a. Ang panlilinlang at pagtiwali ni Satanas sa sangkatauhan ang ugat ng kadiliman at kasamaan sa mundo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sina Adan at Eba na nilalang ng Diyos sa pasimula ay mga banal na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden sila ay banal, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil sa wala silang paggambala ng impluwensya ni Satanas, walang kamandag ni Satanas, anupa’t sila ang pinakadalisay sa lahat ng sangkatauhan. Sila ay nakatira sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may takot sila kay Jehova. Sa dakong huli, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng kamandag ng ahas, at ng pagnanasa na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay banal at may takot kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang na sila ay tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at naiwala ang orihinal na larawan ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, wala kahit katiting na pagkamasuwayin, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang mas maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na ipinalaganap ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na sinaktan ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin nang buo[1] ang tao. Ang paghahatid ng moral at etikal na mga turo ng pyudalismo at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nahawahan ang sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng layuning pumatay, at sa lahat ng lugar, ramdam ang layuning pumatay. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng diyablo, kung saan palaging itinuturo na walang Diyos, nagkalat ang mga diyus-diyusan, at nakakalat sa hangin sa ibabaw ang nakakasukang amoy ng nasusunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng putik na sumisingaw pataas sa pagpulupot ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigil ng tao na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang ingay ng masasamang demonyo na sabay-sabay na sinasambit ang mga banal na kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigil ng tao na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyus-diyusan na kakulay ng bahaghari, na ginagawang isang mundo ng mahahalay na kasiyahan ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang masamang balak nito. Samantala, nananatili itong lubos na wala sa loob ng tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng pakiramdam at nakayuko dahil sa pagkatalo. Nais nitong palisin, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang pasamain at paslangin; hangad nitong ibagsak at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “humadlang” ang Diyos sa gawain nito sa mga tao sa lupa? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang maharlikang hukuman nito sa lupa? Paano nito matatanggap nang maluwag ang nakahihigit na kapangyarihan Niya? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa siya o iiyak, at talagang mahirap itong banggitin. Hindi ba ito ang diwa nito? May pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin ito na di-kapani-paniwala ang kagandahan nito. Ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![2] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malupit na hayop sa parang, napakapangit, at wala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong banal. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? Naghuhuramentado na ang mga demonyo at masasamang espiritu sa lupa, at nasarhan na kapwa ang kalooban at matiyagang pagsisikap ng Diyos kaya hindi na sila mapasok. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi mapopoot ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakasuwail!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7

Mga Talababa:

1. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.

2. Ang “magkakasabuwat sa krimen” ay kapareho ng uri ng “isang grupo ng mga butangero.”


Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, linlangin, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Isipin na kunwari ay itinatanong mo sa kanila ang tanong na ito: “Naging napakahusay mo sa kapasidad na ito, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Ito ang satanikong pilosopiya na pinagbabatayan ng kanilang karera. Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa likas na pagkatao ng gayong mga tao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang mga layon. Marami pa ring satanikong lason sa buhay, pag-uugali at asal ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakakita nang malinaw sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga panuntuan at pilosopiya sa buhay na ikinikintal ni Satanas sa tao, tulad ng “Mahalin ang Partido, mahalin ang bayan, at mahalin ang iyong relihiyon” at “Ang isang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon”? Hindi ba ito ang “matatayog na mithiin” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at nahihikayat ang mga tao ng bawat henerasyon na tanggapin ang mga ideyang ito. Palagi silang nagpapakahirap sa paghahangad na magtamo ng “matatayog na mithiin” na isasakripisyo pa nila ang kanilang buhay para doon. Ito ang kaparaanan at diskarte kung saan gumagamit si Satanas ng kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Kaya matapos akayin ni Satanas ang mga tao sa landas na ito, nagagawa ba nilang sundin at sambahin ang Diyos? At nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na sila ni Satanas. Tingnan nating muli ang kaalaman, mga kaisipan, at mga opinyon na ikinintal ni Satanas sa mga tao: Nasa mga bagay na ito ba ang mga katotohanan ng pagsunod sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Naroon ba ang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Naroon ba ang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na may kaugnayan sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito. Matitiyak mo ba na hindi naglalaman ng katotohanan ang mga bagay na ikinintal ni Satanas sa mga tao? Hindi ka nangangahas—ngunit hindi mahalaga iyon. Hangga’t nakikilala mo na ang “katanyagan” at “pakinabang” ay ang dalawang susing salita na ginagamit ni Satanas upang akitin ang mga tao sa landas ng kasamaan, sapat na kung gayon.

… Kaya, ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Paano ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang mga tao? … Ang nagagawa lamang ng siyensya ay pahintulutan ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo, at bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito mabibigyan ng kakayahan ang tao na makita ang mga batas kung saan ay may kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakakahanap ang tao ng mga kasagutan mula sa siyensya, ngunit ang mga kasagutang iyon ay nakalilito at nagdadala lamang ng panandaliang kasiyahan, kasiyahan na nagkukulong lamang sa puso ng tao sa pisikal na mundo. Nararamdaman ng tao na nakakuha sila ng mga kasagutan mula sa siyensya, kaya naman anumang usapin ang lumitaw, ginagamit nila ang kanilang mga siyentipikong pananaw para patunayan o tanggapin ang isyung iyon. Naaakit ng siyensya ang puso ng tao at ito ay naaangkin nito hanggang sa hindi na iniintindi ng tao na makilala ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nanggagaling sa Diyos at dapat na sa Kanya maghanap ang tao ng mga kasagutan. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensya, mas lalo silang nagiging kakatwa, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi nila hinahanap ang Diyos at hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Maraming matagal nang mananampalataya sa Diyos na gagamit ng computer, kapag naharap sa anumang problema, para maghanap at magsaliksik para sa mga sagot; naniniwala lamang sila sa siyentipikong kaalaman. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, hindi sila naniniwala na malulutas ng mga salita ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan, hindi nila tinitingnan ang napakaraming problema ng sangkatauhan mula sa pananaw ng katotohanan. Anumang problema ang kanilang nakakaharap, hindi sila nagdarasal sa Diyos kailanman o naghahanap ng solusyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa maraming bagay, mas gusto nilang maniwala na kaalaman ang makakalutas sa problema; para sa kanila, ang siyensya ang huling sagot. Ganap na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Wala silang pananampalataya, at ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay hindi naiiba sa maraming kilalang guro at siyentipiko, na laging sumusubok na suriin ang Diyos gamit ang mga pamamaraan ng siyensya. Halimbawa, maraming eksperto sa relihiyon ang nakapunta na sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila na mayroon ngang arko. Ngunit hindi nila nakikita na mayroong Diyos sa paglitaw ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng pisikal na mundo. Kung nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagsasabing umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba ito nagsasanhi sa mga tao na isailalim sa pag-aaral ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao sa kairalan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa gayon ay itinatatwa at pinagtataksilan ang Diyos? Ito ang kinahinatnan. Kaya kapag ginagamit ni Satanas ang siyensya upang gawing tiwali ang tao, anong layunin ang sinisikap na makamit ni Satanas? Gusto nitong gamitin ang mga konklusyong siyentipiko upang linlangin at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang mga hindi tiyak na kasagutan upang mahawakan ang puso ng mga tao para hindi na sila maghanap pa o maniwala na mayroong Diyos. Ito ang dahilan kaya natin sinasabi na ang siyensya ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao ay sa pamamagitan ng mga kalakaran sa lipunan. Ang mga kalakaran sa lipunan ay sumasaklaw sa maraming aspeto, kabilang na ang iba’t ibang aspetong tulad ng pagsamba sa mga tanyag at kilalang mga tao, gayundin sa mga idolo sa pelikula at musika, pagsamba sa artista, mga online game, atbp.—ang lahat ng ito ay bahagi ng mga kalakaran sa lipunan, at hindi na kailangang idetalye pa iyon dito. Pag-uusapan lamang natin ang mga ideyang idinudulot ng mga kalakaran sa lipunan sa mga tao, kung paano kumikilos ang mga tao sa mundo dahil sa mga ito, at ang mga layunin at pananaw sa buhay na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Napakahalaga ng mga ito; makokontrol at maiimpluwensyahan ng mga ito ang isipan at opinyon ng mga tao. Sunud-sunod ang paglitaw ng mga kalakarang ito, at lahat ng ito ay nagdadala ng masamang impluwensyang patuloy na nagpapasama sa sangkatauhan, na nagiging sanhi upang ang mga tao ay mawalan ng konsiyensya, pagkatao at katinuan, na lalo pang nagpapahina sa kanilang moralidad at kalidad ng kanilang ugali, hanggang sa masasabi pa natin na karamihan sa mga tao ngayon ay walang integridad, hindi makatao, at ni walang anumang konsiyensya, at lalong walang anumang katinuan. Kaya ano ang mga kalakarang ito sa lipunan? Ito ang mga kalakarang hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata. Kapag lumalaganap ang isang bagong kalakaran sa mundo, marahil ay maliit na bilang lamang ng mga tao ang nangunguna, na gumaganap bilang mga tagapagpauso. Nagsisimula sila sa paggawa ng isang bagay na bago, pagkatapos ay tinatanggap ang isang uri ng ideya o isang uri ng pananaw. Karamihan sa mga tao, gayunman, ay patuloy na mahahawa, maaakit, at mapapasama sa kalakarang ito nang wala silang kamalay-malay, hanggang sa tanggapin nilang lahat ito nang hindi nila alam at hindi sinasadya at malubog sila rito at makontrol nito. Sunud-sunod, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na hindi matino ang katawan at isipan, hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi nakikilala ang kaibhan ng positibo sa negatibong mga bagay, ay masayang tanggapin ang mga ito gayundin ang mga pananaw at pagpapahalaga sa buhay na nagmumula kay Satanas. Tinatanggap nila kung ano ang sabihin sa kanila ni Satanas kung paano unawain ang buhay at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas, at wala silang lakas ni kakayahan, lalo pa ng kamalayan, na lumaban. …

Sa pagtingin sa mga kalakarang panlipunan na ito, masasabi ba ninyo na mayroon silang malaking impluwensya sa mga tao? Ang mga ito ba’y may matinding nakapipinsalang epekto sa mga tao? Mayroon nga silang napakatinding nakapipinsalang epekto sa mga tao. Sa anong mga aspeto ng tao ginagamit ni Satanas ang bawat isa sa mga kalakarang ito para gawin silang tiwali? Ginagawang tiwali ni Satanas higit sa lahat ang konsiyensya, diwa, pagkatao, moralidad, at mga pananaw sa buhay ng tao. At hindi ba unti-unting pinabababa at ginagawang tiwali ng mga kalakarang ito sa lipunan ang mga tao? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunan na ito upang dahan-dahang akitin ang mga tao sa pugad ng mga diablo, sa gayon ang mga taong naipit sa mga kalakarang panlipunan ay walang kamalayang nanghihikayat sa pagnanasa para sa salapi at materyal, at sa kasamaan at karahasan. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging ang diablong si Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi nakahandang isabuhay ng tao ang simpleng buhay ng normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit, walang mga gapos na pipigil sa kanila; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag ang tao ay nalubog sa ganitong mga uri ng mga kalakaran, makatutulong ba ang kaalaman na natutuhan mo upang palayain mo ang iyong sarili? Makatutulong ba sa iyo ang iyong pagkaunawa sa mga tradisyunal na kultura at mga pamahiin upang makatakas sa kakila-kilabot na kalagayang ito? Makatutulong ba sa kanila ang tradisyunal na moralidad at tradisyunal na seremonya na nauunawaan ng tao na magsanay ng pagpipigil? Gawin nating halimbawa ang mga Analect at ang Tao Te Ching. Matutulungan ba ng mga ito ang mga tao na iahon ang kanilang mga paa mula sa putikan ng masasamang ito? Talagang hindi. Sa ganitong paraan, ang tao ay nagiging higit na mas masama, mayabang, mapagmataas, makasarili, at malisyoso. Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at masasamang paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? Totoo, lubhang nakakatakot: Hindi lamang nila ipinako ang Diyos sa krus, kundi papatayin din ang lahat ng sumusunod sa Kanya—dahil napakasama ng tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Binubuo ni Satanas ang reputasyon nito sa pamamagitan ng panlilinlang sa mga tao, at madalas nitong ipinakikita ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng pagkamakatuwiran. Sa ilalim ng pagpapanggap na ito ay nagbabantay sa pagkamakatuwiran, pinipinsala nito ang mga tao, nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at ginagamit ang lahat ng uri ng paraan upang pamanhirin, linlangin, at buyuin ang tao. Ang layunin nito ay pasang-ayunin ang tao at pasunurin sa masamang pag-uugali nito, upang sumama rito ang tao sa paglaban sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gayunman, kapag naging malinaw na ang isang tao hinggil sa mga pagbabalak, pakana at kasuklam-suklam na mga palabas nito at ayaw nang magpatuloy na tapak-tapakan at lokohin nito o patuloy na alipinin nito, o maparusahan at mawasak na kasama nito, binabago ni Satanas ang dating malasantong anyo nito at pinupunit ang huwad na maskara nito upang ibunyag ang tunay nitong mukha, na masama, malupit, pangit at mabagsik. Wala itong ibang nais kundi lipulin yaong lahat ng tumatangging sundin ito at yaong mga lumalaban sa masasama nitong mga puwersa. Sa puntong ito, hindi na makakapagpakita si Satanas ng isang mapagkakatiwalaan at maginoong anyo; sa halip, mabubunyag ang tunay na pangit at maladiyablong anyo nito sa likod ng pag-aanyong tupa. Sa sandaling malantad ang mga pakana at tunay na anyo ni Satanas, magpupuyos ito sa labis na pagkapoot at ilalantad ang kalupitan nito. Pagkatapos nito, ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang mga tao ay lalo lamang titindi. Ito ay dahil sumiklab ito sa galit sa pagkagising ng tao sa katotohanan; at nakabubuo ito ng isang makapangyarihang paghihiganti laban sa tao dahil sa kanilang paghahangad na magkaroon ng kalayaan at kaliwanagan, at makawala mula sa kulungan nito. Ang labis na poot nito ay naglalayong ipagtanggol at pagtibayin ang kasamaan nito at ito rin ay isang tunay na pagbubunyag ng malupit na kalikasan nito.

Sa bawat bagay, inilalantad ng kilos ni Satanas ang masamang kalikasan nito. Mula sa lahat ng masasamang gawa na ginawa ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na dayain ang tao upang sundin ito, hanggang sa panggagamit nito sa tao, kung saan ay kinakaladkad nito ang tao tungo sa masasama nitong gawa, hanggang sa paghihiganti ni Satanas sa tao matapos malantad ang tunay nitong anyo; at nakilala at tinalikdan ito ng tao—wala kahit isa sa mga gawang ito ang nabigong ilantad ang masamang diwa ni Satanas; wala kahit isa ang nabigong patunayan ang katunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay at na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang bagay. Ang bawat isa sa mga kilos nito ay nangangalaga sa kasamaan nito, nagpapanatili sa pagpapatuloy ng masasamang gawa nito, kumakalaban sa matuwid at positibong mga bagay, at sumisira sa mga batas at kaayusan ng normal na pag-iral ng sangkatauhan. Ang mga gawang ito ni Satanas ay laban sa Diyos at ang mga ito ay wawasakin ng poot ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Kaugnay na mga Himno

Ang mga Bunga ng Pagkawala ng Patnubay ng Diyos sa Sangkatauhan

Sinundan: h. Ang pagliligtas ng Diyos ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang gawain sa mga huling araw at paglisan sa mundo ng relihiyon

Sumunod: b. Ang pinsala at mga kahihinatnang idinudulot ng paghawak ng kapangyarihan ng tiwaling sangkatauhan sa mga tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito