4. Mga Pagninilay Pagkatapos Maibukod
Noong Marso 2023, nagdaraos ng espesyal na halalan ang aming distrito para pumili ng isang lider ng distrito. Naisip ko sa sarili ko, “Kahit na hindi pinakamaganda ang aking buhay pagpasok, palagi naman akong naging responsable sa gawain ng ebanghelyo. Medyo malawak ang saklaw ng responsabilidad ko, at nagbunga rin naman ng ilang resulta ang gawain. Sa halalang ito para sa lider ng distrito, dapat siguro na ako ang piliin ng mga kapatid, hindi ba? Kahit na superbisor ako ngayon ng gawain ng ebanghelyo, trabahong may iisang gampanin lang ito, at kakaunti lang ang nakakakilala sa akin. Pero iba na kapag lider ng distrito. Pinangangasiwaan nila ang pangkalahatang gawain, at mas maraming tao ang tumitingala at humahanga sa kanila. Kung ako ang mapipili, tiyak na iisipin ng mga kapatid na hinahangad ko ang katotohanan, at na hindi lang ako may kakayahang mangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, kundi may kakayahan din na maging isang lider.” Nang maisip ko ito, tuwang-tuwa ako.
Noong mga araw na iyon, naging sobrang aktibo ako sa mga tungkulin ko, at sa tuwing may nagtatanong sa group chat, agad akong sumasagot, at kung minsan, kumokonsulta ako sa mga lider tungkol sa mga problema at pribado kong inuulat sa kanila ang mga problemang nakikita ko, para isipin nilang may pakiramdam ako ng pasanin at responsable ako, at para iboto nila ako sa halalan. Sa laking gulat ko, isang gabi, nakita ko ang mensahe mula sa mga nakatataas na lider na nag-aanunsyong si Sister Charlotte ang nahalal na lider ng distrito. Nang makita ko ang pangalang iyon, sumama talaga ang loob ko, at naisip ko, “Kahit na laging gumagawa ng mga tungkulin sa pamumuno si Charlotte, kararating lang niya sa aming distrito para mangaral ng ebanghelyo at hindi pa siya gaanong pamilyar sa sitwasyon dito. Bakit siya ang nahalal na lider ng distrito? Matagal-tagal ko ring pinangasiwaan ang gawain niya, pero ngayong nahalal siya bilang lider at susubaybayan niya ang gawain ko, ano na lang ang mukhang ihaharap ko? Talaga kayang mas mababa ang tingin sa akin ng mga kapatid?” Lubha akong hindi kumbinsido. “Paano mismo ako mas mababa kay Charlotte? Pagdating sa aming mga saklaw ng responsabilidad, hindi naman mas malawak ang sa kanya kaysa sa akin; pagdating sa karanasan sa gawain at mga prinsipyong naunawaan, hindi rin naman siya mas magaling kaysa sa akin; at pagdating sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, tiyak na marami na akong pinagdusahan. Noong panahon ko bilang superbisor ng gawain ng ebanghelyo, kahit anong ipagawa sa akin ng iglesia, ginawa ko, at kapag nakakatagpo ako ng mga problema sa gawain, gaano man kahirap o kasakit, hindi ako kailanman nagrereklamo o dumaraing. Pero sa kabila ng lahat ng pagsisikap ko, bakit si Charlotte ang napili at hindi ako? Baka naman may problema sa akin? Hindi ba ako angkop na maging lider ng distrito? Angkop lang ba ako sa paggawa ng tungkuling may iisang gampanin?” Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang loob ko, at nawalan ako ng motibasyon na gawin ang mga tungkulin ko.
Noong mga panahong iyon, nakaranas ng ilang paghihirap at problema ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia, at nagkataon namang ang bahaging ito ay ang mismong pangunahing responsabilidad ni Charlotte. Nakikipag-ugnayan si Charlotte sa mga kapatid para talakayin kung paano lutasin ang mga problemang ito. Bagama’t nasa labas ng saklaw ng aking pangangasiwa ang gawaing ito, mas matagal ko nang pinangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo, kaya dapat ay nakipagtulungan ako sa kanila para pag-usapan ang mga solusyon. Pero nang maisip ko kung paanong ito ang saklaw ng gawain na responsabilidad ni Charlotte, pakiramdam ko, kung talagang malulutas ko ang mga problema, tiyak na iisipin ng mga nakatataas na lider na si Charlotte ang nakagawa noon, at sasabihin nilang may kapabilidad siya sa gawain. Nang maisip ko ito, ayoko nang makisali sa talakayan. Kahit na pinapasali ako, magalang akong nagdadahilan, sinasabing, “Kayo na ang mag-usap, hindi ko gaanong alam ang tungkol diyan.” Sinasamantala ko pa nga ang mga pagkukulang ni Sister Charlotte, at paminsan-minsan, ibinubulalas ko ang aking sama ng loob sa mga sister sa paligid ko, sinasabing, “Hindi talaga sapat na hindi nauunawaan ang mga prinsipyo. Sa dami ng mga problema sa gawain ngayon, paano niya masusubaybayan ang gawain at malulutas ang mga problema kung hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo?” Makikinig sila at sasang-ayon, na sinasabing, “Oo nga, hindi talaga puwedeng hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo, dahil hindi niya malulutas ang mga problema sa ganitong paraan.” Pagkarinig nito, palihim akong natutuwa sa loob-loob ko, iniisip na, “Dahil mababa ang tingin ninyo sa akin, hayaan ninyong ang pinili ninyo ang gumawa ng gawain. Tingnan ko lang kung gaano niya talaga kagaling na magagawa ang trabaho. Kapag nagkaproblema sa gawain, gagamitin ko ang mga katunayan para patunayang mali ang pinili ninyo, at ipapakita ko sa inyo ang kahihinatnan ng hindi pagpili sa akin.” Ang totoo, noong panahong iyon, napuno ako ng kadiliman at pasakit, at kapag nakakakita ako ng mga problemang lumilitaw sa gawain, kung minsan ay nakokonsensiya rin ako, iniisip na dapat ay makipagtulungan ako kay Charlotte para malutas ang mga isyung ito sa lalong madaling panahon. Ilang beses kong gustong magpadala ng mensahe kay Charlotte, pero kapag naiisip ko na hindi ako ang nahalal na lider ng distrito, hindi ko malunok ang aking pride, at iniuurong ko ang mga kamay ko mula sa keyboard. Nahihirapan ang puso ko, nagtatalo sa loob ko; napakasakit nito. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko at dapat ko itong ayusin at baguhin kaagad, pero ayaw kong isuko ang pride ko para makipagbahaginan kay Charlotte. Noong panahong iyon, nilamon ako ng reputasyon at katayuan, at wala sa tungkulin ko ang pokus ko. Ayaw kong makipagtulungan noong may ipinapatupad na mga gampanin ang mga lider; kapag hindi maarok ng mga kapatid ang mga prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, namumuhay sa mga suliranin, at walang direksiyon, hindi ko sila tinulungang lutasin ang mga suliranin nila; at nang magbigay ng gabay ang mga nakatataas na lider para tulungan akong subaybayan ang gawain ng ebanghelyo, hindi ko ito sinubaybayan o ipinatupad ang gabay sa napapanahong paraan. Dahil dito, patuloy na bumaba ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo, hanggang sa halos maparalisa na ito.
Hindi nagtagal, tinanggal ako. Pagkatapos, itinalaga ako ng mga lider na maging responsable para sa gawain ng isang grupo ng ebanghelyo. Hindi ko lang hindi pinagnilayan kung bakit ako tinanggal, sa halip, nagreklamo pa ako na hindi dapat ako tinanggal ng mga lider, at patuloy akong namuhay na nakararamdam ng paglaban, na walang ganang subaybayan ang gawain. Inilantad at pinungusan ako ng superbisor dahil sa hindi ko paglutas sa mga isyu sa gawain sa tamang oras, at dahil sa pagiging napakabagal sa pagsubaybay sa gawain, pero sadyang hindi ko ito matanggap. Makalipas ang mahigit isang buwan, hindi pa rin bumuti ang gawaing responsabilidad ko. Nakita ng superbisor na patuloy akong tumatangging tanggapin ang katotohanan at pagnilayan ang aking sarili, kaya tinanggal niya ako mula sa aking posisyon bilang lider ng grupo. Pagkatapos nito, inilipat ako sa isang ordinaryong iglesia, at lalo pang bumagsak ang kalagayan ko. Ayaw kong makipag-usap kahit kanino, at ni hindi ko ibinubuka ang bibig ko para makipagbahaginan sa panahon ng mga pagtitipon. Ilang beses akong sinubukang tulungan ng mga lider, pero hindi ko sinasagot ang mga tawag nila. Lumalaban din ang kalooban ko sa lider ng pangkat na sumusubaybay sa gawain ko, at sa loob ng ilang buwan na sunod-sunod, wala akong nakuhang anumang resulta sa aking mga tungkulin. Makalipas ang apat na buwan, bigla akong kinontak ng isang lider at sinabing, “Iniulat ng mga kapatid na mapagsawalang-bahala ang saloobin mo sa iyong mga tungkulin, na wala kang natamong anumang tunay na resulta, at na hindi maganda ang pagkatao mo. Mula nang matanggal ka, namumuhay ka na sa isang negatibo at lumalabang kalagayan. Wala kang saloobin na tanggapin ang katotohanan, at hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa at pagsusubaybay ng lider ng pangkat sa iyong gawain. Ayon sa mga prinsipyo, kailangan kang ibukod para magnilay.” Nang malaman kong ibubukod ako, nablangko ang isip ko. Hindi ko akalain na pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon at tumalikod sa aking pamilya at propesyon alang-alang sa aking tungkulin, hahantong ito sa pagkakabukod sa akin. Noong mga araw na iyon, madalas kong naiisip ang sinabi ng lider noong hinimay niya ako, “Hindi ka isang taong tumatanggap sa katotohanan,” “Hindi maganda ang pagkatao mo,” at “Wala kang tunay na pagpapasakop.” Paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ang mga salitang ito. Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko, “Maaari kayang nagtapos na ang paglalakbay ko sa pananalig?” Pakiramdam ko ay hungkag ang puso ko, at gusto kong umiyak, pero walang luhang lumalabas. Pakiramdam ko ay walang magandang kinalabasan para sa akin, at naisip ko pa ngang bumalik sa mundo. Nang gusto ko na talagang umalis, nakonsensiya nang husto ang puso ko, at naalala ko kung paanong dati akong nanumpa na hindi ko iiwan ang Diyos anuman ang mangyari. Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, at napakarami ko nang kinain at ininom na salita ng Diyos at natamasang biyaya at mga pagpapala Niya, kaya kung aalis lang ako nang ganito, talagang wala akong konsensiya. Pero nang maisip kong ibinukod na ako ng iglesia, naging labis akong negatibo at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Noong mga panahong iyon, ayaw kong makakita ng kahit sino, at ginugol ko ang mga araw ko sa pamumuhay na parang isang naglalakad na bangkay.
Isang araw, biglang sumakit nang sobra ang ngipin ko, at hindi tumalab ang anumang gamot na ininom ko. Sa gabi, umiiyak akong mag-isa sa ilalim ng kumot, at puno ang puso ko ng di-maipaliwanag na kalungkutan at kapanglawan. Gusto kong manalangin sa Diyos, pero hiyang-hiya akong humarap sa Kanya. Pakiramdam ko ay hindi ako isang taong ililigtas ng Diyos, at hindi na ako karapat-dapat na manalangin sa Diyos. Habang lalo kong isinasara ang puso ko sa Diyos, lalong lumalala ang sakit ng ngipin ko. Sumigaw ako sa puso ko, “O Diyos, O Diyos …” Lumuhod ako at nagdasal sa Diyos, “O Diyos, sobrang sama ng pakiramdam ko. Ayaw kong isuko ang pananalig ko sa Iyo, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos). “Anumang mga kamalian ang nagawa mo, anumang mga maling pagliko ang natahak mo o gaano ka man sumalangsang, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad ng pagkilala sa Diyos. Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Naramdaman kong ginagabayan pa rin ako ng Diyos, hinihikayat ako na huwag sumuko at na magpatuloy, at nakaramdam ako ng matinding lakas sa puso ko, at talagang nakonsensiya rin ako. Naghangad ako ng reputasyon at katayuan, hindi lumakad sa tamang landas, at gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia. Sa pag-uugali kong ito, makatwiran lang anuman ang gawin sa akin ng iglesia. Pero pagkatapos maibukod, ginusto ko pa ngang ipagkanulo ang Diyos. Napakatigas ng kalooban ko! Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, napakarami ko nang nakain at nainom na mga salita Niya, at alam kong ito ang tunay na daan. Kahit walang magandang kinalabasan, dapat akong sumunod sa Diyos hanggang sa huli. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nagkamali ako, at naging napakamapaghimagsik ko. Ako mismo ang may kasalanan kaya umabot ako sa puntong ito. O Diyos, handa akong magnilay nang seryoso sa aking sarili at bumangon mula sa aking pagkakadapa. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako, para maunawaan ko ang aking sarili.” Noong mga araw na iyon, paulit-ulit akong tumatawag sa Diyos nang ganito.
Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag nadiskubre nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla silang nagiging mapanlaban. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang mailihis na sinuman, lumalabas ang pagkamuhi, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin sila ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang puso, kinamumuhian nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; inaasam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinamumuhian din nila ang sinumang naghahangad sa katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magbayad ng halaga. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Nang makita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, labis na nabagabag ang puso ko. Pakiramdam ko, ang bawat pag-uugaling inilantad ng Diyos ay naglalarawan sa akin, lalo na nang makita kong sinasabi ng mga salita ng Diyos na labis na pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling reputasyon at katayuan higit sa anupaman, at wala silang anumang pagpapasakop o takot sa Diyos. Pinipiga nila ang kanilang utak at gumagamit sila ng anumang paraan para magkamit ng katayuan, at sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang reputasyon at katayuan, o mawala ang suporta at paghanga ng mga tao, agad silang nagiging mapanlaban, nagiging negatibo sila at nagpapabaya sa kanilang gawain, at nakakaramdam sila ng sama ng loob at kawalang-kasiyahan sa kanilang puso. Hinihiling nilang magkaproblema sa gawain ng iglesia para mapagtawanan nila ang iglesia. Pagkatapos ay naisip ko ang sarili kong pag-uugali—hindi ba’t ganoong-ganoon din ito? Noon, para mahalal bilang lider ng distrito at makuha ang paghanga ng mga kapatid, kapag nakikita kong nagpapadala ng mga mensahe ang mga kapatid para magtanong, nagmamadali akong sumagot, para makuha ang atensyon ng mga lider. Pero nang malaman kong si Charlotte ang nahalal na lider ng distrito, hindi ko pinagnilayan kung saan ako nagkulang. Sa halip, dahil hindi ako ang napili, at dahil hindi ko nakuha ang katayuan o ang paghanga ng mas maraming tao, lumaban ako at nakipagtalo sa loob ng puso ko. Inisip kong mas may karanasan ako at mas matagal kong pinangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo kaysa kay Charlotte, at sa paggamit sa mga ito bilang kapital, hindi ako nasiyahan at hindi ako nakontento, at ginamit ko ang aking mga tungkulin para ilabas ang aking mga sama ng loob. Nang makita kong nagkaproblema ang gawain ng ebanghelyo na responsabilidad ni Charlotte, hindi lang ako hindi tumulong na lutasin ang mga isyu, kundi ikinasiya ko pa ang mga problema niya at pinagtawanan ko siya, hinihiling ko pa nga na sana ay hindi malutas ang mga problemang ito para mapahiya siya sa harap ng mga kapatid at makita ng lahat na talagang hindi siya kasinggaling ko. Hindi lang iyon, inilabas ko rin ang aking sama ng loob sa mga sister sa paligid ko. Sinamantala ko ang ilang maliliit na isyu sa mga tungkulin ni Charlotte at hinusgahan siya nang patalikod, umaasang papanig sa akin ang mga kapatid at iisipin na pumili ng maling tao ang iglesia at binalewala nito ang isang taong kasinghusay ko. Pagkatapos akong matanggal, hindi ko lang hindi pinagnilayan o kinilala ang aking sarili, kundi patuloy pa rin akong lumaban at tumangging magpasakop, at kapag sinusubukan akong kausapin ng mga lider para makipagbahaginan, ayaw kong makipag-ugnayan sa kanila. Wala akong saloobin ng pagtanggap o paghahanap sa katotohanan kahit kaunti. Sa sandaling iyon, bigla kong napagtanto na ang hindi pagkahalal bilang lider ay isa palang proteksyon para sa akin. Dahil malupit ang disposisyon ko at masyado akong nakatuon sa katayuan, nang hindi ako makakuha ng katayuan, naging puno ako ng pagkamuhi, pinagtawanan ko ang iba, at hinusgahan at siniraan ko pa nga sila. Kung talagang nagkaroon ako ng katayuan, ang sinumang hindi nakinig sa akin, tiyak na sinupil at ibinukod ko siya, at nakagawa ako ng mas malalaki pang kasamaan. Nang pagnilayan ko ito, saka ko lang napagtanto kung gaano kapanganib ang aking kalagayan. Pero ganap akong walang kamalay-malay at nanatili akong matigas ang kalooban at hindi sumusuko. Kung hindi dahil sa pagkakabukod sa akin, nanatili sana akong matigas ang ulo at hindi nagsisisi. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, salamat sa Iyong gabay. Ngayon ay may kaunti na akong pagkaunawa sa aking sarili, at nakikita kong nakatayo ako sa gilid ng isang bangin. Ang hindi pagpapatalsik sa akin ay awa Mo na at pagbibigay Mo sa akin ng pagkakataong magsisi. O Diyos, handa akong tunay na magsisi. Pakiusap, gabayan Mo ako na makilatis ang diwa at mga kahihinatnan ng paghahangad ng katayuan.”
Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking kalikasang diwa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kumpara sa mga ordinaryong tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nakapaloob sa kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o ang lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang layong hinahangad nila sa buong buhay nila. … Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Ang mga anticristo ay hindi walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila bibitiwan ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na nananampalataya sa Diyos ang mga anticristo, itinutumbas nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan sa pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan—ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na hindi sila nagkamit ng kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, nasisiraan sila ng loob, naniniwala silang wala nang saysay pang manampalataya sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at napapaisip sila sa loob-loob nila, ‘Nabigo ba ako sa pananampalataya sa Diyos nang ganito? Wala na ba akong pag-asa?’ Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapagsasabi ang mga ito ng paghanga sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang paghahangad ng isang anticristo sa reputasyon at katayuan ay hindi pansamantala, at ito ay isang bagay na nasa kanilang kalikasan at diwa. Ginagawa ng mga anticristo na layon sa buhay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan. Naniniwala sila na sa pagkakamit ng reputasyon at katayuan, nakakamit nila ang lahat, at kapag nawala sa kanila ang reputasyon at katayuan, nawawalan ng kahulugan ang buhay. Napagtanto kong ganoon din pala ako. Mula pagkabata, namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na “Gawing pakay na mamukod-tangi at magpakahusay” at “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Sa eskuwelahan, nagsikap akong maging nangungunang estudyante at pinakamagaling sa klase, at inakala kong dahil dito ay hahangaan ako ng aking mga guro at kaklase. Pagkatapos kong ikasal, nang makita kong mas nakakaangat sa buhay ang maraming kamag-anak at kapitbahay sa panig ng asawa ko kaysa sa amin, ayaw kong magpahuli, kaya nagtayo kami ng asawa ko ng isang negosyo, gustong maging isang mayaman sa aming nayon, at mahangaan ng iba. Matapos kong matagpuan ang Diyos, ginawa ko pa ring layon ng aking paghahangad ang reputasyon at katayuan, iniisip na sa pagiging isang lider, lalawak ang saklaw ng aking mga responsabilidad, at mas maraming tao ang titingala sa akin. Naniwala akong ito ang tanging paraan para mamuhay nang makabuluhan at may halaga. Para magkamit ng katayuan at paghanga, piniga ko ang aking utak sa pagpupunyagi para dito. Pero nang hindi ako nahalal bilang lider at hindi ko nakuha ang paghanga at suporta ng mga kapatid, hindi ako nasiyahan at hindi ako nakontento, at hinusgahan ko ang bagong halal na lider. Nang makakita ako ng mga problema sa gawain ng ebanghelyo, binalewala ko ang mga ito, at ikinasiya ko pa nga na makitang mangyari ang mga ito. Nang matanggal ako, patuloy akong naging negatibo at mapanlaban, at kapag sinusubaybayan ng iba ang gawain ko, nakadarama rin ako ng paglaban. Kahit nang ibukod ako, hindi ko pinagnilayan ang aking sarili, at naisip ko pang ipagkanulo ang Diyos at iwan ang Kanyang sambahayan. Nakita ko na ang lahat ng ginagawa ko ay para makibaka para sa reputasyon at katayuan, na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay naging bahagi na ng aking kalikasan, at na ako ay naglalakad na sa landas ng isang anticristo. Sa sandaling iyon, naramdaman ko sa kaibuturan ko na labis talaga akong napinsala ng reputasyon at katayuan. Alang-alang sa reputasyon at katayuan, nawala ang aking pagkatao at katwiran. Nagdulot ako ng pagkagambala sa gawain ng iglesia at pinsala sa mga taong nakapaligid sa akin; ang paghahangad ko ng reputasyon at katayuan ay lalo lang nagpapalayo sa akin sa Diyos, at naging dahilan para mas lalo akong mawalan ng wangis ng tao. Gusto kong makalaya kaagad mula sa mga paglilimita at paggapos ng reputasyon at katayuan, at nagsimula akong magkaroon ng determinasyon na hangarin ang katotohanan.
Pagkatapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at malinaw kong napagtanto na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay isang landas na patungo sa pagkawasak. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad sa katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad ng katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, ganap itong magkakaroon ng kapabilidad na kontrolin at impluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo ng katayuan, maaapektuhan nito ang abilidad mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya talagang mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng katiwalian ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hahatulan at lilinisin ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay antagonistiko sa Diyos? Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao. Kung kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, ang paghahangad ng katayuan ay isang daan tungo sa pagkawasak. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para maghangad ng katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano man kalaki ang halagang bayaran mo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos sa iyo, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kalalabasan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka—mapupunta ka sa daan patungo sa pagkawasak. Nauunawaan mo ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas, at ito ang pinakakinamumuhian ng Diyos. Nagbibigay ang Diyos sa mga tao ng mga tungkulin, hindi ng katayuan, at ang Kanyang layunin ay para maging pasok sa pamantayan ang mga tao bilang mga nilikha, hindi para hangarin ng mga tao na maging sikat o dakila. Kung patuloy na hahangarin ng mga tao ang reputasyon at katayuan, salungat ito sa mga hinihingi ng Diyos, at sa diwa, ito ay pagsalungat sa Diyos, at ang huling kalalabasan nito ay ang mabunyag at maitiwalag ng Diyos. Sa pagninilay sa aking nakaraang pagseserbisyo bilang superbisor ng gawain ng ebanghelyo, nakita kong marami akong responsabilidad, pero hindi ako tumuon sa kung paano gagawin nang maayos ang aking pangunahing gawain. Sa halip, ang gusto ko lang ay mahalal bilang lider ng distrito upang magkamit ng mas mataas na katayuan at mahangaan ng mas maraming tao. Nang hindi ako napili bilang isang lider ng distrito at hindi natugunan ang aking mga ambisyon at pagnanais, hindi ako nasiyahan at hindi ako nakontento, at ibinunton ko pa nga ang aking mga pagkadismaya sa gawain ng iglesia, na naging dahilan para halos maparalisa ang gawain ng ebanghelyo. Kung hindi ako magsisisi, tiyak na mapapatalsik at matitiwalag ako dahil sa marami kong masamang gawa. Sa sandaling iyon, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa sinabi ng Diyos na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay walang patutunguhan. Nang maisip ko ito, talagang nagpasalamat ako sa Diyos. Kung hindi ako naibukod, hindi sana ako magigising sa tamang oras, at hindi ko malalaman ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan. Ang hindi pagpapatalsik sa akin ng iglesia at ang pagbukod lamang sa akin ay awa na ng Diyos sa akin at kailangan kong magsisi kaagad.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nalaman ko kung paano ko dapat tratuhin ang katotohanang hindi ako nahalal bilang lider ng distrito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka inaangat ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihahalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas ng pagsasagawa rito na maaari mong sundan. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung ang talagang isyu ay na may problema ka sa iyong pagkatao, o na ang pagbubunyag ng kung anong aspekto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakakarimarim sa mga tao; o kung hindi mo ba taglay ang katotohanang realidad at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi ba pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Dapat mong pagnilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. … Dapat mong hangarin ang buhay pagpasok, lutasin muna ang maluluho mong pagnanais, bukal sa loob na maging tagasunod, at tunay na magpasakop sa Diyos, nang walang salita ng pagrereklamo sa kung anuman ang pinamamatnugutan o isinasaayos Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang maagap na puso na naghahangad na makausad at na gusto mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ito isang ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsabilidad ito ng mga naghahangad ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Wala kang mga makasariling motibo at hindi ka naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya—ito ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. … Ang layunin ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para gawing ganap ang isang grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang kinabukasan ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang kinabukasan ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran, pero hindi ibig sabihin na ang lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paghalal ng iglesia ng mga lider ay batay sa mga prinsipyo. Bilang isang lider, dapat magkaroon ng pagkatao ang isang tao, may kakayahan na magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, may tiyak na mga kapabilidad sa gawain, at naghahangad sa katotohanan. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at mali ang landas na kanyang tinatahak, kahit na maging lider siya, hindi siya magtatagal. Pero hinusgahan ko kung puwede bang maging lider ang isang tao batay lamang sa saklaw ng mga tungkuling hawak niya, kung gaano karaming pagdurusa ang tiniis niya, at sa haba ng oras na nagsanay siya. Ang mga pamantayan ko ay ganap na hindi naaayon sa mga salita ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, kahit na matagal akong nagsanay sa pangangaral ng ebanghelyo, nakaunawa ng ilang prinsipyo sa pangangaral ng ebanghelyo, at nagkaroon ng ilang resulta sa aking tungkulin, hindi ko pinagtuunan ang aking buhay pagpasok, at kontento na ako sa pagiging abala araw-araw sa aking tungkulin. Bihira akong magnilay at bihira kong kilalanin ang aking sarili sa mga bagay na nararanasan ko, at bihira kong pagnilayan ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi talaga ako isang taong nagmamahal o naghahangad sa katotohanan. Ang pangunahing responsabilidad ng isang lider ay akayin ang mga kapatid na maunawaan ang katotohanan at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Hindi ako tumuon sa pagninilay at pagkilala sa aking sarili, gumagawa lang ng panlabas na gawain, at halos walang buhay pagpasok, kaya hindi ako kalipikadong maging isang lider. Kung talagang nahalal ako bilang lider pero hindi ko kayang gumawa ng aktuwal na gawain, hindi ba’t magiging huwad na lider ako? Bukod pa rito, para maging isang lider, kailangang pangasiwaan ng isang tao ang lahat ng aspekto ng gawain at magkaroon ng ilang kapabilidad sa gawain. Pinangangasiwaan ko lang ang gawain ng ebanghelyo noong panahong iyon, at kung minsan, kapag napakarami nang gampanin, hindi ko na ito kayang asikasuhin. Wala talaga akong kakayahan o kapabilidad sa gawain para maging isang lider. Lider na si Charlotte noon pa man, at mas malinaw siyang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan kaysa sa akin, at kahit na kulang siya sa karanasan sa pangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, mabuti naman ang kanyang intensiyon, at handa siyang magsagawa at matuto. Ang paghalal sa kanya bilang lider ay nararapat, at dapat kong suportahan ang gawain ni Charlotte. Matapos pagnilayan ang usaping ito, nagawa kong harapin ang hindi pagkahalal bilang lider nang may kahinahunan.
Kalaunan, nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko kung anong uri ng tao ang gusto ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangan mong manatili sa iyong wastong posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na panghawakan ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag hangarin na maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ang lahat ng ito ay mga pagnanais na hindi dapat taglayin ng mga tao. Ang paghahangad na maging isang dakilang tao o isang superman ay katawa-tawa. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang tunay na mahalaga, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging layon na dapat hangarin ng lahat ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). “Kapag hinihingi ng Diyos na maayos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang tiyak na bilang ng mga gampanin, o magsakatuparan ng anumang malaking proyekto, ni magkamit ng anumang mga pambihirang tagumpay. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na gumawa ka ng anumang himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang kailangan lang ng Diyos ay na isagawa mo ang mga salita Niya sa isang praktikal na paraan. Pagkatapos mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, gawin mo ang mga ito at isakatuparan ang mga ito, o pagkatapos mong marinig ang mga salita ng Diyos, tandaan mo nang mabuti ang mga ito, at pagdating ng panahon para magsagawa, gawin mo ito ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. … Kailangang maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang nilalayong iligtas ng Diyos sa Kanyang gawain, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na mamuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at ayon sa mga satanikong pilosopiya, at ang maghangad ng tinatawag ng mga tao na ‘kaligayahan.’ Kung hindi nakikinig sa mga salita ng Diyos o hindi tumatanggap sa katotohanan ang isang tao, subalit namumuhay pa rin ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon at matigas na tumatangging magsisi, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maliligtas ng Diyos. Siyempre, sumusunod ka sa Diyos dahil hinirang ka ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na sinserong sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, na nagagawang sumunod sa daan ng Diyos, at na nagwaksi ng kanyang mga satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Kung sumusunod ka sa Diyos at gumaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspekto, hindi ka nagsasagawa o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at nilalabanan mo pa Siya, matatanggap ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap na gampanan ang iyong tungkulin, at hindi rin ito mahirap gawin nang may debosyon at nang pasok sa pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos sa isang masunurin at praktikal na paraan, nang hindi nagkakaroon ng sarili mong mga ideya o isinasakatuparan ang sarili mong proyekto, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon sila, sa pangkalahatan, ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at naging matatapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Hinihingi sa atin ng Diyos na umasal tayo nang praktikal, na lumugar nang tama bilang isang nilikha, at panghawakan natin ang ating mga tungkulin. Ito ang mga layong dapat nating hangarin, at ito ang wangis na dapat taglayin ng isang tunay na tao. Kung hindi kailanman hahangarin ng isang tao ang katotohanan at hindi ito kailanman tatanggapin, gaano man kataas ang kanyang maging katayuan o katanyagan, sa mga mata ng Diyos, siya ay mababa at walang halaga, at hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Naisip ko kung paanong dati akong may malawak na saklaw ng responsabilidad, ngunit hinangad ko lamang ang reputasyon at katayuan at hindi ko hinangad ang katotohanan. Nang hindi ako mahalal bilang lider ng distrito, ginamit ko ang gawain para ilabas ang aking mga pagkadismaya, at hindi ko namamalayan, nauwi ako sa paglakad sa landas ng paglaban sa Diyos, at tinanggal ako dahil sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at sa mapagmatigas na pagtangging magsisi. Naisip ko rin kung paanong naging lider at may mataas na katayuan ang ilang anticristo, ngunit hinangad nila ang reputasyon at katayuan, ginawa ang kanilang mga tungkulin nang hindi hinahanap ang mga prinsipyo, at lubusang tumangging tanggapin ang pagpupungos. Sa huli, dahil sa kanilang maraming masamang gawa, sila ay pinatalsik at itiniwalag ng iglesia. Mula sa mga katunayang ito, nakita ko ang pagiging matuwid ng Diyos. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao o gaano man karaming tao ang humahanga sa kanya, kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, sa huli ay matitiwalag siya. Kung ang isang tao ay may katayuan o kung hinahangaan siya ng mga tao ay hindi mahalaga, dahil hindi matutulungan ng reputasyon at katayuan ang isang tao na maunawaan ang katotohanan at maligtas. Sinusukat at tinutukoy ng Diyos ang kinalabasan ng isang tao batay sa kung makakamit ba niya sa huli ang katotohanan, hindi batay sa kung gaano kataas ang kanyang katayuan. Kung nananampalataya ako sa Diyos para lamang hangarin ang paghanga ng iba at hindi ko hinangad ang katotohanan o pinagtuunan ang paghahanap sa katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na nakaharap ko, kung gayon, kahit manampalataya ako hanggang sa wakas, hindi ko mauunawaan o makakamit ang katotohanan, at matitiwalag pa rin ako. Tanging ang mga naghahangad sa katotohanan, tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang mahalaga sa mga mata ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, makatwirang tinutukoy ng iglesia kung anong mga tungkulin ang angkop sa bawat tao at itatalaga sila nang naaayon, batay sa mga pangangailangan ng gawain at sa kanilang mga kalakasan at kakayahan. Dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, manatili sa aking tamang posisyon, at gawin ang lahat ng aking makakaya sa kasalukuyan kong tungkulin. Kahit na ako ang pinakamababa sa lahat sa isang sulok, dapat pa rin akong manatili sa aking tungkulin. Matapos magkamit ng pagkaunawang ito, mas naging panatag at malaya ang pakiramdam ko. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos. Hahangaan man ako ng sinuman o hindi, anuman ang katayuan ko sa iba, kahit na hindi kapansin-pansin ang tungkulin ko, tutuparin ko ang aking tungkulin at gagawin ko ang anumang kaya kong gawin.” Madalas akong manalangin nang ganito, at unti-unti, nabawasan ang dati kong mga damdamin na negatibo, pasibo, at lumalaban, at unti-unting bumuti ang mga resulta ng aking mga tungkulin.
Hindi nagtagal, nagsagawa ang aming iglesia ng isang espesyal na halalan para sa isang lider, at isang sister na minsan kong pinangasiwaan ang nahalal. Pagkatapos, hiniling sa akin ng mga lider na maging lider ng pangkat at pangasiwaan ang pagtitipon ng isang maliit na grupo. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng isa pang pagkakataon para magsanay, pero kasabay nito, nakaramdam ako ng kaunting pagkadismaya, iniisip kung paanong isa lang akong lider ng pangkat at wala sa akin ang ningning na kaakibat ng pagiging isang lider ng iglesia. Napagtanto kong muling sumusulpot ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangan mong manatili sa iyong wastong posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na panghawakan ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). “Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, lumiwanag ang puso ko, at napagtanto ko na ang usaping ito na nangyayari sa akin ay pagsisiyasat ng Diyos sa puso ko. Noon, palagi kong hinangad na tingalain ako at mas pinahalagahan ko pa ang reputasyon at katayuan kaysa sa buhay mismo. Nang malaman ko na hindi ako nahalal bilang lider ng distrito, pinabayaan ko ang tungkulin ko at ikinasiya ko ang mga pagkabigo ng aking mga kapatid, na nakaantala sa gawain ng iglesia, nag-iiwan ng walang hanggang mantsa. Nag-iwan din ito ng permanenteng pasakit sa puso ko. Ngayon, malinaw kong naunawaan na kumpara sa katayuan, mas mahalaga ang mga responsabilidad. Sa pagkakataong ito, hinding-hindi ko dapat hangarin ang katayuan tulad ng dati. Determinado akong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kahit pa ilagay ako sa pinakatagong sulok, gagawin ko pa rin nang maayos ang aking tungkulin, magiging isa akong nilikha na totoo at tumutupad sa tungkulin, at babawi ako sa aking pagkakautang noon. Hindi na puwedeng maging katatawanan ako ni Satanas, lalo na ang biguin ko ang Diyos. Mula noon, sa aking tungkulin ay kusa na akong nakipagtulungan sa mga lider. Nagtanong ako kung anong mga problema sa grupo ang nangangailangan ng tulong ko para malutas, at kung minsan, kapag hinihiling sa akin ng mga lider na alamin ang kalagayan ng mga kapatid, maagap ko itong ginagawa. Napanatag ako sa pagsasagawa sa ganitong paraan. Kalaunan, unti-unti kong nabalitaan na iniaangat ang ilang kapatid sa paligid ko, na ang ilan ay mga indibidwal pa ngang may gawain na dati kong pinangasiwaan. Bagama’t medyo nabagabag ako sa oras na iyon, nanalangin ako sa Diyos at tinrato ko nang tama ang bagay na ito. Nang makita ko ang ilang kapatid na nakakaranas ng mga suliranin, ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para makipagbahaginan at tulungan sila, at lalo pang bumuti nang bumuti ang mga resulta ng tungkulin namin. Makalipas ang ilang panahon, sinabi sa akin ng lider ng iglesia na tinanggap na akong muli sa iglesia. Pagkarinig ng balitang ito, may di-maipaliwanag na pakiramdam sa puso ko. Sobra akong naging emosyonal, pero higit pa roon, nakaramdam ako ng paninisi sa sarili. Hinangad ko ang reputasyon at katayuan, hindi ako lumakad sa tamang landas, at ginambala at ginulo ko ang gawain ng iglesia, kaya ako tinanggal—lubos nitong ibinunyag ang pagiging matuwid ng Diyos. Ngunit hindi ako itiniwalag ng Diyos; sa halip, hinatulan Niya ako gamit ang Kanyang mga salita at pinungusan ako sa pamamagitan ng mga kapatid sa paligid ko. Ang Kanyang layunin ay upang makilala ko ang maling landas na tinatahak ko at makabalik ako bago pa maging huli ang lahat, upang matakasan sa lalong madaling panahon ang pagdurusang dulot ng reputasyon at katayuan, mabawi ang konsensiya at katwirang dapat kong taglayin, at maisabuhay ang isang wangis ng tao. Gayumpaman, hindi ko naunawaan ang puso ng Diyos at muntik ko na Siyang iwan. Talagang nakaramdam ako ng pagkakautang sa Diyos! Nakita ko ang pagmamahal ng Diyos, at mula sa kaibuturan ng aking puso, taos-puso akong nag-alay sa Kanya ng aking pasasalamat at papuri.
Matapos maranasan ang mga bagay na ito, tunay kong naramdaman na anuman ang gawin ng Diyos, ginagawa Niya ito sa pag-asang taimtim na magsisisi ang mga tao at lalakad sa tamang landas. Kahit pa tanggalin o ibukod ang isang tao, hindi siya kailanman inaabandona ng Diyos, bagkus patuloy pa rin siyang inaalagaan at ginagabayan. Gumagamit Siya ng iba’t ibang paraan upang gisingin ang puso ng mga tao at mapanumbalik sila. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Nang patuloy akong naghimagsik at lumaban sa Diyos, dumating sa akin ang Kanyang poot. Mahigpit Niya akong pinungusan at dinisiplina sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid ko, at isinantabi ako; sa sandaling handa na akong magsisi sa harap Niya, ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para patuloy akong bigyang-liwanag at gabayan; nang tunay akong manumbalik sa Diyos at magsagawa ayon sa Kanyang mga salita, muli akong tinanggap ng iglesia. Ang disposisyon ng Diyos ay buhay na buhay at tunay, at ang Kanyang puso sa pagliligtas sa mga tao ay taos-puso at mabuti. Salamat sa Diyos!