Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Pagdating sa inyong pananampalataya sa Diyos, bukod pa sa maayos na pagganap ng inyong tungkulin, ang susi ay ang maunawaan ang katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at mas magsikap pa sa buhay pagpasok. Kahit ano pang mangyari, may mga aral na matututunan, kaya huwag ninyong hayaang basta-basta ito makalampas. Dapat kayong magbahaginan sa isa’t isa tungkol dito, at pagkatapos kayo ay mabibigyan ng kaliwanagan at matatanglawan ng Banal na Espiritu, at magagawa ninyong maunawaan ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi, magkakaroon kayo ng landas ng pagsasagawa at malalaman ninyo kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, at nang hindi ninyo namamalayan, malulutas ang ilan sa inyong mga problema, uunti nang uunti ang mga bagay na hindi mo nakikita nang malinaw, at dadami nang dadami ang mauunawaan mong katotohanan. Sa ganitong paraan, lalago ang tayog mo nang hindi mo namamalayan. Dapat kang magkusang magsikap para sa katotohanan at ilagay ang iyong puso sa katotohanan. Sabi ng iba na, “Nananalig na ako sa Diyos sa loob ng maraming taon at naunawaan ko na ang maraming doktrina. Mayroon na akong pundasyon. Ngayon, ang buhay sa aming iglesia sa ibang bansa ay mabuti, ang mga kapatid ay nagtitipon upang magbahagi ng mga bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos sa buong araw, at kaya, naiimpluwensiyahan ako ng nakikita at naririnig ko, at nabubusog ako rito—at iyon ay sapat na. Hindi ko kailangang magsumikap na lutasin ang mga suliranin ng sarili kong buhay pagpasok, o ang mga suliranin ng sarili kong paghihimagsik. Kung bawat araw, sumusunod ako sa aking nakatakdang oras na manalangin, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, umawit ng mga himno, gumanap ng aking tungkulin, at tuparin ang tungkuling dapat kong gawin, natural akong uunlad sa buhay.” Ganito ang iniisip ng mga nalilitong mananampalataya na iyon. Hindi talaga tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan. Nakikilahok lang sila sa mga relihiyosong ritwal, nagsasalita nang mahusay, humihiyaw ng mga walang kabuluhang salawikain, nagsasalita ng mga salita at doktrina at pakiramdam nila’y mahusay na ang ginawa nila. Bunga nito, habang ang ibang tao ay kayang magsagawa ng ilang katotohanan at magkamit ng kaunting pagbabago, wala man lang patotoong batay sa karanasan ang mga nalilitong mananampalatayang ito. Ni hindi nila kayang magsalita tungkol sa anumang kaalaman sa kanilang sarili. Wala silang napapala at walang anumang natatamo sa huli. Hindi ba sila kahabag-habag at kaawa-awa? Walang landas sa pagkakamit ng kaligtasan ang mas totoo o praktikal kaysa sa pagtanggap at paghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo makakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang paniniwala mo sa Diyos. Ang mga nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita at doktrina, na palaging nagbabanggit muli ng mga salawikain, nagsasabi ng matatayog na bagay, sumusunod sa mga patakaran, at hindi kailanman tumututok sa pagsasagawa ng katotohanan ay walang nakakamit, kahit ilang taon na silang naniniwala. Sino ang mga taong may nakakamit? Ang mga taos-pusong gumaganap ng kanilang tungkulin at handang isagawa ang katotohanan, na itinuturing na kanilang misyon ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na masayang ginugugol ang kanilang buong buhay para sa Diyos at hindi nagpapakana para sa sarili nilang mga kapakanan, na ang mga paa ay matatag na nakatapak sa lupa at sinusunod ang mga pangangasiwa ng Diyos. Nagagawa nilang maarok ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at pinagsisikapan nilang gawin nang maayos ang lahat, na nagbibigay-daan para makamit nila ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, at matupad ang mga layunin ng Diyos. Kapag may nakahaharap silang mga paghihirap habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nananalangin sila sa Diyos at sinusubukang arukin ang mga layunin ng Diyos, nagagawa nilang sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos na mula sa Diyos, at sa lahat ng ginagawa nila, hinahanap at isinasagawa nila ang katotohanan. Hindi sila muling nagbabanggit ng mga salawikain o nagsasabi ng magaganda-pakinggan na bagay, kundi tumututok lang sila sa paggawa ng mga bagay-bagay nang may praktikal na saloobin, at sa metikulosong pagsunod sa mga prinsipyo. Isinasapuso nila ang lahat ng kanilang ginagawa, at natututunang pahalagahan ang lahat ng bagay nang buong puso, at sa maraming bagay, nagagawa nilang isagawa ang katotohanan, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng kaalaman at pagkaunawa, at nagagawa nilang matutunan ang mga aral at talagang may nakakamit. At kapag may mga mali silang saloobin o mga maling kalagayan, nananalangin sila sa Diyos at hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito; kahit ano pang mga katotohanan ang nauunawaan nila, pinahahalagahan nila ang mga ito sa kanilang puso, at nakapagsasalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan. Nakakamit ng gayong mga tao ang katotohanan sa huli. Iyong mga walang ingat at mababaw ay hindi kailanman iniisip kung paano isagawa ang katotohanan. Nakatutok lang sila sa pagsisikap at paggawa ng mga bagay-bagay, at sa pagtatanghal ng kanilang sarili at pagpapakitang-gilas, pero hindi nila kailanman hinahanap kung paano isagawa ang katotohanan, dahilan kaya nahihirapan silang matamo ang katotohanan. Pag-isipan ninyo, anong uri ng mga tao ang makapapasok sa mga katotohanang realidad? (Iyong mga praktikal, na mga makatotohanan at nagsusumikap.) Mga taong praktikal, na nagsusumikap, at may puso: mas pinagtutuunan ng gayong mga tao ang realidad at ang paggamit ng mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos sila. Pinagtutuunan din nila ang mga praktikalidad sa lahat ng bagay, makatwiran sila, at gusto nila ang mga positibong bagay, ang katotohanan, at mga praktikal na bagay. Ang mga taong gaya nito ang siyang nakauunawa at nagtatamo ng katotohanan sa huli. Aling uri kayo ng tao? (Iyong hindi praktikal, iyong laging gustong gawin ang mga bagay-bagay alang-alang sa pagpapakitang-tao, at umaasa sa katusuhan.) May anuman bang makakamit sa paggawa nito? (Wala.) Nakahanap ka na ba ng paraan para malutas ang iyong mga problema? Kung mapagtatanto mo ito at magagawa mong simulang baguhin ang mga bagay-bagay, malalaman mo ba kung nagbago na ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon at perspektiba sa mga bagay-bagay? (Pakiramdam ko ay medyo nagbago na ang mga iyon.) Hangga’t may mga resulta at pag-usad, dapat mo itong ibahagi at hayaang mabigyang halimbawa ang iba. Kahit na limitado ang karanasan mo, ito ay isang karanasan pa rin ng paglago sa buhay. Ang proseso ng paglago sa buhay ay ang karanasan mo sa pananalig sa Diyos, sa paglago ng buhay mo sa pamamagitan ng pagdanas sa salita ng Diyos. Ang mga karanasang ito ang pinakamahalaga.
Yamang nananalig silang lahat sa Diyos, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at ginagawa ang kanilang mga tungkulin, bakit kaya sa paglipas ng ilang taon ay nagiging magkakaiba ang mga tao, lumilitaw ang mga kabiguan at tagumpay, at nabubunyag ang tunay na kulay ng mga tao? Tunay ngang napagbubukod-bukod ang bawat isa ayon sa uri nito. Ang ilang tao ay nakapagsasalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, habang ang iba ay wala man lang patotoong batay sa karanasan. Ang ilan ay nakauunawa ng maraming katotohanan at nakapapasok sa realidad, habang ang iba ay hindi nakapagkamit ng anumang katotohanan o nabago ang kanilang disposisyon kahit kaunti. Ang ilang tao ay nakakukuha ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema, at unti-unti nilang nagagampanan nang sapat ang kanilang mga tungkulin. Ang ilang tao ay tuso at nagpapakatamad habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, gumagawa lang nang wala sa loob, at hindi isinasagawa ang katotohanan kahit na nauunawaan nila ito. Dahil lahat naman sila ay dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at ginagawa ang kanilang mga tungkulin, bakit magkakaiba ang mga resulta? Bakit may mga taong nagagawang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan habang ang iba ay tumatahak sa sarili nilang daan? Bakit may mga taong kayang tanggapin ang katotohanan habang ang iba naman ay hindi? Bakit ganito? Bakit may mga taong nagagawang tumanggap at maging masunurin kapag nahaharap sa pagpupungos, habang ang iba ay nagiging mapanlaban, nakikipagtalo, naghihimagsik, at gumagawa pa nga ng eksena? Lahat sila ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon at pagbabahagi, isinasabuhay nila ang buhay-iglesia, at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya bakit may malaking pagkakaiba sa pagitan nila? Nakikita mo ba kung ano talaga ang nangyayari sa problemang ito? Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masamang pagkatao, at ito ay direktang nauugnay sa kung mahal ng mga tao ang katotohanan o hindi. Sa katunayan, anuman ang kakayahan ng isang tao, hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, masipag na gawin ang kanyang tungkulin, at pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, magkakaroon siya ng pagpasok sa buhay, makararanas ng tunay na pagbabago, at magagampanan nang sapat ang kanyang tungkulin. Kung hindi ka matiyagang magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makapagninilay sa iyong sarili; masisiyahan ka na lamang sa paggawa ng munting pagsisikap at hindi paggawa ng mga kasamaan at mga paglabag, at gagamitin ito bilang kapital. Palilipasin mo ang bawat araw na naguguluhan, namumuhay nang nalilito, ginagawa lamang ang mga bagay sa takdang oras, hindi kailanman ginagamit ang iyong puso upang suriin ang iyong sarili at pagsikapan ang pagkilala sa iyong sarili, at palagi kang magiging pabasta-basta. Sa ganitong paraan, hindi mo kailanman magagampanan ang iyong tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan. Para maibuhos ang lahat ng pagsisikap mo sa isang bagay, dapat mo munang ilagay ang buong puso mo roon; kapag inilagay mo muna ang buong puso mo sa isang bagay, saka mo lamang maibubuhos ang lahat ng pagsisikap mo roon, at magagawa ang lahat ng kaya mo. Ngayon, may mga nagsimula nang magtiyaga sa pagganap sa kanilang tungkulin, nagsimula na silang mag-isip kung paano gagampanan nang maayos ang tungkulin ng isang nilalang upang mapalugod ang puso ng Diyos. Hindi sila negatibo at tamad, hindi sila pasibong naghihintay na magbigay ng mga utos ang Itaas, kundi may pagkukusa. Sa pagtingin sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, medyo mas epektibo kayo kaysa noon, at kahit wala pa rin sa pamantayan, nagkaroon na ng kaunting paglago—na mabuti. Pero hindi kayo dapat masiyahan sa kasalukuyang sitwasyon, dapat kayong patuloy na maghanap, patuloy na lumago—saka lamang ninyo magagampanan nang mas maayos ang inyong tungkulin, at maaabot ang katanggap-tanggap na pamantayan. Gayunpaman, kapag ginagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap nang husto at hindi nila ibinibigay ang lahat-lahat nila, 50 hanggang 60 porsiyento lamang ng kanilang pagsisikap ang ibinibigay nila, at nasisiyahan na lamang doon hanggang sa matapos ang ginagawa nila. Hinding-hindi nila napananatili ang isang normal na kalagayan: Kapag walang sinumang nagbabantay sa kanila o nag-aalok ng suporta, kumukupad sila at pinanghihinaan ng loob; kapag may nagbabahagi ng katotohanan, sumisigla sila, pero kung matagal-tagal silang hindi nabahaginan ng katotohanan, nawawalan sila ng interes. Ano ang problema kapag palagi silang pabalik-balik nang ganito? Ganito ang mga tao kapag hindi pa nila natatamo ang katotohanan, namumuhay silang lahat ayon sa silakbo ng damdamin—isang silakbo ng damdamin na napakahirap panatilihin: Kailangan ay may nangangaral at nagbabahagi sa kanila araw-araw; kapag walang sinumang nagdidilig at tumutustos sa kanila, at walang sinumang sumusuporta sa kanila, nanlalamig ulit ang puso nila, kumukupad silang muli. At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas bumubuti ang mga resulta nila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mas marami silang nakakamit. Ito ba ang karanasan ninyo? Maaari ninyong sabihing, “Bakit palagi kaming nagkakaproblema sa pagganap sa tungkulin namin? Kapag nalulutas ang mga problemang ito, sumisigla kami; kapag hindi, nawawalan kami ng interes. Kapag may kaunting resulta kapag ginagampanan namin ang aming tungkulin, kapag sinasang-ayunan kami ng Diyos sa aming paglago, natutuwa kami, at nadarama namin na lumago na rin kami sa wakas, pero kalaunan, kapag naharap kami sa isang paghihirap, nagiging negatibo kami ulit—bakit palaging pabago-bago ang kalagayan namin?” Sa katunayan, ang mga pangunahing dahilan ay na lubhang kakaunti ang mga katotohanang nauunawaan ninyo, walang lalim ang inyong mga karanasan at pagpasok, hindi pa rin ninyo nauunawaan ang maraming katotohanan, wala kayong pagkukusa, at nasisiyahan na kayo na nagagampanan ninyo ang inyong tungkulin. Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, paano ninyo magagampanan nang sapat ang inyong tungkulin? Ang totoo, ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay kayang gawing lahat ng mga tao; basta’t ginagamit ninyo ang inyong konsensiya, at nagagawa ninyong sundin ang dikta ng inyong konsensiya sa pagganap sa inyong tungkulin, magiging madaling tanggapin ang katotohanan—at kung matatanggap ninyo ang katotohanan, magagampanan ninyo nang sapat ang inyong tungkulin. Dapat kayong mag-isip sa ganitong paraan: “Sa paniniwala sa Diyos sa mga taon na ito, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos sa mga taon na ito, napakalaki ng nakamtan ko, at napagkalooban ako ng Diyos ng malalaking biyaya at pagpapala. Namumuhay ako sa mga kamay ng Diyos, namumuhay ako sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan, at ibinigay Niya sa akin ang hiningang ito, kaya dapat kong gamitin ang aking isipan, at magsikap tuparin ang aking tungkulin nang buo kong lakas—ito ang mahalaga.” Dapat magkaroon ng pagkukusa ang mga tao; iyong mga may pagkukusa lamang ang maaaring tunay na magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan nila ang katotohanan, saka lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at mapalulugod ang Diyos, at maghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Kung mayroon kang ganitong klaseng pagiging taos-pus, at hindi ka nagpaplano para sa sarili mong kapakanan, kundi para magtamo lamang ng katotohanan at magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, magiging normal ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at mananatiling di-nagbabago sa kabuuan; anumang sitwasyon ang makaharap mo, mapupursigi mong gampanan ang iyong tungkulin. Kahit sino ang dumating para iligaw o guluhin ka, at maganda o masama man ang lagay ng loob mo, magagampanan mo pa rin nang normal ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, mapapanatag ang isipan ng Diyos tungkol sa iyo, at mabibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, at magagabayan ka sa pagpasok sa katotohanang realidad, at dahil dito, siguradong aabot sa pamantayan ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Basta’t taos-puso kang gumugugol para sa Diyos, gumagawa ng iyong tungkulin sa praktikal na paraan, at hindi ka kumikilos nang tuso o nanloloko, magiging katanggap-tanggap ka sa Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang mga isipan, saloobin, at motibo ng mga tao. Kung ang puso mo ay nananabik sa katotohanan at kaya mong hanapin ang katotohanan, bibigyang-liwanag at tatanglawan ka ng Diyos. Sa anumang bagay, bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos hangga’t hinahanap mo ang katotohanan. Gagawin Niyang bukas ang iyong puso sa liwanag at pagkakalooban ka Niya ng isang landas ng pagsasagawa, at kung magkagayon ay magbubunga ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang kaliwanagan ng Diyos ay Kanyang biyaya at Kanyang pagpapala. Kahit sa maliliit na bagay, kung hindi magbibigay-liwanag ang Diyos, hindi kailanman magkakaroon ng inspirasyon ang mga tao. Kung walang inspirasyon, mahirap para sa mga tao na lutasin ang kanilang mga problema, at hindi sila makakukuha ng mga resulta sa kanilang tungkulin. Sa pagkakaroon ng talino, karunungan, at kakayahan lamang ng tao, maraming bagay ang hindi kayang lampasan ng mga tao, kahit makalipas ang maraming taon ng pag-aaral. Bakit hindi kaya? Dahil hindi pa ito ang oras na itinakda ng Diyos. Kung hindi kikilos ang Diyos, gaano man kahusay ang isang tao, wala itong silbi. Dapat malinaw itong maunawaan. Dapat kang maniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at na nakikipagtulungan lang ang mga tao. Kung ikaw ay taos-puso, makikita ito ng Diyos, at magbubukas Siya ng daan para sa iyo sa bawat sitwasyon. Walang paghihirap ang hindi kayang lampasan; dapat mayroon ka nitong pananalig. Samakatuwid, kapag ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin, hindi kailangang magkaroon ng anumang pag-aalinlangan. Hangga’t ibinibigay mo ang lahat mo, nang buong puso mo, hindi ka bibigyan ng Diyos ng mga paghihirap, ni hindi ka Niya bibigyan ng higit pa sa makakaya mo. Dapat ka lang mag-alala kung nagsasabi ka ng mga bagay-bagay nang wala sa loob mo, puro salita at walang gawa, at nagsasabi ng mga bagay na nakalulugod sa pandinig pero hindi wastong ginagampanan ang iyong mga tungkulin—kung gayon, tapos na rito. Kung ito ang saloobin mo sa iyong mga tungkulin at sa Diyos, matatanggap mo ba ang mga pagpapala ng Diyos? Talagang hindi. Kung gumagawa ka lang nang wala sa loob at nililinlang ang Diyos, hindi ka papansinin ng Diyos, at ititiwalag ka; iyon ang kalalabasan. Kung nililinlang mo ang Diyos, nililinlang mo ang iyong sarili. Sasabihin ng Diyos na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng taong ito, at walang bakas ng pagiging matapat. Hindi siya maaasahan o puwedeng pagkatiwalaan ng anumang bagay. Hayaan siyang maisantabi.” Ano ang ibig sabihin niyon? Nangangahulugan ito na maiiwan kang mag-isa at babalewalain. Kung walang pagsisisi, tuluyan kang aabandonahin. Ipapasa ka kay Satanas, sa masasamang espiritu, at sa maruruming espiritu para sa kaparusahan. Nasa anong uri ng kalagayan ang isang tao kapag siya ay iniwang mag-isa at binalewala? Ibig sabihin nito ay hindi na gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mo makikita nang malinaw ang anumang bagay, at habang ang iba ay palaging maliliwanagan at matatanglawan, ikaw ay hindi; mananatili kang manhid. Palagi kang aantukin at makaiidlip kapag may nagbabahagi ng katotohanan at buhay pagpasok. Anong klaseng penomeno ito? Ito ay isang penomeno kung saan hindi gumagawa ang Diyos. Kung hindi gumagawa ang Diyos, hindi ba’t magiging isang naglalakad na bangkay ang isang tao? Lubhang nakatatakot na manalig sa Diyos ngunit hindi maramdaman ang Kanyang presensiya. Ang gayong tao ay nawawalan ng kumpiyansang mabuhay, ng kanilang motibasyon. Nawawala ang lahat ng kanilang puhunan para mabuhay. Ano ang halaga ng ganitong buhay? Hindi ba’t mas masahol ka pa sa mga baboy at aso? Dahil sa iyong mga kilos at pag-uugali, nakikita ng Diyos na hindi ka maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Kinasusuklaman ka ng Diyos mula sa kaibuturan ng Kanyang puso, at sa gayon ay aabandonahin ka o pansamantalang isasantabi. Nagtataka Ako kung bakit hindi alam ng ganitong tao ang sakit at paghihirap ng kanyang puso? Ano ang mali sa kanyang puso? Nakokonsensiya ba ito? Gaano karaming taon ka man nananalig sa Diyos, o kung ang iyong pananampalataya ay tunay o hindi, nakaunawa ka na ng ilang doktrina ng pag-asal, at kayang mabuhay at magpatuloy nang hindi umaasa kaninuman, ngunit kung alam mong nabunyag ka na, na inabandona ka na ng Diyos, makapagpapatuloy ka pa bang mamuhay? May kabuluhan pa ba ang iyong buhay? Sa panahong iyon, mananangis ka at magngangalit ang iyong mga ngipin sa kadiliman. Sa iglesia, madalas nating nakikita ang mga tao na, nang mabunyag at maitiwalag, nang malapit na silang paalisin ng iglesia, ay namumugto ang mga mata sa kaiiyak at nakaiisip pa ngang mamatay, wala nang ganang magpatuloy pa sa buhay. Umiiyak, sumusumpa sila na magsisisi, ngunit sa panahong iyon, masyadong huli na ang lahat. Ito ay pagiging sobrang mapagmatigas hanggang sa tuluyan nang mabigo. Kaya kung nais mong magsisi, kailangan mong gawin na ito ngayon. Magmadaling pagnilayan kung ano ang mga naiiwang problema sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung ikaw ba ay pabaya, kung mayroon bang anumang aspekto kung saan iresponsable ka. Pagnilayan kung talagang nagtamo ka ng mga resulta sa pagganap ng iyong tungkulin—kung oo, pagnilayan mo kung bakit mo natamo ang mga ito, at kung hindi, pagnilayan mo kung bakit hindi mo natamo ang mga ito. Magkaroon ng kalinawan sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagninilay, at kung may naiiwan pa ngang problema, hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Sa paggawa niyon, hindi na magkakaroon ng mga paghihirap sa pagganap ng iyong tungkulin. Para sa lahat ng kayang maghanap sa katotohanan para lutasin ang mga problemang mayroon sila, hindi lamang magiging lalong mas kakaunti ang paghihirap sa pagganap ng kanilang tungkulin, kundi magiging mas epektibo rin sila sa pagganap ng mga ito, at magkakamit ng buhay pagpasok pansamantala. Bilang halimbawa, ang ilang tao ay nagsisimulang maunawaan ang katotohanan kapag dumaan na sila sa ilang ulit na pagpupungos. Nagagawa nilang madalas na pagnilayan ang kanilang sarili, at sa tuwing nakikita nilang nakagawa sila ng mali, alam nilang nilabag nila ang mga katotohanang prinsipyo, at nananalangin sila sa Diyos, at lalo silang nagsisisi. Kung minsan, kinasusuklaman pa nga nila ang kanilang sarili, at sinasampal ang kanilang mukha, sinasabing: “Bakit ako nakagawa muli ng pagkakamali at nagdulot ng pasakit sa Diyos? Napakawalang-puso ko! Napakarami nang sinabi ang Diyos—bakit hindi ko ito palagiang naaalala? Bakit hindi ako makapagpasakop sa Diyos at makapagbigay-kasiyahan sa Kanya? Talagang labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Walang puwang para sa Diyos sa puso ko, at hindi ko pinahahalagahan ang katotohanan. Palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at wala akong pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Wala talaga akong konsensiya o katwiran. Napakamapaghimagsik ko laban sa Diyos!” Kaya, itinatakda nila ang kanilang kalooban sa pagsisisi at determinado silang isagawa ang katotohanan, gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Tunay ngang mayroon silang pusong nagsisisi, ngunit hindi madaling iwaksi ang tiwaling disposisyon—dapat dumaan ang isang tao sa ilang pagsubok at pagpipino bago nila magawang magbago nang kaunti. Marami na ngayong tao ang nagsimulang tumuon sa katotohanan, na handang pumasok sa katotohanang realidad at maging mga taong nagpapasakop sa Diyos. Paano, kung gayon, dapat magsagawa ang isang taong may pusong tunay na nagsisisi? Bahagi nito ay dapat siyang manalangin sa Diyos at higit na hanapin ang katotohanan, nilulutas ang mga problemang mayroon siya at nakahahanap ng landas ng pagsasagawa sa pagganap ng kanyang tungkulin. Ang isa pang bahagi ay kailangan niyang maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan at makipagbahaginan sa taong ito, na hinihimay ang kanyang sariling paghihimagsik, ang kanyang kalikasang diwa, at ang mga aspekto kung saan nilalabanan niya ang Diyos. Dapat malinaw niyang malaman ang tungkol sa mga problemang ito, pagkatapos ay masusing isaalang-alang ang mga salita ng Diyos at tingnan kung paano magagamit ang mga ito sa kanyang sarili; muli’t muli, dapat niyang isaalang-alang iyong mahahalagang salita ng Diyos, at ituon ang kanyang pagninilay sa sarili niyang mga problema at sa sarili niyang kalikasang diwa, hanggang sa magkamit siya ng tunay na kaalaman. Sa ganitong paraan, makakamit niya ang tunay na pagsisisi at kamumuhian ang kanyang sarili. Pagkatapos, dapat niyang ibunyag ang kanyang mga paghihirap sa pagganap ng kanyang tungkulin at gamitin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Kaya, nababawasan ang kanyang mga paghihirap sa pagganap ng kanyang tungkulin, at nakakamit ang isang resulta. Kung ang isang tao ay nagnanais na tunay na magsisi, ganito siya dapat magsagawa. Ito ang tanging landas tungo sa tunay na pagsisisi.
Ano ang ibubunga ng paghahangad sa katotohanan? Bahagi nito ay na ang paghahangad sa katotohanan ay para maiwaksi ang tiwaling disposisyon ng isang tao; ang isa pang bahagi ay na ang paggawa niyon ay para tulutan ang isang tao na maisagawa ang katotohanan habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at maging isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Ito ang patotoo ng tunay na pagsisisi. Upang tunay na magsisi, dapat maunawaan ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito bago makamit ang isang epekto. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problema, at ang pagsisisi mo ay bukambibig mo lamang, hindi ito magkakaroon ng epekto. Hindi ka mapapayapa o mapapanatag sa ganitong paraan. Kung ang ginagawa mo lang ay manalangin na nais mong tunay na magsisi, ngunit sa pagganap ng iyong tungkulin ay hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga problema at maging katanggap-tanggap ang pagganap mo ng tungkulin, sinusubukan mong dayain ang Diyos. Ang tunay na pagsisisi ay karaniwang nagpapamalas bilang katapatan, bilang pagkilos ayon sa mga prinsipyo, bilang pagsasagawa ng katotohanan, at bilang pagbibigay ng tunay na patotoo sa pagganap ng tungkulin ng isang tao. Ito ang mga tanda ng tunay na pagsisisi, at ang mga ito rin ang patotoo ng tunay na pagsisisi. Kung ang tanging ginagawa ng isang tao ay magpahayag sa Diyos ng pagsisisi sa panalangin, nang hindi ginagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, hindi ba’t sinusubukan niyang dayain ang Diyos? Kung hindi man lang makalampas ang isang bagay sa sariling konsensiya, paano ito makalalampas sa Diyos kung gayon? Anuman ang iyong mga kasalukuyang sitwasyon, hangga’t hindi mo kayang gampanan nang taos-puso ang tungkulin mo para sa Diyos, at hangga’t marami pang problema sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung saan hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas, malaki ang problema mo, at dapat mo itong ipagdasal nang taimtim at pagnilayan ang iyong sarili. Kung hindi mo magawang tunay na magsisi at palagi mong hindi ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, tiyak na nanganganib kang itiwalag. Hindi mahalaga kung ilang taon ka nang nananalig sa Diyos—hangga’t palagi kang pabaya sa pagganap ng iyong tungkulin, palaging naghahabol ng mga pakinabang para sa iyong sarili, palaging sinasamantala ang sambahayan ng Diyos, nang hindi tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan ni kaunti, hindi ka isang tunay na mananampalataya ng Diyos. Isa kang taong tutol sa katotohanan, isang hindi mananampalataya na nais lamang magpakabusog. Maaaring naninirahan ka pa sa sambahayan ng Diyos, at maaaring sinasabi mo pang isa kang mananampalataya sa Diyos, ngunit ang totoo ay wala ka nang ugnayan sa Diyos. Matagal ka nang inilagay ng Diyos sa isang tabi, at naging isa ka nang taong walang kaluluwa, isang naglalakad na bangkay. Ano pa ang saysay na mabuhay, kung gayon? Ang sinumang umabot na sa puntong ito ay wala nang patutunguhan. Ang tanging paraang mayroon sila ay ang lumapit kaagad sa Diyos upang magtapat. Kung talagang taos-puso at tunay kang nagsisisi, kalilimutan ng Diyos ang mga paglabag mo. Gayunpaman, may isang bagay na dapat mong tandaan: Kahit kailan, at kung mayroon ka mang kaalaman sa Diyos o wala, o mayroong mga kuru-kuro o maling akala tungkol sa Kanya, hindi mo Siya dapat labanan o suwayin kailanman. Kung hindi, talagang magdurusa ka sa kaparusahan. Kung nasusumpungan mong tumigas na ang iyong puso, at nasa isang kalagayan ka kung saan sinasabi mong, “Gagawin ko ito sa ganitong paraan, tingnan natin kung ano ang magagawa ng Diyos sa akin. Hindi ako natatakot kaninuman. Ganito ko ginagawa ang bagay na ito noon pa,” kung gayon ay nanganganib ka. Ito ay pagsabog ng isang satanikong kalikasan; ito ay pagmamatigas. Alam na alam mo nang mali ang ginagawa mo, kung saan mapanganib na, ngunit hindi mo ito sineseryoso. Hindi natatakot ang puso mo, wala itong tinatanggap na paratang o paninisi, at hindi ito nag-aalala o nalulungkot—hindi ka man lang marunong magsisi. Ito ay isang kalagayan ng pagmamatigas, at magdudulot ito sa iyo ng problema. Ginagawa nitong madali para sa iyo na maisantabi ng Diyos. Kung ang isang tao ay umaabot sa puntong ito at napakamanhid pa rin, at hindi niya alam na dapat siyang magbago, manunumbalik pa kaya ang ugnayan niya sa Diyos? Hindi ito madaling maibabalik. Kung gayon, paano mo maibabalik ang isang normal na ugnayan sa Diyos na nagpaparamdam sa iyo na ganap na likas at may katwiran na lumapit ka sa Kanya? Kung saan maaari kang magpasakop, yumukod, at ialay ang lahat ng mayroon ka sa Kanya, katakutan Siya at tanggapin ang Kanyang mga salita bilang katotohanan, nauunawaan mo man ang mga ito o hindi, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan at isagawa ang pagpapasakop? Kailan ka maibabalik sa ganitong kalagayan? Gaano kalayo ang kailangan mong maabot upang maibalik ang kalagayang ito? Natatakot Akong tiyak na magiging mahirap ito dahil hindi ito isyu ng oras, o ng haba ng paglalakbay o distansya na iyong lalakbayin. Ito ay isyu ng kalagayan mo sa buhay, at kung tunay ka nang nakapasok sa katotohanang realidad. Kung maraming taon ka nang nananalig sa Diyos, ngunit hindi mo man lang nagagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problemang umiiral sa iyong kalooban, at hindi mo alam ang bigat ng mga problemang ito, madalas kang namumuhay nang nagagalak sa kalagayan ng paghihimagsik nang walang anumang kamalayan, gumagawa ng mga maling bagay, nagsasabi ng mga maling salita, sumasalungat, lumalaban, at naghihimagsik laban sa Diyos nang may matigas na puso, at mahigpit na pinanghahawakan ang sarili mong mga kuru-kuro, imahinasyon, kaisipan, at pananaw, nang hindi man lang ito namamalayan, kung gayon ay wala kang anumang katotohanang realidad, hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo pa rin natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Dapat malinaw ang tungkol dito sa puso mo. Kung hindi mo nakikita nang malinaw ang tunay mong kalagayan, at palagi mong ipinagpapalagay na ayos lang ang paraan ng iyong pananampalataya, na kaya mong igugol ang iyong sarili para sa Diyos, na nagdusa at nagbayad ka na ng halaga, at naniniwala kang ikaw ay garantisadong makapapasok sa kaharian ng langit, kung gayon ay wala ka man lang katwiran. Hindi ka nagtataglay ng anumang katotohanang realidad, ngunit ni hindi mo man lang ito alam. Nangangahulugan ito na hindi malinaw ang pag-iisip mo, na nalilito ka, na isa kang taong magulo ang isip, at na ikaw ay walang sapat na kakayahan para maunawaan ang katotohanan o makilala ang iyong sarili, at sa gayon ay hindi ka maililigtas ng Diyos.
Alam ba ninyo kung anong uri ng mga tao ang sinusukuan ng Diyos sa bandang huli? (Iyong mga patuloy na nagmamatigas at hindi nagsisisi sa harap ng Diyos.) Ano ang partikular na kalagayan ng mga ganitong uri ng tao? (Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, palagi silang pabaya, at kapag nahaharap sa mga problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para magkaroon ng determinasyon. Hindi sila masigasig sa kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan, at walang ingat na pinangangasiwaan ang lahat ng bagay. Kontento na sila sa hindi paggawa ng mga buktot o masamang bagay, at hindi sila nagsusumikap para sa katotohanan.) Nakadepende sa sitwasyon ang kanilang pabasta-bastang pag-uugali. Ginagawa ito ng ilang tao dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at iniisip pa nga nila na normal lang ang pagiging pabasta-basta. Ang ilang tao ay sinasadyang maging pabasta-basta, sadyang pinipiling kumilos nang ganito. Kumikilos sila nang ganito kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kahit na nauunawaan na nila, hindi nila pinagbubuti ang kanilang pag-uugali. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, patuloy silang kumikilos sa ganitong paraan nang walang katiting na pagbabago. Hindi sila nakikinig kapag may pumupuna sa kanila, ni tinatanggap ang pagpupungos. Sa halip, matigas ang kanilang paninindigan hanggang sa wakas. Ano ang tawag dito? Ito ay pagmamatigas. Alam ng lahat na ang “pagmamatigas” ay isang negatibong termino, isang mapanghamak na termino. Hindi ito isang mabuting salita. Kaya, ano sa tingin ninyo ang kahihinatnan kung naugnay ang terminong “mapagmatigas” sa isang tao, at tumugma sila sa deskripsyon? (Sila ay itataboy at isasantabi ng Diyos.) Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, ang pinakakinasusuklaman at gustong sukuan ng Diyos ay ang ganitong uri ng mapagmatigas na mga tao. Alam na alam nila ang kanilang mga maling ginagawa ngunit hindi sila nagsisisi, hindi nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali at palaging nagdadahilan at nakikipagtalo upang bigyang-katwiran ang kanilang sarili at iwasan ang masisi, at sinusubukan nilang makahanap ng mga mahusay at tusong paraan para sa mga isyu, tinatakpan ang kanilang mga kilos sa mga mata ng iba, at patuloy silang gumagawa ng mga pagkakamali nang walang katiting na pagsisisi o pag-amin sa kanilang puso. Ang gayong tao ay nakayayamot at hindi madali para sa kanila na makamit ang kaligtasan. Sila ang mismong mga tao na gustong pabayaan ng Diyos. Bakit pababayaan ng Diyos ang gayong mga tao? (Dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at naging manhid na ang kanilang konsensiya.) Ang gayong mga tao ay hindi maliligtas. Hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong mga tao; hindi Siya gumagawa ng walang saysay na gawain. Sa panlabas ay tila hindi sila inililigtas ng Diyos, at ayaw sa kanila ng Diyos, ngunit sa katunayan, may praktikal na dahilan, at iyon ay na hindi tinatanggap ng mga taong ito ang pagliligtas ng Diyos; tinatanggihan at nilalabanan nila ang pagliligtas ng Diyos. Iniisip nilang, “Ano ang mapapala ko sa pagpapasakop sa Iyo, pagtanggap sa katotohanan, at pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang bentaha? Gagawin ko lang ito kung may pakinabang sa akin. Kung walang pakinabang, hindi ko gagawin.” Anong uri ng mga tao ito? Sila ay mga taong inuudyukan ng pansariling interes, at ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay pawang inuudyukan ng pansariling interes. Hindi matanggap ng mga taong naudyukan ng pansariling interes ang katotohanan. Kung susubukan mong ibahagi ang katotohanan sa isang taong inuudyukan ng pansariling interes, at hilingin sa kanya na kilalanin ang kanyang sarili at aminin ang kanyang mga pagkakamali, paano siya tutugon? “Anong pakinabang ang makukuha ko sa pag-amin ng aking mga pagkakamali? Kung paaaminin mo ako na may nagawa akong mali, at pagkukumpisalin mo ako sa aking mga kasalanan at pagsisisihin, anong mga pagpapala ang matatanggap ko? Masisira ang reputasyon at mga interes ko. Magdurusa ako ng mga kawalan. Sino ang magbabayad sa akin?” Ito ang kanyang mentalidad. Naghahanap lamang siya ng pansariling pakinabang, at pakiramdam niya ay napakalabo ang kumilos sa isang partikular na paraan para matanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi lang talaga siya naniniwala na posible ito; pinaniniwalaan lamang niya ang nakikita ng kanyang mga mata. Ang gayong tao ay inuudyukan ng pansariling interes, at namumuhay siya ayon sa satanikong pilosopiya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Iyon ang kanyang kalikasang diwa. Sa kanyang puso, ang pagkilala sa Diyos at pagkilala sa katotohanan ay nangangahulugang nananalig siya sa Diyos. Ang hindi paggawa ng masama ay ayos lang sa kanya, ngunit dapat siyang makatanggap ng mga pakinabang at talagang ganap na hindi makaranas ng kawalan. Saka lang siya magsasalita tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos kapag hindi naapektuhan ang kanyang mga interes. Kung napipinsala ang kanyang mga interes, hindi niya kayang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Ang hilingin sa kanya na igugol ang kanyang sarili, magdusa, o magbayad ng halaga para sa Diyos ay mas lalong imposible. Hindi tunay na mga mananampalataya ang taong tulad nito. Nabubuhay siya para sa kanyang mga sariling interes, naghahanap lamang ng mga pagpapala at pakinabang, at ayaw niyang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga, ngunit nagnanais pa rin siya ng posisyon sa sambahayan ng Diyos para matakasan ang kahihinatnan ng kamatayan. Ang gayong tao ay hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan at hindi maililigtas ng Diyos. Ililigtas pa ba sila ng Diyos? Tiyak na itataboy at ititiwalag sila ng Diyos. Ibig bang sabihin niyon ay hindi sila inililigtas ng Diyos? Inabandona na nila ang kanilang sarili. Hindi sila nagsusumikap tungo sa katotohanan, nananalangin sa Diyos, o umaasa sa Diyos, kaya paano sila ililigtas ng Diyos? Ang tanging paraan ay ang sukuan sila, isantabi, at hayaan silang pagnilayan ang kanilang sarili. Kung nais ng mga tao na mailigtas, ang tanging paraan ay ang tanggapin nila ang katotohanan, kilalanin ang kanilang sarili, isagawa ang pagsisisi, at isabuhay ang katotohanang realidad. Sa ganitong paraan, makakamit nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Dapat nilang isagawa ang katotohanan upang makapagpasakop at matakot sila sa Diyos, na siyang pangwakas na layunin ng pagliligtas. Ang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos ay dapat na nakapaloob sa mga tao at isabuhay nila. Kung hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, wala ka nang mapipiling pangalawang landas. Kung hindi tinatahak ng isang tao ang landas na ito, masasabi lamang na hindi siya naniniwala na ang katotohanan ay makapagliligtas sa kanya. Hindi siya naniniwala na ang lahat ng salitang binigkas ng Diyos ay maaaring makapagpabago sa kanya at magawa siyang maging isang taos-pusong tao. Higit pa rito, sa simula ay hindi siya nananalig na ang Diyos ang katotohanan, at hindi rin siya naniniwala sa katunayan na ang katotohanan ay maaaring makapagpabago at magligtas sa mga tao. Samakatuwid, kahit gaano mo pa ito himayin, ang puso ng gayong tao ay masyadong mapagmatigas. Tumatanggi siyang tanggapin ang katotohanan anuman ang mangyari, at hindi siya maililigtas.
Mayroon ba sa inyo ang may mapagmatigas na kalagayan? (Oo.) Kung gayon, lahat ba kayo ay mga taong mapagmatigas? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon ng mapagmatigas na kalagayan at pagiging mapagmatigas na tao? Dapat makilala ang kaibahan ng dalawa dahil ang mga ito ay magkaibang usapin. Ang pagkakaroon ng mapagmatigas na kalagayan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, makakamit mo ang kaligtasan, ngunit kung ikaw ay isang mapagmatigas na tao, magkakaproblema ka. Ang mga taong mapagmatigas ay hindi tinatanggap ang katotohanan; hindi nila makakamit ang kaligtasan. Iyan ang kaibahan nitong dalawang uri ng tao. Ang mga may mapagmatigas na kalagayan ay nagpapakita ng kaunting mapaghimagsik na pag-uugali, at nagbubunyag ng ilang katiwalian sa kanilang sarili. Gayunpaman, sa proseso ng pagbubunyag ng katiwalian, patuloy nilang ikinukumpisal ang kanilang mga kasalanan at nagsisisi sa harap ng Diyos, at patuloy na tinatanggap ang paghatol, pagkastigo, at pagtutuwid ng Diyos. Ilang beses man silang makaranas ng pagkabigo o pagkakamali, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili, lutasin ang mga problema, bumangong muli at patuloy na sundan ang Diyos. Sa pamamagitan ng paglalakbay na ito, nagkakaroon sila ng tunay na pag-unawa sa kanilang tiwaling disposisyon at napagtatanto nila na ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay talagang isang uri ng pagliligtas, at na hindi nila kaya kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Sa pamamagitan ng matimtimang pagsisisi, walang tigil na pag-amin, at patuloy na pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, unti-unting lumalago ang kanilang buhay, at patuloy na nagbabago ang kanilang espirituwal na kalagayan. Sa prosesong ito, maaaring unti-unting maiwaksi ang tiwaling disposisyon ng isang tao, at makararanas siya ng paglago at pagbabago. Kung huhusgahan ang kanyang mapaghimagsik na pag-uugali, maaaring tila mapagmatigas din ang gayong tao, at kung minsan ay mayroon siyang mapagmatigas na kalagayan, ngunit hindi siya ganoong uri ng tao. Dahil hindi siya ganoong uri ng tao, tiyak na magpapakita siya ng mga positibong pag-uugali at pag-usad. Ang gayong tao ay maililigtas. Aling uri ng tao kayo? (Inaamin namin kapag kami ay nakagawa ng mali, at handa kaming magsisi sa Diyos at itama ang aming mga pagkakamali.) Kung alam mo ang iyong mga maling ginagawa, ang iyong paghihimagsik, at ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita mo, at nakadarama ka ng pagsisisi at panghihinayang sa puso mo, mabuti ito at may pag-asang maililigtas ka. Gayunpaman, kung sa sarili mo ay wala kang katiting na kamalayan sa iyong paghihimagsik o katiwalian, at kapag may pumupuna nito, nananatili kang matigas ang ulo at hindi tumatanggap, na humahantong pa nga sa nakalilinlang na argumento at pagbibigay-katwiran sa sarili, kung gayon, magkakaproblema ka, at hindi magiging madali para sa iyo na mailigtas. Kung nananalig ka sa Diyos sa maikling panahon pa lang, sabihin nating sa loob ng tatlo hanggang limang taon, at hindi mo pa rin gaanong nauunawaan ang tungkol sa pananampalataya, ito ay dahil napakaliit ng tayog mo. Gayunpaman, kung ikaw ay isang mananampalataya na sa loob ng higit sampung taon at hindi mo pa rin nakikilala ang iyong sarili, o tinatanggap na mapungusan, kung gayon, mahihirapan ka. Ito ay isang tao na may mapagmatigas na disposisyon na tumatangging tanggapin ang katotohanan. Kung ang pag-uusapan ay ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan at walang realidad, kailangan mong tingnan kung nasa anong punto ng panahon na sila. Ang ilang tao ay may mahuhusay na kakayahan, mabilis na nakapapasok sa katotohanan, at pagkatapos lamang ng isa o dalawang taon ng pananampalataya, nauunawaan na nila kung ano ang kabuluhan ng buhay pagpasok. Posible ring naka-ugnayan nila ang mga taong nagtagumpay sa buhay pagpasok, may katotohanang realidad, at nakauunawa ng maraming katotohanan. Ang mga bagong mananampalataya ay nananabik din sa mga bagay na ito, kaya’t nakikinig sila nang mabuti, at tumatanggap nang marami, kaya’t mabilis silang nakapapasok sa buhay. Ang ilang tao ay may mahinang kakayahan, at kahit na nakikipag-ugnayan sila sa mga may mahuhusay na kakayahan, mabagal ang kanilang pag-usad. Ang ilang tao ay may likas na pagkasuklam sa katotohanan, at gaano man karaming taon silang nananampalataya, hindi nila isasagawa ang katotohanan, ni hindi sila uusad sa kanilang buhay. Ang ilang tao ay gustong-gusto lamang gumawa ng mga bagay-bagay at napakamasigasig nila, ngunit hindi sila handang magsikap tungo sa katotohanan. Araw-araw silang abala, ngunit hindi sila umuusad sa buhay. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay maaaring nasa lahat ng uri ng sitwasyon. Gayunpaman, tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kayang magsagawa ng katotohanan, magtamo ng katotohanan, at magkamit ng kaligtasan. Ang pinakamalaking alalahanin para sa mga mananampalataya ay ang pagkakaroon ng mapagmatigas na disposisyon at hindi pagtanggap sa katotohanan. Ang ganitong mga tao ay ang pinakanagiging problema at ito ay isang isyu sa kanilang kalikasan. Maaaring tumatanggap sila ng doktrina, ngunit tumatanggi silang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga taong may pinakamaliit na tsansang mailigtas. Ang tanging magagawa sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at tumututol sa katotohanan, ay ang abandonahin sila.
Hayaan mo Akong magbigay ng dalawang halimbawa ng pagsisinungaling. May dalawang uri ng tao na may kakayahang magsinungaling. Kailangan ninyong matukoy kung aling mga tao ang mapagmatigas at hindi na matutubos. Kailangan din ninyong tukuyin kung alin ang maaaring iligtas. Bagaman ang mga maililigtas ay kadalasang nagpapakita ng katiwalian, hangga’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan at pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, may pag-asa pa rin. Sa unang halimbawa, may isang taong madalas magsinungaling. Gayunpaman, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, iba na ang kanyang reaksyon sa susunod niyang pagsisinungaling. Makadarama siya ng matinding sakit at paghihirap, at mapagninilayan na, “Nagsinungaling na naman ako. Bakit hindi ko kayang magbago? Sa pagkakataong ito, anuman ang mangyari, dapat kong ilantad ang bagay na ito, na ihayag ang aking sarili at himayin ang aking tunay na pagkatao. Dapat maging malinaw sa akin ang katunayan na nagsisinungaling ako para hindi mapahiya.” Pagkatapos magtapat at magbahagi, magiging magaan ang pakiramdam niya at mapagtatanto na, “Napakasakit pala ng pagsisinungaling, samantalang napakagaan at kahanga-hanga ang pagiging matapat na tao! Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao; ito ang wangis na dapat taglayin ng mga tao.” Matapos maranasan ang kaunting kabutihang ito, mula noon, nag-iingat na sila na huwag madalas magsinungaling, hindi na nagsasabi ng mga kasinungalingan hangga’t maaari, nagsasalita kapag mayroon silang sasabihin, nagsasalita nang matapat, gumagawa ng matatapat na gawa, at nagiging isang matapat na tao. Gayunpaman, kapag nahaharap sa isang sitwasyon na kung saan ay sangkot ang kanilang pride, likas silang nagsisinungaling at kalaunan ay pinagsisisihan nila ito. Pagkatapos, kapag nahaharap sila sa isang sitwasyon kung saan maaari nilang pamukhaing mabuti ang kanilang sarili, muli silang nagsisinungaling. Lihim nilang kinasusuklaman ang kanilang sarili, iniisip na, “Bakit hindi ko makontrol ang aking bibig? Maaari kayang ito ay isang problema sa aking kalikasan? Masyado ba akong mapanlinlang?” Napagtatanto nila na ang problemang ito ay dapat malutas; kung hindi, itataboy at ititiwalag sila ng Diyos. Mananalangin sila sa Diyos, humihiling na disiplinahin sila kung muli silang magsisinungaling, at handa silang tumanggap ng parusa. Nag-iipon sila ng lakas ng loob na himayin ang kanilang sarili sa mga pagtitipon, at sinasabing, “Kapag nagsisinungaling ako sa mga ganitong sitwasyon, ito ay dahil mayroon akong makasariling mga motibo at kontrolado ng aking intensyon. Sa pagninilay ko, napagtanto ko na sa tuwing nagsisinungaling ako, ito ay alang-alang sa banidad o para sa aking pansariling pakinabang. Nakikita ko na ito nang malinaw ngayon: Nabubuhay ako para sa aking pride at personal na mga interes, na siyang nagtulak sa akin na magsinungaling sa lahat ng oras tungkol sa lahat ng bagay.” Habang hinihimay ang sarili nilang mga kasinungalingan, inilalantad din nila ang kanilang intensyon at natutuklasan ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon. Ito ay sitwasyong may pakinabang sa lahat; kaya nilang isagawa ang pagiging isang matapat na tao at kasabay niyon ay makakuha ng kaliwanagan at makakilala sa kanilang tiwaling disposisyon. Pagkatapos, mapagninilayan nilang, “Kailangan kong magbago! Ngayon ko lang nalaman na may ganito akong problema. Ito ay tunay na kaliwanagan mula sa Diyos. Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan ay pinagpapala ng Diyos!” Nararanasan din nila ang kaunting tamis ng pagsasagawa ng katotohanan. Gayunpaman, isang araw ay hindi sinasadya ng mga taong ito na magsinungaling muli. Nanalangin silang muli sa Diyos, hinahanap ang Kanyang disiplina. Bukod dito, napagninilayan nila kung bakit palagi silang may lihim na intensiyon kapag nagsasalita, at kung bakit palagi nilang isinasaalang-alang ang kanilang banidad at pagpapahalaga sa sarili sa halip na ang mga layunin ng Diyos. Pagkatapos magnilay, nagkakaroon sila ng kaunting pagkaunawa sa kanilang tiwaling disposisyon at nagsisimula silang masuklam sa kanilang sarili. Nagpapatuloy sila nang ganito upang hanapin at pagsikapan ang katotohanan. Pagkalipas ng tatlo hanggang limang taon, talaga ngang kumaunti nang kumaunti ang kanilang mga kasinungalingan, at dumami ang mga pagkakataon na sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip at kumikilos nang matapat. Ang kanilang puso ay unti-unting nagiging dalisay at naglalaman ng higit na kapayapaan at kagalakan. Dumarami nang dumarami ang ginugugol nilang oras sa pamumuhay sa presensiya ng Diyos at nagiging mas normal ang kanilang kalagayan. Ganito ang tunay na kalagayan ng isang taong madalas magsinungaling kapag nararanasan na niya na maging matapat na tao. Kaya, nagsisinungaling pa ba ang taong ito ngayon? May kakayahan pa ba siyang magsinungaling? Totoo bang matapat siyang tao? Hindi masasabi na matapat siyang tao. Masasabi lamang na kaya niyang isagawa ang katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, at nasa proseso ng pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao, ngunit hindi pa siya ganap na nabago tungo sa pagiging isang matapat na tao. Sa madaling salita, ito ay isang taong handang isagawa ang katotohanan. Masasabi ba na ang taong handang magsagawa ng katotohanan ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Naisagawa na niya ang katotohanan at nahayag na ang mga katunayan, kaya hindi ba’t natural na tukuyin siya bilang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Siyempre, habang nagsasagawa siya ng pagiging isang matapat na tao, hindi niya agad nagagawang magbahagi nang wagas at bukas, o nailalantad ang lahat ng inililihim sa kanyang sarili nang walang pag-aalinlangan. Itinatago pa rin niya ang ilang bagay at maingat na nagsisikap sumulong. Gayunpaman, sa gitna ng kanyang mga pagsisikap at mga karanasan, napagtatanto niya na habang mas namumuhay siya nang matapat, mas nagiging mabuti ang kanyang pakiramdam, mas may payapang kaisipan, mas madali niyang naisasagawa ang katotohanan, nang walang anumang matitinding paghihirap. Noon lang niya matitikman ang tamis ng pagiging matapat na tao, at titibay ang kanyang pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagdanas kung paano ang maging isang matapat na tao, hindi lamang niya naisasagawa ang katotohanan, kundi nararanasan din niya ang kapayapaan at kagalakan sa kanyang puso. Kasabay nito, nagkakaroon siya ng mas malinaw na pagkaunawa sa landas ng pagsasagawa ng katapatan. Nararamdaman niya na ang pagiging isang matapat na tao ay hindi masyadong mahirap. Nakikita niya na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay makatwiran at kayang matamo, at nagkakamit siya ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng ito ay hindi dagdag na pakinabang, bagkus, ito ay ang dapat makamit ng isang tao sa kanyang paglalakbay sa buhay pagpasok, at may kakayahan siyang makamit ito.
Ang pangalawang halimbawa ay tungkol sa isang taong mahilig magsinungaling—nasa kalikasan na niya ito. Walang problema kapag hindi siya nagsasalita, ngunit sa sandaling ibuka niya ang kanyang bibig, napupuno ng maraming karumihan ang pananalita niya. Sinasadya man niya ito o hindi, sa madaling salita, karamihan sa mga sinasabi niya ay hindi mapagkakatiwalaan. Isang araw, pagkatapos magsinungaling, napag-isip-isip niyang, “Mali ang magsinungaling at hindi ito nakalulugod sa Diyos. Kung malalaman ng mga tao na nagsinungaling ako, mapapahiya ako! Pero parang may nakapansin na nagsinungaling nga ako. Puwes, madali kong maaayos iyon. Hahanap ako ng ibang pag-uusapan, at gagamit ng ibang pananalita para mabawasan ang kanilang pagbabantay, mailigaw sila, at hindi nila mahalata ang aking mga kasinungalingan. Ngayon, hindi ba’t mas mautak iyon?” Pagkatapos ay magsasabi siya ng isang mas malaking kasinungalingan upang pagtakpan ang nauna niyang kasinungalingan at ayusin ang mga problema, na matagumpay na nakakapagligaw sa mga tao. Makararamdam siya ng pagmamalaki at pagkakontento sa sarili, iniisip na, “Tingnan mo kung gaano ako katalino! Nagsinungaling ako nang walang anumang butas, at kung may mga butas man, magsisinungaling na lang uli ako para pagtakpan ang mga iyon. Karamihan sa mga tao ay hindi ako nahahalata. Kailangan ng kasanayan ang pagsisinungaling!” Sinasabi ng ilang tao na, “Mahirap magsinungaling. Pagkatapos magsabi ng isang kasinungalingan, kailangan mong magsabi ng marami pa para pagtakpan ito. Pinag-iisipan at pinagsisikapan itong mabuti.” Gayunpaman, hindi ganoon ang pakiramdam ng dalubhasang sinungaling na taong ito. Sa pagkakataong ito, hindi nalantad ang kanyang mga kasinungalingan. Matagumpay siyang nakapagsinungaling para manlinlang ng iba, pagkatapos, kapag natakot siyang malantad, muli siyang magsisinungaling para pagtakpan ang dating kasinungalingan. Nagmamalaki siya, at walang pagkakonsensiya o pagsisisi sa kanyang puso. Ganap na hindi naaapektuhan ang kanyang konsensiya. Paanong posible ito? Hindi niya alam kung gaano nakapipinsala sa kanya ang pagsisinungaling. Naniniwala siya na ang paggamit ng mga kasinungalingan upang pagtakpan ang mga dating kasinungalingan ay nagbibigay-daan sa kanya na mapabuti ang kanyang reputasyon at makakuha ng mga pakinabang. Sa kabila ng hirap at pagod, sulit lang ito sa tingin niya. Naniniwala siya na mas mahalaga ito kaysa sa pagkaunawa sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan. Bakit madalas siyang nagsisinungaling nang hindi nakokonsensiya? Dahil wala siyang pagmamahal sa katotohanan sa puso niya. Pinahahalagahan niya ang kanyang banidad, reputasyon, at katayuan. Hindi niya binubuksan kailanman ang kanyang puso sa pagbabahagi sa iba; sa halip, gumagamit siya ng pagbabalatkayo at pagkukunwari upang itago ang kanyang mga kasinungalingan. Ganyan siya nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa mga tao. Gaano man karaming kasinungalingan ang sinasabi niya, gaano karaming kasinungalingan ang kanyang pinagtatakpan, o gaano karaming makasarili at masamang intensyon ang itinatago niya, wala siyang pagkakonsensiya o pagkabalisa sa puso niya. Sa pangkalahatan, ang mga taong may kaunting konsensiya at kaunting pagkatao ay hindi mapapalagay pagkatapos magsinungaling, at mahihirapan silang tanggapin ang nagawa nila. Makararamdam sila ng kahihiyan; ngunit hindi ganito mag-isip ang taong sinungaling. Pagkatapos magsinungaling, nasisiyahan siya sa sarili, sinasabing, “Nagsinungaling na naman ako ngayon at nagawa kong lokohin ang hangal na iyon. Pinagpawisan ako nang husto, pero hindi man lang niya napansin!” Hindi ba siya nagsasawa sa ganitong buhay ng patuloy na pagsisinungaling at pagtatago ng mga kasinungalingan? Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang likas na katangian ng isang diyablo. Ang mga diyablo ay nagsisinungaling araw-araw. Namumuhay sila sa kasinungalingan nang walang anumang pagkabalisa o pasakit. Kung totoo ngang nakararamdam sila ng pagkabalisa o pasakit, magbabago sila, ngunit hindi sila makaramdam ng pasakit dahil buhay nila ang pagsisinungaling—nasa kalikasan nila ito. Kapag natural nilang ipinahahayag ang kanilang sarili, hindi sila nagpapakita ng pagpipigil at hindi man lang nagninilay-nilay sa sarili. Gaano man karaming kasinungalingan ang sinasabi nila o mga panlilinlang na ginagawa nila, hindi sila nakokonsensiya sa kanilang puso, at hindi sila inuusig ng kanilang konsensiya. Wala silang malay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; hindi nila napagtatanto ang responsabilidad na kanilang pinapasan at ang kaparusahan na kanilang matatanggap pagkatapos magsinungaling at manlinlang. Ang pinakakinatatakutan nila ay na may isang taong maglalantad sa kanilang mapanlinlang na mga pakana, kaya mas marami pa silang ginagawang kasinungalingan para pagtakpan ang kanilang mga pakana, at kasabay nito ay nagpapakapagod sila sa paghahanap ng paraan, ilang paraan para itago ang kanilang mga kasinungalingan at ang katotohanan tungkol sa kung sino sila. Nagsisisi ba ang gayong mga tao habang nasa buong proseso? May nararamdaman ba silang pagsisisi o kalungkutan? Mayroon ba silang anumang pagnanais na baguhin ang kanilang sarili? Wala. Sa tingin nila ay hindi kasalanan ang magsinungaling o magtago ng mga kasinungalingan, na karamihan sa mga tao ay namumuhay nang ganito, at wala silang intensyon na magbago. Tungkol naman sa pagiging matapat na tao, sa kanilang puso ay iniisip nila na, “Bakit ako dapat maging isang matapat na tao, magsalita mula sa puso, at magsabi ng totoo? Hindi ko ginagawa iyan. Para iyan sa mga hangal at hindi ako ganoon kahangal. Kung magsisinungaling ako at matatakot na malantad, hahanap na lang ako ng iba pang dahilan at palusot para pagtakpan ito. Hindi ako iyong tipo ng tao na marunong magsalita nang matapat. Kung gagawin ko iyon, magiging ganap akong hangal!” Hindi nila tinatanggap o kinikilala ang katotohanan. Ang mga taong hindi kumikilala sa katotohanan ay hindi kayang mahalin ang katotohanan. Ano ang kalagayan ng gayong mga tao mula sa simula hanggang wakas? (Hindi sila handang baguhin ang kanilang sarili.) Ang hindi nila pagnanais na ayusin ang mga bagay-bagay ay kitang-kita mula sa obhektibong pananaw, ngunit ano ang kanilang tunay na kalagayan? Pangunahin nilang itinatanggi na ang pagiging isang matapat na tao ay ang tamang landas sa buhay. Itinatanggi rin nila ang pag-iral ng katotohanan, ang paghatol ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw, at na pinagpapasyahan ng Diyos ang huling kahihinatnan ng tao at ang indibidwal na kaparusahan para sa mga gawa ng isang tao. Ito ay pagiging walang kabatiran, hangal, at matigas ang ulo. Ang ganitong pag-iisip ay nagsasanhi ng kanilang mapagmatigas na kalagayan, mga kilos at pag-uugali. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa kalikasang diwa ng isang tao. Ganoong uri sila ng tao—isang tunay na mapanlinlang na tao—at hindi nila kayang magbago. Maaaring hindi makapaniwala ang ilan kapag nakikita nila ang gayong mga tao na tumatangging tanggapin ang katotohanan, at hindi nila ito maintindihan. Sa totoo, ang mga taong ganito ay walang normal na pagkatao at hindi gumagana ang kanilang konsensiya. Bukod pa rito, wala silang katwiran ng isang normal na pagkatao. Sa sandaling marinig ang katotohanan at ang mga salita ng paghatol, ang isang taong may normal na pagkatao at katwiran ay magninilay kahit papaano sa kanyang sarili at tunay na magsisisi, ngunit ang taong sinungaling ay hindi tumutugon pagkatapos marinig ang tunay na daan. Iginigiit pa rin niyang mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, nang walang katiting na pagbabago sa kanyang pananampalataya sa Diyos sa paglipas ng mga taon. Ang gayong tao ay walang katwiran ng isang normal na pagkatao, at mahirap para sa gayong tao na mailigtas.
Alin sa dalawang uri ng taong ito ang sa tingin ninyo ay ililigtas ng Diyos? (Ang unang uri, dahil kahit na nagsisinungaling sila, kaya nilang tanggapin ang katotohanan at maging matapat.) Maaaring makita ito ng mga tao at itanong, “Bakit ang mga taong inililigtas ng Diyos ay lagi pa ring nagsisinungaling at gumagawa ng mali? Hindi ba’t mga tiwaling tao pa rin sila? Hindi sila mga perpektong tao!” Ginagamit nila ang salitang “perpekto” rito. Ano ang tingin mo tungkol doon? Ito ang mga salita ng isang taong hindi nakauunawa sa normal na proseso ng paglago ng buhay. Inililigtas ng Diyos ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon, hindi mga perpektong taong walang mga kapintasan o iyong mga namumuhay nang nakabukod. Ang ilang tao, sa oras ng pagbubunyag ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananalig ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan, at naniniwala na hindi na sila gusto ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Nais ng Diyos na iligtas ka, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, ititiwalag ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Sa sandaling magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo ang kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinag-iisipan ng masama dahil dito. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mapapalugod ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang kahulugan ng mga sinasabi Ko sa inyo? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Upang maayos na mapangasiwaan ang sarili mong mga pagbubunyag ng katiwalian, tumuon ka sa pagsasagawa ng katotohanan, at matatanggap mo ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kang may maling pagkaunawa sa Diyos, madali kang masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kuwalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o may mga pagkakataong hindi maganda ang iyong pag-uugali, at hindi ka tinatanggap ng Diyos, o itinataboy ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.
Ano ang pinakamahalaga kapag nananampalataya sa Diyos? (Pagkaunawa sa katotohanan at pagkakaroon ng buhay pagpasok.) Tama, ang buhay pagpasok ang pinakamahalaga—nauuna ito. Anuman ang mga tungkuling ginagawa mo, gaano ka man katanda, gaano katagal ka mang nananampalataya sa Diyos, at gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan mo, nauuna ang buhay pagpasok. Huwag mong isiping, “May mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng dalawampung taon, ngunit limang taon pa lang akong nananampalataya. Napag-iiwanan na nila akong masyado. May pag-asa pa ba akong maligtas? Masyado na ba akong nahuhuli?” Hindi malaking problema ang mahuli ng ilang taon sa pananampalataya. Kung ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan, makahahabol ka pa rin sa mga naunang nanampalataya sa Diyos. Hindi ba’t sinasabi ng Bibliya, “Datapuwat maraming mga nauna na mahuhuli; at mga huli na mauuna” (Mateo 19:30)? Kung ang isang tao ay laging nakahahanap ng mga dahilan at palusot para hindi hangarin ang katotohanan, kung gayon, kahit na buong buhay silang manampalataya, magiging walang kabuluhan ito, at wala silang makakamit. Sa sambahayan ng Diyos, maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, ngunit hindi ginagawa ang kanilang mga tungkulin ayon sa pamantayan, at sila ay itinitiwalag. Maraming tao ang laging naghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at nagiging huwad na mga lider at anticristo, at sila ay itinitiwalag. Maraming hindi mananampalataya ang mapagmatigas na tumatangging tanggapin ang katotohanan at lahat sila ay itinitiwalag. Totoo ba ito? (Oo.) Higit pa rito, may ilan na kayang magsalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan pagkatapos manampalataya sa loob lamang ng tatlo hanggang limang taon. Malayong nahihigitan ng kanilang mga patotoo at pananalig ang mga nananampalataya sa Diyos nang maraming taon. Ang mga taong ito ay nakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Maraming taong nananampalataya sa Diyos nang maraming taon ang hindi talaga naghangad sa katotohanan at itiniwalag. Nililinaw nito ang isang katunayan sa mga tao: na ang Diyos ay matuwid at patas sa lahat. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ka dati o ang iyong kasalukuyang tayog, tinitingnan Niya kung hinahangad mo ang katotohanan at kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hinding-hindi ka dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos at sabihing, “Bakit kaya pa ring magsinungaling at magbunyag ng katiwalian ang mga taong maililigtas ng Diyos? Dapat iligtas ng Diyos ang mga hindi nagsisinungaling.” Hindi ba’t isa itong maling paniniwala? Mayroon bang sinuman sa tiwaling sangkatauhan ang hindi nagsisinungaling? Kailangan pa ba ng mga taong hindi nagsisinungaling ang kaligtasan ng Diyos? Ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ang siyang inililigtas ng Diyos. Kung hindi mo man lang maintindihan nang malinaw ang katunayang ito, kung gayon, mangmang at hangal ka. Tulad ng sinabi ng Diyos, “Walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Dahil mismo sa ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas kaya ang Diyos ay nagkatawang-tao sa lupa upang iligtas ang mga tiwaling taong ito. Bakit walang sinasabi ang Diyos tungkol sa pagliligtas sa mga anghel? Ito ay dahil ang mga anghel ay nasa langit, at hindi ginawang tiwali ni Satanas. Palaging sinasabi ng Diyos mula sa simula na “Ang sangkatauhan na Aking inililigtas ay ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, ang sangkatauhan na binawi mula sa mga kamay ni Satanas, ang sangkatauhan na nagtataglay ng tiwaling disposisyon ni Satanas, ang sangkatauhan na sumasalungat sa Akin, na lumalaban sa Akin, at naghihimagsik laban sa Akin.” Kung gayon, bakit hindi hinaharap ng mga tao ang katunayang ito? Hindi ba’t mali nilang nauunawaan ang Diyos? Ang maling pagkaunawa sa Diyos ang pinakamadaling landas sa paglaban sa Kanya at dapat itong malutas kaagad. Ang pagkabigong lutasin ang isyung ito ay napakamapanganib dahil madali itong hahantong sa pagsasantabi sa iyo ng Diyos. Ang mga maling pagkaunawa ng mga tao ay nakaugat sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon. Kung palagi silang kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, malamang na tatanggi silang tanggapin ang katotohanan. Kapag mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, kapag hindi mo hinahangad ang katotohanan para sa resolusyon, alam ninyo ang mga kahihinatnan. Hinahayaan ka ng Diyos na madapa, mabigo, at gumawa ng mga pagkakamali. Bibigyan ka ng Diyos ng mga pagkakataon at oras upang maunawaan ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, unti-unting maunawaan ang Kanyang mga layunin, gawin ang lahat nang naaayon sa Kanyang mga layunin, tunay na magpasakop sa Diyos, at makamit ang katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Gayunpaman, sino ang taong pinakakinasusuklaman ng Diyos? Ito ay ang taong kahit na alam niya ang katotohanan sa kanyang puso, tumatanggi siyang tanggapin ito, lalo na ang isagawa ito. Sa halip, namumuhay pa rin siya sa mga pilosopiya ni Satanas, ngunit itinuturing ang kanyang sarili na mabuti at mapagpasakop sa Diyos habang naghahangad din na iligaw ang iba at magkaroon ng posisyon sa sambahayan ng Diyos. Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng tao, siya ay isang anticristo. Bagaman lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, ang mga kilos na ito ay may ibang kalikasan. Hindi ito ordinaryong tiwaling disposisyon o normal na pagbubunyag ng katiwalian; sa halip, sinasadya at mapagmatigas mong nilalabanan ang Diyos hanggang sa huli. Alam mo na may Diyos, nananalig ka sa Diyos, ngunit sadya mong pinipiling labanan Siya. Hindi ito pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at problema ng maling pagkaunawa; sa halip ay sinasadya mong labanan ang Diyos hanggang sa huli. Maililigtas ba ng Diyos ang isang tulad nito? Hindi ka ililigtas ng Diyos. Ikaw ay kaaway ng Diyos, samakatuwid, ikaw ay isang diyablo. Maililigtas pa ba ng Diyos ang mga diyablo?
Ano ang nararamdaman ninyo tungkol sa Aking pagbabahagi ngayon? Nauunawaan ba ninyo ito? (Oo, nauunawaan namin.) Kung nauunawaan ninyo ang isang bagay, mayroon kayong makakamit, at magkakaroon kayo ng kaunting pagpasok sa katotohanan. Kung papasok ka sa katotohanan, ang iyong buhay ay lalago, ngunit kung hindi ka papasok sa katotohanan, ang iyong buhay ay hindi lalago. Katulad ito ng isang umuusbong na binhi na kailangang diligan, lagyan ng pataba, at ibilad sa sikat ng araw. Kung hindi mo ito lilinangin nang mabuti, hindi ito lalago at kalaunan ay malalanta at mamamatay ito. Ano ang ibig sabihin kapag sinabi Ko ito? Na ang simpleng pasalitang pagtatapat at pananalig sa iyong puso sa pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi sapat para makilala ang Diyos at maging kuwalipikadong pumasok sa Kanyang kaharian. Wala itong kasiguruhan; ito ay isang pasimulang hakbang lamang. Hindi ka pa nagkakamit ng kaligtasan, hindi ka pa nababago, at mahaba pa ang pagdaraanan mo. Sa mga huling araw, ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan upang ganap na iligtas ang sangkatauhan. Kapag tinahak mo ang landas ng pananampalataya sa Diyos, mayroon ka nang pagkakataong mailigtas ng Diyos mula sa pinakasimula. Napakalaking pagpapala nito! Hindi ito maaaring isuko. Ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw ay isang napakabihirang pagkakataon. Ang sangkatauhan ay namuhay sa libo-libong henerasyon, ngunit walang sinuman ang nagkaroon ng pagkakataong ito noon. Napakalaking bagay ang mailigtas; hindi mo dapat palampasin ang pagkakataong ito. Naharap ng henerasyon ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao; isang pagpapala ito! Ang pagpapalang ito ay hindi nakikita sa sekular na mundo, ngunit nakita at natamasa ninyo ito, at ito ay pagpapala ng Diyos. Marahil hindi pa rin malinaw sa ilang tao ang tungkol sa mga pangitain; nauunawaan lamang nila ang ilang doktrina, ngunit wala silang tunay na pananalig. Nararamdaman lang nila na ang pananalig sa Diyos ay mabuti, at ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagpapasigla sa kanilang mga puso, kaya naniniwala sila na ito ang tamang landas sa buhay at nagkakaroon ng lakas ang kanilang puso. Determinado silang huwag sundin ang landas ng pagkawasak ng mga walang pananampalataya, o ang landas ng mga relihiyosong tao na lumalaban sa Diyos. Determinado silang sundin lamang ang Diyos, hangarin ang katotohanan, matamo ang kadalisayan, kamtin ang kaligtasan, at tahakin lamang ang landas ng pagsunod sa Diyos. Mabuti para sa mga tao ang magkaroon ng gayong kapasyahan, at nangangahulugan ito na may pag-asa. Kasama sa pagsunod sa Diyos ang proteksyon ng Diyos. Ngayon man lamang, sa buhay na ito, magiging masaya na sila. Hindi na sila mapipinsala ni Satanas, ng lipunan, o ng sangkatauhan, at lubusan at tunay na silang mamumuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ito ay isang marangal na bagay at isang kaligayahan na maaaring maramdaman sa buhay na ito. Ngayon, paano naman ang susunod na mundo? Nangako ang Diyos. Bukod sa pagkakaloob sa iyo ng kaligtasan at pagtutustos sa iyo ng katotohanan at buhay, nangangako rin Siyang bigyan ka ng daan-daang pagpapala sa buhay na ito at pagkalooban ka ng buhay na walang hanggan sa susunod na mundo. Kaya, huwag maliitin ang bagay na ito. Ang halagang binabayaran mo at ang pagdurusang tinitiis mo upang matamo ang katotohanan at makatanggap ng kaligtasan ay pansamantala. Sa hinaharap, kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagtaglay sila nito, maaaring pambihirang kaligayahan, kagalakan, at mga pagpapala ang matatamasa nila. Ibig sabihin, kapag naunawaan at nakamit mo ang katotohanan, saka ka lang magiging karapat-dapat tumanggap sa pangako ng Diyos. Libreng ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo ang lahat ng katotohanan at mga panustos sa buhay. Totoong maililigtas ka ng Diyos, ngunit kung makakamit mo man ang buhay at katotohanan sa huli ay nakadepende kung pipiliin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hawak mo ba ang desisyong magpasya nito? (Oo.) Sa madaling salita, kung makakamit mo ang buhay at katotohanan, kung karapat-dapat kang tumanggap sa pangako ng Diyos, at kung matatanggap mo ang pagpapala, itong bendisyon ng “daan-daang pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa susunod na mundo,” ay isang pagkakataon na nasa mga kamay mo. Walang ibang makaiimpluwensiya sa iyo, tutulong sa iyo, o makapipigil sa iyo. Mayroon ka ng karapatang ito; ipinagkaloob na ito ng Diyos sa iyo. Depende ito sa kung pipiliin mo sa huli na tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay.
Nobyembre 9, 2016