70. Ano Bang Nagawa ng Pera at Katayuan Para sa Akin?
Ipinanganak ako sa isang broken family. Nung ipinagbubuntis ako ng nanay ko, sumama sa ibang babae ang tatay ko. Nagdusa nang husto ang nanay ko sa pag-aalalaga ng anim na anak, at halos gabi-gabi ko siyang naririnig na umiiyak. Ang makita ko siyang umiyak nang napakapait ay naging dahilan para magkaroon ako ng negatibong pananaw sa kasal at mga relasyon. Sabi ko sa sarili ko, “Hindi mo kailanman pwedeng ibigay sa ibang tao ang buong tiwala mo. ‘Wag na ‘wag kang magtitiwala kahit kanino. Ang tanging maaasahan mo sa buhay ay ang sarili mo at ang perang kikitain mo gamit ang sarili mong mga kamay.” Mula noon, nagsimula akong mag-isip kung paano kikita ng pera. Nung high school, habang ang iba ay nag-e-enjoy sa kanilang mga bakasyon, nagtayo kami ng nanay ko ng tindahan sa tabing kalsada para magbenta ng pagkain. Pero nung panahong ‘yon, tanging mga pangunahing pangangailangan lang ang nabibili ng perang kinikita namin. Nung ikalawang taon ko sa high school, kinailangan kong tumigil kasi hindi ko kayang bayaran ang matrikula. Pagkatapos nun, itinuloy ko ang pagpapatakbo ng tindahan. Bumabangon ako nang alas-kwatro o alas-singko tuwing umaga para maghanda ng pagkain, at pumupunta sa tindahan nang bandang alas-sais. Makalipas ang tatlong taon, nakaipon na ako ng sapat na pera para magtrabaho sa isang malaking siyudad. Maaga akong bumabangon at araw-araw na nagsusumikap, pero hindi ako kumikita nang malaki, at hindi ako nakontento. Kaya, sa tulong ng nobyo ko, ginamit ko ang inipon ko nang ilang taon para magbukas ng isang maliit na tindahan. Makalipas ang dalawang taon, kumita na kami ng kaunting pera at nagkaroon ng mga anak. Nung malapit na kaming ikasal, niloko ako ng nobyo ko sa lahat ng bagay. Kinuha niya ang lahat ng pera, tumakas, at sumama sa ibang babae. Nagkaanak din sila. Nawala ang lahat ng pinaghirapan kong pera, at nanlumo ako at naging miserable. Nang maranasan ko ang nangyari sa nanay ko, pakiramdam ko, hindi mapagkakatiwalaan ang mga lalaki, at na kailangan kong pagtuunan ang pagkita ng sapat na pera para buhayin ang mga anak ko. Pero nakaramdam ako ng matinding pressure, wala akong lakas para patakbuhin ang tindahan ko, at may sakit ako. Ayoko nang manatili sa siyudad na ito. Kalaunan, nang malaman ng tatay ng nobyo ko ang nangyari, binigyan niya ako ng pera para mag-apply ng visa papuntang UK. Makalipas ang apat na taon, nakuha ko ang residence permit ko at pumasok ako sa unibersidad. Para kumita ng mas maraming pera, pinili ko ang mga business management na kurso. Noong 2011, nakatanggap ako ng tulong pinansyal para sa pagiging isang estudyante, at ginamit ko ang pera para magbukas ng isang tindahan ng pagkaing Aprikano sa siyudad.
Sa simula, dahil maliit ang tindahan, isang tao lang ang inupahan ko. Bumabangon ako tuwing alas-singko ng umaga para magtrabaho sa tindahan at pumapasok sa eskwela ‘pag tapos na ako. Pagkatapos ng klase, nagmamadali akong bumalik sa tindahan para maglinis, maghatid ng mga paninda, at mamahala ng mga account. Ang pagnenegosyo, pag-aaral sa isang unibersidad, at pagpapalaki ng mga anak nang sabay-sabay ay siguradong napakahirap. Pero nung marinig kong pinupuri ako ng lahat sa abilidad ko, at nakita ko ang kanilang mga mata na humahanga at naiinggit, sobra akong nasiyahan. Nung panahong iyon, maganda ‘yong takbo ng negosyo sa tindahan, at kumikita ito nang mas malaki kaysa sa inaasahan ko, pero parang hindi pa rin ito sapat. Naisip ko, dapat maging mayaman ako na kaya ko nang bilhin ang bangko, para purihin at kainggitan ako ng iba. ‘Yon naman talaga ang gusto ko. Para magkamit ng mas maraming karangalan at papuri, at patunayan na matatag ako, at para kumita nang mas maraming pera para buhayin ang mga anak ko at mamuhay ng isang marangyang buhay, pinalaki ko ang tindahan ko. Makalipas ang tatlong taon, ang maliit kong tindahan ay naging isang malaking tindahan na nagbebenta ng pagkain mula sa iba’t ibang bansa sa Africa. Kinilala rin ako bilang ang tanging Aprikanong negosyante sa siyudad. Inimbitahan ako ng mga guro sa high school at kolehiyo para magsalita, para ikwento ang tungkol sa mga ambisyon at tagumpay ko para magbigay inspirasyon sa imigranteng kabataan sa UK, at binigyan nila ako ng tropeo. Nung pumunta ako para magbigay ng mga talumpati dala ang tropeo, kinilala ako ng lahat. Pakiramdam ko, sulit lahat ng pagsisikap at pagdurusa ko sa mga nakalipas na taon, at na ang mga layunin ko sa buhay ay nakamit ko na. Pero hindi ako tumigil sa paggawa ng pera, dahil mas madaling gumawa ng mga bagay at kumita ng pera ‘pag mayroon ka nang katayuan sa lipunan, at tumindi rin ang pagnanais ko ng kasikatan. Pero, sa puntong ito, medyo hindi na maganda ang pakiramdam ko. Saglit lang akong nakakatayo tapos ay kailangan ko nang umupo. Sinabi ng doktor na may rayuma, fibromyalgia, at sciatica ako, na nangangahulugang ang buong gulugod ko ay masakit. Sinabi ng doktor na kailangan ko ng panahon para magpagaling, at na hindi na ako pwedeng magtrabaho, pero hindi ko sineryoso ang sakit ko. Pakiramdam ko gagaling ako pagkatapos ng ilang ehersisyo. Isa pa, napakaganda ng kita sa tindahan kaya ayokong bumitaw, kaya patuloy akong nagnegosyo.
Sa simula ng 2014, lumala ang kondisyon ko, at masakit na ang buong katawan ko. Parang sinusunog ang buong katawan ko, parang inaapoy ito. Halos palaging namamaga ang mga binti ko, parang bali ang balakang ko, at malambot ang gulugod ko. Kinailangan kong magsuot ng brace para mapanatiling tuwid ito. Nung nagpa-check up ako, sinabi ng doktor na may rayuma na ako, pero dahil madalas akong pumapasok sa freezer sa tindahan ng karne, umabot na sa buto ko ang lamig, kaya nanganganib akong tuluyang maparalisa anumang oras. Natakot ako nung oras na ‘yon, pero huli na ang lahat. Kalaunan, hindi na ako makagalaw, kaya wala akong magawa kundi isara ang tindahan. Sa ‘di inaasahan, ginaya ako ng ibang tao sa bayan namin at nagbukas din sila ng kanilang mga tindahan. Nainggit ako, at malungkot na malungkot din sa aking kalagayan. Bakit ba ako nagkasakit nang malubha? Walang tigil ang sakit, dalawampu’t apat na oras sa isang araw, at walang araw na mahimbing akong nakakatulog. Para bang may apoy na nagliliyab sa puso ko, at ang pisikal at mental na paghihirap ay napakasakit. Sa puntong ito, sinimulan kong tunay na pagnilayan ang mga bagay. Hindi kayang gamutin ng kinita kong pera ang sakit ko, kaya anong silbi nito? Nung oras na ‘yon, pakiramdam ko mahina ako at walang magawa. Nag-aalala ako para sa mga anak ko, dahil ako lang ang pamilya nila. Ayoko nang isipin ang pera at kasikatan. Gusto ko na lang na matapos ang sakit at mapalaki ang mga anak ko nang payapa. Mahigit isang taon akong nakaratay sa higaan, tinatanong ang sarili ko, “Bakit ba labis na nagdurusa ang mga tao? Bakit tayo nagkakasakit?” Sa paghihirap at kawalan ng pag-asa, tumawag ako sa Panginoon para tulungan akong matakasan ang pasakit ko.
Nung Mayo ng 2019, minsan, pagkatapos ng sampung araw ng pag-aayuno at pagdarasal, gusto kong makinig sa isang himno. Naghanap ako online at natagpuan ko ang website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Matapos kong manood ng ilang pelikula, nag-iwan ng malalim na marka sa akin ang Saan ang Aking Tahanan. Ang buhay nung batang babae ay repleksyon ng aking kabataan, at ang karanasan ng kanyang ina ay katulad na katulad ng sa akin. Buong gabing kumakabog ang dibdib ko, at kinabukasan, tumawag ako sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Ang pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay nakatulong sa akin na makatiyak na Siya nga ang nagbalik na Panginoong Jesus. Masaya kong tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos, at nagsimula akong dumalo sa mga online na pagtitipon. Minsan, nakarinig ako ng isang himno at lubos akong naantig. “Kung hindi ako iniligtas ng Diyos, inaanod pa rin ako sa daigdig, mahapding nagsisikap sa kasalanan, nang walang anumang pag-asa sa buhay. Kung hindi ako iniligtas ng Diyos, niyuyurakan pa rin ako ng mga diyablo, tinatamasa ang mga kasiyahan ng kasalanan, hindi nalalaman ang landas ng pantaong buhay. Maawain sa akin ang Makapangyarihang Diyos; tumatawag sa akin ang tunog ng mga salita Niya. Naririnig ko ang tinig ng Diyos at itinaas na sa harap ng trono Niya. Sa bawat araw ay kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko na ang maraming mga katotohanan. Nakikita ko ang matinding lalim ng katiwalian ng sangkatauhan. Tunay na kailangan natin ang pagliligtas ng Diyos. Dinadalisay at nililigtas ako ng katotohanan ng Diyos. Muli’t muli, ako ay hinatulan at pinino, at nagbago ang aking disposisyon sa buhay. Nang matikman ko ang katuwiran at kabanalan ng Diyos saka ko lang nalaman ang Kanyang kariktan. Kinatatakutan ng aking puso ang Diyos at iniiwasan ang kasamaan, at nagsasabuhay ako ng kaunting pagkakatulad sa tao” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Lubos na ipinaliwanag ng kantang ito ang buhay ko. Dati-rati, gusto ko palaging gumawa ng isang masayang buhay gamit ang sarili kong mga kamay, at naniwala akong kaya kong tuparin ang mga pangarap ko nung bata pa ako at lahat ng mga ninanais ko sa pamamagitan ng sarili kong lakas, pero sa huli, sobra akong nasaktan, walang suporta, at namuhay sa paghihirap. Ang Diyos ang nagdala sa akin sa harap Niya, nagpaginhawa sa sakit ko, nagligtas sa akin mula sa kadiliman ng mundo, nagpahintulot sa aking basahin ang Kanyang mga salita, at nagbigay sa akin ng pagkakataong tanggapin ang paghatol at paglilinis. Salamat sa Diyos para sa Kanyang pagliligtas! Nung panahong ‘yon, hindi ako makapaghintay na magbasa ng mas marami pang salita ng Makapangyarihang Diyos, dahil napagtanto ko na ang mga sagot sa maraming tanong ay mahahanap sa salita ng Makapangyarihang Diyos.
Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng salita ng Diyos. “Ano ang pinagmulan ng habambuhay na paghihirap mula sa kapanganakan, kamatayan, karamdaman, at pagtanda na tinitiis ng mga tao? Ano ang naging dahilan para magkaroon ng mga bagay na ito ang mga tao? Wala namang ganitong mga bagay ang mga tao noong una silang likhain, hindi ba? Saan, kung gayon, nagmula ang mga bagay na ito? Umiral ang mga bagay na ito matapos tuksuhin ni Satanas ang mga tao at naging masama ang kanilang laman. Ang pananakit ng pantaong laman, ang mga hirap at kahungkagan nito, gayon din ang napakamiserableng mga problema sa mundo ng mga tao ay dumating lamang matapos nagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, sinimulan nitong pahirapan sila. Kaya naman, mas lalo silang naging masama. Ang mga karamdaman ng sangkatauhan ay lalo pang lumubha, at ang kanilang pagdurusa ay lalo pang lumala. Higit at higit, nadama ng mga tao ang kahungkagan at trahedya ng mundo ng tao, gayon din ang kanilang kawalan ng kakayahang patuloy na mabuhay roon, at mas lalong nabawasan ang kanilang pag-asa para sa mundo. Sa gayon, ang pagdurusang ito ay ibinagsak ni Satanas sa mga tao” (Ang Salita, Vol. II. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na lumikha ang Diyos ng isang mundong walang karamdaman, pasakit, at kamatayan. Matapos tuksuhin ni Satanas ang mga tao para pagtaksilan ang Diyos at talikdan ang Diyos, nag-umpisang maging masama at tiwali ang mga tao, at ang sakit at kamatayan ay dumating din sa sangkatauhan. Pagkatapos nun, lumala nang lumala ang pagiging miserable ng buhay. Sa loob ng anim na taon na ito, nagdusa ako sa karamdaman, at ginusto pa ngang magpakamatay. Walang kabuluhan ang buhay ko at puno ng pasakit. Pero ngayon, nauunawaan ko na ang pinagmumulan ng pasakit ko: ginawa akong tiwali ni Satanas at tinalikuran ko ang Diyos, at namuhay lang ako para sa kasikatan at kayamanan. Sa pamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, lalo lang akong masasaktan, at mawawalan ng kabuluhan ang buhay ko. Habang lalo kong binabasa ang mga salita ng Diyos, mas lumiliwanag ang puso ko, at pinalusog ng salita ng Diyos ang uhaw kong kaluluwa. Pakiramdam ko nagising ako, na para bang mula sa pagtulog na puno ng bangungot.
Kalaunan, nakabasa pa ako ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Pilosopiya ni Satanas ang ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo,’ at nangingibabaw sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao. Maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao. Mula pa sa panimula, hindi tinanggap ng mga tao ang kasabihang ito, ngunit binigyan nila ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man karami ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Ano ito? Ito ay pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Ginagamit ni Satanas ang salapi upang tuksuhin ang mga tao, at tiwaliin silang sumamba sa salapi at ipagpitagan ang mga materyal na bagay. At paano naipapamalas sa mga tao ang pagsambang ito sa salapi? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang manatiling buhay sa mundong ito nang walang salapi, na ang kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi ang mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at integridad sa paghahanap ng mas maraming salapi? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa salapi? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng nawala sa mga tao? Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao hanggang sa ganitong antas? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, lubos na nahuhulog ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay naipapamuhay ang kasabihang ito nang hindi mo namamalayan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang hangarin ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang kalabanin ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, nauunawaan mo man kung gaano kalalim at kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo o hindi, mapagmatigas mo pa ring ipipilit ang sarili mong landas at babayaran ang halaga para sa kasabihang ito. Ibig sabihin, naloko at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, nakontrol na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa isantabi mo ang iyong paghahangad na yumaman. Kayang kumilos ng mga tao nang ganoon, kaya silang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba ibig sabihin nito ay naloko at nagawa na silang tiwali ni Satanas? Hindi pa ba nag-uugat ang pilosopiya at paraan ng pag-iisip ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, sa puso mo? Kapag pikit-mata mong hinangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahanap ng katotohanan, hindi ba nagtagumpay na si Satanas sa layunin nitong lokohin ka? Ito mismo ang nangyayari” (Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos ay saka ko lang naunawaan na ang mga bagay tulad ng “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa” at “Pera ang nagpapaikot sa mundo” na lagi ko noong pinaniwalaan ay mga satanikong pilosopiya pala. Nagkaugat na ang mga ito sa puso ko at kontrolado ang isip ko, kaya wala na akong ibang maisip na mas mahalaga kaysa sa pera. Itinuring ko ito bilang ang tanging rason para mabuhay, at akala ko, magdadala ito sa akin ng kaligayahan at karangalan, kaya desperado akong naghangad ng pera. Para magkaroon ako ng mas maraming pera, kainggitan at tingalain, at magkaroon ng magandang buhay, nagsumikap ako nang hindi iniisip ang katawan ko hanggang sa halos maparalisa na ako at mawalan ng buhay. Ito ang kinahinatnan ng pagtanggap ko sa mga pilosopiya ni Satanas at pagiging kontrolado ng mga ito. Kahit alam kong umiiral ang Diyos, wala akong lakas para sumunod sa Diyos at tahakin ang tunay na daan ng buhay dahil kontrolado ako ng mga salita at pilosopiya ni Satanas. Inilayo ng mga ito sa Diyos ang puso ko at ginawa akong mabuhay para lang masiyahan ang laman. Salamat sa patnubay ng mga salita ng Diyos, napagtanto kong mali ang tinatahak kong daan.
Kalaunan, nakabasa ako ng isa pang sipi ng salita ng Diyos at nakahanap ng isang landas para mawala ang sakit na nararamdaman ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding sakit na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng sakit na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. … May napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa kanila ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Ipinaunawa sa akin ng salita ng Diyos kung paano palalayain ang sarili ko mula sa kontrol ng pera, ‘yon ay ang bitawan ang lahat ng mga layuning hinahangad ko dati, huwag nang hangarin ang kasikatan at kayamanan sa pamamagitan ng sarili kong pagsisikap, at hayaang pagpasyahan at isaayos ng Diyos ang buhay ko. Kailangan kong magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos, magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at maging isang taong sinasamba ang Diyos. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos. Ito ang unang pagkakataon sa buhay ko na naramdaman ko ang patnubay ng Diyos para sa akin. Para bang direktang nakikipag-usap sa akin ang Diyos, ipinapakita sa akin ang isang landas ng pagsasagawa. Matapos kong manalig sa Makapangyarihang Diyos, gusto kong gampanan ang tungkulin ko sa iglesia, pero nung oras na ‘yon, mayroon pa rin akong online shop. Marami na akong ipinuhunan na pera pero wala pang tubo. Natakot akong mas malugi pa, kaya kinailangan kong bantayan ang mga binibili sa online shop sa lahat ng oras, at palagi akong nakakatanggap ng mga mensahe kapag nasa mga pang-araw na pagtitipon, kaya hindi ko talaga mapakalma ang puso ko, at iniisip ko pa rin kung paano mamuhunan at kumita ng mas maraming pera. Ang maghapong pagpapatakbo ng online kong tindahan ay nakakapagod, kaya minsan, sa mga pagtitipon sa gabi, dahil sa sakit ng buong katawan ko, nakahiga lang ako at umiinom ng gamot para makayanan ito, pero nakakaantok ‘yong gamot at nakakatulog ako sa mga pagtitipon. Gusto kong taos-pusong sambahin ang Diyos. Ayoko nang bumalik sa dati kong buhay. Kaya isinara ko ang online shop. Kalaunan, sinabi ng kaibigan ko na gusto niyang magbukas ng isang pisikal na tindahan, at dahil nag-aral ako ng business management, tinulungan ko siyang gumawa ng isang plano nang libre. Sobra niya itong nagustuhan at sinabing gusto niya akong makatrabaho. Gusto niyang ako ang gumawa ng packaging at siya naman sa shipping, at pantay naming hahatiin ang pera. Natukso ako. Naisip ko na isa itong magandang pagkakataon para kumita ng mas maraming pera, at maraming ideya ang agad na pumasok sa isip ko. Nung gabing iyon, nang nagdasal ako sa Diyos para pagnilayan ang kalagayan ko, napagtanto ko na inihahayag ko na naman ang kasakiman ko sa pera. Naalala ko ang iba’t ibang pasakit na naranasan ko dati. Napagtanto ko rin na matapos manalig sa Makapangyarihang Diyos, wala nang nararamdamang pasakit ang aking espiritu. Nagtamasa ako ng kapayapaan at katatagan, at labis na bumuti ang sakit ng katawan ko, nang walang iniinom na gamot. Ito ay proteksyon at pagliligtas ng Diyos sa akin. Ang Diyos ang tumulong sa akin na matakasan ang pagdurusa ng kasikatan at kayamanan, pero ngayon, gusto kong ituloy ang paghahangad ng pera at kasikatan. Hindi ba’t nahuhulog na naman ako sa patibong ni Satanas? Alam kong dapat kong tanggihan ang trabahong ito mula sa kaibigan ko, pero hindi ko pa rin ito ganap na mapakawalan. Pagkatapos, nakabasa ako ng mga salita ng Diyos at nakahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kapag malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makakapagpahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo. Habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng mga tao, lalo nilang ninanais na patuloy na mabuhay; habang mas nararamdaman ito ng mga tao, mas kinatatakutan nila ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa punto lang na ito nila tunay na napagtatanto na ang kanilang mga buhay ay hindi sa kanila, hindi sa kanila para kontrolin, at walang sinuman ang makapagsasabi kung siya ay mabubuhay o mamamatay—ang lahat ng ito ay wala sa kanyang kontrol” (Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na habang iniisip ng mga tao na ang pagkapit sa pera ay nakakapagpahaba ng buhay at kaya silang iiwas sa kamatayan, tanging sa bingit ng kamatayan nila mapapagtanto na hindi sila kayang iligtas ng pera, at hindi sila nito kayang bigyan ng walang hanggang buhay, at hindi sila nito matutulungang mabawi ang kanilang kalusugan. Hindi ba’t masyado nang huli na matauhan sa harap ng kamatayan? Gano’n din ako dati, pikit-matang naghahangad ng pera nang walang pakialam sa katawan ko. Sinabihan ako ng doktor na magpahinga at magpagaling, pero nag-alala ako na kung mananatili ako sa bahay, hindi ako kikita ng pera, kaya nagtrabaho ako habang may sakit. Akala ko kaya kong kontrolin ang sarili kong kapalaran, pero sa bingit ng kamatayan, napagtanto ko na wala akong kayang kontrolin na kahit ano. Ngayon, salamat sa pagliligtas ng Diyos, pinalad akong marinig ang mga salita ng Diyos. Naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, at na dapat kong sundin ang mga pagsasaayos ng Diyos at huwag nang labanan ang kapalaran nang mag-isa. Kung pipiliin kong kumita ng pera, magiging miserable na naman ako. Sasagarin ko ang katawan ko para sa pera, at patuloy akong kokontrolin at pahihirapan ni Satanas. Dito ko napagtanto na ito’y panunukso ni Satanas sa akin. Lumapit sa akin ang isang kaibigan nang may ideya para sa isang negosyo, siya ang namuhunan at handang ibahagi ang kita nang pantay. Sobrang nakakatukso ang alok niya. Ginagamit ito ni Satanas para mahulog ulit ako sa patibong ng pera at kasikatan, at may kahangalan na gusto kong bumalik sa dati kong buhay ng paghihirap at kalungkutan. Hindi ba’t pagkahulog lamang ito sa panlilinlang ni Satanas? Nagdasal ako sa Diyos, sinasabing gusto kong isantabi ang kasikatan at kayamanan, at sa halip ay gusto kong gawin ang tungkulin ko. Matapos kong magdasal, labis akong napanatag. Para bang nabunutan ako ng malaking tinik. Sa sumunod na tatlong araw, para ilayo ang sarili ko mula sa ipo-ipo ng kasikatan at kayamanan, mas masinsinan akong nagdasal araw-araw. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na tumangging makatrabaho ang kaibigan ko, pero sinubukan niyang hikayatin ako, “Ngayon, nabubuhay ka sa tulong ng gobyerno. Hindi ito sapat sa’yo. Hindi ito ang Nina na kilala ko.” Sabi ko, “Totoo, hindi na ako ang dating Nina. Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at naunawaan ang ilang katotohanan. Ang Diyos ang nagligtas sa akin mula sa pasakit ko. Dati, sinabi ng ospital na hindi nagagamot ang karamdaman ko, at sinukuan nila ako. Kahit ang mga tranquilizer ay hindi naiibsan ang sakit na nararamdaman ko. Pero nung nagbasa ako ng mga salita ng Diyos, ‘di ko namalayang humupa na ang pasakit ko. Kung iiwan ko ang sambahayan ng Diyos at babalik sa mundo, mamumuhay pa rin ako sa pasakit. Ayoko nang patuloy na mamuhay nang gano’n.” Sinabi ko rin sa kanya: “Pwede kang maghanap ng iba para maging kasosyo mo. Kung kailangan mo ng tulong, pwede kitang bigyan ng ilang payo.” Kalaunan, ilang beses siyang pumunta sa akin, hanggang sa napagtanto niyang hindi ako makukumbinsi.
Ngayon, ginagawa ko ang tungkulin ko sa iglesia, at nakakaramdam ako ng kalayaan at kapayapaan. Ang pisikal na sakit na nararamdaman ko ay nabawasan na ng 60 hanggang 70 porsyento, at kaya ko nang maglakad at magluto ngayon. Pero ang pinakaimportante sa lahat, kaya ko nang gawin ang tungkulin ko sa iglesia. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagliligtas sa akin mula sa pagiging kontrolado ng pera, at pagbabago ng direksyon ng buhay ko. Nauunawaan ko na ngayon na ang pagkilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pagsamba sa Diyos, at pagsasagawa sa pamamagitan ng mga salita at hinihingi ng Diyos, ay ang pinakamakabuluhan at pinakamahalagang bagay sa buhay. Kahit na nagdulot sa akin ng labis na sakit ang karamdaman ko, isa rin itong pagpapala para sa akin. Binibigyan ako nito ng pagkakataon na bumalik sa Diyos at makamit ang pagliligtas ng Diyos, na isang bagay na hindi mabibili ng pera. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!