V. Mga Salita tungkol sa Relasyon sa Pagitan ng Bawat Yugto ng Gawain ng Diyos at ng Pangalan ng Diyos

231. Ang gawain ng Diyos sa kabuuan ng Kanyang pamamahala ay lubos na malinaw: Ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang mga huling araw ay ang mga huling araw. Mayroong malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawat kapanahunan, dahil sa bawat kapanahunan ay nagsasagawa ang Diyos ng gawain na kumakatawan sa kapanahunang iyon. Para magawa ang gawain sa mga huling araw, dapat ay may pagsunog, paghatol, pagkastigo, poot, at pagwasak upang matapos na ang kapanahunan. Ang mga huling araw ay tumutukoy sa pangwakas na kapanahunan. Sa pangwakas na kapanahunan, hindi ba’t tatapusin ng Diyos ang kapanahunan? Upang mawakasan ang kapanahunan, dapat dalhin ng Diyos ang pagkastigo at paghatol kasama Niya. Tanging sa ganitong paraan Niya mawawakasan ang kapanahunan. Ang layunin ni Jesus ay upang magpatuloy ang tao sa pag-iral, pamumuhay, at upang umiral siya sa mas maayos na paraan. Iniligtas Niya ang tao mula sa kasalanan nang sa gayon ay tumigil ang tao sa paglusong sa kasamaan at hindi na mamuhay pa sa Hades at impiyerno, at sa pagligtas sa tao mula sa Hades at impiyerno, tinulutan Niyang magpatuloy na mabuhay ang tao. Ngayon, ang mga huling araw ay dumating na. Lilipulin ng Diyos ang tao at wawasakin nang lubusan ang sangkatauhan, na nangangahulugang babaguhin Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan. Dahil dito, magiging imposible, sa mahabagin at mapagmahal na disposisyon sa nakaraan, na wakasan ng Diyos ang kapanahunan o maisakatuparan ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Ang bawat kapanahunan ay nagtatampok ng natatanging pagkatawan sa disposisyon ng Diyos, at ang bawat kapanahunan ay naglalaman ng gawain na dapat isagawa ng Diyos. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo sa bawat kapanahunan ay naglalaman ng pagpapahayag ng Kanyang tunay na disposisyon, at ang Kanyang pangalan at ang isinasagawa Niyang gawain ay parehong nagbabago kasabay ng kapanahunan—ang lahat ng ito ay bago. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at napakarami sa gawaing Kanyang isinagawa ay para sa kapakanan ng pagtubos sa tao. Ang Kanyang disposisyon ay isa ng awa at pagmamahal, at dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita na minahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, hanggang sa puntong inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay kapiling ng bawat tao. Ang tao ay nagawa lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangalan ni Jesus at ng Kanyang presensiya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa pangunahin sa pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng yugto ng bagong gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay nagtapos sa pagpapapako sa krus. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, sa Kapanahunan ng Kautusan, Jehova ang pangalan ng Diyos, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ni Jesus ang kumatawan sa Diyos. Sa mga huling araw, ang Kanyang pangalan ay Makapangyarihang Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat, na gumagamit sa Kanyang kapangyarihan upang gabayan ang tao, lupigin ang tao at makamit ang tao, at sa huli, wakasan ang kapanahunan. Sa bawat kapanahunan, sa bawat yugto ng Kanyang gawain, ang disposisyon ng Diyos ay malinaw na makikita.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

232. “Jehova” ang pangalang ginamit Ko noong panahon ng Aking gawain sa Israel, at ang ibig sabihin nito ay ang Diyos ng mga Israelita (mga taong hinirang ng Diyos) na maaaring maawa sa tao, sumpain ang tao, at gabayan ang buhay ng tao; ang Diyos na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Si “Jesus” ay si Emmanuel, na ang ibig sabihin ay ang handog dahil sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at kumakatawan Siya sa Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang Niyang katawanin ang isang bahagi ng gawain ng plano ng pamamahala. Ibig sabihin, si Jehova lamang ang Diyos ng mga taong hinirang sa Israel, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang Diyos ni Moises, at ang Diyos ng lahat ng tao sa Israel. Kaya nga, sa kasalukuyang kapanahunan, lahat ng Israelita, maliban sa mga Judio, ay sumasamba kay Jehova. Nag-aalay sila sa Kanya ng mga hain sa altar at naglilingkod sa Kanya sa templo na suot ang balabal ng mga saserdote. Ang inaasahan nila ay ang pagpapakitang muli ni Jehova. Si Jesus lamang ang Manunubos ng sangkatauhan, at Siya ang handog dahil sa kasalanan na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. Ibig sabihin, ang pangalan ni Jesus ay nanggaling sa Kapanahunan ng Biyaya at umiral dahil sa gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang tulutan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na muling maisilang at maligtas, at isang partikular na pangalan para sa pagtubos sa buong sangkatauhan. Sa gayon, ang pangalang Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at ipinahihiwatig ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang partikular na pangalan para sa mga tao ng Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawat kapanahunan at bawat yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang batayan, kundi may kinakatawang kabuluhan: Bawat pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang “Jehova” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan at ito ang pamimitagan na ipinantawag ng mga tao ng Israel sa Diyos na kanilang sinamba. Ang “Jesus” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat ng tinubos noong Kapanahunan ng Biyaya.

Hinango mula sa “Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

233. Ang Kapanahunan ng Biyaya ay nagsimula sa pangalan ni Jesus. Nang nagsimula si Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Banal na Espiritu ay nagsimulang magpatotoo sa pangalan ni Jesus, at ang pangalan ni Jehova ay hindi na binanggit; sa halip, pangunahing ginawa ng Banal na Espiritu ang bagong gawain sa pangalan ni Jesus. Ang patotoo ng mga naniwala sa Kanya ay inilahad para kay Jesucristo, at ang gawain na kanilang ginawa ay para rin kay Jesucristo. Ang konklusyon ng Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan ay nangahulugan na ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova ay natapos na. Simula nito, ang pangalan ng Diyos ay hindi na Jehova; sa halip Siya ay tinawag na Jesus, at magmula noon ay pangunahing sinimulan ng Banal na Espiritu ang gawain sa pangalan ni Jesus. Kaya, sa mga taong sa kasalukuyan ay kumakain at umiinom pa rin ng mga salita ni Jehova, at ginagawa pa rin ang lahat ayon sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan—hindi mo ba bulag na sinusunod ang mga patakaran? Hindi ka ba nananatili sa nakaraan? Batid na ninyo ngayon na ang mga huling araw ay dumating na. Maaari kaya na sa pagdating ni Jesus, Siya ay tatawagin pa ring Jesus? Sinabi ni Jehova sa mga mamamayan ng Israel na darating ang isang Mesias, ngunit nang Siya ay dumating, hindi Siya tinawag na Mesias kundi Jesus. Sinabi ni Jesus na Siya ay muling darating, at ang Kanyang pagdating ay tulad ng Kanyang pag-alis. Ito ang mga salita ni Jesus, ngunit nakita mo ba kung paano umalis si Jesus? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap ngunit maaari kayang personal Siyang babalik sa mga tao nang nasa ibabaw ng isang puting ulap? Kung magkagayon, hindi ba Siya tatawagin pa ring Jesus? Sa muling pagdating ni Jesus, nagbago na rin ang kapanahunan, dahil dito, maaari pa rin ba Siyang tawagin na Jesus? Maaari lang bang makilala ang Diyos sa pangalan na Jesus? Hindi ba Siya maaaring tawagin sa bagong pangalan sa isang bagong kapanahunan? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang larawan ng isang tao at ang isang partikular na pangalan? Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya gagawin ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya mananatili sa dati? Ang pangalan na Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya tatawagin pa rin ba Siya sa parehong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw? Gagawin pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit kung iisa lamang si Jehova at si Jesus, Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba’t ito ay sa kadahilanang magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang iisang pangalan lamang? Dahil dito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat Niyang gamitin ang pangalang ito upang baguhin ang kapanahunan at katawanin ang kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang maaaring ganap na kumatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lamang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Ito man ay kapanahunan ni Jehova, o kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

234. Nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, ito ay sa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu; ginawa Niya ang kagustuhan ng Banal na Espiritu, at ito ay hindi ayon sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan o ayon sa gawain ni Jehova. Bagama’t ang gawain na isinagawa ni Jesus ay hindi para sumunod sa mga batas ni Jehova o sa mga kautusan Niya, ang Kanilang pinagmulan ay iisa at pareho lang. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay kumatawan sa pangalan ni Jesus, at kumatawan ito sa Kapanahunan ng Biyaya; para naman sa gawain na isinagawa ni Jehova, ito ay kumatawan kay Jehova, at kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Kanilang gawain ay gawain ng isang Espiritu sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang gawain na isinagawa ni Jesus ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawain na isinagawa ni Jehova ay maaari lang kumatawan sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan. Ginabayan lang ni Jehova ang mga tao sa Israel at sa Ehipto, at sa lahat ng bansa sa labas ng Israel. Ang gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya sa Bagong Tipan ay ang gawain ng Diyos sa pangalan ni Jesus habang Kanyang ginagabayan ang kapanahunan. … Magkakaroon lamang ng bagong kapanahunan kapag pumarito si Jesus upang gumawa ng bagong gawain, upang maglunsad ng isang bagong kapanahunan, upang isulong ang gawain na isinagawa noon sa Israel, at upang isagawa ang Kanyang gawain hindi ayon sa gawaing isinagawa ni Jehova sa Israel, o sa luma Niyang mga tuntunin, o sa pagsunod sa anumang mga tuntunin, kundi upang isagawa ang bagong gawain na dapat Niyang gawin. Ang Diyos Mismo ay pumaparito upang ilunsad ang kapanahunan, at pumaparito ang Diyos Mismo upang wakasan ang kapanahunan. Walang kakayahan ang tao na isagawa ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Kung hindi dinala ni Jesus sa pagtatapos ang gawain ni Jehova pagkatapos Niyang dumating, ito ay magpapatunay na Siya ay tao lamang, at walang kakayahang kumatawan sa Diyos. Mismong dahil pumarito si Jesus at winakasan ang gawain ni Jehova, ipinagpatuloy ang gawain ni Jehova at, bukod pa riyan, isinagawa ang Kanyang sariling gawain, na isang bagong gawain, ito ay nagpapatunay na isa itong bagong kapanahunan, at na si Jesus ang Diyos Mismo. Sila ay nagsagawa ng dalawang magkaibang yugto ng gawain. Ang isang yugto ay isinagawa sa templo, at ang isa pa ay isinagawa sa labas ng templo. Ang isang yugto ay upang pangunahan ang pamumuhay ng tao ayon sa kautusan, at ang isa pa ay upang mag-alay ng handog para sa kasalanan. Ang dalawang yugtong ito ng gawain ay malinaw na magkaiba; ito ang humahati sa bagong kapanahunan mula sa luma, at ganap na tamang sabihin na ang mga ito ay dalawang magkaibang kapanahunan. Ang lokasyon ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang nilalaman ng Kanilang gawain ay magkaiba, at ang layunin ng Kanilang gawain ay magkaiba. Sa gayon, maaaring hatiin ang mga ito sa dalawang kapanahunan: ang Bago at Lumang Tipan, na ibig sabihin, ang bago at ang lumang mga kapanahunan. Nang si Jesus ay dumating hindi Siya nagpunta sa templo, na nagpapatunay na ang kapanahunan ni Jehova ay nagwakas na. Hindi Siya pumasok sa templo sapagkat ang gawain ni Jehova sa templo ay tapos na, at hindi na kailangang gawing muli, at ang gawin itong muli ay pag-uulit nito. Sa pag-alis lamang sa templo, sa pagsisimula ng isang bagong gawain at sa pagbubukas ng isang landas sa labas ng templo, na Kanyang nagawang dalhin ang gawain ng Diyos sa kasukdulan nito. Kung hindi Siya lumabas ng templo upang gawin ang Kanyang gawain, ang gawain ng Diyos ay natigil sana sa mga pundasyon ng templo, at walang magiging anumang mga pagbabago kailanman. At kaya, nang dumating si Jesus, Siya ay hindi pumasok sa templo, at hindi Niya ginawa ang Kanyang gawain sa loob ng templo. Ginawa Niya ang Kanyang gawain sa labas ng templo, at malayang nagpatuloy sa Kanyang gawain nang pinangungunahan ang mga disipulo. Ang pag-alis ng Diyos mula sa templo para gawin ang Kanyang gawain ay nangahulugan na ang Diyos ay mayroong bagong plano. Ang Kanyang gawain ay isasagawa sa labas ng templo, at ito ay magiging bagong gawain na hindi limitado sa paraan ng pagsasagawa. Pagdating na pagdating ni Jesus, winakasan Niya ang gawain ni Jehova noong kapanahunan ng Lumang Tipan. Kahit na Sila ay tinatawag sa dalawang magkaibang pangalan, ang parehong yugto ng gawain ay isinagawa ng iisang Espiritu, at ang gawain na isinagawa ay tuluy-tuloy. Dahil iba ang pangalan, at ang nilalaman ng gawain ay iba, ang kapanahunan ay iba rin. Nang dumating si Jehova, iyon ang kapanahunan ni Jehova, at nang dumating si Jesus, iyon ang kapanahunan ni Jesus. At kaya, sa bawat pagdating, ang Diyos ay tinatawag sa isang pangalan, kumakatawan sa isang kapanahunan, at nagbubukas ng isang bagong daan; at sa bawat bagong daan, Siya ay gumagamit ng bagong pangalan, na nagpapakita na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at na ang Kanyang gawain ay patuloy na umuunlad pasulong. Ang kasaysayan ay patuloy na sumusulong, at ang gawain ng Diyos ay patuloy na sumusulong. Upang marating ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala ang katapusan nito, kailangan nitong patuloy na umunlad pasulong. Kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat araw, kailangan Niyang magsagawa ng bagong gawain sa bawat taon; kailangan Niyang magbukas ng mga bagong daan, magbukas ng mga bagong kapanahunan, magsimula ng bago at mas malaking gawain, at kasabay nito, magdala ng mga bagong pangalan at gawain.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

235. Kung sakaling palaging pareho ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan, at Siya ay palaging tinatawag sa parehong pangalan, paano Siya makikilala ng tao? Ang Diyos ay dapat na tawaging Jehova, at maliban sa Diyos na tinatawag na Jehova, ang sinumang tinatawag sa anumang ibang pangalan ay hindi Diyos. Kung hindi, ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at bukod sa pangalang Jesus, hindi Siya maaaring tawagin sa iba pang pangalan; maliban kay Jesus, hindi Diyos si Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay hindi rin Diyos. Naniniwala ang tao na totoong ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, ngunit ang Diyos ay isang Diyos na kapiling ng tao, at dapat Siyang tawaging Jesus, dahil ang Diyos ay kapiling ng tao. Ang gawin ito ay pagsunod sa doktrina at pagkulong sa Diyos sa isang saklaw. Kaya, sa bawat kapanahunan, ang gawain na isinasagawa ng Diyos, ang pangalan kung saan Siya ay tinatawag, at ang larawang Kanyang ginagamit—ang gawain na Kanyang ginagawa sa bawat yugto hanggang ngayon—ang mga ito ay hindi sumusunod sa iisang alituntunin, at hindi sumasailalim sa anumang limitasyon. Siya ay si Jehova, ngunit Siya rin ay si Jesus, pati na ang Mesiyas, at ang Makapangyarihang Diyos. Ang Kanyang gawain ay maaaring sumailalim sa unti-unting pagbabago, nang may mga katumbas na pagbabago sa Kanyang pangalan. Walang iisang pangalan ang maaaring kumatawan nang ganap sa Kanya, ngunit ang lahat ng pangalan kung saan Siya ay tinatawag ay maaaring kumatawan sa Kanya, at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa bawat kapanahunan ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

236. Sabi ng ilan, ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Kung gayon, bakit naging Jesus ang pangalan ni Jehova? Ipinropesiya na darating ang Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang taong nagngangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba matagal nang isinagawa ang gawaing iyon? Hindi ba makagawa ang Diyos ng mas bagong gawain ngayon? Ang gawain ng kahapon ay maaaring baguhin, at ang gawain ni Jesus ay maaaring sumunod mula roon kay Jehova. Kung gayon, hindi ba maaaring sundan ng ibang gawain ang gawain ni Jesus? Kung ang pangalan ni Jehova ay maaaring palitan ng Jesus, hindi ba maaaring palitan din ang pangalan ni Jesus? Walang kakaiba rito; kaya lang napakakitid ng isipan ng mga tao. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Paano man magbago ang Kanyang gawain, at paano man maaaring magbago ang Kanyang pangalan, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon at karunungan kailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay maaari lamang tawagin sa pangalang Jesus, napakalimitado ng iyong kaalaman. Nangangahas ka bang igiit na Jesus ang magiging pangalan ng Diyos magpakailanman, na ang Diyos ay palaging tatawagin sa pangalang Jesus magpakailanman, at na hindi ito magbabago kailanman? Nangangahas ka bang igiit nang may katiyakan na ang pangalan ni Jesus ang nagwakas ng Kapanahunan ng Kautusan at magwawakas din sa huling kapanahunan? Sino ang makapagsasabi na mawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan?

Hinango mula sa “Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuro-kuro?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

237. Ang pangalang Jesus ba—“Diyos na kasama natin”—ay maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos? Maaari ba nitong malinaw na maipaliwanag ang Diyos? Kung ang tao ay nagsasabi na ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at hindi maaaring magkaroon ng iba pang pangalan dahil hindi maaaring baguhin ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ang mga salitang iyon ay talagang kalapastanganan sa Diyos! Naniniwala ka bang ang pangalang Jesus, Diyos na kasama natin, ay maaaring mag-isang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan? Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, ngunit sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa kabuuan ng Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, ngunit ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maipahayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakasagana at lumalampas sa kakayahan ng tao na kilalanin Siya. Walang paraan ang tao, gamit ang wika ng tao, na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroon lamang limitadong talasalitaan na magagamit upang ibuod ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos: dakila, iginagalang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at iba pa. Napakaraming salita! Ang limitadong talasalitaang ito ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming tao ang nagdagdag ng mga salita na sa tingin nila ay mas mahusay na makapaglalarawan ng alab sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihan ng tao kagaya nito ay umabot na sa kanilang sukdulan, ngunit ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming pangalan, ngunit wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagkat ang kung ano ang Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong salat. Ang isang partikular na salita o pangalan ay walang kakayahan na kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya sa tingin mo ba ay maaaring gawing permanente ang Kanyang pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, ngunit hindi mo Siya hahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Samakatuwid, sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang balak gawin. Ginagamit Niya ang partikular na pangalang ito, isa na nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon na ng mga karanasang espirituwal at personal nang nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayahang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito mapipigilan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, kundi basta na lamang Siyang tinatawag na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, ngunit mukhang naliligiran din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paano ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, na talagang walang paraan para ilarawan ito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit kayo mag-iisip nang napakatindi, nang hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Mesiyas—Siya ay tatawagin na lamang na Lumikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay nagtapos na, pagkatapos nito, wala na Siyang pangalan. Kapag ang lahat ng bagay ay napasailalim na sa kapamahalaan ng Lumikha, bakit Niya kakailanganing magkaroon ng labis na naaangkop ngunit hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay matatawag lang na Jesus? Matitiis mo ba ang kasalanan ng paglapastangan sa Diyos? Dapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangan Niyang pamahalaan ang sangkatauhan. Anumang pangalan ang itinatawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kakailangan ka ba Niya—na isa Niyang nilalang—na pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay umaayon sa kung ano ang kayang maunawaan ng tao, sa wika ng tao, ngunit ang pangalang ito ay hindi isang bagay na kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, na Siya ay tinatawag na Diyos, na Siya ang Diyos Mismo na makapangyarihan, na napakarunong, napakadakila, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, at labis na makapangyarihan sa lahat, at pagkatapos ay wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang katiting na iyon ang kaya mong malaman. Dahil dito, maaari bang kumatawan ang pangalan lang na Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong kapanahunan na.

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

238. Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay hindi tumitigil sa pagsulong, na ang ibig sabihin ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao ang Kanyang disposisyon, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at sadyang walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya. Dahil dito, ginagamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, ngunit ang pagkilos sa ganitong pamamaraan ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso kung saan ang disposisyon ng Diyos ay patuloy na nagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil sa ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkakaiba, ang Kanyang likas na disposisyon, sa kabuuan nito, ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Ngunit hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos o kaya ay unti-unting nagbago ang Kanyang disposisyon sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay hindi tama. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon—kung ano Siya—ayon sa paglipas ng mga kapanahunan; ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. At dahil dito, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi nagbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.

Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang kadakilaan ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bago Niyang disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos?

Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

239. Kung nananabik pa rin ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa mga huling araw, at inaasahan pa rin na darating Siya sa imaheng Kanyang tinaglay sa Judea, tumigil na sana ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na susulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, ay hindi sana darating, at hindi sana nawakasan ang kapanahunan kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para lamang sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalang gagamitin Ko upang wakasan ang buong sangkatauhan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.

Kung dumating ang Tagapagligtas sa mga huling araw at Jesus pa rin ang tawag sa Kanya, at muli Siyang isinilang sa Judea at ginawa Niya ang Kanyang gawain doon, magpapatunay ito na nilikha Ko lamang ang mga tao ng Israel at tinubos lamang ang mga tao ng Israel, at na wala Akong kinalaman sa mga Gentil. Hindi kaya ito salungat sa Aking mga salita na “Ako ang Panginoon na lumikha ng mga kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay”? Nilisan Ko ang Judea at ginagawa Ko ang Aking gawain sa mga Gentil dahil hindi lamang Ako Diyos ng mga tao ng Israel, kundi Diyos ng lahat ng nilalang. Nagpapakita Ako sa mga Gentil sa mga huling araw dahil hindi lamang Ako si Jehova, ang Diyos ng mga tao ng Israel, kundi, bukod diyan, dahil Ako ang Lumikha ng lahat ng hinirang Ko sa mga Gentil. Hindi Ko lamang nilikha ang Israel, Egipto, at Lebanon, kundi lahat ng bansang Gentil na lagpas pa ng Israel. Dahil dito, Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang. Ginamit Ko lamang ang Israel bilang panimulang punto para sa Aking gawain, kinasangkapan ang Judea at Galilea bilang matitibay na tanggulan ng Aking gawain ng pagtubos, at gayon ay ginagamit Ko ang mga bansang Gentil bilang himpilan na kung saan mula roon ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Ginawa Ko ang dalawang yugto ng gawain sa Israel (ang dalawang yugtong ito ng gawain ay ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya), at isinasakatuparan Ko na ang dalawa pang yugto ng gawain (ang Kapanahunan ng Biyaya at ang Kapanahunan ng Kaharian) sa buong lupain na lagpas pa ng Israel. Sa mga bansang Gentil, gagawin Ko ang gawain ng panlulupig, at sa gayo’y matatapos ang kapanahunan. Kung palagi Akong tinatawag ng tao na Jesucristo, ngunit hindi alam na nasimulan Ko na ang isang bagong kapanahunan sa mga huling araw at nagsimula na Ako sa bagong gawain, at kung patuloy na lagi nang maghihintay ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas, tatawagin Ko ang mga tao tulad nito na mga taong hindi naniniwala sa Akin; sila ay mga taong hindi Ako kilala, at hindi totoong naniniwala sa Akin. Masasaksihan kaya ng gayong mga tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas mula sa langit? Ang kanilang hinihintay ay hindi ang Aking pagdating, kundi ang pagdating ng Hari ng mga Judio. Hindi nila pinananabikan ang Aking paglipol sa maruming lumang mundong ito, kundi sa halip ay nananabik sila sa ikalawang pagparito ni Jesus, kung kailan sila ay matutubos. Inaasam nila na minsan pang tutubusin ni Jesus ang buong sangkatauhan mula sa marungis at masamang lupaing ito. Paano maaaring maging mga taong kumukumpleto ng Aking gawain sa mga huling araw ang gayong mga tao? Ang mga hangarin ng tao ay walang kakayahang tuparin ang Aking mga naisin o isakatuparan ang Aking gawain, sapagkat hinahangaan o pinahahalagahan lamang ng tao ang gawaing nagawa Ko dati, at wala silang ideya na Ako ang Diyos Mismo na palaging bago at hindi naging luma kailanman. Alam lamang ng tao na Ako si Jehova, at Jesus, at wala silang ideya na Ako Siya ng mga huling araw na magdadala sa sangkatauhan sa kanilang wakas. Ang pinananabikan at alam lamang ng tao ay nagmumula sa kanilang sariling mga haka-haka, at yaon lamang nakikita ng kanilang sariling mga mata. Hindi iyon naaayon sa gawaing ginagawa Ko, kundi taliwas iyon dito.

Hinango mula sa “Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: IV. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa mga Hiwaga ng Pagkakatawang-tao

Sumunod: VI. Mga Salita tungkol sa Biblia

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.
Makipag-ugnayan sa Amin
Kontakin Kami Gamit ang Messenger

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito