71. Kung Paano Ko Pinakawalan ang Pag-aalala sa Pagkakasakit
Noong Marso 1997, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Matapos manampalataya sa Panginoon nang maraming taon, nag-uumapaw sa kasabikan ang puso ko na sa wakas ay nasalubong ko ang Kanyang pagbabalik. Lalo na nang mapagtanto kong nagbalik na ang Diyos sa mga huling araw para ipahayag ang katotohanan at lubusang dalisayin at iligtas tayo, para palayain tayo sa kasalanan, at na malapit nang matupad ang mga pag-asa nating maligtas at makapasok sa kaharian ng langit, sinimulan kong talikuran ang pamilya at karera ko para gampanan ang aking tungkulin. Sa panahong ito, ang mga problema ko sa sikmura at pananakit ng ibabang bahagi ng likod na bumagabag sa akin nang maraming taon ay ganap na gumaling nang hindi ko man lang namamalayan, at mas lalo pa akong ginanahan na gawin ang tungkulin ko. Kalaunan, inaresto ako ng pulisya habang ginagawa ang tungkulin ko. Pinahirapan ako ng mga pulis hanggang malagay ako sa bingit ng kamatayan. Nagdulot ito sa akin ng problema sa puso, at kailangan kong iwasan ang anumang nakakagulat na bagay. Kapag nakakarinig ako ng biglaang ingay, hindi kinakaya ng puso ko at natataranta ako. Pagkatapos kong makalaya, gaano man kamapanganib ang sitwasyon, palagi akong nagpupursigi sa tungkulin ko. Pagsapit ng Hunyo 2017, nagsimulang magkaproblema ang kalusugan ko. Una, naninikip ang dibdib ko, kinakapos ako ng hininga, at nanghihina ang buong katawan ko. Pagkatapos lang maligo, pagod na pagod na ako kaya kailangan kong humiga sandali para makabawi. Mainit ang pakiramdam ng likod ng ulo ko, at parang ang bigat-bigat nito para iangat. Namaga rin nang husto ang mga binti ko, at kapag pinipindot ko, nag-iiwan ito ng bakat, at sa gabi, may sinat din ako. Kalaunan, lumala nang lumala ang kalusugan ko. Namanhid ang kalahati ng katawan ko at ni hindi ako makapanatiling nakaupo. Minsan, umaatake ang cervical spondylosis ko na may kasamang pagkakaipit sa ugat, paninigas ng leeg, hindi sapat na suplay ng dugo sa utak, at pagkahilo. Hindi ko man lang maiangat ang isang bote ng tubig, at kahit sa pagbahing lang ay pinagpapawisan na ako nang husto. Nagpunta ako sa ospital para magpa-checkup at seryosong sinabi sa akin ng doktor, “Ang iyong systolic blood pressure ay umabot na sa 180 mmHg, at ang iyong diastolic blood pressure ay nasa 115 mmHg. Ang tibok ng puso mo ay 128 bpm. Napakadelikado nito. Kung madadapa ka, puwede kang mamatay agad, at kahit hindi ka mamatay, ang isang pumutok na ugat sa utak ay maaaring humantong sa pagkaparalisa ng kalahati ng iyong katawan.” Nang marinig ko ang sinabi ng doktor, agad kong naalala ang tatay ko. Namatay siya dahil sa biglaang stroke na dulot ng altapresyon sa kaparehong edad ko. Na-stroke din ang biyenan kong babae at naparalisa ang kalahati ng katawan niya. Hindi niya maalagaan ang sarili niya at namatay siya pagkatapos ng ilang taong pagkakaratay. Medyo kinabahan ako, at naisip ko, “Paano ako nagkaroon ng ganito kalubhang sakit? Nasa singkuwenta anyos na ako; mamamatay din kaya ako sa biglaang stroke tulad ng tatay at biyenan ko?” Pero bigla kong naisip, “Hindi sila nananampalataya sa Diyos at wala silang proteksyon Niya. Isa akong mananampalataya, kaya hindi hahayaan ng Diyos na mamatay ako kung hindi ko pa natatapos ang tungkulin ko. Babantayan at poprotektahan Niya ako.” Kalaunan, sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot at pag-eehersisyo, unti-unting bumuti ang kalusugan ko. Halos kontrolado ko na ang presyon ng dugo ko, pero medyo mabilis pa rin ang tibok ng puso ko.
Noong kalagitnaan ng 2022, naglunsad ang CCP ng malawakang nagkakaisang operasyon ng pagdakip sa mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at sa lugar namin, mahigit 30 lider, manggagawa, at ibang mga kapatid ang inaresto. Naparalisa ang lahat ng gawain ng iglesia. Isang araw, pinuntahan ako ng nakatataas na lider na si Sister Xin Yi, at sinabi niyang inihalal ako ng mga kapatid para maging isang mangangaral. Naisip ko, “Hindi puwedeng masyadong mabigla ang puso ko, at may altapresyon na ako. Palala na nang palala ang kalusugan ko. Sa paglipas ng mga taon, gumagawa ako ng gawaing may iisang gampanin, at medyo magaan lang ang trabaho, kaya kinakaya ito ng katawan ko. Ang pagiging isang mangangaral ay kinasasangkutan ng mabigat na trabaho. Bukod pa rito, kamakailan lang ay sumailalim ang iglesia sa malawakang serye ng mga pag-aresto, kaya marami pang gawain ang kailangang tapusin. Kakailanganin kong gumugol ng pagsisikap ng isip at magbayad ng halaga, at tiyak na hindi ko maiiwasang magpuyat. Paano kung lumala ang kondisyon ko, at isang araw ay bigla akong ma-stroke at mamatay tulad ng tatay ko? Kung gayon, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng taon ng pagtalikod at paggugol ko? Kahit hindi ako mamatay, kung magkakaroon ako ng mga pangmatagalang kondisyon, maiiwan akong nakaratay sa kama at paralisado ang kalahating katawan tulad ng biyenan ko, at hindi ko magagawa ang tungkulin ko, hindi ba’t mawawala pa rin sa akin ang pagkakataong maligtas at makapasok sa kaharian?” Sa pag-iisip sa mga kahihinatnan na ito, nakahanap ako ng mga dahilan para iwasan ang tungkulin ko, sinasabing, “Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at hindi ako makagawa ng tunay na gawain. May altapresyon din ako at sakit sa puso, kaya hindi ako angkop para sa tungkuling ito. Humanap ka na lang ng iba.” Nang makitang patuloy kong iniiwasan ang tungkulin, matiyagang nakipagbahaginan sa akin si Xin Yi, sinasabing hindi siya makahanap agad ng sinumang angkop. Nabagabag ang konsensiya ko nang marinig ito. Naisip ko na kahit hindi masyadong maganda ang kalusugan ko, hindi naman ito ganoon kalala para hindi ko magawa ang tungkulin ko, at basta’t umiinom ako ng gamot sa tamang oras, inaayos ang iskedyul ko, at nag-eehersisyo nang tama, makakagawa pa rin ako ng ilang gawain. Sa pagkakaaresto ng mga lider at manggagawa, at kawalan ng angkop na tao para gawin ang gawain ng iglesia, sa kritikal na sandaling ito, hindi ko isinaalang-alang ang layunin ng Diyos. Talagang napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Kaya tinanggap ko ang tungkuling ito. Dahil sa mahirap na sitwasyon, hindi kami direktang makapunta sa mga iglesia para gumawa, at halos lahat ng gawain ay kailangang ipatupad at kumustahin sa pamamagitan ng mga sulat. Sa kabutihang-palad, nakikipagtulungan sa akin si Brother Su Ming. Bata siya at may mahusay na kakayahan, at siya lang ang responsable sa maraming gampanin. Pangunahin kong responsabilidad ang gawaing nakabatay sa teksto, kaya naging mas magaan ito para sa akin. Isa pa, kapag umiinom ako ng gamot sa tamang oras, nakokontrol ang sakit ko sa puso at altapresyon ko, at unti-unti na akong nasanay sa tungkuling ito.
Isang araw noong Hulyo 2024, nagpadala ng sulat ang mga nakatataas na lider na nagsasabing gusto nilang italaga si Su Ming sa ibang tungkulin sa ibang lugar. Nang mabasa ko ang sulat, parang umugong ang ulo ko at ang bigat ng pakiramdam ko. Naisip ko, “Kung ililipat si Su Ming, paano ko posibleng mahaharap ang lahat ng paparating na gawain? Matanda na ako at limitado ang mga kapabilidad ko sa gawain. Hindi ba’t ang pagtatalaga kay Su Ming sa ibang lugar ay naglalagay sa akin sa alanganin?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Tiyak na ginawa ng mga nakatataas na lider ang pagsasaayos na ito dahil sa pagsasaalang-alang sa pangkalahatang gawain ng iglesia.” Gayumpaman, nababahala pa rin ako sa pagdami ng gawain ko pag-alis ni Su Ming. Gaano karaming pag-aalala at gaano karaming lakas ang kakailanganin kong gugulin? May altapresyon at sakit ako sa puso, kaya paano kung dahil sa pagpupuyat ay tumaas ang presyon ko, pumutok ang ugat ko sa utak, at mamatay ako sa stroke? Hindi ba’t doon na magtatapos ang paglalakbay ko sa pananalig sa Diyos? Kahit manatili akong buhay, kung magkakaroon ako ng mga pangmatagalang kondisyon at mapaparalisa ang kalahati ng katawan ko, hindi ko pa rin magagawa ang tungkulin ko. Hindi ba’t matitiwalag din ako? Sa sobrang pagkabalisa, hindi ako makakain o makatulog. Sa mga araw pagkatapos umalis ni Su Ming, maraming gawain ang kailangang kumustahin at ipatupad, at palaging lumalaban ang kalooban ko. Dagdag pa, dahil sa init ng panahon, kinakapos ako ng hininga at medyo nahihilo. Kakahiga ko pa lang para magpahinga sandali, naramdaman kong bumilis ang tibok ng puso ko at parang umiikot ang aking paligid. Agad akong umupo at sumandal sa kama, sa sobrang sama ng pakiramdam ko ay parang masusuka ako. Sumagi sa isip ko ang pagkamatay ng tatay ko, at lalo akong nag-alala na baka lumala ang kondisyon ko, at takot na takot akong biglang ma-stroke at biglang mamatay. Pagkatapos niyon, sa tuwing sumasama ang pakiramdam ko, nababagabag ako at nababalisa, palaging nag-aalala na baka lumala ang sakit ko. Lalo na kapag naiisip ko na may rekord ako sa pulis at tinutugis pa rin nila ako, kung atakihin ako ng sakit ko, hindi ako makakapunta sa doktor. Ano na lang ang gagawin ko? Minsan, nalaman kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid, at bumababa ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto, at gusto ko sanang sumulat para makipagbahaginan sa kanila, pero naiisip kong mangangailangan ito ng oras at pag-iisip, at nangangahulugan itong mapupuyat ako. Kung madalas akong magpupuyat, hindi magtatagal ay tutumba na lang ako dahil sa pagod. Kaya napagpasyahan kong mas mahalagang protektahan ang kalusugan ko. Kung tutumba ako dahil sa pagod, hindi ko na magagawa kahit ang tungkuling may iisang gampanin. Hindi ba’t matitiwalag ako kapag nagkagayon? Kaya kapag nabubunton ang mga liham para sa gawain, hindi ako nagmamadaling asikasuhin ang mga ito. Nalaman ng mga lider na hindi maganda ang kalagayan ko kaya sinulatan nila ako. Nagpadala rin sila ng mga salita ng Diyos para tulungan ako. Nagdasal din ako sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya akong matuto ng aral mula sa bagay na ito.
Isang araw, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nauugnay sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang mga pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may mga malubha o simpleng karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, o mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa paggawa sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? Kung mayroon, may sinuman ba na magbibigay ng kongkretong paraan ng pagharap dito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong mahina ang katawan at may hindi malusog na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gawin nang maayos ang tungkulin ko. May ganito akong karamdaman at hinihiling ko sa Diyos na protektahan ako. Kapag nariyan ang proteksiyon ng Diyos, hindi ako natatakot, ngunit kung mapagod ako habang ginagawa ko ang tungkulin ko, aatake ba ang aking kondisyon? Ano ang gagawin ko kung talagang umatake ang kondisyon ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito. Kung hindi ko uutangin ang pera para sa pagpapagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, tatandaan ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginawa ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Matatamo ko ba ang kaligtasan?’ May ilan ding nakakaalam na mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, mga sakit sa balat, sakit ng kababaihan, sakit sa atay, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagawin ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manampalataya sa Diyos, kaya pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung gagawin ko ang tungkulin ko nang deboto, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung hihilingin ko sa Diyos na pagalingin ako batay sa mapangaraping pag-iisip at hindi Niya ito ginawa, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa paggawa ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, nakakabuo sila ng isang kongklusyon, na batay lang sa kanilang pangangarap nang gising: ‘Pagagalingin ako ng Diyos, poprotektahan ako ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Hinding-hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (3)). Ang isiniwalat ng mga salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Namumuhay ako sa kalagayan ng pagkasira ng loob ng pagiging balisa sa sakit ko. Nang ihalal ako ng mga kapatid bilang isang mangangaral, nag-alala ako na magiging abala at nakakapagod sa isipan ang gawain, na makakasama sa kalusugan ko, kaya patuloy kong iniiwasan ang tungkulin ko. Kahit na tinanggap ko ito kalaunan, nang ilipat ng mga nakatataas na lider si Su Ming at dumami ang gawain, nakaramdam ako ng paglaban. Madalas akong nag-aalala na masyadong nakakapagod ang tungkulin ko, at paano kung lumala ang sakit ko at bigla akong ma-stroke at mamatay o magkaroon ako ng mga pangmatagalang kondisyon, at hindi ko na magawa ang tungkulin ko—at dahil doon ay hindi ako maligtas. Ganap na napuno ang isip ko ng aking karamdaman. Bagama’t ginagawa ko ang aking tungkulin, hindi na kasingpositibo ng dati ang saloobin ko. Nang makita ko na hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid at bumababa ang mga resulta ng gawaing nakabatay sa teksto, hindi ako sumulat para kumustahin o lutasin ito, sa halip, ginawa ko ang tungkulin ko nang pabaya. Noong may karamdaman ako, hindi ako nagdasal para hanapin ang layunin ng Diyos, kundi palaging labis na nag-aalala tungkol sa mga pakinabang o kawalan na nauugnay sa kinabukasan at hantungan ko. Namuhay ako sa pagkabagabag at pagkabalisa, hindi nakahanap ng anumang ginhawa, at hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko. Napagtanto kong hindi talaga ako naghahangad ng katotohanan.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa kanilang pananampalataya, nais lamang ng mga anticristo na mapagpala, at ayaw nilang magdusa ng paghihirap. Kapag nakikita nilang pinagpala ang isang tao, nakinabang, nabiyayaan, at nakatanggap ng higit pang materyal na kasiyahan, malalaking bentaha, naniniwala silang ito ay ginawa ng Diyos; at kung hindi sila nakakatanggap ng gayong mga materyal na pagpapala, kung gayon ay hindi ito gawa ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay, ‘Kung talagang ikaw ay diyos, puwede mo lang pagpalain ang mga tao; dapat mong iiwas ang mga tao sa paghihirap at hindi sila hayaang magdusa. Sa gayon lamang magkakaroon ng halaga at saysay ang pananampalataya ng mga tao sa iyo. Kung, pagkatapos sumunod sa iyo, patuloy pa ring nakakaranas ng paghihirap ang mga tao, kung patuloy silang nagdurusa, ano pa ang saysay na manampalataya sa iyo?’ Hindi nila kinikilala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. At bakit hindi nila ito kinikilala? Dahil natatakot ang mga anticristo na magdusa ng paghihirap. Gusto lamang nilang makinabang, magsamantala, magtamasa ng mga pagpapala; ayaw nilang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan o pamamatnugot ng Diyos, kundi gusto lamang nilang makatanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Ito ang makasarili at kasuklam-suklam na pananaw ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaanim na Bahagi)). “Nabubuhay ang lahat ng tiwaling tao para sa kanilang sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang nagbubuod sa kalikasan ng tao. Nananampalataya ang lahat ng tao sa Diyos para sa sarili nilang kapakanan; tinatalikuran nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang sarili para mapagpala, at ang pagdurusang tinitiis nila at ang halagang binabayaran sa paggawa ng kanilang tungkulin ay para din magantimpalaan. Sa madaling salita, ang lahat ng ito ay para sa layuning mapagpala, magantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa mundo, gumagawa ang mga tao para sa sarili nilang kapakinabangan, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin upang magkamit ng mga pagpapala. Alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala, tinatalikuran ng mga tao ang lahat ng bagay at kaya nilang tiisin ang matinding pagdurusa. Ang lahat ng ito ang pinakamalinaw na katibayan na nagtataglay ang mga tao ng isang satanikong kalikasan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Isinisiwalat ng Diyos na namumuhay ang mga anticristo ayon sa satanikong panuntunan na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Naniniwala sila na dapat silang tumanggap ng mga pagpapala at pakinabang dahil sa pananampalataya sa Diyos. Kapag may mapapakinabangan o may mga pagpapalang makakamit, tatalikuran at gugugulin nila ang kanilang sarili, pero sa sandaling isipin nilang hindi sila makakatamo ng anumang pagpapala o pakinabang at sa halip ay magdurusa ng paghihirap, ayaw na nilang gugulin ang kanilang sarili, at iniisip pa nga nilang walang kabuluhan ang manampalataya sa Diyos. Nakita ko na ang pag-uugali ko ay kapareho ng sa isang anticristo. Mula nang matagpuan ko ang Panginoon, hinahangad ko nang magkamit ng mga pagpapala at makapunta sa langit. Matapos kong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nang makita kong malapit nang matupad ang mga inaasahan ko na mapagpala at makapasok sa kaharian ng langit, iniwan ko ang lahat para gawin ang tungkulin ko. Sa panahong ito, gumaling ang sakit ko sa sikmura at ibabang bahagi ng likod na maraming taon ko nang pinagdurusahan, at nadagdagan ang gana ko sa paggawa ng tungkulin. Kahit na inaresto at pinahirapan ako, nagpatuloy pa rin akong gawin ang tungkulin ko pagkatapos kong makalaya. Pero habang tumatanda ako, nagkaroon ako ng altapresyon at sakit sa puso, kaya naman ay nagsimula akong mag-alala na baka bigla akong ma-stroke at mamatay o maparalisa ang kalahati ng katawan ko at hindi ko magawa ang aking tungkulin, at mawala ang pagkakataon kong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Kaya ginusto kong gampanan ang isang mas magaan na tungkulin. Nang ilipat ang katuwang ko noon na si Su Ming, biglang dumami ang gawain ko, at nabahala ako na kung masyado akong mag-aalala at mapapagod, lalala ang kondisyon ko. Kaya naging pabasta-basta ako sa aking tungkulin. Nang malaman kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid, hindi ako nagmadaling lutasin ang mga problema nila, ni hindi ako nagmadaling ipatupad ang gawaing kailangang ipatupad. Kahit na may ginagawa akong kaunting trabaho, ginagawa ko iyon nang may paglaban sa kalooban, nag-aalala na magkakaproblema ako sa kalusugan ko. Sa katunayan, ang paglipat ni Su Ming para gawin ang kanyang tungkulin sa ibang lugar ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Ang sinumang may konsensiya at katwiran ay bibitiwan ang kanyang personal na interes at uunahin ang interes ng iglesia, tatanggap at magpapasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia, pero para sa sarili kong interes, ayaw kong paalisin si Su Ming at nakaramdam pa nga ako ng paglaban sa desisyon ng mga nakatataas na lider na italaga siya sa ibang tungkulin. Inakala kong pinahihirapan ako ng mga lider, at desperado akong umasa na babaguhin nila ang kanilang isip at hindi paalisin si Su Ming. Napagtanto kong namumuhay ako ayon sa satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” na lahat ng ginawa ko ay para sa sarili kong kapakanan, at wala talaga akong pakialam sa gawain ng iglesia. Talagang naging napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Dahil dito, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang Diyos ay kataas-taasan magpakailanman at kagalang-galang magpakailanman, samantalang ang tao ay napakababa magpakailanman at walang halaga magpakailanman. Ito ay sapagkat ang Diyos ay inilalaan at iginugugol ang sarili Niya Mismo para sa sangkatauhan magpakailanman, samantalang ang tao ay nanghihingi at nagsisikap para sa sarili niya magpakailanman. Ang Diyos ay nagpapakahirap magpakailanman para manatiling buhay ang sangkatauhan, gayumpaman, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay alang-alang sa katarungan o liwanag, at kahit na pansamantalang magsikap ang tao, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Makasarili ang tao magpakailanman, samantalang ang Diyos ay walang pag-iimbot magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ang siyang nagmamana at nagpapahayag ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang diwa ng katarungan at kagandahan, gayumpaman, ang tao ay maaaring ipagkanulo ang katarungan at lumayo sa Diyos sa anumang oras at sa anumang lugar” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Ang diwa ng Diyos ay di-makasarili, at lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa sangkatauhan. Para mabuhay ang sangkatauhan sa lupa, nilikha ng Diyos ang mga kailangan ng tao para mabuhay—ang hangin, sikat ng araw, ulan at hamog, araw, buwan, at mga bituin, pati na ang lahat ng prutas at gulay, at iba pa. Para iligtas ang sangkatauhan, Siya ay nagkatawang-tao at ipinako sa krus para sa atin, pinapasan ang ating mga kasalanan. Sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao at pumarito sa lupa ang Diyos para lubusang iligtas ang sangkatauhan, ipinahahayag ang lahat ng katotohanan para sa ating pagdadalisay at kaligtasan. Kahit na hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at Siya ay itinatanggi at itinatakwil ng mga ito, tahimik pa ring isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao, at patuloy pa rin Siyang nagpapahayag ng katotohanan para tustusan ang mga tao. Nakita kong tunay na napakaganda at napakabuti ng diwa ng Diyos, at Siya ay di-makasarili! Ako, sa kabilang banda, ay palaging namumuhay ayon sa mga satanikong kaisipan at ideya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Huwag kumilos kung walang gantimpala.” Kahit na tumalikod, gumugol, nagdusa, at nagbayad ako ng halaga nang bahagya sa aking tungkulin, lahat ng iyon ay para makamit ko ang mga pagpapala at biyaya. Nang humina ang kalusugan ko at nagkasakit, nagsimula akong maging mapili sa aking tungkulin at hindi ko na ibinubuhos ang aking buong lakas. Iniisip ko ang sarili ko sa bawat pagkakataon, nababalisa ako tungkol sa aking kinabukasan at hantungan, at hindi ko ibinibigay ang lahat ng aking makakaya. Nang makita kong hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid at naaapektuhan nito ang kanilang mga tungkulin, hindi ako nag-isip ng paraan para lutasin ito, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Nakita ko na makasarili ang kalikasan ko. Dati, akala ko ay magaling ako, dahil sa mga taon ko ng pananampalataya sa Diyos, iniwan ko ang aking pamilya at karera para gawin ang aking tungkulin, at kahit na inaresto, inusig, at pinahirapan ako ng CCP, patuloy pa rin akong nangaral ng ebanghelyo at ginawa ang tungkulin ko pagkatapos kong makalaya. Pakiramdam ko ay medyo nagbago na ako at medyo tapat na sa Diyos. Kung hindi dahil sa sakit na ito, hindi ko kailanman mauunawaan ang mga karumihan sa aking pananalig. Ngayon, tunay kong naranasan ang mga salita ng Diyos: “Kapag sumapit sa iyo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at ang Kanyang mabubuting layunin ay tiyak na nakapaloob dito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Sa likod pala ng karamdaman ay naroon ang pag-ibig at mabuting layunin ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang karamdaman para linisin at baguhin ang tiwaling disposisyon ko, na nagtulak sa akin na bitiwan ang aking mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos at talikuran ang mararangya kong pagnanais. Ito ang layunin at masidhing papangangalaga ng Diyos! Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng hiya at pagsisisi, at kinamuhian ko ang aking sarili sa pagiging napakamakasarili at kasuklam-suklam. Lihim akong nagpasya sa aking sarili na titiyakin kong gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin.
Pagkatapos niyon, hinanap at pinagnilayan ko kung paano haharapin nang tama ang kamatayan. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay nila, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, may iba’t ibang kalikasan ang kamatayan. Isa rito ay na, sa oras na pauna nang inorden ng Diyos, nakumpleto na ng isang tao ang sarili niyang misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang kanyang pisikal na buhay, kaya nagwawakas na ang kanyang pisikal na buhay, bagama’t hindi ito nangangahulugang tapos na ang kanyang buhay. Kapag hindi na umiiral ang laman ng isang tao, tapos na ang kanyang buhay—ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang anyo ng magiging pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinatrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong magiging pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng paghihimagsik, pagsalungat, at pagtutol, kung gayon ay sa anong paraan ka iiral kapag natapos na ang pisikal mong buhay? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananalig, kung gayon, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy pa rin na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ang depinisyon ng kamatayan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (4)). “Anuman ang usaping kinakaharap ng mga tao, dapat lagi nila itong harapin nang may positibong saloobin, at lalo nang mas totoo ito pagdating sa usapin ng kamatayan. Ang pagkakaroon ng positibong saloobin ay hindi nangangahulugan ng paghihintay sa kamatayan, pagiging alinsunod sa kamatayan, o aktibong paghahangad sa kamatayan. Kung gayon, ano ang ibig sabihin nito? (Pagpapasakop.) Ang pagpapasakop ay isang saloobin sa usapin ng kamatayan, at ang pagbitiw sa usaping ito at ang hindi pag-iisip dito ang pinakamainam na paraan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at paunang nag-oorden ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan. Hindi natin mapipili ang mga bagay na ito. Kung hindi mo pa oras mamatay, hindi ka mamamatay kahit gustuhin mo pa; kung oras mo nang mamatay, hindi ka na mabubuhay kahit isang araw pa, gaano mo man kagusto. Bilang mga nilikha, dapat makatwiran tayong tumanggap at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Naisip ko ang isang kasamahan ng asawa ko. Pauwi mula sa trabaho, nakita niya na may naaksidente sa sasakyan. Nakiusyoso siya, at sa huli ay nabangga siya ng isang electric bike, at namatay noon din nang tumama ang ulo niya sa lupa. Isa pa, may isang doktor akong kilala na karaniwang binibigyan ng partikular na atensiyon ang kanyang kalusugan at araw-araw na nag-eehersisyo. Napakaganda ng kalusugan niya, pero isang araw nang lumabas siya para mag-ehersisyo, aksidente siyang nabangga ng kotse at namatay noon din. Mula sa mga bagay na ito, nakita ko na kung kailan isisilang ang isang tao at kung kailan siya mamamatay ay kapwa isinaayos at pinaghaharian ng Diyos, at na ang kanyang buhay at kamatayan ay nasa Diyos. Hindi ako nagkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga bagay na ito, at palagi akong nag-aalala tungkol sa sakit ko sa puso at altapresyon, at na dahil sa pagkapagod ay baka lumala ang aking kondisyon at mamatay pa nga ako. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos pero hindi ako naniwala na ang buhay at kamatayan ko ay nasa mga kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Paano ako nagkaroon ng anumang tunay na pananalig sa Diyos? Ngayon, naunawaan ko na kung paunang inorden ng Diyos na tapos na ang buhay ko, mamamatay ako kahit malusog ako at walang sakit. Pero kung hindi pa tapos ang buhay ko, hindi ako mamamatay kahit may altapresyon ako, sakit sa puso, o kahit na kanser pa. Kapag isang araw ay natapos na ang misyon ko, at dumating na ang araw na paunang inorden ng Diyos para sa akin, dapat ko itong harapin nang positibo, at tumanggap at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwiran na dapat kong taglayin. Sa ngayon, responsabilidad kong tuparin nang maayos ang tungkulin ko. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, medyo nagbago ang saloobin ko sa aking tungkulin, at talagang nakilahok ako sa iba’t ibang gampanin ng gawain ng iglesia. Kapag may mga nangyayari, nakikipagtulungan ako sa lahat para pag-usapan ang mga solusyon.
Kalaunan, mayroong panahon kung kailan maraming kapatid sa iglesia ang ipinagkanulo ng mga Hudas, maraming tahanan kung saan nakatago ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ang naharap sa mga panganib sa seguridad, at kailangang ilipat ang mga aklat na ito sa isang ligtas na lugar sa lalong madaling panahon. Dahil maraming iba’t ibang bagay ang sangkot dito, kinailangan kong sumulat ng mas maraming liham para makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga prinsipyo at paalalahanan sila sa mga bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin. Halos gabi-gabi akong nagpupuyat noong mga araw na iyon. Bukod dito, apurahan ang bagay na ito, at maraming dapat isaalang-alang. Kapag nababalisa ako, at kasama pa ang pagpupuyat, sumasakit ang ulo ko at minsan ay hindi ako makahinga, kaya nag-alala na naman ako na kung magpapatuloy ito, magkakaproblema ang kalusugan ko. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng pananalig at lakas. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gawin ang tungkulin mo, at dapat ay taimtim at praktikal ka sa paggampan ng tungkulin mo. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilikha o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (3)). Naunawaan ko na ang isang tungkulin ay isang misyon na ganap na likas at may katwiran na tapusin ng mga tao. Bilang isang nilikha, ang pagtupad nang maayos sa aking tungkulin ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay na mayroon, at kung hindi ko gagawin ito, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy na mabuhay. Kaya nagdasal ako habang nagsusulat ng mga liham. Tinulungan ako ng brother na katuwang ko na suriin at dagdagan ang mga liham, at isinaayos namin ang lahat nang buong-ingat hangga’t maaari. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagsisikap, ligtas na nailipat ang lahat ng aklat ng mga salita ng Diyos. Nagpasalamat kaming lahat sa Diyos sa aming mga puso, at mas nagkaroon ako ng pananalig na tuparin nang maayos ang tungkulin ko.
Dahil sa pagkakabunyag sa pamamagitan ng sakit na ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa mga maling pananaw sa aking pananampalataya sa Diyos, mas naunawaan ko nang kaunti ang mga layunin ng Diyos, at, hindi na nalilimitahan ng sakit at kamatayan, nagawa ko na ang aking tungkulin nang normal. Ang lahat ng ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos! Salamat sa Diyos!