58. Natutuhan Ko Na Kung Paano Tratuhin Nang Tama ang mga Tao

Ni An Yu, Tsina

Noong 2023, pagiging lider ng iglesia ang tungkuling ginagawa ko at naging katuwang ko si Sister He Li. Naging lider na dati si He Li at may ilang pagkaunawa na siya sa mga prinsipyo ng iba’t ibang gawain. Pagkatapos naming paghatian ang aming gawain, hindi ko kailangang masyadong mag-alala sa gawaing si He Li ang responsable. Minsan kapag nahihirapan ako sa gawain, natutulungan ako ni He Li. Kahit na maraming gawain, magaan ang pakiramdam ko, basta’t magkatuwang kaming dalawa. Noong Hulyo, napili bilang isang mangangaral si He Li at umako siya ng mga responsabilidad sa maraming iglesia. Kaya sa akin na lamang naiatang ang gawain ng aming iglesia, kaya umasa akong may makakasama kaagad para makatulong sa gawain. Pagkatapos ng eleksyon, naging katuwang ko si Zhao Xin. Napakasaya ko. Nakapaglingkod na si Zhao Xin bilang isang diyakono ng pagdidilig at nauunawaan na niya ang ilang gawain ng iglesia. Madali na niya itong matututunan. Ngayong may makakaagapay na ako sa gawain, mababawasan na ang presyur sa akin. Ibinahagi ko kay Zhao Xin ang tungkol sa mga gawaing kailangan niyang gawin, subalit dahil medyo matanda na si Zhao Xin, hindi niya kaagad maunawaan ang ilang bagay, at ako pa rin ang gumagawa ng karamihan sa gawain. Medyo sumama ang loob ko. Ngayon, hindi lang gawain ko mismo ang ginagawa ko kundi kailangan ko pang gabayan si Zhao Xin, na mas nakapagpabigat pa sa gawain ko kaysa dati. Gayunpaman, naisip ko na siguro ay mas magiging pamilyar na si Sister Zhao sa gawain pagkaraan ng ilang araw ng pagsasanay.

Isang araw, pagkatapos ng pagpupulong, nalaman kong hindi na nasubaybayan ang gawain ng pagdidilig. Akala ko ay dahil mas pamilyar si Zhao Xin sa gawain ng pagdidilig, susubaybayan na niya ito. Nang makauwi na ako, tinanong ko agad si Zhao Xin kung sinubaybayan ba niya ang gawain ng pagdidilig. Sinabi ni Zhao Xin na hindi pa siya nakapagpapatipon, kaya hindi niya alam. Sa isang iglap, sumiklab ang galit sa loob ko. Naisip ko: “Kung gagawin mo lang sana ang ilang gawain, hindi ba’t mababawasan nito ang presyur sa akin? May pinagkaiba pa ba kung dalawang tao ang gagawa sa kung ako lang ang gumagawa nito?” Pinagsabihan ko siya, “Kung gagawin mo ang ilang gawain, hindi ba’t mas bibilis ito? Isipin mo kung anong tiwaling disposisyon ang pumipigil sa iyong gawin ito!” Sa ilang sandali ay walang sinabing kahit na ano si Zhao Xin, at sa sandaling iyon, napagtanto ko na mapipigilan siya ng ganitong pananalita ko. Naisip ko rin, “Angkop bang tratuhin ko siya nang ganito, lalo na at kamakailan lamang ay ay may pinagdadaanan siya?” Medyo nakaramdam ako ng pagsisisi sa puso ko.

