Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos
Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan noong simula pa lang silang nananalig sa Diyos, at marami silang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanya. Nang makapanampalataya na kayo sa Diyos nang ilang taon, nakabasa na ng napakarami sa Kanyang mga salita, at nakapakinig na ng napakaraming sermon, ilan sa mga kuru-kuro at imahinasyon na ito ang nalutas na? May mga tao pa rin na kahit ilang taon nang nananalig sa Diyos ay mayroon pa ring mga kuru-kuro tungkol sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, habang ang iba ay maaaring magkaroon ng mga kuru-kuro kapag nakita nila ang bagsik ng mga salita ng Diyos. Malulutas ba ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan? Kung kaya ninyong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at gamitin ito upang lutasin ang anumang problemang nakakaharap ninyo, isa kayong taong naghahangad sa katotohanan. Nagagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ngayon? Kapag may kinakaharap kayong anumang bagay na nagsasanhi ng mga kuru-kuro, o kapag lumalabag kayo, paano ninyo hinahanap ang katotohanan para lutasin iyon? Sino ang makakapagkuwento tungkol sa kanilang karanasan sa ganitong klaseng bagay? (Noong ako ay isang lider, wala akong ginawang praktikal na gawain, mga gampanin lamang na makakapagpaganda ng tingin sa akin, at lagi akong nakikipagtunggali para sa katanyagan at katayuan. Ginambala at ginulo nito ang gawain ng iglesia, at kapag nahaharap ako sa pagpupungos ay pinangangatwiranan ko pa rin ang sarili ko at wala akong tunay na pagninilay-nilay at kaalaman, o pagsisisi at pagbabago. Kalaunan pinalitan ako ng iglesia, pero palaban at dismayado pa rin ang puso ko, at lagi akong nagrereklamo at nagpapahayag ng pagkanegatibo. Pinungusan ako ng mga lider dahil hinding-hindi ko tinatanggap ang katotohanan at lumalaban ako sa Diyos, na isang bagay na lumalabag sa Kanyang disposisyon, at sinabihan nila ako na kung hindi pa rin ako magsisisi ay paaalisin at ititiwalag na ako. Noong panahong iyon ay hindi ko pa naiintindihan ang katotohanan, at lubhang mali ang pagkakaunawa ko sa Diyos. Bagaman hindi ko kailanman sinabing hindi ako nananalig sa Diyos, naisip ko na dahil nagkasala ako sa Kanya ay tiyak na hindi Niya ako ililigtas, kaya magtatrabaho na lamang ako. Pagkatapos noon, hindi ko na masyadong binigyang-pansin ang paghahangad sa katotohanan, at nagbago lang ito nang marinig ko isang araw ang pagbabahagi ng Diyos.) Pagkatapos mong magbago, mayroon ka na bang wastong landas ng pagsasagawa? Ano ang gagawin mo kung mangyayari muli ang bagay na iyon? (Sa ngayon, wala akong landas ng pagsasagawa para sa aspektong ito.) Sa katunayan, lahat ng problemang ito ay malulutas ng katotohanan. Kung gusto ng mga tao na lutasin ang kanilang mga maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos, sa isang panig ay dapat nilang kilalanin ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at suriin at intindihin ang dati nilang mga pagkakamali, maling landas, paglabag, at kapabayaan. Sa ganitong paraan ay mauunawaan at makikita nila nang malinaw ang sarili nilang kalikasan. Bukod pa rito, dapat makita nila nang malinaw kung bakit naliligaw ang mga tao at gumagawa ng napakaraming bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at ang kalikasan ng mga gawaing ito. Higit pa rito, dapat nilang maunawaan kung ano ba mismo ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, kung bakit laging walang kakayahan ang mga tao na kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at kung bakit lagi silang sumasalungat sa Kanyang mga layunin at ginagawa ang magustuhan nila. Dalhin ninyo ang mga bagay na ito sa harap ng Diyos at manalangin kayo, unawain ninyo nang malinaw ang mga ito, at pagkatapos ay mababago na ninyo ang inyong kalagayan, mababago na ninyo ang takbo ng inyong pag-iisip, at malulutas na ninyo ang maling pagkakaunawa ninyo sa Diyos. May mga tao na laging nagkikimkim ng mga di-wastong layunin anuman ang ginagawa nila, lagi silang mayroong masasamang ideya, at hindi nila masiyasat kung tama ba o mali ang lagay ng kanilang kalooban, ni makilatis ito ayon sa mga salita ng Diyos. Magulo ang isip ng mga taong ito. Ang isa sa mga pinakamalinaw na katangian ng isang taong magulo ang isip ay na matapos niyang gumawa ng isang masamang bagay ay nananatili siyang negatibo kapag naharap sa pagpupungos, nagpapakalugmok pa nga siya sa kawalang pag-asa at nagpapalagay na katapusan na niya at hindi na siya maililigtas pa. Hindi ba’t ito ang pinakakalunos-lunos na asal ng isang taong magulo ang isip? Hindi niya mapagnilayan ang kanyang sarili nang ayon sa salita ng Diyos, at hindi niya kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang problema kapag nahaharap siya sa mahihirap na bagay. Hindi ba’t ito ay pagkakaroon ng napakagulong pag-iisip? Malulutas ba ng pagpapakalugmok mo sa kawalang pag-asa ang mga problema? Malulutas ba ng laging pakikibaka nang negatibo ang mga problema? Dapat maintindihan ng mga tao na kung magkamali o magkaproblema sila ay dapat nilang hanapin ang katotohanan para lutasin iyon. Kailangan muna nilang magnilay-nilay at maunawaan kung bakit sila nakagawa ng masama, kung ano ba ang layunin nila at ang pinagmulan ng paggawa niyon, kung bakit nila gustong gawin iyon at ano ang mithiin nila, at kung mayroon bang taong nanghimok, nag-udyok, o nanlilihis sa kanila na gawin iyon o kung sadya nilang ginawa iyon. Ang mga tanong na ito ay dapat na mapagnilayan at malinaw na maintindihan, at pagkatapos ay malalaman na nila kung ano ang mga kamaliang nagawa nila at kung ano ba sila. Kung hindi mo makilala ang diwa ng masasamang gawain mo o hindi ka matuto ng leksyon mula roon, hindi malulutas ang problema. Maraming tao ang gumagawa ng masasamang bagay at hindi kailanman pinagninilayan ang kanilang mga sarili, kaya ang gayong mga tao ba ay totoong makapagsisisi kailanman? May pag-asa pa ba silang maligtas? Ang sangkatauhan ay mga inapo ni Satanas, at nilabag man nila o hindi ang disposisyon ng Diyos, ang kanilang kalikasang diwa ay pareho lang. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang mga sarili at higit na makilala ang kanilang mga sarili, makita nang malinaw kung hanggang sa anong antas sila nagrebelde at lumaban sa Diyos, at kung matatanggap pa rin ba nila ang katotohanan at maisasagawa ang katotohanan. Kung malinaw nilang makikita ito, malalaman nila kung gaano sila nanganganib. Sa katunayan, batay sa kanilang mga kalikasang diwa, lahat ng tiwaling tao ay nasa panganib; kinakailangan ng matinding pagsisikap para matanggap nila ang katotohanan at hindi ito madali para sa kanila. May mga taong nakagawa ng masama at naghayag ng kanilang kalikasang diwa, samantalang may ilan na hindi pa nakagagawa ng masama subalit hindi naman ibig sabihin noon ay mas mabuti sila kaysa iba—hindi pa lang sila nagkaroon ng sitwasyon o pagkakataong gawin iyon. Dahil mayroon kang ganitong mga paglabag, dapat na maging malinaw sa puso mo kung anong saloobin ang dapat mayroon ka ngayon, kung ano ang dapat mong panagutan sa Diyos, at kung ano ang gusto Niyang makita. Dapat mong linawin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap; pagkatapos ay malalaman mo kung paano ka dapat maghangad sa hinaharap, at hindi ka na maiimpluwensiyahan o mapipigil ng mga pagkakamaling nagawa mo dati. Dapat magpatuloy kang tahakin ang landas at gampanan ang iyong tungkulin gaya ng nararapat, at huwag nang magpakalugmok sa kawalang pag-asa; dapat kang ganap na umahon sa pagiging negatibo at sa maling pagkakaunawa. Sa isang panig, negatibo at hindi gaanong mairerekomenda kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin ngayon para makabawi sa mga paglabag at pagkakamali mo dati, ngunit kahit papaano man lang ay ito dapat ang takbo ng isip na mayroon ka. Sa kabilang panig, dapat ay positibo at maagap kang makipagtulungan, gawin mo ang lahat para magawa mo nang mabuti ang tungkuling dapat mong gampanan, at matupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Kahit na anupamang mga kuru-kuro ang mayroon ka tungkol sa Diyos, o kung naghayag ka ng katiwalian o nalabag mo ang Kanyang disposisyon, ang lahat ng ito ay dapat lutasin sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili mo at ng paghahanap sa katotohanan. Matuto ka mula sa mga kabiguan mo, at lubusan kang lumabas mula sa anino ng pagiging negatibo. Sa sandaling maunawaan mo na ang katotohanan at makalaya ka na, hindi na napipigil ng sinumang tao, anumang pangyayari, o anumang bagay, magkakaroon ka na ng kumpiyansang magpatuloy sa pagtahak sa landas pasulong. Pagkatapos mong magtamo ng ilang pakinabang at kaunting pag-usad sa buhay, at wala ka nang kahit anong kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unti kang makakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos.
Maaaring may taong lumabag dati, o kaya ay naligaw pero hindi naman talaga siya napakatuso o napakasamang tao, napakayabang lang niya talaga, napakayabang na wala na siyang katwiran, hindi na siya makapagpigil, at hindi na niya makontrol ang sarili niya, at gumawa siya ng mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos, at kinapopootan din ng taong iyon mismo. Subalit dahil sa pagsunod niya hanggang ngayon tiyak na may pag-usad na siya. Pagdating naman sa kung mananatili ba siya sa huli, pagpapasyahan ito ng Diyos batay sa asal nito sa kasalukuyan, pati na rin sa kasalukuyan nitong saloobin sa Diyos at sa tungkulin nito. Maaaring may magsabi: “Nakagawa ako ng matitinding paglabag dati, pero pagkatapos ay naunawaan ko na ang katotohanan. Talagang pinagsisisihan ko ang mga paglabag ko, pero di ko na mababawi ang mga iyon, kahit na isagawa ko pa ang katotohanan ngayon. Pakiramdam ko lagi ay nadungisan ako, at hindi malinaw sa puso ko kung gusto ba ako ng Diyos o hindi.” Dito, ikaw ang humahatol sa sarili mo, hindi ang Diyos; hindi kumakatawan sa hatol ng Diyos ang hatol mo, ni kumakatawan sa Kanyang saloobin ang saloobin mo. Dapat mong maunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, at kung ano ang mahalaga sa Kanya pagdating sa bawat tiwaling tao at sa mga maaaring iligtas. Malinaw ba ito sa inyo? Ang tinitingnan ng Diyos ay ang saloobin, determinasyon, at kapasyahan ng isang tao sa paghahangad sa katotohanan. Wala Siyang pakialam kung sino ka dati, kung ano ang mga paglabag mo, o kung gaano na ang naigugol, naihandog, o napagdusahan mo. Hindi tumitingin ang Diyos sa mga bagay na ito. Maaaring sabihin ng isang tao na nananalig siya sa Diyos at nabilanggo na siya nang walong beses, at sasabihin ng Diyos: “Hindi Ako tumitingin sa mga bagay na ito tungkol sa iyo. Tinitingnan Ko lang kung paano ka gumawi ngayon, kung isa ka bang tao na naghahangad sa katotohanan, kung nagpatotoo ka ba habang nasa bilangguan ka, kung ano ang mga nakamit mo, kung kilala mo ba ang Diyos, at kung nakapasok ka na ba sa mga katotohanang realidad.” Ito ang resultang gusto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Lumabag ako at naligaw, pero ngayon ay nalalaman ko na ito, at sa pamamagitan ng malalim na pagninilay-nilay, naging handa akong magsisi, at matibay akong nagpapasyang gampanan nang maayos ang aking tungkulin, na hindi maging pabasta-basta, at na gawin ang aking makakaya, para mapasiya ko ang Diyos, masuklian ang Kanyang pagmamahal, at makabawi sa mga pagkakamali ko dati. Gusto kong hangarin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ko ang aking tungkulin. Hindi lang ako magsisikap o magtatrabaho, susubukan kong isagawa ang katotohanan, isabuhay ang wangis ng tao, at parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa aking tungkulin nang maayos.” Kung may ganito kang saloobin, titingnan pa rin ba ng Diyos ang mga paglabag mo? Hindi na. Kaya, dapat sigurado ka tungkol dito sa puso mo, para hindi ka na mapigil pa ng mga dati mong paglabag. May mga tao na laging napipigil ng mga paglabag nila dati, at iniisip nila na, “Hindi posibleng mapatawad ng Diyos ang anumang bagay na lumalabag sa Kanyang disposisyon. Matagal na akong itinataboy ng Diyos, at wala nang silbi pang hangarin ko ang katotohanan.” Anong klaseng saloobin ito? Tinatawag itong paghihinala at maling pagkaunawa sa Diyos. Sa katunayan, kahit bago ka pa gumawa ng anumang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, wala nang galang, wala nang pagpipitagan, at pabasta-basta na ang saloobin mo sa Kanya, at hindi mo pinakitunguhan ang Diyos bilang Diyos. Nabubunyag ng mga tao ang mga satanikong disposisyon dahil sa isang sandali ng kamangmangan o pagiging padalos-dalos, at kung walang magdidisiplina o pipigil sa kanila, nakagagawa sila ng mga paglabag. Matapos magkaroon ng mga kahihinatnan ang mga paglabag nila, hindi nila alam kung paano magsisi pero hindi sila mapakali. Nag-aalala sila sa kahihinatnan nila sa hinaharap at sa kahahantungan nila, at kinikimkim nila ang lahat ng ito sa mga puso nila, laging iniisip na, “Tapos at wasak na ako, kaya ituturing ko na lang ang sarili ko na wala nang pag-asa. Kung isang araw ay ayaw na ng Diyos sa akin at kinamumuhian na Niya ako nang lubos, ang pinakamasamang bagay na mangyayari sa akin ay ang mamatay. Ipinapaubaya ko na ang sarili ko sa pamamatnugot ng Diyos.” Sa panlabas ay sinasabi nilang ipinapaubaya nila ang kanilang sarili sa awa ng pamamatnugot ng Diyos at nagpapasakop sila sa Kanyang mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan, pero ano ba ang talagang kalagayan nila? Ito ay paglaban, pagmamatigas, di-pagsisisi. Ano ang ibig sabihin ng di-pagsisisi? Nangangahulugan itong kumakapit sila sa mga ideya nila, hindi naniniwala o tumatanggap sa anumang sinasabi ng Diyos, laging iniisip na, “Ang mga salita ng Diyos ng pangangaral at kaaliwan ay hindi para sa akin, kundi para sa ibang tao. Tungkol naman sa akin, ako ay tapos na, tinanggal na ako, wala akong halaga—matagal na akong sinukuan ng Diyos, at kahit na gaano man ako umamin sa mga kasalanan ko, manalangin, o humagulgol sa pagsisisi, hindi na Niya ako bibigyan pa ng isang pagkakataon.” Anong saloobin ito, kapag sinusukat at pinagdududahan nila ang Diyos sa mga puso nila? Saloobin ba ito ng pag-amin at pagsisisi? Kitang-kita namang hindi. Ang ganitong uri ng saloobin ay kumakatawan sa isang klase ng disposisyon—ang pagmamatigas, matinding pagmamatigas. Sa panlabas ay mukha silang talagang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, walang pinakikinggan, nauunawaan ang bawat doktrina subalit walang isinasagawang anuman. Sa katunayan, mayroon silang mapagmatigas na disposisyon. Sa perspektiba ng Diyos, ang pagiging mapagmatigas ba ay pagpapasakop o pagrerebelde? Ito ay malinaw na pagrerebelde. Gayunman, pakiramdam nila ay lubha silang nagawan ng mali, “Dati ay mahal na mahal ko ang Diyos, pero hindi Niya mapalampas ang isang maliit na pagkakamaling nagawa ko, at ngayon ay wala na akong kahihinatnan. Hinatulan na ng Diyos ang mga taong gaya ko. Ako si Pablo.” Sinabi ba ng Diyos na ikaw si Pablo? Hindi iyon sinabi ng Diyos. Sinasabi mong ikaw si Pablo—saan galing ito? Sinasabi mong papatayin ka ng Diyos, parurusahan, at ipapadala sa impiyerno. Sino ang nagpasya sa kahihinatnang ito? Malinaw na ikaw mismo ang nagpasya nito, sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos na ipapadala ka sa impiyerno kapag tapos na ang Kanyang gawain, at na hindi ka makakapasok sa kaharian ng langit. Hangga’t hindi sinasabi ng Diyos na itinataboy ka Niya, mayroon kang pagkakataon at karapatang hangarin ang katotohanan, at dapat mo lang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng ganitong uri ng saloobin, sapagkat ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan at sa pagliligtas ng Diyos, at ng tunay na pagsisisi. Lagi kang kumakapit sa mga sarili mong kuru-kuro, imahinasyon, at maling pagkakaunawa; puno at okupado ka na ng mga bagay na ito, at nakapagpasya ka pa nga na hindi ka ililigtas ng Diyos, at pagkatapos ay nagkaroon ka ng isang takbo ng pag-iisip na pabasta-basta sa pagganap mo ng iyong tungkulin, isang takbo ng pag-iisip na ipinapalagay na wala ka nang pag-asa, isang takbo ng pag-iisip na negatibo at pasibo, isang takbo ng pag-iisip na mabuhay na lang araw-araw, isang takbo ng pag-iisip na pagraraos lang. Makakamit mo ba ang katotohanan? Hindi mo makakamit ang katotohanan nang may ganitong mentalidad, at hindi ka maliligtas. Hindi ba’t kaawa-awa ang ganitong tao? (Oo, kaawa-awa sila.) Ano ang dahilan ng kanilang pagiging lubhang kaawa-awa? Ito ay dahil sa kamangmangan. Kapag may mga nangyayari, hindi nila hinahanap ang katotohanan kundi lagi silang nag-aaral at naghahaka-haka, at gusto pa nga nilang suriin ang mga salita ng Diyos para makita kung ano ang nasabi na tungkol sa kanilang sitwasyon, kung ano ang saloobin ng Diyos, kung paano Siya humahatol, at kung ano ang kahihinatnan nila—at sa pamamagitan nito ay matutukoy nila kung ano ang magiging resulta ng bagay na iyon. Ang ganito bang pamamaraan ay paghahanap sa katotohanan? Siguradong hindi. Ikinababahala nila ang mga salita ng Diyos na nagkokondena at sumusumpa, nabubuhay sila sa pagiging negatibo—na mukhang karupukan, kahinaan, at pagiging negatibo, pero sa katunayan ay isang uri ng paglaban. Ano ang disposisyong nasa likod ng paglaban? Ito ay ang pagiging mapagmatigas. Sa mga mata ng Diyos, ang pagiging mapagmatigas na ito ay isang uri ng pagrerebelde, at ang pinakakinasusuklaman Niya. Kung ayaw kang iligtas ng Diyos, bakit ka Niya sasabihan ng napakaraming katotohanan, bibigyan ng napakaraming landas ng pagsasagawa, o hihikayatin gamit ang mga gayong tapat na salita? Pero sinasabi mo pa rin na hindi ka ililigtas ng Diyos. Ano ang batayan nito? Laging umaasa ang puso ng Diyos na magsisisi ang mga tao, pero ang mga tao pa nga ang hindi nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang mga sarili. Ano ang isyu rito? Ito ay na ang kalikasan ng tao ay napakamapanlinlang. Hindi nananalig ang mga tao sa Diyos o sa mga salita Niya, at ito ang saloobin kung paano nila tinatrato ang Diyos. Maaaring may magsasabi: “Tapat ang Diyos, at sa Kanyang mga salita ay naroon ang paghatol, paglalantad, pagkondena, mga sumpa, awa, at kapatawaran. Alam ko na ang lahat ng salitang ito ay kumakatawan sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ko alam kung alin sa mga ito ang nakatuon sa sitwasyon ko. Lagi kong nararamdaman na ang mga salita ng pagkondena at pagsumpa ng Diyos ay para sa akin, samantalang ang Kanyang mga salita ng pagpapala at pagsang-ayon ay para sa mga naghahangad sa katotohanan. Katapusan ko na, anuman ang kaso.” Mayroon silang ganitong uri ng mapangahas na saloobin mula simula hanggang wakas, at ginagamit nila ito bilang palusot para sabihin na hindi sila ililigtas ng Diyos. Iisipin nila, “Dahil hindi Mo ako ililigtas, O Diyos, mas mabuti pang maging pabasta-basta na lang ako sa pagganap ko ng aking tungkulin. Kung hindi Mo ako pagkakalooban ng gantimpala, bakit pa ako magpapakahirap gumawa?” Nagbabago ang takbo ng pag-iisip nila, at nagiging hindi makatwiran. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, bagkus ginagamit nila ang sarili nilang mga layunin, negatibong kalagayan, at mga imahinasyon, haka-haka, at pagdadahilan ng tao para sumalungat at makipagtunggali sa Diyos. Nabubuhay sila sa pagiging negatibo, walang interes sa paghahanap sa katotohanan o pagbabahaginan dito, at walang interes na isagawa ito o maging isang tapat na tao. Nagkaroon sila ng isang mailap na saloobin ukol dito, at maging ngayon ay hindi pa sila nagigising, kundi nabubuhay pa rin sa isang negatibong kalagayan. Sinasabi ng Diyos na ang ganitong klase ng mga tao ang pinakakaawa-awa. Mula simula hanggang wakas, palaging ang mga tao ang siyang nakikipagtunggali sa Diyos, ang mga tao ang siyang may haka-haka at maling pagkaunawa sa Kanya, at ang nagpapahirap sa mga sarili nila gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao hanggang sa maging negatibo na sila. Lumayo sila sa Diyos, pero gusto pa rin nilang pakinabangan Siya at makipagtawaran sa Kanya, nang wala ni katiting na pagbabago. Hindi ba’t sila ang may gawa nito sa sarili nila? Katulad lang ito ng sinasabi sa mga liriko na, “nagpapakagutom sila sa isang malaking pista.” Ito ay napakakaawa-awa. Nagbibigay ang Diyos ng kasaganaan sa tao, pero patuloy na nanlilimos ang tao nang may butas na lalagyan. Hindi ba’t isa itong pulubi na karapat-dapat magdusa?
Mula’t simula, madalas Ko na kayong hinimok na dapat hanapin ng bawat isa sa inyo ang katotohanan. Hangga’t may pagkakataong gawin ito, huwag kayong susuko; ang paghahanap sa katotohanan ay obligasyon, responsabilidad, at tungkulin ng bawat isang tao, at ang landas na dapat lakaran ng bawat tao, pati na ang landas na dapat lakaran ng lahat ng maliligtas. Ngunit walang dumirinig nito—walang nag-iisip na isa itong mahalagang bagay, naniniwalang salita ng pagmamalinis lamang ito, iniisip ng bawat tao kung ano ang gusto nila. Mula simula hanggang ngayon, bagama’t marami na ang humahawak ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay at binabasa ang mga ito, ang nakikinig sa mga pangaral, ang tila tumanggap ng lahat ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at ng Kanyang patnubay habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, sa katunayan, hindi pa naitatag ang isang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at ang lahat ng tao ay namumuhay ayon sa kanilang mga imahinasyon, kuru-kuro, maling pagkaunawa, at haka-haka, kung kaya’t namumuhay sila bawat araw sa pag-aalinlangan at pagiging negatibo sa kung paano nila tinatrato ang mga salita at gawain ng Diyos, pati na ang Kanyang patnubay. Kung nabubuhay ka sa gayong mga kalagayan, paano mo maiwawaksi ang pagiging negatibo? Paano mo maiwawaksi ang pagiging mapaghimagsik? Paano mo maiwawaksi ang kaisipan at saloobin ng panlilinlang at kabuktutan o ang haka-haka at maling pagkaunawang ginagamit mo sa pagharap mo sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos? Tiyak na hindi maiwawaksi ang mga ito. Samakatuwid, kung hangad mong tahakin ang isang landas ng paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan at ng pagpasok sa katotohanang realidad, dapat kang pumaroon kaagad sa harapan ng Diyos, manalangin sa Kanya, at hanapin ang Kanyang mga layunin—at ang maunawaan ang Kanyang mga pagnanais ang pinakamahalaga sa lahat. Napakaimpraktikal na laging mamuhay sa mga kuru-kuro at imahinasyon; dapat mong matutuhang pagnilayan ang sarili mo sa lahat ng bagay, at makilala kung aling mga tiwaling disposisyon na mayroon ka pa rin ang kailangan linisin, kung aling mga bagay ang humahadlang sa iyo sa pagsasagawa ng katotohanan, kung anong mga maling pagkakaunawa o mga kuru-kuro ang mayroon ka tungkol sa Diyos, at kung aling mga bagay na ginagawa Niya ang hindi umaayon sa mga kuru-kuro mo, kundi nagsasanhi sa iyong magduda at magkamali ng pagkaunawa. Kung pagninilay-nilayan mo ang sarili mo sa ganitong paraan, maaari mong matuklasan kung aling mga problema na mayroon ka pa ang kailangang lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at kung magsasagawa ka nang gaya nito ay mabilis na lalago ang buhay mo. Kung hindi mo pagninilay-nilayan ang sarili mo kundi lagi kang magkikimkim ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa iyong puso tungkol sa Diyos, kung lagi mong ipipilit ang sarili mong mga ideya, lagi mong iisipin na binibigo ka ng Diyos o hindi Siya patas sa iyo, at lagi kang kakapit sa sarili mong pangangatwiran, ang maling pagkakaunawa mo sa Diyos ay lalo lamang lalalim at mapapalayo lang nang mapapalayo ang ugnayan mo sa Kanya, habang ang pagrerebelde at pagsalungat sa Kanya ng puso mo ay titindi nang titindi. Mapanganib kung ang kalagayan mo ay sasama nang ganito, sapagkat seryoso na nitong maaapektuhan kung gaano ka kaepektibo sa pagganap mo ng iyong tungkulin. Magagawa mo lang tratuhin ang tungkulin at responsabilidad mo nang may saloobin na walang ingat, pabasta-basta, walang pagpipitagan, nagrerebelde, at lumalaban, at ano ang magiging resulta sa huli? Magtutulak sa iyo ito na maging pabasta-basta sa paggawa mo ng iyong tungkulin, na maging mapanlinlang at lumalaban sa Diyos. Hindi mo makakamit ang katotohanan, ni mapapasok ang mga katotohanang realidad. Ano ang pinakadahilan ng resultang ito? Ito ay dahil ang mga tao ay mayroon pa ring mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos sa kanilang puso, at ang mga praktikal na problemang ito ay hindi pa nalulutas. Kaya, laging magkakaroon ng malaking agwat sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kaya, kung nais humarap ng mga tao sa Diyos, kailangan muna nilang pagnilayan kung anong mga maling pagkaunawa, kuru-kuro, imahinasyon, pag-aalinlangan, o haka-haka ang mayroon sila tungkol sa Diyos. Lahat ng ito ay dapat na siyasatin. Totoong ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro o maling pagkakaunawa sa Diyos ay hindi simpleng bagay, sapagkat may kinalaman ito sa saloobin ng mga tao sa Diyos pati na rin sa kanilang kalikasang diwa. Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan upang lutasin ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ito, ang mga bagay na ito ay hindi naman maglalaho na lamang. Kahit na hindi pa maapektuhan ng mga ito ang pagganap mo sa iyong tungkulin o ang paghahangad mo sa katotohanan, kapag may nangyari o dahil sa mga espesyal na pagkakataon ay lilitaw pa rin ang mga ito upang guluhin ang isipan mo at ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Kaya, kung mayroon kang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa, dapat mong harapin ang Diyos at pagnilayan ang sarili mo, hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang ugat at ang diwa kung bakit umuusbong sa mga tao ang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawang ito. Saka lamang maglalaho ang mga ito, magiging normal ang relasyon mo sa Diyos, at unti-unti nang lalago ang buhay mo. Ang pagkakaroon ng mga tao ng napakaraming kuru-kuro at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos ay nagpapatunay na ang sangkatauhan ay lumalaban at hindi tugma sa Kanya. Tanging sa pamamagitan ng patuloy na paglutas sa mga kuru-kuro at maling pagkakaunawang ito na ang agwat sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay unti unting mawawala. Makapagpapasakop na sila sa Diyos, at magkakaroon na sila ng mas malaking pananampalataya sa Kanya; kung may ganito nang mas malaking pananampalataya, ang pagsasagawa nila sa katotohanan ay hindi na ganoong madudungisan, at mas magiging kaunti na ang dungis at mga hadlang sa paghahangad nila sa katotohanan.
Aling mga tao ang mas dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin, at hindi masyadong nagpapakana para sa kapakanan nila? (Ang mga mas simpleng tao, iyong mga hindi mali ang pagkakaunawa sa Diyos.) Isang klase ito, pero mayroon ding matatapat na tao, mababait na tao, iyong mga mas hinahangad ang katotohanan—mas dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin ang mga taong ito. Iyong may mga maling pagkakaunawa o mga imahinasyon tungkol sa Diyos, o mayroong maluluhong pagnanasa o mga hinihingi sa Kanya, ay labis na hindi dalisay gumanap ng kanilang mga tungkulin. Gusto nila ng katanyagan, katayuan, at mga gantimpala, at kung malayo pa at hindi pa abot-tanaw ang isang malaking gantimpala, mag-iisip-isip sila, “Dahil hindi ko pa ito makukuha agad, kailangan ko lang maghintay at magtiis. Pero dapat ngayon ay makakuha muna ako ng kaunting mga pakinabang, o kahit man lang kaunting katayuan. Pagsisikapan ko munang maging isang lider sa iglesia, na maging responsable para sa dose-dosenang tao. Kahali-halina ang laging may nakapaligid sa iyo na mga tao.” At sa gayon ay nagkakaroon ng karumihang ito ang kanilang pananalig sa Diyos. Kapag wala ka pang ginagampanang kahit anong tungkulin, o nagagawang kahit anong praktikal na bagay para sa sambahayan ng Diyos, mararamdaman mong hindi ka kwalipikado, at hindi uusbong sa iyo ang mga bagay na ito. Pero kapag may kakayahan kang gawin ang isang bagay, at sa tingin mo ay nakakaangat ka nang kaunti sa karamihan ng tao, at kaya mong ipangaral ang ilang doktrina, uusbong na ang mga bagay na ito. Halimbawa, kapag maghahalal ng isang lider, kung isa o dalawang taon ka pa lamang nakakapanampalataya sa Diyos, madarama mong mababa ang tayog mo, na hindi mo kayang mangaral ng kahit anong sermon, at na hindi ka kwalipikado, kaya aatras ka sa halalan. Matapos ang tatlo o limang taong pananalig, kakayanin mo nang ipangaral ang ilang espirituwal na doktrina, kaya pagdating ng panahon para maghalal muli ng isang lider, maagap mong aasamin ang posisyong iyon at magdarasal ka na, “O Diyos! Nagdadala ako ng pasanin, handa akong maging lider sa iglesia, at handa akong maging mapagsaalang-alang sa Iyong mga layunin! Pero mahalal man ako o hindi, lagi pa rin akong handang magpasakop sa mga pagsasaayos Mo.” Sasabihin mong handa kang magpasakop, pero sa puso mo, iisipin mo, “Pero maganda sana kung hahayaan Mo akong masubukan na maging isang lider!” Kung may ganoon kang hinihingi, tutugunan ba ito ng Diyos? Siguradong hindi, dahil ang hinihingi mong ito ay hindi isang lehitimong kahilingan, kundi isang maluhong pagnanasa. Kahit na sabihin mo pang gusto mong maging isang lider para makapagpakita ka ng konsiderasyon para sa pasanin ng Diyos, gamit ang palusot na ito bilang pangangatwiran mo, at pakiramdam mo ay ayon ito sa katotohanan, ano ang iisipin mo kapag hindi tinugunan ng Diyos ang hinihingi mo? Anong mga pagpapamalas ang ipapakita mo? (Mali ang magiging pagkaunawa ko sa Diyos, at magtataka ako kung bakit hindi Niya ako pinalugod samantalang gusto ko lang naman na magpakita ng konsiderasyon para sa pasanin Niya. Magiging negatibo ako, lalaban ako, at magrereklamo ako.) Magiging negatibo ka, at iisipin mong, “Ang taong inihalal nila ay hindi pa nakakapanampalataya sa Diyos nang kasingtagal ko, mas mababa ang pinag-aralan niya kaysa sa akin, at mas mababa ang kakayahan niya kaysa sa akin. Kaya ko ring ipangaral ang mga sermon, kaya saan siya mas magaling kaysa sa akin?” Mag-iisip ka nang mag-iisip, pero hindi mo ito maiintindihan, kaya magkakaroon ka ng mga kuru-kuro, at huhusgahan mo ang Diyos bilang hindi matuwid. Hindi ba’t isa itong tiwaling disposisyon? Makakapagpasakop ka pa rin ba? Hindi na. Kung wala kang pagnanasang maging isang lider, kung kaya mong hangarin ang katotohanan, at kung kilala mo ang sarili mo, sasabihin mo, “Ayos lang sa akin ang maging isang ordinaryong tagasunod. Wala akong taglay na katotohanang realidad, mayroon lamang akong karaniwang pagkatao, at hindi ako masyadong magaling magsalita. May kaunti akong karanasan pero hindi talaga ako makapagsalita tungkol dito. Gusto kong magsalita pa tungkol dito pero hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang sarili ko. Kung magsasalita pa ako, malamang na magsasawa ang mga tao sa pakikinig sa akin. Kulang ang kakayahan ko para sa posisyong ito. Hindi ako bagay maging isang lider, at dapat lang na magpatuloy akong matuto sa iba, gampanan ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at hangarin ang katotohanan nang may pagpapakumbaba. Balang araw, kapag may tayog na ako at angkop nang mamuno, hindi ako tatanggi kapag hinalal ako ng aking mga kapatid.” Ito ang wastong lagay ng pag-iisip. Kung balang araw ay makita ng mga kapatid na bagay ka nang maging lider at ihalal ka nila, tiyak na mangyayari ito dahil pinahintulutan ito ng Diyos, kung ganoon mamumuno ka ba o hindi? (Oo, mamumuno ako, magpapasakop ako.) Paano ka magpapasakop? Sabihin nating iniisip mo, “Sa tingin ko ay kaya kong gawin ito. Wala nang iba pa na mas magaling kaysa sa akin, kaya siguradong kaya kong gawin ito. Ito ay pag-antig ng Diyos sa aking mga kapatid para ihalal ako. Sa mga taong ito, ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa Diyos, nasa tamang gulang ako, may ilang karanasan na ako sa lipunan, at mayroon akong kapabilidad sa paggawa, magaling akong magsalita at edukado ako, nagampanan ko na ang lahat ng iba’t ibang uri ng tungkulin at mayroon na akong ilang karanasan. Angkop ako sa lahat ng aspekto. Kung ang mga kapatid ko ay nasa ilalim ng aking pamumuno, tiyak na ang buhay-iglesia ay uunlad at bubuti nang bubuti.” Kung magkagayon, umuusbong sa iyo ang pagmamataas. May katwiran ba ito? Ano ang susunod mong gagawin? Gagawa ka ng mga buktot at masasamang bagay, at kung magkagayon ay kailangan kang pungusan, at kailangan mong humarap sa paghatol at pagkastigo. Mahalaga ba ang lagay ng kaisipan ng isang tao? (Oo, mahalaga ito.) Anuman ang ginagawa mo, dapat mong pagnilayan at maunawaan ang mga motibo mo, ang pinanggagalingan mo, ang mga layunin mo, ang mga mithiin mo, at ang lahat ng kaisipan mo, nang ayon sa katotohanan, at matukoy kung tama ba o mali ang mga ito. Lahat ng ito ay dapat na taglay ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at saligan ng mga ito, nang sa gayon ay hindi ka tumahak sa maling landas. Anuman ang gusto mong gawin, o ang iyong hinahanap, ipinapanalangin, o hinihingi sa Diyos, dapat na lehitimo at makatwiran ito, dapat na puwede itong pag-usapan at aprubahan ng lahat. Walang saysay na hanapin at ipanalangin ang mga bagay na hindi naman pwedeng ilantad. Gaano mo man ipanalangin ang mga bagay na iyon, wala iyong silbi.
Laging hindi dalisay ang mga tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin; lagi silang nahahaluan ng sarili nilang mga layunin at kagustuhan. Kung gayon, sadya bang pinapayagan ng mga tao na mahaluan sila? Hindi, hindi ito sinadya. Ang dami ng pagkakahalo na mayroon ang isang tao ay nakadepende sa kanyang mga disposisyon at sa kanyang hinahangad. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng mas kaunting intensyon, makasariling motibo, pagnanasa, at mga negatibong kalagayan kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, mas marami siyang magiging pagkakahalo, at malamang na magiging negatibo siya kapag naharap siya sa kabiguan o mga dagok, minsan ay natitisod pa nga siya sa isang pangungusap. Lagi ninyong pinag-uusapan ang “pagkaramdam na pinahihirapan ng pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at pagmamahal”—pakiramdam ninyo ay pinahihirapan kayo ng lahat ng bagay, nang buong araw. Hindi ito makatwiran. Madalas napangingibabawan ang mga tao ng kanilang satanikong kalikasan, nabubuhay sila sa ilalim ng kontrol ng kanilang mga satanikong disposisyon, at mayroon silang lahat ng uri ng maluluhong pagnanasa, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga iyon. Anumang uri ng katiwalian ang ipakita nila, pakiramdam nila lagi ay negatibo at pinahihirapan sila. Kung pakiramdam ninyo ay pinahihirapan kayo, nanganganib kayo; tuwing nababanggit ang pagkaramdam na pinahihirapan, hindi ito kailanman mabuting bagay. Bakit? Ang salitang “pinahihirapan” mismo ay ni hindi makatwiran—nakakaramdam lang ang mga tao ng pagpapahirap sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon, at hindi ito pagpapamalas na kadalasang ipinapakita ng mga naghahangad sa katotohanan. May mali sa pagkaramdam na laging pinahihirapan, may problema sa gayong klase ng mga tao—ito ay kalagayan ng pagiging negatibo at paglaban. Bukod pa roon, hindi tama at hindi akma na gamitin ang salitang “pinahihirapan” sa ganitong paraan. Bakit ba sa huli ay walang nakukuhang resulta ang mga taong laging nakakaramdam ng pagpapahirap? Ito ay dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, sa halip ay lagi silang negatibo at lumalaban, sinasalungat ang Diyos. Ang resulta nito ay labis silang nagdurusa pero walang anumang napapala. Ang mga taong minamahal ang katotohanan ay laging magpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, anumang paghihirap o problema ang harapin nila. Tatanggapin nila ang mga pamamatnugot ng Diyos, lalapit sila sa Kanya upang hanapin ang katotohanan, at tatahakin nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Huwag kayong makaramdam ng pagpapahirap nang walang magandang dahilan, dahil hindi kayo nito madadala saanman. Halimbawa, nadarama mong pinahihirapan ka ng pagmamahal, pero kaya mo bang makawala rito? Nadarama mong pinahihirapan ka ng katayuan, pero may tunay ka bang kabatiran sa katayuan? Nadarama mong pinahihirapan ka ng iyong kinabukasan at kapalaran, pero kaya mo bang makalaya sa mga paglilimita ng iyong kinabukasan at kapalaran? Kaya mo bang bitiwan ang iyong pagnanasa para sa mga pagpapala? (Hindi, hindi ko kaya.) Kung gayon, paano mo malulutas ang mga problemang ito? Dapat na malutas ang lahat ng ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Malulutas ng paghahangad sa katotohanan ang mga hindi makatwirang hinihingi at ang maluluhong pagnanasa ng mga tao, pati na rin ang mga maling pagkakaunawa nila sa Diyos at ang mga imahinasyon, haka-haka, pagdududa, at pagpapalagay nila tungkol sa Kanya. Makakaramdam pa rin ba ng pagpapahirap ang mga tao kapag nalutas na ang lahat ng kalagayang ito? Hindi ba’t maglalaho na lang ang lahat ng kalagayang ito ng pagkaramdam na pinahihirapan? Sa panahong iyon, ano ang magiging mga kaisipan, mga pananaw, saloobin, at kalagayan mo? Makakapagpasakop at makakapaghintay ka na, at hindi ka na lalaban sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, ni maghihimagsik laban sa Kanya o huhusga sa Kanya. Bukod pa rito, kapag dumampi ang kamay ng Diyos sa iyo, o namatnugot Siya ng isang kapaligiran para sa iyo, magagawa mong aktibong makipagtulungan at magpasakop sa Kanya sa halip na lumaban o umiwas, at lalo nang hindi mo susubukang tumakas dito. Magkakaroon ka ng higit pa sa mga positibong kalagayang ito, at pinatutunayan nito na hinahangad mo ang katotohanan. Gayunpaman, kung laging okupado ng mga negatibong bagay ang pag-iisip mo at naiimpluwensiyahan ng mga iyon ang iyong pang-araw-araw na mga pagkilos, kaisipan, at ideya, at naaapektuhan ng mga iyon ang kalagayan mo, pinatutunayan nito na hindi mo man lang hinahangad ang katotohanan, at sa kalaunan ay ititiwalag ka.
Kapag gumaganap ang maraming tao ng kanilang mga tungkulin, lagi silang nahahaluan ng kanilang mga layunin, lagi nilang sinusubukang maitangi ang kanilang sarili, gusto nilang laging mapuri at mapalakas ang kanilang loob, at kapag may ginawa sila na mabuti, gusto nilang lagi itong may kapalit o gantimpala; kung walang gantimpala, wala silang interes na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at kung walang papansin o manghihimok sa kanila, nagiging negatibo sila. Sila ay pabago-bago, gaya ng mga bata. Ano ba ang nangyayari dito—bakit ba laging nahahaluan ng kanilang mga layunin ang mga tao sa kanilang mga tungkulin at hindi nila kailanman maisantabi ang mga ito? Ang pangunahing dahilan ay hindi nila tinatanggap ang katotohanan; bunga nito, kahit gaano mo pa ibahagi ang katotohanan sa kanila, wala silang kakayahan na isantabi ang mga bagay na ito. Kung hindi kailanman malulutas ang mga isyung ito, sa paglipas ng panahon, madali silang magiging negatibo, at lalong magiging walang interes sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Kapag nakita nila ang mga salitang mula sa Diyos tungkol sa pagiging sinang-ayunan o pinagpala, nagkakaroon sila ng kaunting motibasyon, at medyo sinisipag sila; pero kung walang nagbabahagi sa kanila ng katotohanan, kung walang nagbibigay ng motibasyon o papuri sa kanila, nagiging walang interes sila. Kung malimit silang mahangaan, masabihan ng magagandang salita, at mapuri ng mga tao, pakiramdam nila ay napakagaling nila, at sa kanilang mga puso, sigurado silang pinoprotektahan at pinagpapala sila ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, natatamo at natutupad ang kanilang pagnanais na mamukod-tangi sa karamihan, pansamantalang napapawi ang kanilang layong mapagpala, at nagagamit ang kanilang mga kasanayan at talento, na nagbibigay sa kanila ng karangalan. Napapalukso sila sa sobrang saya, napapangiti sila nang husto. Ito ba ang epekto ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ito ay dahil lamang nabibigyang-kasiyahan ang kanilang mga ninanasa. Anong disposisyon ito? Isa itong mapagmataas na disposisyon. Wala silang kahit katiting na kabatiran sa sarili, pero may mga magagarbong ninanasa. Kapag nahaharap sa ilang paghihirap o suliranin, o kung hindi nabibigyang-kasiyahan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at banidad, o kung nakokompromiso kahit bahagya man ang kanilang mga interes, nagiging negatibo sila at nalulugmok. Dati, nakatayo silang kasingtaas ng higante, pero sa loob lamang ng ilang araw ay gumuho na sila at naging isang tumpok ng alikabok—sobrang laki ng pagkakaiba. Kung sila ay mga taong naghahangad ng katotohanan, paanong napakabilis nilang natumba? Malinaw na napakahina ng mga taong gumaganap ng kanilang mga tungkulin batay sa kasigasigan, mga hangarin, at ambisyon; kapag may nasasagupa silang ilang balakid o kabiguan, natutumba sila. Ang makita ang kanilang mga imahinasyon na mauwi sa wala, hindi matupad ang kanilang mga hangarin, at wala silang pag-asang mapagpala, nabubuwal sila kaagad. Ipinapakita nito na kahit gaano pa sila naging masigasig sa kanilang mga tungkulin nang sandaling iyon, ito ay hindi dahil sa naunawaan nila ang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang may pagnanasang pagpalain sila, at dahil sa kanilang kasigasigan. Kahit gaano pa kasigasig ang mga tao, o kahit gaano pa karaming mga salita at doktrina ang kaya nilang ipangaral, kung wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan, kung hindi nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin nang ayon sa prinsipyo, kung umaasa lang sila sa kasigasigan, hindi sila makakatagal, at kapag naharap sila sa paghihirap o sakuna, hindi sila makakapanindigan, at mabubuwal sila. May ilang tao na bumabagsak na lang kapag nahaharap sa kabiguan o mga dagok, ang iba ay bumabagsak kapag pinupungusan, habang ang iba naman ay bumabagsak kapag nahaharap sa pagdidisiplina. Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay laging bumabagsak sa unang sagabal sa ganitong paraan. Kung gayon, ano ang mga pagpapamalas ng isang taong hinahangad ang katotohanan? (Anupamang uri ng pagpipino ang harapin niya, kahit na napakasakit pa nito sa kanya, hindi siya magiging negatibo. Hahanapin niya ang katotohanan at magpapasakop siya sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) Ang hindi pagiging negatibo ay isang pagpapamalas, pero hindi pa ninyo nakikita ang pangunahing pagpapamalas, na hindi nahahadlangan o naaapektuhan ang mga taong naghahangad sa katotohanan kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, anupamang mga paghihirap, sakit, o kahinaan ang nararanasan nila. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay ganado sa pagganap sa kanilang mga tungkulin kapag masaya sila; gaano man sila magdusa, hindi sila nakakaramdam ng pagod, at kaya nilang isaisantabi ang lahat ng personal na bagay, at hindi iwan ang kanilang mga tungkulin. Pero iba na kapag hindi sila masaya. Nakakaramdam na sila ng sobrang pagod kahit na gumagawa lamang ng katiting na gawain, at kung nagdurusa sila nang kaunti, nagrereklamo sila, at lagi nilang iniisip na makauwi na para magpakasaya sa buhay at yumaman, at lagi silang nag-iisip ng daan na malalabasan nila. Pero iniisip ng mga naghahangad sa katotohanan, “Gaano man ako magdusa, kailangan kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at suklian ang pag-ibig ng Diyos. Sa pagganap ko lamang nang maayos sa aking tungkulin na magkakaroon ako ng konsensiya at katwiran, at magiging karapat-dapat ako na tawaging tao.” Maliban sa pagtuon sa pagganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, nagagawa rin nilang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magkipagbahaginan tungkol sa katotohanan kasama ng kanilang mga kapatid anumang mga problema ang kinakaharap nila, at hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga paghihirap. Pinag-iisipan nila ang mga bagay na ito nang paulit-ulit: “Paano ko ba malulutas ang kalagayang ito? Nasaan ang problema? Bakit negatibo ang pakiramdam ko? Bakit ako pinupungusan? Paano ko ito nagawa nang mali? Saan ako nagkamali? Isa ba itong problema sa disposisyon, hindi ba ako magaling sa larangang ito, o nagkikimkim ba ako ng ilang pansariling layunin?” Nakakakuha na sila ng mga resulta pagkatapos nilang suriin ang mga bagay na ito nang ilang araw, at napagtatanto nila na ang gawain ng iglesia ay nagdusa dahil sila ay nagkimkim ng sarili nilang mga layunin, natakot na salungatin ang iba, at hindi nagsaalang-alang ng mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ano ang dapat ninyong maging saloobin pagkatapos ninyong marating ang ganitong klaseng konklusyon? Paano ninyo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat ninyong tanggapin ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, pagnilayan ang inyong sarili sa loob ng Kanyang mga salita, ikumpara ang inyong kalagayan sa Kanyang mga salita, at magkamit ng pagkaunawa sa mga sarili ninyong tiwaling disposisyon. Sa ganitong paraan ay malalaman ninyo kung kayo ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos o hindi. Sapat na ba ang magkaroon ng ganitong konklusyon? Kakailanganin pa rin ninyong magtapat at magsisi sa harap ng Diyos, sabihing, “Ang ginawa ko ay hindi naaayon sa katotohanan, ang mga kilos ko ay idinikta ng aking satanikong disposisyon. Handa akong magsisi, at hindi na ako muling maghihimagsik laban sa Diyos. Anuman ang mangyari, lagi kong hahanapin ang katotohanan, at lagi akong kikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi ko magagawa iyon, nawa ay disiplinahin at parusahan ako ng Diyos.” Ito ang tunay na nagsisising puso. Kung makakapanalangin ka at makagagawa ka ng matibay na resolusyon sa ganitong paraan, at kung makapagsasagawa ka nang ganito, ito ay isang mapagpasakop na takbo ng pag-iisip. Kung daranas ka sa ganitong paraan, unti-unti ay makapagpapasakop ka sa gawain ng Diyos, mauunawaan mo Siya nang tunay, makikita mo na ang Kanyang disposisyon ay talagang matuwid at banal, at magkakaroon ka ng may-takot-sa-Diyos na puso. Magiging responsable ka at tapat sa pagganap ng iyong tungkulin, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng kaunting praktikal na karanasan, at nakapasok ka na sa mga katotohanang realidad.
Sinusunod ng ilang tao ang sarili nilang kagustuhan kapag kumikilos sila. Nilalabag nila ang mga prinsipyo, at pagkatapos mapungusan, sa mga salita lamang nila inaamin na sila ay mayabang, at na nakagawa sila ng pagkakamali dahil lamang sa wala sa kanila ang katotohanan. Pero sa kanilang puso, nagrereklamo sila na, “Walang ibang nangangahas na magsalita o kumilos, ako lamang—at sa huli, kapag may nangyaring mali, ipinapasa nila sa akin ang lahat ng responsabilidad. Hindi ba’t ang hangal ko naman? Hindi ko na pwedeng ulitin iyon sa susunod, na mangahas na magsalita o kumilos nang ganoon. Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril!” Ano ang tingin mo sa ganitong saloobin? Saloobin ba ito ng pagsisisi? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t naging madaya at mapanlinlang na sila? Sa kanilang mga puso, iniisip nila na, “Mapalad ako na sa pagkakataong ito ay hindi ito humantong sa isang sakuna. Isang pagkahulog sa bitag, isang dagdag-katalinuhan, sabi nga. Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap.” Hindi nila hinahanap ang katotohanan, gamit ang kanilang maliliit na panlalansi at tusong mga pakana sa pag-aasikaso at pagharap sa usapin. Kaya ba nilang tamuhin ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi nila kaya, dahil hindi sila nagsisi. Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang tiwaling disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Ito ay kabuktutan. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at buktot, na sa panlabas ay inaamin mong nagkamali ka, at tinatanggap mo ang pagpupungos, ngunit ang totoo, wala kang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo man lang hinanap ang katotohanan, hindi ka nagnilay at sumubok na kilalanin ang sarili mo, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy na paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at nilalabanan mo ang pagbubunyag ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin. Laganap ba ang gayong kalagayan sa mga tao? (Oo.) Madalas na pinapaalalahanan ng ilang tao ang kanilang mga sarili, sinasabing, “Pinungusan ako sa pagkakataong ito. Sa susunod, kailangan kong maging mas mapagkalkula at mas maingat. Kailangan kong maging mapagbantay sa lahat ng bagay para hindi ako madehado; ang mga taong hindi mapagkalkula ay mga hangal.” Kung ganito mo palaging ginagabayan at pinapaalalahanan ang iyong sarili, makapagtatamo ka ba ng magagandang resulta kahit kailan? Magagawa mo kayang matamo ang katotohanan? Kung may isang isyung sumapit sa iyo, dapat mong hanapin at unawain ang isang aspekto ng katotohanan, at tamuhin ang aspektong iyon ng katotohanan. Ano ang maaaring matamo sa pag-unawa sa katotohanan? Kapag nauunawaan mo ang isang aspekto ng katotohanan, nauunawaan mo ang isang aspekto ng mga layunin ng Diyos; nauunawaan mo kung bakit ginawa sa iyo ng Diyos ang bagay na ito, kung bakit gayon ang ipinagagawa Niya sa iyo, kung bakit isasaayos Niya ang mga sitwasyon upang ituwid at disiplinahin ka nang gayon, kung bakit gagamitin Niya ang usaping ito upang pungusan ka, at kung bakit ka bumagsak, nabigo, at ibinunyag sa usaping ito. Kung nauunawaan mo ang mga bagay na ito, magagawa mong hanapin ang katotohanan at makakamit ang pagpasok sa buhay. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito at hindi mo tinatanggap ang mga katunayang ito, kundi ipinipilit mong salungatin at labanan ang mga ito, na gamitin ang sarili mong mga diskarte upang magpanggap, at na harapin ang lahat ng iba pa at ang Diyos nang may huwad na pagmumukha, hindi mo magagawang matamo ang katotohanan magpakailanman. Kung mayroon kang tapat na saloobin, isang saloobing tumatanggap at nagpapasakop sa katotohanan, at anuman ang mangyari, gaano mang sakit ang mayroon sa puso mo, o gaano ka man mapahiya ay lagi mong kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, at kaya mo pa ring manalangin sa Diyos, at sabihing, “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at dapat kong tanggapin ito,” ito ay mapagpasakop na saloobin. Gayunman, sa proseso ng pagtanggap, dapat mong patuloy na pagnilayan ang sarili mo, pagnilayan kung nasaan ang mga pagkakamali sa iyong mga aksyon at asal, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang nalabag mo. Dapat mo ring himayin ang mga sarili mong layunin, para makita mo nang malinaw ang tunay mong kalagayan at tayog. Kung pagkatapos noon ay hahanapin mo ang katotohanan, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan nang ayon sa mga prinsipyo. Kung magsasagawa at daranas ka sa ganitong paraan, makakausad ka na bago mo pa malaman. Ang katotohanan ay mag-uugat na sa loob mo; uusbong ito, mamumunga, at magiging buhay mo. Ang lahat ng problema ng iyong mga pagpapakita ng katiwalian ay unti-unting malulutas. Kapag may mga nangyayari, ang saloobin, mga pananaw, at mga kalagayan mo ay mas lalong kikiling sa positibo. Magiging malayo ka pa rin ba sa Diyos kapag nagkagayon? Marahil ay malayo ka pa rin sa Kanya, pero palapit ka na nang palapit, at ang mga pagdududa, haka-haka, maling pagkakaunawa, reklamo, pagrerebelde, at paglaban na kinikimkim mo sa Diyos ay mababawasan din. Kapag nabawasan na ang mga iyon, magiging mas madali na para sa iyo na patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos kapag may mga nangyayari, at magiging madali nang manalangin sa Kanya, hanapin ang katotohanan, at maghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag hindi mo nakikita nang malinaw ang mga bagay na sumasapit sa iyo, kundi sa halip ay lubusan kang nalilito, at hindi mo pa rin hinahanap ang katotohanan, magkakaroon ng problema. Tiyak na lulutasin mo ang mga bagay-bagay gamit ang mga solusyon ng tao, at ang iyong mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, madadayang pamamaraan, at mga tusong paraan ay lalabas lahat. Ganito unang tumutugon ang mga tao sa mga bagay na nasa puso nila. Ang ilang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang pagsisikap nila para sa katotohanan kapag may mga nangyayari, at sa halip ay lagi nilang iniisip kung paano haharapin ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao. Bilang resulta, nangangapa sila nang mahabang panahon, pinahihirapan nila ang sarili nila hanggang sa mamutla na ang mukha nila sa pagod, pero hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan. Ganito kaawa-awa ang mga hindi naghahangad sa katotohanan. Bagama’t maaaring maluwag sa loob mong tinutupad ang iyong tungkulin sa ngayon, at maaaring tinatalikuran mo ang mga bagay-bagay at iginugugol mo ang iyong sarili nang maluwag sa iyong loob, kung mayroon ka pa ring mga maling pagkaunawa, haka-haka, pag-aalinlangan, o reklamo tungkol sa Diyos, o kahit pa nga paghihimagsik at paglaban sa Kanya, o kung gumagamit ka ng iba’t ibang pamamaraan at estratehiya para salungatin Siya at tanggihan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa iyo—kung hindi mo lulutasin ang mga bagay na ito—magiging halos imposible para sa katotohanan na maging panginoon mo, at magiging nakakapagod ang buhay mo. Madalas na nakikibaka at pinapahirapan ang mga tao sa mga negatibong kalagayang ito, na para bang lumubog sila sa isang putikan, at lagi silang abala sa ideya ng tama at mali. Paano nila matutuklasan at mauunawaan ang katotohanan? Upang mahanap ang katotohanan, dapat munang magpasakop ang isang tao. Pagkatapos, pagkaraan ng maikling panahon ng karanasan, magagawa niyang magkaroon ng kaunting kaliwanagan, sa puntong ito madali nang maunawaan ang katotohanan. Kung laging sinusubukan ng isang tao na alamin kung ano ang tama at mali at naiipit siya sa kung ano ang totoo at di-totoo, wala siyang paraan upang matuklasan o maunawaan ang katotohanan. At ano ang kalalabasan nito kung hindi kailanman mauunawaan ng isang tao ang katotohanan? Umuusbong ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos mula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan; kapag may mga maling pagkaunawa sa Diyos ang isang tao, malamang ay magrereklamo siya tungkol sa Diyos. Kapag lumabas ang mga reklamong ito, nagiging pagsalungat ang mga ito; ang pagsalungat sa Diyos ay paglaban sa Kanya, at isa itong mabigat na pagsalangsang. Kung maraming nagawang pagsalangsang ang isang tao, nakagawa siya ng patung-patong na kasamaan, at dapat siyang parusahan. Ito ang uri ng bagay na resulta ng magpakailanmang kawalang-kakayahang maunawaan ang katotohanan. Kaya, ang paghahanap sa katotohanan ay hindi lamang para gawin kang gumaganap ng tungkulin nang mabuti, masunurin, kumikilos nang ayon sa mga alintuntunin, mukhang deboto, o mayroong banal na asal at kilos. Hindi lamang ito para makamit ang mga bagay na ito; ito ay pangunahing para lutasin ang iba’t ibang maling pananaw na kinikimkim mo tungo sa Diyos. Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay ang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon na iyon, hindi na magkakaroon ng mga maling pagkakaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos. Magkaugnay ang dalawang bagay na ito. Kasabay ng paglutas ng mga tao sa kanilang mga tiwaling disposisyon, ang ugnayan sa pagitan nila at ng Diyos ay unti-unting bubuti at lalong magiging normal. Kaya, kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ang kanilang mga pag-aalinlangan, hinala, pagsubok, maling pagkakaunawa, tanong, at hinaing sa Diyos, at maging ang kanilang paglaban, ay malulutas nang lahat, nang paunti-unti. Anong pagpapamalas ang mangyayari kaagad kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao? Magbabago na ang saloobin niya sa Diyos. Kaya na niyang harapin ang lahat ng bagay nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at pagkatapos ay bubuti na ang ugnayan niya sa Diyos. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan, maisasagawa na niya ito. Mayroon na siyang pusong nagpapasakop sa Diyos kaya hindi na siya magiging pabasta-basta sa pagganap ng kanyang tungkulin, lalo nang hindi niya lilinlangin ang Diyos. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang kanyang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa sa Diyos, ang ugnayan niya sa Diyos ay lalong magiging normal, at magagawa na niyang lubusang makapagpasakop sa Diyos kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Kapag hindi niya nilutas ang isyu ng kanyang mga tiwaling disposisyon, hindi siya kailanman magtatamo ng isang normal na relasyon sa Diyos, at hindi siya kailanman magkakaroon ng isang pusong mapagpasakop sa Diyos. Tulad lang ng mga walang pananampalataya, magiging labis siyang mapaghimagsik, laging ikinakaila at nilalabanan ang Diyos sa kanyang puso, at magiging imposibleng magampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan! Hindi mo hinahangad ang katotohanan, pero gusto mo pa ring malutas ang mga kuru-kuro, maling pagkakaunawa, at reklamo mo tungkol sa Diyos—makakamit mo ba ito? Tiyak na hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Simpleng tao lang ako, wala akong anumang gaya ng mga kuru-kuro, maling pagkakaunawa o pagrereklamo. Hindi ko iniisip ang mga ito.” Masisiguro mo bang wala kang anumang kuru-kuro kung hindi mo ito iniisip? Maiiwasan mo bang ipakita ang mga tiwali mong disposisyon kung hindi mo ito iisipin? Anumang katiwalian ang ihayag ng isang tao, lagi itong tinutukoy ng kanyang kalikasan. Ang lahat ng tao ay nabubuhay ayon sa kanilang satanikong kalikasan; malalim ang pagkakaugat sa loob nila ng kanilang mga satanikong disposisyon, at naging kalikasang diwa na nila ang mga iyon. Walang paraan ang mga tao para puksain ang kanilang mga satanikong disposisyon, sa paggamit lamang sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos na unti-unti nilang malulutas ang lahat ng isyu ng kanilang mga tiwaling disposisyon.
Saan ba naipapamalas ang pagpapabuti o ang kawalan ng pagpapabuti ng relasyon ng isang tao sa Diyos? Nagpapamalas ito sa saloobin at mga pananaw mo kapag nahaharap ka sa mga tao, pangyayari, at bagay. Kung ang saloobin at mga pananaw mo ay nagmumula sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o sa kaalaman at mga teorya, at kung pinanghahawakan mo ang mga bagay na ito bilang pilosopiya at kasabihan mo sa buhay, isa ka bang tao na naghahangad sa katotohanan? Nakamit mo na ba ang katotohanan? (Hindi.) Hindi masasabi nang tiyak na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan; marahil ay nasa daan ka na patungo sa paghahangad sa katotohanan, pero kahit papaano man lang ay ipinapakita nito na hindi ka pa nakapasok sa mga katotohanang realidad. Kung, kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro, ay nagagalit ka kaagad, hinahampas mo ang mesa at sinisigawan ang mga tao, tumatanggi kang tanggapin ito, at hindi ka nagpapasakop, ano ang problema rito? Isang tao ba ito na nabubuhay sa harap ng Diyos? Bakit hindi mo kayang hanapin ang katotohanan? Ipinakikita nito na hindi pa napapangasiwaan ng katotohanan ang puso mo! Kung ni hindi mo kayang manatiling kalmado sa gayong walang kabuluhang bagay, at inilalantad ng maliit na bagay na ito ang pangit mong kalagayan, pinapatunayan nito na hindi ka mahusay gumamit ng katotohanan para lumutas ng mga problema, at na isinasantabi mo ang paghahanap sa katotohanan kapag nagagalit ka. Kung ganoon ang nangyayari, paano ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay? May ilang tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, pero anuman ang mangyari, gumagawi silang gaya ng mga walang pananampalataya, nabubuhay sila nang ayon sa mga satanikong pilosopiya at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan o binabago ang perspektiba nila sa kung paano sila makitungo sa iba at mangasiwa ng mga bagay-bagay. Bagaman hindi sila nakagawa ng anumang lantad na masasamang kilos o nagkamali nang matindi, at mukha silang mabubuting tao, maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos pero wala pa silang pagpasok sa buhay, at hindi pa nila kailanman naisagawa ang katotohanan. Makakamit ba ng mga gayong tao ang pagliligtas ng Diyos? Ikinalulungkot Kong sabihing magiging mahirap para sa kanilang makamit ito. May mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, at anuman ang mangyari ay lagi nilang sinasabi, “Sa tingin ko ay ganito’t ganoon…,” “Ang plano ko ay ganito’t ganyan…,” at “Sa tingin ko ay ganito’t ganoon…,” o sinasabi nila, “Malinaw ang pagkakasabi roon ng lumang kasabihang ito…,” at “Katulad ito ng sinabi ng sikat na taong iyon….” Ang mga taong laging ganito magsalita ay may problema, dahil pinatutunayan nito na sila ay isang taong nabibilang kay Satanas, isang taong wala ni katiting na katotohanan sa puso nila. Kapag may nangyayari, at lagi mong sinasabi, “Naaalala ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos…,” “Minsan sinabi ng Diyos…,” o “Sa isa sa mga sermon sa sambahayan ng Diyos, ipinangaral na…,” “May isang linya sa isang himno ng mga salita ng Diyos na nagsasabi na…,” kung lagi mong iniisip ang mga problema at ganito ka magsalita, pinapatunayan nito na isa kang taong nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Anuman ang mangyari sa isang taong nananampalataya sa Diyos, dapat muna niyang unawain kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, ihambing ang lahat ng bagay sa mga salita ng Diyos, at gamitin ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pundasyon, saligan, at panimulang punto. Hindi ba’t ito ang saloobing dapat mayroon siya kapag hinahangad at isinasagawa niya ang katotohanan? Ito ang pinakamababang hinihingi. Sa kasalukuyan, bagaman nakikinig ang mga tao sa mga sermon at nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos bawat araw, kapag may mga nangyayari, sinasabi pa rin nila, “Sabi ng nanay ko…,” “May lumang kasabihan na…,” “Ganito’t ganyan ang sinabi ng isang kilalang tao…,” “Sinabi ng isang kawikaan na…,” at “Gaya nga ng karaniwang sinasabi….” Saan na napunta ang mga salita ng Diyos na kinain at ininom nila? Mula sa saloobin at mga reaksyon ng mga taong ito, makikita mo na hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanan o napapasok ang mga katotohanang realidad, at na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso at ang tono ng kanilang pananalita ay laging gaya ng sa mga walang pananampalataya. Ang gayong mga tao ay mukhang manhid at mapurol ang utak. Ano ang dahilan nito? (Dahil ito sa hindi paghahangad sa katotohanan.) Sa panlabas ay maaaring mukhang manhid at mapurol ang utak ng mga tao, pero ano naman kaya sila sa panloob? Sa panloob ay lanta na sila, sa ibang salita, hindi pa sila dinidiligan at pinapakain ng katotohanan. Gutom pa rin sila, at hindi pa nila nakakamit ang katotohanan. Kaya, manhid at pagod ang kanilang pamumuhay, mabagal silang tumugon, at kapag may nangyayari ay talagang wala silang magawa, at paminsan-minsan nilang sinasabi, “O Diyos, hindi ko alam ang gagawin ko!” “Nalilito ako!” o “Wala akong landas!” Ang mga salitang ito ay laging nasa mga labi nila. Mabubuting salita ba ito? (Hindi, hindi mabuti.) Kung gayon bakit laging natututuhan ng ilang tao ang mga ito? Naging sikat pa ngang mga pahayag ito. Bakit nakakailang sa Akin ang mga salitang ito? Hindi mabubuting salita ang mga iyon, at hindi kailangang matutuhan ang mga iyon. Huwag ninyong pagtuunan ng pansin ang mga popular na bagay, sa halip pagtuunan ninyo ng pansin ang katotohanan at ang paglutas sa mga praktikal na problema ninyo mismo. Dapat mong pagnilayan kung ang mga pananaw, saloobin, layunin, at panimulang punto mo ba ay nagpapakita ng isang tiwaling disposisyon kapag may mga nangyayari sa iyo. Dapat mo itong pagnilayan. Anuman ang mangyari, umaasa ka ba sa mga satanikong pilosopiya at gumagamit ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, o hinahanap mo ba ang katotohanan at nilulutas ito ayon sa mga salita ng Diyos, o nagkokompromiso ka ba at lumalagay sa gitna? Ang pinipili mo ang pinakanagpapakita kung isa ka bang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung lagi mong pinipili na lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga satanikong pilosopiya at pamamaraan ng tao, ang kahihinatnan nito ay na hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa sa Diyos, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ka Niya. Pero kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay at lutasin ang mga iyon nang ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit mo ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay lilinaw nang lilinaw, at makikilala mo nang higit pa ang Diyos; sa ganitong paraan ay tunay ka nang makapagpapasakop at makaiibig sa Diyos. Pagkatapos magsagawa at dumanas nang ganito nang ilang panahon, lilinis nang lilinis ang mga tiwaling disposisyon mo, at mababawasan nang mababawasan ang mga pagkakataong nagrerebelde ka sa Diyos, hanggang sa kalaunan ay makakamit mo ang ganap na pagkakaayon sa Kanya. Kung lagi mong pinipili na magkompromiso at lumagay sa gitna, sa totoo lang ay umaasa ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya para mapangasiwaan ang mga problema. Sa ganitong pamumuhay ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ibubunyag ka lang at ititiwalag. Kung pinili mo ang maling paraan ng pananampalataya sa Diyos, ang relihiyosong paraan, kailangan mong agad na umatras, lumayo sa bangin, at tumahak sa tamang daan. Kung magkaganoon ay maaaring may pag-asa pa na makamit mo ang kaligtasan. Kung gusto mong makamit ang tamang paraan ng pananampalataya sa Diyos, kailangan mong maghanap at mangapa para dito nang mag-isa. Pagkatapos ng sandaling pagdanas ay mahahanap ng isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa ang tamang landas.
Ano ba ang katatapos lang natin pagbahaginan? (Nagbahaginan tayo tungkol sa pangunahing nilulutas ng paghahangad sa katotohanan, iyon ay, ang iba’t ibang maling pananaw na mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos, at ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Nagbahaginan din tayo tungkol sa mga pananaw, saloobin, at layunin ng mga tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, at tungkol sa kung hinaharap ba ng mga tao ang mga bagay-bagay gamit ang mga satanikong pilosopiya at mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, o kung nilulutas ba nila ang mga bagay-bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan.) Madaling tandaan ang mga salitang ito, ngunit ang pangunahing bagay ay kung naaabot mo ba ang pamantayan ng mga salita ng Diyos kapag may nangyayari, at kung kaya mo bang masumpungan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung kaya mong gamitin ang mga prinsipyo, maisasagawa mo ang katotohanan, at kung maisasagawa mo ang katotohanan, matataglay mo ang mga katotohanang realidad. Ang pagkaunawa sa katotohanan ay hindi nangangahulugang nakamit mo na ang katotohanan. Kapag naisasagawa mo ang katotohanan ay saka mo lang talagang mauunawaan ito. Kung madalas mong isinasagawa ang katotohanan at ganap mo itong naisasagawa ayon sa mga prinsipyo, iyon ay pagkamit sa katotohanan. Ang kakayahan lamang na magsalita tungkol sa mga salita at doktrina ay hindi maituturing na mabuting kakayahan. May kakayahan ka lamang na makaunawa kung kaya mo nang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema kapag sumasapit sa iyo ang mga bagay-bagay. Ang pinakamahalagang bagay ay ang kakayahang lutasin ang mga praktikal na problema. Halimbawa, kung may maayos kang kaugnayan sa isang kapatid, at pinakiusapan ka niyang tukuyin mo kung ano ang mali sa kanya, paano mo ito dapat gawin? May kaugnayan ito sa kung anong pamamaraan ang gagamitin mo sa bagay na ito. Ang pamamaraan mo ba ay nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo, o gumagamit ka ba ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Kung malinaw mong nakikita na may problema sila, ngunit hindi mo sinasabi nang tahasan upang hindi masira ang inyong relasyon, at nagdadahilan ka pa nga, sinasabing, “Mababa ang tayog ko ngayon at hindi ko lubos na nauunawaan ang mga problema mo. Kapag nauunawaan ko na, sasabihin ko sa iyo,” ano kung gayon ang isyu? May kinalaman ito sa isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Hindi ba ito pagtatangkang lokohin ang iba? Dapat kang magsalita ayon sa nakikita mo nang malinaw; at kung hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mo. Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo. Kung mayroon kang ilang ideya at ilang bagay na malinaw sa iyo, ngunit natatakot kang mapasama ang loob nila, natatakot na masaktan ang kanilang damdamin, kaya pinipili mong manahimik, ito ay pamumuhay nang ayon sa pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Kung matuklasan mo na may problema o naligaw ng landas ang isang tao, kahit hindi mo siya matulungan nang may pagmamahal, kahit paano ay dapat mong ipaalam ang problema para mapagnilayan niya iyon. Kung hindi mo iyon papansinin, hindi ba ito nakakasama sa kanya? Kapag tinulungan mo sila nang minsan, at natuklasan mong hindi nila tinatanggap ang katotohanan, na sila ay hindi makatwiran, may isang mabagsik na disposisyon, at talagang hindi minamahal ang katotohanan, makabubuti na huwag mo nang ipaalam sa kanila ang kanilang mga problema. Subalit kung hindi mo rin ipapaalam ang mga problema sa isang taong kaya namang tanggapin ang katotohanan, wala kang pagmamahal. Kung ganito mo pakitunguhan ang mga kapatid mo, nakikipaglaro ka lang kung ganoon, nililinlang ang mga tao gamit ang mga tusong salita, at laging gustong pagtawanan ang ibang tao. Ang mga taong ganito kumilos ay hindi mabubuting tao, at mayroong disposisyon na nasa loob nito. Ang gayong mga tao ay ganap na nabubuhay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi sila nagsasalita o kumikilos mula sa saklaw ng katwiran ng normal na pagkatao, ni gumagawi nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ganoon, paano mo ba dapat harapin ang bagay na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Anong pagkilos ang naaayon sa katotohanan? Gaano karaming nauugnay na prinsipyo ang mayroon? Una, kahit paano, huwag kang magsanhi na matisod ang iba. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga kahinaan ng isang tao at kung anong paraan ng pakikipag-usap sa kanya ang hindi makatitisod sa kanya. Ito man lamang ang nararapat isaalang-alang. Sunod, kung alam mo na sila ay tunay na naniniwala sa Diyos at matatanggap nila ang katotohanan, kapag napansin mo na may problema sila, dapat kang magkusang tulungan sila. Kung wala kang gagawin at pinagtawanan mo sila, nakakasakit at nakapipinsala ito sa kanila. Ang taong gumagawa niyon ay walang konsensiya o katwiran, at wala silang pagmamahal para sa iba. Iyong mga may kaunting konsensiya at katwiran ay hindi kayang pagtawanan ang kanilang mga kapatid. Dapat silang mag-isip ng iba’t ibang paraan para tulungan ang mga ito na lutasin ang kanilang problema. Dapat nilang hayaang maunawaan ng tao ang nangyari at kung saan siya nagkamali. Problema na nila kung magagawa nilang magsisi; nagawa na natin ang ating responsabilidad. Kahit hindi sila magsisi ngayon, sa malao’t madali ay darating ang araw na mamumulat sila, at hindi ka nila irereklamo o pararatangan. Kahit paano, ang pagtrato mo sa iyong mga kapatid ay hindi maaaring mas mababa sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran. Huwag kang magkakautang sa iba; tulungan sila hangga’t kaya mo. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ang mga taong kayang tratuhin ang kanilang mga kapatid nang may pagmamahal at nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamainam na klase ng mga tao. Sila rin ang pinakamabait. Siyempre pa, ang tunay na mga kapatid ay yaong mga taong kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Kung naniniwala lamang ang isang tao sa Diyos para mabusog sa mga piraso ng tinapay o tumanggap ng mga pagpapala, ngunit hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hindi siya isang kapatid. Kailangan mong pakitunguhan ang tunay na mga kapatid nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Paano man sila naniniwala sa Diyos o anumang landas ang kanilang tinatahak, dapat mo silang tulungan sa diwa ng pagmamahal. Ano ang pinakamaliit na epektong dapat makamtan ng isang tao? Una, hindi ito nakakatisod sa kanila, at hindi sila ginagawang negatibo; pangalawa, nakatutulong ito sa kanila, at napapabalik sila nito mula sa maling landas; at pangatlo, tinutulungan sila nitong maunawaan ang katotohanan at piliin ang tamang landas. Ang tatlong uri ng epektong ito ay makakamtan lamang sa pagtulong sa kanila sa diwa ng pagmamahal. Kung wala kang tunay na pagmamahal, hindi mo makakamtan ang tatlong uring ito ng epekto, at sa pinakamainam ay isa o dalawa lamang ang makakamtan mo. Ang tatlong uri ding ito ng epekto ang tatlong prinsipyo sa pagtulong sa iba. Alam mo ang tatlong prinsipyong ito at nauunawaan mo ang mga ito, ngunit paano talaga naipatutupad ang mga ito? Talaga bang nauunawaan mo ang paghihirap ng iba? Hindi ba’t isa pa itong problema? Dapat mo ring isipin, “Ano ang pinagmumulan ng kanyang paghihirap? May kakayahan ba akong tulungan siya? Kung masyadong maliit ang tayog ko at hindi ko malutas ang kanyang problema, at nagsalita ako nang walang-ingat, baka sa maling landas ko siya maituro. Bukod pa roon, gaano kahusay ang kakayahan ng taong ito na makaunawa, at ano ang kakayahan niya? Sarado ba siya sa kanyang paniniwala? Mayroon ba siyang espirituwal na pang-unawa? Kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan? Hinahanap ba niya ang katotohanan? Kung makikita niyang mas mahusay ako sa kanya, at nakipagbahaginan ako sa kanya, uusbong ba sa kanya ang paninibugho o pagiging negatibo?” Kailangang isaalang-alang ang lahat ng tanong na ito. Matapos mong maisaalang-alang ang mga tanong na ito at malinawan sa mga ito, makipagbahaginan ka sa taong iyon, basahin mo ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na naaangkop sa kanyang problema, at ipaunawa sa kanya ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at maghanap ka ng landas na isasagawa. Sa gayon, malulutas ang problema, at makakaalis sila sa kanilang paghihirap. Simpleng bagay ba ito? Hindi ito simpleng bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, gaano man karami ang sabihin mo, mawawalan iyon ng silbi. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, mabibigyan mo sila ng liwanag at makikinabang sila sa pamamagitan lamang ng ilang pangungusap. Ang susi para matulungan ang mga tao nang may pagmamahal ay ang magbahagi ka tungkol sa ilang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa problema, at ang pamamaraang ito ang pinakamabisa. Kung hindi ka magbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, at susubukan mo lang gamitin ang mga salita ng tao, hindi mo malulutas kailanman ang anumang mga praktikal na problema, kahit na gaano pa karami ang mga salitang sabihin mo. Kahit na ano pang problema ang kaharapin ng ibang mga tao, may ilang taong mahihikayat lamang ang iba at magsasabing, “Magbasa ka pa ng mga salita ng Diyos at hanapin mo ang katotohanan sa mga iyon, pagkatapos ay magiging madali na ang paglutas ng problema,” o “Dapat mong mahalin ang Diyos, at sapat na iyon. Hindi ka na magiging negatibo, sapagkat lulutasin ng pagmamahal sa Diyos ang lahat ng problema.” Hindi iyon ganoon kasimple. Ang pagmamahal ba sa Diyos ay isang bagay na maisasagawa mo na sa sandaling sabihin mo ito? Paano iibigin ng mga tao ang Diyos kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Paano iibigin ng mga tao ang Diyos kung hindi nila alam ang Kanyang gawain? Kung tunay na iniibig ng mga tao ang Diyos, hindi sila magiging negatibo kailanman, at hindi sila magkakaroon ng anumang paghihirap. Ang pagmamahal sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay, at natutupad ba ito sa pamamagitan lamang ng pagsasalita tungkol sa ilang doktrina o pagsigaw ng ilang islogan? Ang pagpapasakop sa Diyos ay lalo nang hindi simple, at hindi lamang sa pagsasabi ng ilang salita mahihikayat mo na ang isang tao na magpasakop sa Diyos. Kahit pa ang pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos ay makapagbibigay ng kaunting pakinabang sa mga tao sa oras na iyon, hindi na para bang malulutas mo na ang problema ng kanilang pagrerebelde at mapagpapasakop mo sila sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan nang minsan, at hindi naman na para bang makapagpapasakop na agad sa Diyos ang mga tao kapag malinaw kang nagbahagi tungkol sa katotohanan. Dapat maranasan ng mga tao ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, para magkamit ng resulta. Ang mga laging nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina para mahikayat ang iba ang pinakamabababaw na tao. Wala silang mga katotohanang realidad, lagi silang umaasa sa pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina para makatulong sa mga tao, at wala silang nakakamit na resulta. Ang tawag dito ay pagiging pabasta-basta, at hindi ito isang tapat na paraan para tratuhin ang iba; napakapeke nito, hindi ito kabaitan. Sa kabuuan, ang ganitong uri ng tao ay ipokrito. Kung wala kang pusong may simpatya o pagmamahal sa iba, paano mo matutulungan ang mga tao? Hindi madaling tunay na malutas ang isang problema. Dapat mong maunawaan ang katotohanan, makita ang diwa ng problema, at pagkatapos ay dapat kang magbahagi sa iba nang malinaw ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at makapagbahagi tungkol sa landas ng pagsasagawa sa paraang nauunawaan ng iba. Sa ganitong paraan, hindi lamang mauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kundi magkakaroon pa sila ng landas para isagawa ito, doon lamang maituturing na nalutas na ang problema. Dapat mong pagdaanan ang mga bagay na ito; ang pagkaunawa ay darating sa pamamagitan ng praktikal at personal na pagdanas. Habang mas lalo kang nagbabahagi tungkol sa katotohanan, mas lalo itong magiging malinaw, mas lalong tiyak na lalago ang puso mo, at mas lalo kang magkakaroon ng landas pasulong. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, malalaman mo kung paano ito isagawa. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay dapat na dumanas sa paraang ito, dapat nilang isa-isang lutasin ang kanilang mga problema, at sa tuwing nalulutas nila ang isang problema ay dapat nilang lutasin ang isang uri ng tiwaling disposisyon. Kapag nakalutas na sila ng maraming problema, parang nalutas na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa gayong paraan, habang mas maraming problema ang nalulutas nila, mas kaunting tiwaling disposisyon ang mayroon sila, at mas maraming mga realidad ng pagpapasakop sa Diyos ang tataglayin nila. Sa ganitong paraan, makakapasok ang mga tao sa mga katotohanang realidad nang hindi nila nalalaman. Habang mas maraming problema ang nalulutas ng mga tao, at mas maraming katotohanan ang nauunawaan nila, mas maraming landas para magsagawa ang tataglayin nila; habang mas maraming problema ang nalulutas nila, at mas maraming tiwaling disposisyon ang nalilinis nila, mas maraming katotohanang realidad ang napapasok nila. Ito ang proseso ng pananampalataya sa Diyos: Palagi kang tutuklas ng problema at lulutasin ang mga iyon—sa sandaling malutas mo ang isang problema, tutuklas ka ng isa pa at pagkatapos ay lulutasin ito, at sa huli ay marami kang malulutas na problema, mauunawaan mo na ang katotohanan, at kung may lumitaw na namang problema, mabilis mo na itong malulutas nang ikaw lang. Ito ang paraan kung paano ka unti-unting lalago sa tayog. Dahil sa pakaunti nang pakaunti ang problema at paghihirap, tiyak na magpapakita ka ng mas kaunting katiwalian, mas lalo kang magpapasakop sa Diyos, at magkakaroon ka ng mas maraming patotoong batay sa karanasan. Sa ganitong paraan, magbabago ang buhay disposisyon mo nang hindi mo man lang namamalayan, at sa huli ay magiging kaayon ka ng Diyos. Hindi ka na magkaroon ng pagrerebelde, at maisasagawa mo na ang katotohanan at makapagpapasakop ka na sa Diyos sa anumang bagay. Nangangahulugan itong lumago na ang tayog mo, at lubusan mo nang nakamit ang kaligtasan.
Talagang simple lamang na isagawa ang katotohanan, subalit kung wala kang sapat na kakayahang umunawa, o kung wala ang puso mo rito, at lagi kang pabaya at pabasta-basta, hindi mo makakamit ang katotohanan kailanman. Kung gayon, paano makakamit ng isang tao ang katotohanan? Sa pamamagitan ba ito ng mga kahina-hinalang pandaraya o ng puwersa? Hindi. Unti-unti itong nakakamit, nang dahan-dahan, sa pamamagitan ng akumulasyon, paghahanap, personal na karanasan, at pangangapa, habang dinaranas mo ang tunay na buhay. Sa ganitong paraan ka rin ginagabayan ng Banal na Espiritu, na minsan ay nagbibigay lamang sa iyo ng ilang salita, na hindi mo nauunawaan noong panahong iyon, pero mauunawaan mo pagkatapos ng ilang araw sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at pagkatapos ay liliwanag ang puso mo, at mayroon ka nang landas. Nagkakamit ka, subalit ang iba ay hindi, at lumalago ka sa aspektong ito ng katotohanan. Iyon ay pagiging napapaboran. Ang ilang detalye ng katotohanan ay dapat na maramdaman at maranasan, at habang mas lumalago at nagiging detalyado ang karanasan mo, mas madarama mo nang tumpak ang iyong landas. Nang ni hindi mo namamalayan, susundan mo ang landas na ito sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan. Magkakamit ka pa ng higit na kaliwanagan tungkol sa pundasyon ng iyong pagkaunawa sa katotohanan, at mauunawaan mo ang higit pang mga detalye ng katotohanan at ang mas maraming katotohanang realidad. Ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung mararanasan at maisasagawa mo ito, madarama mong ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mahirap, subalit kung hindi ka magsasagawa nang ganito, lagi mong madarama na ito ay abstrakto at mahirap, mas mahirap pa kaysa pumasok sa unibersidad o manaliksik ng anumang modernong teknolohiya. Pero sa katunayan, ito ay isang usapin lamang ng paggamit mo sa iyong puso. Ang pag-aaral ng anumang propesyonal na kaalaman o teorya ay umaasa sa memorya, at sa mental na pagsusuri at pananaliksik, subalit tanging ang pagkakamit sa katotohanan ang humihingi na gamitin mo ang iyong puso. Dapat mong gamitin ang puso mo para maranasan at matikman ito, at pagsikapang isipin kung paano mo ito mararanasan. Unti-unti, masusumpungan at makakamit mo ang tamang landas ng pagsasagawa sa katotohanan. Pagkatapos ay nakamit mo na ang isang kayamanan. Ano ang sekreto para makamit ang katotohanan? Unang-una, huwag kang gumamit ng satanikong pag-iisip, lohika, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o mga pamamaraan ng pangangasiwa sa mga bagay na nangyayari sa paligid mo. Wala ka nang malalabasan kapag nagkaganoon, sapagkat kung nabubuhay ka ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi mo makakamit kailanman ang katotohanan. Kung ang unang reaksyon mo, kapag may nangyayari, ay pamahalaan at lutasin ang mga iyon gamit ang mga pamamaraan at estratehiya ng tao, at gusto mo laging protektahan ang iyong mga personal na interes at imahe, dadalhin ka nito sa puntong wala ka nang malalabasan. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan kapag nahaharap ka sa problema, kung kaya mong manalangin sa Diyos at hanapin ang Kanyang mga layunin, at malaman kung anong mga aral ang dapat mong matutuhan, at kung anong mga katotohanan ang dapat mong maunawaan mula sa mga pagsasaayos ng Diyos, ito ay wasto. Samakatuwid, anuman ang mangyari sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, lagi silang manhid, asiwa, atubili, walang magawa, at walang landas. Sa katunayan, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng maraming pagkakataon na makamit ang katotohanan subalit, dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, pinipili nila ang maling landas at nabibigo silang makamit ito.
Ang mga taong nabubuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ay nabubuhay para sa katayuan, banidad, pakinabang, at pagnanasa. Ganito ang buong tiwaling sangkatauhan, halos magkakapareho na may ilan lamang maliliit na pagkakaiba. Gaano man karaming tiwaling disposisyon mayroon ang isang tao, pagkatapos sumampalataya sa Diyos, ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan ay maaaring maunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagdanas ng mga salita ng Diyos, at marami sa kanilang mga tiwaling disposisyon ay unti-unting malulutas, at magpapakita sila ng pakaunti nang pakaunting katiwalian. Lubos silang naiiba sa mga walang pananampalataya, sila ay dalawang magkaibang uri ng mga tao, at hindi ba’t ito ay isang pagbabagong nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan? Mula sa pagiging mga diyablong walang pananampalataya, ang mga taong ito ay nagiging mga tunay na tao na nakamit na ang katotohanan at na nagsasabuhay ng wangis ng tao pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos; ito ang pakinabang at ang bunga ng pananalig sa Diyos. Subalit ang mga hindi man lang hinahangad ang katotohanan matapos sumampalataya sa Diyos, ay hindi nagbabago kahit na matapos ang maraming taon ng pananalig, at katulad pa rin sila ng mga walang pananampalataya—ang ganitong klaseng tao ay ititiwalag. Bakit may ganoon kalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga taong pareho namang nananampalataya sa Diyos at gumaganap ng mga tungkulin? Ang pinakamahalagang punto ay na magkaiba ang kanilang mga saloobin sa katotohanan. Ang puso ng mga nagmamahal sa katotohanan ay lalong magliliwanag habang lalo silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at habang lalo silang nakikinig sa mga sermon ay lalo naman silang makakaunawa—lagi silang lumalago. Subalit ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi nasisiyahan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ni nagsisikap na isagawa ang katotohanan, kaya ang kanilang disposisyon ay hindi malulutas o maaalis. Hindi nila maaaring itago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kahit subukan pa nila, at hindi nila maikubli ang mga iyon, kahit na gustuhin pa nila. Ito ay dahil nagawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tiwaling tao, maging sila man ay mga walang pananampalataya o mga nananampalataya sa Diyos, ang diwa ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon ay iisa lang talaga, at lahat sila ay nabubuhay para sa katayuan, imahe, pakinabang, at pagnanasa. Ano ba ang pinagtatalunan ng mga tao? Bakit ba sila naggugulpihan para sa isang bagay? Lahat ay para sa mga bagay na ito, at anuman ang pamamaraan, estratehiya, o anyo, ang mithiin ay iisa lang talaga. Bakit ibinagsak si Satanas sa himpapawid? (Sapagkat nakipagtunggali ito sa Diyos para sa katayuan.) Ito ang tunay na mukha ni Satanas. Sa kasalukuyan, ang lahi ni Satanas ay namana na ng tiwaling sangkatauhan, na ginagawa silang masama, kaya naging kauri na ni Satanas ang mga tao, nag-anyo na silang Satanas, at ang isinasabuhay nila ay kapareho ng kay Satanas. Kung kaya mong makilala ang mga tiwaling disposisyon sa loob ng kalikasang diwa ni Satanas, at pagkatapos ay lutasin ang mga iyon nang isa-isa, maliligtas ka at makakawala ka mula sa impluwensiya ni Satanas. Mahirap bang lutasin ang problema ng mga tiwaling disposisyon? (Hindi ito mahirap para sa mga naghahangad sa katotohanan, subalit kadalasan ay ayaw nating isagawa ang katotohanan, at kumikilos lamang tayo ayon sa sarili nating kalooban. Kapag pinupungusan tayo, nagiging negatibo tayo at sumasama ang loob natin nang sandali, bago tayo atubiling magsagawa nang ayon sa katotohanan.) Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay ganitong lahat, at dapat silang himukin, hilahin, at itulak ng iba para magsagawa sila ng kahit kaunting katotohanan. Ano ang pinakamahirap sa pagsasagawa ng katotohanan? Ngayon may ilang tao na malinaw na nakikita na ang pinakamahirap ay pangunahing mga hadlang na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Dahil ito sa pagmamahal ng tao sa katanyagan, pakinabang, katayuan, banidad, at imahe. Ang mga usapan, pagtatalo, at argumento ng mga tao ay mga tunggaliang lahat para makita kung sino ang nakakahigit—ang sinumang makakakumbinsi sa iba ang siyang magmumukhang mahusay. Lahat ng iyon ay tunggalian kung sino ang may kabatiran, ang may kakayahan, o awtoridad, at kung sino ang may huling pasya. Walang katapusan ang tunggalian sa mga bagay na ito, at ang nakakubli sa likod ng lahat ng ito ay ang disposisyon ni Satanas, na nabubuhay para sa katanyagan, pakinabang, at katayuan. Tingnan mo itong mabuti, at ang problema ay madaling malulutas. Kahit papaano man lang ay lutasin mo muna ang mga bagay na nasa ibabaw na madaling lutasin, at pagkatapos ay unti-unti mong lutasin ang mga maling pagkakaunawa, haka-haka, alinlangan at reklamo tungkol sa Diyos na nasa kaibuturan ng puso mo, pati na rin ang mga pagsalungat, pagsusuri, at pakikipagkumpetensiya na nakakubli roon. Kapag lubusan nang nalutas ang mga ito, magiging gaya ka ni Job, isang perpektong tao sa mga mata ng Diyos. Bakit sinabi ng Diyos na si Job ay isang perpektong tao? Sa pagsubok ng Diyos sa kanya, makikita nating wala siyang pagsalungat o pagsusuri pagdating sa Diyos. Sa panahon ng buhay niya, at sa panahong naranasan niya ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang mga bagay gaya ng pagrerebelde at paglaban niya ay napungos at nalutas lahat. Sa sandaling nalutas na ang mga negatibong bagay na ito, ang kanyang asal ay ganap nang naiiba mula sa buong tiwaling sangkatauhan nang harapin niya ang mga pagsubok ng Diyos. Isa bang doktrina ang sinabi niya noong panahon ng kanyang mga pagsubok na, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova”? Siguradong hindi. May bigat ang mga salitang ito, at hindi pa nasabi ninuman dati; si Job ang unang nagsabi ng mga iyon, at nagmula iyon sa kanyang mga personal na karanasan.
Nababahala ba kayo kapag nakikita ninyo ang sarili ninyong nagpapakita ng napakaraming katiwalian araw-araw, at laging nabubuhay sa gitna ng isang satanikong disposisyon, nang walang masyadong pagbabago? (Oo, nababahala ako, at minsan nagdurusa ako.) Normal naman na mabahala, gayundin ang magdusa. Subalit gaano ka man nababahala o nagdurusa, kailangan mong maging kalmado at hanapin kung paano mo malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tamang kalagayan ng pag-iisip. Kung ilang taon ka nang nagdurusa pero hindi pa rin nalulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, hindi ito pupwede at walang silbi ang pagkaramdam na ito ng pagdurusa. Dapat mong pagnilayan, “Alin sa mga problema ko ang nalutas na? Alin sa mga tiwaling disposisyon ko ang nalutas na? Sa aling mga bagay ako hindi na nagrereklamo sa Diyos?” Dapat lagi mo itong itanong sa sarili mo. Kung sinasabi mo, “Dati ay lagi akong nagrereklamo at nagmamaktol kapag nahaharap ako sa ganitong klaseng bagay, at nagkikimkim ako ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, subalit ngayon ay hindi na ako nagrereklamo kapag nangyayari iyong muli, at hindi na ako nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos,” ipinapakita nito na hindi mo nasayang ang oras mo. Kapag naunawaan at nakamit mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng naiibang saloobin sa Diyos, at natural kang magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at ng mapagpasakop na kalagayan ng isipan. Hindi ito isang ordinaryong paggalang, o pagpapakita ng respeto mula sa malayo, o pananabik, pagmamahal, pagkagiliw, o pagdepende; hindi lang itong mga bagay na ito, ito ay tunay na pagkatakot. Para sa tiwaling sangkatauhan ngayon, masyado pang maaga para pag-usapan ang pagkatakot sa Diyos, napakalayo pa. Kung gayon, ano ang dapat muna ninyong hangarin ngayon? Ang hindi maging mapaghinala sa Diyos kahit ano pang mangyari. Paano ninyo maiiwasang maghinala? Una, dapat ninyong malaman kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang katotohanan. Ikalawa, kapag nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi umaayon sa inyong mga kuru-kuro, huwag kayong magreklamo tungkol sa Diyos, o magkaroon ng anumang maling pagkakaunawa tungkol sa Kanya. Paano ninyo maiiwasang magkaroon ng anumang maling pagkakaunawa? Kailangan ninyong maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay unti-unting makalabas at isa-isang malutas ang inyong mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos. Darating ang araw kung kailan, gaano man kalaki ang pagsubok o kapighatian na kaharapin mo ay hindi ka lalaban, sa halip ay magkakaroon ka ng isang may-takot-sa-Diyos na puso, at makapagpapasakop ka gaano ka man Niya subukin. Pagkatapos noon ay nagtagumpay ka na. Nasa anong yugto na kayo ngayon? Kapag may mga nangyayari, pinagninilayan ninyo, “Ang Diyos ba ang may gawa nito? Tama bang gawin Niya ito?” o minsan ay iniisip pa nga ninyo na, “Nasaan ang Diyos? May Diyos nga ba? Bakit hindi ko Siya nararamdaman?” Maraming gayong kaisipan at kalagayan, at hindi ito tama, sapagkat malayo ka pa sa pagsisimula sa landas ng pagpeperpekto. Dapat kang magsikap mabuti sa iyong paghahangad, sapagkat sa kasalukuyan ay napakababa pa ng tayog mo, hindi nakakaabot sa pamantayan para magtaglay ng mga katotohanang realidad. Huwag mong isiping maayos ka at nagtataglay ka ng ilang realidad, kaya makakapunta ka sa langit at magiging isang anghel. Ang iilan mong realidad ay kulang na kulang pa rin; kahit lagyan ka pa ng pakpak ay hindi ka pa rin magiging anghel. Huwag mong isipin na masyado kang mabuti o mataas, dapat ay magkaroon ka ng kaunting kamalayan sa sarili mo. Makapagpapatotoo ka ba tungkol sa Diyos? Angkop ka bang gamitin ng Diyos? Kung susukatin ka gamit ang pamantayang ito, malayo ka pa rin sa mga hinihingi ng Diyos, at nangangailangan ka ng ilang taon pang karanasan.
Marso 11, 2018