Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili

Sipi 44

Kung uunawain ng mga tao ang kanilang mga sarili, dapat nilang unawain ang tiwali nilang disposisyon, at maarok ang tunay nilang mga katayuan. Ang pinakamahalagang aspeto ng pag-unawa sa sariling katayuan ng isang tao ay ang magkaroon ng pagkaunawa sa sariling mga kaisipan at mga ideya. Sa bawat yugto ng panahon, ang mga kaisipan at ideya ng mga tao ay kinokontrol ng isang pangunahing bagay. Kung nagagawa mong maunawaan ang iyong mga kaisipan at ideya, magagawa mong maunawaan ang mga bagay na nasa likod ng mga ito. Hindi nakokontrol ng mga tao ang mga kaisipan at ideya nila. Gayunman, kailangan mong malaman kung saan nagmumula ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang mga motibo sa likod ng mga ito, paano nabubuo ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang kumokontrol sa mga ito, at ano ang kalikasan ng mga ito. Pagkatapos magbago ang disposisyon ng isang tao, ang mga kaisipan, ideya, pananaw at ang mga mithiing pinagsisikapan ng isang tao na nilikha ng bahaging nagbago, ay magiging ibang-iba kaysa dati—sa diwa, haharapin niya ang katotohanan at magiging ayon sa katotohanan. Ang mga bagay sa kalooban ng mga tao na hindi nagbago, ibig sabihin, ang kanilang mga lumang kaisipan, ideya, at pananaw, kabilang ang mga bagay na gusto at hinahangad ng mga tao, ay pawang lubos na marurumi, marurungis, at mga kahindik-hindik na bagay. Pagkatapos maunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilatis niya ang mga bagay na ito, at malinaw na nakikita ang mga ito; kaya, nagagawa niyang isuko at talikuran ang mga bagay na ito. Ang ganitong mga tao ay tiyak na may pinagbago na. Nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pumasok sa ilang katotohanang realidad. Hindi malinaw na nakikita ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ang mga tiwali o negatibong bagay na ito, ni nakikilatis ang mga ito; kaya, hindi nila magawang isuko ang mga ito, lalong hindi nila matalikuran ang mga bagay na ito. Ano ang nagdudulot ng kaibahang ito? Bakit kahit lahat sila ay mananampalataya, ang ilan sa kanila ay nakakikilatis ng mga negatibo at hindi malinis na bagay, at nabibitiwan ang mga ito, habang ang iba ay hindi nakikita nang malinaw ang mga bagay na ito, ni hindi nila mapalaya ang mga sarili nila mula sa mga ito? Ito ay tuwirang may kaugnayan sa kung ang isang tao ay nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kapag ang mga naghahangad ng katotohanan ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa loob ng ilang panahon, at nakikinig sa mga sermon sa loob ng ilang panahon, kung gayon ay mauunawaan nila ang katotohanan, at makikita ang ilang bagay nang malinaw; nakausad na sila sa kanilang buhay. Salungat dito, bagamat ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nakikinig din naman sa mga sermon, hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, at kahit maraming taon na silang nananalig, wala silang pagpasok sa buhay. Nabigo ang mga taong ito dahil hindi nila hinangad ang katotohanan. Kahit maraming taon na silang nananalig sa Diyos, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay hindi magagawang maunawaan ang katotohanan. Kapag nahaharap sila sa isang sitwasyon, hindi nila ito makita nang malinaw, halos parang sila ay mga relihiyosong tao. Wala silang nakamit mula sa maraming taon ng kanilang pananampalataya. Gaano karaming katotohanan ang nauunawaan na ninyo ngayon? Aling mga bagay ang nakikita ninyo nang malinaw? Nakikilatis ba ninyo ang mga negatibong bagay at ang mga tao? Hindi malinaw sa iyo kung ano ang pananalig sa Diyos, ni kung sino ito na talagang pinananaligan mo. Hindi mo makilatis nang malinaw ang mga ideya at intensyon na mayroon ka sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo lubos na alam kung aling landas ang dapat mong sundin bilang isang mananampalataya ng Diyos, at hindi malinaw sa iyo kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay o ginagampanan ang tungkulin mo. Ang mga ito ang mga taong walang anumang pagpasok sa buhay. Tanging sa pamamagitan lang ng tunay na pagkaunawa sa katotohanan at pagkaalam kung paano isasagawa ang katotohanan, na makikilatis mo ang iba’t ibang uri ng tao, makikita ang iba’t ibang sitwasyon nang malinaw, magagawa ang mga bagay nang alinsunod sa katotohanan, at magiging mas lalong malapit sa kalooban ng Diyos. Tanging sa pamamagitan lang ng paghahangad sa ganitong paraan na magkakamit ka ng mga resulta.

Sipi 45

Madalas na mayroong ilang negatibong kalagayan sa kalooban ng tao. May ilan sa mga kalagayang ito ang nakakaimpluwensiya sa mga tao o makakahadlang sa kanila. May ilan pang kalagayan na kayang ilihis ang isang tao mula sa tunay na daan at udyukan siyang tumahak sa maling direksyon. Ang hinahangad ng mga tao, ang pinagtutuunan nila ng atensyon, at kung anong landas ang pinipili nilang tahakin—ang lahat ng ito ay konektado sa kanilang mga panloob na kalagayan. Kung ang mga tao ay mahina o malakas ay lalo pang tuwirang konektado sa kanilang mga panloob na kalagayan. Halimbawa, maraming tao ngayon ang nagbibigay ng partikular na diin sa araw ng Diyos. Lahat sila ay ganito ang pagnanais: Nananabik sila para sa mabilis na pagdating ng araw ng Diyos nang sa gayon ay mapalaya nila ang kanilang sarili mula sa pagdurusang ito, sa mga karamdamang ito, sa pag-uusig na ito, at sa iba pang uri ng pasakit. Iniisip ng mga tao na kapag dumating na ang araw ng Diyos, maaalis na ang pasakit na dinaranas nila ngayon, na hindi na sila muling daranas ng mga paghihirap, at na magtatamasa sila ng mga pagpapala. Kung nais ng isang taong maunawaan ang Diyos o hangarin ang katotohanan mula sa ganitong uri ng kalagayan, magiging napakalimitado ng kanyang pag-usad sa buhay. Kapag may nangyari sa kanyang anumang kabiguan o mga hindi kanais-nais na bagay, ang lahat ng kahinaan, ang pagiging negatibo, at ang pagiging mapaghimagsik sa kalooban niya ay lalabas. Kaya, kung ang kalagayan ng isang tao ay abnormal o hindi tama, ang mithiin ng kanyang paghahangad ay hindi rin magiging tama at tiyak na magiging marumi. Nagsisikap ang ilang tao para sa pagpasok mula sa mga maling kalagayan, ngunit iniisip nila na maayos ang kanilang ginagawa sa kanilang paghahangad, na ginagawa nila ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at nagsasagawa sila alinsunod sa katotohanan. Hindi sila naniniwala na sumalungat sila sa mga layunin ng Diyos o lumihis sa kalooban Niya. Maaaring ganito ang maramdaman mo, ngunit kapag ang ilang hindi kaaya-ayang pangyayari o kapaligiran ay nagdudulot sa iyo ng ilang pagdurusa, nasasaling ang mga kahinaan mo, at ang mga bagay na minamahal mo at hinahangad sa kaibuturan ng puso mo, ikaw ay magiging negatibo, ang mga inaasam at pangarap mo ay mauuwi sa wala, at ikaw ay likas na magiging mahina. Kaya, ang kalagayan mo sa oras na iyon ang nagpapasya kung ikaw ay malakas o mahina. Sa ngayon, maraming tao ang nakakaramdam na sila ay may kalakasan, na sila ay mayroong kaunting tayog, at na sila ay mas mayroong pananampalataya kaysa rati. Iniisip nila na nagsimula sila sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at na hindi nila kailangan ang ibang tao upang hilahin o itulak sila rito. Sa kasong ito, bakit sila nagiging negatibo o mahina kapag nahaharap sila sa ilang kapaligiran o sa mga paghihirap? Bakit sila nagrereklamo at sa huli ay isinusuko ang kanilang pananampalataya? Nagpapakita ito na may ilang negatibo at abnormal na kalagayan sa kalooban ng bawat tao. Hindi madaling bitiwan ang ilang karumihan sa tao. Kahit na ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi mo ganap na mabibitiwan ang mga ito. Ito ay dapat na gawin batay sa paghahayag ng salita ng Diyos. Pagkatapos pagnilay-nilayan at unawain ang kanilang sariling kalagayan, dapat ihambing ng mga tao ang mga ito sa salita ng Diyos, at lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Saka pa lamang unti-unting magbabago ang mga kalagayan nila. Hindi ito ang kaso na, kapag binasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at naunawaan ang kanilang mga kalagayan, agad-agad nila itong mababago. Hangga’t ang mga tao ay madalas na nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikita ang kanilang sariling kalagayan nang malinaw, at nananalangin sa Diyos at nagsisikap tungo sa katotohanan, kung gayon, kapag ang katiwalian ay lumabas mula sa kanila, o kapag sila ay nasa isang abnormal na kalagayan sa hinaharap, makikilala nila ito, at magagawa nilang manalangin sa Diyos, at gamitin ang katotohanan upang lutasin ang problema, at ang kanilang maling kalagayan ay mababaligtad at unti-unti silang makakapagbago. Sa ganitong paraan, nabibitiwan nila ang mga karumihan at ang mga bagay na dapat bitiwan na kinikimkim ng mga tao. Ang mga tao ay dapat na mayroong partikular na antas ng karanasan bago makamit ang mga resulta.

Simula nang manalig sa Diyos, hinahangad ng maraming tao ang mga pagpapala batay sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, at dahil dito ay nagiging negatibo at mahina sila kapag nahaharap sa mga bagay na hindi naaayon sa kanilang mga haka-haka. Nagsisimula silang pagdudahan ang Diyos at nagkakaroon pa nga ng mga haka-haka o maling akala tungkol sa Kanya. Kung walang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, hindi sila makakapanindigan, at maaaring pagtaksilan nila ang Diyos anumang oras. Hayaan mong bigyan Kita ng isang halimbawa. Sabihin nating ang isang tao ay palaging may kinikimkim na mga haka-haka at imahinasyon sa kanyang pananalig sa Diyos. Naniniwala ang taong ito na, basta’t tinatalikuran niya ang pamilya niya at ginagampanan ang tungkulin niya, iingatan siya at pagpapalain ng Diyos, at kakalingain ang buhay ng pamilya niya, at na ito ang dapat na gawin ng Diyos. Pagkatapos, isang araw ay may nangyari sa kanya na hindi niya ninanais—nagkasakit siya. Ang mamuhay kasama ang pamilyang nagho-host sa kanya ay hindi kasing-komportable ng kung siya ay nasa sarili niyang tahanan, at marahil ay hindi siya naaalagaan nang husto ng nagho-host sa kanya. Hindi niya ito matanggap, at siya ay naging negatibo at pinanghinaan ng loob sa matagal na panahon. Hindi rin niya hinahangad ang katotohanan, at ni hindi niya kinikilala ang katotohanan. Nangangahulugan ito na mayroong ilang kalagayan ang mga tao sa kalooban nila, at, kung hindi nila makikilala, mauunawaan, at mararamdaman na ang mga kalagayang ito ay mali, kung gayon, bagamat maalab pa rin ang kanilang damdamin at madalas silang naghahangad, sa isang punto ay mahaharap sila sa isang pangyayari na maglalantad ng tunay nilang panloob na kalagayan, at dahil dito ay madarapa sila at mabibigo. Ito ang dulot ng kabiguang pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili. Ang lahat ng hindi nakakaunawa sa katotohanan ay ganito; hindi mo alam kung kailan sila madarapa at mabibigo, kailan sila magiging negatibo at mahina, o kailan nila magagawang pagtaksilan ang Diyos. Tingnan mo kung gaano kalaking panganib ang dapat harapin ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan! Ngunit hindi isang simpleng bagay ang maunawaan ang katotohanan. Aabutin ng mahabang panahon bago ka magkamit sa wakas ng kaunting liwanag, magkaroon ng kaunting tunay na karunungan, at mauunawaan ang kaunting katotohanan. Kung ang mga intensyon sa kalooban mo ay labis na narumihan at hindi malutas, papatayin ng mga ito ang maliit na liwanag ng iyong pang-unawa sa lahat ng oras, at sisirain ang kakarampot na pananampalatayang mayroon ka, at ito ay tiyak na napakamapanganib. Sa ngayon, ang pangunahing isyu ay na ang lahat ng tao ay mayroong ilang haka-haka at imahinasyon sa puso nila tungkol sa Diyos, ngunit bago pa mailantad ang mga ito, hindi nila kinikilala ang mga ito; nakatago ang mga ito sa kalooban nila, at hindi mo malalaman kung anong oras, o sa anong sitwasyon lalabas ang mga ito at magiging sanhi upang ang mga tao ay madapa. Bagamat ang lahat ng tao ay mayroong mabubuting hangarin, at nais na maging mabubuting mananampalataya at makamit ang katotohanan, ang kanilang mga intensyon ay labis nang narumihan at napakarami ng kanilang mga haka-haka at imahinasyon na labis na humahadlang sa kanila sa paghahangad ng katotohanan at pagpasok sa buhay. Nais nilang gawin ang mga bagay na ito ngunit hindi nila kaya. Halimbawa, mahirap para sa mga tao ang magpasakop kapag sila ay pinungusan at iwinasto; kapag sila ay sinubok o pinino, nais nilang makipagtalo sa Diyos. Sa tuwing sila ay nagkakasakit o nahaharap sa ilang sakuna, sinisisi nila ang Diyos sa hindi pagprotekta sa kanila. Paano mararanasan ng mga ganitong tao ang gawain ng Diyos? Ni wala nga silang isang payak na puso ng pagsunod sa Diyos, kaya paano nila makakamit ang katotohanan? Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag ang pinakamaliit na bagay ay hindi umaayon sa kanila; nadarapa sila dahil sa mga panghuhusga ng mga tao, at ipinagkakanulo nila ang Diyos kapag sila ay nadadakip. Totoong hindi kailanman malalaman ninuman kung ano ang nasa hinaharap, kung ito ba ay kasiyahan o pagkawasak. Ang bawat tao ay mayroong isang bagay sa kalooban nila na nais nilang hangarin at makamtan; mayroon silang mga bagay na gusto nila. Ang paghahangad sa mga bagay na gusto nila ay maaaring magdulot ng kasawiang-palad sa kanila, ngunit hindi nila ito nararamdaman, naniniwala pa rin sila na ang mga bagay na pinagsisikapan nila at gusto nila ay tama, at na walang mali sa mga bagay na ito. Ngunit kung darating ang isang araw kung kailan magaganap ang kasawiang-palad, at kukuhain sa kanila ang mga bagay na hinahangad at gusto nila, magiging negatibo sila at mahina, at mawawalan ng ganang kumilos. Hindi nila malalaman kung anong nangyari, sisisihin nila ang Diyos sa hindi pagiging patas, at lalabas ang kanilang pusong nagtataksil sa Diyos. Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, hindi nila malalaman kung nasaan ang kanilang kahinaan, ni hindi nila malalaman kung saan sila malamang na mabigo o madapa. Ito ay tunay na kahabag-habag. Kaya sinasabi natin na kung hindi kilala ng isang tao ang kanyang sarili, maaari siyang madapa o mabigo anumang oras, at idulot ang sarili niyang wakas.

Maraming tao ang nagsabi: “Nauunawaan ko ang bawat elemento ng katotohanan, ngunit hindi ko talaga maisagawa ang mga ito.” Inilalantad nito ang ugat kung bakit hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito naisasagawa? Tiyak na ang mga tao lang na nayayamot at napopoot sa katotohanan ang hindi nakakapagsagawa nito, at ito ay isang problema sa kanilang kalikasan. Kahit na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay kikilos batay sa kanilang konsiyensiya, at hindi sila gagawa ng masama. Kung nayayamot sa katotohanan ang kalikasan ng isang tao, kung gayon ay hindi niya kailanman maisasagawa ang katotohanan. Ang mga taong nayayamot sa katotohanan ay nananalig lang sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala, hindi upang hangarin ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Kahit na gampanan nila ang kanilang mga tungkulin, hindi ito alang-alang sa pagkakamit sa katotohanan, kundi ganap na upang magkamit ng mga pagpapala. Halimbawa, ang ilang tao na inuusig at hindi makabalik sa kanilang mga tahanan ay nag-iisip sa kanilang puso, “Ako ay inuusig at hindi makabalik sa aking tahanan dahil sa aking pananalig sa Diyos. Balang araw ay bibigyan ako ng Diyos ng isang mas maayos na tahanan; hindi hahayaan ng Diyos na maging walang saysay ang pagdurusa ko,” o “Kung nasaan man ako, bibigyan ako ng Diyos ng makakain, at hindi Niya ako hahayaang lumakad sa isang daang walang patutunguhan. Kung hahayaan Niya akong lumakad sa isang daang walang patutunguhan, kung gayon ay hindi Siya ang tunay na Diyos. Hindi iyon gagawin ng Diyos.” Hindi ba’t umiiral ang gayong mga bagay sa kalooban ng tao? May ilang tao ring nag-iisip, “Tinalikuran ko ang pamilya ko upang gugulin ang sarili ko para sa Diyos, at hindi ako dapat na ihatid ng Diyos sa mga kamay ng mga nasa kapangyarihan; naghangad ako nang may maalab na damdamin, dapat akong pangalagaan at pagpalain ng Diyos. Labis tayong nananabik sa pagdating ng araw ng Diyos, kaya ang araw ng Diyos ay dapat na dumating sa lalong madaling panahon. Dapat tuparin ng Diyos ang mga ninanais ng tao.” Maraming tao ang nag-iisip nang ganito—hindi ba ito ang labis-labis na pagnanais ng tao? Ang mga tao ay palaging humihingi nang labis-labis sa Diyos, palaging iniisip: “Tinalikuran namin ang aming mga pamilya upang tuparin ang aming mga tungkulin, kaya dapat kaming pagpalain ng Diyos. Kumilos kami alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, kaya dapat kaming gantimpalaan ng Diyos.” Maraming tao ang nagkikimkim ng ganoong mga bagay sa puso nila bagamat naniniwala sila sa Diyos. Nakikita nila ang ibang tao na lumalayo sa mga pamilya nila at itinatakwil ang lahat ng bagay upang gugulin ang sarili nila para sa Diyos nang walang kahirap-hirap, at iniisip nila, “Iniwan nila ang mga pamilya nila nang ganoong katagal na panahon, paanong hindi sila nakararamdam ng pangungulila? Paano nila ito napagtatagumpayan? Bakit hindi ko ito mapagtagumpayan? Bakit hindi ko mabitiwan ang pamilya ko, asawa, at mga anak? Bakit mahabagin ang Diyos sa kanila at hindi sa akin? Bakit hindi nagkakaloob ang Banal na Espiritu ng biyaya sa akin o hindi nananahang kasama ko?” Anong kalagayan ito? Ang mga tao ay lubhang walang katwiran: hindi nila isinasagawa ang katotohanan at pagkatapos ay nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, at hindi nila ginagawa ang dapat nilang gawin. Dapat piliin ng mga tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan, ngunit sila ay nayayamot sa katotohanan, nananabik sila sa mga kasiyahan ng laman, at palagi nilang sinisikap na magkamit ng mga pagpapala at magtamasa ng biyaya, habang nagrereklamo na ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay sobra-sobra. Palagi nilang hinihingi sa Diyos na maging mahabagin sa kanila at na pagkalooban sila ng mas marami pang biyaya, at na hayaan silang makaramdam ng kasiyahan ng laman—sila ba ay mga taong tapat na naniniwala sa Diyos? Iniisip nila, “Tinalikuran ko ang pamilya ko upang tuparin ang tungkulin ko at labis na akong nagdusa. Dapat maging mahabagin ang Diyos sa akin, upang hindi ako makaramdam ng pangungulila at upang magkaroon ako ng matibay na kapasyahan na tumalikod. Dapat bigyan Niya ako ng lakas, nang sa gayon ay hindi ako magiging negatibo at mahina. Ang ibang tao ay napakalakas, dapat gawin din akong malakas ng Diyos.” Ang mga salitang ito na binibigkas ng mga tao ay ganap na walang katwiran at walang pananalig. Binigkas ang lahat ng ito dahil ang labis-labis na hinihingi ng mga tao ay hindi natupad, kaya hindi sila nasisiyahan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na nagmumula sa kanilang puso, at ganap na kinakatawan ng mga ito ang kalikasan ng mga tao. Ang mga bagay na ito ay umiiral sa mga tao, at kung hindi iwawaksi ang mga ito, magdudulot pa ang mga ito na magreklamo at magkamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos sa anumang oras o saan mang lugar. Malamang na lapastanganin ng mga tao ang Diyos, at maaaring lisanin nila ang tunay na daan sa anumang oras at saan mang lugar. Ito ay lubhang natural. Nakikita na ba ninyo nang malinaw ang bagay na ito? Dapat malaman ng mga tao ang mga bagay na lumalabas mula sa kanilang kalikasan. Ito ay napakaseryosong bagay na kailangang maingat na harapin, dahil ito ay sumasaling sa isyu ng kung ang mga tao ba ay matatag na makakapanindigan sa kanilang patotoo o hindi, at sa isyu ng kung sila ba ay magkakamit ng kaligtasan sa kanilang paniniwala sa Diyos. Ukol sa mga tao na nakakaunawa ng kaunting katotohanan, kung mapagtatanto nilang naglalabas sila ng mga bagay na ito, at kung, kapag natuklasan nila ang problemang ito, masusuri nila ito at masisiyasat, kung gayon ay malulutas nila ang problemang ito. Kung hindi nila mapagtatanto na inilalabas nila ang mga bagay na ito, kung gayon ay walang paraan upang malutas nila ang problemang ito, at maghihintay na lamang sila sa paghahayag ng Diyos o sa paglalantad ng mga katunayan. Hindi pinahahalagahan ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang kahalagahan ng pagninilay-nilay sa sarili. Palagi silang naniniwala na ito ay isang bagay na hindi mahalaga, at palalayawin ang kanilang sarili, habang iniisip, “Ganito ang lahat ng tao—ang kaunting pagrereklamo ay hindi malaking isyu. Patatawarin ito ng Diyos at hindi ito maaalala ng Diyos.” Hindi alam ng mga tao kung paano magninilay-nilay sa sarili o paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, hindi nila maisasagawa ang anuman sa bagay na ito. Silang lahat ay magulo ang isip, at talagang tamad, at umaasa at mahilig magpantasya. Nananabik sila: “Isang araw ay magdudulot ang Diyos ng lubusang pagbabago sa amin, at pagkatapos ay hindi na kami magiging tamad na gaya nito, kami ay magiging ganap na banal, at titingalain namin ang giting ng Diyos.” Ito ay isang isipin na hindi kapani-paniwala, at hindi talaga ito makatotohanan. Kung nasasambit ng isang tao ang ganitong uri ng haka-haka at imahinasyon pagkatapos na makarinig ng napakaraming sermon, kung gayon ay wala siyang kaalaman ukol sa gawain ng Diyos, at hanggang sa araw na ito, hindi pa rin niya nakikita nang malinaw kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao. Ang ganitong mga tao ay lubos na ignorante. Bakit ang sambahayan ng Diyos ay palaging nagbabahagi tungkol sa pagkilala sa sarili at pagkilala sa disposisyon ng Diyos? Ito ay napakahalaga para sa bawat tao. Kung talagang nakikita mo nang malinaw kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung gayon ay dapat mong ituon ang iyong pansin sa pagkilala sa sarili mo, at dapat mong madalas na pagnilay-nilayan ang sarili—saka ka pa lamang magkakaroon ng tunay na pagpasok sa buhay. Kapag napagtanto mo na ikaw ay naglalantad ng katiwalian, magagawa mo bang hanapin ang katotohanan? Magagawa mo bang manalangin sa Diyos at talikuran ang laman? Ito ay kinakailangan para sa pagsasagawa ng katotohanan, at ito ay isang mahalagang hakbang. Kung, sa lahat ng nangyayari sa iyo, at sa lahat ng ginagawa mo, ay kaya mong magkaroon ng kamalayan ukol sa kung paano magsasagawa sa paraang naaayon sa katotohanan, magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan, at magkakaroon ka ng pagpasok sa buhay. Kung hindi mo magagawang makilala ang sarili mo, paano uusad ang buhay mo? Kung, kahit gaano ka pa kanegatibo at kahina, hindi ka nagninilay-nilay sa sarili at hindi mo kinikilala ang sarili mo, o hindi ka nananalangin sa Diyos, kung gayon ay pinatutunayan lamang nito na hindi mo minamahal ang katotohanan, na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, at na hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan.

Inisip ng ilang tao dati: “Nananabik kami sa mabilis na pagbagsak ng malaking pulang dragon at umaasa kami na ang araw ng Diyos ay darating nang mabilis. Hindi ba’t mga lehitimong kahilingan ang mga ito? Ang pananabik ba para sa dagling pagdating ng araw ng Diyos ay hindi katulad sa pananabik para maihatid sa Diyos ang kaluwalhatian sa lalong madaling panahon?” Pasimple silang nakakahanap ng ilang magandang pakinggan na mga paraan upang ipahayag ito, ngunit ang totoo, inaasam lamang nila ang mga bagay na ito para sa sarili nila. Ano ang pananabikan nila, kung hindi nila ito ginagawa para sa sarili nilang kapakanan? Ang pinananabikan lamang ng mga tao ay ang mabilis silang mapalaya mula sa mga miserableng kapaligiran nila at sa mundong ito na puno ng pasakit. May ilang tao sa partikular na nakikita ang mga pangakong ibinigay dati sa mga panganay na anak na lalaki ng Diyos at mayroon silang labis na pagkauhaw para dito. Sa tuwing nababasa nila ang mga salitang iyon, ito ay tulad ng pagpawi nila sa kanilang pagkauhaw sa pamamagitan ng pagpapantasya. Ang mga makasariling pagnanasa sa kalooban ng tao ay hindi pa lubos na nabibitiwan, kaya paano mo man hinahangad ang katotohanan, ito ay magiging walang sigla. Maraming tao na hindi hinahangad ang katotohanan ang palaging nananabik para sa pagdating ng araw ng Diyos nang sa gayon ay maalis na ang kanilang pagdurusa at matamasa na nila ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Kapag hindi ito dumating, labis silang nasasaktan, at sumisigaw ang ilan: “Kailan darating ang araw ng Diyos? Hindi pa ako ikinakasal, hindi na ako makakapaghintay pa! Kailangan kong magpakita ng paggalang sa mga magulang ko, hindi ko na ito kaya! Kailangan ko pa ring magkaanak upang maalagaan nila ako pagtanda ko! Ang araw ng Diyos ay dapat nang magmadali at dumating! Sama-sama nating ipanalangin ito!” Paanong nagagawa ng mga taong naghahangad sa katotohanan na sumunod hanggang ngayon nang walang kahit isang reklamo? Hindi ba sila ginagabayan ng salita ng Diyos, at sinusuportahan ng salita ng Diyos? Napakaraming karumihan sa kalooban ng mga tao, magagawa ba nilang huwag tanggapin ang pagpipino? Kung walang pagdurusa, paano sila makakapagbago? Kailangan mapino ang mga tao sa isang partikular na antas, at maging handang magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos, nang walang kahit isang reklamo—iyan ang oras na sila ay lubusang mababago.

Sinundan: Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin

Sumunod: Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger