Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (26)

Kamakailan, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang paksang ito ay kinabibilangan ng pagsasagawa ng “pagbitiw” sa loob ng “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan,” at nagbahaginan tayo tungkol sa “pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos” sa loob ng paksa ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos.” Ilang beses na tayong nagbahaginan tungkol sa aspektong ito, pangunahin nating tinalakay kung paano dapat tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao. Hinati natin ang nilalamang ito sa dalawang paksa. Masasabi ba ninyo sa Akin kung ano ang dalawang paksang iyon? (Patungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, binigyan tayo ng Diyos ng dalawang tamang prinsipyo ng pagsasagawa: Ang una ay huwag Siyang ikumpara sa Diyos sa langit, at ang ikalawa ay huwag Siyang ipantay sa tiwaling sangkatauhan.) Nagbahaginan na tayo tungkol sa ilang detalye ng dalawang paksang ito, na kinabibilangan ng ilang pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao. Kabilang dito ang pagbabahaginan tungkol sa kung anong mga partikular na prinsipyo ang sinusunod at pinanghahawakan ng Diyos na nagkatawang-tao sa pamumuhay, pag-iral, pag-asal Niya, at paggawa sa gitna ng mga tao. Ang pagbabahaginan sa mga paksang ito ay ginagamit upang maunawaan at malaman ng mga tao kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng Diyos na nagkatawang-tao, ng taong ito na may espesyal na pagkakakilanlan, habang namumuhay sa gitna ng mga tao. Pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa paksa ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, at nagbahaginan tayo tungkol sa maraming detalye. Ano ang naging epekto sa inyo pagkatapos itong pakinggan? Mas kaunti na ba ang mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o nakaisip ba kayo ng ilang bagong kuru-kuro? (Nabawasan ang aming mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.) Kung gayon, nakakatulong ba ang pagbabahaginan sa paksang ito para makilala ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Mabuting-mabuti iyan.

Ang ating pagbabahaginan sa paksa ng Diyos na nagkatawang-tao ay pangunahing umiikot sa mga partikular na pagbubunyag at pagsasagawa patungkol sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, na naglalayong bigyan ang mga tao ng mas kongkretong pagkaunawa sa Diyos na nagkatawang-tao, sa taong ito na may espesyal na pagkakakilanlan. Kaya, natutuklasan ba ninyo na habang mas nauunawaan ninyo ang pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, mas nararamdaman ninyo na Siya ay isa lamang normal na tao, walang anumang kapansin-pansin, at habang mas nauunawaan ninyo ang pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, mas hindi ninyo nadarama ang Kanyang pagka-Diyos? Mayroon ba kayong gayong mga iniisip? (Wala. Sa pakikinig sa ilang halimbawang ibinigay ng Diyos na tumalakay sa ilang praktikal na pagsasabuhay at mga pagbubunyag ng Diyos na nagkatawang-tao, nararamdaman ko na ang panlabas na wangis lamang ng Diyos ang karaniwan at normal, ngunit ang mga pagbubunyag ng Kanyang normal na pagkatao ay lubos na nakahihigit sa ating mga tao; ang mga iyon ay mga bagay na hindi natin kayang makamit. Ang normal na pagkatao ng Diyos ay walang mga tiwaling disposisyon, walang pagmamataas o panlilinlang, walang pagmamalaki o pagpapasasa ng tao. Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao ay mukhang karaniwan at normal sa panlabas, makikita ng isang tao ang Kanyang kadakilaan mula sa Kanyang kababaang-loob. Ganito ang nararamdaman ko.) Karaniwan, kapag ipinakikilala ng mga tanyag na tao, dakilang tao, o matatagumpay na mahalagang tao sa sangkatauhan ang kanilang sarili sa iba’t ibang aspekto, sinasabi ba nila ang tungkol sa kanilang pagiging normal, praktikal, ordinaryo, at karaniwan? (Hindi.) Kung ipapakilala ng isang taong kabilang sa tiwaling sangkatauhan ang kanyang sarili para makilala siya ng iba, hinding-hindi niya ilalarawan kung gaano siya kaordinaryo, kakaraniwan, at kanormal. Sa kabaligtaran, sa pamamagitan ng kanyang pagpapakilala at kanyang mga paglalarawan, susubukan niyang iparamdam sa mga tao na siya ay naiiba sa iba, ekstraordinaryo, dakila, at nagtataglay ng mga abilidad na higit sa abilidad ng tao. Kung may isang taong ituturing pa nga siyang isang pambihirang tao, mas magiging masaya siya. Tingnan ninyo kung paano ipinakikilala ng mga tiwaling tao ang kanilang sarili. Una, ilalarawan nila kung gaano sila kaperpekto, na wala silang anumang mga depekto o kapintasan. Ipagyayabang din nila kung gaano kadakila ang pinagmulan ng kanilang pamilya, kung gaano karangal ang kanilang katayuan, kung anong mga kalipikasyong pang-akademiko ang mayroon sila, at kung ano ang katangi-tangi sa kanilang hitsura. Kahit pa mayroon silang nunal sa mukha, kailangan nilang humanap ng kakaibang paraan para ilarawan ito, sinasabing, “Tingnan mo, kahit ang kinalalagyan ng nunal na ito ay hindi pangkaraniwan; sinasabing ang mga taong may nunal sa lugar na ito ay nakatadhanang yumaman o maging maharlika.” Pagdating sa kanilang hitsura, may pagmamalaki nilang ipahahayag kung paanong ang bawat katangian ng kanilang mukha ay natatangi, at kung anong mga positibong interpretasyon ang umiiral sa pisyognomiya para sa bawat katangian ng kanilang mukha, tulad ng pagiging nakatadhanang yumaman o maging maharlika, o ang kakayahang umangat sa katanyagan, at na sa gitna ng mga tao, sila ay masyadong magaling para manatiling ordinaryo. Bukod pa rito, partikular nilang kinagigiliwang ipagyabang ang kanilang mga kaloob at kalakasan sa ilang partikular na larangan, kung gaano kaekstraordinaryo at kanaiiba ang kanilang pag-iisip at mga ideya, at ipagyabang kung anong mga tagumpay ang nakamit nila sa kung aling mga grupo, kung paano sila pinupuri ng mga tinitingalang tao, kung gaano kataas ang pagtingin sa kanila ng mga ito, at kung paano sila kinaiinggitan at hinahangaan ng mga ito, o kung anong malalaking kontribusyon ang nagawa nila sa kung aling industriya, at kung gaano sila pinahahalagahan ng kanilang mga amo. Totoo man o hindi ang kanilang sinasabi, sa bawat aspekto ng kanilang pagpapakilala sa sarili, sinusubukan nilang iparamdam sa mga tao na sila ay naiiba sa iba, na sa gitna ng mga tao ay sila ang nag-iisa, natatangi, nakahihigit sa lahat ng ordinaryong tao. Tinitingnan nila ang lahat nang may paghamak; itinuturing nila ang lahat ng iba pa bilang mabababang tao at mga hamak na pangkaraniwang tao, habang sila lamang ang pinakadakila, pinakamarangal, at pinakahindi pangkaraniwan. Kung tatanungin mo sila tungkol sa kanilang mga kalipikasyong pang-akademiko, sasabihin nilang nagtapos sila sa isang prestihiyosong unibersidad, na mayroon silang postgraduate degree o Ph.D., gayong sa realidad, pumasok lamang sila sa isang ordinaryong unibersidad. Hindi nila kailanman sinasabi ang tungkol sa sarili nilang mga depekto, mga kapintasan, mga tiwaling disposisyon, mga aspekto ng kanilang mababang karakter, o ang mga maling bagay na nagawa nila. Hangga’t ito ay tungkol sa pagpapakilala sa kanilang sarili para makilala sila ng iba, susubukan nila ang lahat ng paraan para ipagyabang, purihin, at pagandahin ang imahe ng kanilang sarili, inilalarawan ang kanilang sarili bilang napakadakila, ekstraordinaryo, at di-pangkaraniwan. Kahit na magkasakit sila, sasabihin nilang ito ay isang “sakit ng mayaman,” na nagpaparamdam sa mga tao na sila ay marupok, alagang-alaga, at naiiba sa iba. Anuman ang mangyari, hinding-hindi nila hahayaang madama ng mga tao na sila ay isa lamang ordinaryo at karaniwang tao. Sa halip, sinusubukan nila ang lahat ng paraan para tingalain sila ng mga tao, maging mataas ang tingin ng mga ito sa kanila, at hangaan sila. Kung masusundan sila ng mga tao at magkakaroon sila ng puwang sa puso ng mga ito, lalo pa silang matutuwa sa kanilang sarili. Kung sasabihin mo na sila ay ordinaryo at normal, isang miyembro ng karaniwang masa, mararamdaman nilang lubusan silang napahiya at na lubos mong nasaktan ang kanilang pride; parang pinatay mo pa nga sila. Sa buong buhay nila, hinahangad nilang maging natatangi at ekstraordinaryo. Dahil sa kanilang mga tiwaling disposisyon at gayong mga pagnanais, maraming tao ang madalas na naglilinang ng isang panlabas na imahe para magmukhang napakataas, elegante, at marangal, at ang panlabas na kilos na ipinapakita nila, ang kanilang mga salita, at ang kanilang mga kilos ay labis na nagpapakita ng dating ng isang dakilang tao. Sa anumang grupo, kung may magsabi sa kanila, “Napansin kita kaagad sa gitna ng maraming taong ito; mula sa iyong tingin, sa mga katangian ng iyong mukha, at sa iyong presensiya, masasabi kong hindi ka isang ordinaryong tao,” sila ay labis na natutuwa. Walang-hanggan nilang palalakihin ang bagay na ito, at sa buong buhay nila, mananatili ang mga salitang iyon sa kanilang mga labi, ipinagyayabang kahit saan, “Sa gitna ng maraming tao, makikilala ako kaagad ng mga tao at makikita na ako ay isang lider, masyadong magaling para manatiling karaniwan, hindi isang ordinaryong tao!” Partikular nilang gusto ang maging ganitong uri ng tao, partikular na gusto nilang iposisyon ang kanilang sarili bilang isang ekstraordinaryo at di-pangkaraniwang indibidwal na naiiba sa iba, at maging isang taong walang katulad. Marami pang iba ang nagbibigay ng espesyal na atensyon sa mga tanyag na tao, mga dakilang tao at sa mga may katayuan at posisyon sa lipunan, binibigyang-pansin ang anumang balita tungkol sa mga ito, sa mga salita at kilos ng mga ito, at sa pang-araw-araw na buhay ng mga ito. Ang layunin ng atensyong ito ay hindi para sa libangan, kundi para gayahin at sundan sila. Anuman ang kinakain at isinusuot ng mga taong ito, anuman ang sikat sa mga ito, ginagaya nila. Anumang paksa ang tinatalakay ng mga taong ito, tinatalakay rin nila. Mahigpit silang sumusunod, takot na maiwan sa buong kalakaran, takot na mahuli at maliitin. Gusto lamang nilang maging isang natatangi at ekstraordinaryong tao sa gitna ng maraming tao, at ayaw na ayaw nilang maging isang normal at ordinaryong tao. Ang ilang tao, kahit na sila ay may karaniwang kakayahan, walang mga kalakasan o kaloob, at may likas na mga kondisyon na napakaordinaryo at karaniwan sa lahat ng aspekto, ay ayaw pa ring maging isang ordinaryong tao, ayaw maging isang kung sino lang. Sa halip, ipinepresenta nila ang kanilang sarili na napakataas at elegante, o inilalarawan ang kanilang sarili bilang labis na di-pangkaraniwan, hindi kung sino lang. Ang ilan ay nagsusumikap pa ngang gayahin ang mga dakilang tao, ang mga taong may kakayahan at may abilidad, at yaong may napakahusay na mga kasanayan. Pinapanood nila kung ano ang ginagawa, sinasabi, at tinatalakay ng mga taong ito, at ginagaya ang mga ito, nagsusumikap na maging mga ekstraordinaryong dakilang tao tulad ng mga ito, hindi na mga ordinaryo at karaniwang tao. Samakatwid, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi maiiwasang isipin ng ilang tao: “Masiglang pinupuri, pinapaganda ang imahe, at ipinagyayabang ng mga tao ang kanilang sarili bilang labis na naiiba sa iba, labis na ekstraordinaryo at dakila, subalit palagi Mong inilalarawan ang Iyong Sarili bilang napakanormal at napakapraktikal. Hindi ba’t medyo hindi ito makatwiran? Hindi ba’t medyo hangal ito? Ikaw si Cristong nagkatawang-tao, na may napakarangal na pagkakakilanlan, na may napakalaking limbo at napakadakilang korona sa Iyong ulo. Paano Mo nagagawang ilarawan ang Iyong Sarili bilang isang ordinaryo, normal, at praktikal na tao? At, sa takot na hindi maniwala ang mga tao, nagbibigay Ka pa nga ng napakaraming halimbawa para patunayan kung gaano Ka kanormal, kapraktikal, at kaordinaryo. Likas na medyo nakapagtataka ito.” Bagama’t hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ganito talaga ang mga katunayan. Ang mga partikular na pagbubunyag ng pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos na nagkatawang-tao ay ganito mismo; ito ay isang katunayan, hindi Ko ito maiimbento. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t dapat ay magbanggit Ka man lang ng ilang halimbawa na nagpaparamdam sa mga tao na Ikaw ay naiiba sa iba at ekstraordinaryo at na ang Iyong pagkakakilanlan at wangis ay partikular na matayog at kagila-gilalas?” Buweno, ikinalulungkot Kong biguin kayo, ngunit talagang walang gayong mga halimbawa. Sa katunayan, ang Aking mga paglalarawan sa mga paraan ng Aking pag-asal at pagkilos sa buhay at sa gawain ay ang mga tunay na pagbubunyag ng Diyos na nagkatawang-tao; ganoon lang ito kaobhetibo. Ganito talaga ang lahat ng ito; walang mga halimbawa na nagpapakita sa mga tao na Ako ay naiiba sa iba, ekstraordinaryo, dakila, o nagtataglay ng isang matayog at kagila-gilalas na wangis. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi Ka ba puwedeng mag-imbento ng isang bagay? Mag-iiwan iyon ng mas magandang impresyon sa puso ng mga tao, at hindi sila madidismaya. Inilalarawan Mo ang Iyong Sarili bilang napakanormal at napakapraktikal, isang ordinaryong tao lamang; ang Iyong wangis ay hindi talaga matayog! Sino pa ang mag-iidolo sa Iyo at titingala sa Iyo? Kung hindi Ka titingalain o iidolohin ng mga tao, maaari pa ba silang magkaroon ng puwang para sa Iyo sa kanilang puso?” Sinasabi Ko, hindi Ko talaga hinahangad ito. Ayos lang kung hindi mo Ako titingalain o iidolohin; maluwag ang loob Ko riyan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi Ka titingalain o iidolohin ng mga tao, matatawag pa ba iyon na pagsunod sa Diyos?” Kung titingalain o iidolohin mo man Ako—ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga; wala talaga Akong pakialam sa mga iyon. Kung hindi mo Ako titingalain o iidolohin, ngunit kaya mong pagnilayan nang buong puso ang bawat salitang sinasabi Ko, ang bawat aspekto ng katotohanang ibinabahagi Ko, tanggapin ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, at umasal, kumilos, at tingnan ang mga tao at mga bagay batay sa mga salitang ito, sapat na iyon—hindi mawawalan ng kabuluhan ang Aking mga salita. Sabihin na nating hindi mo Ako tinitingala o iniidolo, ngunit ang mga salitang sinasabi Ko at ang mga sermon na ipinangangaral Ko ay nagdadala sa iyo sa harap ng Diyos, na nagbibigay-daan sa iyong malaman kung paano hangarin ang katotohanan, na nagbibigay-daan sa iyong malaman kung paano kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap ka sa bawat usapin, na matutunan kung paano umasal at kumilos, na matutunang gawin ang tungkulin ng isang nilikha, na malaman kung paano maging tapat sa Diyos at kung paano gawin ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, na malaman kung paano magpasakop sa Diyos, matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at sa huli ay nagbibigay-daan sa iyong iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon at makamit ng Diyos. Kung gayon, hindi magiging walang saysay ang pagkakapahayag sa Aking mga salita, at makakamit na ang layunin ng mga ito. Tungkol naman sa Akin, sapat na kung kaya mo Akong tratuhin nang tama, tinatrato Ako nang patas at makatwiran ayon sa mga prinsipyo. Ang mga hinihingi Ko sa inyo ay hindi mataas. Nabanggit Ko na dati ang tatlong prinsipyo para sa ating mga interaksyon: Maging tapat kay Cristo, igalang Siya, at sundin ang Kanyang mga salita. Sapat na kung kaya ninyong magsagawa ayon sa tatlong prinsipyong ito. Hindi Ko kailangan ang pag-idolo ng mga tao, at hindi Ko rin kailangan ang paghanga o mataas na pagtingin ng mga tao. Hindi Ko kailangang magkaroon ng isang wangis Ko sa mga puso ng mga tao. Hindi Ako interesado sa mga bagay na ito. Maraming tao ang partikular na umiidolo sa mga taong may matayog na imahe, naiiba sa iba, may ekstraordinaryong kakayahan, at namumukod-tangi, naniniwalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maging isang normal, praktikal, at ordinaryong Anak ng tao. Yaong mga hindi pa Ako nakikilala ay likas na ipinapalagay na ang Aking wangis ay mas matayog kaysa sa mga ordinaryong tao, partikular na kagila-gilalas. Hinding-hindi ka dapat mag-isip nang ganito. Hindi Ako kagila-gilalas kahit kaunti; medyo maliit lang ang pangangatawan Ko at hindi Ako matangkad. Sa pang-araw-araw na buhay, ang Aking mga salita at kilos ay partikular na normal at praktikal. Ang lahat ng aspekto ng Aking pang-araw-araw na buhay—kung paano Ako manamit, ang Aking kasuotan, pagkain, tirahan, at transportasyon—ay partikular na ordinaryo. Hindi Ko kailanman hinahangad na maging natatangi, at hindi Ko rin kailanman hinahangad na maging bukod-tangi. Hinahangad Ko lamang na gawin ang mga bagay sa paraang sumusunod sa mga alituntunin, umasal ayon sa Aking wastong katayuan, gawin nang maayos ang Aking gawain, tuparin ang Aking ministeryo, at magsalita nang malinaw at lubusan tungkol sa kung ano ang kailangang sabihin. Ito ang Aking mga prinsipyo sa pag-asal at pagkilos. Wala sa Akin ang paghahangad ng tao na maging naiiba, na maging pambihira at dakila, at hindi Ko rin kailanman hinahangad na makilala kaagad sa gitna ng maraming tao. Kahit na hindi mo Ako makilala sa gitna ng maraming tao, hindi Ako malulungkot o madidismaya kahit kaunti, at hindi Ko rin kailanman mararamdaman na napahiya Ako, at siyempre, tiyak na hindi Ko sasabihin na sinasalungat mo Ako.

Kapag Ako ay nagsasalita at gumagawa at nakikipag-ugnayan sa inyo, nakikipagbahaginan man Ako ng anumang aspekto ng katotohanan, o nakikipagbahaginan para lutasin ang mga problema sa anumang aspekto, o nakikipag-usap lang tungkol sa mga pang-araw-araw na bagay o nagsasalita tungkol sa isang bagay, palagi Akong nagsusumikap na maunawaan ninyo Ako, at anuman ang mga bagay na tinatalakay Ko, ginagawa Ko ito para makinabang ang mga tao. Siyempre, kung ang pagbabahaginan ay tungkol sa mga isyu na kinasasangkutan ng katotohanan, kung gayon ay mas mahalaga pa na nabibigyang-kakayahan nito ang mga tao na magkamit ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng katotohanan at makahanap ng mga landas para malutas ang mga isyung iyon. Kung ito ay pakikipag-usap lamang tungkol sa mga pang-araw-araw na bagay, mas normal pa iyon, dahil ito ay isang pangangailangan ng normal na pagkatao. Ano ang tinutukoy ng pangangailangang ito ng normal na pagkatao? Ibig sabihin nito, kung minsan ay kailangan ng mga taong makipag-usap at magbahagi tungkol sa kung ano ang nakikita at naririnig nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pakikipag-usap tungkol sa mga pang-araw-araw na bagay, pakikipagkuwentuhan, at pagbabahagi sa iba ay pawang mga pangangailangan ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Para sa Akin, ang pagbabahagi ng mga bagay ay mas madalas na tungkol sa pagtulong sa iyo na mas maunawaan ang mundong ito, ang lipunang ito, at ang sangkatauhang ito, at pagsasabi rin sa iyo kung paano mo dapat tingnan ang ilan sa mga bagay na nangyayari sa lipunang ito at sa gitna ng sangkatauhang ito, kung paano unawain ang masasamang kalakaran, kung paano unawain ang iba’t ibang bagay, at kung paano unawain ang iba’t ibang uri ng mga tao. Kahit kapag nakikipagkuwentuhan o nakikipag-usap tungkol sa mga pang-araw-araw na usapin, paminsan-minsan o daglian Kong tatalakayin ang ilang mahalagang isyu na may kaugnayan sa mga tao, pangyayari, at bagay. Kaya, anuman ang okasyon, kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan sa Akin, ang nakikita, naririnig, at nauunawaan nila tungkol sa Akin ay na Ako ay hindi talaga ekstraordinaryo, kundi pawang normal, praktikal, at ordinaryo. Sa pamumuhay na may gayong anyong-tao, nararamdaman Kong Ako ay partikular na malaya at panatag kapag namumuhay Ako kasama ng mga tao. Kung sa tingin mo ay mayroon Akong anumang mga kilos na ekstraordinaryo at naiiba sa iba, o na may ilang bahagi ng Aking panlabas na mga katangian ng mukha o iba pang aspekto Ko na naiiba sa iba o partikular na ekstraordinaryo, kung ganoon ang iniisip mo, makakaramdam Ako ng labis na pagkabalisa at hindi Ako magiging komportable. Talagang ayaw Ko sa mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay, at talagang ayaw Ko rin sa mga taong tumitingin sa Akin sa ganoong paraan. Lalo na ang ilang tao, kapag una nila Akong nakakatagpo, inoobserbahan nila Ako, sinusuri ang tingin ng Aking mga mata, ang mga katangian ng Aking mukha, maingat na pinakikinggan ang bawat salitang ginagamit Ko at ang tono ng Aking boses, gustong makita kung Ako nga ay kasing-ekstraordinaryo at kanaiiba sa iba gaya ng kanilang naisip. Sinasabi Ko, hindi na kailangan iyan; hindi na kailangang obserbahan o siyasatin Ako. Ako ay isang napakaordinaryo at napakanormal na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa Akin, dapat kang maging kalmado, malaya, at panatag. Kung palagi kang nag-oobserba at nagsisiyasat, habang mas nagsisiyasat ka, mas mapapagod ka, at mas malilito ka. Kung sinisiyasat at inoobserbahan mo Ako, lalo kitang aayawan at lalo Akong masusuklam sa iyo. Paano mo man Ako siyasatin, kung hindi mo nauunawaan ang sinasabi Ko, kung hindi mo alam kung ano talaga ang tinutukoy ng Aking mga salita, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan dito, kung gayon, ano ang silbi ng iyong pagsisiyasat? Mas kasuklam-suklam pa ang iyong pagsisiyasat. Minsan, may isang tao—hindi Ko alam kung matagal na ba siyang nag-oobserba o hindi niya iyon sinasadyang makita—ang nagsabi na ang Aking mga mata ay may maningning na bahagi, at sapat na ang isang tingin para ipakita na Ako ay Diyos. Sinabi Ko, “Ano pa ang nakita mo? Nakita mo ba ang Espiritu ng Diyos na bumababa sa Akin na parang isang kalapati? Nakita mo ba ang isang tabak na may dalawang talim na lumalabas sa Aking bibig? Nakita mo ba ang Aking buong katawan na parang isang haligi ng liwanag? Nakita mo ba ang isang pamalong bakal sa Aking kamay? Sinasabi mong nakakita ka ng isang maningning na bahagi sa Aking mga mata, ngunit mali ang sinasabi mo. Sabi sa Bibliya, ‘ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy.’ Ayon sa iyong pagkaunawa, dapat ay nakita mo ang Aking dalawang mata na parang mga ningas upang makadama ka ng bahid ng pagka-Diyos ng Diyos, ngunit isang maningning na bahagi lamang ang nakita mo, kaya nangangahulugan iyan na nilalapastangan mo ang Diyos.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ginawa ng taong ito na katawa-tawa ang kanyang sarili? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mababang tayog? (Oo.) Sinasabi Ko sa iyo, hindi mo kailangang obserbahan o siyasatin ang mga bagay na ito. Ang pakikinig lamang sa mga salitang ito na ipinahahayag Ko ay sapat na para matulungan kang pumasok sa katotohanang realidad at tahakin ang landas ng kaligtasan. Kung ipipilit mong mag-obserba, anong mga problema ang lilitaw? Hindi lamang walang magiging mga resulta, kundi hindi mo rin magagawang makilala ang Diyos kahit kaunti, at ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay titindi nang titindi. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay wala talagang kaugnayan sa persona ng Diyos o sa tunay na katawan ng Diyos na sinasabi Niya, o sa wangis ng Diyos na ipinropesiya ng Diyos sa Pahayag, o sa wangis ng Diyos na nakita ng sangkatauhan sa pamamagitan ng mga nakaraang talaan. Kaya, paano mo man obserbahan ang Diyos na nagkatawang-tao, Siya ay palaging normal at praktikal, isang ordinaryong tao; hindi Siya magpapakita sa iyo ng isang panig na ekstraordinaryo o naiiba sa iba. Kaya ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi ng mga salitang ito? Sinasabi Ko lamang sa iyo na hindi mo dapat obserbahan o siyasatin ang Diyos na nagkatawang-tao. Habang mas sinisiyasat mo Siya, mas lalayo ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo Siya sisiyasatin, kundi dalisay kang magpapasakop at magagawa mong tanggapin ang katotohanan, bibigyang-liwanag at tatanglawan ka ng Banal na Espiritu, na gagabay sa iyong maunawaan ang katotohanan. Kung palagi mo Siyang oobserbahan at sisiyasatin, aabandonahin ka ng Banal na Espiritu. Sa sandaling abandonahin ka ng Banal na Espiritu, para bang ang buong paningin mo ay magdidilim at wala kang makikita nang malinaw. Hindi mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos kapag binasa mo ang mga ito; kapag may nangyari sa iyo, hindi mo ito matatalos at hindi mo malalaman kung ano ang gagawin, at kapag nakipagbahaginan ka sa iba, hindi mo malalaman kung saan magsisimula. Makakaramdam ka ng labis na pagkailang at hindi mo alam ang gagawin mo kahit na sa paggawa ng pinakasimpleng bagay na dati mong kayang gawin. Doon na ganap na magkakagulo-gulo ang mga bagay-bagay. Magagandang senyales ba ang mga ito? (Hindi.) Kaya, kapag lumitaw ang mga senyales na ito, dapat kang bumalik agad at itigil ang pag-oobserba at pagsisiyasat sa Diyos. At huwag mo rin itong gawin kapag hindi lumilitaw ang mga senyales na ito. Bakit hindi mo dapat gawin ito? Ang landas na ito ay walang patutunguhan; ang landas na ito ay hindi ang dapat mong tahakin. Ang landas na dapat mong tahakin sa pagsunod sa Diyos ay ang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, hindi ang obserbahan, siyasatin, o subukin ang Diyos. Lalo na sa Diyos na nagkatawang-tao, kung hindi mo pa Siya nakikita at hindi mo alam kung ano ang Kanyang hitsura, normal lang na kilatisin Siyang mabuti sa una ninyong pagkikita. Pagkatapos Siyang kilatisin, mayroon ka nang kaunting impresyon sa Kanya, at maipapares mo ang Kanyang boses sa boses na nagsasalita sa mga recording ng sermon, “Buweno, ganito pala ang hitsura ng Diyos na nagkatawang-tao, ito ang Kanyang taas, ganito Siya manamit. Siya ay tunay na normal, praktikal, at ordinaryo—lahat ay totoo, tulad ng inilarawan sa mga salita ng Diyos.” Sapat na ito; hanggang diyan na lang. Huwag ka nang mag-ukol pa ng pagsisikap sa pagsisiyasat sa usaping ito sa iyong puso. Sunod dito, dapat kang makinig nang mabuti sa kung ano ang ibinabahagi ng Diyos, pagbulayan mo kung anong aspekto ng katotohanan ang nasasangkot sa usaping ibinabahagi ng Diyos, isulat mo ito kaagad, pagkatapos ay gamitin mo ang iyong puso para pagbulayan ito, at pagkatapos mo itong maunawaan ay isagawa mo ito. Ito ang tamang paraan ng pagtrato kay Cristo—ang Diyos na nagkatawang-tao. Paano man Ako makipagbahaginan, anuman ang nilalamang ibinabahagi Ko, kapag ito ay may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao, palagi Kong sinusubukang ipaalam sa inyo ang pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos, sa halip na iugnay Siya sa pagiging, o kilalanin Siya bilang, ekstraordinaryo, dakila, natatangi, o naiiba sa iba. Bawat usaping sinasabi Ko, bawat halimbawang ibinibigay Ko, ay may kaugnayan sa paksang ito ng pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos na nagkatawang-tao. Hinding-hindi Ako mag-iimbento ng isang bagay para magkamali kang isipin na Ako ay naiiba sa iba, ekstraordinaryo, o dakila, na mayroon Akong tindig ng isang lider, ng kagandahang-loob ng isang dakilang tao, o ng lawak ng isipan at tangkad ng isang dakilang tao. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, hindi Ko kailanman nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “tangkad” o “lawak ng isipan,” at hindi Ko rin pinagninilayan o isinasapuso ang mga aspektong iyon. Ano ang pinagbubulayan Ko? Pinagbubulayan Ko kung aling mga paksa ang ibabahagi sa inyo na makapagdadala sa inyo sa katotohanang realidad, aling mga paksa ang makapanghihikayat, makakapag-akay, makakatulong, at makagagabay sa inyo, upang magkaroon kayo ng pagnanais at determinasyong magdusa at magbayad ng halaga, at magawa ninyong hangarin ang katotohanan, gawin nang maayos ang inyong tungkulin, at makamit ang kaligtasan. Palagi Kong pinagbubulayan kung aling mga paksa ang tatalakayin at aling mga sermon ang ipangangaral, upang ang mga tao ay makatahak sa landas ng kaligtasan, makatupad sa kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at maging mga tunay na nilikha. Anuman ang paksang tinatalakay Ko, palagi Akong nagsusumikap na tulungan kayong maging mga nilikhang pasok sa pamantayan, matutong magpasakop sa Diyos, at magkaroon ng pusong may-takot-sa-Diyos. Hindi Ko kailanman pinagbubulayan kung anong mga salita ang sasabihin para tingalain ninyo Ako, o kung anong mga bagay ang gagawin para hangaan ninyo Ako, upang sa inyong puso ay madama ninyo na Ako ay hindi maarok tulad ng isang tanyag o dakilang tao; wala ang ganitong mga bagay sa puso Ko. Hindi Ko kailanman inisip kung paano Ako dapat magsalita, ang Aking paraan ng pagsasalita, o kung paano Ko dapat ayusan ang Aking Sarili para madama ninyo na Ako ay napakatayog, para hindi ninyo Ako maarok o maabot, at para magmukha kayong napakaliit at mangmang. Hindi Ko kailanman iniisip ang mga bagay na ito sa Aking puso, at hindi Ako kailanman nagsasalita o kumikilos para protektahan ang Aking sariling katayuan, wangis, o pagkakakilanlan; buong-puso Ko lamang na ginagampanan ang Aking ministeryo.

Kung minsan, kapag pagod Ako, pumupunta Ako sa tinitirhan ng mga kapatid para mamasyal at tumingin-tingin sa paligid. Kung minsan, namamasyal din Ako sa bukid, tinitingnan Ko ang mga taniman ng gulay, ang mga baboy, at ang mga tupa. Kapag nakakakita Ako ng kuting, hinahaplos Ko rin ito, niyayakap, at kinakausap. Kapag nakakakita Ako ng isang kyut na tuta, niyayakap Ko rin ito. May isang inahing aso na nanganak ng mahigit sampung tuta. Napakasaya niya sa harap ng mga tao, na para bang may nakamit siyang tagumpay. Pinuri Ko siya, sinabi Ko: “Tuwang-tuwa ka sa sarili mo, ano? Tingnan mo, isinilang mo ang napakaraming tuta, napakagaling talaga ng ginawa mo, napakabuti, mahusay!” Hinaplos Ko siya at niyakap sa leeg. Binibisita Ko rin ang mga kulungan ng aso, ang bukirin at mga taniman ng gulay, tumitingin-tingin sa lahat ng dako; talagang kaaya-aya ito. Sabihin ninyo sa Akin, pumupunta ba ang mga dakilang taong iyon sa marurumi, mababaho, at magugulong lugar na ito? Hindi. Lalo na sa mga lugar tulad ng mga kulungan ng aso at mga kural ng baboy na may hindi kaaya-ayang amoy—karamihan sa mga tao ay ayaw pumunta roon. Ayaw Ko rin ng mababahong amoy o mga hindi kaaya-ayang amoy, pero ang kaunting amoy mula sa isang tuta ay matitiis naman. Kung minsan, ang mga tuta ay ikinukuskos ang katawan ng mga ito sa Akin, hinahalikan at dinidilaan ang Aking mukha, at niyayakap Ko ang mga ito. Napakasimple ng mga hayop; nagtitiwala ang mga ito sa mga amo ng mga ito at hindi kailangang maging mapagbantay, kaya nakakapaglaro at nakikipag-ugnayan ang mga ito sa mga amo ng mga ito hangga’t gusto ng mga ito. Ganoon kasimple ang buhay ng mga ito. Laging sinasabi ng ilang tao na gusto nila ang mga aso, gusto nila ang maliliit na hayop, at pinangangalagaan nila ang maliliit na hayop, pero kapag sinabihan mo silang yakapin ang isang tuta, ayaw nila. Sinasabi nila, “Marumi at mabaho ang mga aso, at baka may mga virus pa!” Sinasabi Ko, “Napakaselan mo naman. Hindi ba’t gusto mo ang maliliit na hayop? Hindi ito tunay na pagkagusto sa mga ito.” Hindi ba’t napakamapagpaimbabaw ng gayong mga tao? (Oo.) Hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang mga ordinaryong tao; iniisip nilang sila ay mararangal, may katayuan, at mga dakilang tao, kaya paano sila makikipag-ugnayan sa maliliit na hayop na ito na itinuturing ng mga tao na balewala? Kahit na hipuin nila ang mga ito gamit ang kanilang mga kamay, kailangan nilang magmadaling maghugas ng kanilang mga kamay at disimpektahin ang mga ito, at nagpapalit pa nga sila ng damit, at pag-uwi nila, agad silang naliligo. Umaabot sa ganitong antas ang pagiging malinis nila. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kakatwa ang gayong mga tao? Kung hindi mo talaga gusto ang maliliit na hayop, huwag kang magkunwari. Sa sandaling makita ng mga tao na nagkukunwari ka, malalaman nilang napakamapagpaimbabaw mo at hindi ka sinsero, masusuklam sila tuwing makikita ka, at magkakaroon sila ng masamang impresyon sa iyo. Kung ayaw mo sa mga hayop, huwag na huwag kang magkunwari o sumubok na pagandahin ang iyong imahe. Habang lalo mong sinusubukang pagandahin ang iyong imahe, lalong iisipin ng mga tao na mas pangit at mas mababa ka. Labis na mas mainam ang maging matapat at totoo. Kung hindi mo kayang maging matapat at totoo, pinapatunayan nitong may problema sa iyong pagkatao. Ano’t anuman, ang pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao ay isang katunayan, at ang Kanyang pagiging ordinaryo ay isa ring katunayan. Maraming tao ang nakakita sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Kanya at alam nilang ang mga ito ay mga katunayan. Ito ang mga katunayang pinakadapat ninyong maunawaan at malaman. Ang gayong ordinaryo at normal na tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at ito ay taliwas sa mga kuru-kuro ng mga tao. Kung kumilos Siya na tulad ng tiwaling sangkatauhan, nagyayabang kung gaano Siya naiiba sa iba gumawa man Siya ng malaki o maliit na bagay, at sinusubukang gawing katangi-tangi ang Kanyang sarili, iyon ay maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Sa isang banda, nariyan ang iba’t ibang pagpapamalas ng tiwaling sangkatauhan, at sa kabilang banda, nariyan ang Diyos na nagkatawang-tao na, sa kabila ng pagpapahayag ng napakaraming katotohanan, ay nagpapakita pa rin ng mga pagpapamalas na kasingnormal ng isang ordinaryong tao—alin sa mga uring ito ng pagpapamalas ang isang positibong bagay na pinakikinabangan ng mga tao? Alin ang isang negatibong bagay na kinamumuhian at tinatanggihan ng mga tao? Kaya na ba ninyong kilatisin ito ngayon kahit papaano? (Oo.) Kung gayon, hindi na natin kailangang magdetalye pa; ipagpatuloy natin ang paksa noong nakaraan.

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa isa pang paksa ng pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao: ang hindi paghalintulad sa Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan, tama ba? (Oo.) Sa paksang ito, naglista Ako ng ilang partikular na pagpapamalas ng Diyos na nagkatawang-tao sa kung paano Siya umasal at kumilos mula sa perspektiba ng Kanyang pagkatao, pati na rin ng ilang pagpapamalas ng Kanyang disposisyong diwa—ang hindi panlilinlang, hindi pakikipaglaban, hindi pakikibaka, hindi pagpapakana, hindi paninira ng kapwa, hindi pagganti, hindi pang-aakit, at iba pa. Sa mga ito, nakapagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa hindi panlilinlang, hindi pakikipaglaban, at hindi pakikibaka noong nakaraan. Aling pagpapamalas ang dapat nating pagbahaginan sa pagkakataong ito? (Ang hindi pagpapakana.) Ang hindi pagpapakana, tulad ng hindi panlilinlang, hindi pakikipaglaban, at hindi pakikibaka, ay isa ring prinsipyo kung paano umaasal at kumikilos ang Diyos na nagkatawang-tao, ang ordinaryong taong ito. Siyempre, sangkot din sa prinsipyong ito ang Kanyang pagkataong diwa at ang Kanyang disposisyon. Ang hindi pagpapakana ay isa ring partikular na pagpapamalas ng disposisyong diwa, o isang aspekto ng sariling asal, ng Diyos na nagkatawang-tao, ng ordinaryong taong ito. Madali bang unawain ang pariralang “hindi pagpapakana”? Nauunawaan ba ninyong lahat ito? (Oo.) Ang pinakapangunahing pagkaunawa sa hindi pagpapakana ay hindi pagbuo ng masamang balak, at hindi paggamit ng mga taktika o tusong mga pakana. Ibig sabihin, kapag nakikipag-ugnayan Ako sa inyo at nakikisalamuha sa inyo, sa gawain man o sa pang-araw-araw na buhay, Ako ay laging matapat at totoo. Hindi Ako gumagamit ng mga taktika, gumagawa ng tusong mga pakana, o bumubuo ng masamang balak. Sa halip, nagsasalita Ako nang totoo, sinasabi kung anuman ang nasa Aking puso at sinasabi sa inyo ang totoo tungkol sa mga bagay-bagay. Hindi Ako nagpapakana laban sa inyo at hindi Ko kayo nililinlang. Hindi Ako gagamit ng mabubulaklak na salita para makuha ang tiwala ninyo at pagkatapos ay gawin kayong handang gugulin ang inyong sarili, magdusa, at magbayad ng halaga. Nakita na ba ninyo Akong gumawa ng gayong mga bagay? (Hindi.) Kapag tinatanong Ko kayo, tiyak na sasabihin ninyong hindi, pero makakapagbigay ba kayo ng isang halimbawa para ilarawan ito? Kung ang bawat isa sa inyo ay makakapagbigay ng isang halimbawa, ang katunayang ito ay mapatutunayan at hindi maitatatwa, at tunay na magkakaroon kayo ng kaunting pagkaunawa sa puntong ito—sa hindi pagpapakana. Halimbawa, may nagsasabi na sa mundo, natuto sila ng ilang kasanayan at nakakaunawa sa isang partikular na propesyon. Nagkataon namang ang sambahayan ng Diyos ay may gawain o gampaning kinasasangkutan ng propesyong ito na natutuhan nila. Kinakausap Ko sila, sinasabi Ko, “Nakakaunawa ka nang kaunti tungkol sa propesyong ito, at nagkataong ang sambahayan ng Diyos ay may gawain sa larangang ito. Kaya mo ba, batay sa iyong propesyonal na kaalaman at ayon sa mga tuntunin o prinsipyo ng iyong larangan, na gawin nang maayos ang gawaing ito? Kung handa ka, ang gawaing ito ay para sa iyo.” Mayroon bang anumang mga salita rito na mapagpakana o mapagsamantala? Mayroon bang anumang mga salita na nagkukubli ng isang pakana? (Wala.) Sigurado ba kayong wala? (Sigurado.) Yamang inirekomenda mo ang iyong sarili at ipinakilala mo ang iyong sarili bilang nakakaunawa sa propesyong ito, at nalaman Ko ang iyong sitwasyon, itinalaga Ko sa iyo ang gawaing ito. Kung handa kang gawin ito, at sinabi mong, “Tinatanggap ko ito mula sa Diyos; tinatanggap ko ang gawaing ito, ang tungkuling ito,” ibig sabihin, nagboboluntaryo kang gawin ito, kung gayon dapat mo itong gawin nang maayos. Kung ayaw mo, maaari mong sabihin sa Akin nang harapan na ayaw mong gawin ang tungkuling ito. Pipilitin ba kita? (Hindi.) Ayon sa Aking mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, hindi kita pipilitin. Hinding-hindi kita pipilitin na gawin ang isang bagay na labag sa iyong kalooban, na gawin ang mga bagay ayon sa Aking personal na kalooban. Hindi kita papagawin ng mga bagay kahit na ayaw mo, at hindi kita pakikilusin na para bang gusto mo, dahil taglay Ko ang pagkakakilanlang ito, ang Aking mga salita ay dapat magkaroon ng bigat, o dapat maging tulad ng sa isang emperador sa pagiging pinal at di-mababago nito. Tinatrato Ko ang mga tao nang may pagpaparaya; binibigyan kita ng kalayaang pumili para sa iyong sarili. Palagi Akong nagsasaayos ng gawain batay sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung may mga tao na may karanasan sa larangan o may kaalaman sa larangan na handang gawin ang gawain at kaya itong gawin nang mas mahusay, tiyak na napakabuti niyon. Kung walang sinumang nakakaunawa nito, gagawin natin ang lahat ng ating makakaya gamit ang mga abilidad na mayroon tayo, hanggang sa abot ng ating makakaya. Iyon ang Aking prinsipyo. Kung naatasan kang gumawa ng partikular na gawain, pero sinasabi mo, “Ayaw kong gawin ito. Ayaw kong masamantala ng mga tao o pangunahan ng sambahayan ng Diyos; ako ang gumagawa ng sarili kong mga pasya,” kung gayon, ayos lang, hindi ka gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Ang paggampan sa tungkulin ay isang bagay na ginagawa nang handa at nang kusang loob. Kapag handa na ang mga taong gampanan ang kanilang tungkulin matapos manampalataya sa Diyos, saka lang makakapagsaayos ng gawain para sa kanila ang iglesia. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos, at lalo nang hindi Ko gagamitin ang Aking pagkakakilanlan o katayuan para pilitin kang gumawa ng gawain ng iglesia. Lubos na sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan na ginagampanan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang tungkulin at gawain. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi sila pipilitin o aatasan ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang kanilang tungkulin, at lalo nang hindi Ko pipilitin ang mga taong kumilos nang lubos na ayon sa Aking kalooban. Kaya, kung may gusto Akong ipagawa sa iyo, sasabihin Ko ito nang direkta. Hinding-hindi Ako gagamit ng mga taktika, o magpaparinig, o gagamit ng mga salitang may pahiwatig para ipahula sa iyo ang Aking kahulugan. Hindi Ko gagawin iyan. Kung mayroon kang tayog at pagpapahalaga sa pasanin para gumawa ng ilang gawain para sa sambahayan ng Diyos, direkta kitang tatanungin, “Handa ka bang akuin ang gawaing ito?” O mas direkta Ko pang sasabihin, “Akuin mo na ang gawaing ito.” Nagsasalita Ako nang tuwiran, lahat ay sa simpleng pananalita. Hangga’t ikaw ay tao, kaya mong makaunawa. Hindi mo kailangang mag-aksaya ng mga brain cell sa pagninilay-nilay at pag-alam kung ano talaga ang kahulugan ng Aking mga salita o kung bakit Ko sinabi ang mga iyon. Hindi Ko ipapapiga sa iyo ang utak mo para alamin mo ang kahulugan ng Aking mga salita; sasabihin Ko sa iyo nang direkta. Kung ano man ang literal na kahulugan ng Aking mga salita, iyon na iyon. Dagdag pa rito, bakit Ko ipinapagawa sa iyo ang gawaing ito? Dahil ikaw ay isang taong gumagampan ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at handa kang gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung gayon, may obligasyon kang akuin ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos na nangangailangan na iyong gampanan ang iyong bahagi. Anumang gawain o anumang gampanin ang ipagkatiwala Ko sa iyo, ipinagkakatiwala Ko ang mga iyon sa iyo ganap na dahil itinuturing kita na isang mananampalataya sa Diyos. Dapat mong tanggapin ang mga iyon bilang iyong responsabilidad, obligasyon, at tungkulin; tama na gawin iyon. Ito man ay pagkakatiwala sa iyo ng gawain o pagtatalaga sa iyo ng mga gampanin, lahat ng ito ay para magampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha, at para din hanapin mo ang katotohanan at makamit mo ang katotohanan sa paggampan ng iyong tungkulin. Walang anumang transaksyonal na ugnayan dito, at hindi rin kita sinusuyo o nililinlang. Lahat ng mga salitang ito na sinabi at mga gampaning ito na itinalaga ay positibo at hayag; walang mga lihim. Walang mga ugnayang sangkot ang pera, mga materyal na bagay, o mga interes, at wala ring anumang ugnayan ng pagsasamantala o pagiging sinasamantala. Hinding-hindi ito isang kaso ng paggamit sa iyong mga kalakasan, kasanayan, o propesyonal na kaalaman para pagkakitaan ng sambahayan ng Diyos; hinding-hindi iyan gagawin ng sambahayan ng Diyos. Ang paggampan sa tungkulin ay nagmumula nang lubos sa pagiging handa at kusang-loob; hindi kailanman namimilit ang sambahayan ng Diyos. Ang pagtanggap mo sa tungkuling ito ay ang dapat mong gawin bilang isang nilikha. Ang paggampan sa tungkuling ito ay ang landas din para maranasan mo ang gawain ng Diyos at makamit ang kaligtasan. Sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin, natututo kang magpasakop sa Diyos, nagkakamit ka ng katotohanan, at sa gayon ay natatamo mo ang pagtanggap, paggunita, at pagkilala ng Diyos. Ito ang dapat mong maani mula sa iyong iginugol. Samakatwid, dapat mong tanggapin ang gawaing ito bilang iyong tungkulin, nang walang anumang mga alinlangan o hinala. Anuman ang gusto Kong ipagawa sa iyo, sasabihin Ko sa iyo nang totoo. Gusto Kong magsalita nang prangka. Hindi Ko kailangang amuin ka na parang tatlong taong gulang na bata, nagpapaligoy-ligoy, nagsasalita nang paikot-ikot, at nagsasabi ng magagandang bagay sa iyo. Hindi Ko gagawin iyon. Kung marunong kang kumanta o sumayaw, at taglay mo ang mga likas na katangiang ito, kapag isinaayos na gampanan mo ang tungkuling ito, dapat mo itong tanggapin. Kung sasabihin mo, “Batay sa aking likas na mga katangian, hindi ako gaanong kalipikado para sa tungkuling ito. Puwede bang hindi ko gampanan ang tungkuling ito?” Ayos lang iyan. Kalayaan mo iyan; hindi kita pipilitin.

Anuman ang sabihin Ko o ipagawa sa inyo, wala iyong kasamang pagpapakana. Kapag kinakausap Ko ang mga lider at manggagawa, tinatanong Ko sila, “Kumusta ang buhay iglesia kamakailan? Nagsimula nang mamuhay ng buhay iglesia ang mga baguhan—anong mga problema ang mayroon pa rin sila? Nalutas na ba ang mga iyon? Ano ang mga saloobin nila matapos manood ng mga pelikula o mga patotoong batay sa karanasan mula sa sambahayan ng Diyos?” Hindi makasagot ang ilang lider at manggagawa. Nagbubulay-bulay sila sa kanilang puso, “Sinusubukan Mo ba akong lansihin para ibunyag ko ang tunay kong kalagayan? Tinitingnan Mo ba kung may nagawa akong anumang aktuwal na gawain? Kailangan kong sumagot nang maingat at hindi maging pabaya! Puwede kong talakayin ang gawaing nagawa nang maayos, pero kung may anumang gawaing hindi nagawa o hindi nagawa nang maayos, hinding-hindi ko ito dapat banggitin. Sa sandaling banggitin ko ito, malalantad niyon ang problema!” Kaya, kapag nag-uulat sila tungkol sa kanilang gawain, lagi silang nag-aatubiling magsalita pa, at takot na takot na ilantad ang mga problema. Ang gayong mga tao ay may komplikadong pag-iisip. Kapag tinatanong Ko sila, nasa dulo na talaga ng kanilang dila ang mga salita, pero hindi nila sinasabi nang direkta ang mga ito. Kailangan nilang pagbulayan at iproseso ito sa kanilang isip, “Bakit Mo ito tinatanong? Paano ako makasasagot nang angkop para, sa isang banda, hindi Mo malalaman ang totoong sitwasyon, at sa kabilang banda, masisiyahan Ka?” Ang totoo, wala Akong sinasala sa Aking isipan na ni isang salita bago Ko sabihin. Ano ang Aking kalagayan kapag nagtatanong Ako? Kapag nakakakita Ako ng isang tao at alam Ko kung anong gawain ang responsabilidad niya, agad Kong naiisip kung anong mga partikular na gampanin ang kaya niyang gawin, anong mga problema ang madalas niyang danasin sa kanyang gawain, at anong mga suliranin ang maaari niyang kaharapin. Sa pag-iisip sa mga ito, direkta Ko siyang tinatanong, “Kumusta ang buhay iglesia kamakailan sa mga iglesiang responsabilidad mo? Angkop ba ang lahat ng lider at diyakono ng iglesia? Marunong ba ang mga kapatid na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos? Karamihan ba sa kanila ay nagsasagawa ng espirituwal na debosyon? Nag-aaral ba sila ng mga himno at sayaw sa kanilang bakanteng oras? Kumusta ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo?” Bawat tanong Ko ay direkta at tuwiran, walang pagsubok o mga nakatagong motibo. Ang isinasaalang-alang Ko lang ay ang gawain at ang buhay pagpasok ng mga tao. Paano ka man sumagot, hindi mo masusumpungang sinusubok ka, at hindi rin Ako gagamit ng anumang bagay laban sa iyo; walang isyu ng pagsisiwalat sa sarili o pagkakaroon ng magagamit laban sa iyo. Sinusubukan Ko lang na alamin ang tungkol sa gawain, hindi Ko sadyang inuusisa ang sitwasyon ng sinuman, ni pinupuntirya ang sinuman para pangasiwaan o tanggalin. Hindi nakikibahagi ang iglesia sa tunggalian ng mga uri o mga alitan ng paksiyon—gumagawa ito ng aktuwal na gawain. Kung minsan, kapag nakikita Ko ang mga kapatid o mga lider at manggagawa, gusto Ko lang makipag-usap nang kaswal, at magsabi ng ilang taos-pusong salita at pag-usapan ang ilang pang-araw-araw na bagay. Kung minsan, tinatanong Ko rin kung anong mga problema ang umiiral pa rin sa gawain ng iglesia. Lahat ng sinasabi Ko ay pang-araw-araw na pananalita, mga totoong salita. Halimbawa, tinatanong Ko kayo, “Kumusta ang buhay iglesia kamakailan? Nakikinabang ba ang mga kapatid sa bawat pagtitipon? Nakakatulong ba ang pamumuhay ng buhay iglesia para malutas ang mga aktuwal na problema?” Sumasagot ang ilang tao, “Hindi naging maganda ang buhay iglesia kamakailan. Kahit na nagtitipon kami, walang malalaking pakinabang, at hindi malutas ang mga pangunahing problema.” Pagkatapos ay tinatanong Ko, “Saan nagmumula ang problema?” Karamihan sa mga tao ay hindi makasagot. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang patibong sa Aking tanong? Mayroon bang pakana sa likod nito? Wala ni katiting. Nagtatanong lang Ako para alamin ang tungkol sa gawain at maarok ang sitwasyon, para makapagbahagi Ako ng katotohanan sa inyo at malutas ang mga problema. Paano man kayo sumagot, hindi ninyo masusumpungang sinusubok kayo. Ang ilang medyo simpleng tao ay kayang magsalita nang totoo. Sinasabi nila, “Katatanggap pa lang ng mga kapatid sa gawain ng Diyos at wala pa silang gaanong karanasan. Wala silang masabi tuwing may mga pagtitipon. Kung masyado silang maraming babasahing salita ng Diyos, hindi nila ito kayang maarok, at inaantok din sila at hindi ito maipasok sa kanilang isipan. Hindi namin alam kung paano ito lulutasin.” Sinasabi Ko, “Madali itong lutasin. Puwedeng kumanta muna ang lahat ng isang himno, pagkatapos ay sumayaw nang kaunti, pagkatapos ay magbasa ng ilang salita ng Diyos. Ang mga may pagkaunawa ay maaaring magbahagi ng kanilang pagkaunawa, at ang mga may karanasan ay maaaring magbahagi ng kanilang karanasan. Ang mga walang pagkaunawa o karanasan ay maaari ding ilahad ang kanilang mga aktuwal na paghihirap at hayaan ang mga kapatid na may karanasan na tulungan silang lutasin ang mga iyon. Hindi ba’t magiging mabunga ang mga pagtitipon sa ganitong paraan? Ang mga may mababang tayog ay maaari ding mapatibay.” Tingnan mo, hindi ba’t nalulutas niyon ang problema? Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao, kung minsan ay nagtatanong ng ilang katanungan, ang ilang taong may komplikadong pag-iisip ay nagbubulay-bulay, “Napakadirekta ng Iyong tanong. Hindi ko alam kung ano ang ibig Mong sabihin sa pagtatanong nito. Kailangan kong mag-ingat sa aking sagot!” Sinasabi Ko, nagkakamali ka. Sinuman ang kausapin Ko o anuman ang mga itanong Ko, ang pinakalayunin ay laging tuklasin at lutasin ang mga problema, tulungan at gabayan ka, at tulungan kang lutasin ang mga problema. Una, hindi ito para ilantad ka at ipahiya. Ikalawa, hindi ito para subukin kung nagsasabi ka ng totoo o kung ikaw ay isang taong totoo. Ikatlo, hindi ito para lansihin ka para ibunyag mo ang iyong tunay na sitwasyon. Ikaapat, lalong hindi ito para subukin kung kaya mong gawin ang gawain o kung makakagawa ka ng aktuwal na gawain. Sa katunayan, paano man Ako makipag-usap sa iyo, lahat ng ito ay para tulungan at gabayan kang tuparin ang iyong tungkulin, gawin nang maayos ang gawain, at lutasin ang mga problema. Masyadong pinag-iisipan ng ilang tao ang Aking mga simpleng tanong, takot na takot na mayroon itong kung anong nakatagong kahulugan. Ang ilan ay naghihinala pa nga na nagpapakana Ako laban sa kanila. Malinaw na gusto kitang tulungang lutasin ang mga problema, ngunit mali ang inaakala mo na nagpapakana Ako laban sa iyo. Hindi ba’t pag-aagrabyado ito sa Akin? (Oo.) Kaya ano ang isyu rito? Ang puso ng tao ay mapanlinlang! Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao nang malakas, “Ikaw ang Diyos, kailangan kong sabihin sa Iyo ang katotohanan, at maging tapat sa Iyo. Sumusunod ako sa Iyo, nananampalataya ako sa Iyo!” sa kaibuturan, hindi sila ganoon mag-isip. Gaano man kaordinaryo at kasimple ang Aking mga tanong, madalas itong binibigyang-kahulugan ng mga tao sa sobrang sensitibong paraan. Sa pamamagitan ng kanilang mga haka-haka at sa kanilang pagsisiyasat, dumadaan sila sa maraming liko-liko at tila natatagpuan ang pinal na sagot, ngunit sa realidad, malayo ito sa orihinal na intensyon ng Aking mga salita. Malinaw na isa itong napakasimpleng tanong, ngunit masyado nila itong pinag-iisipan. Hindi ba’t sobrang sensitibo ng gayong mga tao? Anuman ang itanong Ko, nagugulo ang kanilang puso matapos itong marinig: “Bakit Mo ito tinatanong? Paano ako sasagot sa paraang masisiyahan Ka at hindi ako magbubunyag ng anumang mga kapintasan? Ano ang dapat kong unang sabihin, at ano ang isusunod?” Sa loob ng tatlo hanggang limang segundo, lumalabas ang mga salita, nang walang anumang pagkaantala. Mas mabilis pa sa computer ang kanilang isip. Bakit napakabilis? Ang totoo, ang prosesong ito ay naging pangkaraniwan na sa kanila; ito ang kanilang karaniwang panlalansi at estilo sa pakikitungo sa mga tao at pangangasiwa ng mga bagay-bagay. Nagpapakana sila laban sa lahat. Kaya, gaano man kasimple ang Aking mga tanong, masyado nila itong pinag-iisipan, naniniwalang mayroon Akong kung anong motibo o layunin. Pinagbubulay-bulayan nila sa kanilang puso, “Kung sasagot ako nang totoo, hindi ba’t malalantad ko ang tunay kong sitwasyon? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa aking sarili. Hindi ko hahayaang malaman Mo ang tunay kong kalagayan. Kaya paano ako sasagot nang angkop? Paano kita mapapasaya at matutugunan, paano Ka magkakaroon ng magandang impresyon sa akin, at paano Mo ako patuloy na gagamitin?” Tingnan ninyo kung gaano kamapanlinlang ang mga taong ito! Masyadong komplikado ang isipan ng mga taong ito. Paano man Ako makipag-usap sa kanila, magdududa sila at magsisiyasat. Makakapagsagawa ba ng katotohanan ang gayong mga tao? Maaari ba silang maging angkop para sa paggamit ng Diyos? Hinding-hindi. Ito ay dahil masyadong komplikado ang isipan ng gayong mga tao, at hindi talaga simple; sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila nang matagal ay makikita ito. Ang mga tao ay partikular na mahusay sa pagpapakana, ngunit nagpakana na ba Ako laban sa inyo kahit kailan kapag nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan Ako sa inyo? (Hindi.) Sinusubukan Ko mang alamin ang tungkol sa iyong personal na kalagayan o ang sitwasyon ng iyong gawain, ito ay laging para tulungan ka, para lutasin ang mga problema sa gawain. Kahit na makagawa ka ng mga pagkakamali at sumapit sa iyo ang pagpupungos o pagtatanggal, hindi Ako magpapakana laban sa iyo at hindi kita pahihirapan. Kapag nalutas na ang problema, tapos na ito. Hindi magpapakana ang sambahayan ng Diyos laban sa iyo at hindi ka nito pahihirapan, at lalo nang hindi Ko gagamitin laban sa iyo ang iyong mga pagkakamali at tatanggihan na bitiwan ito, at hindi Ako mag-iisip ng mga paraan para siraan ka at iwasan at itakwil ka ng lahat, na ipaparamdam sa iyong wala kang pag-asa para ikaw na mismo ang magbitiw. Hinding-hindi Ko gagawin iyan. Kung hindi ka angkop na maging isang lider o manggagawa, ang pinakamatindi Ko nang sasabihin ay, “Masyadong mahina ang iyong kakayahan, at kulang ka sa espirituwal na pang-unawa. Hindi ka angkop na maging isang lider o manggagawa. Kahit pa mahalal ka bilang isang lider o manggagawa, hindi ka makagawa ng aktuwal na gawain.” Hinding-hindi ka pahihirapan ng sambahayan ng Diyos at hindi ito magpapakana laban sa iyo dahil dito.

May mga prinsipyo kung anong uri ng mga tao ang inaangat at ginagamit ng sambahayan ng Diyos, at kung anong uri ang hindi nito ginagamit, kung sinong mga tao ang nililinang nito, at kung sino ang hindi; lahat ng ito ay nakabatay sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kahit sino pa ang iangat at gamitin, ang layon ay linangin sila para magawa nila nang maayos ang kanilang tungkulin at malaman kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at para magawa nilang pasanin ang gawain at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Anuman ang problemang nilulutas, ang layon ay ang bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang higit pang katotohanan, at matutong kumuha ng mga aral at magkamit ng pagkilatis mula sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Sa ganitong paraan, mas madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad sa lahat ng aspekto. Hindi ito tungkol sa pagsasamantala sa iyo para magserbisyo ka, lalong hindi ito tungkol sa pagsasamantala sa iyo para punan ang isang bakanteng posisyon dahil walang mahanap na angkop na tao, para lang paalisin ka kapag may dumating nang angkop na tao. Hindi ganoon iyon. Sa katunayan, binibigyan ka nito ng pagkakataon na sanayin ang iyong sarili. Kung hahangarin mo ang katotohanan, makakapanindigan ka; kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pa rin makakapanindigan. Tiyak na hindi dahil sa hindi ka gusto ng sambahayan ng Diyos kaya maghahanap ito ng magagamit laban sa iyo at maghahanap ng pagkakataon para itiwalag ka. Kapag sinabi ng sambahayan ng Diyos na lilinangin at iaangat ka nito, tunay ka nitong lilinangin. Ang mahalaga ay kung paano mo pinagsisikapan ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, susukuan ka ng sambahayan ng Diyos at hindi ka na nito lilinangin. Ang ilang tao, pagkatapos ng isang panahon ng paglilinang, ay tinatanggal dahil mahina ang kanilang kakayahan at hindi sila makagawa ng aktuwal na gawain. Ang ilan, sa panahon ng kanilang paglilinang, ay hindi tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, kumikilos nang sutil, at ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at sila ay tinatanggal. Mayroon pa ring iba na hindi talaga naghahangad sa katotohanan, na tumatahak sa landas ng mga anticristo, palaging gumagawa para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at sila ay tinatanggal at itinitiwalag. Ang mga sitwasyong ito ay pawang pinangangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Lilinangin pa rin ng sambahayan ng Diyos ang mga kayang tumanggap sa katotohanan at magsikap para sa katotohanan, kahit pa makagawa sila ng mga pagsalangsang sa pamamagitan ng paggawa ng ilang pagkakamali. Kung hindi ito isang taong kayang tumanggap sa katotohanan, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kapag dumarating sa kanya ang pagpupungos, dapat siyang direktang tanggalin at itiwalag. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t ito ay parang pakikinabang lang sa isang tao hanggang sa maubos ito at pagkatapos ay isasantabi na siya? Hindi ba’t pagsasamantala ito sa mga tao?” Sabihin mo sa Akin, mayroon na bang sinuman na tinanggal, itiniwalag, o hindi na nilinang ng sambahayan ng Diyos dahil wala na siyang halaga na mapapakinabangan? Nangyari na ba ang gayong bagay kahit kailan? (Hindi.) Kung gayon, sa anong mga pagkakataon nagtatanggal o nagtitiwalag ng mga tao ang sambahayan ng Diyos? (Nagtatanggal o nagtitiwalag lang ng isang tao ang sambahayan ng Diyos kapag hindi niya kayang pasanin ang gawain, o kapag nagdudulot siya ng mga paggambala at panggugulo at gumagawa ng masama.) Walang sinumang tinatanggal nang walang dahilan. Ang ilan ay may mahinang kakayahan at hindi makagawa ng kongkretong gawain. Ang ilan ay nagtataglay ng partikular na kakayahan pero hindi gumagawa ng kongkretong gawain o nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; hindi nila ginagawa ang gawaing kaya nilang gawin, ayaw nilang magmalasakit para sa gawain ng iglesia at pagurin ang sarili nila sa paggawa nito, ayaw nilang magdusa at magbayad ng halaga, at ayaw nilang salungatin ang ibang tao. Hindi makagawa ng aktuwal na gawain ang gayong mga tao, kaya dapat silang itiwalag; hindi na angkop para sa kanila na manatili pa sa posisyong iyon. Bukod sa nakahahadlang sila sa gawain ng iglesia, naaapektuhan din nila ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa gayong sitwasyon, dapat silang magkaroon ng kamalayan sa sarili at mabilis na magbitiw sa tungkulin, hinahayaan ang mga kayang gumawa ng aktuwal na gawain na akuin ang gawaing ito. Ang ilang tao ay hindi gumagawa ng aktuwal na gawain pero tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, at nagdudulot pa nga ng mga panggugulo at paggambala. Palagi silang nag-aalala na matutuklasan ng ang Itaas ang kanilang mga problema at tatanggalin sila, kaya kapag oras na para mag-ulat tungkol sa kanilang gawain, kunwari silang nagtatanong para hanapin ang katotohanan at mukha silang napakaaktibo, gustong magbigay ng magandang impresyon sa ang Itaas at patunayan na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan at kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Ang Itaas ay nag-aangat at gumagamit ng mga tao hindi batay sa kung mahusay silang magsalita, kung magaling silang magtanong, o kung mabilis silang mag-isip, kundi pumipili at naglilinang ito ng mga tao batay sa kung mahal nila ang katotohanan, kung hinahangad nila ang katotohanan, at kung kaya nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang may debosyon. Mayroon ding ilang tao na hindi lang hindi gumagawa ng kongkretong gawain o nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kundi nagdudulot din ng mga paggambala at panggugulo at ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Malinaw na itinatakda ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos kung ano ang hindi ipinahihintulot na gawin at kung ano ang dapat gawin, subalit hindi nila ipinatutupad ang kahit isang aytem at walang-pakundangan pa nga silang gumagawa ng masasamang gawa. Marami nang naging gayong mga tao, at lahat sila ay tinanggal. Anuman ang sitwasyon, kapag inaangat ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, ito ay palaging para linangin sila at akayin sila patungo sa katotohanang realidad, umaasang magagawa nila nang maayos ang gawain ng iglesia at matutupad ang mga tungkuling dapat nilang tuparin. Kahit pa hindi mo alam kung paano gawin ang ilang gawain dahil ikaw ay hangal at kulang sa malalim na pang-unawa o dahil mahina ang iyong kakayahan, hangga’t pinagsisikapan mo ang mga katotohanang prinsipyo, mayroon kang ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, handa kang gawin nang maayos ang gawaing ito, at kaya mong pangalagaan ang gawain ng iglesia, lilinangin ka pa rin ng sambahayan ng Diyos kahit pa nakagawa ka ng ilang kahangalan noon. Ang ilang tao, bagama’t medyo mahina ang kanilang kakayahan, ay kaya pa ring gumawa ng ilang simpleng gawain. Bagama’t ang kanilang pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema ay hindi makapagdudulot ng magagandang resulta, kaya nilang pangalagaan ang gawain ng iglesia. Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan sa bawat pagtitipon, kaya nila itong tanggapin at kaya nilang maging masunurin at mapagpasakop. Kung may anumang gawaing hindi nagawa nang maayos, kaya nilang matuto ng mga aral mula rito. Bagama’t medyo mahina ang kanilang kakayahan, ang kanilang puso ay kayang pagsikapan ang katotohanan. Pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon, umuunlad sila, at ang kanilang mga resulta ay paganda nang paganda. Sa Aking mga mata, ang gayong mga tao ay may pag-asa na makamit ang kaligtasan. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang mga may mahusay na kakayahan ay malamang na makamit ang kaligtasan. Sa Aking pananaw, hindi naman ito tiyak. Ang susi ay kailangang hangarin ng mga tao ang katotohanan para makamit nila ang gawain ng Banal na Espiritu, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makamit ang kaligtasan. Ang ilang tao ay may katamtamang kakayahan at ang mga resulta ng kanilang tungkulin ay katamtaman din, ngunit pagkatapos ng maraming taon ng pagdidilig at pagtustos mula sa sambahayan ng Diyos, sinisimulan nilang ilagay ang kanilang puso sa katotohanan, at tunay ngang nagsisimula silang makaunawa ng ilang katotohanan. Nagkakamit din sila ng ilang praktikal na karanasan, kaya nilang kilatisin ang ilang bagay, at kayang lutasin ang ilang problema, nakakagawa ng palaki nang palaking pag-usad sa gawain ng iglesia. Napakaganda nito; ang gayong mga tao ay karapat-dapat na linangin. Bagama’t maaaring hindi ka lubos na may kakayahan para sa gawaing ito, kahit papaano, mayroong kaunting pagkilala ang ang Itaas para sa iyo sa paggawa ng gawaing ito. Sabihin mo sa Akin, ang pagsasaayos ba sa mga tao na gumawa ng tungkulin ay pagsasamantala sa kanila? (Hindi.) Gaano man karaming gawain ang kaya mo, o anuman ang iyong kakayahan, ang pag-aangat at paggamit sa iyo ay hindi pagsasamantala sa iyo. Sa halip, ang layunin ay gamitin ang pagkakataong ito para hayaan kang magsanay sa paggawa ng gawain, at para gawin kang perpekto sa pamamagitan ng iyong paghahangad sa katotohanan at sa pamamagitan ng pagsisikap nang husto at pagsasabalikat ng mabibigat na pasanin. Sa isang banda, pineperpekto ka mismo nito; sa kabilang banda, isinasakatuparan din nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Naghanda ka na ng mabubuting gawa at nagkaroon ka pa ng mga pakinabang sa iyong personal na buhay pagpasok. Napakaganda niyon! Iyon ay dalawang magandang resulta sa isang pagkilos. Ang ilan sa mga nabunyag at itiniwalag ay nagsabi minsan, “Sinusubukan mo ba akong samantalahin para magserbisyo sa sambahayan ng Diyos? Asa ka pa! Hindi ako ganoon kahangal!” Kaya pa nga nilang bigkasin ang gayong mga salita—tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? Nauunawaan ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Paanong ang pagsasaayos sa mga tao na gumawa ng kaunting tungkulin ay pagsasamantala sa kanila? Kung ikaw ay tunay na isang taong nakakaunawa sa katotohanan, dapat mong maunawaan ang mga layunin ng Lumikha at dapat mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Ito ay pagsasakatuparan ng responsabilidad at obligasyon ng isang tao bilang tao. Kung wala ka man lang ganitong konsensiya at katwiran, karapat-dapat ka bang tawaging isang nilikha? Kung tunay kang may konsensiya at katwiran, dapat mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin. Kung nagtataglay ka ng kakayahan para dito, dapat mong pagsumikapan ang katotohanan. Kung handa kang kusang-loob na gawin ang iyong bahagi, isasaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng partikular na gawain, na magdala ka ng isang pasanin. Hindi ito pagpapakana laban sa iyo o pagsasamantala sa iyo, kundi pag-aangat sa iyo, paglilinang sa iyo, pagpapahintulot sa iyong magsanay, at pag-akay sa iyo patungo sa katotohanang realidad. Ganoon iyon kasimple. Sinasabi ng ilang tao: “Matanda na ako ngayon, hindi na sapat ang aking sigla, at nanghihina na ang aking pisikal na lakas. Ayaw ko nang dalhin ang pasaning ito. Maaari ba akong bumaba sa tungkulin?” Sinasabi Kong ayos lang iyon, pero bago bumaba sa tungkulin, dapat mo itong pag-isipang mabuti. Kung hindi ito tunay na dahil sa mga pisikal na dahilan, kundi dahil nagbago na ang iyong mga personal na iniisip, nagdadalawang-isip ka, takot kang magdusa, takot kang mapagod, takot na umakyat nang mas mataas at mas masaktan sa pagbagsak, palaging may kaisipan at pananaw na malungkot sa tuktok—kung gayon, dapat kang mag-ingat. Huwag mong tanggihan ang atas na ito, ang espesyal na tungkuling ito; dapat mo itong pag-isipang mabuti. Ang gayong mga pagkakataon ay madalang—pambihira ang mga ito, hindi ba? Marahil ay igigiit mo, sasabihin mo, “Hindi Mo na kailangang hikayatin ako. Matagal ko na itong pinag-isipan at nakapagpasya na ako. Hindi Mo ako mahihikayat; ayaw ko nang tiisin ang pagod na ito. Komportable ang lahat ng iba, bakit ako lang ang dapat na sobrang pagod? Nakatadhana ba akong magdusa? Hindi ako handang tiisin ang gayong paghihirap! Hindi ako handang magpaubaya na lang sa tadhana! Hindi dapat magpakana ang iglesia laban sa akin; hindi ako alipin ng iglesia, at hindi ko rin ipinagbili ang aking sarili sa iglesia!” Hindi mo na dapat ipagpatuloy ang hindi magagandang salitang ito; ang pagsasabi ng higit pa ay hahantong sa paggawa mo ng napakaraming kasalanan, at kailangan mong managot para sa mga salitang sinabi mo at sa mga pagpiling ginawa mo. Una, nananampalataya ka sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala; hindi mo ipinagbili ang iyong sarili sa sambahayan ng Diyos. Ikalawa, kung ginusto mong ipagbili ang iyong sarili sa sambahayan ng Diyos, kailangan pa ring pag-isipang mabuti ng sambahayan ng Diyos kung mayroon ka ba ng halagang ito, kung magiging kapaki-pakinabang ba ang pagbili sa iyo. Kaya kung iniisip mong nagpapakana ang sambahayan ng Diyos laban sa iyo at gusto kang samantalahin para magserbisyo, nagkakamali ka ng iniisip, dahil ang mga pamantayan kung paano sinusuri ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ay kung taos-puso ba silang nananampalataya sa Diyos, kung mahal ba nila ang katotohanan, at kung kaya ba nilang sundin ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Diyos. Pumipili at naglilinang ang sambahayan ng Diyos ng mga tao batay sa mga pamantayang ito. Kung napakasama ng tingin mo sa sambahayan ng Diyos, kung gayon, wala kang konsensiya o katwiran, at ikaw ay ganap na walang halaga. Hindi ka lang hindi gagamitin ng sambahayan ng Diyos para gawin ang iyong tungkulin, kundi kakailanganin ka rin nitong mabilis na itiwalag, ikaw na isang hindi mananampalataya. Kung hindi ka isang taos-pusong mananampalataya sa Diyos, dapat kang umalis kaagad sa sambahayan ng Diyos; huwag mong iraos lang ang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ka nabibilang sa sambahayan ng Diyos; hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Umalis ka kaagad.

Nakikipag-usap man Ako o pormal na nakikipagbahaginan at nangangaral, ang Aking layon sa bawat salitang sinasabi Ko, bawat bagay na tinatalakay Ko, at bawat aspekto ng katotohanang ibinabahagi Ko ay ang mabigyang-kakayahan kayo na malaman ang sarili ninyong mga tiwaling kalagayan, makilala ang inyong mga depekto, kakulangan, kahinaan at suliranin, at ang pinakamahalaga, malaman ang sarili ninyong mga tiwaling disposisyon at ang mga pagbubunyag ng inyong katiwalian sa iba’t ibang kaligiran at kapaligiran. Sa sandaling malaman ninyo ang inyong mga tiwaling disposisyon, magkakaroon kayo ng mas malalim na pagkaunawa sa inyong mga sarili, malalaman ninyo ang sarili ninyong sukat, magiging mas makatwiran kayo nang kaunti. At ikukumpara ninyo ang inyong sarili sa mga salita ng Diyos, at hahanapin ang mga kaugnay na prinsipyo ng pagsasagawa at mga landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos para lutasin ang sarili ninyong mga paghihirap, maging ito man ay paglutas sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ninyo sa pang-araw-araw na buhay o sa inyong mga kakulangan sa pagkatao. Unti-unti, iwawaksi ninyo ang mga tiwaling disposisyong ito at ang iba’t ibang satanikong kaisipan at pananaw na kinapopootan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan, makakamit ninyo ang mga tunay na pagbabago sa inyong mga pananaw sa mga bagay-bagay at sa inyong mga buhay disposisyon. Ito ang tanging paraan na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa lahat ng salitang ito na sinasabi Ko, nakikipag-usap man Ako sa inyo sa pang-araw-araw na buhay o pormal na nakikipagbahaginan at nangangaral, bawat salita ay sinasabi batay sa inyong mga aktuwal na sitwasyon. Sinasabi Ko ang mga salitang ito dahil nakita Ko ang inyong mga pangangailangan. Bagama’t ang mga katunayang inililista Ko ay maaaring dumaan sa ilang simpleng pagpoproseso, ang mga halimbawang ito ay mga representanteng kaso na pinili batay sa mga katunayan ng inyong mga pagbubunyag ng katiwalian at inyong mga kilos. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga katunayan at halimbawang ito, inilalantad Ko ang mga tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng sangkatauhan para makapagnilay-nilay ang mga tao sa kanilang sarili, at magbubunga ito ng magagandang resulta. Samakatwid, anuman ang paksang ibinabahagi Ko, una, walang mga patibong; ikalawa, walang masasamang balak; at ikatlo, walang mga pagsubok. Lahat ng ito ay upang mas maunawaan ninyo ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos, para makamit ninyo ang pagtingin sa mga tao at mga bagay-bagay, at pag-asal at pagkilos, ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa huli ay makalapit kayo sa harap ng Diyos at magkaroon ng pagpapasakop at takot sa Kanya. Ang mga ito ay pawang mga katunayan. Kaya, kapag nakikipag-usap o nakikipagkuwentuhan Ako sa inyo tungkol sa ilang bagay na nangyayari sa pang-araw-araw na buhay, o nakikibahagi Ako sa mga pormal na pag-uusap at pagtatanong na may kaugnayan sa gawain, gaano man karaming taon ang lumipas, kapag nagbabalik-tanaw ka, may nakikita ka bang anumang masamang balak o patibong sa Aking mga salita? (Wala.) Mayroon bang anumang intensyon na samantalahin kayo? Mayroon bang anumang intensyon na mangikil sa inyo? (Wala.) Sigurado ka ba? (Oo.) Halimbawa, may isang taong responsable sa pag-aalaga ng hayop sa isang bukid. Tinanong Ko siya kung ilang araw bago mangitlog ang isang inahing manok, at nagnilay-nilay siya: “Ano ang ibig Mong sabihin sa pagtatanong nito? Sinusubukan Mo bang tingnan kung pinapakain ko nang maayos ang mga inahing manok? Kung gayon, paano po ako dapat sumagot nang angkop? Kung sasabihin kong nangingitlog ang mga ito ng isang itlog sa isang araw, hindi naman iyon aktuwal na nakakamit; pagsisinungaling iyon. Kung sasabihin kong nangingitlog ang mga ito ng isang itlog kada dalawa o tatlong araw, iisipin Mo kaya na hindi ko napakain nang maayos ang mga manok, at na hindi ko sila nabigyan ng masustansiyang pagkain? Kung gayon, paano ako dapat sumagot nang angkop?” Patuloy siyang nag-iisip sa kanyang puso at hindi kailanman nagbibigay ng sagot. Sa totoo lang, wala Akong ibang intensyon sa pagtatanong nito; gusto Ko lang makakuha ng ilang impormasyon tungkol sa kung paano inaalagaan ang mga manok. Pero sa sandaling magtanong Ako, binibigyan niya ito ng ibang kahulugan at patuloy na sinusubukang hulaan kung ano ang ibig Kong sabihin sa pagtatanong nito. Sabihin mo sa Akin, mahirap bang pakitunguhan ang gayong mga tao? Posible man lang bang makipag-usap nang normal kapag nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao? Nagiging imposible nang makipag-usap. Mayroon Akong isang ugali: Palagi Kong gustong lumibot para suriin ang mga bagay-bagay. Minsan, may natutuklasan Akong ilang problema. Kung ito ay isang isyu ng kalinisan sa kapaligiran, dapat itong linisin. Kung ito ay isang isyu sa tauhan, dapat gawin ang mga pagsasaayos. Kung ito ay isang isyu na may kaugnayan sa mga propesyonal na kasanayan, dapat tayong sumangguni at matuto. Kapag may natutuklasang mga problema, dapat itama ang mga ito. Maraming problema ang natuklasan nang hindi sinasadya at nalutas sa mga pang-araw-araw na pag-uusap; nalutas nang madali ang ilang aktuwal na problema. Kaya, hindi kailangang maging masyadong kabado ang mga tao kapag nakikipag-ugnayan sa Akin at nakikisalamuha sa Akin. Maraming problema ang natutuklasan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao at madaling nalulutas. Kailangang-kailangan ang pakikipag-ugnayan sa mga tao at pakikipag-usap sa mga tao; hindi lang ito tungkol sa pag-alam sa sitwasyon at pagtuklas ng mga problema, kundi tungkol din sa paglutas ng mga problema kasabay nito. Hindi ba’t isang pakinabang ito? (Oo.) Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao, ang ilan ay nagsasabi ng totoo, habang ang iba naman ay nag-iisip sa napakakomplikadong mga paraan at hindi nangangahas na magsalita nang totoo, palaging iniisip kung mayroon Akong mga nakatagong kahulugan sa Aking mga salita o kung sinusubukan Kong magpakana laban sa isang tao. Kaya, sa sandaling may itanong ako sa kanila, kinakabahan sila at pinagpapawisan ang kanilang noo. Sinasabi Ko, “Hindi naman mainit, bakit ka pinagpapawisan?” Sinasabi nila, “Maaaring hindi Ka naiinitan, pero ako ay naiinitan! Sobra akong natakot sa sinabi Mo na halos lumundag palabas ang puso ko sa aking dibdib. Ngayon ay pinagpapawisan ang aking mga palad at talampakan, kumakabog ang aking puso, at hindi ko alam ang gagawin.” Sinasabi Ko, “Hindi mo kailangang kabahan. Kaswal lang Akong nakikipag-usap, nakikipagkuwentuhan lang. Kung may problema talaga, lulutasin lang natin ito. Huwag mong isipin na sobra Akong nakakatakot, na para bang kapag may natuklasan Akong anumang problema ay papatayin Ko ang buong angkan mo. Hindi Ko ‘nilulutas’ ang mga tao; nilulutas Ko ang mga problema. Ang paglutas sa mga problema ang susi.” Anong uri ng pananalig ang dapat mong taglayin? Sa isang banda, tiyak na kumikilos Ako ayon sa mga prinsipyo, ganap na makatarungan. Hindi Ako kikilos nang may emosyon, pagkasutil, o nang arbitraryo: Hindi kita aayawan, pagkatapos ay pipintasan, hahanapan ng mali, o hahanapan ng mga depekto, at pagkatapos ay palalayasin ka at maghahanap ng isang taong gusto Ko para gawin ang gawain. Sa kabilang banda, pinakikitunguhan Ko ang lahat batay sa aktuwal na sitwasyon at sa aktuwal na problema; may mga prinsipyo. Pinahihintulutan ang mga tao na magkamali, pinahihintulutang maging hangal, mahina, at negatibo. Ngunit isang bagay ang hindi pinahihintulutan: Kung ikaw ay mapanggulo at sinasadya mong gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili. Kung hindi mo pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung palagi mong ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, hindi ka kailangan ng iglesia para gawin ang iyong tungkulin; kakailanganing maghanap ng sambahayan ng Diyos ng isang angkop na tao para palitan ka. Ito ay pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Kung paano Ako lumulutas ng mga problema, kung paano Ko pinangangasiwaan ang mga isyu, kung paano Ko pinakikitunguhan ang mga tao—lahat ng ito ay ginagawa ayon sa mga prinsipyo. Hindi mo kailangang mag-alala na pakikitunguhan kita kung may matuklasan Akong anumang problema sa iyo; depende ito sa kung anong problema ito, at pangangasiwaan ang sitwasyon ayon sa kalikasan ng problema. Kung ang kalikasan ng iyong problema ay hindi gaanong malubha, kung hindi mo ito sinadya, kundi idinulot ito ng isang panandaliang pagkukulang o kahangalan, lulutasin ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Matuto ka ng aral at huwag nang ulitin ang pagkakamaling iyon. Minsan, ito ay dahil ang mga tao ay kulang sa kaalaman at karanasan at hindi nila nauunawaan ang ilang propesyonal na kasanayan; sa ganoong kaso, mabilis na pag-aralan ang mga propesyonal na kasanayan at huwag maging tamad. Ngunit kung ito ay sinadya at intensyonal, kung ayaw mong gawin ang tungkuling ito at sinasadya mo pa ngang sirain ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, dapat itong pangasiwaan nang seryoso. Ang mga dapat tanggalin ay tatanggalin, at ang mga dapat paalisin ay paaalisin; walang silbi ang matakot. Kung mayroon kayong ganitong pananalig, kung gayon, kapag nagsasalita Ako at nangangasiwa ng mga bagay-bagay kasama ninyo, mas mapapanatag kayo. Kapag kinakausap kita o kapag tinatalakay Ko ang gawain o mga propesyonal na usapin, dapat mong malaman na maging kalmado, malaman na hindi magpapakana ang Diyos laban sa sinuman, at hindi rin Siya magpapakana laban sa iyo; makakatiyak ka. Kung wala ka maging ng pananalig na ito, kung hindi ka naniniwala na ang Diyos ay mabait at matuwid, kung gayon, kapag sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, sumusunod sa Diyos na nagkatawang-tao, sumusunod kay Cristo—nasaan ang iyong pananalig? Paano mo magagawang maging bukas sa Kanya? Kung sa bawat pagkakataon ay nagbabantay ka laban sa Kanya, bumubuo ng mga haka-haka tungkol sa Kanya, naghihinala sa Kanya, at sumisiyasat sa Kanya, kung gayon, wala kang tunay na pananalig sa Kanya. Kung wala kang tunay na pagtitiwala, tunay na pananalig sa taong ito, kung gayon, hanggang saan mo kayang paniwalaan ang Aking mga salita? Mayroon bang anumang pahayag na kaya mong tunay na paniwalaan, tunay na tanggapin? Halos wala, hindi ba? (Oo.)

Minsan, pumunta Ako sa isang iglesia para tingnan kung kumusta ang mga bagay-bagay. Pagpasok Ko sa silid, binati Ko muna ang lahat. Lumapit ang ilang tao, agad Akong inalok ng mauupuan, at pagkatapos ay sinabi nilang may tinatalakay sila. Habang nagsasalita sila, bigla Kong napansin na kanina lang ay may apat o limang tao sa silid, pero ngayon ay dalawa na lang ang natira. Inakala Kong marahil ay bumalik sila sa kanilang mga silid para magsuklay at mag-ayos at lalabas din kaagad, pero nanatili Ako roon nang matagal-tagal at hindi sila lumabas. Naunawaan Ko noon: Hindi nila Ako malugod na tinanggap; dumating Ako sa nakakaabalang oras. Isa Akong hindi inanyayahang bisita. Dahil sa pagdating Ko, nakadama sila ng pagkalimita at pagkaasiwa. Inisip nila, “Mayroon Ka kayang pakay sa Iyong pagdalaw?” Natakot silang mahulog sa isang bitag, natakot na malansi, natakot sa isang pakana, kaya tumanggi silang makipagkita sa Akin nang harapan at tumangging makipag-usap o makipag-ugnayan sa Akin. Hindi ito pagmamalabis, at hindi Ko rin ito dinagdagan ng anumang palamuti. Hindi Ako nagkukuwento—totoong nangyari ito. Marahil, noong binuksan Ko na ang pinto at umalis na Ako ay saka lang sila nakahinga nang maluwag, sinasabing, “Sa wakas, nakaalis na Siya! Naku, halos ikamatay ko iyon sa takot!” Naisip Ko, mayroon ba Akong ganoon kalaking “karisma” para matakot Ko ang mga tao sa ganitong antas? Sabihin ninyo sa Akin, anong problema ang ipinapahiwatig kapag nagpapakita ng ganitong mga pagpapamalas ang mga tao? Talagang hindi pa Ako nakakita ng mga taong sumasampalataya sa Diyos nang ganito. Gusto ng ganitong uri ng tao na mamuhay sa madidilim na sulok; ayaw nilang mamuhay sa liwanag, at ayaw nilang mamuhay sa hayagan at marangal na paraan. Sabihin ninyo sa Akin, kapag nakikipag-ugnayan Ako sa inyo, nakakaramdam ba kayo ng pagkailang at kaba, na ayaw ninyong makipag-usap sa Akin? O handa ba kayong makipag-ugnayan sa Akin, nagnanais na magkamit ng kaunting katotohanan, at hindi ninyo alintana kahit pa medyo kinakabahan kayo? Ano ang kalagayan ng inyong isipan? (Kahit medyo kinakabahan kami, ayos lang basta’t mauunawaan namin ang katotohanan at magkakamit kami ng kaunting pakinabang.) Karamihan sa mga tao, pagkatapos makipag-ugnayan at makipag-usap sa Akin sa loob ng dalawa o tatlong oras, ay natutuklasan na maraming salita sa Aking pakikipagbahaginan ang napakahalaga, na mga bagay na hindi pa nila kailanman narinig, kaya nararamdaman nila na ang pakikinig sa mga salitang ito sa araw na iyon ay sulit na sulit, at nagiging lalo silang handang makinig sa Aking pakikipagbahaginan. Kung paminsan-minsan ay nakikipag-usap Ako nang kaswal, medyo nadidismaya sila at nasisiyahan lamang kung may makukuha sila mula sa Aking mga salita. Para sa gayong mga tao, handa Akong makipagbahaginan tungkol sa ilang katotohanan, na isinasama ang mga bagay-bagay sa totoong buhay, para makinabang ang lahat. Ang ilang tao, kapag nakikita Ako, ay laging takot na baka tanungin Ko sila tungkol sa ilang sitwasyon, at na hindi nila malalaman kung paano sumagot at magmumukha silang labis na nakakaasiwa. Masyadong komplikado ang isipan ng gayong mga tao; hindi sila simple. Ang iba ay handang hanapin ang katotohanan, hayagang ibinabahagi anuman ang mga paghihirap nila nang walang takot na mapagtawanan—iyon ang tamang paraan. Ang prinsipyo ng ating pakikipag-usap at diyalogo ay ang buksan ang ating puso at sabihin anuman ang nasa ating isipan, ang magsalita nang tapat. Nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan Ako sa inyo sa loob ng normal na pagkatao. Dahil sa Aking pagkakakilanlan at katayuan, mas marami Akong alam kaysa sa inyo, kaya siyempre, dapat Akong magsalita nang mas marami. Kung handa kayong makinig, may makakamit kayo; kung hindi kayo handang makinig, hindi Ko kayo pipilitin. Sa mga paksang tinatalakay natin, kung mayroon kayong mga kabatiran, ideya, karanasan, pagkaunawa, o kaalaman, maaari din ninyong ibahagi ang mga ito. Ito ang tinatawag na interaksyon; ito ang normal na pagkatao. Kung sa tingin mo ay napakahalaga ng sinasabi Ko, dapat kang makinig nang mabuti. Kung hindi mo matanggap ang sinasabi Ko, titigil Akong magsalita at hahayaan kitang magsalita. Kung wala kang masabi, tatanungin kita at gagabayan kita. Halimbawa, maaari Akong magtanong, “Kumusta ang iyong buhay iglesia kamakailan? Mayroon bang anumang mga paghihirap sa paggawa ng iyong tungkulin?” Kung mayroon kang mga paghihirap, dapat mong sabihin nang tapat ang mga ito, at tutulungan kitang lutasin ang mga ito. Ito ang tinatawag na interaksyon, at ito ay isang bagay na dapat umiral sa loob ng normal na pagkatao. Hindi ba’t isa itong bagay na gusto ng lahat? (Oo.) Kung mayroon kang konsensiya at katwiran, magiging normal ang iyong pagkatao, at ang ating mga pag-uusap at pagkukuwentuhan ay maaaring maitatag sa pundasyon ng pagiging bukas, tiwala, at paggalang, na nagtutulot sa atin na magtapat at sabihin kung ano ang nasa ating puso. Kung hindi ka nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ayaw mong hanapin ang katotohanan, kung gayon ay mayroon lang isang landas para isagawa mo: Mula ngayon, matutong huwag magsiyasat, huwag subukang basahin ang Aking isipan mula sa Aking mga salita at ekspresyon, huwag magpalimita, at huwag magsalita ng mga salita ng pagsubok. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko kayang makamit ang mga bagay na ito.” Kung ganoon, itikom mo na lang ang iyong bibig. Kung sinabihan kang manahimik, pero iniisip mong nagpapakana Ako laban sa iyo at nililimitahan kita, madali lang din iyong solusyunan: Maaari ka na lang lumayo. Wala Akong mga kahilingan sa sinumang nakakatagpo Ko, at hindi Ko kailanman nililimitahan ang mga tao. Kung laging naghahanap ng mali sa Akin ang isang tao, at kausapin Ko man siya o hindi ay hindi kailanman ayos para sa kanya, maaari Ko na lang layuan ang gayong tao at iwasan ang pakikipag-ugnayan sa kanya. Kung may ilang tao na laging takot na makipag-ugnayan sa Akin, na laging iniisip na magpapakana Ako laban sa kanila, pero gusto pa ring makipag-ugnayan sa Akin para magkamit ng kaunting katotohanan, sinasabi Ko na sa gayong kaisipan, hindi mo makakamit ang katotohanan; hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan. Lagi mong iniisip ang pinakamasama sa mga tao, naniniwalang walang sinumang kasingbuti mo. Anuman ang sabihin Ko sa iyo, lagi mong iniisip na tiyak na nagpapakana Ako laban sa iyo. Hindi ka naniniwala sa Akin at wala kang anumang tiwala sa Akin. Kung ganoon, imposibleng mamuhay tayo nang may pagkakasundo; sa pinakamababa, hindi tayo magkaayon sa usapin ng pagkatao. Wala tayong mga parehong libangan o interes, walang mga parehong layong hinahangad o minimithi. Sa usapin ng pagkatao, ang landas na tinatahak mo, ang iyong kaligayahan, galit, kalungkutan, at kagalakan, at ang iyong mga gusto at interes ay iba sa Akin. Lahat ng gusto mo ay negatibo, samantalang ang mga paksang gusto Kong pag-usapan ay pawang kinasasangkutan ng mga positibong bagay. Lagi mo Akong sinusubukang siyasatin. Anumang katotohanan ang pagbahaginan Ko, lagi mong pinag-iisipan kung may pakana ba sa loob nito, kung nagpapakana ba Ako, kung maaari ka bang magdusa ng kawalan o malinlang. Kung lagi mong pinagbubulayan ang mga bagay na ito, anong uri ng eksena ang lilitaw kapag nagsasalita at nakikisalamuha tayo sa isa’t isa? (Pagkailang.) Sa sitwasyong iyon, maiilang Ako sa iyo, at maiilang ka sa Akin; pareho tayong maiilang. Hindi ba’t ang pagsasama nang ganito ay magiging pagpapahirap lang sa isa’t isa? Magkakaroon ba ng anumang kaligayahan doon? Walang magiging kaligayahan doon. Kung gusto mong pakinggan ang sinasabi Ko, kung handa kang makinig, kung ang mga paksang tinatalakay Ko ay ang iyong minimithi, ang iyong pinahahalagahan sa puso mo, ang iyong hinahangad, at kayang tumugon sa mga pangangailangan ng iyong pagkatao, walang magiging pagtutol o paglaban sa ating mga puso kahit pa nakaupo lang tayo roon nang tahimik. Maaari tayong mag-ugnayan, at, sa pamumuhay nang magkasama, makakamit natin ang pagkakasundo. Ngunit ipagpalagay na ayaw mong marinig ang mga salitang sinasabi Ko at nakakaramdam ka pa nga ng pagtutol at paglaban sa iyong puso, kahit na lahat ng iyon ay napakapraktikal at kapaki-pakinabang sa mga tao. Talagang hindi mo matanggap ang mga positibong bagay na sinasabi Ko, at ang mga salita ng pakikipagbahaginan sa katotohanan na sinasabi Ko para lutasin ang mga problema, lalo na ang mga paksa tungkol sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon, at nararamdaman mo pa na bine-brainwash kita, nililinlang kita, sinusubukan kitang gamitin para ipangaral ang ebanghelyo at magkamit ng mas maraming tao para palawakin ang impluwensiya ng sambahayan ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ang may mali. Lagi kang nag-iisip sa baluktot na paraan, laging gustong baluktutin ang mga katunayan, na gawing puti ang itim, at inilalarawan mo pa nga ang mga positibong bagay na naaayon sa katotohanan bilang mga negatibo at buktot na bagay na hindi umaayon sa mga kalakaran sa lipunan. Anuman ang sabihin Ko, hindi ka naniniwala na ito ay katotohanan, na ito ay isang positibong bagay. Kung gayon, hindi tayo maaaring mag-usap; dahil walang iisang wika, hindi tayo maaaring mamuhay nang may pagkakasundo. Hindi tayo maaaring kumain sa iisang hapag; hindi natin makakamit ang pagiging magkaisa ng puso at isipan. Kung gayon, anong uri ka ng tao? Sa tiyak na pananalita, hindi ka bahagi ng sambahayan ng Diyos; isa kang walang pananampalataya. Gaano man kawasto ang mga paksang tinatalakay Ko, o gaano man kawasto ang mga landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa, lagi kang may ibang nahihinuha sa mga iyon. Lagi mong tinitingnan, inuunawa, at binibigyang-kahulugan ang mga ito sa pamamagitan ng isang buktot na lente at mula sa isang buktot na paninindigan at pananaw; hindi mo tinatanggap ang mga tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa na sinasabi Ko. Kaya, ang pakikinig sa Aking pagsasalita ay nagpapadama sa iyo ng pagkailang. Bakit ito nagpapadama ng pagkailang? Dahil hindi ang mga ito ang mga pangangailangan ng iyong pagkatao. Ano ang kailangan mo? Ang hangarin ang kalayaan, ang yumaman, ang kumain, uminom, at magpakasaya. Ang iyong mga motto sa buhay ay “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit” at “Magpakasaya ka habang kaya mo.” Ano ang gusto mo? Gusto mo ang masasamang kalakaran, kakatwang pananamit, mga sikat na artista at tanyag na tao, at ang pagiging ekstraordinaryo at kadakilaan ng tao. Kung ganoon, hindi ka isang sinserong mananampalataya sa Diyos, hindi ka bahagi ng sambahayan ng Diyos; walang pangangailangan ang iyong pagkatao para sa mga positibong bagay. Kapag nakikisalamuha Ako sa iyo, anuman ang sabihin Ko, anuman ang gawin Ko, o paano Ko man ito gawin, para sa mga walang konsensiya, katwiran, o mga pangangailangan ng normal na pagkatao, lahat ng ito ay isang teorya, isang kasabihan, isang pamamaraan lamang. Iniisip pa nga ng ilan, “Kapag nagsasalita Ka, napakadetalyado Mo, at nagbibigay Ka pa ng mga halimbawa. Hindi ba’t isa lang itong pagtatangka na malalim na itanim ang Iyong mga iniisip at pananaw sa puso ng mga tao? Hindi ba’t isa lang itong pagtatangka na ipatanggap sa mga tao ang Iyong mga iniisip at pananaw, na i-brainwash sila, at sa paglipas ng panahon, gawin silang manhid gamit ang Iyong iba’t ibang iniisip at pananaw?” Kung talagang ganito ang nararamdaman mo, kung naniniwala kang ang mga salitang ito ay hindi katotohanan, hindi ang tunay na daan na dapat tanggapin at isagawa ng mga tao, ni mga prinsipyo na dapat sundin ng mga tao, kung gayon ay maaari mong tanggihan na tanggapin ang mga ito; kalayaan mo iyon. Maaari ka ring umalis sa iglesia. May karapatan kang pumili para sa iyong sarili, at may karapatan ka ring tumangging tanggapin ang katotohanan. Ngunit huwag mong baluktutin ang mga katunayan o gawing puti ang itim. Ang katotohanan ay katotohanan sa lahat ng oras; hindi ito maaaring tumigil sa pagiging katotohanan dahil sa pagtanggi at pagkondena rito ng ilang diyablo at Satanas, lalo nang hindi ito maaaring tumigil sa pagiging katotohanan dahil maraming tao ang hindi ito gusto o hindi ito matanggap. Ang katotohanan ay umiiral magpakailanman; ito ay hindi nagbabago magpakailanman. Gaano man karaming tao ang makatanggap nito, ang katotohanan ay katotohanan magpakailanman. Ang Aking mga pakikipag-usap, pakikipagtalastasan, at pakikipag-ugnayan sa inyo ay ganap na nakasalig sa pundasyon ng inyong tiwala sa Akin; isa ito sa mga pinakapangunahing prinsipyo. Upang makamit ang tiwala, ang pinakamahalagang bagay ay dapat kumpirmahin ninyong lahat sa inyong puso na sa bawat salitang sinasabi Ko, bawat tanong na itinatanong Ko, o bawat bagay na tinatalakay Ko, walang pagpapakana, walang masamang balak, walang bitag, at tiyak na walang pagsubok sa inyo. Kaya makakatiyak kayo—kapag nakikisalamuha Ako sa inyo, dapat nitong iparamdam sa inyo na kayo ay ganap na malaya at komportable. Kung nararamdaman ninyo na ang pakikisalamuha sa Akin ay hindi nagpapalaya o komportable, na kayo ay nalilimitahan o labis na naiilang, o kung hindi ay laging mapagbantay sa inyong puso, kung gayon sinasabi Ko na ito ay tunay na hindi Ko problema, kundi problema ninyo. Sa anong aspekto naroroon ang inyong problema? Dapat malinaw sa inyo mismo kung anong mga problema ang mayroon kayo at kung ano ang iniisip ninyo sa inyong puso; pagkatapos, lutasin ninyo ang bawat partikular na problema sa paraang angkop dito. Anumang mga problema ang matuklasan ninyo, lutasin ang mga ito. Kung marami kayong matuklasang problema, itala ang mga ito at pagkatapos ay isa-isang lutasin ang mga ito. Kung ang bawat problema ay hindi malulutas kaagad, kung gayon ay lutasin ang mga ito nang paisa-isa, nang dahan-dahan. Kapag nangyayari ang mga bagay na ito, dapat kang magsuri at magnilay-nilay, dapat mong tingnan kung ano talaga ang iniisip mo noong panahong iyon, sa anong mga isyu ka nag-iisip sa ganoong paraan, at anong mga pananaw ang nabubuo mo sa anong mga isyu; pagkatapos ay unti-unti mong lutasin ang mga ito. Isang araw, kapag binitiwan mo na ang mga iniisip at pananaw na ito sa iyong puso, nalutas na ang lahat ng problemang ito, at tunay mo nang nauunawaan ang katotohanan at nakikita ang halaga ng katotohanan, kung gayon ay magtitiwala ka na sa Akin. Maniniwala ka na kaya Kong tratuhin ang sinumang tao at anumang problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo at hinding-hindi Ako magpapakana laban sa iyo. Dahil dito, ang ating mga interaksyon ay maaaring maging komportable at puno ng kagalakan, maaari tayong mamuhay nang may pagkakasundo, at ang kaligayahan ay maaaring umusbong mula sa pagkakasundo nating ito. Ang magkaroon ng kaligayahan, tuwa, kapayapaan, at kagalakan—hindi ba’t mabuti iyon? (Oo.)

Minsan ay tinatanong Ko ang mga tao kung ilang taon na silang sumasampalataya sa Diyos kapag nakikipag-ugnayan Ako sa kanila. May nagsasabing tatlong taon pa lang siyang sumasampalataya at nahihiya siya. Sa puso niya, iniisip niya na sandali pa lang siyang sumasampalataya sa Diyos at mababa ang kanyang tayog, kaya kapag inihahambing niya ang kanyang sarili sa mga sampu, dalawampu, o tatlumpung taon nang sumasampalataya, lagi niyang nararamdaman na mas mababa siya, na hindi siya kapantay nila. Pinagbubulayan niya, “Tinatatanong Mo ba ito para ipaalala sa akin na sandali pa lang akong sumasampalataya sa Diyos, na mababa ang tayog ko, at gumawa ng eksepsiyon ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat sa akin, at para iparamdam sa akin na dapat akong lubos na magpasalamat sa sambahayan ng Diyos?” Bakit nagiging dahilan ang gayong tanong para maging asiwa siya? Ito ay dahil ginagawa niyang masyadong komplikado ang Aking tanong, iniisip na may masamang balak sa Aking mga salita at na sinusubukan Kong magpakana laban sa kanya. Binibigyan niya ng maraming patong-patong na kahulugan ang gayon kasimpleng tanong. Pagkatapos sabihing tatlong taon na siyang sumasampalataya, nararamdaman niyang nasa mahirap siyang sitwasyon. Hindi ba’t hindi siya nasisiyahan sa Aking tanong sa kanyang puso? Ang totoo, itinatanong Ko ito nang walang anumang partikular na layunin, at hindi Ko inaasahan na ilalagay ka nito sa isang mahirap na sitwasyon. Kaya bakit mo nararamdaman na nasa mahirap kang sitwasyon? Ito ay dahil masyadong komplikado ang iyong isipan. Mayroon bang anumang mali sa Aking tanong? (Wala.) Kaswal Ko lang itong itinatanong. Kung tatanungin kita kung nakailang romantikong kapareha ka na, maaaring hindi iyon angkop, dahil magiging panghihimasok iyon sa iyong mga pribadong usapin. Ngunit ang itinatanong Ko ay isang bagay na may kaugnayan sa iyong pananalig sa Diyos—itinatanong Ko sa iyo kung ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos. Hindi ba’t wasto iyon? (Wasto iyon.) Kung gayon, bakit hindi ka nangangahas na sumagot? Hindi Ko talaga ito problema; problema mo ito. Masyadong komplikado ang iyong isipan. Ano ang problema sa komplikadong isipan mong ito? Hindi ba’t ito ay na ang iyong disposisyon ay buktot at mapanlinlang? (Oo.) Bakit Ko itinatanong sa iyo kung ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos? Itinatanong Ko ito para malaman ang tungkol sa iyong tayog, kung aling mga katotohanan ang nauunawaan mo, kung nakapagtatag ka na ng pundasyon, kung anong mga paghihirap ang mayroon ka, kung kaya mo bang gumawa ng tungkulin, at kung nakaranas ka na ng anumang mga pagsubok. Batay sa mga bagay na ito, tinutukoy Ko kung ano ang pagbabahaginan Ko sa iyo, kung anong mga gabay ang iaalok, at iyon lang. Ang gayon kasimpleng pag-iisip Ko ay binibigyan mo ng maling pakahulugan na mayroon Akong mga natatagong motibo, na nagiging dahilan para makaramdam ka ng pagtutol sa Akin. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t pagdudulot lang ito ng mga problema sa Akin kapalit ng Aking mabubuting layunin? (Oo.) Kapag tinatanong kita kung ilang taon ka nang sumasampalataya sa Diyos, mayroon ba Akong anumang motibo na naghahangad na maliitin ka? (Wala.) Mayroon bang anumang masamang hangarin? Mayroon bang anumang layunin na iparamdam sa iyo ang pagkaasiwa at pagmukhain kang masama? (Wala.) Sumasampalataya ka man sa Diyos sa loob ng ilang buwan o isa o dalawang taon, ang layunin Ko lang ay tulungan ka. Dahil nakikita Kong medyo masigasig ka sa iyong paghahangad, na napakasigla mo, dahil nakikita Kong labis kang nagdurusa, nagbabayad ng gayong halaga, at napakaraming tinalikuran, gusto Kong makipag-usap sa iyo para may makamit kang isang bagay na hindi mo karaniwang makukuha. Ang pagtatanong kung ilang taon ka nang sumasampalataya ay nagmumula, sa isang banda, sa pag-aalala para sa iyo, at sa kabilang banda, sa pagpapahalaga sa iyo. Mayroon bang anumang masamang hangarin dito? (Wala.) Isa itong napakawastong tanong, subalit paano ito binaluktot ng taong iyon? “Gusto Mong malaman ng lahat na hindi pa ako matagal na sumasampalataya sa Diyos, na mababa ang tayog ko at wala akong nauunawaang anumang katotohanan, na mas masahol ako kaysa sa iba, na mas mababa ako, at gusto Mo akong ipahiya.” Kung ganyan ang iniisip mo, makakapag-ugnayan pa ba tayo? (Hindi.) Samakatwid, para makamit natin ang interaksyon at mamuhay tayo nang may pagkakasundo, ang unang bagay ay dapat kayong magtiwala sa Akin at huwag Akong pagdudahan o paghinalaan. Kung walang interaksyon sa pagitan natin, nasaan ang problema? Nasa mga tao ito; ibig sabihin, ang mga tao ay may lahat ng uri ng mga paghihirap. At saan nagmumula ang iba’t ibang paghihirap na ito? Nagmumula ang mga ito sa iba’t ibang maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Kaya, anong mga maling kaisipan at pananaw ang taglay ng taong kababanggit lang? Iniisip niya na dahil tatlong taon pa lang siyang sumasampalataya sa Diyos, isa siyang bagong mananampalataya sa iglesia, na ang pagsampalataya sa maikling panahon lamang ay isang bagay na nakakahiya at nagpapababa sa kanya, at na masyadong kaunti ang nauunawaan niyang katotohanan at hindi pa rin siya makakapagbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan. Kaya, tinitingnan niya ang kanyang sarili bilang isang “segunda-klaseng mamamayan,” minamaliit ng iba, at sa tingin niya ay nakakahiya at kahiya-hiyang pag-usapan ito. Sa kabilang banda, ang iba ay sampu o dalawampung taon nang sumasampalataya sa Diyos, samantalang siya ay tatlong taon pa lang, kaya nag-aalala siya na sasabihin ng iba sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo sa lahat ng taon na iyon? Bakit hindi mo ito tinanggap nang mas maaga? Mayroon ka bang kung anong nakakahiyang nakaraan?” Sa mga mata ng mga makamundong tao, malaking kahalagahan ang inilalagay sa mga kalipikasyon, karanasan, at pinagmulan, at ginagamit nila ang mga ito para uriin ang mga tao sa iba’t ibang ranggo. Kaya ano ang pananaw ng taong ito? Nagbibigay rin siya ng malaking kahalagahan sa pinagmulan at karanasan ng mga tao, kaya sa kanyang puso, mayroong iba’t ibang ranggo depende sa kung ang isang tao ay tatlo, lima, sampu, dalawampu, o tatlumpung taon nang sumasampalataya sa Diyos. Ang pagraranggong ito ay nagpaparamdam sa kanya na ang kanyang tatlong taon ng pananalig ay isang medyo kahiya-hiyang bagay sa iglesia, tulad ng pagiging isang “segunda-klaseng mamamayan.” Para sa kanya, isa itong tanda ng kahihiyan, isang pagkapahiya. Itinuturing niyang napakahalaga ang bilang ng mga taon ng pagsampalataya ng isang tao sa Diyos, at nagkataon lang na tatlong taon pa lang siyang sumasampalataya. Kung dadagdagan ng zero ang tatlo, na gagawin itong tatlumpung taon ng pananalig, mararamdaman niyang maluwalhati ito. Sasabihin niya: “Kabilang ako sa unang grupo na tumanggap sa gawain ng Diyos. Sumunod ako sa Diyos noong Siya ay kasisimula pa lang magpakita at gumawa. Sa lahat ng mga taon na ito, ipinangangaral ko na ang ebanghelyo at nagpapatotoo na ako sa Diyos kung saan-saan, nakikipaglaban kasama ng Diyos para itayo ang Kanyang kaharian! Isa akong beterano sa sambahayan ng Diyos, isang tagapagtatag!” Mararamdaman niyang ito ay lubhang maluwalhati. Ang ilang tao, na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos, ay nakikita na napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos at na napakaraming patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos, at nararamdaman nilang huli na silang nagsimulang sumampalataya sa Diyos. Kung sasabihin nilang isa hanggang tatlong taon na silang sumasampalataya, nahihirapan silang magsalita, at pinagbubulayan nila sa kanilang puso: “Bakit ba hindi ako sumampalataya sa lahat ng taon na iyon? Napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos, bakit hindi ako nagsiyasat? Sino ang humadlang sa akin sa pagsampalataya sa Diyos? Sino ang nagdulot sa akin ng gayon kapait na pagdurusa? Iyong mga relihiyosong pastor; ang mga taong iyon ay tunay na mga diyablo at mga Satanas na lumalamon ng mga kaluluwa ng mga tao. Kung hindi ako makakapasok sa kaharian ng langit, kailangan kong makipagtuos sa kanila!” Pagkatapos ay iisipin nilang muli, “Naku, mapait ko lang na kapalaran ito; wala akong ganoong pagpapala.” Ngunit pagkatapos ay iisipin nila, “Hindi, hindi iyon tama. Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; bakit hindi ako dinala ng Diyos, ang nawawalang munting tupang ito, pabalik sa Kanyang sambahayan nang mas maaga?” At kaya ibinabaling nila ang sisi sa Diyos. Ang totoo, anuman ang iniisip nila, una, ang kanilang pananaw sa pagsampalataya sa loob ng tatlong taon kumpara sa tatlumpung taon ay mali. Ginagamit nila ang bilang ng mga taon ng pananalig para iranggo ang mga tao, naniniwalang ang maikling panahon ng pananalig ay nagpapababa sa isang tao. Dahil nabuo na ang pananaw na ito, kapag tinatanong Ko sila kung ilang taon na silang sumasampalataya, nahihiya silang magsalita. Ang pagsasabi ng “tatlong taon” ay nagpaparamdam sa kanila ng labis na pagkaasiwa, labis na pagkahiya, labis na kahihiyan, na para bang ang kanilang halaga at ranggo ay agad na nalalantad. Itinuturing nila itong napakahalaga; ang pananaw na ito ang nakakaimpluwensiya sa kanilang saloobin sa Aking tanong. Hindi ba? (Oo.) Sabihin nating ang pananaw nila ay: “Isang katunayan na tatlong taon na akong sumasampalataya sa Diyos, at sa tatlong taon lang ng pananalig, mababa nga ang aking tayog. Pagdating sa maraming katotohanan, hindi ko man lang maipaliwanag nang malinaw ang mga doktrina. Dahil tinatanong ako ng Diyos kung ilang taon na akong sumasampalataya, sasabihin ko na lang ang totoo. Walang dapat ikahiya. Sa harap ng Diyos, lahat ay bukas, lahat ay hayag. Sasagutin ko anuman ang itanong ng Diyos.” Kung ganito sila mag-isip, magiging simple ito. Hindi ito kasasangkutan ng anumang pagkakakilanlan, katayuan, halaga, o ranggo. Hindi sila lilimitahan, iimpluwensiyahan, kokontrolin, o mamanipulahin ng anumang maling kaisipan o pananaw, at sa huli, madali at matapat nilang masasabi, “Tatlong taon na akong sumasampalataya sa Diyos.” Pagkatapos ay magpapatuloy Ako sa pagtatanong, “Tatlong taon ka nang sumasampalataya sa Diyos; malinaw ba sa iyo ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain?” Kung isa itong taong may komplikadong isipan, iisipin niya: “Kung sasabihin kong hindi malinaw, hindi ba’t mangangahulugan iyon na hindi ko inaasikaso ang aking wastong gawain sa aking pananalig? Dahil tatlong taon na akong sumasampalataya at hindi pa rin malinaw sa akin ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, hindi ba’t nangangahulugan iyon na hindi ako masigasig na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Ngunit kung sasabihin kong malinaw, hindi na makikipagbahaginan ang Diyos tungkol sa paksang ito, at mawawala sa akin ang pagkakataong ito. Kung sasabihin kong hindi malinaw, makipagbahaginan pa kaya Siya nang kaunti sa akin, magdagdag pa nang kaunti? Kung sasabihin kong malinaw, hindi na Siya magdaragdag pa para sa akin, pero baka magkaroon Siya ng mataas na pagtingin sa akin?” Kita mo, nag-iisip na naman siya sa baluktot na paraan, hindi ba? Hindi ba’t masyadong komplikado ang isipan ng gayong tao? (Oo.) Talagang problematiko ang gayong mga tao. Sinuman ang kausap nila, lagi nilang kinakalkula kung paano sumagot nang hindi napapahiya o nagdurusa ng anumang pinsala sa kanilang mga interes. Bukod pa rito, lagi nilang inoobserbahan ang mga saloobin ng iba sa kanila, laging kinakalkula kung paano magkakaroon ng mataas na pagtingin ang iba sa kanila, at kung paano itataas ang kanilang sariling katayuan. Lagi nilang kinakalkula ang mga bagay na ito, kaya hindi madali para sa kanila na magtapat sa pakikipagbahaginan at sabihin kung ano ang nasa kanilang puso. Kapag tinatanong Ko sila, “Sa iyong pananalig sa Diyos, malinaw ba sa iyo ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain?” mayroon bang pangalawang kahulugan ang tanong na ito? (Wala.) Bakit Ko ito direktang itinatanong? Karaniwan, iyong mga isa hanggang tatlong taon nang sumasampalataya ay kailangan pa rin ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanan sa mga pangitain; pangkaraniwan ito. Kung malinaw na sa kanila ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, hindi na kailangang makipagbahaginan tungkol sa mga ito, at maaari na tayong mag-usap tungkol sa ibang mga paksa. Kung sasabihin nila, “Hindi pa gaanong malinaw sa akin ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, lalo na ang katotohanan tungkol sa gawain ng paghatol ng Diyos para iligtas ang tao, na masyadong malalim, at hindi ko pa rin ito nauunawaan. Maaari Ka bang magbahagi tungkol dito?” kung gayon ay makakahanap tayo ng isang karaniwang paksa, at magbabahagi Ako rito. Kung maririnig ito ng lahat nang isa pang beses, magkakamit sila ng kaunti pa, hindi ba? (Oo.) May ilang taong hindi nakakaunawa pero nagkukunwari sila. Bakit ka pa nagkukunwari? Patuloy kang nagkukunwari, na nagpapahiwatig na nauunawaan mo ang lahat, at na kung magdaragdag pa Ako ng sasabihin ay kalabisan na. Kung ganoon, wala na Akong sasabihin, at wala kang makakamit. Kaya, anuman ang sitwasyon, kung makapagsasalita ka nang tapat, nang walang paghihinala, nang hindi labis na binibigyang-kahulugan ang Aking mga salita, ang ating mga pag-uusap at talastasan ay maaaring umabot sa antas ng masiglang interaksyon. Maaari tayong mag-usap, makisalamuha, at mag-ugnayan sa loob ng normal na pagkatao, na tinatalakay ang mga paksang pareho nating gusto. Hindi ba’t mabuti iyon? (Oo.) Sa ganitong paraan, kayo ay magkakamit ng mga pakinabang. May ilang taong labis na mapagkalkula. Kapag tinatanong Ko sila kung malinaw ba sa kanila ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, pinagbubulayan nila sa kanilang puso, “Ano ang ibig Mong sabihin sa pagtatanong nito? Sinusubukan Mo bang tingnan kung nakatitiyak ako tungkol sa tunay na daan, kung nakapagtatag na ako ng pundasyon, sinusubukang tingnan kung ano ang aking kakayahan, para subukin ang aking kakayahan? Kung gayon, dapat kong sabihing malinaw na sa akin.” Kaya sinasabi nila: “Sa tatlong taong ito, patuloy akong kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, marami na akong napanood na pelikula mula sa sambahayan ng Diyos, madalas akong nakikinig sa mga sermon at pakikipagbahaginan, at madalas kong ibinabahagi ang sarili kong pagkaunawang batay sa karanasan sa mga pagtitipon. Malinaw sa akin ang lahat ng katotohanang ito tungkol sa mga pangitain.” Ano ang kanilang layunin sa pagsasabi nito? Gusto nilang mag-iwan ng magandang impresyon sa Akin, para iparamdam sa Akin na napakagaling ng kanilang kakayahan at magkaroon Ako ng mataas na pagtingin sa kanila. Sa tingin mo ba ay magkakaroon Ako ng mataas na pagtingin sa kanila dahil lang sa sinasabi nila ang iilang salitang ito? (Hindi.) Magkakaroon ba Ako ng mataas na pagtingin sa isang tao nang ganoon kadali? Hinding-hindi; nagkamali sila ng pagtantiya sa bagay na ito. Kung sasabihin mong malinaw na sa iyo ang lahat ng katotohanan tungkol sa mga pangitain, kung gayon ay hayaan mong subukin kita. Susubukin kita sa mga katotohanan tungkol sa mga pangitain na madalas mong binabasa. Bakit ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol? Ano ang pangunahing epektong nilalayong makamit ng pagkastigo at paghatol? Sa loob ng tatlong taon ng pananalig mo, nagkaroon ka na ba ng anumang karanasan sa gawain ng pagkastigo at paghatol? Naranasan mo na ba ang pagkastigo at paghatol kahit isang beses? Noong nararanasan mo ang pagkastigo at paghatol, naarok mo ba ang mga katotohanang prinsipyo? Nalaman mo ba kung ano ang mga layunin ng Diyos? Maaari ka bang magbahagi ng isang partikular na karanasan? Karamihan sa mga tao ay magbibigkas lang ng ilang doktrina at hindi makapagbabahagi ng anumang praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan. Napakaraming bagay ang kulang sa mga tao, kaya kapag nag-uusap tayo, maraming paksang dapat talakayin. Ngunit anuman ang uri ng paksang tinatalakay, magbahagi ka tungkol sa lahat ng iyong nalalaman. Kung may hindi ka alam, sabihin mo lang na hindi mo alam. Huwag mag-isip sa baluktot na paraan. Anumang tanong ang ibato sa iyo, sagutin mo lang ito. Sabihin mo kung ano ang iniisip mo sa iyong puso sa sandaling iyon. Anuman ang tunay na sitwasyon, sabihin mo ito nang tapat. Huwag magpaligoy-ligoy, huwag mag-imbento, huwag magsabi ng mga bagay na lumilikha ng maling impresyon para lang magmukha kang mas magaling at para ipresenta ang iyong sarili, huwag magsinungaling at manlinlang. Lahat ito ay mga bagay na hindi mo dapat gawin. Kaya, anuman ang itanong Ko sa iyo o anuman ang uri ng paksang pinagbabahaginan Ko sa iyo, sabihin mo ang lahat ng iyong nalalaman. Kung matutuklasan Ko na hindi mo nauunawaan ang isang partikular na aspekto ng katotohanan, o na ang iyong pagkaunawa ay doktrinal, o na ang iyong pag-arok ay baluktot at mayroon kang mga maling kaisipan at pananaw, agad kitang itutuwid, gagabayan, at tutulungan, para maunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan, magkaroon ka ng dalisay na pagkaarok, at magkaroon ng tumpak na landas ng pagsasagawa. Sa ganitong paraan, magiging epektibo ang ating pagbabahaginan. Kaya, ang prinsipyo ng pagbabahaginan tungkol sa isang paksa ay nakasalig sa pundasyon ng pagsasalita nang totoo, sa pundasyon ng pagbabahaginan nang magkakasama at mga talakayan o palitan tungkol sa katotohanan at mga positibong bagay, upang mas malinawan ang mga tao sa positibong paksang pinagbabahaginan, maunawaan nila ito nang mas tumpak, at magkaroon sila ng mas malinaw na landas ng pagsasagawa. Hindi ito dapat itayo sa pundasyon ng paghihinala, pagpapakana, at panlilinlang.

Sa tingin ba ninyo ay mabuting pagbahaginan ang mga paksang tulad ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) At paano ito naging mabuti? (Naniniwala kami na malulutas nito ang aming mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.) Sabi ng ilang tao, “Inilantad Mo nang hayagan ang tunay Mong pagkatao sa amin, at ngayon ay alam na namin kung anong uri Ka ng tao. Masyado Kang walang muwang sa pagsasabi ng simpleng katotohanan! Mayroon Ka ngang mga pagpapamalas na ito ng pagiging normal at praktikal, pero paanong sinasabi Mo ang simpleng katotohanan? Kailangan Mong iparamdam sa mga tao na Ikaw ay misteryoso, di-maarok, matayog, at hindi matatalos. Kahit hindi Ka nagpapakana laban sa mga tao, kailangan Mong sabihin na kaya Mo. Kailangan Mong sabihin na nagtataglay Ka ng sining ng pagmamanipula sa mga tao at ng sining ng paggamit sa kanila, na alam Mo ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, at na kaya Mong samantalahin ang lahat ng uri ng tao para magserbisyo para sa Iyo. Sa pamamagitan lamang ng pagsasalita sa ganitong paraan na Ikaw ay iidolohin ng mga tao; hindi Mo maaaring sabihin ang simpleng katotohanan. Sa pamamagitan ng pagsasabi Mo ng gayong simpleng katotohanan, paanong pakiramdam ko ay hindi Ka talaga misteryoso o di-maarok? Na hindi Ka tulad ng Diyos? Tingnan mo ang mga dakilang tao sa mundo—iyong mga sangkot sa mga usaping militar o politika, at ang mga monarko ng mga nakaraang kapanahunan. Sino sa mga dakilang taong iyon, sa mga pambihirang taong iyon, ang nagsabi kailanman ng simpleng katotohanan? Mayroon na bang sinuman sa kanila na nagsabi na sila ay normal, praktikal, at ordinaryo, isang karaniwang tao lamang? Desperado silang ipaisip sa mga tao na naiiba sila sa lahat, na isinugo sila mula sa langit, at na kahit naging karaniwang tao na sila ngayon, sila ay misteryoso at di-maarok pa rin, at na hindi sila matatalos ng mga ordinaryong tao—saka lamang madaling mamuno sa mga tao!” Ang mga monarkong iyon ay pawang nagtataglay ng sining ng pamumuno ng imperyo, at hindi matarok ng kanilang mga ministro at ng mga karaniwang tao kung anong uri sila ng mga tao. Ano nga ba ang kasabihang iyon? “Mahirap matarok ang kalooban ng emperador, at hindi maaaring suwayin ang kanyang utos.” Ang mga opisyal mula sa mundong walang pananampalataya ay pawang may ganitong uri ng mentalidad; maging ang isang mababang pinuno ng dibisyon, pinuno ng seksyon, o tagapamahala ay may ganitong mentalidad. Ayaw nilang matarok ng mga tao ang kanilang tunay na pagkatao, kung anong mga depekto ang mayroon ang kanilang pagkatao, anong mga pagkakamali ang nagawa nila, o anong mga kapintasan ang mayroon sa kanilang mga kilos. Sa sandaling matuklasan ang kanilang mga pagkukulang, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang pagtakpan at itago ang mga ito, at kung malantad at mabunyag ang masasamang gawa nila, maghahanap sila ng mababalingan ng sisi. Ang layunin nila sa paggawa nito ay ang pagtakpan ang katunayan ng usapin para patuloy silang hangaan at idolohin ng mga tao. Anuman ang gawin ng isang taong tulad nito, ginagawa nila ito nang may pagbabalak at pagpaplano upang makamit ang sarili nilang mga intensyon, upang madama ng lahat na hindi sila isang ordinaryong tao, na kaya nilang kontrolin ang sitwasyon, na sila ang nagmamanipula sa lahat. Hinding-hindi nila hahayaang malaman ng mga tao na sila ay isang normal, praktikal, at ordinaryong tao. Ang totoo, sila ay isang ordinaryong tiwaling tao lamang, na may mas marami pang tusong mga pakana kaysa sa karaniwang tao, at magaling silang makisangkot sa mga sabwatan at masasamang balak. Paano nila hahayaang malaman ng mga tao kung gaano kasama ang hangarin at kamapaminsala ang kanilang pagkatao? Hindi ba’t madudungisan niyon ang kanilang imahe? Ang mga tiwaling tao ay pawang may ganitong uri ng mentalidad, at lahat sila ay kasingmapagpaimbabaw ng mga Pariseo, na may mga pusong masama ang hangarin at mapaminsala. Bagama’t kinikilala nila sa kanilang puso na ang Diyos ay maaaring magkatawang-tao, paano sila maniniwala na ang Diyos na nagkatawang-tao ay magiging isang ordinaryo at normal na tao? Naniniwala sila sa kanilang puso na kung ang Diyos ay tunay na nagkatawang-tao, kahit papaano ay dapat makita ng mga tao, sa Kanyang laman, ang Kanyang awra ng pagka-Diyos at ang iba’t ibang palatandaan ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Mariin din silang naniniwala, “Sa pagtingin sa lahat ng tao, ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat mayroong perspektiba at kilos na pagtingin nang mababa sa napakaraming tao, ngunit hindi Ko makita ang mga bagay na ito sa Iyo. Lagi Mo ring sinasabi na umaasal Ka sa paraang sumusunod sa mga alituntunin at ginagawa Mo ang mga bagay-bagay ayon sa nararapat Mong katayuan. Hindi ba’t ganap nitong inilalantad na ang tunay Mong pagkatao ay isang ordinaryong tao? Hindi ba’t ang matayog, misteryoso at di-maarok na wangis ng Diyos na nagkatawang-tao sa puso ng mga tao ay lubusang mawawasak?” Sa tingin ba ninyo ay mabuti ang pagwasak na ito? (Oo, mabuti ito. Winawasak nito ang aming mga kuru-kuro at imahinasyon.) Sinasabi Ko ang mga salitang ito para mismo wasakin ang inyong mga pangarap at ang inyong mga kuru-kuro at imahinasyon, upang hindi na kayo mamuhay sa isang panaginip kundi sa realidad. Ito ay ganap na nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo na hinihiling Kong sundin ninyo: na umasal kayo sa paraang sumusunod sa mga alituntunin, na gawin ninyo ang mga bagay-bagay ayon sa nararapat ninyong katayuan, at maging isang ordinaryong tao kayo na nakatayo sa lugar ng isang nilikha, dahil Ako Mismo ay gumagawa sa ganitong paraan. Kapag nakikisalamuha Ako sa inyo, at sa Aking personal na buhay, hindi Ako kailanman nagsasalita sa paraang mayabang o walang laman, at hindi rin Ako kailanman nagpapakitang-gilas o nagmamayabang. Ito ay isang bagay na nakikita at nadarama ninyong lahat. Gayundin, hindi Ako kailanman nagpapakana laban sa kaninuman, kapag gumagawa Ako ng mga bagay-bagay, hindi Ako tuso at hindi Ako kailanman nagpapabaya, at umaasal Ako sa paraang sumusunod sa mga alituntunin. Ang pinakapayak na pamantayang ito ng konsensiya ay dapat itaguyod. Ang ilang tao ay gumagamit ng mga pakana kapag sila ay nagsasalita at kumikilos, nagsasabi ng mga bagay na magandang pakinggan sa iba, at pagkatapos ay sinusubukan ang lahat ng paraan na mahulog ang mga ito sa kanilang mga patibong, upang paglingkuran sila at magserbisyo para sa kanila. Hindi Ako gumagawa ng gayong mga bagay. Kung gusto Kong may tumulong sa Akin sa isang bagay, direkta ko siyang kakausapin. Sabi ng ilang tao, “Taglay Mo ang pagkakakilanlan at katayuang ito, kaya hindi ba’t kailangan Mo lang magsabi kapag may ipapagawa Kang isang bagay sa isang tao?” Kahit pa kailangan Ko lang magsabi, dapat Ko pa rin itong pangasiwaan sa paraang sumusunod sa mga alituntunin, at hindi Ko maaaring pilitin ang mga tao, lalo na ang puwersahin silang gawin ang mga bagay na ayaw nilang gawin. Kung gusto mo, gawin mo; kung ayaw mo, maaari kang tumanggi. Gayumpaman, kung hihilingin Ko sa iyong gumawa ng isang bagay, lagi Akong magsasabi ng simpleng katotohanan. Hinding-hindi Ako magpapaligoy-ligoy o magsasalita nang paikot-ikot para lansihin ka, o akitin ka para kumagat sa pain, at pagkatapos ay hayaan kang kusang-loob na maglingkod sa Akin at magserbisyo para sa Akin; pagkatapos, matapos magpakana laban sa iyo, ay ipasabi pa sa iyo na ginawa mo iyon nang kusang-loob at pakiramdam mo ay wala Akong pagkakautang sa iyo. Hinding-hindi Ko ito gagawin kailanman. Ang mga pagsasagawang ito—ang mga ito man ang tinatawag ng mga tao na sining ng paggamit sa iba, mga panuntunan ng laro, mga taktika para paglaruan ang mga tao, o mga estratehiya ng imperyo sa pagmamanipula sa iba—wala ni isa sa mga ito ang umiiral sa Akin. Hindi Ko pinaglalaruan ang mga tao—maaaring gawin iyon ng iba, pero hindi Ko gagawin iyon, at hindi Ko rin sila gagayahin o tutularan. Hindi Ako kailanman nagbasa ng mga bagay tulad ng Sining ng Pakikidigma o ng Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, at hinding-hindi Ako gagawa ng mga pagkukunwari o magsasabing puti ang itim kapag Ako ay nagsasalita. Kapag Ako ay nagsasalita at kumikilos, ang isa ay isa, at ang dalawa ay dalawa. Ang tanging eksepsiyon ay kapag, dahil sa mga espesyal na sitwasyon, maaari Kong ipahayag ang mga bagay-bagay sa matalinong paraan, pero ito ay dahil lamang sa pagsasaalang-alang sa mga kahinaan at paghihirap ng mga tao, at sa kanilang mababang tayog. Ito ay upang protektahan at pahalagahan sila, at walang masamang hangarin dito, kaya hindi rin ito pagpapakana. Marahil ang ilang tao ay maaaring labis na madismaya, iniisip na, “Lumalabas na ang Iyong puso at isipan ay hindi naglalaman ng iba’t ibang pakana ng mga sikat at dakilang tao sa mundo. Lumalabas na ganito Ka pala kasimple!” Hindi ba mabuti na maging ganito kasimple? Ang hindi pagpapakana ay hindi nangangahulugang hindi Ko kayang matarok ang mga tao; hindi ito nangangahulugang hindi Ko kayang matarok ang diwa at kakanyahan ng mga bagay-bagay; hindi ito nangangahulugang hindi Ko alam kung paano pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Kahit walang pagpapakana, kaya Ko pa ring ilapat ang mga prinsipyo upang pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa angkop at tumpak na paraan ayon sa kapaligiran at kaligiran, na nagiging dahilan upang natural nilang gampanan ang kanilang mga papel at mamuhay sila sa loob ng kanilang mga panuntunan at kautusan sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sa halip na gumamit ng mga taktika, makisangkot sa panlilinlang, o paglaruan ang mga tao para linlangin sila. Ang mga prinsipyo kung paano Ako gumagawa ng mga bagay-bagay, ang mga prinsipyo kung paano Ko pinangangasiwaan ang iba’t ibang problema, at ang mga prinsipyo kung paano Ko tinatrato ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay ay natalakay na lahat sa Aking mga pakikipagbahaginan at sermon sa paglipas ng mga taon. Kapag sinasabi Ko ang mga bagay na ito, hindi Ako sumisigaw ng mga islogan; ang mga bagay na ito ay nagmumula sa Aking mga iniisip at sa Aking pagkataong diwa, at inilalapat Ko rin ang Aking mga iniisip at pananaw upang pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Kaya, kapag inilalapat Ko ang Aking mga iniisip at pananaw upang pangasiwaan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, o pinangangasiwaan Ko ang mga ito ayon sa mga prinsipyong ito, masasabi ba ninyo na ang huling resulta ay pagsunod sa daan ng Diyos o paghihimagsik laban dito? (Pagsunod sa daan ng Diyos.) Samakatwid, gaano man kanormal, kapraktikal, at kaordinaryo—hindi talaga misteryoso—Ako, ang Diyos na nagkatawang-tao, sa paningin ng mga tao, hinding-hindi nito maaapekteuhan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, at hindi Ko rin kayo ililigaw. Sa kabaligtaran, dahil mismo sa Ako Mismo ay may mga prinsipyo sa kung paano Ako umasal at kumilos kaya, kung kaya ninyong hangarin ang katotohanan, kung kaya ninyong umasal at kumilos sa paraang masunurin at sumusunod sa mga alituntunin ayon sa mga prinsipyong sinasabi Ko, at magsagawa ayon sa direksyon at mga layuning itinuturo Ko, sa malao’t madali ay makakamit ninyo ang kaligtasan, makakamit ninyo ang pagpapasakop sa Diyos, at magiging isa kayong taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ay isang katiyakan. Ang magawang makamit ang kaligtasan—hindi ba’t ito ang layong hinahangad ng mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos? Ano pa, kung gayon, ang hinahanap ninyo? Tungkol naman sa kung Ako ba ay misteryoso at di-maarok, matayog, o naiiba sa lahat, o kung mayroon ba Akong ilang espesyal na kakayahan na hindi ninyo maiisip o hindi ninyo taglay, hindi iyon mahalaga. Bukod pa rito, hindi rin mahalaga kung sa tingin ninyo ay normal at praktikal ba Ako at hindi karapat-dapat sa inyong pag-idolo o paghanga. Ano ang mahalaga? Ito ay na ang mga salitang sinasabi Ko, ng hamak na taong ito, ng ordinaryo at normal na taong ito, ay garantisadong magdadala sa inyo sa harap ng Diyos, at garantisadong magbibigay-kakayahan sa inyo na makamit ang kaligtasan. May isa pang bagay na tiyak: Kung kayo ay magsasagawa at makakaranas ayon sa mga salitang ito na Aking sinabi, garantisadong isang araw ang inyong mga iniisip, pananaw, at mga buhay disposisyon ay pawang mababago, at kayo ay magiging isang bagong tao. Maaari kang maging isang miyembro ng bagong sangkatauhan—diyan Ako nakakatiyak. Sigurado ba kayo rito? (Oo.)

Mayroon na ba kayong bagong pagkaunawa ngayon sa mga pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao? (Mayroon.) Kung nakikita ninyo na kung paano Ako umasal at kumilos, at ang Aking mga iniisip at pananaw, ay pawang nasa saklaw ng pagiging normal at praktikal, at kung ang Aking mga prinsipyo sa pagkilos at ang Aking mga iniisip at pananaw ay maaaring makaimpluwensiya sa inyo anumang oras at kusang-loob ninyong tatanggapin ang mga ito, kung gayon ay may sasabihin Akong isang bagay na tiyak: Dahil minamahal ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan, nagagawa ninyong hanapin ang katotohanan mula sa normal at praktikal na mga pagpapamalas ng Diyos na nagkatawang-tao, at kaya rin ninyong tanggapin ang mga prinsipyo kung paano umaasal ang Diyos na nagkatawang-tao at ang Kanyang mga iniisip at pananaw sa iba’t ibang bagay, kung gayon ang inyong mga paghahangad at ang direksyon ng inyong sariling asal ay natural na uunlad sa isang positibong direksyon. Ibig sabihin, habang patuloy kayong nananampalataya, lalo ninyong tataglayin ang normal na pagkatao at lalo ninyong isasabuhay ang wangis ng tao, at lalo pa kayong mapapalapit sa mga hinihingi ng Diyos, at sa huli ay makakamit ninyo ang kaligtasan. Ang pagkakamit ninyo ng gayong mga pakinabang ay direktang nauugnay sa pagdidilig at pagtutustos ng Diyos na nagkatawang-tao, ng ordinaryo at normal na taong ito. Kung kaya ninyong tanggapin at mahalin din ang mga diwa at pagpapamalas na ito ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin ang paraan ng Kanyang pag-asal at ang Kanyang mga panuntunan sa paggawa nito, kung gayon ang inyong mga pagpapamalas at ang inyong pagkatao ay bubuti nang bubuti. Ano ang ibig sabihin ng bubuti at bubuti ang mga ito? Ang sabihin na ikaw ay magiging mas katulad ng isang mabuting tao ay maaaring medyo hungkag. Ang “pagbuti nang pagbuti” na ito ay nangangahulugan na ang iyong konsensiya at ang iyong pagkamakatwiran ay uunlad sa isang positibong direksyon. Gayumpaman, kung namumuhi ka o nasusuklam ka sa pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos na nagkatawang-tao, o kaya ay didiskriminahin mo, hindi tatanggapin, lalabanan, at kukutyain mo pa ito, kung gayon ay magiging napakahirap para sa iyo na tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahahayag Niya, at mahirap para sa iyong maunawaan ang praktikal na kabuluhan at impluwensiya ng normal na pagkatao na taglay Niya. Sa kabaligtaran, ikaw ay magiging tutol pa nga at mamumuhi sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa Kanyang normal na pagkatao. Sa ganitong paraan, magiging napakahirap para sa iyo na isabuhay ang wangis ng isang normal na tao at maging isang taong kinalulugdan ng Diyos, dahil ang mga bagay na sinasamba mo ay hindi mga positibong bagay kundi mga negatibong bagay. Ang mga kilalang tao at mga bituin sa lipunan, at ang mga kalakaran sa lipunan, ang siyang hinahangad at sinasamba mo. Sa gayong kaso, ang landas na tinatahak mo ay isang maling landas, at tungkol naman sa direksyon ng iyong paghahangad at pag-unlad, isang bagay ang tiyak: Hindi ka uunlad sa isang positibong direksyon, kundi sa isang masamang direksyon. Halimbawa, sinasabi Ko na hindi Ako nagpapakana laban sa mga tao, at sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi Ka nagpapakana laban sa mga tao, paano Ka makagagawa ng gayon kadakilang gawain? Kapag nakikisalamuha at nakikitungo Ka sa mga tao, kailangan Mong magpakana. Kung hindi Ka marunong magpakana, hindi Mo kayang paglaruan ang mga tao, at hindi Mo kakayanin ang gawain.” Sinasabi Ko na kung kaya mong sabihin ang gayong mga bagay, tapos ka na. Ang iyong mga iniisip at pananaw ay hindi lamang baluktot, kundi higit pa roon, ang mga ito ay buktot. Imposible para sa iyong tahakin ang tamang landas, dahil ang iyong pagkatao ay walang elemento ng pagmamahal sa katotohanan at pagmamahal sa mga positibong bagay. Imposible para sa iyong tahakin ang landas ng kaligtasan.

Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao sa loob ng normal na pagkatao, madalas na lumilitaw ang problema na hindi nagiging maayos ang daloy ng usapan. Ano ang ibig Kong sabihin sa hindi maayos na daloy? Minsan, kapag nakikisalamuha Ako at nakikipagkuwentuhan sa isang tao sa isang ganap na normal na paraan, ginagawa niyang masyadong komplikado o masyado niyang iniisip-isip ang mga bagay-bagay, at hindi na lang makapagpatuloy ang usapan. Kung hindi na ito makapagpapatuloy, ano ang ginagawa Ko? Tinitigilan Ko na lang ang pakikisalamuha sa taong iyon—naghahanap Ako ng isang taong kayang makisalamuha sa iba, na marunong makipag-usap at makipagkuwentuhan, na may pag-iisip ng normal na pagkatao, at sa halip ay sa kanya Ako nakikipagkuwentuhan at nakikisalamuha. Sa Aking pakikipag-ugnayan sa inyo, ang pinakakaraniwang sitwasyong nakikita Ko ay na nararamdaman ng mga tao, “Ang Iyong pagkakakilanlan at katayuan ay may napakalaking impluwensiya kapag Ikaw ay nagsasalita at nakikipag-usap sa mga tao. Ikaw ang Diyos na nagkatawang-tao, at kami ay mga nilikha. Kung may masabi kaming mali, malamang na ipagpalagay namin na kapantay kami ng Iyong katayuan at salungatin namin ang disposisyon ng Diyos. Dagdag pa, bilang Diyos na nagkatawang-tao, ang Iyong gawain ay ang iligtas ang sangkatauhan, at kinakatawan Mo ang Diyos Mismo, kaya ang Iyong responsabilidad o ang gawaing ginagampanan Mo ay maaari lamang na maging pagpapahayag ng katotohanan upang tugunan ang isyu ng kaligtasan ng tiwaling sangkatauhan. Dapat Ka lamang magsalita tungkol sa gawain, o sa mga paksang nagmumula sa pagka-Diyos. Hindi Ka maaaring magsalita tungkol sa normal na buhay ng tao—sa mga usapin tungkol sa pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon, o magsalita tungkol sa kung kumusta na si ganito-at-ganyang tao. Kung tatalakayin Mo kung kumusta na sila, hinahatulan Mo sila o mayroon Kang mga lihim na motibo.” Dahil taglay ng mga tao ang mga kuru-kurong ito, ikinaklasipika nila ang Diyos na nagkatawang-tao bilang isang di-taong nilalang. Kaya, kapag nakikisalamuha Ako sa mga taong walang normal na pag-iisip at normal na pagkatao, at nagsasalita Ako nang kaunti tungkol sa mga pang-araw-araw na usapin o pang-araw-araw na pangangailangan, ang ilan ay naglalagay ng harang sa isipan, iniisip, “Ano ang silbi ng pag-uusap tungkol dito? Hindi ito espirituwal! Isa pa, mayroon Ka bang mga lihim na motibo sa pagbanggit nito?” Kung tatalakayin Ko ang sitwasyon ng isang indibidwal, iisipin ng ilan, “Ito ba ay paghatol o pagpapakana laban sa mga tao kapag nakatalikod sila? Mayroon Ka bang inihanda para sa kanya? Iaangat Mo ba siya o ititiwalag? Patuloy Mo ba siyang gagamitin o tatanggalin?” Kung tatalakayin Ko ang mga isyu ng isang tao, iisipin ng ilan, “Hindi Mo ba gusto o kinasusuklaman Mo ba ang taong iyon? May ginawa ba siyang nakasakit sa Iyo? May sinabi ba siya o ginawa na nakasalungat sa Iyo?” Lalo na kapag tinatalakay ang mga sensitibong paksa na kinasasangkutan ng mga lider at manggagawa, ang ilan ay mas takot pang makisangkot, sinasabing, “Tinatalakay Mo ang mga ito para sa gawain, pero hindi namin ito tatalakayin sa Iyo. Ang mga ito ay mga sensitibong paksa. Sa sandaling may masabi kaming hindi tumpak, ilalantad at pupungusan Mo kami, at makikita Mo ang pagbubunyag ng aming mga katiwalian at mag-iiwan ito ng masamang impresyon sa amin, na hindi magiging angkop.” May mga pagkakataon din na nagbabanggit Ako ng ilang paksa, tulad ng pagtatanong, “Sino sa pamilya ninyo ang nananampalataya sa Diyos?” Ang paksang ito ay isang sensitibong paksa sa mainland China. Gayumpaman, sa mainland, hindi ito itinuturing na sensitibong itanong sa ilang indibidwal na matagal-tagal mo nang nakakasalamuha at lubos mo nang kakilala—sa ibang bansa, lalong hindi. Pero kung itatanong Ko ito, ang ilang tao ay hindi man lang nangangahas na sumagot. Nagbubulay-bulay sila, “Sinusubukan Mo bang siyasatin ang aking pinagmulan sa pamamagitan ng pagtatanong kung sino sa aking pamilya ang nananampalataya?” Kung magtatanong Ako, “Ilang tao ang mayroon sa inyong lokal na iglesia? Sino ang lider ng iglesia?” iisipin nila, “Naku, sinusubukan Mo bang alamin ang tungkol sa iglesia? Hindi ko maaaring talakayin ito sa Iyo. Kung may masabi ako at malaman ito ng lider ng iglesia, magkakaproblema.” Kita ninyo, mapagbantay sila kahit na pinag-uusapan ang mga usapin ng iglesia, at takot silang magsabi ng anuman. Maraming tao ang hindi nangangahas na talakayin ang mga paksang may kaugnayan sa mga lider at gawain ng iglesia, o sabihin nang malaya kung ano ang nasa isip nila. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang takot na malantad ang sitwasyon ng iglesia at makasalungat sa mga lider at manggagawa, at kasabay nito, ang takot na hindi sinasadyang maibunyag ang sarili nilang mga iniisip at pananaw at mapungusan o mailantad. Ito ay isang bagay na ayaw nilang mangyari. Kaya, kapag nakikisalamuha Ako sa maraming tao, kahit ang ordinaryong pakikipag-usap ay hindi nagiging maayos ang daloy. Kapag nakikisalamuha Ako at nangangasiwa ng mga bagay-bagay sa mga walang pananampalataya na komplikado ang mga isipan at kaligiran, sa sandaling matapos Akong mangasiwa ng mga bagay-bagay, agad Akong umaalis—hindi Ako makabuo ng malalalim na relasyon o masyadong mapalapit. Pero kapag nakikisalamuha Ako sa mga kapatid, natutuklasan Ko na karamihan sa mga tao ay ganoon din: hindi Ako masyadong makalapit o makabuo ng malalalim na relasyon. Hindi sa itinuturing Kong mas mataas ang Aking sarili at ayaw Kong makisalamuha sa karamihan ng tao; sa halip, kapag sinusubukan Kong lapitan sila o makipag-ugnayan sa kanila, hindi nila namamalayan na lumalayo sila o umiiwas sa Akin. Bakit ka umiiwas sa Akin? Kung may masabi kang mali, hindi kita kokondenahin at hindi Ko palalakihin ang isyu. Kung isa kang lider o manggagawa, maaari tayong magbahaginan tungkol sa katotohanan at mag-usap tungkol sa anumang aspektong hindi mo nauunawaan. Kung isa kang ordinaryong kapatid at talagang may nasabi kang mali o mayroon kang ilang maling kaisipan at pananaw, nakadepende iyon sa kung gusto kitang kausapin tungkol dito. Kung makita Ko na mahina ang iyong kakayahan at kulang ka sa abilidad na umarok, at wala kang kayang matarok na anuman, kung gayon ay ayaw kitang kausapin, at kahit pa mag-usap tayo, wala itong ibubungang anumang resulta. Gayumpaman, kung mahusay ang iyong kakayahan, mayroon kang abilidad na umarok, at kaya mong matarok ang ilang bagay, kung gayon, ang pakikipag-usap sa iyo ay maaaring magbunga ng mga resulta, at hindi ito magiging pagsasayang ng laway. Kahit sino pa ang kaswal Kong kausapin o anuman ang mga problemang matuklasan Ko, sa Aking puso, una, hindi Ko sila kokondenahin, ikalawa, hindi Ko sila susumpain, at ikatlo, hindi Ko itatakda ang kanilang mga kahihinatnan. Ang pagkilos sa ganoong paraan ay magiging walang batayan, at hindi Ako gumagawa ng mga kahangalan. Sa usapin ng normal na pagkatao, minsan kapag may nakakasalubong Akong kakilala, gusto Ko lang makipag-usap at makipagkuwentuhan nang kaunti. Kung gusto mo, kakausapin kita. Kung ayaw mo, hindi kita pipilitin. Ang ilang tao ay takot na makipagkuwentuhan sa Akin. Anuman ang sabihin Ko, mapagbantay sila laban sa Akin at hindi ipinahahayag ang kanilang mga pananaw, sa takot na may masabi silang mali at bigyan Ako ng isang bagay na panghahawakan laban sa kanila. Kung makita Kong ayaw mong sabihin kung ano ang nasa puso mo, titigil Ako sa angkop na punto. Kung palagi kang mapagbantay laban sa Akin, palaging takot na nagpapakana Ako laban sa iyo, kung gayon ay hindi Ako magkakaroon ng ganang makipag-usap sa iyo. Sabihin mo sa Akin, normal ba ang pagkamakatwiran Kong ito? (Oo.) Kapag Ako ay nakikipag-usap at nakikipagtalastasan sa isang tao, laging mayroong isang uri ng konteksto. Halimbawa, kung ikaw ang responsable sa pag-aalaga ng hayop sa isang bukid, pag-uusapan natin ang tungkol sa pag-aalaga ng hayop. Kung isa kang lider ng iglesia, tatalakayin natin ang mga usapin ng iglesia, ang mga bagay na may kaugnayan sa mga kapatid, kung ano ang kasalukuyang mga kalagayan ng mga kapatid, o kung kumusta na ang buhay iglesia. Kung isa kang mangangaral ng ebanghelyo, pag-uusapan natin ang gawain ng ebanghelyo. Ito ay pakikisalamuha sa mga tao sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, at bahagi rin ito ng Aking gawain. Ang ilang usapin ay hindi kinasasangkutan ng gawain ng iglesia pero mga pangkalahatang gawain pa rin ng sambahayan ng Diyos. Normal na pag-usapan ang mga bagay na ito kapag nagkikita tayo. Pinangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay at ginagawa ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kaya kapag nagkita tayo, dapat kitang batiin at kausapin, at dapat kong tingnan kung mayroon kang anumang mga paghihirap. Minsan, sa mga kaswal na usapan, nagtatanong Ako ng tulad ng, “Bumaba ang temperatura nitong mga nakaraang gabi—malamig ba sa lugar ninyo?” Ang ilan ay ayaw marinig ito, iniisip, “Matatanda na kami; kailangan ba namin na mag-alala Ka tungkol sa amin?” Hindi pinahahalagahan ang mabubuting hangarin, tama ba? Sa ibang pagkakataon, kapag pumupunta Ako sa kusina, nagtatanong Ako, “Kumusta ang mga gulay ngayong taon? Sapat ba ang makakain? Anong mga gulay o pagkain ang gusto ninyo?” Ang mga ito ay napakanormal na mga bagay, hindi ba? (Oo.) Pero masyadong komplikado ang puso ng mga tao, at sa ilang kaso, walang maayos na daloy kahit kapag nakikisalamuha at nakikipag-usap Ako sa kanila sa isang normal na paraan. Bakit ganito? Nangyayari ito dahil palaging takot ang mga tao na malantad ang kanilang mga isyu at ang kanilang mga tunay na sitwasyon. At ano ang kinatatakutan ng iba? Natatakot sila na: “Kung ibubunyag ko ang aking tunay na sitwasyon, ilalantad Mo ako sa Iyong mga sermon sa mga pagtitipon, gagamitin ako bilang puntirya.” Bakit hindi ka maaaring maging puntirya? Kapag nakikipagbahaginan Ako sa katotohanan tungkol sa iyong mga problema, nalulutas nito ang mga iyon. Hindi ba’t isa itong karagdagang pakinabang na nakamit mo? Hindi ba’t ito ang iyong magandang kapalaran? Ito ay isang mabuting bagay. Pinapatunayan nito na sineseryoso kita at mayroon Akong kaunting pagsasaalang-alang sa iyo. Tama ba ito? Kung hindi kita papansinin at wala ka sa Aking puso, at kung may matutuklasan Akong anumang mga problema sa iyo pero hindi ko papansinin ang mga iyon at hindi kita bibigyan ng gabay at pagbabahaginan, kung gayon, mauunawaan mo ba ang katotohanan at malulutas ang iyong mga problema? Magiging masaya ka ba roon? Kung masisiyahan ka roon, iisiping, “Wala sa mga isyung inilalantad ng Diyos ang may kaugnayan sa akin, kaya pinapatunayan nito na wala akong mga problema,” kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan, hindi ka magiging isang taong naghahangad ng katotohanan. Ang ilang tao, pagkatapos ng maraming taon ng pananalig, ay hindi kailanman napungusan, ni minsan ay hindi sila nagsilbing hambingan, subalit sila ay nakakaramdam ng pagmamalaki at suwerte, iniisip na napakabuti nila, na wala silang mga problema, at na tiyak silang maliligtas. Hindi ba’t labis itong problematiko? Ang gayong tao ay tiyak na hindi makakamit ang kaligtasan.

Ang mga taong may pag-iisip ng normal na pagkatao, kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha sa iba sa loob ng normal na pagkatao, ay susundin ang pakiramdam ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dahil sa pakiramdam na ito, mayroon silang pinakapangunahing pamantayan at mga prinsipyo sa pagtrato nila sa iba. Kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha ka sa mga tao sa loob ng pag-iisip ng normal na pagkatao, sa isang banda, madarama ng mga tao na may kamalayan ka sa konsensiya ng pagkatao. Sa kabilang banda, kumikilos ka nang may angkop na asal kaya hindi ka hindi kaaya-aya sa iba. At ang isa pang mahalagang punto ay na kapag nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan ka sa iba, makikinabang sila mula sa mga salitang ibinabahagi mo at magkakamit ng ilang bagay na kailangan ng pagkatao. Ito ang tinatawag nating pakikisalamuha at pakikipag-usap sa mga tao. Ano ang ibig sabihin ng pakikipag-usap? Sa simpleng salita, ito ay kaswal na pakikipagkuwentuhan. Karamihan sa mga tao ay hindi marunong makipagkuwentuhan nang kaswal; sa sandaling magsalita sila, malamang na sila ay makipagtalo at makipagbangayan, o nagyayabang sila at nagsesermon sa iba para sundin sila. Ang mga may kaunting husay sa pagsasalita ay gustong mangaral sa iba at magsilbing guro ng mga ito sa sandaling ibuka nila ang kanilang bibig. Ang mga pagpapamalas na ito ay pawang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong may mga tiwaling disposisyon ay hindi kayang makipagkuwentuhan nang kaswal sa iba nang normal. Kahit pa normal silang magsalita sa loob ng ilang sandali, hindi ito magtatagal. Sa isang punto, magsisimula silang makipagtalo, namumula ang mukha at lubos na nadadala ng emosyon. Hindi ito normal na pakikipagkuwentuhan nang kaswal. Ang isang normal na pakikipagkuwentuhan nang kaswal ay tiyak na hindi pagdedebate ng tama at mali, o pag-aaway at pagbabangayan, lalo nang hindi paghusga o pagkokondena sa mga tao. Bigyan natin ng kahulugan ang isang kaswal na pakikipagkuwentuhan. Ito ay ang pagpapalitan at pagbabahagi ng impormasyon—ito ang tinatawag nating kaswal na pakikipagkuwentuhan. Tumpak ba ang kahulugang ito? (Tumpak.) Sa anong paraan ito tumpak? Ang pagpapalitan at pagbabahagi ng impormasyon ay nakasalig sa pundasyon ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Tingnan ninyo—paano ba nakikipagkuwentuhan at nakikipag-usap ang mga taong may konsensiya at katwiran? Hindi sila nakikipagtalo, at nagagawa nilang igalang ang isa’t isa, na kapaki-pakinabang sa kabilang partido. Matapos marinig ang ibinahagi ng isa, nagkakamit sila ng ilang bagong impormasyon. Pagkatapos, sasabihin naman nila sa kabilang partido ang ilang impormasyong alam nila, para makinabang din ang kabilang partido at, sa loob ng kanilang pagkatao, ay magkamit ng karanasan, kabatiran, at kaalaman. Ang pagbabahagi ng impormasyong alam nila sa kabilang partido batay sa mga prinsipyo ng paggalang sa taong iyon at pakikisama nang may pagkakasundo at pagkakapantay-pantay, at pagkatapos ay pagtanggap ng impormasyong ibinahagi sa kanila ng kabilang partido—hindi ba’t ito ay pagtutulungan? Ito ay nakasalig sa pundasyon ng pagkakapantay-pantay, pagtutulungan, pagkakasundo, at pagiging patas. Ito ang ibig sabihin ng pakikipag-usap at pakikipagkuwentuhan nang kaswal. Sabihin mo sa Akin, tumpak ba ang Aking kahulugan? (Tumpak.) Ang pagsasagawa ng pakikipagkuwentuhan at pakikipag-usap batay sa prinsipyong ito ay tama. Kung ang mga pakikipag-usap at pakikipagkuwentuhan ay puno ng mga pagpapakana, pagtatalo, tunggalian, pagbabalak, panlalansi, patibong, at pagsubok, at kung ang nabubunyag ay puro mga tiwaling disposisyon, kung ito ay puro panunupil sa isa’t isa, na bawat tao ay nagyayabang, nakikipagkompetensiya sa isa’t isa, nagpapagalingan kung sino ang nagsasalita nang mas matayog o nagsasabi nang mas marami, kung gayon, hindi ito normal na pakikipag-usap. Hindi ito pakikipag-usap sa loob ng saklaw ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang pakikipag-usap na ito ay hindi isang pagpapalitan at pagbabahaginan ng impormasyon, kundi mga hayagan at lihim na tunggalian at bangayan sa salita. Hindi ba’t gayon nga? (Oo.)

Para makamit ang pakikipag-usap sa iba nang walang pagpapakana, dapat mong matutunang makipag-usap sa loob ng saklaw ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang layunin ng pakikipag-usap ay ang tulungan ang iba at para na rin makatanggap ng tulong at mga pakinabang mula sa iba. Ito ang normal na pakikipag-usap, at sa paraang ito ay makakamit mo ang pakikipag-usap nang walang pagpapakana. Tingnan ninyo ang pakikipag-usap at pakikipagkuwentuhan ng mga walang pananampalataya; makakamit ba nito ang epekto ng normal na pakikipag-usap? (Hindi.) Kapag ang mga tiwaling tao ay nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan, normal ba ang nilalaman, mga motibo, at tono ng kanilang pakikipag-usap? (Hindi.) Ang kanilang pakikipag-usap ay parang mga tandang na nagsasabong o mga asong nag-aaway lang. Puwede bang umusad nang maayos ang kanilang pakikipag-usap? (Hindi.) Hindi man lang nila magawang hindi magpakana laban sa iba o makipagtalo sa mga ito. Nangangailangan ang pakikipag-usap ng pusong may pagmamahal, ng pagnanais na tulungan ang isa’t isa, at ng kahandaang matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa para mapunan ang mga kahinaan upang maging maayos ang daloy nito. Kapag Ako ay nakikipag-usap at nakikipagkuwentuhan sa inyo, hindi sapat na Ako lang ang hindi nagpapakana; kailangan din ninyong magsagawa ayon sa prinsipyong ito, hindi nagpapakana at hindi naghihinala. Kung hindi Ako nagpapakana pero palagi kayong nagpapakana, at hindi lang kayo mismo nagpapakana kundi naghihinala pa na Ako ay nagpapakana, kung gayon, ang ating pag-uusap ay hindi dadaloy nang maayos, at hindi rin natin makakamit ang tunay at kapaki-pakinabang na interaksyon at hindi tayo magkakasundo. Ang ilang tao, kapag nakikita nila Akong dumarating, ay mabilis na naghahanap ng lugar na mapagtataguan. Kung talagang hindi nila Ako maiiwasan, labag sa loob nila Akong binabati, pero sa puso nila, ayaw nila Akong makita, iniisip, “Kay hirap naman nito. Nandito Ka na naman para alamin ang aming aktuwal na sitwasyon. Pagkatapos, magbabahagi Ka na naman ng mga katotohanang prinsipyo at ipapahiya kami. Ano ang dapat naming gawin?” Kung ayaw mong makipagkita o makisalamuha sa Akin, at pagod na pagod ka sa loob mo habang nakikisalamuha ka sa Akin, at palagi mong nararamdaman na sinusubukan Kong magpakana laban sa iyo, kung gayon, maaari mo Akong iwasan kapag nakita mo Akong papalapit. Kung nararamdaman mo na kapag nakikisalamuha ka sa Akin, hindi Ako nagpapakana at ang hatid nito sa iyo ay kaginhawahan, kagalakan, kalayaan, at pagiging kalmado, kung gayon magkita tayo, magkuwentuhan, at magkumustahan tungkol sa mga nangyari kamakailan. Kung tatanungin mo Ako, “Kumusta Ka na?” sasagot Ako nang matapat. Kung tatanungin kita, “Kumusta na ang mga bagay-bagay kamakailan? Nagkaroon ka ba ng anumang pag-usad sa buhay? Nagtamo ka ba ng anumang pakinabang mula sa paggawa ng iyong tungkulin?” at kaya mo ring sumagot nang matapat, napakabuti niyan. Bawat pagkikita ay maaaring magpatuloy sa isang kaaya-ayang atmospera. Kung hindi tama para sa mga tao na palaging magtago sa Akin kapag nakikita nila Ako, tama bang palaging gumamit ng hindi sinserong papuri para sadyang manuyo sa Akin? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? (Ang pagkahilig sa panunuyo ay katumbas ng kabulaanan at panlilinlang. Mas mabuting magsalita kami nang totoo, at kailangan lang naming tratuhin ang Diyos nang may normal na mentalidad. Sa isang banda, dapat kaming maging bukas sa Kanya. Sa kabilang banda, hindi kami dapat manuyo, sadyang subukang sumipsip sa Diyos, o sadyang subukang makipaglapit sa Kanya.) Sa Akin, mayroon lang isang hinihingi: Kapag nakikita kita, huwag kang magtago sa Akin, at kapag hindi kita hinahanap, huwag mo Akong kulitin. Gawin mo ang dapat mong ginagawa, at gawing normal ang lahat. Hindi Ko aapektuhan ang paggampan ninyo sa inyong tungkulin, at hindi ninyo Ako dapat apektuhan. Ang pagtatago sa Akin at ang pangungulit sa Akin ay parehong hindi mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa Akin. Kung gayon, ano ang prinsipyo? Ito ay ang makipag-usap sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at ang magawang makipag-usap nang bukas at magsabi ng simpleng katotohanan; anuman ang itanong Ko, dapat kang sumagot nang totoo. Bakit hindi magawang magsabi ng mga tao ng simpleng katotohanan? Halimbawa, ipagpalagay na tinanong kita, “Ilang tao ang nakamit mo sa pangangaral ng ebanghelyo ngayong buwan?” at ayaw mong sumagot. Kung makita Ko na hindi ka komportable, hindi na kita pipilitin pa. Ayaw Kong ilagay ang mga tao sa isang mahirap na sitwasyon, at hindi Ko kailanman pinipilit ang sinuman na magsalita. Ang ilang tao, anuman ang itanong sa kanila ng iba, ay palaging nagbubulay-bulay, “Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong nito?” Ayaw nilang sumagot nang direkta, takot na takot na magkamali sa pagsagot at magdulot ng mga problema sa kanilang sarili. Kung palagi kang naghihinuha at nagpapakana nang ganito, hindi tayo makakapag-usap. Hindi mo kailangang palaging siyasatin ang kahulugan ng Aking mga tanong, at hindi ka rin dapat magpakana laban sa Akin. Kung kaya mong maging simple at buksan ang iyong sarili para sabihin kung ano ang nasa puso mo, kung gayon ay makakapag-usap tayo. Madali ba ito o hindi? (Madali.) Madali itong sabihin, pero maaaring medyo mahirap itong gawin talaga. Hindi ito kasingdali ng inaakala. Halimbawa, maaaring minsan ay may itinanong Ako sa iyo, at hindi ka nagsabi ng totoo noong oras na iyon—nagsinungaling ka. Nabigo ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap na iyon. Dahil nabigo, ano ang dapat mong gawin? Sikaping maging sapat na matapang para aminin ito sa susunod na magkita tayo: “Nagsinungaling po ako noong nakaraan. Mula ngayon, sasabihin ko na ang simpleng katotohanan.” Pagkatapos ay hihikayatin kita—pupurihin kita at bibigyan ng thumbs-up: Nagtagumpay ka sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang matapat na tao. Hindi ba’t napakaganda niyon? (Oo.)

Pagdating sa pagbabahaginan sa paksa ng hindi pagpapakana, kahit gaano karaming halimbawa ang ibigay, ang sinasabi sa inyo ay isang prinsipyo. Alam ba ninyo kung ano ang prinsipyong iyon? (Huwag gamitin ang perspektiba ng tiwaling sangkatauhan para sukatin ang Diyos o paghinalaan ang Diyos.) Tama iyan. Huwag tratuhin ang Diyos gamit ang perspektiba ng tiwaling sangkatauhan. Kung gayon, anong prinsipyo ang dapat sundin? (Tratuhin ang Diyos bilang Diyos.) Hindi ba puwedeng tratuhin Siya bilang isang tao? Hindi ba puwedeng tratuhin Siya bilang isang normal at ordinaryong tao? Tratuhin mo man Siya bilang Diyos o bilang isang tao, ang pinakamahalagang prinsipyo para sa pakikipag-ugnayan sa kapwa ay ang maging bukas sa isa’t isa. Kapag nagsasalita Ako at gumagawa ng mga bagay kasama ka, hindi Ako nagpapakana laban sa iyo, at dapat ka ring maging bukas sa Akin. Kung gayon, kung may magpakana laban sa iyo, dapat ka rin bang magpakana laban sa kanya? (Hindi.) Kung may magpakana laban sa iyo, dapat mo rin siyang tratuhin ayon sa mga prinsipyo. Iyon ang tamang paraan. Hindi lang ito na hindi Ako nagpapakana laban sa iyo, kaya bukas ka sa Akin, nang walang pagpapakana o paghihinala. Sa halip, kahit na magpakana ang iba laban sa iyo, kaya mo pa ring kumilos at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang pagsunod sa mga prinsipyo. Sinasabi ng ilang tao, “Nagpakana sila laban sa akin—paanong hindi ako gaganti? Kung hindi ko sila tuturuan ng leksyon at hahayaan ko lang silang apihin ako nang ganito, hindi ba’t malulugi ako? Ganoon ba ako kadaling apihin?” Sabihin mo sa Akin, may katwiran ba ang pangangatwiran nila? Mata sa mata, ngipin sa ngipin—ito ay makatwiran sa mga tao sa mundo. Pero kung susukatin sa pamamagitan ng katotohanan, mali ang pahayag na ito. Ang pagpapakana nila laban sa iyo ay isang masamang gawa. Kung gaganti ka naman, na ginagamit ang parehong paraan para magpakana laban sa kanila, sa mga mata ng Diyos, pareho lang ang diwa; parehong masasamang gawa iyon. Hindi sasabihin ng Diyos na dahil nagpakana sila laban sa iyo, ang pagganti mo ay ganap na may katwiran at naaayon sa mga prinsipyo, at hindi isang masamang gawa. Hindi tinitingnan ng Diyos kung bakit ka nagpakana laban sa kanila; tinitingnan Niya kung ang mismong kilos mo ay isang pakana, kung ito ay isang masamang gawa, at kung tinatrato mo ang usaping ito sa pamamagitan ng pagsukat dito gamit ang katotohanan o ang mga moral na pananaw ng tao. Kung ang usapin ay susukatin sa pamamagitan ng mga moral na pananaw ng tao, kung gayon, ang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay ituturing na angkop. Sila ang unang nagpakana laban sa iyo, kaya makatwirang gumanti ka at magpakana laban sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga parehong paraan, at dapat nilang tanggapin ang gayong mga kahihinatnan. Kung susukatin mula sa perspektiba ng tao, gamit ang mga moral na pananaw ng tao, hindi ito mali. At kung susukatin sa pamamagitan ng batas, marahil ay hindi ito ilegal. Pero sa mga mata ng Diyos, ito ay salungat sa katotohanan. Anumang bagay na salungat sa katotohanan ay isang masamang gawa at kinokondena sa mga mata ng Diyos. Kahit pa lehitimo ang iyong pagganti, hindi iiwas ang Diyos sa pagkondena sa iyo dahil lang sa ang pagganti mo ay makatwiran at mapangangatwiranan ang moralidad. Titingnan ng Diyos ang paraan ng pagtrato mo sa kanila matapos nilang magpakana laban sa iyo. Kung tatratuhin mo sila sa parehong paraan, kokondenahin ka ng Diyos. Pero kung tatratuhin mo sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo at tatratuhin sila nang patas at makatarungan sa paraang itinuro sa iyo ng Diyos, kung gayon kahit na sa moralidad ay maaaring magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao at kondenahin ka, at sa legalidad ay maaari kang mahatulan, sa mga mata ng Diyos, sinasabi ng Diyos na sa usaping ito ay kumilos ka alinsunod sa prinsipyo at na hindi ito isang masamang gawa—hindi ka Niya kokondenahin. Kung kaya mong tratuhin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo dapat tratuhin si Cristo ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon o batay sa iyong mga tiwaling disposisyon, at hindi ka dapat gumamit ng mga pakana at panlalansi laban sa Kanya. Dapat ay ganito rin sa pagtrato mo sa mga tao. Kung kaya mong tratuhin si Cristo, ang ordinaryong taong ito, nang tama, kung gayon, sa parehong paraan ay kaya mo ring tratuhin nang tama ang iba. Kahit sino pa ang isang tao, dapat mong gamitin ang tamang saloobin sa pagtrato sa kanya. Sa ganitong paraan, magiging tama ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan sa pagtrato sa mga tao. Kung magkakamali ka sa iyong saloobin sa mga tao o sa iyong mga iniisip at pananaw tungkol sa kung paano sila tratuhin, agad mong pagninilayan ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos at itutuwid ang iyong mga iniisip at pananaw, habang kasabay nito ay patuloy na itinatama ang iyong pag-uugali, at unti-unti, ang iyong mga kaisipan at pananaw sa pagtrato sa mga tao at ang iyong mga prinsipyo sa pag-asal at pagkilos ay mas lalong aayon sa katotohanan. Kapag ang mga katotohanang prinsipyo ay naging buhay mo na, ang iyong tiwaling disposisyon ay naiwaksi na at nabago na, at magagawa mo nang tratuhin ang mga tao nang patas at makatarungan, at sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi sila nagpapakana laban sa iyo, iniisip mong tama lang na hindi ka magpakana laban sa kanila. Pero kung nagpapakana sila laban sa iyo, at kaya mong pigilan ang sarili mong magpakana laban sa kanila, sa halip ay hinahanap mo ang katotohanan at tinatrato sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t pag-usad iyon? Hindi ba’t pagbabago iyon? (Oo.) Kung nagpapakana sila laban sa iyo at nagpapakana ka rin laban sa kanila, hindi ba’t pareho lang ang landas na tinatahak mo sa landas ng taong nagpapakana laban sa iyo? Kung ganoon, ano ang pagkakaiba mo sa mga tao sa mundo? Ang iyong mga pananaw sa mga tao, bagay, pag-asal at pagkilos ay hindi nagbago. Hindi nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo, kundi sa mga prinsipyo ng mga tao sa mundo: Sinumang nagpapakana laban sa iyo, nagpapakana ka laban sa kanila—mata sa mata, ngipin sa ngipin. Wala kang pinagkaiba sa mga tao sa mundo, sa mga walang pananampalataya. Kung, may magpakana man laban sa iyo o wala, hindi ka kailanman nagpapakana laban sa kanya kundi sa halip ay tinatrato mo siya ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, ang paninindigan at perspektibang ito ay tama; ito ay pagsasagawa ng katotohanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa mga tao? Kung may sumampal sa iyong kanang pisngi, ano ang dapat mong gawin? (Sinabi ng Panginoong Jesus: “kundi sa sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila” (Mateo 5:39).) Sinasabi ng ilang tao, “Kung sasampalin nila ako, gagantihan ko sila! Kung sasampalin nila ang kaliwang pisngi ko, sasampalin ko rin ang kaliwang pisngi nila. Kung sasampalin nila ang kanang pisngi ko, sasampalin ko rin ang kanang pisngi nila. Hindi ito kinokondena sa moralidad o sa batas.” Sinasabi ng Diyos, “Mali. Kung sasampalin nila ang kaliwang pisngi mo, iharap mo rin sa kanila ang kanang pisngi mo. Huwag kang gumanti.” Kaya mo bang gawin iyan? Katanggap-tanggap man o hindi sa mga mata ng tao ang hinihingi ng Diyos—marahil sa ilang tao, ito ay isang hangal na kasabihan, isang kalokohan—ito ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Kaya mo bang gawin ito? Sinasabi mo, “Hindi ko kaya. Kung sasampalin nila ang kaliwang pisngi ko, kailangan ko silang gantihan, kung hindi ay mawawala ang aking pride at dignidad, at lubusan na akong mapapahiya.” May katwiran man sa tiwaling sangkatauhan o wala ang pahayag mong ito, kung sa mga mata ng Diyos ay mali ang iyong pahayag, mali ang iyong pananaw, at mali ang iyong kilos, kung gayon, ang iyong kilos ay kinokondena sa mga mata ng Diyos. Ano ang dahilan kung bakit ito kinokondena? Ito ay dahil hindi ka nakinig sa mga salita ng Diyos, hindi ka sumunod sa daan ng Diyos. Sinabi sa iyo ng Diyos na kung may sumampal sa iyong kaliwang pisngi, dapat mong iharap din sa kanya ang iyong kanang pisngi. Ginawa mo ba iyan? Tinatanong ka lang ng Diyos: Nakinig ka ba sa mga salita ng Diyos? Nagsagawa ka ba nang ayon sa itinagubilin sa iyo ng Diyos? Kung hindi ka nagsagawa nang ganito, kung gayon, hindi ka sumunod sa daan ng Diyos at ikaw ay isang taong naghihimagsik laban sa Diyos; hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan, at hindi isang taong tumitingin sa mga bagay-bagay at umaasal ayon sa mga salita ng Diyos. Kung ganoon, hindi ka gusto ng Diyos, hindi ka isang taong tinatanggap ng Diyos, at sa mga mata ng Diyos, ang sampal na isinukli mo ay isang masamang gawa. Marahil ay palagi mong iisipin na ito ay ganap na makatwiran, na ito ay isang kinakailangang paraan para protektahan ang iyong dignidad at mga karapatan. Pero sa mga mata ng Diyos, ang sampal na iyon ay nangangahulugan na hindi ka sumunod sa daan ng Diyos, at hindi mo rin ito gustong gawin, na hindi ka nakikinig sa mga salita ng Diyos, at na sa iyong mga mata, ang mga salita ng Diyos ay doktrina lang, mga hungkag na salita. Ipinangangaral mo lang ang mga salita ng Diyos pero hindi mo kailanman isinasagawa ang mga ito. Ilalarawan ka ng Diyos bilang isang taong hindi sumusunod sa daan ng Diyos. Kaya makakamit mo pa rin ba ang pagtanggap ng Diyos? Kung hindi ka sumusunod sa daan ng Diyos, ang mga salita ng Diyos ay hindi kailanman magiging buhay mo. Gaano mo man igiit ang sarili mong katwiran, pagdating sa Diyos, hindi Siya makikinig. Hindi sasabihin ng Diyos, “May sumampal sa kaliwang pisngi mo nang walang dahilan, at kaawa-awa ka. Para protektahan ang iyong dignidad, puwede kang gumanti. Pagkatapos gumanti, puwede kang manalangin at magkumpisal ng iyong kasalanan, at patatawarin ka ng Diyos at hindi ka kokondenahin.” Hindi iyon sinabi ng Diyos. Sinabi ng Diyos na kung may sumampal sa iyong kaliwang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang iyong kanang pisngi. Kung kaya mong gawin iyon, ikaw ay isang taong sumusunod sa daan ng Diyos. Kung hindi mo kaya, sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang taong naghihimagsik laban sa Diyos, isang taong hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos o sumusunod sa daan ng Diyos, isang masamang tao. Ano ang saloobin ng Diyos sa masasamang tao? Sinasabi ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin! Hindi Ko kayo nakikilala.” Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Naiintindihan ba ninyo? (Naiintindihan.) Ganoon din sa usapin ng pagpapakana. Sinasabi mo, “Nagpakana sila laban sa akin, kaya ano ang masama sa pagpapakana ko laban sa kanila?” Ang pagpapakana mo laban sa mga tao ay sadyang mali. Sa anong paraan ito mali? Mali ito dahil ang pagpapakana mismo ay isang masamang gawa, hindi isang mabuting gawa. Kaya, kapag nagpapakana sila laban sa mga tao, kinokondena sila ng Diyos. Kung gagawin mo rin iyon, kokondenahin ka ng Diyos sa parehong paraan. Dapat kang kumilos sa paraang walang pagpapakana, sa paraang tinatanggap ng Diyos. Ang iyong tungkulin ay ang magsagawa ayon sa landas at mga prinsipyo para sa pagsasagawa na sinabi sa iyo ng Diyos, hindi ang ipangatwiran ang sarili mong pangangatwiran o protektahan ang iyong personal na dignidad o karangalan. Ang iyong personal na karangalan, katayuan, at dignidad ay hindi mahalaga. Ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay kung naisasakatuparan ba sa iyo ang mga salita ng Diyos, kung ang mga salita ng Diyos ay naging buhay mo na, kung naisabuhay mo na ba ang mga salita ng Diyos, at kung natupad na ba sa iyo ang mga salita ng Diyos. Naiintindihan ba ninyo? (Naiintindihan.) Sinasabi ng ilang tao, “Minura nila ako, kaya mumurahin ko rin sila.” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Sinasabi ng iba, “Palaging makitid ang isip nila sa akin, kaya bakit hindi puwedeng maging makitid ang isip ko sa kanila? Kung hindi, hindi ba’t magmumukha akong hangal?” Mahalaga ba kung ano ang tingin sa iyo ng iba? (Hindi.) Palaging nag-aalala ang mga tao na mapapahiya sila, palaging takot na makita sila ng iba bilang hangal at tunggak. Ang totoo, hindi mahalaga kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Ano ang mahalaga? Kapag nakikita ka nila bilang hangal, bilang tunggak, kapag tinutuya ka nila, paano ka tumutugon? Tumutugon ka ba nang may pagkamainitin ng ulo, gamit ang mga pamamaraan at gawi ng tao, o ayon sa mga prinsipyong sinabi sa iyo ng Diyos? Nagsagawa ka ba ayon sa mga salita ng Diyos? Nanindigan ka ba sa iyong tungkulin? Dahil lang sa tinatawanan ka nila at tinatawag kang hangal, nagmamaktol ka at tinatalikuran mo ang iyong gawain, “Tingin mo sa akin ay hangal, kaya hindi ko na ito gagawin!” Hindi mo ito ginagawa para sa kanila. Kung tatalikuran mo ang iyong tungkulin, ano ang sasabihin ng Diyos? “Dahil may tumawag sa iyong hangal, tinalikuran mo ang tungkuling ipinagkatiwala Ko sa iyo. Wala kang katapatan!” Ganito ito makikita ng Diyos. Kung tunay na nasa puso mo ang Diyos, kung tunay kang may katapatan sa Diyos, kung gayon, kung may tumawa sa iyo at tumawag sa iyong hangal, dapat mo munang pagbulay-bulayan: “Sinasabi mong hangal ako, sinasabi mong tunggak ako, at pinagtatawanan mo ako kapag nakatalikod ako. Hindi ako makikipagtalo sa iyo at hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa iyo. Ako ay hangal at mahina ang aking kakayahan, pero itinaas ako ng Diyos at hindi Niya ako hinahamak. Ang tungkuling ito ay hindi mo ibinigay sa akin, ibinigay ito sa akin ng Diyos: Ito ang atas sa akin ng Diyos. Hindi mahalaga kung mataas man ang tingin mo sa akin o hindi. Hindi ko ginagawa ang aking tungkulin para makita mo. Ang paggawa ng aking tungkulin ay ang aking tawag. Dapat kong gawin nang maayos ang aking tungkulin, at dapat akong maging tapat sa Diyos. Dapat kong pahalagahan ang tungkuling ito, at dapat akong maging karapat-dapat sa pagtataas at pagtitiwala sa akin ng Diyos. Dapat akong maging deboto sa aking tungkulin. Hindi ko maaaring talikuran ang aking tungkulin at biguin ang Diyos dahil tinawag mo akong hangal. Kapag nagkagayon ay tunay akong magiging hangal.” Hindi ba’t ang pag-iisip sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Hindi ba’t pagbitiw ito sa pagkamainitin ng ulo? Hindi ito pagtugon nang may pagkamainitin ng ulo. Kapag kaya na ninyong kumilos sa ganitong paraan, tunay na kayong nagbago, at may tayog na. Hindi kayo malilimitahan ng mga tao, pangyayari, o bagay. Anuman ang mga sitwasyon, pananatilihin ninyong matatag sa isipan ninyo ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi ninyo tatratuhin ang anumang bagay nang may pagkamainitin ng ulo, mga emosyon, o lagay ng loob, o personal na mga kagustuhan, pagnanais, o ambisyon. Ang mga salita ng Diyos ang magiging pinakamataas at pinakadakilang mga bagay sa iyong puso, at kapag may anumang mangyari, hahanapin mo muna ang mga salita ng Diyos, “Ganito ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kaya maninindigan ako sa mga ito. Hindi mahalaga kung ang tingin ng iba sa akin ay hangal. Ang mahalaga ay kung paano ako nakikita ng Diyos. Bagama’t ako ay hangal at mahina ang aking kakayahan, ipinagkatiwala pa rin sa akin ng Diyos ang isang tungkuling dapat gawin. Napakalaking pagtataas mula sa Diyos ang aking tinamasa! Isa itong pagpapala!” Kung kaya mong tratuhin ang mga bagay na iyong nararanasan ayon sa mga salita ng Diyos, malalaman mo kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo.

Ipagpatuloy natin ang pag-uusap tungkol sa usapin ng hindi pagpapakana. Sa pang-araw-araw na buhay, madalas na nakakaranas ang mga tao ng pagpapakana mula sa iba sa iba’t ibang bagay na nangyayari sa kanila. May mga nakikipag-agawan sa iyo para sa kasikatan at pakinabang, may mga nakikipagdebate sa iyo tungkol sa tama at mali, mayroon pa ngang nakikipagtalo sa iyo dahil lang sa isang salita, may mga humuhusga sa iyo at sinisiraan ka kapag nakatalikod ka, at may mga nagpapahamak sa iyo at kumikilos nang hindi makatwiran sa iyo. Kapag nahaharap sa iba’t ibang pagpapakana ng mga tao, paano mo hinaharap ang mga ito? Dapat kang mahigpit na manangan sa isang prinsipyo: “Gaano man magpakana ang iba laban sa akin, hindi ako magpapakana laban sa kanila; lalayuan ko sila! Dapat kong maunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung anong aral ang nais Niyang matutunan ko. Dapat akong manindigan sa aking posisyon at dapat kong isagawa ang mga salita ng Diyos at panghawakang mabuti ang aking tungkulin. Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos ay hindi kailanman magiging mali at hindi kailanman magdudulot ng kawalan. Gaano man kataas ang tingin sa akin ng iba, hindi iyon isang korona o isang gantimpala; isa iyong kalamidad!” Kung mananangan ka sa gayong prinsipyo, mapoprotektahan ka nito mula sa paggawa ng masama at mula sa pagkondena ng Diyos. Kung, sa buong buhay mo, makapaninindigan ka sa posisyon ng isang nilikha, kung matutupad mo ang tungkulin ng isang nilikha, at maisasakatuparan ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos nang buong puso at isipan mo, at inilalaan mo ang lahat ng iyong iniisip sa paggawa ng iyong tungkulin—napapabayaan mo man ang pagkain at pagtulog o pinapagod mo man ang iyong isipan dahil dito—ginagawa mo nang maayos ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at natatamo mo ang paggawa ng iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, kung gayon, mamumuhay ka ng isang buhay na may halaga. Sa buhay na ito, hindi tayo dapat maghangad na gumawa ng mga dakilang bagay, na magsagawa ng anumang mga gampanin, o lumikha ng kung anong himala. Tayo ay mga hamak na tao lamang at dapat magbasa pa ng mga salita ng Diyos, maghangad na maunawaan ang katotohanan sa mga bagay na nangyayari sa atin, tuparin ang ating mga responsabilidad, at gawin nang maayos ang dapat nating gawin. Dapat nating tiyakin na nakaaayon tayo sa mga katotohanang prinsipyo sa bawat usapin, na ang tungkuling ginagawa natin ay naaayon sa mga prinsipyong hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at na kapag maingat nating sinusuri ang motibasyon, layon, at mga prinsipyo ng bawat bagay na ginagawa natin, lahat ng ito ay naaayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos, at kayang makapasa sa pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos. Bawat araw, ginagawa mo ang iyong tungkulin nang normal, nang may kapayapaan at kagalakan, palaging namumuhay sa harapan ng Diyos. Kapag mayroon kang sasabihin sa Diyos sa iyong puso, nagdarasal ka sa Kanya; kapag wala kang anumang salitang maidarasal, kaya mo pa ring lumapit sa Diyos sa iyong puso, at kapag nagdarasal ka, natatanggap mo ang kaliwanagan at gabay ng Diyos, at inaantig ka Niya. Kaya mo pa ring maging tapat sa Diyos kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, at umasal nang hayagan at matuwid. Napakaganda niyon! Sa pagtrato sa mga tao at pakikipag-ugnayan at pakikipag-usap sa kanila, karaniwan ay paunti nang paunti ang iyong mga dungis at pagsalangsang. Gaano man magpakana ang iba laban sa iyo, hindi ka tumutugon nang may pagkamainitin ng ulo. Sa tuwing nararamdaman mong hindi mo kayang paglabanan ang iyong pagkamainitin ng ulo, nagdarasal ka sa Diyos; kapag mahina ka, nagdarasal ka rin sa Diyos. Kapag inaantig ka nang kaunti ng Banal na Espiritu, magkakamit ka ng lakas para mapagtagumpayan ito, at malalagpasan mo ang balakid. Sa bawat pagkakataong hinaharap mo ang mga pagpapakana, pag-atake, pagganti, at iba pa ng mga tao, ito ay tulad ng pangingibabaw sa isang balakid, tulad ng pagdaig sa isang paghihirap. Sa huli, mapagtatagumpayan mo ang lahat ng pakanang ito, mapagtatagumpayan ang mga pag-atake, pagganti, at pakikipagtunggali ng mga tao laban sa iyo, hindi tumutugon batay sa pagkamainitin ng ulo o sa mga tiwaling disposisyon, kundi nagagawang manangan sa mga prinsipyo. Kung gayon, ikaw ay tunay na isang mananagumpay. Napakaganda niyon! Gayumpaman, ipagpalagay nang namumuhay ka sa pagkamainitin ng ulo at sa mga tiwaling disposisyon buong araw. Kapag may nagpapakana laban sa iyo o nagsasabi ng isang bagay na hindi maganda, dinidibdib mo ito, labis kang nababagabag dito, nagiging balisa ka, nag-aalab sa galit ang iyong mga mata, at nagagalit ka nang husto. O, pagkatapos mong makarinig ng hindi magagandang salita, hindi ka mapakali sa iyong puso, nagkakaroon ka ng mga singaw sa bibig, nawawalan ka ng ganang kumain at uminom, at hindi ka makatulog sa gabi. Pagkatapos, lumalayo ka sa Diyos. Namumuhay ka sa pagkamainitin ng ulo o sa mga emosyon, ginugugol ang bawat araw sa pagdurusa, hindi kayang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal, hindi kayang gawin ang iyong tungkulin nang normal, ang iyong puso ay abala at sangkot sa gusot sa mga usaping ito ng tama at mali. Sa sandaling masangkot sa gusot, napakahirap para sa iyong makawala, at kung minsan ay hindi mo ito magawa sa loob ng ilang buwan. Kung ito ay isang malaking usapin, tulad ng pag-aasawa o isang kaso sa korte, mas matindi pa ang pagpapakana, at sa sandaling masangkot ka sa gusot ng mga bagay na ito, lumilipas na lang ang mga buwan—o maging ang mga taon—sinasayang ang pinakamagagandang taon ng iyong buhay. Sa huli, nasasayang ang iyong buong buhay—hindi mo nagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at hindi mo nakamit ang katotohanan. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na ikaw ay ganap nang nasira? Kung palagi kang namumuhay sa mga pag-aalitan, pagpapakana, pakikipagtunggali, at pagiging makitid ng isip, magagawa mo pa ba nang maayos ang iyong tungkulin? Hindi mo lang hindi magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, kundi sa pagpapakana at pakikipagtunggali, makakaipon ka rin ng maraming masamang gawa. Sa pamumuhay sa mga pakana at pakikipagtunggali sa pagitan ng mga tao, gaano karaming masasamang bagay ang magagawa mo, gaano karaming mapangahas na salita, mapaghimagsik na salita, mga salitang lumalabag sa katotohanan, at mga salitang lumalaban sa Diyos ang sasabihin mo? Lahat ng ito ay inuri bilang mga salita ng mga diyablo. Kahit pa ang ilang salita ay hindi binibigkas nang malakas, pinoproseso ang mga ito sa iyong isipan; kinamumuhian, nilalait, at isinusumpa mo ang mga tao sa iyong puso. Ang mga bagay na ito ay pawang kasinliwanag ng araw sa mga mata ng Diyos. Nakikita ng Diyos kung ano ang iyong mga balak, kung paano ka nagpaplano, at kung paano ka nagsasagawa kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay. Sa pamumuhay sa mga pakana at pakikipagtunggaling ito, hindi mo kailanman naiisip na pagnilayan ang iyong sarili at magsisi at magtapat ng iyong mga kasalanan sa Diyos, at hindi mo rin naiisip na hanapin ang katotohanan sa mga usaping ito, sa halip ay pikit-mata kang “nasisiyahan” sa mga ito. Bagama’t pagod ang katawan at isipan mo, hindi mo kailanman pinagninilayan ang iyong sarili at hindi ka kailanman nagdarasal sa Diyos at hindi mo tinatanggap ang pagdidisiplina at gabay ng Diyos, tinatanggap ang mga salita ng Diyos sa iyong puso, at hinahayaang maghari ang Diyos. Hindi ka kailanman nagpapasyang isagawa ang mga salita ng Diyos. Pinatutunayan nito na hindi ka isang taong sinserong nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan. Ang mga taong sinserong nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ay nakatuon sa kung paano isagawa ang katotohanan at isabuhay ang wangis ng isang tao sa kanilang puso, pinahahalagahan ang pagsang-ayon ng Diyos nang higit sa lahat. Nagbibigay-daan ito sa kanila na iwasan ang mga pakikipagtunggali at pagpapakana; ang kanilang puso ay madalas na nakakalapit sa Diyos at kaya nilang mamuhay sa harapan ng Diyos. Bilang resulta, ang kanilang mga tungkulin ay nagbubunga nang mas sagana, nararamdaman nila na ang pamumuhay sa ganitong paraan ay may halaga at may nagagawang kontribusyon sa sangkatauhan, at sa gayon ay mayroon silang tunay na kapayapaan at kagalakan sa kanilang puso. Dahil natutupad nila ang tungkulin ng isang nilikha, bawat araw na nabubuhay sila ay may tunay na halaga at kabuluhan. Ngunit kung namumuhay ka sa iba’t ibang uri ng mga pakikipagtunggali at pagpapakana, kung gayon ay nag-iipon ka ng mga kasalanan sa bawat araw na ikaw ay nabubuhay. Hindi ka lang nabibigong isabuhay ang halaga at kabuluhan na dapat taglayin ng isang nilikhang tao, kundi nag-iipon ka rin ng mga kasalanan para sa iyong hinaharap. Sa puso ng Diyos, lalo ka Niyang itinataboy, at lalo Siyang nadidismaya sa iyo. Kung nakikita ng Diyos na ang Kanyang pagmamalasakit at mga inaasahan para sa iyo ay malapit nang mapunta sa wala, ano ang mararamdaman ng Diyos tungkol sa iyo? Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay nagdudulot sa Diyos ng lumalaking pagkadismaya, nagdudulot sa Diyos ng lumalaking panlulumo, hanggang sa isang araw ay tunay na hindi ka na bumalik at nais ka nang sukuan ng Diyos, kung gayon, sabihin mo sa Akin, anong halaga at kabuluhan mayroon ang iyong buhay at pananalig sa Diyos? Anong pag-asa ang natitira sa iyong buhay? Dahil lang sa nagpapakana ang iba laban sa iyo at hinuhusgahan ka nila, para ipaglaban ang iyong pride, at para bawiin ang iyong sariling karangalan at dignidad, nasasangkot ka sa alitan sa mga tao at naaantala ang iyong mga nararapat na gawain. Kung minsan, dahil lang sa may nagsabi ng isang bagay na hindi maganda o tumingin sa iyo sa isang paraang nakapagpasama sa loob mo, na nagdulot sa iyong mapahiya at nasaktan ang iyong pagpapahalaga sa sarili, nagkakaroon ka pa ng sama ng loob sa iyong puso at walang katapusan kang nasasangkot sa mga alitan sa kanila. At ano ang nangyayari sa huli? Sinasayang mo ang lahat ng iyong mahalagang oras sa mga bagay na ito, sinisira ang iyong pagkakataon na makamit ang kaligtasan at hindi nakakamit ang kahit katiting na katotohanan. Bilang resulta, itinataboy ka ng Diyos, hindi ka na Niya pinapansin, at ikaw ay ganap nang nasira. Kaya, ano ang sinusubukan Kong sabihin sa inyo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga bagay na ito? Ang pagpili kung paano umasal, ang pagpili ng paraan ng pag-asal, ay napakahalaga. Sa pamumuhay kasama ng mga tao, madalas na haharapin ng bawat tao ang mga pakana, pakikipagtunggali, mga pakinabang at kawalan sa mga personal na interes, at iba’t ibang tinig ng papuri, pamumuna, paghusga, at pagkondena; haharapin ng lahat ang mga bagay na ito. Nabuhay na rin Ako sa mundong ito hanggang sa edad na ito, at hindi rin Ako namumuhay nang hiwalay sa mundo. Hinaharap Ko rin ang mga bagay na ito, ngunit ang Aking puso ay hindi magpapakana. Tingnan ninyo Ako—paano Ako namuhay? Ang mga bagay na ito ay hindi nakaaapekto sa Aking buhay o sa Aking gawain kahit katiting. Bawat araw, nakatuon lamang Ako sa paggawa ng Aking gawain. Sa pamumuhay hanggang ngayon, hindi Ako naapektuhan ng panlabas na kapaligiran. Ang Aking pagkakakilanlan at katayuan, ang Aking halaga sa mga mata ng mga tao—wala sa mga ito ang naapektuhan. Hindi lang iyan, kundi nag-aalala pa nga Ako na baka magkamali kayo ng akala na Ako ay napakataas, labis na ekstraordinaryo, at ibang-iba sa iba, kaya kailangan Kong magbigay ng ilang aktuwal na halimbawa ng Aking pagiging normal, pagiging praktikal, at pagiging ordinaryo sa isang mas partikular na paraan upang hindi ninyo Ako idolohin at hindi kayo magkaroon ng ilang hindi makatotohanang imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Akin. Pagkatapos Kong sabihin ang mga ito, saka lang nakikita ng ilang tao na Ako ay isang ordinaryo at normal na tao lamang, at pagkatapos ay nagiging wala silang pakialam sa Akin. Wala Akong pakialam sa mga bagay na ito. Hangga’t natatanggap mo ang mga salitang ito na sinasabi Ko, sapat na iyon; wala na Akong ibang mga hinihingi. Kung gugugulin ninyo ang buong araw nang tinititigan Ako, sinisiyasat Ako, binabasa ang Aking ekspresyon, hindi Ako magiging komportable. Hindi Ko gusto na iniidolo Ako o sinusuyo Ako ng mga tao, at lalong hindi Ko gusto na palagi Akong dinudumog ng mga tao. Gusto Ko ng katahimikan. Nakikita mo, hindi ba’t nabuhay Ako nang maayos sa mga taon na ito? Kung gayon, bakit hindi ninyo subukang mamuhay sa parehong paraan? Tingnan mo kung kaya mong mabuhay nang hindi nakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, nang hindi nakikipag-agawan para sa katayuan, nang hindi pinoprotektahan ang iyong sariling dignidad, nang hindi nakikipaglaban para sa anumang awtoridad sa pananalita. Kung ikaw ay kumikilos, namumuhay, umaasal, gumagawa ng mga bagay-bagay, at gumagampan ng iyong tungkulin ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos, tingnan mo kung magiging ano ang iyong buhay—tingnan mo kung magkakamit ka ng kagalakan at kung magkakaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso. Subukan mo ang ibang paraan ng pamumuhay, magsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at magkaroon ng malilinaw na layon, at pagkatapos ay makikita mo ang isang maliwanag na kinabukasan. Kung palagi mong minamatyagan kung sino ang nagpapakana laban sa iyo, kung sino ang nakaaapekto sa iyong katayuan, kung sino ang may mas mataas na reputasyon kaysa sa iyo, kung sino ang nagsasalita tungkol sa iyo kapag nakatalikod ka, at iba pa, namumuhay sa gitna ng mga bagay na ito, kung gayon ay walang landas pasulong para sa iyo, kundi kadiliman lamang. Palagi kang maliligaw, makadaramang, “Nakakapagod ang buhay ko, walang kaligayahan, wala akong mga pagpapala!” Hindi mo tinatamasa ang mga pagpapalang ibinibigay sa iyo ng Diyos, kundi patuloy kang naghuhukay papasok sa impiyerno. Sabihin mo sa Akin, maaari ka bang magkaroon ng mga pagpapala? Maaari ka bang magkaroon ng kagalakan at kapayapaan?

Ano ang pakiramdam ninyo sa pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito? (Mabuti.) Sa anong paraan ito mabuti? (Nararamdaman namin na malulutas nito ang mga paghihirap na kinakaharap namin sa totoong buhay at ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag namin. Itinuro din ng Diyos ang ilang partikular na landas para sa amin: kung paano iwasan ang pakikipagtunggali at pagpapakana laban sa iba, at kung paano maging malaya mula sa mga paglilimita ng mga tao, pangyayari, at bagay at mamuhay sa liwanag.) Ano ang pangunahing layon ng pagbabahaginan tungkol sa mga prinsipyong ito? Hindi lang ito para tulungan kang makatakas sa isang buhay ng pakikipagtunggali sa iba; ang susi ay ang bigyan ka ng kakayahang mamuhay sa loob ng normal na pagkatao at mamuhay ng isang buhay ng normal na pagkatao. Kung kumikilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit mo ang pagpapasakop sa Diyos, magagawa mong buhay mo ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, makakamit mo ang kaligtasan, at matatakot ka sa Diyos at iiwas sa kasamaan: Maaari kang maging gayong tao. Nauunawaan ba? (Oo.) Hindi lang ito para makatakas sa isang buhay ng pagpapakana at pakikipagtunggali sa iba; kung para lang doon, hindi mo makakamit ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, kung hindi makakamit ang katotohanan, ano ang layon ng pagsasagawa ng isang tao? Hindi ba’t magiging hungkag pa rin ito? Sa pamumuhay sa lipunang ito, kasama ng mga tao, palagi kang magkakaroon ng sarili mong mga iniisip at pananaw kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay; imposibleng wala kang anumang iniisip o pananaw, na para kang namumuhay nang hiwalay sa mundo. Ang gayong sitwasyon ay hindi umiiral. Kapag walang nagpapakana laban sa iyo o nakikipagtunggali sa iyo, nagagawa mong hindi magpakana laban sa iba o makipagtunggali sa iba. Ngunit kapag may nagpapakana laban sa iyo o nakikipagtunggali sa iyo, ano ang ginagawa mo? Malulutas ba ang problema sa pamamagitan lamang ng pagsigaw ng mga islogan tulad ng “Hindi ako makikipagtunggali sa kanila, hindi ako magpapakana laban sa kanila”? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat lutasin ang problema? May mga taong sumisigaw ng mga islogan, na nagsasabing, “Hindi ba’t masyado na akong matanda para magpakana pa? Napakalayo na ng narating ng gawain ng Diyos, pero nagpapakana pa rin ako? Ano ang silbi ng pagpapakana tungkol sa mga bagay na iyon?” Malulutas ba ng mga salitang ito ang problema? (Hindi.) Karamihan sa mga tao, kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, ay hindi pa rin makabitaw sa kanilang puso at nagpapakana at nakikipagtunggali pa rin sa iba. Kaya paano dapat lutasin ang problemang ito? Dapat itong lutasin sa pamamagitan ng paglutas sa mga isyu ng mga iniisip at pananaw ng mga tao, at ng kanilang mga tiwaling disposisyon, ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos mong makatanggap ng isang tamang kaisipan o pananaw, nagbabago ang iyong perspektiba, saloobin, at paninindigan sa gayong mga usapin. Magiging iba ang iyong mga damdamin tungkol sa gayong mga usapin; mararamdaman mo na ang pakikipagtunggali sa iba ay walang kabuluhan—sinasayang nito ang iyong lakas, hinahadlangan ang gawain, nagdudulot ito ng pagkabalisa ng kalooban, at walang kagalakan o kapayapaan dito. Pagkatapos, kapag nabasa mo ang pagkondena sa gayong mga usapin sa mga salita ng Diyos, ang pananaw sa mga usaping ito sa iyong puso ay ganap na magbabago, magiging iba ang iyong kalagayang emosyonal, mababawasan ang iyong udyok na makipagtunggali sa iba, mapapawi ang iyong galit, at mawawala ang iyong pagkamainitin ng ulo. Kung nakikipagtunggali sa iyo ang iba, walang tigil kang ginagalit, hindi ka maaapektuhan, dahil nararamdaman mong hindi ito malaking bagay at hindi kailangang makipagtunggali sa kanila. Maging ang mga nakamasid ay hindi na makatiis, nagsasabing, “Ganoon ka nila tratuhin, paanong wala kang nararamdaman? Hangal ka ba?” Sasabihin mo, “Dati, labis kong sineseryoso ang gayong mga usapin; para bang gumuguho na ang langit. Kung hindi ko lilinawin ang mga bagay-bagay sa kanila, o kung hindi sila magbibigay ng paliwanag, tiyak na hindi ko ito basta-basta palalampasin. Ngunit ngayon ay iba na. Hindi na ako nagpapakana o nakikipagtunggali sa iba, hindi dahil mas matanda na ako, kundi dahil sa mga salita ng Diyos ay nakita ko na ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Ang kanilang pag-uugali ay ang tipikal na mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang masamang tao, isang anticristo, isang Satanas, gaya ng inilantad sa mga salita ng Diyos. Mayroon din ako ng mga pagpapamalas na ito dati, ngunit ngayon, sa mga salita ng Diyos, nakikita ko na na ang ganitong uri ng tunay na mukha, ang ganitong uri ng disposisyon, ay napakapangit at kasuklam-suklam; kinapopootan ito ng Diyos! Ngayon, ako mismo ay napopoot dito, at sa aking puso, ayaw kong mamuhay sa tiwaling disposisyong iyon. Kaya kapag nakikipagtunggali silang muli sa akin, naiinis lang ako at nasusuklam sa kanila, at wala akong interes o pagnanais na makipagtunggali. Sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko na rin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at alam ko na kung paano tratuhin ang gayong mga tao.” Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sa isang banda, inilalantad at inilalarawan ng mga salita ng Diyos ang gayong mga tao; sa kabilang banda, sinasabi ng Diyos sa mga tao na ang prinsipyo sa pagtrato sa iba ay ang tratuhin sila nang patas. Kung sila ay mga tunay na kapatid, at nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, dapat natin silang tratuhin nang may pagmamahal, pinagbabahaginan ang katotohanan upang malutas ang kanilang mga pagsalangsang at tiwaling disposisyon, upang hindi na sila lumaban sa Diyos o sumalangsang. Marahil sa pamamagitan ng tulong, malulutas ang kanilang mga problema. Kung hindi sila tumatanggap ng tulong, kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, ngunit kayang gampanan ang kanilang tungkulin at hindi ginugulo ang gawain ng iglesia, kung gayon ay dapat silang pahintulutang manatili sa iglesia nang ginagawa ang kanilang tungkulin. Kung hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin at nakikipagtunggali at nagpapakana pa rin sila sa iba, na nagdudulot ng kaguluhan, kung gayon ay dapat silang alisin ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagtrato sa mga tao. Hindi ba’t magiging payapa na ang ating mga puso kung magkagayon? Ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo at landas para sa pagharap sa masasamang elemento. Kung paano kilatisin at harapin ang mga taong ito, kung paano tratuhin ang mga taong ito—may mga prinsipyo at landas sa mga salita ng Diyos para sa lahat ng ito. Kung nagsasagawa ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, madali at masaya itong mahaharap, hindi nila mararamdaman na ito ay isang mahirap na usapin, hindi magugulo ang kanilang puso kahit kaunti, at malulutas ito nang napakanatural. Kung nakaharap nila ang gayong mga usapin ilang taon na ang nakalipas, hindi nila malalampasan ang mga ito, hindi nila malalaman kung paano lulutasin ang mga ito. Ngunit ngayon, na may ilang taon na sila ng karanasan sa buhay, ang usaping ito ay hindi na mahirap para sa kanila; kaya na nila itong lutasin. Bigla nilang natutuklasan na lumago na ang kanilang tayog at tunay na silang nagbago. Ano na ang nararamdaman ng karamihan sa mga taong ito kapag nagkagayon? “Dati, palagi kong nararamdaman na mahina ang aking kakayahan, at madalas akong maghimagsik at lumaban sa Diyos, na para bang hindi na ako maliligtas. Ngayon, sa pamamagitan ng pagharap sa usaping ito, pakiramdam ko ay wala akong mga paghihirap, na kaya kong lumutas ng mga problema, at may pag-asa ako.” Anong pag-asa? (Ang pag-asa na makamit ang kaligtasan.) Kapag nakikita mo ang pag-asa na makamit ang kaligtasan, liwanag ba o kadiliman ang nakikita mo sa hinaharap? (Liwanag.) Tinutupad nito iyong kasabihan—tinatawag ako ng liwanag. Tama? (Oo.) Kapag naaabot na ng iyong tayog ang antas na ito, tunay mong mararamdaman na ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi talaga nangangailangan ng pagsigaw ng mga islogan; ganoon lang ito kadali at kasaya. Hangga’t tinatanggap mo ang mga salita ng Diyos, hangga’t tinatanggap mo ang mga katotohanang prinsipyong nagmumula sa Diyos, ganoon lang kadali ang pagsasagawa ng katotohanan, at lumalago ang iyong tayog nang hindi mo napapansin. Kapag nararamdaman mong lumago na ang iyong tayog, na ikaw ay nagbago na, na ang iyong mga taon ng pananampalataya sa Diyos ay nagbunga at hindi nasayang, kung may magsasalita sa gayon ng mga mapangahas na salita, na magsasabing, “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos? Sa loob ng 20 taon na nananampalataya ako sa Diyos, ang tanging ginawa ko ay magdusa at magsumikap; napakarami ko nang tinalikuran at ginugol, ngunit wala akong tinamasang ni isang pagpapala—pawang walang katapusang pagkapagod lamang!” kasusuklaman mo sila sa iyong puso, “Ang taong ito ay walang konsensiya, at nagsasasalita lamang ng mga salitang maladiyablo! Sa pagtingin sa kung gaano sila kaaba-aba, tunay ngang wala silang nakamit na anuman—ang tanging magagawa nila ay maging hindi makatwiran at maging hadlang, at ang tanging mga bagay na masasabi nila ay mga mapangahas na salita!” Palagi nilang sinasabi, “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos?” Kung gayon, ano ba talaga ang inaasahan mong makamit sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? Umaasa ka bang makamit ang materyal na biyaya at mga pagpapala, o umaasa ka bang makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan? Ito ang landas na dapat piliin ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Aling landas ang aktuwal mong tinatahak? Kung ikaw ay isang taong naghahangad ng katotohanan, at isinasagawa mo ang lahat ng katotohanang nauunawaan mo at ginagawa mong realidad mo ang mga ito, kung gayon ay nakamit mo na ang buhay na walang hanggan, at, sa pagkaranas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, hindi nasayang ang iyong pananampalataya. Kung nakatuon ka lamang sa pagtatamasa ng biyaya ngunit hindi mo nakakamit ang katotohanan at buhay, at nagrereklamo ka laban sa Diyos, sinasabing, “Ano ba ang nakamit ko?” pinatutunayan nito na hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan. Gaano man karaming biyaya ang iyong tinatamasa, kung wala kang nakamit na kahit katiting na katotohanan, kung gayon ang iyong pananalig ay labis na kaawa-awa; ipinapakita nito na ikaw ay isang taong bulag. Ngayon, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang tustusan ang mga tao ng buhay, nagsasalita Siya ng mga bagong salita araw-araw, napakarami na maaaring kainin, inumin, at tamasahin ng mga tao ang mga ito magpasawalang hanggan. Napakaraming katotohanan na dapat isagawa at pasukin; maraming katotohanan ang hindi lubos na mararanasan kahit sa buong buhay. Iyong mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ay nagkamit na ng napakarami, at nang napakasagana. Ngunit kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi minamahal ang katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan, palagi nilang mararamdaman na wala silang nakamit na anuman. Ang mga nagtatamasa ng katotohanan ay tunay na nakadarama na sila ay napuspos nang lubos ng mga salitang ito. Ngayon, sa katotohanan man o materyal na mga pagpapala, sagana ang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao; masasabi na ang sambahayan ng Diyos ay isang lupaing labis na sagana. Ang mga salita ng Diyos na kinakain at iniinom sa mga pagtitipon ay napakasagana; ang mga patotoong batay sa karanasan, mga pelikula, mga himno, mga sayaw—lahat ay naroon, nang masagana. Ang mga materyal na bagay—pagkain, damit, at mga bagay para sa pang-araw-araw na paggamit—ay sagana rin. Dagdag pa, ang pagseserbisyo ng malaking pulang dragon na inihanda ng Diyos, ang mga pagtatanghal ng mga anticristo at mga huwad na lider, at ang pagpapakita ng iba’t ibang uri ng mga negatibong bagay sa harap ng mga tao araw-araw, ay nagpapahintulot sa mga tao na matuto ng mga aral at lumago sa pagkilatis. Kung hindi mo matututunan ang isang buong aral sa isang pagkakataon, patuloy na maghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran, mga tao, mga pangyayari, at mga bagay para sa iyo, aalisin lamang ang mga ito kapag sapat na ang iyong natutunan. Samakatwid, kung kaya mong tanggapin ang gawain ng Diyos, kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, dumadalo ka sa isang masaganang piging. Ang ilang taon ng pananalig ay magdudulot sa iyo ng malaking pag-usad at tunay na pagbabago. Personal na pinastol, diniligan, at pinangunahan ng Diyos ang Kanyang hinirang na mga tao sa loob ng mga taon na ito. Lahat ng kayang tumanggap ng katotohanan ay nararamdaman na napakarami na nilang nakamit, at nagkaroon na sila ng ilang tunay na pagbabago. Sa partikular, ang mga gumagawa ng kanilang tungkulin nang full-time ay mas lalo pang nagbago. Mararamdaman mo na kapag sumusunod sa Diyos, ang landas ay lumiliwanag nang lumiliwanag, at mayroon kang tunay na pananalig sa pagkakamit ng kaligtasan at pagpasok sa kaharian ng langit. Ngunit kung palagi kang tumatangging tanggapin ang katotohanan, at ayaw mong isagawa ang katotohanan sa iyong puso, hindi mo mararamdaman na mayroon kang anumang pag-asa na maligtas. Patuloy mong tatanungin ang mga nasa paligid mo, “Sa tingin mo ba ay mayroon akong espirituwal na pang-unawa?” Kung may magsabi, “Tila wala kang espirituwal na pang-unawa,” iisipin mo, “Tapos na, wala na akong pag-asa!” Ang totoo, hindi sa wala kang pag-asa; kundi hindi mo hinahangad ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at kaya mo ring isagawa ang katotohanan, unti-unti kang magkakamit ng espirituwal na pang-unawa. Sa sandaling magkaroon ka ng espirituwal na pang-unawa, dadami nang dadami ang katotohanang mauunawaan mo, at makakapagbahagi ka ng ilang patotoong batay sa karanasan sa bawat aspekto. Mararamdaman mong ikaw ay napayaman at labis na sasaya ang iyong kalooban sa iyong natamo, at mararamdaman mong napakarami mong nakamit mula sa pagsunod sa Diyos. Tama? (Oo.) Kung ang isang tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan at hindi ito tinatanggap bilang kanyang buhay, sa kanyang puso ay palagi siyang makadarama ng pagkaligaw at kawalan ng direksyon, nang walang tunay na pananalig. Palagi niyang tatanungin ang mga nasa paligid niya kung mayroon ba siyang anumang pag-asa na makamit ang kaligtasan. Ang ilan ay patuloy ring nagtatanong sa iba kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa, ginagawa ang pagkakaroon o hindi pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa bilang katibayan sa kung mayroon ba silang pag-asa. Sabihin mo sa Akin, hangal ba ang gayong mga tao? (Hangal.) Mayroon ka mang espirituwal na pang-unawa o wala, dapat kang magsumikap para sa katotohanan—at hindi lamang magsumikap na maunawaan ito, kundi magsumikap ding isagawa ito. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ba’t magkakaroon ng pag-asa na matamo ang kaligtasan? Hindi ba’t gayon nga? (Oo.) Dapat ninyong isaalang-alang ang isyung ito.

Iyon lang para sa ating pagbabahaginan ngayon. Paalam!

Setyembre 7, 2024

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (15)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito