67. Sunod-sunod na Pagsubok

Ni Liu Yi, Tsina

Isang umaga noong Abril ng 2009, bandang alas-9 ng umaga, pagkalabas na pagkalabas namin ni Sister Ding Ning sa kalye matapos ang pagtitipon, walong lalaki ang bigla na lang sumugod sa amin. Walang sabi-sabi, agad nilang hinila ang mga kamay namin papunta sa aming likuran at kinumpiska ang mga bag namin at pati na rin ang mahigit 40,000 yuan na pondo ng iglesia. Sobra akong nabigla at bago pa ako makapagsalita, naisakay na nila ako sa kanilang sasakyan. Hindi nagtagal, narinig ko ang isang babae na nagsabi, “Nasa kustodiya na namin ang mga suspek.” Doon ko lamang napagtanto na kami pala ay hinuli ng mga pulis. Galit na galit ako na ninakaw nila ang ganoon kalaking halagang pondo ng aming iglesia at naisip ko, “Basta-basta na lang kami inaresto ng mga pulis at kinuha ang pera namin kahit na tirik na tirik ang araw—nasaan na ang batas?” Nakaramdam ako ng kaunting takot at bumilis ang tibok ng puso ko, kaya patuloy akong nagdasal sa Diyos. Hiniling ko sa Diyos na ingatan ang puso ko para kahit ano pa man ang gawin ng mga pulis na pagpapahirap at interogasyon sa akin, hindi ko ipagkakanulo ang Diyos tulad ni Hudas at makakapanindigan ako sa patotoo ko para sa Kanya. Pagkatapos magdasal, nakaramdam ako ng kapayapaan sa kalooban ko.

Dinala kami ng mga pulis sa isang liblib na lugar at pinaghiwalay kami para sa interogasyon. Madilim at parang nakakatakot ang pakiramdam dito sa silid ng interogasyon at mukhang malulupit at parang mga demonyo ang mga pulis na nasa loob. Sinimulan ng isa sa mga pulis ang interogasyon sa pagtatanong ng, “Lider ka ba ng iglesia? Ano ang relasyon mo kay Ding Ning? Paano kayo nagkakilala? Siya ba ang nakatataas mong lider?” Sumagot ako, sabi ko, “Hindi ako lider at hindi ko kilala kung sino itong ‘Ding Ning’ na sinasabi mo.” Ikinagalit niya ito at sinampal niya ako sa mukha at dalawang beses akong tinadyakan bago sumigaw na, “Mukha palang kailangan kong gawin ito sa mahirap na paraan para umamin ka.” Pagkatapos niyang sabihin ito, sinimulan niya akong suntukin nang paulit-ulit sa mukha. Hindi ko na mabilang kung ilang beses niya akong sinuntok—dumaloy ang dugo mula sa mga labi ko, namaga ang mukha ko hanggang sa puntong hindi na makilala at dumanas ako ng matinding sakit. Pero hindi pa rin siya tumigil at patuloy niyang pinagsusuntok ng mga kamao niya ang ulo ko, na nag-iwan ng masakit at namamagang bukol sa noo ko. Naisip ko, “Wala silang awa sa mga pambubugbog nila. Ano ang gagawin ko kung maalog ang utak ko dahil sa mga brutal na pambubugbog na ito? Paano kung bugbugin nila ako hanggang sa magkaroon ako ng malalang pinsala sa utak? Paano pa ako makakapagpatuloy na manampalataya sa Diyos?” Habang mas lalo ko itong iniisip, mas lalo akong natatakot. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na ingatan ang puso ko. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpapasiya? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). Ang Diyos ang Lumikha at Siya ang namumuno sa lahat ng bagay. Ang buhay ko ay nasa Kanyang mga kamay at wala sa kapasyahan ni Satanas kung magiging baldado ba ako o mabubugbog nang sobra hanggang magkaroon ng pinsala sa utak. Handa akong ipagkatiwala ang buhay ko sa mga kamay ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng kaunting kapayapaan at naisip ko, “Mas mabuti pang tumigil na ang mga diyablong ito sa pag-aakalang makakakuha sila ng kahit katiting na impormasyon mula sa akin. Hinding-hindi ako susuko sa kanila!”

Pagkatapos noon, dinala ako ng mga pulis sa isang hotel at ipinagpatuloy ang interogasyon sa akin. Isang babaeng pulis ang matinis na nagtanong sa akin, “Ano ang pangalan mo? Ilang pamilya na ang tinuluyan mo? Sino ang mga kilala mo? Saan itinatago ng iglesia ninyo ang pondo nito?” Nang hindi ako sumagot, lumapit siya sa harap ko at dalawang beses akong sinampal sa mukha at ipinahubad niya ang mga sapatos ko bago apakan ang mga daliri ko sa paa gamit ang balat niyang sapatos. Agad kong naramdaman sa buo kong katawan ang matinding sakit at hindi ko napigilang mapasigaw sa matinding paghihirap. Tinapakan niya ang mga nagdurugo kong daliri sa paa habang sinasabing, “Kung hindi mo na kayang tiisin ang sakit, sabihin mo na lang ang gusto naming marinig!” Talagang napakatindi ng sakit kaya tumawag ako sa Diyos, “O Diyos ko! Kung hindi nila makuha ang gusto nila, hindi nila ako titigilan. Nag-aalala ako na baka hindi ko kayanin ang pagpapahirap nila sa akin. Pakiusap gabayan Mo po ako.” Pagkatapos magdasal, bigla kong naalala na ang Diyos ang aking kalasag at sa pangunguna ng Diyos, ano bang dapat katakutan? Kahit ano pang pagpapahirap ang gawin ng mga pulis sa akin, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos o ipagkakanulo ang iglesia. Nang mapansin nilang hindi pa rin ako magsasalita, isa pang pulis ang nagposas sa mga kamay ko sa aking likuran at pilit niyang hinila pataas ang mga kamay ko habang tinatanong ako. Bigla kong naramdaman ang matinding sakit sa braso ko na para bang na-dislocate na ito at, hindi nagtagal, namaga nang husto ang likod ng mga kamay ko. Isa pang pulis ang nagbanta sa akin, “Kung hindi ka magsisimulang magsalita, huhubaran ka namin, isasabit namin ang isang karatula sa leeg mo at ilalagay ka namin sa ibabaw ng kotse ng pulis at ipaparada sa buong bayan. Tingnan natin kung may matira pang dangal sa iyo pagkatapos niyan!” Nang marinig ko ito, nag-alala ako nang husto at naisip ko, “Talagang masasama ang mga diyablong ito at parang walang hindi nila gagawin. Kung talagang huhubaran nila ako at ipaparada ako sa buong bayan, ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa publiko at paano ako magpapatuloy na mabuhay pagkatapos niyon?” Naalala ko ang himno ng mga salita ng Diyos na “God Suffers Great Torment for Man’s Salvation.” Sinasabi nito na: “Madali ba para sa Diyos ang maging katawang-tao at dumating sa kalagitnaan nila, isinasakatuparan ang lahat ng Kanyang gawain ng pagliligtas? Paano kaya magagawa ng tao, na sumisid na sa Hades, na tugunan ang mga hinihingi ng Diyos? Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa paghihimagsik nito, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, sobra akong naantig. Ang Diyos ay banal—para iligtas ang sangkatauhan, na labis nang ginawang tiwali ni Satanas, dalawang beses Siyang pumarito nang nasa katawang-tao. Una Siyang pumarito para tubusin ang sangkatauhan at Siya ay ipinako sa krus, at nagtiis ng matinding paghihirap. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao Siyang muli sa Tsina at dumanas Siya ng pag-uusig at pagtugis ng CCP, pati na rin ng pagkondena, paninira, at pagtakwil mula sa mundo ng relihiyon para lang lubusang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang pagiging makasalanan. Tahimik na tiniis ng Diyos ang lahat ng ito at patuloy Niyang ipinapahayag ang mga katotohanan at ginagawa ang gawain para iligtas tayo—Talagang napakadakila ng pag-ibig Niya sa atin. Mapalad akong matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at matamasa ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, kaya alam kong dapat kong suklian ang pag-ibig ng Diyos. Pagkatapos kong mapagtanto ang mga ito, nalaman kong ang lahat ng sakit at kahihiyan ay may kabuluhan at may halaga—ito ay pagtitiis ng pang-uusig sa ngalan ng pagiging matuwid. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos! Paano man ako ipahiya ng mga pulis, maninindigan ako sa patotoo ko para mapalugod Ka!” Pagkatapos magdasal, hindi na ako ganoon katakot. Pagkatapos noon, kahit gaano pa ako takutin ng mga pulis, hindi ako nagsalita at wala na silang nagawa kundi ang umalis.

Pagkalipas ng ilang araw, nang marating ng mga pulis ang kongklusyon na wala silang makukuhang impormasyon sa akin, ipinadala nila ako sa isang kulungan. Pagdating na pagdating ko, isang babaeng pulis ang sadya akong ipinahiya sa pamamagitan ng pag-uutos sa akin na hubarin ang lahat ng damit ko at umikot nang umikot, pati na rin ang mag-squat nang nakalagay ang mga kamay sa likod ng ulo at tumalon na parang palaka. Pagkalipas ng apatnapu’t dalawang araw, binigyan ako ng gawa-gawang kasong “paggamit ng organisasyong kulto para mapahina ang pagpapatupad ng batas” at sinentensiyahan ng isa at kalahating taong reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Naisip kong magiging napakahirap na palipasin ang mahigit isang taon na hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikipagtipon, nakikipagbahaginan at gumagawa ng tungkulin ko. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos! Hindi ko alam kung anong mga paghihirap ang naghihintay sa akin at kung kakayanin ko itong tiisin. Pakigabayan ako na maunawaan ang Iyong layunin, para makapanatili akong matatag sa sitwasyong ito.” Pagkatapos ng dasal, naalala ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. Ang mga pagsubok ay pagpapala mula sa Akin, at ilan sa inyo ang malimit na lumalapit sa Aking harapan at nakaluhod na nagmamakaawa para sa Aking mga pagpapala? Mga hangal na bata! Lagi ninyong iniisip na ang ilang mapapalad na salita ay maibibilang na Aking pagpapala, gayunman ay hindi ninyo kinikilala ang kapaitan bilang isa sa Aking mga pagpapala. Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na mapagtanto na ang sitwasyong ito ay makatutulong na maperpekto ang pananalig ko at mapatatag ang kalooban ko para matiis ang paghihirap. Tanging sa pagdanas lang ng paghihirap mas lalo akong makakapagdasal at makakapagtiwala sa Diyos at mas mapapalapit sa Kanya. Kahit na hindi ko magagawang basahin ang mga salita ng Diyos o makasama at makabahaginan ang mga kapatid sa susunod na isa at kalahating taon, kasama ko pa rin ang Diyos kaya kailangan kong magtiwala sa Diyos at manindigan sa patotoo ko para maipahiya si Satanas. Pagkatapos kong maunawaan ang layunin ng Diyos, nakaramdam ako ng panibagong pananalig at lakas. Noong nasa labor camp ako, madalas akong magdasal sa Diyos at magnilay sa Kanyang mga salita. Salamat sa paggabay ng mga salita ng Diyos, nakayanan ko ang mahahabang araw ng pagkakakulong ko.

Pagkatapos kong makalaya, nagsimula akong gawin ulit ang tungkulin ko, pero noong Oktubre ng 2013, inaresto ulit ako. Noong araw na iyon, bandang alas kuwatro ng hapon, kararating ko lang galing sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at kabababa lang ng bus, nang bigla akong sugurin at pigilan ng tatlong tao. Sinabi ng isa sa kanila, “Ilang taon na rin ang lumipas ngayon, naaalala mo pa ba ako? Bakit hindi ka muna sumama sa amin sandali?” Bigla akong kinabahan, nag-isip na, “Lagot na ako ngayon. Ngayong ikinulong na ako ng pulis, siguradong hindi nila ako pakakawalan nang basta-basta.” Pilit nila akong isinakay sa kanilang sasakyan at umupo sila sa magkabilang gilid ko, dinidiinan ang mga kamay ko para hindi ako makagalaw. Pagkatapos noon, dinala ako sa isang brainwashing center at palaging sinasamahan ng dalawang “bantay.” Sa lugar na iyon, mula 7:30 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, para magawa akong ipagkanulo ang Diyos, pinilit akong manood ng mga video na nilalapastangan ang Diyos at sinisiraan ang iglesia, pati na rin ng mga video na pumupuri sa CCP. Guwardiyado ako ng mga bantay 24 oras sa isang araw at hindi ako pinapayagang magdasal o kahit magsara ng pinto kapag pumupunta ako sa banyo. Nakaramdam ako ng pagsupil dahil sa maraming oras ng pangbe-brainwash at tuloy-tuloy na pagbabantay—Araw-araw akong nakakaramdam ng pagkabalisa at tensyon, at natatakot ako na kung hindi ako mag-iingat, mahuhulog ako sa pakana ni Satanas. Patuloy lang akong nagdasal sa Diyos at nagmakaawa sa Kanya na ingatan ang puso ko.

Isang araw, dinalhan ako ni Chen, ang namamahala sa pangbe-brainwash, ng isang kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at sinabi niya, “Ito ang aklat ng inyong iglesia—sa tingin mo ba ay salita pa rin ito ng Diyos? Malinaw namang isinulat lang ito ng isang karaniwang tao.” Kinuha ko ang aklat ng mga salita ng Diyos at naisip ko, “Ang bawat salita ng Diyos ay katotohanan; kayong mga diyablo ay hindi nananampalataya sa Diyos, kaya paano ninyo mauunawaan ang Kanyang mga salita?” Binuksan ko ang aklat at nakita ko ang sumusunod na sipi: “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Habang binabasa ko ang mga salitang ito, naramdaman ko ang pagpapalakas ng loob at pag-alo ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng mga salita. Nagsasaayos Siya ng lahat ng klase ng sitwasyon para maranasan ng mga tao ang Kanyang mga salita, na magbibigay-daan sa mga salitang iyon na maging bahagi ng mga tao, na maging buhay nila. Ganito inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos ang sangkatauhan. Naisip ko kung paano ako binigyan ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos para malagpasan ko ang pang-aabuso ng mga diyablo noong pinapahirapan at pinagdurusa ako sa unang pag-aresto. Ngayon sa kasalukuyang pag-aresto, noong nakakaramdam ako ng pagdurusa, matinding lungkot, at pagkasupil dahil sa patuloy na pagbabantay sa akin at pangbe-brainwash gamit ang mga maling paniniwala at mga panlilinlang, isinaayos ng Diyos na ipakita sa akin ng pulis ang isang kopya ng Kanyang mga salita, na pumuno sa akin ng pananalig at lakas. Sa kabila ng mapapanganib na pagsubok na dinanas ko sa mala-impiyernong kulungan, talagang naramdaman kong hindi ako nag-iisa, alam kong palagi akong iniingatan ng Diyos at palagi Niyang ginagamit ang Kanyang mga salita para gabayan ako. Pagkatapos noon, kahit gaano pa subukan ng mga pulis na i-brainwash ako gamit ang mga maling paniniwala at mga panlilinlang ni Satanas, sinasadya kong payapain sa harap ng Diyos ang mga naiisip ko at nagdarasal at nagtitiwala ako sa Kanya para hindi ako mahulog sa mga pakana ni Satanas. Ipinakita sa akin ng isang pulis ang litrato ng isang sister at tinanong kung nakikilala ko ba siya. Nang hindi ako sumagot, sinubukan niya akong takutin at lokohin sa pagsasabing, “Pinagtaksilan ka na ng iba. Sinabi nila sa amin na isa kang lider, pero heto ka at pilit pa ring pinoprotektahan sila. Lahat sila ay umamin na at pinauwi na. Nagpapakatanga ka lang sa hindi mo pagsasalita at magiging napakahaba ng sentensiya mo sa kulungan! Mas maaga kang magsasalita, mas maaga ka naming pauuwiin.” Nabigla ako nang marinig ko ito, naisip ko, “May nagtaksil sa akin? Kung ganoon, alam na ng mga pulis ang lahat tungkol sa akin! Kung hindi ako magsasalita, baka nga talagang maging mahaba ang sentensiya ko. Siguro, puwede kong sabihin sa kanila ang ilang hindi importanteng detalye, para kung talagang kailangan kong makulong, kahit papaano ay mabawasan man lang ang sentensiya ko at hindi ako gaanong magdusa.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung magbibigay ako sa kanila ng mga detalye, hindi ba’t pagkakanulo iyon sa Diyos at pagtataksil sa mga kapatid ko? Hindi puwede iyon, hindi ko puwedeng sabihin sa kanila ang kahit ano!” Nang mga sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabi: “Sa hinaharap, ang kagantihan ay ipapataw Ko sa bawa’t tao alinsunod sa kanyang nagawa. Nasabi Ko na ang lahat ng nararapat Kong sabihin, sapagka’t sapagkat ito ang mismong gawain na Aking ginagawa Aking gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan kung paano Niya tinatrato ang mga tao ayon sa kanilang pagkilos. Kung pagtataksilan ko ang mga kapatid ko, kikilos ako na parang nakakahiyang Hudas at isusumpa at parurusahan ako ng Diyos. Kung pinagtaksilan ako ng iba, iyon ay paggawa nila ng masama, pero hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos o pagtaksilan ang mga kapatid ko. Naalala ko kung paanong ang isang sister ay inaresto, dumanas ng matinding pagpapahirap, at binigyan ng siyam na taong sentensiya sa kulungan, pero hindi siya kailanman sumuko kay Satanas at patuloy niyang ginampanan ang kanyang tungkulin nang siya ay makalaya. Sa kabila ng pagdanas ng kaunting pagdurusa, nanindigan siya sa kanyang patotoo at kinalugdan siya ng Diyos. Nariyan din si Pedro na, noong Kapanahunan ng Biyaya, ay ipinako nang pabaligtad matapos maaresto at nagpatotoo sa kanyang pagmamahal sa Diyos. Sa pag-alala sa mga kwentong ito, nakaramdam ako ng matinding tibay ng loob at napuno ng pananalig at lakas ang puso ko. Tahimik akong nagpasya: Kahit gaano katagal pa ako manatili sa kulungan, hindi ko kailanman ipagkakanulo ang Diyos o pagtataksilan ang mga kapatid ko!

Pagkatapos niyon, nagpatuloy sila sa interogasyon nila sa akin, itinatanong, “Sino ang mga nakakaugnayan mo? Sino ang nakatataas na lider mo? Saan sila nakatira?” Nang hindi ako sumagot, pinatayo nila ako nang nakaharap sa pader at nagpalitan sila kada dalawang oras, na may dalawang pulis na nakatalaga sa bawat salitan, para siguraduhing hindi ako makakatulog sa loob ng 24 oras. Kapag nakita nila akong nakakatulog na, sinisigawan nila ako, “Huwag na huwag kang pumikit o magdasal sa Diyos mo!” Pagkatapos tumayo nang buong araw, namaga nang husto ang mga binti ko hanggang sa naging banat at makintab na ang balat at hindi ko na maisuot ang sapatos ko kaya kinailangan kong maglakad nang nakayapak. Masakit na masakit din ang likod ko na parang may nabali na kung ano. Pinahirapan nila ako sa ganitong paraan nang buong pitong araw at pitong gabi. Kapwa pagod na pagod ang katawan at isip ko at halos sumuko na ang katawan ko, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas para malampasan ko ang kalupitan ng mga diyablong ito. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Pinuno ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos. Kahit ano pang pagpapahirap ang gawin sa akin ng mga pulis, hindi nila kayang kontrolin ang puso ko. Hanggat nabubuhay ako at humihinga, maninindigan ako sa patotoo ko para ipahiya si Satanas. Kalaunan, inilabas ng isa sa mga pulis ang isang pahayag na lumalapastangan sa Diyos at inutusan akong pirmahan iyon ng pangalan ko. Nang hindi ko pinirmahan, ilang beses nila akong sinampal sa mukha at marahas na sinigawan, “Isang piraso ka lang ng karne sa tadtaran, at pwede ka naming tadtarin kung paano namin gusto. Sa bawat araw na hindi mo ipinipirma ang pangalan mo at hindi sinasabi ang gusto naming malaman ay isa pang araw na malilintikan ka sa amin. May labingwalong iba’t ibang paraan kami ng pagpapahirap dito para sa ‘malaya mong kasiyahan.’ Puwede ka naming patayin at walang sinumang makakaalam!” Pagkatapos sabihin ito, sinimulan nila akong sipain at suntukin. Binugbog nila ako nang mahigit 10 minuto—nahilo ako, namaga ang mukha ko, kumikirot ang ulo ko, may malakas na pag-ugong sa mga tainga ko, at dumaloy ang dugo mula sa bibig ko. Napakasakit ng mukha ko na parang may nagsaboy ng asin sa sariwang sugat na dala ng pagkapaso. Nag-aalala ako na kung ipagpapatuloy nila ang ganoong pambubugbog sa akin, tiyak na mamamatay ako. Nang mga sandalling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang buhay at kamatayan ko ay nasa mga kamay ng Diyos at kung wala Siyang pahintulot, hindi puwedeng kunin ni Satanas ang buhay ko. Kahit pa pahirapan ako hanggang mamatay, mangyayari iyon nang may pahintulot ng Diyos. Handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at panindigan ang patotoo ko para mapalugod Siya kahit pa ikamatay ko ito.

Pagkatapos noon, walang tigil nila akong tinakot at pinilit na pirmahan ang isang pahayag na lumalapastangan sa Diyos. Nang hindi ko ito pinirmahan, pinilit nila akong maupo nang naka-squat habang hinahampas nila ng metal na pamalo ang mga binti at likod ko. Sa isa pang pagkakataon, hinampas ako ng isang pulis nang sobrang lakas sa likod na para bang may nabali at bigla akong napasigaw. Pagkatapos ay sinindihan niya ang isang sigarilyo at ibinuga ang usok sa mga mata ko habang pinipilit akong padilatin. Nakaramdam ako ng hapdi sa mga mata ko at tumulo ang luha at uhog mula sa mga mata at ilong ko. Hindi ko mapigilan ang pag-ubo dahil sa usok at sinubukan kong iiwas palayo ang ulo ko, pero hinawakan ako ng pulis sa buhok para hindi ko maigalaw ang ulo ko at nagpatuloy siya sa pagbuga ng usok. Habang tumatawa siya na parang baliw, sinabi niya, “Nagugustuhan mo ba iyan? Kung hindi mo na kaya, pirmahan mo na lang ang papel at sabihin sa amin ang nalalaman mo. Kung hindi ka magsasalita, mas lalo kang mahihirapan. Bibili ulit ako bukas ng isa pang kaha ng sigarilyo at pauusukan ka ulit.” Pagkaubos ng sigarilyo, basang-basa na ng pawis ang damit ko. Pagkatapos ay pinilit ako ng pulis na mag-squat na naman, pero pagod na pagod na ako, nanginginig na ang buong katawan ko at hinang-hina na ako na pakiramdam ko ay babagsak na ako anumang sandali. Patuloy nila akong pinahirapan sa ganitong paraan nang dalawa pang oras. Kalaunan, binugahan nila ako ng usok sa mukha gamit ang dalawa pang sigarilyo—nahirapan ako nang husto, may naramdaman akong matinding sakit sa dibdib at tiyan ko at nanigas at bumaluktot ang mga daliri ko. Hinawakan nila ang kamay ko at pilit na pinapipirmahan sa akin ang dokumento, pero tahimik akong nagdasal sa Diyos at hindi ko hinayaang mapagalaw nila ang kamay ko kahit isang pulgada. Sa huli, hindi ko pinirmahan ang dokumentong lumalapastangan sa Diyos, pero hindi pa rin tapos ang mga pulis sa akin—para pilitin akong pumirma, hinablot ng isa sa mga pulis ang buhok ko at inuntog ang ulo ko sa pader, na nag-iwan ng malaki at namamagang bukol sa ulo ko. Pagkatapos noon, sinuntok niya ako nang malakas sa mukha, sinipa niya ako sa mga binti at tiyan, na nagpahilo sa akin at nagpamanhid sa buo kong katawan. Nang mapagod na ang pulis sa pambubugbog sa akin, kinuha niya ang isang de-kuryenteng batuta at sinimulan akong kuryentehin sa mukha, dibdib, at iba pang bahagi ng katawan ko. Pakiramdam ko ay tinutusok ako ng mga karayom sa buong katawan. Patuloy akong nagdasal sa Diyos, hinihiling na punuin Niya ako ng pananalig at lakas para manatiling matatag. Habang kinukuryente niya ako, marahas na nagbanta ang pulis, “Pahihirapan kita hanggang magkaroon ka ng pinsala sa loob ng katawan. Paglabas mo rito, puno ka na ng sakit at mamamatay ka nang dahan-dahan!” Habang lalo pang nagsasalita ang mga pulis na ito, mas lalo ko silang kinamumuhian. Naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang maharlikang hukuman nito sa lupa? Paano nito matatanggap nang maluwag ang nakahihigit na kapangyarihan Niya? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa siya o iiyak, at talagang mahirap itong banggitin. Hindi ba ito ang diwa nito? May pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin ito na di-kapani-paniwala ang kagandahan nito. Ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen! Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malupit na hayop sa parang, napakapangit, at wala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong banal. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7). Ang CCP ay ang diyablong namumuhi at lumalaban sa Diyos. Habang mas lalo nila akong pinahihirapan, mas lalo kong nakikita nang malinaw kung gaano talaga sila kapangit at kakasuklam-suklam. Kinamuhian ko sila nang buong pagkatao ko, naghimagsik ako laban sa kanila at lalo akong naudyukang sumunod at magbigay-lugod sa Diyos. Pagkatapos noon, sinubukan ulit akong takutin ng pulis sa pagsasabing, “Kahit hindi ka magsalita, mahahatulan ka pa rin at makukulong nang mahigit sampung taon!” Galit na galit ako at naisip ko, “Kung kailangan kong makulong, hahayaan ko iyon. Kahit gaano pa kahaba ang ipataw sa akin na sentensiya, hinding-hindi ako susuko sa inyong mga diyablo!” Sa huli, wala silang nakuhang anumang impormasyon sa akin at, noong Hulyo ng 2014, pinaratangan nila ako ng gawa-gawang kaso ng “paggamit ng isang organisasyong kulto para mapahina ang pagpapatupad ng batas” at sinentensiyahan ako ng apat na taong pagkakakulong.

Sa pagbabalik-tanaw sa dalawang beses kong pagkaaresto at pagkakakulong, gumamit ang CCP ng iba’t ibang paraan para maipagkanulo ko ang Diyos, kasama na ang malulupit na pambubugbog, pananakot, pangbre-brainwash, at pamamahiya. Sa bawat isa sa mga pagsubok na ito, kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos at sa pananalig at lakas na naitanim sa akin sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, matagal na akong namatay dahil sa pagpapahirap ng mga pulis. Sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito, personal kong naranasan ang pag-ibig ng Diyos at nasaksihan ko ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin sa pagdaan ko sa mga pighating ito. Kahit gaano pa ako usigin ng CCP, patuloy akong susunod sa Diyos at gagawa ng tungkulin ko para masuklian ko ang Kanyang pag-ibig.

Sinundan: 66. Hindi na Ako Mapanghamak sa Aking Katuwang

Sumunod: 68. Ang Sakit na Dala ng Reputasyon at Katayuan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito