5. Ang Pagganap ng Tungkulin ay Imposible Kung Walang Pagkamatapat

Ni Mu Yu, USA

Ako ang namamahala sa pagdidilig ng mga baguhan sa iglesia. Ang ilang bagong mananampalataya ay hindi pa gaanong matagal sumali, at nakita ko na ilan sa kanila ay hindi gaanong nagsasalita sa mga pagtitipon at hindi regular na pumupunta. Pumupunta lang sila ‘pag gusto nila. Nang isa-isa akong nakipagbahaginan, gusto nilang pag-usapan kung paano kumita ng pera, kung paano makaipon ng yaman ng pamilya, pero sa sandaling babanggitin ang pananampalataya, natatahimik sila at nakakahanap ng dahilan para ibaba ang telepono. Pakiramdam ko’y hindi sila interesado sa katotohanan at parang hindi sila tunay na mananampalataya. Pero hindi ako lubos na nakatitiyak dahil bago pa lamang sila sa pananampalataya, kaya patuloy akong sumuporta sa kanila. Gano’n pa rin sila makalipas ang ilang panahon at unti-unting tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon. Saka ko lang sinabi sa lider ang mga sitwasyon nila. Tinanong niya ako, “Paano mo sila dinidiligan? Normal naman silang dumadalo sa mga pagtitipon noong dinidiligan sila ng iba. Bakit nangyari ‘to nang ikaw na ang may hawak? Talaga bang natupad mo ang iyong mga responsibilidad at malinaw na nakipagbahaginan? Kung hindi natin tutuparin ang ating mga responsibilidad dahil maluwag tayo sa ating tungkulin, at kaya hindi nagtitipon nang maayos ang mga baguhan, pananagutan natin lahat ‘yon.” Alam kong sinasabi niya iyon dahil sa responsibilidad niya sa gawain, pero iniisip ko pa rin sa sarili ko na lahat ay pwedeng magbago, at ang pakikipagtipon nang maayos noon ay hindi nangangahulugang patuloy nilang gagawin iyon. Isa pa, noong una ko silang makilala, hindi sila regular na nakikipagtipon, kaya hindi ito biglaang pagbabago. Gusto ko lang silang diligan sandali at tingnan, kaya hindi ko agad sinabi sa kanya. Kung papanagutin niya ako para doon, papasanin ko ang mga konsikuwensya. Maaari akong tabasan at iwasto, o tanggalin pa nga. Kung nalaman ko lang ‘yon noon, kinausap ko sana siya nang mas maaga para hindi ako lubos na managot para dito sa huli. Sa mga pakikipag-ugnayan ko sa mga baguhan pagkatapos n’on, hindi ko maiwasang manatiling nakabantay. Kapag may nakikita akong baguhan na may problema o hindi pumupunta sa mga pagtitipon, nagmamadali kong sabihin sa lider. Minsan tinatanong ako ng lider kung ano ang ibig kong sabihin, kung binabalak kong ihinto ang pagdidilig sa kanila. Sinasabi ko, “Hindi. Ikaw ang lider, kaya gusto kong malaman mo kung ano ang nangyayari sa kanila.” Wala na siyang sinasabi pa pagkatapos kong sabihin ‘yon. Kung minsan pagkatapos kong sabihin sa kanya ang tungkol dito, hinihiling niya sa akin na patuloy silang diligan sa maikling panahon, at kung ayaw talaga nilang makipagtipon, hindi na sila mapipilit, at kailangan naming bitawan sila. Lubos akong sumasang-ayon, at naiisip ko, alam ng lider ang sitwasyon ng bagong mananampalataya, kaya kailangan ko lang sumuporta. Ang pagbabalik sa kanila sa pamamagitan ng suporta ay mas mabuti, at kung hindi ko magagawa ‘yon, kung ayaw nang makipagtipon ng baguhan, hindi iisipin ng lider na masyadong biglaan ito at sasabihing iresponsable ako sa aking tungkulin. Sa isiping ‘yon, tumigil ako sa pagiging maasikaso sa tungkulin ko. Araw-araw, dinidiligan ko lang ang mga baguhan nang wala sa loob. Kapag tinatawagan ko sila, kung sumasagot sila, nagbabahagi ako nang kaunti, pero sumusuko ako ‘pag hindi. Inisip ko na wala akong magagawa kung hindi sila sumagot, at hindi ko inisip kung paano lulutasin ang kanilang mga isyu. Sa isang pagtitipon kalaunan, sinabi ng lider na kapag nagtatanong tungkol sa gawain ng pagdidilig mula noon, hindi lang siya makikinig sa sinasabi ng mga tagapagdilig tungkol sa mga sitwasyon ng mga baguhan, kundi aalamin niya kung anong mga aspeto ng katotohanan ang ibinahagi sa kanila ng tagapagdilig at partikular na kung paano sila sinuportahan nito, tapos gagamitin niya ‘yon para ikonsidera kung gumagawa ba ng tunay na gawain ang tagapagdilig. Kung hindi nito isinapuso ang pakikipagbahaginan sa mga bagong mananampalataya, at nagsanhi para hindi regular na dumalo sa mga pagtitipon ang mga bagong mananampalataya o kaya’y umatras, responsibilidad ‘yon ng tagapagdilig. Nang sabihin niya iyon, napagtanto ko na noong nakipagbahaginan ako sa mga baguhan, hindi ako nagtala ng mga salita ng Diyos na nabasa ko o kung anong mga katotohanan ang ibinahagi ko. Kung tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon ang isang bagong mananampalataya, wala akong anumang patunay. Napaisip ako kung iisipin ng lider na hindi ako gumawa ng praktikal na gawain, na iresponsable ako sa pagdidilig, at pagkatapos ay tatabasan at iwawasto ako. Kaya sinimulan kong bigyang-pansin ang mga mensahe at salita ng Diyos na ipinapadala ko sa mga bagong mananampalataya at itinatala kung tungkol saan ang pagbabahaginan namin. Minsan nagpapadala ako ng mensahe na hindi nila sinasagot, pero hindi ko na masyadong iniisip ito. Naisip ko na ipinadala ko na sa kanila ang lahat ng salita ng Diyos na dapat kong ipadala at nagbahagi tungkol sa kung anong kailangan kong ibahagi. Kung tumigil sa pagpunta sa mga pagtitipon ang isang bagong mananampalataya, makikita ng lider ang mga tala ng kung ano ang nagawa ko at malamang hindi niya ako tatawaging iresponsable.

Makalipas ang ilang panahon, napansin ng lider na ilan sa aking mga bagong mananampalataya ay ayaw pa ring makipagtipon, at tinanong kung paano ko sila diniligan. Agad kong inilabas ang lahat ng talaan ko para ipakita sa kanya, iniisip na, sa kabutihang palad, nakapaghanda ako nang maaga at itinago ang mga rekord na ito. Kung hindi, wala akong anumang katibayan, at sino ang nakakaalam kung paano niya ako pagsasabihan. Kung kailan lubos na akong nasisiyahan, sinabi ng lider, “Wala akong nakikitang anumang problema mula sa mga talang ito, pero ilan ang sunud-sunod na huminto sa pagdalo, kaya tiyak na may isyu sa trabaho mo. Sa ngayon ay hindi ko makita kung ano iyon, pero sa ating mga interaksyon kamakailan, palagi mong ikinukwento ang mga problema ng mga bagong mananampalataya. Hindi talaga normal ‘yon. Kailangan mong magnilay-nilay kung nasa’n ang problema. Kung hindi ka naging maingat at hindi mo sila nadiligan nang maayos, dahilan kaya umaatras sa pananalig ang mga bagong mananampalataya, pagiging iresponsable ‘yan, hindi paggawa nang maayos sa ‘yong tungkulin.” Talagang tinamaan ako sa sinabi niya, at natigilan ako. Akala ko hindi niya ako papagalitan, pero sinabi niyang may problema sa trabaho ko at sinabihan akong pagnilayan ang sarili. Nagulat ako. Naisip ko, “Ito ba talaga ang problema ko?” Nabalisa ako sa isiping ito, at natakot ako na kung ang mga isyu ko ang dahilan kaya umatras ang mga baguhan, iyon ay paggawa ng kasamaan. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ang hindi inaasahang pagsasabi nito sa’kin ng lider ngayong araw ay may pahintulot Mo, kaya siguradong may aral akong dapat matutunan. Ayaw ko pong mapinsala ang mga bagong mananampalataya dahil sa mga isyu ko, pero napakamanhid ko, at hindi ko alam kung nasaan ang problema ko. Pakiusap bigyang-liwanag Mo po ako para makilala ang sarili ko at magbago.”

Sa mga sumunod na araw, nanalangin ako nang husto sa Diyos tungkol dito. Tapos isang araw, may nabasa akong sanaysay ng patotoo na may sipi ng mga salita ng Diyos na pumukaw sa akin. “Dapat mong suriin nang maigi ang iyong sarili para makita kung ikaw ay taong nasa tama. Ginagawa mo ba ang mga mithiin at layunin mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga iniisip at palagay. Hindi ka ba nakokonsensya? Nagbabalatkayo ka at mahinahon kang umaasta na may pagmamagaling; ginagawa mo ito para ipagsanggalang ang sarili mo. Ginagawa mo ito para ikubli ang iyong kasamaan, at naghahanap ka pa nga ng mga paraan upang itulak ang kasamaang iyan sa iba. Anong kataksilan ang nananahan sa puso mo!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Ipinakikita ng mga salita ng Diyos na upang protektahan ang kanilang sariling mga interes at pagtakpan ang kanilang kasamaan, gumagawa ang mga tao ng kasinungalingan at nagpapanggap para ipasa ang responsibilidad sa iba upang maprotektahan nila ang sarili nila. Isa itong pagpapahayag ng katusuhan. Pakiramdam ko’y inilantad nito ang mismong kalagayan ko, at kailangan kong magsimulang pagnilayan ang sarili ko. Bakit palagi kong sinasabi sa lider ang tungkol sa mga problema ng mga bagong mananampalataya? Sa tuwing may nakikita akong may mga problema o hindi pumupunta sa mga pagtitipon, nagmamadali kong sabihin sa lider. Mukhang ibinabahagi ko lang ang mga katunayan, pero ang totoo’y mayro’n akong sariling personal na mga motibo. Natakot ako na kung may huminto sa pagdalo, papapanagutin ako ng lider o tatanggalin pa ako, kaya mabilis akong kumilos nang maaga, na ibahagi muna ang kanyang mga problema para bigyan ang lider ng maling impresyon na hindi mabuti ang bagong mananampalataya, at hindi ako ang responsable. Kung hindi ko siya sapat na masuportahan at tumigil siya sa pagdalo, problema na niya iyon. Sa gano’ng paraan, magiging ganap na malinis ang mga kamay ko. Kung kaulanan ay gusto niyang pumunta muli sa mga pagtitipon, iisipin ng mga tao na karapat-dapat akong bigyan ng papuri. Nagulat ako nang makita ito sa pagninilay ko sa sarili. Hindi ko kailanman inakala na mayro’n akong napakasama, kasuklam-suklam na mga motibo sa likod ng mga salita ko. Napakatuso ko!

Nagtaka ako kung paano ko nagagawa ang isang bagay na lubos na hindi matapat at mapanlinlang nang hindi man lang namamalayan ito. Habang pinagninilayan ko ito, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa wakas naintindihan ko nang kaunti ang sarili ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang kasamaan ng mga anticristo ay mayroong isang pangunahing katangian—ibabahagi Ko sa inyo ang sikreto kung paano ito makikilala. Ito ang sikreto—una, sa kanila mang salita o sa kanilang mga gawa, sila ay hindi mo maarok; hindi mo sila mabasa. Kapag kinakausap ka nila, malikot ang kanilang mga mata, at hindi mo masabi kung anong klaseng pakana ang binubuo nila. Kung minsan ay ipinaparamdam nila sa iyo na ‘matapat’ sila o higit na ‘taimtim,’ ngunit hindi ito ang kaso, hinding-hindi mo sila mahahalata. Mayroon kang partikular na pakiramdam sa iyong puso, isang pakiramdam na mayroong malalim na katusuhan sa kanilang mga saloobin, isang di-maarok na kalaliman. Mukha silang kakaiba at misteryoso(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). “Madaya ang pag-uugali ng mga anticristo. Paano sila naging madaya? Lagi silang kumikilos sa paraang nakasalalay sa panlilinlang, at ang kanilang mga salita ay walang katuturan, kaya nahihirapan ang mga tao na maarok ang kanilang mga layunin at mithiin. Pandaraya iyon. Hindi sila nakakapagdesisyon agad sa anumang ginagawa nila; hinahayaan nilang maramdaman ng kanilang mga nasasakupan at tagapakinig ang kanilang intensyon, at ang mga taong iyon, matapos maunawaan ang anticristo, ay kumikilos ayon sa kanilang plano at mga motibasyon at isinasagawa ang kanilang mga utos. Kapag natapos ang isang gawain, masaya na ang anticristo. Kung hindi pa, walang sinumang makakahanap ng anumang laban sa kanya, o makakaarok sa mga motibasyon, layunin, o mithiin sa likod ng ginagawa niya. Ang pagiging madaya ng kanyang ginagawa ay nasa mga tagong pakana at mga lihim na mithiin, na pawang para linlangin, paglaruan, at kontrolin ang lahat ng iba pa. Ito ang diwa ng madayang pag-uugali. Ang pagiging madaya ay hindi simpleng pagsisinungaling; sa halip, ito ay isang bagay na hindi maarok ng mga ordinaryong tao. Hindi ito katulad ng karaniwang pagsisinungaling o masasamang gawa. Kung may nagawa kang isang bagay na ayaw mong malaman ng sinuman, o nagsinungaling ka, maituturing bang pagiging madaya iyon? (Hindi.) Pagiging mapanlinlang lamang iyon, at hindi umaabot sa antas ng pagiging madaya. Paano naging mas matindi ang pagiging madaya kaysa sa pagiging mapanlinlang? (Hindi ito nahahalata ng mga tao.) Nahihirapan ang mga tao na mahalata ito. Isang bahagi nito iyon. Ano pa? (Walang masasabing masama ang mga tao laban sa isang madayang tao.) Tama iyan. Mahirap kasi para sa mga tao na makakita ng anumang masamang masasabi laban sa kanya. Kahit alam ng ilang tao na nakagawa ang taong iyon ng masasamang gawa, hindi nila matukoy kung siya ba ay isang mabuting tao o masamang tao, o isang anticristo. Hindi siya nahahalata ng mga tao, kundi iniisip nila na mabuting tao siya, at maaari niya silang malinlang. Pagiging madaya iyon. Ang mga tao ay karaniwang mahilig magsinungaling at magplano ng mga munting pakana. Pagiging mapanlinlang lamang iyon. Ngunit mas nakakatakot ang mga anticristo kaysa sa mga karaniwang mapanlinlang na tao. Para silang mga hari ng mga diyablo; walang sinumang makaarok sa ginagawa nila, at kaya nilang gumawa ng maraming masamang bagay sa ngalan ng katarungan, at pinupuri sila ng mga tao, samantalang ang totoo, binibitag at pinipinsala nila ang mga tao. Ito ay tinatawag na pagiging madaya(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem: Sila ay Kumikilos sa Mapanlinlang na mga Paraan, Sila ay Wala sa Katwiran at mga Diktador, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay may masamang disposisyon at ginagawa ang mga bagay sa mapanlinlang na paraan. Iba ito sa pagpapakita ng katiwalian ng katusuhan. Ang pagiging tuso ay nangangahulugang malinaw na pagsisinungaling at panlilinlang, at madali itong makita. Ang mapanlinlang na paggawa ng mga bagay ay nangangahulugan na malalim na tinatago ng isang tao ang kanyang mga motibo, pakay at layunin at lumilikha ng maling impresyon sa iba para wala silang makitang anumang problema sa mga sinasabi at ginagawa niya. Kahit na pakiramdam nila’y may problema, wala silang anumang mahanap laban sa kanya o hindi ito maintindihan. Gano’n niya naililigaw ang iba at nakakamit ang kanyang lihim na mga motibo. Inihambing ko ang sarili ko sa sinasabi ng mga salita ng Diyos. Mukhang mabilis at maagap akong nakipag-usap sa lider tungkol sa mga bagong mananampalataya, binibigyan siya ng maling impresyon na nagdadala ako ng pasanin sa tungkulin ko at masayang tinatanggap ang pangangasiwa niya. Pero ang totoo, ginagamit ko ‘yon bilang panghadlang sa lider para magkaroon siya ng negatibong impresyon sa mga bagong mananampalataya na hindi regular na dumadalo. Sa ganoong paraan, kung balang araw ay tumigil sila sa pagpunta, hindi niya ako papapanagutin. Isa pa, nang humingi ang lider ng mga detalye sa gawain ko, kung titingnan, parang walang isyu sa pagbabahaging ibinigay ko sa kanila, na aktibo akong nagtatakda ng mga oras sa pakikipagbahaginan at nagpapadala sa kanila ng mga salita ng Diyos para isipin ng lider na masipag at mapagmahal ako sa kanila. Ang totoo ay hindi ako taos-puso sa pakikipagbahaginan ko sa mga bagong mananampalataya. Dahil susuriin ng lider ang mga talaan ng trabaho at natakot ako na hindi ko iyon masasagot kung tatanungin niya ako kung paano ko sila sinuportahan, wala akong mapagpilian kundi iraos lang ang gawain para makapaghatid ako ng ulat sa kanya. Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng ito, upang protektahan ang imahe ko sa mata ng lider, para hindi managot, para maingatan ang aking katayuan at kinabukasan, gumamit ako ng lahat ng uri ng panlilinlang. Itinatago ko ang mga layunin ko kapag nagsasalita ako at maingat na ginagawa ang mga bagay sa partikular na paraan. Malinaw na wala ang puso ko sa aking tungkulin, dahilan kaya huminto sa regular na pakikipagtipon ang ilang baguhan. Naramdaman din ng lider na may mga problema sa tungkulin ko, pero hindi alam kung ano ang mga iyon at wala siyang mahanap na anumang ebidensya para papanagutin ako. Masyado akong mapanlinlang. Kahit kailan hindi ko naintindihan ang ugnayan sa pagitan ng pag-uugali ko at paggawa ng mga bagay sa isang mapanlinlang na paraan bago ito. Sa tingin ko palagi, ang mga taong mautak, mapagkalkula, at mapanlinlang ay karaniwang matatanda na may maraming karanasan. Pero bata pa ako, walang gaanong karanasan o masalimuot na pag-iisip. Parang hindi tamang tawaging mapanlinlang ang pag-uugali ko. Pero ibinunyag sa’kin ng mga katunayan na mayro’n akong masamang anticristong disposisyon, at ang pagiging mapanlinlang ay walang kinalaman sa edad. Ito’y ganap na nagmumula sa isang satanikong kalikasan. Tapos, may isa pang biglang pumasok sa isip ko. May isang bagong mananampalataya na nagtanong ng maraming katanungan at nagsalita nang prangka. Kung hindi niya naiintindihan ang pagbabahagi ko, direkta niya akong kinokontra sa mga pagtitipon, na nakakahiya para sa akin. Ayaw ko nang magkaro’n ng mga pagtitipon kasama siya para maprotektahan ko ang aking reputasyon, pero hindi ako nangahas na tahasang sabihin iyon, natatakot na iwawasto ako ng lider. Gusto kong maghanap ng paraan para ipasa siya sa ibang tagapagdilig. Minsan, ang bagong mananampalatayang iyon ay kaswal na binanggit na ang kasalukuyang grupo niya ay mas maliit kaysa sa dati niyang grupo. Ginamit ko iyon na dahilan para sabihin sa lider na hindi niya gusto kung gaano kaliit ang pagtitipon namin, na gusto niya ng mas malalaking grupo at hiniling sa lider na ilagay siya sa iba. Agad na isinaayos ng lider na dumalo siya sa ibang grupo. Ganito ko matagumpay na napagtakpan ang aking kahiya-hiya’t kasuklam-suklam na motibo at itinulak ang bagong mananampalatayang ito paalis ng grupo ko. Napagkamalan pa nga ng lider na may pasanin ako sa tungkulin ko at inaalala ang baguhan. Napakasama ko at mapanlinlang!

Kalaunan, kumain at uminom ako ng marami pang salita ng Diyos tungkol sa kalagayan ko. “Sinasabi Ko sa inyo: Ang pinakakinasusuklaman at nais talikdan ng Diyos ay ang ganitong klase ng tao na matigas ang ulo, na alam na alam naman ang kanyang mga pagkakamali ngunit hindi nagsisisi. Hindi niya kailanman inaamin ang kanyang mga pagkakamali at lagi siyang naghahanap ng mga dahilan at pangangatwiran para makalusot at maipagtanggol ang kanyang sarili, at nais niyang gumamit ng ibang mga paraan para mas makaiwas at manlinlang ng mga tao. Nais niyang gumawa ng sunud-sunod na pagkakamali, at hindi niya iniisip na pagsisihan o aminin ang kanyang mga pagkakamali. Medyo nakakainis ang ganitong klaseng tao, at mahihirapan siyang maligtas, ang mismong klase ng tao na nais talikdan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Habang pinag-iisipan ito, napagtanto ko na kahit anong mangyari, ang susi ay tanggapin ang katotohanan. Kung nagkakamali ang isang tao sa kanyang tungkulin na hindi niya inaamin, at hindi niya tinatanggap ang matabasan at maiwasto, kundi nangangatwiran at naghahanap ng mga rason para ipagtanggol ang sarili at nanlalansi pa para pagtakpan ang kanyang pagkakamali, ibig sabihin hindi niya tinatanggap ni katiting ang katotohanan. Kasuklam-suklam siya para sa Diyos at kung hindi siya magsisisi, pababayaan at palalayasin siya. Nakagawa ako ng gawaing kasinghalaga ng pagdidilig ng mga bagong mananampalataya at dapat ko silang suportahan at tulungan nang may pagmamahal at pasensya, malinaw na magbahagi sa mga katotohanan ng mga pangitain at tulungan silang mabilis na magtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Alam na alam ko na ang ilang bagong mananampalataya ay hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon at mayro’n akong responsibilidad na hindi ko maitatanggi. Pero nang tanungin ako ng lider at iwasto ako, bukod sa hindi ko ito naintindihan mula sa Diyos o tinanggap ang pagpuna ng lider, na mag-isip ng paraan para masuportahan kaagad ang mga bagong mananampalataya, nagsimula pa akong manlansi, gumagamit ng mas tuso at mapanlinlang na mga taktika para itago ang katunayan na hindi ko ginagawa nang maayos ang aking tungkulin. Pinanatili kong walang alam ang lider para wala siyang mahanap na anuman laban sa akin. Nasiyahan ako sa sarili nang makalusot ako gamit ang mga panlalansi ko, lihim na nagsasaya sa aking katusuhan. Hindi ko naisip na malinaw na nakikita ng Diyos ang aking mga kasuklam-suklam na paraan at mabababaw na panlalansi—hindi ko maitatago ang mga ito. Ang mga problema sa tungkulin ko ay tiyak na malalantad. Kung hindi ako binalaan ng lider, hindi ko sana malalaman kung paano pagnilayan ang sarili ko, lalo na ang naising magsisi. Naging manhid talaga ako. Hindi ko tinanggap ang katotohanan o ibinuod at binago ang mga pagkakamali sa gawain ko. Sa halip, inisip ko lang kung paano linlangin ang lider para protektahan ang reputasyon, katayuan, at kinabukasan ko. Naging tuso at mapanlinlang ako para pagtakpan ang realidad na hindi ko ginagawa nang maayos ang tungkulin ko. Hindi ko isinapuso ang pagdidilig at pagtulong sa mga bagong mananampalataya sa kanilang mga paghihirap. Kaya, matagal na hindi nalutas ang mga problema ng ilang baguhan. Kahit ngayon, ang ilan sa kanila ay hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Ang talagang ikinatakot ko ay ayaw nang makipagtipon ng baguhan na ipinasa ko sa ibang grupo dahil sa biglaang pagbabago ng kanyang tagapagdilig. Matiyagang nakipagbahaginan sa kanya ang iba nang matagal bago siya pumayag na bumalik sa mga pagtitipon. Talagang nakakabalisa sa akin na isipin ang nagawa ko. Ginawa ng iba ang lahat ng kanilang makakaya para mapagbalik-loob ang mga tao, pero masyado akong maluwag sa paraan ko. Gumagawa ako ng kasamaan. Kung hindi dahil sa paghahayag ng mga salita ng Diyos na gumising sa manhid kong puso, hindi ko sana namalayan na nasa bingit na pala ako ng panganib. Ayaw kong patuloy na mamuhay ayon sa aking masamang anticristong disposisyon, kundi gusto kong lumayo sa masamang landas na iyon at magsisi sa Diyos.

Nang magkaroon ako ng kaunting kamalayan, tinanong ako ng lider kung kumusta ako kamakailan. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa aking mga pagninilay sa sarili at pagkatanto. Pinadalhan niya ako ng ilang salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Maraming aspeto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspeto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspeto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspeto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, opisyal na jargon, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat ng tao. Halimbawa, hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, at nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, at sinasabi mong, ‘Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon,’ samantalang ang totoo, alam mo sa puso mo na hindi ka naging masikap, subalit hindi mo sinabi ang totoo. Nakakahanap ka ng lahat ng klase ng mga dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsibilidad. Iyan ba ang ginagawa ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng nasa loob mo, ng layunin na nasa iyong kalooban, ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo ito kayang ilabas at suriin, hindi ito madadalisay—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat: ‘Medyo nagpapaliban ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabaya ako, pabasta-basta, at hindi nag-asikaso. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at ninanasa ko ang mga kaginhawahan ng laman. Kaya, hindi epektibo ang mga pagtatangka kong gawin ang aking tungkulin. Nagbabago na ang sitwasyon nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kasanayan, at isagawa nang maayos ang aking tungkulin.’ Pagsasalita ito nang taos-puso. Iyong isang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong maiwasto, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka ng mga tao, naghahanap ka ng lahat ng klase ng dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay ipinapasa mo sa iba ang responsibilidad, upang maiwasan mong maiwasto ka. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong totoo at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang matukoy at maipagkaiba ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging mabulaklak, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan o hindi nila magawang maging tapat, talagang palalayasin sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daan tungo sa pagiging matapat? Dapat kayong matutong magsalita ng katotohanan at magawang magbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Talagang nakakaantig para sa akin ang mabasa ang siping ito. Kilalang-kilala tayo ng Diyos. Alam Niyang lahat tayo ay magkakaproblema at magkakamali sa ating mga tungkulin. Hindi ito maiiwasan. Pero ang susi ay kung anong uri ng saloobin mayroon ang isang tao kapag dumarating ang mga problema, kung siya ba ay praktikal at matapat na inaamin ang kanyang pagkakamali, at pagkatapos ay itinatama ito, o kung ipinagtatanggol ba niya ang sarili, pinagtatakpan ang problema, at nagiging mapanlinlang. Noon, namuhay ako ayon sa aking satanikong disposisyon, tuso ako at mapanlinlang. Nasa maling landas ako at hindi ako pwedeng magpatuloy sa ganoong paraan. Gusto kong maging isang matapat na tao at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Anuman ang mga pagkakamali o problema na dumating sa tungkulin ko, o kung magtanong ang lider tungkol sa aking trabaho, kailangan ko itong harapin nang may integridad, nang may matapat na puso, hanapin ang katotohanan mula sa mga katunayan, at sabihin ang anumang nasa puso ko. Dapat akong magsalita nang direkta, at umamin kung wala akong nagawa, hindi magsabi ng anumang hindi totoo o ipagtanggol ang aking sarili. Isa pa, bukod sa pagsasalita nang matapat, gusto kong isagawa ang pagninilay sa mga motibo sa likod ng mga salita at kilos ko at baguhin ang mga ito kaagad kung hindi ito tama, hindi protektahan ang sarili kong mga interes at manlansi para iligaw ang mga tao. Tahimik akong nagpasya na tatahakin ko ang landas na iyon mula noon.

Isang araw, napansin ko na ang isang bagong mananampalataya ay hindi dumalo sa ilang magkakasunod na pagtitipon. Ilang beses ko siyang tinawagan at hindi siya sumasagot, at hindi rin siya tumutugon sa mga mensahe. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Hindi ko maiwasang mag-alala na hindi na siya pupunta sa mga pagtitipon at inisip ko kung dapat ko ba itong banggitin sa lider para kung huminto siya sa pagdalo balang araw, hindi ako papapanagutin ng lider. Nang maisip ko ‘yon, napagtanto ko na muling lumilitaw ang dati kong problema ng panlalansi. Tapos naalala ko ang ilang salita mula sa Diyos: “Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi nakagapos o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Tunay Lamang na Nagpapasakop sa Diyos ang May Pusong May Takot sa Kanya). Totoo ito. Nakikita ng Diyos ang ating mga puso. Marahil ay naloloko ko ang mga tao sa aking mga mapanlinlang na taktika, pero napakalinaw na nakikita ng Diyos ang lahat, at inilalantad Niya ang lahat sa huli. Ginagawa ko ang tungkulin ko sa harap ng Diyos, hindi nagtatrabaho para sa sinumang tao. Hindi ko kailangang manlansi at pagtakpan ang sarili ko. Tulad ng dati, ginawa ko ang lahat para suportahan ang ilang baguhan, pero kahit anong mangyari, hindi sila dumalo sa mga pagtitipon at hindi interesado sa pananampalataya at katotohanan. Nang malaman ng lider ang totoong sitwasyon, tinukoy niyang hindi sila tunay na mananampalataya kaya hindi niya ako pinanagot. Nakikita ko na may mga prinsipyo ang iglesia sa kung paano nito tinatrato ang mga tao, at patas ito sa lahat. Hindi ko kailangang manlansi para ipasa ang responsibilidad ko o magpakana ng malalabasan. Namuhay ako ayon sa aking satanikong disposisyon noon at hindi ko ginawa nang maayos ang aking tungkulin. Sa pagkakataong ito, hindi ako pwedeng maging pabaya. Kailangang maging mabuti ang mga layunin ko at tuparin ang aking mga responsibilidad. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, handang magbago at gawin ang lahat ng aking makakaya para tulungan at suportahan ang mga baguhan. Kung gagawin ko ang aking makakaya para tulungan at suportahan sila at magbahagi tungkol sa lahat ng katotohanan na dapat kong ibahagi pero may baguhan pa ring ayaw makipagtipon, pwede ko itong direktang harapin at matapat na sabihin sa lider. Sa sandaling binago ko ang saloobin ko at muling nakipag-ugnayan sa bagong mananampalatayang iyon, kamangha-manghang mabilis siyang sumagot, sinasabing abala siya sa trabaho kamakailan at talagang napagod, na dahilan kung bakit hindi siya dumadalo. Ginamit ko ang mga salita ng Diyos para makipagbahaginan at mula roon ay naunawaan niya ang kalooban ng Diyos, nakahanap ng landas ng pagsasagawa, at muling regular na dumalo. Mula noon, kapag may mga bagong mananampalataya na hindi laging pumupunta sa mga pagtitipon, ginagawa ko ang lahat para tumulong at sumuporta, at magbahagi sa mga salita ng Diyos. Taos-puso ko silang sinuportahan. Maraming bagong mananampalataya ang nagsimulang pumunta muli sa mga pagtitipon pagkatapos kong gawin iyon. Sa paggawa nito, nakaramdam ako ng kapayapaan at katiwasayan. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 4. Huwag Pagdudahan Iyong Mga Ginagamit Mo: Tama Ba Ito?

Sumunod: 7. Ang mga Salita ng Diyos ang Tangi Nating Batayan Para Tingnan ang Iba

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito