80. Ang Aking Kuwento ng Pagsalubong sa Panginoon

Ni Su Yang, Tsina

Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng isang napakatinding pangingirot sa aking mga binti kaya hindi ako makalakad, kaya dinala ako ng nanay ko sa harap ng Panginoong Jesus. Sa gulat ko, wala pang isang buwan ay himalang gumaling na ang mga binti ko. Para suklian ang pagmamahal ng Panginoon, huminto ako sa pag-aaral noong 1997 at nagsimulang masigasig na gugulin ang sarili ko para sa Panginoon. Hindi nagtagal, kinilala ako ng iglesia bilang isang mahalagang kandidato para sa pagsasanay. Madalas akong isinasama ni Elder Qu upang mangaral sa iba’t ibang iglesia. Noong panahong iyon, madalas sabihin ng mga pastor at nakatatanda na nalalapit na ang araw ng Panginoon, at na dapat maging katulad tayo ng matatalinong dalaga na naghahanda ng langis ng lampara at naghihintay sa pagparito ng Panginoon. Sinabi rin nila, “Nasusulat sa Bibliya, ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7). Kapag muling pumarito ang Panginoon sa mga huling araw, paparito Siya sakay ng mga ulap nang may dakilang kaluwalhatian at dadalhin tayo tungo sa himpapawid para salubungin Siya. Papasok tayo sa kaharian ng langit at tatamasahin ang mga walang hanggang pagpapala. Ang mga walang pananampalataya ay tatangis at magngangalit ng mga ngipin habang nasasadlak sila sa mga kalamidad.” Sa pakikinig sa mga kapana-panabik na sermon ng mga nakatatanda at pastor, agad kong nailarawan sa isipan ko na nagtitipon kaming lahat habang bumababa ang Panginoon sa lupa kasama ang mga ulap nang may dakilang kaluwalhatian. Isipin mo kung gaano ako kasabik sa pag-iisip ng gayong nakaaantig na eksena.

Pagkatapos, isang araw sa unang bahagi ng 1999, ipinatawag nina Elder Qu at parish Elder He ang mga manggagawa na magsama-sama at sinabing: “May lumitaw na bagong iglesia na tinatawag na ‘Kidlat ng Silanganan’ at sinasabi nito na nagkatawang tao na ang Panginoon at bumalik na, nagpapahayag ng mga salita, at nagsasagawa ng gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Pero paano ito magiging posible? Malinaw na sinasabi ng mga kasulatan na bababa ang Panginoon na sakay ng mga ulap, pero sinasabi nila na bumalik na ang Panginoon sa katawang-tao. Hindi ito tumutugma sa Bibliya, kaya hindi kayo dapat makinig sa kanilang mga sermon o magbasa ng kanilang mga libro, lalo na ang patuluyin sila. Ang sinumang magpapatuloy sa kanila ay ititiwalag sa iglesia!” Nang sabihin nila iyon, naisip ko: “Matagal nang mananampalataya ang mga nakatatanda at bihasa sila sa Bibliya, kaya siguradong tama sila. Saka, malinaw na sinasabi sa mga kasulatan na bababa ang Panginoon na sakay ng mga ulap, kaya paanong pumarito na Siya sa katawang-tao? Mababa pa rin ang tayog ko, kaya hindi ako dapat makipag-ugnayan sa mga taong mula sa Kidlat ng Silanganan, kung hindi, baka mailigaw ako.” Pero hindi nagtagal pagkatapos nun, marami sa mga katrabaho ko at kapwa mananampalataya ang lumipat sa Kidlat ng Silanganan. Binigyang-diin ni Elder He na dapat naming putulin ang ugnayan sa mga katrabaho at mananampalatayang ito. Sinabi niya rin sa amin na ipaalam sa lahat ng iglesia na huwag hayaan ang sinuman na lumipat sa Kidlat ng Silanganan. Pagkatapos niyon, pumunta ako sa lahat ng kongregasyon sa ilalim ng aking pangangasiwa at mahigpit na binantayan ang mga iglesia. Paulit-ulit ko ring binibigyang-diin: “Pagparito ng Panginoon, mangyayari ito sa mga ulap, hindi bilang isang katawang tao. Anumang mensahe na bumalik sa katawang tao ang Panginoon ay huwad.” Nang marinig ito, tumango ang lahat ng mananampalataya at sinabi na kung may sinumang dumating para ipalaganap ang ebanghelyo, itataboy nila ito. Para maiwasang marinig ng mga kapatid ang pangangaral ng Kidlat ng Silanganan, walang hinto akong gumawa para isara ang mga iglesia. Pero sa kabila ng aking mga pagsisikap, tuloy-tuloy pa rin na lumilipat ang mga kapwa manggagawa at mananampalataya sa Kidlat ng Silanganan.

Isang araw, habang nasa bahay ako ng isang katrabaho, sinabi niya sa akin na sinisiyasat ng kapwa manggagawa na si Li at iba pang mananampalataya ang Kidlat ng Silanganan. Sumugod kami ng ilan pang katrabaho para pigilan sila. Sinabi ko sa kanila: “Sinasabi ng mga kasulatan na bababa ang Panginoon sakay ng mga ulap at masasaksihan ng lahat ang Kanyang pagbaba. Kaya hindi tayo puwedeng maniwala sa mga taong ito ng Kidlat ng Silanganan kapag sinasabi nilang bumalik na nagkatawang-tao ang Panginoon.” Nagulat ako, hindi pa ako natatapos magsalita, sinabi na ng isa sa kanila: “Napakaliwanag na pagkaunawa ang ipinapangaral nila at naaayon ito sa Bibliya. Bakit hindi kami puwedeng makinig sa kanila? Sino ang nakaaarok sa gawain ng Diyos? Sa tingin ko dapat tayong patuloy na magsiyasat.” Nang marinig ko iyon, nabalisa ako at ipagpapatuloy ko sana ang paghimok sa kanila laban doon, pero bigla na lang sumikip ang lalamunan ko at napaubo ako. Pulang-pula ang mukha ko at umaagos ang luha sa mga mata ko—wala akong mabigkas kahit isang salita. Gulat na napatitig lang ang lahat ng naroon. Nagmadali ang mga katrabaho ko na salinan ako ng isang basong tubig, pero patuloy pa rin akong umuubo kahit nang makainom na ako. Nataranta talaga ako at dasal ako nang dasal sa Panginoon, hinihiling sa Kanya na patigilin ang pag-ubo ko. Nang makita ang kalagayan ko, itinuloy ng isa pang katrabaho ang pagsasalita kapalit ko, pero pagkatapos lang ng ilang komento, dali-dali niyang tinapos ang pagtitipon. Sobrang nakaaasiwang eksena iyon. Pagkatapos ay hindi ko naiwasang magtaka: “Ipinagtatanggol ko ang daan ng Panginoon at pinoprotektahan ang kawan, kaya bakit ako inatake ng ubo sa pinakamahalagang sandali? Bakit hindi pinakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ko? Maaari kayang ang mga salita ko ay hindi naaayon sa mga layunin Niya?” Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sumama ang pakiramdam ko. Masakit ang ulo ko, nahihilo ako at hindi maayos ang pakiramdam ng tiyan ko. Nakahiga roon nang mahina at maputla sa kama ko, paulit-ulit akong tumawag sa Panginoon. Pero kahit anong pakiusap ko sa Kanya, hindi talaga bumuti ang kalagayan ko. Hindi ko maiwasang isipin na: “Hindi ba sapat ang pagiging tapat ko sa Panginoon? Ginawa ko ang aking makakaya para protektahan ang Kanyang kawan, kaya bakit ako nagkasakit?” Nag-isip ako nang husto para maghanap ng kasagutan, pero hindi ko maunawaan ito.

Noong taglagas ng 1999, naaksidente sa sasakyan si Elder He habang pauwi siya mula sa mahigpit na pagbabantay sa isang iglesia. Hinimatay siya sa aksidente at nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo, pagkatapos ay ilang araw siyang nasa kritikal na kondisyon bago tuluyang nag-stabilize. Nagulat ako nang mabalitaan ito: Matagal nang panahong gumagawa si Elder He para sa Panginoon, sa hirap at ginhawa, at nakapaglakbay na ng malayo at nagdusa para protektahan ang kawan at pigilan ang mga mananampalataya sa pagtanggap sa Kidlat ng Silanganan. Bakit kaya nangyayari ang ganitong bagay sa kanya? Ngunit sandali ko lang inisip ito at pagkatapos ay isinantabi na ito. Isang hapon makalipas ang ilang buwan, nabalitaan kong mas maraming mananampalataya ang nagsisiyasat sa Kidlat ng Silanganan, kaya ako at ang dalawang kapatid ay nagmadaling magbisikleta at nagsabi sa kanila ng maraming tsismis at maling paniniwala para takutin at hadlangan sila. Natakot sila dahil dito at sinabi nilang hindi na sila makikinig sa mga sermon ng Kidlat ng Silanganan. Matapos marinig iyon, saka lang medyo gumaan ang pakiramdam ko. Pero pagkatapos nito, nang pauwi na ako sakay ng bisikleta, nawalan ako ng balanse habang dumaraan sa isang dalisdis, nagdilim ang paningin ko at nahulog ako sa bisikleta, tumilapon ako nang dalawang metro ang layo. Nahilo ako kaagad at sumakit ang buong katawan ko. Nabali ang aking collarbone sa pagkakahulog, at naguluhan at nalito ako dahil sa biglaang aksidenteng ito: “Hindi ba’t pinagkalooban tayo ng Panginoong Jesus ng kapayapaan at kagalakan? Bakit nangyari ito sa akin samantalang ipinagtatanggol ko ang daan ng Panginoon at pinoprotektahan ang Kanyang kawan? Hindi kaya ang Kidlat ng Silanganan na nilalabanan ko ay ang talagang pagbabalik ng Panginoon? Pero malinaw na sinasabi ng Bibliya na bababa ang Panginoon sakay ng mga ulap, at nagpapatotoo ang Kidlat ng Silanganan na bumalik Siya sa katawang-tao. Hindi puwedeng ito ang tunay na daan! Sinusubukan ba ako ng Panginoon dahil hindi sapat ang pagiging tapat ko sa Kanya? O nagkasala ba ako sa Kanya?” Naguluhan talaga ako at hindi ko maarok ang layunin ng Panginoon. Pagkatapos niyon, dumilim nang dumilim ang pakiramdam ko at nanghina ako. Kapag nagbabasa ako ng Bibliya, wala akong nakakamit na anumang kabatiran at wala akong masabi sa mga sermon ko. Nadama ko na maging ang mga panalangin ko ay walang buhay at sigla. Nadama ko na para bang hindi ko na kasama ang Panginoon. Marami rin sa mananampalataya namin ang nanlalamig na sa kanilang pananalig. Sa mga kongregasyon, karamihan sa mga tao ay nagkukuwentuhan lang o natutulog, at maraming kapwa manggagawa at mananampalataya ang tuluya nang umalis sa iglesia at bumalik sa sekular na mundo. Ang pinakanakakadismaya para sa akin ay ang lahat ng inggitan at pagtatalo-talo sa pagitan ng aking mga katrabaho. Sa mga pagtitipon, nagtatalo ang mga nakatatanda at katrabaho sa pinakamaliliit na bagay at naghihiwalay nang may sama ng loob sa isa’t isa. Nang makita ang lahat ng ito, hindi ko talaga maunawaan kung paano humantong sa ganito ang iglesia. Nagsimula akong magsawa sa mga kongregasyon at naisipan ko pa ngang bumalik sa sekular na buhay.

Pagkatapos, isang araw noong 2002, tuwang-tuwang sinabi sa akin ng nanay ko: “Dumating na ang pinakahihintay na pagbabalik ng Panginoong Jesus. Nagkatawang tao Siya para ipahayag ang mga salita at isagawa ang gawain ng paghatol.” Nagulat ako nang marinig ito. Hindi ba’t ito ang ipinangangaral ng Kidlat ng Silanganan? Lumipat na ba ang nanay ko sa Kidlat ng Silanganan? Bago pa man siya matapos magsalita, tinanong ko siya: “Sino ang nagsabi sa iyo na nagbalik na ang Panginoong Jesus? Nakalimutan mo na ba na malinaw na sinasabi ng Bibliya na sa pagparito ng Panginoon, bababa Siya nang may kaluwalhatian na sakay ng mga ulap at yayanigin nito ang langit at lupa? Sabi mo nagbalik na ang Panginoon, pero bakit hindi pa natin nakikita ang alinman sa mga palatandaang ito? Sinasabi mo na nagkatawang tao ang Panginoon para gawin ang gawain ng paghatol, pero paano mangyayari iyon? Hindi mo puwedeng paniwalaan na lang ang anumang naririnig mo.” Nang makita kung gaano katigas ang ulo ko, pumasok ang nanay ko sa silid niya at lumabas na may dalang isang napakagandang libro. Sabik niyang sinabi: “Ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ito ang mga bagong salita na ipinahayag Niya. Basahin mo at makikita mo.” Bagong-bago pa ang libro at ang pamagat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay nakalimbag sa malalaking gintong letra sa pabalat. Naisip ko kaagad ang babala ng pastor: “Hindi mo dapat basahin ang libro nila. Kung babasahin mo ito, malilinlang ka.” Kaya sinabi ko: “Inay, hindi ka dapat naniniwala rito. Hindi mo pa gaanong nabasa ang Bibliya, pero bihasa ako rito at nakadalo na ako sa ilang mga revival na pagtitipon. Talaga bang sa tingin mo ay mas may alam ka kaysa sa akin? Kung maliligaw ka sa pananampalataya mo, hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng taon mo sa iglesia?” Patuloy kong sinusubukang kumbinsihin ang nanay ko na huwag sumali sa Kidlat ng Silanganan. Pero kahit ano pang sabihin ko, hindi nagpadala ang nanay ko o binago man lang ang isip niya. Taimtim pa niyang sinabi sa akin: “Ang Makapangyarihang Diyos talaga ang Panginoong Jesus na matagal na nating pinananabikan. Siya ang Espiritu ng Diyos na muling nagkatawang tao para magsalita at gumawa. Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang mismong mga salita na sinabi ng Diyos Mismo sa mga huling araw at ibinubunyag nito ang lahat ng misteryo ng Bibliya. Hindi mo pa nabasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, kaya paano mo malalaman na hindi ito ang mga salita ng Panginoon na nagbalik na? Sinasabi ng Bibliya: ‘Ang pananalig ay nanggagaling sa pakikinig’ (Roma 10:17). Isinara mo ang mga mata at tainga mo, kaya paano mo inaasahan na masasalubong ang Panginoon? Pag-isipan mo: Kung talagang nagbalik na ang Panginoon, at hindi mo Siya sinasalubong, hindi mo ba pagsisisihan ang pinalampas mong pagkakataon?” Pagkatapos marinig ang sinabi niya, wala akong maisip na magandang isasagot, kaya’t nakasimangot na lang akong tumugon: “Hindi ko babasahin ang librong ito, Bibliya lang ang babasahin ko. Napakarami na nating natamasang biyaya ng Panginoon—hindi ako puwedeng maging walang utang na loob! Kahit ano pang sabihin mo, hindi ko ipagkakanulo ang Panginoon!” Nang makita niya ang ugali ko, napabuntong-hininga siya sa pagkadismaya at tumayo na lang para maghanda ng hapunan. Hindi nagtagal, narinig ko ang mahinang tunog ng musika mula sa kusina. Maganda ang himig ng awitin, pero nang pinakinggan ko ito nang mabuti, napagtanto ko na hindi ito alinman sa mga himno na natutunan ko noon. Alam kong pinapatugtog ito ni nanay para marinig ko, kaya agad akong umalis. Pagkatapos noon, dinalasan ng nanay ko ang pagpapatugtog ng mga himno sa bahay, at, sa gabi, madalas kong naririnig na umiiyak niya akong ipinagdarasal. Hindi ko mapigilan na isipin: “Isang taong hindi madaling makumbinsi ang nanay ko, siguradong masusi siyang nagsiyasat tungkol sa pagsalubong sa Panginoon. Maaari kayang ang Kidlat ng Silanganan talaga ang pagbabalik ng Panginoong Jesus? Kung hindi, bakit masyadong nababalisa at nag-aalala ang nanay ko sa mga panalangin niya para sa akin?” Pero naisip ko ang sinabi ng mga pastor at nakatatanda at nagpasya akong sumunod sa daan ng Panginoon at huwag magpadala. Pagkatapos niyon, mas lumayo ang loob ko sa nanay ko.

Isang araw, habang nakaupo ako sa sopa sa sala, muling nagpatugtog ang aking nanay ng isang himno sa silid niya. Naakit ako sa mga titik ng himno:

1  Sa pagkakataong ito, naging tao ang Diyos upang gampanan ang gawain na hindi pa Niya natatapos, upang hatulan ang kapanahunang ito at tapusin ito, upang iligtas ang tao mula sa dagat ng pagdurusa, upang lubusang sakupin ang sangkatauhan, at upang baguhin ang mga disposisyon sa buhay ng mga tao. Maraming pagpupuyat ang tiniis ng Diyos upang palayain ang tao mula sa pagdurusa at sa madidilim na puwersa na kasing-itim ng gabi, at alang-alang sa gawain ng sangkatauhan. Bumaba Siya mula sa pinakamataas papunta sa pinakamababang mga lugar upang mabuhay sa impiyernong pang-tao na ito at palipasin ang Kanyang mga araw kasama ang tao. Hindi kailanman inireklamo ng Diyos ang panlilimahid ng mga tao, at hindi Siya kailanman humiling nang labis sa tao; sa halip, tiniis ng Diyos ang pinakamalaking pamamahiya habang isinasagawa ang Kanyang gawain. Upang matamasa ng buong sangkatauhan ang kapahingahan sa lalong madaling panahon, nagtiis ang Diyos ng kahihiyan at nagdusa ng kawalan ng katarungan upang pumunta sa lupa, at personal na pumasok sa pugad ng tigre upang iligtas ang sangkatauhan.

2  Napakaraming beses na Siyang humarap sa mga bituin, napakaraming beses na Siyang umalis nang madaling-araw at bumalik nang takipsilim; nagtiis na Siya ng matinding paghihirap at sumailalim na sa mga pag-atake at pagsira ng mga tao. Dumating ang Diyos sa lupaing ito ng karumihan, tahimik na tinitiiis ang mga pamiminsala at pang-aapi ng tao, subalit hindi Siya lumaban kailanman o gumawa ng anumang labis na kahilingan sa mga tao. Ginampanan Niya ang lahat ng gawaing kinakailangan para sa sangkatauhan: ang pagtuturo, pagbibigay-liwanag at pagpapagalit sa mga tao, ang pagpipino sa kanila gamit ang Kanyang mga salita, pati na rin ang pagpapaalala, pagpapayo, pag-aalo, paghatol at paglalantad sa kanila. Bawat hakbang na Kanyang ginagawa ay alang-alang sa buhay ng mga tao, upang malinis sila. Sa kabila ng pagpawi ng kanilang kinabukasan at kapalaran, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay alang-alang sa sangkatauhan. Bawat hakbang na Kanyang ginagawa ay para sa kanilang kaligtasan, upang magkaroon ang mga tao ng isang magandang hantungan sa lupa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok

Labis akong naantig sa mga titik ng himnong ito. Hindi ko maiwasang isipin kung paanong nagkatawang tao ang Panginoong Jesus para tubusin ang sangkatauhan. Tinugis at inusig Siya ng pamahalaang Romano, kinondena at inabandona ng mundo ng relihiyon, kinutya at siniraan ng mundo. Sa kabila ng lahat ng ito, nagpahayag pa rin Siya ng mga katotohanan para tustusan at pakainin ang mga tao, pinagaling sila at pinalayas ang mga demonyo, at sa huli ay ipinako sa krus bilang isang walang hanggang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, tinutubos ang buong sangkatauhan mula sa kasalanan. Nang maisip ko ang pagmamahal ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan at inihambing ito sa mga titik ng himnong ito na tungkol sa kung paano nagdurusa ang Diyos para sa kapakanan ng tao, labis na naantig ang manhid at matigas kong puso at tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko. “Ang Makapangyarihang Diyos nga kaya ang nagbalik na Panginoong Jesus? Sino pa ba kundi ang Diyos ang makapagpapahayag ng gayong mga salita? Sino pa ang makapagbabayad ng ganoong halaga para sa tao?” Pagkatapos niyon, narinig ko ang isa pang himno: “Ang walang-muwang, matapos ang lahat, ay naging manhid na; bakit dapat laging pinahihirap ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa kanila? Lubos na walang tiyaga ang taong mahina; bakit dapat laging may ganoong di-humuhupang galit ang Diyos tungo sa kanya? Wala ni munti mang sigla ang mahina at walang-kapangyarihang tao; bakit dapat lagi siyang pinagsasabihan ng Diyos dahil sa kanyang paghihimagsik? Sino ang makatatagal sa mga banta ng Diyos sa langit? Ang tao, matapos ang lahat, ay marupok, at dahil sa Kanyang desperadong kalagayan, nabaon na ng Diyos ang Kanyang galit nang malalim sa Kanyang puso, upang maaaring dahan-dahang makapagnilay ang tao sa kanyang sarili(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sobra akong naantig ng mga titik. Tungkol ito sa malalim na pagmamalasakit at pag-aaruga ng Diyos sa sangkatauhan, na tulad sa isang ina na patuloy na tumatawag sa kanyang masuwaying anak, kahit matapos saktan nito ang kanyang puso, umaasang lalabas ito sa kalituhang kinasasadlakan nito at babalik sa kanyang tabi. Nadama ko na ang mga salitang ito ay tinig ng Diyos. Hindi ko maiwasang isipin ang lahat ng pagkakataong nakipagtalo ako sa nanay ko noong panahong iyon: Kahit anong pilit niyang kumbinsihin ako, hindi ako nakikinig. Kapag nagpapatugtog siya ng mga pagbasa ng salita ng Diyos at mga himno para sa akin, tumutol pa nga ako at umiwas na makinig nang wala ni katiting na balak na siyasatin ang Kanyang bagong gawain. Kristiyano nga ba ako? Pagkatapos niyon, hindi na ako gaanong mapanlaban kapag nagpapatugtog ang nanay ko ng mga himno.

Isang araw, narinig ko ang himnong ito: “Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Pagkarinig ko nito, bigla akong nag-alala: “Kung ang Makapangyarihang Diyos ay talagang ang nagbalik na Panginoong Jesus, hindi ba ako makokondena sa hindi pagtanggap sa Kanya? Ang magkasala sa Diyos ay isang seryosong bagay—isa itong kasalanan na hindi mapapatawad sa susunod na buhay o mundo!” Naisip ko rin kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus na: “Pinagpala ang mga nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin(Mateo 5:6). Itinuro sa atin ng Panginoong Jesus na matatanggap lang natin ang masaganang pagtutustos ng Diyos sa pamamagitan ng paghahanap at pagkauhaw sa katotohanan. Pero kung sisiyasatin ko ang Kidlat ng Silanganan at nalihis ako, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng taon ng pananalig ko? Nag-uurong-sulong ako at hindi ako makapagdesisyon kung ano ang gagawin, kaya tumawag ako sa Panginoon sa panalangin: “O Panginoon, nagtatalo talaga ang loob ko. Parang tinig Mo ang mga salitang ito pero natatakot ako na kung mali ako, baka maipagkanulo Kita. Panginoon, hindi ako sigurado kung ang Makapangyarihang Diyos ay Ikaw na nagbalik. Kung talagang gawain Mo ito, pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako. Kung hindi naman, pakiusap ay tulungan Mo akong manindigan laban dito.”

Pagkalipas ng ilang araw, muling inilabas ng nanay ko ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at sinabi sa akin: “Basahin mo nang maayos ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at malalaman mo na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus. Kung hindi ka magsisiyasat, paano mo malalaman kung Siya ang Panginoon na nagbalik? Katulad ito ng isang magarbong piging: Kung titingnan mo lang ito pero hindi ka kakain ng alinman sa mga pagkain, hindi mo malalaman kung ano ang lasa nito. Naniniwala tayo sa tunay na Diyos, kaya ano ang ikinatatakot mo? Nanay mo ako—sa tingin mo ba ay ipahahamak kita?” Medyo nakakakumbinsi ang mga sinabi ng nanay ko. Naisip ko, “Totoo naman, nakinig lang ako sa mga pastor at nakatatanda, ginaya ang mga salita nila, hindi ako kailanman nagbasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos o nakinig sa mga sermon ng Kidlat ng Silanganan. Kaya paano ko malalaman kung ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus? Hindi ba’t nakumpirma kong ang Panginoong Jesus ang Manunubos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya?” Sa isiping ito, kinuha ko ang libro at nagsimulang buklatin ito. Nakita ko na sinasabi ng Makapangyarihang Diyos na: “Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa munting may takot sa Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Nang mabasa ko ang taimtim na panghihikayat na ito, nagsimula akong makaramdam ng kaba at takot, iniisip ko: “Ito nga kaya ang mga salita ng Diyos? Bakit pa nito sasabihin na ito ang salita ng buhay at ang daan sa katotohanan. Bakit nito hihilingin sa mga tao na magpatuloy sa paghahanap kung kahit ang pinakamaliit na bahagi nito ay naaayon sa kanilang mga paniniwala at sa Bibliya.” Nagpasya akong siyasatin ito. Kung hindi, baka mapalampas ko ang pagkakataong salubungin ang Panginoon, at maging huli na para magsisi. Kaya nagpatuloy akong magbasa at nakita ang siping ito: “Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Pariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong isiping mabuti kung paano malugod na sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsibilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap. Dapat nating kusutin ang ating espirituwal na mga mata para luminaw, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng labis-labis na pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspeto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, na laging nananabik sa araw na ang Panginoong Jesus, na nakasakay sa ulap, ay biglang bumaba sa inyo, at dalhin kayong mga hindi nakakilala o nakakita sa Kanya kailanman, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mas praktikal na mga bagay!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Nang mabasa ito, medyo nalito ako. Sa Bibliya, malinaw na nakasaad na babalik ang Panginoon nang may dakilang kaluwalhatian sakay ng mga ulap, kaya bakit sinasabi ng siping ito: “Dapat nating kusutin ang ating espirituwal na mga mata para luminaw, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng labis-labis na pantasya,” at “Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, na laging nananabik sa araw na ang Panginoong Jesus, na nakasakay sa ulap, ay biglang bumaba sa inyo”? Talaga bang hindi babalik ang Panginoon sakay ng mga ulap? Ano ba talaga ang nangyayari? Paulit-ulit kong pinag-isipan ang usaping ito pero hindi ko pa rin ito mawari. Tapos naisip ko na madalas na pumupunta sa bahay namin ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, kaya tatanungin ko na lang sila at titingnan kung ano ang masasabi nila.

Isang araw, pumunta sa bahay namin si Sister Mu Yu mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at sinabi ko sa kanya ang tungkol sa aking pagkalito. Ngumiti siya at sumagot: “Totoo na binanggit sa Bibliya ang pagbabalik ng Panginoon sakay ng mga ulap, pero nilalaman din nito ang iba pang mga propesiya tungkol sa kung paano Siya babalik. ‘Gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). ‘Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:24–25). At, ‘Kayo rin naman ay magsipaghanda: sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating(Lucas 12:40). ‘Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan Ako sa iyo(Pahayag 3:3). ‘Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw(Pahayag 16:15). ‘At pagkahating gabi ay may sumigaw, “Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya”(Mateo 25:6). At saka, ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko(Pahayag 3:20). Sa mga talatang ito, bakit palaging binibigyang-diin ng Panginoon ang ‘ang pagparito ng Anak ng tao,’ ‘ang Anak ng tao ay darating,’ at ‘ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan’? Ano ang tinutukoy ng ‘ang Anak ng tao’? Tumutukoy ito sa Espiritu ng Diyos na nagkatawang tao bilang ang Anak ng tao. Hindi talaga matatawag na Anak ng tao ang Espiritu ng Diyos. Isa pa, paulit-ulit na binabanggit ng Panginoon na babalik Siya ‘gaya ng magnanakaw,’ at sinasabing, ‘pagkahating gabi ay may sumigaw.’ Ipinahihiwatig nito na sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, gagawin Niya ito nang tahimik, na magkakatawang-tao Siya bilang ang Anak ng tao at bababa nang palihim nang walang sinumang makatutuklas sa nangyari. Katulad lang ito nang nagkatawang-tao ang Espiritu ng Diyos bilang ang Panginoong Jesus para magpakita at gumawa. Mukhang isang normal na tao ang Panginoong Jesus, at naglakbay Siya sa kung saan-saan para mangaral, pero walang nakakilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, na Siya ang pagpapamalas ni Cristo. Kaya, ganap tayong makatitiyak na sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw, magkakatawang-tao Siya bilang ang Anak ng tao para magpakita at gumawa.” Natigilan talaga ako nang sabihin ito ni Mu Yu. Madalas sabihin ng mga pastor at nakatatanda na “ang Anak ng tao” ay tumutukoy sa Panginoong Jesus, hindi sa pagbabalik ng Panginoon. Naisip ko sa sarili ko: “Bihasa sa Bibliya ang mga pastor at nakatatanda, kaya hindi sila maaaring magkamali. Siguro ay hindi pamilyar si Mu Yu sa Bibliya at nagkamali siya.” Nang mapagtanto ito, dali-dali kong sinabi: “Mu Yu, sinabi sa amin ng mga pastor at nakatatanda na ‘ang Anak ng tao’ ay tumutukoy sa Panginoong Jesus, hindi sa nagbalik na Panginoon na nagkatawang-tao.” Mapagpasensya siyang sumagot: “Kapatid, malinaw na isinasaad ng lahat ng talatang ito na mga propesiya ito hinggil sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Sinumang may kakayahang umunawa ay malilinawan dito. Paanong tumutukoy ito sa Panginoong Jesus? Hindi kaya nagkakamali ng pakahulugan sa mga salita ng Panginoon ang mga pastor at nakatatanda? At saka, tingnan mo ang Ebanghelyo ni Lucas, 17:24–25: ‘Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Sa mga talatang ito, ipinopropesiya ng Panginoon kung ano ang magiging sitwasyon sa Kanyang pagbabalik. Kung babalik ang Panginoon nang may dakilang kaluwalhatian na sakay ng mga ulap, tiyak na matatakot ang lahat at magpapatirapa sa lupa. Sino ang mangangahas na labanan at tanggihan ang Panginoon kung gayon? Paano, kung gayon, matutupad ang propesiyang, ‘Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito’? Kaya ayon sa mga salita ng Panginoon, walang duda na babalik Siya na nagkatawang-tao bilang ang Anak ng tao. Ang pagpapakita at paggawa ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ganap na tumutupad sa mga propesiya ng Panginoong Jesus.”

Matapos marinig ang pagbabahagi ni Mu Yu, hiyang-hiya talaga ako. Napakapraktikal ng pagbabahagi niya at lubusan akong nakumbinsi. Napagtanto ko sa wakas kung bakit, kapag nagsasalita ang Panginoong Jesus tungkol sa pagbabalik Niya, palagi Niyang binabanggit “ang pagparito ng Anak ng tao,” “ang Anak ng tao ay darating,” at “ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan.” Paulit-ulit Niyang binibigyang-diin ang “ang Anak ng tao” para sabihin sa atin na babalik Siya sa katawang-tao, nagpapakita at gumagawa bilang Anak ng tao. Nagulat ako na bagaman alam na alam ko ang Bibliya at madalas na ipaliwanag ito sa ibang tao, hindi ko napansin kailanman na napakalinaw nitong isinasaad na babalik Siya bilang ang Anak ng tao para magpakita at gumawa. Pikit-mata lamang akong naniwala sa sinabi sa akin ng mga pastor at nakatatanda. Talagang gulong-gulo ang isip ko sa aking pananampalataya, at ang lahat ng taon ng pag-aaral ko ng Bibliya ay nawalan ng kabuluhan. Wala ako ni katiting na pagkaunawa sa mga salita ng Panginoon at bulag pa rin akong nagyayabang at basta-bastang nanghuhusga. Wala akong katwiran! Masaya ako na napatahimik ko ang puso ko at nakinig ako sa pagbabahagi ni Mu Yu. Kung nakinig lang ako sa mga salita ng mga pastor at nakatatanda, nakatitig pa rin sana ako sa mga ulap, naghihintay sa Panginoon na bumaba sa mga ito, at sa huli, tatalikuran ako at ititiwalag ng Diyos! Nagpatuloy si Mu Yu sa pagbabahagi, sinasabing: “Ang pagbabalik ng Diyos sa mga huling araw ay magaganap sa dalawang yugto. Una, Siya ay magkakatawang tao at darating nang palihim, pagkatapos, kalaunan, darating Siya sakay ng mga ulap at hayagang magpapakita. Ang pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos sa katawang tao ay nangyayari na ngayon—ito ang unang yugto ng Kanyang pagbabalik, kung saan dumarating Siya at gumagawa nang palihim. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan, upang Kanyang madalisay at mailigtas ang sangkatauhan, at tulutan ang tao na lubusang makawala sa kasalanan at maging banal. Ang mga tunay na nananalig sa Diyos at nananabik sa Kanyang pagpapakita ay nakikilala ang tinig ng Diyos sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakasiiguro na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus, at babaling sa Kanya. Silang lahat ay matatalinong dalaga na nadala sa harap ng trono ng Diyos at ngayon ay natatanggap at nararanasan nila ang paghatol at pagpapadalisay ng mga salita ng Diyos. Kaya hindi posibleng makikita natin ang Panginoon na sakay ng mga ulap sa mga panahong ito. Pagkatapos lang na malikha ng Diyos ang isang grupo ng mga mananagumpay na ang Kanyang lihim na gawain habang nasa katawang tao ay matatapos. Saka pa lang Niya ibabagsak ang mga sakuna sa sangkatauhan, gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama, at sa wakas ay bababa sakay ng mga ulap, inihahayag ang Kanyang sarili sa lahat ng bansa at tao. Sa panahon iyon, ang mga dating kumondena at lumaban sa Makapangyarihang Diyos ay mapupuno ng pagsisisi. Hahampasin nila ang kanilang dibdib, magnanangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin sa mga sakuna kapag nakita nila na nilalabanan nila ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ganap nitong tinutupad ang propesiya sa Pahayag: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7).”

Pagkatapos niyon, binasahan ako ni Mu Yu ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Matapos marinig ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, isinantabi ko ang pride ko at sa wakas ay nakita ko na nagkikimkim ako ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa pagparito ng Panginoon. Hindi nakapagtataka na naghintay ako nang maraming taon na hindi nakikitang bumaba ang Panginoon sakay ng mga ulap. Babalik muna Siya na nagkatawang-tao at nang palihim, ipapahayag ang Kanyang mga salita para iligtas ang sangkatauhan, at lilikha ng isang grupo ng mga mananagumpay bago magsimula ang mga kalamidad. Saka lamang siya paparito sakay ng mga ulap at magpapakita nang hayagan. Pero nalihis ako ng mga pastor, wala sa konteksto ang pag-unawa sa mga sipi at kumakapit sa mga salita ng Bibliya. Muntik ko nang mapalampas ang pagkakataon kong masalubong ang Panginoon, at napakalapit na Niya akong talikuran. Talagang napakamapanganib niyon!

Nagpatuloy si Mu Yu sa pagbabahagi: “Alam naman nating lahat na 2,000 taon ang nakararaan, naghihintay ang lahat ng Israelita sa Mesiyas, pero nang pumarito ang Panginoong Jesus at gumawa, kumapit ang mga Pariseo sa mga salita ng Kasulatan, at napuno ng mga kuru-kuro tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Naniwala sila na sa pagparito ng Diyos, tatawagin Siyang Mesiyas. Inakala nilang isisilang Siya sa isang maharlikang pamilya, magkakaroon ng maharlikang katayuan at kapangyarihan, at na palalayain Niya sila mula sa pamumuno ng pamahalaang Romano. Pero nang pumarito ang Panginoong Jesus, hindi Siya tinawag na Mesiyas. Isinilang Siya sa isang pamilya ng mga karaniwang tao, isinilang sa isang sabsaban, at inusig pa nga Siya at tinugis. Kaya itinatwa at kinondena nila Siya at sa huli ay ipinapako Siya sa krus. Sa paggawa ng karumal-dumal na kasalanang ito, natamo nila ang mga sumpa at parusa ng Diyos na humantong sa pagkasupil ng mga Israelita sa loob ng 2,000 taon. Isa itong tunay na napakasakit na leksyon! Ang ugat ng kanilang kabiguan ay karapat-dapat na pagnilayan. Kung wala tayong makukuhang kabatiran dito, malamang na susundan natin ang parehong landas ng paglaban sa Diyos na gaya sa mga Pariseo pagdating sa dakilang bagay ng paghihintay sa pagparito ng Panginoon.” Nang matapos si Mu Yu, ipinakita niya sa akin ang isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Pariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Nagbahagi si Mu Yu, sinasabing: “Inihayag ng Makapangyarihang Diyos ang diwa at ugat ng dahilan ng paglaban ng mga Pariseo sa Panginoong Jesus. Ang mga Pariseo ay likas na matitigas ang ulo at mapagmataas, tutol sila sa katotohanan, at namumuhi rito. Higit pa rito, hindi nila nauunawaan ang gawain ng Diyos at kumakapit sa mga salita ng Kasulatan, hinuhusgahan nila ang pagpapakita at gawain ng Diyos ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro at mga imahinasyon. Kahit nang magpahayag ang Panginoong Jesus ng maraming katotohanan at gumawa ng maraming tanda at himala, hindi nila hinanap o tinanggap man lang ito. Mapagmatigas nilang pinanghawakan ang mga salita ng Kasulatan, at nagsikap na magkamit ng bentahe laban sa Panginoon para kondenahin at labanan Siya, at sa huli ay ipinapako Siya sa krus. Kaya, sa pagsasaalang-alang sa pagparito ng Panginoon sa mga huling araw, dapat tayong matuto mula sa brutal na leksiyon ng kabiguan ng mga Pariseo, bitiwan ang ating mga kuru-kuro at imahinasyon, at siyasatin ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Tanging sa paggawa nito tayo makaaasa na masasalubong natin ang Panginoon. Ang mga pastor at nakatatanda ng pangkasalukuyang relihiyosong mundo ay katulad lang ng mga Pariseo. Kapag nababalitaan nilang nagpapatotoo ang mga tao sa pagparito ng Panginoon, hindi nila ito hinahanap o sinisiyasat at matigas silang kumakapit sa talata ng Bibliya tungkol sa pagparito ng Panginoon sakay ng mga ulap. Sinasabi nila na, ‘Sinumang nagpapakilala na Siya ang Panginoong Jesus pero hindi pumaparito sakay ng mga ulap ay isang huwad na cristo,’ walang pakundangang nilalabanan at kinokondena ang Makapangyarihang Diyos, at aktibong pinipigilan ang mga mananampalataya sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Kung hindi sila magsisisi kailanman, ilalantad sila ng gawain ng Diyos sa mga huling araw bilang mga huwad na mananampalataya at anticristo, at kapag tapos na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, sila ay mananangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin habang nasasadlak sila sa walang kapantay na mga sakuna.”

Natakot at nanginig ako nang marinig ito. Inihambing ko ang pag-uugali ko sa sinabi niya: Kumapit ako sa sa mga salita ng Bibliya pagdating sa pagsalubong sa Panginoon, at naniwala, batay sa sarili kong mga kuru-kuro, na ang Panginoon ay darating sakay ng mga ulap. Nang marinig ko ang mga tao na nagsasabing nagbalik na ang Panginoong Jesus, hindi ko lang ito hindi siniyasat, sumunod pa ako sa mga pastor at nakatatanda sa pikit-matang paglaban at pagkondena rito, nagpapakalat ng lahat ng uri ng tsismis para siraan at pagmukhaing masama ang Makapangyarihang Diyos, na nililihis ang mga mananampalataya at pinipigilan sila sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Walang ipinagkaiba ang pag-uugali ko sa mga Pariseo na lumaban sa Panginoong Jesus. Isa akong makabagong-panahong Pariseo, isang balakid na humahadlang sa mga mananampalataya sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Kung hindi dahil sa awa ng Diyos o sa pagbabahagi sa akin ni Mu Yu hinggil sa katotohanan, na nagpapahintulot sa akin na marinig ang tinig ng Diyos, ang isang taong sutil at matigas ang ulo na tulad ko, ay tatalikuran, ititiwalag, isusumpa at parurusahan ng Diyos sa huli. Gusto kong malinawan mula sa mga kalituhan ko, kaya tinanong ko kay Mu Yu: “Dahil nagkatawang tao muna ang Panginoon para gawin ang Kanyang gawain nang palihim, paano tayo makasisiguro na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagkatawang-taong Diyos, si Cristo ng mga huling araw?” Binasahan ako ni Mu Yu ng ilan pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ‘pagkakatawang-tao’ ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya, upang magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos). “Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, sa halip na maging makalaman. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit). “Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Pagkatapos niyang magbasa, nagbahagi si Mu Yu: “Malinaw na sinasabi sa atin ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nakadamit ng laman upang maging isang normal na tao, nagpapakita sa mundo para ipahayag ang katotohanan at gumawa. Kung titingnan, mukhang isang normal na tao si Cristo, pero nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos—Siya ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos. Kaya hindi lang may normal na pagkatao si Cristo, kundi meron din Siyang ganap na pagka-Diyos, na ang ibig sabihin ay ang likas na disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, Kanyang awtoridad, pagiging makapangyarihan sa lahat, at karunungan ay natupad lahat sa loob ng Kanyang laman na nagkatawang-tao. Si Cristo ang Diyos Mismo, ang Panginoon ng paglikha. Kaya, kaya ni Cristo na magpahayag ng katotohanan at magbunyag ng mga misteryo sa anumang oras, magpahayag ng disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, at isagawa ang gawain ng pagtutubos at pagliligtas ng sangkatauhan. Katulad lang ito ng kung paanong ang Panginoong Jesus ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos—Siya si Cristo. Kahit na mukha Siyang isang normal na tao sa panlabas at talagang nanirahan kasama ng mga tao sa lupa, nagagawa Niyang ipahayag ang katotohanan at ibunyag ang mga misteryo ng kaharian ng langit sa anumang oras, at binigyan Niya ang sangkatauhan ng daan ng pagsisisi. Pinatawad ng Panginoong Jesus ang mga kasalanan ng tao at ipinahayag ang mapagmahal at maawaing disposisyon ng Diyos. Gumawa rin Siya ng maraming tanda at himala: Pinagaling Niya ang mga maysakit, pinalayas ang mga demonyo, muling binuhay ang mga patay, pinakalma ang hangin at dagat, pinakain ang 5,000 ng limang tinapay at dalawang isda at iba pa. Ang mga salita at gawain ng Panginoong Jesus ay isang ganap na pagpapamalas ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Nakumpirma nating lahat na ang Panginoong Jesus ay si Cristo at ang Diyos na nagkatawang-tao, batay sa Kanyang mga salita at gawain. Kaya sa pagkumpirma kung Siya ba ang Diyos na nagkatawang-tao o hindi, hindi natin dapat ibatay ang ating pagsusuri sa Kanyang panlabas na itsura, sa kung anong pamilya Siya ipinanganak, kung Siya ay may katayuan o kapangyarihan, o kung Siya ba ay sinusuportahan o tinatanggihan ng iba, kundi lubusan itong ibatay sa kung kaya ba Niyang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng Diyos. Iyon ang susi. Hangga’t kaya Niyang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, gaano man Siya mukhang pangkaraniwan sa panlabas, at gaano man Siya kinondena at tanggihan, hindi maikakailang Siya pa rin ang Diyos na nagkatawang-tao, Siya si Cristo. Mula nang magpakita para isagawa ang Kanyang gawain, nagpahayag na ang Makapangyarihang Diyos ng milyun-milyong salita at ibinunyag ang lahat ng misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos. Inihayag Niya ang layon ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang katotohanan sa likod ng tatlong yugto ng Kanyang gawain, ang misteryo ng mga pagkakatawang-tao at mga pangalan ng Diyos, ang katotohanan sa likod ng Bibliya, kung paanong dinadalisay at inililigtas ang mga tao ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, ang mga kalalabasan at hantungan ng bawat uri ng tao, kung paanong naisasakatuparan ang kaharian ni Cristo sa lupa at marami pang iba. At hindi lamang iyon, hinahatulan at inilalantad din ng Makapangyarihang Diyos ang kalikasan ng mga taong lumalaban sa Diyos at sataniko at iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon nila at ipinapakita sa mga tao ang landas tungo sa pagpapalaya sa kanilang sarili sa kasalanan at tungo sa pagkaligtas, kasama ang marami pang ibang bagay. Ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay napakasagana—ipinahayag Niya ang lahat ng aspekto ng katotohanan na kailangan natin para lubusang makamit ang kaligtasan, at wala sa mga misteryo o katotohanang ito ang narinig na dati ng tao. Nararanasan ng mga taong hinirang ng Diyos ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita ngayon, at nakapagtamo silang lahat ng ilang totoong pagkaunawa sa kanilang mga tiwaling disposisyon at kaalaman sa matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos. Unti-unti silang napapalaya mula sa mga gapos at hadlang ng kasalanan, at nabago ang kanilang mga disposisyon sa buhay sa iba’t ibang antas. Sa pamamagitan lang ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at personal na pagdanas sa Kanyang gawain sa mga huling araw nating lahat malalaman na ang Makapangyarihang Diyos ay ang Diyos na nagkatawang-tao at si Cristo ng mga huling araw.”

Nagbibigay-liwanag ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang pagbabahagi ni Mu Yu. Nakita ko na ang susi sa pagtukoy kung ang Makapangyarihang Diyos ay ang Diyos na nagkatawang-tao ay nakadepende kung kaya ba Niyang ipahayag ang mga katotohanan, gawin ang gawain ng pagliligtas, at kung kaya Niyang ipahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya. Kitang-kita rito na ang Makapangyarihang Diyos ay talagang ang Diyos na nagkatawang-tao, ang nagbalik na Panginoong Jesus, kung hindi, sino pa ang makapagbubukas ng balumbon at pitong selyo para ibunyag ang lahat ng nakatagong misteryo at katotohanan? Kung hindi ang Diyos, sino ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa mga gapos at kadena ng kasalanan?

Nagpatuloy si Mu Yu, sinasabing: “Sa kasalukuyang pagpapakita na ito, pangunahing nagpapahayag ang Diyos ng Kanyang mga salita para tukuyin ang mga tunay na nananabik sa Kanyang pagdating at nakakarinig ng Kanyang tinig. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Lahat ng tupa ng Diyos ay nananabik sa katotohanan. Kapag may naririnig silang nagsasabing nagbalik na ang Panginoon, hinahanap at sinisiyasat nila ang tunay na daan. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakikilala nila ang tinig ng Diyos, tinatanggap nila at sinusunod ang Makapangyarihang Diyos at nagkakaroon ng pagkakataong maligtas. Ang mga hindi tupa ng Diyos ay hindi makikilala ang tinig ng Diyos at hinuhusgahan nila at kinokondena pa nga ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa huli, makukuha nila ang parusang nararapat sa kanila. Kaya, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para ibunyag ang bawat uri ng tao sa mga huling araw, pinagbubukod-bukod sila ayon sa kanilang uri, pagkatapos nito ay gagantimpalaan Niya ang mabuti at parurusahan ang masama. Ganap nitong ipinamamalas ang matuwid na disposisyon ng Diyos.” Nang marinig ko ito, napayuko ako at tumulo ang mga luha ko. Alam ko na talagang nilabanan ko ang Diyos. Inalala ko kung kailan una kong narinig ang mga tao na ipinangangaral na nagbalik na ang Panginoon, hindi ako naghanap o nagsiyasat, pikit-mata lang akong sumunod sa mga pastor at nakatatanda, nagpapakalat ng kasinungalingan at tinatakot ang mga mananampalataya para pigilan sila sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Dahil dito, inatake ako ng ubo hanggang sa hindi na ako makapagsalita, nagkasakit ako, nabali ko pa nga ang collarbone ko at nabangga rin ang sasakyan ni Elder He. Napagtanto ko na hindi aksidente lang ang mga ito. Lahat ito ay parusa at kabayaran sa paglaban sa Diyos! Pero naging masyado akong manhid at hindi ko alam na kailangan ko nang magising. Patuloy kong kinokondena at nilalabanan ang pagpapakita at gawain ng Diyos, inaakala na pinangangalagaan ko ang daan ng Panginoon at pinoprotektahan ang kawan. Napakamanhid ko! Hindi ko kailanman naisip na ang Kidlat ng Silanganan—na patuloy kong sinisiraan, kinondena, at nilalabanan—ay talagang ang Panginoong Jesus na matagal ko nang hinihintay! Labis akong naghihinagpis at nagsisisi. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging bulag at hangal ko, sa pananalig sa Diyos nang hindi nakikilala ang Kanyang gawain, at sa pagsunod sa mga nakatatanda sa paglaban at pagkondena sa Diyos at pagpigil sa mga mananampalataya sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Base sa ugali ko, talagang karapat-dapat akong parusahan ng Diyos. Pero hindi ako pinakitunguhan ng Diyos ayon sa aking mga paglabag, at binigyan pa rin Niya ako ng pagkakataon na marinig ang Kanyang tinig. Ginamit Niya ang nanay ko na paulit-ulit na nagpapatugtog ng mga himno ng Kanyang mga salita at ang pagbabahagi ni Mu Yu sa akin ng katotohanan para unti-unting tulungan ang manhid at matigas kong puso na magising at magkamit ng kabatiran, nang sa gayon ay tanggapin ko ang Kanyang pagpapakita at gawain. Salamat sa Makapangyarihang Diyos sa Kanyang awa at pagliligtas!

Pagkatapos niyon, sabik kong binasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, natutuhan ko ang kahulugan ng Kanyang pangalan sa bawat kapanahunan, ang katotohanan sa likod ng Bibliya, kung paano nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Nalaman ko rin na ang ugat ng pagiging makasalanan at paglaban ng tao sa Diyos ay ang ating satanikong kalikasan, at kung paano hangarin na alisin ang katiwalian sa aking sarili, matamo ang kaligtasan, at marami pang iba. Nakita ko na ganap na tinutupad ng mga salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Nilutas ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang labis kong kalituhan at mga kuru-kuro at ganap akong nakasiguro na ang mga ito ay personal na pagbigkas ng Diyos. Ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus na matagal ko nang hinihintay. Para akong isang bata na sa wakas ay muling nakasama ang matagal na niyang nawawalang ina. Hindi ko napigilang hawakan nang mahigpit ang aklat ng mga salita ng Diyos at mapaiyak. Namuhi ako sa sarili ko dahil naging sobrang bulag ako na hindi ko nakilala ang Diyos, na walang-patumangga kong nilabanan at kinondena ang Kanyang gawain sa mga huling araw, na naging hadlang ako sa mga mananampalatayang nagsisiyasat sa tunay na daan at naging isang taong lumaban sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, labis akong nagsisi at nagpasyang simulan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa lalong madaling panahon, para dalhin sa harap ng Diyos ang mga nalihis at nahadlangan ko at makabawi sa aking mga paglabag dati para mapanatag ang puso ng Diyos. Pagkatapos niyon, sumali ako sa mga hanay ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Habang nagbabahagi ng ebanghelyo, ipinangaral ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, tinulungan ang iba na marinig ang tinig ng Diyos, at madalas kong sabihin sa mga tao kung paanong kumakapit ako noon sa mga salita ng Bibliya at gumagawa ng masasamang gawa bilang paglaban sa Diyos. Sinabi ko sa kanila na matuto mula sa mga aral ng mga kabiguan ko dati. Nang makitang parami nang parami ang mga tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, sobrang saya, panatag, at payapa ng pakiramdam ko.

Sa pagbabalik-tanaw sa daang tinahak ko, mula sa paglaban sa Diyos hanggang sa malupig ng Kanyang mga salita, nakita ko ang masigasig na pagsusumikap na ginawa ng Diyos alang-alang sa akin. Kahit gaano ako kamapaghimagsik, hindi ako pinabayaan ng Diyos at pinahintulutan pa nga Niya ako na marinig ang Kanyang tinig at masalubong Siya. Iyon ang dakilang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa akin! Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan: 79. Pag-unawa sa Ibig Sabihin ng Pagiging Isang Mabuting Tao

Sumunod: 81. Isang Di-Malilimutang Karanasan sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

70. Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito