32. Nagpupursige sa Tungkulin sa mga Panahon ng Pagsubok
Noong Hulyo 23, 2023, noong katatapos ko pa lang diligan ang ilang baguhan at makauwi ng bahay, nagmamadaling pumunta sa akin ang nakatataas na lider na si Li Qing, at sinabi niya sa akin, “Maraming baguhan sa Iglesia ng Shu Guang ang inaresto ng mga pulis, at naaresto rin nila ang mga lider at diyakono. Naaresto rin ang maraming kapatid mula sa dalawang malalapit na iglesia. Ngayon, kinakailangan na kaagad ng mga baguhan ng pagdidilig at suporta, kung hindi, magiging mahirap para sa kanila na manindigan sa teribleng kapaligirang ito. Dahil nadiligan mo na sila dati, gusto naming suportahan mo ang mga baguhang ito.” Nang marinig kong sinabi ito ng lider, napagtanto kong napakahalaga ng gawaing ito. Pero naisip ko, “Dalawang araw pa lang akong nakakabalik mula sa Iglesia ng Shu Guang, at napakarami nang kapatid ang naaresto nang sumunod na araw. Bukod doon, kilala nila akong lahat, kaya ang pagdidilig sa mga baguhan sa pagkakataong ito ay magiging napakamapanganib! May mga surveillance camera kahit saan. Paano kung may magtaksil sa akin, at gamitin ng mga pulis ang kuha sa surveillance para hulihin ako? Dalawang beses na akong naaresto dati, at kung maaaresto na naman ako, halos siguradong pahihirapan ako ng mga pulis hanggang mamatay. Kung bubugbugin ako hanggang mamatay, ganap na mawawala ang pagkakataon kong maligtas.” Medyo nag-atubili ako, kaya, inisip kong hilingan ang isa sa mga dating tagadilig na natanggal para suportahan muna ang mga baguhang ito. Pero walang pagpapahalaga sa pasanin sa kanyang tungkulin ang sister na ito at hindi lumutas ng mga tunay na problema, at naligalig ako sa pagpapapunta sa kanya. Habang nababalisa at nag-aalinlangan ako, inisip ko, “Hindi ba’t nasa mga kamay ng Diyos ang mga pulis? Hindi nakasalalay sa mga pulis kung maaaresto ba ako o hindi. Kung natatakot na ako bago pa ako makapunta sa iglesia, sa anong paraan ako magkakaroon ng anumang patotoo?” Nanalangin ako sa Diyos para protektahan ako at pagkalooban ako ng pananalig at lakas, at pagkatapos ay nagdilig ako ng mga baguhan.
Pero ilang sandali lang, nalaman kong ilan pang baguhan ang naaresto, at ginagamit ng mga pulis ang mga surveillance para makahuli ng mga baguhan at kilalanin kami. At nakita nila roon ang litrato ko at ng dalawa pang sister. Mas lalo pa akong natakot, at inisip ko, “Naaresto ako ilang taon na ang nakalilipas, at kilala ako ng lahat ng pulis ng National Security Brigade. Kung maaaresto akong muli, siguradong hindi nila ako pakakawalan.” Sa pag-iisip ko kung paano brutal na ginulpi ng mga pulis ang ilang kapatid hanggang sa mamatay ang mga ito, at kung paanong napahirapan na ako minsan ng mga pulis hanggang sa bingit ng kamatayan, inisip ko, “Kung maaresto ako at talagang bugbugin hanggang mamatay, hindi ba’t matatapos na ang mga taon ng pananalig ko?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nag-aalala, at hindi ako makatulog sa gabi. Gusto kong humanap na lang ng iba ang lider para siyang magdidilig sa mga baguhan. Gayumpaman, naaresto na ng mga pulis ang karamihan sa mga lider, manggagawa, at tagadilig, kaya sa panahong ito, wala nang ibang angkop na tao na pupuwede. Kalaunan, bagama’t nagdilig ako ng mga baguhan, namuhay ako sa takot at pangamba, at iniraraos ko lang ang mga pagtitipon, at tuwing nagbabasa ako ng kaunting mga salita ng Diyos, gusto ko nang umalis sa lalong madaling panahon, dahil sa takot na habang mas matagal ang pagtitipon, lalong magiging mas delikado ito. Nang panahong iyon, natatakot ang ilang baguhan na maaresto at hindi maganda ang mga kalagayan nila, at magsasalita lang ako nang maikli bago mabilis na tatapusin ang mga pagtitipon. Kalaunan, sa pag-iisip ko kung paanong hindi pa nalulutas ang mga isyu ng mga baguhan, nakonsensiya ako, natatakot na baka maging negatibo, mahina, o mailigaw ng walang batayang tsismis ang mga baguhan at umalis na. Pero naisip ko rin na bagamat nakakuha ng mga kuha ko at litrato ang surveillance ng mga pulis sa akin, hindi ko pa napansing may mga kahina-hinalang tao na sumusunod sa akin, at basta’t pinagtutuunan ko ay ang pagiging ligtas at magbabalat-kayo, makakadalo pa rin ako sa mga pagtitipon. Kung sa kritikal na sandaling ito, isinaalang-alang ko lang ang sarili kong kaligtasan, at binalewala kung makakapanindigan ba ang mga baguhan, mayroon pa rin ba akong pagkatao? Binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Totoo ito, makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, at gaano man kasama at namamayani ang malaking pulang dragon, hindi nito malalampasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, hindi ako mahuhuli ng mga pulis. Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos, kaya nagpatuloy ako sa pagdidilig sa mga baguhan.
Kalaunan, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, pumunta ako sa Iglesia ng Xin Sheng para pangasiwaan ang gawain ng pagdidilig. Pero ang hindi ko inaasahan ay iyong ilang sandali pa lang pagkarating ko sa Iglesia ng Xin Sheng, inaresto ng mga pulis ang mga lider. Dahil nakikita kong nagsimula nang arestuhin ng mga pulis ang mga tao sa iglesia ring ito, napuno ako ng pangamba at takot at ayaw kong pumunta para diligan ang mga baguhan. Pero ang mga baguhan sa iglesiang ito ay kasisimula pa lang magtipon nang normal, at naaresto ang mga lider ng iglesia. Hindi ako puwedeng manood lamang habang hindi nadidiligan ang mga baguhan at nagdurusa ang mga buhay nila. Naguguluhan ang puso ko, kaya lumuhod ako sa Diyos at nanalangin, “O Makapangyarihang Diyos! Maraming baguhan ang kailangang madiligan at masuportahan, pero natatakot akong maaresto at wala akong lakas ng loob na pumunta. Pakiusap pagkalooban Mo ako ng pananalig at tapang.” Pagkatapos manalangin, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan na lubos na umantig sa akin. Bagama’t nakadama ang sister ng panghihina at pagkanegatibo sa harap ng pang-uusig ng mga pulis pati ng laganap na pandemya, nagawa niyang magtiwala sa Diyos para makita nang wasto ang gawain pagkatapos ng insidente sa iglesia, at ligtas niyang nailipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Dahil nakita kong nagawang itaguyod ng sister na ito ang tungkulin niya sa gitna ng pang-uusig at pagsubok, masyado akong napahiya, lalo na nang mabigyang-inspirasyon ako ng mga salita ng Diyos na pinakita sa video. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang ilantad ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano malalantad ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananalig sa Akin. … Samakatwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Dahil nabasa ko ang mga salita ng Diyos, lubos akong naantig, at lalo na nang sinabi ng Diyos na “Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo?” Partikular kong nadama na wala akong konsensiya at tunay na makasarili at kasuklam-suklam! Dahil nasa ilalim ng laganap na mga pang-aaresto at pang-uusig ng CCP ang iglesia, alam na alam ko na ang mga baguhang ito ay walang katotohanan tungkol sa mga pangitain, at na sa harap ng kakila-kilabot na kapaligirang ito at sa walang batayang tsismis ng CCP, magiging madali sa mga baguhan na maging negatibo, mahina, o mailigaw, at tumalikod pa nga sa pananalig. Kailangan kong balikatin ang gawain ng pagdidilig sa mga baguhan, para maunawaan nila ang katotohanan at makapanindigan sila. Pero dahil sa takot ko na maaresto, gusto kong tanggihan ang gawain ng pagdidilig sa mga baguhan at tumakas sa kritikal na sandaling ito, at pagkatapos kong malaman na may litrato ko ang mga pulis, lalo pa akong natakot. Takot akong maaresto at magulpi ng mga pulis hanggang mamatay, at na wala akong magiging mabuting kalalabasan at hantungan sa hinaharap. Kaya kahit na alam na alam ko na walang susuporta sa mga baguhan, ayaw ko pa ring pumunta para diligan sila. Bagama’t pumunta ako kalaunan, nagpapabaya lang ako at iniraraos lang ito, na gustong tapusin nang mabilis ang pagtitipon at umalis na. Sa pagninilay-nilay ko sa aking pag-uugali, napagtanto ko na wala akong tunay na pananalig o pagpapasakop sa Diyos, at na nag-aalala lang ako sa kaligtasan ko. Gusto ko lang abandonahin ang tungkulin ko at tumakas sa kalagitnaan sa kahit na pinakamaliit na banta ng panganib. Sa anong paraan ako mayroong pananalig sa Diyos? Nasaan ang katapatan at pagpapasakop ko? Nasaan ang patotoo ko? Isa itong pagpapamalas ng pagkakanulo sa Diyos. Nabagabag at nakonsensiya ako, kinamumuhian ang sarili ko dahil sa pagiging napakamakasarili at kasuklam-suklam, at dahil hindi talaga pagiging tapat! Gayundin, naunawaan ko na sa harap ng mga pang-aaresto at pang-uusig, kailangan kong magtiwala sa Diyos para makapanindigan sa patotoo ko, isuko ang puso ko, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at kahit na mangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng buhay ko, kailangan kong gawin nang maayos ang tungkulin ko. Nang mapagtanto ko ito, nakadama ako ng bugso ng lakas at hindi na ako takot maaresto. Kaya mabilis kong pinuntahan ang mga baguhan, ibinahagi ang mga salita ng Diyos sa kanila, at tinulungan silang maunawaan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos upang magkaroon sila ng pananalig na maranasan ang kapaligirang ito.
Pagkatapos noon, naisip ko, “Bakit ako palaging natatakot at gusto kong protektahan ang sarili ko kapag nababalitaan kong naaaresto ang mga kapatid? Ano ang ugat nito?” Naghanap ako ng mga salita ng Diyos tungkol sa usaping ito at binasa ang mga ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa mainland Tsina, ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pamumuhay sa isang mapanganib na kapaligiran. Ang bawat tao na sumusunod sa Diyos ay araw-araw na nahaharap sa panganib na maaresto, masentensiyahan, at mapasailalim sa malupit na pag-uusig ng malaking pulang dragon. Ang mga anticristo ay hindi eksepsiyon dito. Bagama’t makaklasipika sila bilang mga anticristo sa loob ng sambahayan ng Diyos, ang malaking pulang dragon, kasama ang pamayanang panrelihiyon, ay patuloy na nagsusumikap supilin at usigin ang iglesia ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang, at siyempre, nasusumpungan din ng mga anticristo ang kanilang sarili sa ganitong kapaligiran at hindi sila libre sa banta ng pagkakaaresto. Samakatwid, madalas nilang kailangang harapin ang isyu ng kanilang sariling seguridad. Tumutukoy ito sa katanungan kung paano pinangangasiwaan ng mga anticristo ang sarili nilang seguridad. Para sa subseksiyong ito, pangunahing pinagbabahaginan natin ang saloobin ng mga anticristo patungkol sa sarili nilang seguridad. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? (Ginagawa nila ang kanilang makakaya para maprotektahan ang sarili nilang seguridad.) Ginagawa ng mga anticristo ang kanilang makakaya para protektahan ang kanilang seguridad. Ang iniisip nila ay: ‘Dapat ko talagang tiyakin ang seguridad ko. Sinuman ang mahuli, hindi dapat ako iyon.’ … Kung ligtas ang isang lugar, pipiliin ng mga anticristo ang lugar na iyon upang doon sila magtrabaho, at, tunay nga, magmumukha silang napakasipag at positibo, ibinibida nila ang kanilang matinding ‘pagiging responsable’ at ‘katapatan.’ Kung may gawain na talagang delikado at malamang na mahaharap sa isang insidente, na matutuklasan ng malaking pulang dragon ang gumagawa ng gawaing ito, nagdadahilan sila at tinatanggihan ito, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng mga paraan para makaalis at iniiwanan nila ang kanilang tungkulin, nang walang malasakit sa mga kapatid. Ang tanging iniisip nila ay makalayo sila sa panganib. Maaaring sa puso nila ay handa sila. Sa sandaling lumitaw ang panganib, iniiwanan nila kaagad ang kanilang trabaho, nang walang pakialam kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o kung ano ang mawawala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa seguridad ng mga kapatid. Ang mahalaga sa kanila ay makatakas. Mayroon pa nga silang ‘lihim na alas,’ isang plano para protektahan ang kanilang sarili: Sa sandaling sumapit sa kanila ang panganib o maaresto sila, iuulat nila ang lahat ng nalalaman nila, nililinis ang kanilang pangalan at pinawawalang-sala ang kanilang sarili sa lahat ng responsabilidad para maipreserba ang sarili nilang seguridad. Ito ang nakahanda nilang plano. Ayaw ng mga taong ito na makaranas ng pang-uusig dahil sa pananampalataya sa Diyos; takot silang maaresto, mapahirapan, at mahatulan. Ang totoo ay matagal na silang sumuko kay Satanas sa puso nila. Takot na takot sila sa kapangyarihan ng satanikong rehimen, at mas takot na maranasan ang mga bagay na tulad ng pagpapahirap at marahas na interogasyon. Para sa mga anticristo, samakatwid, kung maayos ang lahat, at walang anumang peligro o isyu sa kanilang seguridad, at hindi posibleng magkaroon ng panganib, maaaring ialay nila ang kanilang kasigasigan at ‘katapatan,’ at maging ang kanilang mga ari-arian. Ngunit kung masama ang sitwasyon at maaari silang arestuhin anumang oras dahil sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin, at kung maaari silang mapatalsik sa kanilang opisyal na posisyon o maabandona ng mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, lalo silang nag-iingat, hindi sila mangangaral ng ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos, ni hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Kapag may kaunting tanda ng problema, umuurong sila na parang isang pagong na nagtatago sa talukab nito; kapag may kaunting tanda ng problema, agad nilang ninanais na ibalik sa iglesia ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at anumang may kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos, upang sila ay manatiling ligtas at hindi mapahamak. Hindi ba’t mapanganib sila? Kung maaresto, hindi ba sila magiging Hudas? Ang mga anticristo ay masyadong mapanganib na maaari siyang maging Hudas anumang oras; laging may posibilidad na ipagkakanulo nila ang Diyos. Bukod pa riyan, makasarili sila at lubhang kasuklam-suklam. Natutukoy ito sa kalikasang diwa ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ang kalikasan ng mga anticristo ay partikular na makasarili at kasuklam-suklam. Kung ligtas at walang panganib sa mga lugar kung saan nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, napakaagap ng mga anticristo at mukhang napakaresponsable, pero kapag naging malupit ang kapaligiran, inaalala lamang nila ang pagprotekta sa sarili nila, at wala talaga silang pakialam sa gawain ng iglesia o sa kaligtasan ng mga kapatid. Ganito ang inugali ko. Noong hindi nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, napakaaktibo at napakaagap ko, at noong napakaabala ng mga bagay, dinidiligan ko ang mga baguhan kahit na hindi pa ako kumakain. Pero nang maharap ang iglesia sa mga malawakang pang-aaresto at nahuli lahat ang mga lider at tagadilig, at kinailangan kong diligan ang mga baguhan, umatras ako at umurong, sa takot na maaaresto ako ng mga pulis at bubugbugin hanggang mamatay, at mawawalan ng magandang kalalabasan o hantungan. Kaya ayaw kong diligan ang mga baguhan, at kahit na alam na alam kong iresponsable ang tagadilig na natanggal, gusto ko pa ring ipasa sa kanya ang mga baguhan at tumakas sa kritikal na sandaling ito. Pinahalagahan ko ang sarili kong kaligtasan kaysa sa iba, at wala talaga akong pakialam kung napinsala ba ang gawain ng iglesia o kung magagawa bang manindigan ng mga baguhan. Nakita ko na tunay na wala akong pagkatao at konsensiya, at na ang disposisyong ibinunyag ko ay kagaya lang ng sa isang anticristo—sobrang makasarili at kasuklam-suklam! Kung hindi ako magsisi at patuloy na aabandonahin ang tungkulin ko at tatakas sa mga kritikal na sandaling ito, ititiwalag ako sa huli.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa isyu ng pagkatakot sa kamatayan at nalaman ko kung paano ito tratuhin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. … Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, lubos akong naantig. Nakita ko na sa mga nagdaang kapanahunan, ang mga banal na nagpalaganap ng ebanghelyo ng Diyos ay naharap sa pang-uusig mula sa mga nasa kapangyarihan. Ang ilan ay kinaladkad ng mga kabayo hanggang mamatay, ang ilan ay binato hanggang mamatay, at ang ilan ay ipinako sa mga krus nang pabaligtad, pero sa harap ng banta ng kamatayan, hindi sila napigilan ng impluwensiya ng kadiliman, at kumapit sila sa kanilang tungkulin hanggang kamatayan, hindi tinatwa ang pangalan ng Diyos o ipinagkanulo Siya, ginamit ang kanilang buhay para magdala ng isang maganda at matunog na patotoo sa Diyos. Mahalaga at makabuluhan ang kanilang kamatayan. Bagama’t sa mga mata ng tao, pisikal silang namatay, inusig sila dahil sa katuwiran, at pinupuri at inaalala sila ng Diyos. Inisip ko kung paanong nagawa kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha, at na biyaya ito ng Diyos. Bilang isang nilikha, kailangan kong suklian ang pagmamahal ng Diyos at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kung itinulot ng Diyos na arestuhin ako ng mga pulis, magiging isang pagkakataon din iyon para makapagpatotoo ako sa Diyos. Kahit na talagang usigin ako ng mga pulis hanggang mamatay, ito ay mangyayari nang may pahintulot ng Diyos. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo tungkol sa Diyos dahil ibinigay ng Diyos ang buhay ko, at kung mabuhay o mamatay man ako, dapat kong hayaan ang Diyos na patnugutan ako at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Sa kabaligtaran, kung pahahalagahan ko ang aking buhay at poprotektahan ang aking sarili, at sa mga kritikal na sandali, hindi ko ginawa ang tungkulin ko o sinuportahan at diniligan ang mga baguhan, kung gayon ay mag-iiwan ako ng isang pagsalangsang sa Diyos, at masyadong huli na para magsisi. Kahit pa hindi mamatay ang katawan ko, makikita ako ng Diyos bilang isang nawalan ng patotoo at nagkanulo sa Kanya, at mamumuhay ako gaya ng isang naglalakad na bangkay. Nang naunawaan ko ito, hindi na napipigilan ng takot sa kamatayan ang puso ko.
Isang gabi, binasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Si Satanas ay hindi kailanman nangahas na lumampas sa awtoridad ng Diyos, at higit pa rito, ay laging maingat na nakinig at sumunod sa mga atas at partikular na kautusan ng Diyos, hindi kailanman nangangahas na labagin ang mga ito, at siyempre, hindi nangangahas na malayang baguhin ang anuman sa mga atas ng Diyos. Gayon ang mga hangganan na naitalaga na ng Diyos kay Satanas, at kaya hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganang ito. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos? Hindi ba ito patotoo sa awtoridad ng Diyos? May mas malinaw na pagkaunawa si Satanas kaysa sa sangkatauhan kung paano kumilos tungo sa Diyos, at kung paano tingnan ang Diyos, at kaya, sa espirituwal na mundo, napakalinaw na nakikita ni Satanas ang katayuan at awtoridad ng Diyos, at may malalim na pagpapahalaga sa kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos at sa mga prinsipyo sa likod ng pag-uunat ng Kanyang awtoridad. Hindi nito pinangangahasan, ni minsan, na hindi pansinin ang mga ito, ni hindi ito nangangahas na labagin ang mga ito sa anumang paraan, o gawin ang anumang bagay na lumalampas sa awtoridad ng Diyos, at hindi ito nangangahas na hamunin ang poot ng Diyos sa anumang paraan. Bagama’t masama at mapagmataas ang kalikasan nito, hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganan at limitasyon na itinalaga para dito ng Diyos. Sa milyun-milyong taon, ito ay mahigpit na sumunod sa mga hangganang ito, sumunod sa bawat kautusan at atas na ibinigay rito ng Diyos, at hindi kailanman nangahas na lampasan ang limitasyon. Bagama’t mapaminsala ito, di-hamak na mas matalino si Satanas kaysa sa tiwaling sangkatauhan; alam nito ang pagkakakilanlan ng Lumikha, at alam nito ang sarili nitong hangganan. Mula sa mga ‘mapagpasakop’ na kilos ni Satanas, makikita na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay mga kautusan ng kalangitan na hindi maaaring salangsangin ni Satanas, at dahil mismo sa pagiging natatangi at awtoridad ng Diyos kaya ang lahat ng bagay ay nagbabago at dumadami sa isang maayos na paraan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan at dumarami alinsunod sa landas na itinatag ng Diyos, at walang tao o bagay ang may kakayahang guluhin ang panuntunang ito, at walang tao o bagay ang may kakayahang baguhin ang batas na ito—dahil ang lahat ng iyon ay galing sa mga kamay ng Lumikha, at mula sa inorden at awtoridad ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang awtoridad at dakilang kapangyarihan ng Diyos. Nasa kontrol ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, at gaano man kabilis ang paglaganap ng malaking pulang dragon, hindi ito mangangahas na hulihin tayo ayon sa gusto nito nang walang pahintulot ng Diyos dahil hindi nito malalampasan ang mga hangganan at limitasyong itinakda ng Diyos. Ito ang natatanging awtoridad ng Diyos. Naisip ko kung paanong ginabayan ni Moises ang mga Israelita palabas ng Ehipto, habang nasa unahan ang Dagat Pula at ang hukbo ni Faraon sa likuran. Sa imahinasyon ng tao, mukhang imposible para sa mga Israelita na makatakas, pero noong nasa matinding kagipitan ang mga Israelita, hinati ng Diyos ang Dagat Pula at ginawa itong tuyong lupa, at ligtas na nakatawid ang mga Israelita, samantalang nalunod ang buong hukbo ng mga Ehipsyo. Nakita ko ang awtoridad at dakilang kapangyarihan ng Diyos, at nakita ko rin na ang Diyos ang nagbigay sa mga Israelita ng daan para makatakas at na walang mahirap para sa Kanya. Sa harap ng pang-uusig at pagsubok, ginagamit din ng Diyos ang malaking pulang dragon bilang gamit-panserbisyo para gawing perpekto ang pananalig ko, at gaano man kamapanganib ang sitwasyon, kailangan kong magtiwala sa Diyos at gawin nang maayos ang tungkulin ko.
Makalipas ang dalawang buwan, dahil sa pagkakanulo ng isang Hudas, lalong naging malubha ang kapaligiran, at halos sandaang tao ang naaresto. Mula sa mga naaresto at pagkatapos ay pinakawalan, nalaman kong ilang beses tinanong ng mga pulis ang kinaroroonan ko. Inisip ko na dahil hinirang ako bilang isang lider ng iglesia, kung talagang naaresto ako, siguradong pahihirapan ako ng mga pulis. Inisip ko na kung hindi ko makayanang magtiis at magulpi ako hanggang kamatayan, hindi ba’t matatapos na ang mga taon ng pananalig ko sa Diyos? Nang maisip ko ito, napagtanto ko na kumakapit pa rin ako sa aking buhay. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang protektahan ang puso ko. Naalala ko ang isang pelikula na tinatawag na Kwento Ko, Kwento Natin at pinanood ko kaagad iyon. Nakita ko na pinahirapan ng mga pulis ang mga kapatid dahil sa pagpapasa ng mga salita ng Diyos, pero pinili nilang mamatay kaysa yumukod kay Satanas. Lalo na sa huli, kung kailan mas gugustuhin na nilang mamatay kaysa lagdaan ang “Tatlong Pahayag” at ipagkanulo ang Diyos, nagdala sila ng isang malakas at matunog na patotoo. Lubos akong nabigyang-inspirasyon, at nagpasya ako na kung isang araw ay talagang arestuhin ako ng mga pulis, kung gayon, gaya ng mga kapatid na nasa pelikula, tatanggi akong makipagkompromiso kay Satanas, kahit na ito ay mangahulugan pa ng kamatayan, para magdala ng isang magandang patotoo para bigyang ginhawa ang puso ng Diyos. Pagkatapos nito, ibinahagi ko talaga ang katotohanan sa mga baguhan, tinutulungan silang makilatis ang mga pakana ni Satanas, at unti-unti, nagawa ng ilang baguhan na normal na dumalo sa mga pagtitipon.
Ang pagdanas ng mga pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon ay nabunyag ang tunay kong tayog, pati na rin ang makasarili at kasuklam-suklam kong satanikong disposisyon. Mas ipinaunawa nito sa akin ang aking sarili, at naunawaan ko na ang mga pang-aaresto at pang-uusig ay pinahintulutan ng Diyos, at na ginagamit ng Diyos ang mga bagay na ito para gawing perpekto ang ating pananalig at pagmamahal. Alam kong daraan ako sa mas matinding pang-uusig at pagsubok sa hinaharap, pero nananampalataya akong nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay, at anuman ang mangyari, gagawin ko nang maayos ang tungkulin ko bilang isang nilikha at magpapatotoo ako tungkol sa Diyos.