Paano Hangarin ang Katotohanan (19)
Tungkol sa paksa ng mga positibong bagay, noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay at binigyan natin ang mga ito ng kahulugan. Ano ang mga positibong bagay? (Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.) Naalala ninyo ang kahulugan ng mga positibong bagay, pero naaarok ba ninyo ang mga halimbawang ibinigay? (Naaarok namin ang mga ito hanggang sa isang antas.) Ang kahulugang ito, ang konseptong ito ng mga positibong bagay—isa ba itong katotohanan? (Isa itong katotohanan.) Nakatitiyak ba kayo? Kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakiramdam mo na ang kahulugang ito ay isang katotohanan at tumpak, pero kapag nakakaharap ka ng isang bagay na hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo ito maunawaan at hindi mo tatanggapin ang katotohanan. Ang isang bagay man ay tinitingnan bilang isang positibo o negatibong bagay ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, sa madaling salita, hangga’t hindi ito ang binibigyang-kahulugan ng Diyos bilang isang positibong bagay, hindi ito isang positibong bagay kundi isang negatibong bagay. Kaya ba ninyong kilatisin ang mga bagay sa ganitong paraan? (Oo. Kung binigyang-kahulugan ng Diyos ang isang bagay bilang isang positibong bagay, at hindi ito umaayon sa sarili kong mga kuru-kuro at hindi ko ito maintindihan—pero alam ko na ang sinasabi ng Diyos ay tiyak na ang katotohanan—kung gayon ay matututo akong tanggihan ang aking sarili.) Kung ang bagay na ito ay nagdudulot sa iyo ng pinsala, o nagdudulot pa nga ng pinsala sa lahat ng tao—ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, hindi ito nagdudulot ng pakinabang sa kanila at hindi ito nagdudulot ng anumang kaligayahan o kasiyahan, sa halip ay nagdudulot ng pasakit at kasawian—kung gayon, paano mo ito titingnan? Paninindigan mo pa rin ba ang iyong pananaw na “Ang pakahulugan ng Diyos sa mga positibong bagay ay talagang tumpak; hindi maaaring gumawa ng mga pagtatasa ang mga tao gamit ang kanilang mga kuru-kuro, at hindi rin nila maaaring tasahin ang isang bagay batay sa kung nakikinabang ba sila mula rito”? Hindi ka makatitiyak tungkol dito, hindi ba? (Hindi.) Anumang aspekto ng katotohanan ay hindi lang basta makatwiran o may-batayan sa antas ng doktrina; sa halip, sa tunay na buhay, sa harap ng lahat ng katunayan, isa itong pahayag na hindi nagbabago magpakailanman. Kung hindi mo ito matitiyak, sa iyong puso, ang iyong konsepto ng katotohanan ay talagang malabo. Ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan na ating pinagbabahaginan ay pawang kinabibilangan ng mga pananaw sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay; kinabibilangan ang mga ito ng diwa at tunay na mga sitwasyon ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at tinutulutan din ng mga ito ang mga tao na makita kung paano tinatrato ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito—kung ano ang Kanyang mga pananaw at saloobin tungkol sa mga ito. Dahil ang kahulugan ng mga positibong bagay ay isang katotohanan, siyempre, nabibilang din dito ang mga tunay na sitwasyon at diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na saklaw ng kahulugang ito, habang sangkot din ang mga saloobin, perspektiba, at pahayag ng Diyos tungkol sa iba’t ibang bagay na ito. Kaya, tama man o mali ang tingin ng mga tao, ayon sa kanilang mga kuru-kuro, sa kahulugan ng mga positibong bagay, at anuman ang paunang pananaw ng mga tao sa kahulugan ng mga positibong bagay sa konteksto ng kanilang tradisyonal na kultura o pang-araw-araw na buhay, sa madaling salita, dahil ang kahulugang ito ng mga positibong bagay ay isang katotohanan, ang mga tao, pangyayari, at bagay na saklaw nito ay pawang mga positibong bagay, at ang mga salungat dito ay pawang mga negatibong bagay. Walang kaduda-dudang tiyak ito. Dapat ay mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa usaping ito. Anuman ang panahon o kapaligirang panlipunan, at anuman ang epekto sa iyo ng isang positibong bagay o anuman ang iyong saloobin at perspektiba tungkol dito, ang kahulugan ng mga positibong bagay at ang diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay na saklaw ng kahulugang iyon ay hindi nagbabago. Nauunawaan ba? (Oo.)
Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang ilang partikular na halimbawa tungkol sa pahayag na “lahat ng bagay na inorden ng Diyos o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay mga positibong bagay.” Hindi tayo nagbahaginan nang masyadong detalyado tungkol sa bahaging nagsasabing, “lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay.” Kaya, kaya ba ninyong kumpirmahin na tama ang pahayag na ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan o sa pamamagitan ng mga katotohanang naunawaan ninyo sa paglipas ng mga taon? O, kaya ba ninyong beripikahin na lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay batay sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakita at naranasan ninyo sa buhay? Kaya ba ninyong arukin ang mga bagay sa ganitong paraan? Kaya ba ninyong hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan? (Kaya naming arukin ang ilang mas simpleng bagay sa ganitong paraan.) Mayroong isang prinsipyo rito. Kung titingnan sa panlabas, ang mga paksa na kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay napakalaki ng saklaw at lubhang abstrakto, pero ang totoo, may malapit itong kaugnayan sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakasalamuha ng mga tao sa tunay na buhay—maaari ding sabihing mahigpit na magkakaugnay ang mga ito; hindi hiwalay sa realidad ang mga ito. Nauugnay ito sa isang isyu. Kapag nahaharap ka sa maraming hindi inaasahang tao, pangyayari, at bagay sa iyong buhay, hindi mo matukoy kung ang mga ito ay mga positibong bagay o mga negatibong bagay. Kahit pa nauunawaan mo ang doktrina para sa pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay, hindi mo pa rin ito matukoy. Kahit pa ang mga ito ay mga uri ng bagay na saklaw ng mga positibong bagay, hindi mo kinikilala ang mga ito bilang mga positibong bagay sa loob ng iyong mga kuru-kuro, at kinasusuklaman at kinamumuhian mo ang mga ito sa iyong puso, at iniisip mo pa nga na talagang hindi karapat-dapat ang mga itong mailista sa saklaw ng mga positibong bagay, ngunit ang mga ito ay talagang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nabibilang ang mga ito sa kategorya ng mga positibong bagay. Dito na pumapasok ang mga prinsipyo ng pagsasagawa kung paano dapat harapin ng mga tao ang ganitong mga klase ng mga bagay. Ang pinakasimpleng prinsipyo ng pagsasagawa ay ito: Una, dapat kang makatiyak na ang bagay na pinag-uusapan ay isang uri ng bagay na saklaw ng kahulugan ng mga positibong bagay. Bagama’t batay sa mga kuru-kuro ng mga tao ay hindi ito mukhang isang positibong bagay, kung ito ay isang bagay na nasa loob ng kategorya ng mga positibong bagay na binigyang-kahulugan ng Diyos, kung gayon, una sa lahat, dapat kang makatiyak na ito ay isang positibong bagay, at na talagang walang pagkakamali tungkol dito. May kabuluhan ang paglikha rito ng Diyos; ito ay para matuto ang mga tao ng ilang aral mula rito. Kinakailangang makatiyak dito. Isa itong prinsipyo ng pagsasagawa. Ikalawa, tungkol sa bagay na ito o sa ganitong uri ng usapin, hindi natin kailangang maging tulad ng mga siyentipiko at pag-aralan ang kalikasan o gamit nito, o kung anong papel ang ginagampanan nito sa buhay ng tao o sa buong food chain. Sapat na ang makatiyak lang na isa itong positibong bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ang positibong bagay na ito ay madalas na lumilitaw sa buhay ng mga tao at nakakasagabal sa kanilang buhay, na nakakaapekto sa kanilang pananaw na ito ay positibo, paano ito dapat tratuhin?” Madali lang harapin iyon. Kung kailangan mong gamitin ito sa iyong buhay, gamitin mo ito kung kinakailangan; hayaan mo itong magsilbi sa iyo. Kung hindi mo kailangang gamitin ito, at madalas itong nakakasagabal sa iyo o gumugulo sa alinman sa iyong mga pisikal na pandama, maaari mo itong itaboy at layuan. Huwag mo lang hayaang makasagabal ito sa iyo o magdulot sa iyo ng pisikal na pasakit. Ito ang ikalawang prinsipyo. Gayundin, dapat mong malaman na kung ito ay nagmula sa paglikha ng Diyos, pag-orden ng Diyos, o kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi mo ito dapat kasuklaman, kamuhian, o itanggi. Sa halip, dapat mo itong tanggapin at kilalanin. Ang mas mabuti pa ay ang pamahalaan ito at gamitin ito sa isang makatwirang paraan. Ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, tatlo sa kabuuan. Ano ang tatlong prinsipyong ito? (Ang una ay, hangga’t ang isang bagay ay nasa saklaw ng mga positibong bagay na tinukoy ng Diyos, dapat tayong makatiyak na isa itong positibong bagay. May kabuluhan ang paglikha rito ng Diyos; ito ay para matuto ang mga tao ng ilang aral mula rito. Ang ikalawa ay, batay sa pagiging tiyak na isa itong positibong bagay, ginagamit natin ito kung kinakailangan. Kung hindi natin kailangang gamitin ito, at nakakasagabal ito sa ating buhay, maaari natin itong itaboy at layuan, hindi ito hinahayaang makasagabal sa ating buhay. Ang ikatlo ay, kung ito ay nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi natin ito dapat kasuklaman o kamuhian; dapat natin itong tanggapin at kilalanin. Ang mas mainam pa ay ang magawang pamahalaan ito at gamitin ito sa isang makatwirang paraan.) Madali bang isagawa ang tatlong prinsipyong ito? Hindi ganoon kadali ang mga ito, hindi ba? (Hindi.) Kung may lamok na nag-iingay sa iyong tainga, itataboy mo ito, iisipin mo, “Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti; bubugawin ko lang ito at iyon na iyon”—magagawa mong kumilos ayon sa tatlong prinsipyong ito. Pero kung itataboy mo ito at agad itong babalik at kakagatin ka, habang lalo mo itong iniisip, lalo kang magagalit: “Pinakawalan na kita, pero ayaw mo akong tigilan. Sa pagkakataong ito, tiyak na hahampasin kita!” Tama bang hampasin ito? Sa totoo lang, hindi mali ang hampasin ito; maituturing itong angkop na pamamahala. Pero kasabay nito, hindi ba’t magsisimula ka ring magduda sa katunayan na ang mga lamok ay mga positibong bagay? Lalo na kapag ang pantal mula sa kagat nito ay lalo pang kumakati, napakakati na hindi na matiis, iisipin mo: “Ano ang silbi ng paglikha ng Diyos sa mga lamok? Magdurusa ba ang mga tao sa pinsalang ito kung walang mga lamok? Talagang hindi ito mukhang isang positibong bagay!” Sasabihin sa iyo ng iyong katwiran na mali ang mag-isip sa ganitong paraan, na ang isang lamok ay isang positibong bagay dahil isa itong napakaliit na nilalang na nasa loob ng saklaw ng mga positibong bagay na nilikha ng Diyos. Pero hindi mo pa rin ito maunawaan: “Hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao, kaya bakit ito nilikha ng Diyos?” Bagama’t hindi malaki ang pantal mula sa kagat ng lamok, napakakati nito. Para sa mga may allergy, ang pagkamot dito ay maaaring humantong sa pamumula at pamamaga, at maging sa impeksyon at lagnat. Sa puntong ito, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at mahihirapan kang tanggapin ito: “Para sa akin, tila hindi mga positibong bagay ang mga lamok. Kung positibong bagay ang mga ito, paanong nakakasagabal ang mga ito sa mga tao at nakakapagdulot ng pasakit sa kanila? Hindi ba’t dapat mayroong mga positibong epekto ang mga positibong bagay? Hindi positibo ang epektong ito; gumaganap ang mga ito ng isang negatibong papel at mayroon negatibong epekto sa mga tao ang mga ito. Paanong inilagay ang mga lamok sa kategorya ng mga positibong bagay? Hindi ito kapani-paniwala. Ang ginawa ng Diyos ay hindi umaayon sa aking mga kuru-kuro!” Sa iyong puso, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa pagiging mga positibong bagay ng mga lamok. Sasabihin mo nang malakas, “Una sa lahat, hindi mo maitatanggi na ang mga lamok ay mga positibong bagay. Ikalawa, kung ayaw mong makasagabal sa iyo ang mga ito, maaari mong itaboy at layuan ang mga ito. Panghuli, hindi mo dapat kasuklaman o kamuhian ang mga ito, kundi dapat mong tanggapin, kilalanin, at pamahalaan ang mga ito sa isang makatwirang paraan.” Bagama’t sasabihin mo iyon, ang huling prinsipyong ito ay napakahirap para sa iyong isagawa. Medyo madali para sa iyong tanggapin ang mga insektong kapaki-pakinabang. Gayumpaman, pagdating sa mga lamok, kung susubukan mong tanggapin ang mga ito, pamahalaan ang mga ito nang makatwiran, at hindi isumpa ang mga ito, magagawa mo ba ito? (Bago ang pakikipagbahaginan ng Diyos, minsan kapag masama ang timpla ko at nakagat ako ng lamok, nakakaramdam ako ng matinding pagkasuklam at nakakapagsabi ako ng ilang masamang bagay. Sa hinaharap, susubukan ko ang lahat ng aking makakaya para iwasan ito at hindi na sabihin ang mga bagay na iyon.) Hindi mo dapat isumpa ang mga ito; dapat mong tanggapin, tratuhin nang tama, at pamahalaan ang mga ito sa isang makatwirang paraan. Ang bahaging ito tungkol sa makatwirang pamamahala ay napakahirap isagawa, hindi ba? (Oo.) Kung kikilalanin at tatanggapin mo ang mga ito sa salita at sa doktrina, medyo madali iyong gawin. Kung sasaktan ka ng mga ito, maaari mo ring layuan at iwasan ang mga ito. Pero ang matanggap mo ang mga ito at kilalanin mo ang mga ito mula sa iyong puso, ang tratuhin mo ang mga ito nang tama, at, higit pa rito, ang pamahalaan mo ang mga ito sa isang makatwirang paraan—magiging mahirap itong gawin para sa iyo. Bakit ito magiging mahirap? Dahil kapag sinasaktan ka ng mga ito, hindi mo nararamdaman na nakikinabang ka mula sa mga ito, kundi na pinipinsala ka ng mga ito. Ibig sabihin, ayon sa iyong mga kuru-kuro, dapat mayroong positibong epekto ang mga positibong bagay, pero sa halip na makatanggap ng anumang positibong pakinabang mula sa mga lamok, pakiramdam mo ay nagkaroon ng negatibong epekto sa iyo ang mga ito. Sa puntong ito, ang hindi mo kasuklaman o kamuhian ang mga ito, kundi tanggapin ang mga ito at pamahalaan pa nga ang mga ito sa isang makatwirang paraan, ay hindi magiging madaling gawin. Bagama’t kayang tanggapin ng mga tao sa antas ng doktrina na ang mga lamok ay mga positibong bagay, at kahit papaano ay kaya rin nilang tratuhin nang tama ang mga lamok, kapag ginugulo sila ng mga lamok sa tunay na buhay, napakahirap para sa kanila na tratuhin ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Kinakailangan nito na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, na maunawaan nila ang kalikasan ng maraming partikular na tao, pangyayari, at bagay na sangkot sa ilalim ng tatlong aspektong saklaw ng mga positibong bagay—iyong mga “nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos”—pati na rin kung anong uri ng mga papel ang ginagampanan ng mga ito sa buhay at pananatiling buhay ng tao, at kung ano ang orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa mga ito at pagbibigay sa mga ito ng kanilang paraan ng pamumuhay. Ang mga ito ang mga bagay na kailangang maunawaan ng mga tao. Kung nauunawaan ng mga tao ang orihinal na pakay ng Diyos at ang pangkalahatang direksyon ng Kanyang mga layunin at ang mga pangunahing prinsipyo, kung gayon, para sa ilang positibong bagay na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, marahil bukod sa paglayo sa mga ito, maaari din nilang—sa iba’t ibang antas—matutunang tanggapin ang mga ito, kilalanin ang mga ito, pamahalaan ang mga ito nang makatwiran, at gamitin ang mga ito nang tama. Unti-unti nating tatalakayin ang paksang ito.
Napakalawak ng saklaw ng paksang “kung ano ang nilikha ng Diyos,” kaya kailangan muna nating magbigay ng ilang halimbawa at pagkatapos ay talakayin ang mga ito nang paunti-unti. Kakatalakay lang natin tungkol sa mga lamok. Ligtas na sabihin na walang sinumang may gusto sa mga lamok o handang mamuhay kasama ng mga ito; sa kabaligtaran, kinasusuklaman ng lahat ang mga lamok at ninanais pa nga nilang hindi na makakita ng isang lamok sa buong buhay nila. Bagama’t hindi isang malaking usapin ang tungkol sa mga lamok, nasasangkot dito ang isang partikular na uri ng bagay, at nasasangkot din dito ang pagkaunawa ng mga tao sa kalikasan ng isang partikular na uri ng bagay na kabilang sa mga tao, pangyayari, at bagay na nilikha ng Diyos. Siyempre, ang susi rito ay na nasasangkot dito ang pagkakilala at pagkaunawa ng mga tao sa isang katotohanan, at nasasangkot din dito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng kung paano tinatrato ng mga tao ang isang partikular na uri ng bagay na kabilang sa mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang buhay. Samakatwid, bagama’t hindi isang malaking nilalang ang lamok, hindi maliliit ang mga usaping nasasangkot dito; kapaki-pakinabang para sa mga tao na subukang unawain at tuklasin ang mga ito. Ang nilalaman ng “kung ano ang nilikha ng Diyos” ay kinabibilangan ng mga paksang makroskopiko at mikroskopiko. Ngayon lang, saglit nating pinagbahaginan ang isang maliit na espesye sa aspektong mikroskopiko: ang lamok. Ito ay isang medyo maliit na uri ng nilalang na nakikita ng mga tao gamit ang kanilang sariling mga mata; anumang mas maliit kaysa sa isang lamok ay hindi na karapat-dapat talakayin. Ang mga lamok ay isang uri ng nilalang na madalas makasalamuha ng mga tao, isang medyo mikroskopikong nilalang na nakikita ng sariling mga mata. Dahil ang isyung ito ay nasa antas na mikroskopiko, pagbabahaginan natin ito sa susunod. Kung gayon, ano ang dapat muna nating pagbahaginan? (Ang makroskopiko.) Pagbahaginan muna natin ang mga bagay na makroskopiko. Maraming bagay na makroskopiko. Ang pinakamalapit sa buhay ng mga tao, o na nakakasalamuha, nararamdaman, at nakikita ng mga tao, at pamilyar sa lahat—bukod sa mga bagay na nasa kapaligiran sa pamumuhay na nilikha ng Diyos para sa tao—ay ang sangkatauhan mismo. Kung gayon, pagdating sa sangkatauhan, sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakikita ng mga tao, alin ang mga karapat-dapat pag-usapan? Alin ang mga karapat-dapat maunawaan? Ang paksang pinakakarapat-dapat maunawaan pagdating sa lipunan ng tao ay ang tinatawag na sibilisasyon ng sangkatauhan. Ang pangunahing paksang saklaw ng sibilisasyong ito ay ang iba’t ibang kultura. Ang paglitaw ng iba’t ibang kultura ay nagmumula sa edukasyon sa loob ng iba’t ibang lipunan; ang edukasyon sa loob ng iba’t ibang lipunan ay nagbubunga ng iba’t ibang kultura, at sa gitna ng iba’t ibang kulturang ito, lumitaw ang mga tinatawag na sibilisasyon ng sangkatauhan sa iba’t ibang kapanahunan. Ito ang pinagmulan at pinanggalingan ng sibilisasyon ng tao. Ang lipunang Silanganin ay mayroong sarili nitong sibilisasyon, at siyempre, mayroon din itong tinatawag na kultura. Ang paglitaw ng kulturang ito ay nagmumula sa paraan ng pag-e-eduka ng lipunang Silanganin sa mga tao nito. Gayundin, ang lipunang Kanluranin ay mayroon ding tinatawag na sibilisasyon. Ang sibilisasyong Kanluranin ay nagmumula rin sa kultura nito, at ang paglitaw ng kultura nito ay nagmumula rin sa edukasyon ng lipunang Kanluranin. Ibig sabihin, ang edukasyon ng lipunang Kanluranin sa iba’t ibang kapanahunan ay nagbunga ng kulturang Kanluranin, at sa gitna ng gayong kultura, ang sibilisasyong Kanluranin ay unti-unting lumitaw, nabuo, at umunlad hanggang sa kasalukuyan. Kulturang Silanganin o Kanluranin man, ang mga ito ay parehong nagtuturo sa kani-kanilang mga tao sa ganitong paraan, sa sunod-sunod na salinlahi. Sa iba’t ibang kapanahunan, patuloy nilang hinuhubog at iniimpluwensiyahan ang sunod-sunod na salinlahi, at kumakalat ang mga ito mula sa isang salinlahi patungo sa susunod sa iba’t ibang kapanahunan, habang kasabay nito ay patuloy na umuunlad at naipagpapatuloy. Sa ganitong paraan, ang mga kultura at sibilisasyong Silanganin at Kanluranin ay unti-unting nabuo at nagsimula, at unti-unting nakilala at tinanggap ng mga tao, unti-unting nabuo at naitatag sa mga lipunang Silanganin at Kanluranin. Ito ang bumuo sa mga pangunahing kultura at sibilisasyon ng Silangan at Kanluran. Ang Silangan ay mayroong pangunahing kultura at sibilisasyon, gayundin ang Kanluran. Ang mga lipunang Silanganin at Kanluranin, sa usapin ng diwa, anyo, at impluwensiya ng mga ito sa sangkatauhan, ay bumuo ng magkakaibang kultura at sibilisasyon. Kulturang Silanganin o Kanluranin man, ang mga ito ay parehong nagkaroon ng hindi mabubura, hindi mapipigilan, o hindi mapapalitang impluwensiya sa buhay, pananatiling buhay, mga kaisipan, at mga pananaw ng mga tao. Dahil pinag-uusapan natin ang mga kulturang Silanganin at Kanluranin, tiyak na mayroong mga pagkakaiba ang mga ito. Ang kulturang Silanganin ay mayroong mga pangunahing kaisipan at pananaw na pinahahalagahan nito, habang ang kulturang Kanluranin ay mayroong sarili nitong mga katangian at mga pangunahing kaisipan at pananaw na pinahahalagahan nito. Kung gayon, ano ang pinahahalagahan ng kulturang Silanganin? Ano ang pangunahing itinuturo ng kulturang Silanganin? Karamihan sa mga tao ay hindi gaanong nauunawaan ang aspektong ito. Ang ilan sa inyo ay maaaring lubos na naguguluhan: “Bakit Mo tinatalakay ang mga positibong bagay simula sa puntong ito?” Maraming bagay na makroskopiko ang likas na may maraming abstraktong bahagi. Bagama’t hindi pa ninyo nauunawaan ang aspektong ito, kung makikinig kayong mabuti, mauunawaan ninyo.
Pag-usapan muna natin ang kulturang Silanganin. Ano ang pinahahalagahan ng kulturang Silanganin? Ano ang diwa nito? Ano ang impluwensiya nito sa mga tao? Ano ang mga pangunahing katangian ng kulturang Silanganin na personal mong naramdaman, o na nakita, naunawaan, o napagtanto at natutuhan mo sa pamamagitan ng banayad na impluwensiya ng matagalang pagkakalantad dito? Kapag pinag-uusapan natin ang kultura, may kaugnayan ito sa edukasyon. Ito man ay edukasyon na nagmumula sa mga pamilya, paaralan, o sa lipunan, lahat ng ito ay may kaugnayan sa kultura; may kaugnayan ito sa edukasyon ng isang bansa o isang partikular na grupo ng mga tao. Lumilikha ng isang kultural na kaligiran ang edukasyon—tiyak iyon. Alam ba ninyo kung anong uri ng edukasyon ang pinahahalagahan ng kulturang Silanganin? (Lubos na pinahahalagahan ng kulturang Silanganin ang tradisyon.) Kung gayon, ano ang diwa ng tradisyon? Ang “tradisyon” ay isang konsepto. Ano ang partikular na nilalaman na saklaw ng konseptong ito? Ito ay ang mga hinihingi kung paano ka dapat mag-isip, kung ano ang dapat mong gawin, at kung sa aling direksyon at tungo sa aling layon ka dapat umasal. Ito ang partikular na diwa ng edukasyon nito. Ang edukasyong pinahahalagahan ng lipunang Silanganin ay ang pagtuturo ng panlipunang moralidad, at ang pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ay mayroon ding partikular na nilalaman. Halimbawa, ang isang ideolohikal na kalakarang madalas na ipinalalaganap sa lipunang Silanganin ay ang paggamit ng katwiran para hikayatin ang iba. Isa ba ito sa mga iyon? (Oo.) Mayroon ding paggalang bago gumamit ng puwersa, pagpaparaya sa iba dahil sa paggalang, at “Ang isang punong ministro ay may pusong kasinlawak ng dagat na kayang paglayagan.” Mayroon ding “Ang pagkakasundo ay isang yaman; ang pagpaparaya ay kadakilaan,” at “Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.” Ano pa? “Hindi pa huli para sa isang maginoo na maghiganti,” “Kung saan may buhay, may pag-asa,” “Alam ng isang dakilang tao kung kailan magpaparaya at kung kailan igigiit ang sarili,” at “Malayo ang mararating ng ambisyon ng isang tunay na lalaki.” Ano pa? (Kabilang ba ang “Ang paggalang sa magulang ay isang birtud na dapat manaig sa lahat ng iba pa”?) Kabilang din iyan. Mayroon ding “Kay laking kagalakan, kapag isang kaibigan ang dumating mula sa malayo,” na may kinalaman sa mainit na pagtanggap sa panauhin. Ano pa? (“Sasaluhin ko ang bala para sa isang kaibigan,” at “Huwag mong ipataw sa iba ang ayaw mo para sa iyong sarili.”) Ang epektong nilalayong makamit ng lahat ng konseptong ito sa edukasyong Silanganin ay ang pahalagahan ng mga tao ang panlipunang kagandahang-asal; itinuturo ng mga konseptong ito sa mga tao kung anong mga tuntunin ng etiketa ang dapat nilang sundin sa lipunan, at hinihimok ng mga ito ang mga tao na ituring ang tinatawag na etiketang ito bilang isang simbolo ng karakter ng isang tao. Ginagamit ng edukasyong Silanganin ang mga bagay na ito para pamahalaan ang pag-uugali ng mga tao. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan, dapat muna niyang tiyakin na sa lahat ng bagay ay nakakamit niya ang paghanga, mataas na pagtingin, at pagrespeto ng iba. Maituturing lamang na isang tunay na mabuting tao ang isang tao kung makakamit niya ang isang moral na karakter na may gayong mga katangian ng pagkatao. Pagkatapos matanggap ang gayong edukasyon, ginagamit ng mga tao ang mga ideyang ito tungkol sa tinatawag na moral na karakter para limitahan ang kanilang sarili, nagsusumikap na matugunan ang mga hinihinging ito. Itinuturo ng edukasyong Silanganing ito sa mga tao na sundin ang etiketa sa panlabas, upang magmukha silang mga taong magagalang at may mabuting asal, mga taong may marangal na moral na karakter. Tungkol naman sa kung ano ang iniisip ng mga tao sa loob-loob nila, anumang mga pangangailangan ng pagkatao, mga hiling, o maging mga ambisyon at pagnanais na mayroon sila, dapat na supilin at ibaon ang lahat ng ito sa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi ilantad. Nakapagbahaginan na tayo dati nang mahaba-haba tungkol sa aspektong ito ng edukasyong Silanganin. Ano ang kalikasan ng lahat ng konseptong ito ng ideolohikal na edukasyon? Umaayon ba ang mga ito sa mga pangangailangan ng pagkatao? Umaayon ba ang mga ito sa diwa ng pagkatao? (Hindi.) Dahil mismo ang pag-uugaling isinasabuhay at ibinubunyag ng mga nasa ilalim ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ng Silangan ay ganap na salungat sa diwa ng mga tao at sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao, kung kaya’t malinaw na pinapatunayan nito ang isang punto: Ang iba’t ibang ideyang isinusulong ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ng Silangan ay sumasalungat sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga tao at sa kung ano ang aktuwal na umiiral sa loob ng kanilang pagkatao. Upang pagtakpan ang mga tunay na problema ng mga tao at upang pahintulutan silang mamuhay nang mas kagalang-galang sa lipunan, upang magmukhang mas marangal at mas karapat-dapat sila sa pagsang-ayon ng ibang tao, umusbong ang pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito sa lipunang Silanganin. Samakatwid, dapat sabihin na ang edukasyon sa ganitong uri ng konteksto ay isang edukasyon sa pagkukunwari. Ang diwa, o ang nilalayong epekto, ng edukasyong ito sa pagkukunwari ay ang tagubilinan ang bawat tao na huwag ilantad ang kanilang tunay na mukha sa iba—anuman ang kanilang karakter, at anuman ang kanilang pinagmulan, dapat silang matutong magbalatkayo at magkunwari, upang sila ay magkaroon ng higit na dignidad at pride sa harap ng iba, mamuhay nang may respeto sa sarili, at mamuhay sa paraang makakamit nila ang paghanga at pagsang-ayon.
Sa konteksto ng edukasyong ito sa pagkukunwari ng Silangan, ano ang natutuhan ng mga taga-Silangan? Natuto silang magkimkim at magtiis. Nagbunga ang ideolohikal na edukasyon ng Silangan ng isang partikular na katangian sa loob ng pagkatao ng mga taga-Silangan, at ang bunga ng katangiang ito—tingnan man sa antas ng pag-iisip o sa usapin ng pag-uugali—ay na natututo ang mga tao dahil dito kung paano magkimkim at magtiis. Sa partikular, sa anumang kapanahunang panlipunan, sa ilalim ng alinmang naghaharing uri, at sa anumang kapaligiran sa pamumuhay, kapag nakakaharap ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, dapat matuto ang mga tao kung paano magkimkim at magtiis, at hindi ibunyag ang kanilang tunay na mga damdamin at iniisip. Ang tawagin itong “pagkikimkim at pagtitiis” ay isang magandang paraan lang ng pagsasabi nito; ang totoo, ito ay pagkukunwari. At ano ang ginagamit ng mga tao para sa pagkukunwaring ito? Ginagamit nila ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, taktika para sa sariling asal, at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na hango sa pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silangan o mula sa kulturang Silanganin upang magbalatkayo, para sa panlabas ay magmukha silang mga taong magagalang at may mabuting asal, mga taong may marangal na moral na karakter na may integridad at dignidad, na kayang makamit ang mataas na pagtingin, pagsang-ayon, at paghanga ng iba. Ito ang impluwensiya ng pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silangan sa mga tao; ang pangunahing epekto nito ay na sa huli ay natututo ang mga taong magkimkim at magtiis. Sinasaklaw ng terminong “magkimkim at magtiis” ang pagdudulot sa mga tao na tiisin ang lahat ng bagay, gumamit ng katwiran para hikayatin ang iba, at maging magalang bago gumamit ng puwersa kapag nakikitungo sa mga tao, sinusubukang tratuhin ang iba nang may sukdulang kabaitan. Para bang sila ay partikular na bukas-palad, nagtataglay ng pusong may kabutihang-loob at pagpaparaya; nagbabalatkayo sila bilang lubhang dakila at marangal, at minamaliit pa nga nila ang lahat ng bagay mula sa mataas na katayuan ng moralidad ng tao. Samakatwid, sa loob ng kultural na kontekstong ito ng Silangan, ang kultural na buhay ng mga taga-Silangan ay karaniwang pinamamayanihan ng mga ideya at konseptong ito. Kasabay nito, ginagamit ang kulturang ito upang patuloy na hubugin at impluwensiyahan ang susunod na henerasyon. Halimbawa, sa mga drama sa pelikula at telebisyon, madalas na isinusulong ang ilang ideya, isa na rito ay, “Ginagawa ng mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao.” Ano ang imahe ng isang marangal na bayani sa isipan ng mga tao? Sa mga martial arts na pelikula, nakikita mo na karamihan sa mga marangal na bayani ay matikas at pino, nakasuot ng sombrero na yari sa kawayan, may espada o sable sa kanilang tagiliran. Sila ay walang ekspresyon at hindi makasarili, taglay sa kanilang puso ang mundo, ang karaniwang mga tao, at lahat ng buhay na nilalang, at naglilibot sila na nagtataguyod ng katarungan, gumagawa ng mabubuting bagay, at nag-iipon ng merito. Kapag nakakakita sila ng kawalang-katarungan, inilalabas nila ang kanilang mga espada para tumulong, kumikilos kapag kinakailangan. Ito ang imahe ng isang marangal na bayani sa isipan ng mga tao, at ito rin ang halagang taglay ng gayong mga karakter sa isipan ng mga tao. Ang dahilan kung bakit lumilikha ng mga ganitong karakter ang mga drama sa pelikula at telebisyon ay dahil lahat ng taga-Silangan ay mayroong gayong paghahangad sa kanilang puso para sa lipunan at sangkatauhan. Hinahangad nila na umiral ang gayong mga tao sa lipunan o sa buhay, upang sila mismo ay hindi na kailangang magkimkim at magtiis, at hindi na magapos at makadena ng kulturang panlipunang ito. Dahil nga sa mayroong pangangailangang ito ang mga tao kaya patuloy na nililikha ang gayong mga karakter sa ilang akdang pampanitikan at pansining. Natutugunan nito ang mga pangangailangan ng propagandang kultural, at natutugunan din nito ang mga pangangailangan ng mga manonood. Masyadong matagal at masakit nang nagpipigil at nagtitiis ang karaniwang mga tao sa lipunan; kailangan nila ng mapaglalabasan, ngunit wala sila nito. Sa mga bayaning karakter at marangal na bayaning nilikha sa mga akdang pampanitikan at pansining na ito lamang sila nakakahanap ng kasiyahan. Samakatwid, ang gayong mga uri ng mga pelikula at palabas sa telebisyon at ang gayong mga karakter ay tinatanggap at pinupuri ng publiko. Kapag nakikita ng publiko na ang matutuwid na gawa ng mga marangal na bayaning ito sa mga pelikula at drama sa telebisyon—o ang kanilang pagkilos na pagbunot ng kanilang mga espada para tumulong kapag nakakakita sila ng kawalang-katarungan—ay ganap na tumutugma sa kanilang mga sikolohikal na pangangailangan, lahat sila ay pumapalakpak at nagsasaya, sumisigaw, “Buti nga sa iyo! Iyan ang napapala mo sa paggawa ng masama! Iyan ang napapala mo sa pamiminsala sa mga tao!” Sinasalamin ng kanilang mga hiyawan ang sakit ng pangangailangan na magkimkim at magtiis na nararanasan ng mga taga-Silangan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, pati na rin ang mabibigat at sari-saring panggigipit at matinding pinsalang tinitiis nila mula sa lipunan at sa naghaharing uri. Samakatwid, ang gayong mga uri ng libangan ay tinatanggap ng karaniwang mga tao sa kanilang puso, at sinasang-ayunan at pinananabikan nila.
Dahil mismo ang pagsupil at pagtitiis na dulot ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na ito ng Silangan ay iginapos at pinaghigpitan ang mga taga-Silangan sa usapin ng kanilang pag-iisip at kanilang pagkatao hanggang sa pinakamataas na antas na posible, ang kanilang pagkatao at pag-iisip ay lubhang nabaluktot. Paano ipinapamalas ang pagkabaluktot na ito? Ipinapamalas ito sa katunayang kinamumuhian ng lahat ang mga opisyal at mayayaman; kapag nakakakita sila ng isang bagay na hindi makatarungan, nakakaramdam sila ng pagkamuhi sa loob nila at agad nila itong iniuugnay sa naghaharing uri o sa mayayaman, nararamdamang ang lahat ng kanilang pasakit ay sanhi ng mga ito. Isa itong aspekto. Dagdag pa rito, dahil ang pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silangan ay nagbubunga sa mga tao ng isang karakter na sumusupil at nagtitiis, ang mga kaisipan ng mga taga-Silangan ay nakagapos at nakatanikala sa malaking antas. Kung ikukumpara sa mga taga-Kanluran, mahirap para sa mga taga-Silangan na makamit ang malayang pag-iisip o paglaya ng kaisipan sa antas ng mentalidad; ibig sabihin, hindi nila kayang mag-isip at mangatwiran nang malaya, awtonomo, at nagsasarili. Samakatwid, sa panlipunang kapaligiran ng Silangan, ang lahat mula sa mga bata hanggang sa mga nasa hustong gulang ay nagtataglay ng isang katangiang mala-alipin; mahirap para sa kanila na pag-isipan ang isang problema nang nagsasarili o na mag-isang tapusin ang isang gawain ayon sa mga prinsipyo at plano. Ang isa pang aspekto ay na ang pagsupil at pagtitiis ng mga taga-Silangan ay nagiging sanhi ng kanilang pagiging mapanlaban sa lipunan, sangkatauhan, at sa bawat antas ng lipunan. Humantong din ito sa pagkakaroon nila ng isang medyo tusong katangian sa kanilang pagkatao, na maaaring ibuod bilang isang uri ng pagiging kasuklam-suklam. Dahil lubhang hindi patas ang mundong ito, kailangang tiisin ng mga tao ang iba’t ibang panggigipit at pagkakagapos mula sa lipunan, sa kanilang kapaligiran sa trabaho, at sa kanilang mga pamilya, at nagreresulta ito sa hindi wasto o patas na pagtugon sa mga normal na pangangailangan ng kanilang pagkatao—sa kanilang mga normal na emosyonal at pisikal na pangangailangan. Kaya, ang bawat isa ay nagkikimkim ng isang saloobing mapagwalang-bahala, mapag-alinlangan, o sawa-na-sa-mundo sa kanilang buhay. Dahil sa saloobing ito, nararamdaman ng mga taga-Silangan na napakalabo ng pag-asang mabuhay; halos hindi sila nakakaramdam ng anumang gana na mabuhay, at wala silang interes sa anumang kanilang ginagawa. Sa ganitong paraan, nagkakaroon sila ng isang mapanlinlang at tusong saloobin sa pakikitungo sa mundo, at ang pagiging mapanlinlang at tuso na ito ay maaaring ibuod bilang “pagiging kasuklam-suklam.” Ano ang tinutukoy ng “pagiging kasuklam-suklam” na ito? Tinutukoy nito ang isang saloobing mapagwalang-bahala sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Halimbawa, ang saloobin ng ilang tao sa paggawa ng kanilang tungkulin ay ang gawin ang gusto nila—kung gusto nilang gawin ang isang bagay, ginagawa nila ito nang kaunti; kung ayaw nila, hindi nila ito ginagawa. Kapag mayroong kahit kaunting presyur sa kanilang gawain, nagrereklamo sila kung gaano ito kahirap, at gusto nilang magpahinga. Kung makikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan at sasabihin mo sa kanila na maaantala nila ang gawain sa ganitong paraan, sasabihin nila, “Bahala na. Gusto kong magpahinga ngayon. Gusto kong magsaya muna sandali!” Wala silang seryoso at responsableng saloobin sa anumang ginagawa nila. Maging ito man ay sa gawain, sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o maging sa kanilang buong buhay at kanilang pananalig, magulo ang isip nila, wala silang seryosong saloobin, at nagpapakita sila ng isang saloobing mapagwalang-bahala. Saanman sila magpunta, gusto nilang basta-bastang sumugod. Kapag nabibigo sila, hindi sila nababagabag kahit kaunti; hindi nila matiis na mapamahalaan, at hinahangad nilang tamasahin ang kalayaan. Kung sila ay pinalaya, walang pakundangan silang gumagawa ng masasamang gawa; kung mawalan sila ng kalayaan, nagrereklamo sila tungkol sa lahat ng tao at bagay. Ito ang uri ng saloobing mayroon sila. Hindi ba’t ito ay pagiging kasuklam-suklam? (Oo.) Ito ang natatanging katangian na nabuo ng mga taga-Silangan sa loob ng panlipunang kapaligiran ng Silangan. May ilang tao ring nagkikimkim at nagtitiis; kaya nilang tiisin ang anumang bagay, at kaya nilang gawin ito sa loob ng napakatagal na panahon. Mayroon silang pambihirang pagtitiis at katatagan, kaya nilang tiisin ang anumang hirap, kayang mabuhay sa anumang kapaligiran, kayang ngumiti sa anumang kapaligiran, at nakakatulog pa rin sila kapag oras na para matulog sa gabi, nang hindi tumutulo ang ni isang luha. Halimbawa, kapag may baha at ang mga bahay, bukirin, at mga alagang hayop ng ilang tao ay pawang nalubog, tila hindi sila gaanong nasasaktan. Nakatuon sila nang husto sa pagpulot ng mahahalagang bagay sa baha, nagpaplanong yumaman. Binabalaan sila ng iba, “Hindi ligtas na isugal ang iyong buhay sa pagpulot ng mga bagay nang ganito!” Sumasagot sila, “Ang baha ay isang perpektong pagkakataon para yumaman. Mahirap makahanap ng ganitong pagkakataon!” Sinasabi ng iba, “Binaha ang ating mga bukirin, tinangay ng agos ang ating mga butil, hindi nagbibigay ng anumang tulong ang gobyerno, at walang sinumang dumarating para tumulong. Paano tayo mabubuhay? Napakahirap talaga ng buhay sa mundong ito. Mabuti pa sigurong mamatay na lang tayo!” Ngunit sinasabi nila, “Kapag tumama ang sakuna, kailangan mong umasa sa iyong sarili. Palaging mag-iiwan ng paraan ang Langit para sa tao. Ang baha ay isang magandang pagkakataon para yumaman. Isa itong negosyong walang puhunan at may napakalaking kita. Kahit na may nawala sa atin, may mapupulot tayong ibang mga bagay—sapat na iyon para mabawi ang mga nawala, at baka kumita pa tayo nang kaunti!” Kita mo, nakakaramdam ng pasakit ang mga normal na tao kapag may sakuna at nagdurusa sila ng mga kawalan, ngunit sa mga taga-Silangan, mayroong mga “bayaning karakter” na tulad nito—anuman ang sakunang dumating sa kanila, kaya nilang sumabay sa agos at makahanap pa nga ng mga oportunidad para yumaman. Hindi sila nag-aalala o nababagabag, at kahit na hindi magbigay ng tulong ang gobyerno o lutasin ang kanilang mga problema, wala silang pakialam. Para bang, dahil sa naranasan nilang napakaraming sakuna, nasanay na lang sila. Hindi ba’t ganito ang lipunang Tsino? Kaya, dahil sa ganitong uri ng edukasyon sa lipunang Tsino, ang mga akdang pampanitikan at pansining na kinokonsumo ng mga tao sa kanilang libreng oras o ang mga paraan ng kanilang pagrerelaks ay karaniwang mga anyo ng pagmamaliit sa sarili at pagtuya sa sarili. Ganito naglilibang ang mga Tsino, nakakahanap ng kaunting ginhawa para sa panunupil sa kanilang puso. Ngunit pagkatapos, sa pang-araw-araw na buhay, nagpapatuloy sila sa pagkukunwari at pagkikimkim at pagtitiis tulad ng dati. Paano man sila tratuhin ng gobyerno, nasanay na ang karaniwang mga tao sa ganitong uri ng pagtrato. Hangga’t hindi sila nagugutom, kontento na sila; kung walang banta ng napipintong kamatayan, hindi nila iisipin ang paghihimagsik. Nagpasya na ang karaniwang mga tao na tanggapin ang gayong mga bagay: “Ang isang masamang buhay ay mas mainam kaysa sa isang mabuting kamatayan; palaging mag-iiwan ng paraan ang Langit para sa tao. Mamuhay na lang tayo nang ganito! Karapatang pantao? Demokrasya? Maluluhong pagnanais ang mga iyon. Kaming mga Tsino ay isinilang sa ganitong sawing kapalaran. Hangga’t maaari kaming manatiling buhay, sapat na iyon!” Hindi ba’t ito ay pagiging sukdulang mapurol ang isip at manhid? Mayroon pa ba silang natitirang dignidad bilang mga tao? (Wala na.) Ito ay isang kaawa-awang kalagayan.
Karamihan sa mga akdang pampanitikan at pansining na nilikha sa Silangan ay ibang-iba sa mga nilikha sa Kanluran sa kung ano ang sinasalamin at isinusulong ng mga ito. Bagama’t sinasalamin nga ng mga akdang pampanitikan at pansining ng Silangan ang ilang kawalang-katarungan sa lipunan, hindi ito ang pag-iisip na tunay na gustong isulong ng mga direktor o mga iskriprayter, at hindi ito ginagawa para tugunan ang ilang pangangailangan ng mga manonood. Ano ba talaga ang isinusulong nila sa mga akdang ito? Ang pagtuturo ng panlipunang moralidad pa rin ng Silangan. Ang mga pangunahing pagpapamalas nito ay ang mga damdaming makabayan, na nagsusulong na ang mga tao ay dapat mahalin ang kanilang bansa, magmalasakit sa bansa at sa mga mamamayan, maging “mga tunay na lalaking may matataas na ambisyon,” bunutin ang kanilang mga espada para tumulong kapag nakakakita sila ng kawalang-katarungan, at saluhin ang bala para sa isang kaibigan. Ano pa ang isinusulong nila? “Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso,” at “Hindi pa huli para sa isang maginoo ang maghiganti.” Ang pagkataong isinusulong nila ay hungkag sa katunayan; ito ay mga imahinasyon at hinuha lang ng mga tao. Isinusulong nila ito para lamang sa katatagan ng rehimen ng naghaharing uri, upang ang mga tao ay magpaalipin magpakailanman na parang mga hayop na pantrabaho para sa naghaharing uri, nang hindi pinahihintulutan ang kahit katiting na paglaban. Ginagamit ang mga hungkag na ideyang ito para gawing manhid at iligaw ang mga tao, tinutugunan ang kanilang pangangailangan para sa libangan at ang mga pansamantalang pangangailangan ng kanilang puso. Halimbawa, ano ang isinusulong sa mga nobela tungkol sa martial arts o sa mga drama sa pelikula at telebisyon? Ang diwa ng pagiging marangal, ang pagiging isang marangal na bayani na nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap at bumubunot ng kanyang espada para tulungan ang iba. Ang tinatawag na marangal na bayani ay isinasakatawan ng kasabihang, “Ginagawa ng mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao.” Ang pagsusulong sa diwa ng pagiging marangal ay hindi lang nag-uudyok sa karaniwang mga tao na purihin ang gayong mga karakter kundi hangarin at naisin din na maging ganitong uri ng tao. Ano pa ang ibang isinusulong ng mga akdang pampanitikan at pansining ng Silangan? Isinusulong ng mga ito ang kabayanihan: ang pagpapakapagod at paggugol nang husto ng puso at isipan para sa bansa, para sa bayan, at para sa kapakanan ng isang lugar at ng mga mamamayan nito, at ang pagsasakripisyo ng sariling kabataan at buhay para sa dakilang layunin ng bansa. Sa madaling salita, ang mga talambuhay at alamat na ito ng mga tauhan sa martial arts na nabuo sa Silanganing—at lalo na sa Tsinong—panlipunang kapaligiran, tradisyonal man o moderno ang mga ito, o kathang-isip o batay sa mga tunay na makasaysayang tao at pangyayari, ay pawang nagtuturo sa mga tao na magsikap na maging di-makasarili at kalimutan ang sarili. Ginagawa nilang lahat ito bilang kanilang tema at sentro ng edukasyon, naglalayong gawing may marangal na panlipunang moralidad ang mga tao. Ang pagiging di-makasarili at paglimot sa sarili ay nangangahulugan ng kawalan ng sarili; isinusulong nila na nauuna ang kapakanan ng nakararami bago ang pansariling kapakanan, na nauuna ang bansa bago ang pamilya, at sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ng magandang buhay ang isang tao. Ito ang uri ng pag-iisip na ikinikintal nila sa mga tao. Ibig sabihin, itinuturo nila sa iyo na huwag maging makasarili, na huwag lamang isaalang-alang ang iyong sarili, na huwag gumawa ng anumang sakripisyo o pagsisikap para sa kapakanan ng iyong sariling buhay, ng iyong sariling pananatiling buhay, o ng anumang bagay na may kaugnayan sa iyong sarili, at ni huwag kang makibaka para sa mga bagay na ito sa anumang paraan. Sa halip, dapat mong isakripisyo at ialay ang iyong sarili para sa iyong sariling bayan, para sa lipunan, para sa sangkatauhan, at para sa dakilang layunin ng bansa. Ang mga katuruang ito ay kolektibong tinutukoy bilang isang edukasyon sa pagkukunwari. Ang tinatawag na edukasyong ito sa pagkukunwari ay hindi makatotohanan at hindi umaayon sa mga pangangailangan ng pagkatao; sa batayan ng pagkakait sa mga pangangailangan ng pagkatao ng mga tao, sa kanilang mga likas na instinto, at sa kanilang pundamental na karapatang mabuhay, itinutulak nito ang mga tao na gumawa ng mga walang-kabuluhang sakripisyo para sa bansa at sa bayan, para sa isang hungkag at walang-kabuluhang layunin. Ang birtud na ito ng pagsasakripisyo ng sarili ay ganap na isang bagay na sapilitang ikinintal ng lipunang Silanganin sa pagkatao ng mga tao. Ang “sapilitang ikinintal” ay nangangahulugang hindi ito isang bagay na kusang lumilitaw mula sa pagkatao, hindi isang bagay na likas sa mga instinto ng pagkatao, hindi isang bagay na maaaring makamit ng mga likas na instinto, at hindi isang bagay na nais makamit ng likas na malayang kalooban o pansariling kalooban ng isang tao. Sa halip, ito ay isang bagay na sapilitang ikinikintal ng naghaharing uri o ng mga sosyologo sa isipan ng mga tao, nililigaw o pinipilit silang tanggapin ang gayong mga panlipunang obligasyon at responsabilidad, at pagkatapos ay ineeduka sila sa ilalim ng engrandeng bandera ng tinatawag na “marangal na moral na karakter,” iniiwan silang walang lakas na kumawala, at masyadong takot na sumubok. Ito ay dahil kung ikaw ay kakawala sa edukasyong ito o aalpas dito, kung hindi mo tatanggapin ang edukasyong ito, ikaw ay isang kaaway ng buong lipunan at ng buong bansa—ikaw ay sukdulang mapaghimagik, ikaw ay hindi tao, ikaw ay isang taong kakatwa, at kakailanganin mong harapin ang isang kalagayan sa buhay kung saan ikaw ay ibubukod. Samakatwid, kahit pa nakakaramdam ang mga tao ng kaunting kawalang-kasiyahan sa kanilang puso, kahit pa kinamumuhian nila ang lipunang ito at ang ganitong uri ng edukasyon, wala silang lakas ni tapang na kumawala mula rito, lalo na ng tapang na magsabi ng “hindi” rito. Kaya lang nilang kimkimin ang kanilang sama ng loob at tiisin ito—wala silang kapangyarihang lumaban, at kaya lang nilang tahimik na magtiis. Kung ikaw ay hindi magtitiis, sa malaking antas ay tutuligsain ka at itataboy ka ng lipunan; at sa maliit na antas, itataboy ka ng iyong pamilya at mga mahal sa buhay, lalayuan ka nila, at ibubukod ka nila, at kokondenahin ka pa nga nila bilang sukdulang mapaghimagsik. Tingnan natin ang isang halimbawa. Halimbawa, noong bata ka, sabihin nating tinuruan ka ng iyong mga magulang: “Kapag lumabas ka at nakakita ng mga nakatatanda, dapat mo silang batiin. Tawagin mong ‘tito’ o ‘tita’ ang mga mas bata sa amin, at tawaging ‘lolo’ o ‘lola’ ang matatanda. Kapag may nagbigay sa iyo ng isang bagay, kailangan mong sabihing ‘salamat.’ Kung saktan ka ng ibang bata, kailangan mong magtiis; lumaban ka lang kung talagang hindi mo na kaya. Kailangan mong magpakita ng labis na pagpipigil.” At isang araw, lumabas ka at may nakita kang isang tao, ngunit dahil nahihiya ka, hindi ka naglakas-loob na batiin siya. Naramdaman ng iyong mga magulang na napahiya sila, kaya dinisiplina ka nila pag-uwi mo, at mula noon ay agad ka nang bumabati sa tuwing may nakikita kang isang tao. Upang maiwasang mabugbog, gaano ka man nahihiya o gaano man kasalungat sa iyong kalooban, kailangan mo pa ring batiin ang mga tao nang labag sa iyong kalooban. Sa paglaki sa gayong kapaligiran, walang pagpipilian ang isang tao kundi tiisin ang lahat. Maging sa isang napakaliit na bagay, kailangan mong kumilos sa ganitong paraan; sa bahay man o sa labas sa lipunan, iyon lang ang maaari mong gawin. Kung hindi ka komportable at gusto mong maging suwail kahit isang beses lang, huwag mo nang isipin ang pagtuligsa ng lipunan sa iyo—maging ang iyong pamilya at mga magulang ay sesermunan at kagagalitan ka. Paglaki mo, napagtatanto mong ang pagbati sa mga tao ay para hindi mapahiya at upang mas madaling magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan. Gayumpaman, noong bata ka, hindi mo ito maintindihan, bagama’t kailangan mo pa ring kumilos sa ganitong paraan. Kung hindi mo ginawa, didisiplinahin ka, at maaari pa ngang minsan ay mapagalitan o mabugbog ka ng iyong mga magulang sa harap ng ibang tao, isang bagay na hindi mo malilimutan sa buong buhay mo. Samakatwid, sa mas malawak na konteksto ng lipunan, maaari mo lamang tanggapin ang edukasyong ito sa tinatawag na “marangal na moral na karakter.” Anuman ang mga bunga ng pagtanggap dito, anuman ang impluwensiya nito sa iyong pagkatao sa huli, at anuman ang karakter o mga katangian ng pagkatao na idudulot nito sa iyo—sa huli, ikaw lamang ang dapat magpasan sa mga kahihinatnang ito.
Ang katangian ng pagkatao na nalilinang ng mga taga-Silangan mula sa kanilang edukasyon sa lipunang Silanganin ay ang pagpipigil at pagtitiis. Sa likod ng pagpipigil at pagtitiis na ito ay talagang naroon ang marami sa mga partikular na kaisipan, pananaw, paraan ng pag-asal, at iba’t ibang saloobin sa lahat ng uri ng bagay na matatagpuan sa pagtuturo ng panlipunang moralidad na Silanganin. Ganito ang lipunang Silanganin. Gayundin, ang lipunang Kanluranin ay mayroon ding sarili nitong kumbensyonal na edukasyong kultural, kung saan nalilinang din ng mga taga-Kanluran ang kanilang mga katangian ng pagkatao. Kung gayon, ano ba itong kumbensyonal na Kanluraning edukasyong kultural? Pangunahin nitong pinahahalagahan ang awtonomiya at pagsasarili. Naiiba ito sa sitwasyon sa lipunang Silanganin, na humihingi sa mga tao na magsakripisyo at ialay ang kanilang sarili para sa bansa at para sa lipunan, gumawa ng mga bagay na walang kaugnayan sa kanilang personal na buhay. Sa kabaligtaran, ang itinuturo ng lipunang Kanluranin sa mga tao ay ang eksaktong kabaligtaran ng hinihingi sa kanila ng lipunang Silanganin. Hindi hinihingi ng lipunang Kanluranin na mag-ambag ka ng anuman sa lipunan, sangkatauhan, o sa dakilang layunin ng bansa; ang pinakadiwa ng edukasyong Kanluranin ay ang pag-isipin ka para sa iyong sarili, ang matuto kang harapin ang sarili mong mga problema, at ang huwag mong abalahin ang iba, ang lipunan, o ang estado. Binibigyan ka nito ng mga indibidwal na karapatan, espasyo para sa pag-iisip para sa sarili, at personal na espasyo para sa sarili, at nililinang nito ang iyong abilidad na mag-isip para sa sarili at humarap sa mga problema nang mag-isa. Kailangan mong lutasin ang sarili mong mga problema; dapat magawa mong makapagsarili, maging awtonomo, at umasa sa sarili. Mayroong kultural na kaligiran ang Kanluran sa ganitong uri ng edukasyong ideolohikal, at sa kultural na kaligirang ito, nabubuo rin ng mga taga-Kanluran ang ilang partikular na katangian ng pagkatao na may kaugnayan sa diwa ng kanilang ideolohiyang pang-edukasyon. Nabuo ng mga taga-Silangan ang mga katangiang pang-edukasyon at pangkultura ng Silangan sa gitna ng pagtuturo ng panlipunang moralidad na Silanganin. Dahil taglay ng mga taga-Kanluran ang katangian ng edukasyon ng lipunang Kanluranin, taglay rin nila ang diwa na may kaugnayan sa katangiang iyon. Ang diwa ng katangian ng edukasyon na taglay ng mga taga-Kanluran ay talagang naiiba sa diwa ng katangian ng edukasyon na taglay ng mga taga-Silangan. Ang katangian ng edukasyon na taglay ng mga taga-Silangan ay isang edukasyon sa pagkukunwari, samantalang ang taglay ng mga taga-Kanluran ay isang edukasyon sa pagkamakasarili. Bawat tema ng edukasyong Kanluranin ay nagtuturo sa mga tao na maging nakapagsasarili at awtonomo, na pag-isipan ang sarili nilang mga problema, at harapin at pamahalaan ang sarili nilang mga usapin. Samakatwid, ang edukasyong Kanluranin ay may katangian ng pagiging isang edukasyon sa pagkamakasarili. Ang edukasyong ito sa pagkamakasarili ay lubos na di-katulad ng edukasyong Silanganin; ito ay ibang uri ng katangian. Ang katangiang ito ay umaakay sa mga taga-Kanluran na unahin ang personal na espasyo para sa sarili; ang pansariling kalooban, pag-iisip, mga kaisipan, mga pananaw, at mga ideya; at ang sarili nilang mga karapatan, ang kanilang kasalukuyang mga kondisyon sa pamumuhay, at ang kanilang kasalukuyang lagay ng kalooban at mga damdamin. Hindi nila kailangang magbigay ng gaanong pansin sa ibang mga bagay, ni sa anumang panlipunan o pampamilyang mga responsabilidad. Kailangan muna nilang alamin ang sarili nilang mga problema, pangasiwaan ang sarili nilang mga damdamin, at lutasin ang sarili nilang mga kagyat na usapin, at pagkatapos lang nito saka pansinin ang lahat ng iba pa. Itinuro ng edukasyong Silanganin sa mga taga-Silangan na magpigil at magtiis, samantalang itinuro ng edukasyong Kanluranin sa mga taga-Kanluran na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Dito, ang mga taga-Kanluran at mga taga-Silangan ay ganap na magkaiba. Kapag may nararanasan ang mga taga-Silangan, patuloy lang silang nagtitiis. Kapag talagang hindi na nila ito matiis, sinasabi nila sa kanilang sarili, “Ang isang masamang buhay ay mas mainam kaysa sa isang mabuting kamatayan. Kailangan mong magtiis para manatiling buhay.” Kabaligtaran naman ng pagpipigil at pagtitiis ng mga taga-Silangan, may ibang katangian ang mga taga-Kanluran: Sa pamamagitan ng kanilang panlipunang edukasyon sa awtonomiya at pagsasarili, natutunan nilang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Kung ikukumpara sa pagpipigil at pagtitiis ng mga taga-Silangan, hindi ba’t mayroong higit na paggalang sa sarili at dignidad sa isang antas sa pagtatanggol ng mga taga-Kanluran sa kanilang mga karapatan? Ibig sabihin, may kaunti pang kalayaang kumilos na nasasangkot, tama ba? (Oo.) Ang pagtatanggol sa mga karapatan ng isang tao ay isang ganap na pundamental na konsepto; nangangahulugan ito ng pagsasagawa ng mga kinakailangang aksyon upang protektahan ang mga pundamental na karapatang pantao ng isang tao, kabilang na ang karapatan sa paniniwala, karapatan sa buhay, karapatan sa malayang pananalita, at iba pa. Siyempre, ano ba ang pangunahing tinutukoy ng pundamental na pagtatanggol na ito sa mga karapatan? Tumutukoy ito sa pagkakaroon ng mga tao ng espasyo para sa pag-iisip para sa sarili, kakayahang pag-isipan ang mga isyu nang malaya at nagsasarili nang hindi naiimpluwensiyahan o kinokontrol ng anumang panlipunang kapaligiran o mga nakapaligid na tao, pangyayari, at bagay. Tama man o mali ang mga pananaw na lumilitaw mula sa mga pagsasaalang-alang ng isang tao sa mga isyu, o tama man o hindi ang paraan ng pag-iisip ng isang tao, ang pagkakamit ng awtonomiya at kalayaan ang pinakamahalaga. Sa madaling salita, ang mga taga-Kanluran ay namumuhay sa malalayang lipunan, at sa kultural na konteksto ng Kanluraning edukasyong panlipunan, ang kanilang mga isipan ay napakaaktibo at madalas na nasa malayang kalagayan. Samakatwid, kung ikukumpara sa mga tao sa lipunang Silanganin, ang mga taga-Kanluran ay mas matapang sa kanilang pag-iisip, mas handang mag-isip, at mas mahusay mag-isip, samantalang kadalasan, ang pag-iisip ng mga taga-Silangan ay nakagapos, de-kahon, o pinipigilan. Sa mga karaniwang sitwasyon, ang mga isipan ng mga taga-Kanluran ay malaya, aktibo, at handang mag-isip tungkol sa mga problema. Upang ilarawan ito sa paraang hindi wasto, mas handa silang pag-isipan ang mga kakatwa at di-pangkaraniwang bagay, hanggang sa punto pa nga na magpakalunod sa kung ano-anong mga detalye. Ito ay isang pagpapamalas ng mga katangian ng pagkatao na nabubuo nila sa loob ng Kanluraning edukasyong panlipunan, at ang pagpapamalas na ito ng pagkatao ay mas progresibo kaysa sa mga taga-Silangan. Sa isang banda, ipinagtatanggol nila ang kanilang karapatan sa buhay, at sa kabilang banda, ipinagtatanggol din nila ang iba’t ibang pananaw na lumilitaw mula sa kanilang malayang pag-iisip. Bilang resulta, ang mga ideya, pananaw, at artistikong anyo na ipinapakita sa mga Kanluraning akdang pampanitikan o sa Kanluraning buhay-sining at buhay-libangan ay sari-sari at malawak. Sa gitna ng buong sangkatauhan, ang mga Kanluraning akdang pampanitikan at buhay-libangan ay medyo malaya at kakaiba, at ang mga tao ay maaaring makakuha ng inspirasyon at lubos na makinabang mula sa mga ito. Tingnan ninyo—anong mga ideya ang isinusulong ng ilang Silanganing akdang pampanitikan at pansining? Pagkamakabayan, pagmamahal sa pamilya, pagmamahal sa mga magulang, at iba pa. Lahat ng ito ay mga bagay na matatagpuan sa pagtuturo ng panlipunang moralidad na Silanganin, o na bahagi ng diwa ng kulturang Silanganin. Dahil ang kulturang Kanluranin ay nagbigay sa mga taga-Kanluran ng malaya at awtonomong espasyo para sa pag-iisip, nagbunga ng ganitong katangian ng pagkatao sa kanila, at nagkaloob sa kanila ng karapatang ito sa malayang pag-iisip, mas may laman-isip ang mga taga-Kanluran sa kanilang buhay-pampanitikan at pansining kaysa sa mga taga-Silangan, at kasabay nito, mas malawak ang saklaw ng kanilang pag-iisip. Tingnan mo, ang saklaw ng pag-iisip ng mga taga-Silangan, o ang mga ideyang ipinapahayag at isinusulong nila sa kanilang buhay-pampanitikan at pansining, ay napakalimitado, makitid, at pinipigilan, samantalang ang iba’t ibang paksang lumilitaw sa buhay-pampanitikan at pansining ng mga taga-Kanluran ay medyo malawak ang sakop at malaya mula sa mga paghihigpit ng pamahalaan. Ang ilan sa mga paksang ito ay mga pagninilay sa isang partikular na batas na inilabas ng pamahalaan sa isang panahon tungkol sa pagkatao ng mga tao, o sa epekto nito sa lipunan o maging sa buhay at pamilya ng isang indibidwal. Ang iba naman ay mga pagninilay sa pag-aaral at sa mga karapatang pantao, pati na rin sa iba’t ibang isyu, tulad ng mga talakayan ng mga tao mula sa lahat ng antas ng lipunan—kasama na ang mga imigrante—tungkol sa pagkakapantay-pantay ng lahi, diskriminasyon sa lahi, at ang mga ugnayan sa pagitan ng mga taong may iba’t ibang kulay ng balat. Mula rito, makikita na ang saklaw ng iba’t ibang paksang sinasalamin sa mga Kanluraning akdang pampanitikan at pansining ay medyo malawak, gayundin ang saklaw ng iba’t ibang ideya at pananaw na kasangkot. Sinasalamin pa nga ng mga ito ang epekto sa lipunan na dulot ng mga metodo at paraang ginagamit ng ilang ahensyang nagpapatupad ng batas sa loob ng mas malawak na legal na balangkas, pati na rin ang iba’t ibang sikolohikal na pasaning inilalagay sa publiko o ang iba’t ibang kasunod na epekto sa buhay ng mga tao. Lahat ng ito ay mga ideya at pananaw na inilalahad sa iba’t ibang Kanluraning akdang pampanitikan at pansining. Sa isang banda, ang mga ito ay mga kaisipang isinusulong sa loob ng Kanluraning kultural na konteksto; sa kabilang banda, ang mga ito ay mga kaisipan at pananaw na lumilitaw dahil malaya ang mga taong mag-isip sa loob ng konteksto ng Kanluraning edukasyong kultural. Sa madaling salita, ang iba’t ibang ideyang inilalahad ng mga taga-Kanluran sa kanilang mga akdang pampanitikan at pansining, pati na rin ang mga kaisipan, pananaw, pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at mga saloobin ng mga taga-Kanluran sa iba’t ibang antas ng lipunan at iba’t ibang industriya sa kung paano nila tinatrato ang lahat ng uri ng bagay, ay ganap na naiiba sa mga ideya ng mga taga-Silangan. Narito ang isang simpleng halimbawa: Sa Silangan, kapag nagtatrabaho ang isang empleyado para sa isang kompanya, ang kanyang ikinabubuhay ay nagmumula sa kanyang amo, kaya dapat niyang gawin ang anumang ipinagagawa sa kanya ng kanyang amo. Kahit na utusan siyang gumawa ng ilang gawaing-bahay para sa kanyang amo, tulad ng pagsundo sa mga anak nito o pamimili ng mga groseri, dapat siyang maging ganap na masunurin at hindi mangahas na tumanggi. Kailangan pa nga na lagi siyang handang tumugon sa tawag kahit sa oras ng kanyang pahinga. Siya ang katulong, alipores, at alipin ng kanyang amo. Ganito ang ugnayang nakatataas-nakabababa sa pagitan ng empleyado at amo sa Silangan. Maaaring hindi komportable ang pakiramdam ng empleyado, nayayamot siya, at ayaw niya, pero wala siyang magagawa—kaya lang niyang magtiis. Iyon ang kanyang amo, ang nagbibigay ng kanyang ikinabubuhay, kaya wala siyang magagawa kundi magpasailalim dito. Sa Silangan, paano man samantalahin ng isang amo ang kanyang mga empleyado, at gaano man kahindi makatwiran ang kanyang mga kilos, puwede lang itong tiisin ng mga empleyado; wala silang paraan para makawala sa sitwasyong ito. Ang ilang bansa sa Silangan ay maaaring mayroon ding mga batas sa paggawa, na nilalayong protektahan ang mga legal na karapatan at interes ng bawat mamamayan, ngunit sa antas ng lipunan, dahil ito ay ang Silangan, walang empleyadong nangangahas na idemanda ang kanyang amo kahit pa lumabag ito sa mga batas sa paggawa. Gaano man ipagkait ang kanilang mga karapatan o gaano man sila samantalahin ng kanilang amo, wala silang magagawa. Kahit may mga batas sa paggawa, hindi nila kayang gamitin ang batas para ipagtanggol ang sarili nilang mga karapatan at interes. Kaya lang nilang sumunod sa agos at hayaang magpatuloy ang sitwasyon. Ang Kanluran, sa kabilang banda, ay iba. Ang ugnayang nakatataas-nakabababa sa pagitan ng empleyado at amo sa Kanluran ay umiiral lamang sa antas ng trabaho, at sa mga oras ng trabaho. Sa labas ng trabaho, walang personal at emosyonal na ugnayan sa pagitan nila. Kung hihilingin sa iyo ng iyong amo na mag-overtime, maaari kang tumanggi. Kung hihilingin sa iyo ng iyong amo na tumulong sa pagsundo sa kanyang mga anak o mamili ng mga groseri, maaari mong sabihin, “Wala kang karapatang utusan akong gawin ito. Hindi iyan ang trabaho ko. Wala akong obligasyong pagsilbihan ka.” Maaari kang tumanggi. Kung paulit-ulit at pilit kang itinutulak ng iyong amo na gawin ang mga bagay na ito, puwede mo siyang idemanda, at magkakabisa ang mga batas sa paggawa ng Kanluran; tutugon ang batas nang naaayon. Nagagawa ito ng mga taga-Kanluran, at hindi sila natatakot na gawin ito, ngunit ang mga taga-Silangan ay natatakot. Ayon sa mga kuru-kuro ng mga taga-Silangan, dapat mong gawin ang anumang ipinagagawa sa iyo ng iyong nakatataas o ng isang taong may katayuan o katanyagan, at dapat kang magbigay ng mga serbisyo sa kanila nang libre. Kailangan mo pa ngang sabihin, “Handa akong maglingkod sa iyo, na ibigay ang buhay ko para sa iyo, at hindi ko aasahan ang anumang kapalit. Ang paglilingkod sa iyo ay isang karangalan para sa akin!” Pinagsasamantalahan ka man nila para sa iyong pagtatrabaho o pinagkakaitan ng iyong mga karapatang pantao, dapat mo itong tanggapin at hindi ka dapat humingi ng anumang kabayaran. Kung gagawin mo iyon, nangangahulugan iyon na wala kang utang na loob at pinapahiya mo sila, at mananagot ka sa kanila. Ang mga taga-Kanluran, sa kabilang banda, ay iba. Natutunan nilang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at gamitin ang mga karapatang ito nang napakaepektibo, ginagamit ang mga ito hanggang kaya nila. Kahit pa ang pangulo o isang kilalang indibidwal ang hindi mag-iwan ng tip pagkatapos kumain, isasampa ang isang reklamo—ito ay isang karapatang ipinagkaloob sa mga manggagawa ng mga batas sa paggawa. Kapag nakakaranas ng gayong mga sitwasyon ang mga taga-Silangan, hindi sila nangangahas na magreklamo. Iniisip nila, “Opisyal siya, isang sikat na tao. Mananalo kaya ako kung idedemanda ko siya? Kahit manalo ako, ano ang gagawin ko kung pahirapan niya ako nang palihim? Kung idedemanda ko siya, malalagay ako sa malubhang kaguluhan, at baka ikamatay ko pa ito.” Samakatwid, mas gugustuhin pa ng mga taga-Silangan na malugi kaysa mangahas na humingi ng tip. Ito ay tinatawag na pagtitiis. Ngunit iba ang mga taga-Kanluran. Iniisip nila, “Bakit ako magtitiis? Hindi ako ipinanganak para mamuhay para sa iba—namumuhay ako para sa sarili ko. Kailangan kong ipagtanggol ang mga karapatan ko. Pera itong nararapat sa akin. Wala akong pakialam kung kilalang tao ka o bigating tao, kailangan mong magbayad. Pantay-pantay ang lahat. Anong karapatan mong hindi mag-tip? Kung hindi ka magti-tip, idedemanda kita!” At sa sandaling makuha nila ang tip, tapos na ang usapan. Ang mga ito ang magkakaibang kaisipan, pananaw, at paraan ng pagharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na natatamo ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran sa pamamagitan ng kani-kanilang edukasyong kultural.
Ang Silangan at ang Kanluran ay nagkakaiba sa kanilang mga pamamaraan ng edukasyong kultural at sa partikular na nilalaman ng edukasyong iyon. Ang magkaibang anyong ito ng edukasyon ay nagbunga ng magkaibang kultura ng tao, pati na rin ng mga katangian ng pagkatao ng iba’t ibang pangkat-etniko. Taglay ang mga katangian na ito ng pagkatao, ang mga taga-Silangan ay may sarili nilang mga paraan ng pamumuhay, mga sitwasyon sa buhay, mga paraan ng pag-iisip, at mga saloobin para sa mga makamundong pakikitungo, samantalang ang mga taga-Kanluran ay may sarili nilang mga paraan ng pamumuhay, mga sitwasyon sa buhay, at mga paraan at saloobin para sa mga makamundong pakikitungo. Sa dalawang saloobing ito para sa mga makamundong pakikitungo, ang isa ay ang magpigil at magtiis, at ito ay partikular na hindi palaimik; ang isa naman ay nagbibigay ng partikular na diin sa pangangalaga sa mga karapatan ng pansariling kalooban at mga pagnanais ng mga tao. Ang isa ay nabuo mula sa isang edukasyon sa pagkukunwari, at ang isa naman ay nabuo mula sa isang edukasyon sa pagkamakasarili. Anuman ang uri ng edukasyon kung saan nabubuo ang mga katangiang ito ng pagkatao—ito man ay pagpipigil at pagtitiis o pagtatanggol sa mga karapatan ng isang tao, pagiging hindi palaimik o pagiging bukas—alin sa mga ito ang mga positibong bagay? (Silanganin man o Kanluranin, wala sa mga katangiang ito ng pagkatao ang mga positibong bagay.) Bakit ninyo nasabing hindi positibong bagay ang mga ito? Pakinggan natin ang inyong mga partikular na dahilan. Wala sa inyo ang makapagsasabi kung bakit, hindi ba? (Wala.) Anuman ang pinag-uusapan, takot kayong lahat na usisaing mabuti ng ibang tao ang mga detalye, at kapag nag-usisa sila, naguguluhan ang isip mo at hindi mo maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay. Pinatutunayan nito na wala kang kalinawan sa aspektong iyon, kaya dapat kang makipagbahaginan tungkol dito. Ang tanong na iyon na ibinato Ko sa inyo ay isang paksang sulit pagbahaginan, hindi ba? (Oo.) Ang paksang ito ay kinabibilangan ng “kung ano ang nilikha ng Diyos.” Kaya tingnan muna natin: Anong uri ng nilalang ang sangkatauhang nilikha ng Diyos? Ang nililikha ng Diyos ay mga positibong bagay. Aling mga bagay sa isang tao ang nilikha ng Diyos? (Ang malayang kalooban ng isang tao, at ang karunungang ibinibigay sa kanya ng Diyos.) Sa malawak na pananalita, ang mga likas na kondisyon ng isang tao ay pawang ibinigay at nilikha ng Diyos. Kung gagamitin natin ang salitang “nilikha,” maaaring medyo abstrakto ito, dahil lahat ay isinilang mula sa kanilang mga magulang, hindi ginawa ng sariling mga kamay ng Diyos. Ang paggamit ng pariralang “kung ano ang nilikha ng Diyos” ay medyo malawak; hindi ito gaanong angkop. Kung gayon, ang pagsasabing “ang mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao” ay mas partikular at obhetibo. Ang mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay may kinalaman sa paksa na “kung ano ang nilikha ng Diyos.” Kaya, masasabi ba natin na ang mga likas na kondisyon ng isang tao ay pawang mga positibong bagay? (Oo.) Ang hitsura ng isang tao, ang kanyang kakayahan sa wika, at lahat ng kanyang mga pandama at mga katangiang pisyolohikal, pati na rin ang kanyang malayang kalooban, ang pakultad na mag-isip at magbulay-bulay, ang kanyang mga likas na kalakasan at kaloob, at lahat ng panuntunan ng pananatiling buhay na sinusunod niya bilang isang buhay na nilalang—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Ibig sabihin, ang mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay pawang mga positibong bagay. Kaya, kasama ba sa mga positibong bagay na ito ang iba’t ibang kaisipang lumilitaw sa isipan ng isang tao o na tinatanggap niya mula sa lipunan at mula sa iba’t ibang kapanahunan? (Hindi.) Anumang bagay na natatamo ng mga tao mula sa lipunan o mula sa sangkatauhan ay hindi ibinigay ng Diyos, ni isang bagay na orihinal na nilikha ng Diyos. Masasabing hangga’t ang isang bagay ay nagmumula sa lipunan o sa sangkatauhan, hindi ito isang positibong bagay. Upang ibuod ito sa isang malawak at konseptuwal na paraan, sasabihin natin ito. At para sabihin ito nang partikular? Hindi ba’t medyo baluktot ang mga katangian ng pagkatao at mga paraan ng pag-iisip na nabuo sa loob ng kultural na konteksto ng pagtuturo ng panlipunang moralidad ng Silanganin? Maaari din itong sabihin nang ganito: Sa lipunang Silanganin, ang mga isipan ng mga tao ay nakagapos at nabaluktot; sila ay ginawang tiwali at naimpluwensiyahan ng ilang kaisipan at pananaw mula sa lipunan at mula kay Satanas. Hindi ba’t nangangahulugan ito na ang kanilang mga isipan ay dumaan sa pagproseso ni Satanas? (Oo.) Ang mga isipan ng mga tao ay dumaan sa pagproseso, at ang kanilang mga kaisipan ay hindi nagmumula sa kanilang pagkatao. Ang mga katuruang ito ay hindi nagmumula sa mga positibong bagay, ni nagmumula sa Diyos. Dahil hindi nagmumula sa Diyos ang mga ito, ang anumang mga kaisipan, pananaw, at paraan ng pag-iisip ang nabubuo nila—at anumang mga katangian ng pagkatao na nabubuo nila sa huli—kasama ng lahat ng iba pang mga bagay na kasunod na lumilitaw mula sa mga ito, ay mga negatibong bagay, hindi mga positibong bagay. Ito ay isang bagay na natiyak na ninyo, tama ba? (Oo.) Ang mga isipan ng mga taga-Silangan ay nakagapos at nabaluktot, at naiimpluwensiyahan din ng ilang kaisipan at pananaw ng Silangan, kaya ang mga bagay na ipinapahayag ng mga katangian ng kanilang pagkatao ay pawang negatibo. Ngayon, tingnan natin ang Kanluran. Ano ang nilalaman ng ideolohikal na edukasyon ng mga taga-Kanluran? May kaugnayan ba ito sa katotohanan? Ang nilalaman ba ng edukasyong Kanluranin at ang mga pagpapamalas ng pagkatao na itinuturo nito sa mga tao na pagsikapang makamit ay nagmumula sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Upang mas linawin pa ito, hayaan ninyo Akong magtanong sa inyo: Ang edukasyon bang ito—ang mga prinsipyo sa likod ng mga kaisipan at pananaw na ito sa pagharap sa buhay, pananatiling buhay, at mga makamundong usapin, at ang mga pamamaraang ito sa pagharap sa mga bagay na iyon—ay umaayon sa mga salita ng Diyos? Umaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Sa anong paraan ito hindi umaayon? (Ito ay tulad ng Kanluraning edukasyon sa pagkamakasarili—bagama’t iginagalang nito ang kalayaan sa pag-iisip, itinuturo nito sa mga tao na isaalang-alang lamang ang kanilang sarili at hindi ang iba. Hindi ito umaayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Kung gayon, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan? (Sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa isa’t isa, hindi lamang dapat isaalang-alang ng mga tao ang kanilang sariling mga interes o damdamin; sa halip, dapat nilang isaalang-alang kung paano makakapagpatibay sa iba ang kanilang mga kilos habang umaayon din sa katotohanan.) Sinasabi sa iyo ng mga salita ng Diyos na pinag-iisipan mo man ang mga isyu nang malaya at obhetibo, o sa ilalim ng pangingibabaw ng isang partikular na kaisipan o pananaw, hindi mo dapat gawin iyon para lamang sa kapakanan ng pagtatanggol sa iyong sariling mga interes o pagtatanggol sa iyong sariling dignidad at pride—hindi ito ang prinsipyong dapat pagbatayan ng mga mananampalataya sa Diyos sa pagsasaalang-alang sa mga isyu. Kapag isinasaalang-alang mo ang mga isyu, dapat kang tumuon sa kung ang iyong pamamaraan ay umaayon sa katotohanan, kung ang mga isyung ito ay malulutas gamit ang katotohanan, at kung ang iyong pamamaraan ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at humahantong sa pagpapasakop sa Diyos. Ito ang prinsipyo para sa pagsasaalang-alang sa mga isyu. Humaharap ka man sa mga tao, o humaharap sa mga isyu tungkol sa iyong pamilya o iba pang mga bagay sa paligid mo, dapat kang kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, sa halip na ipagtanggol mo lamang ang iyong sariling mga karapatan at interes. Ito ang mga prinsipyo ng pag-asal na hinihingi ng Diyos. Kaya, sa panlabas, kung ikukumpara sa edukasyon ng kulturang Silanganin, mas binibigyang-halaga ng Kanluraning edukasyong kultural ang mga karapatang pantao at ang pagtatanggol sa mga karapatan ng mga tao. Mas nakakalamang ito sa kulturang Silanganin, ngunit hindi iyon nangangahulugan na maaari itong pumalit sa katotohanan. Hindi mo dapat isipin na dahil lamang mas nakakalamang ito sa kulturang Silanganin, o dahil iginagalang nito ang mga karapatang pantao at nagbibigay-daan ito sa mga tao na makapagsarili at maging malaya, ay maaari na itong pumalit sa mga katotohanang prinsipyo at mailarawan bilang isang bagay na positibo. Ang Kanluraning edukasyong kultural ay mas nakakalamang lamang sa Silanganing edukasyong kultural at mas naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, ngunit hindi ito maaaring itumbas sa mga katotohanang prinsipyo, ni pumalit sa mga ito. Sa isang antas, itinataguyod at iginagalang lamang nito ang mga pangangailangan ng sangkatauhan, pati na rin ang dignidad ng mga tao at ang kanilang mga karapatan at interes. Gayumpaman, ang paggalang na ito ay may kaugnayan lamang sa usapin ng pagkatao. Sa usapin ng katotohanan at ng katarungan, wala itong itinataguyod sa mga ito. Samakatwid, ang Kanluraning edukasyong kultural ay isang edukasyon sa pagkamakasarili. Ang isang edukasyon sa pagkamakasarili ay nangangahulugang, “Dapat paglingkuran ng lahat ang aking mga interes. Dapat kong pag-isipang mabuti ang lahat ng bagay bago ko ito gawin. Ang aking mga personal na interes, ang aking mga karapatang pantao, at ang aking mga indibidwal na karapatan ang pinakamahalaga.” Mayroon bang anumang moral na katarungan dito? Mayroon bang anumang pagiging patas? (Wala.) Kung walang pagiging patas o moral na katarungan, paano ito posibleng umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Sa isang antas, iginagalang ng Kanluraning edukasyong kultural ang iyong mga karapatang pantao; binibigyan ka nito ng karapatang mag-isip tungkol sa mga isyu at ipahayag nang malaya ang iyong mga opinyon. Sa ganitong paraan, sa pangkalahatan ay mapangangalagaan nito ang dignidad at mga karapatang pantao ng mga tao. Kaya, sa isang antas, ang edukasyong Kanluranin ay mas naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ngunit kaya bang gabayan ng edukasyong Kanluranin ang mga tao patungo sa tamang landas sa buhay? Nagagawa ba nitong tratuhin ng mga tao ang lahat ng tao at gawin ang lahat ng bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi nito ito magagawa. Magagarantiya ng edukasyong Kanluranin na ang lahat ay may mga karapatang pantao at karapatang pangalagaan ang kanilang dignidad—ito ay ganap na naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Gayumpaman, kapag sinukat batay sa aktuwal na sitwasyon sa lipunan, iilang bansa lamang ang ganap na nakakatugon sa pamantayan ng paggarantiya sa mga karapatang pantao. Sa makatotohanang pananalita, sa lipunan ngayon, isa itong napakagandang sistemang panlipunan na nagpapahintulot sa mga tao na mag-isip tungkol sa mga isyu nang malaya at ipahayag nang malaya ang kanilang mga opinyon. Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang malayang kalooban at ang kakayahang mag-isip tungkol sa mga isyu nang nagsasarili; isang aspekto lamang ito ng kakayahang ibinigay Niya sa kanila. Gayumpaman, hindi kailanman sinabi sa iyo ng Diyos, “Maging makasarili ka, maging awtonomo ka. Ang lahat ay dapat nakasentro sa iyong sariling mga interes. Ang iyong sariling mga interes ang pinakamahalaga. Sa lahat ng bagay, dapat kang maging nagsasarili at maging sarili mong amo, at hindi na kailangang hanapin ang katotohanan, magtanong tungkol sa kalooban ng Langit, o isaalang-alang ang mga interes ng iba.” Hindi kailanman nagturo ang Diyos sa sinuman sa ganitong paraan. Mula sa simula ng paggabay ng Diyos sa mga tao sa kanilang buhay, itinuro Niya ang mga partikular na paraan ng pamumuhay at pag-asal sa lahat ng aspekto, sinabi sa mga tao na hangarin ang katotohanan, na magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, na maging matatapat na tao, na tuparin ang tungkulin ng mga nilikha, at iba pa. Lahat ng ito ang pinakamahahalagang paghahangad sa buhay ng isang tao. Sa napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, hindi Niya kailanman sinabi sa iyo na ipagtanggol ang iyong mga karapatan, ni kailanman sinabi sa iyo na mag-isip tungkol sa mga isyu nang malaya at pangalagaan ang iyong sariling personal na espasyo. Kailanman ay walang ganoong sinabi ang Diyos. Ibinigay lamang sa iyo ng Diyos ang kakayahang mag-isip tungkol sa mga isyu nang nagsasarili—iyon lang. Taglay mo ang pakultad na ito, at taglay mo rin ang likas na kondisyon ng malayang kalooban. Gayumpaman, bagama’t ibinigay sa mga tao ang gayong mga likas na kondisyon, nagtatag din ang Diyos ng mga batas at kautusan para sa kanila, at pinagkalooban sila ng iba’t ibang katotohanan, sinasabi sa kanila kung paano umasal at kung paano sambahin ang Diyos—sa lahat ng usapin, mayroong mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Ngunit sa lahat ng salita ng Diyos at sa Kanyang mga babala sa mga tao, hindi Niya kailanman sinabi sa mga tao na maging awtonomo, na magsarili, o na matutong ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Ang gayong mga kaisipan, pananaw, o gayong mga kasabihan at katuruan ay hindi kailanman lumitaw sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Sa kabaligtaran, sa mga salita kung saan inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, inilalantad Niya ang kanilang pagmamataas at ang kanilang pagkamakasarili. Ang pagkamakasariling ito ay isang katangiang ibinubunyag ng pagkatao ng mga tao matapos silang gawing tiwali ni Satanas. Sa ilang tao, ipinapakita ito habang sinusubukan nilang tiyakin ang kanilang sariling mga interes matapos silang gawing tiwali ni Satanas; sa iba, ito ay ganap na ang produkto ng edukasyon ng lipunang ito. Sa parehong kaso, ito ay pagkamakasarili. Paano man ito nabuo, sa madaling salita, hangga’t ikaw ay makasarili, iyon ay isang katangian at pagbubunyag ng pagkatao na ipinapakita mo habang namumuhay ka sa ilalim ng mga tiwaling disposisyon. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo.)
Ang iba’t ibang pakultad na kasama sa mga likas na kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao, o ang kakayahan at mga abilidad na likas na tinataglay ng mga tao, ay walang kinalaman sa edukasyon ng Kanluran o Silangan. Ang iba’t ibang pakultad sa loob ng mga likas na kondisyong ibinigay ng Diyos sa mga tao ay mga positibong bagay. Bakit Ko sinasabing mga positibong bagay ang mga ito? Dahil ang mga likas na kondisyong ito ay nagmumula sa Diyos. Sa partikular, ang pagtataglay ng mga likas na kondisyong ito ay nagtutulot sa isang nilikhang tao na tanggapin ang mga positibong bagay, at matuto, magnilay sa sarili, umarok, at umunawa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na kinakaharap niya sa tunay na buhay. Ito ay isinasaayos at inihahanda ng Diyos para sa mga tao, kaya isa itong positibong bagay. Maging edukasyon man ng Silangan o Kanluran, o kultura man ng Silangan o Kanluran, wala sa mga ito ang may kinalaman sa katotohanang itinuturo at ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Sumasalungat pa nga ito sa katotohanan at sa pagkataong hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Samakatwid, hindi positibong bagay ang edukasyon ng Silangan o ang edukasyon ng Kanluran. Nagmula man ito sa lipunan, sa masasamang kalakaran, o sa ilang naghaharing uri, hindi ito positibo. Kahit na ang edukasyon ng Kanluran ay medyo mas makabago at mas mahusay kaysa sa edukasyon ng Silangan, na kayang magbigay sa mga tao ng kaunting kalayaan at tugunan ang ilan sa kanilang mga pangangailangan, ginagamit lang nito ang malayang kalooban ng mga tao at ang kanilang pakultad na mag-isip tungkol sa mga isyu at malayang magpahayag ng mga opinyon. Ibig sabihin, ginagamit nito ang mga positibong bagay, ngunit ang mga kaisipang isinusulong nito at ang mga layong nilalayon nitong makamit ay hindi para akayin ang mga tao na lumakad sa tamang landas, ni para tulungan silang maging mga tunay na nilikhang tao na gusto ng Diyos. Kaya, dahil dito, kahit na nakahihigit ang edukasyon ng Kanluran kaysa sa edukasyon ng Silangan o natutugunan nito ang mga pangangailangan ng sangkatauhan, hindi nito, sa pamamagitan ng paggamit sa malayang kalooban ng mga tao o sa ilang partikular na pakultad, nagawang bigyang-kakayahan ang mga tao na magpasakop sa Diyos, kumilos nang wasto bilang mga nilikha, at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Hindi rin nadala ng edukasyong ito ang mga tao sa harap ng Diyos o natulungan silang maging may kakayahang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Pareho ang papel ng edukasyon ng Silangan at Kanluran: Pareho nitong inilalayo ang mga tao sa Diyos at sa katotohanan. Kultura man ito ng Silangan o kultura ng Kanluran, parehong lumitaw ang mga ito sa mas malawak na panlipunang kaligiran ng pamamahala ni Satanas sa sangkatauhan at sa pamamagitan ng proseso ng pagtiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Kaya, maging edukasyon man ito sa anyong kultural ng Silangan o sa anyong kultural ng Kanluran, lahat ay namumuhay sa mundong ito ng tao na nasa ilalim ng katiwalian ni Satanas. Gayundin, ginawang tiwali rin ang sangkatauhan sa iba’t ibang lipunan o sa ilalim ng edukasyon ng iba’t ibang anyo ng lipunan, at ang resulta ng katiwaliang ito ay na nagkaroon ang mga tao ng isang pagkatao na—sa iba’t ibang antas at anyo ng kultura—may mga tiwaling disposisyon bilang buhay nito. Taglay ng mga taga-Silangan ang mga tiwaling disposisyon ng mga katangian ng pagkatao na nabuo ng kultura ng Silangan, habang taglay naman ng mga taga-Kanluran ang mga tiwaling disposisyon ng mga katangian ng pagkatao na nabuo laban sa kaligiran ng kultura ng Kanluran. Bagama’t maaaring mukhang magkaiba ang mga taga-Silangan at taga-Kanluran pagdating sa mga katangian ng kanilang pagkatao, pagdating sa kanilang mga tiwaling disposisyon, dahil pareho silang ginawang tiwali ni Satanas, parehong namumuhay ang mga taga-Silangan at taga-Kanluran sa loob ng parehong mga tiwaling disposisyon, at parehong nagtataglay ng isang pagkatao na may parehong mga tiwaling disposisyon bilang buhay nito. Sa ganitong paraan, pareho ang kalikasang diwa ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran: Pareho silang mapanlaban sa katotohanan at sa Diyos. Kaya, walang kapuri-puri sa mga taga-Silangan o sa mga taga-Kanluran. Kultura man ng Silangan o kultura ng Kanluran, sa presensya ng Diyos at ng katotohanan, parehong mga negatibong bagay ang mga ito, na walang anumang kapuri-puri. Parehong sumasalungat ang mga sibilisasyon ng Silangan at Kanluran sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa sangkatauhan, na sambahin Siya ng sangkatauhan; ginagamit nila ang kani-kanilang mga anyo ng edukasyong pangkultura para agawin ang mga tao, na nasa hanay ng mga nilikha, mula sa presensya ng Diyos. Sa aspektong ito, pareho ang Silangan at ang Kanluran, hindi ba? (Oo.) Walang kapuri-puri sa Silangan, ni sa Kanluran. Tingnan mo, bagama’t parehong tinanggap ng mga ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, pagkatapos itong tanggapin ng mga taga-Silangan, agad silang nagsisimulang magpatuloy ng mga kapatid sa bahay nila at maagap nilang isinasama ang mga ito para ipangaral ang ebanghelyo sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan; mayroon silang matinding sigasig at sigla para sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo—ang mga taga-Kanluran naman, sa kabilang banda, ay iba. Lubha silang maingat sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Kahit kalahating taon o isang taon na pagkatapos nilang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, kapag tinanong mo sila kung naipangaral na ba nila ang ebanghelyo sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan, sinasabi nila, “Karamihan sa mga magulang, kamag-anak, kaibigan, at kasamahan ko sa simbahan ay may sari-sarili nilang kaisipan at pananaw tungkol sa usapin ng pagbabalik ng Panginoon. Kailangan ko itong pag-isipang mabuti at kausapin muna sila bago ko sila maibigay sa inyo bilang mga posibleng ebanghelyuhan. Ang pangunahing katangian ng aming pag-asal sa Kanluran ay na dapat naming ipagtanggol ang aming mga karapatan at dapat naming protektahan ang aming malayang espasyo sa abot ng aming makakaya. Paano mo basta-basta na lang maipapangaral ang ebanghelyo sa mga tao nang walang pagsasaalang-alang?” Sasabihin mo, “Ipinapangaral mo ang ebanghelyo sa kanila para masalubong nila ang Panginoon, matamo nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw, at magkaroon sila ng pagkakataong matamo ang kaligtasan at makaligtas sa mga sakuna. Ito ang atas ng Diyos, at ito ang responsabilidad na dapat mong tuparin.” Tutugon sila, “Buweno, kailangan ko pa ring protektahan muna ang sarili ko; makapaghihintay ang atas ng Diyos. Kaya kong pangasiwaan ang usaping ito. Dapat mayroon akong sarili kong mga kaisipan, at hindi ninyo ako maaaring impluwensiyahan. Pinahahalagahan naming mga taga-Kanluran ang demokrasya at kalayaan; may kamalayan kami sa pagtatanggol sa aming mga karapatan. Hindi kami tulad ninyong mga taga-Silangan na may pikit-matang kasiglahan. Lahat kami ay may sarili naming personal na espasyo sa pamumuhay, at walang sinumang nangingialam sa iba.” Nakikita ba ninyo? Sa gayong mga kritikal na sandali natutukoy at napag-iiba ang mga katangian ng pagkatao ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran. Ngunit ano’t anuman, nabuo man ang mga katangian ng pagkatao gamit ang edukasyon ng Silangan o Kanluran—kasiglahan man ito o kawalang-interes—hangga’t namumuhay ang isang tao sa loob ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, miyembro siya ng tiwaling sangkatauhan. Walang pagkakaiba sa pagitan ng marangal at hamak dito; kailangan ng lahat ng tao ng pagkaunawa sa katotohanan, ng pagtustos ng mga salita ng Diyos, ng pagliligtas ng Diyos, at, higit pa rito, ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
Bagama’t ang mga taga-Silangan at taga-Kanluran ay may magkaibang kultura at namumuhay sa magkaibang sibilisasyon sa ilalim ng kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mayroon lang silang iisang pagkakakilanlan sa harap ng Diyos, at iyon ay bilang mga nilikha. Ang batayan ng pagkakapantay-pantay ng mga nilikha ay na pare-pareho ang mga likas na kondisyong nilikha ng Diyos para sa mga tao. Anuman ang pagkakaiba sa kultura sa pagitan ng mga taga-Silangan at taga-Kanluran, gaano man sila nagkakaiba pagdating sa hitsura, wika, o sa kanilang mga paraan at pamamaraan ng pag-iisip tungkol sa mga isyu, hangga’t sa harap ng Diyos ay isa kang nilikha na ginawa Niya, ang tanging positibong bagay na taglay mo ay ang mga likas na kondisyong ibinigay Niya sa iyo; lahat ng iba pa ay isang negatibong bagay. Maaaring medyo pangkalahatan ang dating nito sa inyo, kaya para maging partikular, lahat ng nasa iyo—bukod sa mga likas na kondisyong ibinigay sa iyo ng Diyos—ay isang bagay na gustong baguhin ng Diyos, at isang bagay na dapat mong baguhin at iwaksi sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Ano ba ang kailangan mong malaman? Ang tinatawag na kultura ng sangkatauhan, Silanganin man o Kanluranin, ay binubuo ng mga kaisipan at pananaw, o mga teorya at pahayag, na idinisenyo ng mga naghaharing uri sa iba’t ibang panahon para i-eduka ang masa. Ngunit kultura man ito ng Silangan o Kanluran, wala itong kinalaman sa katotohanan. Kahit pa hindi ito sumasalungat sa katotohanan, hindi pa rin ito matatawag na isang positibong bagay. Gaano man kaganda ang isang partikular na kultura, hindi ito makakapantay sa katotohanan, lalo nang hindi nito kayang kumatawan sa katotohanan. Kahit pa hindi ito itinuturing ng mga tao na isang negatibong bagay, hinding-hindi ito makaklasipika sa kategorya ng mga positibong bagay. Dapat maging malinaw ito sa inyo. Kahit pa ang isang kalakaran ng pag-iisip ay medyo makabago at progresibo sa gitna ng sangkatauhan, at pinangangalagaan nito ang mga karapatan at interes ng mga tao, pati na rin ang kanilang pananatiling buhay, habang hindi sumasalungat sa katotohanan sa anumang paraan, hinding-hindi pa rin ito makaklasipika sa kategorya ng mga positibong bagay. Bakit hindi? Dahil tanging ang mga bagay na nasa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang mga positibong bagay. Kung gayon, bakit ikinaklasipika sa kategorya ng mga positibong bagay ang mga bagay na nasa saklaw na ito? Dahil may kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Sa mas malawak na pananaw, kung titingnan ito mula sa antas ng Diyos at mula sa perspektiba ng Diyos, kinabibilangan ang mga ito ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos; ng disposisyon ng Diyos; ng mga prinsipyo at orihinal na layunin sa likod ng paglikha, pag-orden, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay na ito; at ng layuning nais Niyang makamit, at ng lahat ng epektong dulot ng mga positibong bagay na nais Niyang itaguyod. Dahil, mula sa antas ng Diyos, kinabibilangan ang mga ito ng awtoridad, kapangyarihan, at mga kaisipan ng Diyos, pati na rin ng mga itinatag na batas at panuntunang nauugnay sa paggawa ng Diyos sa lahat ng ito at sa epekto nito sa sangkatauhan, tiyak na mga positibong bagay ang mga bagay na nasa saklaw na ito. Mula sa perspektiba ng tao, bawat isang bagay na nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay kapaki-pakinabang sa mga tao; umiiral ang lahat ng ito para panatilihin at itaguyod ang maayos na pagpapatuloy ng buhay at pagpaparami ng sangkatauhan. Mayroon ding isa pang mas partikular na punto, na may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos: Umiiral ang mga bagay na ito para bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at mas makilala ang Diyos, sa huli ay tahakin ang landas ng pagtatamo ng kaligtasan, at maging mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan—ito ang resultang dapat makamit. Kaya, tingnan man mula sa perspektiba ng Diyos o mula sa perspektiba ng tao, ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa saklaw ng kung ano ang nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay pawang mga positibong bagay. Walang duda tungkol dito. Pag-isipan ninyo ito—makakapantay ba ang sibilisasyon at kultura ng tao sa mga bagay na nasa antas ng mga salita ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos sa tao? Tiyak na hindi kayang mapantayan o maabot ng mga ito ang gayong mga bagay. Ang nilalaman ng edukasyon o kultura ng tao ay hindi sumasaklaw sa diwa ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, o sa mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan, lalo na sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa lahat ng bagay. Bukod pa rito, mula sa perspektiba ng tao, hindi matutulungan ng ganitong uri ng edukasyon at kultura ang sangkatauhan na makilala ang Diyos, ang Lumikha, ni matutulungan ang sangkatauhan na mamuhay nang mas mabuti, o magparami at mamuhay sa isang normal at maayos na paraan. Sa kabaligtaran, sa loob ng pang-edukasyon na kapaligiran ng ganitong uri ng kultura at sibilisasyon, ang sangkatauhan ay tutungo sa pagbagsak at pagkalipol. Mayroon pang isang mas mahalagang aspekto: Dahil napasailalim sa tinatawag na “edukasyong pangkultura” at “sibilisasyong panlipunan” na ito, hindi kayang maunawaan ng sangkatauhan ang katotohanan, ang kabuluhan ng kanilang pagiging buhay, o ang paraan para manatiling buhay mula rito. Hindi rin nila kayang magtamo ng isang tamang pananaw sa buhay at tahakin ang landas ng pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan nito, ni maging may kakayahang sumamba sa Diyos, o matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa kabaligtaran, sa isang panlipunang kapaligiran ng gayong edukasyong pangkultura at sibilisasyon, ang sangkatauhan ay lalong nagiging tiwali at buktot, lalong napapalayo sa Diyos, at gumagawa ng kasamaan nang labis-labis. Sa huli, kahit pa hindi wasakin ng Diyos ang sangkatauhan, idudulot pa rin ng sangkatauhan ang sarili nitong pagkasira. Kung pamamahalaan ng sangkatauhan ang sarili nito, tutungo ito sa pagkasira; hindi ito maiiwasan. May napakataas na antas ng kultura ang sangkatauhan, napakaraming kaalaman, napakadakilang sibilisasyon, at naniniwala at umaasa sa agham—kaya bakit magdudulot pa rin ito ng sarili nitong pagkasira? Labis na hinahangad ng sangkatauhan ang kaalaman at iginagalang ang agham, ngunit bukod sa hindi nito naunawaan ang katotohanan o tinahak ang landas ng pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Diyos, at pagkakaroon ng kakayahang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, maaari pa nitong idulot ang sarili nitong pagkawasak. Ano ang nangyayari dito? Ano na ang nangyari sa mundo ngayon dahil sa pamamahala rito ng sangkatauhan? Ang tubig, lupa, at hangin ng buong planeta ay narumihan na, ang ekolohikal na kapaligiran ay lubhang napinsala, at ang buhay ng buong sangkatauhan ay unti-unting nalugmok sa isang desperadong kalagayan. Ito ay isang katunayang nakikita ng lahat, kaya hindi na kailangang magdetalye pa, hindi ba? (Oo.) Kaya, kultura man ng Silangan o Kanluran, anuman ang uri ng sibilisasyong taglay ng sangkatauhan, kahit pa hindi ito sumasalungat sa katotohanan sa anumang paraan, hindi pa rin ito maibibilang bilang isang positibong bagay. Ang mga pananaw, kaisipan, teorya, doktrina, argumento, at pag-uugali na saklaw ng paksang “kultura at sibilisasyon ng tao,” anumang mga produkto, gawa, o reporma na nabubuo sa ilalim ng paksang ito, at iba pa, ay hindi mga positibong bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil hindi mga positibong bagay ang mga ito, nangangahulugan ba iyon na kailangan nating punahin ang mga ito at iklasipika bilang mga negatibong bagay?” Hindi Ko ito sinabi sa pinasimpleng paraan na dalawang magkasalungat na bagay. Maaaring walang kinalaman ang mga bagay na ito sa mga positibo o negatibong bagay, ngunit ano’t anuman, tiyak na hindi mga positibong bagay ang mga ito. Ibig sabihin, kahit pa hindi sumasalungat sa katotohanan ang mga bagay na ito at hindi lumalabag sa prinsipyo ng paglikha, pag-orden, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—kung hindi mga negatibong bagay ang mga ito—hinding-hindi pa rin mga positibong bagay ang mga ito. Sa madaling salita, ito ang sinasabi Ko sa inyo: Kahit pa hindi sumasalungat sa katotohanan ang isang bagay, hangga’t hindi ito nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi ito isang positibong bagay. Ito ang prinsipyo para sa pagkilatis kung ang isang bagay ay isang positibong bagay; dapat mo mismong kilatisin ang mga bagay batay sa prinsipyong ito. Ano ang pinakamahalagang punto rito? Ito ay na kailangang maging malinaw sa iyong puso na, kapag hindi mo malinaw na makita kung ang isang bagay ay positibo o negatibo, maaari mo muna itong isantabi at balewalain. Kapag lumago na ang iyong tayog at malinaw na sa iyo ang katotohanan, natural mo na itong makikilatis. Ngunit sa ngayon, dapat mong malinaw na tukuyin kung aling mga bagay ang mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos, at dapat mong tanggapin at tratuhin ang mga ito nang tama. Ito ay kapaki-pakinabang para sa paglago ng iyong buhay. May isa pang mahalagang punto: Kung ang isang bagay ay isang positibong bagay na saklaw ng depinisyon ng mga positibong bagay, hinding-hindi mo ito dapat tratuhin na para bang isa itong negatibong bagay. Ito ay isang usapin ng prinsipyo, at dapat itong maging malinaw sa iyo.
Ngayong natapos na nating talakayin ang sibilisasyon at kultura ng tao, pag-usapan naman natin ngayon ang kaugnayan sa pagitan ng pananatiling buhay ng sangkatauhang ito na nilikha ng Diyos, at ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay. Mula sa makroskopikong perspektiba, ang mundong nilikha ng Diyos ay may mga bundok, ilog, lawa, kagubatan, karagatan, kalupaan, at disyerto, pati na rin ang araw, buwan, at mga bituin, at ang espasyo sa mundo, at ang kalawakang hindi nakikita ng mga tao. At ano naman ang mayroon mula sa mikroskopikong perspektiba? Mayroong maliliit na molekula, mga molekula sa hangin, at iba’t ibang mikroorganismo. Tingnan man mula sa makroskopiko o mikroskopikong perspektiba, lahat ng ito ay may kinalaman sa paglikha ng Diyos—ang paglikha sa pamamagitan ng mga kamay ng Diyos at ng mga kaisipan ng Diyos. Mula sa perspektiba ng paglikha ng Diyos, ang mundo at lahat ng nabubuhay na bagay rito ay umiiral para sa layuning panatilihin ang pananatiling buhay ng sangkatauhan sa mundo, at nais ng Diyos na makamit ang mga nilikhang tao na ninanais Niya mula sa mga tao sa mundo. Samakatwid, ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay ang mga pinakapangunahing kondisyon para sa pananatiling buhay ng tao. Kaya, tiyak na masasabing mga positibong bagay ang mga ito, hindi ba? (Oo.) Ano ang mga pinakapangunahing kondisyon para sa pananatiling buhay ng tao? Tubig, hangin, sikat ng araw, pagkain—ang mga bagay ba na ito ay nilikha ng Diyos? (Oo.) Mga positibong bagay ba ang mga ito? (Oo.) Kung gayon, bakit sinasabing isang positibong bagay ang pag-iral ng mga bagay na ito? May dahilan para dito: Nakasalalay ang pag-iral ng mga bagay na ito sa pag-iral ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay. Anong mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ang mayroon sa lahat ng bagay? Ang apat na panahon; araw at gabi; hangin, namumuong hamog, niyebe, at ulan—lahat ng ito ay mga panuntunan. Ano pa? Mag-isip din kayo ng ilan. (Mayroon ding mga solar term.) Kasama ang mga solar term sa apat na panahon. Ano pa? Ang paglaki at pagliit ng buwan, ang pagtaas at pagbaba ng tubig-dagat. Nariyan din ang, “Kinakain ng malaking isda ang maliit na isda”—isa itong batas at panuntunan para sa pananatiling buhay, at hindi isang negatibong bagay. Ginagamit ng mga tao ang pariralang, “Kinakain ng malaking isda ang maliit na isda,” para ilarawan ang marahas na kalikasan ng mundo ng tao; ito ay pagtawag sa normal na penomenon ng isang positibong bagay bilang isang negatibong bagay. Marami ring pattern ng aktibidad ng mga bagay na may buhay. Isipin ninyo kung ano ang kasama riyan. (Kabilang ba sa batas para sa pananatiling buhay ang “Pangingibabaw ng malakas sa mahina”?) Hindi, isa iyang mapanghamak na paraan ng pagsasabi rito ng mga tao; dapat ito ay “pananatiling buhay ng pinakamatatag.” (Naaalala ko na minsan ay ibinahagi ng Diyos na ang lahat ng bagay ay nagpapalakas sa isa’t isa, kumokontra sa isa’t isa, at magkakasamang umiiral. Kabilang ba iyon?) Oo, kabilang iyon. Lahat sila ay nagpapalakas sa isa’t isa, kumokontra sa isa’t isa, at magkakasamang umiiral—isa itong napakahalagang aspekto. Ang isa pa ay ang “Inaabangan ng mantis ang kuliglig, hindi alam na mayroong oriole sa likuran”; medyo may kaugnayan ito sa mga bagay na nagpapalakas at kumokontra sa isa’t isa. (Isa ba rito ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay?) Oo, isa ito. Mayroon ding, “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina,” na tungkol sa isang mammal at isang ibon—isa itong penomenon sa mundo ng mga hayop, isa itong batas ng kalikasan. Ang totoo, maraming batas at panuntunan ng pananatiling buhay para sa lahat ng bagay: ang pagbabago-bago ng apat na panahon; ang pagdating ng hangin, namumuong hamog, niyebe, at ulan; ang siklo ng araw at gabi; ang paglaki at pagliit ng buwan; ang pagtaas at pagbaba ng tubig sa dagat; ang pagpapalakas, pagkokontrahan, at magkakasamang pag-iral ng lahat ng bagay; pati na ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao at lahat ng iba pang nilalang, at ang mga pattern ng aktibidad ng iba’t ibang nilalang. Ang ilang nilalang ay natutulog sa araw at aktibo sa gabi, habang ang iba ay aktibo sa araw at tulog sa gabi, tulad ng mga tao. Ang ilang nilalang ay namumuhay nang grupo-grupo, samantalang ang iba ay mapag-isa; halimbawa, sa pangkalahatan ay mag-isang lumilipad ang mga agila, samantalang ang mga ligaw na gansa ay lumilipad nang sama-sama at mga hayop na mahilig magsama-sama. May isa ring penomenon sa mundo ng mga bagay na may buhay, na pagsukli ng mga uwak sa kanilang mga ina sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga ito at ng pagluhod ng mga tupa para tumanggap ng gatas. Ang lahat ng gayong bagay ay iba’t ibang uri ng mga penomenon at pagpapamalas na makikita at mararamdaman sa tunay na buhay. Ang paglitaw ng lahat ng makroskopiko at mikroskopikong penomenon na ito ay sumusunod sa mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos. Ang pagsisimula, pag-iral, at pagpapatuloy ng lahat ng batas at panuntunang ito ay nagsisilbi ng isang layunin: ang panatilihin ang pinakapangunahing kapaligiran para sa pamumuhay sa mundo, ang tahanang ito ng pananatiling buhay ng sangkatauhan. Taglay ang pinakapangunahing kapaligirang ito para sa pamumuhay, ang sangkatauhan ay mayroong mundo bilang tahanan na kanilang inaasahan para sa pananatiling buhay, na nagpapahintulot sa kanilang patuloy na magparami at mamuhay. Walang-katapusan din itong naglalaan ng pangunahing tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na kailangan ng sangkatauhan. Tanging sa pamamagitan ng walang-katapusang panustos na ito maaaring umiral, magparami, at mapanatili nang tuloy-tuloy ang pisikal na buhay ng mga tao, ng mga nilalang na ito na nilikha ng Diyos, at na magkaroon ang sangkatauhan ng pagkakataong lumapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang pagliligtas kapag isinasagawa Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala, na maging mga nilikha na tinatanggap ng Diyos. Samakatwid, sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, anuman ang anyo ng anumang bagay na may buhay, anuman ang mga batas at panuntunan nito para sa pananatiling buhay, at anuman ang kaugnayan nito sa lahat ng iba pang bagay, sa madaling salita, nananatili itong buhay sa gitna ng mga batas at panuntunang nilikha ng Diyos. Ibig sabihin, bawat bagay na may buhay, sa kondisyon na nilikha ito ng Diyos, ay sumusunod sa mga batas at panuntunang itinatag Niya, ginagampanan ang sarili nitong napakahalagang papel sa gitna ng mga ito. Ito ang food chain na nabubuo sa pamamagitan ng mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang food chain na ito ay napakahalaga sa sangkatauhan. Ang paunang kondisyon para sa pag-iral ng food chain ay na dapat sumunod ang lahat ng bagay sa mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos. Kung babalewalain nila ang mga batas at panuntunang ito at magwawala sila, ang kahihinatnan ay na masisira ang food chain na umiiral sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Kapag nasira ang food chain na ito, maaapektuhan sa iba’t ibang antas ang tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na inaasahan ng sangkatauhan para sa pananatiling buhay, nang unti-unti o sunod-sunod. Samakatwid, lahat ng batas at panuntunan para sa lahat ng bagay na itinatag ng Diyos, at bawat bagay na may buhay na nilikha ng Diyos, ay may napakahalagang epekto sa food chain. Kung magkakaroon ng problema sa alinman sa mga panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, magkakaroon ito ng sunod-sunod na epekto sa pag-iral at pagpapatuloy ng food chain, at sa gayon ay makokompromiso ang pangunahing tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na kailangan ng sangkatauhan. Kaya, ang food chain ay isang pangunahing pinagmumulan at isang mahalagang indikasyon kung mananatili bang buhay ang sangkatauhan. Ano ba talaga ang food chain na ito? May kinalaman ang food chain sa nilikha ng Diyos. Sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, mayroong mga bagay na nahahawakan, at mayroon ding ilang bagay na hindi nahahawakan na hindi nakikita ng mga mata. Kabilang sa mga bagay na ito na nahahawakan ang mga bundok, ilog, kagubatan, lupa, disyerto, ang North at South Pole, ang araw, mga bituin, at buwan, pati na rin ang iba’t ibang hayop at halaman, at iba pa. Kabilang sa mga bagay na hindi nahahawakan ang mga mikroorganismo, hangin, maging ang mga ultraviolet ray sa sikat ng araw, pati na rin ang mga sinaliksik ng mga tao—ang tinatawag na mga atom at enerhiya, ang ilan sa mga hindi nakikitang sustansya na nilalaman ng hangin at tubig, at iba pa. Lahat ng makroskopikong bagay na ito na nahahawakan, kasama na ang mga mikroorganismo at mga sangkap na nilalaman ng mga bagay tulad ng sikat ng araw at hangin na hindi nakikita ng mga tao—lahat ng bagay na ito ay magkakasamang bumubuo sa kapaligiran para sa pamumuhay na mahalaga para sa pananatiling buhay ng tao. Kung lilitaw ang mga problema sa kapaligirang ito para sa pamumuhay, mahaharap sa mga hamon at manganganib ang pananatiling buhay at kinabukasan ng sangkatauhan. Kaya, ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay isang pangunahing kondisyong kinakailangan para sa pagpapanatili ng food chain, at ang pag-iral naman ng food chain ay bumubuo ng isang pangunahing kondisyon para sa pananatiling buhay ng sangkatauhan. Kaya, ang mga batas at panuntunan man, ang food chain, o tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain, kung may lilitaw na problema sa alinman sa mga ito, tiyak na makakaapekto ito sa pananatiling buhay ng sangkatauhan—ibig sabihin, makakaapekto ito sa pananatiling buhay ng pisikal na buhay ng nilikhang ito, ng sangkatauhan. Kaya, para sa Diyos, hindi dapat magkaroon ng mga problema sa mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, sa food chain, tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain; dapat mapanatili, masuportahan, at maipagpatuloy sa maayos na paraan ang lahat ng ito—sa ganitong paraan lamang maaaring patuloy na manatiling buhay ang sangkatauhan at masuportahan ang kanilang mga pisikal na buhay.
Ano ang isyung kasangkot sa patuloy na pananatiling buhay ng sangkatauhan? Sa mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, kinakailangan ang mas malalawak na aspekto—mga bagay tulad ng araw at gabi, at ang apat na panahon. Sa loob ng mga ito, sa pangkalahatan ay walang anumang bagay na itinuturing ng mga tao na masama ayon sa kanilang mga imahinasyon. Pagdating sa iba’t ibang bagay na may buhay tulad ng mga puno, bulaklak, at halaman, dahil wala silang anumang uri ng nakamamatay na epekto sa mga tao, hindi nagkakaroon ng anumang kuru-kuro ang mga tao tungkol sa mga ito. Gayumpaman, may ilang nakakalason at nakapipinsalang bagay sa food chain, tulad ng mga lamok, na may ilang negatibong epekto sa katawan ng tao. Ang mga ito ay mga bagay na, batay sa kanilang mga kuru-kuro, ay hindi gusto ng mga tao—lalo na ang ilang lubhang makamandag na bagay na may buhay, tulad ng ilang partikular na ahas, alakdan, at alupihan. Kung gayon, bakit nilikha ng Diyos ang mga makamandag na bagay na ito? Ano ang Kanyang layunin sa paglikha sa mga ito? Anong papel ang ginagampanan ng mga ito sa food chain? Ito ay napakahalaga. Bagama’t kung huhusgahan batay sa anyo o kalikasan ng mga ito, o sa ilang katangian sa buhay na taglay ng mga ito sa gitna ng iba pang bagay na may buhay, tila hindi gumaganap ng isang positibong papel ang mga ito, bakit sinasabing mga positibong bagay ang mga ito? Dapat itong ipaliwanag batay sa usapin ng food chain. Hindi tayo nag-aaral ng biyolohiya—hindi natin tatalakayin ang mga bagay mula sa isang siyentipikong perspektiba, kundi titingnan natin ito mula sa perspektiba ng layunin ng Diyos sa paglikha ng mga bagay na may buhay na tulad nito. Sa isang banda, binigyan ng Diyos ang mga ito ng isang natatanging kasanayan para tiyakin ang pananatiling buhay ng mga ito, na nagpapahintulot sa mga ito na panatilihin ang buhay ng mga ito sa ganitong paraan. Sa kabilang banda, gumaganap din ang mga ito ng isang partikular na papel sa food chain—ang paraan ng pananatiling buhay ng mga ito at ang kamandag na inilalabas ng mga ito ay maaaring magbigay ng mga kinakailangang sustansya o mapagkukunan ng pagkain para sa iba pang bagay na may buhay. Bukod diyan, nagbibigay rin ang mga ito ng mga kinakailangang kondisyon para sa transmisyon, pagpaparami, paghango, at ebolusyon ng bakterya at sa transmisyon ng mga gene sa buong biosphere, gumaganap ng isang partikular na papel sa bagay na ito. Tanging sa pag-iral ng mga bagay na may buhay na ito maaaring mapanatili ng biosphere ang balanseng henetiko at ang isang balanse sa usapin ng pagkakaiba-iba ng bakterya, na pinapanatili ang ekwilibriyo ng iba’t ibang uri ng bakterya. Gamitin nating halimbawa ang mga lamok at langaw. Kinakain ng mga ito ang ilang parasito at nagpapakalat din ang mga ito ng ilang bakterya. Hindi na tayo magpapalalim pa; itong simpleng konsepto lang na ito. Sa madaling salita, ang ilang espesyal na bagay na may buhay ay gumaganap ng ilang espesyal na layunin para sa sangkatauhan, at gumaganap din ng isang napakahalagang papel sa food chain. Pinapanatili ng napakahalagang papel na ito ang pag-iral ng food chain. Ang lahat ng bagay ay maaari lamang mamuhay at magpatuloy sa isang maayos na paraan kung umiiral ang food chain na ito at hindi ito nasisira. Dahil ang lahat ng bagay ay may ugnayan kung saan ang mga ito ay nagpapalakas sa isa’t isa, kumokontra sa isa’t isa, at magkakasamang umiiral, hindi dapat masira ang food chain. Ang pag-iral ng iba’t ibang bagay na may buhay sa loob ng food chain ay dapat mapanatili sa isang balanseng kalagayan, at dapat mapanatili ang espasyong pinamumuhayan at pag-iral ng mga ito. Samakatwid, ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay na itinatag ng Diyos ay napakahalaga. Tanging ang pag-iral ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay ang makakatiyak sa pagpapatuloy ng food chain at makagagarantiya na hindi ito masisira. Ang pag-iral, pagpapatuloy, at proteksyon ng food chain ay isang pangunahing garantiya na makakakuha ang mga tao ng tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain. Tanging kapag mayroon ang mga tao ng pangunahing garantiya na ito maaaring mapanatili ang kanilang mga pisikal na buhay; saka lamang sila maaaring magparami at mamuhay sa tahanang ito sa lupa, isang kapaligiran para sa pamumuhay na tulad nito. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ng kinabukasan at pag-asa ang sangkatauhan.
Ang mga batas at panuntunang sinusunod ng apat na panahon, araw at gabi, at hangin, namumuong hamog, niyebe, at ulan—mga bagay na umiiral sa ilalim ng mga batas at panuntunang nilikha ng Diyos—pati na rin ang mga anyo ng paglitaw ng mga ito, ay, sa anumang sukatan, mga positibong bagay na nilikha ng Diyos. Para naman sa iba’t ibang bagay na may buhay—anuman ang mga anyo ng mga ito, ang mga paraan ng pananatiling buhay ng mga ito, o mga paraan ng pangangaso o pagkuha ng pagkain ng mga ito—sa madaling salita, hangga’t namumuhay ang mga ito sa loob ng mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos, at hangga’t ang mga ito ay isang esensyal at napakahalagang bahagi ng food chain na nilikha ng Diyos, ang mga ito ay mga positibong bagay na nagmumula sa Diyos. Hindi dapat husgahan ng mga tao ang mga ito batay sa sarili nilang mga pananaw at kagustuhan. Maaaring sabihin ng isang tao, “Kung gayon, mga positibong bagay ba ang mga lamok at langaw? Paano naman ang mga makamandag na ahas, alupihan, at alakdan? At lalo na ang mga palaka, na napakapangit—mga positibong bagay rin ba ang mga ito?” Ano ang tumpak na paraan ng pagsasabi nito? Ang mga papel na ginagampanan ng mga espesyeng ito na nilikha ng Diyos at ang mga batas at panuntunang sinusunod ng mga ito ay pawang mga positibong bagay. At paano naman ang mga pisikal na anyo at hitsura ng mga ito—mga positibong bagay ba ang mga ito? Maaari ninyong tawaging mga positibong bagay ang mga ito kung talagang kinakailangan, ngunit hindi mga negatibong bagay ang mga ito. Sa pinakamababa, batay sa mga panuntunang sinusunod ng mga ito, sa mga papel na ginagampanan ng mga bagay na may buhay na ito, at sa pangangailangan sa mga ito sa food chain, umiiral ang mga ito bilang mga positibong bagay. Hindi ba’t tumpak ang ganitong paraan ng pagsasabi nito? (Oo.) Sa tumpak na pananalita, dahil sinusunod ng gayong mga bagay na may buhay ang mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos at tinutupad ang mga responsabilidad at misyon na inilatag ng Diyos para sa mga ito—dahil tinutupad ng mga ito ang misyon ng mga ito, ito man ay pagkakalat ng bakterya o pagpapanatili ng ekwilibriyo sa pagpaparami ng iba’t ibang mikroorganismo—kung titingnan ito sa usapin ng mga papel na ginagampanan ng mga ito at sa kabuluhan at layunin ng paglikha sa mga ito ng Diyos, ang mismong pag-iral ng mga ito ay isang positibong bagay. Kung sasabihin nating ang lamok ay isang positibong bagay mismo, maaaring medyo mahirap itong maunawaan o matanggap. Gayumpaman, kung huhusgahan batay sa layunin ng Diyos sa paglikha rito, sa mga batas at panuntunang sinusunod nito, at sa papel na ginagampanan nito sa food chain, ito ay napakahalaga—at kaya isa itong positibong bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil mga positibong bagay ang mga lamok, nangangahulugan ba iyon na kailangan nating tanggapin ang mga ito, at na hindi natin dapat patayin ang mga ito?” Kung kakagatin ka ng isang lamok, dapat mo pa rin itong patayin. Kung may isang langaw na lumilipad sa paligid mo habang kumakain ka, maaari mo itong itaboy o patayin. Ito ay dahil ang isa o dalawang mas kaunting lamok o langaw ay hindi magdudulot ng anumang problema sa food chain, ni makakaapekto sa pagtupad ng mga nilalang na ito sa misyon ng mga ito. Kung nais ng gayong nilalang na tuparin ang misyon nito, dapat itong humanap ng tamang lugar para gawin ito. Hindi ito kailangan sa mga kapaligiran kung saan namumuhay ang mga tao, kaya itaboy mo lang ito at iyon na iyon—mamuhay ka nang payapa kasama nito. Kung hindi ito namumuhay nang payapa kasama mo at patuloy kang ginugulo, ayos lang na itaboy o patayin ito. Ito ay tinatawag na makatwirang pamamahala at tamang pagtrato. Sinasabi ng ilang tao, “Palagi akong ginugulo at pinapapak ng mga lamok. Puwede ko bang isumpa ang mga ito?” Hindi iyan kailangan. Puwede mo na lang patayin ang mga ito. May karapatan kang patayin ang mga ito; ito ay ganap na naaayon sa prinsipyo kung paano dapat tratuhin ng sangkatauhan—ang tagapamahala ng lahat ng bagay—ang lahat ng bagay. Halimbawa, kung may isang makamandag na ahas na pumasok sa iyong tahanan, at nakita mong hindi ito nararapat doon, itaboy mo lang ito sa kakahuyan. Kung makagat at malason ka nito, kailangan mong humanap ng paraan para magpagamot kaagad. Hindi mo na kailangang subukang hanapin ito para maghiganti at patayin ito. Kung muli kang masaktan nito, hindi ba’t mas magiging problematiko iyon? Kaya, huwag mo na itong patulan; matuto ka na lang na mag-ingat laban dito. Ang matuto ng isang aral mula sa usaping ito ang gagawin ng isang matalinong tao. Ano ang tatlong prinsipyong kakatalakay lang natin? (Una, tiyakin na isa itong positibong bagay. Ikalawa, kung lumitaw ito malapit sa iyo at ayaw mo itong pakialamanan, lumayo ka na lang dito—huwag mo itong hayaang lumapit, at huwag mo itong hayaang guluhin ka. Ikatlo, magkaroon ka ng tamang pananaw tungkol dito. Huwag kang masuklam o mamuhi rito. Sa halip, tanggapin at kilalanin mo ito, at pagkatapos ay pamahalaan ito nang makatwiran.) Pamahalaan mo ito nang makatwiran at tratuhin mo ito nang tama. Huwag kang magreklamo tungkol sa Diyos o humusga na nagkamali ang Diyos sa paglikha rito, o na maaaring nagkamali Siya dahil lang sa ginulo ka nito o minsan ay nagdulot sa iyo ng ilang problema, o kinagat at nilason ka pa nga—hindi tama ang ganitong paraan ng pagtingin dito. Maaaring hindi mo ito napamahalaan nang maayos, o maaaring nagkamali itong pumasok sa iyong tahanan at ginulo ka. Ngunit kung haharapin mo ito nang malumanay, sasabihang, “Naligaw ka ng landas, hindi mo ito tahanan. Kung wala kang masamang hangarin sa akin, hindi kita sasaktan. Pumunta ka na kung saan ka dapat naroroon,” at makikita nitong hindi mo ito sasaktan, tatalikod ito at aalis nang kusa. Sasabihin mo rito, “Paalam. Hanggang sa muli nating pagkikita! Nakatadhana ang pagkikita natin sa pagkakataong ito. Kung nakatadhanang magkita tayong muli, hahayaan pa rin kitang makaalis.” Pagkarinig dito, iisipin nito, “Mabubuti ang mga tao. Talagang alam nila kung paano kami pamahalaan. Wala silang masamang hangarin.” Hangga’t hindi mo ito sinasaktan, hindi ka rin nito sasaktan. Sinasaktan ng ilang hayop ang mga tao dahil palaging sinasaktan ng mga tao ang mga ito; sinasaktan lang ng mga ito ang mga tao pagkatapos magkaroon ng sama ng loob sa kanila, ginagawa ito dahil sa kahangalan at kalupitan ng mga tao. Sa isipan ng gayong mga nilalang, natural na wala silang anumang sama ng loob o pagkamapanlaban sa mga tao. Tingnan mo, nang itayo ni Noe ang arka, walang sinuman sa mga hayop ang nanakit ng sinuman, at kaya pa ngang makisalamuha ni Noe sa mga hayop at sanayin ang mga ito. Noong panahong iyon, magkakaibigan ang mga tao at hayop. Kalaunan, lumalim nang lumalim ang katiwalian ng mga tao, at naging lubos silang malupit, palaging gustong manghuli ng mga hayop para sa karne ng mga ito, at kaya lumaki ang sama ng loob sa pagitan ng mga tao at iba’t ibang hayop. Ang mga hayop na karniboro, sa sandaling maamoy ng mga ito ang isang tao, ay nakakaramdam na may masarap na pagkain na inihain, at gusto ng mga itong kumain hanggang mabusog. Aling panig ang nagdulot nito? Ito ay ganap na idinulot ng lubos na kalupitan ng sangkatauhan. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)
Tingnan man mula sa makroskopiko o mikroskopikong perspektiba, ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay tiyak na mga positibong bagay. Tingnan man ang mga ito batay sa orihinal na layunin ng Diyos sa paglikha sa mga ito, sa mga batas at panuntunang nilikha ng Diyos para sa mga ito, o sa layunin at epektong nakamit sa huli, lahat ng ito ay umiiral para sa sangkatauhan; lahat ng ito ay idinisenyo at nilikha para sa mga tao sa kanilang papel bilang mga tagapamahala ng lahat ng bagay. Kaya, anuman ang mga anyo o hitsura ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, o anuman ang pansamantalang epekto ng mga ito sa mga tao, dapat tratuhin, pamahalaan, at unawain ng mga tao ang mga ito nang tama, at tanggapin ang mga ito mula sa Diyos—ito ay may sukdulang kahalagahan. Una, dapat tiyakin ng mga tao na, hangga’t ang isang bagay ay nilikha ng Diyos—mabuti man ito o masama, maganda man o pangit; anuman ang uri ng anyo nito; at, higit sa lahat, anuman ang uri ng pansamantalang epekto nito sa laman ng tao—sa madaling salita, hangga’t ito ay nagmula sa Diyos, at nilikha ng kamay ng Diyos, mayroon itong maiaambag sa pundamental na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Batay rito, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos mula sa Diyos, at hindi basta-basta o sarilinang piliin kung kokondenahin o tatanggapin ang mga ito batay sa kanilang sariling mga pananaw at kagustuhan. Sa halip, dapat nilang gamitin ang perspektiba ng isang nilikha para unawain ang mga ito, dapat silang matutong pamahalaan ang mga ito at tratuhin ang mga ito nang tama, at—para maging mas mahusay pa—matutong makisama at makipag-ugnayan sa mga ito nang tama. Ito ang responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng mga tao—ang mga panginoon ng mundong ito at ang mga tagapamahala ng daigdig na ito, na nilikha ng Diyos. Ito ang papel na dapat gampanan ng mga tao sa gitna ng lahat ng iba pang nilalang, at isa rin itong prinsipyo na dapat pinakasundin ng mga tao, na nagmumula sa pananaw ng pagkatao. Kung hindi mo gusto ang ilang partikular na bagay na nilikha ng Diyos, maaari kang lumayo sa mga ito. Kung gusto mo ang mga ito, maaari kang makipag-ugnayan nang malapitan sa mga ito at lapitan ang mga ito para matutunan at pamahalaan ang mga ito—o, ang mas mabuti pa, para protektahan ang kapaligiran para sa pamumuhay ng mga ito, tratuhin ang mga ito nang may kabaitan, iwanan ang mga ito ng sapat na espasyo para sa pamumuhay, at pangalagaan at maayos na itaguyod ang karapatan ng mga ito na manatiling buhay. Ang totoo, mahihina ang lahat ng bagay kumpara sa mga tao. Bagama’t binigyan ng Diyos ang lahat ng bagay ng mga kasanayan at instinto para sa pananatiling buhay, walang ibang espesye maliban sa mga tao ang nakakagawa ng mga kasangkapan at sandata; wala sa mga ito ang may kapangyarihang sirain ang mga batas at panuntunang itinatag ng Diyos, ni nagkukusa ang mga ito na gawin iyon. Tanging ang mga tao ang may walang katapusang kasakiman—kapwa sa kanilang mentalidad at sa kanilang mga hinihingi—sa iba’t ibang uri ng mga bagay na may buhay at sa lahat ng bagay. Kasabay nito, tanging ang mga tao ang nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik, nakikibahagi sa paggawa ng kemikal, at gumagawa ng iba’t ibang kasangkapan at sandata para sa kapakanan ng pananatiling buhay o para sa isang mas magandang buhay. At tanging ang mga tao ang nakakapag-aral ng kaalamang akademiko at nakakapagsaliksik o nakakapagbago sa mga kapaligiran para sa pamumuhay ng iba’t ibang bagay na may buhay. Gayumpaman, karamihan sa ginawa ng mga tao tungkol sa pananatiling buhay ng iba’t ibang hayop at bagay na may buhay at sa mga batas ng food chain, ay naging mapanira at mapanggulo, at hindi nakabubuti. Kaya, sa huling pagsusuri, tanging ang mga tao ang nakakagawa ng mga sandata para patayin ang isa’t isa at wasakin ang sarili nilang pangunahing kapaligiran para sa pamumuhay. Tanging ang mga tao ang nagpapaunlad ng industriya, lalo na ng industriya ng kemikal, na gumagawa ng lahat ng uri ng mga nakapipinsalang sangkap na sumisira at wumawasak sa mundo na tinitirhan ng sangkatauhan—ang nag-iisa at tanging tahanang ito para sa kanilang pananatiling buhay. At tanging ang mga tao mismo ang naging sanhi na marumihan at masira ang pangunahing tubig, hangin, sikat ng araw, at pagkain na kailangan para sa kanilang pananatiling buhay. Ang ibig sabihin nito ay ang mga tao mismo ang sumira sa sarili nilang landas tungo sa pananatiling buhay; hindi ito idinulot ng ibang bagay na may buhay. Samakatwid, bilang mga panginoon ng lahat ng bagay, kung paano dapat maayos na gampanan ng mga nilikhang tao ang papel ng pamamahala sa lahat ng bagay, kabilang na ang lahat ng bagay na may buhay, ay may sukdulang kahalagahan. Kung patuloy na gagamit ang mga tao ng mga siyentipikong pamamaraan para gumawa ng mga sandata o iba’t ibang kasangkapan, o makikibahagi sa paggawa ng kemikal, magdudulot ito ng mapaminsalang sakuna, para sa kanilang sarili man o sa ibang bagay na may buhay. Ibig sabihin, personal na niyurakan ng mga tao ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay gamit ang sarili nilang mga kamay, at personal ding sinira ang food chain. Siyempre, ang mga tao ang personal na sumira sa mundo, ang tahanan kung saan sila umaasa para sa pananatiling buhay. Ito ay lubhang kalunos-lunos. Sino ang dapat sisihin sa lahat ng kahihinatnang ito? (Ang mga tao.) Ang mga ito ay dahil sa paninira at pagwasak ng mga tao sa mga positibong bagay na nilikha ng Diyos. Sa huli, maaari lamang anihin ng mga tao kung ano ang kanilang itinanim. Kung, sa simula pa lang, nagawa na ng mga tao na malaman ang iba’t ibang papel na ginagampanan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, na igalang, pahalagahan, at alagaan ang iba’t ibang bagay na may buhay, na sundin ang mga panuntunan at mga batas para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay na itinatag ng Diyos, at na protektahan ang pangunahing kapaligiran ng mundo, ang tahanan kung saan sila umaasa para sa pananatiling buhay, kung gayon ay hindi sana umabot ang sangkatauhan sa puntong kinalalagyan nila ngayon. Kaya, tungkol sa paksa na lahat ng nilikha ng Diyos ay mga positibong bagay, ang dapat maunawaan ng mga tao ay ang kabuluhan ng mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay na nilikha ng Diyos para sa lahat ng bagay, pati na kung bakit dapat sundin ng mga tao ang mga ito at kung paano nila dapat gawin ito. Kasabay nito, dapat malaman ng mga tao na ang layunin ng Diyos sa paglikha sa lahat ng ito ay para sa kapakanan ng sangkatauhan, at kaya dapat nila itong pahalagahan at protektahan. Kung hindi mo kayang maunawaan ang kabuluhan ng lahat ng ito, kahit papaano ay dapat mo itong ituring bilang isang positibong bagay, bilang isang esensyal at napakahalagang positibong bagay kung saan nakasalalay ang iyong pananatiling buhay, at pahalagahan, alagaan, at pamahalaan ito. Dapat mo itong tratuhin nang tama at protektahan ito sa iyong katayuan at papel bilang panginoon. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ng kinabukasan at pag-asa ang sangkatauhan, at magawang patuloy na mamuhay nang maligaya, hindi ba? (Oo.)
Mas malinaw na ba ngayon ang paksa ng pagiging positibong bagay ng lahat ng nilikha ng Diyos? (Oo.) Tiyakin natin sa huling pagkakataon ang wastong paraan ng pagtrato sa iba’t ibang bagay at bagay na may buhay na nilikha ng Diyos. Sige, ulitin ninyo ang tatlong prinsipyong pinagbahaginan natin kanina lang. (Una, hangga’t ang isang bagay ay nasa saklaw ng mga positibong bagay gaya ng pagpapakahulugan ng Diyos, dapat nating tiyakin sa ating puso na ito ay nagmula sa Diyos, na isa itong positibong bagay, at na may kabuluhan sa likod ng paglikha rito ng Diyos; ito ay para matuto ang mga tao ng ilang aral mula rito. Ikalawa, batay sa pagtiyak na isa itong positibong bagay, kung hindi natin ito gusto o ayaw nating makaugnayan ito, maaari natin itong balewalain. Kung nakakasagabal ito sa ating buhay, maaari natin itong itaboy o layuan, at dapat din tayong matuto ng ilang aral at mag-ingat mula rito. Panghuli, kung ito ay nilikha ng Diyos, inorden ng Diyos, o nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi tayo dapat masuklam dito o kamuhian ito, kundi sa halip ay tanggapin at kilalanin ito nang may tamang saloobin, at pamahalaan ito nang makatwiran.) Ang pamamahala rito nang makatwiran ay napakahalaga. Kung hindi alam ng mga tao kung paano pamahalaan ang lahat ng bagay sa mundo na nilikha ng Diyos, malamang na magkaroon ito ng masasamang epekto sa kanilang pananatiling buhay. Kung masisira ang mga batas at pag-iral ng food chain, malalagay sa panganib ang pananatiling buhay ng sangkatauhan. Hindi ba’t kasalukuyang nasa ganitong kapaligiran para sa pamumuhay ang sangkatauhan? (Oo.) Nagpaunlad ang sangkatauhan ng industriya sa malawakang saklaw, naglalabas ng maruruming hangin, maruming tubig, at mga nakalalasong sangkap na nagparumi sa mga ilog, lawa, at maging sa tubig sa ilalim ng lupa. Wala nang malinis na tubig na maiinom; tanging kaunting niresiklong tubig na artipisyal na pinroseso ang maiinom ng mga tao, na, bagama’t hindi nakalalason, ay may labis na mas kakaunting sustansya. Ang mga isda sa mga ilog, lawa, at dagat ay narumihan na rin at masama sa kalusugan. Hindi madaling makahanap ng anumang pagkain na hindi pa nakokontamina. Hindi ba’t inilalagay ng sangkatauhan ang sarili nito sa desperadong kalagayan? Hindi ba’t ito ay idinulot ng sangkatauhan mismo? Hindi lamang ang inuming tubig ang narumihan, kundi masama rin ang hangin; maraming nakapipinsalang sangkap sa hangin, at ngayon, kahit pa gusto mong lumanghap ng malinis na hangin, mahirap itong gawin—kung minsan ay kailangan pa ngang magsuot ng maskara ang mga tao para maprotektahan sila laban sa mga virus. Terible ang kalidad ng hangin, nag-iingat ang mga tao sa pagkain ng lahat ng uri ng pagkain, at nagkakaroon na ngayon ang mga tao ng lahat ng uri ng sakit, at may ilang kabataan ding nagkakaroon ng kanser o diabetes. Sino ang nagdulot ng lahat ng kahihinatnang ito? (Ang mga tao.) Lahat ng ito ay idinulot ng mga tao. Ganito pinamahalaan ng mga tao ang tahanan sa lupa na nilikha ng Diyos para sa kanila, pinahihirapan ang kanilang sarili hanggang sa puntong hindi na sila makakain o makainom nang maayos, ngunit napakasaya pa rin ang pakiramdam. Ito ang ibinubunga ng pag-iwan sa Diyos; walang kaligayahang masasabi. Ang tanging daan palabas para sa mga tao ngayon ay ang tanggapin ang pagliligtas ng Lumikha, ang hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng pagkatakot sa Diyos. Sa ganitong paraan ka lang maliligtas, magkakamit ng pag-asang mabuhay, at magiging miyembro ng bagong sangkatauhan. Ganoon lang kasimple; walang ibang paraan. Pakiramdam ng mga taga-Silangan ay marangal ang sibilisasyon ng Kanluran, at na tiyak na may daan palabas ang mga taga-Kanluran. Mayroon nga ba? (Wala.) Pakiramdam ng mga taga-Silangan ay labis silang nagdusa, napuno ng matinding pagkamuhi, at nagtiis ng napakaraming paghihirap, at kailangan silang iligtas ng mga taga-Kanluran. Palagi nilang iniisip na isang paraiso ang Kanluran, na ang pagpunta sa Kanluran ay pagpasok sa langit, na magiging malaya at masaya sila sa Kanluran. Ngunit hindi nararamdaman ng mga taga-Kanluran na mayroon silang gaanong kaligayahan. Sinasabi nila, “Bagama’t medyo mas masagana ang aming buhay kaysa sa mga nasa Silangan, hindi naman kami gaanong mas masaya.” Hangga’t isa kang tao sa mundong ito, isang miyembro ng lahi ng tao, wala kang kaligayahan sa mundong ito, dahil, sa pamumuhay sa tahanang ito sa lupa, lahat ng tinatanggap mo ay nagmumula kay Satanas. Maging ito man ay mga kaisipan at pananaw ng tao o mga batas para sa pananatiling buhay, maging ito man ay edukasyon ng Silangan o Kanluran, walang isa mang bagay na makapagdudulot sa iyo na maisabuhay ang wangis ng isang tunay na tao, at walang anumang uri ng panlipunang edukasyon o kaisipan o pananaw na makapagpapahintulot sa iyo, bilang isang nilikha, na magkaroon ng matatag na katayuan sa mundo ng tao. Dahil ang sangkatauhang ito ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at kontrolado ni Satanas, ang tanging paraan para mabuhay ang mga tao ay ang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, tanggapin ang lahat ng katotohanang nagmumula sa Diyos, magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at matamo ang kaligtasan. Saka lamang tunay na makakabalik ang sangkatauhan sa isang mundo kung saan malayang umeepekto ang mga batas at panuntunan para sa pananatiling buhay ng lahat ng bagay, at tunay na mamumuhay sa isang mundo na may kompletong food chain—sa ganitong paraan lamang tunay na magagampanan ng sangkatauhan ang papel ng tagapamahala ng lahat ng bagay, at matutupad ang mga responsabilidad ng papel na ito. Bukod dito, wala nang pangalawang daan na maaaring tahakin ng sangkatauhan. Ito ang tanging daan palabas para sa sangkatauhan, ang tanging daan palabas na makapagdudulot ng pag-asa at kaligayahan sa sangkatauhan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kapag naunawaan mo na, magkakaroon ka ng landas na tatahakin. Magsikap at maghangad ka lang sa direksyong ito, tungo sa layong ito. Huwag kang lumingon, huwag kang sumuko, at huwag kang huminto kailanman!
Hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam!
Abril 14, 2024