Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin
Sipi 30
Ano ang isang tungkulin? Ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ay ang tungkulin na dapat gampanan ng tao. Anuman ang ipinagkatiwala Niya sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Upang magampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong matutunan na panatilihing nakatapak ang dalawang paa sa lupa at huwag abutin ang higit sa iyong kayang abutin. Huwag mong palaging isipin na mas luntian ang damo sa kabilang panig at huwag piliting gawin ang hindi naaakma sa iyo. Ang ilang tao ay naaakma para sa pagiging punong-abala, ngunit pinipilit nilang maging mga lider; ang iba ay naaakma para maging mga aktor, ngunit nais nilang maging mga direktor. Hindi mabuti na palaging magsikap para sa mas matataas na posisyon. Kailangang mahanap at matukoy ng isang tao ang kanyang sariling papel at posisyon—iyan ang ginagawa ng isang taong mayroong katwiran. Pagkatapos ay dapat niyang gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin nang may matibay na praktikal na saloobin upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at palugurin Siya. Kung ang isang tao ay mayroong ganitong saloobin habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, ang kanyang puso ay magiging matatag at payapa, matatanggap niya ang katotohanan sa kanyang tungkulin, at unti-unti niyang magagampanan ang kanyang tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Magagawa niyang iwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, at gampanan nang sapat ang kanyang tungkulin. Ito ang paraan upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung magagawa mong tunay na gugulin ang iyong sarili para sa Diyos at gampanan ang iyong tungkulin nang may tamang kaisipan, isang kaisipan na nagmamahal at nagpapalugod sa Kanya, ikaw ay pangungunahan at gagabayan ng gawain ng Banal na Espiritu, ikaw ay magiging handang isagawa ang katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at ikaw ay magiging isang tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa ganitong paraan, lubos mong maipamumuhay ang tunay na wangis ng tao. Ang buhay ng mga tao ay unti-unting lumalago habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Yaong mga hindi gumaganap ng mga tungkulin ay hindi makakamit ang katotohanan at ang buhay, kahit gaano karaming taon pa silang nananalig, dahil wala silang pagpapala ng Diyos. Pinagpapala lamang ng Diyos yaong mga tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. Anumang tungkulin ang ginagampanan mo, anuman ang magagawa mo, ituring mo itong responsabilidad at tungkulin mo, tanggapin ito at gawin ito nang maayos. Paano mo ito gagawin nang maayos? Sa pamamagitan ng paggawa rito nang eksakto sa hinihingi ng Diyos—nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong kalakasan mo. Dapat mong pagnilay-nilayan ang mga salitang ito at isipin kung paano mo magagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Halimbawa, kung makikita mo ang isang tao na ginagampanan ang kanyang tungkulin nang walang prinsipyo, na ginagawa niya ito nang walang ingat at alinsunod sa kanyang sariling kalooban, at iniisip mo sa sarili mo, “Wala akong pakialam, hindi ko ito responsabilidad,” ito ba ay paggawa sa iyong tungkulin nang buong puso mo? Hindi, ito ay pagiging iresponsable. Kung ikaw ay isang responsableng tao, kapag nangyari sa iyo ang gayong sitwasyon ay sasabihin mo, “Hindi ito maaari. Hindi man ito saklaw ng aking pangangasiwa, ngunit maaari ko namang iulat ang isyu na ito sa lider at hayaan siyang asikasuhin ito alinsunod sa mga prinsipyo.” Pagkatapos mong gawin ito, makikita ng lahat na ito ay angkop, ang iyong puso ay mapapanatag, at matutupad mo ang iyong responsabilidad. Kung magkagayon ay nagawa mo na ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Kung, kahit aling tungkulin ang iyong ginagampanan, ikaw ay palaging pabaya, at sinasabi mo, “Kung gagawin ko ang gawaing ito sa isang simple at pabasta-bastang paraan, kahit paano ay mairaraos ko ito. Tutal, walang magsusuri nito. Ginawa ko ang pinakamakakaya ko gamit ang mga limitadong kakayahan at propesyonal na kasanayan na mayroon ako. Sapat na ito para makaraos lang. Isa pa, walang magtatanong tungkol dito o magseseryoso sa akin—hindi ito gaanong mahalaga.” Ang pagkakaroon ba ng ganitong intensyon at ng ganitong kaisipan ay pagganap ng iyong tungkulin nang buong puso mo? Hindi, ito ay pagiging pabasta-basta, at ito ay isang paghahayag ng iyong sataniko at tiwaling disposisyon. Magagampanan mo ba ang iyong tungkulin nang buong puso mo sa pamamagitan ng pag-asa sa satanikong disposisyon? Hindi, magiging imposible iyan. Kaya, ano ang ibig sabihin na gawin mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo? Sasabihin mo: “Kahit na hindi nag-usisa ang Itaas tungkol sa gawaing ito, at tila hindi ito napakahalaga sa lahat ng gawain sa sambahayan ng Diyos, gagawin ko pa rin ito nang maayos—ito ay aking tungkulin. Kung ang isang gawain ay mahalaga o hindi ay isang bagay; kung ito ay magagawa ko nang maayos o hindi ay ibang bagay.” Ano ang mahalaga? Kung magagampanan mo nang maayos o hindi ang iyong tungkulin at nang buong puso mo, at kung magagawa mong sumunod sa mga prinsipyo at magsagawa alinsunod sa katotohanan. Ito ang mahalaga. Kung maisasagawa mo ang katotohanan at magagawa ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo, tunay mong nagagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Kung nagampanan mo nang maayos ang isang uri ng tungkulin, ngunit hindi ka pa rin nasisiyahan at nais mo pang gampanan ang isang higit pang mahalagang uri ng tungkulin, at may kakayahan ka na gampanan ito nang maayos, ito ay paggawa mo ng iyong tungkulin nang buong puso mo sa isang mas mataas pang antas. Kaya, kung nagagawa mong gampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, ano ang ipinapakahulugan nito? Sa isang banda, nangangahulugan ito na ginagawa mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, nangangahulugan ito na tinanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos at nasa puso mo ang Diyos; nangangahulugan ito na hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin para magpakitang-tao, o kung paano mo naisin, o alinsunod sa iyong mga sariling kagustuhan—sa halip ay itinuturing mo ito bilang isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos at ginagawa mo ito nang taglay ang responsabilidad at puso na iyan, hindi alinsunod sa iyong sariling kalooban kundi ganap na ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ibinibigay mo ang buong puso mo sa iyong tungkulin—ito ay pagganap sa iyong tungkulin nang buong puso mo. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang mga katotohanan tungkol sa pagganap sa mga tungkulin. Kapag sumasapit sa kanila ang ilang paghihirap, sila ay nagrereklamo, at palagi silang gumagawa ng ingay tungkol sa kanilang mga personal na interes, pakinabang, at pagkalugi. Iniisip nila, “Kung gagampanan ko nang maayos ang gawain na ibinigay sa akin ng lider, magdadala ito sa kanya ng karangalan at kaluwalhatian, ngunit sino ang makaaalala sa akin? Walang makaaalam na ako ang gumawa ng gawain, at makukuha ng lider ang lahat ng papuri para dito. Hindi ba’t paglilingkod sa iba ang pagganap ko sa aking tungkulin sa ganitong paraan?” Anong uri ng disposisyon ito? Ito ay paghihimagsik—ang mga taong ito ay mga uring wala sa katwiran. Hindi nila nauunawaan ang atas ng Diyos sa tamang paraan. Palagi nilang hangad na malagay sa mga posisyon ng kapangyarihan, na kunin ang papuri at mabigyan ng gantimpala, at na magmukha silang mabuti. Bakit palaging nakatuon ang kanilang pansin sa katanyagan at pakinabang? Ipinakikita nito na napakatindi ng kanilang pagnanasa para sa katanyagan at pakinabang, at na hindi nila nauunawaan na ang pagganap sa isang tungkulin ay tungkol sa pagpapalugod sa Diyos, o na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng bawat tao. Ang mga taong ito ay walang tunay na pananampalataya sa Diyos, kaya humahatol sila batay sa mga katunayan na nakikita nila sa pamamagitan ng kanilang mga sariling mata, na humahantong sa pagbuo nila ng mga maling pananaw. Dahil dito, sila ay nagiging negatibo at pasibo sa kanilang gawain at hindi nila nagagampanan ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila at buong kalakasan nila. Dahil wala silang tunay na pananampalataya at hindi nila alam na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, nakatuon sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin upang makita ito ng iba, sa pagpapaalam sa iba ng mga pagdurusa at paghihirap na kanilang tinitiis, at sa paghahanap ng papuri at pagsang-ayon mula sa mga lider at manggagawa. Iniisip nila na ang pagganap sa isang tungkulin ay kapaki-pakinabang lamang kung gagawin nila ito sa ganitong paraan, at maringal lamang kung makikita ng lahat na ginagawa nila ito. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi lamang sila walang pananampalataya, hindi rin nila tinatanggap o nauunawaan ang katotohanan sa anumang antas. Paano magagampanan ng mga taong gaya nito ang isang tungkulin nang maayos? Wala bang problema sa kanilang disposisyon? Kung susubukan mong magbahagi tungkol sa katotohanan sa kanila at hindi pa rin nila ito tanggapin, sila nga ay mayroong masamang disposisyon. Bigo silang asikasuhin ang kanilang mga nararapat na responsabilidad at hindi nila pinanghahawakan ang kanilang mga tungkulin. Hindi magtatagal, dapat silang itiwalag. Yaong mga gumaganap ng mga tungkulin ay dapat na mga tao na may normal na pagkatao. Dapat na mayroon silang tamang katwiran at dapat na kaya nilang magpasakop sa lahat ng pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos. Nagkakaloob ang Diyos ng iba’t ibang kakayahan at kaloob sa iba’t ibang tao, at ang iba’t ibang tao ay pinakaangkop na gumanap ng iba’t ibang tungkulin. Hindi ka dapat maging mapili at hindi mo dapat piliin ang isang tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan, na pinipili mo lamang na gampanan ang magiginhawa at madadaling tungkulin na umaayon sa iyong mga sariling naisin. Ito ay mali. Hindi ito paggawa ng isang tungkulin nang buong puso mo at hindi ito pagganap sa isang tungkulin. Upang magampanan ang isang tungkulin, ang unang bagay na dapat mong gawin ay ibigay mo rito ang iyong buong puso. Kasunod nito, anuman ang iyong ginagawa, ito man ay isang malaki o isang maliit na gawain, isang marumi o isang nakapapagod, isang gawaing ginagawa sa harap ng ibang tao o isang ginagawa nang hindi nakikita, isang mahalagang gawain o isang hindi mahalaga, dapat mong ituring ang lahat ng ito bilang iyong tungkulin at sundin ang prinsipyo ng paggawa sa mga ito nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong kalakasan mo. Kung pagkatapos mong gampanan ang iyong tungkulin, maramdaman mo sa huli na hindi ganap na malinis ang iyong konsiyensiya kaugnay ng ilan sa gawain na iyong ginawa, at na kahit na ibinigay mo rito ang buong puso mo, ang ilan sa iyong gawain ay hindi nagawa nang maayos at ang mga resulta ng iyong mga pagsisikap ay hindi napakabuti, ano ang dapat mong gawin? Iniisip ng ilang tao, “Ibinigay ko ang buong puso ko sa aking tungkulin, ngunit ang mga resulta ay hindi napakabuti. Hindi ko ito problema. Nasa mga kamay na ito ng Diyos ngayon.” Anong uri ng pananaw ito? Ito ba ang tamang pananaw? Hindi nila tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos dahil ayaw nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema; ayaw nilang palugurin ang Diyos at mayroon pa rin silang pabasta-bastang pananaw sa kanilang tungkulin. Ang mga ganitong uri ng mga tao ay tila walang puso. Kapag sinasabi natin na ginagawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nangangahulugan ito na ginagamit mo ang buong puso mo—hindi mo maaaring gawin ang iyong tungkulin nang hindi buong puso, dapat mong ilaan ang iyong sarili, gampanan ang iyong tungkulin nang masigasig, at ipakita ang iyong katapatan, na ikaw ay nagkakaroon ng responsableng saloobin upang tiyakin na ang mga gawain ay ginagawa nang maayos, at naisasakatuparan ang mga resulta na dapat mong isakatuparan. Saka lamang ito matatawag na pagganap sa tungkulin nang buong puso. Kung nakikita mo na ang mga resulta ng iyong gawain ay hindi ganoon kabuti at iniisip mo sa sarili mo, “Ginawa ko ang pinakamakakaya ko. Isinakripisyo ko ang pagtulog, nagpalipas ng gutom, at nagpuyat, minsan ay nagpapaiwan habang ang iba ay lumalabas upang magpahinga at mamasyal. Nagtiis ako ng mga paghihirap at hindi naging hayok sa mga kaginhawahan ng laman. Nangangahulugan iyan na ginawa ko ang aking tungkulin nang buong puso ko.” Tama ba ang pananaw na ito? Ibinuhos mo ang iyong oras at nagsikap ka. Sa panlabas, tila pinagdaanan mo ang lahat ng ito, ngunit ang mga resulta na iyong nakuha ay hindi mabuti, at hindi mo tinatanggap ang responsabilidad para dito at wala kang pakialam. Ito ba ay paggawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo? (Hindi.) Hindi ito paggawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo. Kapag inaalam ng Diyos kung ginagawa ng isang tao ang isang bagay nang buong puso niya, ano ang tinitingnan Niya? Sa isang banda, tinitingnan Niya kung hinaharap mo ang bagay na iyon nang may matapat at responsableng saloobin. Sa kabilang banda, tinitingnan Niya kung ano ang iniisip mo habang ginagawa mo ito, kung masigasig mong ginagampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan, at kung patuloy mo itong ginagawa nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kung, kapag sumasapit sa iyo ang paghihirap, hinahanap mo nang masinsinan ang katotohanan upang lutasin ang mga problema nang sa gayon ay magampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos. Habang ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay, ang Diyos ay nagmamasid at nagsisiyasat. Inoobserbahan Niya ang puso nila sa buong panahon. Bagamat hindi ito alam ng mga tao, minsan ay nararamdaman nila ang Kanyang pagsisiyasat. Ang ilang tao ay palaging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, at sa huli, ang Diyos ay nagsasaayos ng isang kapaligiran upang ibunyag sila. Sa puntong iyon, nararamdaman nila ang Kanyang pagtalikod, at nakikita ng lahat na hindi sila katulad ng mga mananampalataya—na sila ay katulad ng mga walang pananampalataya, mga diyablo, at mga Satanas. Ang mga ganitong uri ng tao ay itinitiwalag sa panahon ng pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ang ilang tao ay madalas na pinagninilayan ang kanilang sarili habang ginagampanan ang mga tungkulin. Minsan, ang mga resulta na nakukuha nila ay hindi mabuti, o may lumilitaw na problema, at nararamdaman nila ito sa kanilang puso, at iniisip nila, “Nagiging pabasta-basta na naman ba ako?” Pakiramdam nila ay sinasaway sila. Paano ito nangyayari? Ito ay idinulot ng Diyos, ito ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kaya, bakit binibigyan ka ng Diyos ng kaliwanagan? Sa anong batayan ka Niya binibigyan ng kaliwanagan? Sa anong konteksto ka Niya sinasaway? Dapat na magkaroon ka ng tamang kaisipan at sabihin, “Dapat kong gawin ang aking tungkulin nang buong puso ko, at iyan ay nangangahulugan ng paggawa rito nang alinsunod sa katotohanan. Tunay ko bang nagawa ang aking tungkulin nang buong puso ko?” Kung palagi mo itong pinagninilayan, bibigyan ka ng Diyos ng kaliwanagan at ipauunawa sa iyo, “Hindi ko ginawa ang gawaing iyon nang buong puso ko. Akala ko ay maayos ang ginagawa ko, bibigyan ko sana ang sarili ko ng marka na 99 mula sa 100. Ngunit ngayon ay nakikita ko nang hindi talaga iyon ganoon—ang totoo ay bahagya lamang akong pumasa.” Saka mo lamang matutuklasan ang kawalang-kasiyahan ng Diyos. Ito ang pagbibigay ng kaliwanagan sa iyo ng Diyos at pagpapahintulot sa iyo na maunawaan kung gaano kaayos mo talaga ginagampanan ang iyong tungkulin at kung gaano ka pa kalayo sa Kanyang mga hinihingi. Kung ang isang tao ay masyadong bumagsak sa pinakamabababang pamantayan sa pagganap niya sa kanyang tungkulin, bibigyan pa rin ba siya ng kaliwanagan ng Diyos? Maaaring hindi. Sino ang binibigyan ng kaliwanagan ng Diyos? Una, yaong mga nagmamahal sa katotohanan; pangalawa, yaong mga may saloobin ng pagpapasakop; pangatlo, yaong mga nag-aasam para sa katotohanan; at pang-apat, yaong mga nagsusuri at nagninilay sa kanilang sarili sa lahat ng aspeto. Ang mga ito ang mga uri ng tao na makapagkakamit ng kaliwanagan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas sa ganitong paraan, ang iyong personal na karanasan sa paggawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo—ang aspetong ito ng pagsasagawa sa katotohanan at ang aspetong ito ng realidad—ay lalo pang lalago. Unti-unti, magiging malinaw sa iyo kung sino ang mga taong gumagawa sa kanilang mga tungkulin nang buong puso nila at kung sino ang hindi, at ang mga saloobin at pag-uugali ng iba’t ibang indibidwal sa pagganap sa mga tungkulin. Kapag kilala mo ang sarili mo, magagawa mong kilatisin ang iba, at lalo ka pang magiging maingat sa iyong tungkulin. Ang pinakamaliit na pagkakataon ng pagiging pabasta-bata ay hindi makalalagpas sa iyong pansin, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Magagawa mong asikasuhin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang iyong tungkulin, lalo mo pang maisasagawa ang katotohanan, at ang iyong puso ay magiging matatag at payapa. Kung isang araw ay malaman mo sa puso mo na hindi mo nagampanan nang maayos ang isang tungkulin, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong pagnilayan ito, dapat kang maghanap ng impormasyon, at humingi ng payo mula sa iba, pagkatapos, bago mo pa mamalayan, magkakamit ka na ng pagkaunawa sa bagay na ito. Hindi ba’t makatutulong ito sa iyo sa pagganap sa iyong tungkulin? (Oo.) Makatutulong ito. Ito ang mangyayari kahit ano pa ang tungkulin na iyong ginagampanan. Basta’t ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila, hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtitiyaga sa kanilang mga pagsisikap, magtatamo sila ng mga resulta sa huli.
Sipi 31
Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, madalas silang pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Isa ito sa mga pinakaseryosong problema sa lahat. Kung gagampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, dapat muna nilang lutasin ang problemang ito ng pagiging pabasta-basta. Hangga’t may gayong ugali sila na pabasta-basta, hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na nangangahulugang lubhang mahalagang lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta. Paano sila dapat magsagawa? Una, dapat nilang lutasin ang problema sa lagay ng kanilang pag-iisip; dapat nilang harapin nang tama ang kanilang mga tungkulin, at gawin ang mga bagay nang may kaseryosohan at may pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi nila dapat balaking maging mapanlinlang o pabasta-basta. Ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin para sa Diyos, hindi para sa sinumang tao; kung magagawa ng mga taong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, magkakaroon sila ng tamang lagay ng pag-iisip. Higit pa rito, pagkatapos gawin ang isang bagay, dapat suriin ito ng mga tao, at pagnilay-nilayan ito, at kung makadama sila ng kaunting pagkabalisa sa kanilang puso, at matapos ang masusing inspeksyon, napag-alaman nilang may problema nga, dapat silang gumawa ng mga pagbabago; kapag nagawa na ang mga pagbabagong ito, mapapanatag na sila sa kanilang puso. Kapag nababalisa ang mga tao, pinatutunayan nitong may problema, at dapat nilang masusing suriin ang mga nagawa nila, lalo na sa mga mahahalagang yugto. Ito ay isang responsableng pag-uugali sa pagganap ng tungkulin. Kapag ang isang tao ay makakayang maging seryoso, umako ng responsabilidad, at ibigay ang kanyang buong puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan ikaw ay wala sa tamang lagay ng pag-iisip, at hindi ka makahanap o makatuklas ng isang napakalinaw na pagkakamali. Kung ikaw ay nasa tamang lagay ng pag-iisip, sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, magagawa mong tukuyin ang usapin. Kung ginabayan ka ng Banal na Espiritu at binigyan ka ng kamalayan, tinutulutan kang makaramdam ng kalinawan sa puso at na malaman kung saan may mali, magagawa mo nang itama ang paglihis at pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ikaw ay nasa maling lagay ng pag-iisip, at tuliro at pabaya, mapapansin mo kaya ang mali? Hindi mo mapapansin. Ano ang makikita mula rito? Ipinapakita nito na upang magampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, napakahalaga na nakikipagtulungan ang mga tao; napakahalaga ng lagay ng kanilang mga pag-iisip, at napakahalaga ng kung saan nila itinutuon ang kanilang mga iniisip at ideya. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung ano ang lagay ng pag-iisip ng mga tao, at kung gaano karaming lakas ang ginagamit nila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Napakahalaga na inilalagay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa kanilang ginagawa. Napakahalagang sangkap ang kanilang pakikipagtulungan. Tanging kung nagsisikap ang mga tao na walang pagsisihan tungkol sa mga tungkuling kanilang naisagawa at mga bagay na kanilang nagawa, at hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos, na makakikilos sila nang buong puso at lakas. Kung palagian kang nabibigong ilagay ang buong puso at lakas mo sa pagganap sa iyong tungkulin, kung lagi ka na lang pabasta-basta, at nagdudulot ng malaking pinsala sa gawain, at lubhang nagkukulang sa mga epektong hinihingi ng Diyos, isang bagay lang ang maaaring mangyari sa iyo: Ititiwalag ka. At magkakaroon pa ba ng panahon para magsisi, kung magkagayon? Hindi magkakaroon. Ang mga kilos na ito ay magiging isang walang-hanggang pagsisisi, isang mantsa! Ang pagiging laging pabasta-basta ay isang mantsa, ito ay isang malubhang paglabag—oo o hindi? (Oo.) Dapat magsikap kang isagawa ang iyong mga obligasyon, at ang lahat ng nararapat mong gawin, nang buong puso at lakas mo, dapat ay hindi ka pabasta-basta, o mag-iwan ng pagsisisihan. Kung magagawa mo iyan, kikilalanin ng Diyos ang tungkuling ginagampanan mo. Iyong mga bagay na kinikilala ng Diyos ay mabubuting gawa. Ano, kung gayon, ang mga bagay na hindi kinikilala ng Diyos? (Mga paglabag at masasamang gawa.) Maaaring hindi mo tanggapin na masasamang gawa ang mga ito kung inilalarawan ang mga ito nang gayon sa ngayon, ngunit kapag dumating ang araw na may malubha nang kahihinatnan sa mga bagay na ito, at nagdulot ang mga ito ng negatibong impluwensiya, kung gayon ay madarama mo na ang mga bagay na ito ay hindi lamang mga paglabag sa pag-uugali bagkus ay masasamang gawa. Kapag napagtanto mo ito, magsisisi ka, at iisipin sa sarili: “Dapat ay pinili ko nang umiwas bago pa nangyari! Kung mas nag-isip at nagsikap pa ako nang kaunti sa simula, naiwasan sana ang kinahinatnang ito.” Walang makabubura ng walang-hanggang mantsa na ito sa iyong puso, at kung ilalagay ka nito sa permanenteng pagkakautang, magkakaproblema ka. Kaya ngayon ay dapat kang magsikap na ilagay ang iyong buong puso at lakas sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, na gampanan ang bawat tungkulin nang may malinis na konsensiya, walang anumang pagsisisi, at sa isang paraang kinikilala ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, huwag maging pabasta-basta. Kung pabigla-bigla kang gumagawa ng mali at isa itong malubhang paglabag, ito ay magiging walang-hanggang mantsa. Kapag nagkaroon ka na ng mga pagsisisi, hindi ka na makakabawi para sa mga ito, at magiging mga permanenteng pagsisisi ang mga ito. Ang dalawang landas na ito ay dapat makita nang malinaw. Alin ang dapat mong piliin, upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos? Ginagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at lakas, at naghahanda at nagtitipon ng mabubuting gawa, nang walang anumang pagsisisi. Anuman ang gawin mo, huwag kang gumawa ng masama na makagagambala sa pagganap ng iba sa kanilang mga tungkulin, huwag kang gumawa ng anumang labag sa katotohanan at laban sa Diyos, at huwag kang gumawa ng mga bagay na habambuhay mong pagsisisihan. Anong mangyayari kapag ang isang tao ay nakagawa ng napakaraming paglabag? Tinitipon nila ang galit ng Diyos sa kanila sa Kanyang presensya! Kung lumabag ka nang lumabag, at higit na tumindi ang poot ng Diyos sa iyo, sa huli, ikaw ay parurusahan.
Sa panlabas, tila walang anumang mga seryosong problema ang ilang tao sa buong panahon na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Wala silang ginagawang lantarang kasamaan; hindi sila nagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, o tumatahak sa landas ng mga anticristo. Sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, wala silang anumang malalaking pagkakamali o problema ng prinsipyo na dumarating, gayunman, nang hindi nila namamalayan, sa loob ng ilang maiikling taon ay nabubunyag sila bilang mga hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, bilang isa sa mga hindi mananampalataya. Bakit ganito? Hindi makakita ng isyu ang iba, subalit sinusuri ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng mga taong ito, at nakikita Niya ang problema. Noon pa man ay pabasta-basta na sila at walang pagsisisi sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Habang lumilipas ang panahon, natural silang nabubunyag. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi nagsisisi? Nangangahulugan ito na kahit na nagampanan nila ang mga tungkulin nila hanggang sa matapos, palagi silang may maling saloobin sa mga ito, isang pag-uugali ng pagiging pabasta-basta, isang kaswal na pag-uugali, at hindi sila kailanman matapat, lalong hindi nila ibinibigay ang buong puso nila sa kanilang mga tungkulin. Maaari silang magsikap nang kaunti, ngunit gumagawa lamang sila nang wala sa loob. Hindi nila ibinibigay ang lahat nila sa kanilang mga tungkulin, at walang katapusan ang kanilang mga paglabag. Sa mga mata ng Diyos, hindi sila kailanman nagsisi; noon pa man ay pabasta-basta na sila, at kailanman ay walang anumang pagbabago sa kanila—ibig sabihin, hindi sila tumatalikod sa kasamaang nasa kanilang mga kamay at nagsisisi sa Kanya. Hindi nakikita ng Diyos sa kanila ang saloobing nagsisisi, at hindi Niya nakikita ang pagbaligtad sa kanilang pag-uugali. Patuloy sila sa pagturing sa kanilang mga tungkulin at sa mga atas ng Diyos nang may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan. Sa buong panahong ito, walang pagbabago sa sutil at hindi mabaling disposisyon na ito, at, higit pa rito, hindi nila kailanman nadama na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi kailanman nadama na ang kanilang pagiging pabasta-basta ay isang paglabag, isang masamang gawain. Sa kanilang puso, walang pagkakautang, walang pagkakonsensiya, walang panunumbat sa sarili, at mas lalong walang pagbibintang sa sarili. At, sa pagdaan ng panahon, nakikita ng Diyos na wala nang lunas ang ganitong uri ng tao. Anuman ang sabihin ng Diyos, at gaano man karaming pangaral ang marinig niya o gaano karaming katotohanan ang maunawaan niya, hindi naantig ang kanyang puso at hindi nabago o nabaligtad ang kanyang pag-uugali. Nakita ito ng Diyos at sinabing: “Walang pag-asa para sa taong ito. Wala sa sinasabi Ko ang nakakaantig sa kanyang puso, at wala sa sinasabi Ko ang makakapagpabago sa kanya. Walang paraan upang baguhin siya. Hindi nababagay ang taong ito na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi siya nababagay magtrabaho sa Aking sambahayan.” Bakit ito sinasabi ng Diyos? Ito ay dahil kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho palagi na lang siyang pabasta-basta. Kahit gaano pa siya pungusan, at gaano man karaming pagtitimpi at pasensiya ang igawad sa kanya, wala itong epekto at hindi siya nito tunay na mapagsisi o mapagbago. Hindi siya nito magawang gawin nang mabuti ang tungkulin niya, hindi siya matulutan nito na pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya ang taong ito ay wala nang lunas. Kapag nagpasya ang Diyos na ang isang tao ay wala nang lunas, pananatilihin pa rin ba Niya ang mahigpit na pagkakahawak sa taong ito? Hindi Niya ito gagawin. Bibitiwan siya ng Diyos. Palaging nagmamakaawa ang ilang tao ng, “Diyos ko, maging banayad Ka po sa akin, huwag Mo akong pagdusahin, huwag Mo akong disiplinahin. Bigyan Mo ako ng kaunting kalayaan! Hayaan Mong gawin ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta nang kaunti! Hayaan mo akong maging talipandas nang kaunti! Hayaan Mong ako ang masunod!” Ayaw nilang mapigilan. Sabi ng Diyos, “Yamang hindi mo nais na lumakad sa tamang landas, pakakawalan kita. Bibigyan kita ng kalayaan. Humayo ka at gawin ang nais mo. Hindi kita ililigtas, sapagkat wala ka nang lunas.” Iyon bang mga wala nang lunas ay may anumang nadaramang pagkakonsensiya? Mayroon ba silang anumang pakiramdam ng pagkakautang? Mayroon ba silang anumang pakiramdam ng pag-aakusa? Nadarama ba nila ang paninisi, disiplina, paghampas, at paghatol ng Diyos? Hindi nila ito nararamdaman. Wala silang kamalayan sa anuman sa mga bagay na ito; malamlam o wala nga sa kanilang puso ang mga bagay na ito. Kapag nakarating sa ganitong yugto ang isang tao, na wala na ang Diyos sa kanyang puso, maaari niya pa rin bang makamit ang kaligtasan? Mahirap masabi. Kapag nakarating sa gayong punto ang pananampalataya ng isang tao, nasa panganib siya. Alam ba ninyo kung paano kayo dapat maghanap, kung paano kayo dapat magsagawa, at kung anong landas ang dapat ninyong piliin upang maiwasan ang kahihinatnang ito at matiyak na ang gayong kalagayan ay hindi mangyayari? Ang pinakamahalaga ay piliin muna ninyo ang tamang landas, at pagkatapos ay magtuon sa pagganap nang maayos sa tungkuling dapat ninyong gampanan sa kasalukuyan. Ito ang pinakamaliit na pamantayan, ang pinakabatayang pamantayan. Sa batayang ito ninyo dapat hanapin ang katotohanan at pagsikapan ang mga pamantayan para gampanan nang sapat ang inyong tungkulin. Ito ay dahil ang bagay na pinakakapansin-pansing sumasalamin sa ugnayang nagdurugtong sa iyo sa Diyos ay kung paano mo ituring ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos at ang tungkuling iniaatas Niya sa iyo, at ang saloobing mayroon ka. Ang pinakakapuna-puna at pinakapraktikalay ang usaping ito. Naghihintay ang Diyos; gusto Niyang makita ang iyong saloobin. Sa pinakamahalagang sandaling ito, dapat mong bilisang ipaalam ang iyong posisyon sa Diyos, tanggapin ang Kanyang atas, at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kapag naunawaan mo ang napakahalagang puntong ito at natupad ang gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging normal. Kung, sa pagkakatiwala sa iyo ng Diyos ng isang gawain, o pagsasabi sa iyo na gampanan mo ang isang tiyak na tungkulin, ang iyong ugali ay pabaya at walang pakialam, at hindi mo ito sineseryoso, hindi ba ito mismo ang kabaligtaran ng pagbibigay ng buong puso at lakas? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Siguradong hindi. Hindi mo magagampanan nang husto ang iyong tungkulin. Kaya, napakahalaga ng iyong saloobin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pati na ang pamamaraan at landas na iyong pinipili. Gaano man karaming taon silang nananalig sa Diyos, ang mga hindi nagagampanan ang kanilang mga tungkulin ay ititiwalag.
Sipi 32
Maraming tao ang gumaganap sa kanilang tungkulin nang may kapabayaan at pabasta-basta na lamang, hindi ito kailanman sineseryoso, na tila ba nagtatrabaho sila para sa mga hindi mananampalataya. Ginagawa nila ang mga bagay sa paraang garapal, mababaw, walang pakialam at pabaya, na tila ba ang lahat ay biro. Bakit ganito? Sila ay mga hindi mananampalatayang naghahatid ng serbisyo; mga walang pananampalatayang gumaganap sa mga tungkulin. Ang mga taong ito ay labis na bastos; wala silang pakundangan at di-mapigilan, at wala silang ipinagkaiba sa mga hindi mananampalataya. Kapag gumagawa sila ng mga bagay para sa sarili nila, tiyak na hindi sila pabaya at pabasta-basta, kaya bakit ni katiting ay hindi sila masigasig o masipag pagdating sa pagganap ng kanilang mga tungkulin? Anuman ang kanilang gawin, anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, may katangian ng pagiging mapaglaro at pilyo. Ang mga taong ito ay laging pabaya at pabasta-basta at may taglay na katangiang mapanlinlang. May pagkatao ba ang mga taong ganito? Tiyak na wala silang pagkatao; wala rin silang ni katiting na konsensiya at katwiran. Tulad ng mga ligaw na buriko o ligaw na kabayo, nangangailangan sila ng patuloy na pamamahala at patnubay. Nililinlang at dinadaya nila ang sambahayan ng Diyos. Nangangahulugan ba ito na nagtataglay sila ng anumang taos-pusong paniniwala sa Kanya? Ginugugol ba nila ang kanilang sarili para sa Kanya? Tiyak na kulang sila at hindi kwalipikadong magbigay ng serbisyo. Kung ang mga ganoong tao ay pinagtrabaho ng sinuman, masisisante sila sa loob ng ilang araw. Sa sambahayan ng Diyos, talagang tumpak na sabihing sila ay mga taga-serbisyo at manggagawa, at maaari lamang silang palayasin. Maraming tao ang madalas na pabaya at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kapag naharap sila sa pagpupungos at pagwawasto, tatanggi pa rin silang tanggapin ang katotohanan, pilit na ipagtatanggol ang kanilang punto, at irereklamo pang ang sambahayan ng Diyos ay hindi patas sa kanila, walang habag at pang-unawa. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Upang mas ipahayag ito nang walang kinikilingan, ito ay isang mapagmataas na disposisyon, at wala silang ni katiting na konsiyensiya at katwiran. Iyong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay dapat na tanggapin man lang ang katotohanan at gawin ang mga bagay nang hindi lumalabag sa konsensiya at katwiran. Ang mga taong hindi kayang tumanggap o magpasakop sa pagpupungos at pagwawasto, ay lubhang mayabang, mapagmagaling, at sadyang di-makatwiran. Ang tawagin silang mga halimaw ay hindi isang pagmamalabis dahil sila ay lubos na walang pakialam sa lahat ng kanilang ginagawa. Ginagawa nila ang mga bagay ayon sa kanilang kagustuhan at walang anumang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan; kung may lumitaw na mga problema, wala silang pakialam. Ang mga taong tulad nito ay hindi kwalipikadong magbigay ng serbisyo. Dahil ganito ang pagtrato nila sa kanilang mga tungkulin, hindi makayanan ng ibang panoorin sila at nawawalan ng tiwala sa kanila ang mga ito. Kung gayon, maaari kayang magkaroon ng tiwala sa kanila ang Diyos? Sa kadahilanang hindi man lamang nila naabot ang pinakamababang pamantayang ito, hindi sila kwalipikadong magbigay ng serbisyo at maaari lamang palayasin. Gaano kayabang ang ilang tao? Lagi nilang iniisip na magagawa nila ang anumang bagay; anuman ang isinaayos para sa kanila, sinasabi nilang, “Madali ito; hindi ito malaking bagay. Kaya ko ito. Hindi ko kailangan ng sinuman na makipagbahaginan sa akin tungkol sa mga katotohanang prinsipyo; kaya kong bantayan ang sarili ko.” Sa palaging pagkakaroon ng ganitong uri ng pag-uugali, kapwa ang mga lider at manggagawa ay hindi sila kayang panoorin at walang tiwala ang mga ito sa mga bagay na kanilang ginagawa. Hindi ba’t mayayabang at mapagmagaling ang mga taong ito? Kung ang isang tao ay lubhang mayabang at mapagmagaling, ito ay isang kahiya-hiyang pag-uugali, at kung walang pagbabago, hinding-hindi nila gagawin ang kanilang mga tungkulin nang sapat. Anong pag-uugali ang dapat taglayin ng isang tao sa pagganap ng kanyang mga tungkulin? Dapat magkaroon man lang ang isang tao ng isang saloobin ng responsabilidad. Anuman ang mga paghihirap at problema na dumating sa isang tao, dapat niyang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at alamin kung ano ang mga resulta na dapat niyang makamit sa pamamagitan ng pagganap sa kanyang mga tungkulin. Kung maiintindihan ng isang tao ang tatlong bagay na ito, madali niyang magagampanan nang sapat ang kanyang mga tungkulin. Anuman ang mga tungkuling kanyang ginagampanan, kung uunawain muna niya ang mga prinsipyo, uunawain ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at aalamin kung anong mga resulta ang dapat niyang makamit, hindi ba’t mayroon siyang landas para sa pagganap sa kanyang mga tungkulin? Samakatuwid, napakahalaga ng saloobin ng isang tao sa pagganap sa mga tungkulin. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa isang pabaya at basta-bastang paraan—wala silang tamang pag-uugali, hindi nila kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi nila iniisip ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at kung ano ang mga resulta ang dapat nilang makamit. Paano nila magagampanan nang sapat ang kanilang mga tungkulin? Kung ikaw ay isang taong taos-pusong naniniwala sa Diyos, kapag ikaw ay pabaya at pabasta-basta, dapat kang manalangin sa Kanya at pag-isipan at kilalanin ang iyong sarili; dapat mong talikuran ang iyong mga tiwaling disposisyon, magsikap nang mabuti sa mga katotohanang prinsipyo, at sikaping maabot ang Kanyang mga kinakailangang pamantayan. Sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan, unti-unti mong matutugunan ang mga kinakailangan ng sambahayan ng Diyos. Ang totoo, hindi naman masyadong mahirap gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kailangan lamang magkaroon ng konsensiya at katwiran, maging matuwid at masipag. Maraming hindi mananampalataya na masigasig na nagtatrabaho at bilang resulta ay nagtatagumpay. Wala silang kaalam-alam tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kaya paano sila nakagagawa nang napakaayos? Dahil sila ay nagkukusa at masipag, kaya nakakapagtrabaho sila nang masigasig at nagiging metikuloso, at sa ganitong paraan, madaling nagagawa ang mga bagay-bagay. Wala sa mga tungkulin ng sambahayan ng Diyos ang napakahirap. Basta’t ibinubuhos mo ang buong puso mo rito at ginagawa ang makakaya mo, magiging maayos ang paggawa mo sa trabaho mo. Kung hindi ka matuwid, at hindi ka masipag sa anumang ginagawa mo, kung lagi mong sinisikap na hindi ka mahirapan, kung lagi kang pabaya at pabasta-basta at iniraraos lang ang lahat ng bagay, kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, nagugulo mo ang mga bagay-bagay at bilang resulta ay napipinsala ang sambahayan ng Diyos, ibig sabihin niyan ay gumagawa ka nang masama, at magiging isang pagsalangsang iyon na kasusuklaman ng Diyos. Sa mahahalagang sandali ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin at hindi positibo ang iyong ginagampanang papel, o kung nagsasanhi ka ng mga paggambala at kaguluhan, natural na kasusuklaman ka ng Diyos at palalayasin ka at mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Pagsisisihan mo ito nang walang hanggan! Ang pagtataas sa iyo ng Diyos sa paggawa ng iyong tungkulin ang tanging pagkakataon mong maligtas. Kung hindi ka responsable, binabalewala mo iyon at pabaya at pabasta-basta ka, iyon ang saloobin mo sa pagtrato sa katotohanan at sa Diyos. Kung hindi ka sinsero o masunurin ni katiting, paano mo matatamo ang pagliligtas ng Diyos? Napakahalaga ng oras sa ngayon; importante ang bawat araw at bawat segundo. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan, kung hindi mo pinagtutuunan ang buhay pagpasok, at kung pabaya at pabasta-basta ka at nililinlang ang Diyos sa iyong tungkulin, talagang walang katuturan at mapanganib iyon! Sa sandaling kasuklaman ka ng Diyos at mapalayas ka, hindi na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at wala nang balikan pa mula roon. Minsan, ang ginagawa ng isang tao sa isang minuto ay maaaring makasira sa kanyang buhay. Minsan, dahil sa isang salita na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, ang isang tao ay nalalantad at pinapalayas—hindi ba’t isa itong bagay na maaaring mangyari sa loob ng ilang minuto? Tulad lamang ito ng ilang tao, na, sa kabila ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, ay parating kumikilos nang walang pananagutan, kumikilos nang walang ingat, at kumikilos nang walang anumang pagpipigil. Sila ay sadyang mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya, at anuman ang kanilang gawin, ginugulo nila ang mga bagay-bagay. Dahil dito, ang gayong mga tao ay hindi lamang nagdudulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, kundi nasasayang din nila ang kanilang pagkakataong maligtas. Sa ganitong paraan, nababawi ang kanilang mga kwalipikasyong gampanan ang kanilang mga tungkulin. Nangangahulugan itong sila ay nalantad at pinalayas, na isang malungkot na pangyayari. Nais magsisi ng ilan sa kanila, ngunit sa tingin niyo ba ay magkakaroon sila ng pagkakataon? Kapag pinalayas na sila, mawawalan na sila ng pagkakataon. At sa sandaling iniwan na sila ng Diyos, halos imposible na nilang tubusin ang kanilang sarili.
Anong klaseng tao ang inililigtas ng Diyos? Masasabi mo na lahat sila ay may konsensiya at katwiran at kayang tanggapin ang katotohanan, dahil tanging ang mga may konsensiya at katwiran ang nagagawang tumanggap at magpahalaga sa katotohanan, at basta’t nauunawaan nila ang katotohanan, maisasagawa nila iyon. Ang mga taong walang konsensiya at walang katwiran ay mga walang pagkatao; sa kaswal na salita, sinasabi natin na wala silang kabutihan. Ano ang kalikasan ng walang kabutihan? Ito ay isang kalikasan na walang pagkatao, hindi marapat na tawaging tao. Tulad nga ng kasabihan, maaaring mawalan ang isang tao ng kahit ano maliban sa kabutihan—hindi na siya tao, kundi isang halimaw sa anyo ng tao. Tingnan mo ang mga demonyo at mga haring diyablo na gumagawa lamang ng mga bagay-bagay para maghimagsik sa Diyos at pinsalain ang Kanyang hinirang na mga tao. Hindi ba wala silang kabutihan? Wala nga; wala talaga sila noon. Ang mga taong gumagawa ng napakaraming bagay na walang kabutihan ay paniguradong haharap sa kaparusahan. Yaong mga walang kabutihan ay walang pagkatao; paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila karapat-dapat na gumanap sa mga tungkulin dahil sila ay mga halimaw. Yaong mga walang kabutihan ay hindi gumaganap sa anumang tungkulin nang maayos. Ang mga ganitong tao ay hindi karapat-dapat na tawaging tao. Sila ay mga halimaw, mga halimaw sa anyo ng tao. Ang mga may konsensiya at katwiran lamang ang maaaring humawak sa mga gawain ng tao, maging tapat sa kanilang salita, mapagkakatiwalaan, at maging kwalipikado bilang isang “matuwid na ginoo.” Ang terminong “matuwid na ginoo” ay hindi ginagamit sa sambahayan ng Diyos. Sa halip, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na maging tapat ang mga tao, dahil iyon ang katotohanan. Ang mga tapat na tao lamang ang mapagkakatiwalaan, may konsensiya at katwiran, at karapat-dapat na tawaging tao. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan habang tinutupad ang kanyang mga tungkulin at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, ginagampanan nang sapat ang kanyang mga tungkulin, ang taong ito ay tunay na tapat at talagang mapagkakatiwalaan. At yaong mga makakakamit ng kaligtasan ng Diyos ay mga tapat na tao. Ang pagiging isang matapat na tao na mapagkakatiwalaan ay hindi tungkol sa iyong mga abilidad o hitsura, at lalong hindi tungkol sa iyong kakayahan, kahusayan, o mga talento. Basta’t tinatanggap mo ang katotohanan, kumikilos ka nang may pananagutan, at mayroon kang konsensiya at katwiran at magagawang magpasakop sa Diyos, sapat na iyon. Anuman ang mga kakayahan na taglay ng isang tao, ang tunay na alalahanin ay kung siya ay walang kabutihan o mayroon. Kapag ang isang tao ay walang kabutihan, hindi na siya maituturing na tao, bagkus ay isang halimaw. Ang mga pinalayas sa sambahayan ng Diyos ay pinalayas dahil sila ay walang pagkatao at kabutihan. Samakatuwid, ang mga taong naniniwala sa Diyos ay dapat magawang tanggapin ang katotohanan, maging isang matapat na tao, magtaglay man lang ng konsensiya at katwiran, magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin, at matupad ang atas ng Diyos. Tanging ang mga taong ito ang makakakamit ng kaligtasan ng Diyos; sila ang mga taos-pusong naniniwala sa Kanya at ang mga taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Ito ang mga taong inililigtas ng Diyos.
Madalas niyo bang sinusuri ang inyong pag-uugali at intensyon habang ginagawa ninyo ang mga bagay at ginagampanan ang inyong mga tungkulin? (Bihira.) Kung bihira mong suriin ang iyong sarili, makikilala mo ba ang iyong mga tiwaling disposisyon? Mauunawaan mo ba ang iyong tunay na kalagayan? Kung talagang ibubunyag mo ang mga tiwaling disposisyon, ano ang mga kahihinatnan? Kailangan mong maging napakaliwanag sa lahat ng mga bagay na ito. Kung hindi susuriin ng isang tao ang kanyang sarili, parati siyang gumagawa ng mga bagay sa paraang pabaya at pabasta-basta at walang kahit katiting na prinsipyo, magiging dahilan ito para makagawa ang isang tao ng maraming kasamaan at malantad at mapalayas. Hindi ba’t isa itong seryosong kahihinatnan? Ang pagsusuri sa sarili ay ang paraan upang malutas ang problemang ito. Sabihin mo sa Akin, sapagkat napakalalim na ng katiwalian ng tao, katanggap-tanggap ba na bihira lamang suriin ang sarili? Magagawa ba nang maayos ng isang tao ang mga tungkulin nang hindi hinahanap ang katotohanan upang malutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon? Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon, madaling gumawa ng mga bagay sa maling paraan, lumabag sa mga prinsipyo, at pati na rin gumawa ng kasamaan. Kung hindi mo kailanman susuriin ang iyong sarili, mahirap ito—wala kang pinagkaiba sa isang hindi mananampalataya. Hindi ba’t maraming tao ang pinalayas sa kadahilanang ito? Kapag hinahangad ang katotohanan, paano dapat magsanay ang isang tao upang matamo ito? Ang mahalagang bagay ay ang madalas na pagsusuri sa sarili habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, pinag-iisipan kung siya ay lumabag sa mga prinsipyo at nagpakita ng katiwalian, at kung siya ay may mga maling intensyon. Kung magninilay-nilay ka sa iyong sarili alinsunod sa mga salita ng Diyos at makikita kung paano ito malalapat sa iyong sarili, magiging madaling makilala ang iyong sarili. Kung magninilay-nilay ka sa iyong sarili sa ganitong paraan, unti-unti mong malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon at madaling mareresolba ang iyong masasamang ideya at mga mapaminsalang intensyon at motibasyon. Kung magninilay-nilay ka lang pagkatapos na may mangyaring mali, magninilay-nilay lang pagkatapos magkamali, o magninilay-nilay lang pagkatapos gumawa ng kasamaan, medyo huli na. Ang mga kahihinatnan ay nangyari na, at ito ay bumubuo sa isang pagsalangsang. Kung masyado kang gumagawa ng masama at nagninilay-nilay ka lamang sa sarili mo kapag napalayas ka na, huli na ang lahat at ang magagawa mo na lang ay umiyak at magngalit ng iyong mga ngipin. Ang mga tunay na naniniwala sa Diyos ay maaaring gumanap sa kanilang mga tungkulin—ito ang karangalan at pagpapala ng Diyos, at ito ay isang pagkakataon na dapat mong pahalagahan. Samakatuwid, mas lalong mahalaga na madalas mong pagnilayan ang iyong sarili habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Dapat magnilay-nilay nang madalas ang isang tao at magsiyasat sa lahat ng bagay. Dapat siyasatin ng isang tao ang kanyang mga intensyon at ang kanyang kalagayan, sinusuri kung siya ay nabubuhay sa presensya ng Diyos, kung ang mga intensyon sa likod ng kanyang mga kilos ay wasto, at kung parehong ang mga motibo para sa, at ang pinagmulan ng, mga kilos niya ay makakalusot sa pagsisiyasat ng Diyos at napasailalim sa pagsusuri ng Diyos. Minsan, nadarama ng mga tao na ang paghahanap ng katotohanan kapag nahaharap sila sa mga paghihirap sa pagganap sa kanilang mga tungkulin ay mabigat. Iniisip nila, “Puwede na ito. Sapat na ito.” Sinasalamin nito ang saloobin ng isang tao sa mga bagay at mentalidad sa kanyang mga tungkulin. Ang mentalidad na ito ay isang uri ng kalagayan. Anong kalagayan ito? Hindi ba’t ito ay ang pag-atupag sa mga tungkulin nang walang pakiramdam ng pananagutan, isang uri ng pag-uugaling pabaya at pabasta-basta? (Oo.) Dahil sa pagkakaroon ng ganitong seryosong problema, ang hindi pagsusuri sa sarili ay lubhang mapanganib. May ibang tao na walang pakialam sa kalagayang ito. Iniisip nila, “Normal lang na medyo pabaya at pabasta-basta, ganyan lang talaga ang mga tao. Ano’ng problema?” Hindi ba’t magulo ang mga taong ito? Hindi ba masyadong mapanganib para sa isang tao na makita ang mga bagay sa ganitong paraan? Tingnan mo ang mga taong pinalayas. Hindi ba’t palagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa isang pabaya at pabasta-bastang paraan? Ganito ang nangyayari kapag ang isang tao ay pabaya at pabasta-basta. Hindi magtatagal, ang mga taong madaling maging pabaya at pabasta-basta ang siyang sisira sa kanilang sarili, at tumatanggi silang baguhin ang kanilang mga gawi hanggang sa sila ay nasa bingit na ng kamatayan. Ang pagsasagawa ng mga tungkulin sa isang pabaya at pabasta-bastang paraan ay isang seryosong problema, at kung hindi ka makapagninilay-nilay nang mabuti sa iyong sarili at hindi mo hahanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, ito ay sadyang lubhang mapanganib—maaari kang mapalayas anumang oras. Kung umiiral ang gayong seryosong problema at hindi mo pa rin sinusuri ang iyong sarili at hinahanap ang katotohanan upang malutas ito, ipapahamak at sisirain mo ang iyong sarili, at kapag dumating ang araw na ikaw ay pinalayas at nagsimula kang umiyak at magngalit ng iyong mga ngipin, magiging huli na ang lahat.
Sipi 33
Hindi alam ng ilang tao kung paano mararanasan ang gawain ng Diyos at hindi nila alam kung paano dadalhin ang Kanyang mga salita sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin o sa totoong buhay. Lagi silang umaasa sa pagdalo sa maraming pagtitipon upang matamo ang katotohanan at umunlad sa buhay. Gayunpaman, ang ganito ay hindi makatotohanan at isang argumento na walang batayan. Natatamo ang buhay sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos at pagdanas sa paghatol at pagkastigo. Nagagawa ng mga nakakaalam kung paano maranasan ang Kanyang gawain, maging anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan, na maunawaan at maisagawa ang katotohanan, matanggap ang pagpungos, at makapasok sa katotohanang realidad, matamo ang pagbabago sa kanilang disposisyon, at magawang perpekto ng Diyos kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ayaw ng mga tamad at gahaman sa mga kaginhawahan na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at hindi nila nararanasan ang gawain ng Diyos sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin, walang sawang humihiling na pagkalooban sila ng sambahayan ng Diyos ng mga pagtitipon, sermon, at ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Bilang resulta, pagkatapos ng sampu o dalawampung taon ng pananalig at pagkatapos makinig sa di-mabilang na mga sermon, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan o natatamo ang katotohanan. Hindi nila alam kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, hindi nila nauunawaan kung ano ang pananalig sa Diyos, at hindi nila alam kung paano maranasan ang salita ng Diyos para makilala nila ang kanilang mga sarili at matamo ang katotohanan at ang buhay. Sila ay mga tao na naghahanap ng kaginhawahan at pabaya sa kanilang mga tungkulin; samakatuwid, sila ay ibinubunyag at itinitiwalag dahil sa kung paano nila gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ngayon, lahat ng tao na kontento sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin at nagpapahalaga sa paghahangad sa katotohanan ay may kaunting pagpasok sa buhay sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, nagninilay-nilay sila para makilala nila ang kanilang mga sarili kapag nagbubunyag sila ng katiwalian, at kapag nahaharap sila sa mga kahirapan sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin, hinahanap nila ang katotohanan at ibinabahagi ang tungkol sa katotohanan upang lutasin ang mga suliranin. Hindi namamalayan, pagkatapos ng ilang taon ng pagtupad ng mga tungkulin, umaani sila ng mga gantimpala, nakapagsasalita sila ng ilang patotoo batay sa karanasan, nagtataglay sila ng ilang kaalaman ukol sa gawain ng Diyos at sa Kanyang disposisyon, at sa gayon ay nababago nila ang kanilang buhay disposisyon. Sa kasalukuyan, nililinis ng mga iglesia sa iba’t ibang dako ang mga sarili nito mula sa masasamang tao at sa mga nakakagambala at nagiging sanhi ng kaguluhan. Ang mga nananatili, sa kabuuan, ay ang mga kayang manindigan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, may katapatan, at nagpapahalaga sa paghahanap ng katotohanan upang lutasin ang kanilang mga suliranin. Sila ang uri ng mga tao na makapaninindigan sa kanilang patotoo. Dapat ninyong matutuhang dalhin ang mga salita ng Diyos sa totoong buhay at sa mga tungkuling inyong ginagampanan, isagawa ang mga ito at gamitin ang mga ito, at kapag umuusbong ang mga suliranin at mga kahirapan, hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Bilang karagdagan, dapat ninyong matutuhang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos sa pagtupad ng inyong mga tungkulin, at pagsikapan ang pagsasagawa ng katotohanan at pangangasiwa ng mga bagay ayon sa mga prinsipyo ng bawat bagay. Dapat ninyong matutuhan kung paano isagawa ang pagmamahal para sa Diyos, at nang may magpagmahal-sa-Diyos na puso, isaalang-alang mo ang Kanyang pasanin at makarating ka sa punto na kung saan ay magagalak Siya sa iyo. Ang ganitong tao lamang ang tapat na umiibig sa Diyos. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi mo man lubos na nauunawaan ang katotohanan, nagagawa mo pa ring matupad ang iyong mga tungkulin nang maayos, at hindi mo lamang malulutas ang iyong pagiging pabasta-basta, bagkus matututuhan mo ring maisagawa ang pag-ibig sa Diyos, ang magpasakop sa Kanya, at ang mapalugod Siya sa pagtupad mo sa iyong mga tungkulin—ito ang aral sa pagpasok sa buhay. Kung maisasagawa mo ang katotohanan at makakakilos ka ayon sa mga prinsipyo sa ganitong paraan sa bawat bagay, pumapasok ka sa katotohanang realidad at magkakaroon ka ng pagpasok sa buhay. Gaano ka man kaabala sa pagtupad ng iyong mga tungkulin, kung taglay mo ang mga bunga ng pagpasok sa buhay, ang paglago sa buhay, at kaya mong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, masisiyahan ka sa pagtupad ng iyong mga tungkulin. Hindi ka makakaramdam ng pagod gaano ka man kaabala. Palagi kang magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo at mararamdaman mo na lalo kang pinagyaman at kalmado. Anumang mga paghihirap ang umusbong, kapag hinahanap mo ang katotohanan, bibigyan ka ng kaliwanagan at gagabayan ka ng Banal na Espiritu. At pagkatapos ay tatanggapin mo ang mga pagpapala ng Diyos. Bilang karagdagan, maging ikaw man ay abala o hindi kapag tumutupad ka ng iyong mga tungkulin, mahalaga na gawin ang paminsan-minsang angkop na ehersisyo at makabuluhang pagpapalakas ng katawan. Mapapabuti nito ang sirkulasyon, makakatulong ito sa pagpapanatili ng matataas na antas ng enerhiya, at maaari itong maging mabisa para makaiwas ka sa ilang sakit na dulot ng trabaho. Ito ay lubos na nakakatulong sa mahusay na pagtupad mo sa iyong mga tungkulin. Samakatuwid, sa pagtupad mo ng iyong mga tungkulin, kung matututuhan mo ang maraming aral, mauunawaan ang maraming katotohanan, tunay na makikilala ang Diyos, at sa bandang huli ay matatakot sa Diyos at lalayo sa kasamaan, ganap kang magiging kaayon sa Kanyang mga layunin. Kung kaya mong matamo ang pag-ibig para sa Diyos, magpatotoo sa Kanya, at maging kaisa Niya sa puso at kalooban, tinatahak mo ang landas ng pagpeperpekto Niya. Ito ay isang tao na nagtamo ng pagpapala ng Diyos, at ito ay isang lubos na pinagpalang bagay! Kung tapat mong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos, tiyak na tatanggap ka ng masasaganang pagpapala mula sa Kanya. Sila bang hindi ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, at hindi tinutupad ang kanilang mga tungkulin ay makapagtatamo ng katotohanan? Makakamit ba nila ang kaligtasan? Hindi natin masasabi. Ang lahat ng pagpapala ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagtupad ng isang tao sa kanyang mga tungkulin at pagdanas sa gawain ng Diyos. Sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin na nalalaman ng isang tao kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at nalalaman kung paano danasin ang paghatol at pagkastigo, ang mga pagsubok at pagpipino, at ang pagpupungos. Ito ang mga bagay na karapat-dapat na pagpalain. Hangga’t iniibig ng isang tao ang katotohanan at hinahangad niya ito, matatamo niya ang katotohanan sa bandang huli, mababago ang kanyang buhay disposisyon, matatamo niya ang pagsang-ayon ng Diyos, at magiging isa siyang tao na pinagpala ng Diyos.
Hindi hinahanap ng ilang tao ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanila habang tinutupad nila ang kanilang mga tungkulin, palagi silang nabubuhay ayon sa sarili nilang mga haka-haka at mga imahinasyon, ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, at pikit-matang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban. Bilang resulta, ginagawa nila ang maraming bagay nang mali at inaantala ang gawain ng iglesia. Kapag nahaharap sa pagpupungos, hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan at ipinagpapatuloy nila ang kanilang katigasan ng ulo at walang-ingat na pag-uugali. Dahil dito, naiwawala nila ang gawain ng Banal na Espiritu at ang kanilang pananalig sa Diyos ay nagiging magulo at nababalot ng kadiliman. Ang ilang tao ay mahilig sa katanyagan at pakinabang, at naghahangad ng katayuan, nagpapakaabala sa mga bagay na ito nang hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos o tinatanggap ang anumang pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Sa bandang huli, sila ay ibinubunyag at itinitiwalag, at nahuhulog sa kadiliman. Kinikilala ng ilang mananampalataya ang pagkakatawang-tao ng Diyos, gayunman sa kanilang puso ay nananalig lamang pa rin sila sa Diyos sa langit at sa Espiritu ng Diyos. Palagi silang may mga haka-haka tungkol sa praktikal na Diyos at ang kanilang puso ay nag-iingat sa Kanya, natatakot na mauunawaan Niya ang tunay nilang sarili. Iniiwasan nila ang Diyos sa bawat pagkakataon, at kapag nakikita nila Siya, itinuturing nila Siya bilang isang estranghero. Bilang resulta, maging pagkatapos man ng ilang taong pananalig, wala silang natamo at wala sila ni katiting na pananampalataya sa Kanya. Wala silang pinagkaiba sa mga hindi mananampalataya. Ito ay ganap na dahil sa hindi nila hinahangad ang katotohanan. Palaging gustong makita ng ilang tao ang praktikal na Diyos. Nasasabik silang mapalugod ang Diyos at na Kanyang maitaas ang kanilang katayuan, para magkaroon sila ng awtoridad sa iglesia. Bilang resulta, dahil sa kanilang kawalan ng katapatan, kawalan ng kaprangkahan, malimit na pagmamasid sa mukha ng Diyos, at paghahaka-haka tungkol sa Kanyang kahulugan, sila ay Kanyang kinasusuklaman. Ayaw nang makita ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao. Ano ang layunin ng pananalig ng mga taong ito sa Diyos? Sa dami na ng mga katotohanang sinasalita ng Diyos, bakit pa nila Siya sinisiyasat? Kung nananalig sila sa Diyos, bakit hindi nila hangarin ang katotohanan? Bakit palagi silang ambisyoso at mapagnasa, naghahangad ng katanyagan, pakinabang, katayuan, mga benepisyo at bentahe? May masasama silang layunin sa pananalig sa Diyos at nahihirapan ang mga tao na intindihin sila. Ang lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga hindi mananampalataya. Sa mahigpit na pananalita, ang sinumang nananalig sa Diyos ngunit hindi matanggap ang katotohanan ay isang hindi mananampalataya. Ang mga naghahangad lamang sa katotohanan, ang mga nagsisikap na matupad nang mabuti ang kanilang mga tungkulin, at ang mga naghahangad na mapalugod ang Diyos ang mayroong tapat na pananalig sa Diyos at nagagawang matamo ang Kanyang pagsang-ayon.
Ngayon, ang bawat araw at taon na dumaraan sa inyong mga buhay ay may halaga. Saan matatagpuan ang halagang ito? Kapag ang isang tao ay humaharap sa Lumikha, ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, at natatamo ang katotohanan mula sa Lumikha, nagiging kapaki-pakinabang siya sa paningin ng Diyos. Hindi ba’t ang pag-aambag mo ng iyong hamak na pagsisikap sa plano ng pamamahala ng Diyos ang siyang nagbibigay-halaga sa bawat araw ng buhay mo? (Oo, ito nga.) Ito ang halaga ng bawat araw ng buhay, at ito ay napakahalaga! Kung ang bawat araw ng buhay mo ay may gayong halaga, ano ba ang kaunting pagdurusa o karamdaman kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin? Hindi dapat magreklamo ang mga tao. Napakarami nang nakamtan ng mga tao sa pagiging nasa presensiya ng Diyos; tinatamasa nila ang hindi nakikitang biyaya at mga pagpapala, at hindi nakikitang proteksyon na higit pa sa anumang bagay na maaari nilang maisip at makita. Napakarami nang natanggap ng mga tao—ano ba kung may kaunting karamdaman? Hindi ba’t iyon ang leksyon na dapat matutuhan ng mga tao? Kung, sa pamamagitan ng karamdaman, magagawang maunawaan ng isang tao ang katotohanan, kung makakamit niya ang pagpapasakop sa Diyos, at mapapalugod niya ang Diyos, hindi ba’t isa iyong karagdagang pagpapala mula sa Diyos? Sa mga naghahanapbuhay sa mundo, sino ang hindi nakararanas ng karamdamang pisikal? Sino ang may pakialam kung mayroon silang karamdaman? Walang sinumang may pakialam, walang sinumang nagtatanong, at walang sinumang makapagbibigay sa kanila ng katiyakan. Kayo bang mga tumutupad ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay may katiyakan? (Oo.) Ang lahat ng tapat na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay may katiyakan at tinatanggap ang Kanyang mga pagpapala. Anong uri ng katiyakan ang inyong nakikita at nakikilala? (Hindi na ako naiimpluwensiyahan o nalalason ng masasamang kalakaran ng mundo; itinakwil ko na ang panliligalig at pamiminsala ng mga walang pananampalataya, at taglay ko ang proteksyon at mga pagpapala ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi na ako masusunggaban o mauusig ng malaking pulang dragon. Titira ako sa sambahayan ng Diyos, makikisalamuha sa iba pang mga kapatid, at ang aking puso ay magiging payapa, masaya, at kalmado. Araw-araw, kakain at iinom ako ng salita ng Diyos at magbabahagi ako tungkol sa katotohanan, at ang aking puso ay sisigla nang sisigla. Pagkatapos kong maunawaan ang katotohanan, ang aking puso ay totoong nagagalak, nakakamit ng aking espiritu ang kalayaan at pagpapalaya, at hindi na ako nalilinlang o napipinsala ng masasama at mapanlinlang na tao. Bilang karagdagan, pagkatapos kong masaksihan ang proteksyon at mga pagpapala ng Diyos, hindi na ako natatakot kapag dumarating sa akin ang mga sakuna; nagiging kalmado ang puso ko at napapayapa. Isinantabi ko na ang mga pag-aalala tungkol sa mga bagay kagaya ng kung matutugunan ba ang aking mga pangunahing pangangailangan sa hinaharap, at kung mayroon bang sinumang magsusustento sa akin kapag ako ay matanda na. Ang mabuhay sa presensiya ng Diyos ay totoong isang pagpapala at kagalakan!) Ang nalalasap ninyo sa ngayon ay limitado, ngunit pagkatapos ng malaking sakuna, mauunawaan at makikita ninyo nang malinaw ang maraming bagay. Ang lahat ng ito ay proteksyon ng Diyos at Kanyang pagpapala. Sa kasalukuyan, bagamat paminsan-minsan ay nararanasan ninyo ang pagpupungos, at dumaraan kayo sa mga pagsubok at pagpipino, at may mga pagkakataong nararanasan ninyo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at nagdurusa kayo dahil sa Kanyang mga salita, ito ang pagdurusa ng pagtatamo ng kaligtasan at pagpeperpekto—hindi ito kagaya ng pagdurusa ng mga walang pananampalataya. Ang pinakamahalagang bagay ay na sa pamamagitan ng pagtupad sa iyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ikaw ay nagiging isang kapaki-pakinabang na nilikha at namumuhay ka nang may halaga at kabuluhan—sa halip na namumuhay para sa laman at para kay Satanas, nabubuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan at upang mapalugod ang Diyos. Sa pagtupad mo ng iyong mga tungkulin, nakakamtan mo ang pagkaunawa sa maraming katotohanan at sa mga layunin ng Diyos. Ito ay isang napakahalagang bagay. Pagkatapos mong maunawaan ang katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at matamo ang katotohanan bilang iyong buhay, mabubuhay ka sa presensiya ng Diyos, at mabubuhay sa liwanag. Araw-araw mo na ngayong tinutupad ang iyong mga tungkulin, at ang bawat araw na nabubuhay ka ay may mga gantimpala at halaga. Nakamtam mo na rin ang katotohanan, at nabubuhay ka sa prsensiya ng Diyos. Ito ba ay pagkakaroon ng katiyakan? (Oo.) Ano ang katiyakang ito? (Ang hindi mabihag ni Satanas.) Maliban sa hindi mabihag ni Satanas, ano ang higit pang mahalagang bagay? Ikaw ay nilalang ng Diyos bilang isang tao, at ngayon ay nagagampanan mo ang iyong tungkulin, nauunawaan ang Kanyang mga layunin, tinataglay ang katotohanang realidad, nagagawang sumunod sa Kanyang daan, at nabubuhay ayon sa Kanyang mga layunin. Sinasang-ayunan ka ng Diyos, at iyon ang iyong katiyakan at garantiya na hindi ka wawasakin ng Diyos. Hindi ba’t ito ang iyong puhunan sa buhay? Kung wala ang mga bagay na ito, karapat-dapat ka bang patuloy na mabuhay? (Hindi.) Paano natatamo ng isang tao ang kwalipikasyong ito? Hindi ba’t ito ay sa kakayahang magampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, matugunan ang mga layunin ng Diyos, at masundan ang Kanyang daan, pati na rin ang pagtatamo ng katotohanang realidad, at pagtrato sa salita ng Diyos bilang buhay ng isang tao? (Oo.) Dahil sa mga bagay na ito, nagagawa mong sambahin ang Diyos, at sa Kanyang paningin, ikaw ay isang katanggap-tanggap na nilikha. Paano Siyang hindi magagalak sa iyo? Sinu-sino ang mga taong gustong wasakin ng Diyos? Anong uri sila ng mga nilikha? (Mga gumagawa ng kasamaan.) Ang sinumang gumagawa ng kasamaan ay lumalaban sa Diyos, at napopoot sa Kanya—sila ay mga kaaway ng Diyos at sila ang unang mawawasak. Ang mga anticristo na nakikipagkumpitensya sa Diyos para sa katayuan, ang mga hindi mananampalataya; ang mga tutol sa katotohanan, na napopoot sa Diyos, na hindi naghahangad sa katotohanan at na kinakalaban Siya hanggang sa wakas, at ang mga hindi makatupad ng kanilang tungkulin bilang mga nilikha sa anumang antas—ito ang mga taong nais wasakin ng Diyos. Ang ilang tao na hindi tumutupad ng kanilang mga tungkulin ay mga hindi mananampalataya. Ang ibang tao, bagamat tinutupad nila ang kanilang mga tungkulin, ay palaging pabasta-basta, nakagagawa sila ng kasamaan at nakapagdudulot ng kaguluhan, at kinakalaban at tinututulan nila ang Diyos. Maituturing ba ang mga ganitong tao bilang mga katanggap-tanggap na nilikha sa paningin ng Diyos? (Hindi, hindi sila maituturing.) Ano ang pinakahuling magiging resulta ng mga nilikha na maituturing na hindi katanggap-tanggap? (Ititiwalag sila ng Diyos at wawasakin sila.) Mayroon bang halaga ang mga buhay ng mga nilikha na itinuturing na hindi katanggap-tanggap? (Wala.) Maaari nilang isipin, “May halaga ang buhay ko. Gusto kong mabuhay. Makagagawa ako ng mabubuting bagay sa aking buhay!” Gayunpaman, sa paningin ng Diyos, ni hindi nila magampanan ang kanilang pangunahing tungkulin bilang mga nilikha. Kung hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, sulit ba ang buhay nila? May halaga ba ang kanilang pag-iral? Kung walang halaga ang kanilang pag-iral, gusto pa rin ba sila ng Diyos? (Hindi.) Ano ang gagawin ng Diyos? Ititiwalag Niya sila. Isasantabi ang may magagaang kaso at ibibigay sila sa maruruming diyablo at masasamang espiritu, habang ang may mabibigat na kaso ay tatanggap ng kaparusahan, at ang may lalo pang mabibigat na kaso ay mauuwi sa pagkawasak.
Sipi 34
May ilang taong ayaw talagang magdusa sa kanilang mga tungkulin, na laging nagrereklamo sa tuwing may nakakaharap silang problema at ayaw nilang magbayad ng halaga. Anong klaseng saloobin iyan? Iyan ay saloobing pabasta-basta. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at haharapin ito nang may saloobing walang galang, ano ang magiging resulta? Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay lubos na hindi masisiyahan sa saloobin mo sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nakipagtulungan ka sa ganitong paraan, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat ng bagay para sa iyo, nang sa gayon ay kapag nag-aasikaso ka ng mga bagay-bagay, ang lahat ay magiging nasa ayos, at makakukuha ng magagandang resulta. Hindi mo kakailanganing gumugol ng napakaraming lakas; kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay madaya at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang napupunta sa maling landas, hindi kikilos ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, “Wala kang silbi; hindi kita magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at tamad, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!” Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay kawalan o natamo? (Isang pagkatalo.) Ito ay isang napakalaking pagkatalo!
Ginagawang perpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at lahat ng naghahangad sa katotohanan, sa maraming iba’t ibang kapaligiran. Binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na maranasan ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng iba’t ibang kapaligiran o pagsubok, at upang sa gayon ay magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan, tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, at upang sa huli ay matamo ang katotohanan. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan, ang iyong buhay disposisyon ay magbabago, at magagawa mong matamo ang katotohanan at ang buhay. Gaano na karami ang nakamit ninyo sa mga taong ito ng karanasan? (Marami.) Kaya, hindi ba’t sulit ang pagtitiis ng kaunting pagdurusa at pagbabayad ng kaunting halaga kapag ginagampanan ang iyong tungkulin? Ano ang nakamit mo bilang kapalit? Napakarami mo nang naunawaan sa katotohanan! Ito ay isang walang katumbas na kayamanan! Ano ang nais ng mga tao na makamit sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ay ang makamit ang katotohanan at ang buhay? Sa tingin mo ba ay makakamit mo ang katotohanan nang hindi nararanasan ang mga kapaligirang ito? Tiyak na hindi mo ito makakamit. Kung, kapag mangyari sa iyo ang ilang natatanging paghihirap o maharap ka sa ilang partikular na kapaligiran, ang iyong saloobin ay palaging iwasan ang mga iyon o takasan ang mga iyon, at desperadong subukan na tanggihan ang mga iyon at tanggalin ang mga iyon—kung ayaw mong ilagay ang iyong sarili sa kontrol ng mga pangangasiwa ng Diyos, kung ayaw mong magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos, at kung ayaw mong hayaan ang katotohanan na pangunahan ka—kung palagi mong nais na ikaw ang masunod at kontrolin ang lahat ng bagay tungkol sa iyong sarili alinsunod sa iyong satanikong disposisyon, kung magkagayon, ang mga kahihinatnan ay, hindi magtatagal, tiyak na isasantabi ka ng Diyos o ihahatid ka kay Satanas. Kung nauunawaan ng mga tao ang bagay na ito, dapat silang bumalik agad at sundan ang kanilang daan sa buhay alinsunod sa tamang landas na hinihingi ng Diyos. Ang landas na ito ang tama, at kapag ang landas ay tama, nangangahulugan iyon na ang direksyon ay tama. Maaaring may mga balakid at paghihirap sa panahong ito, maaaring sila ay matumba o minsan ay medyo magmaktol at maging negatibo sa loob ng ilang araw. Basta’t kaya nilang magpatuloy sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at hindi ipinagpapaliban ang mga bagay, ang mga problemang ito ay pawang magiging walang kabuluhan, ngunit dapat ay agad silang magnilay sa kanilang sarili, hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga isyung ito, at hinding-hindi sila dapat magpabukas-bukas, magpahayag ng pagkabigo, o sumuko sa kanilang mga tungkulin. Mahalaga ito. Kung iniisip mo sa sarili mo, “Ang pagiging negatibo at mahina ay hindi isang malaking bagay; ito ay isang panloob na bagay. Hindi alam ng Diyos ang tungkol dito. At kung iisipin kung paano ako nagdusa dati at ang mga halagang ibinayad ko, Siya ay tiyak na magiging maluwag sa akin,” at kung magpapatuloy ang kahinaan at pagiging negatibong ito, at hindi mo hahanapin ang katotohanan o hindi ka matututo ng mga aral sa mga kapaligiran na pinangasiwaan ng Diyos para sa iyo, mawawala ang iyong mga pagkakataon nang paulit-ulit, at bilang resulta, mapalalampas mo, maipapahamak, at masisira ang lahat ng pagkakataong nilalayon ng Diyos na gawin kang perpekto. Ano ang kahihinatnan nito? Ang iyong puso ay didilim nang didilim, hindi mo na mararamdaman ang Diyos sa iyong mga panalangin, at ikaw ay magiging negatibo hanggang sa puntong ang iyong mga kaisipan ay mapupuno ng kasamaan at pagtataksil. Pagkatapos ay makukulong ka sa matinding kalungkutan, mararamdaman mong ganap kang walang magawa at lubhang masama ang iyong loob. Mararamdaman mo na wala kang landas o direksyon, at wala kang nakikitang anumang liwanag o nasusumpungang anumang pag-asa. Nakapapagod bang mamuhay nang ganito? (Oo, nakapapagod.) Yaong mga hindi lumalakad sa maliwanag na landas ng paghahangad sa katotohanan ay mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, sa walang hanggang kasalanan at kadiliman, at nang walang pag-asa. Kaya ba ninyong unawain ang kahulugan ng mga salitang ito? (Dapat kong hangarin ang katotohanan at gampanan ang aking tungkulin nang buong puso at pag-iisip ko.) Kapag nahaharap ka sa isang tungkulin, at ipinagkakatiwala ito sa iyo, huwag mong isipin kung paano iiwasan ang pagharap sa mga paghihirap; kung mahirap harapin ang isang bagay, huwag mo itong isaisantabi at balewalain. Dapat mo itong harapin. Dapat mong tandaan sa lahat ng oras na kasama ng mga tao ang Diyos, at kailangan lang nilang manalangin at maghanap sa Kanya kung mayroon silang anumang paghihirap, at na sa piling ng Diyos, walang bagay na mahirap. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananampalataya. Yamang nananampalataya ka na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, bakit nakararamdam ka pa rin ng takot kapag may nangyayari sa iyo, at na wala kang anumang maaasahan? Nagpapatunay ito na hindi ka umaasa sa Diyos. Kung hindi mo Siya ituturing bilang suporta mo at Diyos mo, hindi Siya ang Diyos mo. Sa tunay na buhay, anumang sitwasyon ang iyong hinaharap, dapat kang madalas na lumapit sa harap ng Diyos upang manalangin at hanapin ang katotohanan. Kahit na nauunawaan mo ang katotohanan at mayroon kang nakakamit na anuman tungkol sa kahit isang bagay lang bawat araw, hindi ito magiging oras na nasayang! Gaano karaming oras sa isang araw ninyo nagagawang lumapit sa harap ng Diyos sa ngayon? Ilang beses kayo lumalapit sa harap ng Diyos sa isang araw? May natamo na ba kayong anumang resulta? Kung ang isang tao ay bihirang lumapit sa harap ng Diyos, ang kanyang espiritu ay matutuyo at magiging napakadilim. Kapag ang lahat ay maayos, ang mga tao ay lumalayo sa Diyos at binabalewala Siya, na hinahanap lang Siya kapag nagkakaroon ng mga paghihirap. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Ito ba ay pagdanas ng gawain ng Diyos? Ang mga ito ay ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya. Sa ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos, imposibleng makamit ang katotohanan at buhay.
Kapag hindi nauunawaan o isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, kadalasan ay nabubuhay sila sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Nabubuhay sila sa loob ng iba’t ibang satanikong patibong, na iniisip ang tungkol sa sarili nilang kinabukasan, karangalan, katayuan, at iba pang interes, at pinag-iisipan nang husto ang mga bagay na ito. Ngunit kung gagamitin mo ang pananaw na ito sa iyong tungkulin, sa paghahanap at paghahangad sa katotohanan, makakamit mo ang katotohanan. Halimbawa, ginagamit mo nang husto ang iyong utak alang-alang sa katiting na personal na pakinabang, pinag-iisipan mo ito nang mabuti at buong ingat, pinaplano ang lahat hanggang maging perpekto, at pinagbubuhusan ito ng lubos na pag-iisip at sigla. Kung ibubuhos mo ang parehong siglang ito sa pagganap sa iyong tungkulin at sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, makikita mo na ang Diyos ay mayroong ibang saloobin sa iyo. Ang mga tao ay palaging nagrereklamo tungkol sa Diyos: “Bakit mabuti Siya sa iba ngunit hindi sa akin? Bakit hindi Niya ako kailanman binibigyan ng kaliwanagan? Bakit palagi akong mahina? Bakit hindi ako kasingbuti nila?” Bakit ganito? Walang pabo-paborito ang Diyos. Kung hindi ka lalapit sa harap ng Diyos, at palagi mong nanaisin na lutasin ang mga bagay-bagay na nangyayari sa iyo nang mag-isa, hindi ka Niya bibigyan ng kaliwanagan. Maghihintay Siya hanggang lumapit ka upang manalangin at magsumamo sa Kanya, at pagkatapos ay ipagkakaloob Niya ito sa iyo. Anong uri ng mga tao ang gusto ng Diyos? Ano ang hinihintay ng Diyos na hilingin sa Kanya ng mga tao? Nais ba Niya na sila ay humingi ng pera, kaginhawahan, katanyagan, pakinabang, at kasiyahan, tulad ng yaong mga taong walang kahihiyan? Hindi gusto ng Diyos kapag ang mga tao ay humihingi sa Kanya ng mga gayong bagay. Yaong mga hinahanap ang mga bagay na ito sa Diyos ay walang kahihiyan, sila ang pinakamababa sa lahat ng tao, at ayaw ng Diyos sa kanila. Gusto Niya ng mga tao na kayang matauhan mula sa kasalanan, at hinahanap ang katotohanan mula sa Kanya at tinatanggap ang katotohanan—sila ang mga uri ng mga tao na katanggap-tanggap para sa Kanya. Ganito ka dapat manalangin: “O Diyos, lubha akong nagawang tiwali ni Satanas, at madalas akong namumuhay sa gitna ng aking mga tiwaling disposisyon. Hindi ko mapagtagumpayan ang sari-saring tukso ng reputasyon at katayuan, at hindi ko alam kung paano harapin ang mga ito. Wala akong pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Nagmamakaawa ako sa Iyo na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan Mo ako,” at “Handa akong gampanan ang aking tungkulin, ngunit pakiramdam ko ay hindi ako sapat—sa isang banda, masyadong maliit ang tayog ko, at sa kabilang banda, wala akong pagkaunawa sa larangang ito. Nag-aalala ako na hindi ko magagawa nang maayos ang mga bagay-bagay. Nagsusumamo ako sa Iyo para sa Iyong pagpatnubay at tulong.” Hinihintay ka ng Diyos na lumapit at hanapin ang katotohanan. Kapag lumapit ka sa harap ng Diyos na naghahanap nang may matapat na puso, bibigyan ka Niya ng kaliwanagan at tatanglawan ka Niya, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng landas at malalaman mo kung paano gagampanan ang iyong tungkulin. Kung palagi kang nagsisikap kaugnay sa katotohanan, at dinadala ang iyong tunay na kalagayan sa harap ng Diyos sa panalangin, at hinihiling ang pagpatnubay at biyaya ng Diyos, kung gayon sa ganitong paraan ay unti-unti mong mauunawaan at maisasagawa ang katotohanan, at ang ipamumuhay mo ay magkakaroon ng wangis ng tao, at normal na pagkatao, at ng katotohanang realidad. Kung hindi mo isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at hindi mo hinahangad ang katotohanan, at madalas kang nagpaplano, nagninilay-nilay, pinag-iisipan at pinagsisikapan ang, at ibinibigay pa ang iyong buhay para sa iyong iba’t ibang interes, ginagawa ang lahat para sa mga ito, maaari mong matamo ang paggalang ng mga tao, pati na ang iba’t ibang benepisyo at anyo ng karangalan—ngunit alin ang mas mahalaga, ang mga bagay na ito o ang katotohanan? (Ang katotohanan.) Nauunawaan ng mga tao ang doktrinang ito, subalit hindi nila hinahangad ang katotohanan, pinahahalagahan nila ang sarili nilang mga interes at katayuan. Kaya, tunay ba nila itong nauunawaan, o isa ba itong maling pag-unawa? (Isa itong maling pag-unawa.) Ang totoo, sila ay mga hangal. Hindi nila nakikita nang malinaw ang bagay na iyon. Kapag may kakayahan na silang makita ito nang malinaw, nagtamo na sila ng kaunting katayuan. Dahil dito ay kinakailangan nilang hanapin ang katotohanan, gumugol ng pagsisikap sa salita ng Diyos; hindi sila maaaring maguluhan at maging pabaya. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan at dumating ang araw na sabihin ng Diyos, “Tapos nang sabihin ng Diyos ang Kanyang mga salita, wala na Siyang nais pang sabihin sa sangkatauhang ito, at wala nang gagawin pang iba, at dumating na ang panahon para suriin ang gawain ng tao,” kung gayon ay nakatadhana kang itiwalag. Kahit gaano kalaki ang iyong mga tagapagtaguyod, kahit gaano karaming kaloob at talento ang iyong tinataglay, kahit gaano kataas ang iyong pinag-aralan, o gaano kalaki ang karangalan na mayroon ka, o kahit gaano katanyag ang posisyon mo sa mundong ito, wala sa mga bagay na ito ang magkakaroon ng anumang pakinabang. Sa oras na iyon, mapagtatanto mo ang pagiging katangi-tangi at mahalaga ng katotohanan, mauunawaan mo na kung hindi mo nakamit ang katotohanan, wala kang kinalaman sa Diyos, at malalaman mo kung gaano kahabag-habag at nakapanlulumo ang manampalataya sa Diyos nang hindi nakakamit ang katotohanan. Sa panahon ngayon, maraming tao ang mayroon nang bahagyang pakiramdam nito sa kanilang puso, ngunit ang pakiramdam na ito ay hindi pa nakapukaw ng determinasyon sa kanila na hangarin ang katotohanan. Hindi pa nila naramdaman ang pagiging katangi-tangi at mahalaga ng katotohanan sa kaibuturan ng kanilang puso. Ang kaunting kamalayan ay hindi sapat; dapat na tunay na makita ng isang tao ang diwa ng bagay na ito nang maliwanag. Kapag ginawa mo ang gayon, malalaman mo kung aling aspeto ng katotohanan ang gagamitin upang lutasin ang problemang ito. Ang katotohanan lamang ang makalulutas sa iba’t ibang paghihirap na hinaharap ng mga tao, at makalulutas sa kanilang iba’t ibang baluktot na kaisipan, makikitid na pananaw, masasamang disposisyon, pati na rin iba’t ibang problemang may kaugnayan sa katiwalian. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan at tuloy-tuloy na paggamit sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, magagawa ninyong iwaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon at makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Kung aasa lamang kayo sa mga pamamaraan ng tao at sa pagpipigil ng tao upang lutasin ang anumang problemang dumarating sa inyo, hindi ninyo kailanman malulutas ang mga paghihirap at tiwaling disposisyon na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Kung babasahin ko pa ang mga salita ng Diyos nang mas madalas, at gugugulin ang ilang oras bawat araw sa pagbabasa ng mga ito, tiyak bang makakamit ko ang pagbabago ng disposisyon?” Nakadepende ito sa kung paano mo binabasa ang mga salita ng Diyos at kung kaya mong maunawaan ang katotohanan at maisagawa ito. Kung iniraraos mo lamang ang pagbabasa ng Kanyang mga salita at hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo makakamit ang katotohanan, at kung hindi mo makakamit ang katotohanan, tiyak na hindi magbabago ang iyong buhay disposisyon. Bilang buod, talagang dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan, at dapat na hangarin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito upang matamo ang pagbabago ng disposisyon. Ang pagbabasa lamang ng mga salita ng Diyos nang hindi isinasagawa ang katotohanan ay hindi kailanman sasapat. Ang maging katulad ng mga Pariseo, na nagpakadalubhasa sa pangangaral ng salita ng Diyos sa iba at sinasabi sa mga ito kung paano ito isasagawa, ngunit sila mismo ay hindi nila iyon ginawa, ay ang maling landas. Hinihingi ng Diyos na basahin ng mga tao ang Kanyang salita nang madalas upang maunawaan nila ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at isabuhay ang katotohanang realidad. Ang pagsasabi ng Diyos sa mga tao na pumasok sa katotohanang realidad, sumunod sa Kanyang daan, at lumakad sa tamang landas sa buhay ng paghahangad sa katotohanan, ay tuwirang nauugnay sa Kanyang hinihingi na isagawa ng mga tao ang pagbubuhos ng buong puso at kalakasan nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Sa pagsunod sa Diyos, dapat maranasan ng mga tao ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang mga tungkulin upang matamo ang kaligtasan at magawang perpekto.
Sipi 35
Ngayon, maaari bang makaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin ang mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro? Halimbawa, nagiging abala minsan sa trabaho, at kailangan ng mga tao na magtiis ng kaunting hirap at medyo magbayad ng halaga upang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin; pagkatapos nito ay bumubuo ang ilang tao ng mga kuru-kuro sa kanilang isipan at nagsisimula ang kanilang paglaban, at maaari silang maging negatibo at tamad sa kanilang trabaho. Minsan, hindi gaanong abala ang trabaho, at nagiging mas madaling gampanan ang mga tungkulin ng mga tao, at sumasaya ang ilan at naiisip, “Mainam sana kung laging ganito kadaling gampanan ang aking tungkulin.” Anong klaseng tao sila? Sila ay mga tamad na indibidwal na sakim sa mga kaginhawahan ng laman. Ang mga tao bang gayon ay tapat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Sinasabi ng gayong mga tao na nais nilang magpasakop sa Diyos, pero may mga kondisyon ang kanilang pagpapasakop—ang mga bagay ay dapat umaayon sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at hindi magiging pahirap sa kanila upang makapagpasakop sila. Sakaling makaranas sila ng problema at kailangan nilang magtiis ng hirap, labis silang magrereklamo at magrerebelde at sasalungat pa sa Diyos. Anong klaseng mga tao sila? Sila ay mga tao na hindi umiibig sa katotohanan. Kapag umaayon ang mga kilos ng Diyos sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at mga kagustuhan, at hindi nila kailangang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, nakakaya nilang magpasakop. Pero kung hindi umaayon ang mga gawain ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro o mga kagustuhan, at kung kailangan nilang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, hindi nila nakakayang magpasakop. Hindi man nila ito lantarang sinasalungat, sa kanilang puso, lumalaban at naiinis sila. Tinitingnan nila ang kanilang mga sarili na nagtitiis ng matinding hirap at nagkikimkim sila ng mga reklamo sa kanilang puso. Anong klaseng problema ito? Ipinapakita nito na hindi sila umiibig sa katotohanan. Malulutas ba ng panalangin, mga panata, o mga resolusyon ang problemang ito? (Hindi. Hindi makalulutas ang mga ito.) Paano ba dapat lutasin ang problemang ito, kung gayon? Una, dapat mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, at maunawaan kung ano ang tunay na pagpapasakop. Dapat mong malaman kung ano ang pagrerebelde at pagsalungat, magnilay kung alin ang mga tiwaling disposisyon na humahadlang sa pagpapasakop mo sa Diyos, at maunawaan ang mga bagay na ito. Kung isa kang tao na umiibig sa katotohanan, makakaya mong maghimagsik laban sa laman, lalo na ang iyong mga pagnanasa ng laman, at magpasakop sa Diyos pagkatapos, at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi. Sa paraang ito, makakaya mong malutas ang iyong katiwalian at pagrerebelde at makakapagpasakop ka sa Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo kayang maunawaan ang mga bagay na ito, hindi mo kayang makilala ang iyong mga panloob na kalagayan, at hindi mo mauunawaan kung anong mga bagay ang humahadlang sa pagpapasakop mo sa Diyos. Dahil dito, magiging imposible para sa iyo na maghimagsik laban sa laman at magpasakop sa Diyos. Kung hindi kaya ng isang tao na maghimagsik man lang laban sa kanyang mga pagnanasa ng laman, magiging napakahirap para sa kanya na maabot ang katapatan sa kanyang pagganap ng tungkulin. Maaari bang ituring na nagpapasakop sa Diyos ang gayong tao? Kung walang katapatan, kaya ba ng mga tao na gampanan nang tama ang kanilang mga tungkulin? Kaya ba nilang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kung nais ng isang tao na gampanan nang tama ang kanyang tungkulin, dapat man lamang niyang isagawa ang katotohanan at magpasakop nang tunay sa Diyos. Kung hindi kayang maghimagsik ng isang tao laban sa kanyang mga pagnanasa ng laman, hindi niya maisasagawa ang katotohanan. Kung lagi kang kumikilos ayon sa iyong sariling kalooban, kung gayon ay isa kang tao na hindi nagpapasakop sa Diyos. Kahit pa nagpapasakop ka sa Kanya paminsan-minsan, may kondisyon ito; nakapagpapasakop ka lamang kapag umaayon ang mga bagay sa iyong mga pansariling kuru-kuro at kapag masaya ka. Kung hindi umaayon ang mga kilos ng Diyos sa iyong mga pansariling kuru-kuro, kung nagdudulot sa iyo ng matinding hirap, kahihiyan, o labis na kawalang-kasiyahan ang tungkuling isinasaayos ng Diyos at ang mga kapaligirang pinapangasiwaan Niya para sa iyo, magagawa mo pa bang magpasakop? Magiging mahirap para sa iyo ang magpasakop; hahanap ka ng maraming dahilan upang magrebelde sa Diyos at sumalungat sa Kanya. Kahit pagkatapos ng pagninilay sa sarili, hindi magiging madali para sa iyo na maghimagsik laban sa laman, dahil hindi simpleng bagay ang maghimagsik laban sa laman. Paano ba tinatalikuran ng isang tao ang kanyang laman? Natural, dapat hanapin ng tao ang katotohanan. Dapat din niyang kilalanin ang kanyang mga tiwaling diwa at ang tiwaling kapangitan ng mga ito, na aabot sa punto ng pagkapoot sa sarili, at pagkapoot sa kanyang mga pagnanasa ng laman at sa diwa ng laman. Sa gayon lamang niya nanaising maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya makakayang masuklam sa mga bagay na makalaman, at kung walang pagkasuklam, imposible ang maghimagsik laban sa laman. Samakatuwid, kinakailangan na manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya upang magkaroon ng landas na susundan. Kung wala ang katotohanan, walang lakas ang mga tao, at hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, kahit pa nais nila. Tiyak na kailangan ng tao na manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya.
May ilang tao na hindi naghahanap ng katotohanan; sakim lamang sila sa mga kaginhawahan ng laman, at ayaw nilang magtiis ng hirap alang-alang sa pagkamit ng katotohanan. Tuwing dumadanas sila ng kaunti mang hirap, nagrereklamo sila at sinisisi ang Diyos, at hindi nila hinahanap ang katotohanan upang malutas ito. Nananalangin din sila sa Diyos, sinasabing, “O Diyos, dakila Ka at ang Iyong diwa. Hindi ako karapat-dapat na magmahal sa Iyo, pero nais kong magpasakop sa Iyo. Anuman ang sitwasyon, nais kong magpasakop sa Iyo. Gabayan Mo nawa, tanglawan, at bigyang-liwanag ako. Kung hindi ko kayang mahalin Ka nang tunay at magpasakop sa Iyo, nakikiusap ako na siyasatin at parusahan Mo ako. Hayaan Mong mahatulan Mo ako.” Pagkatapos manalangin sa ganitong paraan, medyo mabuti ang pakiramdam nila tungkol dito, pero hindi ba’t ang mga ito ay mga salitang walang saysay? Makalulutas ba ng mga problema ang manalangin nang madalas gamit ang mga salitang walang saysay at ang bumigkas ng ilang salita at doktrina? (Hindi. Hindi nito kaya.) Kapag nananalangin ang isang tao nang may mga salitang walang saysay, anong klaseng problema ito? Hindi ba’t ito ay medyo may kalikasang mapanlinlang? Kapaki-pakinabang ba ang manalangin nang ganito sa Diyos? Ang pagiging tamad at kawalang-kakayahang magtiis ng hirap samantalang sakim sa mga kaginhawahan ng laman, ang pag-alam ng katotohanan pero walang kakayahang magpasakop dito, ang pag-alam ng tungkulin ng isang tao pero bigong itaguyod ito, at ang pagsasabi tungkol sa naisin ng isang tao na mahalin ang Diyos pero alam niyang hindi pa niya naibibigay ang kanyang buong puso at lakas—hindi ba’t panloloko ito sa Diyos? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kaysa sa mga dalangin sa seremonyang panrelihiyon. Tinatanggap lamang ng Diyos ang mga panalangin kapag taos-puso ang mga ito. Kung wala kang sasabihing taos-puso, kung gayon ay manahimik; huwag kang palaging lumapit sa Diyos na nagsasalita ng mga kasinungalingan o bulag-bulagang sumusumpa para linlangin Siya. Huwag kang magsalita kung gaano mo Siya kamahal, kung gaano ka nagnanais na maging tapat sa Kanya. Kung hindi mo kayang makamit ang iyong mga hinihiling, kung wala ka ng ganitong paninindigan at tayog, huwag na huwag kang lumapit sa Diyos at manalangin nang gayon. Iyan ay pangungutya sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pangungutya? Ang pangungutya ay paggawang katawa-tawa sa isang tao at paglalaro sa kanila. Kapag humaharap ang mga tao sa Diyos para manalangin nang may ganitong uri ng disposisyon, sa paano mang paraan, ito ay panlilinlang. Ang pinakamalala, kung madalas mo itong ginagawa, talagang masama ang karakter mo. Kung isusumpa ka ng Diyos, tatawagin Niya itong kalapastanganan! Walang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga tao, hindi nila alam kung paano magkaroon ng takot sa Diyos, o kung paano Siya mahalin at bigyang-kasiyahan. Kung hindi malinaw sa kanila ang katotohanan, o kung mayroon silang mga tiwaling disposisyon, palalampasin ito ng Diyos. Ngunit lumalapit sila sa Diyos habang namumuhay sa gitna ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ginagamit ang pamamaraan ng mga walang pananampalataya para lokohin ang ibang tao sa Diyos, at “taimtim” silang lumuluhod sa Kanyang harapan sa pananalangin, gamit ang mga salitang ito upang subukang lokohin ang Diyos. Kapag tapos na silang manalangin, hindi lamang sila walang nadaramang pagsisisi, ngunit hindi rin nila nadarama ang kaseryosohan ng kanilang mga kilos. Dahil diyan, kasama ba nila ang Diyos? Hindi nila kasama ang Diyos. Ang isang tao bang lubos na walang presensya ng Diyos ay makakamit ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw? Makakamit ba nila ang liwanag tungkol sa katotohanan? (Hindi, hindi maaari.) Kung gayon ay may problema sila. Maraming beses na ba kayong nanalangin sa gayong paraan? Hindi ba’t madalas ninyong ginagawa iyon? (Oo.) Kapag masyadong matagal ang panahong ginugugol ng mga tao sa sekular na mundo, naaamoy sa kanila ang baho ng lipunan, labis-labis ang kanilang likas na karumihan, at napupuno sila ng mga satanikong lason at mga pilosopiya; ang lumalabas sa kanilang bibig ay puro mga salita ng kasinungalingan at panlilinlang, at puno ang kanilang mga panalangin ng mga salitang walang saysay at mga salita ng doktrina, pananalitang hindi nagmumula sa puso o anumang pananalitang hindi tungkol sa kanilang mga tunay na paghihirap. Palagi silang humihiling sa Diyos para sa kanilang mga pansariling kagustuhan at hinahanap ang Kanyang mga pagpapala, madalang silang magkaroon ng pusong naghahanap ng katotohanan, at hindi sila nananalangin batay sa pusong nagpapasakop sa Diyos. Inilalantad lamang ng gayong mga panalangin ang panlilinlang at kasinungalingan. Matitindi ang mga tiwaling disposiyon ng mga taong ito, naging buhay na demonyo lamang sila. Kapag lumalapit sa Diyos sa panalangin, hindi sila bumibigkas ng mga salita ng tao o bumibigkas nang mula sa puso. Sa halip, dinadala nila ang panlilinlang at kasinungalingan ni Satanas sa harap ng Diyos. Hindi ba’t lumalabag ito sa disposisyon ng Diyos? Kaya bang pakinggan ng Diyos ang gayong mga panalangin? Nakakaramdam ng pagtutol ang Diyos sa gayong mga indibidwal at tiyak na ayaw Niya sa kanila. Maaaring sabihin na ang gayong mga panalangin ay pagtatangkang linlangin at lokohin ang Diyos. Hindi talaga naghahanap ng katotohanan ang mga taong ito, ni hindi nagsasalita mula sa puso at hindi nagtitiwala sa Diyos. Ang mga panalangin nila ay di-katugma ng mga layunin ng Diyos at ng Kanyang mga hinihingi. Sa ugat, dulot ito ng kalikasan ng tao kaysa ng panandaliang paglalantad ng katiwalian. Iniisip ng mga taong ito, “E, hindi ko nakikita o nararamdaman ang Diyos, at hindi ko alam kung nasaan ang Diyos. Bibigkas na lamang ako ng kung ano-anong salita sa Diyos, sino ba ang may alam kung nakikinig man lamang Siya.” Nananalangin sila sa Diyos nang may isipang nag-aalinlangan at sumusubok sa Kanya—anong klase ang magiging damdamin nila matapos manalangin nang gayon? Hindi ba’t kahungkagan pa rin iyon? Hindi ba nakababahala ang mawalan ng anumang damdamin? Itinatayo ang panalangin sa isang pundasyon ng pananampalataya. Pagdalangin ito ng isang tao sa Diyos sa kalooban ng kanyang puso, na nakikipag-usap sa Diyos mula sa puso, nagbubukas ng puso sa Kanya, at naghahanap ng katotohanan mula sa Kanya. Kapag nananalangin ang isang tao sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng panloob na kapayapaan at pagdama ng presensya ng Diyos. Ito ay ang Diyos na nakikinig sa kanya, hindi nakikita. Tuwing nananalangin ang isang tao sa Diyos mula sa puso na gaya nito, mararamdaman niya na parang may personal siyang karanasan sa Kanya. Titibay ang kanyang pananampalataya, mas lalalim ang kanyang relasyon sa Diyos, at mas lalapit siya sa Kanya. Mararamdaman niya ang pagiging ganap at magiging partikular na matatag sa kanyang puso. Ito ang mga tunay na damdamin na nagsisimula pagkatapos ng panalangin. Sa pagsambit ng mga relihiyosong panalangin, nagpapabasta-basta lamang ang mga tao, inuulit ang iilang parehong parirala araw-araw, hanggang sa puntong ayaw na nilang bigkasin ang mga ito. Pagkatapos ng gayong mga panalangin, wala silang nararamdaman, at walang anumang resulta na nakakamit. May tunay bang pananampalataya ang mga tao na gaya nito? Imposible ito.
May ilang tao na hindi tapat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Palagi silang pabasta-basta, o nararamdaman nila na masyadong mahirap at nakakapagod ang kanilang mga tungkulin. Ayaw nilang magpasakop, palagi nilang gustong makatakas at tanggihan ang mga tungkulin, at palagi nilang nais gawin ang mas madadaling tungkulin, na hindi nagdudulot ng mga hamon sa kanila, na walang dalang anumang panganib, at nagpapahintulot sa kanilang mga kaginhawahan ng laman. Sa kanilang puso, alam nilang tamad sila, sakim sa mga kaginhawahan ng laman, at hindi kayang magtiis ng hirap. Gayunman, hindi sila nagpapahayag kaninuman ng kanilang tunay na mga iniisip, natatakot na sila ay pagtawanan. Sa pasalita, sinasabi nilang, “Dapat kong gampanan nang mabuti ang aking tungkulin at maging tapat sa Diyos,” at kapag nabibigo silang gawin ang anuman nang mabuti, sinasabi nila sa lahat, “Wala akong pagkatao at walang katapatan sa pagganap ng aking tungkulin.” Gayunman, ang realidad, hindi talaga nila iyan iniisip. Kapag nasa gayong kalagayan ang isang tao, paano siya mananalangin nang may kabuluhan? Sinabi ng Panginoong Jesus na sambahin ang Diyos nang buong puso at katapatan. Kapag lumapit ka sa Diyos, ang puso mo ay kailangang tapat at walang kasinungalingan. Huwag mong sabihin ang isang bagay sa harap ng ibang tao habang iba naman ang nasa puso mo. Kung lalapit ka sa Diyos na may pagkukunwari, nang may mabulaklak na pananalita na parang sinusubukan mong sumulat ng isang sanaysay, hindi ba’t panlilinlang sa Diyos ang gayon? Bunga nito, makikita ng Diyos na hindi ka isang tao na sumasamba sa Kanya nang buong puso at katapatan. Makikita Niya na hindi tapat ang iyong puso, na labis itong masama, at nagkikimkim ka ng masasamang layunin, at pababayaan ka Niya. Samakatuwid, paano dapat manalangin ang mga tao tungkol sa mga bagay na madalas mangyari sa kanila at sa mga problemang madalas nilang maranasan sa kanilang buhay araw-araw? Dapat nilang matutunan na makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso. Sabihin mo, “O Diyos, lubhang nakapapagod para sa akin ang tungkuling ito. Isa akong tao na sakim sa mga kaginhawahan ng laman, tamad, at ayaw sa mahirap na gawain. Hindi ko kayang maging tapat sa tungkuling ipinagkatiwala Mo sa akin, at hindi ko man lamang ito kayang gampanan nang aking buong lakas. Palagi ko na lamang gustong takasan at tanggihan ito, at palagi akong pabasta-basta. Pakisuyong disiplinahin Mo ako.” Hindi ba mga totoong salita ito? (Oo, mga totoong salita ito.) Nangangahas ka ba na magsalita nang gaya nito? Natatakot ka sa maaaring mangyari sakaling tunay kang disiplinahin ng Diyos isang araw matapos mo itong sabihin, at nagiging matatakutin ka, laging balisa, at may nerbiyos. Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, lagi nilang nais iwasan ang hirap. Sakim sila sa mga kaginhawahan ng laman at nais nilang umatras kapag nahaharap sila sa kaunting hirap, kapag kailangan ng kaunting pagsisikap, o kapag medyo pagod sila. Palagi silang pumipili nang pumipili, at kapag nakakaranas sila ng kaunting paghihirap, nag-iisip sila, “Alam ba ng Diyos? Maalala ba Niya? Matapos matiis ang gayong matitinding hirap, tatanggap ba ako ng anumang gantimpala sa hinaharap?” Palagi silang naghahanap ng resulta. Kailangang malutas ang lahat ng problemang ito. Noon, inatasan Ko ang isang tao na ipasa ang isang mensahe at nang bumalik siya para mag-ulat sa Akin, sinabi muna niya ang kanyang malalaking nagawa. Ipinaliwanag niya kung paano niya nilutas ang problema, sinasabi kung gaano siya nabalisa tungkol dito at kung gaano niya kinailangang magsalita, kung gaano kahirap pakisamahan ang taong iyon, at kung gaano karaming magandang salita ang nagamit niya sa kanila, hanggang nakumpleto ang gawain sa wakas. Palagi niyang inaangkin ang papuri para dito at patuloy na sinasabi ito. Ano ang malalim na implikasyon nito? “Kailangan Mo akong purihin, pangakuan, at sabihan ng mga gantimpalang tatanggapin ko sa hinaharap.” Lantaran siyang naghahanap ng gantimpala. Sabihin mo sa Akin, karapat-dapat bang purihin ang pagganap sa munting gawaing ito? Kung palaging naghahangad ng papuri ang isang tao sa katiting na pagganap ng kanyang tungkulin, anong disposisyon ang ganyan? Hindi ba ito satanikong kalikasan? Umaasa siya ng papuri at mga gantimpala para sa munting gawaing ito—hindi ba’t ibig sabihin nito na kung gaganap siya ng mahahalagang gawain o tutupad ng malalaking trabaho, lalala pang lalo ang kanyang pag-uugali? Kung hindi niya makamit ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos, magrerebelde kaya siya? Aakyat ba siya sa ikatlong langit at makikipagtalo sa Diyos? Ano ba, kung gayon, ang landas niyang tinatahak sa kanyang paniniwala sa Diyos? (Ang landas ng mga anticristo.) Ang landas ng mga anticristo, gaya na lamang ni Pablo. Palaging naghahanap ng gantimpala at katayuan si Pablo mula sa Diyos. Kapag hindi ito ibinigay ng Diyos, nagiging negatibo siya at tamad sa kanyang trabaho, sumasalungat sa Panginoon, at ipinagkakanulo Siya. Sabihin mo sa Akin, anong klaseng tao ang nais ng gantimpala matapos malampasan ang kaunting hirap sa kanyang tungkulin? (Isang masamang tao.) Labis na masama ang kanyang pagkatao. May ganitong mga kalagayan ba sa kanilang sarili ang mga karaniwang tao? Ang bawat tao ay may ganitong mga kalagayan. Ang kalikasang diwa ay pareho-pareho sa lahat, hindi nga lamang ito ipinapakita nang husto ng ilang tao. Taglay nila ang pagkamakatwiran at alam nilang mali ang gayong mga kilos at kaisipan, at na hindi sila maaaring humingi ng gantimpala sa Diyos. Pero ano ang dapat gawin ng isang tao sa gayong kalagayan? Dapat niyang hanapin ang katotohanan upang malutas ito. Anong aspeto ng katotohanan ang maaaring makalutas ng kalagayang ito? Mahalaga para sa isang tao na malaman kung sino siya, sa anong posisyon siya dapat lumagay, anong landas ang dapat niyang sundan, at anong klase ng tao dapat siyang maging. Maliliit na bagay ito na dapat malaman ng tao. Kung ang mga bagay na ito ay hindi man lamang alam ng isang tao, malayo niyang maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, o mahangad ang kaligtasan.
Pagdating sa pagganap sa ilang espesyal na tungkulin o mas mabibigat at nakapapagod na tungkulin, sa isang banda, dapat magnilay palagi ang mga tao kung paano gagampanan ang mga tungkuling iyon, kung anong mga paghihirap ang dapat nilang tiisin, at kung paano nila dapat itaguyod ang kanilang mga tungkulin at kung paano magpasakop. Sa kabilang banda, dapat ding siyasatin ng mga tao kung anong mga karumihan ang nasa kanilang mga layunin at kung paano nakahahadlang ang mga ito sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Ipinanganak ang mga tao na ayaw dumanas ng paghihirap—wala ni isang indibidwal ang nagkakaroon ng higit na sigla o higit na galak mula sa pagtitiis ng higit na paghihirap. Walang ganoong tao. Kalikasan ng laman ng tao ang mag-alala at mabalisa sa sandaling magtiis ng paghihirap ang kanyang laman. Pero gaano karaming paghihirap ang kailangan ninyong tiisin ngayon sa tungkuling ginagampanan ninyo? Kailangan lamang tiisin ng inyong laman ang kaunting pagkapagod at kaunting pagpapagal. Kung hindi mo kayang tiisin kahit ang kakaunting paghihirap na ito, maituturing ka bang may determinasyon? Maituturing ka ba na taos-pusong nananalig sa Diyos? (Hindi.) Hindi ito maaari. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, walang taong nangangasiwa sa iyo. Lubos itong nakadepende sa iyong pagkukusa. Sa sambahayan ng Diyos, may mga pagsasaayos at sistema ng gawain, at bahala ang mga indibidwal kung aasa sila sa kanilang pananampalataya, at sa kanilang konsiyensiya at katwiran. Tanging ang Diyos ang nagsisiyasat kung mahusay o hindi ang ginagawa mo sa iyong tungkulin. Kung, ang mga tao ay palaging walang kamalay-malay at walang nadaramang pagkapahiya anumang tiwaling disposisyon ang ipinapakita nila habang ginagampanan ang mga tungkulin nila o kapag nakikisangkot sila sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila, ito ba ay mabuti o masamang bagay? (Masamang bagay ito.) Bakit ito itinuturing na masamang bagay? May pinakamababang pamantayan ang konsiyensiya at katwiran ng tao. Kung ang konsiyensiya mo ay walang anumang kamalayan at hindi ka kayang pigilin sa paggawa ng masasamang bagay, o paghigpitan ang iyong gawi, kung kumikilos ka sa paraang lumalabag sa mga atas administratibo at prinsipyo, at kumikilos nang walang pagkatao, pero sa puso mo ay hindi ka nahihiya, hindi ba’t ito ay kawalan ng moral na batayan? Hindi ba’t ito ay kawalan ng kamalayan sa iyong konsiyensiya? (Oo.) Karaniwan bang alam ninyo kapag gumagawa kayo ng mali, o lumalabag sa mga prinsipyo, o kapag hindi kayo tapat sa pagganap sa inyong tungkulin sa loob ng mahabang panahon? (Oo.) Kung gayon, kaya ka bang pigilin ng iyong konsiyensiya at ipagawa sa iyo ang bagay-bagay ayon sa iyong konsiyensiya at katwiran, at ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung isa kang tao na nakauunawa sa katotohanan, kaya mo bang umangat mula sa pagkilos nang batay sa iyong konsiyensiya patungo sa pagkilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Kung kaya mong gawin iyan, maaari kang maligtas. Hindi madali ang magawang magtiis ng paghihirap sa pagganap sa tungkulin. Hindi rin madaling gampanan nang mahusay ang isang partikular na uri ng gawain. Tiyak na gumagana ang katotohanan sa mga salita ng Diyos sa kalooban ng mga tao na kayang gawin ang mga bagay na ito. Hindi nito ibig sabihin na ipinanganak silang walang takot sa paghihirap at pagod. Saan ba makakakita ng ganoong tao? May ilang motibasyon ang lahat ng taong ito, at mayroon silang ilang katotohanan sa mga salita ng Diyos bilang kanilang pundasyon. Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagbabago ang kanilang mga pananaw at paninindigan—mas nagiging madali ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin at nagsisimula nang mawalan ng kabuluhan para sa kanila ang pagtitiis ng ilang paghihirap at pagod ng katawan. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan at hindi pa nagbabago ang mga pananaw sa bagay-bagay ay nabubuhay ayon sa mga ideya, kuru-kuro, makasariling naisin, at personal na kagustuhan ng tao, kaya nag-aalangan sila at ayaw gampanan ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, pagdating sa paggawa ng marumi at nakapapagod na gawain, sinasabi ng ilang tao, “Susunod ako sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa akin, gagampanan ko ito, marumi man o nakapapagod ito, kahanga-hanga man o karaniwan. Wala akong hinihingi, at tatanggapin ko ito bilang aking tungkulin. Ito ang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, at ang kaunting dumi at pagod ay mga paghihirap na dapat kong tiisin.” Bunga nito, kapag gumagawa sila, hindi man lamang nila nararamdaman na nagtitiis sila ng anumang paghihirap. Habang marumi at nakapapagod ito para sa iba, madali ito para sa kanila, dahil panatag at hindi nagagambala ang kanilang puso. Ginagawa nila ito para sa Diyos, kaya hindi nila nararamdaman na mahirap ito. Itinuturing ng ilang tao na insulto sa kanilang katayuan at karakter ang gawaing marumi, nakapapagod, o karaniwan. Tinitingnan nila ito bilang kawalang-respeto sa kanila, pang-aapi sa kanila, o panlilibak sa kanila ng ibang tao. Bunga nito, kahit pa maharap sa parehong mga gawain at dami ng trabaho, mabigat ito para sa kanila. Anuman ang gawin nila, may dala silang sama ng loob sa kanilang puso, at pakiramdam nila ay hindi nangyayari ang mga bagay sa paraang gusto nila o na hindi kasiya-siya ang mga ito. Sa kalooban nila, puno sila ng pagkanegatibo at paglaban. Bakit sila negatibo at lumalaban? Ano ang ugat nito? Kadalasan, ito ay dahil hindi sila nagkakasuweldo sa pagganap sa kanilang mga tungkulin; para itong pagtatrabaho nang walang bayad. Kung may mga gantimpala sana, maaaring maging katanggap-tanggap ito sa kanila, pero hindi nila alam kung makakakuha sila ng mga ito o hindi. Samakatuwid, pakiramdam ng mga tao ay hindi sulit ang pagganap sa mga tungkulin, na itinutumbas nila ito sa pagtatrabaho para sa wala, kaya madalas silang nagiging negatibo at lumalaban pagdating sa pagganap sa mga tungkulin. Hindi ba’t ito ang sitwasyon? Sa totoo lamang, ayaw ng mga taong ito na gumanap ng mga tungkulin. Dahil walang pumipilit sa kanila, bakit pumupunta pa rin sila para gampanan ang kanilang mga tungkulin? Ito ay dahil pinipilit nila ang kanilang sarili—dahil sa kanilang kagustuhang magkamit ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit, wala silang magagawa kundi gampanan ang kanilang mga tungkulin. Pagpapamalas ito ng kawalan nila ng mapagpipilian. Ito ang kaisipan sa likod ng pagtatangka nilang makipagtawaran sa Diyos. May ilang nagtatanong kung paano malulutas ng mga gayong tao ang problema ng pagkanegatibo at paglaban na nasa kanilang puso. Ang pagbabahaginan sa katotohanan ang tanging makalulutas sa problemang ito. Kung hindi nila mahal ang katotohanan, gaano man ibahagi sa kanila ang katotohanan, hindi nila ito magagawang tanggapin. Kung magkagayon, sila ay mga hindi mananampalataya, at nabunyag na sila. Dahil nais nilang makipagtawaran at wala silang gagawing anuman maliban kung makikinabang sila rito, kung papangakuan sila ng Diyos ng mga gantimpala at ng pagpasok sa kaharian ng langit, at bibigyan sila ng garantiya, tiyak na gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang masigasig. Ang totoo, nakabukas ang pangako ng Diyos, at kaya itong makamit ng mga naghahangad sa katotohanan. Pero hindi ito kayang makamit ng mga hindi naghahangad sa katotohanan. Hindi ito dahil wala silang kamalayan sa pangako ng Diyos; sadya lamang na sa kanilang puso, pakiramdam nila ay hindi ito nahahawakan at hindi tiyak. Para sa kanila, parang isang tumatalbog na tseke ang pangako ng Diyos—hindi nila ito mapaniwalaan, at wala silang tunay na pananampalataya rito, at wala silang magagawa tungkol dito. Ninanais nila ang mga bagay na nakikita, at kung bibigyan mo sila ng suweldo, tiyak na sisigla sila. Gayunpaman, hindi ibig sabihin ay sisigla ang mga walang konsiyensiya at katwiran; lubha silang mababang-uri. Kung magiging empleyado sila sa sekular na mundo, hindi sila magtatrabaho nang masipag, magiging madaya at tamad sila, at tiyak na sisibakin sila. Ito ay isang problema lamang sa kanilang kalikasan. Sa mga palaging pabasta-basta sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ang tanging solusyon ay paalisin at itiwalag sila. Wala nang ibang paraan para sa mga hindi tinatanggap ang katotohanan. Pawang wala sa katwiran ang kanilang mga pagdadahilan at pangangatwiran, at hindi kailangang talakayin ang katangian ng kanilang pagkatao.
Sa panahong ito, nagsimula nang gumanap ng kanilang mga tungkulin ang karamihan ng mga tao. Nauunawaan ba ninyo kung ano ang mga tungkulin, paano nagkakaroon ng mga ito, at sino ang nagbibigay ng mga ito? (Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao.) Tama iyon. Kung nananalig ka sa Diyos at pumupunta sa Kanyang sambahayan, kung natatanggap mo ang atas ng Diyos, isa kang miyembro ng Kanyang sambahayan. Ang mga gampanin na isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, ang landas na sinasabi ng Diyos na sundin mo, at ang mga atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, ay ang mga tungkulin mo, at ang mga ito ang ibinigay sa iyo ng Diyos. Kapag kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, maaarok mo ang Kanyang mga layunin, at nakikinig ka at nauunawaan mo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, kapag alam mo sa puso mo kung anong tungkulin ang dapat mong gampanan at ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin, at kapag tinatanggap mo ang atas ng Diyos at nagsisimula kang gampanan ang iyong tungkulin, nagiging miyembro ka ng sambahayan ng Diyos at bahagi ng pagpapalawig ng ebanghelyo. Itinuturing ka ng Diyos bilang miyembro ng Kanyang sambahayan at bahagi ng pagpapalawig ng Kanyang gawain. Sa puntong ito, may tungkulin ka nang dapat mong gampanan. Anuman ang kaya mong gawin, anuman ang kaya mong makamit, mga responsabilidad at tungkulin mo ang mga ito. Maaaring sabihin na atas ng Diyos ang mga ito, misyon mo, at obligadong tungkulin mo. Ang mga tungkulin ay mula sa Diyos; mga responsabilidad at atas ang mga ito na ipinagkakatiwala ng Diyos sa tao. Kung gayon, paano dapat unawain ng tao ang mga iyon? “Dahil ito ay aking tungkulin at ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, ito ay aking obligasyon at responsabilidad. Tama lamang na tanggapin ko ito bilang aking obligadong tungkulin. Hindi ko maaaring tanggihan o ayawan ito; hindi ko mapipili ang gusto ko. Kung ano ang dumating sa akin ay iyon talaga ang dapat kong gawin. Hindi naman sa wala akong karapatang mamili—hindi lang talaga ako dapat mamili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang isang nilikha.” Ito ay isang saloobin ng pagpapasakop. May ilang tao na palaging namimili kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, palaging gustong gawin ang gawaing madali at ikinasasaya nila, hindi sila makapagpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ipinapakita nito na napakaliit ng kanilang tayog at wala silang taglay na normal na katwiran ng tao. Kung ito ay isang tao na bata pa at nabigyang-layaw sa bahay nang walang naranasan na anumang paghihirap, mauunawaan na medyo matigas ang ulo niya. Basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, unti-unti itong magbabago. Gayunpaman, kung ang isang taong nasa hustong gulang na nasa mga edad tatlumpu o apatnapu ay kumikilos sa nakasusuklam na paraang ito, isa itong problema ng katamaran. Sapul sa pagkabata ang sakit na katamaran at pinakamahirap gamutin. Problema ito sa kalikasan ng tao, at sa pamamagitan ng pagkakait sa kanya ng iba pang mapagpipilian sa mga partikular na kapaligiran o sitwasyon, saka lamang nagagawa ng ganitong tao ang magtiis ng kaunting paghihirap at pagod. Katulad lamang ito ng kung paanong ang ilang pulubi ay batid na ang kanilang pagiging pulubi ang pinagmumulan ng paghamak at diskriminasyon sa kanila ng ibang tao, pero dahil sila ay tamad at ayaw magtrabaho, wala silang ibang pagpipilian kundi ang mamalimos. Kung hindi, magugutom sila. Sa kabuuan, kung hindi magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang tapat at responsable, hindi magtatagal ay ititiwalag siya. Ang pinakamabigat na kasalanan ay ang manalig sa Diyos pero hindi magpasakop sa Kanya. Kung tatanggi kang gampanan ang iyong tungkulin o palagi kang umaayaw sa mga hirap at natatakot kang mapagod, isa kang taong walang konsiyensiya at katwiran. Hindi ka angkop na gumanap ng mga tungkulin, at maaari kang umalis. Isang araw, kapag napagtanto mo na ang hindi pagganap sa iyong tungkulin ay katumbas ng pagtanggi sa atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha, at ikaw ay isang tao na nagrerebelde sa Diyos, na walang konsiyensiya at katwiran, kapag napagtanto mo na ang mga nananalig sa Diyos ay dapat na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at ito ay kinakailangan, dapat mong ayusin ang asal mo at gampanan nang mahusay ang iyong tungkulin. Ito ang pagpapasakop. Kung rebelde o negatibo ang isang tao sa kanyang tungkulin, ibig sabihin, kung nagpapakita siya ng ganap na kawalan ng pagpapasakop sa Diyos, hindi tapat na gumugugol ang gayong tao para sa Kanya. Ang kusang-loob na pagganap sa tungkulin nang mahusay ay ang pinakamababang pagpapahayag ng pagpapasakop sa Diyos. Kung gayon, paano nagkakaroon ng mga tungkulin? (Nagmumula sa Diyos ang mga tungkulin; mga responsabilidad itong ibinibigay ng Diyos sa mga tao.) Mga responsabilidad ang mga tungkulin na ibinibigay ng Diyos sa mga tao, kung gayon, may mga tungkulin ba ang mga walang pananampalataya? (Wala. Wala sila ng mga ito.) Bakit mo sinasabing wala sila ng mga ito? (Hindi sila mga tao sa sambahayan ng Diyos.) Tama iyan, abala lamang ang mga walang pananampalataya para sa kanilang buhay na makalaman, at hindi karapat-dapat tawaging mga tungkulin ang mga ikinikilos nila. Nabibilang sa mundo at kay Satanas ang mga walang pananampalataya. Isinasaayos lamang ng Diyos ang kanilang tadhana sa buhay—ang oras ng kanilang kapanganakan, ang pamilya kung saan sila isisilang, ang kanilang trabaho sa kanilang paglaki, at ang oras ng kanilang kamatayan—hindi Niya sila pinipili, ni hindi Niya sila inililigtas. Naiiba ang mga nananalig sa Diyos. Sa mas maliit na antas, lahat ng gawaing kanilang ginagawa sa sambahayan ng Diyos ay mga tungkulin na dapat nilang gampanan. Sa mas malawak na antas, sa loob ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, ang tungkuling ginagampanan ng bawat nilalang ay pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Sa madaling salita, nagseserbisyo sila para sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kung nagseserbisyo ka man nang tapat o hindi, malayo ka sa pagiging isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Sa katunayan, maituturing lamang ang isang tao na kabilang sa mga tao ng Diyos at mga kwalipikadong nilalang kapag kaya niyang tunay na magampanan ang kanyang tungkulin, matamo ang resulta ng pagpapatotoo para sa Diyos, at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Kung nagagampanan mo nang mahusay ang bawat tungkulin na ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos at natutugunan ang mga hinihinging pamantayan, kung gayon, miyembro ka ng sambahayan ng Diyos, at isa kang tao na kinikilala ng Diyos na kabilang sa Kanyang sambahayan.
Sipi 36
Ang mga salita ng awit na “Sadyang Kaligayahan ang Maging Isang Matapat na Tao” ay pawang praktikal, at pumili Ako ng ilang linya upang mapagbahaginan. Pagbahaginan muna natin ang linyang “Itinataguyod ko nang buong puso at isip ang aking tungkulin, at wala akong mga pag-aalintana sa laman.” Anong kalagayan ito? Anong uri ng tao ang isang taong naitataguyod ang kanyang tungkulin nang buong puso at isip? May konsiyensiya ba siya? Natupad ba niya ang kanyang pananagutan bilang isang nilalang? Nasuklian na ba niya ang Diyos sa anumang paraan? (Oo.) Ang katunayan na naitataguyod niya ang kanyang tungkulin nang buong puso at isip ay nangangahulugang seryoso at responable niya itong ginagawa, nang hindi nagiging pabasta-basta, nang hindi nagiging tuso o tamad, at nang walang pag-iwas sa pananagutan. Taglay niya ang wastong saloobin at normal ang kanyang kalagayan at pag-iisip. Mayroon siyang katwiran at konsensiya, may pagsasaalang-alang siya sa Diyos, at siya ay matapat at may debosyon sa kanyang tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng “walang pag-aalintana sa laman”? May ilang kalagayan din dito. Pangunahin itong nangangahulugan na hindi niya alintana ang kinabukasan ng kanyang laman, at hindi niya pinagpaplanuhan ang darating sa kanya. Nangangahulugan ito na hindi niya alintana kung ano ang kanyang gagawin kalaunan kapag siya ay matanda na, kung sino ang mag-aalaga sa kanya, o kung paano pa siya mabubuhay. Hindi niya isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, at sa halip ay nagpapasakop siya sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Una at pangunahin niyang gawain ay ang mahusay na pagtupad sa kanyang tungkulin—ang pagtataguyod sa kanyang tungkulin, at pagtataguyod sa atas ng Diyos ang pinakamahahalagang bagay. Kapag mahusay na nagagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilalang, hindi ba’t may kaunti silang wangis ng tao? Ito ay pagtataglay ng wangis ng tao. Kahit papaano man lang ay kinakailangang mahusay na matupad ng mga tao ang kanilang tungkulin, maging tapat sila, at iukol nila rito ang kanilang buong puso at isip. Ano ba ang ibig sabihin ng “itaguyod ang sariling tungkulin”? Ibig sabihin nito ay kahit anong mga paghihirap pa ang kaharapin ng mga tao ay hindi sila sumusuko, hindi nila iniiwan ang kanilang tungkulin, o pinababayaan ang kanilang responsabilidad. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya. Iyon ang ibig sabihin ng itaguyod ang sariling tungkulin. Halimbawa, sabihin nang isinaayos na gawin mo ang isang bagay, at walang sinumang naroroon para bantayan ka, subaybayan ka o udyukan ka. Paano mo maitataguyod ang iyong tungkulin? (Tatanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos at mamumuhay sa presensiya Niya.) Ang unang hakbang ay tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos; iyon ang isang bahagi nito. Ang isa pang bahagi ay ang gawin ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo. Ano ba ang kailangan mong gawin para magawa mo iyon nang buong puso at isip mo? Dapat mong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito; ibig sabihin, kailangan mong tanggapin ang anumang hinihingi ng Diyos at magpasakop dito; kailangan mong asikasuhin ang iyong tungkulin gaya ng iyong pag-aasikaso sa mga personal na bagay, nang hindi nangangailangan ng sinuman para bantayan ka, subaybayan ka, at siguraduhing ginagawa mo ito nang tama, para tingnan ka, pangasiwaan ang iyong ginagawa, o pungusan ka pa nga. Dapat mong іsipin sa iyong sarili, “Responsabilidad ko na gampanan ang tungkuling ito. Papel ko ito, at dahil ibinigay ito sa akin para gawin ko, at nasabi na sa akin ang mga prinsipyo at naintindihan ko naman ang mga ito, patuloy ko itong gagawin nang may determinasyon. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para tiyaking magagawa ito nang maayos.” Kailangan mong pagsikapang gawin ang tungkulin na ito, at hindi mapigilan ng sinumang tao o ng anumang pangyayari o bagay. Ito ang ibig sabihin ng itaguyod ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo, at ito ang dapat na maging wangis ng mga tao. Kaya, ano ang dapat masangkap sa mga tao para maitaguyod nila ang kanilang tungkulin nang buong puso at isip nila? Kailangan muna nilang magkaroon ng konsiyensiya na dapat taglayin ng mga nilalang. Kahit iyon man lang sana. Higit pa roon, dapat tapat din siya. Bilang isang tao, para matanggap ang tagubilin ng Diyos, kailangan siyang maging tapat. Kailangang maging ganap siyang tapat sa Diyos lamang, at hindi maaaring wala siyang sigla, o hindi tumatanggap ng pananagutan; mali ang kumilos batay sa sarili niyang interes o pakiramdam—hindi ito pagiging tapat. Ano ang ibig sabihin ng maging tapat? Ang ibig sabihin nito ay ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at hindi ka naiimpluwensyahan o nalilimitahan ng iyong pakiramdam, kapaligiran, o ng ibang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay. Kailangan mong isipin, “Natanggap ko ang tagubiling ito mula sa Diyos; ibinigay na Niya ito sa akin. Ito ang dapat kong gawin, kaya gagawin ko ito kung paano ko gagawin ang sarili kong mga bagay-bagay, sa anumang paraang nagbubunga ng magagandang resulta, na ang kahalagahan ay nakatuon sa pagbibigay-lugod sa Diyos.” Kapag nasa ganito kang kalagayan, hindi ka lamang kontrolado ng iyong konsiyensiya, kundi may pagkamatapat din sa iyong kalooban. Kung nasisiyahan ka na na magawa lamang ito, nang hindi mo hinahangad na maging mahusay at magkamit ng mga resulta, at nadarama mo na sapat nang ibuhos mo lamang dito ang iyong buong pagsisikap, pag-abot lamang ito sa pamantayan ng konsiyensiya ng mga tao, at hindi maituturing na pagkamatapat. Ang pagiging tapat sa Diyos ay mas mataas na hinihingi at pamantayan kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya. Hindi lamang ito pagbubuhos dito ng lahat ng iyong pagsisikap; kailangan mo ring ilaan dito ang iyong buong puso. Sa iyong puso, kailangan mong palaging ituring ang iyong tungkulin bilang trabaho na dapat mong gawin, kailangan mong magdala ng pasanin para sa gawaing ito, kailangan kang mapangaralan kung makagagawa ka ng kahit katiting na pagkakamali o kung medyo padaskol kang magtrabaho, at kailangan mong madama na hindi ka maaaring umasal nang ganito dahil ginagawa ka nitong may labis na pagkakautang sa Diyos. Ang mga taong talagang may konsensiya at katwiran ay ginagampanan ang kanilang tungkulin na para bang sarili nila itong trabahong gagawin, mayroon man o walang sinumang nagbabantay o nangangasiwa sa kanila. Masaya man sa kanila o hindi ang Diyos at paano man Niya sila tinatrato, laging mahigpit ang kahilingan nila sa kanilang sarili na tuparin nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at tapusin ang tagubiling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang tawag dito ay pagkamatapat. Hindi ba mas mataas na pamantayan ito kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya? Kapag kumikilos sila ayon sa pamantayan ng konsiyensiya, madalas na naiimpluwensyahan ang mga tao ng mga panlabas na bagay, o iniisip nila na sapat nang ibuhos na lang sa kanilang tungkulin ang lahat ng kanilang pagsisikap; ang antas ng kadalisayan ay hindi gayon kataas. Subalit, kapag pinag-uusapan ang pagkamatapat at matapat na pagtataguyod sa tungkulin ng isang tao, ang antas ng kadalisayan ay mas mataas. Hindi iyon tungkol lang sa pagsisikap; hinihingi nito na ibuhos mo sa iyong tungkulin ang iyong buong puso, isipan, at katawan. Upang maayos mong magampanan ang iyong tungkulin, kung minsan ay kailangan mong magtiis ng kaunting pisikal na hirap. Kailangan mong magbayad ng halaga, at ilaan ang iyong buong kaisipan sa paggampan sa iyong tungkulin. Anumang pangyayari ang iyong kaharapin, hindi nakaaapekto ang mga ito sa iyong tungkulin o nakaaantala sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at nagagawa mong mapalugod ang Diyos. Upang magawa ito, may halagang kailangan mong pagbayaran. Kailangan mong talikuran ang iyong pamilya ng laman, mga personal na bagay, at pansariling interes. Ang iyong banidad, pagpapahalaga sa sarili, mga damdamin, pisikal na kaaliwan, at maging mga bagay tulad ng pinakamasasayang taon ng iyong kabataan, ang iyong pag-aasawa, ang iyong kinabukasan, at ang iyong tadhana ay kailangan mong bitawan at talikuran, at kailangan mong kusang-loob na gampanang mabuti ang iyong tungkulin. Sa gayon ay makakamit mo ang pagkamatapat, at magtataglay ka ng wangis ng tao sa pamamagitan ng pamumuhay nang ganito. Hindi lamang may konsiyensiya ang mga taong tulad nito, bagkus ay ginagamit nila ang pamantayan ng konsiyensiya bilang pundasyon na pagmumulan ng paghingi sa kanilang sarili ng pagkamatapat na hinihingi ng Diyos sa tao, at ng paggamit ng pagkamatapat na ito bilang paraan sa pagtatasa sa kanilang sarili. Masigasig nilang pinagsisikapan ang adhikang ito. Bibihira ang mga taong tulad nito sa daigdig. May isa lamang sa bawat isang libo o sampung libong hinirang ng Diyos. Nabubuhay bang may halaga ang mga taong tulad nito? Sila ba ay mga taong pinahahalagahan ng Diyos? Mangyari pa, namumuhay silang may halaga at sila ay mga taong pinahahalagahan ng Diyos.
Sinasabi ng susunod na linya ng awit, “Kahit mahina ang kakayahan ko, mayroon akong tapat na puso.” Ang mga salitang ito ay napakatotoo pakinggan, at sinasabi ng mga ito ang isang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Anong hinihingi? Na kung kulang sa kakayahan ang mga tao, hindi pa naman ito ang katapusan ng mundo, sa halip dapat silang magtaglay ng tapat na puso, at kung mayroon sila noon, makatatanggap sila ng pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang iyong sitwasyon o pinagmulan, dapat kang maging matapat na tao, nagsasabi nang tapat, kumikilos nang tapat, nagagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at isipan, maging tapat sa pagganap ng iyong tungkulin, hindi magpabaya, hindi maging tuso o mapanlinlang na tao, hindi magsinungaling o manlinlang, at hindi magpaligoy-ligoy sa pagsasalita. Kailangan mong kumilos ayon sa katotohanan at maging isang taong naghahangad sa katotohanan. Maraming tao ang nag-iisip na mababa ang kanilang kakayahan, at hindi nila kailanman maayos na nagagampanan ang kanilang tungkulin o naaabot ang pamantayan. Ibinubuhos nila ang lahat-lahat nila sa kanilang ginagawa, ngunit hindi nila kailanman maunawaan ang mga prinsipyo, at hindi pa rin sila makapagtamo ng napakagagandang resulta. Sa huli, ang nagagawa na lamang nila ay dumaing na sadyang napakababa ng kanilang kakayahan, at sila ay nagiging negatibo. Kaya, hindi na ba makasusulong kung mababa ang kakayahan ng isang tao? Ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay hindi isang nakamamatay na sakit, at hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang mga taong may mababang kakayahan. Tulad ng sinabi noon ng Diyos, nagdadalamhati Siya sa mga taong matatapat ngunit mangmang. Anong ibig sabihin ng pagiging mangmang? Sa maraming kaso, ang kamangmangan ay nagmumula sa pagiging mababa ang kakayahan. Kapag mababa ang kakayahan ng mga tao, may mababaw silang pagkaunawa sa katotohanan. Hindi ito sapat na partikular o praktikal, at kadalasang limitado ito sa isang paimbabaw o literal na pagkaunawa—limitado ito sa doktrina at mga regulasyon. Iyon ang dahilan kung kaya’t hindi nila maintindihan ang maraming problema, at hindi kailanman maunawaan ang mga prinsipyo habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, o mahusay na magawa ang kanilang tungkulin. Ayaw ba ng Diyos, kung gayon, sa mga taong may mababang kakayahan? (Gusto Niya.) Anong landas at direksiyon ang itinuturo ng Diyos na tuntunin ng mga tao? (Na maging isang matapat na tao.) Maaari ka bang maging matapat na tao kung sasabihin mo lamang ito? (Hindi, kailangang mayroon kang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao.) Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung hindi mo isasakatuparan ang iyong nalalaman at nauunawaan, at kung 50 o 60 porsyento lang ng iyong pagsisikap ang iyong ibinibigay, kung gayon ay hindi mo ibinibigay rito ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.” Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili. Dapat mong lubos na pagnilayan ang mga lirikong ito. Walang pangungusap ang kasimpayak ng literal nitong kahulugan, at may matatamo ka kung tunay mo itong mauunawaan pagkatapos mo itong pagnilayan.
Tingnan natin ang isa pang linya ng mga liriko: “Sa lahat ng bagay, bigyang-kasiyahan ng iyong buong pagkamatapat ang mga layunin ng Diyos.” May isang landas ng pagsasagawa sa mga salitang ito. Nagiging negatibo ang ilang tao kapag nahaharap sila sa mga paghihirap habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at nagiging sanhi ito na mawalan sila ng ganang gawin ang kanilang tungkulin. Mayroong mali sa mga taong ito. Tapat sa loob man lamang ba nilang iginugugol ang sarili nila sa Diyos? Dapat nilang pagnilayan kung bakit sila nagiging negatibo kapag nahaharap sa mga paghihirap, at kung bakit hindi nila magawang hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga suliranin. Kung kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at hanapin ang katotohanan, magagawa nilang makita ang kanilang mga suliranin. Ang totoo, ang pinakamalaking hirap sa mga tao ay pangunahing ang suliranin ng isang tiwaling disposisyon. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan, magiging madaling ayusin ang iyong tiwaling disposisyon. Sa sandaling naayos mo na ang iyong tiwaling disposisyon, magagawa mo nang ibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay na makatutugon sa mga layunin ng Diyos. Ang “lahat ng bagay” ay nangangahulugan na anuman ito, maging ito man ay isang bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos, isang bagay na isinaayos ng isang lider o manggagawa para sa iyo, o isang bagay na nakatagpo mo nang hindi sinasadya, basta’t ito ang dapat mong gawin at matutupad mo ang iyong responsabilidad, ay ibinibigay mo ang iyong buong pagkamatapat, at tinutupad mo ang mga responsabilidad at ang tungkuling dapat mong tuparin, at ginagawa mong prinsipyo ang pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Ang prinsipyong ito ay medyo maringal pakinggan at medyo mahirap masunod ng mga tao. Sa mas praktikal na pananalita, nangangahulugan ito ng mahusay na pagtupad sa iyong tungkulin. Ang pagtataguyod sa iyong tungkulin at mahusay na pagtupad dito ay mga bagay na mahirap gawin. Maging ito man ay pagiging isang lider o manggagawa, o iba pang tungkulin, kailangan mong maunawaan ang ilang katotohanan. Mahusay mo bang matutupad ang iyong tungkulin kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan? Maayos mo ba itong magagawa nang hindi itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Kung nauunawaan mo ang lahat ng aspeto ng katotohanan at kaya mong magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagawa mo nang mahusay ang iyong tungkulin, naitaguyod mo ang iyong tungkulin, nakapasok ka na sa katotohanang realidad, at matutugunan mo ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Madali ba itong gawin? Kung ang tungkuling iyong ginagampanan ay isang bagay na bihasa ka at gusto mo, nararamdaman mo na ito ay responsabilidad at obligasyon mo, at na ang pagsasagawa nito ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran. Nadarama mong ikaw ay nagagalak, maligaya at matiwasay. Ito ay isang bagay na handa kang gawin, at mabibigyan mo ng iyong buong pagkamatapat, at nadarama mong binibigyang-kasiyahan mo ang Diyos. Ngunit kung isang araw ay maharap ka sa isang tungkulin na hindi mo gusto o hindi mo pa kailanman nagampanan, ganap mo bang maibibigay rito ang iyong pagkamatapat? Masusubok nito kung isinasagawa mo ang katotohanan. Halimbawa, kung ang iyong tungkulin ay nasa pangkat ng himno, at kaya mong umawit at isa itong bagay na ikinagagalak mong gawin, maluwag sa kalooban mong gampanan ang tungkuling ito. Kung binigyan ka ng isa pang tungkulin kung saan sinabihan kang ipalaganap ang ebanghelyo, at ang gawain ay may kahirapan, magagawa mo bang tumalima? Pinagnilayan mo ito at sinabing “Mahilig akong umawit.” Anong ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay ayaw mong magpalaganap ng ebanghelyo. Ito ang malinaw na kahulugan nito. Patuloy mo lang sinasabing “Mahilig akong umawit.” Kung ang isang lider o manggagawa ay mangatwiran sa iyong, “Bakit hindi ka magsanay na magpalaganap ng ebanghelyo at sangkapan mo ang iyong sarili ng higit pang katotohanan? Higit itong magiging kapaki-pakinabang sa iyong pag-unlad sa buhay,” nagpumilit ka pa rin at nagsabing “Mahilig akong umawit, at mahilig akong sumayaw.” Ayaw mong magpalaganap ng ebanghelyo anuman ang kanyang sabihin. Bakit ayaw mong gawin iyon? (Dahil sa kawalan ng interes.) Wala kang interes kaya’t ayaw mong gawin iyon—ano ang problema rito? Ito ay ang iyong pagpili ng tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan at personal na panlasa, at hindi ka nagpapasakop. Wala kang pagpapasakop, at iyon ang problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, samakatuwid ay hindi ka tunay na nagpapakita ng gaanong tunay na pagpapasakop. Ano ang dapat mong gawin sa ganitong sitwasyon upang magpakita ng totoong pagpapasakop? Ano ang magagawa mo upang matugunan ang mga layunin ng Diyos? Ito ang panahon kung kailan mo kailangang magnilay at makipagbahaginan tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Kung nais mong ialay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay para matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng pagganap ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang utos na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, na hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, at matuto tungkol dito, habang dumaranas ka at pumapasok. Kahit pa ikaw ay nahihirapan, napapagod, napapahiya, o ibinubukod, kailangan mo pa ring ibigay ang iyong buong pagkamatapat. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo maibibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong ituring na tungkuling dapat mong gampanan, hindi bilang personal na bagay. Paano mo dapat maunawaan ang mga tungkulin? Bilang isang bagay na ibinibigay ng Lumikha—ng Diyos—sa isang tao para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at ganap na likas at may katwiran na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita na ang tungkuling ito ay atas ng Diyos, at na ito ay pagmamahal ng Diyos at pagpapala ng Diyos para sa iyo, magagawa mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at magagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hinding-hindi magagawa ng mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos na tanggihan ang atas ng Diyos; hindi nila kailanman magagawang tanggihan ang anumang tungkulin. Kahit ano pang tungkulin ang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo, kahit ano pang mga paghihirap ang kaakibat nito, hindi mo ito dapat tanggihan, kundi tanggapin. Ito ang landas ng pagsasagawa, na isagawa ang katotohanan at ibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay, upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ano ang pinagtutuunan dito? Iyon ay ang mga salitang “sa lahat ng bagay.” Ang “lahat ng bagay” ay hindi nangangahulugan ng mga bagay na gusto mo o kung saan ka mahusay, lalong hindi ang mga bagay na pamilyar ka. Kung minsan, ito ay mga bagay kung saan hindi ka mahusay, mga bagay na kailangan mong matutunan, mga bagay na mahirap, o mga bagay kung saan kailangan mong magdusa. Gayunpaman, anuman ito, basta’t ito ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, kailangan mo itong tanggapin mula sa Kanya; kailangan mong tanggapin ito at gampanan nang mabuti ang tungkulin, ibigay dito ang iyong buong pagkamatapat at tugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari, dapat mo laging hanapin ang katotohanan, at sa sandaling nakatitiyak ka na kung anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, ganoon ka dapat magsagawa. Tanging sa paggawa nito mo isinasagawa ang katotohanan, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa katotohanang realidad.
May isa pang linya mula sa awit, na nagsasabing, “Ako’y bukas at matuwid, walang panlilinlang, nabubuhay sa liwanag.” Sino ang nagbibigay sa tao ng landas na ito? (Ang Diyos.) Kung ang isang tao ay bukas at matuwid, siya ay isang matapat na tao. Ganap na niyang binuksan ang kanyang puso at espiritu sa Diyos, at wala siyang itinatago, at walang pinagtataguan. Naibigay na niya nang lubusan sa Diyos ang kanyang puso, at naipakita na niya ito sa Diyos, na nangangahulugang naibigay na niya ang buong pagkatao niya sa Diyos. Kaya, mawawalay pa ba siya sa Diyos? Hindi na, kaya madali na para sa kanya ang magpasakop sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na mapanlinlang siya, aaminin niya iyon. Kung sinasabi ng Diyos na mayabang siya at mapagmagaling, aaminin din niya iyon, at hindi lang niya basta aaminin ang mga bagay na ito at titigil na lang doon—nagagawa niyang magsisi, magpunyagi para sa mga katotohanang prinsipyo, at ayusin iyon kapag napagtatanto niyang siya ay nagkamali, at ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Bago pa niya malaman, naitama na niya ang marami sa kanyang mga maling gawi, at unti-unting mababawasan ang kanyang pagiging mapanlinlang, mapanloko, pabasta-basta. Habang namumuhay siya nang mas matagal sa ganitong paraan, magiging mas tapat at kagalang-galang siya, at mas mapapalapit siya sa mithiing maging matapat na tao. Iyon ang kahulugan ng mamuhay sa liwanag. Lahat ng kaluwalhatiang ito ay sa Diyos! Kapag namumuhay ang mga tao sa liwanag kagagawan iyon ng Diyos—hindi iyon isang bagay na dapat nilang ipagyabang. Kapag namumuhay sa liwanag ang mga tao, nauunawaan nila ang bawat katotohanan, mayroon silang pusong may takot sa Diyos, alam nila kung paano hanapin at isagawa ang katotohanan sa bawat suliraning makaharap nila, at namumuhay sila nang may konsiyensiya at katwiran. Bagama’t hindi sila matatawag na matutuwid na tao, sa mga mata ng Diyos ay mayroon silang kaunting wangis ng tao, at kahit paano, hindi nakikipagtunggali sa Diyos ang kanilang mga salita at gawa, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, at may puso silang nagpapasakopsa Diyos. Samakatuwid, medyo ligtas at nakasisiguro sila, at hindi posibleng pagtaksilan nila ang Diyos. Bagaman wala silang napakalalim na pagkaunawa sa katotohanan, nagagawa nilang sumunod at magpasakop, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kaya nilang umiwas sa kasamaan. Kapag binigyan sila ng gawain o tungkulin, nagagawa nila itong gawin nang buong puso at isip, at sa abot ng kanilang makakaya. Ang ganitong klase ng tao ay mapagkakatiwalaan, at may kumpiyansa ang Diyos sa kanila—ang mga taong tulad nito ay nabubuhay sa liwanag. Ang mga nabubuhay ba sa liwanag ay nagagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Maikukubli pa rin ba nila ang kanilang mga puso sa Diyos? Mayroon pa ba silang mga lihim na hindi nila masabi sa Diyos? Mayroon pa ba silang anumang itinatagong kahina-hinalang mga panloloko? Wala na. Lubos na nilang binuksan ang kanilang puso sa Diyos, at wala na silang anumang inililihim o itinatago. Kaya nilang magtapat sa Diyos, makipagbahaginan sa Kanya tungkol sa anumang bagay, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng bagay. Wala silang hindi sasabihin sa Diyos at wala silang hindi ipapakita sa Kanya. Kapag naaabot ng mga tao ang pamantayang ito, nagiging madali, malaya at maluwag ang kanilang buhay.
Sipi 37
Ano ang mga pangunahing prinsipyo kung saan nakabatay ang pagganap ng isang tao sa kanyang mga tungkulin? Dapat na kumilos ang isang tao alinsunod sa mga pamantayan, prinsipyo, at kahilingan ng sambahayan ng Diyos, gumawa nang alinsunod sa katotohanan, at gampanan ang sarili niyang mga tungkulin nang maayos buong puso at buong lakas gamit ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at iniingatan ang gawain at ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos bilang mga prinsipyo. Kung ganoon, paano karaniwang kumikilos ang tao para sa kanyang sarili? Ginagawa nila anumang gustuhin nila, inuuna ang mga kapakanan nila sa kanilang mga kilos at pinahahalagahan ang mga iyon nang higit sa lahat. Ginagawa nila ang anumang para sa kanilang sariling kapakanan, kumikilos nang ganap para tugunan ang kanilang mga makasariling makalamang pagnanasa at hindi isinasaalang-alang ni katiting man ang katarungan, konsensiya, at katwiran; walang ganitong mga bagay sa puso nila. Sinusunod lamang nila ang isang satanikong disposisyon at kumikilos alinsunod sa mga kagustuhan ng tao, nagpapakana sa kaliwa’t kanan at nabubuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya. Anong klaseng paraan ng pamumuhay ito? Ito ang paraan ni Satanas para mabuhay. Kapag sumusunod sa Diyos at ginagampanan ng tao ang mga tungkulin niya, dapat siyang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kahit papaano ay magkaroon siya ng konsensiya at katwiran—ito ang pinakamababa. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon, kaya gusto kong maging walang-ingat sa bagay na ito.” Ito ba ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay nang may konsensiya? (Hindi.) Sa mga panahon na gusto mong maging walang-ingat, namamalayan mo ba ito? (Namamalayan namin.) May mga panahon ba na hindi mo ito namamalayan? (Oo, mayroon.) Kung ganoon, nasasaliksik mo ba ang sarili mo at natutuklasan ito pagkatapos ng katunayan? (Medyo.) Pagkatapos mong matuklasan na naging walang-ingat ka, sa susunod na pagkakataon na may katulad kang ideya na maging pabasta-basta, makapaghihimagsik ka ba laban sa mga iyon at malulutas mo ba ang mga iyon? (Kapag may kamalayan ako sa mga ideyang iyon, nagagawa kong maghimagsik laban sa mga iyon kahit papaano.) Tuwing naghihimagsik ka laban sa sarili mong mga pag-aakala at kagustuhan, may labanang mangyayari, at kung ang makasarili mong mga pagnanasa ang nanaig sa dulo ng labanang ito, sadya mong sinalungat ang Diyos at nanganganib ka. Sabihin nating nananampalataya ka na sa Diyos sa loob ng 10 taon, at nakakaraos ka sa unang tatlong taon at medyo masigasig, pero makalipas ang tatlong taon napagtanto mo na kapag nananampalataya ang isang tao sa Diyos, dapat niyang isagawa ang katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at maghimagsik laban sa laman. Pagkatapos, paunti-unti mong nakikita ang sarili mong katiwalian at masamang hangarin at ang sarili mong buktot at mapagmataas na kalikasan, at sa panahong iyon nakilala mo na talaga ang sarili mo—kilala mo na ang sarili mong tiwaling diwa. Nararamdaman mo na ang pagtanggap sa katotohanan ay lubhang kailangan at na mahalagang lutasin ang mga tiwali mong disposisyon, at sa panahon lamang na ito mo naramdaman na talagang nakakaawa ang walang katotohanang realidad. Bagama’t may labanang nangyayari sa puso ng isang tao tuwing nabubunyag ang kanyang katiwalian, sa bawat labanang ito ay hindi niya matalo ang makasarili niyang pagnanasa at kumikilos pa rin siya alinsunod sa sarili niyang kagustuhan. Sa katunayan, alam na alam niya mismo na sa puso niya, ang disposisyon pa rin ni Satanas ang nasusunod, kaya mahirap isagawa ang katotohanan. Pinatutunayan nito na wala siyang anumang katotohanang realidad, at napakahirap masabi kung makakamit ba niya o hindi ang kaligtasan sa huli. Kung talagang gusto mo, kailangan mong isagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo, at kahit na ano pang mga tiwaling disposisyon ang humadlang sa iyo kapag isinasagawa mo ang mga katotohanang ito, dapat ay lagi kang manalangin at magtiwala sa Diyos, hangarin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyon, maglakas-loob na labanan ang mga ito, at maglakas-loob na maghimagsik laban sa iyong laman. Kung may ganito kang klase ng pananampalataya, maisasagawa mo ang katotohanan. Bagama’t paminsan-minsan ay magkakaroon ng mga pagkakataong mabibigo ka, hindi ka panghihinaan ng loob at aasa ka pa rin sa pananalangin sa Diyos at paghingi ng tulong sa Kanya upang mapagtagumpayan si Satanas. Ang pakikipaglaban nang kagaya nito sa loob ng maraming taon, ang mga panahon kung kailan nagwawagi ka laban sa iyong laman at nakapagsasagawa ng katotohanan ay madaragdagan, at ang mga panahon na nabibigo ka ay unti-unting mababawasan, at kahit na mabigo ka paminsan-minsan, hindi ka magiging negatibo at patuloy kang mananalangin at hihingi ng tulong sa Diyos hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Mangangahulugan ito na may pag-asa para sa iyo, na nahawi ang makapal na ulap at nakikita mo na ang asul na kalangitan. Hangga’t may mga pagkakataong nagtatagumpay ka kapag isinasagawa mo ang katotohanan, pinatutunayan nito na ikaw ay isang taong desidido at umaasang magkamit ng kaligtasan. Nakakapasok lamang sa katotohanang realidad ang mga taong naghahangad ng katotohanan pagkatapos nilang dumaan sa maraming kabiguan kapag isinasagawa nila ito. Kahit na ilang beses pang mabigo ang isang tao at kahit na gaano pa siya ka-negatibo, hangga’t nagtitiwala siya at tumitingin sa Diyos, lagi siyang magkakaroon ng mga panahon ng pagtatagumpay. Kahit na ilang beses pa siyang paulit-ulit na mabigo, may pag-asa pa rin para sa kanya hangga’t hindi siya sumusuko. Kapag dumating ang araw na talagang matuklasan niyang siya ay maaaring magsagawa ng katotohanan, kumilos nang alinsunod sa mga prinsipyo, hindi makipagkompromiso kay Satanas sa mga pangunahing bagay—partikular na tungkol sa pagganap ng kanyang mga tungkulin—at hindi bitiwan ang kanyang mga tungkulin habang naninindigan din sa kanyang patotoo, talagang may pag-asang maligtas siya.
Tuwing isinasagawa ninyo ang katotohanan, dadaan kayo sa isang labanan sa inyong kalooban. Mayroon ba sa inyong hindi nakaranas ng anumang labanan habang isinasagawa ninyo ang katotohanan? Wala. Kapag ang isang tao ay nakapasok na sa katotohanang realidad at halos hindi na nagpapakita ng anumang tiwaling disposisyon, saka lamang sila pangunahing hindi nagkakaroon ng malalaking labanan. Pero sa ilang espesyal na pangyayari at partikular na konteksto, bahagya pa rin silang nakikipaglaban. Ibig sabihin, kapag mas naiintindihan ng isang tao ang katotohanan, mas nagiging kaunti ang kanilang pakikipaglaban, at kapag mas kaunti ang pagkaunawa ng tao sa katotohanan, mas marami silang pakikipaglaban. Lalo na sa mga bagong mananampalataya, tiyak na napakatindi ng labanan sa kanilang mga puso tuwing isinasagawa nila ang katotohanan. Bakit matitindi ang mga iyon? Dahil ang mga tao ay hindi lang may sariling kagustuhan at mga makalamang pagpipilian, mayroon din silang mga aktuwal na paghihirap, dagdag pa sa mga tiwaling disposisyong pumipigil sa kanila. Sa bawat aspekto ng katotohanan na nauunawaan mo, dapat kang makipaglaban sa apat na aspektong ito na humahadlang sa iyo, ibig sabihin sa pinakakaunti ay kailangan mong lagpasan itong tatlo o apat na humahadlang na harang bago mo maisagawa ang katotohanan. May ganito ba kayong karanasan ng patuloy na pakikipaglaban sa inyong mga tiwaling disposisyon? Kapag kailangan ninyong isagawa ang katotohanan at protektahan ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, napagtatagumpayan ba ninyo ang pagpigil ng inyong mga tiwaling disposisyon at manindigan sa panig ng katotohanan? Halimbawa, ipinares ka sa isang tao para gawin ang paglilinis sa iglesia, pero lagi nilang ibinabahagi sa mga kapatid na inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pinakadakilang posibleng paraan, at dapat nating pakitunguhan ang mga tao nang may pagmamahal at bigyan sila ng mga pagkakataong makapagsisi. Nabatid mo na may mali sa kanilang pagbabahagi, at bagaman medyo tama naman ang mga salitang sinasabi nila, natuklasan mo dahil sa detalyadong pagsusuri na may tinatago silang mga layunin at mithiin, ayaw nilang masaktan ang sinuman, at ayaw nilang tuparin ang mga pagsasaayos ng gawain. Kapag nagbahaginan sila gaya nito, ang mga taong may mababang tayog at hindi makakilatis ay magugulo nila, walang ingat silang nagpapakita ng pagmamahal sa isang walang prinsipyong pamamaraan, hindi nila pinapansin ang pagiging makilatis sa iba, at hindi nilalantad o inuulat ang mga anticristo, ang masasamang tao at ang mga hindi mananampalataya. Hadlang ito sa gawaing paglilinis ng iglesia. Kung hindi maaalis sa tamang oras ang mga anticristo, masasamang tao, at hindi mananampalataya, maaapektuhan nito ang mga taong hinirang ng Diyos sa kanilang normal na pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at sa kanilang normal na paggampan sa kanilang mga tungkulin, at lalung-lalo pang gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia habang pinipinsala ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Sa panahong gaya nito, paano ka dapat magsagawa? Kapag napansin mo na ang problema, dapat ay manindigan ka at ibunyag ang taong ito; dapat mo silang pigilan at protektahan ang gawain ng iglesia. Maaaring isipin mo: “Magkakasama kami sa gawain. Kung direkta ko silang ilalantad at hindi nila ito tanggapin, hindi ba’t mag-aaway kami? Hindi, hindi ako pwedeng basta magsalita, kailangang maging maingat ako.” Kaya, binigyan mo sila ng simpleng paalala at ilang salita ng payo. Pagkatapos nilang marinig ang sinabi mo, hindi nila ito tinanggap, at mabilis na nagsabi ng mga dahilan para pabulaanan ka. Kung hindi nila ito tatanggapin, daranas ang gawain ng sambahayan ng Diyos ng kawalan. Ano ang dapat mong gawin? Manalangin ka sa Diyos, sabihin na: “O Diyos, pakiusap, isaayos at pangasiwaan Mo ito. Disiplinahin Mo sila—wala akong magagawa.” Iniisip mong hindi mo sila mapipigilan kaya hinayaan mo na lang silang hindi masuri. Responsableng pag-uugali ba ito? Naisasagawa mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo sila mapigil, bakit hindi mo ito iulat sa mga lider at manggagawa? Bakit hindi mo dalhin ang bagay na ito sa isang pagtitipon at hayaan ang lahat na magbahaginan tungkol dito at talakayin ito? Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo ba talaga sisisihin ang sarili mo kalaunan? Kung sasabihin mo, “Hindi ko ito kayang pangasiwaan, kaya hindi ko na lang papansinin. Malinis ang konsensiya ko,” kung gayon anong klaseng puso ang mayroon ka? Isang puso ba ito na tunay na nagmamahal o isa na nakakapinsala sa iba? Ang puso mo ay masama, dahil kapag may nangyari sa iyo, natatakot kang makasakit ng mga tao at hindi ka naninindigan sa mga prinsipyo. Sa totoo lang, alam na alam mo na ang ganitong tao ay may pansariling layon sa pagkilos sa ganitong paraan at hindi ka dapat makinig sa kanila tungkol sa bagay na ito. Subalit, hindi mo magawang sumunod sa mga prinsipyo at pigilan silang ilihis ang iba, at sa huli ay napipinsala nito ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Sisisihin mo ba ang sarili mo pagkatapos nito? (Ako, oo.) Mababawi ba ng paninisi mo sa sarili mo ang mga naging pinsala? Hindi na ito mababawi. Kalaunan, nag-isip-isip kang muli: “Ginawa ko naman ang mga responsabilidad ko, at alam ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Anong klaseng mga salita ito? Mapanlinlang ang mga ito, mga makadiyablong salita na parehong dinaraya ang tao at Diyos. Hindi mo tinupad ang mga responsabilidad mo, at naghahanap ka pa rin ng mga pagdadahilan at palusot para iwasan ang mga ito. Mapanlinlang ito at pagmamatigas. Ang ganito bang tao ay may anumang katapatan sa Diyos? May diwa ba sila ng katuwiran? (Wala.) Ito ang taong hindi tumatanggap ni katiting man na katotohanan, isang taong kauri ni Satanas. Kapag may nangyayari sa iyo, namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Palagi kang natatakot na masaktan ang kalooban ng iba, pero hindi ka natatakot na magkasala sa Diyos, at isasakripisyo mo pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang iyong mga ugnayan sa mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos sa ganitong paraan? Mapoprotektahan mo nga nang mabuti ang iyong mga ugnayan sa mga tao, ngunit magkakasala ka naman sa Diyos, at itataboy ka Niya, at magagalit Siya sa iyo. Alin ang mas mabuti sa panimbang? Kung hindi mo masabi kung alin, naguguluhan ka nang husto; pinatutunayan nito na wala ka ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Kung magpapatuloy ka nang ganyan nang hindi kailanman natatauhan, at kung hindi mo talaga makakamit ang katotohanan sa huli, ikaw ang siyang dadanas ng kawalan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan sa bagay na ito, at mabigo ka, magagawa mo bang hanapin ang katotohanan sa hinaharap? Kung hindi mo pa rin magagawa, hindi na ito magiging usapin ng pagdanas ng kawalan—matitiwalag ka na sa huli. Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananampalataya at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananampalataya o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananampalataya sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman. Dapat maging malinaw sa iyo na ang pagtatamo ng katotohanan ay isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, paano mo matatamo ang katotohanan? Kung naisasagawa mo ang katotohanan, kung nakakapamuhay ka ayon sa katotohanan, at ang katotohanan ang nagiging batayan ng iyong buhay, makakamit mo ang katotohanan at magkakaroon ka ng buhay, at sa gayon ay magiging isa ka sa mga maliligtas.
Sipi 38
Anong nangyayari, kapag ang ilang tao ay masyadong nagkukulang sa propesyonal na kaalaman para gampanan ang kanilang mga tungkulin, at napakahirap para sa kanila na matuto ng anuman? Ito ay dahil mababa ang kanilang kakayahan. Hindi abot-kamay ang katotohanan para sa mga taong masyadong mababa ang kakayahan, at hindi sila madaling natututo. Karamihan sa kanila ay may nakamamatay na mga pagkukulang; hindi lang sila walang konsensiya o katwiran, wala pang puwang sa puso nila ang Diyos. Walang buhay at malamlam ang kanilang mga mata at tulala sila, tulad ng mga hayop. Ang alam lang nila ay kumain, uminom, at magsaya, at hindi sila nag-aaral o nagtataglay ng anumang mga kasanayan. Mababaw lang nilang pinag-aaralan ang mga bagay-bagay, at iniisip nilang nakauunawa sila gayong maliit na bahagi lang ang kanilang nauunawaan. Kapag sinusubukan ng iba na magpaliwanag pa, tumatanggi silang makinig, sa paniniwalang hindi ito kinakailangan. Hindi nila pinakikinggan o tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba, at bilang resulta, wala silang anumang naisasakatuparan at talagang walang silbi. Mismong ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay nakamamatay. Kung ang isang tao ay mayroon pang masamang disposisyon, walang moralidad, hindi nakikinig sa payo, hindi tumatanggap ng mga positibong bagay, at ayaw matuto at yumakap ng mga bagong bagay, walang silbi ang gayong tao! Iyong mga tumutupad ng kanilang mga tungkulin ay dapat na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, nalalaman ang sarili nilang kakayanan at sarili nilang mga pagkukulang, at nauunawaan kung ano ang wala sa kanila at kailangan nilang paghusayin. Dapat ay palagi nilang nararamdaman na napakalaki ng kanilang pagkukulang, at na kung hindi sila mag-aaral at tatanggap ng mga bagong bagay ay maaari silang itiwalag. Kung may nararamdaman silang paparating na krisis sa kanilang puso, binibigyan sila nito ng motibasyon at kagustuhang matuto ng mga bagay-bagay. Sa isang aspekto, dapat sangkapan ng isang tao ang kanyang sarili ng mga katotohanan, at sa isa pang aspekto, dapat siyang magkaroon ng propesyonal na kaalaman na may kaugnayan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, maaari siyang umunlad, at magbubunga ng magagandang resulta ang pagganap niya ng kanyang mga tungkulin. Tanging sa maayos na paggawa ng isang tao ng kanyang mga tungkulin at pagsasabuhay sa wangis ng tao na magkakaroon ng halaga ang kanyang buhay, kaya’t ang pagganap niya ng kanyang mga tungkulin ang pinakamakabuluhang bagay. May masamang disposisyon ang ilang tao, at hindi lang sila mangmang, kundi mayabang pa. Palagi nilang iniisip na ang paghahangad sa lahat ng bagay at palaging pakikinig sa iba ay magdudulot na maliitin sila ng iba, at magbibigay sa kanila ng kahihiyan, at na ang pag-asal ng isang tao sa ganitong paraan ay walang dignidad. Ang totoo, kabaligtaran ito. Ang pagiging mayabang at mapagmagaling, ang hindi pagkatuto ng anuman, ang pagiging huli at napaglipasan na ng panahon sa lahat ng bagay, at ang kawalan ng kaalaman, kabatiran, at mga ideya ang tunay na nakahihiya, at dito nawawalan ng integridad at dignidad ang isang tao. May ilang tao na walang anumang nagagawa nang maayos, may mababaw na pagkaunawa sa lahat ng kanilang natututuhan, nasisiyahan na sa pagkaunawa sa iilang doktrina lang, at iniisip nang mahusay sila. Subalit wala pa rin silang maisakatuparang anuman, at wala silang mga kongkretong resulta. Kung sasabihin mo sa kanilang wala silang nauunawaang anuman at walang naisasakatuparan, hindi sila nagiging kumbinsido at paulit-ulit nilang ipinaglalaban ang kanilang punto. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, hindi nila ginagawa ang mga ito nang maayos, at hindi pinag-iisipang mabuti. Hindi ba walang silbi ang isang tao kung hindi niya kayang tuparin nang maayos ang anumang gawain? Hindi ba’t isa siyang walang kwentang tao? Ang mga tao na napakabababa ang kakayahan ay hindi kayang tuparin ang kahit mga pinakasimpleng gawain. Mga wala silang kwenta at walang halaga ang buhay nila. Sinasabi ng ilang tao, “Lumaki ako sa kanayunan, walang edukasyon o kaalaman, at mababa ang aking kakayahan, hindi tulad ninyong mga taong nakatira sa lungsod, at may pinag-aralan at maalam, kaya’t kaya ninyong maging mahusay sa lahat ng bagay.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Anong mali rito? (Walang kinalaman ang kapaligiran ng isang tao sa kung makapagkakamit ba siya ng mga bagay-bagay; pangunahin itong nakasalalay sa kung nagsisikap ba ang isang tao na matuto at paghusayin ang kanyang sarili.) Kung papaano tinatrato ng Diyos ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung gaano sila kaedukado, o kung anong uri ng kapaligiran sila ipinanganak, o kung gaano sila katalentado. Sa halip, tinatrato Niya ang mga tao batay sa kanilang saloobin sa katotohanan. Saan nauugnay ang saloobing ito? Nauugnay ito sa kanilang pagkatao, at pati na rin sa kanilang mga disposisyon. Kung nananalig ka sa Diyos, dapat ay kaya mong harapin nang tama ang katotohanan. Kung may saloobin ka ng pagpapakumbaba at pagtanggap sa katotohanan, kahit na medyo mababa ang iyong kakayahan, bibigyang-liwanag ka pa rin ng Diyos at hahayaan kang makamit ang isang bagay. Kung mahusay ang iyong kakayahan ngunit lagi kang mayabang at nag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba, na palagi mong iniisip na anuman ang sabihin mo ay tama at anumang sabihin ng iba ay mali, tinatanggihan ang anumang mga mungkahing ipinapanukala ng iba, at hindi pa nga tinatanggap ang katotohanan, paano man ito ibinabahagi, at lagi mo itong nilalabanan, makakamit ba ng taong katulad mo ang pagsang-ayon ng Diyos? Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa taong katulad mo? Hindi. Sasabihin ng Diyos na mayroon kang masamang disposisyon at hindi karapat-dapat na tumanggap ng Kanyang kaliwanagan, at kung hindi ka magsisisi, babawiin pa Niya ang dating mayroon ka. Ganito kung paano malantad. Kaawa-awa ang pamumuhay ng ganitong mga tao. Malinaw na wala silang kuwenta, at walang kasanayan sa lahat ng bagay, ngunit iniisip pa rin nilang mahusay sila, at mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng aspekto. Hindi nila kailanman tinatalakay ang kanilang mga kapintasan o kakulangan sa harapan ng iba, ni ang kanilang mga kahinaan at pagiging negatibo. Lagi silang nagkukunwaring may kakayahan at binibigyan ang iba ng maling impresyon, ipinapaisip sa iba na may kasanayan sila sa lahat ng bagay, walang mga kahinaan, hindi nangangailangan ng anumang tulong, hindi kailangang makinig sa opinyon ng iba, at hindi kailangang matuto mula sa mga kalakasan ng iba upang mapunan ang sarili nilang kakulangan, at na palagi silang magiging mahusay kaysa sa iba. Anong uri ng disposisyon ito? (Kayabangan.) Anong kayabangan. Ang mga taong tulad nito ay namumuhay nang kalunos-lunos! May kakayahan ba talaga sila? Kaya ba talaga nilang magsakatuparan ng mga bagay-bagay? Marami silang naging pagkakamali noong nakaraan, subalit iniisip pa rin ng mga taong tulad nito na kaya nilang gawin ang anumang bagay. Hindi ba’t masyado iyong wala sa katwiran? Kapag ganyan katindi ang kawalang katwiran ng mga tao, sila ay mga taong magugulo ang pag-iisip. Hindi natututo ng mga bagong bagay o tumatanggap ng mga bagong bagay ang gayong mga tao. Sa kalooban nila, sila ay tuyot, makikitid ang pag-iisip, at dukha, at anuman ang sitwasyon, nabibigo silang mabatid at maarok ang mga prinsipyo o maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at ang alam lang nila ay ang sumunod sa mga patakaran, magsabi ng mga salita at doktrina, at magpasikat sa harap ng iba. Ang kinahihinatnan ay na wala silang pagkaunawa sa anumang katotohanan at wala ni katiting na katotohanang realidad, subalit nananatili silang napakayabang. Sila talaga ay mga taong may magugulong pag-iisip, at lubos na hindi tinatablan ng katwiran, at nararapat lang silang itiwalag.
Kapag nakikipagtulungan kayo sa iba upang gampanan ang inyong mga tungkulin, nagagawa ba ninyong maging bukas sa magkakaibang opinyon? Nahahayaan ba ninyong magsalita ang ibang mga tao? (Oo, medyo. Dati-rati, sa maraming pagkakataon ay hindi ako nakikinig sa mga mungkahi ng mga kapatid at iginigiit kong gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Kalaunan, nang napatunayan ng mga totoong pangyayari na mali ako, saka ko lamang nakita na karamihan sa kanilang mga mungkahi ay tama, na ang resolusyong pinagtalakayan ng lahat ang talagang angkop, at na sa pag-asa sa sarili kong mga pananaw, hindi ko malinaw na nakita ang mga bagay-bagay at na may mga kakulangan ako. Matapos itong maranasan, natanto ko kung gaano kahalaga ang pagtutulungan nang maayos.) At ano ang maaari mong makita mula rito? Matapos itong maranasan, nakinabang ba kayo nang kaunti, at naunawaan ba ninyo ang katotohanan? Palagay niyo ba may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong tanggapin ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kanila. Kung naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspektong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos. Kung lagi mong iniisip na talagang mahusay ka at mas malala ang iba kung ikukumpara sa iyo, at kung lagi mong nais na ikaw ang siyang may huling salita, kung gayon, magiging suliranin ito. Isang problema ito sa disposisyon. Hindi ba’t mayayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ang gayong mga tao? Guni-gunihin mo na may isang taong nagbigay sa iyo ng magandang payo, subalit iniisip mong kung tatanggapin mo ito ay maaaring maliitin ka niya, at isiping hindi ka kasinggaling niya. Kaya, nagpasya ka na lang na hindi makinig sa kanya. Sa halip, sinubukan mong sapawan siya gamit ang matatayog at magagarbong salita para mapataas ang tingin niya sa iyo. Kung palagi kang nakikisalamuha sa mga tao sa ganitong paraan, magagawa mo bang makipagtulungan sa kanila nang maayos? Hindi ka lang mabibigong makamit ang pagkakasundo, magkakaroon pa ng mga negatibong kahihinatnan. Pagtagal, ang magiging tingin sa iyo ng lahat ay na masyado kang mapanlinlang at tuso, isang taong hindi nila maunawaan. Hindi ka nagsasagawa ng katotohanan, at hindi ka matapat na tao, kaya’t ayaw sa iyo ng ibang tao. Kung ayaw sa iyo ng lahat ng tao, hindi ba’t nangangahulugan itong tinatanggihan ka? Sabihin mo sa Akin, paano tatratuhin ng Diyos ang isang taong tinatanggihan ng lahat? Kamumuhian din ng Diyos ang gayong tao. Bakit kinamumuhian ng Diyos ang mga taong tulad nito? Bagaman tunay ang mga layunin nila sa pagganap ng kanilang tungkulin, ang mga kaparaanan nila ay iyong kinapopootan ng Diyos. Ang disposisyong ipinapakita nila at ang kanilang bawat iniisip, ideya, at layunin ay buktot sa mga mata ng Diyos, at mga bagay na kinamumuhian ng Diyos at nakapandidiri sa Kanya. Kapag palaging gumagamit ang mga tao ng mga kasuklam-suklam na taktika sa kanilang mga salita at pagkilos, na may layong pataasin ang tingin ng iba sa kanila, kinamumuhian ng Diyos ang pag-uugaling ito.
Kapag ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila o ang anumang gawain sa harap ng Diyos, dapat na dalisay ang kanilang puso: Dapat na tila isang mangkok ito ng sariwang tubig—napakalinaw at walang karumihan. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang tama? Anuman ang iyong ginagawa, nagagawa mong ibahagi sa iba kung anuman ang nasa iyong puso, anuman ang mga ideya na maaaring mayroon ka. Kung may magsabing hindi gagana ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, at magmungkahi siya ng iba pang ideya, at sa tingin mo ay isa itong magandang ideya, isuko mo ang sarili mong paraan, at gawin mo ang mga bagay-bagay ayon sa iniisip niya. Sa paggawa nito, makikita ng lahat na kaya mong tumanggap ng mga mungkahi ng iba, pumili ng tamang landas, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at nang hayagan at malinaw. Walang kadiliman sa iyong puso, at kumikilos at nagsasalita ka nang taos-puso, umaasa sa isang saloobin ng katapatan. Sinasabi mo ang katotohanan nang diretsahan. Kung ano ang isang bagay, iyon ang sinasabi mo. Walang mga pandaraya, walang mga lihim, isang napakalantad na tao lamang. Hindi ba’t isa iyang uri ng saloobin? Isa itong saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at kumakatawan ito sa disposisyon ng isang tao. Sa kabilang banda, maaaring may isang taong hindi kailanman nagiging bukas at nagpaparating sa iba ng kung ano ang kanyang iniisip. At sa lahat ng kanyang ginagawa, hindi siya kailanman sumasangguni sa iba, sa halip ay pinananatili niyang sarado ang kanyang puso sa iba, na tila parati siyang nakabantay laban sa iba sa bawat pagkakataon. Mahigpit niyang ikinukubli ang kanyang sarili hanggat maaari. Hindi ba’t ito ay isang taong mapanlinlang? Halimbawa, may ideya siya na sa tingin niya ay napakahusay, at iniisip niya na, “Sasarilinin ko muna ito sa ngayon. Kung ibabahagi ko ito, baka gamitin ninyo ito at nakawin ninyo ang karangalang para sa akin, at hindi iyon maaari. Magpipigil ako.” O kung mayroong isang bagay siyang hindi lubos na nauunawaan, iisipin niyang: “Hindi ako magsasalita sa ngayon. Kung magsasalita ako, at may sinumang magsasabi ng isang mas mahalagang bagay, hindi ba’t magmumukha akong hangal? Malalantad ako sa lahat, makikita nila ang kahinaan ko rito. Hindi ako dapat magsalita ng anuman.” Anuman ang mga konsiderasyon, anuman ang pinagbabatayang motibo, natatakot siyang malantad sa lahat. Palagi niyang hinaharap ang sarili niyang tungkulin at ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay nang may ganitong uri ng perspektiba at saloobin. Anong uri ito ng disposisyon? Isang baliko, mapanlinlang, at buktot na disposisyon. Sa panlabas, tila sinabi na niya sa iba ang lahat ng sa akala niya ay kaya niyang sabihin, subalit sa likod nito, itinatago niya ang ilang bagay. Ano ang itinatago niya? Hindi siya kailanman nagsasabi ng mga bagay na may kinalaman sa kanyang reputasyon at mga interes—iniisip niyang pribado ang mga bagay na ito at hindi niya kailanman binabanggit ang tungkol sa mga ito kaninuman, kahit pa sa kanyang mga magulang. Hindi niya kailanman sinasabi ang mga bagay na ito. Problema ito! Sa palagay mo ba, kung hindi mo sasabihin ang mga bagay na ito ay hindi ito malalaman ng Diyos? Sinasabi ng mga tao na alam ng Diyos, subalit makatitiyak ba sila sa puso nila na alam nga ng Diyos? Hindi kailanman natatanto ng mga tao na “Alam ng Diyos ang lahat; iyong iniisip ko sa aking puso, kahit na hindi ko pa ito ibinubunyag, palihim na sinisiyasat iyon ng Diyos, ganap na alam iyon ng Diyos. Wala akong anumang maitatago sa Diyos, kaya’t dapat ko itong sabihin, dapat akong hayagang makipagbahaginan sa aking mga kapatid. Maganda man o hindi ang aking mga kaisipan at ideya, dapat kong sabihin ang mga ito nang tapat. Hindi ako maaaring maging baliko, mapanlinlang, makasarili, o kasuklam-suklam—dapat akong maging isang matapat na tao.” Kung kakayanin ng mga tao na mag-isip nang ganito, ito ang tamang saloobin. Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. Kaya, kapag kumikilos sila, lagi silang may reserbasyon, lagi nilang sinusubukang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, inuuna nila ang mga ito, nagsasalita lamang para sa kanilang sariling kapakinabangan, upang huwad na ipagtanggol ang kanilang sarili. Lahat ng ginagawa nila ay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Kapag lumitaw ang kamera, halimbawa, hindi magkamayaw sa pagpunta sa harapan ang mga tao; gusto nilang nakikita ang kanilang mukha sa kamera, mas matagal na makuhanan, mas mabuti; takot silang hindi makuhanang mabuti, at magsasakripisyo nang husto para sa pagkakataong makuha ito. At hindi ba ito kontrolado lahat ng kanilang mga satanikong disposisyon? Ito ang mga sataniko nilang disposisyon. Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong-lalo na kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin.
Sipi 39
Ang ilang tao ay hindi umaasal nang maayos pagdating sa kanilang mga tungkulin. Sa halip, lagi silang naghahanap ng mga bagong bagay upang mamukod-tangi sila at nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya. Mabuting bagay ba ito? Magagawa kaya nilang makipagtulungan nang maayos sa iba? (Hindi.) Kung ang isang tao ay nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga pananaw, anong uri ng disposisyon iyan? (Kayabangan at pagmamatuwid sa sarili.) Ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili. Ano ang kalikasan ng kanyang mga kilos? (Hinahangad niyang makapagsarili, maiwagayway ang sarili niyang bandila, at maitayo ang kanyang sariling pangkat.) Ang pagtatayo ng sarili niyang pangkat ay nangangahulugang pagpapasunod sa kanya ng ibang mga tao at hindi pag-aasikaso sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanyang intensiyon at layunin ay ang makapagsarili at maiwagayway ang sarili niyang bandila, kaya’t may pahiwatig ng panggugulo sa kaayusan ng mga bagay ang kanyang mga pagkilos. Anong ibig sabihin ng panggugulo sa kaayusan ng mga bagay? Nangangahulugan ito ng pagdudulot ng pagkawasak, likas dito ang paggambala at panggugulo. Kadalasan, ang karamihan ng mga problema ay malulutas sa pamamagitan ng sama-samang pagbabahaginan at mga talakayan, na ang karamihan ng mga desisyong nagawa ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kapwa wasto at tiyak. Gayunman, pilit na nilalabanan ng ilang tao ang napagkaisahang ito; hindi lamang nila iniiwasang hanapin ang katotohanan, binabalewala pa nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagpapahayag sila ng mga kakatwang teorya upang mapansin sila at hangaan ng iba. Nais nilang salungatin ang mga tamang desisyong nagawa na, at pabulaanan ang mga napili na ng lahat. Ito ang ibig sabihin ng guluhin ang kaayusan ng mga bagay at magdulot ng pagkawasak, ang lumikha ng mga pagkagambala at kaguluhan. Ito ang diwa ng pagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya. Ano ngayon ang isyu sa ganitong uri ng pag-uugali? Una, naghahayag ang mga ito ng isang tiwaling disposisyon, at ganap na kawalan ng pagpapasakop. Dagdag pa rito, laging ibig ng mga sutil na taong ito na mamukod-tangi at hangaan ng iba, at bunga nito, ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia. Kung wala ang katotohanan, wala silang kakayahang maunawaan ang mga bagay, ngunit patuloy silang nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya upang makapagpasikat, nang walang bahid man lang ng paghahanap sa katotohanan. Hindi ba’t ito ay pagiging arbitraryo at walang ingat? Upang mahusay na matupad ang mga tungkulin ng isang tao, napakahalagang matuto na makipagtulungan sa ibang tao. Ang isang talakayan sa pagitan ng dalawang tao ay laging nagbubunga ng mas komprehensibo at tumpak na perspektiba kaysa sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay. Kung laging gusto ng isang tao na kumilos sa isang di-kompormistang paraan o palagi siyang naghahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya upang mapasunod niya ang iba, ito ay mapanganib, ito ay pagtahak sa sariling landas. Dapat talakayin ng isang tao sa iba ang lahat ng ginagawa niya. Pakinggan muna ang sasabihin ng lahat. Kung ang pananaw ng nakararami ay tama at naaayon sa katotohanan, dapat mo itong tanggapin at sundin. Anuman ang ginagawa mo, huwag kang magsabi ng matatayog pakinggan na mga pananaw. Kailanman, ang paggawa nito ay hindi isang mabuting bagay, saanmang grupo ng mga tao. Kapag nangaral ka ng isang matayog pakinggan na ideya, kung ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at may pagsang-ayon ng nakararami, maaari itong ituring na katanggap-tanggap. Gayunman, kung sinasalungat nito ang mga katotohanang prinsipyo at nakasisira ito sa gawain ng iglesia, dapat mong panagutan ito at harapin ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagkilos. Dagdag dito, ang paghahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya ay isang usaping disposisyonal. Pinatutunayan nito na hindi mo taglay ang katotohanang realidad, at na sa halip ay nabubuhay ka batay sa iyong tiwaling disposisyon. Kapag nagpapahayag ka ng matatayog pakinggan na mga pananaw, sinusubukan mong pamunuan ang iba, na ikaw ang masunod, at sinusubukan mo ring iwagayway ang sarili mong bandila, at itatag ang sarili mong nasasakupan; nais mong pakinggan ka, sundan ka, at sundin ka ng lahat ng hinirang ng Diyos. Ito ay pagtahak sa landas ng isang anticristo. Natitiyak mo bang magagabayan mo ang mga hinirang ng Diyos upang makapasok sila sa mga katotohanang realidad? Magagabayan mo ba sila patungo sa kaharian ng Diyos? Ikaw mismo ay hindi nagtataglay ng katotohanan, at kaya mong gumawa ng mga bagay upang labanan at ipagkanulo ang Diyos—kung ibig mo pa ring pangunahan ang mga taong hinirang ng Diyos patungo sa landas na ito, hindi ba’t ikaw ay naging isa nang pangunahing makasalanan? Naging pangunahing makasalanan si Pablo at patuloy niyang tinitiis ang parusa ng Diyos. Kung tinatahak mo ang landas ng isang anticristo, tinatahak mo ang landas ni Pablo, at ang iyong pangwakas na kahihinatnan at katapusan ay hindi magiging iba sa kanya. Samakatuwid, ang mga nananalig at sumusunod sa Diyos ay hindi dapat magpahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya. Sa halip, dapat nilang matutuhang hanapin ang katotohanan, tanggapin ito, at magpasakop kapwa sa katotohanan at sa Diyos. Tanging sa paggawa nito nila matitiyak na hindi sila tumatahak sa sarili nilang daan, at na masusundan nila ang Diyos nang hindi lumilihis sa alinmang direksiyon. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na maayos na magtulungan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ito ay makabuluhan, at ito rin ang wastong landas ng pagsasagawa. Sa iglesia, posibleng dumapo ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu sa sinumang nakauunawa sa katotohanan at ang may kakayahang makaarok. Dapat mong sunggaban ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, mahigpit itong sundin at malapit na makipagtulungan dito. Sa paggawa nito, tatahak ka sa pinakatamang landas; ito ang landas na ginagabayan ng Banal na Espiritu. Bigyan mo ng espesyal na pansin kung paano gumagawa at gumagabay ang Banal na Espiritu sa mga ginagawaan Niya. Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. Dapat kang gumawa ng tamang pagpapasya batay sa iniisip ng karamihan, at saka ka magpasya. Kung ang mga mungkahi ng karamihan ay hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong panghawakan ang katotohanan. Ito lamang ang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung lagi kang nagpapahayag ng matatayog pakinggan na mga pananaw, sinusubukang magpaliwanag ng ilang sopistikadong teorya upang mapabilib ang ibang tao, at, sa katunayan, nararamdaman mo sa iyong kalooban na ito ay mali, huwag mong pilitin ang sarili mong maging kapansin-pansin. Ito ba ang tungkuling dapat mong gampanan? Ano ang iyong tungkulin? (Ang gawin ang lahat ng aking makakaya upang magampanan ko ang tungkuling dapat kong gampanan, at magsalita lamang ng tungkol sa aking nauunawaan. Kung wala akong sariling opinyon, dapat akong matutong mas makinig sa mga mungkahi ng iba, kumilatis nang may karunungan, at maabot ang punto na maayos akong makakapagtulungan sa lahat.) Kung walang anumang malinaw sa iyo at wala kang opinyon, matutong makinig at sumunod, at na hanapin ang katotohanan. Ito ang tungkuling dapat mong gampanan; ito ay isang maayos na saloobin. Kung wala kang sariling opinyon at palagi kang natatakot na magmukhang hangal, na hindi mamukod-tangi, at na mapahiya—kung natatakot kang hamakin ng iba at hindi magkaroon ng puwang sa kanilang puso, kung kaya’t palagi kang nagsisikap na mamukod-tangi at palagi mong gustong magpahayag ng matatayog pakinggan na mga ideya, nagsusulong ng mga kakatwang pahayag na hindi tumutugma sa realidad, na gusto mong tanggapin ng iba—ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? (Hindi.) Ano ang ginagawa mo? Ikaw ay nagiging mapanira. Kapag may napansin kayong laging kumikilos sa ganitong paraan, dapat kayong magtakda ng mga limitasyon sa kanila. At paano dapat itakda ang mga hangganan? Hindi ninyo kailangang ganap na patahimikin sila o pigilin ang anumang oportunidad na makapagsalita sila. Maaari ninyo silang hayaang makipagbahaginan, at hindi sila dapat ibukod, ngunit ang lahat ng nakapaligid sa kanila ay dapat magkaroon ng pagkilatis. Ito ang prinsipyo. Halimbawa, kung may sinumang magpahayag ng maling pananaw na ganap na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ineendorso at sinasang-ayunan ng nakararami ang taong ito, ngunit may ilang taong may kaunting pagkilatis na nakakapansin na ang pananaw ng taong iyon ay nahahaluan ng ninanais nito, at ng mga ambisyon at ninanasa nito, dapat na ilantad ng mga indibidwal na ito ang taong iyon, at magawa itong makapagnilay sa sarili nito at makilala ang sarili nito. Ito ang tamang gawin. Kung walang gumagamit ng pagkilatis o nagpapahayag ng kanilang opinyon, at ang lahat ay kumikilos lang bilang mga mapagpalugod ng tao, hindi maiiwasan na magkakaroon ng mga taong sisipsip, mag-eendorso at susuporta sa taong iyon, na gagatong sa mga ambisyon at ninanasa ng taong iyon. Pagkatapos, magsisimulang totoong magtamo ng kapangyarihan sa iglesia ang taong iyon. Dito na ito magiging mapanganib, dahil maaari siyang makianib sa mga sumusuporta sa kanya, hanggang maging sarili nilang puwersa, na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, nakatapak na sila sa landas ng mga anticristo. Kapag naagaw na nila ang kontrol ng iglesia, sila ay magiging anticristo at magsisimula silang magtatag ng kanilang nagsasariling kaharian.
Sipi 40
Kapag may mga bagay na nangyayari, dapat mas lalong sama-samang manalangin ang lahat at magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Hinding-hindi dapat umasa ang mga tao sa sarili nilang mga ideya para kumilos nang pabasta-basta. Hangga’t nagkakaisa sa isip at puso ang mga tao sa pananalangin sa Diyos at sa paghahanap ng katotohanan, matatamo nila ang kaliwanagan at pagtanglaw ng gawain ng Banal na Espiritu, at magagawa nilang matamo ang mga pagpapala ng Diyos. Ano nga ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20).) Anong isyu ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na hindi maaaring humiwalay ang tao sa Diyos, na dapat umasa ang tao sa Diyos, na hindi kaya ng tao nang mag-isa, at na ang pagsunod sa kung ano ang gusto mo ay hindi katanggap-tanggap. Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi nating hindi kaya ng tao nang mag-isa? Ibig sabihin nito ay dapat magtulungan nang maayos ang mga tao, gawin ang mga bagay-bagay nang nagkakaisa ang puso at isip, at magkaroon kayo ng iisang layunin. Wika nga nila, “Hindi mababali ang isang bigkis ng mga patpat.” Kaya paano kayo magiging gaya ng isang bigkis ng mga patpat? Dapat ay magtulungan kayo nang maayos, magkasundo kayo, at kung magkagayon, gagawa ang Banal na Espiritu. Kung ang bawat tao ay nagtatago ng kanya-kanyang mga sekreto, nag-iisip ng sarili niyang interes, at walang sinumang nagiging responsable para sa gawain ng iglesia, walang gustong makibahagi, walang gustong manguna, magsikap o magdusa at magbayad ng kabayaran para dito, gagawin kaya ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain? (Hindi). Bakit hindi? Kapag ang mga tao ay namumuhay sa isang maling kalagayan, at hindi nagdarasal sa Diyos o naghahanap ng katotohanan, tatalikdan sila ng Banal na Espiritu, at hindi paroroon ang Diyos. Paanong tataglayin ng mga hindi naghahanap ng katotohanan ang gawain ng Banal na Espiritu? Nasusuklam sa kanila ang Diyos, kaya nakatago sa kanila ang Kanyang mukha, at nakatago sa kanila ang Banal na Espiritu. Kapag hindi na gumagawa ang Diyos, magagawa mo na ang gusto mo. Kapag isinantabi ka na Niya, hindi ba’t katapusan mo na? Wala ka nang makakamit pa. Bakit hirap na hirap ang mga walang pananampalataya na gumawa ng mga bagay-bagay? Hindi ba’t dahil sinusunod nila ang sarili nilang payo? Sinusunod nila ang sarili nilang payo, at wala silang maisagawang anuman—lahat ay lubhang mabigat gawin, kahit ang pinakasimpleng bagay. Ito ang buhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ginagawa ninyo ang ginagawa ng mga walang pananampalataya, paano kayo naiiba sa kanila? Walang anumang kaibahan. Kung ang kapangyarihan sa iglesia ay hawak ng mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan, kung ito ay hawak ng mga taong puno ng mga satanikong disposisyon, hindi ba’t si Satanas talaga ang may hawak ng kapangyarihan? Kung ang mga pagkilos ng mga tao na may kapangyarihan sa iglesia ay lahat salungat sa katotohanan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hihinto, at ipagkakaloob sila ng Diyos kay Satanas. Kapag napasakamay na sila ni Satanas, lahat ng uri ng kapangitan—halimbawa, mga pagseselos at alitan—ay susulpot sa pagitan ng mga tao. Ano ang inilalarawan ng mga sitwasyon na ito? Na ang gawain ng Banal na Espiritu ay huminto na, na lumisan na Siya at ang Diyos ay hindi na kumikilos. Kung wala ang gawain ng Diyos, ano pa ang silbi ng mga salita at doktrina lang na naiintindihan ng tao? Walang silbi ang mga ito. Kapag wala na sa isang tao ang gawain ng Banal na Espiritu, magiging hungkag ang kanyang kalooban, wala na siyang anumang mararamdaman, para na siyang patay, at sa puntong ito, tulala na siya. Lahat ng inspirasyon, karunungan, katalinuhan, kaunawaan at kaliwanagan na nasa sangkatauhan ay galing sa Diyos; gawa lahat ito ng Diyos. Kapag ang isang tao ay naghahanap ng katotohanan tungkol sa isang bagay, kaagad itong nauunawaan at nagkakaroon ng landas, saan nanggagaling ang pagtanglaw na ito? Galing ang lahat ng ito sa Diyos. Kagaya lang ng kapag ang mga tao ay nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, wala silang pagkaunawa sa simula ngunit sa kanilang pagbabahaginan, sila ay natatanglawan at nagagawa na nilang magsalita tungkol sa ilang nauunawaan nila. Ito ang kaliwanagan at gawain ng Banal na Espiritu. Kailan kadalasan gumagawa ang Banal na Espiritu? Ito ay kapag ang mga hinirang ng Diyos ay nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, kapag ang mga tao ay nananalangin sa Diyos, at kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang may nagkakaisang puso at isipan. Ito ang mga sandali kung kailan ang puso ng Diyos ay pinakanasisiyahan. Kaya marami man o kakaunti lang kayo na magkakasamang gumagampan sa inyong tungkulin, anuman ang mga kalagayan, at kahit kailan man, huwag ninyong kalimutan ang isang bagay na ito—ang pagiging nagkakaisa. Sa pamumuhay sa ganitong kalagayan, mapapasainyo ang gawain ng Banal na Espiritu.
Sipi 41
Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng naghahangad sa katotohanan ay nagkakaisa sa harap ng Diyos, hindi watak-watak. Pinagsisikapan nilang lahat ang iisang layunin: ang tuparin ang kanilang tungkulin, gawin ang gawaing itinatalaga sa kanila, kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gawin ang hinihingi ng Diyos, at matugunan ang Kanyang mga layunin. Kung ang iyong layunin ay hindi para dito, kundi para sa sarili mong kapakanan, para mapalugod ang mga makasarili mong ninanasa, iyan ay pagbubunyag ng isang tiwali at satanikong disposisyon. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga tungkulin ay ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga kilos ng mga walang pananampalataya ay pinamamahalaan ng kanilang mga satanikong disposisyon. Ito ay dalawang landas na labis na magkaiba. Ang mga walang pananampalataya ay sinusunod ang sarili nilang payo, ang bawat isa ay may sarili niyang mga layunin at plano, ang lahat ay nabubuhay para sa sarili nilang mga interes. Ito ang dahilan kung bakit nag-aagawan silang lahat para sa sarili nilang kapakanan at ayaw nilang isuko ang kahit kapiraso ng kanilang pakinabang. Nahahati sila, hindi nagkakaisa, dahil hindi iisa ang kanilang layunin. Magkatulad ang intensiyon at kalikasang nasa likod ng kanilang ginagawa. Lahat sila ay para sa kanilang sarili lamang ang ginagawa. Walang katotohanang naghahari sa ganyan; ang naghahari at namumuno sa ganyan ay isang tiwali at satanikong disposisyon. Kinokontrol sila ng kanilang tiwali at satanikong disposisyon at hindi nila matulungan ang sarili nila, kaya’t lumulubog sila nang lumulubog sa kasalanan. Sa sambahayan ng Diyos, kung ang mga prinsipyo, pamamaraan, motibasyon, at panimulang punto ng inyong mga kilos ay hindi naiiba sa mga walang pananampalataya, kung kayo ay pinaglaruan, kinontrol, at minanipula rin ng isang tiwali at satanikong disposisyon, at kung ang panimulang punto ng inyong mga kilos ay ang sarili ninyong mga interes, reputasyon, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan, ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin ay hindi maiiba sa paraan kung paano ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay. Kung hinahangad ninyo ang katotohanan, dapat ninyong baguhin ang paraan ninyo ng paggawa sa mga bagay-bagay. Dapat ninyong talikuran ang inyong mga pansariling interes at ang inyong mga personal na intensiyon at ninanasa. Dapat muna kayong sama-samang magbahaginan tungkol sa katotohanan kapag gumagawa kayo ng mga bagay-bagay, at dapat maunawaan ninyo ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos bago ninyo paghatian ang gawain, nang binibigyang-pansin kung sino ang magaling at hindi sa kung ano. Dapat ninyong tanggapin ang kaya ninyong gawin at pangatawanan ang inyong tungkulin. Huwag kayong maglaban o mag-agawan sa mga bagay-bagay. Dapat kayong matutong makipagkompromiso at maging mapagparaya. Kung nagsisimula pa lamang ang isang tao na gumanap ng isang tungkulin o katututo pa lamang niya ng mga kasanayan para sa isang larangan, ngunit hindi pa niya kayang gumawa ng ilang gawain, hindi mo siya dapat pilitin. Dapat mo siyang takdaan ng mga gawain na medyo mas madali. Dahil dito, magiging mas madali para sa kanya na magtamo ng mga resulta sa pagganap ng kanyang tungkulin. Ganito ang pagiging mapagparaya, matiyaga at may prinsipyo. Isang bahagi ito ng kung ano ang dapat taglayin ng normal na pagkatao; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao at ang dapat isagawa ng mga tao. Kung medyo mahusay ka sa isang larangan at mas matagal ka nang nagtatrabaho sa larangang iyon kaysa sa karamihan, dapat sa iyo italaga ang mas mahihirap na trabaho. Dapat mong tanggapin ito mula sa Diyos at magpasakop ka rito. Huwag kang maging mapili at magreklamo, at sabihing, “Bakit ako ang pinag-iinitan? Ibinibigay nila ang madadaling trabaho sa ibang tao at ibinibigay sa akin ang mahihirap. Sinusubukan ba nilang pahirapin ang buhay ko?” “Sinusubukang pahirapin ang buhay mo”? Ano ang ibig mong sabihin diyan? Ang mga pagsasaayos ng trabaho ay iniaakma sa bawat tao; ang mga may higit na kakayahan ay gumagawa ng mas maraming trabaho. Kung marami ka nang natutuhan at nabigyan ka na ng Diyos ng marami, dapat kang bigyan ng mas mabigat na pasanin—hindi para pahirapin ang buhay mo, kundi dahil ito ang mismong nababagay sa iyo. Tungkulin mo ito, kaya huwag mong subukang mamili, o na tanggihan, o takasan ito. Bakit mo iniisip na mahirap ito? Ang totoo, kung medyo isasapuso mo ito, ganap na makakaya mo ito. Ang pag-iisip mo na mahirap ito, na hindi ito patas na pagtrato, na sadya kang pinag-iinitan—iyan ay pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Ito ay pagtangging gampanan ang iyong tungkulin, hindi pagtanggap mula sa Diyos. Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Kapag namimili ka sa pagganap ng iyong tungkulin, ginagawa kung ano ang magaan at madali, ginagawa kung ano lang ang pinagmumukha kang magaling, ito ay isang tiwali at satanikong disposisyon. Ang hindi mo magawang tanggapin ang iyong tungkulin o makapagpasakop ay nagpapatunay na suwail ka pa rin sa Diyos, na ikaw ay sumasalungat, umaayaw, at umiiwas sa Kanya. Ito ay isang tiwaling disposisyon. Ano ang dapat mong gawin kapag nalaman mong ito ay isang tiwaling disposisyon? Kung nadarama mo na ang mga gawaing ibinibigay sa iba ay madaling tapusin samantalang ang mga gawaing ibinibigay sa iyo ay ginagawa kang abala sa mahabang panahon at kinakailangan dito na magsikap ka sa pagsasaliksik, at dahil dito ay hindi ka masaya, tama ba na hindi ka maging masaya? Talagang hindi. Kaya, ano ang dapat mong gawin kapag nadama mong mali ito? Kung ikaw ay mapanlaban at sinasabi mong, “Tuwing nagbibigay sila ng mga trabaho, ibinibigay nila sa akin ang mahihirap, marurumi, at higit na nangangailang gawain, at ibinibigay nila sa iba ang magagaan, simple, at kapansin-pansin na gawain. Iniisip ba nilang tao akong madali nilang ipagtulakan? Hindi ito patas na paraan ng pamamahagi ng mga trabaho!”—kung ganyan ka mag-isip, iyan ay mali. Mayroon man o walang mga paglihis sa pamamahagi ng mga trabaho, o makatwiran man o hindi ang pamamahagi ng mga ito, ano ang masusing sinisiyasat ng Diyos? Ang puso ng tao ang masusi Niyang sinisiyasat. Tinitingnan Niya kung ang isang tao ay may pagpapasakop sa kanyang puso, kung nakapagdadala siya ng ilang pasanin para sa Diyos, at kung minamahal niya ang Diyos. Batay sa pagsukat ng mga hinihingi ng Diyos, hindi katanggap-tanggap ang iyong mga palusot, hindi umaabot sa pamantayan ang pagtupad mo sa iyong tungkulin, at hindi mo taglay ang katotohanang realidad. Walang-wala kang pagpapasakop, at nagrereklamo ka kapag gumagawa ka ng ilang gawaing maraming hinihingi o marumi. Ano ang problema rito? Unang-una, mali ang iyong mentalidad. Ano ang ibig sabihin niyan? Nangangahulugan iyan na mali ang iyong saloobin sa iyong tungkulin. Kung lagi mong iniisip ang iyong pagpapahalaga sa sarili at ang mga sarili mong interes, at wala kang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at walang-wala kang pagpapasakop, hindi iyan ang wastong saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Kung matapat kang gumugugol para sa Diyos at may-takot-sa-Diyos na puso, paano mo tatratuhin ang mga gawaing marurumi, mabibigat, o mahihirap? Magiging iba ang iyong mentalidad: Pipiliin mong gawin ang anumang mahirap at hahanapin mo ang mabibigat na pasanin. Tatanggapin mo ang mga gawaing ayaw tanggapin ng ibang tao, at gagawin mo ito dahil lamang sa pagmamahal sa Diyos at para mapalugod Siya. Mapupuno ka ng galak sa paggawa nito, nang walang anumang bahid ng reklamo. Ang mga gawaing marurumi, mabibigat at mahihirap ang nagpapakita kung ano ang mga tao. Paano ka naiiba sa mga taong tinatanggap ang magagaan at mga kapansin-pansin na gawain lamang? Wala kang masyadong ipinagkaiba sa kanila. Ganyan nga ba? Ganito mo dapat tingnan ang mga bagay na ito. Kung gayon, ang pinakanagbubunyag sa mga tao kung ano sila ay ang kanilang pagtupad sa kanilang tungkulin. Madalas, nagsasabi ng matatayog na bagay ang ilang tao, nagpapahayag na handa silang mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya, ngunit kapag nakaharap sila ng hirap sa paggampan ng kanilang tungkulin, pinawawalan nila ang lahat ng uri ng reklamo at mga negatibong salita. Halatang-halata na sila ay mga ipokrito. Kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, kapag siya ay nahaharap sa hirap sa pagtupad sa kanyang tungkulin, magdarasal siya sa Diyos at hahanapin ang katotohanan habang masigasig na ginagampanan ang kanyang tungkulin kahit pa hindi ito angkop na naisasaayos. Hindi siya magrereklamo, kahit pa nahaharap sa mabibigat, marurumi o mahihirap na gawain, at magagawa niya nang maayos ang kanyang mga gawain at magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Nakadarama siya ng malaking kasiyahan sa paggawa nito, at ikinaaaliw ng Diyos na makita ito. Ito ang uri ng tao na nakukuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung ang isang tao ay nagiging masungit at bugnutin sa sandaling nakaharap siya ng marurumi, mahihirap o mabibigat na gawain, at hindi siya pumapayag na punahin siya ninuman, ang ganoong tao ay hindi isang taong matapat na ginugugol ang sarili niya para sa Diyos. Maaari lamang siyang ibunyag at itiwalag. Sa mga normal na kaso, kapag mayroon kayong mga ganitong kalagayan, nagagawa ba ninyong maramdaman ang kalubhaan ng problemang ito? (Ang kaunti nito.) Kung nararamdaman mo ang kaunti nito, mababaligtad mo ba ito gamit ang sarili mong lakas, ang sarili mong pananampalataya, at ang sarili mong tayog? Kailangan mong mabaligtad ang saloobing ito. Kailangan mo munang isipin, “Mali ang saloobing ito. Hindi ba’t ito ay pamimili sa pagtupad ko sa tungkulin? Hindi ito pagpapasakop. Ang pagtupad sa aking tungkulin ay dapat maging isang masayang bagay, na ginagawa nang kusang-loob at nang may galak. Bakit hindi ako masaya, at bakit masama ang aking loob? Alam na alam ko kung ano ang aking tungkulin at ito ang dapat kong gawin—bakit hindi ako makapagpasakop na lang? Dapat akong humarap sa Diyos at magdasal, at malaman ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyong ito sa kaibuturan ng aking puso.” Pagkatapos, habang ginagawa mo ito, dapat kang manalangin: “Diyos ko, nasanay na ako sa pagiging matigas ang ulo—hindi ako makikinig kaninuman. Mali ang aking saloobin, at wala akong pagpapasakop. Disiplinahin Mo ako at gawing masunurin. Ayokong sumama ang aking loob. Ayoko na pong maghimagsik laban sa Iyo. Sana ay antigin Mo ako at magawa kong tuparin nang maayos ang tungkuling ito. Hindi ako pumapayag na mabuhay para kay Satanas; nakahanda akong mabuhay para sa katotohanan at isagawa ito.” Kapag nanalangin ka nang ganito, ang kalagayan ng iyong kalooban ay bubuti, at kapag bumuti ang kalagayang iyan, magagawa mong makapagpasakop. Iisipin mo, “Hindi naman talaga ito labis. Ito ay paggawa ko lamang ng mas marami kapag mas kaunti ang ginagawa ng iba, hindi pagsasaya kapag nagsasaya sila o pakikipagdaldalan kapag nagdadaldalan sila. Binigyan ako ng Diyos ng dagdag na pasanin, isang mabigat na pasanin; iyan ang Kanyang mataas na pagtingin sa akin, ang Kanyang pagpabor sa akin, at pinatutunayan nito na makakaya ko ang mabigat na pasaning ito. Napakabuti ng Diyos sa akin, at dapat akong maging mapagpasakop.” At ang iyong saloobin ay nagbago na, nang hindi mo namamalayan. May masama kang saloobin nang una mong tanggapin ang iyong tungkulin. Hindi mo nagawang magpasakop, ngunit agad mo itong nabago at agad mong natanggap ang masusing pagsisiyasat at pagdidisiplina ng Diyos. Nagawa mong agad na lumapit sa Diyos nang may masunuring saloobin, isa na tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan, hanggang sa magawa mong tanggapin nang buo ang iyong tungkulin mula sa Diyos at buong pusong tuparin ito. May isang proseso ng pakikibaka rito. Ang prosesong iyan ng pakikibaka ay ang proseso ng iyong pagbabago, ang proseso ng iyong pagtanggap sa katotohanan. Magiging imposible para sa mga tao na maging handa at malugod at na magpasakop sa anumang kakaharapin nila nang walang pag-aatubili. Kung kayang gawin iyan ng mga tao, mangangahulugan ito na wala silang tiwaling disposisyon, at hindi na nila kakailanganin na magpahayag ng katotohanan ang Diyos upang sila ay mailigtas. Nagkakaroon ng mga ideya ang mga tao; mayroon silang mga maling saloobin; mayroon silang mga mali at negatibong kalagayan. Ang lahat ng ito ay totoong problema—umiiral ang mga ito. Ngunit kapag ang mga negatibo at masasamang kalagayang ito, at ang mga negatibong emosyong ito, at ang mga tiwaling disposisyong ito ang mananaig at kokontrol sa iyong pag-uugali, sa iyong mga kaisipan, at sa iyong saloobin, ang iyong gagawin, paano ka magsasagawa, at ang landas na pipiliin mo ay babatay sa iyong saloobin sa katotohanan. Maaaring mayroon kang mga emosyon o nasa isang negatibo o mapanghimagsik kang kalagayan, ngunit kapag lumitaw ang mga bagay na ito habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, kaagad mong mababago ang mga ito, sapagkat lumalapit ka sa Diyos, sapagkat nauunawaan mo ang katotohanan, sapagkat hinahanap mo ang Diyos, at sapagkat ang iyong saloobin ay ang pagpapasakop at pagtanggap sa katotohanan. Pagkatapos noon ay mawawalan ka na ng problema sa maayos na pagtupad sa iyong tungkulin, at magagawa mong magtagumpay laban sa pagpigil at kontrol sa iyo ng tiwali at satanikong disposisyon. Sa huli, magiging matagumpay ka sa pagtupad sa iyong tungkulin, at matutupad mo ang atas ng Diyos, at matatamo mo ang katotohanan at ang buhay. Ang proseso ng paggampan sa tungkulin ng mga tao at pagkakamit ng katotohanan ay ang proseso rin ng disposisyonal na pagbabago. Tanging sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin natatanggap ng mga tao ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at nauunawaan ang katotohanan, at nakapapasok sa realidad. Kapag may mga paghihirap din sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin na madalas silang lumalapit sa Diyos upang manalangin, upang maghanap, at upang maarok ang Kanyang mga layunin upang malutas ang mga ito, upang normal nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Tanging sa pagganap sa kanilang mga tungkulin na nadidisiplina ng Diyos ang mga tao at na nakapamumuhay sila sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu, unti-unting natututunang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo at kasiya-siyang nagagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang pangangasiwa at pamumuno ng katotohanan sa iyong puso.
Para sa ilang tao, anuman ang isyung maaari nilang kaharapin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling mga saloobin, kuru-kuro, imahinasyon, at hangarin. Palagi nilang binibigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga makasariling hangarin, at palaging kontrolado ng kanilang mga tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos. Maaaring mukhang lagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero dahil hindi nila kailanman tinanggap ang katotohanan, at wala silang kakayahang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa huli ay mabibigo silang magtamo ng katotohanan at buhay, at magiging mga trabahador na karapat-dapat sa ganoong katawagan. Kaya, saan umaasa ang mga taong ito kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila umaasa sa katotohanan ni sa Diyos. Ang kapirasong katotohanang iyon na nauunawaan nila ay hindi pa nangingibabaw sa kanilang puso; umaasa sila sa sarili nilang mga kaloob at talento, sa anumang kaalamang natamo nila gayundin sa kanilang sariling pagpupursigi o mabubuting layunin, para magampanan ang mga tungkuling ito. At sa ganitong sitwasyon, magagawa ba nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan? Kapag umaasa ang mga tao sa kanilang pagiging likas, mga kuru-kuro, imahinasyon, kadalubhasaan, at pagkatutong gampanan ang kanilang mga tungkulin, bagama’t maaaring mukhang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at hindi sila gumagawa ng masama, hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at wala silang nagawang anuman na nakalulugod sa Diyos. Mayroon ding isa pang problema na hindi maipagwawalang-bahala: Sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, kung hindi nagbabago ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at personal na hangarin kailanman at hindi napapalitan ng katotohanan kailanman, at kung ang iyong mga kilos at gawa ay hindi isinasakatuparan alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ano ang huling kalalabasan nito? Hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok, magiging trabahador ka, sa gayon ay matutupad ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit tinatawag ng Diyos na masasamang tao ang mga taong ito na nagsusumikap at nagtatrabaho? May isang punto tayong matitiyak, at iyon ay na anumang mga tungkulin o gawain ang ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga motibasyon, pampasigla, layunin, at saloobin ay nagmumulang lahat sa kanilang makasariling mga hangarin, at ang mga iyon ay pawang para protektahan ang sarili nilang mga interes at inaasam-asam, at para mapalugod ang sarili nilang pagpapahalaga sa sarili, banidad at katayuan. Lahat ng iyon ay nakasentro sa mga konsiderasyon at kalkulasyong ito, walang katotohanan sa kanilang puso, wala silang pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos—ito ang ugat ng problema. Ano, sa ngayon, ang mahalagang hangarin ninyo? Sa lahat ng bagay, dapat ninyong hanapin ang katotohanan, at dapat ninyong gampanan ang inyong tungkulin nang maayos ayon sa mga layunin ng Diyos at sa hinihingi ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, matatanggap ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kaya ano ba talaga ang sangkot sa pagganap ng inyong tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos? Sa lahat ng ginagawa ninyo, dapat kayong matutong manalangin sa Diyos, dapat ninyong pagnilayan kung ano ang inyong mga layunin, kung ano ang inyong mga saloobin, at kung ang mga layunin at saloobing ito ay naaayon sa katotohanan; kung hindi, dapat isantabi ang mga ito, pagkatapos ay dapat kayong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tumanggap ng masusing pagsisiyasat ng Diyos. Titiyakin nito na isasagawa ninyo ang katotohanan. Kung mayroon kayong sariling mga intensyon at layon, at alam na alam ninyo na lumalabag ang mga iyon sa katotohanan at salungat sa mga layunin ng Diyos, pero hindi pa rin kayo nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para sa isang solusyon, mapanganib ito, madali kang makakagawa ng kasamaan at ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos. Kung makagawa kayo ng kasamaan nang minsan o makalawang beses at magsisi kayo, may pag-asa pa rin kayong maligtas. Kung patuloy kayong gumagawa ng kasamaan, kayo ay gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kung hindi pa rin kayo makapagsisisi sa puntong ito, nanganganib kayo: isasantabi kayo ng Diyos o pababayaan kayo, na ibig sabihin ay may panganib na matiwalag kayo; ang mga taong gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa ay tiyak na parurusahan at ititiwalag.