32. Tama Ba ang Ideya na “Nagpapaganda ang Babae Para sa Humahanga sa Kanya”?
Mula pa noong unang panahon sa Tsina, may kasabihan nang, “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya.” Maraming babae, para maipakita ang kanilang alindog at para bigyang-kasiyahan ang mga lalaking humahanga sa kanila, ang nagsusumikap na palamutian at bihisan ang kanilang sarili. Hindi rin ako naiiba. Noong labimpitong taong gulang ako, natanggap ako sa isang vocational school sa kabisera ng probinsya. Umalis ako sa aming bayan sa lalawigan at pumunta sa malaking lungsod para mag-aral. Napakabago at napakaganda ng lahat. Habang nag-aaral, nakilala ko ang aking kasintahan, at madalas kaming mag-usap at magkita. Para maganda ang maging impresyon niya sa akin, palagi kong pinag-iigihan ang aking pag-aayos kapag nagkikita kami. Madalas din niya akong isama para makilala ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Gustung-gusto nila akong lahat at madalas akong purihin dahil sa aking ganda at karisma. Sa tuwing pinupuri nila ako, natutuwa talaga ang nobyo ko. Sabi niya, ipinagmamalaki niya ako kapag isinasama niya ako sa labas, kaya palagi niya akong gustong isama saanman siya magpunta. Noong mga panahong iyon, hindi kami mapaghiwalay. Kalaunan, ikinasal kami. Sa simula, napakamaalalahanin niya sa akin. Naaalala ko noong buntis ako, napakalubha ng morning sickness ko, at hindi ako makakain o makainom ng kahit ano. Palagi niya akong iniisip kapag nasa trabaho siya, at umuuwi siya para alagaan ako sa tuwing may oras siya. Gumaan talaga ang loob ko. Pero pagkatapos isilang ang aming anak, bumaliktad ang mundo ko. Nagbago ang hubog ng katawan ko, at hindi na ako kasingpayat o kasingganda ng dati. Araw-araw, abala ako sa pag-aalaga sa aming anak hanggang sa punto na halos hindi ko na kaya, at wala na akong oras o gana para mag-ayos. Nang makita akong magbago mula sa isang batang dalaga tungo sa isang losyang na maybahay, hindi na pareho ang pakikitungo sa akin ng asawa ko. Hindi na niya ako inilalabas, at sa halip, halos araw-araw siyang kasama ng barkada niya, at bihira na siyang manatili sa bahay kasama ko. Sa tuwing gusto kong lumabas kaming mag-anak para mag-relax, tinatamad siya, pero kapag mga kaibigan niya ang tumawag, agad siyang umaalis nang hindi nagdadalawang-isip. Mahilig siyang mag-alaga ng aso, at isang beses, hindi ko naisara nang maayos ang pinto, at sa isang saglit na paglingat ko, nakatakbo palabas ang aso at hindi na bumalik. Dahil doon, nagalit siya sa akin at hindi umuwi nang dalawang araw. Maraming ganoong pangyayari. Pakiramdam ko, wala siyang anumang pakialam sa akin, at labis akong nasasaktan. Noong una, hindi ko maintindihan kung bakit ganoon kalaki ang ipinagbago ng pakikitungo sa akin ng asawa ko. Isang araw, pumunta sa bahay ko ang asawa ng pinsan ko, at umabot pa sa puntong kinutya niya ako, sabi niya, “Tiningnan mo na ba ang sarili mo sa salamin nitong kamakailan? Sobrang losyang ka na—sinong lalaki ang magkakagusto sa iyo? Alam mo ba kung bakit ayaw umuwi ng asawa mo? Ako rin naman hindi uuwi kung ang madaratnan ko ay ganyan ang mukha.” Sobrang nasaktan ako sa mga sinabi niya. Iyon pala, kaya ganoon ang pakikitungo sa akin ng asawa ko ay dahil hindi na ako kasingganda ng dati, at nagsawa na siya sa akin. Para sa kanya, isa akong bagay na hindi siya nasisiyahan, pero hindi niya magawang itapon. Sobrang sakit ng nararamdaman ko, pero hindi ko alam kung paano isasalba ang sitwasyon. Kalaunan, nagpasya akong magsimula sa pamamagitan ng pagbago sa aking pangangatawan. Sinimulan kong pagtuunan ang pagpapaganda at pagpapapayat. Para pumayat, madalas akong uminom ng mga pampapayat na tableta at bumili ng mga shapewear. Nagpa-acupuncture at nagpabentosa pa nga ako. Sinubukan ko ang lahat ng paraan para pumayat. Dahil sa sobra kong pagpapapayat, madalas akong makaramdam ng pagkahilo at pagduduwal, at kapag malala na talaga, ni hindi na ako makagalaw habang nakahiga sa kama. Sobrang sakit ng nararamdaman ko at ayaw kong sirain ang sarili ko nang ganito, pero kapag naiisip ko ang makuhang muli ang pagmamahal ng asawa ko, nagtitiim-bagang ako at tinitiis ang lahat ng sakit. Nagbunga ang pagsisikap ko—sa pagtitiyaga ko sa aking programa ng pagpapapayat, sa wakas ay pumayat ako nang husto. Nagsimulang magbago ang tingin sa akin ng asawa ko, at mas naging mabuti ang pakikitungo niya sa akin kaysa dati. Kung minsan, isinasama pa niya ako sa mga pagtitipon ng mga kaibigan niya. Tila bumalik na sa wakas ang matagal kong nawalang kaligayahan, at tuwang-tuwa ako. Sa puso ko, lalo pa akong nakumbinsi na may katwiran talaga ang kasabihang “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya.”
Pero hindi nagtagal ang magagandang panahon. Ang mga pagbabago ko ay tila isang panandaliang interes lang sa paningin ng asawa ko, at sa paglipas ng panahon, bumalik siya sa dati niyang gawi, bihira pa ring manatili sa bahay para samahan ako. Kahit kapag wala siyang mga lakad, natutulog lang siya o nanonood ng TV sa bahay, halos hindi siya nagpapakita ng pag-aalala o nakikipagkuwentuhan sa akin. Labis akong nanlulumo at dismayado. Binitiwan ko ang aking trabaho at itinigil ko ang pakikisalamuha sa lahat ng aking mga kaibigan noon, at sa kanya lang ako umasa. Alang-alang sa kanya, hindi ko lang inako ang lahat ng gawaing-bahay, kundi inalagaan ko rin ang bata at matanda sa aming pamilya, kasabay pa ng pagtuon sa pagpapapayat at pagpapaganda para mahalin niya ako. Pero ang kapalit lang na natanggap ko ay ang kanyang kawalang-pakialam at pagkawalang-bahala. Madalas akong makaramdam ng kalungkutan, kawalang-magawa, pighati, at kawalang-pag-asa. Napakaraming beses na naglakad akong mag-isa sa kalsada o sa tabi ng kanal, at gusto ko na talagang tapusin ang lahat. Pero kapag naiisip ko ang aking maliit na anak at matatandang magulang, sadyang hindi ko magawang sumuko. Paulit-ulit akong tumitingala sa langit, at sa puso ko, patuloy akong sumisigaw, “O Langit sa kaitaasan, bakit ganito kasakit ang buhay ko? Ano ang dapat kong gawin?”
Kalaunan, dumating sa akin ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, at sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid sa mga pagtitipon, naunawaan ko na binabantayan ng Diyos ang sangkatauhan araw at gabi, pero ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas. Hindi natin alam kung saan tayo nanggaling, o kung saan tayo patungo, lalo na kung paano mamuhay. Kaya lang nating magpumiglas nang walang magawa sa gitna ng pasakit. Ang lahat ng ito ay dahil hindi tayo nakikinig sa mga salita ng Diyos at napalayo tayo mula sa Kanyang pangangalaga, at ito ay idinulot ng panlilihis at pamiminsala sa atin ni Satanas. Napagtanto ko rin na bilang isang nilikha, dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan at tuparin ang kanyang mga tungkulin, at saka lamang magkakaroon ng kabuluhan ang buhay. Nang makita ko ang mga kapatid na nangangaral ng ebanghelyo, ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at namumuhay nang makabuluhan at masaya araw-araw, labis akong nainggit. Ang mga araw ko ay umiikot lang sa mga gawain sa kusina at sa asawa ko. Namumuhay ako nang walang nararating sa buhay, at bilang resulta, wala akong nakamit, at naiwan akong niyurakan, sugatan, at nilamon ng di-matiis na pasakit. Anong halaga o kabuluhan mayroon ang ganoong buhay? Sinuri ko ang puso ko, tinanong ko ang aking sarili, “Ito ba talaga ang buhay na gusto ko? Hindi. Hindi ito iyon. Hindi ako puwedeng mamuhay nang ganito.” Kaya sinimulan kong gawin ang mga tungkulin ko sa iglesia.
Noong mga panahong iyon, hindi ko pinagnilayan kung tama ba ang ideya na “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya,” o inisip kung may problema ba sa aking paghahangad. Hanggang sa kalaunan, nang mabasa ko ang tungkol sa paglalantad ng Diyos sa mga walang-katotohanang aspekto ng kasabihang “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya,” saka ko lang sinimulang magbalik-tanaw tungkol sa lahat ng bagay na nangyari sa akin, at pagnilayan at unawain kung gaano kawalang-kabuluhan at katawa-tawa ang mga dati kong paghahangad. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang kasabihan mismo na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ ay inilalagay ang mga kababaihan sa isang di-pantay na posisyon sa mga lalaki. Hinihingi nito sa mga babae na magpaganda para mapalugod ang mga kalalakihan, na mamuhay alang-alang sa kaligayahan ng mga kalalakihan, at na madama ang isang karangalan sa tuwing may nagkakagusto at humahanga sa kanila. Ito ay hindi pantay; ito mismo ay isang tunay na pagsasalamin ng mababang katayuan ng mga kababaihan. Ang implikasyon ng kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ ay na nagugustuhan man ng iba ang isang babae dahil sa kanyang magandang hitsura, o nakakaakit man siya ng pagmamahal ng mga kalalakihan dahil marunong siyang magpaganda ng sarili para maging kaaya-aya sa paningin, dapat siyang makaramdam ng kaligayahan at karangalan dahil dito. Ito mismo ay isang paghamak sa mga kababaihan. Sinasabi ng kasabihang ito sa mga babae na ang halaga ng kanilang pag-iral, ang pinagmumulan ng kanilang kaligayahan, ay ang magkaroon ng isang tao na nagkakagusto sa kanila, at na kung walang nagkakagusto sa kanila, dapat maramdaman nila na sawimpalad sila at sumama ang loob nila, at dapat nilang pagnilayan kung bakit walang nagkakagusto sa kanila, at kung, bilang mga kababaihan, namumuhay ba sila ng isang buhay na walang halaga at bigo. Kaya, hindi ba’t ang kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ ay isang paghamak sa mga kababaihan? (Oo.) Sa parirala na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,’ hindi ba’t ang tagahanga ay karaniwang tumutukoy sa isang lalaki? Ang kasabihang ito mismo ay naglalagay sa mga kalalakihan sa posisyon ng mga panginoon, na mas mataas kaysa sa mga kababaihan. Ibig sabihin nito na ang isang babae ay dapat makaramdam ng karangalan na ang isang lalaki—ang isang panginoon—ay may gusto at pagpapahalaga sa kanya. Kung ang isang lalaki—ang isang panginoon—ay walang gusto sa kanya, kung gayon ay may mali sa kanya, hindi siya kaibig-ibig, isa siyang kabiguan sa buhay, at hindi siya kalipikado na maging babae. Kita mo, hindi halatang itinataas nito ang katayuan ng mga lalaki, na tinutulutan ang mga ito na tapakan ang leeg ng mga kababaihan at maging dominante sa kanila. Naririto ang mali sa kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (14)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pariralang “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya” ay likas na mali. Sa paglalagay sa mga lalaki bilang mas mataas kaysa sa mga babae, walang dudang pinabababa nito ang halaga ng mga babae. Nagiging dahilan ito para hindi namamalayang ituring ng mga babae ang mga lalaki bilang kanilang mga pinuno, para isipin na ang buhay ng mga babae ay dapat umikot sa mga lalaki, at para maging masaya kapag natatamo nila ang pabor at paghanga ng mga lalaki. Ang ideyang ito ay nagpapaisip sa mga babae na kung walang pabor at paghanga ng isang lalaki, walang halaga ang kanilang buhay, na para bang, talagang likas sa mga babae na mabuhay lamang para sa kasiyahan ng mga lalaki. Labis na katawa-tawa at hindi patas ang pananaw na ito para sa mga babae. Mula pa noong tinedyer ako, malaki na ang naging impluwensiya sa akin ng kasabihang ito. Naniwala ako na kung makukuha ng isang babae ang pagmamahal ng isang lalaki, magiging masaya at walang alalahanin ang kanyang buhay. Kaya matagal ko nang pinangarap na makahanap ng asawang magmamahal at mag-aalaga sa akin, at inakala kong ang paghawak sa kanyang kamay habang kami ay magkasamang tumatanda ang tanging paraan para mamuhay nang tunay na masaya. Kalaunan, nakilala ko ang kasalukuyan kong asawa, at noong mga panahong iyon, ako ay bata pa, marikit, at maganda ang pangangatawan, at gustung-gusto niya ako. Sa tuwing may oras siya, inilalabas niya ako para magsaya, at isinasama rin niya ako para makilala ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Pinupuri ng lahat ang itsura ko, at dahil dito, lalo pa niya akong binigyang-layaw. Nalunod ako sa napakagandang pag-ibig na ito at napakasaya ko. Para mapanatiling sariwa ang pag-ibig, pinag-iigihan ko ang aking pag-aayos sa tuwing nagkikita kami para makita niya ang aking pinakakaakit-akit na anyo. Pagkatapos naming ikasal, nanganak ako, at mula sa pagiging batang dalaga, naging losyang na maybahay ako. Lumala ang pakikitungo sa akin ng asawa ko, at ang paghanga niya ay unti-unting naging paghamak. Para makuha ang pabor ng asawa ko at mapanatili ang aming masayang pagsasama, nagpaganda ako, nagpapayat, at sinubukan ko ang lahat ng paraan para baguhin ang sarili ko. Kahit na mangahulugan itong masira ang katawan ko, wala akong pakialam. Nang makita kong bumuti ang pakikitungo sa akin ng asawa ko, labis akong nasiyahan, at lalo kong itinuring ang “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya” bilang susi sa pagpapanatili ng aming pagsasama. Inako ko rin ang lahat ng gawaing-bahay, pinanatiling malinis ang bahay, at nag-ayos ako nang maganda. Ibinuhos ko sa aking asawa ang buong puso at isipan ko, pero ang naging kapalit lang nito ay ang kanyang kawalang-pakialam. Pakiramdam ko, wala nang pag-asa sa buhay, at ayaw ko na ngang mabuhay pa. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ng pagdurusa na tiniis ko ay dala sa akin ni Satanas. Dati, sinusunod ko ang satanikong maling paniniwala at maling kaisipan na “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya,” at ginugol ko ang lahat ng oras ko sa pag-iisip kung paano siya palulugurin at mapapanatili ang kanyang puso, at iniasa ko ang aking kaligayahan sa aking asawa. Pero ang kapalit ay walang katapusang pasakit at kapaitan lamang. Napakatanga at napakahangal ko pala!
Pagkatapos ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay-daan sa akin na mas malinaw pang makita ang maling kaisipang ito na “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya.” Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nagugustuhan ba ng mga kalalakihan ang mga kababaihan dahil lang sa kanilang hitsura at mga pagpapaganda? O nagugustuhan ba nila ang mga kababaihan dahil lang nakikita nila na ang mga ito ay malumanay, mabuti, may dignidad, at magiliw? Gusto ba ng mga kalalakihan ang mga kababaihan para lang maging kaaya-aya sa mga mata nila? (Hindi, ito ay para tugunan ang seksuwal na pagnanasa ng laman.) Kung gayon ay ano ang layon ng pagsubok ng mga kababaihan na palugurin at pasayahin ang mga lalaki? (Ito rin ay para bigyang-layaw ang seksuwal na pagnanasa ng laman.) Ibig sabihin, ang mga kalalakihan at kababaihan ay kapwa may mga pangangailangan pagdating sa isa’t isa, at ang pinakabatayan sa mga pangangailangang ito ay ang seksuwal na pagnanasa ng laman. Ang pangangailangan ng isang lalaki sa isang babae ay hindi lang tungkol sa pagkagusto sa hitsura nito, kundi, batay roon, ang matamo ito sa isang pisikal na paraan—sa deretsahang pananalita, ang matamo ang katawan nito para matugunan ang sarili niyang seksuwal na pagnanasa. Samakatwid, ang layon sa likod ng kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,’ sa aktuwal, ay para tugunan ang seksuwal na pagnanasa ng mga kalalakihan. Hinihingi nito sa mga kababaihan na hindi lang gawing kaaya-aya sa mga lalaki ang kanilang hitsura at mga pagpapaganda, kundi para din tugunan ang seksuwal na pagnanasa ng mga kalalakihan. Hindi ba’t napakahamak ng gayong paraan ng pamumuhay? Kung iniisip pa rin ng mga kababaihan na tama ang kasabihang ito, na isa itong bagay na dapat nilang makamit at sundin, kung gayon ay hinahamak ng mga kababaihan ang sarili nila. Ang mga lalaki ay may mga seksuwal na pangangailangan sa mga babae at gustong paglaruan ang katawan ng mga ito; kung ang mga kababaihan, sa halip na makita ito bilang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi, ay nagpapaganda pa rin para sa kanilang mga tagahanga, na pakiramdam nila ay ito ang pinakamalaking karangalan sa buhay nila, ang pinakamataas na karangalan, hindi ba’t hinahamak nila ang sarili nila? (Oo.) Ito ay ganap na pagkakait sa mga kababaihan ng kanilang mga karapatan. Hindi lang nito pinagkakaitan ang mga kababaihan ng kanilang karapatan na umiral, ng kanilang dignidad, at ng kanilang mga karapatang pantao, kundi ipinapaisip din nito sa kanila na ito ang pinakamalaking karangalan. Hindi ba’t malupit ito? Labis itong malupit! Bukod sa kawalan ng awtonomiya at kawalan ng anumang mga karapatang pantao, ang kaligayahan, kagalakan, at kasiyahan ng isang babae ay makakamit lang batay sa pagpapalugod sa mga kalalakihan at ganap na pagpapasaya sa mga ito. Anumang uri ng di-makataong pagtrato ang pinagdurusahan ng mga kababaihan, hinihingi pa rin sa kanila na ipagmalaki ito. Hindi ba’t ito ay pang-aabuso at pagwasak sa mga kababaihan? Mga makabago o sinaunang kababaihan man, itinuturing nilang lahat ang kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ bilang ang motto nila, bilang ang layon ng kanilang buhay. Hindi ba’t ganap itong mali? Hindi ba’t isa itong panlalansi na ginagamit ni Satanas para abusuhin at ilihis ang mga tao? (Oo.) … Ang layon ng pagsasabi ng mga tao na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ ay tiyak na hindi kasingsimple ng pagpapahalaga ng isang lalaki sa isang babae. Tiyak na inilalagay nito ang mga lalaki sa isang posisyon kung saan dominante sila sa mga babae. Sa mas tumpak na pananalita, lumitaw ang kasabihang ito sa ilalim ng pananaw sa moralidad na ang mga lalaki ay superyor at ang mga babae ay mas mababa. Dagdag pa, ang realidad ay na ang mga kababaihan ay isang madaling maapektuhan na grupo sa ilalim ng anumang sistemang panlipunan, na tinitingnan bilang mga kadugtong at laruan ng mga kalalakihan. Samakatwid, ang kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ ay tiyak na isang kahihiyan sa lahat ng kababaihan. Kung ang mga kababaihan ay partikular na sumasang-ayon sa kasabihang ito, isa itong kapighatian para sa mga kababaihan, at dapat makaramdam ng pagkasuklam ang isang tao sa lahat ng kababaihang sumasang-ayon dito” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (14)). Mula sa mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita na kung gusto man ng mga lalaki ang mga babae o sinusubukan man ng mga babae na palugurin ang mga lalaki, ang layunin nila ay magpakasasa sa mga pagnanasa ng laman. Ang tiwaling sangkatauhan ay walang tamang pananaw sa buhay, at hindi alam kung paano tuparin ang mga responsabilidad nito para mapanatili ang isang normal na buhay may-asawa. Kapag nagsasama ang mga lalaki at babae, kadalasan ay tungkol ito sa pagpapakawala ng kanilang mga makalamang pagnanasa. Ang mga babae, para matugunan ang mga pagnanasa ng mga lalaki, ay kailangang gumawa ng lahat ng paraan para palamutihan ang kanilang sarili upang subukang palugurin ang mga lalaki. Subalit pinaglalaruan ng mga lalaki ang mga babae habang inaasahan nilang magpapaganda ang mga babae para sa kanilang kasiyahan. Ang lohika nito ay lubos na kakatwa. Isa lamang itong pakana ni Satanas para yurakan at wasakin ang mga babae! Kung hindi dahil sa paglalantad ng Diyos sa lahat ng ito, iisipin ko pa rin na tama ang kasabihang ito. Napakatanga at napakahamak ko pala! Noong ako ay bata pa, marikit, at may magandang pangangatawan, ang paglabas kasama ang aking asawa ay nagpaganda ng imahe niya, at lubos na nabigyang-kasiyahan ang kanyang banidad, kaya naging mabuti ang pakikitungo niya sa akin. Pagkatapos kong manganak, hindi na ako kasingpayat at kasingganda ng dati, kaya lumabas ang tunay niyang kulay. Ang dati niyang labis na paghanga at pagkagiliw ay unti-unting naging paghamak at panlalamig. Para mahalin akong muli ng asawa ko, sinubukan kong gumawa ng mga paraan para palugurin siya, sinubukan ko ang lahat ng paraan para pagandahin ang sarili ko at magpapayat. Ngunit nasiyahan lamang siya rito bilang isang pansamantalang interes, at wala itong nagawa para mapabuti ang aming buhay may-asawa. Namumuhay kami sa ilalim ng iisang bubong pero para kaming mga estranghero. Ang pakiramdam na iyon ay madalas na nagdulot sa akin ng pagkabalisa at pasakit, humantong pa nga na maisip kong tapusin na ang aking buhay. Pagkatapos ko lang basahin ang mga salita ng Diyos ako nagnilay-nilay, at napagtanto kong hindi pala tunay ang dating pagkagusto sa akin ng asawa ko. Gusto niya lang pala ang itsura ko. Sa diretsahang pananalita, gusto niya lang ako dahil sa aking kabataan at kagandahan, at nang kumupas ang aking ganda at nagbago ang hubog ng katawan ko, nalantad na lahat ang kanyang paghamak at panlalamig. Hindi pala talaga siya nagmalasakit sa akin, at hindi niya naunawaan kung paano tuparin ang kanyang mga tungkulin bilang asawa. Paano magiging masaya ang ganoong pagsasama? Itinali ko sa pagpapalugod sa aking asawa ang aking mga pananaw sa buhay at mga pinahahalagahan, maling inaakala na sa pagkuha sa pabor ng aking asawa ay mapapanatili ko ang kanyang puso, at na sa ganitong paraan lamang magiging masaya at may kagalakan ang aking buhay. Bilang resulta, pinahirapan ko ang aking sarili hanggang sa puntong hindi na matiis ang pagdurusa. Ang lahat ng ito ay dahil sa aking mga maling perspektiba sa likod ng aking paghahangad. Saka ko lamang malinaw na nakita na kung mamumuhay ang isang babae ayon sa ideya na “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya,” maloloko lang siya ni Satanas at sa huli ay magiging biktima siya nito. Tunay na kaawa-awa at kalunos-lunos ito!
Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko kung paano tingnan nang tama ang ugnayan sa pagitan ng mga kalalakihan at mga kababaihan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nakikita mo na ba ngayon nang malinaw kung ang kasabihan na, ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,’ ay tama o hindi? (Hindi ito tama.) Ang kasabihang ito ay hindi isang positibong bagay, ni hindi ito isang tamang kaisipan o pananaw. Tumingin sa Bibliya at sa mga salitang ipinahayag ng Diyos—mayroon bang anumang pangungusap na nagsasabi sa mga kababaihan na dapat silang magpaganda para sa mga humahanga sa kanila? Mayroon bang anumang pangungusap na naghahati sa katayuan ng mga kalalakihan at kababaihan sa mga antas, na nagsasabi na ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae? Wala, walang ganoon. Ang nakatala sa Aklat ng Genesis sa Bibliya ay na ang babae ay buto ng mga buto ng lalaki at laman ng laman nito. Ang mga lalaki at mga babae ay kapwa mga tao na nilikha ng Diyos; pantay sila sa harap ng Diyos, nang walang pagkakahati ng mga antas, nang walang pagkakaiba sa pagitan ng nakatataas at ng nakabababa. Ang paghahati sa mga tao sa nakatataas at nakabababa at pagtukoy ng mga antas ng katayuan ay isang bagay na ginagawa ni Satanas; ito ay tunay na pruweba ng pang-aapi at pang-uusig ni Satanas sa mga kababaihan. Simula nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan sa umpisa, ang mga kalalakihan at kababaihan ay pantay sa mga mata ng Diyos. Sila ay kapwa mga nilikha at pakay ng pagliligtas ng Diyos. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang mga kalalakihan ay nakatataas at na ang mga kababaihan ay nakabababa, ni hindi Niya kailanman sinabi na ang mga kalalakihan ay dapat na ang pinuno ng mga kababaihan o ang kanilang mga panginoon, na ang mga kalalakihan ay dapat na maging dominante sa mga kababaihan, na dapat maging priyoridad ang mga kalalakihan kaysa sa mga babae sa anumang gawain, o na ang mga kalalakihan ay may sarili nilang mga opinyon at ang mga pangunahing puwersa habang ang mga kababaihan ay dapat na mas makinig sa mga kalalakihan. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay. Dahil lang sa pagtitiwali ni Satanas kaya lumitaw sa gitna ng mga tao ang mga kasabihan tungkol sa pagiging mas nakatataas ng mga kalalakihan at pagiging mas nakabababa ng mga kababaihan, at pagkatapos ay nabuo ang kalakarang ito sa buong lipunan at sa buong sangkatauhan, nang palaging sinusupil ang mga kababaihan sa ilalim ng awtoridad ng lalaki. Dahil sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan, pagkatapos maimpluwensiyahan at malihis ang mga kababaihan ng lahat ng uri ng masasamang kalakaran ni Satanas, pakiramdam nila ay sekundarya sila sa mga kalalakihan at mas mababa ang katayuan nila kaysa sa mga kalalakihan. Iyon ang dahilan kung bakit, hanggang sa kasalukuyang panahon, maraming kababaihan pa rin ang naniniwala na ang kasabihan na ‘Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga’ ay tama. Ito ay isang napakalungkot na bagay. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nalilihis at nakokontrol pa rin sila ng iba’t ibang kaisipan at pananaw ni Satanas sa maraming partikular na usapin. Kahit ang maliit na usaping ito ay isang napakalinaw na paglalarawan, hindi ba? (Oo.) … Bilang mga miyembro ng nilikhang sangkatauhan, ang mga kababaihan ay naiiba sa mga kalalakihan tanging sa kasarian at pisyolohiya; sa ibang mga aspekto, walang anumang mga pagkakaiba. Sa mga mata ng Diyos, ang mga kalalakihan at kababaihan ay walang anumang mga pagkakaiba sa katayuan. Sa anumang mga sitwasyon, hindi kailanman humingi ang Diyos sa mga kababaihan nang naiiba sa mga hinihingi Niya sa mga kalalakihan. Sa mga aspekto gaya ng bilang ng mga taong hinihirang ng Diyos, ng pag-asa ng kaligtasan, ng kanilang mga oportunidad na gumampan ng mga tungkulin, ng mga tungkuling maaari nilang gampanan, at ng gawaing maaari nilang gawin, sa pangkalahatan, ang mga kababaihan ay pantay sa mga kalalakihan; ang mga kababaihan ay hindi mas mababa kaysa sa mga kalalakihan. Ito ang aktuwal na sitwasyon” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (14)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na lalaki man o babae, lahat ng tao ay mga nilikha at pantay-pantay sa harap ng Diyos. Walang bagay na gaya ng mas nakatataas ang lalaki o mas nakabababa ang babae. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae, at isinaayos para sa kanila ang pag-aasawa at pamilya, umaasang sasamahan ng mga tao ang isa’t isa at tutuparin nila ang kanilang mga responsabilidad. Ngunit ikinikintal ni Satanas sa mga tao ang mga maling paniniwala at maling kaisipan tulad ng “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya” at “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae,” na naglalayong supilin at usigin ang mga babae. Dati, palagi akong namumuhay ayon sa walang-katotohanang ideya na “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya” at itinuring ko ang aking asawa bilang ang aking sandigan at ang aking lahat-lahat. Piniga ko ang aking utak sa pag-iisip ng mga paraan para palugurin siya, at patuloy pa ngang binago ang aking sarili para sa kanya. Ngunit hindi naging ayon sa inaasahan ko ang mga bagay, at gaano ko man sinubukang palugurin siya, hindi ko kailanman nakuha ang kanyang tunay na pagmamahal, at naging parang mga estranghero kami sa isa’t isa. Nagreklamo ako na wala siyang malasakit o pagmamahal sa akin, at nagreklamo naman siya na hindi ko siya naiintindihan. Walang pagmamahal o pagsasaalang-alang sa pagitan namin, nagsimula kaming magtanim ng sama ng loob sa isa’t isa, at unti-unting nasira ang aming ugnayan. Ngunit, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa buhay-pamilya, bilang isang asawa, kailangan ko lang tuparin ang sarili kong mga responsabilidad, at hindi ako dapat magpakaabalang magsikap na panatilihin ang pagmamahal ng aking asawa, ni hindi ko rin kailangang subukan ang lahat ng makakaya ko para palugurin siya. Ang paggawa noon ay pagwasak sa sarili ko. Ang mag-asawa ay pantay sa isa’t isa, at bawat isa ay may sariling mga responsabilidad at obligasyon. Ibig sabihin, sa loob ng balangkas ng pag-aasawa na inorden ng Diyos, dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad sa isa’t isa at suportahan ang isa’t isa sa bawat yugto ng buhay.
Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin ang isa sa pinakamahahalagang katotohanan: Bilang isang nilikha, dapat tuparin ng isang tao ang atas at misyon na ibinigay ng Diyos. Ito ang tunay na kabuluhan at halaga ng buhay, at ito rin ang pinakatamang paghahangad. Tulad ng sinasabi ng Diyos: “Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa mga layaw ng laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Ibahagi ang inyong mga iniisip. (Upang matupad nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. … Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pa, ito ay tungkol sa paggawa nang mabuti ng lahat ng bagay na kaya mo at sa lahat ng bagay na kaya mong isakatuparan, kahit umabot man lang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsensiya, kung saan maaaring maging payapa ang konsensiya mo at makitang katanggap-tanggap ka sa paningin ng iba. Sa mas malalim na pagtingin, sa buong buhay mo, saang pamilya ka man isinilang, anuman ang pinag-aralan mo, o ang iyong kakayahan, dapat mong pagbulayan kung ano ang pinakamahahalagang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao sa buhay—halimbawa, anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao, pati na kung paano sila dapat mamuhay para magkaroon ng mga makabuluhang buhay. Kahit papaano ay dapat tuklasin mo nang kaunti ang tunay na halaga ng buhay; hindi mo maaaring ipamuhay ang buhay na ito nang walang saysay, at hindi ka maaaring pumarito sa mundong ito nang walang saysay. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. Halimbawa, sa iglesia, ibinubuhos ng ilang tao ang lahat ng kanilang pagsisikap sa tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo, inilalaan ang lakas ng kanilang buong buhay, nagbabayad ng malaking halaga, at nakapagpapabalik-loob ng maraming tao. Dahil dito, pakiramdam nila ay hindi naging walang kabuluhan ang buhay nila, at na mayroon silang halaga at nagdadala sa kanila ng kaginhawaan. Kapag nahaharap sa sakit at kamatayan, o kapag ibinubuod ang kanilang buong buhay, ginugunita nila ang lahat ng kanilang ginawa, ang landas na kanilang tinahak, at nakakasumpong sila ng kaginhawaan sa kanilang puso; malaya sila sa pag-aakusa sa sarili at sa pagsisisi. Ang ilang tao ay nagsisikap nang husto habang naglilingkod bilang lider ng iglesia o habang responsable para sa isang partikular na aspekto ng gawain. Ginagawa nila ang pinakamakakaya nila, ibinibigay ang lahat ng kanilang lakas, iginugugol ang lahat ng dugo ng kanilang puso at binabayaran ang halaga para sa gawain nila. Sa pamamagitan ng kanilang pagdidilig, pamumuno, tulong, at suporta, maraming tao na nasa gitna ng pagkanegatibo at kahinaan ang nagiging matatag at naninindigan, hindi umaatras, at sa halip ay bumabalik sa presensya ng Diyos at nagpapatotoo pa nga para sa Kanya sa wakas. Higit pa rito, sa panahon ng kanilang pamumuno, naisasakatuparan nila ang maraming mahalagang gampanin, inaalis ang higit sa iilang masamang tao, pinoprotektahan ang maraming hinirang ng Diyos, at binabawi ang ilang mabigat na kawalan. Ang lahat ng ito at higit pa ay nagaganap sa panahon ng kanilang pamumuno. Sa pagbabalik-tanaw sa landas na kanilang tinahak, sa paggunita sa gawain nila at sa halagang binayad nila sa paglipas ng mga taon, wala silang nararamdamang pagsisisi o pagkakonsensiya. Wala silang nararamdamang pagsisisi tungkol sa paggawa ng mga bagay na ito at naniniwala sila na namuhay sila ng buhay na may halaga, at nakakaramdam sila ng kapanatagan at kaginhawaan sa puso nila. Kamangha-mangha iyon! Hindi ba’t ito ang bungang nakamit nila? (Oo.) Ang pakiramdam na ito ng kapayapaan at kaginhawaan, at ang kawalan na ito ng pagsisisi, ang mga ito ang resulta at ani ng paghahangad sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Huwag nating taasan ang ating ekspektasyon sa mga tao. Isaalang-alang natin ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ang isang tao sa isang gampanin na dapat niyang gawin o handa silang gawin sa kanyang buhay. Matapos mahanap ang kanilang lugar, matatag silang naninindigan sa kanilang posisyon, pinanghahawakan ang kanilang posisyon, ginugugol ang lahat ng dugo ng puso nila at ang lahat ng enerhiya nila, at ginagawa nang mabuti at tinatapos ang dapat nilang gawin at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na sila sa harap ng Diyos upang magbigay-ulat, medyo nasisiyahan sila, walang paratang o pinagsisisihan sa kanilang puso. Nakakaramdam sila ng kaginhawahan at nararamdaman nilang may nakamit sila, na nakapamuhay sila ng buhay na may halaga” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (6)). Naisip ko kung gaano karaming babae ang nabubuhay para sa kanilang mga asawa, ginugugol ang kanilang buong buhay sa pagsisikap na palugurin ang kanilang mga asawa. Bagama’t maaaring mapanatili nilang maayos ang kanilang pagsasama at pamilya, hindi nila alam kung para saan dapat mabuhay ang isang tao, o kung paano mamuhay nang may tunay na halaga. Kung hindi ito nalalaman, anong kabuluhan mayroon ang kanilang buhay? Sa huli, hindi ba’t nabubuhay lang sila nang walang kabuluhan? Naisip ko kung paano ko dating hinangad ang kaligayahan sa pag-aasawa. Gumawa ako ng lahat ng uri ng walang kabuluhang bagay para lang subukang palugurin ang aking asawa, at tiniis ko ang napakaraming hindi kinakailangang pagdurusa, pero sa huli, ano ang napala ko, maliban sa isang napinsalang katawan? Sa pagninilay-nilay, ang karanasang iyon ay talagang tumatak sa aking alaala. Iyon ang pinakamababang punto ng aking buhay, at ang panahon kung kailan ako pinakawalang pag-asa at pinakanasaktan. Ang mga salita ng Diyos ang nagpaunawa sa akin na ang tiwaling sangkatauhan ay puno ng mga disposisyon ni Satanas, puno ng pagnanasa, at ganap na walang alam kung ano talaga ang pag-ibig, lalo na kung paano panatilihin ang kanilang sariling pagsasama. Ginagamit at nililinlang lang ng mga tao ang isa’t isa. Walang tunay na pag-ibig. Tanging ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ang walang pag-iimbot, walang transaksyon, at walang hinihingi. Ito ang pinakatotoo at pinakatunay na pag-ibig. Kung nabubuhay ang isang babae para lamang palugurin ang kanyang asawa nang hindi hinahangad ang katotohanan o ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha, napakahamak talaga ng ganoong buhay!
Ngayon, umalis na ako ng bahay para gawin ang aking tungkulin, at sa proseso ng paggawa ng aking tungkulin, nakatuon ako sa pagsusuri kung anong mga tiwaling disposisyon at walang-katotohanang kaisipan at pananaw ang mayroon ako, at sadya kong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Pakiramdam ko, sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay. Salamat sa Diyos sa pag-akay sa akin palabas sa maling kaisipan at pananaw na “Nagpapaganda ang babae para sa humahanga sa kanya”!