Pagkalipas ng mga kalahating buwan, napili ng iglesia si Liu Wen para maging katuwang namin. Buong tapat na ginawa ni Liu Wen ang mga tungkulin niya at maingat siya sa kanyang gawain, pero dahil bago siya, hindi pa niya nauunawaan nang mabuti ang iba’t ibang gawain. Palaging nagkakaroon ng mga problema sa kanyang gawain, at madalas niyang kailangan ang tulong ko para maayos ito. Noong una, inakala kong makakatulong sa gawain kung may katuwang akong dalawang sister, pero sa halip na mabawasan ito, nadagdagan pa nito ang pasanin ko. Mas matinding presyur ang naramdaman ko, at mas mahirap at nakakapagod gawin ang tungkuling ito. Sa puso ko ay hindi ko maiwasang medyo hamakin ang dalawang sister at ayaw kong masyadong makipag-usap sa kanila. Nayayamot ako kapag tinatanong nila ako, at pakiramdam nila ay nalilimitahan sila kaya hindi na sila naglakas-loob na magtanong pa sa akin. Dahil doon, naantala ang ilang gawain dahil sa kawalang-kakayahan nilang gumawa. Noong panahong iyon, parehong napakanegatibo ng dalawang sister, dahil sa tingin nila ay wala silang nakamit at hindi nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at nagrereklamo pa rin ako na hindi sila epektibo. Ngayong may mga katuwang na ako, tila mas pagod ako kaysa noong wala pa sila dati. Kahit na ang gawain ay para sa tatlong katao, sa huli ay ako ang gumagawa sa karamihan nito at pakiramdam ko ay masyado akong dehado. Kung hindi ko ito gagawin, natatakot akong maaantala ang gawain at pananagutan ko iyon. Habang pinag-iisipan ko ang tungkol dito, nagsimulang tumulo ang aking mga luha nang walang tigil, na para bang sobra akong naagrabyado. Hindi ko alam kung paano harapin ang ganitong kapaligiran; napapabuntong-hininga ako araw-araw at sobra akong nababagabag. Naisip ko kung pwede ko lang sanang lisanin ang iglesiang ito, subalit napagtanto kong hindi solusyon ang pagtakas sa problema. Noong panahong iyon, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, sinabi kong, “Diyos ko, alam kong nagbunyag ako ng maraming tiwaling disposisyon, pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula para unawain ang mga ito. Pakiusap bigyang-liwanag at akayin Mo ako, upang maunawaan ko ang kalooban Mo.” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang likas na disposisyon ng tao ay kabilang sa pagkamainitin ng ulo. Kapag napinsala ang mga interes, banidad, karangalan, o pagpapahalaga sa sarili ng isang tao, kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad, hahayaan niyang diktahan ng kanyang tiwaling disposisyon ang pakikitungo niya sa pinsalang iyon, at magiging pabigla-bigla siya at kikilos nang padalos-dalos. Ang ipinamamalas at ibinubunyag niya kung gayon ay pagkamainitin ng ulo. Positibo o negatibong bagay ba ang pagkamainitin ng ulo? Malinaw na isa itong negatibong bagay. Hindi mabuting bagay para sa isang tao na mamuhay nang mainit ang ulo; malamang na magdudulot ito ng sakuna. Kung nalalantad ang init ng ulo at katiwalian ng isang tao kapag may nangyayari sa kanya, isa ba siyang taong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos? Malinaw na siguradong hindi mapagpasakop sa Diyos ang gayong tao. Tungkol naman sa iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa mga tao, kung hindi matanggap ng isang tao ang mga ito mula sa Diyos, sa halip ay pinangangasiwaan at nilulutas ang mga ito sa paraang pantao, ano ang magiging resulta niyon sa huli? (Itataboy ng Diyos ang gayong tao.) At magiging magandang halimbawa ba iyon sa mga tao? (Hindi.) Hindi lamang sila matatalo sa kanilang sariling buhay, bagkus ay hindi rin sila magiging magandang halimbawa sa iba. Higit pa riyan, ipapahiya nila ang Diyos at itataboy sila ng Diyos. Ang gayong tao ay nawalan na ng kanyang patotoo at inaayawan siya saan man siya magpunta. Kung miyembro ka ng sambahayan ng Diyos, pero laging mainit ang ulo mo sa iyong mga kilos, laging inilalantad kung ano ang likas sa iyo, at laging ipinapakita ang tiwali mong disposisyon, ginagawa ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao at nang may tiwali, satanikong disposisyon, ang kahihinatnan sa huli ay ang paggawa mo ng masama at paglaban mo sa Diyos—at kung patuloy kang hindi magsisisi at hindi mo matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kakailanganin kang ibunyag at itiwalag. Hindi ba’t isang malubhang problema ang mamuhay na umaasa sa satanikong disposisyon at hindi maghanap sa katotohanan para malutas ito? Ang isang aspeto ng problema ay na hindi lumalago o nagbabago ang isang tao sa kanyang sariling buhay; bukod pa roon, masamang makakaimpluwensiya ang isang tao sa iba. Hindi siya maghahatid ng anumang mabuting pakinabang sa iglesia, at pagdating ng panahon, magdadala siya ng malaking kaguluhan sa iglesia at sa mga hinirang ng Diyos, tulad ng isang mabahong langaw na lumilipad pabalik-balik sa ibabaw ng hapag-kainan, nagsasanhi ng pandidiri at pagkasuya. Gusto ba ninyong maging ganitong uri ng tao? (Hindi.)” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan). Ang kasalukuyang sitwasyon ko ang inilantad ng Diyos. Bakit lagi akong naiinis at gusto ko pang pagbuntunan ng init ng ulo at galit ang mga katuwang kong sister? Dahil iyon sa hindi nila natutugunan ang mga ekspektasyon ko pagkatapos na ako ang mapiling manguna. Sa halip na direktang makatulong sa gawain at pagaanin ang pasanin ko, mas maraming lakas ko ang kinailangan kong ilaan para magbahagi sa kanila at para tugunan ang mga kakulangan sa kanilang gawain. Pakiramdam ko ay sinasayang nila ang oras ko at pinapagod nila ang katawan ko, na nagdulot ng paglaban sa puso ko. Hindi ko hinanap ang katotohanan at namuhay ako sa aking tiwaling disposisyon, kinasusuklaman ko sila, nagagalit ako sa kanila, at sumisiklab ang init ng ulo ko. Nagsanhi ito na maging negatibo at malimitahan ang mga katuwang kong sister, na nakaapekto sa aming gawain. Talagang wala akong pagkatao!

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa pagganap sa ilang espesyal na tungkulin o mas mabibigat at nakapapagod na tungkulin, sa isang banda, dapat magnilay palagi ang mga tao kung paano gagampanan ang mga tungkuling iyon, kung anong mga paghihirap ang dapat nilang tiisin, at kung paano nila dapat itaguyod ang kanilang mga tungkulin at kung paano magpasakop. Sa kabilang banda, dapat ding siyasatin ng mga tao kung anong mga karumihan ang nasa kanilang mga layunin at kung paano nakahahadlang ang mga ito sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Ipinanganak ang mga tao na ayaw dumanas ng paghihirap—wala ni isang indibidwal ang nagkakaroon ng higit na sigla o higit na galak mula sa pagtitiis ng higit na paghihirap. Walang ganoong tao. Kalikasan ng laman ng tao ang mag-alala at mabalisa sa sandaling magtiis ng paghihirap ang kanyang laman. Pero gaano karaming paghihirap ang kailangan ninyong tiisin ngayon sa tungkuling ginagampanan ninyo? Kailangan lamang tiisin ng inyong laman ang kaunting pagkapagod at kaunting pagpapagal. Kung hindi mo kayang tiisin kahit ang kakaunting paghihirap na ito, maituturing ka bang may determinasyon? Maituturing ka ba na taos-pusong nananalig sa Diyos? (Hindi.) Hindi ito maaari. … Hindi madali ang magawang magtiis ng paghihirap sa pagganap sa tungkulin. Hindi rin madaling gampanan nang mahusay ang isang partikular na uri ng gawain. Tiyak na gumagana ang katotohanan sa mga salita ng Diyos sa kalooban ng mga tao na kayang gawin ang mga bagay na ito. Hindi nito ibig sabihin na ipinanganak silang walang takot sa paghihirap at pagod. Saan ba makakakita ng ganoong tao? May ilang motibasyon ang lahat ng taong ito, at mayroon silang ilang katotohanan sa mga salita ng Diyos bilang kanilang pundasyon. Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagbabago ang kanilang mga pananaw at paninindigan—mas nagiging madali ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin at nagsisimula nang mawalan ng kabuluhan para sa kanila ang pagtitiis ng ilang paghihirap at pagod ng katawan. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan at hindi pa nagbabago ang mga pananaw sa bagay-bagay ay nabubuhay ayon sa mga ideya, kuru-kuro, makasariling naisin, at personal na kagustuhan ng tao, kaya nag-aalangan sila at ayaw gampanan ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, pagdating sa paggawa ng marumi at nakapapagod na gawain, sinasabi ng ilang tao, ‘Susunod ako sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa akin, gagampanan ko ito, marumi man o nakapapagod ito, kahanga-hanga man o karaniwan. Wala akong hinihingi, at tatanggapin ko ito bilang aking tungkulin. Ito ang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, at ang kaunting dumi at pagod ay mga paghihirap na dapat kong tiisin.’ Bunga nito, kapag gumagawa sila, hindi man lamang nila nararamdaman na nagtitiis sila ng anumang paghihirap. Habang marumi at nakapapagod ito para sa iba, madali ito para sa kanila, dahil panatag at hindi nagagambala ang kanilang puso. Ginagawa nila ito para sa Diyos, kaya hindi nila nararamdaman na mahirap ito. Itinuturing ng ilang tao na insulto sa kanilang katayuan at karakter ang gawaing marumi, nakapapagod, o karaniwan. Tinitingnan nila ito bilang kawalang-respeto sa kanila, pang-aapi sa kanila, o panlilibak sa kanila ng ibang tao. Bunga nito, kahit pa maharap sa parehong mga gawain at dami ng trabaho, mabigat ito para sa kanila. Anuman ang gawin nila, may dala silang sama ng loob sa kanilang puso, at pakiramdam nila ay hindi nangyayari ang mga bagay sa paraang gusto nila o na hindi kasiya-siya ang mga ito. Sa kalooban nila, puno sila ng pagkanegatibo at paglaban. Bakit sila negatibo at lumalaban? Ano ang ugat nito? Kadalasan, ito ay dahil hindi sila nagkakasuweldo sa pagganap sa kanilang mga tungkulin; para itong pagtatrabaho nang walang bayad. Kung may mga gantimpala sana, maaaring maging katanggap-tanggap ito sa kanila, pero hindi nila alam kung makakakuha sila ng mga ito o hindi. Samakatuwid, pakiramdam ng mga tao ay hindi sulit ang pagganap sa mga tungkulin, na itinutumbas nila ito sa pagtatrabaho para sa wala, kaya madalas silang nagiging negatibo at lumalaban pagdating sa pagganap sa mga tungkulin. Hindi ba’t ito ang sitwasyon? Sa totoo lamang, ayaw ng mga taong ito na gumanap ng mga tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga hindi nagsasagawa sa katotohanan at isinasaalang-alang ang laman ay iniisip lamang ang mga pansarili nilang pisikal na interes. Hindi nila itinuturing ang kanilang mga tungkulin bilang mga responsabilidad. Kapag mas marami silang ginagawa, pakiramdam nila ay nadedehado sila, kaya nagrereklamo at lumalaban sila. Hindi ito paggawa sa kanilang mga tungkulin. Kumpara sa akin, dahil bago ang mga sister na naging katuwang ko at hindi nila magawa ang kanilang mga tungkulin nang sila lamang, at kinailangan nila ng maraming pagbabahagi at tulong ko, nagreklamo ako nang nagreklamo, inisip ko na sinasayang nila ang oras ng pahinga ko. Nagalit ako at uminit ang ulo ko, ayaw kong makipag-usap sa kanila o intindihin ang gawain na sila ang responsable. Hindi ko kailanman itinuring ang gawain ng iglesia bilang aking tungkulin o inisip kung paano tulungan ang mga sister para mabilis nilang maako ang kanilang mga responsabilidad para mapigilan ang mga kawalan sa gawain ng iglesia. Ni hindi nga ako handang makipag-usap nang mas matagal o mas gumugol pa ng oras at lakas. Paano maituturing ang pag-uugali ko bilang isang tapat na pagganap sa aking mga tungkulin? Ang isang taong may konsensiya at katwiran ay hindi isinasaalang-alang ang mga personal na interes niya sa anumang kapaligiran. Nananatili siyang tapat sa Diyos at ginagawa niya nang maayos ang kanyang mga tungkulin gaano man siya magdusa at kapagod. Gayunpaman, palagi kong iniisip ang pagpapasasa sa pisikal na kaaliwan at kaginhawahan. Kapag medyo nagiging mahirap ang bagay-bagay, pakiramdam ko ay naagrabyado ako at iniisip kong nadehado ako, at ginusto kong tumakas mula sa kapaligirang ito. Lahat ng ito ay sanhi ng mga tiwaling disposisyon ko ng pag-iimbot ng laman at pagiging makasarili at ubod ng sama. Namuhay ako sa aking tiwaling disposisyon, na masyadong pumigil sa mga sister na naging katuwang ko. Araw-araw nilang tinitingnan ang ekspresyon ng mukha ko bago sila magsalita. Minsan, malinaw na may mga opinyon sila, subalit takot silang makapagsabi ng mali, dahil alam nilang magagalit ako. Dahil doon, hindi nila lubos na matupad ang mga tungkulin na kaya naman nilang gawin. Paano ito maituturing na paggawa sa aking tungkulin? Sa katunayan, paggawa ito nang masama at pagsasanhi ng pagkagambala! Ngayong iniisip ko ito, talagang pangit ang pag-uugali ko.

Kalaunan, inalam ko kung bakit palagi akong nag-iimbot para sa kaginhawahan at nagsasaalang-alang ng aking mga pisikal na interes. Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Namuhay ako sa lason ni Satanas na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Lahat ng ginagawa ko ay para sa sarili ko, inaakala ko na hangal ang sinumang hindi iniintindi ang kanilang sarili. Kaya, sa paggawa ko ng aking tungkulin, pansariling interes ang motibasyon ng lahat ng iniisip at kilos ko. Magmula nang umalis si He Li, umasa ako na may makakatulong ako kaagad sa gawain para gumaan ang pasanin ko, para mas gumaan ang pagdurusa ko at hindi ako masyadong mapagod. Nang makita kong mabagal makaunawa ng gawain si Zhao Xin at hindi gaanong nakakatulong, hinamak ko siya at ginusto ko ng ibang katuwang. Subalit bilang isang lider, hindi naunawaan nang mabuti ni Liu Wen ang mga prinsipyo, at kadalasan ay kailangan ng mga pagbabago sa kanyang gawain. Uminit ang ulo ko at nagalit ako sa kanila, dahil pakiramdam ko, hindi na nga sila nakakatulong sa gawain, kailangan ko pang gumugol ng higit na pagsisikap sa pagbabahagi sa kanila. Dahil dito, mas kaunting oras na lang ang natitira sa akin para makapagpahinga, at lubos na sumama ang loob ko sa kanila. Kapag nahaharap sila sa mga paghihirap sa gawain, ayaw kong mag-abalang makisangkot pa, na nagdulot naman ng mga hindi nalulutas na isyu at pagkaantala sa gawain. Kung naging handa sana akong mas magsakripisyo pa at matiyagang tulungan ang mga katuwang kong sister, kahit na mapagod ang katawan ko dahil dito, makakabahagi naman kaming lahat sa pasanin, at makakausad sana nang maayos ang gawain ng iglesia. Subalit ang isinaalang-alang ko lamang ay ang aking pansariling pisikal na interes. Namumuhay ako sa lason ni Satanas na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” unti-unti akong naging makasarili, ubod ng sama, at walang pagkatao, nagdulot pa nga ito ng mga pagkaantala sa gawain. Kung hindi ako nagbago, itataboy at palalayasin ako ng Diyos! Lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, ayaw ko nang mamuhay pa sa aking tiwaling disposisyon. Pakiusap akayin Mo akong makalaya sa gapos ng mga satanikong lason.”

Kalaunan, nagbulay-bulay ako: Paano ko dapat tratuhin ang mga tao nang ayon sa mga prinsipyo? Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Una sa lahat, dapat mong maunawaan ang katotohanan. Sa sandaling naunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali para sa iyo na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at matututunan mo ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos na sundin ng mga tao sa pagtrato sa iba. Matututo ka kung paano tratuhin ang mga tao, at magagawa mo silang tratuhin alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, tiyak na hindi mo mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at hindi mo mapakikitunguhan ang iba sa paraang may prinsipyo. Malinaw na ipinapakita at ipinahihiwatig sa mga salita ng Diyos kung paano mo dapat tratuhin ang iba; ang saloobin ng Diyos sa pagtrato sa sangkatauhan ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa pagtrato nila sa isa’t isa. Paano tinatrato ng Diyos ang bawat isang tao? Ang ilang tao ay kulang sa gulang ang tayog; o bata pa; o maikling panahon pa lamang nananalig sa Diyos; o hindi masama ang kalikasang diwa, hindi mapag-isip ng masama, kundi ay medyo mangmang lang sila o kulang sa kakayahan. O nasa ilalim sila ng napakaraming pagpigil, at hindi pa nauunawaan ang katotohanan, hindi pa nagkakaroon ng buhay pagpasok, kaya hindi nila maiwasang gumawa ng mga kahangalan o mangmang na mga pagkilos. Ngunit hindi tumutuon ang Diyos sa lumilipas na kahangalan ng mga tao; tumitingin lamang Siya sa puso nila. Kung desidido silang hangarin ang katotohanan, tama sila kung gayon, at kapag ito ang kanilang layon, nagmamasid sa kanila ang Diyos, naghihintay, at nagbibigay ng panahon at mga pagkakataon para makapasok sila. Hindi sila tatanggihan ng Diyos dahil sa iisang paglabag. Iyon ay isang bagay na mga tao ang madalas gumagawa; hindi kailanman tinatrato ng Diyos ang mga tao nang ganoon. Kung ang Diyos ay hindi tinatrato ang mga tao sa ganoong paraan, bakit tinatrato ng mga tao ang iba nang ganoon? Hindi ba ipinapakita nito ang kanilang tiwaling disposisyon? Iyan mismo ang kanilang tiwaling disposisyon. Kailangan mong tingnan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga taong mangmang at hangal, kung paano Niya tinatrato ang mga kulang sa gulang ang tayog, kung paano Niya tinatrato ang normal na mga pagpapakita ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at kung paano Niya tinatrato yaong mga may masamang hangarin. Pinapakitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang tao ayon sa iba-ibang mga paraan, at mayroon din Siyang sari-saring pamamaraan ng pamamahala sa napakaraming kundisyon ng iba’t ibang mga tao. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanang ito. Kapag naunawaan mo na ang mga katotohanang ito, malalaman mo na sa gayon kung paano danasin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong may mga prinsipyo ang Diyos sa pakikitungo sa mga tao. Mapagparaya at matiyaga Siya sa mga maliit ang tayog, binibigyan Niya sila ng mga pagkakataong lumago. Subalit hindi ko isinaalang-alang ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao at napakataas ng mga ekspektasyon ko. Mas matanda si Zhao Xin at bago lang siya rito, kaya sa simula ay normal lang na hindi pa siya pamilyar sa gawain. Sa halip na unawain ang mga paghihirap niya at magbigay ng mapagmahal na suporta, iginiit ko na akuin niya agad ang gawain dahil ginagampanan naman niya ang kanyang tungkulin. Mabagal si Liu Wen at madalas na nalilito kapag maraming gawain, subalit matatag at seryoso siya sa paggawa ng kanyang mga tungkulin at kaya niyang gawin ang mga aktuwal na gawain. Gayunman, hindi ko tinulungan ang mga sister para maging pamilyar agad sila sa gawain, at sobrang taas ng mga ekspektasyon ko. Kapag hindi nila matugunan ang mga ekspektasyong ito, ipinapakita ko sa kanila ang pagkadismaya ko, na nagdudulot naman sa kanila na malimitahan. Kapag inaalaala ko noong una kong ginampanan ang aking mga tungkulin bilang isang lider, wala akong alam noong panahong iyon. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtulong ng mga kapatid kaya naarok ko ang ilang prinsipyo. Subalit ngayon, sobra-sobra ang hinihingi ko sa mga katuwang kong sister, kaya nahihirapan sila. Talagang wala akong pagkatao! Kapag naiisip ko ito, sobrang nahihiya ako.

Kalaunan, sa paghahanap ko, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “May mga prinsipyo dapat sa kung paano mag-ugnayan ang magkakapatid. Huwag kayong laging magtuon sa pagkakamali ng iba, sa halip, dapat ninyong madalas na pagnilayan ang inyong sarili, at pagkatapos ay maagap na aminin sa iba kung anong mga bagay na nagawa ninyo ang nakagambala o nakapinsala sa kanila, at dapat kayong matutong magtapat at magbahagi. Sa ganitong paraan, magagawa ninyong maunawaan ang isa’t isa. Bukod pa riyan, kahit ano pa ang mangyari sa inyo, dapat ninyong tingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos. Kung mauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo at makakahanap sila ng landas sa pagsasagawa, magkakaisa sila sa puso at isip, at magiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, at hindi sila magiging kasingwalang- malasakit, kasinglamig, at kasinglupit ng mga hindi mananampalatayawalang pananampalataya, at matatanggal ang kanilang mentalidad ng pagdududa at kawalang-tiwala sa isa’t isa. Lalong magiging malapit ang loob ng mga kapatid sa isa’t isa; magagawa nilang suportahan at mahalin ang isa’t isa; magkakaroon ng mabuting hangarin sa kanilang mga puso, at magkakaroon sila ng kakayahang maging mapagparaya at mahabagin sa isat isa, at susuportahan at tutulungan nila ang isa’t isa, sa halip na inalalayo ang loob sa isa’t isa, naiinggit sa isa’t isa, ikinukumpara ang kanilang sarili sa isa’t isa, at palihim na nakikipagkumpitensya at nagiging mapanlaban sa isa’t isa. … Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, napakahirap para sa kanila na maging payapa sa harapan ng Diyos, at napakahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay nang ayon sa mga salita ng Diyos. Para makapamuhay sa harapan ng Diyos, dapat muna ninyong matutuhan kung paano pagnilay-nilayan at kilalanin ang inyong sarili, at tunay na manalangin sa Diyos, at pagkatapos ay dapat ninyong matutuhan kung paano makisama sa mga kapatid. Dapat maging mapagparaya kayo sa isa’t isa, maging mapagbigay sa isa’t isa, at magawang makita kung ano ang mga kalakasan at magandang katangian ng iba—dapat matutuhan ninyong tanggapin ang mga opinyon ng iba at ang mga bagay na tama(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Malinaw na sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na sa ating mga pakikisalamuha sa mga kapatid, hindi tayo dapat palaging nakatuon sa kanilang mga pagkukulang kundi dapat nating makita ang kanilang mga kalakasan at merito. Kailangan nating maging mapagparaya sa isa’t isa at punan ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa. Mas magaling si Zhao Xin sa pagbabahagi ng katotohanan para lutasin ang mga problema; minsan kapag hindi ko mabatid ang mga problema ng mga kapatid, nakakahanap sii Zhao Xin ng mga nauugnay na salita ng Diyos para maibahagi at malutas ang mga problema ng mga kapatid. Bagama’t mabagal si Liu Wen, maingat niyang pinag-iisipan ang mga problema, seryoso at responsable niyang ginagawa ang kanyang mga tungkulin. Kapag marami akong gawain, nagiging pabaya ako, ngunit paminsan-minsan ay pinaaalalahanan ako ni Liu Wen, na nakakatulong at kapaki-pakinabang sa akin. Kapag nagkakaisa kaming tatlo na gumagawa at pinupunan ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa, tiyak na uusad ang aming gawain. Kalaunan, ipinagtapat ko ang aking kalagayan sa mga katuwang kong sister at tinukoy namin ang isyu ng isa’t isa. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, natagpuan din namin ang landas at direksyon ng aming pagtutuwangan. Sa sandaling iyon, nakaramdam ng paglaya ang puso ko. Dahil nakikita kong kapaki-pakinabang para sa paglago ng aking buhay ang kapaligirang isinaayos ng Diyos, lubos akong nagpapasalamat sa Diyos.

Sinundan: 57. Bakit Napakahirap na Irekomenda ang Iba?

Sumunod: 59. Lumalago sa Gitna ng Isang Bagyo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

70. Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito