41. Paano Tratuhin ang mga Interes at Libangan ng Isang Anak

Ni Wen Nuan, Tsina

Mula pagkabata, medyo mahina na ang anak ko at mabagal din siyang lumaki. Dahil malapit lang ang bahay namin sa eskuwelahan, madalas ko siyang dalhin sa sports field para tumakbo at magpalakas ng katawan. Noong panahong iyon, may isang coach na nakapansin sa kanya. Noong 2020, nang nasa ikatlong baitang na ng elementarya ang anak ko, napili siya ng coach para sumali sa pangkat ng soccer ng paaralan. Bawat hapon pagkatapos ng klase, nag-eensayo ang anak ko sa field, at nang makita kong hindi na siya maputla at lumalakas ang kanyang katawan, labis akong nasiyahan. Gabi-gabi, pinakikinggan ko siyang magbahagi ng mga interesanteng kuwento tungkol sa soccer. Habang pinapanood kong mag-ensayo ang anak ko sa field, napansin kong binibigyan siya ng espesyal na atensiyon ng ilang coach at tinuturuan pa siya ng mga karagdagang galaw. Napakagalang makipag-usap sa akin ng mga coach, pinupuri ang anak ko dahil mabilis daw matuto, masunurin, at matibay, at madalas, hinahayaan nila siya na makipaglaro sa mga nakakatandang estudyante, sabi nila ay gusto raw nila siyang linangin para maging pangunahing manlalaro. Tuwang-tuwa ako, at naisip ko, “Talagang maipagmamalaki ko ang batang ito. May potensyal nga kaya talaga siya bilang isang soccer player?” Mula noon, sinimulan kong subaybayang mabuti ang paglalaro ng soccer ng anak ko, at hangga’t hindi ako masyadong abala sa mga tungkulin ko, pinupuntahan ko ang lahat ng kanyang laro, malaki man o maliit. Kung may anumang pagsasaayos ang pangkat, ipinapaalam sa akin nang maaga ng coach, at nakadama ako ng matinding karangalan. Hindi ko tuloy maiwasang mangarap nang gising, “Mukhang may kaloob talaga ang anak ko rito. Sa lipunan ngayon na puno ng kompetisyon, mahirap magkaroon ng matatag na posisyon kung walang espesyal na kasanayan. Kailangan ko siyang linangin nang maayos at gawing isang sikat na manlalaro, at kapag naging sikat na siya at matagumpay, bukod sa maipagmamalaki ko siya, makikibahagi pa ako sa kanyang yaman at kaluwalhatian.” Noong Bagong Taon ng 2021, nanalo ang pangkat ng anak ko sa kampeonato ng distrito. Habang tinitingnan niya ang kumikinang na gintong tropeo, niyakap niya ako at masaya siyang tumawa. Sa galak ko, lihim akong nagpaplano para sa kinabukasan ng anak ko bilang manlalaro ng soccer. Naisip ko sa sarili ko, “Mula ngayon, ihanda mo na ang sarili mo sa hirap. Huwag mo akong sisisihin kung magiging mahigpit ako—para ito sa ikabubuti mo. Kapag naging matagumpay ka balang araw, mauunawaan mo rin ang masidhi kong layunin. Libangan mo na rin naman ito, at kung hindi ka namin lilinangin nang maayos, aba’y nagkukulang na kami sa aming responsabilidad bilang mga magulang.”

Pagkatapos nito, madalas kong pinapanood sa anak ko ang mga highlight reel ng mga sikat na manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sinasabi ko sa kanya, “Nakikita mo kung gaano kahanga-hanga ang sikat na manlalarong iyan? Kung isang araw ay maging katulad ka niya, ano kaya ang magiging pakiramdam mo?” Mahilig na talagang manood ng mga laro ang anak ko, at dahil sa paggabay ko, lalo pa siyang ginanahan. Pagkatapos niyang gawin ang takdang-aralin niya, nanonood na siya ng mga laro at mga interbyu sa mga sikat na manlalaro. Hindi nagtagal, naging napakapamilyar na niya sa mga pangunahing palaro sa soccer at sa mga sikat na manlalaro mula sa iba’t ibang bansa, at madalas niya pa itong ipinapaliwanag sa akin. Nang makita kong nasa tamang landas na ang anak ko, sinimulan ko siyang lalo pang turuan, “Walang sinumang basta-basta na lang nagtatagumpay. Kailangan mong magtiis ng hirap para matupad mo ang mga pangarap mo.” Lubos na sumang-ayon ang anak ko at bihira siyang magreklamo tungkol sa mga nakakainip na pagsasanay sa mga pangunahing kasanayan. Sa buong tag-araw ng 2021, alas-5 ng umaga pa lang, pumupunta na ang anak ko sa field para mag-ensayo at hindi tumitigil hanggang lampas alas-9 ng umaga na, at ni isang sesyon ay hindi niya pinalampas. Isang beses, nilagnat ang anak ko, at medyo naawa ako na makita siyang ganoon kahina. Pero para tulungan siyang magkaroon ng pangalan sa hinaharap, dinala ko pa rin siya sa field. Tuwing Sabado at Linggo, kapag nagpupunta siya sa club para mag-ensayo, minsan ay sobrang pagod na siya at gusto niyang lumiban, pero palagi akong tumatanggi. Minsan, labag na sa loob niya, pero patuloy ko siyang kinakausap para subukan na baguhin ang isip niya, “Kailangan mong magtiyaga para makita ng coach ang pagsisikap mo. Kailangang gumaling ang mga kasanayan mo para maisama ka ng coach sa mas maraming laro. Kapag sumikat ka na, mapapansin ka ng mas magaling na coach at ililipat ka sa mas mahusay na pangkat, kapag nagkagayon ay mas magiging malapit ka nang maging sikat na manlalaro, hindi ba?” Hindi na makakontra sa akin ang anak ko, kaya napipilitan na lang siyang mag-ensayo.

Kalaunan, dahil sa matinding pandemya, nahinto ang malalaking kompetisyon sa loob ng dalawang magkasunod na taon. Walang napanalunang parangal ang anak ko, at pareho kaming nanghinayang, pero hindi kailanman tumigil sa pag-eensayo ang anak ko. Kahit sa gitna ng matinding lamig, na iilan lang ang tao sa field, naroroon pa rin siya kasama nila. Gayumpaman, hindi ko alam kung kailan eksaktong nagsimulang magbago ang relasyon namin ng anak ko. Dahil sa pagkasabik kong makita ang resulta ng pinaghihirapan ng anak ko, sa tuwing umuuwi siya at gustong magkuwento ng mga interesanteng pangyayari sa ensayo, lagi ko siyang pinuputol nang walang pasensiya: “Wala akong pakialam sa mga iyan. Ang gusto ko lang malaman: Nanalo ba kayo? Ilang goal ang naipasok mo? Pinuri ka ba ng coach? Ikaw ba ang pinakamagaling na manlalaro sa pangkat ninyo?” Natitigilan ang anak ko sa mga tanong ko, at hindi na siya naging kasinglapit sa akin gaya ng dati. Kapag nananalo ang pangkat nila, ipinagmamalaki niya ito sa akin, pero kapag natatalo sila, nakayuko ang ulo niya na para bang may nagawa siyang pagkakamali.

Noong 2023, tuluyan nang inalis ang mga restriksyon dahil sa pandemya, at idinaos ang iba’t ibang kompetisyon ayon sa iskedyul. Tuwing Sabado’t Linggo, madalas dalhin ng coach ang mga bata sa ibang lungsod para sa mga laro, at kapag bakasyon, pumupunta sila sa mas malalayong lungsod para sa malalaking kompetisyon, at nakikipagpaligsahan pa sila sa mga pangkat na ka-edad nila mula sa ibang mga bansa. Gaano man kalaki ang gastos, masigasig ko pa ring isinasali ang anak ko, at itinuturing ko ang sarili ko bilang isang magulang na nakikita ang mangyayari sa hinaharap at na responsable. Habang mas maraming parangal ang napapanalunan ng anak ko, lalo akong nagmamalaki, at labis na nasisiyahan ang aking banidad sa harap ng lahat ng coach, ibang magulang, at aming mga kaibigan at kamag-anak. Ngayong taon, naging napakaabala ko sa aking mga tungkulin, pero para masamahan ang anak ko sa pagsasanay, madalas kong iparada ang kotse ko sa tabi ng field at nagtatrabaho ako sa computer habang hinihintay siya. Dahil madalas akong kailangang bumaba ng kotse para kumustahin ang pag-eensayo ng anak ko, napakababa ng kahusayan ng tungkulin ko. Minsan, sumali ang anak ko sa isang kompetisyon sa siyudad, at nagkataon namang kasabay ito ng pagtitipon ko kasama ang isang baguhan. Kahit na gusto ko talagang pumunta sa laro ng anak ko, hindi ko naman puwedeng pabayaan ang mga tungkulin ko, kaya kinailangan kong pumunta sa pagtitipon. Pero sa buong panahon na papunta ako roon, ang laro lang ang nasa isip ko. Iniisip ko kung makakapaglaro ba ang anak ko sa buong laban, o kung mananalo ba ang pangkat nila. Pagdating ko sa bahay-tuluyan, nakita kong wala pa ang baguhan. Karaniwan, mag-aalala na ako at susubukan kong kontakin ang baguhan, pero noong araw na iyon, pakiramdam ko ay tamang-tama lang na hindi siya dumating, dahil ibig sabihin ay makakapunta ako sa laro para mapanood ang anak ko. Naghintay ako sandali, at dahil hindi pa rin dumarating ang baguhan, sabik na sabik akong nagmadali papunta sa laro. Sakto, inabutan ko ang ikalawang kalahati ng laro. Tuwang-tuwa akong makita na nanalo ang pangkat ng anak ko kaya tuluyan ko nang nakalimutang kontakin ang baguhan.

Noong Oktubre 2023, sumali ang pangkat ng anak ko sa isang kompetisyon sa buong siyudad pero hindi sila nanalo ng tropeo. Galit na galit ako. Lalo na nang makita kong nanalo ng premyo ang pangkat na mas bata nang isang taon kaysa sa anak ko at nagdiriwang ang mga magulang at mga batang iyon sa WeChat group, para akong masisiraan ng ulo. Dati, lagi lang silang naiinggit sa amin, pero ngayon ay aktuwal silang nanalo, habang ang anak ko ay umuwi nang walang premyo. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa sobrang hiya ko. Pag-uwi ko sa bahay, ni hindi ako naghapunan. Walang tigil akong naglabas ng sama ng loob sa anak ko, “Dalawang taon nang naantala ang mga kompetisyon dahil sa pandemya, pero hindi ko inaasahan na wala pa rin kayong resulta ngayon. Ito ay dahil hindi kayo inensayong lahat nang maayos ng coach ninyo bago ang kompetisyon. Iyong isang kakampi ninyo, pumalya sa kritikal na sandali at hinila kayong lahat pababa. At ikaw naman, sa tingin ko hindi ka rin naman ganoon kagaling. Kung talagang magaling ka, siguradong nadala mo ang pangkat ninyo hanggang sa dulo!” Malungkot na malungkot na nga ang anak ko dahil natalo sila sa laro, pero nang makita niya akong nagpupuyos, sinubukan niya akong aluin, “Ma, huwag ka nang magalit. Sa bawat kompetisyon, may nananalo at natatalo talaga. Hindi lang talaga kami kasinggaling nila.” Habang tinitingnan ko ang inosenteng mukha ng anak ko, medyo naantig ako, “Isang laro lang naman ito; bakit ba ako ganito kagalit?” Pinilit ko ang sarili kong magsabi ng ilang salitang pampalakas-loob sa anak ko. Pero sa loob-loob ko, hindi pa rin ako mapanatag, at ala-una na ng madaling-araw ay hindi pa rin ako makatulog. Naramdaman kong mali ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa puso ko, “O Diyos, hindi ko makontrol ang aking emosyon. Hinihiling Mo na palagi naming tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at palagi kaming umasal at kumilos nang ayon sa Iyong salita, gamit ang katotohanan bilang aming pamantayan. Sa anong aspekto ng katotohanan ako dapat pumasok pagdating sa paglilinang sa aking anak? Pakiusap, bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabay.” Pagkatapos magdasal, naalala ko kung paanong sinabi sa atin ng Diyos kung anong mga responsabilidad ang dapat tuparin ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at pumasok sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad ay nangangahulugan, sa isang banda, ng pangangalaga sa pamumuhay ng kanilang mga anak, at sa kabilang banda, ng paggabay at pagtatama sa mga kaisipan ng kanilang mga anak, at pagbibigay sa mga ito ng tamang gabay hinggil sa mga kaisipan at pananaw ng mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Hinihiling ng Diyos na kapag ang ating mga menor de edad na anak ay may mga sukdulang kaisipan o pananaw, bilang mga magulang ay dapat natin silang payuhan kaagad tungkol sa kanilang mga naiisip. Ito ang responsabilidad ng pagiging isang magulang. Natalo ang anak ko sa kompetisyon noong araw na iyon, at nang umuwi siya, dapat sana ay iyon ang oras para ilabas niya ang kanyang sama ng loob at ipahayag ang kanyang mga iniisip. Dapat ay pinakinggan ko ang kanyang mga iniisip, pinayuhan siya, at tinulungan siyang itama ang kanyang mga maling pananaw. Bukod sa hindi ko man lang siya pinayuhan, sa halip ay pinalala ko pa ang mga bagay-bagay para sa kanya. Napakawalang-katwiran ko! Hindi man lang ako pasok sa pamantayan bilang isang ina. Ang sama-sama ko! Nang maisip ko ang mga ito, unti-unti akong kumalma, at hindi na ako nahumaling sa resulta ng kompetisyon.

Kalaunan, pinagnilayan ko kung bakit napakarami kong hinihingi sa aking anak. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa loob ng subhetibong kamalayan ng mga magulang, mayroon silang lahat ng uri ng mga pag-aakala, plano, at pagpapasya tungkol sa kinabukasan ng kanilang mga anak, at bilang resulta, nabubuo nila ang mga ekspektasyong ito. Dahil sa mga ekspektasyong ito, hinihingi ng mga magulang na pag-aralan ng kanilang mga anak ang iba’t ibang kasanayan, tulad ng pag-arte, pagsayaw, pagpipinta, at iba pa, iniisip na pagkatapos maging mga taong may talento ang kanilang mga anak, magiging mas madali para sa kanila na mangibabaw sa iba sa halip na mamuhay sa ilalim ng mga ito, na maging mga mataas na ranggong opisyal sa halip na mga mababang antas na subordinado, na maging mga manager, executive, at CEO, na magtrabaho sa mga kumpanya ng Fortune Global 500, at iba pa. Ang lahat ng ito ay mga subhetibong ideya ng mga magulang. … Ano ang batayan ng mga ekspektasyong ito? Saan nagmumula ang mga ito? Nagmumula ang mga ito sa lipunan at sa mundo. Ang layon ng lahat ng ekspektasyong ito ng magulang ay upang matutong umangkop ang mga anak sa mundo at sa lipunang ito, upang maiwasang masibak ng mundo at ng lipunan, at maitatag ang sarili nila sa lipunan, makakuha ng permanenteng trabaho, magkaroon ng matatag na pamilya, at magandang kinabukasan, kaya nagkakaroon ng iba’t ibang subhetibong ekspektasyon ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Halimbawa, ngayon ay medyo uso ang maging isang computer engineer. Sinasabi ng ilang tao: ‘Dapat maging isang computer engineer ang anak ko sa hinaharap. Ang mga taong nagtatrabaho sa larangang ito ay maaaring kumita ng malaking pera, at napapaganda rin nito ang imahe ng kanilang mga magulang!’ Kapag wala pang lubos na pagkaunawa ang mga anak sa lipunan o sa trabaho, ang mga magulang na ang pumipili ng mga propesyon o nagpaplano ng kinabukasan para sa kanila. Hindi ba’t mali ito? (Mali ito.) Naglalagay ang mga magulang na ito ng mga ekspektasyon sa kanilang mga anak nang ganap na ayon sa sarili nilang mga kagustuhan at pagnanais. Hindi ba’t ito ay subhetibo? (Oo.) Sa magandang pananalita, ito ay subhetibo—ano ba talaga ito? Ano ang iba pang pakahulugan dito? Hindi ba’t ito ay pagiging makasarili? Hindi ba’t ito ay pamimilit? (Ganoon na nga.) Gusto mo ang isang partikular na propesyon, gusto mong maging isang opisyal, yumaman, maging tanyag at matagumpay sa lipunan, kaya pinahahangad mo rin sa mga anak mo na maging ganoong uri ng tao at pinapatahak mo sila sa ganoong landas. Ngunit mahirap sabihin kung magagawa ba nila ang trabahong iyon sa hinaharap, o kung talaga bang nababagay sa kanila ang trabahong iyon. At ano ba mismo ang kanilang tadhana, kung gayon? Paano sila paghaharian ng Diyos at gagawan ng mga pagsasaayos? Alam mo ba ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao: ‘Wala akong pakialam sa mga bagay na iyon. Hangga’t ito ay isang bagay na gusto ko, bilang isang magulang, ayos lang ito. Dahil gusto ko ito, naglalagay ako ng ganitong uri ng mga ekspektasyon sa kanila.’ Hindi ba’t masyadong makasarili iyon? (Oo.) Sa magandang pananalita, ito ay napakasubhetibo, nakikinig lang ito sa sarili, ngunit ano ba ito, sa realidad? Ito ay sobrang makasarili!(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kung anu-ano ang hinihingi ng mga magulang sa kanilang mga anak batay sa sarili nilang mga kagustuhan at pagkaunawa sa lipunan, at pagkatapos ay hinihiling nila sa kanilang mga anak na hangarin at kamtin ang mga ito. Nang suriin ko ang aking sarili batay rito, nakita ko na gusto kong hinahangaan ako ng iba at ayaw kong manatiling hindi kilala, kaya inasahan kong ganoon din ang hahangarin ng anak ko. Nakita ko na matindi ang presyur ng kompetisyon sa lipunan at nagkataon namang may kaloob sa palakasan ang anak ko, kaya umasa akong mamumukod-tangi siya sa mga ka-edad niya sa pamamagitan ng soccer, para sa huli ay maging isang sikat na tao, kumita ng maraming pera, at mamuhay nang nakatataas sa iba. Sa ganitong paraan, makikinabang din ako sa kanyang tagumpay. Upang makamit ang layong ito, ipinagkait ko sa anak ko ang kagalakan sa paglalaro ng soccer, at pinilit ko siyang hangarin ang adhikain na maging isang sikat na manlalaro ayon sa aking kagustuhan. Anuman ang tindi ng init o lamig, at kaya man o hindi ng kanyang katawan, pinilit ko pa rin siyang magpatuloy sa pag-eensayo. Unti-unti, naging masyadong nakatuon ang anak ko sa pagkapanalo o pagkatalo at sa karangalan, at nagkaroon pa nga siya ng pagmamalaki at naging kampante dahil sa kanyang mga nakamit. Sa panlabas, mukhang ginagawa ko ito para sa ikabubuti ng anak ko, pero ang totoo, gusto kong gamitin ang tagumpay niya sa soccer para matupad ang aking makasariling mga pagnanais at maabot ang sarili kong kahilingan na hangaan at magtamasa ng kayamanan at kaluwalhatian. Ang mas mahalaga, ang mga inaasahan at hinihiling ko sa anak ko ay pawang dulot lamang ng aking pansariling mga kagustuhan. Bata pa ang anak ko at ni hindi niya nga naiintindihan ang ideya ng pagiging sikat o pagkita ng malaking pera, pero ipinilit ko ang mga bagay na ito sa kanya at pinilit ko siyang isakatuparan ang plano ko. Napakamakasarili ko talaga! Kung ano ba ang magiging trabaho ng anak ko, at kung magiging anong uri ba siya ng tao sa hinaharap, ay nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa pagpaplano sa buhay ng anak ko ayon sa sarili kong kagustuhan, hindi ba’t sinusubukan kong kumawala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos?

Kalaunan, naghanap ako ng sagot, “Bakit ba palagi kong inaasahan na tutuparin ng anak ko ang mga hinihiling ko?” Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, medyo nagkaroon ng kaliwanagan ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging sa magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit ako may ganoong mga inaasahan para sa aking anak ay dahil ginawa kong layon ko sa buhay ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Mula pagkabata, ginamit ko na ang mga satanikong kasabihan na “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno,” at “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao” bilang mga panuntunan sa buhay. Lubos akong nagtuon sa pag-aaral at pagpasa sa mga pagsusulit. Sa tuwing naaabot ko ang isang layon at pinupuri ako ng iba, kinaiinggitan din ng mga kamag-anak, kaibigan, at kapitbahay ang mga magulang ko dahil sa aking mga nakamit, at pakiramdam ko, sulit ang lahat ng paghihirap na tiniis ko. Pagkatapos kong magsimulang magtrabaho, para ma-promote, tumaas ang sahod, at mamukod-tangi, wala akong ibang mapagpilian kundi ang sumipsip sa aking mga nakatataas. Nagsuot ako ng maskara sa pakikitungo sa aking mga kasamahan, at nagsabi ako ng mga bagay na taliwas sa aking tunay na nararamdaman. Napakasaya ng pamilya ko na makita na nagtatrabaho ako sa malaking lungsod at nagpapadala ng pera sa bahay buwan-buwan, at nakaramdam din ako ng labis na kasiyahan sa sarili. Pero sa realidad, matagal na akong sawa sa ganoong uri ng buhay. Sa mundo ng kasikatan at pakinabang, nawalan ako ng integridad at dignidad, at nakaramdam ako ng kalungkutan at kahungkagan sa loob, at wala akong isang taong mapagsabihan ng tunay kong nararamdaman. Pagkatapos kong magbitiw sa trabaho, maraming taon kong ayaw balikan ang mga panahong iyon. Matapos kong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, sinimulan kong gawin ang aking tungkulin sa iglesia, na nagbigay-daan para makaramdam ako ng kapayapaan at kapanatagan sa aking puso at maiwasan ang magulo at taksil na mundo ng pag-aagawan para sa kasikatan at pakinabang. Akala ko ay nabitiwan ko na ang paghahangad sa kasikatan at pakinabang, pero hindi ko inaasahan, pagdating sa paglalaro ng soccer ng anak ko, nagsimula na naman akong maghangad ng kasikatan at pakinabang. Gusto kong linangin ang anak ko para maging isang sikat na manlalaro para matamasa ko rin ang kaluwalhatian. Ang diwa ng inaasahan ko ay na gusto kong hangarin ng anak ko ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, tulad ko. Sa field, nakikipagkumpitensya ang anak ko sa kanyang mga kalaban; sa labas ng field, nakikipagkumpitensya naman ako sa ibang mga magulang. Nagkukumpitensya kami para makita kung sino ang mas mahusay maglinang ng anak, at kung kaninong anak ang makapagbibigay ng mas malaking kaluwalhatian. Nagpantasya pa nga ako na kapag sumikat na ang anak ko, matatamasa ko ang yaman, katayuan, at kaluwalhatian kasama niya. Nakita ko na hindi talaga nagbago ang layong hinahangad ko. Sa mga taon ng pagsama sa anak ko sa mga laro, nakita ko na ang mga paligsahang pampalakasan ay tungkol lang sa kasikatan at pakinabang. Kahit pa ang mga manlalarong may kaloob ay makakuha ng magagandang resulta sa pamamagitan ng pagsisikap, ang pagdurusa na tinitiis nila sa isip at katawan sa proseso ay isang bagay na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Bukod dito, ang mga panandaliang tagumpay na ito ay mabilis na naglalaho at walang kabuluhan. Kahit ang mga sikat na manlalaro na kapwa may kasikatan at pakinabang ay hindi makakatakas sa pagtanda, sakit, at kamatayan, at humaharap pa rin sa mga paghihirap sa buhay. Hindi mapipigilan ng kasikatan at pakinabang ang pagtanda o pagkakasakit, ni mapahahaba ng mga ito ang buhay ng isang tao. Kahit na malinang ko pa ang anak ko para maging isang sikat na manlalaro, ano pa ang saysay nito? Hindi ba’t magdurusa pa rin siya sa pagpapahirap ni Satanas tulad ko mismo? Noon ko lang nakita na ang pag-akay sa aking anak sa landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang ay parang pagtulak sa kanya sa isang hukay ng apoy. Ang anak ko ay malinaw na isang ordinaryong bata lang na mahilig maglaro ng soccer, at ako ang nabulag ng kasikatan at pakinabang. Ako mismo ang naglagay ng mga tanikala ng kasikatan at pakinabang sa aking anak.

Kalaunan, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, mas nakita ko nang malinaw ang isyung ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung nais gampanan ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad, dapat nilang sikaping unawain ang mga personalidad, disposisyon, hilig, kakayahan, at mga pangangailangan ng pagkatao ng kanilang mga anak, sa halip na gawing mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak ang sarili nilang mga paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at pera, ipinapataw sa kanilang mga anak ang mga bagay na ito ng kasikatan, pakinabang, at mundo. Tinatawag ng mga magulang ang mga bagay na ito sa magandang pakinggan na ngalan ng ‘mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak,’ pero sa realidad, hindi ganoon ang mga ito. Malinaw na nagtatangka silang ipahamak ang kanilang mga anak at itulak ang mga ito sa mga bisig ng mga diyablo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). “Patungkol sa mga landas na tatahakin ng kanilang mga anak sa hinaharap o sa mga propesyong hahangarin nila, hindi dapat ikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga bagay tulad ng, ‘Tingnan mo ang piyanistang iyon, si ganito at ganyan. Nagsimula siyang tumugtog ng piyano sa edad na apat o lima. Hindi siya kailanman nagpasasa sa paglalaro, walang naging kaibigan, at nagsasanay lang ng piyano at pumapasok sa mga aralin sa piyano araw-araw. Kumonsulta rin siya sa iba’t ibang guro at pumasok sa iba’t ibang kompetisyon sa piyano. Tingnan mo kung gaano na siya kasikat na tao ngayon, maayos na nakakakain, maayos ang pananamit, napapalibutan ng awra ng pagiging katangi-tangi at iginagalang saanman siya magpunta.’ Ito ba ang uri ng edukasyon na nagsusulong ng malusog na pag-unlad ng isip ng isang bata? (Hindi.) Anong uri ito ng edukasyon, kung gayon? Isa itong maladiyablong edukasyon. Nakapipinsala ang ganitong uri ng edukasyon sa kahit anong murang isipan. Hinihikayat siya nito na maghangad ng kasikatan, na magnasa ng iba’t ibang awra ng pagiging katangi-tangi, at prestihiyo, katayuan, at kasiyahan. Dahil sa edukasyong ito, nananabik at naghahangad siya ng mga bagay na ito mula pa sa murang edad, itinutulak siya nito na mabalisa, mangamba nang matindi, at mag-alala, at inuudyukan pa nga siya nitong magbayad ng lahat ng klase ng halaga para lang makuha ang mga ito, gumigising siya nang maaga at nananatiling gising dis-oras ng gabi para gawin ang kanyang takdang-aralin at mag-aral ng iba’t ibang kasanayan, at nasasayang niya ang kanyang mga panahon sa pagkabata, ipinagpapalit niya ang mahahalagang taon na iyon para sa mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (19)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ipinapasa ng mga magulang ang kanilang paghahangad sa kasikatan at pakinabang sa kanilang mga anak, at naroroon ito sa buong proseso ng pagpapalaki at pagtuturo sa mga anak. Pinipinsala nito ang katawan at isipan ng mga bata at sa diwa ay itinutulak sila papunta sa mga kamay ng diyablo. Naisip ko kung paanong ang anak ko ay nasa isang walang-alalahaning pagkabata, pero pinilit ko siyang maghangad, mula sa edad na anim o pito, na maging isang sikat na manlalaro, at habulin ang kasikatan at kayamanan. Ang mga ito ay higit pa sa kayang pasanin ng kanyang isip sa kanyang edad. Pero ipinilit ko pa ring ikinintal ang mga ideyang ito sa kanya, at iginiit na magpatuloy siya sa pag-eensayo, kahit na pagod na pagod siya o may sakit. Ang soccer ay naging higit pa sa isang interes o libangan lamang para sa aking anak, at napasailalim siya sa sobrang presyur mula sa akin. Pinilit ko ang anak kong alalahanin ang pagkapanalo at pagkatalo, tagumpay at kabiguan, pinilit ko siyang makipagkumpitensya sa kanyang mga ka-edad, at pinilit ko siyang mag-ensayo nang husto para mas maraming coach ang makapansin sa kanya. Sa puntong ito, nagiging mayabang ang anak ko at masyadong nagiging hambog sa tuwing nananalo siya sa isang laro o tumatanggap ng parangal, at nasisiraan siya ng loob at naiinggit kapag mas magaling ang ginagawa ng iba at nakakakuha sila ng atensiyon. Nawala sa anak ko ang kamusmusan na dapat sana ay mayroon siya sa kanyang edad, at lahat ng ito ay kinahinatnan ng pagpipilit ko ng sarili kong mga kagustuhan sa kanya. Matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi ko nakita ang pinsalang idinudulot ng kasikatan at pakinabang sa mga tao. Tinuruan ko pa nga ang anak kong hangarin ang kasikatan at pakinabang, at naantala ang sarili kong mga tungkulin sa proseso. Talagang napabayaan ko ang aking wastong gawain! Labis akong nagsisi at nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Hindi rin ako pasok sa pamantayan bilang isang magulang. Paano ko dapat turuan ang aking anak, at paano ko dapat tratuhin ang kanyang mga interes at libangan? Pakiusap, bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabay.”

Kalaunan, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ipinipilit ng mga magulang ang lahat ng uri ng ekspektasyon at hinihingi sa kanilang mga anak, naglalagay sila ng napakaraming karagdagang presyur sa mga ito—hindi ito pagtupad sa kanilang mga responsabilidad. Kung gayon, ano ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang? Kahit papaano, dapat nilang turuan ang kanilang mga anak na maging matatapat na tao na nagsasalita ng totoo at gumagawa ng mga bagay sa matapat na paraan, at turuan ang mga ito na maging mabait at hindi gumawa ng masasamang bagay, ginagabayan ang mga ito sa isang positibong direksyon. Ang mga ito ang kanilang mga pinakapangunahing responsabilidad. Dagdag pa rito, dapat nilang gabayan ang kanilang mga anak sa pag-aaral ng praktikal na kaalaman at mga kasanayan, at iba pa, batay sa kakayahan at mga kondisyon ng mga ito. Kung nananampalataya sa Diyos at nauunawaan ng mga magulang ang katotohanan, dapat nilang himukin ang kanilang mga anak na magbasa ng mga salita ng Diyos at tumanggap sa katotohanan, upang makilala ng mga ito ang Lumikha, at maunawaan na ang mga tao ay nilikha ng Diyos at na umiiral ang Diyos sa sansinukob na ito; dapat nilang akayin ang kanilang mga anak sa pananalangin sa Diyos at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos upang makaunawa ang mga ito ng ilang katotohanan, upang paglaki ng mga ito ay magawa ng mga ito na manampalataya sa Diyos, sumunod sa Diyos, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha sa halip na hangarin ang mga makamundong kalakaran, masilo sa iba’t ibang komplikadong ugnayan ng mga tao, at maakit, gawing tiwali, at mawasak ng iba’t ibang masasamang kalakaran ng mundong ito. Ang mga ito talaga ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin ay, sa kanilang papel bilang mga magulang, ang magbigay sa kanilang mga anak ng positibong gabay at angkop na tulong bago umabot ang mga ito sa hustong gulang, pati na rin ang maagap na pangangalaga sa pisikal na buhay ng mga ito hinggil sa mga pang-araw-araw na pangangailangan. Kung magkasakit ang kanilang mga anak, dapat silang ipagamot ng mga magulang kung kinakailangan; hindi nila dapat, dahil sa takot na maantala ang pag-aaral ng kanilang mga anak, pilitin silang pumasok sa paaralan at ipagwalang-bahala ang pagpapagamot. Kapag kailangang magpagaling ng kanilang mga anak, dapat pahintulutang magpagaling ang mga ito, at kapag kailangang magpahinga ng mga ito, dapat pahintulutang magpahinga ang mga ito. Ang pagtiyak sa kalusugan ng kanilang mga anak ay kinakailangan; kung mahuli sa pag-aaral ang mga anak, makakahanap ang mga magulang ng paraan para makabawi pagkatapos. Ang mga ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Sa isang banda, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak na magtamo ng matatag na kaalaman; sa kabilang banda, dapat nilang gabayan at turuan ang kanilang mga anak upang matahak ng mga ito ang tamang landas, at tiyakin ang kalusugang pangkaisipan ng mga ito upang hindi maimpluwensiyahan ang mga ito ng hindi mabubuting kalakaran at ng masasamang gawain ng lipunan. Kasabay nito, dapat din nilang idulot na ang kanilang mga anak ay mag-ehersisyo nang angkop upang matiyak ang pisikal na kalusugan ng mga ito. Ang mga ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga magulang, sa halip na sapilitang ipataw ang anumang hindi makatotohanang inaasahan o hinihingi sa kanilang mga anak. Dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad pagdating sa mga bagay na kailangan ng kanilang mga anak para sa kanilang espiritu at sa mga bagay na kailangan sa pisikal na buhay ng mga ito. Dapat nilang sabihin sa mga ito ang ilang karaniwang kaalaman, tulad ng dapat kumain ang mga ito ng maligamgam na pagkain at hindi ng malalamig na pagkain, na kapag malamig ang panahon ay dapat silang magsuot ng makapal para maiwasang ginawin o sipunin, tinutulungan ang mga ito na matutong pangalagaan ang sariling kalusugan ng mga ito. Dagdag pa rito, kapag may lumitaw na ilang pambata at wala pa sa gulang na ideya tungkol sa kinabukasan ng mga ito, o ilang labis-labis na kaisipan, sa mga murang isipan ng kanilang mga anak, dapat bigyan ang mga ito ng mga magulang ng tamang gabay sa sandaling matuklasan ito, itinatama ang mga pambatang pantasya at labis-labis na bagay na iyon upang makatahak ang kanilang mga anak sa tamang landas sa buhay. Ito ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad. Ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad ay nangangahulugan, sa isang banda, ng pangangalaga sa pamumuhay ng kanilang mga anak, at sa kabilang banda, ng paggabay at pagtatama sa mga kaisipan ng kanilang mga anak, at pagbibigay sa mga ito ng tamang gabay hinggil sa mga kaisipan at pananaw ng mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang responsabilidad ng mga magulang para sa kanilang mga menor de edad na anak ay, sa isang banda, ang pangalagaan ang kanilang mga pisikal na pangangailangan at tiyaking lalaki silang malusog, at sa kabilang banda, ang mas madalas na pakikipag-usap sa mga anak, at ang maagap na pagpapayo sa kanila at paglutas sa kanilang mga problemang sikolohikal. At ang mas mabuti pa ay ang dalhin ang kanilang mga anak sa harap ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang tunay na kailangan ng mga tao. Praktikal Niyang itinuturo sa atin kung paano umasal at kung paano pakitunguhan ang ating mga anak. Napakaraming taon na akong magulang, pero wala akong ideya kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng gawin ang pinakamakabubuti para sa aking anak. Sa puntong ito, napagtanto ko na sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga salita ng Diyos ko tunay na matutupad ang aking mga responsabilidad bilang isang magulang, at na ito rin ang magbibigay-daan para lumaking malusog ang aking anak. Nang mapagtanto ko ang mga ito, hindi ko na pinilit ang anak kong lumahok sa mga pag-eensayo at sa iba’t ibang kompetisyon, sa halip, iginalang ko ang kanyang mga kagustuhan. Kasabay nito, kinausap ko siya, sinasabing, “Hindi natin hahangarin na maging sikat na manlalaro ka. Dahil nasisiyahan kang maglaro ng soccer, magtuon ka na lang sa pagkakaroon ng kasiyahan sa paglalaro.” Nagulat at natuwa ang anak ko nang marinig niya ito. Gumaan din nang husto ang pakiramdam ko. Pagkatapos niyon, kapag pumupunta ang aking anak sa mga pag-eensayo o kompetisyon, hinahayaan ko siyang asikasuhin ang mga iyon nang siya lang. Napanatag ako para magtuon sa sarili kong mga tungkulin at hindi na inalala ang mga bagay na iyon. Noong Mayo 2024, habang papalapit ang kanyang pagtatapos sa elementarya, may isang laro ang anak ko. Nang makita kong malalakas ang mga kalabang pangkat, nag-alala ako sa tindi ng kompetisyon, kaya iminungkahi kong huwag na siyang makilahok. Pero nagpumilit ang anak kong pumunta. Bilang resulta, ang mga pagkakamali ng kanyang mga kasamahan ay nagdulot ng pagkawala ng dalawang goal, at sa huling penalty shootout, hindi rin naipasok ng anak ko ang bola dahil sa kaba. Medyo sumama ang loob niya at nakaramdam siya ng panghihinayang, pero matiyaga ko siyang pinayuhan at hinikayat na harapin ang sitwasyon nang mahinahon. Pagkatapos itong marinig, labis na gumaan ang pakiramdam ng anak ko. Karaniwan, nagpapatotoo rin ako sa anak ko tungkol sa gawain ng Diyos. Kinakausap ko siya tungkol sa kung paanong nilikha ng Diyos ang tao at kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Naging napakainteresado ang anak ko at kaya niyang makaunawa. Madalas ko ring tinuturuan ang anak ko na umasa sa Diyos kapag nahaharap sa mga paghihirap, at na maging matapat sa kanyang mga salita at kilos, at huwag magsinungaling, manlinlang, o gumawa ng masasamang bagay.

Ang pagnanais para sa kasikatan at pakinabang ay paminsan-minsan pa ring gumugulo sa puso ko, at lalo na kapag nakikita kong nagtatagumpay ang mga anak ng iba sa ilang mga interes o libangan, hindi ako mapakali. Gayumpaman, hindi ko na ipinipilit ang aking mga kagustuhan sa aking anak. Isang gabi, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos. Ito ay isang bagay na pareho naming kailangan ng anak ko, kaya tinawag ko siya para basahin ang siping ito kasama ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng isang partikular na hilig, libangan, o kalakasan ay hindi nangangahulugan na dapat kang pagampanin ng Diyos ng ilang tungkulin o gawain na may kaugnayan sa iyong hilig, libangan o kalakasan. Sinasabi ng ilang tao, ‘Dahil hindi ako inuutusang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito o makibahagi sa gawaing may kaugnayan dito, kung gayon, bakit ako binigyan ng gayong hilig, libangan, o kalakasan?’ Binigyan ng Diyos ang napakaraming tao ng ilang partikular na mga hilig at libangan batay sa iba’t ibang kondisyon ng bawat tao. Siyempre, maraming bagay ang isinasaalang-alang: Sa isang banda, ito ay para sa kabuhayan at pananatiling buháy ng mga tao; sa kabilang banda pa, ito ay para pagyamanin ang buhay ng mga tao. Minsan, nangangailangan ang buhay ng isang tao ng ilang partikular na hilig at libangan, para man sa kaaliwan at kasiyahan o para makagawa sila ng ilang wastong gampanin, at sa gayon ay ginagawang makabuluhan ang kanilang buhay bilang tao. Siyempre, saanmang anggulong tingnan, may dahilan sa likod ng pagbibigay ng Diyos, at mayroon ding mga dahilan at batayan ang Diyos sa hindi pagbibigay. Maaaring ang iyong buhay bilang tao o ang iyong pananatiling buhay ay hindi nangangailangan na bigyan ka ng Diyos ng mga hilig, libangan, at kalakasan, at mapapanatili mo ang iyong kabuhayan o mapagyayaman ang iyong buhay bilang tao at gagawin itong makabuluhan sa pamamagitan ng ibang paraan. Sa madaling salita, binigyan man ng Diyos ang mga tao ng mga hilig, libangan, at kalakasan o hindi, hindi ito problema sa mismong mga tao. Kahit na walang mga kalakasan ang isang tao, hindi ito isang depekto ng kanyang pagkatao. Dapat itong maunawaan nang tama ng mga tao at tratuhin nang tama. Kung nagtataglay ang isang tao ng ilang partikular na hilig, libangan, at kalakasan, dapat niya itong pahalagahan at gamitin nang tama; kung wala siya ng mga ito, hindi siya dapat magreklamo(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (12)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mga interes at libangan, upang sa isang banda ay mapayaman ng mga ito ang buhay ng tao, at sa kabilang banda ay maging kanilang ikabubuhay. Pero kung makakapagtrabaho ba ang isang tao sa isang larangang may kaugnayan sa kanyang mga interes o libangan ay nakasalalay sa mga paunang pag-orden ng Diyos. Nagbahagi ako sa aking anak tungkol sa aking pagkaunawa kung paano tratuhin ang mga interes at libangan. Sinabi ng anak ko, “Salamat sa Diyos sa pagpapahintulot sa aking mahalin ang paglalaro ng soccer. Nagdala ito sa akin ng malaking kagalakan, pero kung magkakaroon ba ako ng isang trabahong may kaugnayan sa soccer, o kung ano ba ang magiging ikabubuhay ko sa hinaharap, ay nakasalalay pa rin sa mga pag-orden ng Diyos.” Sinabi ko, “Tama. Tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at ganito natin dapat arukin ang bagay na ito.” Nararamdaman kong napakagandang manampalataya sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at binibigyan tayo nito ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa lahat ng bagay, na nagbibigay sa atin ng landas na susundan, at nagkakaloob din sa ating mga puso ng kalayaan at pagpapalaya.

Sinundan: 40. Hindi Ako Nagsisisi na Hindi Ako Kumuha ng Entrance Exam sa Graduate School

Sumunod: 42. Nagawa Kong Tratuhin nang Tama ang Tungkulin Ko

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito