Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 9
Noong huling pagtitipon natin, nagbahaginan tayo sa ikalawang bahagi ng kung ano ang mga kailangang bitiwan sa konteksto ng “paano sikaping matamo ang katotohanan”—ito ay ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Tungkol sa paksang ito, inilista natin ang apat na bagay: una, ang mga hilig at libangan; pangalawa, ang pag-aasawa; pangatlo, ang pamilya; at pang-apat, ang propesyon. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa mga hilig at libangan. Isa sa mga elemento ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo dahil sa mga hilig at libangan. Pagkatapos makinig sa Aking pagbabahagi, may tamang saloobin at perspektiba na ba ang lahat tungkol sa mga hilig at libangan? (Oo.) Ang layunin natin sa pagbabahaginan ay ang bumitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo dahil sa mga hilig at libangan, ngunit upang mabitiwan ang mga ito, kailangan mo munang maunawaan kung ano ang mga hilig at libangan, at pagkatapos ay maunawaan kung paano mo dapat ituring ang mga ito, at paano mo dapat bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo dahil sa mga hilig at libangan. Hindi mahalaga kung nagbabahaginan tayo tungkol sa positibo o negatibo. Sa madaling salita, ang layon ay ang ipaunawa sa mga tao kung ano ang mga hilig at libangan, at pagkatapos ay ituring at gamitin ang mga ito nang wasto, bigyan ang mga ito ng tamang espasyo o halaga sa pag-iral, at kasabay nito, bigyang-kakayahan ang mga tao na bitiwan ang mga paghahangad, hangarin, at mithiing hindi tama, hindi nararapat, na hindi nila dapat taglayin, na nakakaimpluwensiya sa kanilang pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng kanilang tungkulin. Masasabing ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo mula sa iyong mga hilig at libangan ay makakaimpluwensiya sa iyong buhay, pananatiling buhay, at sa iyong pananaw sa pananatiling buhay; siyempre, magkakaroon ang mga ito ng mas malaking impluwensiya sa landas na iyong tatahakin, at sa iyong tungkulin at misyon sa buhay na ito. Kaya, mula sa isang pasibong perspektiba, ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na idinudulot ng mga hilig at libangan sa mga tao ay hindi ang mga layon na hinahangad nila, o ang direksyon na kanilang hinahangad—lalong hindi ang mga ito ang pananaw sa buhay at mga prinsipyong dapat nilang itatag sa buhay na ito. Sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kung ano ang mga hilig at libangan, sinasabi Ko sa mga tao kung paano wastong kilalanin at tratuhin ang mga ito, at pagkatapos ay ipinapaalam Ko sa kanila kung ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay tama o hindi mula sa perspektiba ng impluwensiya ng mga hilig at libangan. Ibig sabihin, ginagamit Ko ang kapwa positibo at negatibong panig upang tulutan ang mga tao na malinaw na maunawaan kung paano wastong tratuhin ang mga hilig at libangan. Sa isang banda, kung ang isang tao ay may tamang kaalaman at tumpak na pag-unawa sa mga hilig at libangan, at nagagawa nilang ituring ang mga ito nang tumpak, kung gayon, talagang binibitiwan din nila ang mga mithiin at hangarin na nabubuo mula sa mga hilig at libangan. Kapag mayroon ka nang tamang pagkaunawa sa mga hilig at libangan, ang mga paraan at gawi ng pagtrato mo sa mga ito ay magiging tama at relatibong naaayon sa mga prinsipyo at sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sa ganitong paraan, magagawa mong bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo mula sa mga hilig at libangan sa isang positibong paraan. Dagdag pa, tinutulutan ka rin ng pagbabahaginang ito na makita nang malinaw ang iba’t ibang masamang impluwensiya na dala ng mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo mula sa mga hilig at libangan, o ang salungat, negatibong impluwensiyang idinudulot ng mga ito, na siya namang nagtutulot sa iyo na aktibong bitiwan itong mga hindi nararapat na mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Pagkatapos ng ating pagbabahaginan sa lahat ng ito, hindi ba’t may ilan na magsasabing: “Ang iba’t ibang klase ng tao sa mundong ito ay may iba’t ibang hilig at libangan, at ang kanilang indibidwal na mga hilig at libangan ay nagdudulot ng iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin. Ipagpalagay nang sumunod tayo sa kasalukuyang paraan ng ating pagsasalita, at hindi pinagsumikapan ng mga tao ang kanilang mga mithiin at hangarin—umunlad kaya ang mundong ito? Paano kaya nagkaroon ng pag-unlad ang mga larangan tulad ng teknolohiya, kultura, at edukasyon ng sangkatauhan, na may kinalaman sa pananatiling buhay at sa buhay ng sangkatauhan? Matatamasa pa kaya ng sangkatauhan ang kanilang kasalukuyang pamumuhay? Mararating kaya ng mundo ang ganitong kasalukuyang kalagayan? Hindi ba’t magiging parang isang primitibong lipunan ang mundo? Magkakaroon kaya tayo ng modernong pamumuhay ng kasalukuyang panahon?” Ito ba ay isang isyu? Posible na anumang paksa ang ating pagbahaginan, tatanggapin ninyong lahat ito mula sa perspektiba ng “Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, dapat nating tanggapin ang mga ito at magpasakop sa mga ito,” kaya kadalasan, wala kayong naiibang opinyon na magagamit upang pabulaanan ang mga salitang ibinabahagi Ko sa inyo. Ngunit hindi ibig sabihin nito na walang sinuman—o walang ikatlong partido—na magsasabi ng gayong mga pag-aalinlangan, hindi ba? Kung talagang mayroong taong magbabanggit ng gayong katanungan, paano kayo sasagot? (Sa tingin ko ay mali ang perspektibang ipinapahayag sa katanungang ito, dahil hindi kontrolado ng mga hilig at libangan ng mga tao ang pag-unlad ng teknolohiya, o ang pag-usad ng mga kapanahunan. Ang pag-unlad ng teknolohiya at ang pag-usad ng mga kapanahunan ay lahat nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi mo masasabi na ang isang taong may hilig o libangan ay makakapag-ambag sa pag-unlad ng mundo, na mababago niya ang mundo.) Nagsasalita ka mula sa isang malawakang perspektiba. May iba’t ibang paraan ba ng pagsusuri dito? Depende ito sa kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan o hindi. Sa tingin ba ninyo, pagkatapos marinig ang mga salitang ito ng pagbabahaginan, babanggitin ng mga walang pananampalataya ang gayong katanungan? (Malamang.) Kaya, kung babanggitin nila ang katanungang ito, paano ka makakasagot nang ayon sa mga obhetibong katunayan, nang may katotohanan? Kung hindi ka makasagot, sasabihin nilang nalihis ka. Dahil hindi ka makasagot, pinapatunayan nito ang isang katunayan kahit papaano, na hindi mo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Hindi ba’t hindi kayo makasagot? (Hindi kami makasagot.) Kung gayon ay pag-usapan natin ang bagay na ito.
May mga taong nagsasabi: “Kung hindi pinagsumikapan ng sangkatauhan ang kanilang mga mithiin, narating kaya ng mundo ang kasalukuyan nitong antas ng kaunlaran?” Ang sagot ay “oo.” Hindi ba’t simple lang iyon? (Oo.) Ano ang pinakasimple, pinakadiretsahang paliwanag sa “oo” na ito? Iyon ay na kahit pinagsusumikapan ng sangkatauhan ang kanilang mga paghahangad o hindi, wala itong epekto sa mundo, dahil ang pag-unlad ng mundo hanggang sa kasalukuyan ay hindi itinaguyod at ginabayan ng mga mithiin ng sangkatauhan; sa halip, ginagabayan ng Lumikha ang sangkatauhan patungo sa kasalukuyan, sa ngayon. Kahit na wala ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, mararating pa rin ng sangkatauhan ang kasalukuyan, ngunit kung wala ang pamumuno at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, hindi nila mararating ito. Angkop ba ang gayong paliwanag? (Oo.) Ano ang angkop tungkol dito? Nasasagot ba nito ang katanungan? Naipapaliwanag ba nito ang diwa ng katanungan? Hindi nito naipapaliwanag ang diwa ng katanungan; nasasagot lamang nito ang katanungan sa teoretikal na paraan, ayon sa matatawag na isang pangitain. Ngunit may isang mas detalyado at mahalagang paliwanag na hindi pa nababanggit. Ano ang detalyadong paliwanag na iyon? Umpisahan muna natin sa simpleng usapan. Sa buong sangkatauhan, ang mga tao ay sumusunod sa kanilang sariling uri, bawat uri ng tao ay may kanya-kanyang misyon. Ang misyon ng mga nananampalataya sa Diyos ay ang magpatotoo sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, magpatotoo sa Kanyang mga gawa, tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa kanila, gawin nang maayos ang kanilang tungkulin, at sa huli ay mailigtas. Ito ang kanilang misyon. Sa mas detalyadong salita, ito ay ang ipalaganap ang salita at gawain ng Diyos, at pagkatapos, sa pamamagitan ng pagtanggap sa pamumuno ng Diyos at pagdanas sa Kanyang gawain, ang iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon at maligtas. Ang ganitong uri ng tao ay hinirang ng Diyos. Siya ang uri ng tao na nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos sa Kanyang pamamahala. Ang misyon ng ganitong uri ng tao ay ang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin at tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya. Masasabing ang gayong mga tao ay isang natatanging grupo sa lahat ng sangkatauhan. Ang natatanging grupong ito ng mga tao ay may natatanging misyon sa gawain ng pamamahala ng Diyos, sa Kanyang anim-na-libong taon na plano ng pamamahala; sila ay may natatanging tungkulin at natatanging responsabilidad. Kaya, kapag sinasabi Ko na bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nabubuo mula sa mga hilig at libangan, hinihingi Ko sa mga taong ito—ibig sabihin, sa inyong lahat—na bitiwan ang mga personal na paghahangad, mithiin, at hangarin, dahil ang inyong misyon, tungkulin, at responsabilidad ay nasa sambahayan ng Diyos at sa iglesia, hindi sa mundong ito. Ibig sabihin, lahat kayo ay walang kinalaman sa pag-unlad at pagsulong ng mundong ito o sa anumang kalakaran nito. Masasabi rin na hindi nagkaloob sa inyo ang Diyos ng anumang misyon tungkol sa pag-unlad at pagsulong ng mundong ito. Ito ay Kanyang inorden. Ano ang misyon na ipinagkaloob ng Diyos sa mga hinirang Niya, sa mga ililigtas Niya? Ito ay ang gawin nang maayos ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at ang maligtas. Isa sa mga bagay na hinihingi Niya sa mga tao upang maligtas sila ay ang hangarin ang katotohanan, at isa sa mga paraang hinihingi Niya sa mga tao para mahangad ang katotohanan ay ang bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Kaya, ang mga salita at mga hinihinging ito ay hindi nakatuon sa lahat ng sangkatauhan; sa halip, nakatuon ang mga ito sa inyo, sa bawat isa sa mga hinirang ng Diyos, at sa lahat ng nagnanais na maligtas—at siyempre, nakatuon ang mga ito sa lahat ng may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin sa gawain ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ano ang papel na nagagampanan ninyo sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos? Kayo ang mga ililigtas ng Diyos. Kaya, pagdating sa mga ililigtas ng Diyos, ano ang nakapaloob sa “pagliligtas” na ito? Nakapaloob dito ang pagtanggap sa mga salita ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol, ang Kanyang ordinasyon, ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, pagpapasakop sa lahat ng Kanyang salita, pagsunod sa Kanyang daan, at sa huli, pagsamba sa Kanya at pag-iwas sa kasamaan; sa paggawa niyon, ikaw ay maliligtas, at papasok ka sa susunod na kapanahunan. Ito ang papel na ginagampanan ninyo sa lahat ng sangkatauhan, at ito ang natatanging misyong ipinagkaloob ng Diyos sa inyo sa gitna ng lahat ng tao. Siyempre, mula sa inyong perspektiba, ito ay isang espesyal na uri ng responsabilidad at tungkulin na mayroon kayo sa lahat ng sangkatauhan. Ito ay pagsusuri sa isyung ito mula sa perspektiba ng mga hinirang na tao ng Diyos na Kanyang pinili. Pangalawa, sa lahat ng sangkatauhan, binigyan ng Diyos ng natatanging misyon ang natatanging grupong ito ng mga tao. Hindi Niya kinakailangan na magkaroon ang mga taong ito ng anumang obligasyon o responsabilidad sa pag-unlad at pagsulong ng mundo, o sa anumang may kinalaman sa mundo. Maliban sa natatanging grupong ito ng mga tao, nagkaloob ang Diyos ng iba’t ibang misyon sa natitirang iba’t ibang uri ng tao na hindi Niya hinirang, anuman ang kanilang kalikasang diwa. Sa iba’t ibang panahon ng sangkatauhan, iba’t ibang kapaligirang panlipunan, at sa iba’t ibang lahi, gumagampan sila ng iba’t ibang papel dahil sa kanilang iba’t ibang misyon, pinupunan ang lahat ng larangan ng buhay. Dahil sa iba’t ibang papel na inorden ng Diyos na gampanan nila, bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang mga hilig at libangan. Sa ilalim ng mga pangunahing kondisyon ng mga hilig at libangang iyon, nagkakaroon sila ng iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin. Dahil mayroon silang iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang kapaligiran sa lipunan, lumilikha ang mundo ng iba’t ibang bagong bagay at bagong industriya—halimbawa, teknolohiya, medisina, negosyo, ekonomiya, at edukasyon, o magagaang idustriya tulad ng tela at mga gawang-kamay, pati na rin ng industriya ng aviation at maritime, at iba pa. Sa gayon, ang mga nangungunang personalidad, mahuhusay na indibidwal, at mga natatanging tagahanga na lumilitaw sa bawat larangan dahil sa kanilang iba’t ibang paghahangad, mithiin, at hangarin, ay may sarili nilang mga misyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang kapaligiran sa lipunan. Kasabay nito, sa kanilang partikular na kapaligiran sa lipunan, patuloy rin nilang tinutupad ang kanilang misyon. Sa ganitong paraan, sa iba’t ibang panahon at kapaligiran sa lipunan ng sangkatauhan, patuloy na umuunlad at sumusulong ang lipunan dahil sa pagsasakatuparan ng mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga natatanging indibidwal na ito. At siyempre, patuloy itong nagbibigay sa sangkatauhan ng iba’t ibang kalidad ng materyal na pamumuhay. Halimbawa, sa ilang daang taon na nakararaan, wala pang kuryente, kaya gumagamit ang mga tao ng mga lamparang de-langis. Sa mga natatanging sitwasyong ito, isang natatanging tao ang dumating at inimbento niya ang kuryente, at nagsimula nang gumamit ng kuryente ang sangkatauhan para magkailaw. Sa isa pang halimbawa, sa isang partikular na kapaligiran sa lipunan, may isa pang natatanging tao na lumitaw. Nakita niya na malaking abala ang magsulat sa kawayan, at umaasa siyang darating ang araw na maaari nang magsulat sa isang manipis at patag na bagay ang isang tao, na magiging komportable at madaling basahin. Pagkatapos ay nagsimula siyang magsaliksik ng mga teknik ng paggawa ng papel, at sa pamamagitan ng kanyang tuluy-tuloy na pagsasaliksik, pagsusuri, at pag-eeksperimento, sa wakas ay naimbento niya ang papel. Pagkatapos ay naimbento rin ang makinang de-singaw. Sa isang natatanging yugto ng panahon, isang natatanging tao ang dumating, na nakaisip na ang pagtatrabaho gamit ang mga kamay ay sobrang nakakapagod, sobrang aksaya sa enerhiya ng tao, at masyadong hindi epektibo. Kung mayroong makina o ibang paraan na maaaring pumalit sa pisikal na pagtatrabaho ng tao, makatitipid ng maraming oras ang mga tao at magagawa nila ang ibang bagay. Kaya, sa pamamagitan ng pagsasaliksik at pagsusuri, naimbento ang makinang de-singaw, at pagkatapos ay sunud-sunod na naimbento ang mga mekanikal na bagay na gumagamit ng mga pangunahing prinsipyo ng makinang de-singaw. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Kaya, sa iba’t ibang panahon, ang tuloy-tuloy na pagsasakatuparan at pagpapatunay sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng isang tao o ng isang grupo ng mga tao ay unti-unti at patuloy na nagsusulong at nagpapaunlad ng kapwa magaan at mabigat na industriya, na patuloy na nagpapabuti sa kalidad ng buhay at sa mga kalagayan ng pamumuhay ng sangkatauhan. Ang magagaang industriya, tulad ng tela at gawang-kamay, ay umuunlad na ngayon patungo sa mas mataas na antas ng kalidad, kahusayan, at katumpakan, at mas lalong natatamasa ng mga tao ang mga ito. Ang mabibigat na industriya, tulad ng iba’t ibang uri ng transportasyon, gaya ng mga sasakyan, tren, steamship, at eroplano, ay nagbibigay ng malaking ginhawa sa buhay ng mga tao, ginagawang madali at komportable ang paglalakbay ng mga tao. Ito ang tunay na proseso at detalyadong pagpapamalas ng pag-unlad ng sangkatauhan. Sa madaling salita, magaan o mabigat na industriya man, anuman ang aspekto, ang lahat ay sinisimulan at nililikha ng mga hilig at libangan ng isang natatanging tao o ng isang grupo ng mga natatanging tao. Dahil sa kanilang natatanging mga hilig at libangan, mayroon silang kanilang sariling mga paghahangad, mithiin, at hangarin. Kasabay nito, dahil sa kanilang natatanging mga paghahangad, mithiin, at hangarin, sa iba’t ibang yugto ng panahon ng sangkatauhan at sa mga kapaligiran sa lipunan na kanilang ginagalawan, ang iba’t ibang larangan sa kanilang paligid ay nagbibigay-daan sa mas maunlad na iba’t ibang uri ng bagay, mas komportableng gamitin na mga bagay, mga bagay na mas makakatulong sa pagtaas ng kalidad ng buhay ng buong sangkatauhan. Ito ay nagdudulot ng ginhawa sa sangkatauhan at nagpapataas sa kalidad ng kanilang buhay. Hindi na natin pag-uusapan ang lahat ng ito. Sa halip, susuriin natin ang pinagmulan ng mga natatanging indibidwal na ito. Saan nanggagaling ang mga natatanging indibidwal na ito sa iba’t ibang panahon? Hindi ba’t sila ay inorden ng Diyos? (Oo.) Ang puntong ito ay hindi mapapabulaanan, at hindi ito matatatwa ninuman. Dahil sila ay inorden ng Diyos, ang kanilang mga misyon ay may kaugnayan din sa inorden ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “may kaugnayan sa inorden ng Diyos”? Ito ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagkaloob ng mga natatanging misyon sa mga natatanging indibidwal na ito, kaya sila lumilitaw sa mga partikular na panahon, para gawin ang gusto nila sa mga partikular na panahon, at pagkatapos ay binibigyang-inspirasyon ang sangkatauhan sa iba’t ibang panahon sa pamamagitan ng mga natatanging bagay na ginagawa ng mga indibidwal na iyon. Dahil sa mga natatanging indibidwal na ito, patuloy na sumasailalim ang mundo sa maliliit na pagbabago at muling napapanibago. Ganito umuunlad ang sangkatauhan.
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may mga natatanging hilig at libangan at ng mga hinirang na tao ng Diyos? Ang pagkakaiba ay na bagamat inorden ng Diyos ang isang natatanging misyon para sa mga taong ito, hindi sila ang mga inorden ng Diyos para iligtas, kaya, ang Kanyang mga hinihingi lamang sa kanila ay na dapat silang gumawa ng isang natatanging bagay sa kanilang natatanging edad, sa kanilang natatanging panahon. Tinatatapos nila ang kanilang misyon, at sa kanilang natatanging panahon, sila ay umaalis. Habang sila ay nabubuhay sa lupa, hindi gumagawa ang Diyos ng gawain ng pagliligtas sa kanila. Mayroon lamang silang misyon para sa pag-unlad at pagsulong ng lipunan at sangkatauhang ito, o upang baguhin ang mga kalagayan ng pamumuhay ng sangkatauhan sa iba’t ibang yugto. Ganap na wala silang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa plano ng pamamahala ng Diyos, kaya’t anuman ang misyon na kanilang natatapos, gaano man kalaki ang kanilang mga kontribusyon sa sangkatauhan, o gaano man kalalim ang kanilang impluwensiya sa sangkatauhan, wala silang kinalaman sa gawain ng Diyos para sa pagliligtas ng sangkatauhan. Sila ay nabibilang sa mundo, sa mga kalakaran nito, sa pag-unlad nito, at sa bawat larangan at industriya nito; wala silang kinalaman sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kaya wala silang kinalaman sa bawat salitang binibigkas Niya, sa bawat salitang ibinibigay Niya sa sangkatauhan, sa katotohanan at buhay na ipinapahayag Niya, o sa iba’t ibang hinihingi Niya sa sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay nangangahulugan na ang mga pahayag ng Diyos sa buong sangkatauhan, sa buong sansinukob, hanggang sa mga partikular na mga hinihingi at prinsipyo na Kanyang tinatalakay, ay hindi nakatuon sa lahat ng tao; siyempre, ang mga ito ay mas lalong hindi nakatuon sa mga natatanging tao na may mahalagang papel na ginagampanan sa pagpapaunlad ng lipunan ng tao. Ang mga salita ng Diyos—ang katotohanan, ang daan, at ang buhay—ay nakatuon lamang sa mga hinirang Niyang tao. Ang isyung ito ay madaling naipapaliwanag: ang mga salita ng Diyos ay nakatuon sa sinumang Kanyang hinihirang, sa sinumang nais Niyang iligtas. Kung ang isang tao ay hindi hinirang ng Diyos, at kung hindi Niya planong iligtas ito, kung gayon, ang mga salitang ito ng buhay ay hindi binibigkas sa taong ito—wala siyang parte rito. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Ang mga natatanging indibidwal na ito ay may natatanging mga hilig at libangan, kaya mayroon silang naiiba, mas mataas na mga paghahangad, mithiin, at hangarin kumpara sa mga ordinaryong tao. Dahil mayroon sila nitong mga natatanging paghahangad, mithiin, at hangarin, at dahil mayroon silang naiiba o natatanging mga hilig at libangan, ginagampanan nila ang isang mahalagang papel sa pag-unlad ng lipunan ng tao, at siyempre, sa iba’t ibang panahon, tinatapos nila ang kanilang mahahalagang misyon. Sa huli, natatapos man nila o hindi ang kanilang mga misyon nang pasok sa pamantayan, sila ang tanging may kinalaman sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na lumilitaw dahil sa mga hilig at libangan na ito. Dahil mayroong mga natatanging misyon ang mga taong ito, dapat nilang isakatuparan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa mga partikular na panahon at sa mga partikular na sitwasyon ng lipunan. Ito ang misyon na ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila, ang misyong idinadagdag Niya sa kanila; ito ang kanilang responsabilidad, at ganito sila dapat kumilos. Gaano man kapagod ang kanilang laman, puso, o kaisipan, o gaano man kalaki ang halagang binabayaran nila, upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin, tatapusin nilang lahat—o dapat nilang tapusin ang misyon na kailangan nilang gawin, sapagkat ito ang inorden ng Diyos. Walang makakatakas sa inorden ng Diyos, o makakatakas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Kaya, wala silang anumang kinalaman sa pinag-uusapan natin tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Ano ang ibig sabihin na wala silang kinalaman sa isa’t isa? Ito ay nangangahulugan na ang mga salitang ito tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay hindi nakatuon sa kanila. Sa kahit anong panahon, sa anumang sitwasyon ng lipunan, at sa anumang punto ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang mga salitang ito mula sa Diyos ay walang kinalaman sa kanila. Ang mga salitang ito ay hindi nakatuon sa kanila, kaya wala sa mga salitang ito ang hinihingi sa kanila. Kailangan nilang tapusin ang misyon na dapat nilang gawin sa ilalim ng ordinasyon, kataas-taasang kapangyarihan, at mga pagsasaayos ng Diyos. Kailangan nilang gawin ang nararapat nilang gawin sa iba’t ibang panahon at sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon ng lipunan ng masama at tiwaling sangkatauhan, kailangan nilang tuparin ang kanilang mga obligasyon, at tapusin ang misyon na dapat nilang gawin. Kaya, ginagampanan ba nila ang papel ng isang taga-serbisyo o ng isang mapaghahambingan? Paano mo man ito sabihin ay ayos lang. Sa madaling salita, hindi sila ang mga hinirang ng Diyos, o ang mga nais Niyang iligtas—iyon lang. Kaya, kahit pa bitiwan ng mga mananampalataya ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, hindi nito mapapabagal ang pag-unlad ng mundo o ng sangkatauhan; at siyempre, hindi rin nito mapapabagal ang pag-unlad ng iba’t ibang larangan at industriya sa iba’t ibang panahon at iba’t ibang sitwasyon ng lipunan ng mundo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Ano ang dahilan? Ito ay dahil ang pag-unlad ng sangkatauhan at ng mga industriya sa lipunan ay walang kinalaman sa mga mananampalataya, o sa mga taong hinirang ng Diyos, kaya hindi mo kailangang mag-alala: “Kung susundin namin ang sinasabi Mo at bibitiwan namin ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, patuloy bang uunlad ang lipunan at sangkatauhang ito?” Bakit ka mababalisa? Hindi mo kailangang mabalisa. May mga plano at pagsasaayos ang Diyos—nauunawaan mo iyon, hindi ba? (Oo.) Ang iyong pagkabalisa ay hindi kinakailangan, ito ay dahil hindi mo nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan.
Ano ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos? Kailangan mong gawin nang maayos ang iyong tungkulin, nang pasok sa pamantayan, tapusin ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, hangarin at isagawa ang katotohanan sa proseso ng paggampan sa iyong tungkulin, kamtin ang pagpasok sa katotohanang realidad, tumitingin sa mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos nang ganap na naaayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na dapat mong taglayin. Ang mga makamundong paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan ay ang mga bagay na dapat mong bitiwan. Bakit mo kailangang bitiwan ang mga ito? Iba ka sa mga tao sa labas ng iglesia; hinirang ka ng Diyos, pinili mong hangarin ang katotohanan, at nagdesisyon kang sundin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya ang mga layon at direksiyon ng iyong buhay ay dapat magkaroon ng pagbabago, at dapat mong lubos at ganap na bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan. Bakit mo kailangang bitiwan ang mga ito? Sapagkat iyan ay hindi ang daan na dapat mong tahakin. Iyan ang daan ng mga walang pananampalataya, ng mga hindi nananampalataya sa Diyos. Kung hahangarin mo ang pagtahak sa daang iyon, kung gayon, hindi ka isa sa mga hinirang ng Diyos. Kung hahangarin mo ang mga mithiin at hangarin na gaya ng sa mga walang pananampalataya, hindi mo mahahangad ang katotohanan, at hindi mo matatamo ang kaligtasan. Sa mas partikular na salita, kung hindi mo kayang bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin, at higit pa rito ay nais mong isakatuparan ang mga ito, kung gayon, hindi mo magagawang magpasakop sa gawain ng Diyos o matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, at hinding-hindi ka maliligtas. Ano ang ibig sabihin nito? Ang hindi magawang bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin, at higit pa rito ay ang hangarin na maisakatuparan ang mga ito, ay katumbas ng pagtalikod sa iyong paghahangad sa katotohanan, pagtalikod sa kaligtasan, at pagtangging magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi ba’t ito ang totoo? (Oo.) Kaya sa huli, tulad lang ito ng sinabi Ko: Kung nais mong hangarin ang katotohanan, dapat mo munang bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan. Dapat mong bitiwan ang mga ito, dahil ang paghahangad sa mga makamundong mithiin at hangarin ay walang kinalaman sa mga taong naghahangad sa katotohanan at kaligtasan; iyan ay hindi ang landas na dapat mong tahakin, o ang layon at direksiyon na dapat mong itatag at taglayin sa iyong buhay. Kung madalas mo itong pinaplano at kinakalkula sa iyong puso, pinipiga ang utak mo para pagnilayan at isaalang-alang ito, dapat mo itong bitiwan sa lalong madaling panahon. Hindi mo maaaring tahakin ang dalawang magkaibang landas, ninanais na hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, habang ninanais ding hangarin ang mundo, at isakatuparan ang iyong sariling mga mithiin at hangarin. Sa ganitong paraan, bukod sa hindi mo makakamit o maisasakatuparan ang alinman sa mga ito, dagdag pa rito—at ang pinakamahalaga—maaapektuhan nito ang iyong kaligtasan. Sa huli, mapapalampas mo ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa tao, mawawalan ng pinakamagandang pagkakataon sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Sa huli, masasadlak ka sa sakuna, hahampasin mo ang iyong dibdib at magdadabog ang iyong mga paa, at huli na para magsisi—ito ang magiging malungkot mong kapalaran. Kung matalino ka, at nakapagdesisyon ka nang hangarin ang katotohanan, dapat mong bitiwan ang mga mithiin at hangarin na dating mayroon ka o na patuloy mo pa ring hinahangad. Ang mga taong mangmang, hangal, hindi matalino, at naguguluhan—ang mga taong ito ay nais na hangarin ang katotohanan at maligtas, ngunit ayaw nilang bitiwan ang kanilang mga makamundong paghahangad, mithiin, at hangarin. Gusto nilang matamo ang parehong bagay na ito. Iniisip nila na ang pagkilos nang ganito ay kapakinapabangan, na ito ay matalino, ngunit ang totoo, ito ang pinakahangal na paraan ng pagkilos sa lahat. Ang matatalinong tao ay lubusang tatalikuran ang kanilang mga makamundong paghahangad, mithiin, at hangarin, at pipiliin nilang hangarin ang katotohanan at maligtas. Gaano man umunlad ang mundo, at anuman ang kalagayan o pag-unlad ng iba’t ibang larangan at industriya, walang kinalaman ang mga ito sa iyo. Hayaan mo ang mga nabibilang sa mundo, ang mga diyablo na namumuhay sa lupa, na gawin ang anumang dapat nilang gawin. Ang gagawin natin ay, una, tapusin ang tungkuling dapat nating gawin, at pangalawa, ay tamasahin ang bunga ng kanilang pagtatrabaho. Napakaganda nito! Halimbawa, ang mga computer at ang software na iniimbento nila ay napakalaking tulong sa paggawa mo ng iyong tungkulin at sa iyong pagtatrabaho. Kinukuha at ginagamit mo ito, ginagamit ito para mapaglingkuran ka; ginagamit mo ito upang tulungan ka habang tinutupad mo ang iyong tungkulin, tulungan kang mas mahusay na tapusin ang iyong gawain, na nagpapabuti sa pagiging epektibo ng paggawa mo sa iyong tungkulin, at nagpapaganda sa mga resulta, habang mas nakakatipid ka rin sa oras. Napakaganda nito! Hindi mo na kailangang pigain ang iyong utak sa pagsasaliksik: “Paano naimbento ang software na ito? Kanino nanggaling ito? Paano ako dapat magsikap sa paggamit ng software na ito, sa teknikal na larangang ito?” Walang silbi na pigain ang iyong utak nang ganito. Ang iyong mga kaisipan at enerhiya ay hindi para dito. Hindi mo kailangang igugol ang iyong enerhiya o mga brain cell para sa usaping ito. Hayaan mong mag-ambag ang mga makamundong tao na siyang dapat gumawa nito; pagkatapos ng kanilang mga kontribusyon, kunin at gamitin natin ito. Napakaganda! Lahat ay handa nang gamitin. Pauna nang isinaayos ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya hindi mo na ito kailangang hangarin, at sa mga usaping ito, hindi mo kailangang mabalisa o magsumikap. Sa mga usaping ito, hindi mo na kailangang umako ng kahit ano, o mag-alala o mabahala sa anumang bagay. Ang kailangan mo lang gawin ay gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan, kamtin ang pagkaunawa sa katotohanan, at pasukin ang katotohanang realidad. Hindi ba’t ito ang pinakatamang landas sa buhay? (Ito nga.)
Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang isyu ng paghahangad sa mga mithiin at hangarin? Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi hinangad ng mga tao ang kanilang mga mithiin, magkakaroon pa rin ba ng progresibong pag-unlad ang mundo?” Ang sinasabi Ko ay oo, susulong pa rin ito. Naiintindihan ba ninyo ang sagot na ito? Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Kung gayon, malinaw rin ba ninyong nakikita ang diwa ng isyung tinatalakay natin? Hindi ba’t ganito talaga ito? (Oo.) Pagdating sa huling salita—ang pag-unlad, pag-usad, at mga usapin ng mundo—hayaan na ang mga diyablong nabibilang sa mundo, o ang mga diumano’y “tao” na nabibilang sa mundo, ang mangasiwa rito. Wala itong kinalaman sa mga nananampalataya sa Diyos. Ano ang misyon at responsabilidad ng mga nananampalataya sa Diyos? (Gawin nang maayos ang kanilang tungkulin, hangarin ang katotohanan, at kamtin ang kaligtasan.) Tama. Ito ay napakapartikular at napakapraktikal. Hindi ba’t simple lang ito? (Oo.) Ang mga nananampalataya sa Diyos ay kailangan lang na hangarin ang katotohanan at sundin ang Kanyang daan, at sila ay maliligtas sa huli. Ito ang iyong misyon, at ito ang pinakamalaking ekspektasyon at inaasam ng Diyos sa inyo. Isinasaayos ng Diyos ang mga natitirang bagay, kaya hindi mo na kailangang mabalisa o mag-alala. Kapag dumating na ang oras, iyong matatamasa, makakain, at magagamit ang lahat ng nararapat sa iyo. Lahat ng bagay ay hihigit sa iyong imahinasyon at mga ekspektasyon, at magiging sagana. Hindi hahayaan ng Diyos na wala kang mapapala, o na maging dukha ka. May isang linya sa Bibliya na nagsasabing magaan ang pasanin ng Panginoon. Ano ang sinasabi sa orihinal? (“Sapagkat malambot ang Aking pamatok, at magaan ang Aking pasan” (Mateo 11:30).) Hindi ba’t iyon ang kahulugan? (Iyon nga.) Ang paghingi sa iyo na bitiwan ang iyong sariling mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay hindi upang gawin kayong pangkaraniwan, tamad, walang paghahangad, isang naglalakad na bangkay, o isang taong walang kaluluwa; sa halip, ito ay upang baguhin ang maling direksiyon at layon ng inyong mga paghahangad. Dapat mong bitiwan ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na hindi mo dapat taglayin, at itatag ang mga tamang paghahangad, mithiin, at hangarin. Sa ganitong paraan ka lamang makakatahak sa tamang landas ng buhay. Kung gayon, nalutas na ba ang problemang ito? Kung hindi hinangad ng mga tao ang kanilang mga mithiin, patuloy kayang uunlad ang mundo? Ang sagot ay “oo.” Bakit? (Dahil may inorden na misyon ang Diyos para sa mga nabibilang sa mundong ito; sila ang gagawa ng gawaing ito.) Tama, dahil may mga inorden at isinaayos ang Diyos, kaya hindi mo kailangang mabalisa. Ang mundo ay uunlad, at ang mga mananampalataya sa Diyos ay hindi kailangang pasanin ang misyong ito, upang tuparin ang responsabilidad at obligasyong ito. Isinaayos na ng Diyos ang mga bagay-bagay. Hindi mo kailangang mag-alala kung sino ang isinasaayos ng Diyos. Sapat na ang hangarin mo ang katotohanan, sundin ang daan ng Diyos, at kamtin ang kaligtasan. Kailangan mo pa bang mag-alala sa iba pang bagay? (Hindi.) Hindi. Kaya, ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay isang landas na dapat mong isagawa. Hindi mo kailangang mag-alala kung ano ang mangyayari sa mundo o sa sangkatauhan pagkatapos mong bitiwan ang iyong mga mithiin at hangarin. Hindi iyon isang bagay na kailangan mong ipag-alala. Wala itong kinalaman sa iyo. Isinaayos na ng Diyos ang lahat ng bagay. Ganoon lang ito kasimple. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan, hindi ba’t nalutas Ko na ang ugat ng problema? (Oo.) Kung may magtatanong muli sa inyo, paano ninyo titingnan at ipapaliwanag ang problemang ito? Kung may isang taong hindi nananampalataya sa Diyos na magtatanong: “Palagi ninyong sinasabi ang tungkol sa hindi paghangad sa mga mithiin, ang pagbitiw sa mga mithiin at hangarin. Kung lahat ay magsasagawa ayon sa inyong sinasabi, iiral pa ba ang mundo? Patuloy pa bang uunlad ang sangkatauhan?” maaari kang sumagot nang ganito: “May kanya-kanyang adhikain ang bawat tao; hindi mo sila maaaring pilitin.” Ito ay isang popular na kasabihan sa mundo. Dapat mong sabihin: “Hinihingi ng Diyos sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin; iyon ang katotohanan. Kung handa kang tanggapin ito, kaya mong bitiwan ang mga bagay na ito. Kung hindi ka handang tanggapin ito, maaari din na hindi mo bitiwan ang mga ito. Hindi pipilitin ng Diyos ang sinuman. Ang pagbitiw sa iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay kusang-loob, at ito ay iyong karapatan. Ang hindi pagbitiw sa mga ito ay kusang-loob din, at karapatan mo rin ito. Ang bawat indibidwal ay may kanya-kanyang partikular na misyon. Sa lahat ng sangkatauhan, ang bawat tao ay may kanya-kanyang sariling misyon, sariling papel na dapat niyang gampanan. Magkakaiba ang mga pinipili ng mga tao, kaya magkakaiba rin ang landas na kanilang tinatahak. Pinili mong hangarin ang mundo, isakatuparan ang iyong mga mithiin at hangarin sa mundo, at katawanin ang iyong mga prinsipyo, samantalang pinipili kong bitiwan ang aking mga paghahangad, mithiin, at hangarin upang sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, sundin ang Kanyang daan, at palugurin Siya. Sa huli, makakamtan ko ang kaligtasan. Hindi mo hinahangad ang landas na ito, malaya kang gawin ito. Walang makakapilit sa iyo.” Ano ang tingin mo sa sagot na ito? (Mabuti ito.) Kung kaya mong tanggapin ang ideya ng “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao,” kung gayon, ang mga salitang ito ay nakatuon sa iyo. Kung hindi mo ito kayang tanggapin, kung gayon, walang indikasyon na kailangan mong pakinggan at tanggapin ang mga salitang ito. Maaari mong piliing hindi makinig; maaari mong piliing talikuran ang gawain ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, at talikuran ang iyong pagkakataon na maligtas. Karapatan mo ito. Maaari din na hindi mo bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin, at harapin mo ang mundo nang may kumpiyansa, may tapang na isakatuparan ang mga ito. Walang pipilit sa iyo, at walang kokondena sa iyo. Karapatan mo ito. Ang iyong pagpili ay siya ring iyong misyon, at ang iyong misyon ay ang papel na inorden sa iyo ng Diyos na gampanan sa gitna ng mga tao. Iyon lang. Ito ang tunay na kalagayan ng mga bagay. Anuman ang iyong pipiliin, iyon ang uri ng landas na iyong tatahakin; anumang uri ng landas ang iyong tatahakin, iyon ang papel na gagampanan mo sa gitna ng mga tao. Ganoon lang ito kasimple. Ito ang tunay na kalagayan ng mga bagay. Kaya, ito pa rin ang mga salitang binanggit kanina: “May kanya-kanyang adhikain ang bawat tao; hindi mo sila maaaring pilitin.” Ngunit saan nanggagaling ang adhikaing iyon? Sa pinagmulan nito, ito ay inorden ng Diyos. Kung pipiliin mong hindi tanggapin ang katotohanan at gawin nang maayos ang iyong tungkulin, ibig sabihin nito ay hindi ka pinili ng Diyos, at wala kang pagkakataong maligtas. Sa madaling salita, wala ka ng pagpapalang ito; hindi ito inorden ng Diyos. Kung hindi ka interesado sa pananampalataya sa Diyos o paghahangad sa katotohanan—kung hindi mo hahangarin ang aspektong ito—wala ka ng pagpapalang ito. Ang mga taong inorden na pumasok sa sambahayan ng Diyos ay handang gawin ang kanilang tungkulin doon. Anuman ang sabihin ng Diyos, makikinig sila; kung nais Niya na bitiwan nila ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, gagawin nila ito. Kung hindi nila kayang bitiwan ang mga ito, pinipiga nila ang kanilang utak kung paano ito gagawin. Ang ganitong tao ay handang hangarin ang kaligtasan. Ito ang pinakamalalim na pangangailangan at hinihingi ng kanilang kaluluwa, na inorden ng Diyos, kaya mayroon sila ng pagpapalang ito, na siyang magandang kapalaran nila. Ang papel na inorden ng Diyos para sa iyo ay ang dapat mong gampanan. Iyon ang pinagmulan. Ang mga hindi pinagpala ay naghahangad sa mundo, samantalang ang mga pinagpala ay naghahangad sa katotohanan—hindi ba’t iyon ay katunayan? (Oo.) Kaya, kung may muling magtatanong sa inyo, makasasagot ba kayo? (Oo.) Ano ang pinakasimpleng sagot? (May kanya-kanyang adhikain ang bawat tao; hindi mo sila maaaring pilitin.) May kanya-kanyang adhikain ang bawat tao; hindi mo sila maaaring pilitin. Ang paghingi sa iyo na bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay naglalayon lang na bigyan ka ng isang landas ng pagsasagawa. Maaari mong piliing bitiwan ang mga ito, at maaari mong piliing hindi bitiwan ang mga ito. May kanya-kanyang adhikain ang bawat tao; hindi mo sila maaaring pilitin. Kung tatanggapin mo, ang mga salitang ito ay nakatuon sa iyo. Kung hindi mo tatanggapin, ang mga salitang ito ay hindi nakatuon sa iyo, at ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay walang kinalaman sa iyo; malaya ka. Nalutas na ba ang isyung ito? (Oo.) Nalutas na ito, kaya wala nang magbabanggit sa usaping ito, hindi ba? (Tama.)
May isa pang isyu pagdating sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. May ilang taong nagsasabing: “Nagsasalita ka ngayon tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao—ito ba ay dahil malapit nang dumating ang oras, narito na ang mga huling araw, at dumating na ang mga sakuna, at dahil narito na ang araw ng Diyos, kaya Mo hinihingi sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin?” Iyon ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang sagot ay hindi: Hindi! Kaya, pag-usapan natin ang partikular na dahilan. Dahil ang sagot ay hindi, tiyak na may ilang detalyadong isyu rito na kailangang pagbahaginan at maunawaan. Pag-usapan natin ito: Dalawang libo, o maging ilang daang taon na ang nakararaan, ang buong kapaligiran ng lipunan ay iba kaysa sa ngayon; ang kalagayan ng lahat ng sangkatauhan ay iba kaysa sa ngayon. Ang kapaligiran ng kanilang buhay ay napaka-organisado. Ang mundo ay hindi kasingsama ng sa ngayon, ang lipunan ng tao ay hindi kasinggulo ng sa ngayon, at wala pang mga sakuna noon. Kailangan pa rin bang bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin? (Oo.) Bakit? Magbigay ng isang rason, at sabihin ang inyong partikular na kaalaman. (Ngayong ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas, mayroon silang tiwaling disposisyon ni Satanas, kaya kapag hinahangad nila ang kanilang mga mithiin at hangarin, ito ay para lamang sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Dahil hinahangad nila ang kasikatan at pakinabang, nagpapakahirap sila at nilalabanan nila ang isa’t isa, nakikipaglaban para sa buhay at kamatayan, at ang resulta ay na lalo silang nagagawang tiwali ni Satanas, lalong nawawalan ng wangis ng tao, lalong nalalayo sa Diyos. Kaya, makikita natin na ang landas ng paghahangad sa mga mithiin at hangarin ay mali. Hindi ito dahil malapit nang dumating ang araw ng Diyos kaya Niya hinihingi sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin; bagkus, hindi dapat hinahangad ng mga tao ang mga bagay na ito sa simula pa lang. Dapat silang maghangad nang wasto, nang naaayon sa mga salita ng Diyos.) Sa palagay ninyo, ang pagbitiw ba sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay isang prinsipyo ng pagsasagawa? (Oo.) Ang pagbitiw ba sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao ay ang katotohanan? Ito ba ay isang hinihingi ng Diyos sa tao? (Oo.) Ito ay isang katotohanan, isang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung gayon, ito ba ang daan na dapat sundin ng mga tao? (Oo.) Sapagkat ito ang katotohanan, isang partikular na hinihingi ng Diyos sa tao, at ang daan na dapat sundin ng mga tao, ito ba ay nagbabago batay sa panahon o karanasan? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil ang katotohanan, ang mga hinihingi ng Diyos, at ang daan ng Diyos ay hindi nagbabago batay sa pagbabago ng panahon, lugar, o kapaligiran. Anuman ang oras, anuman ang lugar, at anuman ang kapaligiran, ang katotohanan ay palaging katotohanan, at ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi nagbabago, pati na rin ang pamantayang hinihingi Niya sa Kanyang mga tagasunod. Kaya, para sa mga tagasunod ng Diyos, anuman ang oras, lugar, o konteksto, ang daan ng Diyos na dapat nilang sundin ay hindi nagbabago. Kaya, ang paghingi sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa kasalukuyang panahon ay hindi isang hinihingi na isinusulong para sa tao dahil lang sa malapit na ang oras, o dahil narito na ang mga huling araw; hindi rin ito dahil sa ang mga araw ay iilan na lamang at ang mga sakuna ay malalaki, o dahil sa takot na ang tao ay masadlak sa sakuna, kaya mayroong ganoong agarang hinihingi sa tao, hinihingi sa kanilang gumawa ng mga labis-labis o radikal na mga paraan ng pagkilos, upang makamit ang pinakamabilis na pagpasok sa katotohanang realidad. Hindi ito ang dahilan. Ano ang dahilan kung gayon? Anuman ang panahon, kahit ilang daan o ilang libong taon na ang nakararaan—kahit na sa kasalukuyan—hindi nagbago ang mga hinihingi ng Diyos sa tao tungkol sa usaping ito. Sadya lamang na sa ilang libong taon na ang nakararaan, kahit hanggang sa anumang panahon bago ang kasalukuyan, hindi pa lantarang nailalathala ng Diyos ang mga salitang ito sa sangkatauhan nang detalyado, ngunit ang Kanyang mga hinihingi sa tao ay hindi kailanman nagbago sa anumang panahon. Simula noong panahong unang nagkaroon ng mga talaan ang sangkatauhan, ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila ay hindi kailanman na masigasig nilang hangarin ang mundo, o isakatuparan ang sarili nilang mga mithiin at hangarin sa mundo. Ang mga hinihingi lamang Niya sa kanila ay ang makinig sila sa Kanyang mga salita, sundin ang Kanyang daan, na huwag magpakalugmok sa karumihan ng mundo, at huwag hangarin ang mundo. Hayaan ang mga tao sa mundo na pangasiwaan ang mga makamundong usapin; hayaan silang tapusin ang mga bagay na ito. Walang kinalaman ang mga ito sa mga nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Ang tanging kailangang gawin ng mga nananampalataya sa Diyos ay ang sundin ang daan ng Diyos at sumunod sa Kanya. Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay isang tungkuling dapat gawin ng mga nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Hindi nagbabago ang usaping ito batay sa oras, lugar, o kapaligiran. Kahit sa hinaharap, kapag ang sangkatauhan ay naligtas at pumasok sa susunod na kapanahunan, hindi magbabago ang hinihinging ito. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at ang pagsunod sa Kanyang daan ang saloobin at partikular na pagsasagawang dapat taglayin ng isang sumusunod sa Diyos. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Kanyang daan, saka lamang matagumpay na magkakaroon ng takot ang tao sa Diyos at makakaiwas sa kasamaan. Kaya, ang paghingi ng Diyos sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin ay hindi dahil sa oras, o dahil sa mga natatanging kapaligiran o pinagmulan; sa halip, hangga’t umiiral ang tao, kahit hindi malinaw na naibigay ng Diyos sa kanila ang mga salita, noon pa man ay hinihingi na Niya ang pamantayan at prinsipyong ito sa kanila. Gaano man karaming tao ang makakakamit nito, gaano man karaming tao ang kayang magsagawa ng Kanyang mga salita, o gaano man karaming salita Niya ang kaya nilang maunawaan, hindi nagbabago ang hinihinging ito ng Diyos. Tingnan mo sa Bibliya, kung saan may mga talaan ng mga natatanging taong pinili ng Diyos sa mga natatanging panahon—si Noe, Abraham, Isaac, Job, atbp. Ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila, ang daang sinusunod nila, ang kanilang mga layon at direksiyon sa buhay, pati na ang mga layong kanilang hinahangad at ang mga partikular na paraan ng pagkilos na ginagamit nila para sa buhay at pag-iral, ay pawang kumakatawan sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Kasama sa mga ito ay na dapat bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin, tama ba? (Tama.) Sa espirituwal o pisikal man na aspekto, dapat nilang iwasan ang maingay, magulo, masamang sangkatauhan, at iwasan ang maiingay, magugulo, at masasamang kalakaran ng mga ito. Noon, may isang salita na hindi masyadong angkop—“pinabanal.” Sa realidad, ang kahulugan ng salitang ito ay hingin sa iyo na bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at hangarin—upang hindi ka maging isang walang pananampalataya, o upang hindi mo gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga walang pananampalataya, o upang hindi mo naisin ang mga paghahangad ng isang walang pananampalataya, at sa halip ay hikayatin kang hangarin ang mga bagay na dapat hangarin ng isang mananampalataya. Iyon ang ibig sabihin nito. Kaya, kapag sinasabi ng ilang tao na: “Dahil ba sa malapit na ang oras, narito na ang mga huling araw, at dumating na ang mga sakuna, kaya hinihingi ng Diyos na bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin?” ano ang dapat na maging sagot sa tanong na ito? Ang dapat na maging sagot dito ay na anuman at ang lahat ng mga hinihingi ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, at ang daan na dapat sundin ng mga tao. Hindi nagbabago ang mga ito batay sa mga pagbabago ng oras, lugar, kapaligiran, heograpikal na lokasyon, o kalagayan ng lipunan. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang katotohanang hindi nagbago mula pa noong unang panahon, na hindi magbabago magpakailanman—kaya, ang bawat hinihingi ng Diyos sa tao at ang bawat partikular na prinsipyo ng pagsasagawa na inilalatag Niya sa kanila ay nariyan na simula pa noong likhain Niya ang sangkatauhan, noong wala pa silang mga talaan ng panahon. Ito ay kasabay na umiiral ng Diyos. Sa madaling salita, mula sa sandaling nagkaroon na ng mga tao, nauunawaan na ng sangkatauhan ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Anuman ang aspekto ng mga hinihingi, lahat ng ito ay walang-hanggan, at hindi magbabago. Sa kabuuan, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay ang makinig sila sa Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang mga hinihingi ng Diyos ay ganap na walang kaugnayan sa pag-unlad ng mundo, sa mga kalagayan ng lipunan ng tao, sa oras o lugar, o sa heograpikal na kapaligiran at espasyo kung saan namumuhay ang mga tao. Pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos, tama na panatilihin at isagawa ng mga tao ang mga ito. Wala nang ibang hinihingi ang Diyos sa mga tao. Kapag naririnig at nauunawaan nila ang Kanyang mga salita, sapat na para isagawa at sundin nila ang mga ito; makakamit nila ang pamantayan ng pagiging isang katanggap-tanggap na nilikha sa Kanyang mga mata. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, anuman ang panahon, ang kapaligiran o kalagayan ng lipunan, o ang heograpikal na lokasyon, ang kailangan mong gawin ay makinig sa mga salita ng Diyos, unawain ang Kanyang sinasabi at ang Kanyang mga hinihingi sa iyo, at pagkatapos, ang susunod mong dapat gawin ay makinig, magpasakop, at magsagawa. Huwag mong ipag-alala ang mga bagay na tulad ng “Malalaki ba ang sakuna ngayon sa mundo sa labas? Magulo ba ang mundong ito? Mapanganib bang lumabas sa mundo? Magkakaroon ba ako ng nakakahawang sakit? Maaari ba akong mamatay? Masasadlak ba ako sa mga sakuna? May mga tukso ba sa labas?” Walang silbi na isipin ang mga gayong bagay, at walang kinalaman sa iyo ang mga ito. Ang paghahangad mo sa katotohanan at pagsunod sa daan ng Diyos ang tanging kailangan mong alalahanin, hindi ang kapaligiran ng mundo sa labas. Anuman ang kalagayan ng kapaligiran ng mundo sa labas, ikaw ay isang nilikha, at ang Diyos ang Lumikha. Ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at nilikha ay hindi magbabago, hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan, at hindi magbabago ang diwa ng Diyos. Ikaw ay palaging magiging isang tao na dapat sundin ang daan ng Diyos, isang taong dapat makinig sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanya. Ang Diyos ay palaging magiging ang Nag-iisang namumuno sa iyo, nagsasaayos ng iyong kapalaran, at umaakay sa iyo sa buhay. Hindi magbabago ang relasyon mo sa Kanya, hindi magbabago ang Kanyang pagkakakilanlan, at hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan. Dahil sa lahat ng ito, anuman ang panahon, ang iyong responsabilidad, obligasyon, at pinakamataas na tungkulin ay ang makinig sa mga salita ng Diyos, magpasakop sa mga ito, at isagawa ang mga ito. Hindi ito kailanman magiging mali, at ito ang pinakamataas na pamantayan. Nalutas na ba ang isyung ito? (Oo.) Ito ay nalutas na. Malinaw ba ang sinabi Ko? Mas tama ba ang Aking sinabi kaysa sa inyong sinabi? (Oo.) Sa anong paraan ako tama? (Nagsasalita lamang kami sa pangkalahatang paraan, ngunit masusing sinuri ng Diyos ang isyung ito, at ibinahagi rin Niya na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang mga landas na dapat sundin ng mga tao, at na dapat makinig ang mga tao sa mga salita ng Diyos at sundin ang Kanyang daan. Lahat ito ay malinaw na sinabi ng Diyos.) Ang sinasabi Ko ay isang aspekto ng katotohanan. Ang pariralang “isang aspekto ng katotohanan” ay isang teorya, kaya ano ang sumusuporta sa teoryang ito? Ito ay ang mga naunang nabanggit, mga partikular na katunayan at nilalaman. May ebidensiya ang lahat ng katunayang ito; wala ni isa sa mga ito ang inimbento lang, wala sa mga ito ang kathang-isip. Lahat ng ito ay mga katunayan, o ang mga ito ay ang diwa at realidad ng mga panlabas na penomena ng mga katunayan. Kung maiintidihan at mauunawaan mo ang mga ito, nagpapatunay ito na nauunawaan mo ang katotohanan. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo ito masabi nang malakas ay dahil hindi pa ninyo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, o hindi pa ninyo nauunawaan ang batayang diwa at realidad ng mga penomenang ito, kaya nagsasalita lamang kayo nang kaunti tungkol sa inyong mga damdamin at kaalaman, na malayong-malayo sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang nangyayari? (Oo.) Nalutas na ang isyu na ito, kaya hayaan na natin ito. Tungkol naman sa paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan, kinakailangan bang isama ang tanong na ito bilang karagdagang punto? (Oo.) Kinakailangan ito. Ang bawat tanong ay may kaugnayan sa ilang katotohanan, ibig sabihin, may kaugnayan ito sa realidad at diwa ng ilang katunayan, at sa likod ng realidad at diwa ay naroon palagi ang mga pagsasaayos, plano, ideya, at kahilingan ng Diyos. At ano pa ba? Ang ilan sa mga partikular na pamamaraan ng Diyos, pati na rin ang batayan, mga layon, at ang pinagmulan ng Kanyang mga kilos. Ito ang realidad.
Matapos magbahaginan tungkol sa paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa mga hilig at libangan, dapat tayong magbahaginan tungkol sa susunod na paksa. Ano ang susunod na paksa? Ito ay na dapat bitiwan ng mga tao ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa pag-aasawa. Malinaw na ang paksang ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang problemang kaugnay ng pag-aasawa. Hindi ba’t medyo mas malaki ang paksang ito kaysa sa mga hilig at libangan? Ngunit huwag kayong matakot sa laki nito. Hihimay-himayin natin ito, unti-unti nating unawain at arukin ang paksang ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Ang landas na tatahakin natin sa pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay ang pagsusuri sa isyu ng pag-aasawa mula sa mga perspektiba at aspekto ng diwa ng mga problema rito, positibo man o negatibo; ang iba’t ibang pagkaunawa ng mga tao sa pag-aasawa, tama man o mali; ang mga pagkakamaling nagagawa nila sa pag-aasawa, pati na ang iba’t ibang maling ideya at pananaw na ibinubunga ng isyu, na sa huli ay nagbibigay-daan sa mga tao na bitiwan ang kanilang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa pag-aasawa. Ang pinakamainam at pinakamadaling paraan upang makamit ang “pagbitiw” ay ito: Una, dapat malinaw mong makita ang diwa ng mga problema, at makilatis ang mga ito, kung positibo o negatibo man ang mga ito. Pagkatapos, dapat mong magawang harapin ang mga problema nang tama at makatwiran. Ito ang aktibong bahagi ng mga bagay-bagay. Sa pasibong bahagi naman ng mga bagay, dapat mong maunawaan at makilatis ang mga maling ideya, pananaw, at saloobing idinudulot sa iyo ng mga problemang ito, o ang iba’t ibang nakakapinsala at negatibong impluwensiyang ibinubunga ng mga ito sa iyong pagkatao, at mula sa mga aspektong ito, dapat magawa mong bumitiw. Sa madaling salita, kailangang maunawaan at makilatis mo ang mga problemang ito, nang hindi ka natatali o nagagapos sa mga maling ideyang ibinubunga ng mga problemang ito, at nang hindi hinahayaan ang mga ito na kontrolin ang iyong buhay at akayin ka sa mga baluktot na landas, o akayin ka na gumawa ng mga maling pasya. Sa madaling salita, nagbabahaginan man tayo tungkol sa positibo o negatibo, ang pinakalayon ay ang bigyang-daan ang mga tao na harapin ang problema ng pag-aasawa sa makatwirang paraan, na hindi gumamit ng mga nakalilinlang ideya at pananaw para unawain at harapin ito, ni magkaroon ng mga maling saloobin tungkol dito. Ito ang tamang pagkaunawa sa pagsasagawa ng “pagbitiw.” Sige, magpatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin na nagmumula sa pag-aasawa. Una, ating tingnan ang kahulugan ng pag-aasawa, kung ano ang konsepto nito. Ang karamihan sa inyo ay hindi pa nag-aasawa, tama ba? Nakikita Ko na ang karamihan sa inyo ay mga nasa hustong gulang na. Ano ang ibig sabihin ng maging isang taong nasa hustong gulang na? Ibig sabihin nito ay umabot na kayo o lumagpas na sa edad na pwedeng mag-asawa. Kung ikaw man ay umabot na o lumagpas na sa edad na pwedeng mag-asawa, ang bawat tao ay medyo may mga nakasanayan nang pananaw, depinisyon, at konsepto tungkol sa pag-aasawa, tama man o mali. Kaya tuklasin muna natin kung ano ba talaga ang pag-aasawa. Una, sa sarili ninyong mga salita: Ano ba talaga ang pag-aasawa? Kung gusto nating pag-usapan kung sino ang kwalipikadong magsalita tungkol sa kung ano ang pag-aasawa, malamang ay iyon ang mga taong nakapag-asawa na. Kaya umpisahan muna natin sa mga nakapag-asawa na, at kapag tapos na silang magsalita, magpatuloy naman tayo sa mga hindi pa nakapag-asawa na nasa hustong gulang na. Maaari ninyong talakayin ang inyong mga pananaw tungkol sa pag-aasawa, at pakikinggan namin ang inyong pagkaunawa at depinisyon sa pag-aasawa. Sabihin ninyo ang kailangan ninyong sabihin, maganda man itong pakinggan o hindi—mga reklamo tungkol sa pag-aasawa o mga ekspektasyon sa pag-aasawa, lahat iyon ay ayos lang. (Bago mag-asawa, ang lahat ay may mga ekspektasyon. Ang ilang tao ay nag-aasawa para mamuhay nang masagana, samantalang mayroong iba na naghahangad ng masayang buhay may asawa, naghahanap ng isang prinsipeng nakasakay sa puting kabayo, nagpapantasyang mamumuhay sila nang masaya. May ilan ding nagnanais gamitin ang pag-aasawa upang makamit ang sarili nilang mga layon.) Kaya, sa iyong pananaw, ano ba talaga ang pag-aasawa? Ito ba ay transaksiyonal? Ito ba ay isang laro? Ano ito? Ang ilan sa mga sitwasyong binanggit mo ay tungkol sa pamumuhay nang masagana, na isang uri ng transaksiyon. Ano pa? (Para sa akin, ang pag-aasawa ay isang bagay lamang na pinananabikan ko, isang bagay na inaasam-asam ko.) Sino pa ang nais magsalita? Ano ang nalalaman ng mga taong may asawa tungkol sa pag-aasawa? Lalo na ang mga taong sampu o dalawampung taon nang may asawa—ano ang mga saloobin ninyo tungkol sa pag-aasawa? Hindi ba’t madalas kayong puno ng mga pagninilay-nilay tungkol sa pag-aasawa? Sa isang banda, mayroon kayong karanasan sa inyong sariling buhay may asawa, at sa kabilang banda, nakita ninyo ang buhay may asawa ng mga taong nasa paligid ninyo; kasabay nito, kinonsidera ninyo ang buhay may asawa ng ibang tao na nakikita ninyo sa mga aklat, literatura, at pelikula. Kaya mula sa mga aspektong iyon, sa tingin mo, ano ang buhay may asawa? Paano mo ito bibigyang-kahulugan? Ano ang iyong nauunawaan tungkol dito? Paano mo bibigyang-depinisyon ang buhay may asawa? Ang mga taong kasal na, iyong mga may asawa na sa loob ng ilang taon—lalo na kayong mga nagpalaki ng mga anak—ano ang saloobin ninyo tungkol sa buhay may asawa? Magsalita kayo. (Maaari akong magbahagi nang kaunti. Marami na akong napanood na palabas sa telebisyon mula noong bata pa ako. Palagi kong inaasam ang masayang buhay may asawa, ngunit pagkatapos mag-asawa, napagtanto ko na hindi ito kagaya ng iniisip ko. Pagkatapos mag-asawa, ang unang bagay na kailangan kong gawin ay ang magtrabaho nang husto para sa pamilya ko, na talagang nakakapagod. Isa pa, dahil sa hindi pagkakasundo ng ugali namin ng asawa ko, at pagkakaiba ng mga bagay na inaasam at hinahangad namin—lalo na ang pagkakaiba sa mga daan na tinatahak namin—nagkaroon kami ng maraming pagkakaiba sa buhay, hanggang sa puntong nag-aaway na kami. Mahirap ang buhay. Sa puntong ito, naramdaman ko na ang uri ng buhay may asawa na inaasam-asam ko noong bata pa ako ay hindi pala makatotohanan. Isa lamang iyong kaaya-ayang pangarap, ngunit ang totoong buhay ay hindi ganoon. Ito ang mga saloobin ko tungkol sa buhay may asawa.) Kaya ang iyong pagkaunawa sa buhay may-asawa ay na ito ay mapait, tama ba? (Oo.) Kaya, ang lahat ng iyong alaala at karanasan ay mapait, nakakapagod, masakit, at hindi mo kayang magbalik-tanaw sa mga ito; masama ang loob mo, kaya pagkatapos nito, wala ka nang inaasahan pang maganda tungkol sa buhay may asawa. Iniisip mo na ang pag-aasawa ay hindi umaangkop sa iyong mga kahilingan, na ito ay hindi maganda o romantiko. Ang pagkakaunawa mo sa pag-aasawa ay na isa itong trahedya—iyon ba ang ibig mong sabihin? (Oo.) Sa iyong buhay may asawa, sa mga bagay na iyong nagawa o sa mga bagay na ayaw mong gawin, talagang nakaramdam ka ng pagod at pait sa lahat ng bagay, hindi ba? (Oo.) Ang pag-aasawa ay mapait—iyon ay isang uri ng damdamin, isang damdaming nauunawaan o nararamdaman ng mga tao mismo. Anuman ang anyo, marahil ay marami-rami rin ang iba’t ibang pahayag tungkol sa buhay may asawa at pamilya sa mundo ngayon. Marami-rami rin ang nasa mga pelikula at libro, at may mga eksperto sa pag-aasawa at relasyon sa lipunan na nag-aanalisa at sumusuri sa lahat ng uri ng buhay may asawa, na nangangasiwa at lumulutas sa mga kontradiksyong lumilitaw sa buhay mag-asawa ng mga iyon, upang pumagitna sa mga ito. Sa huli, ginawang popular ng lipunan ang ilang kasabihan tungkol sa pag-aasawa. Alin sa mga popular na kasabihang ito tungkol sa pag-aasawa ang sinasang-ayunan ninyo o nakikisimpatya kayo? (O Diyos, madalas sabihin ng mga tao sa lipunan na ang pag-aasawa ay parang pagpasok sa libingan. Pakiramdam ko, pagkatapos mag-asawa, magtatag ng pamilya, at magkaanak, nagkakaroon ng mga responsabilidad ang mga tao, na kinakailangan nilang magtrabaho nang walang tigil upang suportahan ang kanilang pamilya, at maliban pa roon, ang hindi pagkakasundo ng dalawang tao na nagsasama, at lumilitaw ang lahat ng klase ng problema at suliranin.) Ano ang partikular na pariralang ito? “Ang pag-aasawa ay isang libingan.” May mga sikat at popular bang kasabihan sa Tsina? Hindi ba’t medyo popular ang pariralang “Ang pag-aasawa ay isang libingan”? (Oo.) Ano pa? “Ang pag-aasawa ay parang isang bayang sinasalakay—ang mga nasa labas ay nais pumasok, at ang mga nasa loob ay nais makalabas.” Ano pa? “Ang pag-aasawa nang walang pagmamahal ay imoral.” Iniisip nila na ang pag-aasawa ay isang tanda ng pagmamahal, at na ang pag-aasawa nang walang pagmamahal ay imoral. Ginagamit nila ang romantikong pagmamahal upang sukatin ang pamantayan ng moralidad. Ang mga iyon ba ang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa na mayroon ang mga taong kasal na? (Oo.) Sa madaling salita, ang mga taong kasal na ay puno ng kapaitan. Ang pariralang maaaring maglarawan dito ay: “Ang pag-aasawa ay isang libingan.” Ganoon lang ba ito kasimple? Tapos nang magsalita ang mga may asawa, kaya ngayon, maaari na tayong makinig sa sasabihin ng mga hindi pa kasal, mga wala pang asawa. Sino ang gustong magsalita tungkol sa kanilang pagkaunawa sa pag-aasawa? Ayos lang kahit na ito ay pangbata, o isang pantasya o mga ekspektasyon na malayo sa realidad. (O Diyos, pakiramdam ko, ang pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang tao bilang magkatuwang, isang buhay ng pang-araw-araw na pangangailangan.) Nakapag-asawa ka na ba dati? Mayroon ka bang personal na karanasan? (Wala.) Pang-araw-araw na pangangailangan, pagsasama bilang magkatuwang—iyan ba talaga ang tingin mo? Ganoon kapraktikal? (Sa aking mga mithiin, ang pag-aasawa ay hindi ganoon, ngunit iyon ang nakita ko sa pagsasama ng sarili kong mga magulang.) Ganito ang pagsasama ng iyong mga magulang bilang mag-asawa, ngunit hindi ganito ang iyong ideyal na pagsasama. Ano ang iyong nauunawaan at hinahangad pagdating sa pag-aasawa? (Noong maliit pa ako, ang aking pagkaunawa ay ang makahanap lang ng isang taong hinahangaan ko, at pagkatapos ay mamuhay nang masaya at romantiko kasama siya.) Gusto mong mamuhay kasama siya, hawakan ang kanyang kamay, at tumanda kayo nang magkasama, tama ba? (Oo.) Ito ang iyong partikular na pagkaunawa sa pag-aasawa, na may kinalaman sa iyong sarili mismo; hindi mo nakukuha ang pagkaunawang ito mula sa pagmamasid sa ibang tao. Ang iyong nakikita sa buhay may asawa ng iba ay ang panlabas na hitsura lamang ng mga ito, at dahil hindi mo pa mismo nararanasan ito, hindi mo alam kung ang iyong nakikita ay ang realidad ng mga pangyayari o isang panlabas na anyo lamang ng mga pangyayari; ang bagay na iniisip mong totoo ay magpakailanman na mananatili sa iyong mga ideya at pananaw. Isang parte ng pagkaunawa ng mga kabataan sa pag-aasawa ay ang mamuhay nang romantiko kasama ang kanilang minamahal, maghawak-kamay at sabay na tumanda, at mamuhay nang magkasama sa buhay na ito. May iba pa ba kayong pagkaunawa sa pag-aasawa? (Wala na.)
Sinasabi ng ilang tao: “Ang pag-aasawa ay tungkol sa paghahanap ng isang taong magmamahal sa iyo. Hindi mahalaga kung siya man ay romantiko o hindi, hindi mo rin siya kailangang mahalin nang sobra. Sa pinakamababa, dapat ikaw ay mahal niya, nasa puso niya, at mayroon kayong parehong mga paghahangad, mithiin, katangian, interes, at hilig, upang magkasundo kayo at mamuhay nang magkasama.” Sinasabi ng ibang tao: “Maghanap ka ng makakasama sa buhay na mahal mo at mahal ka rin. Sa gayon pa lang ay magiging masaya ka na.” At mayroong iba na ang pagkaunawa sa pag-aasawa ay: “Dapat makahanap ka ng maykaya sa buhay, para hindi mo na aalalahanin ang pananamit at pagkain sa iyong pagtanda, at para masagana ang iyong materyal na buhay, at hindi mo maranasan ang kahirapan. Kahit ano pa ang kanyang edad o hitsura, kahit ano pa ang kanyang ugali, at kahit ano pa ang kanyang mga hilig, ayos lang basta’t may pera siya. Katanggap-tanggap siya basta’t mabibigyan ka niya ng perang panggastos at matutugunan niya ang iyong materyal na mga pangangailangan. Ang mamuhay kasama ang ganitong tao ay nagdudulot ng kaligayahan, at magiging komportable ang iyong katawan. Ito ang pag-aasawa.” Ito ang ilan sa mga pangangailangan at depinisyon na ibinibigay ng mga tao sa pag-aasawa. Itinuturing ng karamihan sa mga tao ang pag-aasawa bilang paghahanap ng kanilang minamahal, ng kanilang pinapangarap, ng isang Prince Charming, at pamumuhay kasama nito at pagiging magkasundo nito. Halimbawa, iniisip ng ilang tao na ang kanilang Prince Charming ay isang sikat o kilalang tao, isang taong may pera, katanyagan, at kayamanan. Iniisip nila na tanging ang pamumuhay kasama ang gayong tao ang kapuri-puri at masayang buhay mag-asawa, isang perpektong buhay mag-asawa, at tanging ang gayong buhay ang masaya. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay isang taong may katayuan. Iniisip naman ng iba na ang kanilang mapapangasawa ay maganda at kaakit-akit. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay nanggaling sa isang kilala, makapangyarihan, at may-kayang pamilya, isang mayamang tao. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay may mataas na ambisyon at mahusay sa trabaho nito. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay may natatanging talento. Iniisip ng ilang tao na ang kanilang mapapangasawa ay may mga espesyal na katangian. Ang lahat ng ito at marami pang iba ay ang mga hinihingi ng mga tao sa pag-aasawa, at siyempre, ang mga ito ang kanilang mga imahinasyon, kuru-kuro, at pananaw tungkol sa pag-aasawa. Sa madaling salita, ang mga taong nakapag-asawa na ay nagsasabi na ang pag-aasawa ay isang libingan, na ang pagpasok sa pag-aasawa ay pagpasok sa libingan, o sa isang sakuna; iniisip ng mga walang asawa na ang pag-aasawa ay talagang masaya at romantiko, at puno sila ng pananabik at mga ekspektasyon. Ngunit walang malinaw na makapagsalita, nakapag-asawa man o hindi pa, tungkol sa kanilang pagkaunawa o pagkaintindi sa buhay mag-asawa, o kung ano nga ba ang tunay na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa, hindi ba? (Wala nga.) Sinasabi ng mga nakaranas na ng pag-aasawa na: “Ang pag-aasawa ay isang libingan, ito ay mapait.” Sinasabi naman ng ilan sa mga walang asawa na: “Ang iyong pagkaunawa sa pag-aasawa ay mali. Sinasabi mo na masama ang pag-aasawa, iyon ay dahil sobra kang makasarili. Wala kang masyadong iniambag sa inyong buhay mag-asawa. Dahil sa iba’t iba mong kapintasan at problema, naging magulo ang pagsasama ninyong mag-asawa. Sinira at winakasan mo ang pagsasama ninyong mag-asawa sa sarili mong kagagawan.” Mayroon ding mga may asawa na nagsasabi sa mga hindi pa nag-aasawa: “Isa kang mangmang na bata, ano ba ang alam mo? Alam mo ba kung ano ang mayroon sa pag-aasawa? Ang pag-aasawa ay hindi tungkol sa isang tao, o sa dalawang tao lamang—ito ay tungkol sa dalawang pamilya, o sa dalawang angkan pa nga. Maraming isyung nakapaloob dito na hindi simple o tuwiran. Kahit sa isang mundo na may dalawang tao lamang, kung saan dalawang tao lang ang sangkot, hindi ito ganoon kasimple. Kahit gaano kaganda ang iyong pagkaunawa at pantasya tungkol sa pag-aasawa, habang lumilipas ang mga araw, matatabunan ito ng mga karaniwang gawain para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, hanggang sa kumupas na ang kulay at tamis nito. Wala ka namang asawa, kaya ano bang alam mo? Hindi ka pa nag-asawa kailanman, hindi ka pa kailanman nakapangasiwa sa pag-aasawa, kaya hindi ka kwalipikadong magbigay ng ebalwasyon o kritisismo tungkol sa pag-aasawa. Ang iyong pagkaunawa sa pag-aasawa ay imahinasyon lamang, isang ilusyon—hindi ito nakabatay sa realidad!” Sinuman ang nagsasalita tungkol dito, mayroong obhetibong katwiran, pero sa huli, ano nga ba talaga ang pag-aasawa? Aling perspektiba ang pinakatama, at pinaka-obhetibong paraan upang tingnan ito? Alin ang pinakanaaayon sa katotohanan? Paano ito dapat tingnan? Kung ang tinutukoy man ay ang mga nakapag-asawa na o ang mga hindi pa, sa isang banda, ang kanilang pagkaunawa sa pag-aasawa ay puno ng kanilang sariling mga imahinasyon, at sa isa pang banda, ang tiwaling sangkatauhan ay emosyonal tungkol sa papel na kanilang ginagampanan sa pag-aasawa. Dahil hindi nauunawaan ng tiwaling sangkatauhan ang mga prinsipyo na dapat nilang panghawakan sa iba’t ibang kapaligiran, at hindi nila nauunawaan ang papel na kanilang ginagampanan sa pag-aasawa o ang mga obligasyon at responsabilidad na kanilang dapat tuparin, ang ilan sa kanilang mga kasabihan tungkol sa pag-aasawa ay hindi maiiwasan na maging emosyonal, at kinapapalooban ng kanilang mga personal na kasakiman at pagiging mainitin ng ulo, atbp. Siyempre, may asawa man ang isang tao o wala, kung hindi niya nakikita ang pag-aasawa mula sa perspektiba ng katotohanan, at kung wala siyang tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol dito mula sa Diyos, kung gayon, maliban sa kanyang praktikal na personal na karanasan sa pag-aasawa, malaking bahagi ng kanyang pagkaunawa sa pag-aasawa ay naiimpluwensiyahan ng lipunan at ng buktot na sangkatauhan. Ito rin ay naiimpluwensiyahan ng atmospera, mga kalakaran, at mga opinyon ng publiko, pati na rin ng nakalilinlang, may kinikilingan—at ng maaaring mas partikular natinatawag na di-makatao—na mga pahayag ng mga tao tungkol sa pag-aasawa sa bawat antas at pangkat ng lipunan. Dahil sa mga bagay na ito na sinasabi ng ibang tao, sa isang banda, hindi namamalayang maiimpluwensiyahan at makokontrol ang mga tao ng mga kaisipan at pananaw na ito, at sa isa pang banda, hindi namamalayang tatanggapin nila ang mga saloobin at paraang ito ng pagtingin sa pag-aasawa, pati na rin ang mga paraang ito ng pagharap sa pag-aasawa, at ang mga saloobin sa buhay ng mga namumuhay nang may asawa. Una sa lahat, ang mga tao ay walang positibong pagkaunawa sa pag-aasawa, ni wala silang positibo, tumpak na kaalaman at pagkaunawa rito. Bukod dito, ikinikintal sa kanila ng kapwa lipunan at masamang sangkatauhan, ang negatibo at nakalilinlang kaisipan tungkol sa pag-aasawa. Kaya naman, ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao tungkol sa pag-aasawa ay nagiging baluktot, at nagiging masama pa nga. Hangga’t ikaw ay namumuhay at nananatiling buhay sa lipunang ito at may mga matang nakakakita, mga tainga na nakaririnig, at isipan na nakapagninilay-nilay sa mga katanungan, sa magkakaibang antas, tatanggapin mo ang mga nakalilinlang kaisipan at pananaw na ito, na hahantong sa mali, may kinikilingang pagkaunawa at kaalaman sa pag-aasawa. Halimbawa, sa nakaraang isang daang taon, hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang romantikong pag-ibig, at ang kanilang pagkaunawa sa pag-aasawa ay napakasimple. Kapag ang isang tao ay nasa tamang gulang na para mag-asawa, isang matchmaker ang magpapakilala sa kanila sa isa’t isa, ang kanilang magulang ang mangangasiwa sa lahat, at pagkatapos, sila ay ikakasal sa isang miyembro ng kabilang kasarian, papasok sila sa pag-aasawa, at mamumuhay nang magkasama sa paglipas ng panahon. Sa gayon, sasamahan nila ang isa’t isa sa buhay na ito, hanggang sa wakas. Ganoon kasimple ang pag-aasawa. Ito ay tungkol sa dalawang indibidwal—ng dalawang tao mula sa magkaibang pamilya na mamumuhay nang magkasama, sasamahan ang isa’t isa, aalagaan ang isa’t isa, at magsasama sa habambuhay. Ganoon lang ito kasimple. Pero dumating ang panahon na binanggit ng mga tao ang tinatawag na romantikong pag-ibig, at ang romantikong pag-ibig ay idinagdag sa nilalaman ng pag-aasawa, hanggang sa kasalukuyan. Ang terminong “romantikong pag-ibig,” o ang kahulugan at ideya nito, ay hindi na isang bagay na ikinahihiya ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso o isang bagay na nahihirapan silang pag-usapan. Sa halip, lubos na likas itong umiiral sa mga kaisipan ng mga tao, at natural para sa mga tao na pag-usapan, hanggang sa punto na kahit ang mga wala pa sa hustong gulang ay nag-uusap tungkol sa tinatawag na romantikong pag-ibig. Kaya ang ganitong uri ng mga kaisipan, pananaw, at pahayag ay hindi nakikita ngunit naiimpluwensiyahan nito ang lahat, mga lalaki at babae, mga matanda at bata. Ang impluwensiyang ito ang dahilan kung bakit masyadong mataas ang pagpapahalaga ng lahat sa pag-aasawa—sa mas tumpak na salita, ito ay may kinikilingan. Lahat ay nagsimula nang pagkatuwaan ang pag-ibig at pagnanasa. Ang diumano’y “romantikong pag-ibig” ng tao ay ang pagsasanib lamang ng pag-ibig at ng simbuyo ng damdamin.[a] Ano ang ibig sabihin ng “pag-ibig”? Ang pag-ibig ay isang uri ng pagkagiliw. Ano ang ibig sabihin ng “simbuyo ng damdamin”? Ito ay nangangahulugan ng kahalayan. Ang pag-aasawa ay hindi na kasingsimple ng dalawang tao na pinapalipas ang mga araw bilang magkatuwang; sa halip, ito ay naging isang kasangkapan na para sa pagkagiliw at kahalayan. Hindi ba’t ito nga ang nangyayari? (Oo.) Ang pagkaunawa na ng mga tao sa pag-aasawa ay na isa itong pagsasanib ng kahalayan at pagkagiliw, kaya posible kayang maging maganda ang kanilang buhay mag-asawa? Hindi namumuhay nang tama ang mga lalaki at babae, hindi rin nila nagagampanan nang maayos ang kanilang mga responsabilidad, at ginugugol nila ang kanilang mga araw nang hindi praktikal. Madalas nilang pinag-uusapan ang pag-ibig, ang simbuyo ng damdamin, ang pagkagiliw at kahalayan. Sa palagay ninyo, maaari ba silang mamuhay nang maayos at matatag? (Hindi.) May tao bang kayang lagpasan ang mga tukso at pang-uudyok na ito? Walang may kayang lagpasan ang mga tukso at pang-uudyok na ito. Sa lipunan, ang mga tao ay puno ng kahalayan at pagkagiliw para sa isa’t isa. Ito ang tinatawag nilang romantikong pag-ibig, at ganito ang pagkaunawa ng mga tao ngayon sa pag-aasawa; ito ang kanilang pinakamahalagang pananaw sa pag-aasawa, ang pinakapinapaboran nila. Kaya, ang sitwasyon ng pag-aasawa ng mga tao sa kasalukuyan ay labis nang nagbago, at ito ay naging terible at magulo. Ang pag-aasawa ay hindi na kasingsimple ng usapin ng isang lalaki at isang babae; sa halip, ito ay naging usapin na ng lahat ng tao, mga lalaki at babae, na pinagkakatuwaan ang pagkagiliw at kahalayan—lubos na imoral ito. Sa pamamagitan ng pang-uudyok ng masasamang kalakaran, o sa pagkikintal ng masasamang kaisipan, ang pagkaunawa at perspektiba ng mga tao sa pag-aasawa ay nagiging baliko, hindi normal, at buktot. Dagdag pa rito, ang mga pelikula at palabas sa telebisyon ng lipunan, pati na ang mga literatura at sining, ay patuloy na naglalabas ng mas maraming buktot at imoral na interpretasyon at pahayag tungkol sa pag-aasawa. Detalyadong isinasalarawan ng mga direktor, manunulat, at aktor ang pag-aasawa bilang isang teribleng kalagayan. Ito ay puno ng kabuktutan at kahalayan, na nagdudulot ng kaguluhan sa mga mapayapang buhay mag-asawa. Kaya, simula nang magkaroon ng romantikong pag-ibig, nagiging mas madalas ang diborsiyo sa lipunan ng tao, pati na rin ang mga pakikiapid; mas maraming anak ang napipilitang tiisin ang pinsala ng pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang, napipilitang mamuhay na ang kasama lang ay ang kanilang ina o kaya ay ang kanilang ama, kaya ginugugol nila ang kanilang pagkabata at kabataan, o lumalaki sila sa mga hindi wastong sitwasyon ng buhay mag-asawa ng kanilang mga magulang. Ang dahilan ng lahat ng iba’t ibang trahedya ng pag-aasawa, ng mga mali o balikong buhay mag-asawang ito, ay na ang pananaw sa pag-aasawa na isinusulong ng lipunan ay may kinikilingan, buktot, at imoral, hanggang sa puntong wala na itong etika at moralidad. Dahil ang sangkatauhan ay walang tumpak na pagkaunawa sa mga bagay na positibo o wasto, hindi namamalayan ng mga tao na tinatanggap nila ang mga kaisipan at pananaw na ito na isinusulong ng lipunan, kahit gaano pa kabaliko ang mga ito. Ang mga bagay na ito ay parang lason, kumakalat sa buong katawan mo, sumisira sa bawat kaisipan at ideya mo, at sumisira sa mga wastong bahagi ng iyong pagkatao. Ang konsensiya at katwiran ng iyong normal na pagkatao ay agad na nagiging malabo, hindi malinaw, o mahina; pagkatapos, ang mga kaisipan at pananaw na ito na mula kay Satanas na baluktot, buktot, at walang etika at moralidad, ay nangingibabaw at nangunguna sa kaibuturan ng iyong mga saloobin at ng iyong puso, at sa iyong isipan. Pagkatapos mangibabaw at manguna ng mga bagay na ito, ang perspektiba mo sa mga isyu tulad ng pag-aasawa ay agad na nagiging mali at baluktot, at walang etika at moralidad, hanggang sa puntong nagiging buktot na ito, ngunit ikaw mismo ay hindi ito alam, at iniisip mo na ganap itong nararapat: “Lahat naman ay ganito mag-isip, kaya bakit hindi pwedeng ako rin? Nararapat lang na ganito mag-isip ang lahat, kaya hindi ba’t nararapat lang din na ganito ako mag-isip? Kaya, kung hindi nahihiya ang iba na mag-usap tungkol sa romantikong pag-ibig, wala rin akong dapat ikahiya. Noong una, medyo naiilang ako, medyo nahihiya, at mahirap para sa akin na magsalita. Pagkatapos makipagtalakayan tungkol dito nang ilang beses, naging ayos na ako. Habang mas nakikinig at nagsasalita tungkol dito, mas naisasaloob ko ito.” Totoo, ikaw ay nagsasalita at nakikinig, at naisasaloob mo ang bagay na ito, ngunit ang tunay, orihinal na pagkaunawa sa pag-aasawa ay hindi nagiging matatag sa kaibuturan ng isipan mo, kaya nawala na sa iyo ang konsensiya at katwiran na dapat mayroon ka bilang isang normal na tao. Ano ang dahilan ng pagkawala nito? Ito ay dahil tinanggap mo ang diumano’y “romantikong pag-ibig” na pananaw sa pag-aasawa. Nilamon nitong tinatawag na “romantikong pag-ibig” na pananaw sa pag-aasawa ang orihinal na pagkaunawa at pagkaresponsableng taglay ng iyong normal na pagkatao tungkol sa pag-aasawa. Agad-agad mong sinimulang personal na isagawa ang iyong sariling pagkaunawa sa romantikong pag-ibig. Patuloy kang naghahanap ng mga taong iyong nakakasundo, mga taong umiibig sa iyo o iniibig mo, at hinahangad mo ang romantikong pag-ibig sa pamamagitan ng marangal o hindi marangal na paraan, nagsisikap ka nang husto at nagiging walang kahihiyan, hanggang sa puntong buong buhay mong gugugulin ang iyong lakas alang-alang sa romantikong pag-ibig—at magiging katapusan mo na. Sa proseso ng paghahangad ng romantikong pag-ibig, halimbawa, nakahanap ang isang babae ng isang taong kanyang hinahangaan, at iniisip niya na: “Nagmamahalan tayo, kaya magpakasal na tayo.” Pagkatapos niyang magpakasal, naninirahan siya kasama ang taong iyon nangilang panahon, pagkatapos ay napagtanto niyang may ilang kapintasan ito, at iniisip niya: “Hindi niya ako gusto, at hindi ko rin talaga siya gusto. Hindi kami bagay, kaya, isang pagkakamali ang aming romantikong pagmamahalan. Sige, magdidiborsiyo na kami.” Pagkatapos ng diborsiyo, kasama niya ang kanyang anak na dalawa o tatlong taong gulang at naghahanda siyang maghanap ng ibang mapapangasawa, iniisip niya: “Dahil walang pag-ibig ang naging huli kong pag-aasawa, kailangan kong siguruhin na ang susunod ay may totoong romantikong pag-ibig. Sa pagkakataong ito ay kailangan kong makasiguro, kaya kailangan kong maglaan ng oras sa pagsisiyasat.” Pagkaraan ng ilang panahon, may nakatagpo siyang ibang tao, “Ito na ang pinapangarap kong pag-ibig, ang taong naiisip kong magugustuhan ko. Gusto niya ako, at gusto ko rin siya. Hindi niya kayang mawalay sa akin at hindi ko rin kayang mawalay sa kanya; para kaming dalawang magnet na naaakit sa isa’t isa, palagi naming gusto na magkasama kami. Iniibig namin ang isa’t isa, magpapakasal na kami.” At kaya, nag-asawa siyang muli. Pagkatapos mag-asawa, nagkaroon siya ng isa pang anak, at pagkatapos ng dalawa o tatlong taon, iisipin niya na: “Marami-rami ang kapintasan ng taong ito; tamad siya at matakaw. Mahilig siyang magyabang at magmalaki, at makipagdaldalan. Hindi niya tinutupad ang kanyang mga responsabilidad, hindi niya ibinibigay ang kanyang kita sa pamilya, at nag-iinom at nagsusugal siya buong araw. Hindi ganito ang taong gusto kong ibigin. Hindi ganito ang taong iniibig ko. Hihiwalayan ko na siya!” Bitbit ang dalawang anak, nakipagdiborsiyo na naman siya. Pagkatapos makipagdiborsiyo, nagsimula siyang mapatanong: Ano nga ba ang romantikong pag-ibig? Wala siyang masabi. May ilang taong dalawa o tatlong beses nang nabigo sa pag-aasawa, at ano ang sinasabi nila sa huli? “Hindi ako naniniwala sa romantikong pag-ibig, naniniwala ako sa pagkatao.” Kita mo, nag-uurong-sulong sila, at hindi nila alam kung saan sila dapat maniwala. Hindi nila alam kung ano ang pag-aasawa; tinatanggap nila ang mga nakalilinlang kaisipan at perspektiba, at ginagamit ang mga kaisipan at perspektibang ito bilang kanilang mga pamantayan. Personal nilang isinasagawa ang mga kaisipan at perspektibang ito, at kasabay nito, pinipinsala rin nila ang pag-aasawa at ang kanilang sarili, pati na rin ang ibang tao; sa iba’t ibang antas, ipinapahamak nila ang susunod na henerasyon at ang kanilang sarili, kapwa sa pisikal at espirituwal na aspekto. Ang mga bagay na ito ay bahagi ng dahilan kung bakit ang mga tao ay nakakaramdam ng pasakit at kawalan ng pag-asa tungkol sa pag-aasawa, kung bakit wala silang magandang saloobin tungkol sa pag-aasawa. Kakatapos Ko lang magbahagi tungkol sa iba’t ibang perspektiba at depinisyon ng mga tao sa pag-aasawa, pati sa sitwasyon ng pag-aasawa ng tao bilang resulta ng mga maling pananaw ng mga modernong tao tungkol sa pag-aasawa; sa madaling salita, mabuti ba o masama ang sitwasyon ng modernong pag-aasawa ng tao? (Masama ito.) Wala itong magandang kinabukasan, hindi ito optimistiko, at lalong nagiging napakagulo. Mula sa Silangan hanggang sa Kanluran, sa Timog hanggang sa Hilaga, ang buhay may-asawa ng tao ay nasa isang terible at magulong kalagayan. Ang mga tao ng kasalukuyang henerasyon—mga taong ang edad ay nasa apatnapu o singkwenta—ay pawang nakasasaksi sa kasawian ng pag-aasawa ng mga nakaraan at sumusunod na henerasyon, pati na rin sa mga pananaw ng mga henerasyong ito tungkol sa pag-aasawa, at sa mga bigong karanasan ng mga ito sa pag-aasawa. Siyempre, maraming tao na wala pa sa edad kuwarenta ang biktima ng iba’t ibang sawing pag-aasawa; ang ilan sa kanila ay mga solong ina, ang iba ay mga solong ama, bagamat siyempre, kung tutuusin, mas kaunti ang mga single father. May ilang taong lumalaki kasama ang kanilang tunay na ina at padrasto, at ang iba naman ay lumalaki kasama ang kanilang tunay na ama at madrasta, at ang iba ay lumalaki kasama ang kanilang mga kapatid mula sa ibang ina at ama. Ang iba ay may mga magulang na nagdiborsiyo at nag-asawang muli, at wala sa kanilang mga magulang ang may gustong kumuha sa kanila, kaya sila ay nagiging ulila, lumalaki sila tungo sa hustong gulang nang nangangapa sa lipunan; pagkatapos, sila ay nagiging padrasto o madrasta, o kaya ay nagiging isang solong ina o solong ama. Ito ang sitwasyon ng modernong pag-aasawa. Hindi ba’t ang pamamahala ng tao sa pag-aasawa sa ganitong antas ay resulta ng pagtitiwali ni Satanas sa kanila? (Oo.) Itong mahalagang aspekto, upang manatiling buhay at dumarami ang tao, ay lubos na sinira at ginulo. Sa palagay mo, paano namumuhay ang sangkatauhan? Nakakasama ng loob na makita ang buhay ng bawat pamilya; nakakapangilabot pa nga itong tingnan. Huwag na natin itong pag-usapan pa; kapag mas pinag-uusapan ito, mas nakakasama lang ng loob, hindi ba?
Dahil pinag-uusapan natin ngayon ang paksa ng pag-aasawa, nararapat lamang na ating alamin kung ano ang tumpak, wastong depinisyon at konsepto ng pag-aasawa. Dahil pinag-uusapan natin ang tungkol sa tumpak, tamang kahulugan at konsepto ng pag-aasawa, kailangan nating hanapin ang kasagutan sa mga salita ng Diyos, para bigyan ng tamang depinisyon at konsepto ang pag-aasawa batay sa lahat ng sinabi at ginawa ng Diyos tungkol sa usaping ito, upang linawin ang tunay na kalagayan ng pag-aasawa, at linawin ang orihinal na layunin sa likod ng paglikha at pag-iral ng pag-aasawa. Kung nais ng isang tao na malinaw na makita ang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa, kailangan muna siyang mag-umpisa sa pagsusuri ng mga ninuno ng sangkatauhan. Bakit kailangang mag-umpisa sa pagsusuri ng mga ninuno ng sangkatauhan? Nagawang umiral ng sangkatauhan hanggang sa kasalukuyan dahil sa pag-aasawa ng kanilang mga ninuno; ibig sabihin, ang pag-aasawa ng mga tao na nilikha ng Diyos sa simula ang ugat kung bakit napakaraming tao ngayon. Kaya kung nais ng isang tao na maunawaan ang tamang kahulugan at konsepto ng pag-aasawa, dapat muna siyang magsimula sa pagsusuri sa pag-aasawa ng mga ninuno ng sangkatauhan. Kailan nagsimula ang pag-aasawa ng mga ninuno ng sangkatauhan? Nagsimula ito sa paglikha ng Diyos sa tao. Ito ay nakatala noon pa sa Aklat ng Genesis, kaya kailangan nating buksan ang Bibliya at tingnan kung ano ang sinasabi ng mga talatang ito. Interesado ba ang karamihan sa mga tao sa paksang ito? Maaaring isipin ng mga taong may asawa na wala nang kailangang pag-usapan pa, na ang paksang ito ay napakakaraniwan, ngunit ang mga kabataang wala pang asawa ay talagang interesado sa paksang ito, sapagkat iniisip nila na misteryoso ang pag-aasawa, at na marami silang hindi alam dito. Kaya simulan nating pag-usapan ang pinakaugat. Pakibasa ang Genesis 2:18. (“At sinabi ng Diyos na si Jehova, Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.”) Sunod, Genesis 2:21–24. (“At pinahimbing ng Diyos na si Jehova ang tulog ni Adan, at nakatulog ito: at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito at pinaghilom ang laman sa dakong yaon: At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay Kanyang ginawang isang babae, at ito ay dinala niya sa lalaki. At sinabi ni Adan, ‘Ito nga ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya ay tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha.’ Kaya iiwan ng lalake ang kanyang ama at ang kanyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa: at sila ay magiging iisang laman.”) Sunod, Genesis 3:16–19. (“Sinabi Niya sa babae, ‘Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.’ At kay Adam ay sinabi, ‘Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka mula sa mga ito sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.’”) Hihinto tayo riyan. May limang talata sa ikalawang kabanata at apat na talata naman sa ikatlong kabanata, sa kabuuan ay mayroong siyam na talata ng kasulatan. Siyam na talata sa Genesis ang naglalarawan sa iisang bagay, kung paano nagkaroon ng pag-aasawa sa mga ninuno ng sangkatauhan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Nauunawaan mo na ba ngayon? Nauunawaan mo na ba nang mas mabuti ang pangkalahatang kahulugan, at kaya mo bang tandaan ito? Ano ang pangunahing bagay na tinalakay rito? (Kung paano nagkaroon ng pag-aasawa sa mga ninuno ng sangkatauhan.) Kaya paano ba talaga nagkaroon nito? (Inihanda ito ng Diyos.) Tama, iyan ang tunay na pangyayari. Inihanda ito ng Diyos para sa tao. Nilikha ng Diyos si Adan, pagkatapos ay nilikha Niya ang makakatuwang nito, isang asawang tutulungan at sasamahan siya, na mamumuhay kasama niya. Ito ang pinagmulan ng pag-aasawa ng mga ninuno ng sangkatauhan, at ito ang pinagmulan ng pag-aasawa ng tao. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Alam natin ang pinagmulan ng pag-aasawa ng tao: Ito ay inorden ng Diyos. Inihanda ng Diyos ang isang katuwang para sa ninuno ng sangkatauhan, na maaari ding tawaging isang asawa, na siyang tutulong at sasama sa kanya sa buong buhay. Ito ang simula at pinagmulan ng pag-aasawa ng tao. Kaya, dahil nakita na natin ang simula at pinagmulan ng pag-aasawa ng tao, paano natin ito dapat maunawaan nang tama? Sasabihin mo ba na sagrado ang pag-aasawa? (Oo.) Sagrado ba ito? May kinalaman ba ito sa kabanalan? Wala. Hindi mo pwedeng sabihin na ito ay sagrado. Ang pag-aasawa ay isinaayos at inorden ng Diyos. Ang simula at pinagmulan nito ay nasa paglikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang unang tao, na nangailangan ng isang katuwang na tutulong at sasama sa kanya, mamumuhay kasama niya, kaya nilikha ng Diyos ang isang katuwang para sa kanya, at kaya, nagkaroon ng pag-aasawa ng tao. Iyon lang. Ganoon ito kasimple. Ito ang pangunahing pagkaunawa sa pag-aasawa na dapat mong taglayin. Ang pag-aasawa ay galing sa Diyos; ito ay isinaayos at inorden Niya. Kahit papaano, maaari mong sabihing ito ay hindi isang negatibong bagay, kundi isang positibong bagay. Maaari ding tumpak na sabihing ang pag-aasawa ay nararapat, na ito ay isang nararapat na bahagi ng buhay ng tao at ng proseso ng pag-iral ng mga tao. Ito ay hindi buktot, o isang kasangkapan o paraan ng pagtiwali sa sangkatauhan; ito ay nararapat at positibo, sapagkat nilikha at inorden ito ng Diyos, at siyempre, isinaayos Niya ito. Ang pag-aasawa ng tao ay nagmumula sa paglikha ng Diyos, at ito ay isang bagay na Kanyang personal na isinaayos at inorden, kaya kung titingnan ito mula sa anggulong ito, ang tanging perspektiba na dapat mayroon ang tao tungkol sa pag-aasawa ay na ito ay nagmumula sa Diyos, na ito ay isang nararapat at positibong bagay, na ito ay hindi negatibo, buktot, makasarili, o masama. Ito ay hindi galing sa tao, o mula kay Satanas, lalong hindi ito natural na nabubuo sa kalikasan; sa halip, nilikha ito ng Diyos gamit ang Kanyang sariling mga kamay, at personal itong isinaayos, at inorden. Ito ay ganap na tiyak. Ito ang pinaka-orihinal, tumpak na depinisyon at konsepto ng pag-aasawa.
Ngayong nauunawaan mo na ang tumpak na konsepto at depinisyon ng pag-aasawa na dapat taglayin ng mga tao, suriin natin ang katanungang ito: Ano ang kahulugan sa likod ng pag-oorden at pagsasaayos ng Diyos sa pag-aasawa? Ito ay binanggit sa mga talata sa Bibliyang binasa natin kanina, kagaya ng, kung bakit nag-aasawa ang sangkatauhan, ano ang mga iniisip ng Diyos noon, ano ang sitwasyon at mga sirkumstansiya noong panahong iyon, at sa ilalim ng anong uri ng mga sirkumstansiya ibinigay ng Diyos ang pag-aasawa na ito sa tao. Ganito ang sinabi ng Diyos na si Jehova: “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.” Ang mga salitang ito ay nagsasaad ng dalawang bagay. Una, nakita ng Diyos na sobrang malungkot ang lalaking ito sa kanyang pag-iisa, walang katuwang, walang kausap, o walang kasama na mababahaginan nito ng kaligayahan at ng mga iniisip nito; nakita ng Diyos na ang buhay nito ay walang sigla, walang kulay, at nakakabagot, kaya naisip ng Diyos: Ang isang tao ay medyo malungkot, kaya kailangan kong gumawa ng katuwang niya. Ang katuwang na ito ay magiging kanyang asawa, na sasamahan siya kahit saan at tutulungan siya sa lahat ng bagay; ito ang kanyang magiging katuwang at asawa. Ang silbi ng isang katuwang ay ang samahan siya sa buhay, maglakbay kasama siya sa landas ng kanyang buhay. Sa loob man ng sampu, dalawampu, isang daan, o dalawang daang taon, itong katuwang ang mananatili sa kanyang tabi, ang makakasama niya sa kahit saan, ang makakausap niya, makikibahagi sa kanyang kasiyahan, pasakit, at bawat emosyon, at kasabay nito, sasamahan siya at hindi siya hahayaang maging mag-isa o malungkot. Ang mga kaisipan at ideya na ito na lumilitaw sa isipan ng Diyos ay ang mga sirkumstansiya ng pinagmulan ng pag-aasawa ng tao. Sa ilalim ng mga sirkumstansiyang ito, gumawa ang Diyos ng iba pang bagay. Tingnan natin ang tala sa Bibliya: “At pinahimbing ng Diyos na si Jehova ang tulog ni Adan, at nakatulog ito: at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito at pinaghilom ang laman sa dakong yaon: At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay Kanyang ginawang isang babae, at ito ay dinala niya sa lalaki.” Kumuha ang Diyos ng isang tadyang mula sa lalaki, at kumuha ng putik, at ginamit Niya ang tadyang upang gumawa ng isa pang tao. Ang taong ito ay ginawa mula sa tadyang ng lalaki, nilikha mula sa kanyang tadyang. Sa madaling salita, ang taong ito—ang katuwang ni Adan ay nilikha mula sa laman at buto na kinuha mula sa kanyang katawan, kaya hindi ba’t masasabi na maliban sa katuwang niya ito, ito rin ay bahagi ng kanyang katawan? (Oo.) Sa madaling salita, ito ay nagmula sa kanya. Pagkatapos itong malikha, ano ang itinawag ni Adan dito? “Babae.” Si Adan ay lalaki, ito ay babae; malinaw na magkaiba ang kasarian ng dalawang taong ito. Unang nilikha ng Diyos ang isang tao na may mga pisikal na katangian ng lalaki, pagkatapos ay kumuha Siya ng tadyang mula sa lalaki at nilikha ang isang tao na may mga pisikal na katangian ng babae. Ang dalawang taong ito ay namuhay nang magkasama bilang iisa, na siyang bumubuo sa isang pag-aasawa, kaya nagkaroon ng pag-aasawa. Kaya, ano mang uri ng mga magulang ang nagpalaki sa isang tao, sa huli, kailangan nilang lahat na mag-asawa at makasama ang kanilang asawa sa ilalim ng ordinasyon at mga pagsasaayos ng Diyos, at maglakad hanggang sa dulo ng landas. Ito ang ordinasyon ng Diyos. Sa isang banda, kung obhetibo itong titingnan, kailangan ng mga tao ng katuwang; sa kabilang banda, kung subhetibo itong titingnan, sapagkat ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos, ang asawang lalaki at asawang babae ay dapat na maging iisa, iisang tao na hindi mapaghihiwalay. Ito ay isang katunayan na kapwa obhetibo at subhetibo. Kaya, ang bawat tao ay kailangang iwan ang pamilyang nagsilang sa kanila, pumasok sa pag-aasawa, at itatag ang isang pamilya kasama ang kanilang asawa. Ito ay hindi maiiwasan. Bakit? Dahil ito ay inorden ng Diyos, at ito ay isang bagay na isinaayos Niya mula pa sa simula ng tao. Ano ang itinuturo nito sa mga tao? Hindi mahalaga kung sinuman ang naiisip mong maging asawa mo, kung siya man o hindi ang iyong personal na kailangan at inaasam, at hindi mahalaga kung ano ang kanyang pinagmulan, ang tao na mapapangasawa mo, na siyang makakasama mong magtatag ng pamilya at makakasama mo sa buhay na ito, ay tiyak na siyang isinaayos at inorden na ng Diyos para sa iyo. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.) Ano ang dahilan nito? (Ang ordinasyon ng Diyos.) Ang dahilan ay ang ordinasyon ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa konteksto ng mga dating pamumuhay, o mula sa perspektiba ng Diyos, ang asawang lalaki at asawang babae na pumapasok sa pag-aasawa ay talagang iisa, kaya isinasaayos ng Diyos na mapapangasawa mo at makakasama sa buhay ang taong kaisa mo. Sa madaling salita, ganoon talaga iyon. Ang mapapangasawa mo man ay ang iyong pinapangarap na tao, o kung siya man ang iyong Prince Charming, ang taong iyong inaasahan, kung iniibig mo man siya o iniibig ka niya, kung kayo ay natural na naging mag-asawa dahil sa swerte at pagkakataon o dahil sa iba pang sirkumstansiya, ang tiyak ay ang pag-aasawa ninyo ay inorden ng Diyos. Kayo ang magkatuwang na inorden ng Diyos para sa isa’t isa, ang mga taong inorden ng Diyos upang samahan ang isa’t isa, at ang Kanyang inorden na magkasama sa buhay na ito at maglakbay hanggang dulo nang magkahawak-kamay. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.) Sa palagay ninyo, mapagpanggap o baluktot ba ang pagkaunawang ito? (Hindi.) Ito ay hindi mapagpanggap o baluktot. Sinasabi ng ilang tao: “Maaaring mali ang iyong sinasabi. Kung ang mga pag-aasawang ito ay talagang inorden ng Diyos, bakit may mga pag-aasawa na humahantong pa rin sa diborsiyo?” Ito ay dahil may mga problema ang pagkatao ng mga taong ito, na isang hiwalay na usapin. Ito ay may kaugnayan sa paksa ng paghahangad sa katotohanan, na ating pagbabahaginan sa susunod. Sa ngayon, sa pagtatalakay sa kahulugan, pagkaunawa, at tumpak na konsepto ng pag-aasawa, ang katunayan ay ito nga ang nangyayari. Sinasabi ng ilang tao: “Sapagkat sinasabi Mo na ang asawang babae at asawang lalaki ay iisa, kung gayon, hindi ba’t katulad ito ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, ‘Kung ito ang nakatakdang mangyari, mangyayari ito, at kung hindi ito nakatakda, hindi ito mangyayari,’ at gaya ng sinasabi ng mga tao mula sa ilang bansa,[b] ‘kinakailangan ng daan-daang taon ng mabuting karma upang magkaroon ng pagkakataong makasama ang isang tao sa isang simpleng paglalakbay, at libo-libong taon naman ng mabuting karma upang makasama siya bilang asawa’?” Sa palagay ninyo, ang pag-aasawa ba na tinatalakay natin ngayon, ay may kaugnayan sa mga kasabihang ito? (Wala.) Walang kaugnayan ang mga ito. Ang pag-aasawa ay hindi nilinang upang umiral—ito ay inorden ng Diyos. Kapag inorden ng Diyos na maging mag-asawa ang dalawang tao, na maging katuwang nila ang isa’t isa, hindi na nila kailangang linangin ang kanilang sarili. Ano ang kanilang lilinangin? Integridad? Pagkatao? Hindi na nila kailangang linangin ang kanilang sarili. Ganyan magsalita ang mga Budista, hindi iyan ang katotohanan, at wala iyang kinalaman sa katotohanan. Ang pag-aasawa ng tao ay inorden at isinaayos ng Diyos. Sa anyo man o sa literal, sa depinisyon man o sa konsepto, dapat ganito ang pagkaunawa sa pag-aasawa. Sa pamamagitan ng mga salita na naitala sa Bibliya, sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mayroon ka na bang isang tumpak, naaayon-sa-katotohanan na konsepto at depinisyon ng pag-aasawa? (Mayroon.) Ang konseptong ito, ang depinisyong ito, ay hindi baluktot; hindi ito isang perspektiba na may kinikilingan, lalong hindi ito nauunawaan o nabibigyang-depinisyon sa pamamagitan ng damdamin ng tao. Sa halip, ito ay may batayan; ito ay batay sa mga salita at gawain ng Diyos, at ito ay batay sa Kanyang mga pagsasaayos at ordinasyon. Dahil umabot na tayo sa puntong ito, alam na ba ng lahat ang pagkaunawa at pangunahing depinisyon ng pag-aasawa? (Oo.) Ngayon na naiintindihan na ninyo ito, hindi na kayo magkakaroon ng mga di-obhetibong pantasya tungkol sa pag-aasawa, o mababawasan na ang inyong mga reklamo tungkol sa pag-aasawa, tama ba? Maaaring may ilang nagsasabi na: “Ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos—wala nang kailangan pang pag-usapan tungkol doon—pero nagkakaroon ng hiwalayan. Bakit ganoon?” Maraming dahilan kaya nangyayari ito. Ang tiwaling sangkatauhan ay may mga tiwaling disposisyon, hindi nila nakikita nang malinaw ang diwa ng mga isyu, hinahangad nila ang katugunan sa kanilang sariling mga pagnanasa at kagustuhan, hanggang sa punto ng pagsusulong ng kabuktutan, kaya nagkakaroon ng hiwalayan. Ito ay isang hiwalay na paksa, na hindi na natin higit pang pag-uusapan.
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa pagtulong at pagsama sa isa’t isa sa buhay mag-asawa. Sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya ay ilalalang Ko ng makakatulong niya.” Alam ng mga may asawa na ang pag-aasawa ay nagdadala ng maraming pakinabang sa isang pamilya at sa buhay ng isang tao na hindi nila akalain. Sa una, ang mga tao ay labis na nalulungkot at nalulumbay kapag namumuhay sila nang mag-isa, wala silang mapagsabihan ng niloloob nila, walang makausap, walang makasama; ang buhay ay walang sigla at kaawa-awa. Kapag sila ay nag-asawa na, hindi na nila kailangang magdusa sa kalungkutan at pag-iisa. Mayroon na silang mapagsasabihan ng niloloob nila. Minsan, ibinubuhos nila ang kanilang mga kasawian sa kanilang katuwang, at minsan, ibinabahagi nila ang kanilang mga emosyon at kagalakan, o ibinubulalas pa nga ang kanilang galit. Minsan, ibinubuhos nila ang kanilang mga nararamdaman sa isa’t isa, at ang buhay ay tila puno ng galak at saya. Katiwalang-loob nila ang isa’t isa, at may tiwala sila sa isa’t isa, kaya naman maliban sa hindi na sila nalulungkot, nakakaranas sila ng higit na ligaya, at natatamasa nila ang kaligayahan ng pagkakaroon ng katuwang. Bukod sa iba’t ibang lagay ng loob, emosyon, at damdamin, at iba’t ibang kaisipan na kailangang ipahayag, kailangang harapin ng mga tao ang maraming praktikal na isyu sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa proseso ng pamumuhay, mga isyung tulad ng mga pang-araw-araw na pangangailangan, pananamit, at tirahan. Halimbawa, gusto ng dalawang tao na manirahan nang magkasama, at kailangan nilang magtayo ng isang maliit na bodega. Ang lalaki ay kailangang maging isang ladrilyero, nagpapatong-patong ng mga ladrilyo upang magtayo ng isang pader, at ang babae ay maaaring tumulong sa kanya, iniaabot sa kanya ang mga ladrilyo at naghahalo ng semento, o pinupunasan ang kanyang pawis at binibigyan siya ng tubig. Silang dalawa ay nag-uusap at nagtatawanan, at may tumutulong sa kanya, na isang mabuting bagay. Bago pa man dumilim, tapos na ang trabaho. Katulad ito ng isinasalarawan ng lumang opera ng mga Tsino na “Magkasintahang Diwata”: “Ako ang nag-iigib ng tubig at ikaw ang nagdidilig ng hardin.” Ano pa? (“Ikaw ang nag-aararo ng lupa at ako ang naghahabi ng tela.”) Tama iyan. Ang isa ay naghahabi ng tela habang ang isa ay nag-aararo ng lupa; ang isa ang namamahala sa loob, ang isa naman ang namamahala sa labas. Maganda ang pamumuhay nang ganito. Matatawag itong matiwasay na pagtutulungan, o pagsasama nang matiwasay. Sa ganitong paraan, sa buhay, naipapakita ang mga kasanayan ng lalaki, at ang mga aspekto kung saan siya mahina o hindi bihasa ay pinupunan ng babae; kung saan mahina ang babae, siya ay pinatatawad ng lalaki, tinutulungan at sinusuportahan siya nito, at ang kanyang mga kalakasan ay naipapakita rin, na kapaki-pakinabang sa lalaki sa pamilya. Ginagawa ng mag-asawang lalaki at babae ang kanilang tungkulin, natututo mula sa mga kalakasan ng isa’t isa upang punan ang kanilang mga sariling kahinaan, at nagtutulungan sila upang mapangalagaan ang katiwasayan ng tahanan at ang buhay at pag-iral ng buong pamilya. Siyempre, ang mas mahalaga kaysa sa pagsasamahan ay ang pagsuporta at pagtutulungan nila sa isa’t isa sa buong buhay nila, maayos na ginugugol ang kanilang mga araw, sa kahirapan man o sa kayamanan. Sa madaling salita, gaya ng sinabi ng Diyos, hindi mabuti para sa isang lalaki na mag-isa, kaya isinaayos Niya ang pag-aasawa para sa kapakanan ng tao—ang lalaki ang magsisibak ng kahoy at mag-aasikaso ng bakuran, samantalang ang babae ang magluluto, maglilinis, magtatahi, at mag-aalaga sa buong pamilya. Bawat isa ay ginagawa nang maayos ang kanilang trabaho, ginagawa ang kailangan nilang gawin sa buhay, at ang kanilang mga araw ay lumilipas nang masaya. Unti-unti at komprehensibong umunlad ang buhay ng tao mula sa ganitong kalagayan, kung saan ang mga tao ay nag-aanak at nagpaparami hanggang sa kasalukuyan. Kaya, ang pag-aasawa ay mahalaga sa buong sangkatauhan—mahalaga ito sa kanilang pag-unlad, at mahalaga sa kanila bilang mga indibidwal. Ang tunay na kahulugan ng pag-aasawa ay hindi lamang para sa pagpaparami ng sangkatauhan, kundi ang mas importante, ito ay para magsaayos ang Diyos ng isang makakatuwang ng bawat lalaki at babae, isang taong makakasama nila sa bawat yugto ng kanilang buhay, ito man ay mahirap at masakit, o madali, masaya, at maligaya—sa lahat ng ito, mayroon silang mapagsasabihan ng kanilang niloloob, magiging kaisa nila sa puso at isipan, at makakasalo nila sa kanilang lungkot, pasakit, kasiyahan, at kaligayahan. Ito ang kahulugan sa likod ng pagsasaayos ng Diyos ng pag-aasawa para sa mga tao, at ito ang personal na pangangailangan ng bawat indibidwal na tao. Nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ayaw Niyang mapag-isa sila, kaya isinaayos Niya ang pag-aasawa para sa kanila. Sa pag-aasawa, ang mga lalaki at babae ay may kanya-kanyang mga papel, at ang pinakamahalaga ay na sinasamahan at sinusuportahan nila ang isa’t isa, namumuhay nang maayos sa bawat araw, maayos na umuusad sa landas ng buhay. Sa isang banda, maaari nilang samahan ang isa’t isa, at sa kabilang banda, maaari nilang suportahan ang isa’t isa—ito ang kahulugan ng pag-aasawa at kung bakit kinakailangan itong umiral. Siyempre, ito rin ang pagkaunawa at saloobing dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, at ito ang responsabilidad at obligasyong dapat nilang tuparin sa pag-aasawa.
Balikan at tingnan natin ang Genesis 3:16. Sinabi ng Diyos sa babae: “Pararamihin Kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.” Ito ang tungkuling ibinigay ng Diyos sa babae, na siyempre, ay isang utos din, kung saan inoorden Niya ang papel na gagampanan ng babae sa pag-aasawa at ang mga responsabilidad na kanyang aakuin. Ang babae ay kinakailangang manganak, na sa isang aspekto ay isang parusa sa kanyang mga dating pagsalangsang, at sa isa pang aspekto, ito ang responsabilidad at obligasyong dapat niyang tanggapin sa pag-aasawa bilang isang babae. Magbubuntis siya at manganganak, at higit pa rito, manganganak siya nang may hinagpis. Dahil dito, pagkatapos pumasok sa pag-aasawa, hindi dapat tumanggi ang mga kababaihan na manganak dahil lang sa takot silang magdusa. Mali ito. Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang responsabilidad na dapat mong akuin. Kaya, kung gusto mong magkaroon ng makakasama, ng tutulong sa iyo sa buhay, kailangan mong isaalang-alang ang unang responsabilidad at obligasyong iyong aakuin kapag pumasok ka sa pag-aasawa. Kung may isang babaeng nagsasabi na, “Ayaw kong magkaroon ng mga anak,” sasabihin ng mga lalaki, “Kung ayaw mong magkaroon ng mga anak, ayaw ko rin sa iyo.” Kung ayaw mong pagdaanan ang sakit ng panganganak, hindi ka dapat mag-asawa. Hindi ka dapat mag-asawa, hindi ka karapat-dapat dito. Pagkatapos mag-asawa, ang unang bagay na dapat mong gawin bilang isang babae ay ang magkaanak, at higit pa rito ay ang magdusa. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka dapat mag-asawa. Bagaman hindi masasabi na hindi ka karapat-dapat maging babae, sa pinakamababa, nabigo kang gampanan ang iyong responsabilidad bilang isang babae. Ang magbuntis at magkaroon ng anak ang unang hinihingi sa mga babae. Ang ikalawang hinihingi ay “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.” Ang pagiging kabiyak ng isang lalaki—bilang isang babae, ang pagpapakasal sa isang lalaki ay nagpapatunay na ikaw ang kabiyak niya, at walang duda na ikaw ay bahagi niya, kaya dapat sa kanya ang pahihinuhod ng iyong puso, ibig sabihin, siya ang dapat na nasa iyong puso. Kapag nasa puso mo siya ay saka mo lang siya maaalagaan at masayang masasamahan. Kahit na ang iyong asawa ay may sakit, kahit na nahaharap siya sa mga suliranin at problema, o kapag nahaharap siya sa kabiguan, pagkadapa, o pagkabalisa kasama ang ibang tao o sa kanyang sariling buhay, saka mo lamang matutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang isang babae, inaalagaan siya, pinahahalagahan siya, inaasikaso siya, pinapaliwanagan siya, inaalo siya, at pinapayuhan siya at pinalalakas ang loob niya sa paraan ng isang babae. Ito ay isang tunay na pagsasama, na mas maganda. Sa ganitong paraan lamang magiging masaya ang iyong buhay may-asawa, at sa ganitong paraan mo lang matutupad ang iyong responsabilidad bilang isang babae. Siyempre, ang responsabilidad na ito ay hindi ipinagkatiwala sa iyo ng iyong mga magulang, kundi ng Diyos. Ito ang responsabilidad at obligasyong dapat tuparin ng isang babae. Bilang isang babae, dapat kang maging ganito. Ganito mo dapat tratuhin at alagaan ang iyong asawa; ito ang iyong responsabilidad at obligasyon. Kung hindi ito kayang gawin ng isang babae, hindi siya isang mabuting babae, at siyempre, hindi siya isang katanggap-tanggap na babae, dahil nabigo siyang gawin kahit ang pinakamababang hinihingi ng Diyos sa mga babae: “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban.” Naiintindihan mo ba? (Oo.) Bilang kabiyak ng isang lalaki, nagagawa mong ibigin at alagaan ang iyong asawa kapag maayos ang mga bagay-bagay, kapag may pera at kapangyarihan siya, kapag masunurin siya at inaalagaan ka nang mabuti, kapag pinapasaya at pinalulugod ka niya sa lahat ng bagay. Pero kapag siya ay dumaranas ng mga suliranin, karamdaman, pagkadismaya, kabiguan, panghihina ng loob, o pagkabigo, kapag hindi umaayon sa gusto niya ang mga bagay-bagay, kung gayon ay hindi mo nagagampanan ang mga responsabilidad at obligasyong dapat gawin ng isang babae, hindi mo napapagaan ang loob niya, hindi mo siya napapaliwanagan, hindi mo napapalakas ang loob niya, o hindi mo siya nasusuportahan. Sa ganitong pagkakataon, hindi ka isang mabuting babae, dahil hindi mo natupad ang responsabilidad ng isang babae, at hindi ka isang mabuting katuwang para sa isang lalaki. Kung gayon, maaari bang sabihin na ang gayong babae ay isang masamang babae? Hindi naaangkop ang salitang “masama” rito; ngunit sa pinakamababa, wala ka ng konsensiya at katwirang hinihingi ng Diyos, na dapat mayroon ang isang taong may normal na pagkatao—ikaw ay isang babaeng walang pagkatao. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Tapos na nating pag-usapan ang tungkol sa mga hinihingi sa mga babae. Isinaad na ng Diyos ang responsabilidad ng isang babae sa kanyang asawa, ito ay: “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban.” Ang salitang “pahihinuhod” ay hindi tungkol sa pagmamahal o pagkagiliw; bagkus, nangangahulugan ito na siya ay dapat nasa puso mo. Dapat siya ay mahalaga sa iyo; dapat mo siyang tratuhin bilang iyong minamahal, ang iyong kabiyak. Siya ang dapat mong pahalagahan, samahan, alagaan, at kayong dalawa ang dapat mag-alaga sa isa’t isa hanggang sa katapusan ng inyong buhay. Kailangan mo siyang alagaan at pahalagahan nang buong puso. Ito ang iyong responsabilidad—ito ang tinatawag na “pahihinuhod.” Siyempre, nang sabihin ng Diyos dito na “sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban,” ang pariralang “pahihinuhod ang iyong kalooban” ay isang pagtuturong ibinibigay sa mga tao. Bilang isang babaeng may pagkatao, isang katanggap-tanggap na babae, sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban. Higit pa rito, hindi sinabi ng Diyos sa iyo na pahihinuhod ang iyong kalooban sa iyong asawa at sa iba pang lalaki. Hindi ba’t hindi ito sinabi ng Diyos? (Hindi Niya ito sinabi.) Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang isang babae sa kanyang asawa, at na ang tanging lalaki sa kanyang puso, ang tanging layon ng kanyang pahihinuhod, ay ang kanyang asawa. Ayaw Niyang maging pabago-bago ang babae sa kung sino ang kinagigiliwan nito, o na maging mahalay ito, o maging hindi tapat sa asawa nito, o magpahihinuhod sa sinuman na hindi nito asawa. Sa halip, nais Niya na ang pahihinuhod ng kalooban nito ay sa asawa at sa makakasama nito habambuhay. Sa lalaking ito dapat nakatuon ang pahihinuhod ng iyong kalooban, siya ang dapat na pagsumikapan mong alagaan, pahalagahan, arugain, samahan, tulungan, at suportahan sa buong buhay. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Hindi ba’t ito ay isang magandang bagay? (Oo.) Ang ganitong uri ng magandang bagay ay makikita sa mga ibon, at sa iba pang mga hayop, ngunit ito ay halos hindi umiiral sa mga tao—makikita mo kung gaano kalalim na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan! Malinaw nating pinagbahaginan ang mga pangunahing obligasyong dapat tuparin ng isang babae sa pag-aasawa, pati na rin ang mga prinsipyo ng pagtrato niya sa kanyang asawa. Dagdag pa rito, ang pag-aasawang inorden at isinaayos ng Diyos ay monogamo. Saan natin makikita ang basehan nito sa Bibliya? Kumuha ang Diyos ng isang tadyang mula sa katawan ng lalaki para lumikha ng isang babae—hindi Siya kumuha ng dalawa o higit pang tadyang mula sa lalaki para lumikha ng maraming babae. Isang babae lamang ang nilikha Niya. Ibig sabihin, nilikha ng Diyos ang tanging babae para sa tanging lalaki na nilikha Niya. Ito ay nangangahulugang mayroon lamang isang katuwang para sa lalaki. Ang lalaki ay mayroon lamang isang kabiyak, at ang babae ay mayroon lamang isang kabiyak; higit pa rito, kasabay nito, nagbabala ang Diyos sa babae, “Sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban.” Sino ang iyong asawa? Ito ang taong iyong pinakasalan, at wala nang iba pa. Hindi ito ang iyong lihim na kalaguyo, o ang sikat na idolong kinagigiliwan mo, o ang Prince Charming ng iyong mga pangarap. Ito ay ang iyong asawa, at nag-iisa lang ang iyong asawa. Ito ang pag-aasawang inorden ng Diyos—monogamo. Nakapaloob ba ito sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Sinabi ng Diyos: “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.” Hindi sinabi ng Diyos na gumawa Siya ng maraming katuwang para sa lalaki, hindi ito kinakailangan. Sapat na ang isa. Hindi rin sinabi ng Diyos na dapat mag-asawa ng maraming lalaki ang isang babae, o na dapat magkaroon ng maraming asawa ang isang lalaki. Hindi gumawa ang Diyos ng maraming asawa para sa isang lalaki, o kumuha ng tadyang mula sa maraming lalaki para lumikha ng maraming babae, kaya ang maaari lamang na maging asawa ng isang lalaki ay ang babae na nilikha mula sa kanyang sariling tadyang. Hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Kaya sa pag-unlad ng sangkatauhan kalaunan, lumitaw ang poligamiya sa parehong mga babae at lalaki. Ang gayong mga pag-aasawa ay hindi normal, at hindi matatawag na tunay na pag-aasawa. Ito ay pakikiapid lamang. Eksepsiyon dito ang ilang natatanging sitwasyon, katulad ng pagkamatay ng lalaking asawa at ang muling pag-aasawa ng kanyang asawang babae. Ito ay inorden at isinaayos ng Diyos, at ito ay pinahihintulutan. Sa madaling salita, noon pa man ay monogamo na ang pag-aasawa. Hindi ba’t ito ang totoo? (Oo.) Tingnan natin ang natural na mundo. Ang gansa ay monogamo. Kung papatayin ng isang tao ang isa sa mga gansa, ang isa pang gansa ay hindi na muling “mag-aasawa”—magiging mag-isang gansa na lamang ito. Sabi nga, kapag lumilipad ang mga gansa, ang nasa unahan ay karaniwang isang mag-isang gansa. Mahirap ang mga bagay-bagay para sa mag-isang gansa. Kinakailangan nitong gawin ang mga bagay na ayaw gawin ng ibang gansa sa kanilang kawan. Kapag ang ibang gansa ay kumakain o nagpapahinga, responsabilidad ng mag-isang gansa na panatilihing ligtas ang ibang nasa kawan. Hindi ito pwedeng matulog o kumain; kailangan nitong bantayan ang paligid para protektahan ang kawan. Maraming bagay ang hindi nito pwedeng gawin. Maaari lang itong manatiling mag-isa, hindi ito pwedeng magkaroon ng ibang mamahalin. Hindi ito pwedeng magkaroon ng ibang asawa sa buong buhay nito. Ang mga gansa ay palaging sumusunod sa mga tuntuning inorden ng Diyos sa kanila, hindi sila kailanman nagbabago, maging hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang mga tao ay baligtad. Bakit masyadong baligtad ang mga tao? Dahil ang mga tao ang ginawang tiwali ni Satanas, at dahil namumuhay sila sa kabuktutan at kahalayan, hindi nila kayang manatiling monogamo, at hindi nila maitaguyodang kanilang mga tungkulin bilang asawa o magawa ang mga responsabilidad at obligasyong dapat nilang gawin. Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo iyon.)
Ituloy natin ang pagbabasa. Sabi ng Diyos: “sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya ang mamumuno sa iyo.” Ano ang ibig sabihin ng “mamumuno”? Ang mamuno nang may kamay na bakal, gawing alipin ang mga babae, iyon ba ang ibig sabihin nito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin nito? (Ang alagaan siya at maging responsable para sa kanya.) Ang ideyang ito ng “responsabilidad” ay medyo mas malapit sa kahulugan nito. Ang pamumuno na ito ay kaugnay sa usapin ng pagtukso ng babae sa lalaki na magkasala. Dahil ang babae ang unang lumabag sa mga salita ng Diyos at tinukso siya ng ahas, at pagkatapos ay inakay nito ang lalaki na matukso rin katulad niya, na ipagkanulo ang Diyos, medyo nagalit ang Diyos sa kanya, at dahil dito, pinagbawalan ng Diyos ang babae na manguna, hiningi ng Diyos na sumangguni ang babae sa lalaki sa lahat ng kanyang gagawin; magiging pinakamainam para sa babae na hayaan ang lalaki na maging ang tagapamahala. Kaya, binibigyan ba ng pagkakataon ang mga babae na maging tagapamahala? Maaari silang bigyan ng gayong pagkakataon. Maaaring sumangguni sa kanyang asawa ang isang babae, at maaari ding maging tagapamahala, ngunit pinakamainam para sa kanya na huwag gumawa ng mga desisyon nang mag-isa; kailangan niyang sumangguni sa kanyang asawa, sa kanyang kabiyak. Pinakamainam para sa kanya na sumangguni sa kanyang asawa pagdating sa malalaking usapin. Bilang isang babae, bukod sa kailangan mong samahan ang iyong asawa, kailangan mo ring tulungan ang iyong asawa sa pag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Ang mas mahalaga pa, dapat gampanan ng iyong asawa ang papel bilang tagapamahala sa loob ng inyong pamilya at buhay may-asawa, kaya dapat kang sumangguni sa iyong asawa sa anumang gagawin mo. Dahil sa mga pagkakaiba ng mga kasarian, hindi nakalalamang ang mga babae sa mga lalaki pagdating sa kanilang pag-iisip, pagtitiis, perspektiba, o sa anumang uri ng panlabas na usapin; sa halip, ang mga lalaki ang nakalalamang sa mga babae. Kaya, batay sa mga pagkakaibang ito ng mga kasarian, binigyan ng Diyos ang mga lalaki ng natatanging awtoridad—sa pamilya, ang lalaki ang tagapamahala, at ang babae ang tagasuporta. Kailangang tulungan ng babae ang kanyang asawa, o samahan ang kanyang asawa sa pangangasiwa ng malalaki at maliliit na bagay. Pero nang sinabi ng Diyos na “siya ang mamumuno sa iyo,” hindi Niya ibig sabihin na mas mataas ang katayuan ng mga lalaki kaysa sa mga babae, o na dapat ang mga lalaki ang mangibabawi sa buong lipunan. Hindi iyon ganoon. Sa pagsasabi nito, tinutukoy lamang ng Diyos ang tungkol sa pag-aasawa; tinutukoy lamang Niya ang tungkol sa mga pamilya, at sa maliliit na usapin sa bahay na pinagangasiwaan ng mga lalaki at babae. Pagdating sa maliliit na usapin sa bahay, hindi hinihingi ng Diyos na kontrolin o pilitin ng lalaki ang babae sa lahat ng bagay; sa halip, kailangan ng lalaki na aktibong akuin ang mga pasanin at responsabilidad ng kanyang pamilya, at kasabay nito, kailangan niyang alalayan ang babae, na medyo mahina, at kailangan niyang magbigay ng tamang patnubay. Gaya ng makikita sa puntong ito, binigyan ang mga lalaki ng ilang natatanging responsabilidad. Halimbawa, ang lalaki ay dapat magkusa sa pag-ako ng responsabilidad para sa malalaking usapin ng tama at mali; hindi niya dapat itulak ang babae sa naglalagablab na hukay, ni hayaan ang babae na magdusa ng kawalan ng dignidad, pang-aapi, at pangyuyurak sa lipunan. Ang lalaki ay dapat magkusang akuin ang responsabilidad na ito. Hindi ibig sabihin na dahil sa mga salita ng Diyos na nagsasabing “siya ang mamumuno sa iyo” ay maaari na niyang pasunurin ang babae gamit ang isang pamalo, o maaari na niyang kontrolin ito, o gawin itong alipin na tatratuhin ayon sa kanyang nais. Sa ilalim ng mga pangunahing kondisyon at balangkas ng pag-aasawa, pantay ang lalaki at babae sa harap ng Diyos; sadya lamang na ang lalaki ang mister, at ibinigay ng Diyos sa kanya ang karapatan at responsabilidad na ito. Ito ay isang uri lamang ng responsabilidad, hindi isang natatanging kapangyarihan, at hindi ito dahilan para tratuhin ang isang babae na parang hindi tao. Kayong dalawa ay pantay. Ang lalaki at babae ay parehong nilikha ng Diyos, sadyang may natatangi lang na hinihingi sa lalaki, na sa isang banda, dapat niyang balikatin ang mga pasanin at responsabilidad ng pamilya, at sa isang banda naman, kapag lumitaw ang malalaking bagay, dapat matapang na humakbang pasulong ang lalaki at pasanin ang mga responsabilidad at obligasyong dapat niyang pasanin bilang isang lalaki, bilang isang mister—upang protektahan ang babae, upang gawin ang kanyang makakaya para pigilan ang kanyang asawang babae na gumawa ng mga bagay na hindi dapat gawin ng isang babae, o sa madaling salita, upang hindi maghirap ang babae, upang maiwasan nito ang magdusa, na hindi nararapat sa isang babae. Halimbawa, upang maitaas ang kanilang posisyon, upang mamuhay nang maayos at yumaman, upang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at upang tumaas ang tingin sa kanila ng iba, ibinibigay ng ilang lalaki ang kanilang asawa sa kanilang mga amo para maging kabit ng mga ito, ibinibenta ang laman ng kanilang asawa. Pagkatapos ibenta ang kanilang asawa, kapag natupad na ang kanilang mga layon, hindi na nila pinahahalagahan ang kanilang asawang babae, at ayaw na nila rito. Anong klaseng lalaki ito? Hindi ba’t mayroong gayong mga lalaki? (Mayroon nga.) Hindi ba’t mala-diyablo ang lalaking ito? (Oo.) Ang layon ng pamumuno sa isang babae ay upang matupad mo ang iyong mga responsabilidad at maprotektahan siya. Ito ay dahil, kung ibabatay sa pangangatawan ng mga kasarian, nakalalamang ang mga lalaki kaysa sa mga babae sa iba’t ibang ideya, pananaw, antas, at kabatiran sa mga bagay-bagay; ito ay isang katunayan, na hindi mapapabulaanan ninuman. Kaya, dahil sa ibinigay ng Diyos ang mga babae sa mga lalaki, sinasabing “siya ang mamumuno sa iyo,” ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang lalaki ay ang balikatin ang mga pasanin ng pamilya, o kapag nangyari ang mga seryosong bagay, dapat protektahan at ingatan ng lalaki ang kanyang asawa, makisimpatya rito at unawain ito; hindi ang itulak ito sa tukso, kundi ay pasanin ang mga responsabilidad na nararapat pasanin ng isang mister at ng isang lalaki. Sa ganitong paraan, sa pamilya at sa ilalim ng balangkas ng pag-aasawa, tutuparin mo ang mga responsabilidad at obligasyong nararapat mong tuparin, at ipaparamdam mo sa iyong asawa na karapat-dapat siyang ipagkatiwala sa iyo, na ikaw ang taong makakasama niya sa buhay, na ikaw ay mapagkakatiwalaan, at na ang iyong mga balikat ay masasandalan. Kapag umaasa ang iyong asawa sa iyo, kapag kinakailangan ka niya, ang kanyang mister, na gumawa ng desisyon para harapin ang ilang seryosong usapin, hindi mo nanaising ikaw ay natutulog, nakikipag-inuman, o nagsusugal, o gumagala-gala sa kalsada. Lahat ito ay hindi katanggap-tanggap; ito ay kaduwagan. Hindi ka mabuting lalaki; hindi mo natupad ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin. Kung ikaw, bilang isang lalaki, ay palagi kang nangangailangan sa iyong asawa na humarap sa bawat malaking usapin, at kung itinutulak mo ang iyong asawa, siya na may mas maselang papel kaysa sa lalaki, patungo sa naglalagablab na hukay, itinutulak siya kung saan pinakamalakas ang hangin at alon, itinutulak siya tungo sa alimpuyo ng iba’t ibang masalimuot na bagay, kung gayon, hindi ito isang bagay na dapat gawin ng isang mabuting lalaki, ni hindi dapat ganito umasal ang isang mabuting mister. Ang iyong responsabilidad ay hindi lamang upang mapahinuhod ang kalooban ng iyong asawang babae, upang samahan ka niya, at tulungan kang mamuhay nang maayos; hindi lang iyon ang lahat-lahat, may responsabilidad ka rin na dapat mong akuin. Natupad na ng asawa mo ang kanyang mga responsabilidad sa iyo—natupad mo na ba ang iyong mga responsabilidad sa kanya? Hindi sapat na bigyan siya ng masasarap na pagkain, mga komportableng damit na isusuot, at na gawing panatag ang kanyang puso; ang mas mahalaga ay na sa iba’t ibang malaking usapin at pagtatalo sa kung ano ang tama at mali, dapat magawa mo siyang matulungan nang tumpak, tama, at angkop sa pagharap sa lahat ng bagay, upang hindi siya magkaroon ng mga alalahanin, upang makatanggap siya ng tunay na mga benipisyo mula sa iyo, at upang makita na tinutupad mo ang mga responsabilidad na dapat mong gawin bilang isang mister. Ito ang pinagmumulan ng kaligayahan ng isang babae sa buhay mag-asawa. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Gaano man katamis ang iyong mga salita, o gaano mo man siya inaakit, o gaano kadalas mo man siya sinasamahan, sa malalaking usapin, kung hindi ka maaasahan o mapagkakatiwalaan ng iyong asawa, kung hindi mo pinapasan ang mga responsabilidad na dapat mong pasanin, at sa halip ay hinahayaan mo ang isang bulnerableng babae na humarap at magtiis ng kahihiyan, o magtiis ng anumang pasakit, kung gayon, hindi makakaramdam ng kaligayahan o kasiyahan ang gayong babae, at wala siyang makikitang pag-asa sa iyo. Kaya, ang sinumang babaeng nakapangasawa ng gayong lalaki ay makakaramdam na malas siya sa kanyang buhay may-asawa, at na ang kanyang kinabukasan at buhay ay walang pag-asa at walang liwanag, dahil nag-asawa siya ng isang lalaking hindi maaasahan, isang lalaking hindi tumutupad sa kanyang mga responsabilidad, mahina ang loob, walang kuwenta, at duwag; wala siyang mararamdamang kaligayahan. Kaya, kailangan ng mga lalaki na pasanin ang sarili nilang mga responsabilidad. Sa isang banda, ito ay isang hinihingi sa pagkatao, at sa isang banda naman—kailangan nilang tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ang responsabilidad at obligasyong ibinigay ng Diyos sa bawat lalaki sa buhay may-asawa. Kaya, para sa mga babae: kung nais mong mag-asawa at makahanap ng iyong kabiyak, sa pinakamababa, dapat mong tingnan kung maaasahan ba o hindi ang isang lalaki. Ang kanyang hitsura, tangkad, diploma, kung siya ba ay mayaman, at kung kumikita ba siya ng malaki, ay hindi ang pinakamahalaga. Ang susi ay ang tingnan kung ang taong ito ay mayroong pagkatao at pagpapahalaga sa responsabilidad, kung ang kanyang mga balikat ay malapad at makisig, at kapag sumasandal ka sa kanya, kung siya ba ay matutumba o makakaya ka niyang buhatin, at kung siya ay maaasahan. Sa mas tumpak na salita, kung matutupad ba niya ang mga responsabilidad ng isang mister tulad ng sinabi ng Diyos, kung siya ba ay ganoong uri ng tao; bukod pa sa pagsunod sa daan ng Diyos, sa pinakamababa, dapat siya ay isang taong may pagkatao sa paningin ng Diyos. Kapag magkasamang namumuhay ang dalawang tao, hindi mahalaga kung sila ay mayaman o mahirap, kung ano ang kalidad ng kanilang buhay, kung ano ang nasa kanilang bahay, o kung magkasundo ba ang kanilang ugali o hindi; sa pinakamababa, ang lalaki na iyong pakakasalan ay dapat na tumupad sa kanyang mga obligasyon at responsabilidad sa iyo, dapat mayroon siyang pagpapahalaga sa kanyang responsabilidad sa iyo, at dapat ikaw ay nasa kanyang puso. Nagigiliw man siya sa iyo o umiibig sa iyo, sa pinakamababa, dapat ikaw ay nasa kanyang puso, upang tuparin ang mga responsabilidad at obligasyong dapat niyang tuparin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Sa ganitong paraan, ang iyong buhay ay magiging masaya, ang iyong mga araw ay magiging maligaya, at ang iyong hinaharap na landas ay hindi magiging malabo. Kung ang lalaki na pinakasalan ng isang babae ay palaging hindi maaasahan, at tumatakbo palayo at nagtatago sa sandaling may anumang nangyayari, at nagyayabang at nagmamalaki kapag walang problema, na parang siya ay may mahusay na kasanayan at isang tunay at malakas na lalaki, ngunit nagiging mahina siya kapag may nangyayari, sa palagay mo ba ay sasama ang loob ng babaeng iyon? (Oo.) Magiging masaya ba siya? (Hindi.) Ang isang disente at mabuting babae ay mag-iisip: “Lagi ko siyang inaalagaan at minamahal, handa akong pagdusahan ang anuman, para matupad ang aking mga responsabilidad bilang asawa, pero hindi ko nakikita ang kinabukasan ko kasama ang lalaking ito.” Hindi ba’t puno ng pasakit ang gayong buhay mag-asawa? Hindi ba’t ang pasakit na nararamdaman ng babae ay may kaugnayan sa lalaki, sa kanyang kabiyak? (Ganoon nga.) Responsabilidad ba ito ng lalaki? (Oo.) Ang lalaki ay dapat magnilay-nilay sa kanyang sarili. Hindi pwedeng palagi na lang siyang magreklamo na mabusisi ang babae, na mahilig itong mamuna at mang-usisa. Ang dalawang panig ay kapwa dapat magnilay-nilay kung tinutupad ba nila o hindi ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad, at kung ginagawa ba nila ito ayon sa mga salita ng Diyos pagkatapos marinig ang mga salitang ito. Kung hindi nila tinutupad ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad, kailangan nilang agad na magbago, agad na ituwid ang kanilang sarili at lutasin ang sitwasyon; hindi pa huli ang lahat. Ito ba ay isang mabuting paraan ng pag-asal? (Oo.)
Ituloy natin ang pagbabasa. Pagkatapos nito ay ang isa pang utos ng Diyos kay Adan, ang unang ninuno ng sangkatauhan. Sinabi ng Diyos: “Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi: ‘Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka mula sa mga ito sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi’” (Genesis 3:17–19). Ang siping ito, ay pangunahing utos ng Diyos sa mga lalaki. Anuman ang sitwasyon, dahil binigyan ng Diyos ng utos ang mga lalaki, ang Kanyang utos ang mga obligasyon at gampanin na kinakailangan nilang tuparin sa balangkas ng pag-aasawa at sa pamilya. Hinihingi ng Diyos na itaguyod ng mga lalaki ang kabuhayan ng pamilya pagkatapos mag-asawa, na kailangan ng mga lalaki na magsikap nang husto habambuhay upang mapanatili ang kanilang kabuhayan. Kailangang panatilihin ng mga lalaki ang kanilang kabuhayan, kaya kinakailangan nilang magtrabaho; gamit ang modernong wika, kinakailangan nilang makakuha ng trabaho at magtrabaho para kumita ng pera, o kinakailangan nilang magtanim ng palay, at anihin ito para mapanatili ang kabuhayan ng pamilya. Kinakailangan ng mga lalaki na magsumikap at magtrabaho para suportahan ang buong pamilya, para mapanatili ang kanilang kabuhayan. Ito ang utos ng Diyos sa mga mister, sa mga lalaki; ito ang kanilang responsabilidad. Kaya, sa ilalim ng balangkas ng pag-aasawa, hindi maaaring bigyang-diin ng mga lalaki na: “Mahina ang aking kalusugan!” “Ang hirap humanap ng trabaho sa lipunan ngayon, masyado akong namomroblema!” “Pinalayaw ako ng aking mga magulang sa aking paglaki, hindi ako marunong sa kahit anong trabaho!” Kung wala kang alam na kahit anong trabaho, bakit ka nag-asawa? Kung hindi mo kayang suportahan ang isang pamilya, at wala kang kakayahan na magtrabaho para akuin ang kabuhayan ng buong pamilya, bakit ka nag-asawa? Hindi responsable na sabihin ang ganitong bagay. Sa isang banda, hinihingi ng Diyos na ang mga lalaki ay magsipag sa trabaho, at sa isa pang banda, hinihingi Niya na magtrabaho sila para makaani ng makakain mula sa lupa. Siyempre, sa panahon ngayon, hindi Niya iginigiit na mag-ani ka ng makakain mula sa lupa, ngunit ang pagtatrabaho ay kinakailangan. Kaya ang katawan ng lalaki ay matipuno at malakas, samantalang ang katawan ng babae ay mahina kung ikukumpara; sila ay magkaiba. Lumikha ang Diyos ng magkakaibang pangangatawan para sa mga lalaki at babae. Sa kalikasan, ang lalaki ay dapat magtrabaho at magsumikap upang mapanatili ang kabuhayan ng kanyang pamilya, upang suportahan ang pamilya; iyon ang kanyang papel, siya ang pangunahing lakas ng pamilya. Ang babae, sa kabilang banda, ay hindi inaatasan ng Diyos ng gayong bagay. Kaya pwede bang umani ang babae sa lupang hindi naman siya ang nagtatanim, naghihintay na lamang kumain ng pagkaing nakahanda na, nang wala siyang anumang ginagawa? Hindi rin tama iyon. Bagamat hindi iniutos ng Diyos sa babae na itaguyod ang kabuhayan ng pamilya, hindi pwedeng paupo-upo lang siya nang walang ginagawa. Huwag isipin na dahil hindi inutusan ng Diyos ang mga babae ay maaari na lamang nilang balewalain ang usaping ito. Hindi iyon ganoon. Kailangan ding tuparin ng mga babae ang kanilang mga responsabilidad; dapat nilang tulungan ang kanilang mga mister sa pagpapanatili sa kabuhayan ng pamilya. Ang isang babae ay hindi lamang kailangang maging isang katuwang—kasabay nito, dapat din niyang tulungan ang kanyang asawa na tuparin ang mga responsabilidad at misyon nito sa pamilya. Hindi pwedeng tumayo na lang siya sa isang tabi, pinapanood at pinagtatawanan ang kanyang mister, o maghintay na lamang sa nakahandang pagkain. Dapat nagkakaisa silang dalawa. Sa ganitong paraan, ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat gampanan ng mga lalaki at babae ay matutupad lahat, at magagawa nang maayos.
Ituloy natin ang pagbabasa. Sinabi ng Diyos: “Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang.” Kita mo, dagdag pa sa trabahong ibinigay ng Diyos sa mga tao, may karagdagan pang mga pasanin; hindi sapat na nagtatrabaho ka, tumutubo rin ang mga ligaw na damo sa bukid na kailangan mong bunutin. Ibig sabihin, kung ikaw ay isang magsasaka, may dagdag ka pang trabaho bukod sa pagtatanim. Kailangan mo ring bunutin ang mga ligaw na damo, at hindi pwedeng paupo-upo ka lang nang walang ginagawa; kailangan mong magsikap sa pagtatrabaho upang mapanatili ang kabuhayan ng iyong pamilya, gaya ng sinabi ng Diyos: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang ito? Ito ay nangangahulugang may karagdagang bigat na ibinibigay sa mga tao bukod pa sa kanilang trabaho. Hanggang kailan? “Hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa.” Hanggang sa iyong huling hininga, kapag natapos mo na ang paglalakbay sa buhay; hindi mo na kakailanganin pang kumilos nang ganito, at matutupad na ang iyong mga responsabilidad. Ito ang utos ng Diyos sa mga tao at ito ang Kanyang kautusan sa kanila, pati na rin ang responsabilidad at pasanin na ibinigay Niya sa kanila. Handa ka man o hindi, ito ay inorden ng Diyos, at hindi mo ito matatakasan. Kaya, sa buong lipunan o sa buong sangkatauhan, tinitingnan man ito ng isang tao mula sa isang personal o obhetibong pananaw, mas malaki ang isipin ng mga lalaki sa kanilang pananatiling buhay sa lupa kumpara sa mga babae, na hindi maiiwasan na masasabing resulta ng inorden at pamamatnugot ng Diyos. Sa usaping ito, kailangan ng mga lalaki na tanggapin ito mula sa Diyos at pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat nilang pasanin; sa partikular, ang mga taong nasa balangkas ng pag-aasawa na may pamilya at asawa ay hindi dapat magtangkang tumakas o tumanggi sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad dahil lang sa ang buhay ay mahirap, mapait, o nakapapagod. Kung sasabihin mo na, “Ayaw kong gawin ang responsabilidad na ito, at ayaw kong magtrabaho,” kung gayon, maaari mong piliing umatras sa pag-aasawa o tumanggi sa pag-aasawa. Kaya, bago ka mag-asawa, dapat pag-isipan mo muna ito, isipin at unawain nang malinaw kung ano ang mga responsabilidad na hinihingi ng Diyos na akuin ng isang lalaking may asawa, kung kaya mo bang tuparin ang mga ito o hindi, kung kaya mo bang gawin ang mga ito nang maayos o hindi, kung kaya mo bang gampanan nang wasto ang iyong papel o hindi, ang mga utos ng Diyos sa iyo, at kung kaya mo ba o hindi na tiisin ang mga pasanin ng pamilya na ibibigay sa iyo ng Diyos. Kung sa palagay mo ay wala kang pananalig na gawin ang lahat ng ito nang maayos, o kung wala kang kahandaang gawin ito—kung ayaw mong gawin ito—kung tumatanggi ka sa responsabilidad at obligasyong ito, tumatangging magtiis ng pasanin sa loob ng tahanan at sa balangkas ng pag-aasawa, kung gayon ay hindi ka dapat mag-asawa. Sa kapwa lalaki at babae, ang pag-aasawa ay nangangahulugan ng mga responsabilidad at pasanin; hindi ito isang simpleng bagay lang. Bagamat hindi ito sagrado, sa Aking pagkaunawa, ang pag-aasawa, kahit papaano, ay isang seryosong bagay, at dapat itama ng mga tao ang kanilang mga saloobin tungkol dito. Ang pag-aasawa ay hindi para paglaruan ang mga pagnanasa ng laman, o para tugunan ang mga panandaliang pangangailangan ng damdamin, lalong hindi ito para tugunan ang iyong kuryosidad. Ito ay isang responsabilidad at obligasyon; at siyempre, ang mas higit pa, ito ay isang kumpirmasyon at pagpapatunay kung ang isang lalaki o babae ay may abilidad at pananalig na pumasan sa mga responsabilidad ng pag-aasawa. Kung hindi mo alam kung may abilidad ka ba o wala na pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng pag-aasawa, kung ganap kang walang alam sa mga ito, o kung ayaw mong mag-asawa—o kung nayayamot ka pa nga sa ideya ng pag-aasawa—kung ayaw mong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng buhay pamilya, maging maliliit o malalaking bagay man ang mga ito, at nais mong manatiling walang asawa—“Sinabi ng Diyos na hindi maganda ang mapag-isa, pero sa tingin ko, maganda rin naman ang mapag-isa”—kung gayon ay maaari mong tanggihan ang pag-aasawa, o maging ang iwanan ang iyong buhay may-asawa. Iba-iba ito sa bawat indibidwal, at ang bawat tao ay may kalayaang pumili. Ngunit, kahit ano pa ang sabihin mo, kung titingnan mo kung ano ang nakatala sa Bibliya tungkol sa mga sinasabi at inorden ng Diyos tungkol sa pinakaunang pag-aasawa ng sangkatauhan, makikita mo na ang pag-aasawa ay hindi isang laro, ni hindi rin ito isang simpleng bagay; siyempre, lalong hindi rin ito ang libingan na tulad ng inilalarawan ng mga tao. Ang pag-aasawa ay isinaayos at inorden ng Diyos. Mula pa sa simula ng tao, ito ay inorden at isinaayos na ng Diyos. Kaya ang mga makamundong kasabihang iyon—“Ang pag-aasawa ay isang libingan,” “Ang pag-aasawa ay isang bayan na inaatake,” “Ang pag-aasawa ay isang trahedya,” “Ang pag-aasawa ay isang sakuna,” at iba pa—may katuturan ba ang mga ito? (Wala.) Walang katuturan ang mga ito. Sadyang ito ang pagkaunawa na mayroon ang tiwaling sangkatauhan tungkol sa pag-aasawa pagkatapos nila itong baluktutin, itiwali, at ituring na masama. Pagkatapos baluktutin, itiwali, at ituring na masama ang wastong pag-aasawa, binabatikos din nila ito, nagsasabi ng ilang hindi angkop na mga panlilinlang, nagpapahayag ng mga maladiyablong salita, at bilang resulta, ang mga nananampalataya sa Diyos ay nalilihis din, kaya mayroon din silang mga mali at di-normal na pananaw sa pag-aasawa. Nalihis at natiwali rin ba kayo? (Oo.) Kung gayon, sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan, pagkatapos mong magkaroon ng tumpak at wastong pagkaunawa sa pag-aasawa, kapag may muling nagtanong, “Alam mo ba kung ano ang pag-aasawa?” sasabihin mo pa rin bang, “Ang pag-aasawa ay isang libingan”? (Hindi.) Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Dapat mo bang sabihin iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil ang pag-aasawa ay isinaayos at inorden ng Diyos, dapat itong tratuhin ng mga tao nang tama. Kung ang mga tao ay kikilos nang walang pakundangan at bibigyang-layaw ang kanilang mga pagnanasa, nagpapakasasa sa kalandian at nagdudulot ng masasamang kahihinatnan, sinasabing ang pag-aasawa ay isang libingan, kung gayon, masasabi Ko lang na hinuhukay nila ang kanilang sariling libingan at binibigyan ng problema ang kanilang sarili; hindi sila pwedeng magreklamo. Wala itong kinalaman sa Diyos. Hindi ba’t ito nga ang sitwasyon? Ang pagsasabi na ang pag-aasawa ay isang libingan ay ang pagbabaluktot at pagkokondena ni Satanas sa pag-aasawa at sa isang positibong bagay. Kapag mas positibo ang isang bagay, mas lalo itong binabaluktot ni Satanas at ng tiwaling sangkatauhan tungo sa isang kabuktutan. Hindi ba’t masama ito? Kung ang isang tao ay namumuhay sa kasalanan, nagpapakasasa sa kalandian at nagkakaroon ng kabit, bakit hindi iyon sinasabi ng mga tao? Kung ang isang tao ay nakikiapid, bakit hindi iyon sinasabi ng mga tao? Ang wastong pag-aasawa ay hindi pakikiapid, ni hindi rin ito kalandian, hindi ito ang pagtugon sa mga pagnanasa ng laman, ni hindi rin ito isang simpleng bagay; siyempre, mas lalong hindi ito isang libingan. Ito ay isang positibong bagay. Inorden at isinaayos ng Diyos ang pag-aasawa ng tao, at may mga ipinagkatiwala at kautusan Siya patungkol dito; siyempre, ang mas higit pa, nagbigay Siya ng mga responsabilidad at obligasyon sa pag-aasawa sa magkabilang panig sa pamamagitan ng pag-utos, pati na rin ng Kanyang mga kasabihan tungkol sa kung ano ang bumubuo sa pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay maaari lamang buuin ng isang lalaki at isang babae. Sa Bibliya, lumikha ba ang Diyos ng isang lalaki, tapos ay lumikha ng isa pang lalaki, at pagkatapos ay ikinasal sila? Hindi, walang homoseksuwal na pag-aasawa sa pagitan ng dalawang lalaki o dalawang babae. Mayroon lamang pag-aasawa ng isang lalaki at ng isang babae. Ang pag-aasawa ay binubuo ng isang lalaki at isang babae, na hindi lamang magkatuwang, kundi nagtutulungan din, sinasamahan nila ang isa’t isa, inaalagaan ang isa’t isa, at parehong tinutupad ang kanilang mga responsabilidad, namumuhay nang maayos at sinasamahan ang isa’t isa nang wasto sa mga landas ng kanilang buhay, sinasamahan ang isa’t isa sa bawat mahirap na yugto ng buhay, sa bawat iba’t iba at natatanging yugto; at siyempre, napagdadaanan din nila ang mga ordinaryong panahon. Ito ang responsabilidad na pareho nilang dapat akuin sa pag-aasawa, at ito rin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ano ang ipinagkakatiwala ng Diyos? Ito ang mga prinsipyong dapat panatilihin at isagawa ng mga tao. Kaya, para sa lahat ng nag-aasawa, makabuluhan ang pag-aasawa. Ito ay may karagdagang epekto sa iyong personal na karanasan at kaalaman, pati na rin sa paglago, pagkahinog, at pagpeperpekto ng iyong pagkatao. At sa kabaligtaran, kung wala kang asawa, at namumuhay ka lang kasama ang iyong mga magulang, o namumuhay nang mag-isa sa buong buhay mo, o kung di-normal ang iyong buhay mag-asawa, isang buhay mag-asawa na imoral at hindi inorden ng Diyos, kung gayon, ang iyong mararanasan ay hindi ang karanasan, kaalaman, o mga pagsubok sa buhay, hindi rin ang paglago, pagkahinog, at pagpeperpekto ng iyong pagkatao na iyong matatamo mula sa isang wastong pag-aasawa. Sa pag-aasawa, higit pa sa dalawang taong dumaranas ng pagsasama at pagsuporta ng isa’t isa, siyempre, dumaranas din sila ng mga hindi pagkakasundo, alitan, at kontradiksiyon na nagaganap sa buhay. Kasabay nito, magkasama nilang dinaranas ang pasakit ng panganganak, at ang karanasan ng pagtuturo at pagpapalaki ng mga anak, at pagtutustos sa kanilang mga nakatatanda, nagiging saksi sila sa paglaki ng sunod na henerasyon, nagiging saksi sa pag-aasawa at panganganak ng sunod na henerasyon katulad nila, inuulit ang parehong pinagdaanan nila. Sa ganitong paraan, ang karanasan, kaalaman, o mga pagsubok sa buhay ng mga tao ay medyo sagana at sari-sari, hindi ba? (Oo.) Kung mayroon ka nang gayong karanasan sa buhay bago ka nanampalataya sa Diyos, bago mo tinanggap ang gawain, mga salita, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at dagdag pa, kung magagawa mong sambahin at sundin ang Diyos pagkatapos mong manalig sa Kanya, kung gayon, magiging mas masagana ang buhay mo kumpara sa buhay ng karamihan; ang iyong karanasan at personal na pagkaunawa ay magiging mas malawak. Siyempre, lahat ng sinasabi Kong ito ay batay sa pamantayan na, sa ilalim ng balangkas ng pag-aasawa na tulad ng inorden ng Diyos, dapat taimtim mong isakatuparan ang iyong sariling mga responsabilidad at obligasyon, ang mga responsabilidad at obligasyon ng mga lalaki at babae, at ang mga responsabilidad at obligasyon ng mga mister at misis. Ito ay mga bagay na dapat gawin. Kung hindi mo isinasakatuparan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon, ang iyong pag-aasawa ay magiging magulo, at ito ay mabibigo, at sa huli, masisira ang iyong buhay may-asawa. Daranas ka ng isang sira, bigong pag-aasawa, pati na ng mga problema, gusot, pasakit, at kaguluhan na idudulot sa iyo ng pag-aasawa. Kung ang dalawang partido na pumapasok sa pag-aasawa ay hindi kayang magkusa at personal na isagawa ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon, magtatalo sila at kokontrahin nila ang isa’t isa. Sa paglipas ng panahon, mas lalo silang magtatalo, mas lalalim ang kanilang mga kontradiksyon, at magsisimula nang magkaroon ng lamat sa kanilang buhay mag-asawa; habang mas tumatagal ang lamat na ito, hindi na nila magagawang ayusin ang lamat sa kanilang buhay mag-asawa, at ang gayong buhay mag-asawa ay tiyak na hahantong sa hiwalayan, sa pagkawasak—tiyak na bigo ang gayong buhay mag-asawa. Kaya mula sa iyong perspektiba, ang pag-aasawang inorden ng Diyos ay hindi naaayon sa iyong mga nais, at sa tingin mo ay hindi ito angkop. Bakit ganoon ang iniisip mo? Dahil sa balangkas ng pag-aasawa, wala kang ginagawang anuman na naaayon sa mga hinihingi at iniuutos ng Diyos; makasarili mong hinahangad ang pagtupad sa sarili mong mga hinihingi, ang pagtupad sa sarili mong mga kagustuhan at nais, at ang pagtupad sa iyong imahinasyon. Hindi mo pinipigilan ang iyong sarili o hindi ka nagbabago para sa kapakanan ng iyong katuwang, hindi ka rin nagtitiis ng anumang pasakit; sa halip, binibigyang-diin mo lamang ang iyong sariling mga pagdadahilan, ang iyong sariling pakinabang at mga kagustuhan, at hindi mo iniisip kailanman ang iyong kabiyak. Ano ang mangyayari sa huli? Ang iyong buhay mag-asawa ay masisira. Ang pinagmumulan ng pagkasirang ito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Masyadong makasarili ang mga tao, kaya ang mag-asawa, na dapat sana ay iisa, ay hindi makapagsama nang maayos, hindi nila magawang makisimpatiya, umunawa, magpagaan ng loob at tumanggap sa isa’t isa, o baguhin at isakripisyo ang mga bagay-bagay para sa isa’t isa. Nakikita mo kung gaano naging tiwali ang sangkatauhan. Hindi kayang pigilan ng pag-aasawa ang pag-asal ng mga tao, ni hindi nito mahikayat ang mga tao na isuko ang kanilang mga makasariling hangarin, kaya walang mga moral na prinsipyo o mabubuting kaugalian mula sa lipunan na makakapagpabuti sa mga tao, o makakapagpanatili sa kanilang konsensiya at katwiran. Kaya pagdating sa pag-aasawa, dapat matutunan ito ng mga tao mula sa paraan ng kung paano unang inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa tao. Siyempre, dapat din nilang maunawaan ang usaping ito mula sa Diyos. Ang pag-unawa sa lahat ng ito mula sa perspektiba ng Diyos ay dalisay, at kapag nauunawaan ng mga tao ang lahat ng ito, ang anggulo at pananaw ng pagtingin nila sa pag-aasawa ay magiging tama. Ang dahilan kung bakit kailangang tama ang kanilang anggulo at pananaw sa pag-aasawa ay hindi lamang para malaman nila ang konsepto at tamang depinisyon ng pag-aasawa; ito rin ay upang bigyang-daan ang mga tao na magkaroon ng wasto, tama, tumpak, naaangkop, at makatwirang pamamaraan ng pagsasagawa kapag naharap sila sa pag-aasawa, upang hindi sila mailihis ni Satanas o ng iba’t ibang ideya ng mga buktot na kalakaran ng mundo sa kanilang paraan ng pagtrato sa pag-aasawa. Kapag pinili mo ang pag-aasawa batay sa mga salita ng Diyos, kayong mga babae ay kailangan ninyong malinaw na makita kung ang inyong katuwang ay ang uri ng tao na kayang tumupad sa mga responsabilidad at obligasyon ng isang lalaki gaya ng sinabi ng Diyos, kung karapat-dapat bang ipagkatiwala ang iyong buong buhay sa lalaking iyon. Kayong mga lalaki ay kailangan ninyong malinaw na makita kung ang isang babae ay ang uri ng tao na kayang isantabi ang kanyang sariling pakinabang alang-alang sa buhay pamilya at sa kanyang mister, na baguhin ang kanyang mga pagkukulang at kapintasan. Dapat mong isaalang-alang ang lahat ng bagay na ito at marami pang iba. Huwag umasa sa iyong imahinasyon, o sa mga panandaliang hilig o libangan; lalong huwag kang umasa sa mga maling ideya tungkol sa pag-ibig at romantisismo na itinatanim sa iyo ni Satanas para bulag na piliin ang pag-aasawa. Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, malinaw na ba sa lahat ang mga ideya, pananaw, anggulo, at perspektiba na dapat taglayin ng mga tao sa pag-aasawa, pati na rin ang pagsasagawang dapat nilang piliin at mga prinsipyong dapat nilang panghawakan tungkol sa pag-aasawa? (Oo.)
Ngayong araw, hindi pa natin napag-usapan ang tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin sa pag-aasawa; nilinaw lang natin ang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa. Hindi ba’t malinaw Kong naipahayag ang tungkol sa paksa? (Oo.) Malinaw Ko itong naipahayag. Mayroon pa rin ba kayong mga reklamo tungkol sa pag-aasawa? (Wala.) At tungkol naman sa taong dati mong naging asawa, iyong iniwan mo, mayroon ka bang anumang galit sa kanya? (Wala.) Umiiral pa rin ba ang inyong mga di-normal, may kinikilingan na pagkaunawa at pananaw sa pag-aasawa, o maging ang inyong mga pambatang pantasya na hindi alinsunod sa mga katunayan? (Hindi na.) Dapat ay mas makatotohanan na kayo ngayon. Ngunit ang pag-aasawa ay hindi isang simpleng bagay ng pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ay may kaugnayan sa buhay ng mga tao na may normal na pagkatao, at sa mga responsabilidad at obligasyon ng mga tao, at higit pa rito, naroon ang mga mas praktikal na pamantayan at prinsipyo na ipinaalala ng Diyos sa mga tao, na hiningi Niya sa kanila, at ipinag-uutos sa kanila. Ito ang mga responsabilidad at obligasyong dapat tapusin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at obligasyong dapat akuin nila mismo. Ito ang kongkretong depinisyon ng pag-aasawa at ang kahalagahan ng kongkretong pag-iral ng pag-aasawa, na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. O sige, dito na tayo magtatapos sa araw na ito. Paalam!
Enero 7, 2023
Mga Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Ang diumano’y ‘romantikong pag-ibig’ ng tao ay ang pagsasanib lamang ng pag-ibig at ng simbuyo ng damdamin.”
b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “gaya ng sinasabi ng mga tao mula sa ilang bansa.”