C. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa mga Relihiyosong Pagkaintindi, Erehiya, at Kamalian ng Tiwaling Sangkatauhan
135. Sa pananampalataya sa Diyos, paano dapat makilala ng isang tao ang Diyos? Dapat niyang makilala ang Diyos batay sa mga kasalukuyang salita at gawain ng Diyos, nang walang paglihis o pagiging walang-katotohanan, at, bago ang lahat, dapat niyang makilala ang gawain ng Diyos, na ang pundasyon ng pagkakilala sa Diyos Mismo. Lahat yaong iba’t ibang maling kaisipan salat sa dalisay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos ay mga relihiyosong kuru-kuro; ang mga ito ay mga baluktot na pagkaunawa. Ang pinakamalaking kasanayan ng mga tao sa relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na naintindihan noong nakaraan at pagkumpara ng mga salita ng Diyos ngayon sa mga ito. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging isang uri ng lipas na pagsasagawa, walang iba kundi mga ritwal na panrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay katumbas ng pagpapakita ng pagkapaimbabaw. Tumutukoy sa mga bagay na luma na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag ng direktang kaliwanagan ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang paggunita ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nakikilala mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo magawang tanggapin ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
136. Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi nagpupunan sa isa’t isa; ang bawat yugto ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral na natutunan ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa lubusang napapakilala ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao—kasama ng pagkalat, na nagaganap sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyonal na teorya na sumasaklaw mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan—ay naging mas paborable sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Masasabi na, sa buong panahon ng pananampalataya ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong personalidad na naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos—hindi ito kailanman bumubuo ng mga regulasyon; sa halip, patuloy itong sumasailalim sa iba’t ibang antas ng pagbabago at pagpapanibago. Ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay isang pagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan ng paggawa kung paano naisasakatuparan ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa aktuwal ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano nananampalataya ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga regulasyon at mga sistema, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Hindi gusto ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi makalakad. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga “gusto” ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil sa katigasan ng ulo ng tao, o marahil dahil sa pagiging hindi nalalabag ninuman ang mga atas administratibo ng Diyos, kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala na parang walang nanonood. Bagama’t mayroong gayong mga antagonistikong kontradiksiyon, na imposibleng malutas, hindi binibigyang-pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, kumakapit pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagama’t hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga “paa” ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang “pinakamatinding kaaway” ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang “kampeon” ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang kayang makipagtunggali sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito nang paunti-unti kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at lalong hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa pagbuo ng napakaraming produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at luma, maka-Diyos na pananampalataya ng tao, at hindi man lamang naiisip na bigyang-pansin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay nagmumula sa paglaganap dahil sa tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga pag-iisip at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at maluma. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? Na mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitiwan ang mga ito ay dahil sa kabiguan mo na maarok ang mga bagay-bagay—hindi ito dahil hindi makatwiran ang gawain ng Diyos, ni dahil sa ang Kanyang gawain ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, lalong hindi dahil hindi kailanman inaasikaso ng Diyos ang Kanyang marapat na gawain. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagpapasakop, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikha; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at sakuna. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na magkaroon ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na maging bago ka at dumaan sa pagbabago sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang pusong may takot sa Diyos, at napakatindi ng paghihimagsik mo. Isang maliit na nilikha, na nangangahas na kumuha ng maliit na bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, at bumaligtad at gamitin ito upang atakehin ang Diyos—hindi ba’t ito ang paghihimagsik ng tao? Tamang sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, sinaunang pananalita gaya ng nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba’t mas lalo pang walang halaga ang mga ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
137. Palaging sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagama’t hindi nagbabago ang layunin ng Kanyang gawain, palaging nagbabago ang pamamaraan ng Kanyang paggawa; kaya naman, yaong mga sumusunod sa Diyos ay palagi ring nagbabago. Kapag mas marami ang gawaing ginagawa ng Diyos, mas kompleto ang pagkakilala ng tao sa Diyos. Ang mga katumbas na pagbabago ay nagaganap din sa disposisyon ng tao kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga balighong taong hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging mga taong lumalaban sa Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, sapagkat ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma, at hindi Niya inuulit kailanman ang lumang gawain, kundi sa halip ay gumagawa ng gawaing hindi pa Niya kailanman nagawa noon. Dahil hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging hinuhusgahan ng tao ang kasalukuyang gawain ng Diyos batay sa gawaing Kanyang ginawa noong araw, naging napakahirap na isakatuparan ng Diyos ang bawat yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming problema ng tao! Masyado siyang makaluma sa kanyang pag-iisip! Walang sinumang nakakaalam sa gawain ng Diyos, subalit nililimitahan iyon ng lahat. Kapag nililisan ng tao ang Diyos, nawawalan siya ng buhay, katotohanan, at mga pagpapala ng Diyos, sa kabila niyon ay hindi siya tumatanggap ng buhay ni ng katotohanan, lalo na ng mas malalaking pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Nais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos, subalit hindi nila tinutulutan ang anumang mga pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, na nananatili itong nakatigil magpakailanman. Sa kanilang pananampalataya, ang kailangan lamang para matamo ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sundin ang kautusan, at basta’t pinagsisisihan at ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan, palaging matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Naniniwala sila na ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila, ang Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring lumampas sa Bibliya. Ang mga pag-aakalang ito mismo ang gumapos sa kanila nang mahigpit sa mga lumang kautusan at nagpako sa kanila sa mga patay na regulasyon. Mas marami pa ngang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong patunayan ng mga propesiya, at na sa bawat yugto ng gayong gawain, lahat ng sumusunod sa Kanya nang may “tunay” na puso ay kailangan ding pakitaan ng mga paghahayag; kung hindi, ang gawaing iyon ay hindi maaaring maging gawain ng Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Dagdag pa ang kakatwang puso ng tao at ang kanyang mapaghimagsik na kalikasan na labis na pagpapahalaga sa sarili at kapalaluan, lalong nagiging mas mahirap para sa kanya na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi sinisiyasat nang maingat ng tao ang bagong gawain ng Diyos, ni hindi niya ito tinatanggap nang mapagkumbaba; sa halip, nagtataglay siya ng saloobin ng paghamak dito at naghihintay ng mga paghahayag at paggabay ng Diyos. Hindi ba’t ang mga ito ang mga pagpapamalas ng paghihimagsik at paglaban ng tao sa Diyos? Paano makakamit ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
138. Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang mahigpit na sundan ang bawat yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Tanging ang mga tao na gumagawa nito ang talagang naghahanap sa tunay na daan, ang mga nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na kumakapit sa mga salita at mga doktrina ay iyong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, kung ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at sumusunod nang mahigpit, kung gayon, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ang gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang anumang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi humihinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman tumitigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Pagkatapos magkamit lamang ng kaunting gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting pagkakilala, hindi na siya nagpapatuloy sa “pagsubaybay” sa mas bagong gawain ng Diyos; pagkatapos makakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad niyang nililimitahan ang Diyos sa pagiging isang partikular na rebultong kahoy, at naniniwala siya na palaging pananatilihin ng Diyos ang imaheng ito na nakikita niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting mababaw na pagkakilala, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang iproklama ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at pagkatapos makatiyak tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpoproklama ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga taong gaya nito ay hindi kayang tumanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “manampalataya lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “nananampalataya lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit lumalaban sa Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tumatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao? Ang mga tao sa Kristiyanismo sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng kasalukuyan ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, ipinagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang kani-kanilang mga kahilingan. Subalit hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung bakit dadalhin sila paitaas ng Diyos sa ikatlong langit, o kung paano sila kukunin ni Jesus nang nakasakay sa puting ulap, lalong hindi sila lubos na nakatitiyak kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang inilalarawan sa isip. Lahat sila ay nababahala, at hindi alam ang gagawin; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay dadalhin paitaas ng Diyos, ang iba’t ibang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang mga layunin ng Diyos—wala silang pagkaarok sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang ginagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Kordero hanggang sa pinakahuli ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang “matatalinong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila, nang walang anumang dahilan, ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na dadalhin sila paitaas ng Diyos sa langit, silang “mayroong buong katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “buong katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang nilalabanan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at kasamaan. Iyong mga hindi kayang sumunod hanggang sa pinakahuli, at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu at kumakapit lamang sa lumang gawain, ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging iyong mga sumasalungat sa Diyos, iyong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at iyong mga mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensiya. Ang mga taong ito, na ang pinagtutuunan lang ay “konsensiya,” pero hindi kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay masisira ang kanilang kinabukasan ng kanila mismong mga konsensiya. Maging ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga regulasyon sa Kanyang gawain, at bagama’t ito nga ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Iyong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano iyong dapat itiwalag ay itinitiwalag. Ngunit pinanghahawakan pa rin ng tao ang iisang maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos upang salungatin Siya. Hindi ba’t baligho ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng mga pagpapala, mas wala silang kakayahang magkamit ng mas maraming pagpapala, at hindi nila kayang tumanggap ng pangwakas na pagpapala. Iyong mga taong matigas na kumakapit sa kautusan ay pawang nagpapakita ng buong katapatan sa kautusan, at kapag mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, mas mapaghimagsik sila na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ay ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maipagkukumpara, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi ang kumapit sa kautusan o magpasan ng krus. Samakatwid, ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
139. Ang mga tao, na sumailalim sa pagkakatiwali, ay namumuhay sa patibong ni Satanas; lahat sila ay namumuhay sa laman, namumuhay sa mga makasariling pagnanais, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Ang mga nagsasabing kaayon Ko sila ay pawang sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagama’t sinasabi nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil silang lahat ay likas na laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga kasulatan nang pikit-mata. Nililimitahan nila sa loob ng mga hangganan ng Bibliya ang isang malabong diyos na sadyang hindi pa nila nakikita, at na sa pundamental ay hindi nila makita, at sa kanilang libreng oras, inilalabas nila ang Bibliya at binabasa. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Kasulatan. Masasabing nakikita nilang masyadong mahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahanap nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagtugma sa mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay hindi Ko gawain nang walang eksepsiyon. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang kautusan ni Moises upang kondenahin si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi tinrato nila ang bawat artikulo ng kautusan nang may gayong kaseryosohan na—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa kautusan ng Lumang Tipan at hindi pagiging Mesiyas—sa huli ay ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Binigyang-pansin lang nila ang bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang-pansin ang mga layunin Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanampalataya sa Diyos, kundi mga taong nanampalataya sa Bibliya. Sa mas malinaw na pananalita, sila ay mga asong-bantay ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, upang itaguyod ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong pa nga sa puntong ipinako nila ang mahabaging si Jesus sa krus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang sarili nilang kinabukasan at hindi makamit ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa mga tuntunin ng Kasulatan, ng kamatayan. Hindi ba’t silang lahat ay mga alipores ng bawat salita ng Kasulatan?
At paano naman ang mga tao ngayon? Mas pipiliin nilang patalsikin sa mundong ito si Cristo na pumarito upang ilabas ang katotohanan, upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas pipiliin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, at mas pipiliin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaminsala ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako sa gitna ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinasisinag Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang poot Ko sa tao, mas lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hanapin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tumitingala ang tao sa Akin sa langit at naglalaan ng espesyal na atensiyon sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagpapahalaga sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang masyadong maliit ang halaga. Yaong mga naghahanap lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at yaong naghahanap lamang na maging kaayon ng isang malabong diyos ay mga mababa sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang diyos na ilalagay ang sarili niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Sadyang napakababa ng tao, na hindi mailarawan sa salita. Yaong mga laban sa Akin, yaong mga gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, yaong mga walang pagmamahal sa katotohanan, yaong mga mapaghimagsik sa Akin—paano sila magiging kaayon Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo
140. Kung ginagamit ninyo ang mga kuru-kuro ninyo upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, ganap na nililimitahan ang Diyos sa Bibliya at ipinipirmi Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na kinondena na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng mga tao ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, sinesentensiyahan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Inosente ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na hayaan Siyang mabuhay, at nagpumilit na sentensiyahan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at nililimitahan Siya batay lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may lubos na pagkaarok ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay sukdulan ang pagiging katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay may kakaibang husay sa panghahambog. Gaano man katayog ang pagkakilala mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isang taong pinakalumalaban sa Diyos, at na kinondena mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at makalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Ito ay dahil hindi kailanman kilala ng tao ang Diyos, napakarami niyang kuru-kuro, at ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa realidad kahit kaunti, kundi batay sa pormula at paulit-ulit lang, at mekanikal na kinopya at mahigpit na inilapat. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
141. Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga naghangad at umasa sa Kanya sa loob ng libo-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli niyang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libo-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Hudyo, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng pagsalangsang ng tao at iligtas ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus na Tagapagligtas—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman nagagalit sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas dahil sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at inaasahan Siya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa napakasayang araw na iyon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang magpakita sa harap ng di-mabilang na mga tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at muling pagkabuhay, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libo-libong taon, at tataglayin Niya ang wangis at pananamit ng mga Hudyo. Matapos magpakita sa kanila, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at magbubuhos ng tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng mapagmahal na kabaitan, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ang ginawa Niya ay mismong salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi Siya dumating sa mga labis na naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa di-mabilang na mga tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi Siya kilala ng tao, at nananatiling walang alam ang tao rito. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon—hindi nalalaman ng tao na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang puting ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Paano ba naman malalaman ng tao na bagama’t ang banal na Tagapagligtas na si Jesus ay puno ng mapagmahal na kabaitan at pagmamahal para sa tao, imposibleng makagawa Siya sa mga “templong” iyon na puno ng karumihan at pinaninirahan ng maruruming espiritu? Bagama’t hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng mga di-matuwid, umiinom ng dugo ng mga di-matuwid, at nagsusuot ng mga damit ng mga di-matuwid, na nananampalataya sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy Siyang hinuhuthutan? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng mapagmahal na kabaitan at nag-uumapaw sa habag, at na Siya ang handog para sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagiging matuwid, pagiging maharlika, pagkapoot, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanyang mga panalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga nananampalataya sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
142. Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at tatawagin pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa wangis ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Kaya ba ng Banal na Espiritu na kumapit sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga kuru-kuro, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal na kahulugan, at ayon din sa kanyang mga imahinasyon; ang mga ito ay hindi kaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi katugma sa mga kaisipan ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi ganoon kamangmang at kahangal ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi kasingpayak ng iyong iniisip. Ayon sa mga imahinasyon ng mga tao, darating si Jesus na nakasakay sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan din ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at tatanggapin sa langit. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga kuru-kuro ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao o Siya ay gumagawa nang salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tao? Kung ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kauri Siya ng mga nilikha? Dahil ang mga nilikha ay nagawa na ngayong napakatiwali ni Satanas, at ang tao ay naging pagsasakatawan na ni Satanas, kung gagawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya ni Satanas? Paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi kailanman gagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Maaaring sabihin mo na ang Diyos Mismo ay nagsabi na Siya ay darating sakay ng ulap. Totoo na sinabi ito ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang lubusang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na binigyang-liwanag at tinanglawan ka ng Banal na Espiritu? Tiyak na hindi itinagubilin sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang Banal na Espiritu ba ang nagtagubilin sa iyo ng mga ito, o ang mga sarili mong kuru-kuro ang nagdulot sa iyo na isipin ito? Maaaring sabihin mo na, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling kuru-kuro at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para naman sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka naglalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas dakila, si Jesus o si Isaias? Yamang ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang Kanyang gawain nang pauna? Wala ni isang nilikha ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
143. Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga Pariseo ng panahon na iyon, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilatis ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Magagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay pawang may kakayahang gumawa ng mga kilos ng paglaban kay Jesus, pagtanggi kay Jesus, at paninira kay Jesus. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Higit pa riyan, kaya nilang ituring na panlilihis ni Satanas ang pagbabalik ni Jesus, at karamihan ng mga taong ito ang kokondena kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagpunit sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtaboy sa lahat ng salitang ipinahayag ni Jesus. Ano ang makakamit ninyo kay Jesus kung gulong-gulo ang inyong pag-iisip? Paano ninyo mauunawaan ang gawaing ginagawa ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag mamulat? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng mga puting ulap, ay tiyak na ang mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu, at tiyak na sila ang kategoryang wawasakin. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa ninyo kailanman nasunod ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo kailanman natanggap ang katotohanang ipinahayag ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao. Ano ang gagamitin ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang sinseridad ba sa inyong paulit-ulit na pagkakasala, at pagkatapos ay sa paulit-ulit ding pagtatapat sa salita lamang? Ano ang iaalay ninyo bilang sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang kapital ba ng maraming taon ng paggawa kung saan itinataas ninyo ang inyong sarili? Ano ang gagamitin ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang mayabang na kalikasan, na hindi nagpapasakop sa anumang katotohanan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
144. Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay nasa pag-iisip at mga kuru-kuro, ang inyong mga pagsusumikap ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, at kung gayon, ano kaya ang katangian ng inyong pananalig? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano matakot kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng panlilihis ng tao. Ang alam mo lamang ay kondenahin ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kababaang-loob? Nasaan ang iyong pagpapasakop? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong saloobin na hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na ang kategoryang wawasakin. Yaong mga walang kakayahang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang wawasakin magpakailanman. Maraming tao ang maaaring walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat diumano’y banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata na bumababa si Jesus mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging panahon ng pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding kasabikan para sa iyo. Gayumpaman, dapat mong malaman na sa sandaling masaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit, iyon din ang sandali ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan, ang panahon kung kailan ang katapusan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay naproklama na, at kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nadala na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagkakaloob ng buhay at ng tunay na daan. Kaya nga maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan na Siyang nagbalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang mga gayong basura? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong arbitraryong gumawa ng agarang kongklusyon; higit pa riyan, huwag kayong maging kaswal at pabasta-basta sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na gumagawa ng agarang kongklusyon o kinokondena ito ay mayayabang na tao. Walang sinumang nananampalataya kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging mga taong may katwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at mabasa ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong pagkaunawa at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa isa sa 10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan din kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag maging labis na mapagpahalaga sa sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, pagkatapos lang magbasa ng ilang pangungusap, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay masyadong mangmang! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kitang magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil lamang lilitaw ang mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang nakakapanghinayang? Kung, matapos ang paulit-ulit na pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at wala kang mga pagpapala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
145. Hindi ka pa masyadong matagal na nananampalataya sa Diyos, subalit napakarami mong kuru-kuro tungkol sa Kanya, hanggang sa hindi ka nangangahas kahit saglit na isipin na mamarapatin ng Diyos ng mga Israelita na biyayaan kayo ng Kanyang presensya. Lalo pang hindi kayo nangangahas na isipin kung paano ninyo makikita ang Diyos na magpakita nang personal, dahil sukdulang marumi kayo. Ni hindi ninyo naisip kahit kailan kung paano maaaring personal na bumaba ang Diyos sa isang lupain ng mga Hentil. Dapat Siyang bumaba sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo at magpakita sa mga Israelita. Hindi ba kinamumuhian Niya ang lahat ng Hentil (ibig sabihin, ang mga tao sa labas ng Israel)? Paano Siya personal na gagawa sa gitna nila? Lahat ng ito ay mga kuru-kuro na malalim nang nag-ugat sa inyo sa paglipas ng maraming taon. Ang layunin ng paglupig sa inyo ngayon ay upang durugin ang mga kuru-kuro ninyong ito. Sa gayon ninyo namamasdan ang personal na pagpapakita ng Diyos sa gitna ninyo—hindi sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo, kundi sa mga taong hindi pa Niya nagabayan dati. Matapos isagawa ng Diyos ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, ang mga Israelita pati na ang lahat ng Hentil ay nagkaroon ng kuru-kuro na samantalang totoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, gusto lamang Niyang maging Diyos ng mga Israelita, hindi Diyos ng mga Hentil. Naniniwala ang mga Israelita sa mga sumusunod: Ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos namin, hindi Diyos ninyong mga Hentil, at dahil hindi kayo natatakot kay Jehova, si Jehova—ang aming Diyos—ay kinasusuklaman kayo. Lalong naniniwala ang mga Hudyong iyon sa mga sumusunod: Ang Panginoong Jesus ay kamukha naming mga Hudyo at Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng tanda ng mga Hudyo. Sa gitna namin gumagawa ang Diyos. Magkatulad ang wangis ng Diyos at ang aming larawan; ang aming larawan ay hawig sa Diyos. Ang Panginoong Jesus ang Hari naming mga Hudyo; ang mga Hentil ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang Panginoong Jesus ang handog para sa kasalanan para sa aming mga Hudyo. Batay lamang sa dalawang yugtong iyon ng gawain nabuo ng mga Israelita at Hudyo ang lahat ng kuru-kuro na ito. Mapagmataas nilang inaangkin na sa kanila lamang ang Diyos, at hindi pumapayag na ang Diyos ay Diyos din ng mga Hentil. Sa ganitong paraan, naging isang blangko ang Diyos sa puso ng mga Hentil. Ito ay dahil lahat ay naniwala na ayaw ng Diyos na maging Diyos ng mga Hentil at ang tanging gusto Niya ay ang mga Israelita—ang mga taong Kanyang hinirang—at ang mga Hudyo, lalo na ang mga disipulong sumunod sa Kanya. Hindi ba ninyo alam na ang gawaing ginawa nina Jehova at Jesus ay para manatiling buhay ang buong sangkatauhan? Kinikilala mo na ba ngayon na ang Diyos ay Diyos ninyong lahat na isinilang sa labas ng Israel? Hindi ba narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon? Hindi ito maaaring maging isang panaginip, hindi ba? Hindi ba ninyo tinatanggap ang katunayang ito? Hindi kayo nangangahas na maniwala rito o pag-isipan ito. Ano man ang tingin ninyo rito, hindi ba narito mismo ang Diyos sa inyong piling? Hindi pa rin ba kayo nangangahas na maniwala sa mga salitang ito? Simula sa araw na ito, hindi ba lahat ng taong nalupig at lahat ng nais maging tagasunod ng Diyos ay mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba lahat kayo, na mga tagasunod ngayon, ang mga taong hinirang sa labas ng Israel? Hindi ba kapareho ng sa mga Israelita ang inyong pagkakakilanlan? Hindi ba ang lahat ng ito ang dapat ninyong kilalanin? Hindi ba ito ang layon ng gawain ng panlulupig sa inyo? Dahil nakikita ninyo ang Diyos, Siya ang magiging Diyos ninyo magpakailanman, mula simula hanggang sa hinaharap. Hindi Niya kayo aabandonahin, basta’t handa kayong lahat na sumunod sa Kanya at maging Kanyang tapat at mapagpasakop na mga nilikha.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)
146. Kapag binitiwan mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi awtomatikong katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nabuo sa imahinasyon ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman, sa paglipas ng mga kapanahunan, ay naging lipas na, dapat itong iwaksi. Ang lumang kaalaman ay bahagi ng mga kuru-kuro ng mga tao, at hinahadlangan sila nito sa pagpasok sa bagong gawain. Kung kaya ng isang tao na tratuhin nang tama ang lumang kaalamang ito, at nagagawa niyang pagsamahin ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay aktuwal na nagiging tulong sa kanila, nagiging batayan ng kanilang pagpasok sa bagong kapanahunan. Hinihingi ng aral ng pagkakilala sa Diyos na magpakadalubhasa ka sa maraming prinsipyo: paano pumasok sa landas ng pagkakilala sa Diyos, aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan upang makilala ang Diyos, at paano mo iwawaksi ang iyong mga kuru-kuro at dating mga disposisyon upang makapagpasakop ka sa lahat ng pagsasaayos ng bagong gawain ng Diyos. Kung ginagamit mo ang mga prinsipyong ito bilang pundasyon para makapasok sa leksyon ng pagkakilala sa Diyos, lalalim nang lalalim ang iyong pagkakilala. Kung malinaw ang iyong pagkakilala sa tatlong yugto ng gawain—na ibig sabihin, sa buong plano ng pamamahala ng Diyos—at kung kaya mong lubusang iugnay ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang yugto, at makita na ito ay gawaing ginawa ng iisang Diyos, magkakaroon ka ng pinakamalalim na pundasyon sa lahat. … Kung makikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinasagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkakaibang panahon, sa magkakaibang lugar, at sa magkakaibang tao; kung makikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginagawa ng iisang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng iisang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng iisang Diyos—kung tiyak na masasabi ng tao na gawain ito ng iisang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Hindi malinaw sa tao ang tungkol sa mga pangitain, kilala lamang niya si Jehova bilang Diyos at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip siya tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng kasalukuyan. Dahil dito, maraming tao ang nakakapit pa rin sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng kasalukuyan, at karamihan ng tao ay palaging hindi nakatitiyak, at hindi sineseryoso ang gawain ng kasalukuyan. Walang mga kuru-kuro ang tao sa naunang dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyon ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng naunang dalawang yugto ng gawain, at hindi niya nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita kaya iniisip ng tao ang gusto niyang isipin; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtatama sa mga ito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang lagay ng loob, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon. Walang mga katunayang magbeberipika sa kanyang mga imahinasyon, kaya ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” may batayan man ang mga ito o wala. Sa gayon ay nananampalataya ang tao sa sarili niyang diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi niya hinahangad ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng pananampalataya, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng pananampalataya. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga pananampalataya dahil hindi pa niya nakita ang praktikal na gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong isang taon pa lamang na mga mananampalataya ay nananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro, at totoo rin ito para sa mga nananampalataya sa Diyos sa loob ng buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananalig kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na siya sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kurong ito ay mula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, pinapakawalan niya ang mga kuru-kuro na nabuo sa loob ng maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitiwan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro ng marami na sumunod sa Diyos hanggang kasalukuyan sa bawat hakbang ng gawaing ito ay naging lalong mas malubha, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkamuhi para sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng pagkamuhing ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Hindi pinahihintulutan ng mga katunayan na bigyang-laya ng tao ang kanyang imahinasyon, lalong hindi nagpaparaya ang mga ito sa anumang basta-bastang pagpapabulaan, at hindi matitiis ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang pag-iral ng mga katunayan; bukod pa riyan, hindi pinag-iisipan ng tao ang pagiging tama at totoo ng mga katunayan, at patuloy lamang na pinakakawalan ang kanyang mga kuru-kuro at bumubuo ng kanyang sariling mga imahinasyon. Dahil mismo rito kaya ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ngayon, gawain na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Masasabi lamang na pagkakamali ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing pagkakamali ng gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
147. Sinasabi ng mga tao, “Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao?” Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan Ko ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayumpaman, ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay pawang naglalaman ng mga angkop na kondisyon, at na ang Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Hindi mahalaga sa Akin ang iyong senyoridad o kung gaano na karami ang karanasan mo; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw sa katotohanan o hindi. Kung wala kang katotohanan, at sa halip ay nagbibigay-kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi ka kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang alalahanin o malasakit, kung gayon sa panahong iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung sumunod ka sa lahat ng salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at nakasama Siya sa pagdanas ng mga pagkakataong mabubuti at masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip ang tungkol sa pagsasabuhay ng isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang mga nakamit, nagtiis ako ng paghihirap; tiyak na tatandaan Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi sumusunod sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang eksepsiyon! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; sa huli, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Sumunod ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagiging matuwid na iyong sinasabi ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid, na Ako ay patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at magkakamit ng Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Ang mga sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan; sila, na pagkatapos Kong malupig, ang naghahanap ng katotohanan at ginagawang perpekto. Ilang hinihingi ang natugunan mo? Natugunan mo lang ang hinihingi na sumunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay sumunod sa Aking mga salita? Natugunan mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensiyon na tugunan ang natitirang apat. Natagpuan mo lang ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at naghangad ka nang may saloobin na umaasa lamang na suwertehin. Sa gayong tao na katulad mo, ang Aking matuwid na disposisyon ay nangangahulugan lang ng pagkastigo at paghatol, at matuwid na retribusyon; nangangahulugan ito ng matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama. Ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay ipinapahayag sa kaparusahan ng tao, ang tao ay matitigilan, at makadarama ng pagsisisi na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya sumunod sa Kanyang daan. “Noong panahong iyon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi ko sinunod ang daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Ano’t anuman, nakasunod naman ako sa Iyo hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging masyadong matinding pagkastigo, at pagkatapos Mo akong kastiguhin, nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad ng mga masasawi; iyong mga masasawi ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinasabi. Hindi ito sitwasyon kung saan ang mga maayos na umaamin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagiging matuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nalalabag ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng pagkasuklam ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nagbabago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Iyon ang panahon na ang hantungan ng tao ay mabubunyag; ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi na gagawin, at ang retribusyon ay ilalapat sa bawat isa sa mga gumagawa ng kasamaan. Ang ilan ay nagsasabi, “Naaalala ng Diyos ang lahat ng madalas na nasa tabi Niya. Hindi Niya makakalimutan ang sinuman sa atin. Tayo ay binigyang-katiyakan na magawang perpekto ng Diyos. Hindi Niya tatandaan ang sinuman sa mga nasa ibaba. Tiyak na ang mga kabilang sa mga tao sa ibaba na gagawing perpekto ay mas kakaunti kaysa sa atin, tayo na madalas na makipag-ugnayan sa Diyos; hindi makakalimutan ng Diyos ang sinuman sa atin, lahat tayo ay itinuturing ng Diyos na karapat-dapat, at tayo ay tiniyak na gagawing perpekto ng Diyos.” Lahat kayo ay may gayong mga kuru-kuro. Ito ba ay pagiging matuwid? Isinagawa mo ba ang katotohanan o hindi? Talagang nagkakalat ka ng walang batayang mga tsismis na gaya nito—wala kang kahihiyan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
148. Dapat ninyong malaman na nilalabanan ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalos-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong paglaban sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko, hinuhusgahan ang mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, nagkokomento at gumagawa ng mga walang galang na pahayag; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katwiran sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain, at sinusubukan din nilang turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paanong makikilala ng gayong mga taong walang katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang nasa proseso ng paghahanap at pagdanas; ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos, mas nababawasan ang paglaban nila sa Kanya. Sa kabaligtaran, kapag mas kakaunti ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos, mas malamang na labanan nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong kalikasan, at ang iyong pagkatao, karakter, at moral na pananaw ang puhunan ng paglaban mo sa Diyos, at kapag mas tiwali ang iyong moralidad, lalong ubod ng sama ang iyong karakter, at kapag mas mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may disposisyong nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ay mas lalo pang kaaway ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ay mga anticristo. Kung hindi naitatama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang mahihiwalay sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
149. Simula nang dumating ang katunayan ng pagiging tao ni Jesus, pinaniniwalaan ng tao na hindi lamang ang Ama ang nasa langit, kundi pati ang Anak, at maging ang Espiritu. Ito ang kumbensiyonal na kuru-kuro ng tao, na may isang Diyos na ganito sa langit: isang santatlong Diyos na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ang mga tao ay pawang may mga kuru-kurong ito: Ang Diyos ay iisang Diyos, ngunit binubuo ng tatlong bahagi, na itinuturing ng lahat ng lubhang nakabaon sa kumbensiyonal na mga kuru-kuro na ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang tatlong bahaging iyon lamang na pinag-isa ang kabuuan ng Diyos. Kung wala ang Banal na Ama, hindi magiging buo ang Diyos. Gayundin, hindi magiging buo ang Diyos kung wala ang Anak o ang Banal na Espiritu. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala sila na hindi maituturing na Diyos ang Ama lamang ni ang Anak lamang. Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu na magkakasama lamang ang maituturing na Diyos Mismo. Ngayon, lahat ng relihiyosong mananampalataya, at maging ang bawat tagasunod sa inyo, ay ganito ang paniniwala. Subalit, hinggil sa kung tama ang paniniwalang ito, walang sinuman sa inyo ang makapagpapaliwanag, sapagkat palagi kayong nababalot ng kalituhan tungkol sa mga bagay na patungkol sa Diyos Mismo. Kahit pagdating sa kaalaman batay sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ninyo alam kung tama o mali ito, sapagkat masyado na kayong nahawahan ng mga relihiyosong kuru-kuro. Napakalalim na ng pagtanggap ninyo sa mga kumbensiyonal na kuru-kuro na ito ng relihiyon, at nakapasok na nang husto ang lasong ito sa inyong kalooban. Samakatwid, sa bagay na ito ay bumigay na rin kayo sa mapaminsalang impluwensiyang ito, sapagkat wala naman talagang santatlong Diyos. Ibig sabihin, wala talagang Trinidad na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Lahat ng ito ay mga kumbensiyonal na kuru-kuro ng tao, at mga walang-katotohanang paniniwala ng tao. Sa loob ng maraming siglo, naniwala na ang tao sa Trinidad na ito, inimbento ng mga kuru-kuro sa isipan ng tao, na gawa-gawa ng tao, at hindi pa dating nakita ng tao. Sa maraming taong nagdaan, marami nang tagapaglahad ng Bibliya ang nagpaliwanag sa “tunay na kahulugan” ng Trinidad, ngunit ang gayong mga paliwanag tungkol sa santatlong Diyos bilang tatlong magkakaibang persona ay malabo at hindi malinaw, at nalilito ang lahat ng tao sa “komposisyon” ng “Diyos.” Wala pang dakilang tao na nakapagbigay ng isang masusing paliwanag kailanman; karamihan sa mga paliwanag ay pasado sa larangan ng pangangatwiran at sa papel, ngunit wala ni isang tao ang may lubos na malinaw na pagkaunawa sa kahulugan nito. Ito ay dahil hindi talaga umiiral ang “dakilang Trinidad” na ito na nasasapuso ng tao. …
Kung ang tatlong yugto ng gawain ay sinusuri alinsunod sa konseptong ito ng Trinidad, tiyak na may tatlong Diyos dahil ang gawaing isinasagawa ng bawat isa ay hindi magkakapareho. Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag mo kung ano talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang diwa ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba’t ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinagawa ng Espiritung kapareho ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroon ngang tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos, na hinding-hindi ang nag-iisang tunay na Diyos. Paanong ang ganitong uri ng Diyos ay ang Diyos pa rin na may orihinal na diwa ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya magkakaroon ng isang anak o isang ama? Hindi ba mga kuru-kuro mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, gaya ng nakasulat sa Bibliya na “Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.” Umiiral man o hindi ang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman ang Diyos sa huli, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na inyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang maging tao at mamuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Ang Kanyang Espiritu ay saklaw ang lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na maging nasa katawang-tao at nasa ibabaw at buong sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, kung gayon ay iisa ang Diyos, na hindi maaaring paghati-hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos. Kung tama ang sinasabi mong, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, hindi ba tatlong Diyos Sila? Ang Banal na Espiritu ay isa, ang Anak ay isa pa, at ang Ama ay isa pa rin. Ang mga persona Nila ay magkakaiba at ang mga diwa Nila ay magkakaiba, kaya paano magiging posible na ang bawat isa sa Kanila ay bahagi ng iisang Diyos? Ang Banal na Espiritu ay isang Espiritu; madali itong maunawaan ng tao. Kung gayon, ang Ama ay higit pang isang Espiritu. Hindi pa Siya nakababa sa ibabaw ng lupa kailanman at hindi pa naging tao kailanman; Siya ang Diyos na si Jehova sa puso ng tao, at tiyak na Siya ay isa ring Espiritu. Kung gayon, ano ang ugnayan ng Espiritung ito at ng Banal na Espiritu? Iyon ba ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak? O ito ba ang relasyon sa pagitan ng Banal na Espiritu at ng Espiritu ng Ama? Magkapareho ba ang diwa ng bawat Espiritu? O ang Banal na Espiritu ba ay isang kasangkapan ng Ama? Paano ito maipaliliwanag? At ano naman ang relasyon sa pagitan ng Anak at ng Banal na Espiritu? Iyon ba ay relasyon sa pagitan ng dalawang Espiritu o ang relasyon sa pagitan ng isang tao at ng isang Espiritu? Lahat ng ito ay mga usapin na hindi posibleng maipaliwanag! Kung lahat Sila ay iisang Espiritu, walang magiging usapan tungkol sa tatlong persona, sapagkat nagtataglay Sila ng iisang Espiritu. Kung Sila ay magkakaibang persona, magkakaiba-iba ang lakas ng Kanilang Espiritu, at talagang hindi Sila maaaring maging iisang Espiritu. Ang konseptong ito tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay lubhang katawa-tawa! Pinaghihiwa-hiwalay nito ang Diyos at pinaghahati-hati Siya sa tatlong persona, bawat isa ay may isang katayuan at Espiritu; kung gayon ay paano Siya magiging isang Espiritu at isang Diyos pa rin? Sabihin mo sa Akin, nilikha ba ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu ang langit at lupa at lahat ng bagay? Sabi ng ilan, magkakasama raw Nilang nilikha ito. Kung gayon ay sino ang tumubos sa sangkatauhan? Ang Banal na Espiritu ba, ang Anak, o ang Ama? Sabi ng ilan, ang Anak daw ang tumubos sa sangkatauhan. Kung gayon ay, sa diwa, sino ang Anak? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos? Tinatawag ng katawang-tao ang Diyos sa langit sa pangalan ng Ama mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Hindi mo ba alam na si Jesus ay isinilang nang Siya ay ipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Nasa loob Niya ang Banal na Espiritu; anuman ang iyong sabihin, kaisa pa rin Siya ng Diyos sa langit, sapagkat Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos. Ang ideyang ito tungkol sa Anak ay hindi talaga totoo. Iisang Espiritu ang nagsasagawa ng lahat ng gawain, ang Diyos Mismo ang nagsasagawa nito—ang ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos ang gumagampan sa gawain. Sino ang Espiritu ng Diyos? Hindi ba ang Banal na Espiritu? Hindi ba’t ang Banal na Espiritu ang gumagawa sa loob ni Jesus? Kung hindi ang Banal na Espiritu ang nagsagawa ng gawain (ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos), maaari bang katawanin ng Kanyang gawain ang Diyos Mismo? Nang tawagin ni Jesus ang Diyos sa langit sa pangalang Ama nang Siya ay manalangin, ginawa lamang ito mula sa pananaw ng isang taong nilikha, dahil lamang sa nagdadamit ang Espiritu ng Diyos ng isang ordinaryo at normal na laman at may panlabas na anyo ng isang nilikha. Kahit na nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay anyo pa rin ng isang normal na tao; sa madaling salita, Siya ay naging “Anak ng tao” na binanggit ng lahat ng tao, pati na ni Jesus Mismo. Dahil Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay isang tao (lalaki man o babae, ano’t anuman, isang may panlabas na anyo ng isang tao) na isinilang sa isang normal na pamilya ng mga ordinaryong tao. Samakatwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad ng pagtawag ninyong Ama sa Kanya noong una; ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Naaalala pa ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon na itinuro ni Jesus na isaulo ninyo? “Ama namin na nasa langit….” Hiniling Niya sa lahat ng tao na tawagin ang Diyos sa langit sa pangalang Ama. At yamang tinawag Niya rin Siyang Ama, ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong may katayuang kapantay ninyong lahat. Yamang tinawag ninyo ang Diyos sa langit sa pangalang Ama, nakita ni Jesus ang Kanyang Sarili na kapantay ninyo, at bilang isang tao sa lupa na hinirang ng Diyos (ibig sabihin, ang Anak ng Diyos). Kung tinatawag ninyong Ama ang Diyos, hindi ba’t ito ay dahil mga nilikha kayo? Gaano man kadakila ang awtoridad ni Jesus sa lupa, bago Siya ipinako sa krus, isa lamang Siyang Anak ng tao, na pinamamahalaan ng Banal na Espiritu (ibig sabihin, ng Diyos), at isa sa mga nilikha sa lupa, sapagkat hindi pa Niya natatapos ang Kanyang gawain. Samakatwid, ang pagtawag Niya sa Diyos sa langit na Ama ay ang Kanyang pagpapakumbaba at pagpapasakop lamang. Gayunman, ang Kanyang pagtawag sa Diyos (ibig sabihin, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan ay hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, iba lamang talaga ang Kanyang pananaw, hindi dahil iba Siyang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang maling kaisipan! Bago Siya ipinako sa krus, si Jesus ay isang Anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng katawang-tao, at hindi Niya lubos na taglay ang awtoridad ng Espiritu. Kaya nga maaari lamang Niyang hanapin ang mga layunin ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilikha. Katulad iyon ng tatlong beses Niyang ipinanalangin sa Getsemani, “Huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Bago Siya inilagay sa krus, isa lamang Siyang Hari ng mga Hudyo, ang Anak ng tao, si Cristo, at hindi isang katawan ng kaluwalhatian. Kaya nga, mula sa pananaw ng isang nilikha, tinawag Niyang Ama ang Diyos. Ngayon, hindi mo masasabi na lahat ng tumatawag sa Diyos na Ama ay ang Anak. Kung nagkagayon, hindi ba lahat kayo ay naging ang Anak sana nang ituro sa inyo ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon? Kung hindi pa rin kayo kumbinsido, sabihin ninyo sa Akin, sino ang tinatawag ninyong Ama? Kung ang tinutukoy ninyo ay si Jesus, sino naman ang Ama ni Jesus para sa inyo? Nang lumisan si Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay nawala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging tao; sa ilalim ng lahat ng iba pang sitwasyon, ang relasyon ay sa pagitan ng Lumikha at ng isang nilikha kapag tinawag ninyong Ama ang Diyos. Walang pagkakataon na makakapanindigan ang ideyang ito tungkol sa Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu; ito ay isang maling kaisipan na bihirang makita sa paglipas ng mga kapanahunan at hindi umiiral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?
150. Sa Lumang Tipan ng Bibliya, hindi binanggit ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu, kundi ang nag-iisang tunay na Diyos lamang, si Jehova, na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Israel. Ang Diyos ay tinatawag sa iba’t ibang pangalan habang nagbabago ang kapanahunan, ngunit hindi nito mapapatunayan na bawat pangalan ay tumutukoy sa ibang persona. Kung gayon, hindi ba magkakaroon ng di-mabilang na mga persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehova, isang yugto ng pagsisimula ng gawain ng Diyos Mismo sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang gawain ng Diyos, kung saan Siya nagsalita at ito ay nangyari, at nag-utos Siya at ito ay naitatag. Hindi sinabi ni Jehova kailanman na Siya ang Ama na pumarito upang isagawa ang gawain, ni hindi Niya ipinropesiya kailanman ang pagparito ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagsapit ng panahon ni Jesus, sinabi lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang buong sangkatauhan, hindi sinabi na ang Anak ang naparito. Dahil hindi magkakatulad ang mga kapanahunan at iba-iba rin ang gawain na nilalayong gawin ng Diyos Mismo, kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t ibang dako. Sa ganitong paraan, iba rin ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan. Naniniwala ang tao na si Jehova ang Ama ni Jesus, ngunit hindi ito talaga kinilala ni Jesus, na nagsabing, “Hindi kami kailanman pinag-iba bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita niya ang Ama sa langit.” Kapag nasabi na ang lahat, ang Ama man o ang Anak, Sila ay iisang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na mga persona. Kapag nagtatangkang magpaliwanag ang tao, nagiging komplikado ang mga bagay-bagay sa ideya ng magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag binabanggit ng tao ang magkakahiwalay na mga persona, hindi ba nito ginagawang pisikal ang Diyos? Binibigyan pa ng ranggo ng tao ang mga persona bilang una, pangalawa, at pangatlo; lahat ng ito ay mga imahinasyon lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sanggunian, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya, “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang nag-iisang tunay na Diyos na binubuo ng Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Kung itatanong mo pa: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namamahala sa lahat, at Siya ang Tagapangasiwa ng langit.” “Kung gayon, Espiritu ba si Jehova?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tatanungin mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ang Anak, siyempre pa. “Kung gayon ano ang kuwento tungkol kay Jesus? Saan Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang kay Maria.” Kung gayon ang diwa ba Niya ay Espiritu rin? Hindi ba ang Kanyang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehova ang Espiritu, at gayundin ang diwa ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, lalong hindi na kailangang sabihin na ito pa rin ang Espiritu; paano Sila magiging magkaibang persona? Hindi ba Espiritu lamang ng Diyos ito na nagsasagawa ng gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang pananaw? Sa gayon, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay iyon mismong sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawaing isinagawa ni Jehova, hindi Siya naging tao ni nagpakita sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang anyo. Gaano man Siya kalaki at katangkad, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na lumikha sa tao noong simula. Ibig sabihin, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nangusap Siya sa tao mula sa mga ulap, isa lamang Espiritu, at walang sinumang nakasaksi sa Kanyang anyo. Sa Kapanahunan ng Biyaya lamang nang pumarito ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao at nagkatawang-tao sa Judea nakita ng tao sa unang pagkakataon ang wangis ng nagkatawang-taong laman ng Diyos bilang isang Hudyo. Walang bakas ni Jehova sa Kanya. Gayunman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehova Mismo, at si Jesus ay isinilang pa rin bilang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos. Ang nakita ng tao noong panahong iyon ay ang Banal na Espiritu na bumababang parang isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging para kay Jesus, kundi sa halip ay ang Banal na Espiritu. Kung gayon maihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila maaaring maging isa? Ang gawain ay hindi maisasagawa kung gayon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung saklaw ang lahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at higit pa rito, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos bilang kahalili Niya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ding tawaging ang Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng di-mabilang na mga tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay isinasagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang likas na Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman bilang kahalili Niya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa daan-daang libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, at ang lahat ng gawain Niya ay ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang tagubilin sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat na nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na saklaw ang lahat. Ang mga personang ito sa Diyos ay hindi talaga umiiral, lalo na ang ideyang ito ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?
151. Maaari pa ring sabihin ng ilan: “Ang Ama ang Ama; ang Anak ang Anak; ang Banal na Espiritu ang Banal na Espiritu, at sa huli, pag-iisahin Sila.” Kung gayon paano mo Sila dapat pag-isahin? Paano mapag-iisa ang Ama at ang Banal na Espiritu? Kung Sila ay likas nang dalawa, paano man Sila pagsamahin, hindi ba Sila mananatiling dalawang bahagi? Kapag tinatalakay mo ang tungkol sa pag-iisa ng dalawang bahagi, hindi ba pagsasama lamang iyan ng dalawang magkahiwalay na bahagi para makagawa ng isang buo? Ngunit hindi ba’t dalawang bahagi sila dati bago ginawang buo? Bawat espiritu ay may naiibang diwa, at ang dalawang espiritu ay hindi magagawang iisa. Ang isang espiritu ay hindi isang materyal na bagay at hindi katulad ng anupamang iba sa materyal na mundo. Sa paningin ng tao, ang Ama ay isang Espiritu, ang Anak ay isa pa, at ang Banal na Espiritu ay isa pa rin, pagkatapos ay naghahalo-halo ang tatlong Espiritu na parang tatlong baso ng tubig at nagiging isang buo. Hindi ba’t ito ang tatlo na pinag-isa? Ganap na walang-katotohanan ang paliwanag na iyan! Hindi ba nito pinaghahati-hati ang Diyos? Paano mapag-iisang lahat ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu? Hindi ba Sila tatlong bahagi na bawat isa ay magkakaiba ang kalikasan? May mga iba na nagsasabi, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, iyong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling nagkatawang-taong laman. Si Jesus ang Kanyang nagkatawang-taong laman, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba’t ang mga salita ni Jesus, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili. Dahil sa pagbabago sa mga kapanahunan, sa mga pangangailangan ng gawain, at sa magkakaibang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala, ang pangalang itinatawag sa Kanya ng tao ay nag-iiba rin. Nang Siya ay pumarito upang isagawa ang unang yugto ng gawain, maaari lamang Siyang tawaging Jehova, ang pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Cristo. Ngunit noon, sinabi lamang ng Espiritu sa langit na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos at hindi binanggit ang Kanyang pagiging bugtong na Anak ng Diyos. Hindi ito talaga nangyari. Paano magkakaroon ng kaisa-isang anak ang Diyos? Kung gayon ay hindi ba naging tao ang Diyos? Dahil Siya ang nagkatawang-taong laman, tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, at, mula rito ay nagmula ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Dahil lamang iyon sa pagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nakabihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, at sinabi Niya mula sa pananaw ng katawang-tao, “Ang Aking panlabas na anyo ay iyong sa isang nilikha; yamang nakabihis Ako ng katawang-tao upang makaparito sa lupa, napakalayo Ko ngayon mula sa langit,” Maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito iyong dapat taglayin ng nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil nanalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, Diyos pa rin Siya Mismo, sapagkat Siya ang nagkatawang-taong laman lamang ng Espiritu, at ang Kanyang diwa ay Espiritu pa rin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?