45. Hindi Ko na Pinipili ang Aking mga Tungkulin Batay sa Kagustuhan
Noong 2006, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Mula noon, nagseserbisyo na ako bilang lider at manggagawa sa iglesia. Bagama’t abala at pagod ako araw-araw, wala akong reklamo, dahil naniniwala ako na ang pamumuno at pangangasiwa ay mga papel para sa mga naghahangad ng katotohanan, at na pinahahalagahan ng mga kapatid ang mga gumagawa ng mga tungkuling ito. Noong 2018, tinanggap ko ang tungkuling nakabatay sa teksto. Napakasaya ko, at pakiramdam ko ay tiyak na magaling ako, kung hindi, hindi sana ako mapipili para sa isang gayon kahalagang tungkulin. Pagkalipas ng ilang araw, nakipagkita sa akin ang isang nakatataas na lider at sinabi, “Nahaharap sa mga pang-aaresto ng CCP ang iglesia; ang kapaligiran ay may tensiyon sa lahat ng dako, at apurahan tayong nangangailangan ng mga tao na aako sa tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin. Napag-usapan na namin at gusto namin na kayo ng mister mo ang gumampan sa tungkuling ito.” Nang marinig ko ang mga sinabi ng lider, pakiramdam ko ay para bang umuugong ang ulo ko. Halos hindi ako makapaniwala sa narinig ko, iniisip ko, “Bakit nila ako itinatalaga na mangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin? Nagkamali ba ang lider? Hindi ba’t mabigat na pisikal na trabaho lang ang pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin? Napakaaba naman ng tungkuling ito! Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid tungkol sa akin kung malalaman nila?” Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas nakararamdam ako ng paglaban, at gusto kong sabihin sa lider na ayaw kong tanggapin ang tungkuling ito, pero kung isasaalang-alang na batay sa mga pangangailangan ng gawain ang pagsasaayos ng iglesia, wala akong magawa kundi mabigat sa loob na sumang-ayon. Habang pauwi, gulong-gulo ang isip ko: “Mula nang manampalataya ako sa Diyos, palagi na akong nagseserbisyo bilang lider at manggagawa, o gumagampan sa tungkuling nakabatay sa teksto, at kapwa mas prestihiyosong pakinggan ang mga tungkuling iyon kumpara sa tungkulin ng mga pangkalahatang gampanin. Ang paggawa sa mabigat, marumi at nakapapagod na gawaing iyon ay malayo sa pagiging prestihiyoso ng tungkuling nakabatay sa teksto na kasalukuyan kong ginagawa, at kung malalaman ito ng mga sister sa pangkat, hindi ba’t siguradong mamaliitin nila ako, sasabihin na hindi ko siguro hinahangad ang katotohanan kaya ako humantong sa ganitong tungkulin?” Pag-uwi ko, nanghihina at walang lakas akong humiga sa kama, pero pilit akong ngumingiti kapag nakahaharap ang mga sister, takot na hayagang magbahagi tungkol sa kalagayan ko, pinangangambahan na baka maliitin nila ako kapag nalaman nila na ginagawa ko ang tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin.
Pagkalipas ng ilang araw, opisyal na inako namin ng mister ko ang tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin. Sa mga unang araw, tinulungan naming lumipat sa bagong bahay ang mga kapatid na nanganganib. Gumigising kami ng mister ko bandang alas tres ng umaga para tumulong sa mga paglipat, tumatakbo pataas at pababa ng hagdan, at pagod na pagod kami sa bawat araw, may mahapding likod at nananakit na baywang, at pag-uwi namin sa gabi, ni ayaw kong kumain, masyadong nanghihina para bumangon mula sa kama. Pagkatapos ng isang linggong paggawa sa gawaing ito mula madaling araw hanggang dapit-hapon, nagsimula akong magreklamo, “Mabigat na pisikal na trabaho lang ito. Sa mundo, ang mga trabahong ito ay ginagawa lang ng mga taong walang kaalaman, walang natutuhan o walang kasanayan, at hindi ko kailanman inakala na mahuhulog ako sa ganitong antas pagkatapos ng lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos, na magagawa ko lang ang mga gampaning pinakahindi-kapansin-pansin at sobrang matrabaho. Dati kong ginagawa ang gawaing nakabatay sa teksto, nakaupo sa harap ng kompyuter, nagsusuot ng malilinis na damit at protektado mula sa hangin at ulan, pero ngayon, pinagpapawisan nang husto at araw-araw akong pagod na pagod! Parang langit at lupa ang ipinagkaiba!” Araw-araw kong ginagawa ang tungkulin ko nang may pagsuko, kasama ang napakababang pagbasak ng kalagayan ko, natutulala na parang isang naglalakad na bangkay, na may matinding pagdurusa sa loob.
Sa aking pasakit, lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “O, Diyos, isinaayos ng mga lider na pangasiwaan ko ang mga pangkalahatang gampanin, pero hindi ko kayang magpasakop. Pakiramdam ko, mababa ang tungkuling ito at mamaliitin ako ng mga tao dahil dito. Hindi ko nauunawaan ang layunin Mo. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako na matuto ng aral mula rito.” Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “May ilang taong madalas nakararamdam na nakatataas sila sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sa anong mga paraan? Ano ang nagdudulot sa kanilang maramdaman na nakatataas sila sa mga paraang ito? Halimbawa, may ilang taong marunong magsalita ng wikang banyaga, at iniisip nilang ibig sabihin nito ay may kaloob na sila at bihasa, at na kung wala sila sa sambahayan ng Diyos, malamang na magiging mahirap na palawakin ang gawain nito. Ang resulta, gusto nilang tingalain sila ng mga tao saanman sila magpunta. Anong paraan ang ginagamit ng ganitong uri ng mga tao kapag may nakikilala silang iba? Sa puso nila, itinatakda nila ang lahat ng uri ng ranggo sa mga taong gumaganap ng iba’t ibang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ang mga lider ang nasa itaas, ang mga taong may mga espesyal na talento ang pumapangalawa, pagkatapos ay ang mga taong may mga karaniwang talento, at ang nasa dulo ay ang mga taong gumaganap sa lahat ng uri ng tungkuling pansuporta. May ilang taong itinuturing ang kakayahang gumanap ng mga importante at espesyal na tungkulin bilang kapital, at itinuturing itong pagkakaroon ng mga katotohanang realidad. Ano ang problema rito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Ang pagganap sa ilang espesyal na tungkulin ay nagdudulot sa kanilang maging mapagmataas at hambog, at hinahamak nila ang lahat ng tao. Kapag may nakikilala silang tao, ang unang bagay na palagi nilang ginagawa ay tanungin kung ano ang tungkuling ginagampanan nito. Kung karaniwang tungkulin ang ginagampanan ng taong ito, hinahamak nila ito, at iniisip na hindi karapat-dapat ang taong ito sa atensyon nila. Kapag gustong makipagbahaginan sa kanila ng taong ito, sinasabi lang nilang pumapayag sila, pero iniisip nila sa loob-loob nila, ‘Gusto mong makipagbahaginan sa akin? Pangkaraniwang tao ka lang. Tingnan mo nga ang tungkuling ginagampanan mo—paano ka naging karapat-dapat na makipag-usap sa akin?’ Kung ang tungkuling ginagampanan ng taong ito ay mas mahalaga sa tungkulin nila, binobola at kinaiinggitan nila ito. Kapag nakakakita sila ng mga lider o manggagawa, sunud-sunuran sila at binobola nila ang mga ito. May prinsipyo ba sila sa paraan ng pakikitungo nila sa mga tao? (Wala. Pinakikitunguhan nila ang mga tao ayon sa tungkuling ginagampanan ng mga ito, at ayon sa iba’t ibang ranggong itinatakda nila.) Niraranggo nila ang mga tao ayon sa karanasan at tagal ng mga ito sa iglesia, at ayon sa mga talento at kaloob ng mga ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok). “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gampaning ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gampaning ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong mamukod-tangi ako sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas sa iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi tama ang perspektiba ko sa tungkulin, at na ikinategorya ko ang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang antas. Inakala ko na ang pagiging isang lider at manggagawa o isang superbisor ng pangkat sa sambahayan ng Diyos ay nangangahulugan na may mahusay na kakayahan at matatag na paghahangad sa katotohanan ang taong iyon, at pahahalagahan ng mga kapatid ang gayong mga tao, samantalang ang mga may tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin ay may mahinang kakayahan at walang pagkaunawa sa katotohanan, at ang paggawa ng gayong tungkulin ay itinuturing na mas mababa at hindi nagbibigay-daanpara makapagpakitang-gilas ang isang tao. Kaya naman, hinanap-hanap ko ang mga tungkuling nagawa ko dati, noong tinitingala pa ako ng mga kapatid, at palagi akong nakakaramdam ng pagiging nakatataas kaysa sa iba, na dahilan para lubos akong ganahan sa tungkulin ko, handang talikuran ang pamilya at propesyon ko, at magdusa at igugol ang sarili ko. Ngayon, nang italaga sa akin ang tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin, pakiramdam ko ay parang ibinaba ako ng posisyon, at na mas mababa ako sa harap ng mga kapatid. Lalo na kapag mahirap at sobrang nakapapagod ang tungkulin, nagrereklamo ako sa loob-loob ko, at pakiramdam ko, hindi patas ang gayong pagsasaayos ng mga lider at nakasisira ito ng aking integridad, at gusto kong iwasan na lang ang responsabilidad na ito. Sa puntong ito, nakita ko na ang pagpili ko ng tungkulin ay nakabatay sa kung magbibigay ba ito sa akin ng pagkakataon para makapagpakitang-gilas at makinabang, at na hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia kahit kaunti. Pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi ko pa rin tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos, sa halip, hinati-hati ko ang mga tungkulin sa iba’t ibang antas. Hindi naiiba ang perspektiba ko sa isang hindi mananampalataya. Nang mapagtanto ko ito, nabalisa at nakonsensiya ako.
Kalaunan, marami pa akong nabasang salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na makipagtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gampanin na nangangailangan ng pakikipagtulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong tungkulin? Una, hindi mo ito dapat suriin, sinusubukang tukuyin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, bilang isang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at dapat mong sundin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Diyos. Ikalawa, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito, kung tinutulutan ka man nitong mamukod-tangi o hindi, kung ito man ay ginagawa sa harap ng publiko o nang hindi nakikita. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Mayroon pang ibang saloobin: pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, bigla akong nagkaroon ng kaunting liwanag sa puso ko, at naunawaan ko na sa sambahayan ng Diyos, walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas o mababa, marangal o abang mga tungkulin. Anuman ang tungkuling ginagampanan, lahat ito ay pagtupad sa papel at tungkulin ng isang tao, at lahat ito ay paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Isinasaayos ng iglesia kung sinong tao ang gagampan sa isang partikular na tungkulin batay sa tayog at kakayahan ng bawat tao, at ayon sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Anuman ang tungkulin, lahat ng ito ay ginagawa para ipalaganap ang ebanghelyo. Itinalaga sa akin ng mga lider ang tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin, at pagsasaayos ng matitirahan ng mga kapatid, inoorganisa nang maayos ang buhay nila para magawa nila ang kanilang mga tungkulin nang may payapang isip, na kinakailangan din para sa gawain. Para itong isang makina, bawat parte ay may kanya-kanyang papel, at kung nawawala ang anumang parte, hindi gagana ang makina. Katulad ito sa sambahayan ng Diyos, ang bawat tungkulin ay kailangang-kailangan, at walang mga antas-antas pagdating sa mga tungkulin. Higit pa rito, hindi nasusukat sa uri ng tungkuling ginagampanan kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng katotohanang realidad. Dati, noong ginagawa ko ang tungkulin ng isang lider at manggagawa, madalas akong makipagbahaginan sa mga kapatid sa mga pagtitipon, pero nang lumipat ako sa isang bagong tungkulin, hindi ko kayang magpasakop, at sinukat ko ito gamit ang perspektiba ng isang walang pananampalataya, ibinubunyag ang aking kahabag-habag na kawalan ng katotohanan. Sinasabi ng Diyos na ang anumang tungkuling may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala ay isang tungkulin, na walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas o mababa, marangal o abang mga tungkulin, at na ang lahat ay mga responsabilidad na hindi maaaring iwasan ng isang tao. Gayumpaman, itinuring ko ang sarili ko bilang isang mataas na tao, at inisip ko na sayang lang ang mga talento ko nang italaga akong mangasiwa ng mga pangkalahatang gampanin. Naging negatibo, masuwayin, at ginusto ko pa ngang iwasan ito. Paano masasabing ginagawa ko ang tungkulin ko? Ang diwa ng Diyos ay napakabanal at napakarangal, pero tiniis Niya ang lahat ng pagdurusa para maging tao at ipahayag ang katotohanan, tahimik na nagtatrabaho para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pagninilay-nilay ko sa aking sarili, noong nagdusa ako ng kaunting pisikal na paghihirap, walang tigil akong nagreklamo at nagkamali ako ng pagkaunawa. Ang saloobin kong ito sa aking tungkulin ay talagang kawalan ng pagkatao at tunay na nakasasakit sa Diyos! Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa Diyos at pinagsisihan ko ang aking mapaghimagsik na pag-uugali. Hindi ko na puwedeng piliin ang tungkulin ko batay sa sarili kong mga kagustuhan at pagnanais. Nang magpasakop ako, nagbago ang pag-iisip ko sa aking tungkulin, at sa puso ko, pakiramdam ko ay hindi na ako gaanong nahihirapan at pagod. Ibinunyag ng pagsasaayos ng Diyos ng mga sitwasyon ang mga mali kong pananaw, at ito ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa akin.
Pagkatapos kong gawin ang tungkulin ng pangangsiwa ng mga pangkalahatang gampanin sa loob ng anim na buwan, akala ko nagbago na ang mga pananaw ko, at na hindi na ako naghahangad ng katayuan o reputasyon, pero nang lumitaw ang isang sitwasyon, muli akong ibinunyag nito. Isang araw, dumating ang lider para talakayin ang tungkol sa pagtatalaga sa akin at sa mister ko sa mga tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Dahil iniwan akong may utang ng dati kong kawalan ng pagpapasakop sa tungkulin ng pangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin, alam ko na hindi ako puwedeng maging mapaghimagsik sa pagkakataong ito, kaya sumang-ayon ako, at hindi nagtagal, umupa kami ng isang bahay. Gayumpaman, habang iginugugol ang aming araw nang namumuhay kasama ang mga kapatid at nakikita silang lahat na gumagawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, medyo nakaramdam ako ng pait at kalungkutan, iniisip ko, “Noon, ginagawa ko rin ang tungkulin ko sa harap ng kompyuter, pero ngayon, araw-araw akong nakayuko sa kusina, naghahanda ng mga gulay at nagluluto.” Pakiramdam ko ay masyado akong mababa kumpara sa kanila. Habang iniisip ito, namumuo ang mga luha sa mga mata ko. Isang araw, dumating ang lider sa bahay namin para talakayin ang gawain kasama ang mga kapatid, at umalis siya nang hindi tinatanong ang tungkol sa kalagayan ko, na mas lalong nagpasama ng loob ko. Nagbalik-tanaw ako noong gumagawa pa ako ng mga tungkuling nakabatay sa teksto. Pinahalagahan ako ng mga lider, pero ngayon, mga kaldero at kawali na lang ang kinakaharap ko sa buong araw, at tila hinding-hindi ako magkakaroon ng pagkakataong mamukod-tangi. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo itong nagiging masakit, at pakiramdam ko, walang kabuluhan ang buhay. Napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, kaya agad kong hinanap ang mga salita ng Diyos para basahin. Binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa malakas na udyok ng isang tiwaling satanikong disposisyon, ano ang mga mithiin, inaasahan, ambisyon, at layon at direksyon sa buhay ng mga tao? Hindi ba sumasalungat ang mga ito sa mga positibong bagay? Halimbawa, palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking kasikatan at katanyagan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi iyan? Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? (Isang taong matatag na nakatapak ang mga paa sa lupa na tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha.) Oo, at ano pa? (Gusto ng Diyos ang isang matapat na tao na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan, at nagpapasakop sa Kanya.) (Isang taong nakikiisa sa Diyos sa lahat ng bagay, na nagsusumikap mahalin ang Diyos.) Tama rin ang mga sagot na iyon. Ito ay sinumang may parehong puso at isip sa Diyos. Sinasabi ba saanman sa mga salita ng Diyos na dapat panatilihin ng mga tao ang kanilang posisyon bilang tao? (Oo.) Ano ang sinasabi nito? (‘Bilang isang bahagi ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at umasal sa maayos na paraan. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakilang tao, o maging superman, o maging bantog na indibidwal, at huwag maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat naisin ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang mahalaga, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging layon na dapat hangarin ng lahat ng tao’ (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I).) Yamang alam ninyo kung ano ang hinihingi ng mga salita ng Diyos sa mga tao, nagagawa ba ninyong sumunod sa mga hinihingi ng Diyos sa paghahangad ninyo sa asal ng tao? Gusto ba ninyo palaging ibuka ang inyong mga pakpak at lumipad, nais ba ninyong lumipad nang mag-isa, na maging isang agila sa halip na isang munting ibon? Anong disposisyon ito? Ito ba ang prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang inyong paghahangad sa pag-uugali ng tao ay dapat batay sa mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan. … Ano ba ang palaging nagpapanais sa mga tao na maging malaya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palaging nagpapanais sa kanilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran at planuhin ang sarili nilang hinaharap, at nagpapanais na kontrolin ang kanilang mga kinabukasan, direksyon, at layon sa buhay? Saan nanggagaling ang simulang ito? (Sa isang tiwaling satanikong disposisyon.) Ano kung gayon ang idinudulot ng tiwaling satanikong disposisyon sa mga tao? (Pagsalungat sa Diyos.) Ano ang dumarating sa mga taong sumasalungat sa Diyos? (Pasakit.) Pasakit? Ito ay pagkawasak! Ang pasakit ay wala pa sa kalahati nito. Ang nakikita mismo ng iyong mga mata ay pasakit, pagiging negatibo, at kahinaan, at paglaban at mga reklamo—ano ang kalalabasan nito? Pagkalipol! Hindi ito maliit na bagay, at hindi ito biro” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang dahilan kung bakit palagi kong gustong gawin ang tungkulin ng isang lider at manggagawa at hangarin ang paghanga at pagpapahalaga ng iba ay dahil kontrolado ako ng pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan. Sa pamumuhay ayon sa “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Kailangang tiisin ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” at iba pang gayong mga satanikong lason, napagkamalan kong mga positibong bagay ang kasikatan at kabantugan, at ang paghahangad ng pagiging nakatataas, naniniwala ako na may halaga ang pamumuhay sa ganitong paraan, at iniisip ko na ang maliitin ng iba ay nangangahulugan ng pamumuhay nang walang tagumpay at pagiging mas mababa. Pinagnilayan ko ang panahon na matapos akong makasal. Bagama’t may matatag na trabaho kami ng mister ko at maayos naman ang buhay, ambisyosa ako at ayaw kong mamuhay nang pangkaraniwan. Gusto kong mapabuti ang buhay ko at makamit ang paghanga mula sa mga kamag-anak at kasamahan. Upang makamit ito, may sideline pa kami na trabaho ng mister ko kasabay ng aming mga regular na trabaho, nag-aalaga ng manok at nagtatanim ng mga gulay, at nagtatrabaho kami mula madaling araw hanggang dapit-hapon. Sa paglipas ng panahon, bumuti ang buhay namin, at pinuri ng mga kamag-anak at kasamahan ang kakayahan ko, kaya tuwang-tuwa ako at pakiramdam ko ay hindi naging walang saysay ang buhay ko. Pagkatapos pumasok sa iglesia, naghangad pa rin ako ng reputasyon at pagiging nakatataas, naniniwala na sa pagiging lider at manggagawa, o isang superbisor ng pangkat, hahangaan ako ng mga kapatid. Kapag natutugunan ang pagnanais ko para sa reputasyon, mga pakinabang, at katayuan, kaya kong tiisin ang anumang paghihirap, pero pagdating sa paggawa ng mga tungkulin tulad ng pangangasiwa ng mga pangkalahatang gampanin o pagpapatira sa bahay, pakiramdam ko ay hindi ito bagay sa akin, at napuno ang puso ko ng paglaban at mga reklamo, at wala akong pagpapasakop. Hindi ko isinaalang-alang kung paano itaguyod ang gawain ng iglesia, at nagbunyag ako ng isang satanikong disposisyon ng pagkontra sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, labis akong natakot at lumapit ako sa Diyos para magdasal, “O Diyos, mali ang mga pananaw ko sa paghahangad, at sa mga taong ito ng pananampalataya ko sa Iyo, hindi ko sinusunod ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa halip, ginagawa ko ang mga tungkulin ko para tugunan ang sarili kong pagnanais para sa reputasyon at katayuan, at hindi ko taos-pusong ginagawa ang tungkulin ko bilang nilikha. Diyos ko, handa po akong magsisi, at hinihiling ko sa Iyo na gabayan ako para maunawaan ko ang katotohanan at maitama ang mga mali kong pananaw sa paghahangad.” Pagkatapos, nagnilay ako, at napagtanto ko na kapaki-pakinabang para sa aking buhay pagpasok ang paggawa ng tungkuling ito. Bagama’t nakapagserbisyo ako bilang lider at manggagawa sa loob ng maraming taon, hindi ko hinangad ang katotohanan, at marami akong nakalilinlang na pananaw na nanatiling hindi nagbabago. Ang paglipat sa ibang tungkulin ay nagpilit sa akin na pagnilayan at kilalanin ang aking sarili, na naglalaman ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa akin. Nang maunawaan ko ito, nagsisi at nakonsensiya ako, at gusto ko lang na hayaan ang Diyos na pamatnugutan ako ayon sa nais Niya, at taos-pusong makipagtulungan nang may pusong naghahanap at nagpapasakop sa anumang tungkulin.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan, at walang pagkakaiba ng edad o pagiging mababa at marangal sa mga gumagawa ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Pantay-pantay ang lahat sa tungkulin nila, iba-iba lang ang gawain nila. Wala silang pagkakaiba batay sa kung sino ang may senyoridad. Sa harap ng katotohanan, dapat magtaglay ang lahat ng mapagpakumbaba, mapagpasakop, at tumatanggap na puso. Dapat taglayin ng mga tao ang ganitong katwiran at saloobin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya ba nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, hindi isaalang-alang ang kanilang hinaharap at tadhana, at maging isang karapat-dapat na nilikha. Matuwid at banal ang Diyos, at ang mga ito ang pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa mata ng Diyos, lahat tayo ay mga nilikha at pantay-pantay. Hindi pinapaboran ng Diyos ang isang tao dahil lamang isa siyang lider, o minamaliit ang isang tao dahil nangangasiwa siya ng mga pangkalahatang gampanin. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, nagtutustos para sa bawat tao, at hangga’t nauuhaw at naghahangad sa katotohanan ang mga tao, lahat ay may parehong pagkakataon para maligtas. Hindi itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa uri ng tungkuling ginagawa niya, kundi ayon sa kanyang diwa at sa landas na tinatahak niya. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi isinasagawa ang mga salita ng Diyos, at hindi nagbabago ang kanyang disposisyon, kahit pa isa siyang lider at manggagawa, sa huli ay matitiwalag siya. Sa puntong ito, naunawaan ko rin na gaano man kataas ang katayuan ko o gaano man karami ang mga taong humahanga sa akin, hindi ako maliligtas ng mga bagay na ito. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan at paghahanap ng pagbabago sa disposisyon ayon sa layunin ng Diyos mayroong pagkakataon para maligtas. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, nakaramdam ako ng pagpapalaya sa puso ko, at mula noon, ang hiling ko lang ay gawin nang maayos ang tungkulin ko bumawi sa pagkakautang ko sa Diyos. Kapag ginagawa ko ang tungkulin ko pagkatapos nito, hindi ko na pinagtutuunan kung ano ang tingin sa akin ng mga kapatid, kundi iniisip ko na kung paano masiguro ang seguridad ng bahay at maayos na mapatira ang mga kapatid, para mapayapa nilang magawa ang kanilang mga tungkulin. Dagdag pa rito, habang ginagawa ang tungkuling pagpapatira sa bahay, tumuon ako sa pagninilay-nilay sa aking mga kaisipan at katiwalian na ibinubunyag sa mga pang-araw-araw ko na pakikisalamuha sa mga tao, pangyayari at bagay, at hinanap ko ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga ito, binibigyang-pansin ang pagsusulat ng mga talang pangdebosyonal, at pagsasanay sa pagsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at naging lubos na makabuluhan ang bawat araw. Ang pagkastigo at paghatol ng mga salita ng Diyos ang nagtuwid sa mga nakalilinlang kong pananaw, at ang pagbabagong mayroon ako ngayon ay resulta ng gawain ng Diyos. Salamat sa Diyos!