Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na lahat sila ay may satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon; maging ang mga hangal at mangmang ay mapagmataas, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao at tumatanggi silang sumunod sa mga ito. Kitang-kita na napakalalim ng katiwalian ng sangkatauhan at napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Diyos. Dahil sa kanilang pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, ang mga tao ay ganap na walang katwiran; wala silang sinumang susundin—kahit pa ang sinasabi ng iba ay tama at umaayon sa katotohanan, hindi nila ito susundin. Dahil sa pagmamataas kaya nangangahas ang mga tao na husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, at labanan ang Diyos. Kaya, paano malulutas ang isang mapagmataas na disposisyon? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil ng tao? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pagtanggap dito? Hinding-hindi. May isang paraan lamang upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, at iyon ay ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Tanging ang mga may kakayahan lamang tumanggap ng katotohanan ang unti-unting makawawaksi ng kanilang mga mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman malulutas ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang kanilang mga mapagmataas na disposisyon. Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng talento sa kanilang tungkulin. Kapag nagpapakita sila ng ilang kakayahan, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay mabubuhay sila sa mga kakayahang ito at hindi na pagbubutihin pa ang sarili. Hindi sila nakikinig sa iba anuman ang sabihin ng mga ito, iniisip na ang maliliit na bagay na ito na taglay nila ay ang katotohanan, at sila ang pinakamataas. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang magpasakop sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. Upang ayusin ang isang mapagmataas na disposisyon, kailangan niyang matutunang danasin ang gawain, paghatol at pagkastigo ng Diyos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. Kapag malinaw mong nakita ang iyong tiwaling diwa, malinaw na nakita ang ugat ng iyong pagmamataas, at pagkatapos ay naunawaan at nasuri ito, saka mo lamang tunay na malalaman ang iyong kalikasang diwa. Kailangan mong hukayin ang lahat ng tiwaling bagay sa loob mo, at ikumpara ito sa katotohanan at alamin ang mga ito batay sa katotohanan, pagkatapos ay malalaman mo kung ano ka: Hindi ka lamang puno ng isang tiwaling disposisyon, at hindi ka lamang walang katwiran at pagpapasakop, kundi makikita mo na kulang ka sa napakaraming bagay, na wala kang katotohanang realidad, at kung gaano ka kaawa-awa. Pagkatapos, hindi mo na magagawang maging mapagmataas. Kung hindi mo sinusuri at kinikilala ang iyong sarili sa ganitong paraan, kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo malalaman ang iyong lugar sa sansinukob. Iisipin mong magaling ka sa lahat ng paraan, na ang lahat ng bagay tungkol sa iba ay masama, at tanging ikaw ang pinakamahusay. Pagkatapos, palagi kang magpapakitang-gilas sa lahat, para tingalain at sambahin ka ng iba. Ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. May mga taong palaging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nilang mayabang ang mga ito. Ngunit hindi nila ito tinatanggap; iniisip pa rin nilang sila ay may talento at may kakayahan. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling. Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwinawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi.

Maraming tao ang gumaganap sa kanilang tungkulin paano man nila gustuhin at hindi kailanman nakikinig sa mga mungkahi ng iba. Kung may magbibigay sa kanila ng plano, isusulat nila ito sa oras na iyon at papayag na gawin ito, ngunit pagkatapos ay kalilimutan nila ito at patuloy na gagawin ang anumang gusto nila. Anong klaseng disposisyon ito? (Isang mapagmagaling at mapagmataas na disposisyon.) Mayroon bang anumang pagiging mapagmatigas dito? (Oo.) Ang pagiging mapagmatigas at mapagmataas ay makikita sa bawat tao. Kapag naririnig ng mga tao ang iba na may sinasabing tama at makatwiran, kung haharapin nila ang bagay na ito gamit ang konsensiya at katwiran, iisipin nila na dapat itong tanggapin, ngunit maisasagawa ba nila ito? (Hindi naman.) Anong uri ng saloobin ang kailangan para maisagawa nila ito? Una sa lahat, dapat silang magkaroon ng tamang saloobin: Dapat nilang bitiwan ang kanilang mga sariling imahinasyon, paghusga, o nakalilinlang na pagkaunawa, at pagkatapos ay pag-isipan ang magandang mungkahi ng taong iyon at hanapin ang katotohanan, at kung matukoy nila na ang mungkahi niya ay tama at umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat nila itong tanggapin at sundin. Hindi ba’t ito ang saloobin na dapat mayroon sila? May pagmamataas ba sa saloobing ito? Walang anumang pagmamataas dito; ito ay isang seryoso at responsableng saloobin, isang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, at isang saloobin ng pagmamahal sa mga positibong bagay. Kung, kapag may narinig kang nagbigay ng magandang mungkahi, isang mungkahi na sa tingin mo ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, sasabihin mong tinatanggap mo ito upang hindi mapahiya o dahil sa panandaliang pag-unawa, ngunit kapag oras nang gawin ang isang bagay, kumikilos ka lang batay sa sarili mong kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mo, at isinasantabi ang mungkahing iyon na kinikilala ng puso mo na tama, anong klaseng tao ka? Saloobin ba ito ng pagtanggap sa katotohanan? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagmamataas at paghihimagsik, hindi ito pagtanggap sa katotohanan, ito ay pag-una sa sariling kagustuhan, at pagpapahintulot na mangibabaw ang mga sariling opinyon at ideya, at paglimot sa mga katotohanang prinsipyo, positibong bagay, at sa salita ng Diyos. May ibang tao na personal na nagbibigay ng magagandang pangako, ngunit kapag may nangyayari, ayaw nilang tuparin ang mga ito, at gumagawa sila ng sarili nilang mga kalkulasyon: “Kung gagawin ko ito nang naaayon sa mga prinsipyo, kailangan kong magbahagi tungkol sa katotohanan nang malinaw, at kailangan kong baligtarin ang mga kuru-kuro ng mga tao, at iyon ay magiging napakahirap. Kakailanganin kong magsalita nang husto at nag-aalala ako na baka hindi ako makapagsalita nang malinaw, na magiging pag-aaksaya ng oras at lakas at masyadong abala! Upang hindi maabala, kailangan ko itong gawin sa ganitong paraan, at dapat makinig sa akin ang lahat kahit na hindi sila sumasang-ayon, ako ang may huling salita tungkol dito.” Anong klaseng saloobin ito? Ito ay isang taksil na saloobin. Noong nagbigay sila ng kanilang mga pangako, mukha silang taos-puso, tapat, masunurin, at banal, at may kakayahang tanggapin ang mga opinyon ng iba at ang katotohanan, ngunit kapag oras na para kumilos, ibang-iba na sila at nagbago na ang kanilang saloobin. Bakit ito nagbago? Bakit ganap na nagbago ang kanilang saloobin? Ano ang nag-udyok nito? Pakiramdam nila ay masyadong pisikal na nakapapagod at masyadong abala ang pagkilos sa ganitong paraan, kaya’t nag-aalangan sila at ayaw nilang danasin ang paghihirap na iyon. Ang mga panata o pangako na ginawa nila noon ay hindi na mahalaga sa kanila, gayundin ang pangangasiwa sa mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pinakamahalagang bagay sa kanila ay ang pagbibigay-kasiyahan sa kanilang laman, iyon ang nauuna, at ipinagpapaliban nila ang atas ng Diyos at hindi nila ito sineseryoso. Ito ba ang isang responsableng tao? Ito ba ang isang taong may dangal? Ito ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Hindi. May mga tao ring nangangako sa iba na pangangasiwaan nila nang maayos ang isang bagay kapag kaharap nila ang mga ito, at lubos nilang napapanatag ang mga taong iyon, ngunit kapag may nakaharap na silang mga problema sa proseso ng pangangasiwa rito, isinasantabi na lang nila ito at sumusuko na lang sila. Ito ba ay isang mapagkakatiwalaang tao? Ito ba ay isang maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay? Lalo na kapag ginagampanan ang tungkulin at gumagawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, lalo silang dapat sumunod sa mga katotohanang prinsipyo, at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit na kung minsan ay nangangahulugan ito ng pagdanas ng kawalan at kahihiyan, at hindi nila kailanman dapat hayaang magdusa ang gawain ng iglesia. Ang mga taong gumagawa nito ay matatapat, isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos, at iniisip nila ang sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon. Yaong mga mapanlinlang ay palaging iniisip ang kanilang mga sariling interes habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at hindi sila kailanman handang magdusa nang kahit kaunting kawalan sa anumang ginagawa nila; mas gugustuhin nilang magdusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kaysa sila mismo ang mawalan. Alam ng Diyos kung ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo o hindi—sinisiyasat ng Diyos ang mga iniisip at ideya ng mga tao. Kapag nakita ng Diyos na ang puso ng isang tao ay mapanlinlang at buktot, na siya ay kumikilos dahil sa kasakiman para sa mga interes ng kanyang laman, na hindi niya mahal ang katotohanan at tutol siya sa katotohanan, susukuan Niya ang taong iyon sa sandaling siniyasat Niya ang mga bagay na iyon. Mararamdaman kaya ng taong iyon ang lahat ng ito? (Hindi.) Bakit hindi niya ito mararamdaman? (Dahil kapag ang kalikasan ng isang tao ang kumokontrol sa kanyang mga kilos, hangga’t ang mga interes ng kanyang laman ay nasusunod, hindi niya susuriin ang kanyang sarili. Dahil dito, hindi niya mamamalayan na ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay hindi naaayon sa katotohanan.) Kung gayon, saan nabubuhay ang tao, sa loob-loob niya? Ito ay sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Ang diwa ng tao ay ang diwa ni Satanas, at ang tao ay nabubuhay ayon sa kanyang satanikong disposisyon, na ang ipinagtatanggol lamang niya ay ang kanyang sariling banidad, pagpapahalaga sa sarili, at mga interes ng laman. Ang ganitong uri ng makasarili at kasuklam-suklam na pag-iisip ay naging kalikasan na ng mga tao, kaya pakiramdam nila ay napakahirap at matrabaho ang isagawa ang katotohanan, ang magpasakop sa Diyos, ang ganap na makinig sa mga salita ng Diyos, at ang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga pamantayan ng Diyos. Ano ang problema rito? Ang problema ay gapos at kontrolado ang tao ng satanikong disposisyon, at napakaraming negatibong bagay sa kanyang puso, kaya ang pagsasagawa sa katotohanan ay napakahirap at sadyang hindi madali. Kung ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay malilinis, at magagawa nilang unawain ang katotohanan at isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, wala silang kakaharaping mga hadlang o problema sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi nila mararamdamang matrabaho ito.

Kung ang isang tao ay talagang hindi naghahangad ng katotohanan, at ayaw niya itong tanggapin, wala kung gayon na anumang karapat-dapat sa kanyang kalooban, at sa tuwing may mangyayari sa kanya, mamumuhay lamang siya ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at magmumukhang napakaaba, kaawa-awa, at bulag. Sa madaling salita, sila ay naghihikahos at walang anumang nasa kalooban nila; wala silang kakayahang madaig ang kasalanan, walang kakayahang maghimagsik laban sa kanilang sariling laman, walang pag-uudyok na isagawa ang katotohanan, walang pagpapasyang baguhin ang kanilang sariling mga pananaw, at walang kapasiyahang ganap na magpasakop sa Diyos. Sila ay sadyang aba, nakakaawa, at bulag, at wala silang maipagmamalaki. Pagdating sa kusang pag-aamok, marami silang enerhiya, ngunit hindi nila kayang kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at mga prinsipyo ng katotohanan. Kung titingnan mo ang hitsura nila, ang ilan sa mga taong ito ay matatas magsalita, sila ay may pinag-aralan at may ilang likas na kakayahan at kalakasan, at sila ay mga taong may kakayahan, kaya bakit Ko sinasabing sila ay aba at nakakaawa? Paano ito nasusukat? Ang isang taong walang taglay na katotohanan ay aba at nakakaawa. Ang edukasyon at kaalaman, o mga likas na kakayahan at talento ba ay maaaring humalili sa katotohanan? Makakatulong ba ang mga ito sa isang tao na maunawaan ang katotohanan at malampasan ang mahihirap na panahon? Magagawa ba ng mga ito na panatilihing naninindigan ang isang tao sa kanyang patotoo at makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi talaga. Gusto ng mga taong kumilos batay sa kanilang sariling mga kagustuhan, pagnanais, kuru-kuro, at imahinasyon, anumang gawin nila, at masayang-masaya sila, natutuwa, at kalmado tungkol dito. Gayunpaman, kung isasagawa nila ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, madarama nila ang kawalang kapangyarihan at ganap na kawalang interes sa paggawa nito, o maging ang pakiramdam na parang sila ay paralisado. Ano ang nangyayari sa ganoon? Nasaan ang kanilang mga puso? Kanino sila naglilingkod? Bakit kapag ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay gamit ang kaloob sa kanila at kaalaman, at ayon sa mabuti nilang hangarin at kagustuhan, kayang-kaya nila, marami silang mga pakana, at sadyang nagtataglay sila ng walang katapusang lakas, ngunit kapag hinihiling sa kanila na isagawa ang katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at gumawa ng mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gaano man sila kakilala, sila ay nawawalan ng kakayahan at kapangyarihan? Ano ang ugat nito? Bakit sa pagsasagawa ng katotohanan at paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, ang mga tao ay parang mga hangal, napakaaba at kahabag-habag, gayunpaman, sila ay nagyayabang at nagmamalaki, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa lahat, at tumatangging sumunod kaninuman? Bakit ganito? (Hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili.) Ang hindi pagkakilala sa kanilang sarili ay isang aspekto nito—ang pangunahing dahilan ay may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Bago nila maunawaan ang katotohanan, ito ang pangit nilang kalagayan, ang kanilang karakter, at ang kanilang kaawa-awang anyo—wala silang maipagmamalaki. Ang lahat ng hindi nagtataglay ng katotohanan ay ganito; gaano man kataas ang kanilang kaalaman o katayuan, ang lahat ng kanilang ipinapakita ay isang pangit na katayuan at naghihikahos na anyo. Sa harap ng Diyos at ng katotohanan, ganito kaaba at kaawa-awa ang tao, walang pag-aari at walang tinataglay. Nakipag-ugnayan Ako sa ilang tao, at kapag nakakausap Ko sila at nakakasama Ko sila sa pangagasiwa ng mga usapin, nakikita Ko ang kanilang walang pakialam, mapurol, aba, at kaawa-awang hitsura. Nakakapagsalita sila nang kaunti tungkol sa mga panlabas na bagay, ngunit kapag may bagay nang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, ang mga pananaw nila ay lumilihis pakaliwa o pakanan, o sadyang wala silang pananaw rito. Kapag may isang taong matagal nang naniniwala sa Diyos, marami nang nabasang salita ng Diyos, nakinig na sa napakaraming sermon, at namumuhay ng espirituwal na buhay araw-araw, paano siya magiging walang-pakialam, mapurol, aba, at nakakaawa? Kapag may nangyari, bakit wala silang tamang pananaw? Bakit hindi nagbabago ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay? (Hindi pa nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan.) Iyon ay tama. Marami na silang narinig na mga sermon, ngunit ang narinig lamang nila ay mga doktrina; marami-rami na silang nabasang salita ng Diyos, ngunit mga doktrina lamang mula rito ang naunawaan nila; marami-rami na silang napuntahang pagtitipon, ngunit ang nakuha lamang nila ay ilang literal na bagay at regulasyon. Saan ito nauugnay? Bakit ang mga bagay na ito ang nakukuha nila? Ang ibinibigay ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, ang buhay, at ang katotohanang realidad, kaya bakit ang mga iyon ang bungang nadadala sa mga taong ito? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Isa itong seryosong problema, isang malaking problema. Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Dapat kang kumain at uminom ng salita ng Diyos at isapuso mo ito at hayaan itong maging realidad mo; dapat mong baguhin ang iyong panloob na kalagayan at katayuan, at magkaroon ng tamang pananaw at tamang saloobin sa lahat ng iyong nakakaharap. Hindi ba’t ito ang landas na dapat mong isagawa? Hindi ba’t ito ang direksyon na dapat mong hanapin? Isipin mo, paano kayo magsisimula sa landas na ito? Ano ang naiisip ninyong lahat? (Diyos, nararamdaman ko na kapag may mga bagay na nangyayari sa akin, kailangan kong pagnilayan ang sarili kong mga layunin, motibo, at ang mga pagbubunyag ng tiwali kong disposisyon, at pagkatapos ay sadyang maghihimagsik laban sa mga mali kong layunin at mga pagbubunyag ng katiwalian, at kumilos ayon sa katotohanan sa salita ng Diyos.) Ito ang tamang landas, ngunit sa proseso ng pagsasakatuparan nito, natutuklasan mo ba ang sarili mong mga problema? (Kung minsan ay natutuklasan ko ang mga ito, ngunit kung minsan ay hindi.) Dahil dito, kakailanganin mong manalangin sa Diyos, magnilay sa iyong sarili, at suriin nang madalas ang sarili mong mga kilos. Bibigyang-kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang mga tao tungkol sa mga bagay na hindi nila naiintindihan, at kapag nabigyan ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, hindi ba’t malulutas ang iyong mga problema? Kapag ang isang tao ay umaasa sa Diyos, walang mga problema ang hindi malulutas.

Magbibigay Ako ng isang halimbawa upang mapag-aralan at makita ninyong lahat kung marunong kayong magnilay sa inyong sarili, at kung makikilala ninyo ang sarili ninyong mga isyu sa pamamagitan ng mga problema ng iba. Minsan Akong gumugol ng oras kasama ang isang tao, at sa una, maingat siya at mapagmatyag, nagtatanong kung ano ang Aking mga layunin kapag gumagawa ng anumang bagay, at anuman ang Aking sabihin, tatango, yuyuko, at makikinig siyang mabuti. May panloob siyang hangganan: “Ikaw ang Diyos, hindi Kita puwedeng saktan, hindi ako puwedeng lumampas sa hangganang ito, makikinig ako sa sasabihin Mo, gagawin ko kung anumang ipapagawa Mo sa akin.” Sa madaling sabi, walang mga problemang makikita sa kanya. Ngunit pagkatapos ng ilang oras naming pagsasama, at matapos ang ilang pag-uusap, nasanay na siya sa Aking paraan ng pananalita at tono ng boses—naging pamilyar na sa kanya ang mga bagay na ito, at naisip niya, “Kahit tayong dalawa ay hindi magkapantay, at hindi pareho ang ating pagkakakilanlan at katayuan, komportable akong makipag-usap sa Iyo, hindi ko kailangang itago ang kahit na ano, nasasabi ko kung anumang nais ko.” Sa paglipas ng panahon, ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay nasira, at naisip niya, “Alam ko kung anong uri ng katangian ang mayroon Ka, alam ko kung anong uri Ka ng tao. Alam ko kung anong mga bagay ang hindi Mo ikagagalit at magiging dahilan para pungusan Mo ako, at iiwasan kong gawin ang mga bagay na magiging dahilan para pungusan Mo ako. Gawin ko man ang mga ito, hindi ko hahayaang makita Mo o malaman. Para maiwasang malaman Mo, hindi ko sasabihin kahit sa mga taong malapit sa Iyo kung ano ang ginagawa ko sa likod Mo. Sa ganoong paraan, hindi mo malalaman ang tungkol dito, tama ba? Kung hindi Mo malalaman ang tungkol dito, hindi mo ako pupungusan, hindi ba? Hindi ko kailangang maharap sa kahihiyan at magdusa para dito, hindi ba? Mahusay iyan! Gagawin ko kung ano pa ang Iyong sabihin sa akin, at magpapasakop ako, ngunit kailangan kong magkaroon ng kaukulang kalayaan.” Hindi ba’t may problemang lumabas dito? (Oo.) Anong problema ang lumabas? Wala ba ritong pagiging mapanlinlang ng puso ng tao? (Meron.) Sa harap man ito ng ibang tao o sa harap ng Diyos, sinusubukan palagi ng mga tao na itago ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang mga puso na ayaw nilang sabihin sa iba, at ang kalagayang ito ng pag-iisip at disposisyon ay yaong sa pagiging mapanlinlang, na taglay ng bawat tao. May isa pang disposisyon dito—ang pagmamataas. Saan makikita ang pagmamataas dito? Naisip ng taong ito sa kanyang sarili, “Ikaw pala ay nakikipag-usap at nagsasalita nang gaya nito. Walang gaanong kahanga-hanga sa kung paano Ka magsalita, nasasabi Mo lang ang mga bagay na ito, at kung mas makikilala pa Kita, mas masasabi ko pa ang mga ito nang higit sa Iyo. Ganyan Ka manamit? Mas magaling akong manamit kaysa sa Iyo, mas kaakit-akit ako kaysa sa Iyo, nagtataglay Ka lang ng mas maraming katotohanan kaysa sa akin. Kaya, sa paglipas ng panahon, kapag mas nakilala na Kita, mangangahas akong sabihin ang anumang nais kong sabihin, at hindi ako magkakamali sa pagsasalita.” Hindi ba’t ito ay pagmamataas? (Oo.) Ang mga ito ay dalawang disposisyon. May isa pang nakatagong disposisyon, natuklasan na ba ninyo ito? Kapag ang isang tao ay naghayag ng kayabangan, panlilinlang, at pagkukunwari sa harap ng Diyos, mayroon ba silang anumang kamalayan sa mga ito sa kaibuturan ng kanilang puso? (Oo.) Kapag mayroon silang ganitong kamalayan, ano ang ginagawa nila rito? Pinipigilan ba nila ang kanilang mga sarili? Umiiwas ba sila? Nagninilay ba sila sa kanilang mga sarili? (Hindi.) Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang tao kapag alam na niyang nagpakita siya ng isang mapagmataas na disposisyon ngunit hindi pa rin siya nagninilay o sumusubok na kilalanin ang kanyang sarili, at kung may magturo sa kanya nito, hindi pa rin niya ito tatanggapin at sa halip ay susubukan niyang ipagtanggol ang sarili niya? (Pagiging mapagmatigas.) Tama, ito ay pagiging mapagmatigas. Paano man naipapakita sa harap ng ibang tao ang ganitong uri ng pagiging mapagmatigas, at anuman ang mga konteksto kung saan ang gayong pag-uugali ay nahahayag, ang taong ito may mapagmatigas na disposisyon. Gaano man katuso at mapagbalat-kayo ang mga tao, ang mapagmatigas na disposisyong ito ay madaling malantad. Dahil ang mga tao ay hindi nabubuhay sa gitna ng kawalan, at kahit na sila ay nasa harap ng ibang tao o hindi, lahat ng tao ay nabubuhay sa harap ng Diyos, at ang bawat tao ay nasa ilalim ng pagsisiyasat ng Diyos. Kung ang isang tao ay karaniwang matigas ang ulo, imoral, walang pagpipigil, at may ganitong mga hilig, at may mga ganitong pagbubunyag ng katiwalian, at kung, kahit na nararamdaman nila ito, hindi sila tumalikod, at kapag nakilala nila ito, hindi sila nagsisi, binuksan ang sarili sa pagbabahagi, o hinanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, ito ay pagiging mapagmatigas. Sa usapin ng mga pagpapamalas ng pagiging mapagmatigas, may dalawang magkaibang uri: “kasuwailan” at “katigasan.”[a] Ang ibig sabihin ng “kasuwailan” ay pagiging napakatigas ng ulo, hindi nagbabago ng isip, at hindi lumalambot. Nangangahulugan ang “katigasan” na ang ibang mga tao ay hindi nangangahas na labanan ito, at nasasaktan sila kapag ginawa nila ito. Kadalasan, ayaw makipag-ugnayan ng mga tao sa mga taong may mapagmatigas na disposisyon, tulad din ng pagkaayaw ng mga tao na makabangga ng matitigas na bagay at hindi komportable kapag ginawa nila ito; gusto ng mga tao ang malalambot na bagay, ang yari sa malalambot na bagay ay nagpapaginhawa sa pakiramdam ng mga tao, at nagdudulot ito ng kasiyahan sa kanila, habang ang pagmamatigas ay ang eksaktong kabaligtaran. Ang pagmamatigas ay ginagawa ang mga taong magpamalas ng isang pag-uugali, at ang pag-uugaling ito ay kasuwailan at katigasan ng ulo. Anong disposisyon ang umiiral dito? Ito ay ang mapagmatigas na disposisyon. Nangangahulugan ito na, kapag ang isang tao ay naharap sa isang bagay, bagama’t alam niyang ang kanyang ugaling ito ay hindi maganda at hindi tama, nauudyukan siya ng kanyang mapagmatigas na disposisyon na isiping, “Ano ngayon kung may makaalam? Ganito ako!” Anong klaseng pag-uugali ito? Itinatanggi nila ang isyu, hindi nila iniisip na ang pag-uugaling ito ay masama, o mapaghimagsik laban sa Diyos, na ito ay nagmumula kay Satanas, o na ito ay isang pagbubunyag ng disposisyon ni Satanas; hindi nila nadarama o natatanto kung paano ito nakikita ng Diyos at kung paano ito kinasusuklaman ng Diyos—ganiyan katindi ang problemang ito. Ang disposisyon ba ng pagiging mapagmatigas ay mabuti o masama? (Ito ay masama.) Ito ay isang satanikong disposisyon. Ginagawa nitong mahirap para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan, at lalo pang pinahihirap nito na sila ay magsisi. Ang lahat ng satanikong disposisyon ay negatibong bagay, lahat ng mga ito ay kinasusuklaman ng Diyos, at wala sa mga ito ang positibong bagay.

Ang tatlong uri ng disposisyon na kababanggit Ko lang, ang pagiging mapanlinlang, pagmamataas, at pagiging mapagmatigas, ay mga nakamamatay na bagay lahat. Kung ikaw ay naghahayag ng pagmamataas, pagiging mapanlinlang, o pagiging mapagmatigas sa ibang tao, ikaw ay may masamang disposisyon o abang pagkatao lang; kung ikaw ay naghahayag ng pagmamataas, pagiging mapanlinlang, o pagiging mapagmatigas sa Diyos, pagpapamalas ito ng paglaban sa Diyos, at malamang na malabag nito ang Kanyang disposisyon—kung hindi ka magsisisi, magiging labis itong mapanganib. Kung ihahayag mo ang mga disposisyong ito sa harap ng ibang tao, hindi nila ito seseryosohin; kung ihahayag mo rin nang ganito ang mga tiwaling disposisyong ito sa harap ng Diyos, lalabanan mo ang Diyos at lalabagin mo ang Kanyang disposisyon. Bagamat hindi mo ito sasadyain o pagpaplanuhan, gagawin mo ito nang hindi kusa sa ilalim ng pangingibabaw ng iyong satanikong kalikasan. Kaya, kapag ang iyong tiwaling disposisyon ay nabunyag, kung hindi mo magagawang magnilay-nilay sa iyong sarili at lutasin ito gamit ang katotohanan, hindi magtatagal at ito ay magiging isang karamdaman, at sa oras na ang dati nang karamdamang ito ay umulit, magiging malaki itong gulo. Kung paulit-ulit mong lalabagin ang disposisyon ng Diyos, tiyak na ikaw ay ititiwalag.

Sa halimbawang kabibigay Ko lang, anong iba pang disposisyon ang ipinakikita ng taong iyon? (Ang pagiging tutol sa katotohanan.) Anong bahagi ang nagpapakita na tutol siya sa katotohanan? Sa panlabas, minamahal niya ang katotohanan, nararamdaman niya na tungkulin niyang gawin anuman ang hinihingi ng Diyos, anuman ang kanyang tungkulin, at anuman ang nasa saklaw ng gawain ng iglesia, kaya paano masasabi na siya ay tutol sa katotohanan? (Hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan.) Hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan; iyan ay malinaw na katibayan. Kaya, pagdating sa mga detalye, anong mga pagpapamalas ang nagpapakita na siya ay tutol sa katotohanan? (Nang ang hiningi ng Diyos ay sumalungat sa kanyang sariling kalooban, pinili niyang sundin ang sarili niyang kalooban sa halip na hanapin ang sa Diyos.) Iyon ang mga detalye. Paano pangunahing naipamamalas ng mga tao ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Kapag nakakakita sila ng isang positibong bagay, hindi nila ito sinusukat sa pamamagitan ng katotohanan—ano ang ginagamit nila upang sukatin ito? Ginagamit nila ang lohika ni Satanas upang sukatin ito at upang tingnan kung ang bagay na ito ay ginawa nang may estilo, kung ano ang porma nito, at gaano ito kahanga-hanga. Sinusukat nila ang lahat sa pamamagitan ng mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas upang suriin ang mga tao, ibig sabihin, ang mga prinsipyo at pamamaraan na ginagamit ng mga walang pananampalataya upang suriin ang mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, at ang panimulang punto para sa lahat ng kanilang mga pagkilos ay ang sukatin ang mga iyon gamit ang mga sarili nilang imahinasyon at pananaw, at ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at kaalaman na kanila nang naunawaan, isinasantabi ang katotohanan—ganyan nila ginagawa ang lahat ng bagay. Gumagamit sila ng mga pananaw ng tao at lohika ni Satanas bilang kanilang panukat, at pagkatapos nilang magsukat nang magsukat, nakikita nila na, sa kanilang paningin, wala nang iba pang kasingbuti nila kailanman—sila ang pinakamabuti. Nasa puso ba nila ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Mayroon bang anumang prinsipyo ng katotohanan doon? Wala, walang kahit anuman. Hindi nila nakikita ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, hindi nila nakikita na ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay, hindi nila nakikita na ang katotohanan ay higit sa lahat ng bagay, kaya, gaya ng inaasahan, hinahamak nila ang Diyos na nagkatawang-tao, at palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa paraan ng pananamit, at sa pananalita at pagkilos ng pagkakatawang-tao ng Diyos. At kaya, pagkatapos ng malawig na ugnayan, iniisip nila, “Hindi Ka kasingkapita-pitagan, kasingmaharlika, at kasinglalim gaya ng inakala ko, at ni hindi Ka man lang umabot sa aking uri. Sa aking pagtayo rito, hindi ba’t tinataglay ko ang uri ng isang dakilang tao? Bagamat ang sinasabi Mo ay ang katotohanan, wala akong nakikitang anuman tungkol sa Iyo na parang sa Diyos. Palagi Kang nagsasalita tungkol sa katotohanan, palagi Kang nagsasalita tungkol sa pagpasok sa realidad, bakit hindi Ka magsiwalat ng ilang hiwaga? Bakit hindi Ka magsalita nang kaunti sa wika ng ikatlong langit?” Anong uri ito ng lohika at pananaw sa mga bagay-bagay? (Ito ang pananaw ni Satanas sa mga bagay-bagay.) Ito ay nagmumula kay Satanas. Sa tingin ninyo, paano Ko hinaharap ang mga bagay na ito? (Nasusuklam Ka sa ganitong uri ng tao at ayaw Mong makipag-ugnayan sa kanya.) Mali kayo. Bagkus, kapag nakatagpo Ako ng gayong tao, lalapit ako sa kanya at normal na magbabahagi sa kanya, at ipagkakaloob Ko kung ano ang makakaya Ko at tutulong Ako sa paraang kaya Ko. Kung siya ay suwail at matigas ang ulo, hindi Ko lamang magagawang makasundo siya nang normal, kundi tatalakayin Ko pa sa kanya ang mga bagay-bagay hangga’t maaari. Sasabihin Ko, “Sa palagay mo ba ay umuubra na gawin ang mga bagay sa ganitong paraan? Gamitin mo kung alinman sa mga pamamaraang ito ang sa pakiramdam mo ay angkop, at kung sa pakiramdam mo ay wala sa mga ito ang angkop, mag-isip ka ng sarili mong paraan upang lutasin ang problemang ito.” Habang lalong iniisip ng ganitong uri ng tao na siya ay napakadakila, lalo Ko lang siyang nakakasundo sa ganitong paraan; hindi Ako magiging mahangin sa harap ng sinuman. Kung may dalawang upuan, isang mataas at isang mababa, hahayaan Ko siyang umupo sa mas mataas, at uupo Ako sa mas mababa. Makikipag-usap Ako sa kanya nang nakatingala, at sa huli ay gagawa Ako ng paraan upang makaramdam siya ng hiya at upang unti-unti niyang mapagtanto na wala siyang taglay na mga katotohanan, na siya ay naghihikahos at kaawa-awa, manhid at mabagal umunawa. Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito? (Ito ay mabuti.) Kaya, kung hindi Ko siya papansinin, magiging mabuti ba ito para sa kanya? Ang totoo, walang masama sa ganito, ngunit hindi ito makabubuti sa kanya. Kung siya ay nananampalataya sa Diyos nang may kaunting sinseridad, nagtataglay ng kaunting pagkatao, at maaari pang iligtas, ayos lang para sa Akin na makipag-ugnayan sa kanya. Sa huli, balang araw, kung nauunawaan niya ang katotohanan, siya mismo ang pipili na umupo sa mas mababang upuan, at hindi na siya magiging hambog. Kung hindi Ko siya papansinin, mananatili siyang ganito kamangmang at kahangal magpakailanman, na nagsasalita at gumagawa ng mga bagay na kahangalan, at palagi siyang magiging isang hangal na tao, naghihikahos at kaawa-awa—iyan ang pangit na kalagayan ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Minamaliit at hinahamak ng mga tao ang mga positibong bagay, at kapag nakakakita sila ng isang tao na tapat, mapagmahal, at palaging nagsasagawa ng katotohanan ngunit minsan ay nagkukulang sa karunungan, hinahamak nila siya mula sa kanilang puso. Iniisip nila na ang gayong tao ay walang silbi at walang kabuluhan, habang sila mismo ay tuso, magaling magkalkula, bihasa sa pagpaplano at pagpapakana, may mga pamamaraan at kaloob, may kakayahan at mahusay sa pananalita. Iniisip nila na ginagawa sila nitong pakay ng pagliligtas ng Diyos, ngunit ang kabaligtaran nito ang totoo—ito ang uri ng tao na kinapopootan ng Diyos. Ito ang disposisyon ng pag-ayaw at pagiging tutol sa katotohanan.

May ilang tao na matagal nang nakikipag-ugnayan sa Akin at na mas kilala Ako, at kahit na hindi nila Ako itinuturing na tulad ng kanilang kaibigan, o isang tao na kapantay nila, hindi nila nararamdaman na sila ay pinipigilan sa anumang paraan, at habang lumilipas ang panahon, sila ay nagiging lalong matapang, at ang mga hangganan sa kanilang puso ay unti-unting naglalaho. Palagi nilang iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay at palagi nilang sinasabi sa Akin ang mga bagay na nauunawaan nila, sa pag-iisip na walang sinuman kundi sila ang nakauunawa ng kahit anuman. Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Ito ay kayabangan. Ang mga bagay na panlabas ay maaaring maunawaan sa isang tingin, ngunit iniisip ng mga taong ito na sila ay napakatalino, at ito ay kasuklam-suklam. Kung ang mayabang na disposisyon ng isang tao ay umabot sa isang punto na naglalaho na ang lahat ng kanyang katwiran, ito ay maaaring umakay sa kanya na gumawa ng masama, at pagkatapos, ang kanyang mayabang na disposisyon ay magiging isang mabangis na disposisyon. Kung matalino ang isang tao, kung palaging puno ng pagpapakana ang kanyang mga salita at kilos, kung siya ay nakatatakot na tao, at kapag kasama mo siya, palagi niyang gustong kontrolin at pangasiwaan ka, sa pakiramdam mo ba ay mabait o masama ang taong ito? (Masama.) Natatakot ka sa kanya, at iniisip na, “Gusto palagi ng taong ito na kontrolin ako. Kailangan kong makatakas sa kanya sa lalong madaling panahon. Kung hindi ko gagawin ang sinasabi niya, mag-iisip siya ng paraan para mapaghigantihan ako, at sino ang nakakaalam kung anong mga pamamaraan ang gagamitin niya para parusahan ako.” Nadarama mong masama ang disposisyon niya, hindi ba? (Oo.) Paano mo ito nadarama? (Palagi niyang napapagawa sa mga tao ang mga bagay ayon sa mga utos at mga idea niya.) Mali ba na igiit niya sa iba na gawin ang mga bagay-bagay sa isang partikular na paraan? Mali ba talaga kung may igigiit na ipagawa sa iyo ang ibang tao? Wasto ba ang lohikang ito? Alinsunod ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga pamamaraan ba o ang disposisyon ba niya ang nagpapaasiwa sa iyo? (Ang disposisyon niya.) Tama iyon, ang disposisyon niya ang nagpapaasiwa sa iyo. Napapadama nito sa iyo na ang disposisyong ito ay mula kay Satanas, na ito ay hindi umaayon sa katotohanan, at na ito ay nakagugulo, kumokontrol at gumagapos sa iyo. Hindi lang ito nakapagpapaasiwa sa iyo, bagkus nagdudulot pa ito ng takot sa iyo, at pinapaisip ka nito na kung hindi mo gagawin ang sinasabi niya, may posibilidad na baka parusahan ka niya. Ang disposisyon ng ganitong uri ng tao ay napakasama! Hindi lang niya kaswal na sinasabi ang isang bagay—gusto ka niyang kontrolin. Labis ang panggigiit niyang gawin mo ang bagay-bagay, at iginigiit na gawin mo ang mga iyon sa isang partikular na paraan, at nagtataglay ito ng isang partikular na uri ng disposisyon. Hindi lang niya iginigiit na gawin mo ang isang bagay, gusto ka rin niyang kontrolin. Kapag nakontrol ka niya, magiging papet ka niya, isang tau-tauhan na hawak niya. Kung ganap kang makikinig sa kanya sa anumang sinasabi mo, anumang ginagawa mo, at kung paano mo ito ginagawa, magiging masaya siya. Kapag nadama mo ang disposisyong ito, ano ang nadarama mo sa puso mo? (Nakadarama ako ng takot.) At kapag nakadarama ka ng takot, paano mo binibigyang-kahulugan ang disposisyon niyang ito? Responsable ba ito, mabait, o masama? Nadarama mong masama ito. Kapag nakita mong masama ang disposisyon ng isang tao, nakadarama ka ba ng kasiyahan, o nakadarama ka ng pagtutol, pagkasuklam, at takot? (Pagtutol, pagkasuklam, at takot.) Umuusbong sa kalooban mo ang masasamang damdaming ito. Kapag nakadarama ka ng pagtutol, pagkasuklam, at takot, nararamdaman mo bang malaya ka, o nararamdaman mong nakagapos ka? (Nakagapos.) Saan nagmumula ang ganitong mga uri ng mga sentimyento at damdamin? Nagmumula ang mga ito kay Satanas. At anong mga damdamin ang tinatamasa ng mga tao mula sa mga bagay na mula sa Diyos? (Kalayaan at kasarinlan.) Ang puso mo ay malayang-malaya at libre. Kahit pa ikaw ay pungusan, sawayin, disiplinahin, o hatulan at kastiguhin, ano ang sentimiyento at damdamin na iyon? (May pagkaramdam ng pagkakautang at pagsisisi sa aking puso, at may pagkaramdam na may nagawa akong mali, at pagkatapos ay magagawa ko nang tunay na magsisi at magtungo sa tamang direksyon. Bagamat nakararamdam ako ng kaunting kirot sa aking puso, tinatamasa ng aking espiritu ang pag-ibig ng Diyos at ang kapayapaan at kagalakan.) Ang natamong resulta ay positibo at ito ay gawa ng Diyos. Ano ang mga bunga ng mga gawa ni Satanas? (Iginagapos nito ang mga tao, at hindi sila makalaya. Nagdurusa sila sa kanilang puso at hindi alam kung paano nila mapalalaya ang kanilang sarili.) Hinahadlangan nito ang mga tao, pinupuno sila nito ng isang hindi maipaliwanag at kakaibang takot, iginagapos at hinahadlangan nito ang kanilang puso. Sa oras na subukan nilang kumilos, iginagapos sila nito upang hindi makakilos nang malaya, at tinatakot sila nito nang labis. Iyan ay gawa ni Satanas, at ito ay nagmumula kay Satanas. Anong disposisyon ang nahahayag kapag kumikilos nang ganito si Satanas at ang mga anticristo? Ito ay isang mabangis na disposisyon.

Palaging nais ng mga taong may mabangis na disposisyon na kontrolin ang iba. Ano ang ibig sabihin ng kontrolin ang mga tao? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na banggitin ang ilang salita? Ito ba ay nagbabawal lamang sa iyo na mag-isip sa isang partikular na paraan? Tiyak na hindi—ito ay hindi problema ng isang salita o isang kaisipan, kundi na ang kanilang disposisyon ay mabangis. Batay sa salitang “mabangis,” ano ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao kapag nabunyag niya ang ganitong disposisyon? Una sa lahat, nanaisin niyang manipulahin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng manipulahin? Ibig sabihin nito na anuman ang mangyari sa iglesia, nanaisin niyang pumagitan, makialam, at magsaayos. Magtatakda siya ng isang panuntunan para sa iyo, at pagkatapos ay dapat mo itong sundin. Kung hindi, magagalit siya. Nais niyang manipulahin ka: Kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa silangan, kailangan mong magtungo sa silangan, at kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa kanluran, kailangan mong magtungo sa kanluran. Taglay niya ang pagnanais na ito, at pagkatapos ay kumikilos siya sa ganitong paraan—ang tawag dito ay pagmamanipula. Nais ng mga taong ito na pamahalaan ang tadhana ng isang tao, na pamahalaan at kontrolin ang buhay, isipan, pag-uugali, at mga kagustuhan ng isang tao, nang sa gayon ang isip, mga ideya, kagustuhan, at kahilingan ng taong ito ay umayon sa kung ano ang sinasabi nila at kung ano ang gusto nila, sa halip na sa sinasabi ng Diyos—ang tawag dito ay pagmamanipula. Palagi nilang gusto na isaayos para sa mga tao na gawin ang ganito o ang ganyan alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi sila kumikilos batay sa mga prinsipyo, kundi batay sa mga sarili nilang layunin at kagustuhan. Wala silang pakialam kung ano ang nararamdaman mo, sapilitan ka nilang inuutusan, at kailangan mong gawin kung anuman ang sabihin nila sa iyo; kung hindi ka kikilos ayon sa sarili nilang kalooban, pangangasiwaan ka nila at ipararamdam nila sa iyo na wala ka talagang pagpipilian at walang anumang magagawa pa. Alam mo sa puso mo na ikaw ay niloloko at kinokontrol, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ito kikilatisin, lalong hindi ang maglakas-loob na lumaban. Hindi ba’t ang kanilang mga kilos ay pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ito ay pag-uugali ni Satanas. Niloloko ni Satanas ang mga ganitong tao at kinokontrol nito ang mga ganitong tao, kaya naipamamalas sa mga tao ang isang satanikong disposisyon bilang palaging pagtatangkang kontrolin at manipulahin ang iba. Matupad man nila o hindi ang layuning ito ng pagkokontrol at pagmamanipula ng iba, ang lahat ng tao ay may ganitong uri ng disposisyon. Ano ang disposisyong ito? (Kabangisan.) Ito ay kabangisan. Bakit ito tinatawag na kabangisan? Ano ang mga malinaw na pagbubunyag ng disposisyong ito? Ito ba ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit? (Oo.) Ito ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit, na nangangahulugan na kung ikaw man ay makinig o hindi, kung anuman ang nararamdaman mo, kung tinatamasa mo man ito o nauunawaan ito, sapilitan nilang hihingin na makinig ka sa kanila at gawin mo ang sinasabi nila, nang wala nang anumang usapan pa, nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magsalita, at nang hindi ka binibigyan ng anumang kalayaan—hindi ba’t mayroon itong ganitong uri ng kahulugan? (Oo.) Tinatawag itong “kabagsikan,” na isang aspekto ng kabangisan.[b] Ang isa pang aspekto ng kabangisan ay “kasamaan,”[c] ano ba ang tinutukoy ng “kasamaan”? Tumutukoy ito sa mga tao na gumagamit ng mga pamamaraan ng sapilitang pag-iindoktrina at paniniil upang matamo ang resulta na makontrol ka at maudyukan kang sundin ang kanilang pagmamanipula, at sa ganitong paraan ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang tawag dito ay “kasamaan.” Sa mga kilos nito, nais ni Satanas na pigilan kang magkaroon ng malayang kalooban, na matutong magmuni-muni at kumilatis, at na maunawaan ang katotohanan upang ang iyong buhay ay gumulang. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, at nais nitong kontrolin ka. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos, at hindi ka nito dinadala sa harap ng Diyos, sa halip ay dinadala ka nito sa harap nito at inuudyukan kang makinig dito, na animo’y ito ang katotohanan, at anumang sabihin nito ay tama, at animo’y ito ang sentro ng lahat ng bagay, kaya kailangan mong makinig dito at huwag subukang pag-aralan kung ang mga salita nito ay tama ba o mali. Ang disposiyon ng sapilitan at marahas na pagmamanipula at pagkokontrol sa pag-uugali at pag-iisip ng mga tao ay tinatawag na kabangisan. Hindi mo ba madalas na nakikita ang mga pagpapamalas na ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kapag nakakasalamuha ninyo ang mga ito, napagtatanto ba ninyo na ang mga ito ay mga pagbubunyag ng isang mabangis na disposisyon? (Hindi ko ito napagtanto dati, ngunit ngayon ay nauunawaan ko na.) Kung gagawin sa inyo ng ibang tao ang gayong mga bagay at maghahayag sila ng gayong disposisyon, mararamdaman at matutukoy ninyo ito, ngunit kung kayo mismo ay gumagawa ng gayong mga bagay at naghahayag ng gayong disposisyon, mapagtatanto ba ninyo na ito ay isang problema? Mapagtatanto ba ninyo na “Ang ganitong uri ng disposisyon ay mabangis! Ang kumilos sa ganitong paraan ay isang napakalaking bagay! Ang palaging pagkakaroon ng pagnanais at ambisyon na pangibabawan ang mga tao, na sapilitang kontrolin ang mga tao ay mali, ito ay kay Satanas, ito ay isang satanikong disposisyon. Hindi ako maaaring kumilos nang ganito, kailangan kong maghanap ng isang paraan upang makitungo at makipag-ugnayan sa mga tao na alinsunod sa katotohanan”? Mapagtatanto ba ninyo ito? (Hindi.) Kung wala kayong kakayahang mapagtanto ito, at madalas kayong naghahayag ng disposisyong ito, ano ang mga magiging bunga? Alam ba ninyo? (Hindi gugustuhin ng mga kapatid na gumugol ng oras kasama ako, at tatanggihan nila ako.) Iyan ang isa sa mga bunga. Hindi kaya ng isang tao na gaya nito na makasundo nang maayos ang iba, at labis siyang aayawan ng mga tao. Siya ay gaya ng isang salot; sa oras na siya ay dumating, kailangang umalis ang lahat, at bakit ito ganito? Walang sinuman ang may gustong makontrol niya. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos at handang sumunod sa Diyos, at ayaw nilang sumunod kay Satanas, ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging nagnanais na kontrolin ang iba, kaya paanong hindi siya tatanggihan ng mga tao? Una sa lahat, siya ay madalas na tatanggihan ng mga kapatid at kapopootan ng mga tao. Kung hindi niya kayang magsisi, ni hindi magagawa ng gayong tao na tuparin ang kanyang tungkulin nang maayos, o sa mahabang panahon, dahil hindi niya kayang makipagtrabaho nang maayos sa iba. Kaya, kailangan siyang itiwalag. Bukod dito, ano ang iba pang mga bunga? (Ang buhay ng iglesia ay magugulo.) Ito ang isa pang bunga. Ang taong iyan ay magiging isang itim na tupa sa piling ng mga kapatid, at guguluhin niya ang buhay ng iglesia. Ano ang mawawala sa kanya nang personal dahil dito? (Hindi niya magagawang lumago sa buhay.) Tiyak na hindi niya magagawang lumago sa buhay, kaya ano ang magiging resulta sa huli? Tiyak na siya ay parurusahan at ititiwalag. Ang isang tao na palaging tinatanggihan ng kanyang mga kapatid, na hindi kailanman lumalago sa buhay, at na palaging nagnanais na kontrolin ang mga tao, na udyukan ang mga tao na makinig sa kanya, na agawin ang lugar ng Diyos sa kanilang puso, at sa huli ay inihihiwalay, at na hindi pa rin nagsisisi at hindi kailanman nagbabago, paano siya haharapin ng Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga tao ba o ang hindi mga tao ang inililigtas ng Diyos? (Ang mga tao.) Kung gayon, paano itinuturing ng Diyos ang isang tao na gaya nito? (Bilang isang hindi tao.) Itinuturing ng Diyos ang gayong tao bilang isang hindi tao, at hindi siya inililigtas ng Diyos. Kung gayon, hindi ba’t naitakda na ang kanyang kinalabasan? Ang gayong tao ay walang pag-asa, walang halaga sa buhay. Ang maituring ng Diyos bilang isang hindi tao ay labis na kaawa-awa!

Ang paghahangad ng pagpasok sa buhay ay nangangailangan ng pagsisiyasat sa mga salita, gawa, kaisipan at ideya ng isang tao sa lahat ng usaping ukol sa pang-araw-araw na buhay, pag-intindi sa sariling kalagayan ng isang tao, at pagkatapos ay paghahambing nito sa salita ng Diyos, ng paghahanap sa katotohanan, at ng pagsasagawa nito hangga’t nauunawaan ng isang tao. Sa proseso ng pagsasagawa at pagdanas, kailangan din na patuloy na siyasatin ng isang tao ang sarili niyang kalagayan, at tingnan kung anong iba pang negatibong kalagayan at bagay na pumipigil sa kanya sa pagsasagawa ng katotohanan ang nananatili sa kanyang puso, at pagkatapos na maungkat ang mga ito, kailangan niyang manalangin at magsumamo sa Diyos upang malutas ang mga hindi normal na kalagayang ito—titiyakin nito na maisasagawa niya ang mga katotohanang nauunawaan niya. Ang patuloy na paglutas ng mga negatibong kalagayan, kuru-kuro, at imahinasyon ang tanging paraan para matiyak na maisasagawa ng isang tao ang katotohanan. Alinmang aspekto ng katotohanan ang isinasagawa, magkakaroon ng ilang paghihirap, at kapag nagbago ang kapaligiran at konteksto, lilitaw ang mga bagong paghihirap. Bukod pa roon, ang iba’t ibang kuru-kuro, imahinasyon, at hindi dalisay na mga layunin ng mga tao ay maaaring makapigil sa kanila sa pagsasagawa ng katotohanan, kaya dapat silang magtapat at makipagbahaginan nang madalas sa mga nakauunawa ng katotohanan, at maghanap ng landas para makapasok sa katotohanang realidad, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, upang matiyak na maisasagawa nila ang katotohanan alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa iba’t ibang kapaligiran at konteksto, at sa lahat ng uri ng usapin. Ang pagpasok sa katotohanang realidad ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng paghahanap at pagsasagawa ng pagpasok sa ganitong paraan. Kung hindi madalas na pagninilayan ng mga tao ang kanilang sarili, hindi nila maiintindihan ang sarili nilang mga kalagayan, at hindi nila malalaman kung saan naroroon ang mga paghihirap sa pagsasagawa ng katotohanan at kung gaano kalaki ang mga sagabal dito, kaya hindi nila matitiyak na maisasagawa nila ang katotohanan. Ang mga nakakikilala lamang sa kanilang sarili at nakaiintindi sa sarili nilang mga kalagayan ang makaaasa sa Diyos at makababaling sa Kanya, at madaling makapagsasagawa ng katotohanan. Ang mga hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay palaging sumusunod sa mga regulasyon batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kaya napakarami nilang hinaharap na hadlang at napakatindi ng kanilang mga paghihirap. Sa katunayan, ang pinakamatinding paghihirap na hinaharap ng mga tao ay nasa kanilang tiwaling disposisyon, sinusundan ng hindi pagkaunawa sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa sandaling ang dalawang problemang ito ay malutas, madali na para sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Upang maging isang taong nagpapasakop sa Diyos, at upang pumasok sa katotohanang realidad, kailangan munang pagsikapan ng isang tao ang pagsasagawa ng katotohanan; kung naisasagawa ng isang tao ang ilang aspekto ng pagsasagawa ng katotohanan sa iba’t ibang usapin na nakakatagpo niya bawat araw, nakapasok na siya sa katotohanang realidad. Kung patuloy kang nagsasanay sa ganitong paraan, at nagninilay-nilay sa iyong sarili at nakakatagpo ng isang landas ng pagsasagawa sa salita ng Diyos, unti-unti mong magagawang lutasin ang sarili mong tiwaling kalagayan, at magkakaroon ka ng isang landas para sa pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan. Kasabay nito, magkakamit ka ng panimulang pagkaunawa ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng lahat ng aspekto ng katotohanan. Kapag ang isang tao ay may tunay na pagkaunawa sa mga kalagayang ito at sa lahat ng aspekto ng katotohanan, nakokontento ang kanyang puso, at lalo siyang napagyayaman; hindi na siya nagmumukhang manhid at mabagal umunawa, o aba at kaawa-awa. Sa panahon ngayon, ang karamihan ng tao ay makapagsasalita nang kaunti tungkol sa mga panlabas na usapin, ngunit kapag pinagpahayag sila ng mga tamang pananaw sa mga bagay ukol sa tama at mali, at pinagsalita tungkol sa pagkaunawa nila sa mga usaping ito, pati na sa kanilang mga pamamaraan upang harapin ang mga ito, at mga landas ng pagsasagawa, ang karamihan ng tao ay walang malinaw na pagkaunawa at lubos na hungkag ang kalooban. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Mali ka, hindi lubos na hungkag ang aming kalooban. Alam namin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa ulan, na isinasaayos ng Diyos na mamulaklak ang mga puno sa tagsibol, na itinatakda ng mga itinalagang kautusan ng Diyos kung kailan gagawin ng mga ibon ang kanilang mga pugad, at kung bakit ang iba’t ibang bulaklak ay magkakaiba at may napakaraming kulay, at kung bakit ang mga dahon ng mga puno ay luntian—ito ang mga alituntunin ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, at ang mga ito ay itinalaga ng Diyos. Alam namin na dapat tayong mabuhay alinsunod sa mga itinalagang kautusan ng Diyos, bumabangon sa umaga, natutulog sa gabi, at kumakain nang tatlong beses sa isang araw, at alam din namin na may mga alituntunin sa pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan para sa mga tao, at na walang sinuman ang makalalabag sa mga ito. Bukod pa riyan, hindi kami nagrereklamo tungkol sa Diyos—nagpapasalamat kami sa Diyos dahil nabubuhay kami ngayon, at magpapasalamat din kami sa Diyos kung kami ay mamamatay bukas. Hindi kami naghihikahos, manhid, at mabagal umunawa.” Ang maunawaan lamang ba ang mga doktrinang ito ay kapareho ng maunawaan ang katotohanan? Ito ba ay pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Ang maunawaan ang mga bagay na ito ay ang unang hakbang lamang, at ang mga ito ay mga bagay na dapat ding maunawaan ng mga tao, ngunit ang kailangan nilang maunawaan higit sa lahat ay kung paano sila dapat mamuhay, ano ang dapat nilang ipamuhay, at anong mga tungkulin ang dapat nilang gampanan. Kung hindi mo kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, hindi ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay, at hindi mo makakamit ang katotohanan at ang buhay, at hindi ba’t walang laman ang ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos? Nangangahulugan ito na ganap na hungkag ang iyong kalooban. Sinasabi ng iba, “Sa nakalipas, mababa ang aking tayog at hindi ko alam na ang lahat ng nangyayari sa akin ay pinangangasiwaan ng Diyos, at hindi ko alam kung paano titingnan o haharapin ang mga bagay na ito, at nang mangyari ang mga bagay na ito, naramdaman kong hindi ko alam kung ano ang gagawin ko at hinarap ko ang mga ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Ngayon ay nauunawaan ko na na ang mga bagay na nagaganap araw-araw, gaano man kaliit, ay pinangangasiwaang lahat ng Diyos, at na ang lahat ng bagay ay itinatalaga ng Diyos, at sasabihin ko, ‘Diyos ko, nagpapasalamat ako sa Iyo para sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan, at nakahanda akong ilagay ang aking kapalaran sa Iyong mga kamay at sa habag ng Iyong pangangasiwa; hindi ko nais na maghimagsik, nais kong makinig sa Iyong mga salita, at tiyak na tutuparin ko ang tungkulin ko nang maayos at ibibigay ko ang aking katapatan at ang lahat ng aking pagsisikap dito!’ Nauunawaan ko ang lahat ng ito, kaya paanong ako ay aba at kaawa-awa pa rin?” Sa katunayan, siya ay aba at kaawa-awa. Bakit Ko ito sinasabi? (Dahil wala siyang kaalaman ukol sa kanyang satanikong disposisyon at sa kanyang kalikasang diwa; kaya niyang magsalita tungkol sa napakaraming espirituwal na doktrina, ngunit kapag may nangyayari, namumuhay pa rin siya alinsunod sa kanyang satanikong disposisyon, at pagkalipas ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos, ang kanyang buhay disposisyon ay hindi nagbago kahit bahagya.) Ang nauunawaan niya ay isa lamang huwad na espirituwal na balabal na kanyang isinusuot; siya ay para bang may wangis ng isang mananampalataya ng Diyos at kagandahang-asal ng isang banal, at tila ba naging dalubhasa na siya sa ilang malalim at espirituwal na teoryang teolohiko, ngunit ang nauunawaan niya ay hindi ang katotohanan, kundi isang uri lamang ng teoryang teolohiko. Hindi nito mababago ang direksyon ng buhay ng isang tao, o ang mga pananaw ng isang tao ukol sa mga bagay o mga prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo, lalong hindi nito mababago ang tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang mga teoryang teolohiko na ito, ang mga espirituwal na doktrinang ito, ay tiyak na hindi kayang gawing normal ang relasyon ng isang tao sa Diyos, o bigyang kakayahan siya na kilalanin ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, o na iwaksi niya ang mga tiwaling disposisyong ito, lalong hindi ang bigyang kakayahan siya, sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos, na maabot ang punto ng pagkakila at pagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, itong tinatawag na mga espirituwal na salita at doktrina ay hindi naghahatid ng ni katiting na benepisyo sa mga tao, kundi ginagawa lamang sila nitong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, at lalo pang maging mapaghimagsik at lumalaban sa Diyos, dahil ang mga bulok na bagay na ito ay walang kinalaman sa katotohanan at lahat ay pagpapaimbabaw na dapat na lubusang iwanan at talikuran.

Sa ngayon, anong napakahalagang bagay ang dapat na hangarin ng mga mananampalataya ng Diyos? (Isang pagbabago ng disposisyon.) Ang pagsasalita ba ng tungkol sa maraming doktrina ay makapagpapabago ng disposisyon ng isang tao? (Hindi.) Ano ba talaga ang pagbabago sa disposisyon? Ang pagbabago ba ng disposisyon ay nangangahulugan na ang pag-uugali ng isang tao ay nagbabago, at na siya ay labis na nagiging mapagwalang-bahala, madaling pakisamahan, at gusto ng lahat? Ang pagbabago ba sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagiging tahimik at atubiling magsalita o tumawa? Ang pagbabago ba sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao ay nagiging pinatibay ng panahon, batikan, at nasa gulang? (Hindi.) Kung gayon ano ang pagbabago sa disposisyon? Ano ang unang bagay na dapat maunawaan upang mabago ang disposisyon ng isang tao? Una sa lahat, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ang batayan para sa pagsasakatuparan ng pagbabago sa disposisyon, ibig sabihin, dapat muna niyang kilalanin kung ano ang nangyari sa kalikasang diwa ng tao at kung ano ang nangyari sa disposisyon ng tao pagkatapos itong gawing tiwali ni Satanas. Bibigyang kakayahan siya nito na kilalanin ang katotohanan ukol sa sarili niyang katiwalian. Halimbawa, ang ilang tao ay sadyang mapanlinlang, at ang pagiging mapanlinlang na ito ang kanilang kalikasan at ang kanila ring disposisyon; ang ilang tao ay sadyang mapagmataas, at ang pagiging mapagmataas na ito ang kanilang kalikasan at ang kanila ring disposisyon. Magbibigay Ako ng halimbawa. Sabihin natin na kapag may nangyayari sa iyo, mayroon kang sarili mong mga layunin. Kapag ang mga layunin na ito ay lumitaw, ano ang may kontrol? Una, tiyak na hindi ang iyong personalidad ang may kontrol, ni hindi rin ang pinagmulan ng iyong pamilya, at lalong hindi ang iba pang tao. Ang iyong mga layunin ay nasa ilalim ng kontrol ng iyong disposisyon. Kaya, una sa lahat ay dapat mong siyasatin ang sarili mo upang malaman mo kung aling disposisyon ito, kung ito ba ay pagmamataas, kabuktutan, kabangisan, o pagiging mapagmatigas. Kapag naunawaan mo na ito, saliksikin mo pang lalo ang sarili mo upang matuklasan mo kung anong mga kalagayan ang idudulot ng disposisyong ito. Sabihin natin, halimbawa, na ito ay pagiging mapanlinlang. Kapag nanlilinlang ang mga tao, sa anong mga layunin ito nag-uugat? Anong mithiin ang sinusubukan nilang makamit? Ang lahat ng ito ay para magkamit ng katanyagan, pakinabang at katayuan; sa madaling sabi, ito ay alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mo munang tukuyin at alamin kung ano ba ang mga interes, kung ano ba mismo ang idinudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito malaman, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.” Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan. Makikita lamang ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes kapag naunawaan nila ang katotohanan; saka lamang sila makapagsisimulang bitiwan at maghimagsik laban sa mga ito, at magawang tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo nang gawin ito at talikuran ang mga sarili mong interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa ang iyong puso, at kapag nagawa mo iyon ay nadaig mo na ang laman. Kung kumakapit ka sa iyong mga interes at tumatanggi kang isuko ang mga iyon, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, sa iyong puso ay maaari mong sabihin na, “Ano bang masama kung magsikap akong makinabang at umayaw akong mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ba ang magagawa ng mga tao sa akin?” Walang sinumang makagagawa ng anumang bagay sa iyo, pero sa ganitong pananampalataya sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay. Magiging isang napakalaking kawalan ito para sa iyo—hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. May mas matindi pa bang panghihinayang? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katanyagan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang hahangarin nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, panandalian ang lahat ng ito, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Kung ano ang pipiliin ng isang tao—ang kanyang mga interes o ang katotohanan—ay labis na nagbubunyag. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at na sumunod sa Kanya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes para mahangad ang katotohanan. Gaano man nila kailangang magdusa, determinado silang panindigan ang kanilang patotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.

Ang mga tiwaling disposisyon ay nakaugat nang malalim sa lahat ng tao, at walang isang tao na mas tiwali kaysa iba pa. Ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay, kuru-kuro, imahinasyon, at antas ng paghihimagsik ay hindi masyadong nagkakaiba at halos pareho lang. Ang lahat ng tao ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at lahat sila ay nabubuhay nang ayon sa mga satanikong disposisyon. Ang patas ay na binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng parehong pagkakataon, pareho ang saloobin ng Diyos para sa lahat, at ang pagtustos ng Diyos ng katotohanan at buhay ay pareho para sa lahat, kaya ang mga pamantayan at hinihingi ng Diyos sa bawat tao ay pareho rin. Kung iniisip mo na hindi ka na maaaring matubos, na mas tiwali ka kaysa sa iba, at na hindi ka ililigtas ng Diyos dahil naghayag ka ng ilang tiwaling disposisyon na nakita ng iba at tinututulan nila, at itinuturing mo ang sarili mo na wala nang pag-asa at hindi ka makaramdam ng anumang sigasig, at hindi mo kayang gumawa ng kahit anuman, at iniisip mo na wala nang dahilan pa para mabuhay, at na mas mabuti pang mamatay ka na lang, anong uri ito ng saloobin? Hindi ito pagpapamalas ng gulang at hindi ito ang nais na makita ng Diyos; hindi gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao o ang ganitong uri ng saloobin. Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, kailangang baliktarin ng mga tao ang maraming maling kalagayan, at kailangan nilang patuloy na ituwid ang kanilang mga pananaw sa kanilang paghahangad, at patuloy na lumapit sa harap ng Diyos at hilingin sa Kanya na siyasatin sila, at hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan sila. Bibigyan sila ng Diyos ng tulong at biyaya, at gagabayan ng Diyos ang bawat tao nang may matinding pasensiya, kabaitan, habag, at kapatawaran. Kaya, hindi mo dapat pagdudahan ang mga tamang saloobin ng mga tao at pagnanais na hangarin ang katotohanan at asamin ang katarungan at liwanag, at hindi mo rin dapat na pagdudahan na ang diwa ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan at ang habag at kapatawaran para sa sangkatauhan. Dapat ninyong tandaan ang mga salitang ito! Ano ang kahulugan ng pagsasabi sa mga tao ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay na hindi nila dapat na isuko ang paghahangad sa katotohanan sa anumang oras, na hindi nila dapat na ituring ang kanilang sarili bilang wala nang pag-asa, o na maging negatibo sila. Kapag nahulog ka sa pagiging negatibo, kailangan mong isipin: Bakit ipinahayag ng Diyos ang napakaraming katotohanan? Ito ay para tustusan ang mas marami pang tao sa pag-unawa sa katotohanan, at sa paglutas sa mga sarili nilang tunay na problema. Hindi ka lamang maraming direktang nakakamit sa mga salita ng Diyos, kundi marami ka ring nakakamit kapag nakikipagbahaginan ka sa mga kapatid mo tungkol sa katotohanan—hindi ba’t kapareho iyan ng pagtutustos sa iyo ng Diyos nang oras na iyon? Kung gayon ang iniisip mo, at nararamdaman mo ito, bakit gusto mong sumuko? Bakit umuusbong sa puso mo ang mga reklamo? Bakit mo pinagdududahan ang sinseridad ng Diyos sa pagliligtas sa iyo? Ang mga tao ay maaaring hangal, mababa ang tayog, at mahina, ngunit hindi sila maaaring mawalan ng pananampalataya pagdating sa kaligtasan. Umaasa Ako na isang araw kapag kinausap Ko kayo at nakipag-ugnayan Akong muli sa inyo ay makikita Ko na hindi kayo magmumukhang aba at kaawa-awa, o manhid at mabagal umunawa, kundi mayroon kayong natamo at nakamit na isang bagay. Marami na kayong narinig, marami na kayong nakita, marami na kayong naunawaan, ngunit kung nakamit ninyo ang katotohanan o hindi, at kung kayo ay magagawang perpekto o hindi, ay nakadepende sa inyong paghahangad. Isang katunayan na kung ito ay hahangarin ng isang tao, makakamit niya ito, ngunit kung hindi siya makikinig at hindi hahangarin ito, hindi niya ito kailanman matatanggap. Basta’t tunay ninyong hinahangad ang katotohanan, at hinahangad ang pagmamahal sa Diyos at ang pagbabago ng disposisyon gaya ng ginawa ni Pedro, makukuha ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos; iyan ay tiyak.

Pebrero 6, 2018

Mga talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “may dalawang magkaibang uri: ang ‘pagmamatigas’ at ‘katigasan.’”

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na isang aspekto ng kasamaan.”

c. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Ang isa pang aspekto ng kabangisan ay ‘kasamaan.’”

Sinundan: Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago na ang Disposisyon ng Isang Tao

Sumunod: Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito