78. Paano Ako Napinsala ng Pagiging Tuso

Ni Samantha, Hapon

Minsan nang ibinubuod namin ang aming gawain, ipinaalam ng isang lider ng iglesia na hindi masyadong maganda ang naging takbo ng aming gawain ng ebanghelyo kamakailan, at sinabihan akong ipaliwanag iyon. Noon ko lang napagtanto na nabawasan ang pagiging produktibo namin. Pagkatapos ng pagpupulong, nagmadali akong siyasatin ang bagay na iyon, at natuklasan ko na nabawasan nang kalahati ang pagiging produktibo namin kumpara noong nakaraang buwan. Lubos akong nabalisa dahil dito: “Kung magpapatuloy kami nang ganito, hindi nakagagawa nang maayos, matatanggal ba ako? Hindi pwede iyon—kailangan kong malaman ang ugat ng problema, at pataasin ulit ang pagiging produktibo namin.” Kaya isa-isa kong kinausap ang mga kapatid, tinatanong sila tungkol sa kahit anong problema o paghihirap sa kanilang tungkulin. Sa mga pagtitipon, partikular akong nagbabahagi tungkol sa mga problemang ito at ipinapabahagi ko sa mga maayos ang kalagayan ang kanilang mga karanasan. Sa sumunod na ilang araw, nagsimulang bumuti nang kaunti ang aming trabaho at sa wakas ay napanatag na ako: “Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, bahagyang magiging mas mabuti ang trabaho namin kaysa noong nakaraang buwan. Kung ipagpapatuloy ko ito, hindi gagawa ng anumang masama o anumang nakagagambala, magagawa kong manatili sa iglesia at hindi matitiwalag.” Pagkatapos niyon, nagsimula nang humupa ang tensyon ko. Noong magkakatapusan na ng buwan, napansin ko na pareho ang mga resulta namin sa naunang buwan. Naisip ko: “Kung maganda ang trabaho namin sa buwang ito, kakailanganin naming mas galingan sa susunod na buwan para magmukhang umuusad ako. Nangangahulugan iyon ng paggugol ng mas higit pang pagsisikap. Kailangan ko ba talaga ang pressure na ito? Maayos naman na ang trabaho namin sa buwang ito—hindi ako matatanggal o matitiwalag.” Ganap akong napanatag nang isipin ko iyon sa ganoong paraan. Sa pagganap sa tungkulin ko, iniraos ko lang ang gawain, naging kampante, at tumigil ako sa masusing pangungumusta sa aming gawain. Kapag binabanggit ng mga kapatid ang mga paghihirap nila, hindi ako nagbabahagi para lutasin ang mga iyon. Minsan kapag natutuklasan kong nilalabag ng ilan sa kanila ang mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, wala akong ginagawa tungkol doon. Iniisip ko lang na mga indibidwal na problema ito, at ayos lang iyon basta’t hindi niyon naaapektuhan ang pangkalahatang pagiging epektibo namin. Minsan napapansin ko na tinatamad ang mga kapatid ko sa kanilang tungkulin at wala silang nadaramang pagmamadali. Alam ko na isa iyong problema na dapat lutasin, pero sa sandaling naalala ko na nagkakaroon kami ng maayos na mga resulta, naisip kong normal lang na maging pabaya, at nagbulag-bulagan ako. Noong namumuhay ako sa ganoong kalagayan, nakadama ako ng tunay na espirituwal na kadiliman. Hindi ako nagkakamit ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa mga salita ng Diyos. Ni hindi ko tinutuklas ang anumang mga problema sa aking gawain—inaantok pa nga ako at nakakatulog kapag ibinubuod namin ang gawain. Nagsimula lang akong mataranta nang makita kong patuloy na bumababa ang pagiging produktibo namin—tapos ay nagmadali akong magtanong sa mga kapatid para makita kung saan kami nagkakamali.

Pagkatapos ay nakinig ako sa pagsasalita ng isang sister sa isang pagtitipon: “Kapag napagtatanto ng ilang tao na hindi maganda ang trabaho nila sa kanilang tungkulin, natatakot silang malipat o matanggal. Noon lamang sila magsisimulang magsikap. Pero sa oras na makakuha sila ng kaunting resulta, nagiging sakim sila sa kaginhawahan at binibitawan ang kanilang pasanin. Isa itong tusong paraan ng paggawa ng tungkulin—isa itong mapanlinlang na pag-uugali.” Nakapukaw ito ng ilang damdamin sa akin. Hindi ko mapigilang pagnilayan ang aking sarili: Nang bumaba ang pagiging produktibo namin, inipon ko ang lakas ko sa takot na mailipat o matanggal ako. Gusto kong magkaroon ng mas magagandang resulta. Kapag nagkakaroon ako ng mas magagandang resulta o hindi nagbabago ang mga iyon, nagnanasa ako ng kaginhawahan at iniraraos ko lang ang gawain at nagmamabagal sa aking tungkulin. Akala ko ay sapat nang makakuha ng hindi pabagu-bagong resulta kada buwan at hindi matanggal. Hindi ba’t pagiging tuso at madaya iyon? Napagtanto ko na sa tuwing nahaharap ako sa ganitong uri ng sitwasyon, pareho ang inilalantad ko at ang paraan ng pagkilos ko. Sa puntong iyon ay medyo natakot ako.

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumanap sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, maging maluwag, o magpalusot. Kung ikaw ay nagiging maluwag, tuso, o madaya at taksil, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, ‘Walang nakakita na nandaya ako. Ang galing!’ Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa maikling panahon ang iyong katiwalian at kasamaan, at bagama’t hindi nila iyon sasabihin nang tahasan, susuriin ka nila sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil napakaraming iba pa ang nakaunawa sa mga ito. Nang mahalata ng lahat ang diwa ng mga ito, inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong iyon at pinatalsik ang mga ito. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat nilang gamitin ang kanilang konsiyensiya sa paggawa ng mga praktikal na bagay. Maaaring mayroon kang mga depekto, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung lagi mong iniisip na ayos ka lang, na nakatitiyak kang hindi ka ititiwalag, kung hindi ka pa rin nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo ang iyong mga wastong gawain, kung palagi kang pabaya, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at malamang talaga na ititiwalag ka. Iyon ay dahil nahalata ka na ng lahat at nawalan ka na ng dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, maaari ka bang pagtiwalaan ng Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Talagang hindi Niya mapagkakatiwalaan ang gayong tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin). Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin ay ang paglalagay ng kanilang puso roon at pagbabayad ng halaga, pagbibigay ng lahat ng makakaya nila. Kung makakukuha sila ng magagandang resulta sa pagbabayad ng kaunti pang halaga pero nagpipigil sila, kontento nang magkamit lang ng kaunti sa kanilang tungkulin, panloloko iyon sa Diyos, pagiging tuso. Nakikita ko ang sarili kong pag-uugali sa aking tungkulin—kontento na akong magkamit ng kaunti para lang masigurong hindi ako matatanggal. Hindi ako humanap ng mga paraan para lutasin ang mga problema at paghihirap ng mga kapatid. Kapag ibinubuod ang aming gawain, iniraraos ko lang iyon, at nang makita ko ang ilan sa kanila na lumalabag sa mga prinsipyo sa kanilang tungkulin o nagpapakatamad, inisip kong ayos lang iyon basta’t hindi niyon naaapektuhan ang pangkalahatan naming tagumpay. Nagbulag-bulagan ako roon. Malinaw na ang paglalagay ng aking puso sa gawain at pagbabayad ng kaunti pang halaga ay makapagpapabuti sa aming mga resulta, pero ayaw kong mapagod o mamrublema, kaya gumamit ako ng pandaraya. Sa aking tungkulin, nagkikimkim ako ng mababaw na katalinuhan, pagpapakana, at pandaraya sa Diyos. Talagang mapanlinlang iyon! Kapag nag-aatas sa iba, gusto ng lahat na makahanap ng isang taong matapat at maaasahan—iyong tipo ng tao na maaasahan at mabibigyan ng kapanatagan ang isip ng mga tao. Pero kung aatasan mo ang isang tao na nagkikimkim ng mababaw na katalinuhan at nanloloko, hindi lang niya hindi matatapos ang gawain, kundi baka sirain pa niya ito. Ang ganoong uri ng tao ay walang konsensya o katwiran, o kahit mga pangunahing pamantayan ng pagkilos. Kahit kaunti ay hindi siya nararapat sa tiwala o pagkatiwalaan ng kahit na ano. Nalaman kong ganoong-ganoon ako. Tumanggap ako ng tungkulin pero hindi ko ibinigay roon ang lahat ng makakaya ko. Niloko ko ang Diyos at naging tuso ako. Mukhang nagkakaroon ako ng kaunting resulta sa aking tungkulin, at walang napansing anumang problema ang ibang tao, pero nakikita ng Diyos ang lahat. Kung patuloy akong magiging pabasta-basta sa mahabang panahon, mabubunyag ako at matitiwalag ng Diyos sa huli. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya’ (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng ‘bawiin’? Ano ang mararamdaman ng mga tao roon? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang walang pananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi ka sinsero, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Matuwid ang Diyos. Nagpapakatuso at pabasta-basta ako sa aking tungkulin, hindi ginagawa ang dapat kong gawin ni ang kaya kong gawin, kaya hindi ko na nakikita ang mga malinaw na problema, palagi akong inaantok sa aking tungkulin, at nabawasan ang pagiging produktibo ko. Ito ang paghahayag ng Diyos ng Kanyang disposisyon sa akin. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, handang magsisi sa Kanya, hinihiling sa Kanya na patnubayan akong makilala nang mas mabuti ang aking sarili.

Tapos, sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang tumatak sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at madaya. Kung isa kang tusong tao at kumikilos ka nang madaya, hindi ba’t mamumuhi ang Diyos sa iyo? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, papapanagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mababait at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang kanilang mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi sila matapat na tao, na tuso sila, na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, palagi Siyang nililinlang, at hindi kailanman ibinibigay ang puso nila sa Kanya—ayaw ng Diyos sa kanila, at kinasusuklaman at tatalikuran sila ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at iyong matatamis ang dila at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang tunay na mga diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang mga ganitong tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. … Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng anyong tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos. Kaya, ano ang kalagayan ng mga taong ito ngayon? May kadiliman sa kanilang puso, wala silang tunay na pananalig, at kahit na anong mangyari sa kanila, hindi sila kailanman nabibigyang-liwanag o natatanglawan. Kapag nahaharap sila sa mga sakuna at kapighatian, nagdarasal sila sa Diyos, pero wala sa kanila ang Diyos, at wala silang tunay na maaasahan sa kanilang puso. Para magtamo ng mga pagpapala, sinusubukan nilang magpanggap nang mabuti, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, sapagkat wala silang konsensiya at katwiran. Hindi nila kayang maging mabuting tao kahit gustuhin nila; kahit gusto nilang tumigil sa paggawa ng masasamang bagay, hindi nila makokontrol ang sarili nila, hindi ito uubra. Makikilala ba nila ang kanilang sarili matapos silang paalisin at itiwalag? Bagama’t malalaman nilang nararapat sa kanila ito, hindi nila ito aaminin sa sinuman, at kahit mukhang kaya nilang gawin ang kaunting tungkulin, kikilos sila nang madaya, at hindi magbubunga ng anumang malinaw na mga resulta ang kanilang gawain. Kaya ano ang masasabi ninyo: Nagagawa ba ng mga taong ito na tunay na magsisi? Talagang hindi. Ito ay dahil wala silang konsensiya o katwiran at hindi nila minamahal ang katotohanan. Hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng tuso at masamang tao. Anong pag-asa ang mayroon sa paniniwala sa Diyos para sa gayong mga tao? Ang kanilang paniniwala ay wala nang kabuluhan, at malamang na wala silang mapala mula rito. Kung, sa buong pananalig nila sa Diyos, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, kahit ilang taon na silang nananampalataya; wala itong magiging epekto; kahit na manampalataya sila hanggang sa pinakahuli, wala silang matatamo(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Kumirot ang puso ko nang mabasa ko ang mga salitang “tuso,” “mapanlinlang,” “napakahirap na makilatis,” “hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos,” at “malamang na wala silang mapala mula rito.” Pakiramdam ko ay inilalantad at kinokondena ako ng Diyos. Noon pa man ang palagay ko ay hindi ka dapat maging masyadong matapat, na kailangan mong maging mapagkalkula at magkaroon ng mga lihim na plano. Namuhay ako ayon sa satanikong pilosopiya ng “Huwag kailanman magpalamang,” tinitimbang kung makikinabang ba ako bago ko gawin ang kahit na ano, at umaasang makakuha ng pinakamalaking kapalit sa pinakamaliit na pagsisikap. Naniwala ako na iyon ang nagpapatalino sa isang tao. Patuloy kong isinasagawa ang pilosopiyang iyon sa pamumuhay matapos magkamit ng pananampalataya. Inakala kong hindi ako pwedeng maging masyadong tapat sa aking tungkulin o magbigay ng lahat ng lakas ko roon, na kahangalan iyon. Kung sa huli ay hindi ako pinagpala, hindi ba’t isang napakalaking kawalan iyon? Hindi ko makakayanan ang pagdanas ng kawalan. Mas mabuting gumugol nang kaunti pero makakuha ng malalaking pagpapala—iyon ang matalinong paraan! Kaya nagsisikap lang ako sa aking tungkulin kapag sa tingin ko ay kailangan, at palagi kong tinatantiya kung kailangan ba ng pagsisikap. Masyado akong mapagkalkula. Kapag mataas ang pagiging produktibo ay nagpapakasaya ako sa ilang araw na pahinga. Kahit kapag nakikita kong may mga problema sa gawain, kung hindi nito naaapektuhan ang pagiging epektibo namin at hindi ako matatanggal at matitiwalag, hindi ako nakakaramdam ng pagmamadali, at wala sa loob na palilipasin lang ang mga araw. Kung hindi maganda ang trabaho namin at ako ang magpapasan sa mga kalalabasan, magtatrabaho ako nang husto, hahanapin ang mga dahilan niyon, at lulutasin ang mga problema. Sa sandaling magkaroon kami ng ilang resulta ay huhupa ang tensyon ko at magsisimula akong magpakasasa sa mga kaginhawahan ko at mas magpapahinga. Napakatuso at mapanlinlang ko! Paano iyon naging paggawa ng isang tungkulin o pagiging matapat sa Diyos? Akala ko ay matalas ang isip ko pero nakikita ng Diyos ang lahat. Talagang hindi ililigtas ng Diyos ang mga tao na palaging tuso sa kanilang tungkulin. Gusto ng Diyos ng matatapat na tao—binubuksan ng matatapat na tao ang kanilang mga puso sa Diyos. Taos-puso sila sa kanilang mga tungkulin. Ginagampanan nila ang kanilang mga responsibilidad at ibinibigay ang lahat ng mayroon sila, at hindi sila nag-iiwan ng daan palabas para sa mga sarili nila o isinasaalang-alang kung pagpapalain ba sila. Pagpapalain ng Diyos ang ganoong uri ng tao. Ako ang taong nangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, at sa pagiging tuso, pabasta-basta, at walang pakialam sa pag-usad, napigilan ko ang pagkalutas ng mga negatibong kalagayan at mga problema ng iba sa tamang panahon, at naging dahilan kaya nabawasan ang pagiging produktibo ng aming gawain. Hindi lang niyon napinsala ang mga kapatid, kundi nahadlangan din ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Nakadama ako ng labis na panghihinayang at paninisi sa aking sarili nang maisip ko iyon. Nagdasal ako sa Diyos na handa na akong magsisi, at sumumpa sa harapan Niya na ibubuhos ko ang lahat ng lakas ko sa aking tungkulin mula noon, at ititigil ang pagiging tuso at pabasta-basta.

Tapos ay nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na nakatulong sa aking maunawaan ang kahulugan ng paggawa ng tungkulin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilalang sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pagpatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananalig sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat sa pagpaparangal—ito ay isang positibong bagay. … Ang gayon kaganda at gayon kalaking bagay ay binaluktot at ginawa nang isang transaksiyon ng angkan ng mga anticristo, kung saan nangangalap sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Diyos. Ang gayong transaksyon ay ginagawang napakapangit at napakabuktot ang isang bagay na napakaganda at napakamakatarungan. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Kung pagbabatayan ito, hindi ba’t buktot ang mga anticristo? Talagang buktot nga sila! Isa itong pagpapamalas ng kanilang kabuktutan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Nagkaroon ng malaking epekto sa akin ang pagbabasa sa mga naghahayag na salita ng Diyos. Tahimik na ibinibigay ng Diyos ang lahat ng makakaya Niya para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, tinutustusan tayo ng kailangan natin at binibigyan tayo ng pagkakataong gumawa ng tungkulin upang sa panahong iyon, magawa nating hangarin ang katotohanan at lutasin ang ating mga tiwaling disposisyon, magpasakop sa Diyos, maging matapat sa Kanya, at makamit ang Kanyang pagliligtas. Ang paggawa ng tungkulin sa iglesia ay ating responsibilidad, ating obligasyon, at pagbibigay iyon ng Diyos sa atin ng pagkakataong magkamit ng katotohanan at maligtas. Ito ang pinakakahanga-hanga, pinakamakatarungan na gawaing maaaring tanggapin ng isang tao. Pero binabaluktot ng mga anticristo ang ganitong uri ng maganda, makatarungan na bagay at ginagawang isang negosyo, isang transaksyonal na bagay. Pinanghahawakan nila ang pag-asa na pagpapalain sila sa kanilang pananampalataya at kanilang tungkulin. Imposibleng magkaroon sila ng sinseridad, o magdusa at magbayad ng halaga. Sila ay mga tipikal na hindi mananampalataya at oportunista. Kung titingnan kung paano ako kumilos sa aking tungkulin, hindi ba’t katulad din nila ako? Hindi ko kinokonsidera ang mga layunin ng Diyos sa aking tungkulin, at palagi akong nagpipigil. Gusto kong makakuha ng maraming kapalit sa pagbibigay ng kaunting-kaunti. Hindi ba’t ginagawa kong isang transaksyonal na bagay ang tungkulin ko? Palagi kong iniisip dati na basta may mga resulta ako sa aking tungkulin, makapanatili sa iglesia, at hindi matanggal o matitiwalag, maliligtas ako. Pero sa wakas ay nakita ko na ang mga iyon ay mga sarili kong kuru-kuro at imahinasyon na hindi nakaayon sa mga salita ng Diyos. Kailanman ay hindi sinabi ng Diyos na ang pagkakamit nang kaunti sa iyong tungkulin, hindi paggawa ng masama, at hindi matanggal o matiwalag ay nangangahulugang maliligtas ka na. Pinagpapasyahan ng Diyos kung maliligtas ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, kung pumapasok sila sa katotohanang realidad sa kanilang tungkulin, at kung nilulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Walang ibang madaling paraan. Gusto ng Diyos na maging tapat ang mga tao. Kung ang mga tao ay palaging tuso at pabasta-basta sa kanilang tungkulin, kahit na maaaring magkamit sila ng ilang bagay, kinamumuhian naman sila ng Diyos. Sa huli ay mabubunyag sila at matitiwalag ng Diyos. Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig(Pahayag 3:16). Hindi ko iniisip ang pag-usad sa aking tungkulin, at iniraraos ko lang ang gawain. Hindi ba’t saloobin iyon ng pagiging hindi mainit ni malamig kundi pagiging maligamgam lang? Hindi ba ako iluluwa ng Diyos? Nakakatakot na malamang hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Nagdasal ako, “Diyos ko, gusto kong magsisi. Mula ngayon ay ibubuhos ko ang lahat sa aking gawain. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung iraraos ko lang ang gawain.”

Nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, sa katunayan, ginagawa nila ang dapat nilang gawin. Kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa Diyos nang may pag-uugali ng katapatan at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang ugaling ito? Kaya paano mo dapat gamitin ang ugaling ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Dapat mong gawing realidad mo ang ‘pagsamba sa Diyos nang may puso at katapatan.’ Tuwing gusto mong magpakakupad at iraos lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing naaabala ka o mas ginugustong magpakasaya na lamang, dapat mong isaalang-alang: ‘Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsasapuso ko sa paggawa ng aking tungkulin? Ako ba ay nagiging di-tapat sa paggawa nito? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong tuparin ang inaasahan sa akin sa atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?’ Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay palaging pabasta-basta sa iyong tungkulin, na ikaw ay hindi tapat, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, ‘Nadama ko sa sandaling iyon na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; pinahapyawan ko lang iyon nang walang-ingat. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!’ Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin nang lubusan ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin ay mali. Nawalan ka ng ingat doon, gayundin sa dagdag na trabaho, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at hayaan Siyang disiplinahin at ituwid ka. Dapat magkaroon ka ng gayong kalooban sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka ka lamang tunay na makapagsisisi. Makapagbabago ka lamang nang lubusan kapag malinis ang iyong konsensiya at nagbago na ang iyong saloobin sa pagganap mo sa iyong tungkulin. At habang nagsisisi ka, dapat mo ring pagnilayan nang madalas kung talagang naibigay mo ang iyong buong puso, buong isipan, at buong lakas sa pagganap mo sa iyong tungkulin; pagkatapos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang panukat at iniaangkop ang mga ito sa iyong sarili, malalaman mo kung ano pa ang mga problema sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Sa patuloy na paglutas ng mga problema sa ganitong paraan, nang ayon sa salita ng Diyos, hindi ba’t ginagawa mong realidad ang pagganap mo sa iyong tungkulin nang buong puso, isip, at lakas? Sa paggampan mo sa iyong tungkulin sa gayong paraan: hindi ba’t nagagampanan mo na ito nang buong puso, isip, at lakas?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang malinaw na landas ng pagsasagawa. Kailangan kong gamitin ang aking puso at maging matapat sa aking tungkulin, maging handang magbayad ng halaga, maging maasikaso at responsable, at ibuhos ang lahat ng lakas ko para magawa ko nang mabuti ang aking tungkulin at mapalugod ang Diyos. Isa pa, kapag gusto kong magpabasta-basta at magpakatamad, dapat akong magdasal, maghimagsik laban sa laman, at hingin ang disiplina at pagtutuwid ng Diyos. Sa ganoong paraan, malamang na hindi ko susundin ang laman.

Pagkatapos niyon ay sinunod ko na ang mga salita ng Diyos. Pinag-isipan ko kung paano gagawin nang mabuti ang aking tungkulin at magiging mas produktibo. Alam kong ang lahat ng kapatid sa grupo ay may mga kalakasan at kahinaan, kaya inisip ko kung paano isasaayos ang gawain ng lahat para mabigyang-daang lumago ang mga kalakasan nila, at mabigyan sila ng tunay na gabay at tulong sa mga aspetong kulang sila. Isa pa, dati, pakiramdam ko ay isa akong tagapangasiwa—basta maayos ang pangangasiwa ko sa gawain at maayos ang trabaho ng iba sa kanilang mga tungkulin, ibig sabihin niyon ay maayos ang trabaho ko at pwede akong magpakasaya sa kaunting libreng oras. Ngayon ay nagtakda ako ng mithiin para sa sarili ko na gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya. Naging punung-puno ang iskedyul ko sa araw-araw, mas abala kaysa noon, at minsan ay talagang napapagod ako, pero talagang palagay ang loob ko, panatag ako. At nagulat ako, noong sumunod na buwan ay kapansin-pansin na tumaas ang pagiging produktibo namin. Natuwa ako. Nakikita ko na gusto ng Diyos na maging matapat tayo. Nang baguhin ko ang perspektibo ko at tunay kong ginawa ang tungkulin ko, nagawa kong makita ang Kanyang patnubay at nagkaroon ako ng mga resulta sa aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 77. Ang Bulag na Pagmamahal ay Isang Kakila-kilabot na Bagay

Sumunod: 79. Pag-unawa sa Ibig Sabihin ng Pagiging Isang Mabuting Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito