayaan mong ihatid ka ng iyong mga paa nang matatag ang mga hakbang, matuto kang tulutang likas na umusad ang mga bagay-bagay, at palalimin mo ang iyong karanasan nang paunti-unti. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, malinaw mong makikita ang mga tiwaling bagay na umiiral sa loob mo, at madali mong mabibitiwan ang mga personal mong kaisipan, intensyon, plano, at layunin. Lalong magiging normal ang kaugnayan mo sa Diyos. Pangunahing nakasalalay ang pagiging normal ng kaugnayan mo sa Kanya sa kung kaya mo bang isagawa ang katotohanan upang magtamo ng pagpapasakop sa Diyos. Tungkol naman sa pagpapasakop, ang ibig sabihin nito ay tuwiran at ganap na pagsunod, pagtanggap, at pagsasagawa, nang walang anumang pagsisiyasat o pakikipagdebate. Ang pagsisiyasat ay hindi pagsunod. At paano naman ang pakikipagdebate? Lalong hindi. Kung sasabihin mong, “Gusto ng Diyos na gawin ko ito sa ganitong paraan, ngunit kahit ganoon, gagawin ko pa rin ito sa aking paraan,” ayos lang ba iyon? (Hindi.) Masahol pa ito sa hindi ayos; hindi ito pagpapasakop. Kailangan mong malaman ang mga praktikal na pagpapamalas ng pagpapasakop, at kung hindi mo kayang isakatuparan ang mga iyon, huwag mong sabihing isa kang taong nagpapasakop sa Diyos. Sa halip, magsalita ka ayon sa antas na iyong nakamit; magsalita ka ng mga obhetibong katunayan. Huwag kang magsalita nang eksaherado at lalo namang huwag kang magsinungaling. Kung mayroon kang hindi maarok, sabihin mo lang na hindi mo ito nauunawaan, at pagkatapos ay hanapin mo ang katotohanan upang maunawaan mo ito; palagi namang magkakaroon ng oras para talakayin mo ito kalaunan. May ilang tao na malinaw namang hindi ito kayang gawin pero mayabang pa ring magsalita, nagsasabing nagpapasakop sila sa Diyos. Hindi ba’t mapagmataas ito at hindi makatwiran? Isa itong bagay na hilig sabihin ng mga taong hindi naghahangad at hindi nakauunawa sa katotohanan. Kapag nakikita nilang tinalikdan ng isang tao ang pamilya nito at gumagawa ito upang gampanan ang tungkulin nito, sinasabi nila, “Tingnan ninyo kung gaano kamahal ng taong iyon ang Diyos.” Mga salita ito ng isang hangal, at ganap siyang walang anumang pagkaunawa sa katotohanan. Nangangahas ba kayong maghayag na kayo ay taong nagpapasakop at nagmamahal sa Diyos ngayon? (Hindi.) Kung gayon ay may kaunti kayong kamalayan sa inyong sarili. Palaging sinasabi ng mga mapagmataas at hindi makatwirang hangal na nagmamahal at nagpapasakop sila sa Diyos, at kapag nagsasakripisyo sila nang kahit kaunti o nagtitiis ng kung anong maliit na paghihirap, iniisip nila: “Ginantimpalaan ba ako ng Diyos? Napagpala ba ang aking pamilya? Makapapasok ba ang aking mga anak sa kolehiyong gusto nila? May pag-asa bang tumaas ang posisyon at suweldo ng asawa ko? May anumang napala ba ako sa mga tungkuling tinupad ko sa nakaraang dalawang taong ito? Napagpala ba ako? Makakukuha ba ako ng korona?” Ang palaging pagpaplano para sa mga bagay na ito—isa ba itong pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang inyong pagkaunawa sa paghahangad sa katotohanan? (Upang hangarin ang katotohanan, kailangan naming matukoy ang aming mga tiwaling disposisyon, maghangad ng pagbabago sa aming mga disposisyon, at mamuhay na tulad ng isang tunay na tao.) Sa katunayan, wala ka nang ibang kailangang suriin, at hindi ito kailangang maging masyadong komplikado; obserbahan mo lang kung, sa panahon ng pagganap mo sa iyong tungkulin, nagkaroon ka ba ng anumang pagpapasakop at katapatan, kung ginawa mo ba ito nang buong puso at lakas mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Malinaw na matutukoy ng mga pamantayang ito kung isa ka bang taong naghahangad sa katotohanan. Kung ang isang tao ay labis na nagsisikap sa pagganap sa kanyang tungkulin ngunit nilalabanan niya at hindi gustong isagawa ang katotohanan, hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. May ilang taong palaging nagsasalita tungkol sa lahat ng bagay na ginagawa nila para sa iglesia, kung gaano kalaki ang naging mga ambag nila sa sambahayan ng Diyos. Nagsasalita pa rin sila tungkol sa mga ito kahit matapos nilang sumampalataya sa Diyos nang ilang taon—mga tao ba itong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kaawa-awa ang mga taong tulad nito! Napakababa ng kanilang mga tayog, at kailanman ay hindi sila lumalago. Wala silang buhay. Bakit ba labis pa ring nagsisikap ang mga taong walang buhay? (Upang makatanggap ng mga pagpapala.) Tama. Pinamamahalaan sila ng mga personal nilang ambisyon at pagnanais. Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kailanman ay hindi nila mabibitiwan ang mga bagay na ito. Alam ninyo, dumadalo rin sila sa mga sermon at nakikinig sa ibang magbahagi tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon, kaya bakit hindi sila makaunawa? Araw-araw, iniisip-isip nila, “Paano ba ako mas makapakikinig, mas makapagbabasa, mas makaaalala, at pagkatapos ay mas makapagsasalita kapag gumagawa ako? Kapag nagkagayon ay nakagawa na ako ng mabubuting gawa at matatandaan na ako ng Diyos, at makatatanggap ako ng mga pagpapala.” Sa huli, ginagawa ang lahat ng ito upang makatanggap ng mga pagpapala. At naniniwala ang taong ito na magiging makatwiran ang pagtanggap ng mga pagpapala. Sa sandaling ang isang taong naghahangad sa katotohanan ay makaunawa at makapagtamo ng katotohanan, hindi na siya naghahangad ng mga pagpapala; naniniwala siyang hindi makatwiran ang paggawa niyon. Ano ang mga pagpapalang matatanggap mo kung hindi man lang nagbago ang tiwaling disposisyon mo at kung wala kang anumang pagpapasakop sa Diyos? Sino ang magbibigay sa iyo ng mga pagpapala? Paano ba nagkakaroon ng mga pagpapala? (Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga iyon.) At kung hindi Niya ibibigay sa iyo ang mga iyon, maaagaw mo ba mismo ang mga iyon mula sa Kanya? (Hindi.) May ilang tao pa ngang nagnanais na sapilitang kuhanin ang mga iyon; hindi ba’t kahangalan ito? Karamihan sa mga tao ay naniniwalang masyado silang mautak, ngunit hindi sila handang higit na hanapin ang katotohanan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Paano sila makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos nang ganito? Sa labis na pagkamautak nila ay nakasasama na ito sa kanila!
Agosto 28, 2018