15. Ang mga Pagkagiliw ay Dapat Maprinsipyo
Noong bata pa ako, tinuruan ako ng mga magulang at guro ko na maging isang mabuting tao, at na maging mapagpasalamat, gaya nga ng kasabihan “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Kaya simula pagkabata, ito na ang prinsipyong sinusunod ko sa aking pag-asal at sa pagtrato ko sa ibang tao sa lipunan. Lalo na kapag ang iba ay mabait sa akin, ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para suklian nang doble ang kanilang kabutihan. Sa paglipas ng panahon, nakatanggap ako ng pagsang-ayon at papuri mula sa karamihan ng mga tao sa paligid ko, at inisip ng mga kamag-anak at kaibigan ko na mabait at tapat ako, kaya gusto nila ang makisalamuha sa akin at makasundo ko. Matapos manampalataya sa Diyos, nakisama ako sa mga kapatid ko sa parehong paraan. Naisip ko na nagiging mabuting tao ako na may konsensiya sa pagkilos sa ganitong paraan. Gayumpaman, sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga kaisipan ng tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, at hindi ang pamantayan kung paano tayo dapat kumilos at umasal.
Noong Setyembre 2018, natanggal ako bilang lider dahil sa kawalan ko ng kakayahan na gumawa ng tunay na gawain. Noong panahong iyon, napakanegatibo ko at mahina, pero pinadalhan ako ni Sister Leslie, na siyang responsable sa mga pangkalahatang usapin, ng maraming sipi ng salita ng Diyos para suportahan at tulungan ako, na sobrang kinaantig ng damdamin ko. Naramdaman kong bukod sa hindi ako hinamak ni Leslie, pinalakas din niya ang loob ko at tinulungan ako. Pagkatapos niyon, isinaayos ni Leslie na asikasuhin ko ang mga pangkalahatang usapin. Inalagaan niya ako nang mabuti, at karaniwan din siyang nagkukusa na tanungin ang mga saloobin at opinyon ko sa mga usapin tungkol sa tungkulin namin. Nang makita kong labis akong pinahahalagahan ni Leslie, lalo akong nakaramdam ng pasasalamat sa kanya. Kalaunan, nang siyasatin ng isang lider ng iglesia ang mga pagsusuri sa akin, may nabanggit ang mga kapatid na pawang maling pagkaunawa, pero pamilyar si Leslie sa konteksto ng pangyayari at nilinaw niya noon din ang mga katunayan tungkol sa akin. Dahil dito, mas lalo akong nakaramdam ng pasasalamat sa kanya, dahil naramdaman kong nagsalita siya para sa akin sa isang mahalagang sandali at iniligtas ang aking imahe. Kahit hindi ako nagsabi sa kanya ng mismong mga salita ng pasasalamat, palagi kong gustong makahanap ng pagkakataon para magpasalamat sa kanya.
Hindi nagtagal, tinanggal si Leslie dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, at napili ako bilang lider ng pangkat. Habang tinitingnan ko ang gawain niya, nalaman ko na madalas siyang wala sa sarili at makakalimutin. Tinanong ko siya nang malumanay, “Leslie, bakit masyado kang hindi maingat sa tungkulin mo?” Nang marinig niya ito, sa halip na pagnilayan ang sarili, sinabi niya, “Matanda na ako at mahina ang memorya ko.” Pagkatapos, nakita ng sister na kapareha ko na makakalimutin pa rin si Leslie sa tungkulin nito at ilang beses niya itong tinukoy rito, pero hindi pa rin ito nagbago. Gusto kong humanap ng magandang pagkakataon para kausapin si Leslie tungkol dito pero naalala ko na noong una akong natanggal, nasa masamang kalagayan ako, at tinulungan at inalalayan niya ako nang napakamahinahon. Ngayon, kakatanggal lang sa kanya, kaya kung ibubunyag ko ang mga problema niya ngayon, hindi ba niya iisipin na masyado akong nagiging malupit? Isa pa, kakatanggal lang sa kanya at masama ang kalagayan niya, kaya puwede namang palampasin kung wala siya sa sarili. Mas dapat kong tulungan siya nang buong pagmamahal at bigyan siya ng oras para magbago. Pagkatapos niyon, kapag may hindi ginagawa nang maayos si Leslie sa tungkulin niya, kami na lang ng kapareha ko ang gumagawa nito para sa kanya. Natakot akong may makakalimutan siya, kaya madalas ko siyang pinaaalalahanan, at madalas akong nakikipagbahaginan sa kanya at nagtatanong tungkol sa kalagayan niya. Pero hindi bumuti ang kalagayan niya. Sa ilang talakayan tungkol sa gawain, ang mga mungkahi niya ay hindi naaayon sa mga prinsipyo, at karamihan sa mga kapatid ay hindi sumasang-ayon, pero iginigiit pa rin niyang tama ang pananaw niya at pinipilit ang iba na tanggapin ito, kaya halos imposible nang ipagpatuloy ang mga talakayan. Gusto ko talagang paalalahanan siya, pero naiisip ko rin na katatanggal lamang sa kanya, at tiyak na miserable siya. Kung ilalantad ko ang mga problema niya ngayon, hindi ba’t parang pinapalala ko pa ang kalagayan niya? Kaya hinayaan ko na lang, umaasang matatanto niya ito nang mag-isa pagdating ng panahon. Hindi ko na siya pinaalalahanan pa, at sinubukan ko na lang siguraduhin na hindi siya gaanong kasali sa mga talakayan sa gawain. Pero sa halip na pagnilayan ang kanyang sarili, hindi man direkta ay sinisi niya ako sa pagsasabing hindi ako nakikinig sa mga opinyon niya. Nang makita kong hindi niya kilala ang sarili niya, nagpasya na akong tapatin siya, sinabi ko, “Leslie, masyado kang mapagmataas at mapagmagaling. Dapat mo talagang pagnilayan ang sarili mo.” Noong oras na iyon, nakita kong medyo natigilan siya, at bumaba ang boses niya. Nakonsensiya ako bigla. Sumobra na ba ako sa pagtrato sa kanya nang ganito? Pagkatapos ng lahat ng pagtulong niya sa akin noon, masyado ba akong nagiging malupit? Nagsimula akong sisihin ang sarili ko.
Pagkalipas ng ilang araw, nakita ng superbisor na madalas na kami ng kapareha ko ang gumagawa sa gawain ni Leslie, kaya tinanong niya kami kung kumusta si Leslie sa tungkulin niya. Nabalisa ako sa tanong na iyon. Kung matapat akong sasagot tungkol sa sitwasyon ni Leslie, baka matanggal siya. Nakagawa lang ako ng mga pangkalahatang usapin dahil isinaayos niya ito. Madalas ay maganda ang pakikitungo niya sa akin, at tinulungan niya ako sa napakahahalagang sandali. Kung matatanggal siya habang ako ang lider ng pangkat, sasama ba ang loob niya sa akin at sasabihin ba niyang wala akong konsensiya at na malupit ako? Para mapanatili ang gawain niya, nagbigay ako ng obhetibong salaysay tungkol sa mga pag-uugali niya, at idinagdag ko pa talaga na, “Ang mga pag-uugaling ito ay dahil sa kanyang masamang kalagayan pagkatapos matanggal kamakailan. Nagsisikap na siyang magbago.” Kalaunan, para hindi siya matanggal, sa ilang pagtitipon ay sinadya kong makipagbahaginan tungkol sa kanyang kalagayan para matulungan siya, pero patuloy lang niyang iniraraos ang gawain niya gaya ng lagi niyang ginagawa dati, at palaging may mga problema sa tungkulin niya. May isang beses pa nga na bumili siya ng mga hindi kinakailangang bagay nang hindi kumukonsulta kaninuman, at ang presyo ay mas mataas kaysa sa karaniwan. Noong oras na iyon, galit na galit ako, at gusto ko siyang pungusan, pero para mapreserba ang ugnayan namin, nagpigil ako. Hinimok ko na lang siya na huwag na itong uulitin, at na maging mas maingat sa tungkulin niya. Taimtim siyang sumang-ayon, kaya hindi na ako nagsalita pa tungkol dito. Noong panahong iyon, palaging sinasabi sa akin ng mga kapatid ang mga problema sa gawain ni Leslie. Gusto ko na talaga siyang sawayin at pungusan, pero kapag kaharap ko siya, hindi ko masabi ang mga gusto kong sabihin. Ilang beses nang nasa dulo na ng dila ko ang gusto kong sabihin, pero nilulunok ko na lang. Kalaunan, dumating ang superbisor para alamin kung kumusta si Leslie sa kanyang tungkulin. Sinuri niya at ng ibang mga kapatid sa grupo si Leslie batay sa mga prinsipyo, at natukoy nilang hindi angkop si Leslie na magpatuloy sa paggawa ng mga pangkalahatang usapin, at hinimok ako na tanggalin si Leslie sa lalong madaling panahon. Pero nang maisip ko na katatanggal lang kay Leslie bilang lider ng pangkat, at ngayon ay maitatalaga na naman siya sa ibang tungkulin—masyadong masakit ito! Matatanggap kaya niya ito? Sa sandaling iyon, naalala ko ang lahat ng pagkakataong tinulungan niya ako. Sa loob ng ilang araw, sa tuwing naiisip ko na tatanggalin siya, napipigilan at miserable ang nararamdaman ko. Sa loob ng ilang gabi, hindi ako mapakali, hindi makatulog. Masama ang loob ko na parang ako ang natanggal. Hindi ko mapigilang isipin, “Tinulungan niya ako noon, pero ngayon, kailangan ko siyang personal na tanggalin at ilantad ang pag-uugali niya. Iisipin ba niyang wala akong utang na loob at magagalit siya sa akin dahil dito?” Para maiwasang makonsensiya, gusto kong hayaan ang superbisor na makipagbahaginan kay Leslie, habang nasa likuran lang ako at hindi gaanong magsasalita, o kaya naman ay magdadahilan at hindi na talaga ako pupunta. Pero alam kong ang ganitong intensyon ay labis na kasuklam-suklam at kahiya-hiya, kaya pakiramdam ko ay naipit ako sa mahirap na kalagayan. Sa panlulumo, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, alam ko pong tama na tanggalin si Leslie, pero bakit po sobrang nahihirapan ako? O Diyos, ano po ang problema ko? Pakiusap, gabayan Mo po ako sa pagkilala sa sarili ko.”
Pagkatapos kong magdasal, pinagnilayan ko kung bakit hindi ako nahihirapan na tanggalin ang ibang tao, pero hindi ako makapagpasya pagdating sa pagtatanggal kay Lesie. Habang naghahanap ako, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “May lubhang madamdaming kalikasan ang ilang tao; araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa lahat ng paraan ng pag-akto nila sa iba, namumuhay sila ayon sa kanilang emosyon. Nakararamdam sila ng pagmamahal para sa taong ito at sa taong iyon, at araw-araw, pakiramdam nila ay obligado silang magbalik ng mga pabor at magbalik ng mga mabubuting damdamin; sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa, nabubuhay sila sa mundo ng emosyon. … Masasabi na ang mga emosyon ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Ang lahat ng ginagawa niya ay pinaghaharian ng kanyang mga emosyon, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan, o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na malamang na magrebelde sa Diyos. Mga emosyon ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kayang magdala sa kanya sa kapahamakan. Ang mga taong sobrang emosyonal ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o sundin ang Diyos. Sila’y abala sa laman, hangal at magulo ang pag-iisip, kalikasan nila ang magpahalaga sa mga damdamin. Namumuhay sila ayon sa kanilang mga emosyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). “Ano ang nagbibigay-katangian sa mga emosyon? Tiyak na walang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga pisikal na relasyon at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagdadahilan para sa iba, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga emosyon. Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga emosyon, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga emosyon; sa kanilang mga puso, alam na alam nilang mali ito, gayunpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhektibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging pinamumunuan ng emosyon ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito. Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga emosyon; itinuturing nila ang mga emosyon bilang napakahalaga, inuuna ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga emosyon, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga emosyon ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, sobrang pagprotekta, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, pagkiling; ito ang mga emosyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Realidad ng Katotohanan?). Pagkatapos ko lang basahin ang mga salita ng Diyos saka ko napagtanto na ang pagtanggal kay Leslie ay nagdudulot sa akin ng labis na pasakit at pagkabalisa dahil masyadong malakas ang mga damdamin ko sa kanya at palagi akong napipigilan ng mga ito. Naisip ko na dahil tinulungan ako ni Leslie at naging mabait siya sa akin noon, kailangan kong maging mapagpasalamat sa kanya. Nang makita kong iniraos lang niya ang kanyang tungkulin, inantala ang gawain, at tumanggi siyang magbago kahit na maraming beses na sa kanyang nakipagbahaginan, alam na alam kong dapat ko siyang pungusan, pero natakot akong masasaktan ang pride niya at magagalit siya sa akin, kaya mahinahon ko lang siyang kinausap tungkol dito at hindi na ako nagsalita pa. Mayroon siyang mga maling pananaw, ngunit iginiit niyang makinig at sumunod sa kanya ang mga tao, kaya ilang beses na nahinto ang mga talakayan sa gawain, at nagdulot ng pang-aabala. Sa buong panahong ito, hindi ko magawang ilantad siya o pungusan. Nang dumating ang superbisor para tanungin kung paano ni Leslie ginagawa ang kanyang tungkulin, nag-alala ako na matatanggal siya, kaya nagsinungaling ako at sinabing sinusubukan niyang magbago, umaasang malilito ang superbisor at hindi makagagawa ng tamang paghusga. Nang makita kong walang prinsipyo si Leslie sa kanyang tungkulin at sinayang niya ang pera ng iglesia, hindi ko siya sinaway, at sa halip ay pikit-matang ipinagtanggol at kinunsinti siya. Ngayon, kailangan ko siyang tanggalin at ilantad ang pag-uugali niya, pero gusto ko itong ipagawa na lang sa superbisor. Masyadong malakas ang mga damdamin ko, at wala akong anumang patotoo sa pagsasagawa ng katotohanan. Para maprotektahan si Leslie, at maiwasang magalit siya sa akin at tawagin niya akong walang utang na loob, patuloy ko siyang prinotektahan at pinagbigyan, nang walang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Namuhay ako batay sa mga mga damdamin ko, inalagaan ang kanyang laman, at prinotektahan ang personal kong ugnayan sa kanya. Naisip ko pa nga na ito ay buong pagmamahal na pagtulong sa kanya, na dulot ng pagkagiliw at katapatan, pero ang totoo ay sumusunod lang ako sa pilosopiya ng mga makamundong pakikitungo. Gusto kong tingnan niya ako nang positibo kahit na napipinsala nito ang mga interes ng iglesia. Lahat ng ginawa ko ay para sa sarili ko lamang. Napakasama ko at kasuklam-suklam! Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi. Kumikilos ako batay sa mga damdamin, na nakapinsala sa gawain ng iglesia at kaya kinapootan ako ng Diyos. Kung patuloy akong kikilos batay sa mga damdamin at hindi ko isasagawa ang katotohanan, balang araw ay ititiwalag ako.
Pagkatapos niyon, napaisip ako, “Bakit ko ginawa ang napakaraming bagay batay sa mga damdamin na sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo?” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga layunin ay malinaw na bahagi ng kalagayan ng mga tao, at isa sa pinakakaraniwan; sa karamihan ng mga bagay, may sariling mga iniisip at layunin ang mga tao. Kapag nagkakaroon ng gayong mga iniisip at layunin, iniisip ng mga tao na lehitimo ang mga iyon, ngunit kadalasan ay para sa sarili nilang kapakanan ang mga iyon, para sa sarili nilang kapalaluan at mga interes, o kaya naman ay para pagtakpan ang isang bagay, o para bigyang-kasiyahan ang kanilang sarili sa kung anong paraan. Sa gayong mga pagkakataon, kailangan mong suriin kung paano nabuo ang iyong layunin, kung ano ang nagsanhi nito. Halimbawa, hiniling sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gawin ang gawain ng iglesia na pag-aalis, at may isang indibidwal na matagal nang pabasta-basta sa kanyang tungkulin, laging naghahanap ng mga pagkakataon para magpabaya. Ayon sa prinsipyo, dapat alisin ang taong ito, ngunit maganda ang relasyon mo sa kanya. Kaya anong uri ng mga kaisipan at layunin ang papasok sa isipan mo? Paano ka magsasagawa? (Kikilos ayon sa sarili kong mga kagustuhan.) At ano ang nagsasanhi ng mga kagustuhang ito? Dahil ang taong ito ay naging mabuti sa iyo o nakagawa ng mga bagay para sa iyo, maganda ang tingin mo sa kanya, kung kaya sa pagkakataong ito ay nais mo siyang protektahan, at ipagtanggol. Hindi ba’t ito ang epekto ng mga damdamin? Nagiging emosyonal ka sa kanya, kung kaya ginagamit mo ang pamamaraan na ‘Samantalang may mga patakaran ang mga nakatataas na awtoridad, may mga panlaban na hakbang naman ang mga lokalidad.’ Nandaraya ka. Sa isang banda, sinasabi mo sa kanya na, ‘Kailangan mo pang magsikap nang kaunti kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Huwag kang maging pabasta-basta, kailangan mong magdanas ng kaunting hirap; tungkulin natin ito.’ Sa kabilang banda, tumutugon ka sa Itaas at sinasabi mong, ‘Nagbago na siya, mas epektibo na siya ngayon kapag gumaganap siya sa kanyang tungkulin.’ Ngunit ang nasa isip mo talaga ay, ‘Ito ay dahil hinikayat ko siya. Kung hindi ko iyon ginawa, magiging katulad pa rin siya ng dati.’ Sa iyong isipan, lagi mong iniisip na, ‘Naging mabait siya sa akin, hindi siya puwedeng paalisin!’ Anong kalagayan ito kapag gayon ang mga bagay na nasa layunin mo? Pinipinsala nito ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng pagpoprotekta sa personal na emosyonal na mga relasyon. Naaayon ba ang ganitong pagkilos sa mga katotohanang prinsipyo? At mayroon bang pagpapasakop sa paggawa mo nito? (Wala.) Walang pagpapasakop; may paglaban sa puso mo. Sa mga bagay na nangyayari sa iyo at sa gawaing dapat mong gawin, ang mga sarili mong ideya ay nagtataglay ng mga subhetibong panghuhusga, at may mga emosyonal na aspektong nakahalo rito. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay batay sa mga damdamin, subalit naniniwala ka pa rin na kumikilos ka nang walang kinikilingan, na binibigyan mo ang mga tao ng pagkakataong magsisi, at na tinutulungan mo sila nang may pagmamahal; kaya ginagawa mo ang nais mo, hindi ang sinasabi ng Diyos. Ang paggawa sa ganitong paraan ay nakababawas sa kalidad ng gawain, nakababawas sa pagiging epektibo nito, at nakapipinsala sa gawain ng iglesia—na pawang mga resulta ng pagkilos ayon sa mga damdamin. Kung hindi mo susuriin ang iyong sarili, matutukoy mo ba ang problema rito? Hindi kailanman. Maaaring alam mo na mali ang kumilos nang ganito, na kawalan ito ng pagpapasakop, ngunit pinag-iisipan mo ito at sinasabi mo sa sarili mo na, ‘Kailangan ko silang tulungan nang may pagmamahal, at pagkatapos silang matulungan at mas bumuti sila, hindi na sila kailangan pang paalisin. Hindi ba’t binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi? Mahal ng Diyos ang mga tao, kaya kailangan ko silang tulungan nang may pagmamahal, at kailangan kong gawin ang hinihingi ng Diyos.’ Matapos isipin ang mga bagay na ito, ginagawa mo ang mga bagay-bagay sa sarili mong paraan. Pagkatapos, gumagaan ang puso mo; nadarama mo na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa prosesong ito, nagsagawa ka ba ayon sa katotohanan, o kumilos ka ayon sa sarili mong mga kagustuhan at layunin? Ang iyong mga kilos ay lubos na ayon sa sarili mong mga kagustuhan at layunin. Sa buong proseso, ginamit mo ang diumano’y kabaitan at pagmamahal mo, gayon din ang mga damdamin at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, para lang maging maayos ang lahat, at sinubukan mong umiwas sa pagpapasya. Tila tinulungan mo ang taong ito nang may pagmamahal, ngunit sa puso mo ay pinipigilan ka talaga ng damdamin—at, sa takot na matuklasan ng Itaas, sinikap mong magpalakas sa Itaas at sa tao na ito sa pamamagitan ng kompromiso, upang walang mapasama na loob at matapos ang gawain—na katulad ng pagsubok ng mga walang pananampalataya na umiwas sa pagpapasya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos). Pagkatapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos ay saka ko lamang napagtanto kung bakit kahit alam kong may mga problema si Leslie, hindi ko pa rin siya inilantad, at prinotektahan ko pa rin siya. Ito ay dahil gusto kong tingnan niya ako nang positibo. Sa totoo lang, kontrolado ako ng ideya na “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Ginamit ko ang ideyang ito bilang prinsipyo sa pag-asal ko at sa pagtrato ko sa ibang tao sa lipunan. Naniwala ako na ang mga tao ay dapat maging mabait at tapat sa iba, kaya kung mabait sila sa akin, kailangan kong suklian ang kabaitang iyon nang doble. Kung hindi, magiging wala akong utang na loob, at kokondenahin at itataboy ako ng iba. Kaya, nang makita ko si Leslie na tinutulungan at inaalagaan ako, at nagsasalita para sa akin, pakiramdam ko ay kailangan ko siyang suklian. Nang makita ko si Leslie na patuloy na iniraraos lang ang kanyang tungkulin, mas gugustuhin ko pang labagin ang mga prinsipyo at pinsalain ang mga interes ng iglesia kaysa ilantad at pungusan siya. Ang mas malubha, nagpatuloy ako sa pikit-matang pag-aalay ng pagmamahal at pagbabahaginan para matulungan siya, at nagsinungaling at nilinlang ko ang superbisor para pagtakpan ang katunayan na iniraraos lang niya ang tungkulin niya at ginugulo ang gawain ng iglesia. Ginawa ko ito para lang isipin ng mga tao na isa akong mabuting tao na may utang na loob at mabait sa iba. Sa pamamagitan ng inilantad ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay nakita ko na ang mga ideya at pananaw na ito ay pawang para ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Namuhay ako ayon sa mga bagay na ito nang hindi nalalaman ang tama sa mali, at kumilos at umasal ako nang walang mga prinsipyo. Sa panlabas, ginagawa ko ang tungkulin ko, pero ang totoo, ginagawa ko ang mga bagay-bagay ayon sa sarili kong kalooban, nang walang anumang pagpapasakop sa Diyos. Hinadlangan ko pa nga ang gawain ng iglesia at nilabanan ko ang Diyos nang hindi ko namamalayan. Kung nananampalataya tayo sa Diyos, pero hindi natin isinasagawa ang katotohanan at namumuhay pa rin tayo ayon sa mga bagay na ito, gaano man kabuti ang ating panlabas na pag-uugali at gaano man natin nakakasundo nang maayos ang mga tao, sa mata ng Diyos, tayo ay isa pa ring taong lumalaban sa Diyos. Noon lamang ako nagtamo ng kaunting pagkakilala sa mga kakatwa at kasuklam-suklam na mga satanikong pananaw na ito. Nakita ko na ang lahat ng bagay na ito ay mula kay Satanas at sumasalungat sa katotohanan; lahat ng ito ay narumihan na ng mga interes at pagnanais ng tao, at lahat ng ito ay masama at pangit. Hindi dapat ito ang maging pamantayan ko sa pagkilos at pag-asal.
Pagkalipas ng ilang araw, nakita ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa kalikasan ng usaping ito. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi lang ito kabiguang sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, ito ay ayon sa mga pakana at pilosopiya sa pamumuhay ni Satanas na para bang ang mga ito ang katotohanan, at pagsunod at pagsasagawa ng mga iyon. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa isang satanikong pilosopiya, hindi ba? Ang paggawa nito ay nangangahulugan na hindi ka isang taong sumusunod sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Salbahe ka. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay sinusunod ang isang satanikong kasabihan at isinasagawa ito bilang katotohanan, ay pagtataksil sa katotohanan at sa Diyos! Nagtatrabaho ka sa sambahayan ng Diyos, pero kumikilos ka ayon sa satanikong pag-iisip at pilosopiya sa pamumuhay, anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong sumusuway sa Diyos at isang taong labis na hinihiya ang Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyan ang diwa nito? Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong lumaganap sa iglesia ang mga kamalian ni Satanas at ang mga satanikong pilosopiya sa pamumuhay. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at tinutulungan mong kumilos si Satanas sa iglesia. Malubha ang diwa ng problemang ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). Parang tumatagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Ang mga salitang gaya ng “isang hamak,” “pagkakanulo sa katotohanan,” “isang taong labis na nagpapahiya sa Diyos,” at “kasabwat ni Satanas” ay bumaon sa puso ko na parang matatalas na espada. Namuhay ako ayon sa mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura. Sa mata ng Diyos, hindi lang ito panandaliang pagkilos batay sa mga damdamin imbes na pagsasagawa ng katotohanan at pagpoprotekta sa mga interes ng iglesia, ito ay pagiging hindi tapat sa Diyos at sa aking tungkulin at pagtatatwa sa katotohanan, ipinapahiya at ipinagkakanulo ang Diyos. Napakalubha ng kalikasan nito! Nang mapagtanto ko ito, lalo akong nabalisa at natakot. Hindi ko alam na ang pag-asa sa satanikong mga kaisipan kapag nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng tungkulin ay isang napakalubhang problema. Matagal bago ko napakalma ang sarili ko.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa buong sangkatauhan, wala ni isang lahing pinaghaharian ng katotohanan. Gaano man kataas, kaluma, o kahiwaga ang mga ideya o tradisyonal na kulturang nabuo ng isang lahi, o ang edukasyong natanggap, o ang kaalamang tinataglay nito, isang bagay ang tiyak: Wala sa mga bagay na ito ang katotohanan, o may anumang kaugnayan sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, ‘Ang ilan sa mga moralidad, o mga haka-haka sa pagsukat ng tama at mali, wasto at hindi wasto, itim at puti, na nakapaloob sa tradisyonal na kultura ay tila medyo malapit sa katotohanan.’ Ang katunayang tila malapit sa katotohanan ang mga ito ay hindi nangangahulugan na malapit ang mga ito rito sa kahulugan. Ang mga kasabihan ng tiwaling sangkatauhan ay nagmumula kay Satanas, hindi kailanman katotohanan ang mga ito, samantalang ang mga salita ng Diyos lang ang katotohanan. Kaya, gaano man kalapit sa mga salita ng Diyos ang ilan sa mga salita ng sangkatauhan, hindi katotohanan ang mga iyon at hindi maaaring maging katotohanan ang mga iyon; walang duda rito. Magkalapit lamang ang mga ito sa pananalita at pagpapahayag, ngunit ang totoo, hindi magkatumbas ang mga tradisyonal na haka-hakang ito sa mga katotohanan ng mga salita ng Diyos. Bagama’t maaaring medyo malapit ang literal na esensiya ng mga salitang ito, hindi pareho ang pinagmulan ng mga ito. Ang mga salita ng Diyos ay nagmumula sa Lumikha, samantalang ang mga salita, ideya, at pananaw ng tradisyonal na kultura ay nagmumula kay Satanas at sa mga demonyo. Sinasabi ng ilang tao, ‘Ang mga ideya, pananaw, at bantog na mga kasabihan ng tradisyonal na kultura ay kinikilala ng buong mundo na positibo; kahit kasinungalingan at maling paniniwala ang mga ito, maaari bang maging katotohanan ang mga ito kung itinataguyod ng mga tao ang mga iyon sa loob ng ilang daan—ilang libong—taon?’ Hinding-hindi. Ang gayong pananaw ay kasing katawa-tawa ng pagsasabi na ang mga unggoy ay naging mga tao. Ang tradisyonal na kultura ay hindi kailanman magiging ang katotohanan. Ang kultura ay kultura, at gaano man ito karangal, isang bagay lamang ito na medyo positibo na kinatha ng tiwaling sangkatauhan. Ngunit ang pagiging positibo ay hindi katumbas ng katotohanan, ang pagiging positibo nito ay hindi pamantayan; medyo positibo lamang iyon, at wala nang iba. Kaya malinaw na ba ngayon sa atin kung mabuti o masama, sa konteksto nitong “pagiging positibo,” ang epekto ng tradisyonal na kultura sa sangkatauhan? Walang duda, masama at negatibo ang epekto nito sa sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). “Ang sangkatauhan ay nakondisyon, namanhid, at ginawang tiwali ng mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura. At ano ang huling resulta? Na ang sangkatauhan ay nailihis, napigilan, at naigapos ng tradisyonal na kultura, at likas na lumilitaw ang isang uri ng mentalidad at teorya, na itinataguyod at ikinakalat ng sangkatauhan, malawakang ipinapadala at ipinapatanggap sa mga tao. Sa huli, binibihag nito ang puso ng lahat, idinudulot na i-endorso ng lahat ang ganitong uri ng mentalidad at ideya, at ginawang tiwali ng ideyang ito ang lahat. Kapag sila ay nagawang tiwali sa isang tiyak na antas, wala nang anumang mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa tama o mali; hindi na nila gustong kilatisin kung ano ang katarungan at kung ano ang kabuktutan, ni hindi na nila handang kilatisin kung ano ang mga positibong bagay at ano ang mga negatibong bagay. Darating pa nga ang isang araw na hindi malinaw sa kanila kung totoong tao sila, at maraming taong maysakit ang hindi alam kung lalaki o babae sila. Gaano kalayo mula sa pagwasak ang isang lahi ng tao na tulad nito? … Na nalihis at ginawang tiwali ng mga pilosopiya, kautusan, ideya, at ng mga tinatawag na mentalidad ni Satanas ang buong lahi ng tao. Hanggang saan sila nalihis at ginawang tiwali? Tinanggap ng lahat ng tao ang mga panlilinlang at malademonyong kasabihan ni Satanas bilang ang katotohanan; sinasamba nilang lahat si Satanas at sinusunod si Satanas. Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, ang Lumikha. Kahit ano pa ang sabihin ng Lumikha, kahit gaano karami ang Kanyang sinasabi, at gaano kaliwanag at kapraktikal ang Kanyang mga salita, walang nakakaunawa; walang nakakaarok. Manhid at mapurol silang lahat, at magulo ang kanilang pag-iisip at isipan. Paano nagulo ang mga ito? Si Satanas ang gumulo sa mga ito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). Noon, alam ko lang na ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” ay salungat sa katotohanan at mga bagay na hindi dapat taglayin ng normal na pagkatao. Ngunit ang mga kasabihang mula sa tradisyonal na kultura na tila naaayon sa konsensiya at moralidad, tulad ng “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat na suklian ng umaagos na bukal,” “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa emosyon?” at ang iba pang tila sibilisado at marangal na tradisyonal na mga kasabihan, hindi ko makilatis ang mga ito. Akala ko ay maraming henerasyon nang ipinasa-pasa ang mga bagay na ito, at dapat sumunod ang mabubuting tao sa mga konseptong ito. Hindi ako gumamit ng pagkilatis para sa mga tradisyonal na kaisipang ito, at itinuring ko ang lahat ng ito na mga positibong bagay na dapat hangarin at isagawa. Kapag lumalabag ako sa mga bagay na ito ay nakokonsensiya ako, at natatakot ako na kokondenahin at itataboy ako ng mga tao. Ngayon, sa pamamagitan ng inilantad ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay nakita ko na sa ilalim ng kontrol ng mga ideya at pananaw na ito, iniisip lamang ng mga tao ang mga damdamin kapag nakikipag-ugnayan sila sa iba, hindi ang mga prinsipyo, at hindi nila nakikilatis ang mabuti sa masama, o ang tama sa mali. Hangga’t mabait sa akin ang iba, kahit na mga di-mabuti o masamang tao sila, at kahit na ang pagtulong sa kanila ay pagtulong sa paggawa ng kasamaan, kailangan kong suklian ang kabaitan nila at tulungan sila. Kung titingnan, para akong may konsensiya, pero ang totoo ay naguguluhan ako at hangal, at may mga sarili akong motibo at layunin. Ginawa ko ito para protektahan ang sarili kong magandang imahe at reputasyon; ito ay ganap na para sa mga sarili kong interes. Napakamakasarili ko, kasuklam-suklam, at mapagpaimbabaw. Hindi ako tunay na mabuting tao. Kung kakapit ako sa mga satanikong pilosopiya at doktrinang ito, patuloy lamang akong magiging mas tuso, mapanlinlang, makasarili, at masama. Nakita ko na ang tila marangal at lehitimong tradisyonal na mga ideya at kasabihan na ito ay matatamis na kasinungalingan lamang. Ang mga ito ay tila matayog at naaayon sa moralidad at etika ng tao, pero ang totoo ay mapanlaban ang mga ito ng katotohanan, at ang mga ito ay kabilang sa mga paraan ni Satanas sa pagtitiwali ng mga tao. Napagtanto kong maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero dahil hindi ko isinasagawa ang katotohanan at namumuhay ako ayon sa mga tradisyonal na ideyang ito, palagi kong inuuna ang konsensiya ko sa lahat ng pakikipag-ugnayan ko, at palagi kong gustong suklian ang kabaitan ng mga tao, pero hindi ko makilatis ang mabuti sa masama. Isa akong naguguluhang hangal na hindi makatukoy sa tama at mali! Napakaraming katotohanan na ang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw at inihayag Niya ang kongkretong detalye ng lahat ng aspekto ng katotohanan na dapat nating isagawa, umaasa Siyang aasal at kikilos tayo ayon sa katotohanan at sa salita ng Diyos, at para makapagpatotoo tayo sa Diyos at bigyan Siya ng kaluwalhatian. Pero ginawa ko lang ang tungkulin ko para panatilihin ang mga ugnayan ko sa laman at hindi ko hinanap ang katotohanan o prinotektahan ang mga interes ng iglesia. Sa sandaling mapagtanto ko ito, nakonsensiya ako at nagsisi sa lahat ng nagawa ko. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “O Diyos, namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason. Masyadong marami na ang nagawa ko na sumasalungat sa katotohanan at lumalaban sa Iyo. O Diyos, gusto ko pong magsisi at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo.”
Pagkatapos niyon, napaisip ako, “Kung ang mamuhay ayon sa mga tradisyonal na pananaw at ideyang ito ay hindi nangangahulugan na mayroon akong mabuting pagkatao, ano kung gayon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mabuting pagkatao?” Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng tumpak na pamantayan sa pagsuri ng mga bagay. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pag-aayos at pagpapaganda para sa lahat ng iyong nakakasalubong, at panghihikayat sa lahat na magsabi nang maganda tungkol sa iyo. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Ito ay ang pagkakaroon ng isang tao ng mga prinsipyo at pag-ako ng responsibilidad sa pagtrato sa Diyos, sa katotohanan, sa pagganap sa tungkulin, at sa bawat uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ito’y malinaw sa lahat; ang lahat ay maliwanag tungkol dito sa kanilang puso. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at inaalam ang kanilang sitwasyon, bawat isa sa kanila; kahit sino pa sila, walang makakaloko sa Diyos. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, na hindi sila kailanman nagsasabi nang masama tungkol sa iba, hindi kailanman pinipinsala ang mga interes ng sinuman, at sinasabi nilang hindi sila kailanman naghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipili pa nga nilang dumanas ng kawalan kaysa samantalahin ang iba, at iniisip ng lahat ng iba na mabubuti silang tao. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang mga sarili nilang mga kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang mga kapakanan. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Anong uri ng pagkatao ito? Hindi ito mabuting pagkatao. Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong tao; dapat ninyong tingnan ang kanyang ipinamumuhay, ang kanyang ibinubunyag, at ang kanyang saloobin kapag ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin, pati na ang kanyang kalagayang panloob at ang kanyang minamahal. Kung ang pagmamahal niya sa kanyang sariling katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa kanyang katapatan sa Diyos, kung ang pagmamahal niya sa kanyang sariling katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung ang kanyang pagmamahal sa sarili niyang katanyagan at kapalaran ay nakahihigit sa konsiderasyong ipinapakita niya para sa Diyos, nagtataglay ba ang gayong tao ng pagkatao? Hindi ito isang taong may pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang isang taong may mabuting pagkatao ay hindi nagkokompromiso para lang walang sumama ang loob at lahat ay sumuporta at sumang-ayon sa kanya. Sa halip, kaya niyang mahalin ang katotohanan, mahal niya ang mga positibong bagay, responsable siya sa kanyang mga tungkulin, kaya niyang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at protektahan ang gawain ng iglesia. Ang mga ganitong tao lamang ang tunay na mabubuting tao. Kung pinoprotektahan natin ang mga ugnayan natin sa mga tao, ang sarili nating kasikatan at katayuan, at nakakasundo natin ang iba, pero hindi tayo tapat sa Diyos sa tungkulin natin, at kung pinapanatili natin ang mga ugnayan sa mga tao kapalit ng pagkapinsala ng gawain ng iglesia, kung gayon lubha tayong makasarili at kasuklam-suklam. Gaano man katanggap-tanggap sa moralidad ang panlabas na pag-uugali natin, nililihis nito ang mga tao, at mapanlaban ito sa katotohanan. Naisip ko kung paano ako namuhay ayon sa mga tradisyonal na ideya at pananaw na ito, at nagbalatkayo bilang isang mabuting tao. Sa totoo lang, lalo lang akong naging makasarili, mapanlinlang, at masama ang kalooban. Lahat ng ginawa ko ay para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, at para tugunan ang aking mga personal na ambisyon at pagnanais. Wala talaga akong wangis ng tao; ang lahat ng isinasabuhay ko ay malademonyo. Noon, kapag hinuhusgahan ko kung ang isang tao ay may pagkatao, nakabatay ito sa mga sarili kong kuru-kuro at imahinasyon. Hindi talaga ito naaayon sa katotohanan, at hindi ito alinsunod sa mga pamantayan ng Diyos sa pagsusuri ng mga tao.
Sa sumunod na mga araw, pinagnilayan ko kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo at mga layunin ng Diyos. Sa salita ng Diyos, nabasa ko: “Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit sa espirituwal na antas ay magkakaroon ng pagsasamahan at pagmamahalan, kapanatagan, at paglalaan sa pagitan ninyo. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, likas na nabubuo ang mga ito kapag nagdadala ang isang tao ng pasanin para sa Diyos. Hindi kinakailangan ng mga ito na gumawa ka ng anumang pagsisikap na gawa ng tao, kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. … Ang mga normal na interpersonal na kaugnayan ay itinatatag sa pundasyon ng pagbaling ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa puso ng isang tao, ang mga kaugnayan ng taong ito sa iba ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, mga mapagnasang pagpapalayaw ang mga ito, at kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos). Hinihingi ng Diyos na tratuhin natin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gamitin ang pagmamahal ng Diyos bilang pundasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, suportahan at tulungan ang isa’t isa sa katotohanan at buhay, at hindi sumunod sa mga pilosopiya ng laman para sa mga makamundong pakikitungo. Tinulungan ako noon ni Leslie, at ito ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos; dapat ay nagpagtanto ko ito at tinanggap ito mula sa Diyos. Pero sa halip, iniugnay ko ang lahat ng ito kay Leslie mismo, at ipinakita ang pasasalamat ko sa kanya sa lahat ng bagay. Nakita ko na ang ugnayan ko kay Leslie ay nakabatay sa laman, na ang ginawa at inasal ko ay hindi talaga naaayon sa mga layunin ng Diyos, at na wala akong mga prinsipyo. Sa totoo lang, kapag nakararanas ang mga kapatid ng mga kabiguan o dagok at nagiging negatibo at mahina, ang pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos para tulungan at suportahan sila ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at isang bagay na dapat nating gawin. Pero yaong mga nagpapatuloy na iraos lang ang kanilang mga tungkulin at mga iresponsable, at ginagambala pa nga at ginugulo ang gawain ng iglesia ay dapat paghigpitan, ilantad, pungusan, o tanggalin. Hindi sila kailanman dapat kanlungin o protektahan dahil sa mga damdamin. Kahit na nagigiliw tayo, kailangan nating kumilos ayon sa prinsipyo. Iresponsable at pabaya pa rin si Leslie sa kanyang mga tungkulin matapos siyang matanggal, at wala siyang tunay na pagkaunawa sa sarili niyang mga problema. Kung ginamit ko ang mga salita ng Diyos para pagbahaginan at himayin ang kanyang pag-uugali at ang kalikasan ng kanyang mga problema, para makapagnilay siya sa kanyang sarili, makapagsisi, at makapagbago, ito talaga ang magiging tunay na pagmamahal para sa kanya. Magiging kapaki-pakinabang din ito sa gawain ng iglesia. Sa sandaling napagtanto ko ito, bigla akong nakaramdam ng paglaya, at ayaw ko nang protektahan pa ang mga ugnayan sa laman.
Pagkatapos niyon, ginamit ko ang mga salita ng Diyos para ilantad ang saloobin ni Leslie sa kanyang tungkulin at ang iba’t ibang pag-uugali niya, at itinalaga siya sa ibang tungkulin. Pagkatapos magbahagi, nakadama ako ng labis na kapanatagan. Hindi nagalit sa akin si Leslie, at tinanggap niya ito mula sa Diyos. Sinabi niya na kung hindi siya natanggal at nalantad, hindi niya kailanman matatanto na ang ginawa niya ay nagdulot ng ganoong pagkagambala at kaguluhan, at wala siyang reklamo sa kung paano siya pinakitunguhan. Nang marinig kong sinabi niya iyon, naramdaman ko talaga na sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, tunay tayong makapagbibigay ng pakinabang at tulong sa mga tao, at makakaramdam din tayo ng labis na katiwasayan. Personal kong naranasan na ang mga tila sibilisado at marangal na bagay na ito mula sa tradisyonal na kultura—kahit gaano pa karaming mga tao ang pumupuri at humahanga sa mga ito—ay hindi ang katotohanan. Lahat ng ito ay baluktot at masama, at maaari lamang nitong mapinsala ang iba at ang sarili natin. Ang katotohanan lamang ang batayan sa ating mga kilos at asal.