Kabanata 11
Sa mata lamang ng tao, tila walang pagbabago sa mga pagbigkas ng Diyos sa panahong ito, dahil hindi kayang intindihin ng mga tao ang mga batas na pinagbabatayan ng pagsasalita ng Diyos, at hindi nauunawaan ang konteksto ng Kanyang mga salita. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi naniniwala ang mga tao na may anumang bagong mga hiwaga sa mga salitang ito; kaya, hindi nila kayang mamuhay ng mga buhay na natatangi ang kasariwaan, at sa halip ay namumuhay ng mga buhay na walang pag-unlad at walang sigla. Ngunit sa mga pagbigkas ng Diyos, nakikita natin na may mas malalim na antas ng kahulugan, na kapwa di-maarok at di-maabot ng tao. Ngayon, ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ay ang maging sapat na mapalad ang tao na mabasa ang gayong mga salita ng Diyos. Kung walang babasa sa mga salitang ito, mananatiling mayabang, mapagmagaling, hindi kilala ang sarili, at walang alam ang tao kung ilan ang kanyang mga kamalian. Matapos basahin ang malalim at di-maarok na mga salita ng Diyos, lihim na hinahangaan ng mga tao ang mga iyon, at may totoong pananalig sa kanilang puso, walang bahid ng kasinungalingan; ang kanilang puso ay nagiging tunay, hindi huwad. Ito ang talagang nangyayari sa puso ng mga tao. Lahat ay may sariling kwento sa kanilang puso. Para bang sinasabi nila sa kanilang sarili: “Malamang na sinambit ito ng Diyos Mismo—kung hindi ang Diyos, sino pa ang maaaring bumigkas ng gayong mga salita? Bakit hindi ko masambit ang mga iyon? Bakit hindi ko kayang gawin ang gayong gawain? Mukhang ang Diyos na nagkatawang-tao na binabanggit ng Diyos ay talagang totoo, at ang Diyos Mismo! Hindi na ako magdududa. Kung hindi, malamang na kapag dumating ang kamay ng Diyos, magiging huli na ang lahat para magsisi! …” Ito ang iniisip ng karamihan ng mga tao sa kanilang puso. Makatarungang sabihin na, mula noong magsimulang magsalita ang Diyos hanggang ngayon, nagsitalikod na sana ang lahat ng tao kung walang suporta ng mga salita ng Diyos. Bakit sinasabi na lahat ng gawaing ito ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi ng tao? Kung hindi gumamit ang Diyos ng mga salita upang suportahan ang buhay ng iglesia, maglalaho ang lahat ng tao nang walang bakas. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng Diyos? Talaga bang ito ay kahusayang magsalita ng tao? Ito ba ay mga talento lamang ng tao? Talagang hindi! Kung hindi susuriin, walang makakaalam kung anong tipo ng dugo ang nananalaytay sa kanilang mga ugat, hindi nila mababatid kung ilan ang puso nila, o ilan ang utak, at iisipin nilang lahat na kilala nila ang Diyos. Hindi ba nila alam na may oposisyon pa ring nilalaman ang kanilang kaalaman? Kaya pala sinasabi ng Diyos, “Bawat tao sa sangkatauhan ay dapat pumayag na masuri ng Aking Espiritu, dapat nilang siyasating mabuti ang bawat salita at kilos nila, at, bukod pa riyan, dapat nilang tingnan ang Aking kamangha-manghang mga gawa.” Makikita mula rito na may layon at may batayan ang mga salita ng Diyos. Hindi pa pinakitunguhan ng Diyos ang sinuman kailanman nang hindi makatarungan; maging si Job, sa kabila ng kanyang buong pananampalataya, ay hindi pinaalpas—sinuri din siya, at iniwang walang mapagtaguan mula sa kanyang kahihiyan. At bukod pa iyan sa mga tao ng ngayon. Kaya, sa gayon ay tinatanong kaagad ng Diyos: “Ano ang pakiramdam ninyo sa panahon ng pagdating ng kaharian sa lupa?” Di-gaanong mahalaga ang tanong ng Diyos, ngunit iniiwan nitong naguguluhan ang mga tao: “Ano ang nadarama namin? Hindi pa rin namin alam kung kailan darating ang kaharian, kaya paano namin pag-uusapan ang damdamin? Bukod pa riyan, wala kaming ideya. Kung may nadama man ako, iyon ay ‘pagkamangha,’ at wala nang iba.” Sa katunayan, hindi ang tanong na ito ang layon ng mga salita ng Diyos. Higit sa lahat, ang nag-iisang pahayag na ito—“Kapag dumaloy ang Aking mga anak at mga tao sa Aking luklukan, pormal Kong sinisimulan ang paghatol sa harap ng malaking luklukang maputi”—ang nagbubuod sa mga pag-unlad ng buong espirituwal na dako. Walang nakaaalam kung ano ang nais gawin ng Diyos sa espirituwal na dako sa panahong ito, at matapos lamang bigkasin ng Diyos ang mga salitang ito nagkakaroon ng kaunting pagkamulat sa mga tao. Dahil may iba’t ibang hakbang sa gawain ng Diyos, iba-iba rin ang gawain ng Diyos sa buong sansinukob. Sa panahong ito, una sa lahat ay inililigtas ng Diyos ang mga anak at mga tao ng Diyos, ibig sabihin, sa pag-akay ng mga anghel, sinisimulang tanggapin ng mga anak at mga tao ng Diyos ang mapakitunguhan at masira, opisyal nilang sinisimulang iwaksi ang kanilang mga kaisipan at kuru-kuro, at magpaalam sa anumang bakas ng mundong ito; sa madaling salita, ang “paghatol sa harap ng malaking luklukang maputi” na binanggit ng Diyos ay opisyal na nagsisimula. Dahil ito ang paghatol ng Diyos, kailangang bumigkas ng Diyos sa Kanyang tinig—at bagama’t iba-iba ang nilalaman, palaging pareho ang layon. Ngayon, batay sa tono ng pagsasalita ng Diyos, tila nakatuon ang Kanyang mga salita sa isang partikular na grupo ng mga tao. Sa katunayan, higit sa lahat, ang mga salitang ito ay patungkol sa likas ng pagkatao ng buong sangkatauhan. Tumatagos nang tuwiran ang mga ito sa gulugod ng tao, hindi sinasanto ng mga ito ang damdamin ng tao, at ibinubunyag ng mga ito ang kabuuan ng kanyang kakanyahan, na walang itinitira, hindi hinahayaang makalusot ang anuman. Simula ngayon, opisyal na ibinubunyag ng Diyos ang totoong mukha ng tao, at sa gayon ay “inilalabas ang tinig ng Aking Espiritu sa buong sansinukob.” Ang epektong nakakamit sa bandang huli ay ito: “Sa pamamagitan ng Aking mga salita, huhugasan Ko nang malinis ang lahat ng tao at bagay kasama ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, kaya’t ang lupain ay hindi na marumi at malaswa, kundi isang banal na kaharian.” Ipinapakita ng mga salitang ito ang kinabukasan ng kaharian, na buung-buong kaharian ni Cristo, tulad ng sinabi ng Diyos, “Lahat ay mabuting bunga, lahat ay masisipag na magsasaka.” Siyempre pa, magaganap ito sa buong sansinukob, at hindi lamang magiging limitado sa Tsina.
Kapag nagsisimulang magsalita at kumilos ang Diyos, saka lamang nagkakaroon ng kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Kanya sa kanilang mga kuru-kuro. Sa simula, umiiral lamang ang kaalamang ito sa kanilang mga kuru-kuro, ngunit habang tumatagal, lalong nagiging walang-saysay at di-akmang gamitin ng tao ang mga iniisip ng mga tao; kaya, naniniwala sila sa lahat ng sinasabi ng Diyos, hanggang sa sila ay “lumilikha ng isang puwang para sa praktikal na Diyos sa kanilang kamalayan.” Sa kanilang kamalayan lamang may puwang ang mga tao para sa praktikal na Diyos. Gayunman, ang totoo ay hindi nila kilala ang Diyos, at wala silang sinasabi kundi hungkag na mga salita. Subalit kumpara noong araw, malaki na ang kanilang iniunlad, bagama’t malaki pa rin ang pagkakaiba mula sa praktikal na Diyos Mismo. Bakit laging sinasabi ng Diyos, “Bawat araw ay naglalakad Ako sa gitna ng walang-tigil na daloy ng mga tao, at bawat araw ay kumikilos Ako sa kalooban ng bawat tao”? Kapag mas madalas na sinasabi ng Diyos ang gayong mga bagay, mas maihahambing ng mga tao ang mga iyon sa mga kilos ng praktikal na Diyos Mismo ng ngayon, kaya nga mas makikilala nila ang praktikal na Diyos sa realidad. Dahil sinasambit ang mga salita ng Diyos mula sa pananaw ng katawang-tao at binibigkas gamit ang wika ng sangkatauhan, napapahalagahan ng mga tao ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsukat sa mga iyon laban sa mga materyal na bagay, at sa gayon ay nakakamtan ang isang mas malaking epekto. Dagdag pa rito, paulit-ulit na binabanggit ng Diyos ang larawan ng “Ako” sa puso ng mga tao at ng “Ako” sa realidad, na ginagawang mas handa ang mga tao na alisin ang larawan ng Diyos sa kanilang puso, at sa gayon ay handang makilala at makipag-ugnayan sa praktikal na Diyos Mismo. Ito ang karunungan ng mga salita ng Diyos. Kapag mas sinasabi ng Diyos ang gayong mga bagay, mas malaki ang kapakinabangan sa kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Kung hindi Ako naging tao, hindi Ako kailanman makikilala ng tao, at kahit nakilala niya Ako, hindi ba isang kuru-kuro pa rin ang gayong pagkakilala?” Tunay nga, kung hiniling sa mga tao na kilalanin ang Diyos ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro, magiging madali ito para sa kanila; mapapahinga sila at sasaya, at sa gayon ay magiging malabo at hindi praktikal ang Diyos sa puso ng mga tao magpakailanman, na magpapatunay na si Satanas, at hindi ang Diyos, ang may kapamahalaan sa buong sansinukob; kaya, ang mga salita ng Diyos na “Nabawi Ko na ang Aking kapangyarihan” ay mananatiling hungkag magpakailanman.
Kapag nagsimulang kumilos nang tuwiran ang pagka-Diyos, iyon din ang panahon na opisyal na bumababa ang kaharian sa mundo ng tao. Ngunit ang sinasabi rito ay na bumababa ang kaharian sa tao, hindi ang kaharian ang nagkakaanyo sa tao—at sa gayon ang binabanggit ngayon ay ang pagtatayo ng kaharian, at hindi kung paano ito nagkakaanyo. Bakit palaging sinasabi ng Diyos na “Tumatahimik ang lahat ng bagay”? Maaari kaya na tumitigil ang lahat ng bagay at hindi gumagalaw? Maaari kaya na talagang tumatahimik ang malalaking bundok? Kaya bakit hindi ito nadarama ng mga tao? Maaari kayang mali ang salita ng Diyos? O pinalalabis ng Diyos ang Kanyang salita? Dahil lahat ng ginagawa ng Diyos ay isinasagawa sa loob ng isang partikukar na kapaligiran, walang nakababatid nito o may kakayahang mahiwatigan ito ng sarili nilang mga mata, at ang magagawa lamang ng mga tao ay makinig sa pagsasalita ng Diyos. Dahil sa pagkamaharlika ng kilos ng Diyos, kapag dumarating ang Diyos, para bang nagkaroon ng napakalaking pagbabago sa langit at sa lupa; at sa Diyos, mukhang nakamasid ang lahat sa sandaling ito. Ngayon, hindi pa dumarating ang mga katunayan. Natuto lamang nang kaunti ang mga tao mula sa bahagi ng literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Hinihintay ng tunay na kahulugan ang panahon na inaalis nila sa mga sarili nila ang kanilang mga kuru-kuro; saka lamang sila magkakaroon ng kamalayan sa ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa at sa langit ngayon. Sa mga tao ng Diyos sa Tsina hindi lamang kamandag ng malaking pulang dragon ang naroon. Inihahayag din doon nang mas sagana, at mas malinaw, ang likas na katangian ng malaking pulang dragon. Ngunit hindi ito binabanggit ng Diyos nang tuwiran, binabanggit lamang nang kaunti ang tungkol sa kamandag ng malaking pulang dragon. Sa ganitong paraan, hindi Niya inilalantad nang tuwiran ang mga pilat ng tao, na mas kapaki-pakinabang sa pag-unlad ng tao. Ayaw ng supling ng malaking pulang dragon na matawag na mga inapo ng malaking pulang dragon sa harap ng iba. Para bang ang mga salitang “malaking pulang dragon” ay nagdadala ng kahihiyan sa kanila; walang sinuman sa kanila ang handang banggitin ang mga salitang ito, at sa gayon ay sinasabi lamang ng Diyos, “Ang yugtong ito ng Aking gawain una sa lahat ay nakatutok sa inyo, at ito ay isang aspeto ng kabuluhan ng Aking pagkakatawang-tao sa Tsina.” Ang mas tiyak, naparito ang Diyos una sa lahat upang lupigin ang mga tipong kinatawan ng supling ng malaking pulang dragon, na siyang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa Tsina.
“Kapag personal Akong pumaparito sa tao, sabay-sabay na sinisimulan ng mga anghel ang gawain ng pag-akay.” Sa katunayan, hindi ipinakakahulugan nang literal na dumarating lamang ang Espiritu ng Diyos sa mundo ng tao kapag sinisimulan ng mga anghel ang kanilang gawain sa lahat ng tao. Sa halip, ang dalawang pirasong ito ng gawain—gawain ng pagka-Diyos at pag-akay ng mga anghel—ay sabay na isinasagawa. Sumunod, nangungusap nang kaunti ang Diyos tungkol sa pag-akay ng mga anghel. Kapag sinasabi Niya na “lahat ng anak at tao ay hindi lamang nakatatanggap ng mga pagsubok at pag-akay, kundi namamasdan din, sa sarili nilang mga mata, ang kaganapan ng lahat ng klase ng mga pangitain,” karamihan sa mga tao ay sagana sa imahinasyon tungkol sa salitang “mga pangitain.” Ang mga pangitain ay tumutukoy sa mga pangyayaring higit-sa-karaniwan sa mga imahinasyon ng mga tao. Ngunit ang nilalaman ng gawain ay nananatiling ang kaalaman tungkol sa praktikal na Diyos Mismo. Ang mga pangitain ay ang mga kaparaanan ng paggawa ng mga anghel. Maaari nilang bigyan ang mga tao ng mga damdamin o mga panaginip, na hinahayaan silang mahiwatigan ang pag-iral ng mga anghel. Ngunit hindi pa rin nakikita ng tao ang mga anghel. Ang pamamaraan ng kanilang paggawa sa mga anak at mga tao ng Diyos ay ang tuwiran silang liwanagan at paliwanagin, na dinagdagan ng pakikitungo at pagsira sa kanila. Bihira silang magbigay ng mga sermon. Siyempre, hindi kasama ang pakikipagniig sa pagitan ng mga tao; ito ang nangyayari sa mga bansa sa labas ng Tsina. Nakapaloob sa mga salita ng Diyos ang paghahayag ng mga sitwasyon sa buhay ng buong sangkatauhan—siyempre, nakatuon ito una sa lahat sa supling ng malaking pulang dragon. Sa iba’t ibang kalagayan ng buong sangkatauhan, pinipili ng Diyos yaong mga kumakatawan upang magsilbing mga huwaran. Sa gayon, hinuhubaran ng mga salita ng Diyos ang mga tao, at wala silang kahihiyan, o kaya ay wala silang panahong magtago mula sa nagniningning na liwanag, at natatalo sa sarili nilang laro. Ang maraming pag-uugali ng tao ay isang labis-labis na mga larawan, na naiguhit ng Diyos mula noong unang panahon hanggang ngayon, at iguguhit Niya mula ngayon hanggang bukas. Ang iginuguhit lamang Niya ay ang kapangitan ng tao: Ang ilan ay nananangis sa kadiliman, na tila namimighati sa pagkawala ng paningin ng kanilang mga mata, ang ilan ay tumatawa, ang ilan ay hinahampas ng malalaking alon, ang ilan ay naglalakad sa paalun-along mga daanan sa bundok, ang ilan ay naghahanap sa gitna ng malawak na ilang, nanginginig sa takot, tulad ng ibong nagulantang sa tunog lamang ng kuwerdas ng pana, takot na takot na makain ng mababangis na hayop sa kabundukan. Sa mga kamay ng Diyos, ang maraming pangit na pag-uugaling ito ay nakakaantig, parang buhay na mga paglalarawan, karamihan sa mga ito ay nakapanghihilakbot tingnan, o kaya ay sapat upang tumindig ang balahibo ng mga tao at iniiwan silang naguguluhan at nalilito. Sa mga mata ng Diyos, ang tanging nakikita sa tao ay walang iba kundi kapangitan, at bagama’t maaari itong makapukaw ng habag, kapangitan pa rin ito. Ang pinagmumulan ng kaibhan ng tao sa Diyos ay na ang kahinaan ng tao ay nasa hilig niyang magpakita ng kabaitan sa iba. Gayunman, ang Diyos ay hindi nagbabago sa tao, na ibig sabihin ay hindi nagbabago ang Kanyang saloobin. Hindi Siya palaging mabait na tulad ng inaakala ng mga tao, tulad ng isang bihasang ina na ang mga anak ay laging nangunguna sa kanyang isipan. Ang totoo, kung ayaw ng Diyos na gumamit ng maraming pamamaraan sa paglupig sa malaking pulang dragon, walang paraan para magpasakop Siya sa gayong paghamak, na hinahayaan ang Kanyang Sarili na mapasailalim sa mga limitasyon ng tao. Ayon sa disposisyon ng Diyos, lahat ng ginagawa at sinasabi ng mga tao ay pumupukaw sa poot ng Diyos, at dapat silang kastiguhin. Sa mga mata ng Diyos, wala ni isa sa kanila ang umaabot sa pamantayan, at silang lahat yaong papatayin ng Diyos. Dahil sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos sa Tsina, at, bukod pa riyan, dahil sa likas na katangian ng malaking pulang dragon, dagdag pa ang katunayan na ang Tsina ang bansa ng malaking pulang dragon at ang lupain kung saan naninirahan ang Diyos na nagkatawang-tao, kailangang lunukin ng Diyos ang Kanyang galit at lupigin ang lahat ng supling ng malaking pulang dragon; subalit lagi Niyang kasusuklaman ang supling ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, lagi Niyang kasusuklaman ang lahat ng nagmumula sa malaking pulang dragon—at hindi ito magbabago kailanman.
Walang sinumang nakabatid ng anuman sa mga kilos ng Diyos, ni walang anumang nakakita sa Kanyang mga kilos. Nang bumalik ang Diyos sa Sion, halimbawa, sino ang nakabatid dito? Kaya, ang mga salitang tulad ng “Tahimik Akong pumaparito sa tao, at pagkatapos ay lumalayo Ako. May nakakita na ba sa Akin?” ay nagpapakita na talagang walang kakayahan ang tao na tanggapin ang mga nangyayari sa espirituwal na dako. Noong araw, sinabi ng Diyos na kapag nagbalik Siya sa Sion, “maapoy ang araw, makinang ang buwan.” Dahil abala pa rin ang mga tao sa pagbalik ng Diyos sa Sion—dahil hindi pa nila ito nalilimutan—tuwirang binibigkas ng Diyos ang mga salitang “maapoy ang araw, at makinang ang buwan” upang umayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Dahil dito, kapag hinahampas ng mga salita ng Diyos ang mga kuru-kuro ng mga tao, nakikita nila na kamangha-mangha ang mga kilos ng Diyos, at nakikita nila na malalim, di-maarok, at di-maunawaan ng lahat ang Kanyang mga salita; kaya, ganap nilang isinasantabi ang bagay na ito, at nadarama nila nang kaunti ang kalinawan sa kanilang espiritu, na parang nakabalik na ang Diyos sa Sion, kaya nga hindi gaanong pinapansin ng mga tao ang bagay na ito. Mula noon, tinatanggap nila ang mga salita ng Diyos nang may isang puso at isang isipan, at hindi na nababalisa na sasapit ang isang malaking kapahamakan kapag nagbalik na ang Diyos sa Sion. Saka lamang magiging madali para sa mga tao na tanggapin ang mga salita ng Diyos, na itinutuon ang kabuuan ng kanilang pansin sa mga salita ng Diyos, na iniiwan silang walang hangaring isaalang-alang ang iba pa.