15. Ang Pagmamahal ng Diyos sa Gitna ng Karamdaman
Dalawampung taon na ang nakalilipas, nagkasakit ako ng malalang rheumatoid arthritis at sumakit ang buong katawan ko. Pumunta ako sa iba’t ibang malalaking ospital, pero wala sa alinmang mga pagpapagamot ang naging epektibo. Sa huli, umasa lang ako sa mga gamot para sa hormones para makontrol ang mga sintomas, at kung walang gamot, maninigas at mananakit ang lahat ng kasukasuan ko. Ang mahiga lang sa kama buong araw ang nagagawa ko, na para bang lantang gulay ako, na hindi man lang makakilos. Kinailangan ko ng tulong ng iba para makakain, makapagbihis, makabaling-baling, at makagamit ng palikuran. Ganap na wala akong silbi. Naisip ko, “Magiging mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay sa gayong pasakit.” Dahil sa mahaba-habang pag-inom ko ng gamot para sa hormones, napakahina ng resistensiya ko, madalas akong may ubo at sipon at nagkaroon din ako ng pleurisy. Nagkaroon din ng problema ang puso ko, mayroon akong mahigit sampung iba’t ibang karamdaman sa buong katawan ko, at mukhang patay ang hitsura ko. Sa alinsangan ng tag-init, binubuksan ng asawa ko ang air conditioner sa loob ng bahay, samantalang nagsusuot ako ng mga damit na may padding na koton at nagbibilad sa arawan sa labas. Kailangan ko pa ngang gumamit ng de-kuryenteng kumot para makatulog, dahil kung hindi ay sobra akong lalamigin at hindi makakatulog. Kalaunan, nabalitaan ko na sunud-sunod nang namatay lahat ang ilang kakilala ko na may kapareho kong sakit, at talagang natakot ako. Sa harap ng isang gayong karamdaman na mahirap gamutin, wala akong magawa, at ang tanging magagawa ko ay ang palipasin ang bawat araw na natatakot at nababalisa.
Noong 2010, pinalad ako na matanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng buong sangkatauhan, na ibinigay ng Diyos ang lahat ng bagay na tinatamasa ng mga tao, at na dapat sambahin ng mga tao ang Diyos. Bawat araw, kinain at ininom ko ang mga salita ng Diyos, nanalangin ako sa Diyos, at nakipagtipon sa mga kapatid, at hindi ko namamalayan, humupa na ang sipon at ubo ko. Paglipas ng tatlong buwan, humupa ang sakit sa mga kasukasuan ko sa tuhod, tumigil ako sa pag-inom ng lahat ng gamot, kasama na ang mga gamot para sa hormones, mas madali nang igalaw ang mga kasukasuan ko, at nagkaroon ng kaunting kulay ang kutis ko. Sinabi ng lahat ng nakakakilala sa akin na parang ibang tao ako. Pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko. Talagang makapangyarihan sa lahat at kahanga-hanga ang Diyos! Ito ay isang walang lunas na karamdaman at kahit may gamot, sobra ang pagdurusa ko dati, pero ngayon, dahil sa unti-unting paghupa ng sakit ko, hindi ko na kailangan pa ng gamot! Kailangan kong manampalataya nang wasto sa Diyos, lalong ipangaral ang ebanghelyo, at gumawa pa ng mabubuting gawa, at siguro kung ganoon ay makikita ng Diyos kung paano ko ginugugol ang sarili ko at ganap na pagagalingin Niya ang mga sakit ko. Pagkatapos niyon, binalewala ko ang kirot sa mga tuhod ko at nangaral ako ng ebanghelyo sa mga kamag-anak, kaibigan, kaklase, at kasamahan ko. Mahangin o maulan man, napakainit o napakalamig, malapit o malayo man ang isang tao, basta’t natutugunan niya ang mga prinsipyo para sa pagtanggap ng ebanghelyo at handang makinig sa mga salita ng Diyos, pinupuntahan ko siya para ipatotoo sa kanya ang tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nakatira ang ilang tao sa ikapito o ikawalong palapag, at kailangan kong umakyat ng hagdan, pero kahit ganoon, madalas akong pumupunta para diligan at suportahan sila. Ang ilang tao ay may mabuting pagkatao at handang hanapin at suriin ang tunay na daan, pero marami silang pinagkakaabalahan sa pamilya, kaya maraming beses ko silang pinupuntahan para makipagbahaginan sa kanila hanggang sa tanggapin nila ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Nang panahong iyon, ipinapalaganap ko ang ebanghelyo sa maraming tao. Paglipas ng panahon, naging kilala ako dahil sa pangangaral ng ebanghelyo at iniulat ako ng masasamang tao, kaya isinaayos ng lider na gawin ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay. Aktibo akong nagsabi na aakuin ko ang ilang ibang tungkulin, sa pag-aakalang sa paggawa ko ng mas maraming mabubuting gawa ay babantayan at poprotektahan ako ng Diyos, at na mas malaki ang pag-asa kong maligtas.
Noong Mayo ng 2019, nagsimula kong maramdaman ang panghihina sa buong katawan ko at sumakit na naman ang mga kasukasuan ko. Mas matindi ang sakit sa mga kasukasuan ng mga tuhod ko, at ang pagpipilian ko lang ay ang gumamit ng saklay at tiisin ang sakit para makalakad nang paunti-unti. Basang-basa ako ng pawis dahil sa kirot. Hindi ako makaupo pagkatapos tumayo, at pagkatapos kong mahirapang makaupo, hindi naman ako makatayo. Kumikirot ang buong katawan ko, kahit nakahiga ako. Lumampas sa 200mmHg ang presyon ng dugo ko, at tumaas din ang blood sugar ko, at hindi ito makontrol kahit ng gamot. Natataranta ako. Natakot ako na baka bumabalik ang arthritis ko. Pagkatapos pumunta sa ospital para sa isang pagsusuri, nalaman na talagang dulot ng arthritis ang mga sintomas. Napatigil ang tibok ng puso ko, at naisip ko, “Gaya ng sinabi, ‘May sakit man o wala, kung bumalik ito, mas magiging malala ito kaysa noong nagsimula ito.’ Mauuwi ba ako sa ganap na pagkaparalisa sa pagkakataong ito? Kahit na mabuhay ako, kung mapaparalisa naman ako na nakaratay, magiging wala pa rin akong silbi. Paano ko magagawa ang mga tungkulin ko? Sa loob ng mga taong ito ng pananampalataya ko sa Diyos, napakarami ko nang ginugol! Tingnan na lang kung paano ko ipinalaganap ang ebanghelyo. Nagpatuloy akong makipagtulungan sa kabila ng sakit at nagawa kong ipalaganap ang ebanghelyo sa maraming tao. Pagkatapos akong iulat ng masasamang tao dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, inilipat ako bilang isang tagapagpatuloy, at ibinigay ko rin ang lahat ko sa tungkuling iyon. Paanong bumalik na naman ang sakit ko?” Naisip ko kung paanong namatay na lahat ang ilang kakilala kong may kapareho kong karamdaman, at kung paanong maaaring ako na ang susunod. Habang mas lalo ko itong iniisip, lalo akong nasisiraan ng loob. Hindi ako makatuon habang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal at wala akong ganang manalangin. Ginugugol ko ang aking mga araw na tuliro, na para bang nahulog ako sa isang malalim na freezer, na nagyelo na ang puso ko. Gusto ko lang gumugol ng mas maraming oras sa pamamahinga at pagpapanumbalik ng kalusugan ko para mabawasan ang kirot sa katawan ko. Kalaunan, nabalitaan ko na namatay ang isang kapitbahay na may kapareho kong karamdaman, kaya lalo pa akong natakot, at naisip ko, “Siguro isang araw ay mamatay ako gaya ng kapitbahay ko. Kung mamamatay ako ngayon, mawawalan ba ng saysay ang lahat ng pagdurusa at sakripisyong dinaanan ko sa aking mga tungkulin sa mga nakalipas na taon? Bukod sa hindi ako maliligtas, maiwawala ko rin ang lahat ng natitirang pagkakataon para magtrabaho at manatiling buhay.” Sa pag-iisip ko lang sa sakit ko ay hindi ko na magawang kumain o makatulog. Namuhay ako sa kalagayan ng kalungkutan, kabalisahan, at pag-aalala, at talagang nahihirapan ako sa kaibuturan ko. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, palala nang palala ang kalusugan ko, at palagi akong namumuhay sa isang naliligalig na emosyonal na kalagayan. Alam kong mali ito pero hindi ko alam kung paano ito lutasin, at bagama’t alam kong pinahintulutan Mo ang pagdurusang ito, hindi ko talaga kayang magpasakop. O Diyos, pakiusap, gabayan Mo ako upang magpasakop ako sa sitwasyong ito, at matuto ng aral mula rito.”
Nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay hindi malinaw na nakikita, nauunawaan, natatanggap, o nakapagpapasakop sa mga kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at kapag ang mga tao ay nahaharap sa iba’t ibang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o kapag ang mga paghihirap na ito ay lampas na sa kayang tiisin ng pangkaraniwang tao, hindi nila namamalayan na nakadarama sila ng iba’t ibang uri ng pag-aalala at pagkabalisa, at maging ng pagkabagabag. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari bukas, o sa susunod na araw, o kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa mga susunod na ilang taon, o kung ano ang kanilang magiging hinaharap, kaya sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay. Ano ang konteksto kung saan ang mga tao ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay? Ito ay ang hindi nila paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ibig sabihin, hindi nila magawang maniwala at lubos na maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit pa makita ito ng sarili nilang mga mata, hindi pa rin nila ito mauunawaan o paniniwalaan. Hindi sila naniniwala na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang kapalaran, hindi sila naniniwala na ang kanilang buhay ay nasa mga kamay ng Diyos, at kaya umuusbong sa kanilang puso ang kawalan ng tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos ay lumilitaw ang paninisi at hindi nila magawang makapagpasakop” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). “Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. … Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko, ngunit may ganito akong karamdaman. Hinihiling ko sa Diyos na ilayo ako sa kapahamakan, at hindi ko kailangang matakot dahil nariyan ang proteksyon ng Diyos. Ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?’ May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, altapresyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manampalataya sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Ang mismong kalagayan ko ang inilantad ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw ko, sa loob lamang ng kulang-kulang tatlong buwan ng pananampalataya sa Diyos, halos gumaling na ang malalang arthritis ko, kaya aktibo akong nagpalaganap ng ebanghelyo, ginawa ang mga tungkulin ko, at ginusto kong maghanda ng mas maraming mabubuting gawa, sa pag-aakalang siguro ay makikita ng Diyos ang mga sakripisyo ko at ganap na pagagalingin ang karamdaman ko. Noong bumalik ang kondisyon ko at unti-unting lumala, hanggang sa puntong hindi ko na nagawang alagaan ang sarili ko, hindi napagaan ng pananalangin ko sa Diyos ang aking kalagayan, kaya nagsimula akong magduda sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nag-alala ko na maging paralisado at hindi ko na maaalagaan ang sarili ko, at na hindi ko matiiis ang pisikal na pagdurusa. Kung iinom uli ako ng gamot para sa hormone, at bumalik ang marami kong ibang karamdaman, kung gayon, kahit na hindi ako mamatay sa arthritis, mamatay naman ako sa ibang karamdaman. Kung mamatay ako, mawawalan ako ng pagkakataong maligtas, ni walang anumang pagkakataong makapagtrabaho at manatiling buhay. Pinahina at binagabag ako nito, at nawalan ng saysay ang lahat ng taon ko sa paggawa ng mga tungkulin, pagdurusa, at sakripisyo. Noong maharap ako sa karamdaman, hindi ko ito tinanggap mula sa Diyos, at hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos. Sa halip, hindi ko naunawaan ang Diyos at nagreklamo ako sa Kanya. Ang saloobin ko rin sa mga tungkulin ko ay iyong sa isang walang pakialam. Dahil nag-aalala ako na ang paggawa sa mas maraming tungkulin ay mangangahulugang higit na pisikal na kapaguran, na lalong lalala ang kondisyon ko at mas madali akong mamamatay, ayaw kong gawin ang mga tungkulin ko, at namuhay ako sa kalagayan ng kalungkutan at pag-aalala, naghihintay ng kamatayan. Sa wakas, naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na tinulutan ng Diyos ang pagbalik ng karamdaman ko, pero hindi ko nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi ko Siya naunawaan at nagreklamo ako sa Kanya. Napuno ng mga reklamo ang puso ko, at pawang paghihimagsik at paglaban ang ibinunyag ko. Napakamapanganib ng kalagayan ko! Nang mapagtanto ko ito, natakot ako, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanya na akayin akong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga negatibong emosyon ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at medyo nagbago ang pananaw ko. Sabi ng Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi upang mapahalagahan mo ang mga detalye ng pagkakaroon ng sakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga problema at suliraning idinudulot ng sakit sa iyo, at ang maraming damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na mapahalagahan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto ka kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman mo ang mga tiwaling disposisyon na iyong inihahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matuto ka kung paano magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at mapanindigan mo ang iyong patotoo—ito ay napakahalagang bagay. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga ninanasa at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, panghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na ninanasa sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong saloobin tungkol sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na naroon ang layunin ng Diyos sa likod ng mga karamdamang nakaharap ko, at na ito ay para matuto ako ng mga aral, pagnilayan at makilala ang mga nakalilinlang kong pananaw at tiwaling disposisyon, at ang magagarbo kong pagnanais sa pananampalataya sa Diyos. Pinagnilayan ko kung paanong ang ilang taon ng paggawa ko ng mga tungkulin at mga pagsasakripisyo ay ginawa ko para pagalingin ng Diyos ang sakit ko. Noong humupa ang kirot, pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos, at handa akong gumawa ng mas maraming tungkulin at naghanda ng mas maraming mabubuting gawa, pero noong bumalik at lumala ang kirot, hindi ko naunawaan ang Diyos at nagreklamo ako sa Kanya, inaakalang tama lang na pagalingin ako ng Diyos dahil ginagawa ko ang mga tungkulin. Kaya noong bumalik ang karamdaman ko, at hindi natupad ang mga pagnanais ko, ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin ko. Kahit noong atubili kong ginawa ang tungkulin ko, ayaw kong maglagay ng anumang pagsisikap o magbayad ng halaga. Sa anong paraan ako mayroong konsensiya o katwiran? Noong nagkaroon ako ng ganitong karamdaman, ang layunin ng Diyos ay para dalisayin ang mga karumihan sa pananalig ko, at baguhin ang mga maling pananaw ko sa paghahangad, para makapagpasakop ako sa Diyos at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Pero hindi ko hinangad ang katotohanan, at noong humaharap ako sa karamdaman, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos. Sa halip, palagi akong lumalaban at sumusuway, gusto kong alisin agad ng Diyos ang sakit ko. Noong hindi iyon nangyari, nahulog ako sa isang kalagayan ng kalungkutan, pag-aalala, at kabalisahan at sinalungat ko ang Diyos, kaya nawala ko ang pagkakataon kong makamit ang katotohanan. Kung magpapatuloy ako nang ganito nang hindi nagbabago, hindi lalago ang buhay ko, hindi magbabago ang tiwaling disposisyon ko, at mas lalong hindi sigurado ang pag-asa kong maligtas. Habang mas lalo kong nauunawaan, lalo kong nadama na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat tungkol sa paghingi sa Kanya. Nakita ko kung gaano ako walang katwiran. Nanalangin ako kaagad sa Diyos, “O Diyos, hindi ko hinahangad ang katotohanan o nauunawaan ang gawain Mo, ni hindi ako nagpapasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos. Napakamapaghimagsik ko! O Diyos, pakiusap gabayan Mo ako upang maunawaan ko ang sarili ko.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga layunin at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang layunin ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasundo, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong layunin, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung titingnan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng kagustuhan nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya. Kapag hinuhusgahan at tinatrato ng mga tao ang iba, tinutukoy nila kung sino ang mga tao batay lamang sa panlabas na kilos ng mga ito, kung gaano nagdurusa ang mga ito, at kung anong halaga ang ibinabayad ng mga ito, at isa itong mabigat na pagkakamali” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Nakita ko na inilantad ng Diyos ang mga anticristo bilang paggawa ang kanilang mga tungkulin para sa mga pagpapala at korona, na ang mga sakripisyo nila ay ginawang lahat upang makipagtawaran sa Diyos para sa mga pagpapala ng pagpasok sa kaharian ng langit, at na hindi talaga tapat o sinsero ang gayong paggampan sa tungkulin. Kung hindi sila tatanggap ng mga pagpapala, lubos silang magrereklamo, at makikipagtalo pa nga sa Diyos at susubukang maghiganti. Ikinumpara ko rito ang sarili kong pag-uugali at nakita kong kapareho ito ng sa isang anticristo. Noong umpisa, nang makita kong gumaling ang malalang arthritis ko pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, napuno ako ng pasasalamat sa Diyos, at dahil sa kaisipan na pagagalingin ako ng Diyos at pagkatapos ay matitiyak ang isang magandang destinasyon, aktibo kong ipinalaganap ang ebanghelyo at ginawa ang mga tungkulin ko. Mahangin, maulan, mainit, o malamig man, walang pagod akong gumawa para maghanda ng mabubuting gawa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kahit na kutyain o siraan ako ng mga kamag-anak, kaibigan at kasamahan ko, hindi ako umurong. Gayumpaman, noong bumalik ang karamdaman ko, at nang makita ko na namatay ang mga taong may kapareho kong karamdaman, nagreklamo ako na hindi ako pinoprotektahan ng Diyos, at ayaw ko na ngang gawin pa ang mga tungkulin ko, dahil natatakot akong ang aking pag-ako ng mas maraming alalahanin ay maaaring magpalala sa kondisyon ko at magpadali sa kamatayan ko. Sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga katunayan, napagtanto ko na ang pananampalataya ko sa Diyos at ang paggampan ko sa mga tungkulin ay ginawa lamang para makipagtawaran sa Diyos, at na ang mga pagsasakripisyo ko ay pawang para pagalingin ako ng Diyos at magkamit ako ng isang mabuting kalalabasan at destinasyon. Noong nawasak ang pagnanais ko para sa mga pagpapala, ayaw kong gumawa ng kahit kaunti pang mga tungkulin, sa takot na magkakaroon ng mga kawalan sa mga pisikal na interes ko. Wala talaga akong katapatan o sinseridad sa Diyos. Sinabi kong gagawin ko nang maayos ang mga tungkulin ko at susuklian ang pagmamahal ng Diyos, pero ang katotohanan ay niloloko ko ang Diyos, sinusubukang gamitin ang mga tungkulin ko bilang pamalit sa mga pagpapala sa hinaharap. Talagang makasarili, kasuklam-suklam at mapanlinlang ako! Itinaguyod ko ang satanikong kautusan na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at sa lahat ng ginawa ko, para sa sarili ko ang lahat ng iyon, tumatangging gumawa ng kahit kaunti kung hindi ako makikinabang. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, para pa rin sa mga pagpapala at pakinabang ang lahat ng ginawa ko. Ganid at makasarili ako at kung hindi ko magagawang makinabang, tatalikod ako sa Diyos para makaganti. Wala akong may-takot-sa-Diyos na puso at talagang walang pagkatao!
Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga nagtamo lamang sa katotohanan at may nabagong disposisyon ang puwedeng pumasok sa kaharian ng Diyos. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Mahal ng matatapat na tao ang katotohanan, at ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang hindi nakikipagtawaran o nanghihingi. Kaya nilang gawin nang taimtim ang tungkulin ng isang nilikha, at ang gayong mga tao ang gustong iligtas ng Diyos. Gayumpaman, ang mga nananampalataya sa Diyos pero hindi naghahangad sa katotohanan at nakikipagtawaran lamang sa Diyos para sa mga pagpapala ay nagrereklamo at lumalaban sa Diyos kapag nahadlangan ang mga pagnanais nila. Ang gayong mga tao, kahit gaano pa sila magpakaabala o magdusa ay ititiwalag pa rin ng Diyos. Itinutukoy ito ng katuwiran at ng banal na diwa ng Diyos. Sa aking mga tungkulin at pananalig sa Diyos, sinubukan kong makipagtawaran sa Diyos, tinatrato ko ang Diyos bilang isang baul ng kayamanan, at bilang isang doktor nra magpapagaling ng karamdaman ko. Noong hindi natupad ang mga pagnanais ko, tinutulan at nilabanan ko ang Diyos. Talagang wala akong kahihiyan! Ang Diyos ang Lumikha, at ako ay isang nilikha. Responsabilidad at obligasyon kong gawin ang aking tungkulin. Sa paggawa ko ng gayong mga di-makatwirang paghingi sa Diyos at pagkakaroon ng gayong mga intensyon sa mga tungkulin ko, paanong hindi ako kasusuklaman at kamumuhian ng Diyos? Naisip ko si Pablo. Mula sa pinakasimula, gumawa siya at ginugol ang sarili niya para lamang magkamit ng isang korona ng katuwiran. Naglakbay siya sa halos buong Europa para ipalaganap ang ebanghelyo, dumaan siya sa matinding pasakit, at gumawa ng maraming gawain. Pero ang lahat ng ginawa niya ay hindi para suklian ang pagmamahal ng Diyos o para gawin ang tungkulin ng isang nilikha, kundi upang magkamit ng mga pagpapala at gantimpala para sa sarili niya, kaya sa huli, kaya niyang sabihin ang mga salitang ito: “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Hindi sinsero o mapagpasakop ang mga sakripisyo at paggugol ni Pablo. Ginawa lang ang mga iyon para makipagtawaran sa Diyos, at para linlangin at gamitin Siya. Sa huli, sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos at inihagis siya sa impiyerno. Sa aking pananalig, palagi kong gustong pagalingin ng Diyos ang karamdaman ko, para matugunan ang mga makasarili kong pagnanais, at gaya ni Pablo, palagi kong gustong makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Kung hindi ako magbabago, ang kalalabasan ko sa huli ay ang parusang kagaya ng kay Pablo. Ginagawa ko ang aking tungkulin nang may gayong mga kasuklam-suklam na intensyon at gusto ko pa rin ang pagsang-ayon ng Diyos, ganoon ba ako kahibang? Nang mapagtanto ko ito, nahiya, napahiya, at nakonsensiya ako. Naisip ko kung paanong dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos sa lupa, nagdurusa ng lahat ng uri ng paghihirap ng tao para iligtas tayong mga tiwaling tao, na nagsasalita ng napakaraming salita at personal tayong ginagabayan at dinidiligan nang hindi natin nalalaman, nang hindi kailanman nanghihingi ng anuman sa atin, ni humihingi ng anuman sa atin. Natamasa ko ang napakaraming katotohanang itinustos ng Diyos, at ang gawin ko ang aking tungkulin, bilang isang nilikha, ang dapat kong gawin, pero gusto ko pa ring makipagtawaran sa Diyos at humingi sa Kanya. Talagang naging buktot ako! Naisip ko ang tungkol sa kung paanong ako, na nasa bingit ng kamatayan, ay nagkaroon ng pagkakataong marinig ang tinig ng Diyos at bumalik sa Kanyang sambahayan, makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at matamasa ang pagtustos ng buhay, at kung paanong pinagaling ng Diyos ang karamdaman ko at tinulutan akong mabuhay hanggang ngayon. Pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang lahat ng ito. Ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos para sa akin ay pagmamahal at pagliligtas Niya. Ang makayanan kong gawin ang ilang tungkulin ay biyaya ng Diyos at ito ang dapat kong gawin. Pero hindi ko alam maging mapagpasalamat, at sa halip ay ginamit ko ang mga ito bilang kapital para makipagtawaran sa Diyos, at gumawa ng mga palagiang paghingi sa Diyos. Talagang wala akong konsensiya at pagkatao, at ang laki ng pagkakautang ko sa Diyos! Habang mas lalo ko itong iniisip, lalo akong nagsisisi, at sa puso ko ay nanalangin ako sa Diyos, sumusumpang mula ngayon, hindi na ako mamumuhay para magkamit ng mga pagpapala, na hahangarin ko ang katotohanan, magpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at gagawin nang wasto ang tungkulin ko.
Pagkatapos niyon, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko kung paano wastong pangasiwaan ang karamdaman at kamatayan. Sabi ng Diyos: “Hindi mababago ng kalooban ng tao kung magkakasakit ba ang isang tao o hindi, kung anong malubhang sakit ang dadapo sa kanya, at kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan niya sa bawat yugto ng kanyang buhay, kundi ito ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos. … Kaya naman, kung anong uri ng sakit ang dadapo sa katawan ng mga tao sa kung anong oras o edad at kung ano ang magiging kalagayan ng kanilang kalusugan ay pawang mga bagay na isinasaayos ng Diyos at hindi maaaring ang mga tao ang magpasya ng mga bagay na ito; tulad ng kung kailan ipinanganak ang isang tao, hindi sila ang maaaring magpasya nito. Kaya hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o magrebelde laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili. Ito ay dapat maging isang espesyal na karanasan na nagpapasagana sa iyong buhay, at hindi naman ito masamang bagay, hindi ba? Kaya naman, pagdating sa pagkakasakit, dapat munang lutasin ng mga tao ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw ukol sa sanhi ng sakit, at pagkatapos ay hindi na sila mag-aalala tungkol dito; bukod dito, ang mga tao ay walang karapatan na kontrolin ang mga bagay na nalalaman o hindi nalalaman, at wala rin silang kakayahang kontrolin ang mga ito, sapagkat lahat ng bagay na ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang saloobin at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mayroon ang mga tao ay ang maghintay at magpasakop. Mula sa pagkaunawa hanggang sa pagsasagawa, ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang paghahangad sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). “Kung may magmamakaawa na siya ay mamatay na, maaaring hindi siya mamatay; kung magmamakaawa siyang mabuhay pa, maaaring hindi siya mabuhay. Lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at ito ay binabago at pinagpapasyahan ng awtoridad ng Diyos, ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya nga, kung sakaling ikaw ay magkasakit nang malubha, ng nakamamatay na sakit, hindi tiyak na ikaw ay mamamatay—sino ang nagdedesisyon kung mamamatay ka ba o hindi? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagdedesisyon. At dahil ang Diyos ang nagdedesisyon at hindi kayang pagdesisyonan ng tao ang gayong bagay, ano ang ikinababalisa at ikinababagabag ng mga tao? Parang kung sino lang ang mga magulang mo, at kung kailan at saan ka ipinanganak—hindi mo rin mapipili ang mga bagay na ito. Ang pinakamatalinong gawin sa mga bagay na ito ay ang hayaan itong tumakbo nang natural, ang magpasakop, at huwag pumili, huwag gumugol ng anumang kaisipan o lakas sa bagay na ito, at huwag mabagabag, mabalisa, o mag-alala tungkol dito. Dahil hindi kayang pumili ng mga tao para sa kanilang sarili, ang paggugol ng maraming lakas at kaisipan sa bagay na ito ay kahangalan at kawalan ng karunungan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at pagtatakda ng Diyos ang tiyempo at uri ng karamdaman ng isang tao at wala sa pagpili ng tao, at dapat bitiwan ng mga tao ang mga negatibong emosyon gaya ng kalungkutan, pag-aalala, at kabalisahan, harapin nang mahinahon ang mga ito, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hanapin ang layunin ng Diyos para matuto ng mga aral. Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, nakadama ako sa puso ko ng biglaang kaliwanagan. Kung kailan ako magkakasakit, ang kalubhaan ng karamdaman ko, at kailan ako mamamatay, ang lahat ay nasa loob ng pamamatnugot ng Diyos. Hindi ibig sabihin na maiiwasan ko ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkatakot dito, ni hindi rin ako mamamatay dahil lamang ginusto ko. Tinulutang lahat ng Diyos ang malalang karamdaman ko, pagkaparalisa, o kamatayan, at wala akong karapatang magreklamo o humingi ng mga bagay mula sa Diyos. Naalala kung paano humarap si Job laban sa karamdaman at kalamidad, hindi siya nagreklamo sa Diyos o nawalan ng pananalig. Sa halip, pinuri niya ang katuwiran ng Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, na nagsasabing: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ako, na nakapagtamasa ng pagdidilig at pagtustos ng napakaraming salita ng Diyos, ay hindi dapat humingi sa Diyos kapag nahaharap sa karamdaman. Alisin man ng Diyos ang karamdaman ko o hayaan itong manatili sa akin habambuhay, bahagi ng mabuting kalooban ng Diyos ang lahat ng ito at hindi ako dapat magreklamo o humingi. Kahit pa isang araw ay maging paralisado ako o maharap sa kamatayan, magpapasakop pa rin ako sa mga pagsasaayos ng Lumikha. Ang kailangan kong gawin ngayon ay ang harapin nang tama ang karamdaman at kamatayan, bitiwan ang kalungkutan, kabalisahan, at pag-aalala, at ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay. Pinagnilayan kong muli kung paanong nitong mahigit sa dalawampung taong nagdaan, ang mga may kapareho kong karamdaman, anuman ang kanilang edad, nauna o nahuli man silang nagkasakit, marami sa kanila ang namatay na. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, hindi na ako buhay ngayon. Ang katunayang buhay ako ngayon at natatamasa ang pagdidilig ng napakaraming salita ng Diyos ay biyaya na ng Diyos. Dahil nauunawaan ko ang mga bagay na ito, hindi na ako natatakot kung kailan ako maaaring mamatay, at naging handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos niyon, bawat araw ay tumutok ako sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, sumusulat ng mga artikulong batay sa karanasan, at malubha man ang karamdaman ko, nanalangin ako, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at ginawa ang mga tungkulin ko gaya ng dati. Minsan kapag umuulit nang malubha ang sakit ko, nananalangin ako sa Diyos at lumalapit sa Kanya, hinihingi sa Kanya na panatilihing nagpapasakop ang puso ko. Kasabay nito, patuloy kong pinagnilayan at kinilala ang mga hindi dalisay na layunin sa loob ko, at kaagad na hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa pagsasagawa ng gaya nito, mas naging malapit ang relasyon ko sa Diyos, at nadama ko na isang malaking proteksyon para sa akin ang karamdamang ito. Kalaunan, humupa ang sakit sa buong katawan ko, nang hindi ko namamalayan, at bumalik din sa normal ang presyon ng dugo ko at blood sugar. Alam kong awa at proteksyon ito ng Diyos sa akin, at sa puso ko ay pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Sabihin mo sa Akin, sino sa bilyon-bilyong tao sa mundo ang labis na pinagpala na makarinig ng napakaraming salita ng Diyos, na makaunawa ng napakaraming katotohanan ng buhay, at makaunawa ng napakaraming misteryo? Sino sa kanila ang personal na nakakatanggap ng patnubay ng Diyos, ng panustos ng Diyos, ng Kanyang pag-aalaga at proteksyon? Sino ang lubos na pinagpala? Iilan-ilan lamang. Kaya naman, dahil kayong kakaunti ay nakakapamuhay sa sambahayan ng Diyos ngayon, nakakatanggap ng Kanyang kaligtasan, at nakakatanggap ng Kanyang panustos, nagiging sulit ang lahat kahit pa mamatay kayo ngayon din. Kayo ay labis na pinagpala, hindi ba? (Oo.) Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, hindi dapat matakot nang sobra ang mga tao sa usapin ng kamatayan, at hindi rin sila dapat malimitahan nito. Kahit na hindi mo pa natatamasa ang anuman sa kaluwalhatian at kayamanan ng mundo, natanggap mo naman ang habag ng Lumikha at narinig ang napakaraming salita ng Diyos—hindi ba’t kasiya-siya ito? (Oo.) Ilang taon ka mang mabuhay sa buhay na ito, lahat ito ay sulit at wala kang pagsisisihan, dahil palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin sa gawain ng Diyos, naunawaan mo ang katotohanan, naunawaan mo ang mga misteryo ng buhay, at naunawaan mo ang landas at mga layunin na dapat mong hangarin sa buhay—napakarami mo nang natamo! Namuhay ka nang makabuluhan!” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, napaluha ako. Mapalad ako na marinig ang tinig ng Diyos sa panghuling kapanahunan ng plano ng pamamahala ng Diyos, na mabuhay sa ilalim ng pag-aalaga at proteksyon ng Diyos, matamasa ang pagtustos at pagdidilig ng napakarami Niyang salita, at maunawaan ang napakaraming hiwaga ng katotohanan, natatamasa ang mga pagpapala na hindi naranasan ng mga tao sa nagdaang kasaysayan. Kahit pa mamatay ako ngayon, magiging sulit ito. Dahil buhay pa rin ako, dapat kong pahalagahan ang bawat araw na natitira sa akin at masigasig na gawin ang mga tungkulin ko. Araw-araw na humuhupa ang sakit ko, lubhang nabawasan ang pamamaga sa mga kasu-kasuan ng tuhod ko, bumalik na sa normal ang kasu-kasuan ng kanang bukong-bukong ko, at nabawasan na rin ang kirot sa buong katawan ko. Sinasabi ng mga kapatid na mas nagkakulay na ang mukha ko, na mamula-mula na ako, at na para bang naging ibang tao na ako. Napakasaya ko, at sa puso ko, patuloy kong pinasasalamatan ang Diyos para sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas!
Sa pamamagitan ng pagbubunyag ng karamdaman na sa wakas ay napagtanto ko na mali ang mga pananaw ko sa pananampalataya sa Diyos, na hindi ko isinasakatuparan ang mga responsabilidad at obligasyon ko bilang isang nilikha, sa halip ay hinahanap ko ang mga pagpapala at ginagamit ang mga tungkulin ko para makipagtawaran sa Diyos, magkagayon ay nawawala ang konsensiya at katwiran ng isang normal na tao. Ngayon, may kaunti na akong pang-unawa sa tiwaling disposisyon ko at ilang pagbabago sa mga maling pananaw ko sa paghahangad. Ito ang mga resulta ng mga salita ng Diyos, at bukod doon, pagmamahal ng Diyos ang mga iyon. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!