Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos
Maraming bagay ang inaasahan Kong maisasakatuparan ninyo, gayon pa man hindi lahat ng mga kilos ninyo at hindi lahat ng tungkol sa mga buhay ninyo ay nakatutupad sa hinihingi Ko, kaya wala Akong magagawa kundi ang dumiretso sa punto at ipaliwanag sa inyo ang mga layunin Ko. Yamang mahina ang pagwari ninyo at ang pagpapahalaga ninyo ay mahina rin, halos ganap kayong mangmang sa disposisyon at diwa Ko—at kaya madaliang ipinagbibigay-alam Ko sa inyo ang tungkol sa mga ito. Gaano man karami ang naunawaan mo noon, nais mo mang unawain ang mga usaping ito o hindi, dapat Ko pa ring ipaliwanag ang mga ito sa inyo nang detalyado. Ang mga usaping ito ay hindi lubusang bago sa inyo, gayon pa man kayo ay labis na kulang sa pagkaunawa at pagiging pamilyar sa kahulugang nasa loob ng mga ito. Marami sa inyo ang mayroon lamang malabong pagkaunawa, bahagya at hindi pa nga kumpleto kung tutuusin. Upang matulungan kayong maisagawa nang mas mabuti ang katotohanan—upang mas mapainam ang pagsasagawa ng Aking mga salita—sa tingin Ko, ito ang mga usaping dapat ninyong malaman unang-una sa lahat. Kung hindi, ang pananampalataya ninyo ay mananatiling malabo, mapagkunwari, at puno ng mga kagayakan ng relihiyon. Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na isagawa ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo alam ang diwa ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangamba sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng walang-ingat na pagwawalang-bahala at kasinungalingan, at idagdag pa rito ang hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagamat talagang mahalaga ang pag-intindi sa disposisyon ng Diyos, at ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman kailanman ang lubusang nagsiyasat o nagsaliksik sa mga usaping ito. Malinaw na makikita na iwinaksi na ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo naiintindihan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay malamang na malalabag ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglabag sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong pagkakataon, ang pangwakas na bunga ng mga ikinilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon dapat mong mapagtanto na kapag nababatid mo ang diwa ng Diyos ay maiintindihan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag naiintindihan mo ang Kanyang disposisyon, maiintindihan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na karamihan sa napapaloob sa mga atas administratibo ay sumasaklaw sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.
Nakikipag-usap Ako sa inyo ngayon na hindi tulad ng sa karaniwang pakikipag-usap, kaya marapat ninyong maingat na pag-aralan ang Aking mga salita, at bukod dito ay malalim na pagnilayan ang mga ito. Ang ibig Kong sabihin dito ay napakaliit ng ginugol ninyong sigasig para sa mga salitang sinabi Ko. Lalong hindi kayo handang pagnilayan ang disposisyon ng Diyos; bihirang mayroong sinumang nagsisikap para rito. Dahil dito sinasabi Kong ang pananampalataya ninyo ay wala nang iba pa kundi mabulaklak na pananalita. Kahit ngayon, walang ni isa man sa inyo ang nag-ukol ng anumang mataimtim na pagsisikap sa mga nakamamatay na kahinaan ninyo. Binigo ninyo Ako sa kabila ng lahat ng matiyagang pagsisikap Ko para sa inyo. Hindi kataka-takang wala kayong pakundangan sa Diyos at ang mga buhay ninyo ay walang katotohanan. Paano ituturing ang gayong mga tao na mga banal? Hindi magpaparaya ang kautusan ng langit sa gayong bagay! Yamang mayroon kayong napakaliit na pagkaunawa rito, wala Akong magagawa kundi ang gumugol ng mas marami pang oras.
Ang disposisyon ng Diyos ay isang paksang tila napakahirap unawain ng lahat at, bukod dito, ay isang bagay na hindi madaling tanggapin ninuman, dahil hindi katulad ng personalidad ng isang tao ang disposisyon Niya. Ang Diyos din ay may sariling mga damdamin ng galak, galit, lungkot, at saya, ngunit naiiba ang mga damdaming ito sa mga damdaming mayroon ang tao. Ang Diyos Mismo ay may sarili Niyang mga pag-aari at Kanyang pagiging Diyos. Ang lahat ng ipinapahayag at ibinubunyag Niya ay kumakatawan sa sarili Niyang diwa at sa sarili Niyang pagkakakilanlan. Ang mga pag-aaring ito at ang Kanyang pagiging Diyos, pati na ang diwa at pagkakakilanlang ito, ay mga bagay na hindi maaaring palitan ng sinumang tao. Ang Kanyang disposisyon ay sumasaklaw sa Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan, kapanatagan sa sangkatauhan, pagkamuhi sa sangkatauhan, at higit pa rito, ang lubos na pagkaunawa sa sangkatauhan. Gayumpaman, ang personalidad ng tao ay maaaring kapalooban ng pagiging masiyahin, masigla, o manhid. Ang disposisyon ng Diyos ay ang taglay ng May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa mga nilikhang may buhay; ito ang taglay ng Panginoon ng paglikha. Kumakatawan ang disposisyon Niya sa pagiging kagalang-galang, sa kapangyarihan, pagkamaharlika, kadakilaan, at higit sa lahat, sa kataas-taasang kapangyarihan. Ang disposisyon Niya ay ang simbolo ng awtoridad, ang simbolo ng lahat ng makatarungan, ang simbolo ng lahat ng maganda at mabuti. Higit pa roon, ang disposisyon Niya ay isang simbolo ng pagiging hindi mapipinsala ng paglipol o pagsalakay ng kadiliman o ng anumang puwersa ng kaaway, at simbolo rin ng pagiging hindi mapipinsala ng anumang paglabag (at di-pagkunsinti sa paglabag) ng sinumang nilikha. Ang disposisyon Niya ang simbolo ng pinakamataas na kapangyarihan. Walang tao o mga tao na kaya o maaaring makagulo sa gawain Niya o sa disposisyon Niya. Ngunit ang personalidad ng tao ay isa lamang tanda ng bahagyang kalamangan ng tao sa hayop. Ang tao, sa kanyang sarili, ay walang awtoridad, walang kasarinlan, at walang kakayahang lampasan ang sarili, ngunit sa diwa niya ay isang nilalang na napapayukyok para sa awa ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ang kagalakan ng Diyos ay dahil sa pag-iral at paglitaw ng katarungan at liwanag, dahil sa pagkawasak ng kadiliman at kasamaan. Nalulugod Siya sa pagdadala ng liwanag at ng isang mabuting buhay sa sangkatauhan; ang kagalakan Niya ay isang makatarungang kagalakan, isang sagisag ng pag-iral ng lahat ng bagay na positibo at, higit pa rito, isang sagisag ng pagkamapalad. Ang galit ng Diyos ay dahil sa pinsalang dulot ng pag-iral at panggugulo ng kawalan ng katarungan sa sangkatauhan Niya, dahil sa pag-iral ng kasamaan at kadiliman, dahil sa pag-iral ng mga bagay na nagtataboy sa katotohanan, at higit pa, dahil sa pag-iral ng mga bagay na sumasalungat sa kung anong mabuti at maganda. Ang galit Niya ay sagisag na hindi na umiiral ang lahat ng bagay na negatibo at, higit pa riyan, isa itong sagisag ng kabanalan Niya. Ang kalungkutan Niya ay dahil sa sangkatauhan na mayroon sana Siyang pag-asa ngunit nahulog na sila sa kadiliman, at ito ay dahil hindi natutugunan ng gawaing ginagawa Niya sa tao ang mga layunin Niya, sapagkat lahat sa sangkatauhang minamahal Niya ay hindi kayang makapamuhay sa liwanag. Nakakaramdam Siya ng kalungkutan para sa inosenteng sangkatauhan, para sa tapat ngunit mangmang na tao, at para sa taong mabuti ngunit sa kanyang sariling mga pananaw ay nagkukulang. Ang kalungkutan Niya ay sagisag ng kabutihan Niya at ng awa Niya, isang sagisag ng kagandahan at ng kabaitan. Ang kaligayahan Niya, mangyari pa, ay nagmumula sa pagkatalo ng mga kaaway Niya at pagkakamit ng mabuting pananampalataya ng tao. Higit pa riyan, umuusbong ito mula sa pagpapatalsik at pagkawasak ng lahat ng puwersa ng kaaway, at sapagkat tumatanggap ang sangkatauhan ng mabuti at mapayapang buhay. Hindi katulad ng kagalakan ng tao ang kaligayahan ng Diyos; sa halip, ito ay ang pakiramdam ng paglikom ng magagandang bunga, isang pakiramdam na higit pa sa kagalakan. Ang kasiyahan Niya ay sagisag ng paglaya ng sangkatauhan sa pagdurusa mula sa oras na ito, at isang tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang daigdig ng liwanag. Ang mga damdamin ng sangkatauhan, sa kabilang banda, ay umuusbong na lahat para sa kapakanan ng sarili niyang mga interes at hindi para sa katarungan, liwanag, o kung ano ang maganda, at higit sa lahat, hindi para sa biyayang ipinagkaloob ng Langit. Ang mga damdamin ng sangkatauhan ay makasarili at nabibilang sa daigdig ng kadiliman. Hindi sila umiiral para sa kapakanan ng kalooban, lalong hindi para sa plano ng Diyos, at kaya ang tao at Diyos ay hindi kailanman maaaring pag-usapan nang magkasabay. Ang Diyos ay kataas-taasan magpakailanman at kagalang-galang magpakailanman, samantalang ang tao ay napakababa magpakailanman at walang halaga magpakailanman. Ito ay sapagkat ang Diyos ay inilalaan at iginugugol ang sarili Niya Mismo para sa sangkatauhan magpakailanman, samantalang ang tao ay nanghihingi at nagsisikap para lamang sa sarili niya magpakailanman. Ang Diyos ay nagpapakahirap magpakailanman para manatiling ligtas ang sangkatauhan, gayumpaman, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay alang-alang sa katarungan o liwanag, at kahit na pansamantalang magsikap ang tao, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Makasarili ang tao magpakailanman, samantalang ang Diyos ay walang pag-iimbot magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ang siyang pumapalit at nagpapahayag ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang diwa ng katarungan at kagandahan, gayumpaman, ang tao ay maaaring ipagkanulo ang katarungan at lumayo sa Diyos sa anumang oras at sa anumang sitwasyon.
Ang bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman sa loob nito ng disposisyon ng Diyos. Makabubuti para sa inyo na pagbulayan ang mga salita Ko nang maigi, at tiyak na makikinabang kayo nang malaki mula sa mga ito. Napakahirap maunawaan ang diwa ng Diyos, ngunit nagtitiwala Akong kayong lahat ay may ilang ideya man lamang tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na mas marami kayong ipakikita sa Akin na mga bagay na nagawa ninyo na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Saka Ako mapapanatag. Halimbawa, panatilihin ang Diyos sa puso mo sa lahat ng oras. Kapag kumilos ka, gawin ito ayon sa mga salita Niya. Hanapin ang mga layunin Niya sa lahat ng bagay, at magpigil sa paggawa ng hindi gumagalang at nagpapahiya sa Diyos. Lalong hindi mo dapat ilagay ang Diyos sa likod ng isip mo upang punan ang panghinaharap na kahungkagan sa puso mo. Kung gagawin mo ito, malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Muli, ipinapalagay na hindi ka kailanman gumawa ng lapastangang mga pahayag o mga reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, at muli, ipinapalagay na nagagawa mong gampanan nang wasto ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at nagpapasakop din sa lahat ng mga salita Niya sa buong buhay mo, kung gayon ay naiwasan mong lumabag laban sa mga atas administratibo. Halimbawa, kung nasabi mong, “Bakit ko iniisip na hindi Siya ang Diyos?” “Sa tingin ko ang mga salitang ito ay wala nang iba pa kundi ilang kaliwanagan ng Banal na Espiritu,” “Sa palagay ko, hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangang tama,” “Hindi higit ng sa akin ang katauhan ng Diyos,” “Ang mga salita ng Diyos ay talagang hindi kapani-paniwala,” o iba pang mga mapanghusgang pahayag, kung gayon ay hinihimok Kong mangumpisal at magsisi ka sa iyong mga kasalanan nang mas madalas. Kung hindi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong mapatawad, dahil hindi ka nagkakasala sa tao, kundi sa Diyos Mismo. Maaaring naniniwala kang ang hinuhusgahan mo ay isang tao, ngunit hindi ito itinuturing ng Espiritu ng Diyos sa ganiyang paraan. Ang kawalang-galang mo sa katawang-tao Niya ay katumbas ng kawalang-galang sa Kanya. Alinsunod dito, hindi ka ba lumabag sa disposisyon ng Diyos? Dapat mong tandaang ang lahat ng ginawa ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa upang ingatan ang gawain Niya sa katawang-tao at upang ang gawaing ito ay magawa nang mahusay. Kung makakaligtaan mo ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyong isa kang taong hindi kailanman magtagumpay sa paniniwala sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang poot ng Diyos, at kaya gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan upang turuan ka ng aral.
Ang malaman ang diwa ng Diyos ay hindi biru-birong bagay. Dapat mong maunawaan ang disposisyon Niya. Sa ganitong paraan, unti-unti at hindi mo namamalayan na nalalaman mo na ang diwa ng Diyos. Kapag nakapasok ka sa ganitong kaaalaman, matatagpuan mo ang sarili mong tumatapak sa mas mataas at mas magandang kalagayan. Sa huli, makararamdam ka ng hiya sa nakapanghihilakbot mong kaluluwa, at, bukod dito, ay mararamdaman mong hindi ka na makakapagtago kahit saan pa man mula sa iyong kahihiyan. Sa panahong iyon, mababawasan nang mababawasan ang mga ginagawa mong lumalabag sa disposisyon ng Diyos, lalapit at lalapit sa Diyos ang puso mo, at ang pagmamahal sa Kanya ay unti-unting lalago sa puso mo. Isa itong tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang kalagayan. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa ninyo natatamo ito. Habang nagmamadali kayong lahat para sa kapakanan ng tadhana ninyo, sino ang mayroong anumang interes na sumubok na alamin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, makalalabag kayo nang hindi ninyo namamalayan laban sa mga atas administratibo, dahil lubhang napakakakaunti ng naiintindihan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng saligan para sa mga paglabag ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Ang paghingi Ko sa inyo na unawain ang disposisyon ng Diyos ay hindi hiwalay sa gawain Ko. Dahil kung lumalabag kayo nang madalas sa mga atas administratibo, sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan? Ang gawain Ko ba kung gayon ay hindi naging lubusang walang katuturan? Samakatuwid, hinihiling Ko pa rin, bilang karagdagan sa pagsusuring mabuti sa sarili ninyong asal, na maging maingat sa mga hakbang na tinatahak ninyo. Ito ang mas malaking hihingin Ko sa inyo, at umaasa Akong maingat ninyong isasaalang-alang ito at bibigyan ito ng maalab ninyong pagturing. Kung darating man ang araw na pupukawin ng mga kilos ninyo ang Aking masidhing galit, kung gayon ay kayo lamang ang magsasaalang-alang ng mga kahihinatnan, at wala nang iba pang hahalili sa pagbabata ng kaparusahan ninyo.